Tuesday, January 8, 2013

Dos Tiempos (11 & Epilogue)

By: bx_35
E-mail: bx_35 (Yahoo)
Source: theimmaculatedalisay.blogspot.com


[11]
Capítulo Once – Beginning

“Ayos ka ba na?” tanong ni Miguel kay Yago.

“Oo naman, nang makita kita kanina, biglang nawala ang lahat ng sakit na naramdaman ng katawan ko at nang sinabi mong pitanawad mo na ako ay naglaho ang lungkot sa puso ko at nararagdagan ang sayang nararamdaman ko kapag nakikita ko ang mga matatamis mong ngiti” sagot ni Yago.


“Tigilan mo na yan at hindi mo na ako madadala sa mabulaklak mong pananalita” usal ni Miguel.

“Miguel, maraming salamat sa pagpapatawad sa akin. Yun ang isang bagay na hinahangad ko simula pa noong magbukas ang taon na ito” seryosong sabi ni Yago.

“Mamaya na ako magsasalita, ang importante ngayon ay gumaling ang mga sugat at pasa mo” pag-aalala ni Miguel.


Namukhaan ng pinuno na si Yago ang nakita niya na kasama ng anak na si Miguel noong isang araw sa plaza. Pagkatapos ng pagtatanong sa kanya ay muling binalik si Yago sa kanyang selda at dahil sa sobrang pagod ay kaagad itong nakatulog. Hindi na niya namalayan ang pagdating ni Miguel na siniguro sa ama na walang kinalaman si Yago sa pag-eespiya sa kanilang grupo at bumibisita lang ito mula ibang bayan. Naaasiwa man si Miguel pero pinagtapat sa ama na nagkaroon nga sila ng alitan at siya rin ang dahilan kung bakit naroroon si Yago ng ganoong oras sa kanilang lugar.

Kaagad naman naniwala ang pinuno sa kanyang anak na si Miguel dahil kahit noon pa man ay hindi ito nagsinungaling sa kanila. Bilang gantimpala na rin sa pagiging mabait na anak ay pinakawalan ng pinuno si Yago. Pinaliwanag ng pinuno na napagkamalan lang si Yago na kasama ng nag-eespiya sa kanila. Hindi na rin nagawang humingi ng paumanhin ang grupo kay Yago dahil sa kahihiyan.

“Hindi ko naman kailangan ang paumanhin ang ama mo” sabi ni Yago kay Miguel na nagpupumilit na kausapin ang ama upang humingi ng despensa kay Yago.

“Nararapat pa ngang bayaran ang pinsala na nagawa sa’yo” pagpupumilit ni Miguel.

“Hayaan mo na. Ang importante ay pinalaya na nila ako at magkasama na tayo. Isa pa, kung muli akong haharap sa kanila, malamang marami na naman silang itatanong sa akin. Mabuti na itong ganito” paliwanag ni Yago.

“Ikaw ang masusunod. Sa ngayon ay maligo ka na muna sa ilog para mas madali kong malinis at magamot ang mga pasa at sugat mo” utos ni Miguel kay Yago.

“Hindi mo ba ako sasamahan?” tanong ni Yago kay Miguel na may kasamang pilyong ngiti na tila ba nang-aakit ito.

“Ikaw ha, napaka-pilyo mo. Kakalabas mo pa lang sa kulungan kung ano-ano ng kalakohan ang pumapasok sa utak mo” nahihiyang sabi ni Miguel.

“Sino kaya ang mas pilyo? Niyaya lang kitang maligo, ano bang masama doon?” biro ni Yago.

“Tama na nga ito, tapos na akong maligo kanina at isang terno lang ng damit ang dala ko, para sa’yo lang. Habang naliligo ka ay ihahanda ko na ang mga halamang gamot na itatapal ko sa mga sugat mo” paliwanag ni Miguel.

Pagkatapos magtanggal ng saplot sa katawan ni Yago ay dumiretso ito sa ilog upang maligo. Pinulot ni Miguel ang mga saplot ni Yago at pagkakita sa mga ito ay naramdaman niya ang hirap at sakit na dinanas ni Yago sa loob ng kulungan. Dahil sa punit-punit at natuyong mantsa ng dugo ay hindi aakalain na mga damit pala iyon.


“Aray, irog ko, dahan-dahan naman” sigaw ni Yago na nakakaramdam ng sobrang sakit sa bawat pagtapal ni Miguel ng mga halamang gamot sa kanyang mga sugat. Nasa tabing ilog sila, si Miguel ay naka-upo samantalang si Yago ay nakahiga at ang ulo niya ay nakasapo sa mga binti ng una.

“Akala ko ba naghilom na ang mga sugat mo noong makita mo ako?” tanong ni Miguel. Alam niyang hindi na sasagot ni Yago dahil sa tagal ng pananahimik nito. “At isa pa, nararapat siguro na huwag mo muna akong tawaging “irog”, paki-usap ni Miguel.

“Bakit, natatakot ka bang merong makarinig sa atin? Ikaw ha, hindi mo sinabi na lider pala ng grupo na gustong maghimagsik ang ama mo” may bahid na pagtatampo ni Yago kay Miguel.

“Ang totoo niyan, kahapon ko lang rin nalaman ang tungkol kay ama. Mainam nga at nakilala ka niya dahil kung hindi malamang hindi ka na makabalik sa panahon ninyo” panimula ni Miguel at pagkatapos ay isang buntong hininga ang kanyang pinakawalan. “Yago, masaya ako na kasama ka, sa katunayang nga ay nalungkot din ako noong hindi tayo nagkikita pero mas nanaig pa rin ang sakit na nararamdaman ko. Sa ngayon malamang wala na iyon pero hindi pa ako handang dugtungan kung ano man ang namagitan sa atin” paliwanag ni Miguel.

“Alam kong labis ang sakit na naidulot ko sa’yo pero nakiki-usap ako na bigyan mo ako ng pagkakataon para patunayan sa’yo na magbabago na ako, hindi na ako maglilihim” paki-usap ni Miguel.

“Yago, nakapag-desisyon na ako. Siguro isang babala iyon para sa atin, maaaring magkaroon pa tayo ng mas malaking suliranin kapag nagkataon. Masaya na ako bilang kaibigan mo” malungkot na sabi ni Miguel.

“Kung iyon ang nais mo, iyon ang susundin ko” nangingilid na ang luha ni Yago dahil sa mga narinig. Kung siya ang masusunod ay mas nanaisin niyang dugtungan ang kanilang naudlot na relasyon. Masakit sa kanya ang desisyon ni Miguel pero naisip niya na maaaring tama ang dating katipan niya at masaya na siya na napatawad na nito.

“Isa pa, ang dami ko pang hindi alam sa’yo kaya paano magiging tayo ulit. Ano nga pala ang itatawag ko sa’yo?” birong tanong ni Miguel.

“Yago na lang, mas sanay tayo sa ganoong tawagan. Timber ang tawag sa akin ng mga kaibigan ko sa panahon namin. Kung sakaling iyon din ang itatawag mo sa akin malamang magtaka kung sino man ang makarinig sa atin” mahabang sagot ni Yago. Tila napapawi na rin ang kanyang lungkot sa tuwing tinitignan niya ang maaliwalas na mukha ni Miguel.


Sa muling pagtawid ni Timber sa salamin papunta sa kasalukuyang panahon ay maraming nagtaka kung sino ang may gawa sa mga pasa sa katawan niya. Nakagawa naman siya ng dahilan at pinaniwalaan siya maliban kina Chigo at Patsy. Kagaya ng pangako ni Timber sa kanila, hindi niya nilihim ang nangyari sa kanya at pinagtapat din ng dalawa na gusto siyang balikan ni Javvy dahil mahal niya talaga ito.



“Tim, sana maniwala ka sa akin. Nabigla lang talaga ako sa mga nasabi ko” panimula ni Javvy, niyaya niyang mag-hapunan si Timber sa isang restaurant upang magka-usap sila. Sa una ay ayaw pumayag ni Timber pero dahil sa pangungulit ng kaibigan niya ay sumama na rin siya.

“Sana bigyan mo pa ako ng panahon para paniwalaan ang mga sinabi mo. Wala na akong nararamdamang galit pero dahil sa nangyari sa atin ay hindi mo naman ako masisisi kung hindi kaagad bumalik ang pagtitiwala ko sa’yo. At isa pa, dapat rin pala akong humingi ng tawad dahil sa pagkakabugbog ko sa’yo noong isang araw” paliwanag ni Timber.

“Wala iyon, kulang pa nga iyon kumpara sa sakit na naidulot ko sa’yo dati. Alam ko matagal mong dinamdam ang sakit na dulot ng ginawa ko sa’yo at handa akong bumawi para mapatuyanan ko sa’yong nagbago na talaga ako” paki-usap ni Javvy.

“Mahirap kung pipilitin ko ang sarili ko na tanggapin ang alok mo. Mas maganda siguro kung maging magkaibigan muna tayo. Sa ngayon iyon muna ang maibibigay ko sa’yo at sa tingin ko ay magandang paraan iyon para makapag-simula tayo” paki-usap ni Timber.

“Tatanggapin ko ang alok mo at pangako hindi na kita bibiguin. Kung sakaling makagawa ako kahit isang bagay upang masaktan ka, lalayo na ako at hindi na magpapakita kailanman” pangako ni Javvy.

Pagkatapos ng gabing iyon ang pinangako ni Javvy na magpapakatino na siya para mapanindigan ang pangako niya kay Timber. Nagsikap din siya sa pag-aaral at ang pamilya niya ang naging inspirasyon. Oo, naging mabuti na rin ang pakikitungo ni Javvy sa kanyang pamilya at madalas na siyang umuuwi sa kanila. Kung minsan pa nga pinagsasabihan siya ng kanyang mga magulang na hindi naman niya kailangang madalas umuwi dahil sayang ang nagagastos na pamasahe pauwi. Pero nagpumilit pa rin si Javvy at hindi siya pumapalya na magdala ng pasalubong at kung may sobra siya sa kanyang sahod bilang part-time model ay nag-iiwan siya ng pera sa pamilya.

Minsan nga ay sinama niya ulit si Timber sa Vigan para mamasyal, kasama din sina Chigo at Patsy. Ang dalawa ang namangha sa ganda ng lugar at kahit paano ay nadama nila ang pakiramdam ni Timber sa tuwing tumatawid siya sa nakaraan. Humingi din ng tulong si Javvy sa tatlo para maka-usap ang mga kaibigang nasaktan niya. Naghanda sila ng munting salo-salo at dumalo ang mga inimbitahan ni Javvy. Sa kalagitnaan ng salo-salo ay nagsalita si Javvy at malugod naman nilang ibinigay ang kapatawaran. Sabi pa nga nila ay iyon lang ang hinihintay nila mula sa kanya.

Pagbalik nila ng Maynila ay mas lalo pang naging mas malambing si Javvy kay Timber pero alam nina Chigo at Patsy na kahit na napatawad na ng kaibigan nila si Javvy ay hindi niya ito kayang sagutin dahil kay Miguel.

Kahit lagi silang nagkikita ni Javvy ay hindi nakakaligtaang puntahan ni Timber si Miguel. Lingo-lingo ay naglalaan siya ng panahon para bisitahin si Miguel. Alam ni Timber na malabo ng magbago pa ang desisyon ni Miguel pero patuloy pa rin siyang nakikipagkita sa kanya dahil sa masaya siyang kasama ang dating katipan. Kahit na walang relasyon na namamagitan sa kanila, mas higit pa doon ang sayang nararamdaman niya. Si Miguel lang ang taong nagbibigay ng kakaibang saya sa puso ni Timber. Nawala man ang halikan at pagniniig nila, sapat na kay Timber ang makasama si Miguel

Naging mas maingat din sina Miguel at Yago sa kanilang pagkikita sa kadahilanang marami pa rin ang nagdududa kung saan nga ba talaga nanggaling si Yago. Kalimitan ay sa kamalig, ilog at burol na lang sila nagpupunta, hindi na sila bumalik sa plaza at kampanaryo dahil maraming tao ang nandoon.

“Yago, maraming salamat sa muling pagtanggap mo sa akin” malambing na sabi ni Miguel habang namamangka sila, si Yago ang nagsasagwan.

“Dapat ako yata ang magsabi sa’yo nyan?” takang tanong ni Yago.

“Maraming salamat kasi tinanggap mo ako bilang kaibigan, kahit na alam kong mas higit pa doon ang gusto mong mangyari” paliwanag ni Miguel.

“Miguel, tanggap ko iyon, ako nga labis ang saya ko dahil pinatawad mo ako sa kabila ang aking paglilihim” malungkot na sabi ni Yago.

“Shhh, nararapat lang na ibigay ko sa’yo iyo iyon. Alam ko kulang pa iyon pero sana pagdamutan mo na at hanggang doon muna ang kaya kong ibigay sa’yo. Yago, masaya ako na nakilala kita, kahit na galing tayo sa magkaibang panahon ay nagka-intindihan naman ang ating damdamin” masuyong tugon ni Miguel.

“Ako nga, hindi ko inakalang mangyayari sa akin ito. Sa dami-dami ng tao sa pinanggaligang kong panahon ay ako pa ang mapalad na nabigyan ng ganitong oportunidad” sagot ni Yago.

“Yago, gusto ko ring sabihing mahal kita” seryosong sabi ni Miguel.

“Talaga?” nabiglang tanong ni Yago na kitang-kita naman ng kaharap ang pagliwanag ng kanyang mga mata at tila nawala lahat ng pagod niya dahil sa pagsagwan.

“Oo, aaminin ko mahal pa rin kita, pero katulad ng nasabi ko sa’yo, hindi pa ako handang dugtungan ang namagitan sa atin dati at kung sakaling maging tayo ulit, sa palagay ko walang itong patutunguhan kaya nagpasya ako na maging magkaibigan na lang tayo” muling paliwanag ni Miguel.

“Tama ka nga, mas maigi na maging magkabigan tayo. Mas masaya nga ito” pagsang-ayon ni Yago.

“Salamat” sabi ni Miguel, pagkatapos ay isang halik sa labi ang ginawad niya kay Yago.

Hindi naka-kilos si Yago, gustuhin man niya itong sunggaban ng halik ay hindi maaari sapagkat gusto niyang respetuhin ang kanilang pagka-kaibigan. Minsan na siyang nagkamali at ayaw na niyang maulit ito at higit sa lahat, ayaw niya ulit mawala si Miguel sa kanya.

Katulad ng ginagawa nila dati, sinulit nila ang buong araw na magkasama sila. Tuwing umaga ay sasabayan nila ang pagsikat ng araw sa taas ng burol, pagkatapos ay mamimingwit ng isda, kapag nagutom ay iihawin ang mga ito, hindi rin mawawala ang habulan nila patungo sa susunod nilang pupuntahan, bago matapos ang araw ay muli silang sasakay sa bangka at paglubog ng araw ay ihahatid na ni Miguel si Yago sa kamalig.

“Paalam. Sana sa pagbalik ko sa panahon ko makita kita ulit” tugon ni Yago kay Miguel bago siya tumawid sa salamin.

“Sana nga, kung sakali mang magkita tayo sa hinaharap siguradong matanda na ako o kaya naman ay patay na ako bago ka pa ipinanganak” biro ni Miguel sabay yakap ng mahigpit kay Yago.

“Huwag kang magbiro ng ganyan, basta ang alam ko masaya ako sa pagkikita natin ngayong panahong ito” muling turan ni Yago.


Sa kasalukuyang panahon naman ay hindi alam ni Timber na susurpresahin siya dapat ni Javvy, nagdala siya ng cake, pastry, at chips para mag-DVD marathon. Alam kasi niya na isa ito sa mga libangan ni Timber. Hindi nabanggit ni Timber sa mga kasambahay nila ang naging problema nila ni Javvy at sinabi ni Timber na lumipat ng ibang eskwelahan ang huli kaya hindi na siya muling nakakadalaw sa kanila nang minsang magtanong ang mga ito. Dahil sa pagiging inosente nila, malugod nilang pinapasok ni Timber nang kumatok siya noong araw na iyon at dahil nga tiwala pa rin ang mga kasambahay nila ay sinabihan nila si Javvy na dumiretso siya sa kwarto ni Timber.

Pagpasok ni Javvy ay kaagad niyang hinanap si Timber pero hindi niya ito nakita. Tinawag niya ang mga kasambahay pero tila hindi siya naririnig dahil abala sila sa kusina at ibang gawaing bahay kaya naman hindi na niya sila inabala. Alam ni Timber ang pasikot-sikot sa bahay kaya nagkusa na lang siya na hanapin si Timber. Sumilip sa kusina, sa likod bahay, sa hardin, sa swimming pool, sa sala pero hindi niya ito nakita. Pabalik na sana si Javvy sa kwarto ni Timber ng may madaanan siyang isang bukas na pintuan. Isang parte ng bahay nina Timber na noon pa lang niya nakita, noong una ay ayaw niyang pumasok doon pero iyon na lang ang tanging parte ng bahay na hindi niya napuntahan pero ng makita niya ang ibang gamit ni Timber na nakalagay sa isang lumang mesa sa bungad ng bodega ay naglakas-loob na siyang pumasok. Sa unang pagkakataon ay nakita ni Javvy ang antique collection sa lugar na iyon, kahit na galing siya sa lumang lugar ng Vigan ay namanggha pa rin siya sa mga nakita, karamihan kasi doon ay galing pa ng ibang bansa.

Sa paglilibot ni Javvy ay hindi niya namalawan na na-ikot na pala niya ang buong bodega, palabas na sana siya ng mapansin ang salamin sa dulo kaya lumapit siya. Sa buong pag-aakala ni Javvy ay ordinaryong salamin lang ito, humarap siya dito at inayos pa ang buhok, aalis na sana siya ng makitang lumiwanag ang salamin. Sa pagkakabigla niya ay nasilaw siya at tinakpan ang mga mata, nang maramdaman niyang wala na ang liwanag ay tinanggal ang mga kamay na nagsilbing takip ng mata at nakita niya si Timber sa salamin. Noong una ay nagtaka si Javvy kung bakit nasa loob ng salamin si Timber pero napako ang kanyang paningin sa kaibigan. Aliw na aliw siyang pagmasdan si Timber habang nagsasagwan ito at mas naaliw pa si Javvy nang makita ang malinis na ilog at luntiang kagubatan, alam ni Javvy na ibang-iba ang lugar na kinaroroonan ni Timber.

Pero biglang nag-iba ang hitsura ni Javvy ng makita ang kasamang lalaki ni Timber. Muli ay napako ang tingin niya sa kanilang dalawa, hindi man niya marinig ang pinag-uusapan ng dalawa, nararamdaman niyang merong namamagitan sa kanila. Kasabay ng bawat pagsagwan ay pumasok sa utak ni Javvy na ang lalaking kasama ni Timber ang dahilan kung bakit hindi nito matanggap ang inaalok niyang pag-ibig. Kasabay ang pag-ihip ng hangin ay bumalik ang galit ni Javvy sa kanyang puso, galit sa lalaking kasama ni Timber. Kasabay ng bawat agos ng tubig sa ilog ay ang pagpatak ng mga luha ni Javvy.

“Timber, bakit? Kulang pa ba ang ginawa ko para sa’yo?” mga tanong ni Javvy sa sarili habang umaagos ang luha mula sa kanyang mga mata.

Nasaktan si Javvy sa nakita at hindi niya sinasadyang magalit. Habang lumuluha siya ay nakita niya pa rin ang pagpasok nina Timber at Miguel sa kamalig upang tumungo papunta sa harap ng salamin. Kahit hindi nakita ay kaagad namang naisip ni Javvy na ang salamin ang gamit ni Timber para tumawid mula sa magka-ibang panahon. Bago pa man tuluyang lumusot si Timber sa salamin ay nakapagtago na si Javvy.

Pagkatawid ni Timber ay tinakpan ni Miguel ang salamin sa nakaraan samantalang si Timber ay nakalimutan niya itong takpan dahil sa sobrang kasiyahan. Malapit na siyang lumabas sa bodega ng maalala na hindi pala niya natakpan ang salamin kaya bumalik siya.

Pagkakita niya sa salamin ay nakatabi na doon si Javvy, may hawak na kahoy. Hindi na nagtaka si Timber kung bakit nandoon si Javvy at kung ano ang plano niya.

Magkaharap sila at ngayon ay pareho na silang luhaan. Ang luha ni Javvy ay dala ng galit at inggit samantalang ang mga luha ni Timber ay dahil sa pagmamaka-awa.

“Bakit?” tanong ng luhaang si Javvy.

“Magpapaliwanag ako” paki-usap ni Timber.

“Huli na, hindi mo na siya makikita” galit na sigaw ni Javvy.

“Nagmamaka-awa ako, huwag mong ituloy ang binabalak mo” muling paki-usap ni Timber.

Pero wala ng ibang naririnig si Javvy ng mga sandaling iyon. Ang tanging umiikot sa utak niya ay dapat mabasag ang salamin para wala ng dahilan si Timber na makita pa ang lalaki sa ibang panahon, si Miguel.

“Hhhuuuwwwaaaggg!!!!!” sigaw ni Timber kay Javvy na makita niyang inangat niya ang kahoy at ipapalo niya ito sa salamin upang mabasag, pero kahit anong gawin ni Timber alam niya wala na siyang magagawa pa upang makabalik sa nakaraan para magkita silang muli ni Miguel.

Pagkatapos niyang sumigaw na nagkalat sa kanyang harapan ang bubog ng salamin na naging daan niya pabalik sa nakaraan.






-FIN -



[Epilogue]
The Letter


April 2012

Nakatapos ng college ang magka-kaibigan. Sa madalang na pagkakataon ay sama-sama silang nag-out of town. Gusto ng pamilya nina Chigo at Patsy na magdiwang sila sa ibang bansa pero humiling ang dalawa na sa Boracay sila magpunta para bago sila magtrabaho ay makasama nilang lumabas ni Timber. Sa pagkakataon din iyon ay inamin ng dalawa sa kaibigan nila na sila na, habang nakaupo sila sa dalampasigan at pinagmamasdan nila ang paglubog ng araw sa karagatan.

“Timber, kami na ni Patsy” nahihiyang pag-amin ni Chigo.

Binatukan ni Patsy ni Chigo.

“Aray, bakit mo ako binatukan?” sigaw ni Chigo.

“Ikaw kasi, parang kinakahiya mo ako” pagtatampo ni Patsy.

“Kung kinakahiya kita sana hindi na natin sinabi kay Timber ito o mas mabuti na hindi na naging tayo” paliwanag ni Chigo.

Si Timber ay pabaling-baling lang ang tingin sa dalawang kaibigan, depende kung sino ang nagsasalita.

“Tignan mo, sa tono ng pananalita mo parang nagsisisi ka pa na naging tayo” patuloy pa rin sa pagtatampo si Patsy.

“Hon, huwag ka ng magtampo, sigurado ako hindi mo na naman naintindihan ang sinabi ko” panunuyo ni Chigo.

“At ngayon sinasabi mo pang makitid ang pag-iisip ko” naluluhang sabi ni Patsy.

“Wala akong sinabing ganoon, my point is hindi kasi ako sanay, alam mo naman na ikaw ang unang girlfriend ko” muling paliwanag ni Chigo.

“Anong tinatawa-tawa mo dyan?” tanong ni Patsy kay Timber.

“Wala lang, alam ko darating ang panahon na magiging kayo. I just can’t imagine kung paano ninyo ima-manage ang relationship ninyo knowing na lagi kayong hindi magkasundo sa mga bagay-bagay” si Timber.

“Magagawan din namin ng paraan yan. Bago pa lang kami at alam kong masasanay din kami sa piling ng isa’t isa” sagot ni Chigo sabay halik sa pisngi ni Patsy.

“I love you” malambing na sabi ni Patsy kay Chigo.

“I love you more” sagot ni Chigo at ginawaran pa ng isang halik si Patsy sa labi.

Masaya si Timber sa pinasukan ng mga kaibigan, alam niya na magkakasundo din sila balang araw. Kagaya ng inaasahan, nag-graduate ni Timber bilang Magna Cum Laude ng batch nila. Nang mabasag ang salamin ay mas lalong pinag-butihan ni Timber ang pag-aaral, alam niya na kahit magmukmok siya ay wala ng paraan para muling mabuo ang salamin at magkita silang muli ni Miguel. Bukod sa pag-aaral ay sumama na siya sa mga ibang projects ni Chigo para mas dumami pa ang pagka-abalahan niya. Madalas ay tinutulungan niya rin ang mga kaklase niya na gumawa ng kanilang mga research papers. Nag-volunteer din siya na maging student assistant sa college nila kapag may libre siyang oras. Noong nakaraan bakasyon ay sumama siya sa kanyang mga magulang sa business trip nila sa Europe na labis namang ikinatuwa ng mga ito. Matagal na kasi nilang gustong isama ang kanilang anak sa ibang bansa pero siya lang ang tumatanggi, ang dahilan niya ay wala naman siyang gagawin doon at maiiwan lang sa hotel na tinutuluyan nila at mas gugustuhin niyang makasama ang lolo’t lola sa bahay. Natuwa rin ang mga matanda dahil away nilang nagkukulong lang sa bahay ang kanilang apo, madalas nilang sabihin sa kanilang apo dapat mag-enjoy siya habang bata pa lang dahil kapag nagsimula na siyang magtrabaho o tumanda na ay hindi na niya mararanasan pa iyon.

Masakit sa kanya ang nangyari, si Miguel ang taong nagpapasaya sa kanya pero hindi na pinahintulutan ng pagkakataon na makita siyang muli. Dinamdam niya ng husto ang pangyayari pero mas nangibabaw sa kanya na kailangan niyang pagpakatatag. Gusto man niyang sisihin si Javvy sa nangyari pero hindi rin niyon maibabalik pa ang salamin, kaya pinatawad na lang niya ito. Samantala, kagaya ng pangako niya ay lumayo si Javvy kay Timber. Isang e-mail lang ang pinadala ni Javvy kay Timber bago ito tuluyang lumayo.


Tim,

Alam mo kung gaano kita kamahal at alam ko rin na muli akong nagkamali kaya ako na ang lalayo. Aalis na ako sa unibersidad para hindi na ako makagawa ng paraan para masaktan ka muli. Lalayo ako pero hindi ko maipapangako na hindi mo na ako makikitang muli. Plano kong maging full-time model at kung sakaling papalarin ako ay may posibilidad na makita mo ulit ako sa mga print-ads. Paki-usap, kung sakali mang makita mo ako sa mga mababasa mong magazines, sana makita mo ang isang tao na nagmahal sa’yo, hindi ang taong nanakit sa’yo. Gusto kong magtagumpay sa larangan ng modelling, para sa’yo, ikaw ang magiging inspirasyon ko. Alam ko ng hindi ako karapat-dapat sa isa pang pagkakataon kaya hindi ko na hihingiin sa iyo yon, pero umaasa ako na balang araw ay magkita tayo ulit at sana maging magkaibigan.

Javvy.


Sa maikling panahon ng pagiging modelo ni Javvy ay unti-unti siyang sumikat. Masasabing isa siya sa mga most promising model pero hindi iyon nilalagay ni Javvy sa kanyang ulo. Sa magulong mundo na pinasok niya, nanatiling mababa ang kanyang loob. Lagi pa rin niyang pinapasyalan ang kanyang mga magulang sa Vigan at nag-iipon na ng pera para ma-ayos ang kanilang bahay at pamuhunan para sa negosyong itatayo sa lugar nila, siya na rin ang nagpapa-aral sa kanyang mga kapatid. Sa tuwing tinatanong siya ng media kung ano ang sikreto niya sa kanyang unti-unting pagsikat, hindi niya nakakalimutang pasalamatan ang isang kaibigan na nagbago ng buhay niya.

Isang beses ay nadulas siya sa isang interview at nabanggit ang pangalan ni Timber bilang kanyang inspirasyon. Parang free taste na ino-offer sa mall ang nagawa ni Javvy, pagkatapos ng ilang oras ay dinagsa siya ng mga reporters at nagtatanong tungkol kay Timber. Para malihis ang issue at hindi na madamay pa si Timber ay umamin si Javvy na isa siyang bisexual.


ISANG PAPASIKAT NA MODELO, BADING!!!!!

Yan ang usapan sa media sa mga susunod pang mga araw, pero hindi nagpasindak si Javvy lalo na sa mga bading na reporters na insecure sa career niya. Alam niya na gagawa at gagawa sila ng paraan para pigilan ang kanyang pagsikat, pero pursigido si Javvy, tutuparin niya ang pangako niya kay Timber na maging isang sikat na modelo kaya dapat niyang malagpasan ito.


“I’m proud of my sexual preference. Aaminin ko, hindi madaling aminin ito kasi alam ko kung paano manghusga ang ating lipunan, pero ng dahil sa pang-aapi ng ilan sa mga katulad ko ay nalaman ko na kailangan kong ipaglaban ito. Naniniwala ako ng marami pa ang mga bading at bisexual na nagtatago dahil ayaw silang mahusgahan ng lipunan, ang lipunang gumawa sa amin. Wala kaming kasalanan pero kung itrato kami ng iba ay para kaming nadapuan ng nakakahawang sakit. 2012 na, siguro panahon na para maging open na tayo sa ganitong bagay. Mas madaling kumilos kung malaya ka at hindi natatakot sa mga matang nakatingin sa bawat kilos mo. Sa mga nanghuhusga sa akin, payo ko po sa inyo na tignan nyo muna ang inyong mga sarili bago kayo magsalita”


Sa paglabas ng press statement si Javvy, merong mga sumuporta sa kanya lalo na iyong mga naglakas loob na ipahayag ang kanilang sexual preference. Mas lalong sumikat si Javvy, hindi na alintana ng mga tao kung isa siyang bisexual, hinahangaan siya dahil sa kanyang pagiging totoo. Sa kabila ng pagiging busy niya sa trabaho ay hindi pa rin niya nakakalimutan si Timber.



“Akala ko ba hindi mo na kakausapin si Javvy?” tanong ni Patsy.

“Ayaw ko na nga sana” sagot ni Timber.

“Bakit nakikipagkita tayo sa kanya ngayon?” tanong naman ni Chigo habang hinihintay nila si Javvy sa isang mall.

“Naisip ko lang na ano pa ang sense na matagal ko na siyang pinatawad kung hindi ko rin naman siya kakausapin” paliwanag ni Timber.

“Worried lang kami sa’yo, baka kasi tuluyang madikit ang pangalan mo kay Javvy at gawan ka pa ng issue ng media” pag-aalala ni Patsy.

“Kaya nga sinama ko kayo, atleast kahit may makakita sa amin ni Javvy ay hindi kami pagdududahan” natatawang sabi ni Timber.

“Ibig sabihin gagawin mo lang kaming panakip butas, kung ganyan pala hindi na ikaw ang kukunin kong best man sa kasal namin ni Patsy next year” pagtatampo ni Chigo.

“Eto naman, hindi na mabiro. Gusto ko lang kayong maging witness sa ipapakita ni Javvy, may kumausap daw sa kanya na malayong kamag-anak sa Bulacan at may ibibigay sa akin” paliwanag ni Timber.

“Ang weird, bakit ikaw ang bibigyan nila ang regalo samantalang si Javvy naman ang sikat” parang wala sa sariling turan ni Patsy.

“Nag-text na si Javvy, nasa baba na daw siya. Doon na daw tayo kumain ng tanghalian kasi nagluto sila para sa atin” pagyaya ni Timber sa mga kaibigan.

Pagkakita ng tatlo kay Javvy ay pare-pareho silang namangha sa angking kakisigan ng binata. Lagi nila itong nakikita sa mga print ads pero iba pala kapag sa personal. Ang laki ng pinagbago ni Javvy, kung noon ay gwapo na siya, mas lalo pa siyang naging gwapo ngayon. Hindi nakakapagtaka na kahit umamin siya na bisexual ay marami pa ring mga babae, bading at bisexuals ang humahabol sa kanya.

Halos hindi magkibuan ang apat sa sasakyan na minamaneho ni Javvy, pero si Patsy ay hindi maitago ang kilig niya, para siyang teen-ager na nakasama sa unang pagkakataon ang matagal na niyang crush.

“Tim, salamat” pagbasag ng katahimikan ni Javvy.

“Para saan?” nalilitong tanong ni Timber.

“Para sa lahat, kung hindi dahil sa’yo hindi ko mararating ito” sagot ni Javvy.

“Huwag mo akong pasalamatan, kahit wala ako alam ko mararating mo iyan. Ikaw ang dahilan ng pagbabago mo, huwag mong isisi sa akin” natatawang sabi ni Timber.

“Ok na ba tayo? I mean can I call you anytime to have coffee with me?” sunod-sunod na tanong ni Javvy.

“Kahit hindi lang coffee, dinner, breakfast, out-of-town, you can have Timber all the time” kinikilig na sagot ni Patsy.

“Umaayos ka nga diyan” naasar na sabi ni Chigo kay Patsy, at umayos naman ito. Na-realize niya na hindi akma sa edad niya ang kanyang kinikilos sa loob ng sasakyan at hinayaan na nilang mag-usap ang dalawa.

“Totoo?” nagagalak na tanong ni Javvy.

“Siguro, depende kung pwede ako at dapat libre mo” biro ni Timber.

“Sure, walang problema” natutuwang sagot ni Javvy.

Pumayag si Timber hindi dahil sa namangha siya sa hitsura ni Javvy, gusto lang niyang patunayan sa sarili niya na wala na siyang tinatagong galit kay Javvy.

Matapos ang ilang oras ay nakarating na sila sa Bulacan at tinungo ang bahay ng malayong kamag-anak ni Javvy. Noong una ay walang ideya si Timber kung bakit nandoon sila pero lahat ay naliwanagan noong magpaliwanag ang may-ari ng bahay, ang nag-imbita kay Javvy. Niyaya niya ang mga ito sa kanilang sala at doon nag-simulang magsalita.

“Nang marinig ko ang pangalan ni Timber sa interview mo ay hindi ako mapakali. Para bang narinig o nakita ko na ang pangalan niya dati pa. Hanggang sa naalala ko na meron akong tinagong isang bagay para sa kanya” panimula ng singkwenta y siete anyos na matanda, tinawag niya ang isa sa mga apo niya at ipinakuha ang isang lumang kahon na kahoy na halos kasing laki ng kahon ng isang pares ng rubber shoes sa kanyang kwarto.

“Sa akin po?” takang tanong ni Timber na hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala kung bakit siya bibigyan ng isang bagay ng taong hindi niya kakilala.

“Oo, ikaw si Timber, di ba?” balik na tanong ng matanda.

“Pero bakit po?” muling tanong ni Timber.

“Ibinigay sa akin ito ng tatay ko” sabi ng matanda sabay kuha sa kahon na inaabot ng apo niya. “Galing pa ito tatay sa lolo ko. Sabi niya darating ang oras na makikita namin ang nagmamay-ari sa pangalang naka-ukit sa itaas ng kahon, kay “Timber” sabay turo ng matanda sa kahon na ikinamangha naman ng apat sa harapan niya.

“Paano nalaman ng lolo niya ang pangalan mo?” halos sabay-sabay na tanong ng tatlo kay Timber.

“Malay ko. Wala rin akong ideya. Lolo, pwede po bang malaman ang pangalan ninyo?” tanong ni Timber sa matanda.

“Oo naman, nakalimutan ko palang magpakilala sa inyo. Ako nga pala si Miguel Tomas Chavez III” sagot ng matanda.

Nanlaki ang mata ng apat at kahit walang salitang lumabas sa kanilang mga bibig noong mga sandaling iyon ay alam nila na apo siya ni Miguel, ang lalakit katagpo ni Timber sa nakaraan.

