Friday, January 25, 2013

Straight FINALE (XIAN'S Point of View)

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com
Facebook: www.facebook.com/joemar.ancheta


Xian’s Point of View

            Hindi madali ang naging buhay ko sa kulungan ngunit sa bawat gabing hindi ako makatulog ay si James ang hinuhugatan ko ng lakas. Dahil sa pagtatapat niya nang tunay niyang nararamdaman sa akin ay hindi ako nagsisising ako ang nakakulong at siya ang nakalaya. Katangahan para sa karamihan ngunit sa mga katulad kong tunay kung magmahal, walang katangahan sa pagsasakripisyo sa taong inuukulan mo ng lahat-lahat sa’yo. Alam kong tatagal ako sa kulungan, maaring abutin ng ilang taon o kaya ay dekada ngunit nananalig ako sa bisa ng dasal. Umaasa akong muli kaming magkikita ni James. Malaki ang naitulong sa akin nang huli dinalaw niya ako sa kulungan. Sa tuwing pinagmamasdan ko sa aking daliri ang singsing na iniwan niya sa akin ay alam kong naroon lang siya at naghihintay sa aking pagbabalik.
            Maayos ang kulungan sa Qatar. Sa mga inaayos palang at nakabinbin ang kaso sa hukuman ay hindi tinatratong parang isa ng criminal. Maayos ang aming pagkain at higaan. Ang tanging nakakalungkot ay ang tuluyang ipinagkait ang iyong kalayaan. Pumanig sa akin ang hustisya. Hindi ako binigo ng  Diyos sa aking mga dasal. Kahit nagbilang ako ng ilang buwan sa loob ay hindi ko minsan binigyan ang kahinaan ng kalooban para tuluyan akong igupo sa kawalan. Iyon ang kailangan ko, tibay ng loob, pagmamahal at alaala ni James, pag-asang makakalaya at ang malakas kong pananalig sa Diyos. Nang dumating ang araw na hinatulan ako ng deportation ay napaluha ako sa saya. Alam kong sa wakas ay muli na kaming magkasama pa ni James. Pagsasamang wala ng halong takot at pagkukunwari. Nang inihatid ako sa airport ng mga pulis ay nabigyan ako ng pagkakataong tawagan si Vince para ayusin ang mga gamit ko para ipadala na lang niya sa akin sa Pilipinas. Mabuti na lang din at sa bank account ko sa Pilipinas ko hinuhulog ang aking mga ipon. Ang end of service ko na makukuha sa aking company ay ipapadala na din sa account ko sa Pilipinas.

            Masaya akong sinalubong nina Mommy at Daddy sa airport pag-uwi ko. Ang alam nila ay nakulong ako sa Qatar dahil napagbintangan ako sa kasalanang hindi ako ang gumawa ngunit sinabi ko kay Vince na kahit anong mangyari ay huwag na huwag niyang sabihing si James ang dahilan ng aking pagkakakulong. Kilala ng pamilya ko si James bilang matalik kong kaibigan at kababata. Napaiyak si Mommy nang niyakap niya ako. Akala nga daw niya ay hindi na niya ako muli pang mayayakap. Sa sobrang saya ng aking pamilya ay naghanda sila ng isang salu-salo. Balak kong puntahan si James at ang pamilya nito para makisaya sa amin. Umaasa akong tinupad niya ang kaniyang pangako na buuin na niya ang kaniyang pamilya. Nang nasa gate na nila ako ng bahay nila ay alam kong nagtagumpay siya sa kaniyang ipinangako sa akin. Maayos na ang bakuran nila. Alaga ang mga halaman sa paligid at bagong pintura ang kanilang bahay. Nakita ko ang bakuran nila kung saan kami noon naglalaro nang mga bata kami. Ang gate nila kung saan naroon si Cathy at ilan pa naming tropa pagkatapos ng basketball. Hindi lang alam ni James noon kung gaano ko gustong sabunutan si Cathy sa tuwing nagpapahalik siya sa kaniya. Napangiti ako. Tapos na ang mga araw na masaya si Cathy sa piling ni James. Ako na ang mahal ni James ngayon.
            Kumatok ako kaagad nang nasa pintuan na nila ako. Sobrang excited ako na nangangatog pa ang aking mga tuhod. Kung si James ang magbubukas ng pintuan, hindi ko alam kung ano ang magiging reaction namin sa muli naming pagkikita. Bumunot ako ng malalim na hininga para makontrol ko ang aking sarili. Ngunit si Vicky ang nagbukas. Napatulala siya. Hinihintay kong tanungin niya ako ngunit parang hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakikita.
            “Xian? Barkada ng kuya mo?”
            “Kilala ko po kayo. OMG kuya Xian! Kailan ka pa nakalaya!” nakita ko sa mata niya ang pangingilid ng kaniyang luha. “Hindi ko alam kung paano ko sasabihin kay kuya James na nandito ka na. Alam kong mahihimatay iyon sa saya. Ito ang matagal na niyang hinihintay. Bumagsak ang kaniyang pangangatawan dahil tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa na magkasama pa kayong muli pero kuya, andito ka na! Oh my God!”
            Napangiti ako. “So alam mong hindi ako barkada lang ng kuya mo?”
            “Oo naman no. Kay kuya Jinx siya nagkuuwento pero ang tsismosong kuya ko naman ay dinidiretso kaagad sa akin. Pasok ka muna kuya.”
            Nang pumasok ako sa kanilang bahay ay hinanap ko kaagad ang mga anak ni James at syempre si James mismo. Ngunit tahimik ang kabahayan.
            “Mag-isa ka lang ba?”
            “Oo kuya. Nasa probinsiya silang lahat. Mayor si kuya Jinx sa isang bayan sa Cagayan at dinala niya sina tatay at kuya doon pati mga bata. Doon na kasi nag-aaral ang mga bata at si kuya James ay abala naman sa pinatatayong Hotel na magiging negosyo niya habang hinihintay daw ang pag-uwi mo. Mabuti nga kuya nakarecover na siya sa depression niya. Sobrang na-depress noon sa kaiisip sa’yo.”
            “Talaga?” masaya ako sa narinig ko. Hindi dahil nadepress siya at naramdaman ko ang kahalagahan ko sa buhay niya kundi ang katotohanang ipinagpapatuloy niya ang kaniyang buhay sa paraang gusto ko. “Paano ‘yan. May party sa bahay. Iimbitahan ko sana kayong lahat. Saka gusto ko na talaga siyang makita. Maaring mamayang gabi ay bibiyahe ako papunta ng Cagayan. Masasamahan mo kaya ako?”
            “Sandali kuya. Tatawagan ko muna si kuya James. Baka kasi magkasalisihan kayo. Kailangan na siguradong naroon siya pag-uwi natin doon. Birthday niya bukas kaya hindi ko alam kung dito siya magcelebrate o doon sa Cagayan.”
            Kinuha niya ang cellphone niya. Minabuti niyang i-loud speaker para daw madinig ko ang kanilang usapan.
            “Hello Vicky!” sagot ng kabilang linya. Hindi iyon boses ni James.
            “Kuya! Kuya!” nakita ko ang sobrang excitement ni Vicky.
            “OA lang? Kuya Jinx mo ‘to. Kuya James mo nasa kuwarto niya, Pangatlong araw na ngayon nagkukulong kasi daw tumawag ang kaibigan ni Xian sa Qatar at ibinalitang habang-buhay na mabibilanggo doon si Xian kaya hindi ko na alam kung paano siya i-comfort. Natatakot ako nab aka bumalik na naman ang depression niya.”
            “Sino kayang OA sa atin? Haba agad ng kuwento”
“ E, bakit ka nga tumawag. Nasa akin ang cellphone niya. Kung may sabihin ka sabihin mo na agad kasi nga papasok na ako sa munisipyo.”
“Wait may kakausap sa’yo. Kuya bilis kausapin mo si kuya Jinx.” Inilapit niya sa akin ang cellphone.
“Hello po kuya Jinx. Xian po ‘to.”
Matagal na hindi sumagot. “Hoy, Vicky! Huwag mo ako ine-echoz!”
“Xian nga po ito. Ako po ito. Kadarating ko lang kagabi.”
“Oh my God! Oh my God! Xian ikaw nga ba ‘yan! Sandali lang kasi nanginginig ako. Hinga lang ako. Gusto kong i-absorb muna ‘to nang makapag-isip ako ng tama.”
