Wednesday, January 23, 2013

Straight 14

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com


James Point of View

Pagbalik ko sa aming kuwarto ay parang naninikip parin ang dibdib ko. Parang nakikita ko si Xian na nakangiti sa akin na naghihintay para sabay kaming kumain o kaya ang kaniyang mga ngiti na parang walang pinagdadaanang problema o hirap. Makikita ko pa kaya ang mga ngiting iyon? Maririnig ko pa kayang muli ang buum-buo at magiliw niyang boses? Mayayakap ko pa kaya siya’t mahalikan. Maamoy ko pa kaya ang kaniyang mabangong hininga?
Maipaparamdam ko pa kaya sa kaniya ang pagmamahal na ipinagkait ko sa kaniya nang kami’y magkasama. Nabigo ako. Ang kuwento namin ni Xian ang pinakamasaklap. Nabigo ko si kuya Alden at kuya Jasper. Hindi ko na nagawang maagapan pa ang trahedya. Nakaramdam ako ng inggit kina kuya Lando at kuya Terence. Mabuti pa si Kuya Rhon kahit nagbilang ng ilang dekada ay nahintay siya ni kuya Aris. Ngunit ako? Mahihintay ko pa kaya si Xian ng buhay o malamig nang bangkay ang sasalubungin ko sa airport. Hindi na naubos ang luha ko. Sumasakit na din ang ulo ko sa kaiiyak ngunit kulang na kulang pa ang sakit na nararamdaman ko.
Kinagabihan no’n bago ako uuwi ay nagtipon-tipon lahat ang mga kaibigan ni Xian. Naroon lahat sila na handang dumamay at tumulong. Ang ilan ay natatakot para sa kaibigan nila at karamihan ay umaasang hindi doon matatapos ang lahat para sa isang taong tumulong at naging mabuting kaibigan sa lahat. Iba daw ang turing ni Xian sa kanila, higit pa sa kaibigan, higit pa sa isang kababayan lang at higit pa sa tunay na kapatid. Kaya hindi sila mapakali kung ano ang dapat nilang gawin para matulungan ang kaibigan nilang alam nilang walang kasalanan.
Ayaw ko sanang iwan si Xian sa ganoong kalagayan ngunit nakapangako na ako sa kaniya. Kailangan kong tuparin ang pangakong iyon kahit pa natatakot ako sa maaring mangyari sa kaniya. Hindi ko magawang ngumiti, wala akong ganang kumain at ang tanging naglalaro sa isip ko ay ang kalagayan ni Xian sa kulungan. Gustuhin ko mang matulog ngunit tanging ang mukha ni Xian ang nakikita ko. Kinikilabutan ako sa maaring mangyari sa kaniya. Alam kong buong buhay akong sisingilin ng aking konsensiya. Buong buhay kong dadalhin ang pagsisisi at natatakot akong hindi ko makayananan ang lahat. Maaring mas gustuhin kong samahan na din lang siya sa kabilang buhay kaysa nasa lupa ako at araw-araw ko din lang naman iluluha ang katotohanang ako ang may kasalanan sa lahat ng nangyari sa kaniya.
Kinaumagahan ay hinatid na ako sa airport ng mga kaibigan ni Xian. Wala akong narinig sa kanilang paninisi. Parang lahat sila ay kinausap ni Xian na tanging ngiti sa labi ang ipabaon sa akin. Ni isa sa kanila ay walang nagbanggit tungkol sa maling ginawa ko kay Xian. Walang nagpakita ng galit o ng inis. Lahat sila ay sinabihan ako na mag-iingat at “happy trip”. Kailan pa ba naman ako magiging masaya ngayong aalis ako sa Qatar na nag-iwan ng masakit na alaala, karanasan at maaring pagkabitay ng taong nagdala sa akin dito at nagmahal ng walang anumang kapalit na hinihintay. Paano ba ako maging masaya na sa kabila ng ginawa niya sa akin ay pagkakulong pa niya ang nagiging kapalit. Paano ko ba isaksak sa konsensiya ko na ang lahat ng nangyayaring ito ay may dahilan. Paano ko ba paniniwalain ang budhi ko na alam ng Diyos ang kaniyang ginagawa sa tulad ni Xian na walang kasimbait.