“Nagtataka nga ang pamilya namin kung paanong nagkaroon ng kakilala si lolo sa panahong ito. Noong una ay inakala namin na hula lang ito ni lolo kasi mahilig daw siyang magsabi ng mga mangyayari sa hinaharap hanggang sa binawalan kami ni tatay na hayaan na lang namin iyon, alam daw niya na may sariling dahilan si lolo kaya respetuhin na lang namin iyon at sundin ang habilin niya” paliwanag ng matanda.

Patuloy pa rin sa pananahimik ang apat.

“Kaya nga ng marinig ko si Javvy na nabanggit ang pangalan mo ay nagpatulong ako sa mga anak at apo ko para hanapin ka” turo ng matanda kay Timber, “pero hindi nila alam kung saan at paano magsisimula hanggang sa may nakapag-sabi nga na malayo naming kamag-anak itong si Javvy, tutal sa kanya namin narinig ang pangalan mo kaya nararapat lang na sa kanya kami humingi ng tulong at laking pasalamat ko at hindi niya kami binigo” kwento ng matanda.

“Misteryo pa rin sa amin kung paano ka nakilala ng lolo ko, gusto man kitang tanungin pero siguro na wala ka ring ideya, kagaya nga ng lagi naming iniisip dati malamang isa lang ito sa mga hula ng lolo ko. Pasensya ka na at naabala ka niya, eto nga pala ang kahon” pagtatapos ng matanda sabay abot ng kahon kay Timber.

Maluha-luha na si Timber ng abutin ang kahon pero pinigilan lang niya ito at baka magduda ang matanda na talagang magkakilala sila ng kanyang lolo. Napag-usapan na kasi ng apat noon pa na hindi na muling lalabas pa ang kwento tungkol sa pagtawid ni Timber sa nakaraan para na rin sa ikakabuti nito.

“Nasaan na po pala ang lolo ninyo?” tanong ni Timber sa matanda.

“Dadalhin ko kayo sa kinaroroonan niya, sandali lang at tatawagin ko ang bunso kong anak para ipagmaneho tayo papunta doon” pagyaya ng matanda. Tumayo siya at pumunta sa kwarto para magpalit ng damit.

“Ibig sabihin kamag-anak ko ang siya?” tanong ni Javvy sa tatlo, kahit hindi man niya binanggit pangalan ni Miguel, alam nila siya ang tinutukoy niya.

“Oo” maikling tugon ni Timber.

Maraming gumugulo sa utak ni Timber habang papunta sila sa kinaroonan ni Miguel. Naisip niya na kaya pala magaan ang loob niya kay Javvy kahit na ilang beses niya itong nasaktan dahil may koneksyon sila ni Miguel, malayo man ay ramdam ito ni Timber. Gusto nya rin sanang buksan ang puso niya kay Javvy sa pagkakataong ito pero naisip niya na hindi tama ang pangyayari dahil maaaring nakikita lang ni Timber si Miguel kay Javvy.

“Ito ang lolo ko at katabi ang tatay ko” turo ng matanda sa puntod ng dalawa.

“Nakita nyo po ba ang lolo ninyo?” tanong ni Timber sa matanda.

“Sa kasamaang palad, hindi na. Bago ako ipinanganak ay binawian na siya ng buhay. Nakilala ko na lang siya sa kwento ng tatay ko noong bata pa ako” sagot ng matanda.

Nag-alay ng dasal at nagsindi sila ng kandila sa dalawang puntod.

“Itay, nagawa ko na po ang habilin ni lolo sa atin. Lolo, naibigay ko na po ang kahon kay Timber at eto, kasama ko pa siya ngayon” tugon ng matanda sa mga puntod, at nangilabot silang lahat ng maramdaman ang malamig na hanging dumaan sa kanila kahit na mataas ang sikat ng araw.

Hindi takot ang nangibabaw sa kanila, kungdi saya dahil alam nila na tanda iyon na masaya din ang dalawang namayapa dahil sa pagkakabigay ng kahon kay Timber.

“Sige, mauna na kayo, dito muna ako” sabi ni Timber sa kanila ng magyaya ng umalis ang matanda.

“Maiwan na rin ako dito para may kasama si Timber, puntahan ko na lang kayo sa bahay ni Lolo Tomas, sumakay na muna kayo sa sasakyan nila” paalam ni Javvy kina Chigo at Patsy. Alam niya na kailangang mapag-isa ni Timber kaya minabuti niyang maghintay sa sasakyan niya.

Labis ang tuwa na nararamdaman ni Timber, hindi man niya nakitang buhay si Miguel ay natagpuan naman niya ang kanyang puntod. Kahit paano ay mabibisita niya ito kung kelan niya gustuhin. Kanina pa niya gustong buksan ang kahon pero hindi ito mabukas-bukas dahil may lock. Hanggang sa maalala ni Timber ang susi sa kwintas na suot niya, bigay ito ni Miguel sa kanya noong huli nilang pagkikita. Napagtanto niya na sinadya ng kapalaran na maibigay iyon sa kanya para siya lang ang pwedeng magbukas ng kahon.

Pagkakuha sa susi ay kaagad niyang ipinasok sa lock ng kahon, hindi nga siya nagkamali, iyon ang susi ng kahon. Pagkabukas na tinignan ni Timber ang laman, mga ginuhit na larawan ni Miguel ng burol na may bahaghari, ang hitsura ng nayon mula sa taas ng burol, ang kampanaryo, ang bangka sa ilog, ang kalye na naglalaman ng mga Espanyol, ang plaza, ang kamalig at ang salamin kung saan makikitang naka-upo si Miguel habang nakikita ang repleksyon ni Timber sa modernong panahon. Pagkatapos niyang tignan at itupi ulit ang mga larawan ay may nakita pa siyang isang kakaibang papel, kakaiba kasi mas maputi ito kumpara sa mga naninilaw na papel na ginuhitan ni Miguel. Kinuha niya ang papel, binuklat ito at nakita niya ang sulat kamay ni Miguel.

Iniirog kong Yago,

Lubos akong nagagalak sapagkat nabigyan ako ng kakaibang pagkakataon na makilala at makasama ka sa sandaling panahon. Sa sandaling mabasa mo ito, nawa’y makarating sa’yo itong sulat, ay maaaring wala na ako sa mundong ito, pero huwag kang malungkot dahil babaunin ko ang lahat ng alaala nating dalawa, ang mga alaala na sariwa pa sa iyo sa mga sandaling hawak mo ang kahon na ibinigay ko sa’yo. Ginawa ko ang kahon na iyon para ilulan ang mga masasayang karanasan natin. Napagtanto ko na walang kasiguraduhan ang ating susunod na pagkikita kaya ibinigay ko ang susi sa’yo para mabuksan mo ito sa sandaling maipasa ito sa’yo ng aking angkan. Sa mga sandaling ito, habang ginagawa ko itong sulat, ay nalalapit na ang aking pakikipag-isang dibdib sa isang dalaga na ipinagkasundo sa magulang ko. Aayaw sana ako ngunit tadhana na rin ang nagpilit sa akin kaya pumayag na ako.

Hindi mawawala sa isip ko ang unang araw ng pagkikita natin, ang habulan natin patungo sa simbahan, sa ilog, sa burol, sa plaza, at sa kamalig. Hanggang ngayon ay nahihiwagahan pa rin ako sa paraan ng ating pagkikita pero mas binigyan ko ng oras na namnamin ang ating mga masasayang sandali. Labis akong nanangis noong mga araw na inaabangan kita sa salamin ngunit hindi ka na nagpakita muli, batid ko na naging abala ka na o kaya naman ay nabasag ang salamin dahilan upang hindi ka na makatawid. Umabot din ng ilang buwan bago ko tuluyang iniwan ang salamin at natanggap sa sarili na hindi na kita muling makikita. Iginuhit ko ang mga larawang nakalulan sa kahon upang maikulong ko sa kapirasong papel ang mga magagandang pinagsamahan natin, kapag nalulungkot ako, ang mga papel na iyon ang nakakapagpasaya sa akin. Maraming taon ko silang naging inspirasyon at umaasa ako na ganoon din ang gagawin mo.

Maraming salamat dahil iminulat mo ako sa hinaharap na panahon, nagagalak ako dahil kahit hindi ko marating ang oras na iyon ay parang nakita ko na rin. Mula sa paglaya ng Pilipinas sa bansang Espanya, sa muling pagsakop ng ibang lahi katulad ng mga Amerikano at Hapones, hanggang sa tuluyang maging malaya ito mula sa mga banyagang mananakop. Nakakalungkot mang isipin pero mga kapwa Pilipino din pala ang magkaka-away sa hinaharap. Nais ko sanang makita kung paano binago ng makabagong teknolohiya ng mundo ngunit hindi na maaari. Batid kong maraming tao sa hinaharap ang mas bibigyan ng pansin ang mga hindi kanais-nais na mga pangyayari, pero sisiguraduhin ko na ituturo ko sa mga magiging anak ko kung paano kagandang mamuhay sa kabila ng mga ito.

Lagi kong dalangin na magkikita tayong muli, ngunit nabatid ko na hindi na iyon nararapat dahil papasaok na ako sa panibagong yugto ng aking buhay. Yago, sa pagkakataong ito ay ikakahon ko na ang ating mga alaala sapagkat gusto kong magsimula na bagong buhay kasama ang aking magiging asawa, pero hindi nangangahulugan na makakalimutan kita. Maaaring itatabi ko muna ang mga iyon pero maglalaan ako ng malaking puwang sa puso ko para sa’yo. Ikaw ang magiging inspirasyon ko sa pagbuo ng aking pamilya, marami kang naituro sa akin mula sa hinaharap at mula doon ay huhugot ako ng mga magagandang aral para maisalin sa aking mga anak. Hahabilin ko ang kahon sa aking mga anak pero katulad na pangako ko sa’yo, hindi ako magbabanggit sa kanila kung paano tayo nagkita at kung ano man ang nalalaman ko sa panahong daratnan nila.

Maraming salamat sa pagmamahal at inspirasyon. Sa pagbukas mo sa akin ng iba’t ibang klase ng buhay at pag-ibig. Hangad ko ang kaligayahan mo sa taong mapipili mong ibigin.


Nagmamahal,

Miguel Tomas
1898

Hindi na mapigilan ni Timber ang pag-agos ng kanyang mga luha pagkatapos niyang mabasa ang sulat. Naka-upo pa rin siya sa harap ng puntod ni Miguel, ang kanang kamay ay hawak ang sulat at ang kaliwang kamay ay haplos-haplos niya ang lapida. Sa gitna ng kanyang pag-iyak ay muling dumampi ang malamig na hangin sa kanyang katawan, tanda na nandoon si Miguel, ramdam nga ni Timber na nakayakap ito sa kanya at pinapatahan siya sa kanyang pag-iyak.

“Tim, tara na, baka gabihin tayo pauwi, dadaanan pa natin sina Chigo at Patsy” sigaw naman ni Javvy mula sa kanyang sasakyan na ilang metro din ang layo mula kay Timber.

Itinaas lang ni Timber ang kanyang mga kamay tanda na narinig niya ang sinigaw ni Javvy.

“Aalis na ako, muli kitang dadalawin. Sana mabigyan man lang ako ng isa pang pagkakataon para mayakap kita” paalam ni Timber sa puntod ni Miguel.

Muli niyang itinupi ang sulat at nilagay sa kahon kasama ng iba pang mga papel, isinara niya at dinala niya ito. Kagaya ng ginawa ni Miguel ay gagawin niyang inspirasyon ang mga iyon at magsisilbing mga alaala niya sa nakaraan. Muling naramdaman ni Timber ang malamig na hangin at batid ni Timber na nagpa-paalam lang si Miguel. Naglakad na siya patungo sa kinaroonan ni Javvy ngunit nakatalikod ito.

“Javvy” sigaw ni Timber sa kasama para malaman na papunta na ito sa kanya, pero laking gulat niya ng makita si Miguel sa katauhan ni Javvy pagharap nito, at dahil sa sobrang tuwa ay tumakbo na siya. Pagkapatong ng hawak niyang kahon sa kotse ay kaagad siyang yumakap sa taong kaharap niya.

“Miguel”

“Yago”


-WAKAS-

No comments:

Post a Comment