Tuesday, December 25, 2012

Make Me Believe (21)

by: Zildjian

“Okey ka lang ba Ken?” Simpleng katanungan lamang iyon pero hindi ko mabigyan ng kasagutan dahil sa iba’t ibang pakiramdam na bumabalot sa buo kong katauhan.

Matapos ang deklarasyon na nangyari kaninang tanghali nang paunlakan ko si Martin sa imbitasyon nito, ay hindi ko na alam kung anu ang p’wede kong maramdaman o mas tamang sabihing hindi ko na alam kung ano ba talaga ang nararamdaman ko, o dapat kong maramdaman.


Sa lahat ng mga nakakabigla ay ang deklarasyon na ‘ata kanina ni Martin ang pinakanakakabigla sa lahat. Hanggang ngayon ay tumatakbo pa rin sa isip ko ang lahat ng mga sinabi nito na kahit anong pilit kong iwaksi ay hindi ko magawa. Umaalingawngaw pa rin ang mga huling salitang binitawan nito.

“Alam kong marami akong naging pagkakamali sa ‘yo noon, at handa akong itama ang mga pagkakamaling iyon. Alam ko rin na p’wedeng nagbago na nga ang nararamdaman mo sa akin pero handa akong gawin ang lahat para maibalik lang iyon. Call me selfish Ken, but no one, nobody can take away my happiness from me. Again, I’m here to claim you back, by hook or by crook, come high or low waters.”

“May problema ba Ken?” Untag ulit sa akin ni Nhad. Doon lang tuluyang naagaw nito ang atensyon ko mula sa malalim na pag-iisip. Nang maibaling ko ang atensyon ko sa kanya ay nakita ko ang pagtataka at pag-aalala sa mga mata nito.

“Y-Yeah, okey lang ako.” Agad kong binawi ang aking composure.

Lalo namang bumakas ang pagtataka sa mga mata nito. I can’t believe myself. Bakit sobra akong apektado sa mga sinabi sa akin ni Martin kanina? Hindi ba dapat ay baliwalain ko na lang ang mga iyon. I have Nhad, siya na lang dapat ang binibigyan ko ng pansin pero heto’t kaharap ko na siya kung saan-saan pa tumatakbo ang isip ko.

“You don’t seem to look okey to me.” Kapagkuwan ay wika nito sa seryosong tinig at seryosong mukha. “You look bothered. May problema ba? Kanina ko pa napapansin na malalim ang iniisip mo.”

“Ayos lang ako Nhad.” May bahid ko ng pangungumbinsi na sinamahan ko pa ng isang matamis na ngiti. Hindi ko hahayaang masira ng tuluyan ni Martin ang kung anumang meron sa amin ni Nhad. Hindi ko siya hahayaang magtagumpay sa kung anumang kalokohang binabalak niya.

“Sure ka?”

“Mukha ba akong hindi sigurado?” May bahid ng pagbibiro kong sabi.

Sa wakas ay nagawa na rin nitong ngumiti – ang ngiting gustong-gusto ko sa kanya. Nhad loves me at siya ang tanging taong nagtiyaga sa akin. Siya rin ang tanging nagturo sa akin kung papaano ngumiti ulit. Hindi ko hahayaan ang kahit na sinuman na sirain ang relasyon naming, kahit ang taong dati ko pang minahal. Masaya na ako kay Nhad, at nakikita ko ring masaya ito sa akin.

“Basta, kung kailangan mo ng kausap handa pa rin akong making, okey? Alam mo namang ayaw na ayaw kong nakikita kang nalulungkot. I promised you na pasasayahin kita at iyon ang lagi kong gagawin.”

Naantig ako sa mga sinabi nito. He never failed to remind and show me how much he loves me. Walang araw na hindi nito ipinapakita at ipinaparamdam sa akin iyon. Napakas’werte ko na ako pa talaga ang napili nitong mahalin kaya dapat lang na sa kanya ko na lang ibigay ang lahat ng atensyon ko.

Isang napakatamis na ngiti ang isinukli ko sa mga sinabi nito. Siniguro kong sa ngiting iyon maipararamdam ko sa kanya ang tunay na nararamdaman ko.

“Siyanga pala Nhad, sa Friday imbitado tayo ni Chelsa.” Ang wika ko ng maalala ko ang imbitasyon ni Chelsa.

“Yeah, natanggap ko ang text niya. Pinagbantaan pa nga niya ako, eh. Sabi niya hindi niya raw ako mapapatawad kapag hindi ako sumama.”

