Thursday, January 24, 2013

Straight FINALE (JAMES' Point of View)

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com
Facebook: www.facebook.com/joemar.ancheta


Kinabukasan ay masayang pumasok ang mga anak ko sa kuwarto ko. Nakaidlip man ako ngunit nasa mahigit isang oras lang. Mabigat man ang katawan kong bumangon sa kama ay kailangan kong gawin dahil gustokong iparamdam sa mga bata at sa pamilya ko na masaya ako kahit naroon ang pangungulila at takot. Kailangan kong makisaya sa kanila. Buong umaga kaming namasyal at kinahapunan ay nagpiknik kami sa Tagaytay gamit ang sasakyan ni kuya. Alam kong ramdam ng pamilya ko ang lungkot sa aking mga mata. Gumuguhit man ang ngiti sa aking labi ngunit naroon ang pait. Minsan nga nawawala ako sa saking sarili na kahit kinakausap ako ay hindi ko sila nasasagot. Naririnig ko sila ngunit hindi ko sila naiintindihan. Nandoon ko physically pero na kay Xian ako mentally at emotionally.

            Ilang araw pa ang nagdaan at tuluyan na akong iginupo ng pangungulila. Ang pagbilang ko ng araw ay naging isang buwan at ang isang buwan ay nadagdagan pa ng isang buwan. Dalawang mahabang buwan na parang unti-unti na akong iginupo ng kawalan. Said man ang aking luha ngunit sobrang pagod na pagod na ang aking isipan. Sa araw-araw na wala akong ganang kumain, kulang sa tulog at laging nakatuon ang utak ko sa aking pagkakamali at ang takot sa maaring mangyari kay Xian ang siyang parang bangungot sa akin gising man o tulog. Unti-unting nahulog ang aking katawan. Pansin na pansin na ng aking pamilya ang pinagdadaanan kong depresyon. Hindi ko na iyon maitago sa kanila. Naapektuhan na din ang mga anak ko. Hindi na alam ni kuya ang kaniyang gagawin at pinipilit na akong tumingin sa kakilala niyang doctor. Ngunit pinipilit kong sarilihin lang ang bigat ng aking dinadala. Hindi man ako ang nasa kalagayan ni Xian ngunit daig ko pa ang nakakulong. Malaya man ang aking katawan ngunit hindi ang aking utak.  Nang tignan ko ang kabuuan ko sa salamin ay para na pala akong tumanda ng ilang taon. Humaba ang aking mga bigote at balbas. Impis ang aking mukha at pumayat na ang dati’y maganda kong pangangatawan. Gustuhin ko mang maging maayos ngunit sa tuwing sinusubukan ko ay parang nananaig pa din sa akin ang katotohanang tuluyan kong ipinahamak ang mahal ko.
Hanggang isang umaga ay tumunog ang aking cellphone. Galing sa Qatar ang tawag. Bumilis ang tibok ng aking puso. Ramdam ko ang lakas ng kabog ng aking dibdib. Number ni Vince. Nasabi ko kasi na kung sakali mang may balita kay Xian ay tatawagan niya ako sa roaming number ko.
“Mas lalong naging magulo ang kaso ni Xian.” simula ni Vince. “Dinala na siya sa Central Prison at hirap kaming makapaghanap ng anong patunay na hindi sa kaniya ang mga drugs na nakuha sa kuwarto ninyo. Iyon kasi ang sobrang nakapagpadiin sa kaso niya. Sana maipaliwanag niya ng mahusay na hindi sa kaniya ang mga shabu na nakuha sa kuwarto ninyo ngunit siya kasi ang naabutan doon. Bago siya inilagak sa Central Prison ay hiniling niya sa akin na pilitin mo daw siyang iwaglit muna sa iyong isipan, harapin mo muna ang dapat harapin diyan at kung hindi niya tuluyang malusutan ito, nagpapasalamat daw siyang nawala na sa puso mo ang galit sa katulad namin at isang tagumpay na ring maituturing sa kaniya na sa kaniyang huling hininga ay alam niyang minahal siya ng taong minahal niya ng totoo sa buong buhay niya. Ipagpasa-Diyos na lang natin ang lahat, James. Basta sundin mo na lang daw lahat ang napag-usapan ninyo at nang pinangako mo sa kaniya noon. Hiling niyang ituloy mo lang ang buhay at sikaping magiging masaya dahil iyon daw ang tanging hangad niya para sa iyo. Sige, James. Tularan mo sana ang katatagan ni Xian. Mag-iingat ka lagi diyan.”