Pag-angat ng eroplano ay sumilip ako sa bintana. Hindi ko mapigilang muling lumuha. Nasanay na yata ang mata kong lumuha. Hindi na nahiyang iluha ang naiipong pagkabigo. Hindi na kaya ng sunud-sunod kong malalim na hininga na mapagaan ang bigat ng aking dibdib lalo pa’t alam kong naiwan ang puso ko at nakulong kasama ni Xian. Parang wala akong magawa upang makamit ko pa ang pangarap kong makasama siyang muli. Pakiramdam ko ay huling pagkikita na namin iyon. Naikintal sa aking utak ang huli niyang ngiti. Bumabalik-balik sa aking balintataw ang nakakaawa niyang kalagayan sa kulungan nang una ko siyang makita. Nang nasa kalawakan na ako ay wala akong ibang ginawa kundi ang magdasal. Wala na akong hihilingin pang iba sa buong buhay ko kundi ang kaligtasan ng taong mahal ko. Kung ordinaryong tao lang ang Diyos ay babatukan ako’t sasabihang, napakakulit ko dahil sa higit walong oras kong paglalakbay ay wala akong ibang dasal kundi ang paglaya ni Xian.
Umalis akong walang hatid at bumalik akong walang sundo. Paano naman ako susunduin kung wala naman silang kamalay-malay sa biglaan kong pag-uwi. Ang kapatid ko lang na si Vicky ang tanging nakakausap ko sa celphone. Naging napakasama kong anak dahil ayaw kong balitaan niya ako tungkol kay tatay, naging napakakitid ko ring kapatid dahil hindi ko hinangad na makibalita sa kung ano na ang nangyari kay kuya pagkatapos siyang pinalayas ni tatay noon. Naging masunurin si Vicky sa mga hiling ko. Ngunit paglabas ko sa NAIA at muling masamyo ang amoy ng PIlipinas ay biglang parang niyakap ako ng pagkasabik na makita ang nawasak kong pamilya. Iyon ang isa sa hiling ni Xian. Ang buuin ko ang nasira kong pamilya dahil sa kakitiran ng utak ng aking ama. Iba na ang James na bumabalik ngayon. James na binihisan ng pagmamahal ni Xian. James na tuluyang nabago ang baluktot na pananaw. Salamat dahil dumating ang isang Xian sa buhay ko na siyang naging susi para mas mabuti akong tao.
Uuwi at babalik ako sa luma naming bahay. Muli kong buhayin ang naninimdim nang liwanag nito. Muli kong ibabalik ang saya na kahit wala na si nanay. Alam kong matatahimik siya kung muli kong mapagsama-sama kaming lahat. Gusto kong malaman kung saan nag-ugat ang galit ni tatay sa mga katulad ni kuya at ng mahal kong si Xian. Gusto kong magsimula ng pagbabago at alam kong sa bisa ng pangako ko kay Xian ay kaya kong gawin ang lahat.
Alas-syete na ng gabi nang dumating ako. Ako ang nagtaka sa aking naabutan nang nasa tapat palang ako ng aming bahay. Maalala ko noong paalis ako papuntang Qatar madilim noon ang buong paligid. Nagyayabungan ang mga damo at puno ng mga tuyong dahon ang paligid na animo’y walang nakatira ngunit ngayon, napakaraming nagbago sa bahay. Alaga ang mga halamang nasa paligid. Katulad na katulad parin noong nabubuhay parin si nanay. Hindi ko naman pinadalhan si Vicky ng pera para ipaayos ito. Binibigyan ko lang siya ng tamang allowance nila ng mga bata dahil balak kong bumawi sa kanila pag-uwi ko. Hindi din ako nagpadala ng para kay tatay dahil alam kong sa alak lang niya gagastusin ang pera.
Bukas ang gate kaya tuluy-tuloy na ako sa loob. Sumilip ako sa bintana at nakita ko ang dalawa kong anak na masayang naglalaro. Napangiti ako. Hindi na sila katulad noon na gusgusing. Maayos na ang mga damit nila. Parang gusto kong tumalon at yakapin sila ng mahigpit. Ohh! Namiss ko ng husto ang mga anak ko. Sa gitna ng aking kaungkutan ay nagawa kong ngumiti dahil sa kakaibang saya na hatid ng muli naming pagkikita ng mga anak ko.