Natawa naman ako. Hanggang ngayon hindi pa rin ito sanay sa mga kalokohan ni Chelsa. At minsan, nabibigla pa rin ito kapag nagpapakita ng kabaliwan ang isang iyon.

“`Wag mong masayadong bibigyan ng pansin ang mga pagbabanta niya. Ugali na talaga ng demonyitang iyon ang manakot ng mga tao sa piligid niya.” Pareho kaming  napahagikhik sa tinuran ko. Ito ang gusting-gusto ko tuwing kasama ko si Nhad. P`wede kaming makapagk’wentuhan na para bang magkaibigan lang kami. Yung tipong hindi naming kailangang maging sweet palagi. Kontento na kami na may napag-uusapan kami kahit pa man madalas ay puro kalokohan lang ang mga iyon.

“Pero kailangan natin siyang pagbigyan. Malaki rin ang utang na loob ko sa makukulit mong katrabahong iyon. Kung hindi dahil sa mga panunudyo nila sa’yo hindi mo ako sasagutin.”

“Sinagot kita hindi dahil sa mga panunudyo nila kung hindi dahil sa effort mo.” Pagtatama ko naman dito.

“At pagiging mabait at gwapo ko rin.” Dagdag naman nito na muling naging dahilan ng tawanan namin.

“Ang sweet niyo naman.” Biglang nawala ang nakaguhit na ngiti sa mukha ko ng makita ko ang taong nagsalita. Marahil sa sa sobrang pagkawili ko sa kulitan namin ni Nhad ay hindi ko napansin ang paglapit nito.

“M-Matt?”

“Having dinner together? How sweet.” Hindi ko alam pero may natunugan akong sarcasm sa boses nito, isama mo pa ang nakakunot nitong mukha habang sa akin nakatingin.

Siguro, tulad ko ay nabigla rin si Nhad, hindi rin kasi ito nakapagsalita agad.

“Narito ka lang pala. I told you to wait for me inside my –– oh, kaya pala.” Ang wika ng isang lalaking lumapit din sa mesa namin. Panandalian lang itong sinulyapan ni Martin at muli ako nitong hinarap.

“Enjoying your date?”

“Ah..” C’mon Ken, ito na ang pagkakataon mong ipakita sa kanya na hindi ka apektado sa mga sinabi niya kanina. “Yeah, very much.” Ipinagpapasalamat ko na lang na nakipag-cooperate naman sa akin ang boses ko.

Bumaling ito kay Nhad at tinanguan niya ito marahil ay iyon ang paraan niya ng pagbati. Tinugon naman iyon ni Nhad ng isa ring tango at nang ibaling nito sa akin ang kanyang atensyon ay nakaguhit na ang ngiti sa mukha nito pero hindi umabot ang ngiting iyon sa kanyang mga mata. Halatang pilit lang itong nagpapakapormal.

Tumango-tango ito at binalingan ang lalaking lumapit din sa amin.

“Pinsan, meet Kenneth, siya ang sinasabi ko sa iyo. Ken, this is my cousin Claude Samaneigo he owns this restaurant.”

Pormal na nakipag-kamay sa akin ang taong nagngangalan palang Claude. Doon ko lang nabigyan ng pansin ang mukha nito at masasabi kong marami silang pagkakapareho ni Martin, isa na roon ay ang kanilang Chocolate brown na mata. But unlike Martin, Claude’s eyes were glowing with happiness habang si Martin ay kahit nakangiti walang kinang ang mga mata nito. Halatang pilit iyon.

“Finally we’ve met.” Masayang wika nito. “Pero gusto kong itama ang sinabi ng pinsan ko. I don’t own this humble restaurant. Isa lamang akong hamak na sugo rito ng magaling kong asawa dahil busy siya ngayon sa kanyang new found hobby.”

Bumaling ito kay Nhad na mataman lang na nakamasid.

“Small world huh? Kamusta na Leonard?”

“Magkakilala kayo?” Ang magkasabay na wika namin ni Martin na punong-puno ng pagtataka. Ang pinsan na mismo nito ang sumagot sa katanungan namin.

“Pinsan niya ang bestfriend ng asawa ko.” He said, extending his hand to Nhad.

Kinamayan naman ito ni Nhad na nakangiti.

“Kuya Claude.”

Muli nitong binigyan ng sulyap si Matt bago bumaling sa akin na may ngiting punong-puno ng ibig sabihin.

“Masaya ito.” Makahulugan nitong wika habang hindi pa rin nawawala ang ngiti nito. “Anyway, mukhang naaabala na namin kayo. Enjoy your dinner na lang. Tara na pinsan marami pa tayong pag-uusapan.” Saka inakbayan nito si Martin at iginiya papalayo sa amin.

