Tuesday, December 25, 2012

Make Me Believe (01)

by: Zildjian

 “Malapit na tayo maggraduate ano ba ang balak mo?” Kasalukuyan kaming nasa bahay ng bestfriend kong si Martin. Simula first year college ay naging kaklase ko ito hanggang ngayong fourth year na kami at malapit nang mag-graduate sa kursong Economics.

Una ko itong nakilala no’ng enrolment pa lang at dahil sa medyo may pagka-kalog ito ay agad ko siyang nakasundo. Doon ko rin napag-alaman na pareho pala ang kurso naming kukunin ang pinagkaibahan nga lang ay pinilit lang siya ng mga magulang niya na kunin ang kursong ito samantalang ako ay matagal ko nang pinagplanuhan.


Kahit na naging matalik kaming magkaibigan ni Martin ay may mga bagay parin akong hindi sinabi sa kanya. Tulad nalang ng sexual preference ko. Takot kasi akong lumayo ito sa akin kapag nalaman niya ang tunay kong pagkatao at takot rin ako na baka kumalat ang pinakatatago kong sekreto. Mas gusto ko ang tahimik na buhay at wala akong balak na ipangalandakan sa lahat ang sekswalidad ko.

Naging maganda ang samahan namin ni Martin bilang isang matalik na magkaibigan. Ako ang laging karamay nito tuwing nagkakaproblema ito sa kanyang pamilya. Masyadong controlling ang ina at ama nito sa kanya sabagay dahil parehong professional sa kanya-kanyang field kaya naman gustong gusto ng mga ito na sundan ang mga yapak nila ng kanilang nag-iisang anak.

Subalit iba ang gusto ni Martin. Gusto nito ng malayang buhay, ayaw na ayaw nito na ginagawa siyang puppet kaya ang kinalabasan ay nagiging rebelde at bilang kaibigan nito ako ang laging karamay nito kapag nasasangkot sa kung anu-anong gulo. Ang maganda lang kay Martin ay nakikinig ito sa mga paliwanag ko kaya naman medyo nabawasan na ang pagiging sira-ulo nito.

“Hindi ko pa napag-isipan ang tungkol sa mga bagay na yan. Siguro mag-self review na lang muna ako at kukuha ng eligibility exam ng civil service.” Tugon ko sa kanya na hindi inaalis ang tingin sa hawak kong mga papel na resulta ng feasibility study namin bilang requirements para sa finals namin.

“Masyado ka talagang seryoso sa buhay.” Ang wika nito sabay agaw sa akin ng mga papel na hawak ko. “Magpahinga muna tayo at masakit na ang mata ko.” Dagdag pa nitong wika.

“Puro ka pahinga alalahanin mong next week na ang deadline natin. Kapag wala tayong naipasa paniguradong patay tayo pareho.”

“Wala rin naman akong balak na hindi tapusin ito noh. Nasusuka na ako sa pagmumukha ni Dean gusto ko nang makawala sa kanya.” Wika nito sabay ngisi.

Ako man ay napangisi na rin dahil rumehistro sa isip ko ang imahe ng Dean namin na ubod ng sungit. Trip na trip nitong pansinin si Martin dahil sa lagi nitong tinutulugan ang major subject namin na hawak nito.

“Ikaw naman kasi panay tulog mo sa subject niya kaya ka napag-iinitan. Bawasan mo muna kasi ang pakikipaglampungan mo sa jowa mong parang linta.” Tukoy ko sa girlfriend nitong wala nang ibang ginawa kung hindi ang dumikit at bumuntot sa kanya.

Hindi ko naman masisisi si Zeny kung bakit ayaw na nitong mahiwalay sa bestfriend ko. Bukod kasi sa may kaya ang pamilya nito ay hindi rin pahuhuli si Martin pagdating sa hitsura dahil na rin sa half Chinese ang loko. Purong pinoy ang nanay nito na nakasal sa purong intsik na tatay nito dahil sa isang kasunduan. Ganun naman sa mundo ng mga mayayaman. Hindi rin pahuhuli ang tikas ng katawan nito na alaga sa gym kaya kahit malakas itong lumaklak napapanatili pa rin nito ang magandang hubog ng katawan.

“Isa pang sakit sa ulo ang isang yon. Ayaw maniwalang kasama kita ngayon at abala tayo sa pagtapos ng mga requirements natin kaya nga pinatayan ko na ng cellphone, ang kulit kasi.”