 Ang dating madilim at walang appliances na sala namin, ngayon ay muling nagbalik ang dating ayos nito. Naroon na uli ang mga litrato naming buong pamilya. Maayos at malinis ang kabuuan ng bahay. Pinihit ko ang seradura pero nakalock ang pintuan kaya minabuti ko na lamang na kumatok.
“Tita, may kumakatok!” boses iyon ng panganay ko.
Ilang saglit pa ay tumambad sa akin ang bumata at gumanda kong kapatid. Hindi siya nakapagsalita sa pagkabigla. Nakita ko pang pumikit at binuksan muli ang kaniyang mga mata.
“Surprise!” sigaw ko. Pinilit kong pinasaya ang mukha ko.
“Kuya! Kuya James! Ikaw nga! Bakit hindi ka man lang nagsabi at nasundo ka sana namin?”
“E, di hindi na surprise kung nagsabi ako.” Sinabayan ko ang kaniyang pagtawa.
 “Napakatagal mong di tumawag. Naku! Pumasok ka nga muna! Kuya ano ba ‘yan. Grabe! Binigla mo ako! Saya-saya naman. Akin na mga dala mo. Pasok at nang makakain na. Alam kong pagod at gutom ka.”
“Papa! Yeeyyyyyyyy! Dumating na si papa!” takbuhan ang dalawa kong anak nang mapagsino nila ako.
Binaba ko ang dala kong bag at lumuhod ako. Niyakap nila ako. Buong higpit ko silang niyakap din. Naisip ko…kung ako ang nakulong ngayon, mayayakap ko pa kaya sila? Kung ako ang nasa kulungan, paano na kaya ang dalawa kong mga anak. Oh, God…ito ba ang kapalit ng buhay ni Xian?  Muling tumulo ang aking mga luha na pumatak sa balikat ng aking mga anak. Hanggang kailan ako sisingilin ng aking konsensiya?
“Kumusta na kayo mga anak? Kumusta ang pag-aaral ninyo?”
“Okey lang naman po. Papa, bakit po kayo umiiyak? Hindi ba kayo masaya na makita kami?” ang bunso ko na pagkaraan ng higit dalawang taon na nawalay sa akin ay lumaki lang ng bahagya.
“Aba, dami mo ng alam na bata ka ha. Masaya lang ako kasi kasama ko na naman kayo. Alam mo ba ang sinasabi nilang “Tears of joy”? Yan lang iyon. Napapaluha si Papa dahil sa sobrang saya kong makasama ko na kayong muli.”
“Ano yun kuya?” tanong niya sa kapatid niya.
“Luha daw ng saya. Meron ba nun? Bakit ako kapag masaya ako tumatawa ako? Bakit ikaw papa, kapag masaya ka ba umiiyak ka? Di ba umiiyak ka lang kapag malungkot ka?” tanong sa akin ng panganay kong anak. Napabuntong-hininga ako, kung sana alam lang nila kung ano ang nagiging kapalit na buhay ng ibang tao para lamang makasama nila ako.
“Naku, kulit ninyo. Kadarating lang ng papa niyo kung anu-ano na mga tinatanong ninyo. Hala, maghugas na kayo ng kamay at sabayan niyo si papa na kumain ha?”
“Hmmnn, papa may inuwi ka bang pasalubong namin?”
Oo nga pala. Sa dami ng iniisip ko hindi ko man lamang nabilhan ng kahit na ano ang mga anak ko. Noon ko napagtanto kung paano ako kaapektado sa pag-iisip ng tungkol kay Xian. Noon ko naisip kung gaano niya pinukaw ang aking puso’t isipan.
“Bukas, pupunta tayo ng mall at kayo na ang bahalang bibili ng kahit anong magustuhan ninyo. Tapos, magpipiknik tayo. Pasensiya na kayo mga anak at biglaan kasi ang uwi ni Papa ha? Babawi ako sa inyo, bukas.”
“Promise, papa?”