            “Sandali Vince. Hindi na ba siya makakalaya?”
            “Nasa Central prison siya James. Maaring naghihintay siya ng hatol sa habang-buhay na pagkakabilanggo, maaring buhay niya ang kapalit at iuuwi siyang bangkay o maari ding hanggang dalawampung taon siyang magtitiis sa kulungan. Patuloy parin ang paglilitis niya at sana lang mabigyang hustisiya ang kaibigan ko dahil kahit hindi niya aminin sa akin ay alam kong nahihirapan na siya sa kaniyang kalagayan.”
            Pagkatapos kong marinig iyon ay parang napakahirap ko nang huminga. Pinilit kong maglakad-lakad para sana mawala ang pangangatog ng aking tuhod. Bumuhos ang aking luha. Alam kong nakakatulong iyon para mailabas ko ang naiipon sa dibdib kong paghihirap ng kalooban. Kung sana sa minsanang pag-iyak lang ay mawala lahat ang magkakahalong galit ko sa aking sarili, awa kay Xian at sa sobrang pagsisisi ko sa nagawa ko. Gusto kong isigaw ang naipon sakit ng loob at halos hindi na ako makahinga sa tindi ng hagulgol ko. May tumapik sa aking balikat. Nilingon ko, tumayo ako at napayakap ako kay kuya Jinx.
“Nakagagaan ng loob kung sabihin mo na sa akin ang lahat lahat ng bigat sa dibdib mo. Maaring hindi kita matulungan ngunit maaring makababawas sa iyo ang pasan mo ngayon kung sabihin mo ang lahat sa akin. Kahit hindi ka sa akin nagsasabi ay alam kong may mabigat kang dinadala. Ilang buwan ka nang hindi halos kumakain, nangingitim na ang paligid ng mga mata mo dahil siguro kulang ka sa tulog at pahinga at bumagsak na ang katawan mo. Naawa na ako sa ‘yo James.”
“Kilala mo si Xian di ba? Yung bestfriend ko mulang noong elementary ako?” pagsisimula ko.
“Oo naman. Siya yung tumulong at kumuha sa’yo sa Qatar. Napakabait nang taong ‘yun. Bakit anong kinalaman niya dito?”
“Nakakulong siya ngayon dahil sa ginawa ko.” Humahagulgol akong parang paslit. Pilit kong pinupunasan ang luha ko gamit ang laylayan ng aking sando ngunit hindi parin tumitigil ang aking pagluha. Kung sana katulad ng pagpunas lang ng luha sa aking pisngi ang pagpunas din ng mga sakit sa aking dibdib.
“Sige, kahit gaano kahaba iyan, pakikinggan ko. Pag-usapan natin ang lahat at pagkatapos mong mailahad lahat ay siguro naman masabi ko na din ang niloloob ko kung anuman ang gumugulo sa iyo.” puno ng pag-iintinding tinuran ni kuya habang hinahaplos niya ang likod ko.
Lahat ay kinuwento ko sa kaniya mula pagdating ko sa Qatar hanggang sa nakauwi ako ng Pilipinas. Ngunit nang nagsasalita na siya ay parang biglang sandaling tumigil ang tibok ng aking  puso at nanikip ang aking dibdib. Naramdaman kong parang hindi ko na kayang suminghap ng hangin. Umiikot ang paligid ko. Hanggang sa parang hindi ko na kayang balansehin pa ang aking katawan at dumilim ang aking paningin. Kasabay na iyon ng aking pagkatumba ngunit alam kong nagawa ni kuyang alalayan ako. Unti-unting humina sa pandinig ko ang kaniyang mga sigaw. Paulit-ulit niyang isinisigaw ang pangalan ko at ni Vicky para saklolohan kami.
            Binalikan ako ng malay nang nasa hospital na ako. Pagmulat ko sa aking mga mata ay nakita ko si kuya na kausap ang isang doctor. Lumapit sila sa akin. Nakangiti sa akin ang may edad na ngunit guwapong doctor.
            “Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong niya. Lumapit din si kuya at hinaplos niya ang balikat ko.
            “Si Dok Mario. Kaibigan ko. Huwag kang mag-alala naiintindihan niya ang mga pinagdadaanan mo. Pasensiya ka ha, kung naikuwento ko sa kaniya ang pinagdadaanan mo.”
            Naramdaman kong hinawakan ni Dok Mario ang kamay ko. “Dumadaan ka sa matinding stress at depression, James kaya natrigger ang Heart Arrhythmia na siyang dahilan kung bakit ka nagkaroon ng palpitations, nahirapan kang huminga, nahilo at sumikip ang iyong dibdib. Tulad ng naikuwento sa akin ang kuya mo, naiintindihan ko ang bigat ng dinadala mo. Kung gusto mong hindi na lumalala pa ‘yan, iwasan mong ma-stress o kaya ay madepress saka kumain ka ng masustansiya at iwasan mong magpuyat. Bibigyan kita ng reseta ng gamot at sa labas na lamang ninyo bibilhin mamaya.”
            Tinignan ko si kuya. Bigla akong nakaramdam ng hiya sa doctor na kaharap ko. Kay kuya nga nahirapan akong ibahagi sa kaniya ang dinadala ko, ngayon sa estrangherong doktor pa kaya?
“Pinagdaanan ko ang pinagdadaanan mo ngayon. May mga pagsubok talaga sa buhay natin na sadyang kailangan nating harapin. Minsan, may mga bagay talagang kailangang mangyari para lalo nating maintindihan ang kaibahan ng ligaya at lungkot, ng paglaban at pagsuko at ng pagtagumpay at pagkabigo. May mga nangyayaring hindi natin alam kung anong dahilan ngunit sana maisip mong hindi nagtatapos ang buhay sa ilang pagkabigo. Habang tayo’y nabubuhay, hindi din mapigilan ang pagdating ng mga pagsubok pero hindi mo kailangang sumuko sa gitna ng laban dahil marami parin ang umaasa at nagmamahal sa iyo. Wala kang ibang dapat gawin kundi magdasal at ipagpasa-Diyos ang lahat. Magtiwala ka. Kung hindi man ngayon ang panahong maiparamdam mo ang pagmamahal mo kay Xian at kung anuman ang mangyari sa kaniya, masaya siyang makita na hindi nasayang lahat ang mga sakripisyong ginawa niya para sa iyo. Huwag mong sayangin ang kaniyang nasimulan para sa iyo. Tularan mo ang kaniyang katatagan at patuloy mo siyang ipagdasal. Nang nawala si Gerald sa akin, akala ko katapusan na din ng lahat sa akin. Ngunit naisip ko, bakit ko sasayangin ang isinakripisyo niya para sa akin? Kaya niya ginawa ang lahat lahat sa akin para ituloy ko ang buhay ko. Tulad ni Xian, para saan ang isinakripisyo niya ngayon kung sasayangin mo lang ang buhay mo. Iniligtas ka niya sa pagkabilanggo o pagkabitay dahil alam niyang pahahalagahan mo ang buhay mo para sa pamilya mo at lalong lalo na sa mga anak mo. Kung susuko ka din pala, mas lalo mo lang siyang pinahirapan at binigo. Hindi ganitong buhay ang gusto niya para sa’yo James. Hindi niya deserve na suklian mo ang isinakripisyo niya sa unti-unti mong pagpapabaya sa sarili mo. Bibihira ang katulad nina Gerald at Xian at ang tanging hangad lang nila ay maiayos ang buhay natin. Ikaw, may pag-asa pa kayong magkasamang muli, maaring ilang dekada ang bibilangin ngunit ako, iniwan ako ni Gerald, namatay siya na wala akong nagawa kundi tanggapin ang kabiguan, harapin ang buhay ng buong tatag at kailangan kong magtagumpay dahil iyon ang gusto niyang gawin ko kasama ni Bryan na ipinagkatiwala niyang makakasama ko. At hindi ko siya binigo. Sana ganoon ka rin James. Kailangan mong magpakatatag dahil kahit mawala si Xian sa buhay mo, may pamilya ka pang nagmamahal at umaasa sa’yo.”
            Pinasok ng payo ni Dok Mario ang damdamin ko at utak. Naliwanagan ako sa lahat lahat. Lumapit si kuya. Hinawakan din niya ang isang palad ko.
“Kuya ito na ba ang karma ng mga ginawa ko sa iyo?” nangilid muli ang aking luha.
“Wala kang ginawa sa akin para karmahin ka. Nangyayari sa ating lahat na nagmamahal ang pagsubok at nasa sa atin kung paano natin malagpasan iyon. Kapag makausap mo ang mga iba pang kaibigan ko ay lalo mong maintindihan ang sinasabi ko sa’yo. Narito pa kami. Hindi lahat nawala sa iyo. Ito ang gusto ni Xian, ang mabuo mo kami at magiging masaya sa piling namin. Huwag mo naman ipagkait pa sa kaniya iyon lalo pa’t nangako ka. Yung may ari ng resort na pupuntahan natin, sa kaniya mo maririnig ang tunay na bisa at kahalagahan ng pangakong binitiwan sa taong mahal natin. Ayusin mo ang buhay mo. Magpakatatag ka! Kaya mo ‘yan dahil ikaw ang straight- straightan sa ating dalawa.” Humagalpak siya ng tawa at napangiti na din ako. Nakita ko din ang ngiti sa labi ni Dok Mario. Nasa ganoong tagpo kami ng may isa pang pumasok na doctor din.
“Si Dok Bryan nga pala, James. Dok, kapatid ko, si James.” Pagpapakilala ni kuya.
Inilahad ni Dok Bryan ang kaniyang kamay sa akin. Tinanggap ko.
“Magpagaling ka ha?” maikling wika ni Dok Bryan.
Mabilis ang aking naging recovery. Paglabas ko sa hospital ay taglay ko ang tibay ng loob. Alam kong doon muna ako huhugot ng lakas para ipagpatuloy ko ang buhay ko. Tama si Dok Mario, hindi ko dapat sinasayang ang isinakripisyo ni Xian sa akin. Kailangan kong ipagpatuloy ang buhay kahit gaano pa kasakit sa kalooban ang pinagdadaanan ko.