“Small world.” Sa sinabi nito ay napatingin ako kay Nhad na sinundan pala ng tingin ang magpinsan. “Who would have thought na ang bestfriend mo at ang lalaking dahilan ng pagiging heartbroken ng dalawang pinsan ko ay magpinsan.”

“Mapaglaro talaga ang tadhana.” Pagsang-ayon ko naman pero wala na roon ang isip ko kung hindi na kay Matt at ang huling tinging ibinigay nito bago tuluyang umalis kanina na kung tama ang hinala ko ay panghihinayang.

Ipinagpatuloy namin ni Nhad ang dinner namin. Mabuti na lang at hindi na nito muli pang napansin ang panaka-naka kong pananahimik. Nang matapos kami, ay nagpaalam muna akong pupunta ng restroom, nagbabakasakaling sa pamamagitan ng paghihilamos ay mawawala ang lahat ng bumabagabag sa akin. Kanina lang ay nasabi kong kaya kong baliwalain lahat ng mga sinabi sa akin ni Martin pero nang makita ko ang panghihinayang sa mga mata nito kanina, ay hindi ko mapigilang hindi mabagabag.

Alam kong hindi na tama na ibang tao ang umuukupa sa aking isipan, dahil may Nhad na ako. Ayaw kong paniwalaan ang lahat hindi dahil sa ayaw ko, kung hindi dahil hindi na dapat. Ayaw kong makasakit dahil alam ko kung ano ang pakiramdam ng nasasaktan. Sadya nga ‘atang pinaglalaruan ako ng tadhana, kung kailan ayos na ang lahat ay heto’t may bago na naman siyang paraan para guluhin ang mundo ko at gawing komplikado ito.

“Hindi ko inaasahan na kilala pala ng pinsan ko ang Nhad na ‘yon.” Halos mapatalon ako sa sobrang pagkabigla ng malingunan ko si Martin na nakahalukipkip sa may pintuan ng comfort room ng naturang restaurant. “But that doesn’t change my plan. Hindi mababago ng pagkakaibigan nila ni kuya Claude ang plano kong agawin ka sa kanya.”

Dahil sa muli na naman nitong ipinaalala ang plano nito ay muli na namang uminit ang ulo ko. Tuluyan na akong nilamon ng inis. Oo naiinis ako dahil pakiramdam ko ay laro lang ang lahat sa kanya at baliwala sa kanya kung masasaktan niya ako basta makuha lang niya ang gusto niya.

“Bakit mo ba ginagawa ito?”

“Wala pa akong ginagawa Kenotz.” Pagtatama nito. Oo nga naman, wala pa siyang ginagawa pero nagulo na niya ang utak ko. Ano pa kaya kung kumilos na ito. Kaya siguro ganito na lang ang inis na nararamdaman ko ngayon dahil hindi ko matanggap na sa simpleng pagpapakita nito sa akin ay magugulo na ang lahat.

“Look Matt, hindi ko alam kung ano ang plano mo pero hindi na ako natutuwa samga pinaggagagawa mo.”

“I already told you about my plan at hindi na rin ako natutuwa sa ginagawa mong pakikipaglandian sa Nhad na ‘yon.”

“Landian? Hindi ako nakikipaglandian kay Nhad, boyfriend ko siya at normal lang sa relasyon namin ang kumain sa labas. Teka, bakit ba ako nagpapaliwanag sa ‘yo? Ano ba kasi ang gusto mo? Bumalik ka lang ba rito para guluhin ako?”

“Ikaw ang gusto ko at hindi ako bumalik para guluhin ka. As I’ve said, I’m here to take back what truly belongs to me.”

Ngali-ngaling ibinato ko sa kanya ang panyong ginamit kong pamunas sa mukha ko. How could he act so cool and irritate me this much, habang ako ay heto’t gusto ng maiyak sa sobrang pagkapikon. Pero hindi, hindi ko siya hahayaang manalo sa kung anumang trip niya.

“Hindi na kita gusto.” Matatag kong sabi. “Si Nhad na ang gusto ko at masaya na ako sa kanya.”

Mukha namang tinamaan ito sa sinabi ko dahil natigilan ito at biglang nangunot ang noo. Pansamantalang nawala ang pagiging kalmante nito, pero agad rin nitong naibalik sa dating composure ang sarili at ngumiti ng nakakaloko.

“Not a problem. Kung no’ng wala pa akong ginagawa ay napaibig na kita. Ano pa kaya kung may gawin na ako di ba? Besides, alam kong mas sasaya ka sa akin.” Akmang lalabas na ito ng CR nang tumigil ito at bumaling ulit sa akin.