“Promise, anak.”
Naalala ko lahat ang pangako sa pinakamamahal ko. Pangako ko Xian, magiging buo at masaya muli ang pamilya ko.
“O hala, maghugas na muna kayo at nang makakain at makapagpahinga muna si papa ha? Bukas na ninyo siya kulitin at pagod pa siya.”
“Opo, tita!” nag-unahan ng pumunta ng kusina ang mga anak ko.
“Kuya, magpapalit ka muna o sasabay ka na sa amin?”
“Sasabay na akong kumain siyempre. Atat lang? Di ba puwedeng magpalit muna?”
“O sige. Magpalit ka na muna.  Hintayin ka namin sa kusina at nang mapagsabay-sabay na tayong kumain.”
“Si tatay, Vicky?”
“Naku hindi nila alam na darating ka. Nasa kusina sila.”
“Sinong sila? Di ba dapat siya lang? Sinong sila?” naguluhan ako sa sagot niya. Tumingin ako sa kaniya. Parang hindi siya mapakali. Parang may itinatago siya sa akin.
“Kuya, please…” may sasabihin pa sana siya ngunit tumalikod na ako at nagmamadaling tinungo ang kusina.
“Kuya, sandali lang..kuya…” bumubuntot siya sa akin. Bahagya niyang hinila ang braso ko pero mabilis akong naglakad. Pagpasok ko sa kusina ay nakita ko si Papa na nasa hapag-kainan. May kaharap siyang mas may edad na din at ang may isa pang nakatalikod na kumukuha ng kanin katabi ng anak ko…
…si kuya Jinx.
Hindi ako makapagsalita sa pagkabigla. Ngunit silang lahat ay parang hindi nabigla. Parang alam nilang naroon na ako.
“Papa, sinabi ko pong dumating ka.” Pamamasag ng anak kong panganay sa katahimikan.
Hindi ko kasi alam kung paano simulang kausapin sila. Wala din akong maisip na sabihin at hindi ko din alam kung ano ang gagawin. Ako ang sobrang nabigla sa nadatnan ko.
Lumapit ako kay tatay. Bahagyang tumaba na ito at hindi na siya ‘yung katulad nang iniwan ko noon. Malinis na uli siya. May ngiti na rin sa kaniyang mukha.
“Tay, kumusta po kayo?” kinuha ko ang kamay niya para magmano ngunit mas mabilis ang ginawa niyang pagyakap sa akin. Niyakap niya ako ng buong higpit at naramdaman ko ang bahagyang pagyugyog ng kaniyang balikat. Umiiyak siya.
“Patawarin mo ako anak. Akala ko hindi na kita uli makikita. Akala ko hindi na muling mabubuo pa ang ating pamilya. Alam kong napakarami kong kasalanan sa iyo.”
“Tay, wala ‘yun. Ako nga din, nagkamali dahil nagtanim din ako ng galit sa inyo. Magsisimula tayong muli ‘tay. Alam kong hindi pa huli ang lahat. Kaya pa natin ayusin lahat ng gusot.”
Lumingon ako. Nakatalikod parin si kuya Jinx na parang natatakot iharap ang mukha niya sa akin.
“Kuya?” tawag ko sa kaniya at sa isang iglap ay lumingon siya at parang batang tumakbo sa akin na sa matagal na panahong iniwan siya ng kaniyang ama. Niyakap ko din siya ng mahigpit.
            “Sana matanggap mo na ako, James. Sana hindi ka na galit sa akin.”
            “Kuya, ako ang dapat humingi ng tawad sa iyo. Naiintindihan ko na lahat. Hindi mo na kailangang ipaliwanag pa sa akin dahil kahit baliktarin natin at muling balikan ang nangyari noon, wala kang naging kasalanan sa nangyari.”
            “Salamat. Maraming salamat. Ngayon ko naramdaman ang pagiging buo ko. Walang kasintamis na natupad ko ang pangarap kong ito. Ito ang hinangad ko sa lahat. Ang mabuo kong muli ang nasira kong pamilya natin.”
            “O, siya, tama na ‘yan at nagugutom na ang lolo ninyo.” Si tatay uli. Nakangiti na ito ngunit bumabagtas parin ang luha sa kaniyang mga mata.