May sinabi si kuya Jinx na resort na kailangan kong mapasyalan sa Cagayan. Ako ang tumatangging i-byahe ang mga bata ngunit mapilit si kuya Jinx na dapat makita ko ang ganda ng lugar para mas magiging mas mabilis ang aking recovery. Para na din daw makilala ko din ang kaniyang mga kaibigan na may ari ng resort na iyon.
Halos sampung oras ang biyahe papunta ng Cagayan kaya nga nagdalawang isip akong doon isama ang mga bata pero pinagbigyan ko na lamang si kuya dahil gusto din naman niyang makita ko ang bayan na kaniyang nasasakupan bilang mayor at ang lugar na kinalakhan ni tatay. Isa pa, nais din muna ni tatay na manirahan muna doon para makalanghap ng presko at malinis na hangin. Sana, kahit sandali ay makuha kong kalimutan ang aking problema na parang naging mantsa na sa aking utak na hindi nga nga matanggal-tanggal.

 Pagkatapos naming nakapagpahinga sa malaking bahay ni Kuya ay dumiretso na kami sa RA Kanlungan Falls Creak Resort. Pagdating namin sa resort ay namangha ako sa ganda ng lugar. Totoo ngang para itong paraiso. Mayroon itong likas na ganda dahil sa maliit na falls ngunit may mga swimming pool na tatlo na nakapaligid doon. May mga nakakalat ding mga bahay-kubo na inaarkila ng mga gustong magpiknik.. May palaisdaan na puwedeng mamingwit. Sa gitna ay may 5 storey building na sa baba ay restaurant at sa taas no’n ay isang hotel. Walang pinapayagang maligo sa falls dahil na-prepreserve daw ang kagandahan nito.
Masayang-masaya na nagtampisaw ang mga anak ko kasama ang dalawang lolo nila sa pool at abala naman si Vicky sa pag-iinit ng mga baon namin. Hindi ko mahanap si kuya kaya naisipan kong puntahan ang malaking puno na sadyang sinadya yatang pabayaan lang ang likas nitong pagyabong. Nabakuran siya pero naakit akong pumasok at umupo doon para makapag-relax kahit sandali lang. Nahiga ako sa damuhan at ipinikit ang aking mga mata.
“Uyy, bawal diyan. Sa amin lang ‘yan.”
Minulat ko ang mga mata ko at nakita ko si kuya na may kasamang dalawang may hitsura kahit halatang may mga edad na din.
“Siya yung kinukuwento ko sa inyong kapatid ko, si James. James, pinapakilala ko ang sinasabi ko sa iyong magkukuwento ng kanilang mga napagdaanan at sa kanila ang resort na ito, tawagin mo na lang silang Kuya Aris at Kuya Rhon.
            Tumayo ako. Nahihiya akong humarap ngunit pasasan di’t magiging kaibigan ko din sila dahil sa ngayon kailangan ko ng mga taong makakausap. Taong makapagbibigay sa akin ng tibay ng loob.
            “Kumusta po.” matipid kong bati kasabay ng matamis kong ngiti sa kanila. Tinanggap ko ang kanilang pakikipagkamay sa akin.
            “Okey lang naman kami ng kuya Aris mo.” Umpisa ni Kuya Rhon. “ Naikuwento ni Mayor Jinx ang tungkol sa inyo ni Xian. Huwag kang mag-alala sa amin ni Aris, dumaan din kami ng hindi mabilang na pagsubok. Mga hindi mo akalaing malalagpasan namin. May mga kailangang isakripisyo’t talikuran para magiging masaya at may mga kailangang harapin, ipaglaban at patunayan dahil sa pag-ibig. Halika ka at bumalik tayong umupo sa silong ng mangga. Alam mo ba  na iyan ang buhay na saksi sa nakaraan namin ni Aris at buong-buo naming ikukuwento sa iyo lahat para may magiging basehan ka kung gaano kahirap magmahal sa katulad mo ng kasarian at kung ano pa ang dapat mong gawin kapag may mga unos na ganito na darating sa buhay natin.”
            “Sa totoo nga po, narinig ko na ang kuwento ninyo kina Kuya Alden at Kuya Jasper. Nakilala ko sila nang minsang nagbakasyon sila sa Qatar.”
            Tumaas ang kilay ni Kuya Rhon. Lumingon kay kuya Jinx.
            “Small world di ba? Nagulat nga ako nang sinabi niya sa akin ‘yan.”
“Matawagan nga ang dalawang ‘yan. Pinagkakalat nila ang kuwento namin na walang pasabi. Anong akala nila sa buhay pag-ibig ko, teleserye na pag-uusapan lang basta-basta?” si Kuya Rhon. Napangiti ako sa biglang inasta niya. Nakapamaywang pa.
“Hindi ba? Bukas na teleserye ang buhay ninyo ni Aris ‘no!” banat din ni kuya.
            “E, wala naman na pala tayong dapat ikuwento pa kasi nga inunahan na tayo nung dalawa.”  Mahinang sagot ni kuya Aris.
            “Ayos lang ho. Mas maganda nga makinig kasi first hand na. Hindi na parang tsismis na lang.” pambawi ko. Lalo pa’t nakita ko yung kagustuhan sana nilang ilahad ang kanilang nakaraan sa akin.
            “Sige, sayang naman ang preparation ko kung di pa uliting ikuwento baka lang may nakaligtaan si Alden.” Pagsisimulang muli ni Kuya Rhon. Umayos ako ng upo at taimtim na nakinig habang salitan sila ni kuya Aris sa pagkukuwento.
Sa kuwento ng pagmamahalan nina kuya Aris at kuya Rhon ay madami akong natutunan. Mas lalong naging bukas ang aking kaisipan. Ramdam ko ang mga sakit na pinagdaanan ni Kuya Aris at ang tibay ng loob niya para magkakaroon ng katuparan ang kaniyang mga pangarap at kahit sa kawalang pag-asa ay pilit niyang ginawa ang nabitiwan niyang pangako kay Rhon. Sobrang napabilib din ako ni Kuya Rhon sa mga isinakrpisyo niya para kay kuya Aris. Dahil sa pride niya ay halos nasira ang kanilang happy ending story at doon ako sobrang nakarelate din. Ngumiti ako, tumawa ngunit mas maraming pigil na pagluha ang naibuhos ko sa kanilang kuwento ngunit sa huli ay nagkaroon ako ng ngiti sa labi para sa kanilang dalawa.
            “Ang gawin mo ngayon ay ituloy mo lang ang buhay. Kung saan man siya ngayon naroroon at kung anuman ang magiging kapalaran ni Xian ay alam mo sa sarili mo na nakaya mong gawin ang pangako mo sa kaniya. Sa tuwing nasasaktan ka, dapat may kapalit na lakas iyon sa iyo para lumaban at magtagumpay. Sa tuwing sa akala mo ay hindi mo na kayanin ang sakit na naipon sa dibdib mo, gumawa ka lang ng alam mong ikasisiya ng taong mahal mo at kung darating ang panahon na magkikita kayong muli ay taas noo mong masabing nagawa mo ang lahat ng gusto niyang gawin mo sa buhay. Kung hindi man magwakas ang kuwento ng pagmamahalan ninyo na magkasama dito sa lupa ay sigurado mong hindi mo siya binigo.” Iyon ang paliwanag ni Kuya Aris. Buo ang pagkakangiti sa akin. Tagos sa puso ko ang bawat salitang kaniyang binitiwan.
            “Salamat po. Kahit papaano nakuluwag sa dibdib ko ang mga sinabi ninyo nina Dok Mario sa akin. Gusto ko pong gawin ang ginawa ni kuya Aris at Dok Mario. Ibuhos ko ang buong panahon ko sa pagpapaunlad sa aking sarili. Itutuloy ko ang buhay ko sa paraang gusto ni Xian hanggang magkita kaming muli. Gawin ko siyang inspirasyon ko.”
            “Tama ‘yan. Kung saan man naroroon si Xian ngayon, magiging masaya siyang magiging maganda ang kinalabasan ng kaniyang isinakripisyo para sa’yo.” sambit ni kuya Rhon
            “Anong binabalak mo ngayon James? Kailangan mo kasi ng mapaglilibangan. Kailangan mong ituon ang iyong oras sa isang kapaki-pakinabang na gawain. Makakatulong iyon sa iyong pagsisimulang muli.” Tanong ni Kuya Aris sa akin.
            “Gusto ko nga ho sanang magnegosyo.”
            “Negosyo? Naku, kung magtitiwala ka sa akin at dahil kilala naman kami ni Mayor Jinx, taman-tama sana ang negosyong iniisip ko din. Balak ko kasi magpatayo ng isang hotel na may pool diyan sa Tuguegarao. Malaki na din ang naitatabi namin ni Rhon at balak namin na magpatayo sana kaso ang problema nga lang kasi e, mas gusto naming dalawa na dito lang sa paraiso namin kaya hindi namin mabantayan at maasikaso. Si Cgaris naman na anak namin ay hindi din maasikaso ang business dahil sa asawa’t anak niya na allergic yata dito sa probinsiya. Baka lang gusto mo at ipagkatiwala mo ang ipon mo para sa negosyong ito. Ikaw naman ang magpapatakbo at magtitiwala kami sa iyong kakayahan.”
           “Talaga ho?” paninigurado ko. Hindi na ako nagdalawang isip pa sa alok nila. Ngunit alam kong napakalaking halaga ang kailangan. “Maganda nga ‘yan… kaso baka ho akala niyo sobrang laki po ang naitatabi ko.”
            “Naku e’ anong ginagawa ng kuya mo o kami para makahiram tayo sa bangko ng dagdag ng pera mo?”
            Nilingon ko si kuya. “Pumayag ka na.”
            “O, e di paano, business partners?”
            “Opo. Ikinatutuwa ko po.”
            “James pakiusap lang, bata pa kami ni Aris, tanggalin mo ang po at opo mo muna ha? Tama na yung tawagin mo na lang kami ng kuya at pakitanggal na lang ang po dahil ayaw naman naming maramdamang matanda na kung kaharap ka namin, di ba bhie?” sabay akbay ni kuya Rhon kay kuya Aris.
            Nagkasalu-salo kasama sila. Bago natapos ang araw na iyon ay napag-usapan din namin ang itatayo naming business. Ngunit sa mga tawa ko, sa mga ngiti ko at sa bawat proseso ng aking utak, naroon parin sa gitna ang pag-aalala at pagkakamiss ko kay Xian.