“See? Sinong mas OA sa amin kuya?” si Vicky. Napangiti ako.
“Uuwi kami diyan bukas ni Vicky kuya Jinx. Excited na kasi akong makita si James. Taman-tama nga daw birthday nga pala niya bukas. Sana wala siyang magiging lakad!”
“At dahil diyan, may naiisip akong surprise party for him. Huwag na huwag kanga tat Xian. Huwag na huwag mong sirain ang diskarte namin ng mga kaibigan ko. Ito na! Makakaganti na si Rhon sa ginawa naming noon sa kaniya. Sige, umuwi kayo dito ng maaga para ma-meet mo muna ang mga friends ko at pagplanuhan natin ang ating gagawin. Expert ang mga kaibigan ko sa mga ganito kaya award winning ito!”
“Baklang-bakla naman.” Sagot ko.
“Korek! Basta para sa hipag kong hilaw na badet! Gagawin ko ang lahat!” humagalpak na kami ng tawa.
Mahusay naming naiayos ang Birthday Surprise Party namin kay James kasama sina Kuya Aris, Kuya Rhon, Kuya Terence, Kuya Lando, Dok Mario, Dok Bryan, Cgaris, Jay-ar, Vicky at kuya Jinx. Nang tumigil ang sinakyan ko malapit sa pinagdarausan ng birthday niya ay natanaw ko siya. Nakapalaki na ng ipinayat ng mahal ko. Alam kong dumaan siya sa matinding depression. Naroon ang kaniyang mga ngiti ngunit alam kong pinipilit lang niyang maging masaya. Noon ko naramdaman kung gaano siya nasasaktan sa pagkawala ko sa kaniyang buhay. Gusto ko tuloy tawagan si Vince at sisihin sa ginawa niyang pagpapahirap sa kalooban ng mahal ko. Ngunit magtutuos kami ng kaibigan ko. Alam kong galit siya kay James dahil sa pinahamak niya ako ngunit hindi ko nagustuhan ang naging epekto sa lahat ng kasinungalingang ipinaabot niya. Lubog na ang pisngi ni James sa kapayatan. Ni hindi na nga niya yata siya nakapagpagupit at maisip mag-shave. Nakaramdam ako ng pagkaawa.
Nang nasa harap ko na siya at nabuksan na ang pintuan ng sasakyang pinagtaguan sa akin ay alam kong nabosesan na niya ako. Nakita ko sa kaniyang mukha ang kakaibang saya. Napaluha na din ako ng nadama ko kung paano siya nabunutan ng tinik sa dibdib. Nakahigpit ng yakap niya sa akin noon. Parang ayaw na niya akong pakawalan. Pati sa araw ng birthday party niya ay hindi niya binibitiwan ang aking mga kamay. Kahit mag-cr lang ako ay gusto pa niyang sumama.
“Ano ba naman yan James, para naman may aagaw kay Xian sa’yo. Enjoy your party!”  banat ni Kuya Terence.
“Possesive lang? Taken na kaming lahat dito at saka dekada na ang relasyon namin sa mga partners naming kaya wala ng magtatangkang aahas pa diyan kay Xian mo noh!” pang-aalaska naman ni Kuya Rhon.
“Huwag pakasiguro. Single pa din ako!” si Kuya Jinx. Ngunit parang bigla siyang nandiri sa sinabi niya. Lahat ay halos nagkasabay-sabay na napa-“EWWWW”!
Biglang naipatugtog ang kantang “Kanlungan”.

Pana-panahon ang pagkakataon
Maibabalik ba ang kahapon?

Natatandaan mo pa ba
Nang tayong dal'wa ang unang nagkita?
Panahon ng kamusmusan
Sa piling ng mga bulaklak at halaman
Doon tayong nagsimulang
Mangarap at tumula

“Pwede ba! Tantanan ako! Nakakasawa na ‘yan!” sigaw ni kuya Jinx.
“Inggitera!” sigaw ni kuya Rhon. Nakita kong kinuha ni Kuya Aris ang kamay ni kuya Rhon at nagsayaw sila sa gitna. Wala nga lang gustong umastang babae kaya parehong sa baywang nila nakalagay ang kani-kanilang mga kamay. Nagsunuran ang lahat sa gitna para sumayaw. Inakay ko si james. Sumunod na din siya kahit halatang nahihiya pa ito.
“Sa gilid lang kayo! Lando at Terence huwag kayong sapaw! Theme Song namin ‘yan kaya doon muna kayo sa gilid puwede! Moment muna namin ito!” si Kuya Aris. Sumunod naman ang dalawa. Nagtatawanan kaming lahat.
Ilang saglit pa ay naipatugtog na ang “Everything I have”.

I promise I will hold you Through the changes and fears when life seems unclear
And when I can't be right there with you I know there's angels by your side

“Amin na ‘yan. Gumilid na yung mga hindi na kailangan. Tapos na ang kanlungan!” sigaw ni Dok Bryan. Hinila niya si Dok Mario. Nakita ko sa mga mata ni Dok Mario ang mabilis na pagluha. Dumaan iyon sa kanyang pisngi at mabilis na pinunasan ni Dok Bryan. Nagkatinginan kami ni James. Hindi ko kasi alam ang kuwento.
“Naala niya siguro si Kuya Gerald. Namatay sa sakit na kanser. Ngunit nagawa niyang naiyos ang buhay ni Dok Mario bago siya pumanaw. Lahat ng meron si Kuya Gerald ay ibinigay niya kay kuya Mario. Nagawa pa nitong ayusin ang pagkikita nila ni Dok Bryan bago siya pumanaw. Matalik na magkaibigan si Dok Bryan at Gerald. Alam mo mahal ko, ayon sa pagkakakuwento sa akin, parang ikaw lang si Gerald. Selfless! Matindi kung magmahal at nagpapasalamat ako’t narito ka kasama ko ngayong gabi. Naiintindihan ko ang pinagdadaanan ni Dok Mario.”
Natahimik ang lahat. Nakita ko si Kuya Jinx na lumuluha din. Pinisil ko ang kamay ni James. “Affected yata si Kuya Jinx?” bulong ko.
“Ganyan lang ‘yan pero may mga pinagdadaanan din. Mahabang kuwento. Hindi bale, ikukuwento na lang niya sa’yo basta hindi ko pa puwedeng idetalye sa’yo.”
Habang sumasayaw kami ni James ay napalapit kami kay Dok Mario at Dok Bryan.
“Huwag ka ng malungkot ha. Hindi natin siya binigo. Nakita niya kung gaano natin pinahalagahan ang isa’t isa. Alam ko na kung nasaan man si Gerald ngayon ay masaya siya sa ating dalawa. Mahal na mahal kita.” Malambing na sinabi ni Dok Bryan kay Dok Mario. Pinunasan ni Dok Bryan ang luha sa pisngi ni Dok Mario.
“Matagal ko na kasing hindi narinig ang kantang ‘yan kaya bigla ko siyang naisip at namiss. Sana kung nasaan man siya ngayon ay alam niyang natupad nating dalawa ang ipinangako natin sa kaniya at kahit mahal na mahal kita, alam mong nasa bahagi parin siya ng aking puso hanggang sa ibalik ko ang aking buhay.”
Ngumiti si Dok Bryan. Alam kong may kaunting pait ang ngiting iyon. Kinindatan niya kaming dalawa ni James. Patapos na ang kantang iyon at nakita kong biglang napatahimik ang lahat.
Biglang pumailanlang ang kantang “Humanap ka ng pangit ni Andre E.”
Kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay
Humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay
Isang pangit na talagang 'di mo matanggap
At h'wag ang lalaki na iyong pangarap
Napatawa na naman ang lahat. Kitang-kita ko kung anong naging reaksiyon ni Kuya Terence lalo na nang nakita niyang nandoon si Kuya Jinx sa tabi ni Cgaris at Jay-ar na nagiging DJ namin.
“Kakalbuhin kita! Baklang to! Alam ko! Ako ang pinariringgan mo sa kantang ‘yan.” Pagtatalak ni kuya Terence.
“Hindi niyo ba theme song ‘yan?” patay malisyang tanong ni Kuya Jinx!
“Hindi no! At anong silbi ng anak kong nandiyan at hinayaang babuyin ang love story namin ng Daddy niya!”
“E, sabi kasi ni Mayor bagong favorite niyo daw yan na kanta kaya pinatugtog namin.”
“Humanap ka ng pangit talaga anak! Aray ko naman! Gumanda na ako! Mahal ako ng daddy mo kahit noong chakka pa ako!”
“Ano nga ba kasi ang theme song ninyong dalawa tito?” tanong ni Cgaris kay Lando.
“Meron ba tayong theme song mahal ko?” tanong niya kay Terence. Nagkatinginan sila.
“Ah basta! Mahal na mahal natin ang isa’t isa. Walang theme song, theme song! Sige anak Gangnam style  ang ipatugtog  mo para masaya!”
Nang mapagod ang lahat ay sa gangnam style ay pumailanlang ang Because of you ni Keith Martin.
Nagkatinginan kami ni James. Kinuha niya ang kamay ko. Dinala ako sa gitna at Nagkayakapan kaming sumayaw saliw ang kantang naging paborito ko.
“Mabuti pala naging paborito mo ‘yan. Baka paglaruan din ang buhay natin kung di mo pinili ang kantang iyan. Tuloy parang gustong-gusto ko na ding ulit-ulitin ‘yan.” Bulong niya sa akin. Hinalikan niya ang puno ng tainga ko.
“Uyy pasimple ang halik ni kuya James oh!” si Cgaris. Alam kong nang-aasar.
“Sa lips naman”  sigaw ni Dok Mario.
Tinignan ko si James. Alam kong hindi sanay si James na ipakita ang pagmamahal niya sa akin. Ngunit iba na ang James na kasayaw ko ngayon. Malayong-malayo sa James na nakilala ko at naging kababata. Hindi parin ako makapaniwala na ang James na lihim kong minahal ay tuluyan nang naging akin.
“Sa lips daw.” Nakikita ko sa mga mata ni James na nahihiya lalo na nakaupo’t nakamasid sa amin ang lahat na parang ibinibigay nila sa aming solohin ang pagkakataong iyon.
Hinawakan ko ang pisngi niya at hinalikan siya ng matagal sa kaniyang labi. Palakpakan ang lahat. Nakita kong yumuko siya. Nakangiti.  Pagakatapos ay namumula siyang tumingin sa mga nasa paligid niya at tumingin muli sa akin. Nang bigla niya akong hinalikan din sa labi. Lalong nagwala ang palakpakan.
“Akala ko nahihiya ka.” Tanong ko sa kaniya pagkatapos niya akong halikan.
“Kailangan kong sanayin na ang aking sarili. Kanina nga nang una kitang makita sa sasakyan na pinagtaguan sa’yo nahalikan kita dito pa kaya.” Sagot niya.
Napuno ang gabing iyon ng saya. Hinding-hindi ko makakalimutan ang gabing iyon sa buhay ko. Isang gabing nagsimulang naging buo ang aking pagkatao.
Kinabukasan noon ay ipinakilala ako ni James sa tatay niya. Hindi noon nakasagot ang tatay niya nang sinabing ako ang mamahalin niya habang-buhay. Pumasok sa kuwarto niya pagkatapos niyang marinig ang sinabi ni James. Wala siyang sinabi ngunit wala siyang ginawang hindi kaaya-aya. Alam kong hindi ganoon kadaling tanggapin na ang alam niyang lalaki na anak niya ay pumatol na din sa katulad ko. Ngunit alam kong matatanggap din ng tatay ni James ang sitwasyon namin. Darating ang panahong matutunan din niya akong magustuhan bilang minamahal ng akala niya’y straight na anak niya. Napahanga lang ako sa tapang ni James na ipagtapat ang tungkol sa amin.
Walang naging problema sa pamilya ko. Hindi pa man daw ako nagtatapat ay alam na nilang berde ang dugo ko. Malugod nilang tinanggap si James na bahagi ng buhay ko pero iisa lang ang pinakiusap ni Daddy, huwag na huwag niya akong sasaktan dahil kahit kailan ay wala siyang sinaktan sa kaniyang mga anak. Mapalad akong nagkaroon ng pamilyang maunawain at mahal kami sa kabila n gaming pagkasino.
Dalawang taon pa ang matuling nagdaan nang sinamahan namin ang mga bata na maglaro sa park malapit sa aming hotel. May dumaang isang babae na namumukhaan ko kahit parang tumanda at umitim ng husto. Alam kong sa hitsura niya ay galing sa liblib na baryo dahil may bitbit pa siyang bayong. Si Cathy.