“Siyanga pala Kenotz, bago ko makalimutan. This will be the last time na papayagan kong dumikit sa ‘yo ang lalaking iyon. Good night.” At tuluyan na  itong lumabas ng CR. Naiwan akong napatanga at natulala sa mga sinabi nito.

Martin

“I can’t believe you misis! Nakakatampo ka na, akala ko ba tatlong araw ka lang diyan sa Italy para pag-aralan ang mga luto nila.” Ang narinig kong sentimyento ng pinsan ko. Marahil ay kausap nito ang asawa sa telepono.

“Eh, sino ba naman kasi ang hindi magtatampo, iniwan mo ako rito. Kung alam ko lang na magtatagal ka ng halos isang linggo eh sana pala sumama na lang ako. Nami-miss na kaya kita.”

Hindi ko sukat akalain na ang tigasin kong pinsan ay mapapalambot ng isang Laurence Cervantes. Tama, isang lalaki ang inibig nito at piniling maging katuwang sa buhay. Noong biglaang tipunin nito ang angkan naming, high school pa lang ako n’yon, para sabihin na may taong nagpapatibok na ng puso nito at iyon ay isang lalaki ay talagang nabigla kami. Natural, hindi makapaniwala ang mga magulang ko sa piniling taong mahalin nito, pero wala rin naman silang nagawa dahil sinuportahan iyon ng mga magulang ni Kuya Claude.

Pero hindi na natuloy ang pagpapakilala nito sa amin sa taong minahal niya dahil sa isang insidente. May kumalat na scandal patungkol kay Laurence na naging dahilan ng pag-alis ng bansa ni Kuya Claude. Ngunit nang bumalik ito ng bansa ay nagkabalikan sila at ngayon nga ay mag-asawa na.

“Sus! Gusto mo lang ‘atang tumakas sa akin eh. Hindi mo na ba ako love?”

“Promise? I love you too misis. Umuwi ka na ha, miss na miss na kasi kita.”

Gusto kong matawa sa ka-kornihan ng pinsan ko, ngunit hindi ko naman ito masisisi. Alam kong normal lang sa mga taong tinamaan ni kupido ang maging corny at sa kasamaang-palad, mukhang mapapabilang na ako sa kanila. Nakakatawang isipin na tulad ng pinsan ko ay pinili ko na ring magmahal ng kapwa ko lalaki at ang masama pa ay ang taong minahal ko ay pinapahirapan ako ngayon.

“Kenneth” Ang pangalang dahilan ng palaging pagbilis ng tibok ng puso ko. No’ng huli kaming mag-usap tatlong araw na ang nakakaraan ay alam kong kulang na lang ay isumpa ako nito. Masakit mang aminin pero talaga nga ‘atang nawala na ang pagmamahal nito sa akin. I can’t blame him, kung sana ay nagawa kong matugunan agad ang nararamdaman nito sa akin noon, hindi na sana kami aabot sa puntong ito. Pero tulad ng sabi ng pinsan ko, hindi ko p’wedeng sisihin ang sarili ko. Kenneth was my bestfriend since college. Nasanay ako na magkaibigan lang kami at noong inamin niya sa akin ang damdamin niya ay nabigla ako, nalito at nagalit sa sarili ko for letting him fall for me.

Ayaw kong masira ang pagkakaibigan namin. Siya lang ang tanging taong umintindi sa akin no’ng mga panahon na may problema ako sa mga magulang ko. Siya ang naging sandigan at takbuhan ko no’ng mga panahon na pakiramdam ko ay nag-iisa ako. Natakot ako, hindi para sa sarili ko kung hindi para sa kanya na baka masaktan ko lang siya.

But everything’s changed no’ng dumating si Nhad. Doon gumulo ang tamihik na mundo namin ng bestfriend ko, the moment na nakita ko sila ni Kenneth na masayang kumakain sa restaurant na pag-aari ng pinsan ko ay doon tuluyang umusbong ang kakaibang damdamin sa akin. Nagselos ako, pakiramdam ko ay ginago ako ng mundo. Ikinatakot ko ang lahat, I was under confusion sa tunay kong nararamdaman kung dahil lang ba sa nasanay ako na ako lang ang tanging taong nakakapagpasaya kay Ken o dahil may iba na akong nararamdaman sa kanya. At dahil doon ay nasaktan ko ang taong pinakaimportante sa buhay ko.

Nakita ko kung papaano gumuhit ang sakit sa mga mata ni Ken no’ng maabutan niya kaming nagkakasayahan ng mga katrabaho ko sa apartment, and worst nang makita niya ang babaeng ikinama ko. When I realized I was jealous seeing Ken happy with another guy hindi ko maiwasang pagdudahan ang sexual preference ko dahilan para makagawa ako ng isang bagay na makakasakit sa kanya.

Kinain ako ng guilt, selos at confusion ko at dahil doon nagdesisyon akong lumayo para maiwasan ko siyang masaktan, hindi para tuluyang takasan ang problema naming dalawa. Because I know, I have to weigh things out. Kailangan ko munang malaman kung ano ba talaga sa akin si Kenneth; a friend or a lover.

Pero mukhang hindi magiging madali ang lahat, may Nhad na sa buhay nito at base sa mga nakalap kong impormasyon, mabait na nobyo si Nhad at mahal na mahal nito si Kenneth. Ngunit alam kong may nararamdaman pa rin sa akin si ken, at iyon ang panghahawakan ko. Nangako ako bago bumalik na hinding-hindi ako susuko. Na ipaglalaban ko ngayon ang isang bagay na hindi ko nagawang ipaglabaan noon, at iyon ay ang pagmamahal ko para sa kanya.

“Oh pinsan, kanina ka pa ba riyan?” Basag ni Kuya Claude sa akin. Tapos na siguro itong makipaglampungan sa misis niya.

“Medyo.”

“Masama na naman ang timpla mo ah, iniwasan ka na naman ba ulit ng irog mo?” Ngingisi-ngisi nitong wika.

Ang huling pag-uusap namin ni Ken ay no’ng magdinner ito kasama ang Nhad na iyon sa restaurant ng pinsan ko tatlong araw na ang nakalilipas. At simula noon ay pilit na akong iniiwasan ni Kenneth. Ni hindi ako nito binibigyan ng pagkakataong makalapit sa kanya.

“Masyado na akong pinapahirapan ng isang iyon.” Nakasimangot kong wika.

“Ikaw naman kasi, imbes na suyuin mo ang tao ay pinaiiral mo ang kaangasan mo. Believe me, hindi mo makukuha ulit ang loob ng isang iyon kung ganyang istilo ang gagamitin mo, been there and done that, at muntik na akong ipabarang ni Lance noon dahil sa istilong ‘yan. ”

Ako man ay hindi ko maintindihan kung bakit imbes na suyuin si Ken ay kabaliktaran pa ang ginagawa ko. Hindi ko kasi maiwasang hindi kabahan kapag kaharap ko ito kaya automatic na umaandar ang pagiging sira-ulo ko.

Napabuntong-hindinga na lang ako sa sobrang frustration. Hindi ko alam na ganito pala kahirap manuyo ng lalaking ubod ng tayog ang depensa. Yeah, alam kong denidepensahan ni Ken ang sarili niya sa akin marahil dahil ayaw na nitong masaktan ulit, isama mo pa ang Nhad na iyon na laging nakabuntot sa kanya.

“You’re hopeless.” Kapagkuwan ay wika ng pinsan ko. “Kailan ka ba kasi matatauhan na wala ka ng babalikan sa Kenneth na iyon. He already have Nhad, at nakikita kong mahal siya nito. Why can’t you just be happy for him?”

“I can’t because I love him and I know he can be much happier with me.”

“Malala ka na  nga.” Napapailing na wika nito. “Hindi porket dahil minahal ka niya noon ay mahal ka pa rin niya hanggang ngayon Martin, your missed your chance, kaya kung ako sa ‘yo itigil mo na ‘yan dahil nagsasayang ka lang ng oras.”

“Matatanggap ko pa kung sasabihin mong baliw na ako, pero hindi ko matatanggap na sasabihin mong wala na akong pag-asa. Alam kong natutulog lang sa puso ni Ken ang nararamdaman niya sa akin at gagawin ko ang lahat para muling buhayin iyon.”

“Paano si Nhad? Kaya mo bang sirain ang relasyon nila para lang sa pansarili mong kaligayahan?”

Napag-isipan ko na rin ang tungkol kay Nhad, wala akong galit na nararamdaman sa kanya kung hindi selos, sa katunayan dapat ko pa ngang ipagpasalamat na binantayan niya si Ken no’ng mga panahon na wala ako.

“Mahal na mahal ko si Kenneth pinsan, nasisiguro ko iyon nang tatlong buwan ko siyang hindi nakita. Gagawin ko ang lahat para maibalik ang pagmamahal niya sa akin. Kung kinakailangan kong lumuhod kay Nhad gagawin ko.”

Napabuntong-hininga ito.

“Mas malala ka pa pala kesa  sa akin.”

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment