By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com
Facebook: www.facebook.com/joemar.ancheta
----------------------------------------------------
Clyde
Point of View
----------------------------------------------------
“Di ko na kaya!”
galit na galit niyang singhal sa akin.
Minabuti ko paring
hindi magsalita. Pagod na ako. Ayaw ko ng sumagot. Para lang kasi paulit-ulit
ang aming pinag-aawayan. Ano naman ang
isasagot ko? Katulad parin ba ng dati? At pagkatapos naming magsigawan, aamuin ko
siya, yayakapin at hahalikan? Nakakasawa na din. Kung hindi na niya kaya, aba
e, ganoon din naman ako! Pero sa madalas naming pag-aaway minsan nauuwi din
lang sa pagkakaayos at ano ang kasunod? Kakalimutan ang sanhi ng di
matapos-tapos naming pag-aaway at ilang araw ang dadaan pero muling gagawin ang
sanhi ng palagi naming pinagtatalunan.
“Ano! Sumagot ka
naman! Kausapin mo ako ng para naman ako hindi nagmumukhang tanga.” singhal
niyang muli sa akin. Nakita ko sa kaniyang mukha ang galit.
Tumayo ako at tinungo
ang pintuan. Mas tumindi ang nararamdaman kong inis. At kung hindi pa siya
titigil sa kasisinghal sa akin ay baka hindi ko na din makontrol ang aking
sarili. Ayaw kong magkasalubong ang galit namin kaya minarapat kong ako na muna
ang iiwas.
Pagbukas ko palang ng
pintuan ay hinawakan niya ang balikat ko at marahas niya iyong hinila.
Napaharap ako sa kaniya. nanatiling walang reaksiyon ang aking mukha. Mistulang
manhid.
Pakiwari ko’y pagod na pagod na din ako. Hindi
lang pagod na pagod, sawang-sawa na sa mag ganitong bangayan.
“Ano ha! Lalayasan mo
ako. Hindi ka na nga lang sumasagot, lalayasan mo pa ako!”
Tinulak niya ako sa
loob. Hindi man kalakasan iyon ngunit dahil nawalan ako ng balanse kaya ako
natumba at tumama ang ulo ko sa gilid ng mesa. Parang sa isang iglap ay
sumambulat ang sinusupil kong galit. Sumasabog na ang dibdib ko. Tuluyang
namula ang aking mukha, sumungaw ang luha at noon ay tuluyan ng bumulwak ang
naipong galit sa aking dibdib. Sa tulad kong naiinis na’t napupuno at ganoon
ang gagawin ay hindi puwedeng hindi makaganti. Mabilis akong tumayo at isang
malakas na sipa ang pinakawalan ko dahilan para tumilapon siya sa gilid.
Pinulot ko ang kutsilyo na nakita ko sa mesa at nanginginig ko iyong itinutok
sa kanya para itarak sa kaniyang dibdib kung magpupumilit pa siyang lumapit.
Nakita ko ang mabilis na pagbago ng kaniyang htsura. Napalitan ng takot at
pagmamakaawa ang galit na galit niyang mukha kanina. Bigla akong bumalik sa
aking katinuan.
“Sorry.” Nasambit ko.
Tinungo ko ang kama. Nagkumot at malaya kong hinayaan ang pagbuhos ng aking mga
luha.
Naisip ko, bakit
hahantong sa ganito ang dati ay malugod namin pinag-usapang ugnayan. Bakit kami
nagkakasakitan kung talagang mahal nga namin ang isa’t isa? Pagod na pagod na
ako. Hindi ko na kayang tagalan pa ang halos araw-araw namin pag-aaway. Yun
bang kahit katabi ko siya ay hindi ko parin maiwasang isiping may ginagawa din
siya. Iyon bang lumabas lang siya kahit ilang sandali lang ay alam kong
naglalaro siya at dahil pakiwari ko ay may ginagawa niya ay kailangang kong
pumantay. Ngunit nakakapagod din… nakakasawa…napapasuko niya ako…mahal ko siya…
Paano nga ba isasalba
ng pagmamahal ang relasyong tinitibag na ng kawalang tiwala. Paano nga ba
muling paigtingin ng pagmamahal ang pagdududa? Napakagulo ng sitwasyong
sinimulan ng mali naming desisyon. Kung gaano kasi kataas ang pagmamahal ko sa
kaniya ay ganoon din katayog ang kawalan ko ng tiwala. Kaya paano ako
matatahimik kung ang puso kong puno ng pagmamahal ay binalutan naman ng puro
pagdududa. Tama ngang kung wala ng tiwala ang relasyon ay kailangan na ding
wakasan dahil para lang itong kalawang na tuluyang sisira kahit pa gaano
katalas ang isang itak.