“Bago yan ah! Pinapatayan mo na ng cellphone ang babaeng yon?” May bahid ng panunukso kong sabi.

“Nakakasawa na rin kasi. Alam mo naman na ayaw na ayaw ko ang makitid ang pag-iisip. Puro pagpapaliwanag na nga ang ginagawa ko sa bahay tapos dadagdag pa siya.”

“Masyado mo kasing sinanay kaya ganyan.” Sanay na ako sa himutok nito sa kanyang mga magulang. Sawa na rin ako kapapaliwanag sa kanya kaya di ko na lang pinapansin para narin makaiwas sa kung anumang diskusyon sa sobrang galing nitong mangatwiran.

“Wag na nga nating pag-usapan yan naaasar lang ako lalo.” Pagtatapos nito sa usapan. Ganito naman lagi ito kapag alam nitong hindi ako masyadong interesado sa usapan ay agad nitong tinatapos, isa sa mga nagustohan kong ugali nito. “After graduation daw beach party sabi ni Leslie. Sasama ba tayo o magiging KJ ka na naman?” Dagdag wika nito na may himig ng pang-aasar.

“Depende sa mood ko sa araw na iyon.” Balik pang-aasar ko dito dahilan para batuhin ako nito ng unan na ginantihan ko naman. Ganito talaga kami magkulitan ng bestfriend kong ito.

Natigil lang kami sa sunod-sunod na katok ni mama sa labas ng aking kwarto.

“Masyado na kayong matanda para magkalat. Bumaba na kayo’t kakain na tayo.” Bungad ni mama nang mapagbuksan ko.

“Sige po ma susunod kami.” Nakangisi kong wika dito.

“Tita ano po ba ang ulam ngayon?” Sabat naman ni Martin. Sa halos apat na taon naming pagiging magkaibigan ni Marin ay naging close na ito sa pamilya ko. Dahil sa halos lahat ng oras ay kami lagi ang magkasama.

“Sweet and sour na lapu-lapu alam kong gustong gusto mo ang sabaw nun.” Nakangiti naman nitong tugon kay Martin. Ititnuring na rin kasi ni mama ang bestfriend ko bilang kapamilya.

“Wow! Tara na tita mauna na tayo sa baba.” Wika nito at akmang lalabas na ng kwarto nang pigilan ko ito sa pamamagitan ng paghablot sa damit nito.

“Hep! Saan ka pupunta?” Wika ko dito.

“Kakain na. Sabi ni Tita masama ang pinaghihintay ang grasya di ba tita?” Nakangisi nitong wika na ginantihan naman ng pagngiti ni mama dito at pagtango. Talagang kinonsinte ang kalokohan nitong si loko.

“Hindi ka kakain hanggat di natin nalilinis ang kalat dito sa kwarto.” Wika ko dito na nakakunot ang noo. “Sige ma susunod na lang kami sa baba.”

Wala nang nagawa si Martin kung hindi ang mapakamot na lang sa kanyang ulo at sinimulang ayusin ang mga unan na nagkalat sa baba ng kama dahil sa kalokohan namin. Ako naman ay itinabi ko ang mga papel na tinatapos namin bago kami sabay na bumaba para kumain na nang hapunan.

____________

“Walang kakupas-kupas Tita Joy ang galing mo pa ring magluto. No’ng una kong matikman ang luto nyo na adik agad ako kaya madalas na ako dito sa bahay niyo.” Ang wika ni Martin. Umandar na naman ang pagiging bolero nito at pati ang mama ko ay hindi pinalampas.

“Syempre naman! Oh hala sige kain ka pa ng marami.” Tugon naman ni mama halatang nahulog ito sa pambobola ni loko. “Chester i-abot mo kay kuya Martin mo ang kanin.” Utos nito sa bunso kong kapatid.

Madali talagang mabola ang mama ko. Konting karinyo lang ay bumibigay agad. Marahil ay nakita agad ni Martin ang kahinaan ni mama kaya naman sa halos araw-araw nito sa bahay ay binubusog nito si mama ng mga kung anu-anong papuri.

Two years old pa lang si Chester at eight years old naman ako nang iwan kami ng papa namin. Sumama ito sa ibang babae na nakilala nito sa ibang bansa nang magtrabaho ito doon bilang OFW. Sa murang edad kong yon ay nakita ko kung papaano nasaktan ang mama ko, nagsumikap ito sa buhay para lamang matustusan nito ang pangangailangan naming dalawa ng kapatid ko.