            Dumaan ang araw, nasimulan na din namin ang lahat para sa ipapatayo naming hotel. Matrabaho at lagi na akong abala ngunit iyon naman talaga ang kailangan kong gawin. Nakakatulong din iyon para kahit papaano ay maaliw ako. Nakakaramdam parin ako ng lungkot lalo pa’t hindi ko na matawagan pa si Vince ngunit sa tuwing galit ako sa aking sarili dahil sa aking pagkakamali o napapaluha dahil naaalala ko si Xian ay nagawa kong magtrabaho ng magtrabaho. Magplano ng magplano para sa business namin. Siya ang naging sentro ng lahat ng ginagawa ko. Tama si kuya Aris, siya ang magiging inspirasyon ko at kahit hindi niya nakikita ang pagpupursigi ko ay alam kong kinasisiya niya ang lahat ng mga ginagawa ko ngayon.
            Dumaan ang isang buwan… dalawang buwan at sa pangatlong buwan ay tuluyan ng nawala ang pag-asa ko. Hinanda ko na din ang sarili kong hindi na nga magkakaroon pa ng masayang pagwawakas ang sa aming dalawa. Sa tuwing tinatamaan ako ng kawalang pag-asa ay pilit kong pinapasok sa utak ko ang lahat ng sinabi sa akin nina kuya Jinx, Dok Mario, kuya Rhon at Kuya Aris ngunit paano nga ba tuluyang wakasan ng mga pangaral na iyon ang tunay na nararamdaman ng pusong nangungulila? Sa gabing mag-isa ako ay lagi parin siyang laman ng aking panaginip. Ang sobrang ikinasasama ng loob ko ay iyong parang tuluyan ng pinaglayo kami ng mundo. Hindi ko alam kung paano ako makakuha ng balita tungkol sa kaniya. Internet, celphone at newspaper… lahat ay nasubukan ko na ngunit sadyang mailap ang pagkakataong makabalita ako ng tungkol kay Xian. Umiiyak parin ako. Nagsisisigaw pa din ako sa tuwing hindi ko makayanan ang lahat. Sa buong maghapon ay abala parin ako sahotel na pinapatayo namin. Sa umaga ay nagiging responsable parin naman akong ama para sa mga anak ko at sa buong pamilya ko. Ini-enrol ko na lang kasi ang mga anak ko sa Tuguegarao para mabantayan sila at tanging si Vicky na lang ang nasa dati naming bahay. Bago matulog ay sinisikap kong mabuhay ng normal para hindi isipin ng mga anak ko na nalulungkot parin ako. Nagagawa ko ng tumawa kahit hindi iyon bukal sa aking kalooban. Ngunit hindi na yata naging tahimik ang puso ko. Hindi parin naging buo ang saya ko.
            Isang araw ay nakatanggap ako ng tawag kay Vince. Naginginig ako ng sagutin iyon. Kahit alam kong hindi maganda ang aking malalaman ay umasa pa din ako sa magandang balita.
            “Pasensiya ka na kung ngayon lang ako uli nakatawag James. Busy sa trabaho at sa kaso ni Xian.”
            “Ayos lang ‘yun. Anong balita sa kaniya?” inihanda ko ang aking sarili sa sagot niya sa akin.
            “Nahatulan na siya ng habambuhay na pagkakakulong, James.”
            Naginginig ako. Kahit sabihang inihanda ko ang aking sariling marinig ang pinaka-worst na mangyari sa kaniya ay parang hindi ko parin nakayanan ang balitang iyon. Natuyo ang aking lalamunan. Gustuhin ko mang sumagot ay walang boses na lumalabas sa aking labi.
            “Kailangan mong magpakatatag James. Huwag kang mapagod magdasal. May himala parin ang Diyos.”
            Napaupo ako. Hindi ko na nakayanan ang lahat. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko. Humugot ako ng ilang malalim na hininga. Kahit mahirap ay kailangan kong labanan ang paninikip ng aking dibdib. Humagulgol ako. Magkikita pa kaya kami ni Xian? Ngunit kung habambuhay na siyang makukulong sa Qatar, ibig sabihin sa kabilang buhay na lang kami magtatagpong muli. Ni hindi ko magawang mabisita sa Qatar. May silbi pa ba ang lahat ng aking pagpupursigi?
            Tatlong araw akong nagkulong sa kuwarto ko. Ayaw kong makakita ng liwanag. Inaaway ko na nga din si kuya kung pinipilit niya akong pakainin. Ngunit alam niyang ang mga anak ko ang kahinaan ko.Sa tuwing papasok at magdadala ng pagkain sa kuwarto ko ay isinasama niya ang dalawang bata. Hindi ko kayang nakikita nila akong nalulungkot at hindi kumakain. Ayaw kong maramdaman nila ang naramdaman ko noong nakikita ko si tatay na unti-unti niyang sinisira ang kaniyang buhay. Hindi ko kasi kayang gawin sa kanila ang ginawa ni tatay sa amin noon. Kaya sa tuwing nandiyan sila ay pinipilit kong kumain, pinipilit kong tumawa kahit napakahirap sa aking pekein ang lahat ng iyon.
            Hanggang sa ikaapat na araw ay nagdesisyon akong ituloy ang aking buhay. Mahirap tanggapin ang nangyari kay Xian ngunit muli kong sinariwa sa aking isipan ang mga payo sa akin ng mga kaibigan ni kuya na kaibigan ko na rin. Marami nang tao ang umaasa sa akin. Ayaw kong mabigo si Xian. Hindi ko hahayaang mapunta lang sa wala ang isinasakripisyo niya ngayon sa kulungan.
            Maaga pa lang nang pumunta na ako sa site kung saan pinatatayo ang hotel nang tumunog ang cellphone ko. Si kuya Jinx.
            “Nasaan ka?” agad niyang bungad.
            “Nasa site. Bakit?”
            “Anong araw ngayon?”
            “Sabado?”
            “Ang petsa?”
            “Petsa? Anong petsa ba ngayon?”
            “Happy Birthday brother!”
            “Birthday ko? Oo nga. Birthday ko pala!” naibulalas ko. Hindi ko na namalayan. Sana si Xian ang pinakamagandang regalo ko. Sana makausap ko man lang siya sa telepono. Masaya na akong marinig kahit boses lang niya. Ngunit alam kong imposibleng mangyari na ‘yun. Humugot ako ng malalim na hininga.
            “Mamayang hapon diretso ka sa Kanlungan Resort ha. Ipaghahanda ka namin. Ngunit mamayang tanghali sa bahay ka muna dahil hinihintay ka nina tatay at lolo pati mga bata. Ang aga mong umalis. Isusurprise ka dapat ng mga anak mo. Pagbukas nila sa kuwarto mo wala ka na kaya sila na lang daw magblow ng candle ng cake mo. Kawawa naman sila, pinaghandaan pa naman nila.”
            “Ganun ba? Hindi bale, sabihan mo na lang sila na kunyari i-surprise nila ako mamaya tanghali pag-uwi ko at kunyari surprise din ako.”
            “Sige. Umuwi ka ng maaga-aga. Sabadong- sabado nasa site? Kaloka!”
            Nagsalo-salo kami sa tanghalian kasama ang pamilya ko maliban kay Vicky na nasa Manila pa. Masayang masaya naman ang mga anak ko dahil napaniwala ko silang surprise na surprise ako sa kanila. Ito ang kagustuhan ni Xian. Ang makita niyang masaya ako. Hindi ko siya bibiguin. Para sa kaniya ang lahat ng ito kahit mahirap pa sa aking kalooban.