“Mag-usap nga tayo ng
masinsinan” mababa na ang tono ng kaniyang boses. Banayad siyang umupo sa kama.
Tinanggal ko ang
pagkakatalukbong ko. Iniwasan kong tignan siya. Sa kisame nakatutok ang aking
paningin. Pinakalma ko ang aking sarili.
“Pwede harapin mo
ako. Umupos ka. Kailangan natin mag-usap.” Bumangon ako at tinungo ko ang ref.
kumuha ako ng malamig na tubig. Isinalin ko sa baso at sinaid ko ang laman
niyon. Bumunot ako ng malalim na hininga para mabawasan ang bigat ng aking
nararamdaman. Bumalik ako sa kama. Banayad akong umupo ngunit iniwasan ko
paring harapin siya.
“Okey ka na? Puwede
na tayong mag-usap?” tanong niya uli.
“Ano pa ba ang
pag-uusapan nating bago ngayon?” kalmado kong sagot habang nakayuko.
“Wala namang bago.
Pero siguro kailangan lang nating tapusin na ang mga lumang iyon… alam ko kasi
pagod ka na… sawang-sawa ka na.”
“Oo, ikaw ba hindi?
Sinong hindi magsasawa sa ganitong nangyayari sa atin. Jinx, nagmamahalan tayo
pero bakit mas madalas ang pag-aaway natin kaysa sa masaya tayo. Hindi mo ba
naisip? May mali.”
“Iyon na nga e.
Sobrang nasasaktan na natin ang isa’t isa. Hindi kaya ibig sabihin no’n
kailangan na nating itigil ito?”
“Anong ibig mong
sabihin? Tinatapos mo na?”
Tumingin ako sa
kaniya. Namumula ang kaniyang mga mata. Alam kong pinipigilan niya ang pagtulo
ng kaniyang mga luha.
“Nagkakasakitan na
tayo Clyde. Mas marami pa yung araw na nagkakasagutan tayo, nagsusumbatan,
nagbubulyawan kaysa yung mga araw na tayo ay masaya at naglalambingan.”
“So, sinasabi mong
ako ang mali? Di ba nga ikaw yung…” biglang tumaas ang boses ko. Sa lahat ng
ayaw ko ay yung ako ang sisisihin.
“Sige, ako ang mali.
Ako lagi ang mali. Ako ang may kasalanan sa lahat-lahat na nangyayari ngayon sa
atin. Wala akong sinisisi Clyde. Pero siguro nga mas mainam na itigil na natin
‘to. Sa tuwing nag-aaway tayo hindi ko alam kung paano itigil at kontrolin ang
lahat. Iyon bang hindi ako makapagsabi ng masakit sa’yo. Ayaw kitang saktan.
Ayaw kong makapgsabi ng hindi mo magugustuhan. Kasi pagkatapos nating mag-away
alam kong pagsisihan ko lahat ang mga nasabi ko noong galit ako sa’yo. At
habang tumatagal tayo sa sitwasyong ganito ay lalo kitang nasasaktan pati na
din ang sarili ko.”
“Anong desisyon mo?”
maalumamay kong tanong.
“Alam kong gusto mo
na din matahamik. Alam kong pagod ka na din sa di na matapos-tapos nating mga
away at siguro nga, kailangan na nating ipahinga ang ating mga sarili. Matagal
na din tayong nag-aaway at pakiramdam ko, nahihrapan na tayong ayusin pa ito
dahil hindi natin kayang magsimulang muli dahil alam nating pareho mali ang
ating naging simula.”
“Kung ano ang
desisyon mo, doon ako.” matibay kong sagot.
“Clyde, mahal na
mahal kita. Pero ang ideyang mahal kita at mahal mo ako ang tanging pumipigil
sa atin para magdesisyon na tapusin ito. Marami tayong mga issues na hindi
natin nabibigyan ng solusyon at natatakot ako na isang araw ay tuluyang mawala
ang pagmamahalan natin sa isa’t isa at ang tanging nalalabi ay ang katotohanang
sinaktan natin an gating mga sarili at galit ang tanging maiiwan sa ating mga
puso.”
“Sige. Kung iyan ang
tingin mong tama. Hindi kita pipigilan.”
Dahil siya na din lang ang nagdesisyon, alam
kong hindi ako ang magsisisi. Sa lahat kasi ng ayaw ko ay ako iyong
magdedesisyon ng break-up at pagkaraan ng ilang araw ako din yung babalik.
Ilang beses ko nang nagawa iyon sa mga ex ko at pinangako ko sa sarili kong
hindi ko na muli pang lulunukin ang pride ko. Kaya nga, kahit gaano pa
kasalimuot ang relasyon naming ni Jinx ay hindi ko naisip na ako ang unang
magsabi sa bagay na iyon. Kahit pa nawawalan na ako ng pag-asang maayos ang
gusot namin ay hindi ko tinangkang iwanan o kaya ay palayasin siya.
“Hindi ko alam kung
tama ako sa ginagawa ko Clyde ngunit nasaksaktan na tayong dalawa. Mahal kita
ngunit sinisira ng kawalang tiwala ang pagsasama natin kaya hindi tayo
nagkakaayos.”
“So, paano, this is
it na. Kanya-kanya na ba tayo?” paninigurado ko sa kaniya.
Hindi siya sumagot.
Tumingin lang siya sa akin. Basa na ng luha ang mukha. Hinawakan niya ang mga
kamay ko.
“Mahal kita e.
Masakit sa aking gawin ito ngunit kung ito ang paraan para kapwa matahimik ang
buhay natin ay gagawin ko. Sana sa paraang ganito ay matigil nang patuloy na
pagsasakitan natin. Hindi ko alam kung paano akong magsisimulang muli ngunit
alam kong makakaya ko ng paunti-unti.” Hinawakan niya ang kaniyang ulo.
Nagsimulang gumalaw ang kaniyang mga balikat hanggang sa narinig ko ang
kaniyang paghagulgol. Hinila niya ako. Niyakap ng mahigpit.
Ngunit hindi ako
naiiyak. Kahit gaano ko kagustung damayan siya sa kaniyang pag-iyak ay hindi ko
magawa. Mahigpit niya akong niyakap at niyakap ko din siya. Ngunit ilang beses
na bang nangyari ang ganito. Ilang beses na ba niyang sinabing maghihiwalay na
kami. Kaya siguro hindi ko na kayang umiyak pang muli. Nasanay na din siguro
ako. Nauudlot lang ang napipintong paghihiwalay namin dati dahil kinausap ko
siya. Dahil pinigilan ko siya. Ngunit sa ngayon, buo na ang loob kong hayaan
siya. Pinapalaya ko na siya. Kaya malakas ang loob niyang makipaghiwalay dahil
alam niyang susuyuin ko siya. Pigilang huwag nang ituloy ang pag-eempake sa
damit niya. Kaya lang pagod na akong gawin iyon. Tama na.
Pagkaraan ng ilang
saglit ay tinungo na niya ang lagayan ng kaniyang mga damit. Maingat niyang
tinanggal ang mga iyon sa aming cabinet at ipinatong sa kama. Pinagmasdan ko
lang siya. Ilang beses ko na din nasaksihan ito. Di na kumakagat pa sa akin.
Nang mailabas niya lahat ang mga damit ay kinuha niya ang mga maleta niya sa
silong ng aming kama. Tahimik lang ako. Pero nakakapagod din pala siyang
panoorin sa ganoon kaya kinuha ko ang remote sa tabi ng tokador at sinimulang
manood ng TV. Hinayaan kong tapusin niya
ang pag-eempake.
Hindi ko siya
tinapunan ng tingin. Pinilit kong itinutok ang konsentrasyon ko sa pinanonood
kong ASAP. Hanggang narinig ko na ang malakas na pagsara ng zipper ng kaniyang
bag. Nagtanggal siya ng damit at short. Tanging brief na lamang ang naiwan sa
kaniya. napalingon ako. Hindi na katulad dati ang katawan niya. Lumobo na ng
bahagya ang katawan. Tumaba na siya dahil sa nakaugalian niyang pag-inom.
Natigil na din kasi sa pagpunta sa gym dahil sa mahigpit naming pagbabantay sa
isa’t isa. Wala na nga siyang asim. Di na ako tinitigasan sa hubog ng katawan
niya. Muli kong tinutok ang mga mata ko sa TV. Mas mainam pang ibalik na lang
ang tingin ko kay Sam at Piolo.
Nang makapagpantalon
at nakapagsapatos na ay tumingin sa akin. Dahan-dahang lumapit at hinawakan
niya ang kamay ko. Di na naman bago iyon sa akin. Nangyari na ito ng ilang ulit
noon.
Narinig ko ang
kaniyang buntong hininga.
“Sana patawarin mo
ako kung may mga nasabi man akong hindi mo nagustuhan. Kung sakali mang may
nagawa akong mga pagkakamali.”
“Ayos lang ‘yun. Sana
ako din.” Simple kong sagot.
“Clyde, sana malaman
mong walang iba. Hinding-hindi ako nagkaroon ng iba.”
“Talaga lang ha.”
“Alam kong hindi ka
naniniwala sa sinasabi ko. Pero malinis ang konsensiya kong sabihin iyon sa’yo.
Hindi ko sinasabi ito para pigilan mo ako. Sinasabi ko ito dahil iyon ang
totoo.”
“Sige. Kung iyan
talaga ang sa tingin mo ay totoo, e di iyon ang totoo.”
“Sana ako din lang?
Sana ako lang.”
Napangiti ako. Gusto
kong sabihin sa kaniya na gusto niyang siya lang ngunit ni hindi niya maamin sa
sariling may ginagawa din siya. Hindi ako mag-rereact ng ganito kung wala akong
alam o hinala. Sige sabihin na natin iyong ang malakas kong hinala ngunit ilang
beses na akong nilo at iniwan. Kaya alam ko kung kailan na ako niloloko.
“Sana mapagkatiwalaan
mo ako. Iba ako sa kanila Clyde. Hindi ako katulad ng mga nauna. Sana hindi mo
magawang lahatin kami.”
“Narinig ko na ‘yan,
Jinx.”
Tinignan niya ako sa
mukha. Sinalubong ko ang kaniyang mga tingin. Bumagtas ang luha sa kaniyang
pisngi. Nagawa na niya ito dati. Wala na ding bago sa akin iyon. Ngunit kung sa
kaniya walang bago. Sa akin meron. Kung dati ay niyayakap ko siya. Hahalikan sa
labi at sabihing, “sorry na, tama na to.” Ngayon ay niyakap ko siya at
sinabihang…
”Good luck, Good bye
at God Bless”
Casual lang ang
pagkakasabi ko doon. Walang malalim na damdamin, walang lungkot at walang
pagdadalamhati. Kasabay ng paghalik niya sa bibig ko ang pagbagsak ng mainit
niyang luha sa aking pisngi. Nakita ko ang kaniyang pagpikit at mariing yakap
sa akin.
“Goodbye din. Salamat
sa lahat lahat.”
Pagkasabi niya iyon
ay tumingin muli sa akin saka siya tumayo. Kinuha ang bag at tinungo ang
pintuan. Kung dati ay lumilingon siya na para bang nagpapapigil ngayon ay
diretso na niyang binuksan ang pintuan. Hindi huminto o kahit man lamang
lumingon. Mabilis siyang lumabas at mabilis din niyang sinara ang pintuan. Bago
iyon sa akin. Kaya may halong gulat sa akin. Ngunit dahil nabigla ako ay hindi
ako tumayo para sundan at pigilan siya. Pinigilan ako ng pride para gawin iyon.
At tulad ng sabi niya, siguro dahil pagod na din ako.
Ngunit sa paglipas ng
ilang minutong hindi na muli pang nagbukas ang kanina’y binuksan niyang pintuan
ng kuwarto namin ay tuluyan ng nawala ang konsentrasyon ko sa pinapanood ko.
Mabilis akong lumabas sa kuwarto, sinubukang silipin siya sa sala ngunit wala
na siya doon. Nang masigurado kong wala na nga siya sa salas ay mabilis ang mga
paa kong bumaba sa hagdanan. Sumilip ako sa kurtina ng bintana namin para
makasiguro kung nasa labas pa siya ngunit nakita ko ang mabilis niyang pagsakay
sa kotse nang pinagseselosan kong kaibigan daw niya. Hindi ko na pinigilan pa.
Muling tumaas ang galit ko. Muli akong nainis kaya mabigat ang mga hakbang kong
bumalik sa aming kuwarto at paulit-ulit akong nagmura.
Hanggang kusang
umagos ang luhang kanina ay pilit kong pinalalabas. Nanginginig ang aking mga
kamay sa galit. Gusto kong magwala. Gusto kong sumigaw at manuntok at nang di
ko na makontrol ang sarili ko ay buong lakas kong tinulak ang maliit na tokador
sa gilid ng aming kama. Tumilapon ang laman niyon at tumambad sa akin ang isang
gustung-gusto kong picture ni Jinx. Iyon ang primary picture niya sa Friendster
niya noon kaya ko siya napansin at nagmessage sa kaniya na naging dahilan ng
isang pagsisimula.
Dahil sa litratong
iyon ay muli kong natagpuan ang sarili ko sa nakaraan. Ang simula, ang isang
masalimuot naming simula…
No comments:
Post a Comment