            “Uyy si lolo may tears of joy din katulad ni papa kanina?” hirit ng anak ko na parang hindi naguluhan sa nangyayari sa paligid niya.
            “Ano ‘ka niyo tay? Lolo? Si Lolo ito? Ang matagal ko ng gustong makitang lolo ko?”
            Nilapitan ko ang medyo may katandaan na rin na kanina pa pangiti-ngiting nagmamasid sa amin. Nagmano ako.
            “Kung may masaya ngayon apo ay ako iyon. Sa akin nag-ugat lahat. Dahil sa mga nasasaksihan ko ngayon ay matatahimik na ako, kaya nakahanda na din akong magpahinga.”
            “Tama bang pamamahinga kaagad ang sasabihin niyo ‘Lo e, hindi pa tayo nakapagbonding. Kayo talaga!”.
            “Naku, noon pa, yan na ang sinasabi ni Lolo e tignan mo, malakas pa sa kalabaw hanggang ngayon. Siya at kumain na nga tayo. Siguradong madami akong makakain ngayon dahil nabunutan na ako ng tinik sa dibdib.” si kuya Jinx. Buo ang pagkakangiti
            Iyon na siguro ang pinakamasayang salu-salo naming mag-anak. Ngunit hindi pa din ako nakakain, hindi ko nalalasahan kaya mabilis din lang akong natapos. Sa sulok ng isip at puso ko ay naroon si Xian. Ito ang hinahangad ni Xian sa akin na hindi ko akalaing buo na kahit nang nasa Qatar pa ako.
            Bago kami matulog ay tinawag ko si Vicky na ikuwento sa akin ang nangyari. Gusto ko kasing malaman ang lahat ng detalye kung paano naging buo ang dating wasak kong pamilya.
            “Nag-ugat ang galit ni Tatay sa mga bakla nang dahil kay Lolo.” pagsisimula ni Vicky. “Masaya daw dati ang pamilya nila. Dumating lang ang isang trahedya sa buhay nila nang mahuli ng lola si lolo na may ibang katalik na lalaki sa mismong kuwarto nila. Pinapili daw ni lola si lolo kung sino sa kanilang dalawa nung lalaki na katalik niya ang pipiliing samahan at ang masakit ay pinili ni lolo yung lalaki at iniwan silang mag-ina. Mula noon ay hindi na pinayagan pa ang lola na makita ni lolo si tatay. Dinala ni lola si tatay sa Manila at doon sila tumira ngunit sobrang minahal ni lola si lolo kaya kahit anong paglayo ang gawin nila ay hindi niya nakalimutan kaya isang araw galing daw noon si tatay sa iskuwelahan nang madatnan niyang nagbigti si lola. Doon nabuo ang sobrang galit ni tatay kay lolo. Dumaan sa madaming hirap si tatay ngunit hindi niya nagawang lumapit para humingi ng tulong kay lolo. Sinikap din naman ni Lolong lumapit kay tatay at tulungan ngunit ilang beses din niyang pinagtabuyan dahil hindi niya kayang patawarin si Lolo. Kinalimutan niyang may ama pa siya hanggang naging katu-katulong siya ng mag-asawang walang anak at pinag-aral siya hanggang nakatapos. Nang makatapos si tatay na sundalo at nadestino sa malayong lugar ay siya namang pagdedesisyon ang mag-asawang tumulong sa kaniya na sa America na manirahan. Nabuo ang paniniwala ni tatay na namatay si Lola dahil sa kabaklaan ni Lolo at ang galit na iyon ay nadala niya hanggang sa pamilya natin.”
            “Paano nabuo ni kuya Jinx ang pamilya natin? Siya ba ang gumawa ng lahat ng paraan?” tanong ko kay Vicky.
            “Maalala mo noong bago mamatay si nanay at sinabi niyang puntahan niya si Lolo? Ang lolong sinasabi ni nanay ay si Lolo na papa ni tatay. Siya ang kumupkop kay kuya Jinx. Sikretong nakikipag-usap si nanay kay lolo noon at sikreto din niya tayong nakikitang mga apo niya. Pinag-aral ni lolo si kuya. Nagtapos ito bilang Cum Laude sa kursong accountancy at naging CPA. Hindi lang ‘yun kuya, tinuloy-tuloy niyang tinapos ang Law niya at pumasa siya ng bar. At ito pa ang matindi. Siya ngayon ang Mayor sa isang bayan sa Cagayan. Mabuti nga nagkataon na naabutan mo kami dito dahil nagbabakasyon na lang kami dito. Malaki ang bahay ni kuya sa probinsiya at sa makalawa ay babalik na muli sila doon ni lolo.”
            Bumukas ang pintuan ng kuwarto ko at pumasok si kuya Jinx.
            “At ano itong pinag-uusapan dito. Siguradong ako na naman ang topic ano?”
            “Sus, feeling mo naman artista ka at ikaw lagi ang pag-uusapan.” Si Vicky.
                “Hindi nga pero pulitiko ako at kontrobersiyal ang buhay ko. Hindi ba? Ano naman ang binatbat sa akin kahit pa pagsama-samahin mo  ang mga ginananapang dramang pelikula nina Vilma, Nora, Sharon at Maricel sa pinagdaanan ko.”
            “Kuya, paano mo nabuo uli itong pamilya natin?” tanong ko.
            “Pakiramdam ko kasi, ako ang sumira kaya dapat lang na ako din ang aayos. Noong libing ni nanay at  ayaw niyo akong palapitin, ipinangako ko sa kaniya na pagdating ng araw ay mabubuo ko ang pamilyang ito at magiging proud din kayo sa akin. Wala akong ibang ginawa kundi ang maging isang mabuting tao. Nagsumikap ako sa tulong ni lolo at ang isang kaibigan si Aris na nagpatatag sa akin. Nagsimula din ang kaibigan kong iyon na walang-wala. Ulila, lumaki sa simbahan, nagsilbi bilang driver para makapag-aral sa isang mayamang pamilya hanggang sa napangasawa niya ang masakiting anak ng amo niya at nagtagumpay. Kung kinaya niya na siya lang, bakit hindi ko makayang magtagumpay samantalang nandiyan si Lolo na handang tumulong sa akin. Kung siya ay may Rhon lang at Cgaris na siyang inspirasyon niya sa buhay, nariyan ang lolo at tatay ko,kayo na mga kapatid ko at dalawang pamangkin na magiging inspirasyon ko.”
                “Rhon? Siya ba yung dating pari na naging karelasyon ni Aris na hinintay niya ng halos dalawang dekada para balikan siya?” nagtataka kong tanong. Hindi parin kasi ako makapaniwala.
                “Paano mo nalaman ang kuwentong Rhon at Aris?” mas nakita ko ang pagtataka sa mukha ni Kuya Jinx.
                “May nakilala ako na nagbabakasyon sa Qatar. Sina Kuya Alden at Kuya Jasper.”
                “Oh my God! Anliit ng mundo. Nakilala mo sila? Si Jasper ay matalik na kaibigan ni Terence at si Alden ay naging ex din ni Rhon. Kaibigan ko ang dalawang iyon. Paano kayo nagkakilala?” nagtataka man si Kuya ngunit naroon ang kaniyang mga ngiti. Parang sinusukat niya ang aking pagkatao.
                “Basta kuya. Mahabang kuwento. Bumalik na tayong muli sa unang usapan natin. Paano mo nga nabuo ang pamilya natin?”
“Nagtataka ako sa’yo. Napakalaki ng pinagbago mo, James. Sobrang hindi ako naniniwalang ikaw na nga iyan. Sobrang bait mo na sa katulad ko.”
“Ang kuwento… dami naman kasing pasakalye.” Biro ko. Umiiwas lang akong mapag-usapan ang tungkol sa akin.
