Tuesday, December 25, 2012

Make Me Believe (04)

by: Zildjian

Kakaibang kaba ang nararamdaman ko habang kaharap ko sa hapag ang parents ni Martin kasama ang fiancée at mga magulang nito. Hindi ko maiwasang pagpawisan ng malamig at manginig sa uri ng mga tingin na binibigay ng mga ito sa akin na para bang hindi ako welcome doon.

Gusto ko nang umalis o mawala na lang sa harapan nila. Na-anticipate ko na’ng hindi magiging madali itong gagawin namin ni Martin na sabihin sa mga magulang niya na may relasyon kami pero, hindi ko akalain na ganito pala ito kahirap.


Tanging tunog lamang ng kutsara’t tinidor ang maririnig mo sa hapag-kainan na ‘yon. Ramdam ko ang tensyon sa bawat paghinga ni Martin na nakaupo sa tabi ko

“You know that this is an important dinner for our family.” Basag ng ama nito sa katahimikang namuo simula nang dumating kami. “You shouldn’t have brought him here.” Walang pakundangang wika nito bakas sa boses ang inis at galit na tinitimpi nito.

Napayuko ako sa ibayong hiya. Masasabi kong hindi ito sanay makipagplastikan sa kahit na sino man dahil nagawa nitong iparating sa amin ni Martin ang pagkadisgusto niya sa presensiya ko sa bahay nila kahit pa man kasama din sa hapag na iyon ang parents at fiancee ng anak nito.

“I brought him here because we also have an important thing to say Pa.” Malumanay na sagot ni Martin dito na para bang hindi apektado sa pagiging matalas ng dila ng papa nito.

“Hindi ba makapaghintay iyang sasabihin niyo sa amin at dinala mo pa siya sa mismong gabi kung saan pag-uusapan natin ang kasal niyo ni Dominica?” May bahid ng galit na sabi nito. Masasabi kong ito ang boses ng tahanan nila dahil hindi ko marinig na nagreact ang mama ni Martin na minsan ko nang nakita noong graduation namin.

“At ikaw.” Tukoy nito sa akin. “This is an important night for my family kaya pagkatapos mong kumain umalis kana. Hindi ka kasali sa pag-uusapan namin.”

“Stop it Pa.” Bakas na sa boses ni Martin ang galit.

Napa-angat ako ng tingin sa puntong iyon at kita ko sa mukha ni Martin ang kakaibang galit. Pansin ko rin ang panginginig ng kamay nito na marahil ay dala ng pagpipigil nitong sumabog.

“Sumusobra kana. Parang basura ang tingin mo sa ibang taong walang pakinabang sayo.” Ito ang unang pagkakataong makita ko si Martin na galit. Oo nga’t nagagalit ito noon pero kakaiba ang pinapakitang galit nito ngayon. “Don’t treat Ken as if he’s nobody.”

“Who gives you the right para sagut-sagutin ako? Pamamahay ko ‘to, may karapatan akong paalisin ang sinumang sa paningin ko’ di nararapat na nandito!”

“Kumpare, easy.” Sabat ng isang lalake na sa tingin ko ay ang ama nang fiancee nito. “Martin iho, paalisin mo na lang iyang kaibigan mo para hindi na lumaki ang gulo.”

“Oo nga anak, sige na bago pa lalong magalit ang papa mo.” Sabat naman ng mama ni Martin.

“Hindi ma, kung aalis si Ken, kasama niya akong aalis. And he’s not just my friend, he’s my boyfriend.” May diin nitong sabi.

Halatang nagulat ang mga ito sa narinig. Kita kong namilog ang mata ng papa nito sa sobrang pagkabigla.  Ang mama nito ay napahawak sa kanyang bibig tulad ng fiancee nito.

“You’ve heard it right. Ken is my boyfriend and I’m gay.”

Isang nakakabinging katahimikan ang namayani sa puntong iyon. Gulat, pagkadismaya, galit, at pagkasuklam  – iyan ang mga nakikita kong ekspresyon sa mga mukha ng mga taong kasalo namin sa hapag-kainang iyon.

Maya-maya pa’y biglang tumayo ang papa ni Martin. Bakas sa mukha nito ang ibayong galit. Akmang lalapitan na kami nito nang mapigilan ito ng mama ni Martin.

“Bitiwan mo ako!” Ang pagpupumiglas nitong wika. “Walang-hiya ka! Sinadya mong dalhin iyang baklang yan para ipahiya ako sa harap ng ibang tao noh? Wala kang utang na loob!”

Pareho kaming napatayo ni Martin. Bakas sa mukha nito ang galit para sa ama habang ako naman ay hindi alam kung ano ang gagawin sa sobrang takot.

“Martin how could you do this to us?” Ang naiiyak na wika ng mama nito na bakas ang disappointment sa boses nito.

“I’m sorry ma…”

“Lumayas kayo dito!” Putol ng ama nito sa iba pang sasabihin ni Martin. “Simula ngayon ay hinding hindi ka na pweding tumapak sa pamamahay na ito! Wala akong anak na suwail at wala akong anak na bakla! Sinira mo ang mga plano ko para sa ‘yo!”

“Yeah mga plano ninyo para sa akin.” May pait na tugon ni Martin dito. “Pero ni minsan ay hindi n’yo man lang inisip kung gusto ko ba ang mga plano n’yong iyon. Hindi ko naramdaman na may mga magulang ako dahil ang alam ko ang mga magulang, sinusuportahan ang gusto ng anak nila hindi ginagawang puppet na susunod na lang sa kung ano man ang gusto nila.”

“Martin, stop it.” Saway ng mama nito.

“Stop what, Ma? Di ba ganyan ka rin, gusto mo akong itulad sa ‘yo na sunod-sunuran sa gusto ni Papa. I can’t stand it anymore Ma, malaki na ako at may sarili na akong buhay.”

“Anong pinagmamalaki mo ngayon? Na kaya mo nang mabuhay ng walang tulong mula sa amin dahil graduate ka na?” Asik ng papa nito.

“Wala akong ipinagmamalaki.” Tugon ni Martin dito. “Gusto ko lang ipakitang kaya ko nang magdesisyon para sa sarili ko.”

“Magdesisyon para sa sarili mo?” Pag-uulit ng papa nito sa huling sinabi niya sabay bigay ng nang-iinsultong tawa. “Tingnan natin kung saan ka pupulutin sa desisyon mong ‘yan. Huwag na huwag kang babalik dito na hihingi ng tulong sa amin dahil sa oras na mangyari iyon ako mismo ang kakaladkad sayo palabas ng pamamahay na ito.”

Hindi ko lubos maisip na manggagaling sa isang ama ang masasakit na salitang iyon. Oo nga’t galit ito dahil sa pagsuway ni Martin sa kanya pero sapat na ba ang galit na iyon para magbitiw ng gano’ng klaseng mga salita?

“You’re worst than I thought.” Nabigla ako sa sinabing iyon ni Martin. Nabaling ang tingin ko rito at kita ko sa mata nito ang nag-aapoy na galit. “Hindi ako nagsisisi na sinuway kita. Hindi ang tulad mo ang amang panghihinayangan ko.”

“Martin….”

“Hindi ko ma-imagine kung paano ka tumagal sa kanya Ma, but don’t worry I don’t hate you as much as I hate him.” Wika nito sabay hawak sa kamay ko. “Tara na Ken, hindi na tayo kailangan dito.” At magkasabay kaming lumabas sa bahay nilang iyon.

“Martin okey ka lang?” Ang may pag-aalala kong tanong sa kanya nang makalabas na kami sa bahay nila.

Bumaling ito sa akin at ngumiti ng isang napakagandang ngiti na animo’y walang nangyaring eksena sa loob ng bahay nila.

“Malaya na ako Ken.”

“Ano ang plano mo ngayon?” Ang nag-aalala ko pa ring tanong sa kanya.

“May konteng ipon ako, gagamitin ko yon para makahanap ng trabaho para makapagsimula ng buhay na ako ang may control.”

Nakaramdam ako ng lungkot sa narinig. Mukhang ito na ata ang simula ng paghihiwalay namin ng landas ng bestfriend ko. Ngayong nakalaya na ito sa pamilya niya magagawa na niyang gawin ang mga bagay na matagal na niyang gusto.

“Ganun ba?” Ang may bahid ng lungkot kong sabi.

“Lalayo ako sa lugar natin Ken. Alam kong hindi ako tatantanan ng mga galamay ni Papa hangga’t nandito ako sa teritoryo niya. Samahan mo ‘ko Ken, magkasama nating bigyan ng katuparan ang mga pangarap natin.” Wika nito na sinamahan pa niya ng mabining pagpisil sa magkabila kong braso.

________________

“Ken, Ken, Ken!” Ang naririnig kong pagtawag sa aking pangalan. Ang sumunod kong naramdaman ay ang pagtama ng malambot na unan sa aking mukha.

Pupungas-pungas akong naupo sa ibabaw ng kama. Alam ko na kung sino ang taong pweding sumira sa maganda kong tulog at paniguradong may kailangan na naman ito sa akin.

Nang mabaling ang tingin ko sa kanya ay hindi nga ako nagkamali. Halata sa mukha nito ang pagpapanic marahil ay may kapalpakan na naman itong nagawa o worst may nasira na naman ito.

“Bakit ganyan ang mukha mo?” May pagkaantok ko pang sabi.

“Kenotz, yung bagong bili nating electric stove nangunguryente.” Ang wika nito na animo’y batang nagsusumbong.

Napatingin ako sa gawi kung saan nakasabit ang wall clock sa kwarto ko at napabuntong hininga nang makitang mag-aalas-dose pa lang pala.

“Ang laki-laki ng katawan mo tapos kuryente lang takot ka?” Ang naibulalas ko na lang sa pagkainis sabay tayo at tinungo ang lintik na electric stove na dahilan kung bakit nasira ang magandang tulog ko.

Sumunod naman ito sa akin sa kusina. Nang makita ko ang nirereklamo nitong nangunguryenteng electric stove ay di ko alam kung maiinis ba ako sa kanya o matatawa. Basa ito ng tubig  mula sa sinaing nitong kanin at dahil na rin sa wala siyang suot na tsinelas ay di na kataka-taka kung bakit ito nakuryente.

Nakapamewang akong humarap sa kanya na parang ewan lang na nagtatago sa likod ko. Sa apat na buwan naming pagsasama ni Martin sa bago naming tinutuluyang apartment ay nalaman ko ang mga bagay na kinakatakutan nito na hindi nito nakwento sa akin marahil dala ng hiya. Isa sa mga kinakatakutan niya ay ang kuryente. Bata pa lang daw siya nang makuryente siya dala ng kalikutan niya at simula noon ay takot na siyang mag-plug o kahit ano pa mang pwedi siyang makuryente.

“Sino ba naman kasi ang hindi makukuryente eh nilunod mo ata itong electric stove sa tubig.” Ang sabi ko dito.

Apat na buwan na mula nang itakwil si Martin ng mga magulang nito. Nang sabihin nito sa akin na samahan ko siyang magsimula ng bagong buhay ay hindi na ako nagdalawang-isip pa. Hindi ko kayang malayo sa bestfriend ko dahil alam kong hindi pa nito kaya ang mag-isa. Mabuti na lang at sinang-ayunan at sinuportahan kami ni mama nang sabihin namin ni Martin ang plano naming dalawa. Na-intindihan nito ang kalagayan ng bestfriend ko at binigyan pa kami ng pera pangsuporta sa mga gastusin namin habang di pa kami nakakahanap ng trabaho.

Pinili namin ni Martin ang lugar na malayo sa mga galamay ng papa nito, isang lugar na pwedi kaming magsimula ng walang makikialam sa amin.

Laking pasasalamat naman naming dalawa nang pareho kaming makahanap ng trabaho tatlong buwan na ang nakakaraan. Ako bilang isang call center agent habang si Martin ay natanggap sa isang pribadong kumpanya.

“Hindi ko kasi napansin na kumukulo na pala.” Depensa nito na sinamahan pa ng pagkamot nito sa kanyang ulo.

Napailing na lang ako sa panibagong kapalpakan nito at sinimulan punasan ang electric stove. Martin is trying his best para masanay sa mga bagay na simula pagkabata ay hindi pa nito nasusubukang gawin at naiintindihan ko iyon kaya kahit anong mabasag, at masira nito ay hindi ko siya pinapagalitan ayaw ko kasing mawala ang drive nitong matuto.

“Di bale, bili na lang tayo ng rice cooker sa susunod na sahod para di ka na mahirapang magluto ng kanin.”

Paunti-unti kaming nagpundar ng mga gamit para sa apartment na tinitirhan namin sa tuwing araw ng sahod. Ito ang naisip namin para hindi kami masyadong mabigla sa mga gastusin. Mabuti na lang at sa inuupahan naming apartment kasama na sa binabayaran namin buwan-buwan ang kuryente at tubig kung kaya’t nakakabili kami ng mga kakailanganing gamit.

“Ako na lang bibili ng rice cooker. Ikaw naman ang bumili ng TV natin at dalawang electric fan.” At muling sumilay sa kanya ang napakatamis na ngiti at kapag ganun na ay hindi na ako tumatanggi sa kanya.

“Okey.” Ang sabi ko na lang at muli ko ng ibinalik ang aking atensyon sa pagpupunas ng nabasang electric stove. Mula nang tumira kami sa iisang bahay ay unti-unti na namang bumabalik sa akin ang matagal ko nang ibinaon sa limot na pagtingin sa bestfriend ko.

“Kenotz, may pasok ka ba mamaya?”

“Wala, Saturday at Sunday  na ang rest day ko ngayon. Bakit, may lakad ka?” Simpleng sagot ko sa kanya.

“Wala, nakakabagot kasi mag-isa dito kapag gabi at nasa trabaho ka mabuti naman at may makakasama ako mamaya.” Wika nito.

Ito ang mga uri ng gesture na ayaw na ayaw kong ginagawa niya. Yung tipong parang kulang na lang ay sabihin nito sa akin na gusto niya na lagi niya akong nakikita dahil kapag ganun ang ugaling pinapakita niya sa akin hindi ko maiwasan ang mahulog sa kanya.

“Asus! Nababagot ka na ngayon? Bago yan ah.” Patutsada ko sa kanya. Ito lang ang kaya kung gawin para maiwasan ang kakaibang damdaming hatid ng bawat pagpapakita niya ng sweetness sa akin. Binabara ko ito hindi para asarin siya kung hindi para ipasok sa kokote ko na hindi ako pweding ibigin ng bestfriend ko.

“Sira! Kahit kalian talaga di ka makausap ng matino.” Tila pikon nitong sabi na sinagot ko lang ng nakakalokong tawa.

_________

Hindi ko talaga minsan maintindihan ang tumatakbo sa utak ni Martin. Kapag ito ang inaasar at binabara ay nagagalit pero kung siya naman ang nang-aasar sa akin pinagtatawanan lang ako.

Katatapos lang naming maghapunan at simula kaninang tanghalian ay hindi na ako nito kinikibo. Napikon ata ito nang barahin ko siya na bago sa kanya dahil ito ang unang beses na napikon ito sa simpleng pangbabara ko.

Tahimik lamang itong nagliligpit ng pinagkainan namin. Sobrang tipid nitong sumagot sa tuwing kinakausap ko siya halatang nagtatampo.

“Inuman tayo?” Bigla kong anyaya sa kanya. Simula kasi nang pareho na kaming magkatrabaho ay hindi na kami nakapag-inuman nito.

“Di na ako umiinum.” Matipid nitong tugon na hindi man lang ako tiningnan.

“Kelan pa?” Takang tanong ko naman sa kanya. Alam ko kung may bagay man na hindi kayang bitawan ni Martin ay iyon ay ang alak at yosi na siyang kahinaan nito.

“Ngayon lang dahil nagyaya ka.” Basag nito sa akin.

Aba’t! Talagang nagtatampo nga ang mama sa akin!

Imbes na maasar sa sinabi nito sa akin ay napahagikhik ako. Once in a blue moon lang kasi lumabas ang pagiging isip-bata nito at iyon ay kung talagang pikon na ito. Isa ito sa mga ugali niya no’ng college pa lang kami na gustong gusto ko sa kanya ang paminsanang pagiging sensitive nito kunyari.

“Sige ikaw bahala basta ako iinum ako.” Ang sabi ko sa kanya. “Basta walang sisihan mamaya kung magkulang ang inumin ha. Maaga pa namang nagsasara ang kaisa-isang tindahan dito sa lugar natin.” Dagdag ko pang sabi.

Hindi pa man ako nakakailang hakbang nang magsalita ito

“Gawin mong apat na bote at bili ka na rin ng yosi ko.” Lihim akong napahagikhik dahil alam ko nang hindi na aabot ng isang oras at makikipagbati na ito sa akin. Ganito lang naman kadaling kunin ang pansin nito noon pa man – ang gawin ang isang bagay na hindi nito kayang hindian.

Ngingiti-ngiti akong lumabas ng bahay para bumili ng inumin.

Marami pang tao dahil sa gabi na halos lumalabas sa kani-kanilang lungga ang mga taong taga-rito  – mga taong takot sa araw sabi pa nga ni Martin. Ilan sa kanila ay naging kakilala na namin ni Martin sa halos apat na buwan naming pananatili rito. Hindi man siya perpektong lugar na walang magnanakaw at mga basag ulo, masasabi ko namang halos lahat ng tao doon ay mababait.

“Ken, san ang punta mo wala ka bang trabaho?” Tawag sa akin ng isa sa nadaanan kong mga tambay doon.

“Rest day ko ngayon. Punta lang tindahan bibili ng maiinum.” Ang tugon ko sa mga dito. Isa sa tinuro sa akin ni Martin ay ang matutong makisama sa mga tambay sa lugar na iyon lalo na daw at pang-gabi ang trabaho ko.

“Libre mo naman ako ng yosi, kahit dalawang stick lang.” Wika nito

“Oo ba.”

Matapos makabili ng apat na bote ng Red Horse ay bumalik na ako sa apartment na inuupahan namin. Laking gulat ko nang pagbuksan ako ni Martin na naka-brief lang ito at wala nang iba pang saplot sa katawan. Napaatras ako sa pagkagulat, ni minsan ay hindi ko pa nakikita itong halos hubo’t hubad dahil sa magkaiba naman ang kwarto namin at doon ito kalimitang nagbibihis.

“Oh bakit? Para kang nakakita ng multo ah. Maliligo muna ako bago tayo mag-inuman, di pa ako naligo buong araw eh.”

“A-Ah Eh… S-Sige.” Ang tila nauubusan ng hangin kong sabi. Ang magandang hubog ng katawan nito na noon ko pa nasisilayan ay mas lalo pang naging maganda ngayong kita ko na ang kabuohan nito.

“Ano pa ginagawa mo diyan? Pumasok ka na nang ma-lock na natin ang pinto.” Basag nito sa pagkatulala ko.

“A-Ako na ang bahalang mag-lock ng pinto maligo ka na.” Pasimpleng pagtataboy ko sa kanya na dahil sa totoo lang hindi ko magawang pumasok dahil sa nakaharang sa pintuan ang halos hubo’t hubad nitong katawan.

Binigyan ako nito ng mapanuring tingin dahilan para mapayuko ako. Ramdam ko ang pag-init ng magkabila kong pisngi sa mga oras na iyon.

“Maliligo na ako.” Maya-maya ay wika nito at tinungo na ang banyo.

Ang hot niya shet!  Kung araw-araw may ganitong view masisiraan ako ng bait!  Ang wika ko sa aking sarili.

Itutuloy. . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment