Wednesday, December 19, 2012

Pantasya (08)

by: Daredevil

Nang matapos akong kumain, nagpasiya akong sumaglit sa bahay para makapagpalit ng damit. Naglalakad akong nag-iisip, kung paano nakakuha si kuya ng ganoong kalaking halaga. Kung sino man ang hiningian niya ng tulong, sigurado akong napakabait niya. Ngayon pa lang nagpapasalamat na ako sa kanya.

Nasa tapat na ako ng aming bahay nang may mapansin akong isang napakagandang kotse na nakaparada sa may gate ni Tita Mely. Sa buong buhay ko ay ngayon lang ako nakakita nang ganoon, marahil galing ito sa ibang bansa. Hindi ko na iyon inusisa pa at tuluyang pumasok sa loob ng bahay.

Agad akong dumeretso ng banyo para makapagshower, pagkatapos ay nagpalit na ng damit. Isang semi-fit na white shirt, checkered shorts at sapatos lang ang sinuot ko. Nang lumabas na ulit ako, nakita ko na nandun pa rin ang kotse. Naisip ko na lang na baka may mayamang bisita sina Tita Mely.

Pagkabalik ko ng ospital, agad kong tinungo ang ward kung nasaan naka confine si nanay. Pagkapasok ko, nakita ko siyang natutulog, kaya naisipan ko na lang na umiglip sa isang sofa sa gilid.

Kinabukasan, nagising na lang ako na may tumatawag sa pangalan ko. Alam ko si nanay iyon sa boses pa lang. Nilapitan ko siya at niyakap.

"Nay, ano na pakiramdam niyo?" agad kong tanong sa kanya. Nang kumalas ako, hinawakan niya ang aking kamay.
"Ayos na ako anak,wag ka nang mag-alala." ang nakangiting tugon ni nanay.
"Salamat sa Diyos at ok na kayo, oo nga pala nay, wala na tayong poproblemahin sa gagastusin niyo dito, nakagawa si kuya ng paraan" sabi ko kay nanay.
"Kanino naman siya nanghingi ng tulong e kakapunta lang niya ng Maynila ah?" ang nagtatakang tanong ni nanay sa akin.
"Hindi ko nga alam e, pero nasabi ni kuya na dadalawin ka ngayon ng taong ito, mabuti pang hintayin na lang natin siya para makapagpasalamat tayo" sagot ko sa kanya.

Pasadong alas onse na ng umaga nang pumasok ang isang nurse.

"Magandang umaga po, may dalaw po kayo" sabi ng nurse. Naisip ko naman na siya na siguro ang taong tinutukoy ni kuya kaya sinabi kong papasukin na siya.

Pagkabukas ng pinto, isang babae ang agad na lumapit sa kama kung saan nakahiga si nanay.
"Mare, kamusta ka na?" ang agad na tanong ni Tita Mely kay nanay.
"Ok na ako mare, ikaw pala ang hiningian ng tulong ng panganay ko, maraming salamat sa iyo, hayaan mo babayaran kita ng paunti-unti paglabas ko dito." si nanay.
Hindi kaagad nakasagot si Tita Mely sa sinabi ni nanay at parang nag-iisip ng itutugon niya. Makalipas ang ilang segundo ay nagsalita na siya.
"Ano ka ba mare hehehehe, wag mo munang isipin yan, ang importante magpagaling ka muna. Tignan mo naospital ka pa, di ba sinabihan na kita noon, ang tigas kasi ng ulo mo e" si Tita Mely na medyo natatawa. Ngumiti lang si nanay. Nagpasiya naman akong iwanan muna silang dalawa para makapag-usap.

Umupo ako sa isang sementong upuan sa labas ng ospital na nag-iisip. May nararamdaman akong parang may hindi tama o kaya naman may isang sikreto. Pero isinantabi ko na lang ang mga ganoong bagay.

Sa kabilang banda, medyo nahihiya ako sa pagtulong ni Tita Mely. Hindi kasi biro ang malaking halagang pinahiram niya sa amin. Alam kong matatagalan pa bago gumaling ng tuluyan ang nanay. Kung makapagtrabaho man siya ulit, hindi kaagad niya ito mababayaran ng mabilisan, siyempre may mga gastusin rin kami sa bahay pati na rin sa pag-aaral ko. Kaya nagdecide akong kausapin si Tita Mely.

Makalipas ang halos isang oras, nakita ko ang paglabas ni Tita Mely. Agad ko siyang sinalubong.

"O iho, aalis na muna ako, balikan mo na ang nanay mo sa loob" si Tita Mely.
"Ah Tita, pwede po ba kayong makausap saglit". Kahit nagtataka pumayag naman siya. Doon kami nag-usap sa sementong inupuan ko.
"Tita, nagpapasalamat po ako pagtulong niyo sa amin, alam ko pong hindi kaagad maibabalik  ni nanay ang pinahiram niyo kaya naisip kong ako na lang ang gagawa ng paraan" ang pagsisimula ko ng aming usapan.
"Walang anuman iho, ano ka ba, wag mo munang isipin yan, intindihin mo ang pag-aaral mo" si Tita Mely sabay haplos sa ulo ko.
"Hindi rin po ako makakapag-aral ngayong pasukan, dahil walang magbabantay kay nanay, isa pa wala naman akong ipambabayad sa matrikula, dahil hindi agad siya makakapagtrabaho, yung sahod naman ni kuya ang pambayad din sa mga utang namin sa iba."
"Ah ganun ba, so ikaw muna ang maghahanap-buhay. Hay napakabait mo talagang bata. Kung yan ang gusto mo sige, pag-iisipan ko ang mga bagay na  iyan, sasabihan na lang kita." si Tita Mely. Natutuwa akong nagpasalamat sa kanya.

Agad naman akong bumalik sa ward upang sabihin kay nanay ang mga balak ko. Wala na rin siyang nagawa kundi ang pumayag kahit halata sa kanya ang pagtutol.

Limang araw  na ang lumipas nang ma discharge si nanay sa ospital.  Ako na ang nag-aalaga at nagbabantay sa kanya sa bahay.

Isang gabi, palabas ako ng bahay para bumili ng aming hapunan nang bigla akong tawagin ni Tita Mely. Naaalala ko ang mga pinag-usapan namin sa ospital kaya lumapit agad ako sa kanya.

"Rico, desidido ka na ba sa balak mo?" tanong niya nang makapalit ako.
"Opo Tita para na rin sa nanay ko" sagot ko sa kanya. Napansin kong may dinukot siyang papel  sa kanyang bulsa at inabot sa akin. Nang tignan ko, isa pala itong cellphone number.
"Tawagan mo ang number na yan, diyan mo malalaman kung saan ka magtatrabaho." si Tita Mely.
 "Ganun po ba, sige po maraming salamat"
"Walang anuman iho, sige balik na ako sa loob, ang dami ko pang gagawin" si Tita Mely.

Binulsa ko muna ang binmigay niyang papel at naglakad na papuntang karinderya para bumili ng hapunan. Pagkabalik ng bahay, pinaalam ko ito kaagad kay nanay.

"Mabuti pang tawagan mo na agad ang numerong iyan" si nanay habang kumakain kami ng hapunan.
"Sige po pero bukas na siguro, nakakahiya namang tumawag pa ako sa ganitong oras" sagot ko.

Kinabukasan, nang matapos ako sa aking pag-eehersisyo, pati na rin sa mga gawaing- bahay at pagpapainom ng gamot kay nanay, agad akong pumunta sa tindahan para magpaload. Nang pumasok na ang load sa aking cellphone, inumpisahan ko nang tawagan ang numero na nasa papel. Maya-maya isang babae ang sumagot.

"Hello, who's this?" tanong ng babae.
"Im Rico Garcia, pinatawag po ako sa number na ito ni Amelia Monteverde. Confirm ko lang po ung job na nirecommend niya sa akin." sagot ko sa babae.
"Ah so punta ka na lang po sa main office namin on Monday.. Magdala ka po ng iyong resume." sabi ng babae.
"Ok, saan po ba ang office niyo?" isinulat ko naman sa likod ng papel ang exact address na binigay ng babae. Agad na rin akong gumawa ng aking resumeayon na rin sa sinabi niya.

Nang sumapit ang araw ng Lunes, pinuntahan ko na ang binigay na address sa akin. Nagsuot ako ng isang long sleeve polo, black pants at leather shoes. Nang marating ko ang lugar, namangha ako dahil isa pala itong napakataas na building. Papasok na ako sa loob nang may mapansin akong babaeng naka uniporme. Nang makita, nilapitan niya ako.

"Kayo po ba si Mr. Rico Garcia?" tanong ng babae.
"Ako nga po miss" ang casual kong sagot sa kanya.
"Sir ako po yung kausap ninyo sa telepono kahapon, tara na po hinihintay na kayo ni manager sa taas" sabi ng babae. Sinamahan niya akong umakyat sa office nito. Sa 15th floor pala ito.

"Nandito na po tayo Sir Rico" sabi ng babae ng marating na namin ang pintuan ng office ng manager.

"Teka lang po Sir papaalam ko lang ang pagdating ninyo" paalam ng babae sa akin at  pumasok sa loob.

Makalipas ang ilang segundo, lumabas na ulit ang babae. "Sir pasok na daw po kayo. " Tumango lang ako.

Bigla naman akong kinabahan ng mga oras na iyon. Hindi  ko mawari kung bakit. Pero dahil sa pagkadesperado na ring magkatrabaho, lakas-loob na akong tumuloy sa kanyang office.

Nang makapasok, bigla akong napahinto.

Itutuloy. . . . . . . . .


allaboutboyslove.blogspot.com

No comments:

Post a Comment