By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com
Facebook: www.facebook.com/joemar.ancheta
Maaga kaming ginising ni Daddy
sa araw na iyon ng Biyernes para daw mamasyal sa bahay nina Lola sa Diadi,
Nueva Vizcaya. Bukod sa humigit kumulang pitong oras na biyahe mula Manila
hanggang sa Diadi, idagdag pa ang nakakatakot na daan sa Santa Fe dahil sa
matarik na bundok na dinadaanan ay alam kong mabobored lang ako sa bakasyon
dahil hindi pa umaabot ang kuryente sa bahaging iyon ng lugar ng mga magulang
ni Daddy. Minsan lang naman sa isang taon kami magbakasyon doon dahil bihira
din naman mabigyan ng bakasyon ang may mataas na ranggo na sundalo kong ama
ngunit sadyang hindi ko talaga magugustuhan ang lugar na may kalayuan sa
kabihasnan. Kung sana pinayagan na lang ako ni Daddy na maiwan sa bahay at
maglaro sa bago naming computer, sana hindi ako mababadtrip ng ganito. Idagdag pa
ang ingay nina Mommy na nakaupo sa harap ng aming sasakyan at ang bunso kong
kapatid na kumakanta sa tabi ko.
“Psst! Kuya Patrick! Ayos ka
lang?” tanong ni Daddy sabay tingin niya sa akin sa salamin.
Hindi ako sumagot. Gusto kong
maramdaman niyang hindi ako masaya sa bakasyon na ‘yun. Tumingin ako sa labas
ng bintana. Hayan na at malapit na kami sa Sante Fe. Para na naman akong
mahuhulog sa bangin ang sasakyan namin at paniguradong halos hindi na naman ako
makahinga o kaya ay tuluyang magsuka.
“Nagugutom ka na ba anak?”
tanong ni Mommy.
Hindi parin ako sumagot.
“Lintik na bata ‘to ah!
Kinakausap ka! Sumagot ka naman!” mataas na ang boses ni Daddy. Bihira lang ako
pagtaasan ng boses ni Daddy at alam kong kung ganoon na ang tono ng boses ay
malapit na siyang maubusan ng pasensiya.
“Hindi ho.” Maiksi kong sagot.
“Bakit ba ayaw na ayaw mong
binibisita natin sina Lolo’t lola mo e, hindi naman madalas na ginagawa natin
ito. Minsan nga lang sa isang taon. Makisama ka naman anak. Hindi ibang tao ang
bibisitahin natin, nanang at tatang ko ang mga iyon.”