Wonder woman. Yan ang bansag namin ni Chester sa mama namin dahil sa halos ito na ang gumagawa ng lahat ng bagay kapag may mga pasok kaming pareho ng bunso namin.

Hindi naman nabigo si mama sa pagpapalaki niya sa aming dalawa. Maaga kaming natuto ni Chester sa buhay para matulungan namin si mama. Kapag wala kaming pasok ay kami ang gumagawa ng mga gawaing bahay at siya naman ang pinagpapahinga namin. Ito lang kasi ang alam naming paraan para naman masuklian ang kanyang mga sakripisyo para sa aming dalawa.

“Siyanga pala, ano ang balak niyong dalawa after niyo maggraduate?”

“Si Ken tita may balak na pero ako wala pa. Hindi ko pa alam kung ano ang susunod na hakbang ng mga magulang ko.” May bahid ng sarkasmo nitong sabi.

Alam din ni mama ang problema ni Martin sa mga magulang niya dahil minsan kay mama ito nagsusumbong tungkol sa mga hinaing niya sa mga magulang nya.

“Ano ba ang gusto mong gawin?” Ang tanong ni mama rito. Nanatili lang akong nakikinig sa kanilang usapan. Kapag ganitong tungkol na sa pamilya ni Martin ang usapan hinahayaan kong si mama ang kumausap nito dahil si mama lamang ang makakaintindi sa mga hinaing niya.

“Ang makapagdecide sa sarili kong buhay.” Tugon ni Martin dito. “Ang swerte nga ni Ken na kayo po ang mama niya tita eh. Kasi kayo, sinusuportahan nyo po lagi ang gusto nila hindi tulad ng mga magulang ko.”

Kahit gustuhin ko mang tulungan si Marin sa problema nito sa pamilya niya ay di ko magawa hindi ko kasi alam kung papaano. Ni hindi ko pa nga nakikilala o nasisilayan man lang ang mga magulang nito kahit na matagal na kaming magkaibigan.

“Na-subukan mo na bang kausapin ang mama mo about sa mga bagay na yan?” Tanong ni mama sa kanya.

“They said that they only wanted the best for me. Hindi ko iyon maramdaman kaya nga po nagsusumikap akong makapagtapos para kapag may trabaho na ako makakaalis na ako sa puder nila at magagawa ko na ang mga bagay na gusto kong gawin.”

Naiintindihan ko kung bakit hindi na sumagot pa si mama. Ayaw rin siguro nitong palakihin pa ang tampo ni Martin sa mga magulang nito. Ipinagpatuloy na lang namin ang pagkain habang nagkukwentuhan tungkol sa nalalapit naming pagtatapos ng college.

Natapos ang hapunan at muli naming ipinagpatuloy ni Martin ang ginagawa naming feasibility study. Napansin ko na mas lalo itong naging focus sa aming ginagawa. Habang tinitignan ko siya ay hindi ko mapigilang mapangiti. Ang laki na rin kasi ng ipinagbago ni Martin simula ng una ko itong nakilala. Kung noon ay easy-go-lucky lang ito at walang ibang alam kung hindi ang asarin ang iba naming kaklase, ngayon ay masasabi kong nagmature na ito kahit papaano. Alam na nito ang gusto niya sa buhay dahilan para magsumikap itong makapagtapos.

Hindi naman ako santo para hindi tablan sa kakisigang taglay ng bestfriend ko. Magsisinungaling ako kung sabihin kong wala akong nararamdaman sa kanya pero mas pinili kong ibaon sa limot ang kakaibang paghangang iyon dahil sa mas gusto kong magtagal ang relasyon na meron kami at iyon ay bilang isang matalik na magkaibigan.

___________

Dumating ang araw na pinakahihintay naming lahat – ang araw ng graduation namin. Dahil sa pagsusumikap namin ni Martin ay pareho kaming nakagraduate.

“Nakagraduate din tayo Ken.” Magiliw nitong wika. Katatapos lang ng madugong picture-taking ng batch namin.

“Oo nga eh. Sa wakas wala nang kung anu-anong quiz ang bubulaga sa atin araw-araw.” Ang nakangisi ko ring tugon sa kanya.

“At wala nang demanding na professor ang gugulo sa mundo natin araw-araw isama mo pa ang nakakatakot na pagmumukha ni Dean.” Gatong pa nito na ikinatawa naming dalawa.

“Sino na naman ang pinagtri-tripan niyong dalawa?” Wika ni Kim. Isa sa mga ka-batch namin at naging matalik rin naming kaibigan.

“Bawal ang tsismoso masama daw iyon sa bagong graduate.” Basag ni Martin dito.

“Wag kang magpapapaniwala sa alamat tol.” Ganting pang-aasar nito. “Sa makalawa na ang beach party sasama ba kayong dalawa?”

“Syempre sasama kami. Di namin palalampasin ang pagkakataong makita ang ka-sexy-han ni Leslie.” Sa sinabi nito ay napatawa kaming tatlo ng malakas. Kabaliktaran kasi ng salitang sexy ang pigura ni Leslie.

“Kung makapanlait kayo akala nyo ang gaganda ng mga girlfriends niyo.” Singit ni Leslie na nasa likod pala namin.  “Hoy Mr. Medillo kung sasama ka siguraduhin mong hindi mo isasama yung girlfriend mong linta at baka masira ang farewell party natin.”

“Huwag kang mag-alala Les hindi siya kasama dahil wala na kami.” Nakangisi nitong tugon.

Napataas naman ng kilay si Leslie sa kanya habang ako naman ay binigyan siya nang di naniniwalang tingin.

“Kasasabi ko lang bawal ang tsismoso’t tsismosa kapag bagong graduate.” Wika nito. “Text mo lang kami ni Kenotz kung saang beach yan at anong oras para masaya.”

Alam naman naming kahit pilipitin pa namin ang leeg nito hindi ito magsasabi kapag ayaw nito. Iyon ang isa sa mga ugali ni Martin kaya naman hindi ko na ito inusisa pa tungkol sa paghihiwalay nila ng girlfriend niya. Pasasaan ba’t magkukwento rin ito sa akin kung handa na sya, ako lang naman kasi ang tanging taong napagkukwentuhan nito ng lahat-lahat.

Hindi nakapunta si Martin sa konting salo-salo na inihinda sa akin ni mama dahil naghanda rin daw ang mga magulang nito. Napag-usapan na lang namin na susunduin na lang niya ako sa bahay sa araw ng farewell party na ini-organize ng mga ka batch namin.

Naging bisita namin ang mga pinsan ko sa side ni mama pati na rin ang mga kapit-bahay namin. Naging masaya ang buong gabi. Sa sobrang pagod ko dahil sa laging kulang ako ng tulog sa mga nagdaang araw para lang matapos ang lahat ng requirements namin ay maaga akong nakatulog.

Dumating ang araw ng farewell party namin tulad ng napagkasunduan at sinundo nga ako ni Martin pero agad kong napansin ang kakaibang aura nito. Bakas sa mga mata nito na may bumabagabag sa kanya kahit pa man ngumingiti ito nang kausap nito si mama.

Kahit sa biyahe ay hindi ito umiimik halatang may malalim itong iniisip. Dahil na rin sa marami kaming kasabay ay hindi ko ito nagawang tanungin.

Nang makarating kami sa beach resort na napili nina Leslie ay medyo nabawasan ang pagiging seryoso ni Martin. Nakikipagkulitan ito sa mga kaibigan namin hanggang sa dumating na ang gabi ang high-light ng party na iyon.

Pinili namin na sa may bungahinan lang pumuwesto para masilayan namin ang kagandahan ng buwan sa gabing iyon. Nagsimula ang inuman, kulitan, banatan at ligawan. Habang ako ay minamatyagan ang mga kakaibang kinikilos ni Martin sa buong araw na iyon. Hindi kasi ako sanay na nakikita siyang may malalim na iniisip. Kahit kasi maraming problema sa buhay ang bestfriend ko ni minsan ay hindi ito nagpadala, ngayon lang.

“Mga pare at mare sandali lang ha. Usap lang kami nitong bestfriend ko.” Biglang wika ni Martin sabay tayo. Napatingin ako sa kanya at alam ko na sa mga oras na iyon na handa na itong sabihin sa akin ang mga bumabagabag sa kanya. Hindi na ako nagdalawang isip pa, tumayo na rin ako at sinundan ito sa may dalampasigan.

Itutuloy. . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com



No comments:

Post a Comment