“Cathy!” tawag ko sa kaniya. Lumingon siya at mabilis naman niya akong napagsino.
Nahihiya siyang lumapit kaya minabuti kong lapitan siya. Tinawag ko din ang mga anak niyang panganay na si Jethro at bunsong si Jino.
“Mama?” tawag ni Jethro nang makilala niya ang ina niya. “Jino si Mama” pakilala ng panganay sa bunso niyang kapatid dahil halos hindi na yata matandaan ni Jino ang ina.
“Mga anak ko. Anlalaki niyo na!” napaluhod si Cathy at niyakap niya ang kaniyang mga anak. Nakita ko ang mabilis na pag-agos ng luha sa kaniyang pisngi. Mahigpit niyang niyakap ang mga anak. Habang madamdamin kong pinagmamasdan si Cathy at ang mga bata ay naramdaman ko ang pag-akbay sa akin ni James. Lumingon ako sa kaniya. Nakita ko ang mapait nitong ngiti. Pinisil niya ang balikat ko.
Nang tumayo si Cathy at kausapin ako ay parang nagulat siya nang makita si James na nakaakbay sa akin.
“Kumusta ka Cathy?” casual na tanong ni James. Walang kahit anong emosyon na nakita ko sa kaniyang mukha. Yumuko si Cathy.
“Okey lang kahit heto mahirap ang buhay. Kailan ka pa nakauwi?” nahihiya niyang balik tanong kay James.
“Magtatatlong taon na din.” Sagot ni James.
“Gusto mong magmiryenda na muna?” tanong ko.
“Naku, gustuhin ko man sana ay hinihintay na ako ng mag-ama ko. Uuwi pa kasi kami at huling byahe na yung naghihintay sa akin na jeep.”
Muli niyang tinignan ang mga bata. “Masaya akong makitang magaan na ang buhay ninyo mga anak. Patawarin sana ninyo si Mama ha? Dadalawin ko kayong muli kung sakaling makakahanap ako ng pagkakataon. Mahal na mahal ko kayo mga anak.”
Tumingin siya kay James.
“Patawarin mo ako, James. Siguro tama lang sa akin na karmahin ako ng ganito dahil sa ginawa ko sa’yo. Sana mapatawad mo pa ako.”
“Napapatawad na kita Cathy. Akala ko ba sumama ka sa isang mapera?”
“Hindi James. Niloko niya ako. Hindi pala talaga siya mayaman. Hindi pala sa kaniya ang mga ipinagmayabang niya sa akin noon. Ngunit tama lang siguro sa akin ito. Karma na sa akin ang sinapt kong ito." nangilid ang luha niya. "May asawa ka na din ba? Sana masaya ka sa kaniya.” Tanong niya kay James. Nakita ko sa mukha niya ang panghihinayang.
“Hindi ko alam kung asawa ang puwede kong itawag kay Xian pero higit tatlong taon na kaming magpartner.”
Nakita ko ang pagkagulat sa mukha ni Cathy ngunit parang hindi siya makapaniwala at ang alam niya ay nagbibiro lang si James.
“Hindi ako nagbibiro, nagmamahalan kaming dalawa.”
Tumingin si Cathy sa akin. “Totoo ba?” panigurado niya sa akin.
Ngumiti ako. “Totoo ang sinasabi ni James. Hindi siya nagbibiro.”
Pagakatapos no’n ay nakita kong parang napalunok siya at hindi na niya alam ang sasabihin.
“Cathy! Ano ba! Wala na tayong masakyan! Sabihin mo kung gusto mong magpaiwan  dito at iwanan ka na lang namin!” sigaw iyon ng lalaki sa di kalayuan. May akay-akay na dalawang bata.
“Sige ha. Salamat. Hangad ko ang kaligayahan ninyong dalawa. Ikaw na bahala sa mga bata James ha. Pasensiya na kayo mga anak. Patawarin mo sana ako James.” Nagmamadali na siyang tumalikod sa amin.
Mabilis na dumaan ang ilang taon. Naging successful ang hotel and resort business namin nina Kuya Aris at Kuya Rhon. Lumaki na din at nasa high school na si Jethro na at grade six na din si Jino. Unti-unting nailapit ng mga bata ang loob nila sa akin ngunit nanatiling tito ang tawag sa akin ng mga bata. Hindi ko na iyon binalak pang palitan dahil alam kong katulad nina Cgaris at Jay-ar, tanggap din nila ako at ang sa amin ng kanilang Daddy. Iyon naman ang pinakamahalaga sa akin. Wala sa tawag nila sa akin, nasa kung paano nila ako itinuturing.
