Wednesday, January 16, 2013

Straight 07

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com

XIAN’S POINT OF VIEW
Ang pagkakamali kong iyon nang nalasing si James ang siyang naging susi para lalo kong maintindihan ang palasak ng sinasabi ng karamihan na ang straight ay straight… dapat silang hinahayaang mapunta sa babae. Kung ang bakla nagmahal ng straight hindi lang yaman ang aagos mula sa kanila kundi kasama na ang tone-toneladang luha. Kung nagmahal ka ng straight kailangan mong panindigan na hinding-hindi ka magseselos sa babae dahil kahit anong mangyari, sa babae parin ang kahahantungan ng isang tunay na lalaki. Iwasan ding papiliin ang straight sa pagitan ng babae at ng isang bakla dahil baka mas masakit sa’yong tanggapin na hindi ikaw na bakla ang pipiliin. Maaring kailangan ka ng tunay na lalaki ngunit hindi ikaw ang nakapagbibigay sa kaniya ng tunay na ligaya.  Ngunit sa katulad kong nagmahal, hindi ko alintana ang pagod, hindi ako basta-basta sumusuko kahit pa ilang beses akong masaktan at lumuha… ang pag-iyak kong iyon lang ang alam kong paraan para maibsan ang sakit na halos hindi ko na nakakayanan.
Hindi madaling magpagod para sa wala. Hindi din madaling tanggapin na parang ang lahat ng ginagawa mo ay nababale-wala. Sige. Tanggap kong tanga ako. Alam ko namang tanga ako o kaya martir ngunit anong magagawa ko kung ang tanging alam kong dapat gawin ay ang paglingkuran, alagaan at mahalin ang taong sinisigaw ng puso ko. Kahit alam kong walang patutunguhan ang aking ginagawa, kahit batid kong masasaktan at masasaktan din lang naman ako sa huli, ngunit tulad ng nasabi ko, nagmamahal lang talaga ako at hindi ko kasalanang hindi iyon mabigyan ng halaga ng taong minahal ko. Alin ba ang mas tanga? Ang taong ibinibigay ang lahat-lahat niya kahit na hindi siya napapansin o ang lalaking nasa harap na niya ang nagmamahal ng tapat ngunit patuloy parin siyang naghahanap ng pagmamahal sa iba? Kung gaano kasuwerte ang mga katulad ni James na straight ay ganoon din kamalas ang katulad kong nagmamahal sa katulad niya. Kami na ang nahihirapan, kami na ang walang humpay na nagsisilbi at nagagamit sa aming kahinaan, kami parin ang sinasabihang tanga, martir at bobo.
Umiiyak na lang ako sa tuwing pinagsisilbihan ko siya na binabalewala lang naman niya. Iniintindi ko siya sa tuwing nagugutom ako sa kahihintay ngunit hindi man lang niya ma-appreciate ang inihanda kong pagkain para sa kaniya. Tahimik kong iniluluha ang katotohanang abot siya ng aking paningin ngunit napakalayo niya sa akin. Magkakuwarto lang kami ngunit parang hindi niya ako nararamdaman. Kami lang naman dalawa sa loob ng kuwarto ang naglilikha ng tunog at ingay ngunit hindi niya magawang ako’y pakinggan.
“Bakit kasi hindi na lang siya lumipat kung gano’n naman pala na hindi niya gusto ang ginawa mo sa kaniya.” Si Vince. Dahil kaibigan ko siya kaya sa akin parin kumakampi.
“Bakit kailangan naman niyang lumipat e, ako itong may kasalanan saka nag-aabot naman na siya ng share niya sa bahay.”
“Mabuti naman pala at tinatanggap mo na.”
“Ayaw ko sana kaso iniiwan ang bayd sa kama ko kung wala ako at ayaw naman tanggapin kung ibinabalik ko.”
“Dapat lang naman na magbigay siya ng share niya sa bahay  dahil wala naman libre dito. Mabuti sana kung di mo rin nirerentahan ang kuwarto ninyo.” Sinaid niya ang laman ng kaniyang baso ngunit muling nagsalin ng kiwi juice saka ibinalik niya sa ref. Muli siyang umupo sa tapat ko. Bumuntong hininga. “O ano ngayon, tama yung sinabi ko sa iyo dati na ginugulo mo lang ang buhay mo dahil diyan sa pagmamahal mo sa isang straight?”
“Kaibigan ko din naman siya.”
