Saturday, January 26, 2013

Open Relationship (Prologue)

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com
Facebook: www.facebook.com/joemar.ancheta


----------------------------------------------------
Clyde Point of View
----------------------------------------------------

“Di ko na kaya!” galit na galit niyang singhal sa akin.
Minabuti ko paring hindi magsalita. Pagod na ako. Ayaw ko ng sumagot. Para lang kasi paulit-ulit ang aming pinag-aawayan.  Ano naman ang isasagot ko? Katulad parin ba ng dati? At pagkatapos naming magsigawan, aamuin ko siya, yayakapin at hahalikan? Nakakasawa na din. Kung hindi na niya kaya, aba e, ganoon din naman ako! Pero sa madalas naming pag-aaway minsan nauuwi din lang sa pagkakaayos at ano ang kasunod? Kakalimutan ang sanhi ng di matapos-tapos naming pag-aaway at ilang araw ang dadaan pero muling gagawin ang sanhi ng palagi naming pinagtatalunan.
“Ano! Sumagot ka naman! Kausapin mo ako ng para naman ako hindi nagmumukhang tanga.” singhal niyang muli sa akin. Nakita ko sa kaniyang mukha ang galit.
Tumayo ako at tinungo ang pintuan. Mas tumindi ang nararamdaman kong inis. At kung hindi pa siya titigil sa kasisinghal sa akin ay baka hindi ko na din makontrol ang aking sarili. Ayaw kong magkasalubong ang galit namin kaya minarapat kong ako na muna ang iiwas.