Isang umaga habang inihahanda ko ang mga baon nina  Jethro at Jino ay lumapit sa akin ang balisang si James.
“Mahal, halika ka ha.”
Lumapit ako kay James. Hawak niya ang cellphone ni Jethro.
“Maalala mo lastweek? Di ba dinala ni Jethro ang girlfriend niya rito?”
“Oo, si Kim. Magandang bata.”
“Noong nakaraang buwan, di ba nagdala din siya ng ibang girlfriend niya?”
“Sandali, si Karen yata ‘yun. Ah basta! Buwanan kung magkagirlfriend ang batang ‘yan. Huwag mo na ungkatin sa akin isa-isa ang mga pangalan nila kasi di ko matandaan lahat.”
“Hindi ‘yun ang pinupunto ko mahal e. Kilala mo ang mga barkada niya na madalas sa bahay?”
“Oo, alin sa kanila. Si Dale ba o si Rayver.”
“Si Rayver. Wala ka bang napapansin?’
“Mahal papasok na ang mga bata. Di pa naluluto ang mga baon nila. Diretsuhin mo na lang ako.”
“Tignan mo itong mga pictures sa i-phone ni Jethro.”
“Halla ka! Mahal, sabi huwag pakialaman ‘yan di ba?”
“Tignan mo kasi mahal!” pilit ni James. In-iscroll niya ang mga pictures doon.
Hindi ako nakaimik. Nagulat ako pero nang naglaon ay napangiti. Binalikan ko ang niluluto ko. Sumunod siya.
“Ano nga!” pangungulit niya
“E, di father like son.”
“Dapat kasi umamin na siya habang maaga pa. May straight bang halos magkasalubong na ang mga nguso nila ni Rayven sa picture tapos ni isa ay wala akong mahanap na picture nang mga naging girlfriend niya sa iphone niya. Pero sila ni Rayven, andami! At ang tawagan nila Brad? Brad talaga? Pero ang mga pictures nila halos lahat nagyayakapan?”
“No comment.” Sagot ko pero natatawa ako sa hitsura niya. Parang pasan niya ang daigdig.
“Kausapin ko na lang kaya?” tanong niya.
“Ikaw ang ama. Desisyon mo ‘yan. Pero mahal, nasa dugo ninyo ang pagiging ganyan kaya ang ipinagtataka ko lang ay para ka naman naninibaguhan kung may magmana sa pagiging ganyan. Tanggapin na lang natin.”
“Matawagan nga si Kuya Lando! Siguro mabibigyan niya ako ng payo.”
“E, bakit siya, lalaki naman si Jay-ar?”
“Sino? Si Kuya Aris?”
“Lalaki din si Cgaris mahal” sagot ko
“E, sino pa?” pangungulit niya.
“E, di ang tatay mo!” hagalpak kong tawa.
“Ha? Si tatay talaga?” tanong niya. “Huwag na nga lang. Bahala na. Sige luto ka na.” umalis na siya. “Ayy sandali may nakalimutan ako.” Bumalik siya. “Wala pa pala ako Good Morning Kiss!” mabilis niya akong hinalikan sa labi saka siya umalis at ibinalik ang iphone sa pinagkunan niya.
Napapangiti pa din ako. Pati ako muntik na ding napaniwala ni Jethro.
Ngunit alam kong kahit maging ano pa ang pagkatao ng kaniyang mga anak ay matatanggap ni James. Naturuan ko siyang irespeto ang pagkasino ng bawat isa. Natuto siyang magmahal ng katulad ko at alam kong madali na lang sa kaniyang tanggapin na may paminta sa aming mga anak. Ang mahalaga ngayon ay masaya kami. Masaya ako sa piling niya. Bukas magkikita-kita na naman kami sa Kanlungan Resort kasama ng mga kaibigan naming higit pa sa pamilya ang turingan namin sa isa’t isa. Sino ngayon ang magsasabing walang himala ang pag-ibig?
Wakas

No comments:

Post a Comment