“Sus, tigilan mo ako Christina. Masampal kita. Kaibigan mo siya pero mas nangingibabaw ang pagmamahal mo kaya nga kayo ngayon nagkakagulo. Sasabihin ko sa iyo, kung kaibigan lang sana ang turing mo sa isang straight, hindi kayo aabot ng ganiyan. Bakit kasi hindi mo ako tularan, kung nagmahal ako, pinipili ko, dapat yung katulad din natin. Kahit pa ga’no ko kagusto ang isang straight, iniiwasan kong mahulog ang loob ko sa kanila dahil kahit pa anong gawin ko ay sa bandang huli, ako at ako parin ang masasaktan. Kaya kalimutan mo na ‘yang si James. Sinasabi ko sa iyo ng paulit-ulit, hindi lang ganyan ang aabutin mo. Gumising ka nga!”
“Sana ganoon lang kadali iyon. Kasalanan ko kasi kung bakit kami ngayon nagkakaganito e. Naiinis talaga ako sa sarili kung bakit hindi ako nakapagpigil noon.”
“Tapos na ‘yun bespren. Kahit pa maglupasay ka diyan, nangyari na ang dapat sana ay kaya mong iwasan kung bago siya dumating ay naghanap ka na ng iba niyang matutuluyan at hindi ‘yang magkasama kayo sa iisang kuwarto. Sarili mo lang ang sinasaktan mo. Lumipat ka na lang kaya?”
“Hindi ko siya kayang iwan. Kailangan kong pagbayaran ang nagawa kong kasalanan sa kaniya.”
“Tanga! E, di magtiis ka! At hanggang pinagtatanggol mo siya sa akin at hanggang matindi pa ang katangahang pagmamahal mo kay James ay wala din naman silbing ang mga sinasabi ko sa’yo. Ganyan na ganyan ang mga taong tanga. Nanghihingi ng payo sa iba pero sa huli, mas pinipili pa din nilang magpakatanga at kawawa naman ang kagaya kong nagbigay ng panahon na magbigay ng payo dahil hindi rin lang binigyang pansin at halaga ang mga pinagsasabi.” Muling uminom ng Juice. Ipinatong sa mesa ang baso. Tumingin sa akin saka siya napapangiti.
“Bakit ka ganyan makatingin?” tanong ko.
 “Ang simple naman sana ng problema mo ate! Move on! Hindi siya ang para sa’yo. Huwag ka ng mag-ambisyon na mamahalin ka din ng straight na kagaya ni James. Alam mo yung pinagdadaanan mo? Parang nagtitiis ka lang araw-araw sa sakit ng iyong ngipin samantalang puwede mo naman iyan ipabunot na lang para minsanang sakit lang. At least iyon, nakakasiguro ka naman na kapag gumaling na ang nabunutan mong gilagid ay tuluyan ka na ding hindi sasaktan pa ng bulok mong ngipin.”
“Sa ngipin talaga dapat ihambing ang pinagdadaanan ko?” napangiti ako sa binigay niyang halimbawa.
“Sa susunod, huwag nahuwag na nga lang nating pag-usapan kasi mas naiinis ako sa’yo” pagtatapos ni Vince. Tinaas niya ang dalawa niyang palad. “Suko ako sa ‘yo ‘te. Sa lahat ng pinakatangang nagmahal sa straight sa’yo ko ipapatong ang korona ng pinaka sa lahat ng pinaka!”
Mula nang nangyari ang paglapastangan ko kay James ay napansin kong nagiging malapit na sila ni Lydia. Akala ko dati kausap lang at kabiruan niya pero nang panay na ang kanilang tuksuhan at tawanan ay alam kong may kakaiba nang namamagitan sa kanila. Hindi ako nagsalita. Hindi ako nangialam. Wala akong karapatang manghimasok sa kanilang ugnayan. Pero parang gumuho ang mundo ko nang masaksihan ko siyang nakikipagtalik kay Lydia. Hindi ko inaasahang mangyari iyon. Hindi ko inisip na magagawa niya iyon.