Pagbukas ko palang ng pintuan ay hinawakan niya ang balikat ko at marahas niya iyong hinila. Napaharap ako sa kaniya. nanatiling walang reaksiyon ang aking mukha. Mistulang manhid.
 Pakiwari ko’y pagod na pagod na din ako. Hindi lang pagod na pagod, sawang-sawa na sa mag ganitong bangayan.
“Ano ha! Lalayasan mo ako. Hindi ka na nga lang sumasagot, lalayasan mo pa ako!”
Tinulak niya ako sa loob. Hindi man kalakasan iyon ngunit dahil nawalan ako ng balanse kaya ako natumba at tumama ang ulo ko sa gilid ng mesa. Parang sa isang iglap ay sumambulat ang sinusupil kong galit. Sumasabog na ang dibdib ko. Tuluyang namula ang aking mukha, sumungaw ang luha at noon ay tuluyan ng bumulwak ang naipong galit sa aking dibdib. Sa tulad kong naiinis na’t napupuno at ganoon ang gagawin ay hindi puwedeng hindi makaganti. Mabilis akong tumayo at isang malakas na sipa ang pinakawalan ko dahilan para tumilapon siya sa gilid. Pinulot ko ang kutsilyo na nakita ko sa mesa at nanginginig ko iyong itinutok sa kanya para itarak sa kaniyang dibdib kung magpupumilit pa siyang lumapit. Nakita ko ang mabilis na pagbago ng kaniyang htsura. Napalitan ng takot at pagmamakaawa ang galit na galit niyang mukha kanina. Bigla akong bumalik sa aking katinuan.
“Sorry.” Nasambit ko. Tinungo ko ang kama. Nagkumot at malaya kong hinayaan ang pagbuhos ng aking mga luha.
Naisip ko, bakit hahantong sa ganito ang dati ay malugod namin pinag-usapang ugnayan. Bakit kami nagkakasakitan kung talagang mahal nga namin ang isa’t isa? Pagod na pagod na ako. Hindi ko na kayang tagalan pa ang halos araw-araw namin pag-aaway. Yun bang kahit katabi ko siya ay hindi ko parin maiwasang isiping may ginagawa din siya. Iyon bang lumabas lang siya kahit ilang sandali lang ay alam kong naglalaro siya at dahil pakiwari ko ay may ginagawa niya ay kailangang kong pumantay. Ngunit nakakapagod din… nakakasawa…napapasuko niya ako…mahal ko siya…
Paano nga ba isasalba ng pagmamahal ang relasyong tinitibag na ng kawalang tiwala. Paano nga ba muling paigtingin ng pagmamahal ang pagdududa? Napakagulo ng sitwasyong sinimulan ng mali naming desisyon. Kung gaano kasi kataas ang pagmamahal ko sa kaniya ay ganoon din katayog ang kawalan ko ng tiwala. Kaya paano ako matatahimik kung ang puso kong puno ng pagmamahal ay binalutan naman ng puro pagdududa. Tama ngang kung wala ng tiwala ang relasyon ay kailangan na ding wakasan dahil para lang itong kalawang na tuluyang sisira kahit pa gaano katalas ang isang itak.
“Mag-usap nga tayo ng masinsinan” mababa na ang tono ng kaniyang boses. Banayad siyang umupo sa kama.
Tinanggal ko ang pagkakatalukbong ko. Iniwasan kong tignan siya. Sa kisame nakatutok ang aking paningin. Pinakalma ko ang aking sarili.
“Pwede harapin mo ako. Umupos ka. Kailangan natin mag-usap.” Bumangon ako at tinungo ko ang ref. kumuha ako ng malamig na tubig. Isinalin ko sa baso at sinaid ko ang laman niyon. Bumunot ako ng malalim na hininga para mabawasan ang bigat ng aking nararamdaman. Bumalik ako sa kama. Banayad akong umupo ngunit iniwasan ko paring harapin siya.
“Okey ka na? Puwede na tayong mag-usap?” tanong niya uli.
“Ano pa ba ang pag-uusapan nating bago ngayon?” kalmado kong sagot habang nakayuko.
“Wala namang bago. Pero siguro kailangan lang nating tapusin na ang mga lumang iyon… alam ko kasi pagod ka na… sawang-sawa ka na.”
“Oo, ikaw ba hindi? Sinong hindi magsasawa sa ganitong nangyayari sa atin. Jinx, nagmamahalan tayo pero bakit mas madalas ang pag-aaway natin kaysa sa masaya tayo. Hindi mo ba naisip? May mali.”
“Iyon na nga e. Sobrang nasasaktan na natin ang isa’t isa. Hindi kaya ibig sabihin no’n kailangan na nating itigil ito?”
“Anong ibig mong sabihin? Tinatapos mo na?”
Tumingin ako sa kaniya. Namumula ang kaniyang mga mata. Alam kong pinipigilan niya ang pagtulo ng kaniyang mga luha.
“Nagkakasakitan na tayo Clyde. Mas marami pa yung araw na nagkakasagutan tayo, nagsusumbatan, nagbubulyawan kaysa yung mga araw na tayo ay masaya at naglalambingan.”
“So, sinasabi mong ako ang mali? Di ba nga ikaw yung…” biglang tumaas ang boses ko. Sa lahat ng ayaw ko ay yung ako ang sisisihin.
“Sige, ako ang mali. Ako lagi ang mali. Ako ang may kasalanan sa lahat-lahat na nangyayari ngayon sa atin. Wala akong sinisisi Clyde. Pero siguro nga mas mainam na itigil na natin ‘to. Sa tuwing nag-aaway tayo hindi ko alam kung paano itigil at kontrolin ang lahat. Iyon bang hindi ako makapagsabi ng masakit sa’yo. Ayaw kitang saktan. Ayaw kong makapgsabi ng hindi mo magugustuhan. Kasi pagkatapos nating mag-away alam kong pagsisihan ko lahat ang mga nasabi ko noong galit ako sa’yo. At habang tumatagal tayo sa sitwasyong ganito ay lalo kitang nasasaktan pati na din ang sarili ko.”
“Anong desisyon mo?” maalumamay kong tanong.
“Alam kong gusto mo na din matahamik. Alam kong pagod ka na din sa di na matapos-tapos nating mga away at siguro nga, kailangan na nating ipahinga ang ating mga sarili. Matagal na din tayong nag-aaway at pakiramdam ko, nahihrapan na tayong ayusin pa ito dahil hindi natin kayang magsimulang muli dahil alam nating pareho mali ang ating naging simula.”
“Kung ano ang desisyon mo, doon ako.” matibay kong sagot.