“Nang sa palagay ko ay handa na ako” pagpapatuloy ni Kuya.  “Saka ko dinalaw si tatay siyempre kasama ko ang pinakamagandang seperada na ating kafatid. Mahinang-mahina na siya noon. Buto’t balat na lamang si tatay kaya nagawa naming dalhin siya sa hospital. Naglakas loob na rin ako na lumapit noon at tulungang alagaan siya. Nang gumaling siya at lumakas ay parang nagising si tatay sa matagal na bangungot. Siguro nga dumadating talaga sa buhay ng tao na gusto na ding ayusin ang nasimulang gusot. Iyon bang kapag tumanda ka na ay gusto mo ng ayusin kung anuman ang pagkakamaling nagawa mo. Iyon ang ginawa ni lolo sa anak niya na ginawa naman ni tatay sa atin. Sinikap niyang gumaling lalo na nang malaman niya na hindi pala ako isang kahihiyan sa ating pamilya kundi kahit ganito ang pagkatao ko ay puwede parin pala niyang ipagmalaki. Kayo ang naging inspirasyon ko para maabot ito. Gusto kong ipagmalaki ninyo ako  at sa susunod na eleksiyon, dahil na rin sa tiwala ng mga tao sa akin at ng mga kaibigan kong patuloy na sumusuporta sa akin ay tinutulak na ako ng buong probinsiya ng Cagayan na tumakbo bilang gobernador nila ngunit pakiramdam ko ay hindi pa ako hinog sa pagiging pulitiko kaya maaring sa pagiging vice-governor muna ako lalaban. Sa ngayon kasi, kuntento na muna akong kasama ko kayo at ienjoy ang pagkabuo ng ating pamilya. Nakapatagal na panahong pinangarap ko yung ganito. Akala ko hanggang pangarap na lang na magkapatawaran tayong lahat at muling magkakasama sa bahay na ito.”
            “At ikaw Vicky, nasaan ang asawa mo at anak?” tanong ko sa kapatid kong kanina pa nakikinig sa amin. Nakaunan siya sa hita ni kuya.
            “Naku? Bakit ako nasali sa usapan? Ang tanungin mo ay bakit nakuha natin ang mga anak mo. Di ka ba nagtaka? Alangan naman na ako lang at ibigay sa akin ang mga iyan ng ganun-ganon lang. Ang buong kuwento ay malalaman kay Mayor” natatawang singit ng gumaganda kong kapatid.
            “Hayan,isa pa ‘yan. Puwedeng pang MMK ang buhay pag-ibig niyan.”
            “Bakit? Anong nangyari?”
            “Naku, si kuya nang magkuwento at yung mga anak mo baka hindi pa natutulog. Puntahan ko muna sila sa kuwarto nila.” pang-iiwas ni Vicky.
            “Anong nangyari sa kaniya kuya?” pangungulit ko.
            “Naging babaero yung bisaya na kinakasama niya. Dahil nga bata pa ang kapatid natin kaya naging sunud-sunuran at minsan pag-uwi niya galing sa paglalabada ay nakita niyang nakapatong ang kinakasama niya sa katulong ng kapit-bahay nila. Imbes na manahimik na lang ang nahuli, e siya pa itong galit at sinaktan niya ang kapatid natin na dahilan kaya siya nakunan. Dahil doon ay ipinakulong ko ang tarantadaong iyon at kinausap ko si Vicky na ituloy niya ang pag-aaral. Matatapos na siya ngayong taon na ito ng nursing at balak niyang mangibang-bansa. Hindi sana ako papayag ngunit hayaan mong hanapin niya kung saan siya masaya dahil mula nang tayo’y mga bata pa lamang ay pangarap na talaga niyang makapunta ng ibang bansa bilang nurse. Sana nga pumasa sa board exam pero pakiramdam ko naman kayang-kaya niya iyon kasi lagi naman siyang Academic Scholar.”
            “Ikaw ba ang gumawa ng paraan para mabawi ang mga anak ko kuya?”
            “Naku, simpleng pananakot lang iyan. Alam mo naman, attorney ang kuya mo at mayor pa kaya sinong hindi mangatog kung pupuntahan at bawiin ang dapat naman talaga ay sa pamilya natin.”
                “Si Lolo kuya kumusta naman siya. Hindi pa ba nag-uulyanin?” tanong ko.