Gabi na nang dumating ako sa resort. Maganda ang buong paligid ng resort sa gabi dahil sa iba’t ibang kulay ng ilaw. Nagulat ako nang makita ko si Vicky doon samantalang nasa Manila siya. Anong ginagawa niya dito at di man lang dumaan sa bahay? Niyakap niya ako ng mahigpit sabay bati ng “Happy Birthday sa akin.Naroon na din si kuya Jinx na tawag ng tawag kanina kung anong oras ako darating. Biglang naging atat naman yata siya. Lahat sila ay napakaluwang ng kanilang mga ngiti. Kaliwa’t kanan ang kanilang pagbati. Sinusuklian ko naman ng yakap at ngiti. Naroon silang lahat. Si Dok Mario, dok Bryan, si Kuya Aris at Kuya Rhon. Ngunit wala akong cake. Napangiti ako. Naghanap talaga ako ng cake. Ano ako bata? Pero kung alam ko lang na walang cake dumaan ako ng sarili kong cake.
“James, halika!” tawag ni kuya sa akin habang kausap ko si Vicky.
“Ipakilala ko sa’yo ang alamat ng ganda. Si kuya Terence mo.”
“Hi po.” Sagot ko at inabot ang kamay ni kuya Terence.
“Nice meeting you, James. Happy Birthday.” Iniabot niya ang regalo niya sa akin. “Bakit naman alamat ng ganda ang intro aber?” buwelta niya kay kuya Jinx.
“Di ba nga dahil diyan sa retokadang ganda na ‘yan ay nabingwit mo itong si papa Lando?”
“Excuse me. Kahit noong chakka pa ako minahal na ako niyan ‘no. Ikaw nga, maganda ka nga pero anyare?” banat ni kuya Terence.
“Psst! Tama na nga ‘yan. Lando pala James.” Inilahad ni kuya Lando ang kaniyang palad sa akin. “Masanay ka na sa dalawang ‘yan. Sila ang laging nagbabangayan.”
Tinanggap ko ang kamay ni kuya Lando.  “Masaya akong makitang nakangiti ka na ngayon. Sana tuluy-tuloy na ang recovery mo.” Pagpapatuloy niya.
Napangiti ako. May iba pa bang naiiwang bisita dito na hindi alam ang pinagdadaanan ko? Lahat yata sila alam na nila ang buhay ko. Pero sila nga, hindi ko pa nakikilala si Kuya Terence at Kuya Lando ay alam ko na ang buhay nila. Tama nga si Kuya Jasper. Nakita ko sa personalidad ni Kuya Lando ang personalidad ko. Parehong-pareho kami ng kilos, tindig at pananalita.
Nasa ganoon kaming kasiyahan at pag-uusap nang may dumating na sasakyan ng mga pulis. Kinabahan ako. Tinted ang loob ng sasakyan pero nakita kong may dalawang pulis ang bumaba doon. Pinakalma ko ang aking sarili. Maaring kakilala lang sila ng kuya ko na mayor o kaya ang may ari ng resort na sina Kuya Aris at Kuya Rhon. Ngunit sa akin sila nakatingin. Dire-diretso nila akong pinuntahan. Nanlamig ang mga kamay ko.
“Ikaw ba si James Reyes?” tanong ng isang pulis.
“Ako nga ho.” Nanginginig na ang tuhod ko.
“Hinuli ka naming dahil pinaghahanap ka ng bansang Qatar sa isang tinakasang kasalanan. Kailangan mong harapin ang kasalanang iyon at ibalik sa kanilang bansa para panagutan ang iyong pagkakamali.”
Parang binuhusan ako ng malamig na tubig. Nanginginig na ang buo kong katawan. Lahat ng naroon ay nakatingin sa amin. Lumapit si kuya Jinx. Hinawakan niya braso ko.
“May warrant of arrest ba kayong dala?”
Inapuhap ng pulis ang isang papel sa kaniyang bulsa at inaabot niya kay kuya Jinx. Binasa iyon ni kuya saka malungkot ang kaniyang mga matang tumingin sa akin. Yumuko.
Ang isang pulis ay mabilis niyang kinuha ang kamay ko at pinosasan habang sinasabi niya ang marinda rights.
 “YOU have the right to remain silent. Any statement you make may be used against you in a court of law in the Philippines. You have the right to have a competent and independent counsel preferably of your own choice. If you cannot afford the services of a counsel, the government will provide you one.”
“Kuya!” nagmamakaawa ako kay kuya.
“May warrant of arrest silang dala, James. Sumama ka na sa kanila at ako na ang bahalang haharap sa kaso mo.”
“Paano ang mga anak ko kuya. Kuya, ayaw kong makulong!” tuluy-tuloy na ang pag-agos ng aking luha. Nakita ko si Vicky na nakatingin lang sa akin. “Vicky, ikaw na ang bahala sa mga anak ko. Kuya, tulungan mo ako! Huwag mo akong pabayaan. Kuya!”
Habang hinihila nila ako sa kanilang sasakyan ay pilit kong humingi ng tulong kay kuya ngunit naroon lang siya at nakamasid sa akin.
“Puwede bang mayakap ko man lamang ang mga kapatid ko bago ninyo ako ikulong? Maaring hindi ko na sila makitang muli. Parang awa niyo na.” Pakiusap ko sa dalawang pulis.
Lumapit si Kuya Jinx at Vicky. Niyakap ko silang dalawa. “Kuya, kung makulong ako sa Qatar, sana gawin mo ang lahat ng paraan para lumaya si Xian. Mabuti ngang ako ang makulong dahil ako ang tunay na may kasalanan basta ipangako mo sa akin na makakalaya siya. Gusto kong makalaya si Xian kuya. Matatahimik ako sa kulungan basta alam kong ligtas at malaya na ang taong pinakamamahal ko.” Humihikbi na ako. Nakita kong nalulungkot ang mga mukha ng mga iba pang naroon.
“Pangako ‘yan. Sige na. Sumama ka na. Gagawin ko ang lahat para mabilis ang iyong kaso at makakalaya si Xian.”
“Vicky, ikaw na ang bahala sa mga bata. Sana makikita ko pa silang muli. Sana makasama ko pa sila. Kuya, sana maipaliwanag mo sa mga bata ng maayos ito.” Sumisikip na ang aking dibdib.
“Tara na ho, sir!” hila sa akin ng isang pulis. Binuksan ng pulis ang pintuan ng kanilang sasakyan at nang papasok na sana ako ay isang nakasinding kandila na may kasamang cake ang bumungad sa akin. Nagulat ako.
            “Happy Birthday!”  bati ng nakahawak sa cake. Hindi ko mamukhaan dahil nakasumbrero ito at tago ang mukha  May ibang dating sa akin ang boses niya. Alam ko kung kanino ang boses na iyon at biglang pumailanlang ang “Because of you” ni Keith Martin. Alam kong paborito iyon ni Xian. At iyon ang lagi niyang pinapatugtog sa celphone niya.  Halos lahat ng mga bisita ko ay sumigaw ng surprise. Pati ang dalawang pulis ay nakisigaw din. Mabilis na tinanggal ng pulis ang nilagay niyang posas sa kamay ko.
            Daglian kong tinanggal ang sombrero ng lalaki. Nabigla ako. Hindi ako nakapagsalita na parang panaginip lang lahat. Bumaba siya. “Surprise! Blow your candle! Happy Birthday!”
            Ngunit hindi ko magawang i-blow ang kandila. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Mabilis na kinuha ng pulis ang cake mula sa mga kamay ni Xian.
            “Hindi mo lang ba ako yayakapin?” tinaas niya ang mga kamay at nakangiti siya sa akin.
            “Oh my God! Totoo ka? Totoo ba ito? God! Oh my God!” paulit-ulit ko lang na nasasambit. Mabilis ko siyang niyakap at niyakap din niya ako. Noong yakap ko siya ay sigurado akong hindi lang ako pinaglalaruan ng aking mga panaginip. Totoong siya ang yakap ko. Muling tumulo ang aking mga luha ngunit iyon na talaga ang sinasabi nilang “tears of joy.”