“Clyde, mahal na mahal kita. Pero ang ideyang mahal kita at mahal mo ako ang tanging pumipigil sa atin para magdesisyon na tapusin ito. Marami tayong mga issues na hindi natin nabibigyan ng solusyon at natatakot ako na isang araw ay tuluyang mawala ang pagmamahalan natin sa isa’t isa at ang tanging nalalabi ay ang katotohanang sinaktan natin an gating mga sarili at galit ang tanging maiiwan sa ating mga puso.”
“Sige. Kung iyan ang tingin mong tama. Hindi kita pipigilan.”
 Dahil siya na din lang ang nagdesisyon, alam kong hindi ako ang magsisisi. Sa lahat kasi ng ayaw ko ay ako iyong magdedesisyon ng break-up at pagkaraan ng ilang araw ako din yung babalik. Ilang beses ko nang nagawa iyon sa mga ex ko at pinangako ko sa sarili kong hindi ko na muli pang lulunukin ang pride ko. Kaya nga, kahit gaano pa kasalimuot ang relasyon naming ni Jinx ay hindi ko naisip na ako ang unang magsabi sa bagay na iyon. Kahit pa nawawalan na ako ng pag-asang maayos ang gusot namin ay hindi ko tinangkang iwanan o kaya ay palayasin siya.
“Hindi ko alam kung tama ako sa ginagawa ko Clyde ngunit nasaksaktan na tayong dalawa. Mahal kita ngunit sinisira ng kawalang tiwala ang pagsasama natin kaya hindi tayo nagkakaayos.”
“So, paano, this is it na. Kanya-kanya na ba tayo?” paninigurado ko sa kaniya.
Hindi siya sumagot. Tumingin lang siya sa akin. Basa na ng luha ang mukha. Hinawakan niya ang mga kamay ko.
“Mahal kita e. Masakit sa aking gawin ito ngunit kung ito ang paraan para kapwa matahimik ang buhay natin ay gagawin ko. Sana sa paraang ganito ay matigil nang patuloy na pagsasakitan natin. Hindi ko alam kung paano akong magsisimulang muli ngunit alam kong makakaya ko ng paunti-unti.” Hinawakan niya ang kaniyang ulo. Nagsimulang gumalaw ang kaniyang mga balikat hanggang sa narinig ko ang kaniyang paghagulgol. Hinila niya ako. Niyakap ng mahigpit.
Ngunit hindi ako naiiyak. Kahit gaano ko kagustung damayan siya sa kaniyang pag-iyak ay hindi ko magawa. Mahigpit niya akong niyakap at niyakap ko din siya. Ngunit ilang beses na bang nangyari ang ganito. Ilang beses na ba niyang sinabing maghihiwalay na kami. Kaya siguro hindi ko na kayang umiyak pang muli. Nasanay na din siguro ako. Nauudlot lang ang napipintong paghihiwalay namin dati dahil kinausap ko siya. Dahil pinigilan ko siya. Ngunit sa ngayon, buo na ang loob kong hayaan siya. Pinapalaya ko na siya. Kaya malakas ang loob niyang makipaghiwalay dahil alam niyang susuyuin ko siya. Pigilang huwag nang ituloy ang pag-eempake sa damit niya. Kaya lang pagod na akong gawin iyon. Tama na.
Pagkaraan ng ilang saglit ay tinungo na niya ang lagayan ng kaniyang mga damit. Maingat niyang tinanggal ang mga iyon sa aming cabinet at ipinatong sa kama. Pinagmasdan ko lang siya. Ilang beses ko na din nasaksihan ito. Di na kumakagat pa sa akin. Nang mailabas niya lahat ang mga damit ay kinuha niya ang mga maleta niya sa silong ng aming kama. Tahimik lang ako. Pero nakakapagod din pala siyang panoorin sa ganoon kaya kinuha ko ang remote sa tabi ng tokador at sinimulang manood ng TV.  Hinayaan kong tapusin niya ang pag-eempake.
Hindi ko siya tinapunan ng tingin. Pinilit kong itinutok ang konsentrasyon ko sa pinanonood kong ASAP. Hanggang narinig ko na ang malakas na pagsara ng zipper ng kaniyang bag. Nagtanggal siya ng damit at short. Tanging brief na lamang ang naiwan sa kaniya. napalingon ako. Hindi na katulad dati ang katawan niya. Lumobo na ng bahagya ang katawan. Tumaba na siya dahil sa nakaugalian niyang pag-inom. Natigil na din kasi sa pagpunta sa gym dahil sa mahigpit naming pagbabantay sa isa’t isa. Wala na nga siyang asim. Di na ako tinitigasan sa hubog ng katawan niya. Muli kong tinutok ang mga mata ko sa TV. Mas mainam pang ibalik na lang ang tingin ko kay Sam at Piolo.
Nang makapagpantalon at nakapagsapatos na ay tumingin sa akin. Dahan-dahang lumapit at hinawakan niya ang kamay ko. Di na naman bago iyon sa akin. Nangyari na ito ng ilang ulit noon.
Narinig ko ang kaniyang buntong hininga.
“Sana patawarin mo ako kung may mga nasabi man akong hindi mo nagustuhan. Kung sakali mang may nagawa akong mga pagkakamali.”
“Ayos lang ‘yun. Sana ako din.” Simple kong sagot.
“Clyde, sana malaman mong walang iba. Hinding-hindi ako nagkaroon ng iba.”
“Talaga lang ha.”
“Alam kong hindi ka naniniwala sa sinasabi ko. Pero malinis ang konsensiya kong sabihin iyon sa’yo. Hindi ko sinasabi ito para pigilan mo ako. Sinasabi ko ito dahil iyon ang totoo.”
“Sige. Kung iyan talaga ang sa tingin mo ay totoo, e di iyon ang totoo.”
“Sana ako din lang? Sana ako lang.”
Napangiti ako. Gusto kong sabihin sa kaniya na gusto niyang siya lang ngunit ni hindi niya maamin sa sariling may ginagawa din siya. Hindi ako mag-rereact ng ganito kung wala akong alam o hinala. Sige sabihin na natin iyong ang malakas kong hinala ngunit ilang beses na akong nilo at iniwan. Kaya alam ko kung kailan na ako niloloko.
“Sana mapagkatiwalaan mo ako. Iba ako sa kanila Clyde. Hindi ako katulad ng mga nauna. Sana hindi mo magawang lahatin kami.”
“Narinig ko na ‘yan, Jinx.”
Tinignan niya ako sa mukha. Sinalubong ko ang kaniyang mga tingin. Bumagtas ang luha sa kaniyang pisngi. Nagawa na niya ito dati. Wala na ding bago sa akin iyon. Ngunit kung sa kaniya walang bago. Sa akin meron. Kung dati ay niyayakap ko siya. Hahalikan sa labi at sabihing, “sorry na, tama na to.” Ngayon ay niyakap ko siya at sinabihang…
”Good luck, Good bye at God Bless”

Casual lang ang pagkakasabi ko doon. Walang malalim na damdamin, walang lungkot at walang pagdadalamhati. Kasabay ng paghalik niya sa bibig ko ang pagbagsak ng mainit niyang luha sa aking pisngi. Nakita ko ang kaniyang pagpikit at mariing yakap sa akin.
“Goodbye din. Salamat sa lahat lahat.”
Pagkasabi niya iyon ay tumingin muli sa akin saka siya tumayo. Kinuha ang bag at tinungo ang pintuan. Kung dati ay lumilingon siya na para bang nagpapapigil ngayon ay diretso na niyang binuksan ang pintuan. Hindi huminto o kahit man lamang lumingon. Mabilis siyang lumabas at mabilis din niyang sinara ang pintuan. Bago iyon sa akin. Kaya may halong gulat sa akin. Ngunit dahil nabigla ako ay hindi ako tumayo para sundan at pigilan siya. Pinigilan ako ng pride para gawin iyon. At tulad ng sabi niya, siguro dahil pagod na din ako.
Ngunit sa paglipas ng ilang minutong hindi na muli pang nagbukas ang kanina’y binuksan niyang pintuan ng kuwarto namin ay tuluyan ng nawala ang konsentrasyon ko sa pinapanood ko. Mabilis akong lumabas sa kuwarto, sinubukang silipin siya sa sala ngunit wala na siya doon. Nang masigurado kong wala na nga siya sa salas ay mabilis ang mga paa kong bumaba sa hagdanan. Sumilip ako sa kurtina ng bintana namin para makasiguro kung nasa labas pa siya ngunit nakita ko ang mabilis niyang pagsakay sa kotse nang pinagseselosan kong kaibigan daw niya. Hindi ko na pinigilan pa. Muling tumaas ang galit ko. Muli akong nainis kaya mabigat ang mga hakbang kong bumalik sa aming kuwarto at paulit-ulit akong nagmura.
Hanggang kusang umagos ang luhang kanina ay pilit kong pinalalabas. Nanginginig ang aking mga kamay sa galit. Gusto kong magwala. Gusto kong sumigaw at manuntok at nang di ko na makontrol ang sarili ko ay buong lakas kong tinulak ang maliit na tokador sa gilid ng aming kama. Tumilapon ang laman niyon at tumambad sa akin ang isang gustung-gusto kong picture ni Jinx. Iyon ang primary picture niya sa Friendster niya noon kaya ko siya napansin at nagmessage sa kaniya na naging dahilan ng isang pagsisimula.
Dahil sa litratong iyon ay muli kong natagpuan ang sarili ko sa nakaraan. Ang simula, ang isang masalimuot naming simula…

No comments:

Post a Comment