                “Naku malakas pa siya. Alam mo bang nagmana ang dugo ko kay Lolo? Ang pagkakaiba lang, si Lolo pinilit niyang maging tunay na lalaki. Kahit may nararamdaman na siya noon na kakaiba sa kapwa niya lalaki ay minabuti niyang mag-asawa at bumuo ng pamilya. Nilabanan niya ang kaniyang maling nararamdaman ngunit dumating ang tukso. Isang pagsubok na sumira sa lahat ng pangarap niya sa kaniyang pamilya. Huli na ng magising siya sa katotohanan at niloko lang siya ng lalaking pinili niya at pinagkatiwalaan. Ang lalaking ipinalit niya kay lola at tatay. Pero bumawi naman siya sa akin. Hindi man niya naibalik ang buhay ni lola ay alam niyang buong buhay niyang pinagsumikapang maayos sana ang buhay ni tatay kaso hindi na siya binigyan ng pagkakataon pa. Mabuti sa huli ay naiayos ko din silang mag-ama. Kung hindi pa pala muntik mamatay si tatay hindi pa niya narealize ang kahalagahan ng pamilya.” Napabuntong hininga si kuya. Nakita ko sa mga mata niya ang lungkot ngunit mabilis na napawi iyon ng isang pilit na ngiti.
            “Wala na pala akong aayusin. Salamat kuya. Hindi ko talaga alam kung paano kita pasasalamatan ngayon. Muli akong nagkamali sa tingin ko sa tulad niyo. Dami kong pagkakamali sa buhay ko at sinisimulan ko nang ayusin ang lahat.”
            “At bakit yata biglang nagbago ang tingin mo naman sa katulad ko aber. Saka kahit pilitin mong ngumiti o tumawa, alam kong may tinatago kang lungkot.”
            “Saka ko na ikukuwento ang lahat kuya. Sobrang pagod na pagod na ako. Kailangan ko ng magpahinga. Samahan mo pala kami ng mga bata bukas. Isama na natin sina tatay at lolo nang makapagpiknik naman tayo sa beach.”
            “Gano’n? Gusto ko iyan. May alam akong Falls Creak Resort. Naku dapat makita mo iyon. Makilala mo ang mga kaibigan ko. Pero malayo-layo ang Cagayan kaya baka nga sa ibang araw na lang. Pero gusto mo makilala mo ang mga kaibigan ko.”
                “Dito na muna tayo sa malapit kuya. Hindi kasi maganda pa ang pakiramdam ko.”
“ Sige, maghahanda tayo ng dadalhin. Sige. Bukas uli. Magpahinga ka na at alam kong pagod na pagod ka.”
            Paglabas ni kuya ay muli akong napabuntong-hininga. Sana happy ending na lahat kung hindi lang sa isang katarantaduhang nagawa ko na iba ngayon ang nagdurusa. Masaya ako para sa pamilya ko ngunit malungkot na malungkot ang aking puso lalo pa’t hindi parin naging malinaw ang kaso ni Xian. Ni hindi ko nga alam kung magkikita pa kaming buhay siya o kung makukulong na siya doon nang matagalan. Hindi ko magawang tumawa. Parang kahit nabuo na ang pamilya ko ay nakapalaki parin ng kulang sa buhay ko. Alam kong si Xian lang ang tanging makapagbibigay sa akin ng kaligayahang iyon.
            Nakadagdag sa kalungkutan ko ang isang tawag galing kay Vince. Isang maikling tawag ngunit nakapalaki ng epekto nito na sadyang nagpatigil sa pag-ikot ng mundo ko. Isang tawag na siyang tuluyang nagtulak para sabihin ko kay kuya Jinx ang lahat. Ngunit ano bang nagawa ng tawag na iyon para tuluyang masira ang tingin ko sa lumiwanag ng bukas? Sana ay pagsubok lang ang tawag na iyon. Sana ay isang sipa lang ng paghihiganti niya sa sama ng loob niya sa ginawa ko kay Xian. Ngunit hindi ko magawang lokohin ang sarili ko. Hanggang sa unti-unting naapektuhan ang aking kalusugan sa bigat ng aking dinadala. Masiyado kong sinisi ang sarili ko sa lahat ng nangyari sa amin. Kung hindi kami magkakatuluyan ni Xian dito sa lupa, may pag-asa kaya ang tulad namin sa huling hantungan?

No comments:

Post a Comment