Naiwan niya ang mobile phone niya noon nang may tumatawag sa kaniya kaya naisipan kong dalhin iyon sa kaniya dahil nag-aalala akong baka importante ang tawag na iyon ngunit pagsilip ko sa sa bahagyang nakabukas na pintuan ng kuwarto ni Lydia ay nagulat ako sa aking nakita. Hindi ako halos makagalaw nang masaksihan kong nagtatalik silang dalawa. Para sa katulad kong nagmamahal, isa iyong tagpo na parang bibigti sa iyo… parang nakainom ka ng lason na hindi ka makakilos at hindi mo na malaman kung alin ang masakit. Sa pagkagulat ko noon ay hindi ko na nagawang lumuha. Galit? Sakit? Selos? Bigo? Inggit? Hindi ko alam basta ang tanging alam ko ay sobrang sinaktan niya ako. Ngunit sa lahat ng mga nabanggit ko, ni isa doon ay wala pa akong masasabing sapat na karapatan para maramdaman ko iyon. Kailangan ko bang magalit sa kaniya gayong alam kong doon siya masaya na hindi ko kayang ibigay? May karapatan ba akong masaktan at magselos gayong alam ko namang walang espesyal na namamagitan sa aming dalawa? Maaring bigo ako at naiinggit ngunit dapat alam ko na iyon. Dati ko ng alam na mabibigo ako sa kaniya at noon ko pa naramdamang maiinggit sa mga naikakama niyang mga babae. Sana ako iyon. Sana ako ang hinahalikan niya, ako ang nilalamas niya at ako ang walang sawang kaniig niya.
Ngunit sa tulad kong nagtatanga-tangahan. Sa tulad kong likas ang kabaitan at nagmahal ng totoo, lahat ay kinaya kong isantabi. Masakit. Nasa akin ang karapatang sumbatan siya sa mga naitulong ko sa kaniya ngunit ayaw kong maging makitid dahil lang sa nararamdaman ko. Ngunit alam kong hindi siya tanga para hindi niya maramdamang mahal ko siya. Hindi ko iyon masabi ngunit kulang pa ba ang lahat ng ginagawa kong paninilbi para isipin niyang ang nangyari sa amin ay hindi lang libog, hindi lang dahil lasing ako, hindi dahil gusto ko siyang pagsamantalahan, hindi dahil sinisingil ko sa paraang ganoon ang mga naitulong ko sa kaniya, hindi lang dahil bakla ako? Nangyari iyon dahil sobrang minahal ko siya. Nangyari iyon dahil ilang dekada na siyang nakulong sa aking panaginip. Nagsisisi ako kung bakit ako nagpadaig sa tukso at nararamdaman ko. Kung bakit hindi ko pa dinagdagan ang pagpigil ngunit nakainom din ako. Hindi ko nakayanang pigilin ang lahat. Mali na kung mali ngunit tao din lang naman ako at kahit sabihin mang naitaon iyon nang may problema siya at lasing, sapat na ba iyong dahilan para tapakan niya pati ang buo kong pagkatao? Sapat na ba iyong dahilan para hindi niya ako irespeto bilang tao? Tama ngang kahit gaano mo katagal iningatan at ginawa ang isang kastilyong buhangin kung darating ang isang alon, kaya nitong buwagin ng minsanan langang matagal mong pinaghirapan. Sa isang nagawa kong pagkakamali, katapat na iyon ng tuluyang pagbagsak ng kaniyang respeto sa akin.
Pinalampas ko ang nangyari sa kanila sa kuwarto ni Lydia. Wala kasi talaga ako sa lugar para magalit o magselos. Ngunit ang gawin nila iyon sa kuwarto namin na nandoon ako. Iyon ang hindi ko talaga mabigyan ng sapat na pang-unawa. Umiwas ako. Humingi ng paumanhin sa aking inasal ngunit sinaid niya ang aking pasensiya. Sa galit ko ay tinignan ko siya ng masama at hindi ko na nakayang pigilin pa ang dibdib ko. Gusto nang sumabog.
“Andrama mo. Itigil mo ngang kabaklaan mo pare! Hindi na ako natutuwa sa ‘yo.” Iyon ang katagang nagpakulo sa dugo ko para tuluyang sumambulat ang naipong galit sa dibdib ko.
“Oo James, bakla ako. Ngunit gusto kong malaman mo na kahit ganito ako ay mas tao ako sa iyo. Kahit bakla ako ay mas mabuti ang kalooban ko sa iyo. Ni minsan hindi ko hiniling na mahalin mo ako, ni hindi ko rin hininging intindihin mo ako o kahit pasalamatan. Iisa lang naman ang hinihingi ko sa iyo na alam kong kahit sino ay hindi na dapat hilingin pa iyon kundi kusang ibinibigay sa kapwa tao kung ikaw ay mayroon iyon sa sarili mo. Respeto lang James! Oo nga’t bakla ako ngunit naisip mo din bang tao din ako na kung gaano mo gustong irespeto ka ng iba ay ganun din ang hangad ko. Sabihin na nating bakla ako, ang bakla ba wala na siyang damdaming masaktan? Ang bakla ba hindi na nangangailangan ng pagpapahalaga at respeto? Ano ba ang kaibahan ninyong straight sa amin? Dahil normal ang inyong nararamdaman at kami ay lihis sa pangkalahatan? Masuwerte kayo dahil ang inyong nararamdaman ay akma sa kung anong meron sa gitna ng inyong hita, ngunit sana malaman ninyo na ganito  man kami ay mas matibay kami sa inyo dahil kahit mahirap ang krus na pinapasan namin, pinipilit naming lumaban at mabuhay, pinipilit naming magpakatatag at makilala kami at mapahalagahan kahit patuloy kaming kinukutya ng mga katulad ninyo. ”
“Sa tingin mo, kailangan bang igalang ang mga katulad mo?”
“Kung sa tingin mo ay hindi, dahil bakla ako, ikaw na ang nakilala kong pinakamakitid ang utak. E, ano sa tingin mo ang ginagawa mo ngayon? May respeto ka rin ba sa sarili mong pumatol sa puta ng Doha? Nasaan ang respeto mo sa sarili mo kung pati dito sa loob ng kuwarto natin at alam mong may ibang tao ay kaya mong gawin ang kababuyang ginagawa ninyo. Mabuti ng ang baklang asal tao kaysa ang straight na asal aso na basta na lang magtitirahan kung saan inabutan ng libog.”
“Makapagsalita ka naman akala mo malinis ka, e yung ginawa mo sa akin na pagsasamantala dahil lasing ako, anong tawag mo doon? Barkada mo ako Xian, kaibigan mo mula pagkabata. Nang dahil sa kalibugan mo at kabaklaan, basta mo na lamang iyon sisirain at tatalikuran? Oo nga’t marami kang naitulong sa akin, hindi ko iyon kailanman makakalimutan ngunit hindi iyon ang magiging dahilan para gawin mo lang ang gusto mong maibigan lalo na nang mga panahong hindi ko kaya ang sarili kong ipagtanggol.”
“Pinagsisihan ko na iyon James. Inaamin ko nagpadala ako sa nararamdaman ko, nagpagapi ako sa emosyon ko. Minsan ko lang nagawa ‘yun at gusto ko sanang bumawi sa ibang paraan pero hindi mo ako binibigyan ng pagkakataon. Hindi dahil sa minsang pagkakasala kong iyon ay mananatili na ding ganyan ang trato mo sa akin. Lahat naman tayo binibigyan ng pagkakataong ayusin ang pagkakamali ngunit bakit ikaw hindi mo magawa iyon sa akin? Ta’s dinadagdagan mo pa ang problema sa pagpatol mo kay Lydia.”
“Ang sabihin mo, nagseselos ka lang. Ang sabihin mo kaya ka nagkakaganyan dahil gusto mong maging tayo.”
“Sabihin na nating nagseselos ako, sabihin na rin natin gusto kong maging tayo ngunit ni minsan hindi mo ako kinakitaan ng di makataong ugali. Ni minsan ay hindi ko ipinadamang nagseselos ako. Tahimik lang ako James, ngunit huwag mo naman sanang abusuhin pa iyon. Kahit sino, kahit gaano pa kabait ang tao ay hindi niya kayang palampasin na habang ikaw ay gustong magpahinga ay basta na lang biglang magpapasok ng ibang tao ang kasama mo sa kuwarto at doon magtatalik na walang kahit anong pasabi. Kahit gusto kong maging tayo, alam kong ilugar ang sarili ko. Alam ko kung hanggang saan lang ako sa buhay mo at ni minsan hindi kita kinausap tungkol doon, ni minsan hindi ko inihayag ang tungkol doon at sapat na sa akin ang mapagsilbihan kita, ang matulungan at ang mahalin na hindi naghintay ng kahit anumang kapalit.”
“Mahal? Alam mo bang sinasabi mo? Mahal mo ako! Tang-inang pagmamahal ‘yan!”
“Oo nga e, tang-inang pagmamahal ito dahil dito, naging tang-inang magulo ang buhay ko, ng dahil sa tang-inang pagmamahal na sinasabi mo, halos araw-araw akong nasasaktan!” Umupo ako sa aking kama. Sinapo ng dalawang palad ko ang mukha ko dahil halos hindi ko na makayanan ang tensiyon na parang tuluyang gumapi sa aking katinuan.
“Hindi nga ba ginawa mo iyan dahil gusto mong mahulog ang loob ko sa iyo? Huwag kang ipokrito Xian. Alam kong nagiging mabait ka sa akin dahil umaasa kang balang araw ay mamahalin din kita. Babae ang gusto ko at hindi ang katulad mong bakla. Baklang salot sa lipunan!”
“Ang kapal mo para sabihin ‘yan. Ginagawa ko ito dahil mahal kita at hindi dahil umaasa akong suklian mo ng pagmamahal ang ginagawa ko. Simpleng pasasalamat at simpleng pagturing sa akin bilang tao ay sapat na. Hindi ako ipokrito. Tinulungan kitang pumunta dito kahit alam kong may asawa ka dahil naawa ako sa kalagayan mo at hindi dahil gusto kong maging tayo. Tinulungan kita dahil gusto kong mapabuti ang buhay mo. Ilang beses ko ba dapat sa iyong ulit-ulitin James! Minsan lang nangyari iyon at pinagsisihan ko. Kung alam ko lang na ganito kasakit ang kapalit ng ilang minutong pagkakamali ay hindi ko na ginawa pa ang bagay na iyon. Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin  na ang halos limang minuto na iyon na ginawa ko ang makakasira sa halos dalawang dekada nating pagkakaibigan? Hindi mo alam kung gaano ko pinagsisihan iyon at kung gaano ko gustong punan ang pagkakamaling iyon. Ni minsan hindi ko na inulit pa alam mo iyon at sana man lang nakita mo ang bagay na iyon.”
“Siguro naman ngayon wala ka ng karapatang sumbatan pa ako sa mga naitulong mo sa akin dahil bawing-bawi ka na sa ginawa mo sa akin na pagsasamantala!” kumuha siya ng tubig sa ref. Hindi ko alam kung paano niya nagagawang maging kalmado sa mga sandaling iyon at patuloy niya parin akong sinasaktan sa kaniyang mga sinasabi.
 “Sumbat? Hindi ko ugaling manumbat kung nakagawa ako ng maganda sa aking kapwa pero dahil ikaw na din mismo ang nagbubukas sa usaping ‘yan ay mabuti na ring malaman mo.” Tumayo ako. Lumapit ako sa kaniya.
“Alam mo ba kung ano ang naging kapalit ng pagtulong kong ito sa iyo ha? Hindi ko pinupunto dito ang pera o kahit anong materyal na bagay dahil lahat ng iyon naibabalik sa pagtratrabaho ng maayos at pagsisikap sa buhay. Kaya kahit kailan hindi kita sisingilin o susumbatan sa mga ganoong bagay. Pero ang sa akin lang na gusto kong malaman mo ay kung ano ang naging epekto sa akin ang pagkuha ko sa iyo dito.  Alam mo ba kung anong naging sukli ng ginawa kong pagdala sa iyo dito?  Sinakripisyo ko ang panahon ko at lakas sa’yo at kinalimutan ko ang nakasanayang buhay ko noong wala ka pa dito. Nawalan ako ng mga kaibigan James. Lumayo ako sa kanila kapalit ng pagpapakalalaki ko para sa iyo. Alam mo ba kung gaano kahirap ang hindi magiging totoo sa iyong sarili dahil lang sa isang taong pinahahalagahan mo? Alam mo ba kung gaano kahirap ang magbalat-kayo ng ilang taon dahil lang sa lalaking minahal mo? Hindi mo alam kung ilang beses kitang iniyakan mula nang mga binatilyo pa tayo. Hindi mo alam kung gaano kahirap sa kalooban ang ginagawa kong pagkait sa sarili ko ang pagiging totoo. Hindi ko na nga kilala ang sarili ko. Nalilito na ako kung ano nga ba ang gusto ko. Hindi ko na alam kung paano ba maging masaya. Mula nang nangyari ang bagay na iyon, tanging pagluha ang alam kong gawin. Tanging mag-isip, malungkot at magtimpi. Hindi mo alam ang hirap na pinagdadaanan ko dahil wala kang alam na intindihin kundi ang sarili mo lang. Ang tanging iniisip mo ay ang sarili mong pakiramdam at wala kang pakialam sa nararamdaman ng iba. Pinapiral mo lang ang makitid mong pag-iisip.”
“Tumigil ka na! Kung hindi ka pa titigil ay baka hindi ko mapigilan ang sarili ko!” Malakas niyang ipinatong ang basong ginamit niya sa sa ibabaw ng mesa.
“Ano James? Bubugbugin mo ako? Sasaktan mo ako? Katulad ng ginawa mong pambubugbog noong college tayo? Iyon ba ang gusto mong gawin? Minsan lang ako magsalita, ngayon ko lang ibuhos ang naipong sakit ng loob ko sa iyo. Ito lang ang masasabi ko sa iyo, wala kang utang na loob! Wala kang pinagkaiba sa tatay mo! Pareho lang kayong makitid ang pag-iisip. Gumising ka James! Tignan mo ang paligid mo! Hindi lang kami ng kuya mo ang ganito! Hindi dahil ganito kami ay iyon na ang kabuuan ng aming pangkalahatan! Mas madami pa sa amin ang kapaki-pakinabang sa pamilya, sa lipunan at sa buong mundo kaysa sa katulad mong lalaki nga ngunit kundi dahil sa suporta namain ay magiging talunan na sa buhay! Sana naman magkaroon ka ng kaunting hiya!”   
Pagkasabi ko iyon ay isang malakas na suntok ang tumama sa aking bibig na sinabayan ng isa pa sa aking sikmura. Namilipit ako sa sakit.
“Walang hiya ka! Anong karapatan mong saktan ako! Napakawalang hiya mo!” Lalong sumidhi ang pagbuhos ng aking luha.
“Lumaban ka! Huwag yung puro ka satsat! Ganitong laban ang gusto ko at hindi parang babaeng nagbubungangaan! Sige na. Pagbibigyan kitang maka-iskor ng suntok! Ano tol! Suntukan na lang para mailabas mo kung ano yang sinasabi mong hinanakit mo sa akin! Ito ang dapat ginagawa ng mga lalaki hindi iyong ganyang puro ka pagbubunganga! Hindi ka naman babae e! Ano! Sige tol, bigwasan mo ako!” hamon niya.
Hindi sa takot ako sa kaniya ngunit alam kong kung papatulan ko siya sa paraang gusto niya ay lalong magkakagulo lang at baka mauwi sa todong sakitan. Naisip kong nasa Middle East kami at mas malaking eskandalo kung nagkataon. Minabuti kong tumayo at humakbang patungo sa pintuan.
“Ano, lumaban ka! Sumuntok ka! “ kasabay iyon ng malakas na pagtulak. Halos mabunggo ko ang pintuan. Minabuti kong hindi na lang lumabas ngunit hindi ako gumanti. Hinarap ko siya. Pinunasan ko lang ang dugo sa aking labi at ang luha sa aking mga mata ay nagpapakita kung gaano kasama ang pagtrato niya sa akin pagkatapos ng lahat-lahat.  Bumalik ako sa aking kama. Umupo ako. Tinitigan ko siya.
Bumunot siya ng malalim na hininga. Alam kong pinapakalma niya ang kaniyang sarili!
“Shet! Shet!” pinagsusuntok niya ang gawa sa kahoy niyang aparador. Alam kong doon niya nilabas ang kaniyang galit.  Umupo na din siya sa kaniyang kama ng alam kong naibuhos na niya ang hindi niya maibigkas na mga salitang gusto sana niyang sabihin.
 Hindi ko hinintay na humingi siya ng sorry. Lalong hindi ko rin hinangad na sabihin niya iyon dahil alam kong kahit kailan ay hindi niya nagawa iyon sa akin. Pinakita ko sa kaniyang nasaktan ako sa ginawa niya.Namuo ang kakaibang galit sa akin dibdib. Hindi lang sakit sa pisikal ang naramdaman ko noon lalo na nang matikman ko ang maalat-alat na dugo sa aking labi. Kung may nagawa siya sa akin na isa na hindi ko matanggap ay ang pagbuhatan niya ako ng kamay. Wala siyang karapatan para gawin sa akin iyon. Oo nga’t mahal ko siya ngunit hindi siya kahit kailan nagkaroon ng karapatang para suntukin ako dahil mismong mga magulang ko ay hindi iyon ginawa sa akin. Iyon ang isang pangyayari na hindi ko kailanman matanggap na ginawa niya sa akin. Sa mga sandaling iyon ay hindi na siya sa tingin ko ang lalaking minahal ko. Sa pagkakataong iyon, pagkatapos niya akong pagbuhatan ng kamay ay parang tinupok ng galit at sakit ng loob ang naiiwang pagtatangi sa kaniya.
 “Ilang beses mo na akong sinaktan. Dati emosyonal lang ngayon pisikal na din.” Malumamay pa din ang bawat bitaw ko ng mga salita para lalong niyang maramdaman at maintindihan ang aking mga hinanakit.  Patuloy ang pag-agos ng aking luha. “Wala akong ginawang sa alam ko ay nasaktan kita. Kung sa alam mo ito ang mabuting ganti mo sa mga ginagawa ko sa iyo, okey lang ‘yon ngunit tandaan mo na simula ngayong araw na ito ay tuluyan na kitang hindi pakikialaman. Gawin mo ang gusto mong gawin at gawin ko din ang gusto ko. Makaasa kang hindi kita guguluhin. Gusto ko lang din sabihin na kung sakaling sa palagay mo ay masikip na sa ating dalawa ang kuwartong ito ay malaya kang lumipat. Sa tingin ko naman ay tapos na ako sa responsibilidad ko sa iyo. Ayaw ko lang na mawala nang tuluyan ang naiwang katiting na respeto ko sa iyo. Ayaw kong isang araw ay pati pagkakaibigan natin ng ilang dekada na ay tuluyang mawala. Iyon lang naman ang pinahahalagahan ko na ngayon, yung pagkakaibigan natin. Iisa din lang ang dahilan kung bakit hindi ako nagsasalita dati sa mga masasakit na ginawa mo sa akin. Iyon ay ang napakalaking respeto ko sa iyo na ni minsan pagkatapos ng nangyari sa atin ay tuluyan mo ng ipinagkait sa akin na bigyan din ako ng respeto. Kung gusto mong mawala ako sa buhay mo, simple lang naman yun e, kausapin mo ako ng maayos. Magkaniya-kaniya tayo. Hindi mo kailangang saktan ako. Hindi ko naman kailangang ipilit ang sarili ko sa iyo James. Kung sinabi mo sa akin ng maayos na hindi mo na ako kailangan bilang kaibigan at  hindi mo kailangan ang pagmamahal ko, makakaasa ka namang tuluyan akong mawawala sa buhay mo at hindi mo kailangan gawin pa ang lahat ng ito. Hindi ako salat ng pagmamahal James para gawin magmakaawa sa iyo. Marami ang nagmamahal sa akin, nandiyan ang pamilya ko, nandiyan ang mga kaibigan ko na dumistansiya lang sandali dahil sa iyo. Alam kong handa silang tanggapin ako hindi tulad ng pagturing mo sa akin. Ngayong nasabi ko na lahat ang gusto kong sabihin hinding-hindi na kita guguluhin pa.” Nanatili siyang nakaupo sa kaniyang kama sapo ng dalawang palad niya ang kaniyang ulo.
Bago ako tumalikod ay nakita ko ang bigla niyang pagtayo din na parang hindi niya alam ang kaniyang sasabihin. Basa ang gilid ng kaniyang mga mata. Nakita ko ang pamumula no’n. Ngunit sa tulad kong nasaktan, hindi ko na binigyan pa ng kahit anong paliwanag at pagtanggap ang nakita kong reaksiyon niya. Pagkatapos kong dampian ng tissue ang dugo sa labi ko ay bumalik na ako sa kama ko at nahiga. Masakit ang mga dumapong suntok niya sa akin kanina ngunit alam kong nasaktan din siya sa mga sinabi ko.  Bago ako pumikit sa gabing iyon, sinabi ko sa aking sarili na hindi ko na siya hahayaang saktan pa ako. Kung gusto niya ng laban ng lalaki at bakla, puwes ipakita ko sa kaniya kung paano lumaban ang katulad ko. Wala akong pakialam kung masasaktan siya, ang sa akin lang ay hanapin ko ang gusto ko at gawin ang dating ginagawa ko noong wala pa siya. Muli kong gawin ang itinigil kong kasiyahan sa buhay ko.
 Tignan natin ngayon kung sino ang talunan sa ating dalawa James. Tignan natin kung sino sa atin ang nawalan!

No comments:

Post a Comment