If ever you wondered if you touched my soul yes you do
Since I met you I'm not the same
You bring life to everything I do
Just the way you say hello
With one touch I can't let go
Never thought I'd fall in love with you...

            Sinasabayan ng mga bisita ko ang kanta. Lahat sila ay nakatingin sa aming at pumapalakpak.

Because of you, my life has changed, thank you for the love and joy you bring
Because of you, I feel no shame, I'll tell the world it's because of you.

Nangangatog ang aking mga tuhod. Nanlalamig ang aking mga kamay. Hinanap ng aking labi ang kaniyang mga labi at nang magtagpo ang aming labi at hawak na niya ang aking kamay ay muli akong bumalik sa aking katinuan. Paulit-ulit na sinisigaw ng utak ko ang pasasalamat sa Diyos. 
Sometimes I get lonely and all I gotta do is think of you
You captured something inside of me
You make all of my dreams come true
It's not enough that you love me for me
You reached inside and touched me eternally
I love you best explains how I feel for you...

Pagpapatuloy ng kanta. Naluluha na ang lahat habang nakatingin sa amin. Siya man ay nakita ko ang kaniyang pagluha. Umiiyak kaming dalawa sa kaligayahan. Pinunasan ko ang luha niya gamit ang aking mga kamay. Sabay sabing… Mahal na mahal kita! Sobrang mahal na mahal kita. Ikaw ang nagpapatibay sa akin para ituloy ang laban!
“Ako din. Sa tuwing nalulungkot ako at nawawalan na ng pag-asang makalaya ay ikaw ang hinihugutan ko ng lakas. Hindi ako dapat sumuko dahil alam kong naghihintay ka sa pagbabalik ko. Mahal na mahal kita, James!
The magic in your eyes
True love I can't deny
When you hold me I just lose control
I want you to know that I'm never letting go
You mean so much to me I want the world to see,
It's because of you

“Blow the candle! Blow!” Sigaw ng mga bisita kong naroon.
Tinignan ko sila. Bago ko inihipan ang kandila ay hinila ko si kuya sa tabi ko! “Magaling ka din palang actor ano! Pinaniwala mo ako sa acting mo! Dapat pala hindi ka lang mayor, dapat mag-artista ka na din.”
 “At ikaw! Mag-usap tayo mamaya ha!” tinuro ko si Vicky na kanina pa din napapaluha sa saya.
“Kuya James, ako nga po pala si Cgaris!” pakilala ng isang pulis sa sarili niya. “Napag-utusan lang po nina Dad, Daddy at Mayor.”
“Ako po si jay-ar, anak ho ako nina Daddy Terence at Daddy Lando! Pasensiya na ho kayo. Happy Birthday kuya!” bati ng isang pang pulis sa akin. Tinignan ko ang kanilang mga magulang. Nakita ko kung paano sila natuwa sa kanilang pinagplanuhang sorpresa.
“Nakabawi din ako! Yes!” malakas na sigaw ni Kuya Rhon. Palakpakan at nagtawanan ang lahat.
Pagka-blow ko sa kandila ng aking birthday Cake ay nagsibalikan na sila sa table ng mga pagkain. Naiwan kami doon ni Xian. Marami pa muna kaming pag-uusapan.
            “Paanong? …Bakit?…” madami akong gustong tanungin ngunit nilagay niya ang hintuturo niya sa gitna ng aking mga labi. Kinuha niya ang kamay ko at tinungo namin ang upuan sa silong ng isang lamaking punong mangga. Umupo siya at sumandig sa puno. Pinaupo niya ako sa gitna ng kaniyang mga hita. Para akong batang sumunod isinandig niya ang ulo ko sa kaniyang balikat. Niyakap niya ako at hinawakan niya ang aking mga kamay.
            “Hindi bulag ang hustisya sa Qatar  mahal ko. Pagmamahal mo din ang naging lakas ko para lumaban. Bago nila hinanap ang Christian Santos, may mga nahuli na pala silang mga Qatari na gumagamit ng drugs. Nang magkaharap-harap kami ng mga nahuling iyon, wala ni isa sa kanila ang nagturo na ako ang pinanggagalingan ng binibili nila. Dalawang araw bago ka umuwi, nahuli ang boss mo na siyang nagrecruit sa iyo at naging mabuti ang pagkakataon sa akin ng hindi ako isa sa mga ikinanta niyang kasabwat niya. Siya din ang nagpaliwanag ang tungkol sa paggamit mo ng pangalan ko at nang pagkakasama natin sa iisang kuwarto. Ngunit dahil mas nangangailangan sila ng iba pang makapagpapatunay na hindi nga ako kasabwat at may kasama nga ako sa kuwarto kaya tumagal ng tumagal ang imbestigasyon nila. Mabuti nga at nakauwi ka na noon. Matagal ang pag-usad ng kaso. Higit anim na buwan din pala ako sa kulungan. Ang naging hatol sa akin ay deportation. Mula kulungan diniretso na ako sa airport. Si Vince ang sinabihan kong aayos sa lahat ng aking mga gamit at naipong pera na ipadala dito sa Pilipinas. Mabuti na lang mahal ko at sa Qatar tayo. Paano na lang kaya kung sa Saudi tayo? Di bangkay na ako ngayong pinaglalamayan ninyo?” sabay iyon ng mahina niyang tawa.  
            “Akala ko… kasi naman si Vince…”
            “Naku nagpapaniwala ka dun e masakit ang loob nun sa iyo dahil sa nangyari sa akin.”
            “E, bakit hindi mo ako tinawagan nang nakalaya ka na at hindi ako nag-alala sa iyo?”
            “Wala na talagang pagkakataon. Gusto ko i-surprise kita.”
            “Pano ka nakapunta dito sa Resort na ito?”
            “Naku dami talagang tanong. Pumunta ako sa bahay ninyo at si Vicky ang nandoon. Dapat noong isang araw pa kita i-surprise pero ang kuya mo ang nagsabing itaon na lamang sa mismong birthday mo ang pagkikita natin para mas may impact daw. Dahil gusto kong masurprise kita kaya si kuya Jinx  ang hinayaan kong magplano sa lahat. Ang hirap maghintay kahit dalawang araw lang. sobrang excited na kasi talaga akong makita ka. Si kuya Jinx din nagsabi tungkol sa mga pinagkakaabalahan mo ngayon at huwag mo ng ituloy ang pag-utang sa bangko dahil may pera naman tayo para diyan sa business natin. Payag naman akong kahati natin sina kuya Aris at kuya Rhon sa negosyo. Gusto ko sila. Tuwan-tuwa ako sa kanila. Sila din ang kasamang nag-set ng lahat ng ito.”
            “Paano mo sila nakilala?”
            “Daming tanong talaga, grabe. Gusto mo bang malaman din kung anu-ano yung mga pangalan ng lugar na dinaanan naming papunta dito, kung ano mga kinain ko sa daan, kung ano ang pangalan ng gasoline boys na nagkarga sa kotse ko?”
            Napangiti na lang ako. Humarap ako sa kaniya at niyakap. Buong tamis kong hinalikan sa labi. Tinitigan ko siya. Ngumiti ako…totoong ngiti na iyon, wala ng lungkot at tuluyan ng nabura ang sakit ng loob.
            “Tara na at naghihintay na sila doon.” Yakag niya sa akin
            Hawak kamay kaming bumalik sa mga naghihintay sa amin. Nagpalakpakan sina Vicky, kuya Jinx, kuya Rhon at kuya Aris, Dok Mario at Dok Bryan, Kuya Terence at Kuya Lando, kasama din sina Cgaris at Jay-ar na pinanindigan na talaga ang suot nilang pampulis. Masayang-masaya ang lahat. Ngunit wala ni isa sa kanila ang makakapantay sa ligayang nararamdaman ko. Alam kong ganoon din si Xian na hindi ko mabitiwan kahit saan siya pupunta. Natatakot kasi akong muli siyang malayo sa akin.
Alam kong ang pagkakahawak-kamay namin ni Xian ay hindi na muli pang paghihiwalayin ng kahit anong darating na pagsubok. Pipilitin kong mamalagi ang mga ngiti namin sa aming mga labi hanggang sa pagtanda. Gusto kong siya ang tanging makakasama ko habang-buhay at kahit ano pang sabihin ng ibang tao sa akin ay hindi ako makikinig. Hindi sila ang nakapgbibigay sa akin ng tunay na saya. Alam kong habang-buhay ay hindi din ako iiwan ng tunay at wagas na pagmamahal ni Xian sa akin. Darating ang panahong matatanggap din kami ng lipunan. Alam kong maiitindihan din ako ng aking mga anak. At sa kuwento namin nina kuya Rhon at kuya Aris, Dok Mario at Dok Bryan, Kuya Terence at Kuya Lando, alam kong marami pang umaasa sa happy ending sa tulad ng relasyong ganito.

WAKAS

No comments:

Post a Comment