By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com
Facebook: www.facebook.com/joemar.ancheta
Xian’s Point of View
Hindi madali ang naging buhay ko sa
kulungan ngunit sa bawat gabing hindi ako makatulog ay si James ang hinuhugatan
ko ng lakas. Dahil sa pagtatapat niya nang tunay niyang nararamdaman sa akin ay
hindi ako nagsisising ako ang nakakulong at siya ang nakalaya. Katangahan para
sa karamihan ngunit sa mga katulad kong tunay kung magmahal, walang katangahan
sa pagsasakripisyo sa taong inuukulan mo ng lahat-lahat sa’yo. Alam kong
tatagal ako sa kulungan, maaring abutin ng ilang taon o kaya ay dekada ngunit
nananalig ako sa bisa ng dasal. Umaasa akong muli kaming magkikita ni James.
Malaki ang naitulong sa akin nang huli dinalaw niya ako sa kulungan. Sa tuwing
pinagmamasdan ko sa aking daliri ang singsing na iniwan niya sa akin ay alam
kong naroon lang siya at naghihintay sa aking pagbabalik.
Maayos ang kulungan sa Qatar. Sa
mga inaayos palang at nakabinbin ang kaso sa hukuman ay hindi tinatratong
parang isa ng criminal. Maayos ang aming pagkain at higaan. Ang tanging nakakalungkot
ay ang tuluyang ipinagkait ang iyong kalayaan. Pumanig sa akin ang hustisya.
Hindi ako binigo ng Diyos sa aking mga
dasal. Kahit nagbilang ako ng ilang buwan sa loob ay hindi ko minsan binigyan
ang kahinaan ng kalooban para tuluyan akong igupo sa kawalan. Iyon ang
kailangan ko, tibay ng loob, pagmamahal at alaala ni James, pag-asang
makakalaya at ang malakas kong pananalig sa Diyos. Nang dumating ang araw na
hinatulan ako ng deportation ay napaluha ako sa saya. Alam kong sa wakas ay
muli na kaming magkasama pa ni James. Pagsasamang wala ng halong takot at
pagkukunwari. Nang inihatid ako sa airport ng mga pulis ay nabigyan ako ng
pagkakataong tawagan si Vince para ayusin ang mga gamit ko para ipadala na lang
niya sa akin sa Pilipinas. Mabuti na lang din at sa bank account ko sa
Pilipinas ko hinuhulog ang aking mga ipon. Ang end of service ko na makukuha sa
aking company ay ipapadala na din sa account ko sa Pilipinas.
Masaya akong sinalubong nina Mommy
at Daddy sa airport pag-uwi ko. Ang alam nila ay nakulong ako sa Qatar dahil
napagbintangan ako sa kasalanang hindi ako ang gumawa ngunit sinabi ko kay
Vince na kahit anong mangyari ay huwag na huwag niyang sabihing si James ang
dahilan ng aking pagkakakulong. Kilala ng pamilya ko si James bilang matalik
kong kaibigan at kababata. Napaiyak si Mommy nang niyakap niya ako. Akala nga
daw niya ay hindi na niya ako muli pang mayayakap. Sa sobrang saya ng aking
pamilya ay naghanda sila ng isang salu-salo. Balak kong puntahan si James at
ang pamilya nito para makisaya sa amin. Umaasa akong tinupad niya ang kaniyang
pangako na buuin na niya ang kaniyang pamilya. Nang nasa gate na nila ako ng
bahay nila ay alam kong nagtagumpay siya sa kaniyang ipinangako sa akin. Maayos
na ang bakuran nila. Alaga ang mga halaman sa paligid at bagong pintura ang
kanilang bahay. Nakita ko ang bakuran nila kung saan kami noon naglalaro nang
mga bata kami. Ang gate nila kung saan naroon si Cathy at ilan pa naming tropa
pagkatapos ng basketball. Hindi lang alam ni James noon kung gaano ko gustong
sabunutan si Cathy sa tuwing nagpapahalik siya sa kaniya. Napangiti ako. Tapos
na ang mga araw na masaya si Cathy sa piling ni James. Ako na ang mahal ni
James ngayon.
Kumatok ako kaagad nang nasa
pintuan na nila ako. Sobrang excited ako na nangangatog pa ang aking mga tuhod.
Kung si James ang magbubukas ng pintuan, hindi ko alam kung ano ang magiging
reaction namin sa muli naming pagkikita. Bumunot ako ng malalim na hininga para
makontrol ko ang aking sarili. Ngunit si Vicky ang nagbukas. Napatulala siya.
Hinihintay kong tanungin niya ako ngunit parang hindi siya makapaniwala sa
kaniyang nakikita.
“Xian? Barkada ng kuya mo?”
“Kilala ko po kayo. OMG kuya Xian!
Kailan ka pa nakalaya!” nakita ko sa mata niya ang pangingilid ng kaniyang
luha. “Hindi ko alam kung paano ko sasabihin kay kuya James na nandito ka na.
Alam kong mahihimatay iyon sa saya. Ito ang matagal na niyang hinihintay.
Bumagsak ang kaniyang pangangatawan dahil tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa
na magkasama pa kayong muli pero kuya, andito ka na! Oh my God!”
Napangiti ako. “So alam mong hindi
ako barkada lang ng kuya mo?”
“Oo naman no. Kay kuya Jinx siya
nagkuuwento pero ang tsismosong kuya ko naman ay dinidiretso kaagad sa akin.
Pasok ka muna kuya.”
Nang pumasok ako sa kanilang bahay
ay hinanap ko kaagad ang mga anak ni James at syempre si James mismo. Ngunit
tahimik ang kabahayan.
“Mag-isa ka lang ba?”
“Oo kuya. Nasa probinsiya silang
lahat. Mayor si kuya Jinx sa isang bayan sa Cagayan at dinala niya sina tatay
at kuya doon pati mga bata. Doon na kasi nag-aaral ang mga bata at si kuya
James ay abala naman sa pinatatayong Hotel na magiging negosyo niya habang
hinihintay daw ang pag-uwi mo. Mabuti nga kuya nakarecover na siya sa
depression niya. Sobrang na-depress noon sa kaiisip sa’yo.”
“Talaga?” masaya ako sa narinig ko.
Hindi dahil nadepress siya at naramdaman ko ang kahalagahan ko sa buhay niya
kundi ang katotohanang ipinagpapatuloy niya ang kaniyang buhay sa paraang gusto
ko. “Paano ‘yan. May party sa bahay. Iimbitahan ko sana kayong lahat. Saka
gusto ko na talaga siyang makita. Maaring mamayang gabi ay bibiyahe ako papunta
ng Cagayan. Masasamahan mo kaya ako?”
“Sandali kuya. Tatawagan ko muna si
kuya James. Baka kasi magkasalisihan kayo. Kailangan na siguradong naroon siya
pag-uwi natin doon. Birthday niya bukas kaya hindi ko alam kung dito siya
magcelebrate o doon sa Cagayan.”
Kinuha niya ang cellphone niya.
Minabuti niyang i-loud speaker para daw madinig ko ang kanilang usapan.
“Hello Vicky!” sagot ng kabilang
linya. Hindi iyon boses ni James.
“Kuya! Kuya!” nakita ko ang sobrang
excitement ni Vicky.
“OA lang? Kuya Jinx mo ‘to. Kuya
James mo nasa kuwarto niya, Pangatlong araw na ngayon nagkukulong kasi daw
tumawag ang kaibigan ni Xian sa Qatar at ibinalitang habang-buhay na
mabibilanggo doon si Xian kaya hindi ko na alam kung paano siya i-comfort.
Natatakot ako nab aka bumalik na naman ang depression niya.”
“Sino kayang OA sa atin? Haba agad
ng kuwento”
“ E, bakit ka nga
tumawag. Nasa akin ang cellphone niya. Kung may sabihin ka sabihin mo na agad
kasi nga papasok na ako sa munisipyo.”
“Wait may kakausap
sa’yo. Kuya bilis kausapin mo si kuya Jinx.” Inilapit niya sa akin ang
cellphone.
“Hello po kuya Jinx.
Xian po ‘to.”
Matagal na hindi
sumagot. “Hoy, Vicky! Huwag mo ako ine-echoz!”
“Xian nga po ito. Ako
po ito. Kadarating ko lang kagabi.”
“Oh my God! Oh my
God! Xian ikaw nga ba ‘yan! Sandali lang kasi nanginginig ako. Hinga lang ako.
Gusto kong i-absorb muna ‘to nang makapag-isip ako ng tama.”
“See? Sinong mas OA
sa amin kuya?” si Vicky. Napangiti ako.
“Uuwi kami diyan
bukas ni Vicky kuya Jinx. Excited na kasi akong makita si James. Taman-tama nga
daw birthday nga pala niya bukas. Sana wala siyang magiging lakad!”
“At dahil diyan, may
naiisip akong surprise party for him. Huwag na huwag kanga tat Xian. Huwag na
huwag mong sirain ang diskarte namin ng mga kaibigan ko. Ito na! Makakaganti na
si Rhon sa ginawa naming noon sa kaniya. Sige, umuwi kayo dito ng maaga para
ma-meet mo muna ang mga friends ko at pagplanuhan natin ang ating gagawin.
Expert ang mga kaibigan ko sa mga ganito kaya award winning ito!”
“Baklang-bakla
naman.” Sagot ko.
“Korek! Basta para sa
hipag kong hilaw na badet! Gagawin ko ang lahat!” humagalpak na kami ng tawa.
Mahusay naming
naiayos ang Birthday Surprise Party namin kay James kasama sina Kuya Aris, Kuya
Rhon, Kuya Terence, Kuya Lando, Dok Mario, Dok Bryan, Cgaris, Jay-ar, Vicky at
kuya Jinx. Nang tumigil ang sinakyan ko malapit sa pinagdarausan ng birthday
niya ay natanaw ko siya. Nakapalaki na ng ipinayat ng mahal ko. Alam kong
dumaan siya sa matinding depression. Naroon ang kaniyang mga ngiti ngunit alam
kong pinipilit lang niyang maging masaya. Noon ko naramdaman kung gaano siya
nasasaktan sa pagkawala ko sa kaniyang buhay. Gusto ko tuloy tawagan si Vince
at sisihin sa ginawa niyang pagpapahirap sa kalooban ng mahal ko. Ngunit
magtutuos kami ng kaibigan ko. Alam kong galit siya kay James dahil sa
pinahamak niya ako ngunit hindi ko nagustuhan ang naging epekto sa lahat ng
kasinungalingang ipinaabot niya. Lubog na ang pisngi ni James sa kapayatan. Ni
hindi na nga niya yata siya nakapagpagupit at maisip mag-shave. Nakaramdam ako
ng pagkaawa.
Nang nasa harap ko na
siya at nabuksan na ang pintuan ng sasakyang pinagtaguan sa akin ay alam kong
nabosesan na niya ako. Nakita ko sa kaniyang mukha ang kakaibang saya. Napaluha
na din ako ng nadama ko kung paano siya nabunutan ng tinik sa dibdib.
Nakahigpit ng yakap niya sa akin noon. Parang ayaw na niya akong pakawalan.
Pati sa araw ng birthday party niya ay hindi niya binibitiwan ang aking mga
kamay. Kahit mag-cr lang ako ay gusto pa niyang sumama.
“Ano ba naman yan
James, para naman may aagaw kay Xian sa’yo. Enjoy your party!” banat ni Kuya Terence.
“Possesive lang?
Taken na kaming lahat dito at saka dekada na ang relasyon namin sa mga partners
naming kaya wala ng magtatangkang aahas pa diyan kay Xian mo noh!” pang-aalaska
naman ni Kuya Rhon.
“Huwag pakasiguro.
Single pa din ako!” si Kuya Jinx. Ngunit parang bigla siyang nandiri sa sinabi
niya. Lahat ay halos nagkasabay-sabay na napa-“EWWWW”!
Biglang naipatugtog
ang kantang “Kanlungan”.
Pana-panahon ang pagkakataon
Maibabalik ba ang kahapon?
Natatandaan mo pa ba
Nang tayong dal'wa ang unang nagkita?
Panahon ng kamusmusan
Sa piling ng mga bulaklak at halaman
Doon tayong nagsimulang
Mangarap at tumula
“Pwede ba! Tantanan
ako! Nakakasawa na ‘yan!” sigaw ni kuya Jinx.
“Inggitera!” sigaw ni
kuya Rhon. Nakita kong kinuha ni Kuya Aris ang kamay ni kuya Rhon at nagsayaw
sila sa gitna. Wala nga lang gustong umastang babae kaya parehong sa baywang
nila nakalagay ang kani-kanilang mga kamay. Nagsunuran ang lahat sa gitna para
sumayaw. Inakay ko si james. Sumunod na din siya kahit halatang nahihiya pa
ito.
“Sa gilid lang kayo!
Lando at Terence huwag kayong sapaw! Theme Song namin ‘yan kaya doon muna kayo
sa gilid puwede! Moment muna namin ito!” si Kuya Aris. Sumunod naman ang
dalawa. Nagtatawanan kaming lahat.
Ilang saglit pa ay
naipatugtog na ang “Everything I have”.
I promise I will hold you Through the changes and fears
when life seems unclear
And when I can't be right there with you I know there's
angels by your side
“Amin na ‘yan.
Gumilid na yung mga hindi na kailangan. Tapos na ang kanlungan!” sigaw ni Dok
Bryan. Hinila niya si Dok Mario. Nakita ko sa mga mata ni Dok Mario ang mabilis
na pagluha. Dumaan iyon sa kanyang pisngi at mabilis na pinunasan ni Dok Bryan.
Nagkatinginan kami ni James. Hindi ko kasi alam ang kuwento.
“Naala niya siguro si
Kuya Gerald. Namatay sa sakit na kanser. Ngunit nagawa niyang naiyos ang buhay
ni Dok Mario bago siya pumanaw. Lahat ng meron si Kuya Gerald ay ibinigay niya
kay kuya Mario. Nagawa pa nitong ayusin ang pagkikita nila ni Dok Bryan bago
siya pumanaw. Matalik na magkaibigan si Dok Bryan at Gerald. Alam mo mahal ko,
ayon sa pagkakakuwento sa akin, parang ikaw lang si Gerald. Selfless! Matindi
kung magmahal at nagpapasalamat ako’t narito ka kasama ko ngayong gabi.
Naiintindihan ko ang pinagdadaanan ni Dok Mario.”
Natahimik ang lahat.
Nakita ko si Kuya Jinx na lumuluha din. Pinisil ko ang kamay ni James.
“Affected yata si Kuya Jinx?” bulong ko.
“Ganyan lang ‘yan
pero may mga pinagdadaanan din. Mahabang kuwento. Hindi bale, ikukuwento na
lang niya sa’yo basta hindi ko pa puwedeng idetalye sa’yo.”
Habang sumasayaw kami
ni James ay napalapit kami kay Dok Mario at Dok Bryan.
“Huwag ka ng
malungkot ha. Hindi natin siya binigo. Nakita niya kung gaano natin
pinahalagahan ang isa’t isa. Alam ko na kung nasaan man si Gerald ngayon ay
masaya siya sa ating dalawa. Mahal na mahal kita.” Malambing na sinabi ni Dok
Bryan kay Dok Mario. Pinunasan ni Dok Bryan ang luha sa pisngi ni Dok Mario.
“Matagal ko na kasing
hindi narinig ang kantang ‘yan kaya bigla ko siyang naisip at namiss. Sana kung
nasaan man siya ngayon ay alam niyang natupad nating dalawa ang ipinangako
natin sa kaniya at kahit mahal na mahal kita, alam mong nasa bahagi parin siya
ng aking puso hanggang sa ibalik ko ang aking buhay.”
Ngumiti si Dok Bryan.
Alam kong may kaunting pait ang ngiting iyon. Kinindatan niya kaming dalawa ni
James. Patapos na ang kantang iyon at nakita kong biglang napatahimik ang
lahat.
Biglang pumailanlang
ang kantang “Humanap ka ng pangit ni Andre E.”
Kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay
Humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay
Isang pangit na talagang 'di mo matanggap
At h'wag ang lalaki na iyong pangarap
Napatawa na naman ang
lahat. Kitang-kita ko kung anong naging reaksiyon ni Kuya Terence lalo na nang
nakita niyang nandoon si Kuya Jinx sa tabi ni Cgaris at Jay-ar na nagiging DJ
namin.
“Kakalbuhin kita!
Baklang to! Alam ko! Ako ang pinariringgan mo sa kantang ‘yan.” Pagtatalak ni
kuya Terence.
“Hindi niyo ba theme
song ‘yan?” patay malisyang tanong ni Kuya Jinx!
“Hindi no! At anong
silbi ng anak kong nandiyan at hinayaang babuyin ang love story namin ng Daddy
niya!”
“E, sabi kasi ni
Mayor bagong favorite niyo daw yan na kanta kaya pinatugtog namin.”
“Humanap ka ng pangit
talaga anak! Aray ko naman! Gumanda na ako! Mahal ako ng daddy mo kahit noong
chakka pa ako!”
“Ano nga ba kasi ang
theme song ninyong dalawa tito?” tanong ni Cgaris kay Lando.
“Meron ba tayong
theme song mahal ko?” tanong niya kay Terence. Nagkatinginan sila.
“Ah basta! Mahal na
mahal natin ang isa’t isa. Walang theme song, theme song! Sige anak Gangnam
style ang ipatugtog mo para masaya!”
Nang mapagod ang
lahat ay sa gangnam style ay pumailanlang ang Because of you ni Keith Martin.
Nagkatinginan kami ni
James. Kinuha niya ang kamay ko. Dinala ako sa gitna at Nagkayakapan kaming
sumayaw saliw ang kantang naging paborito ko.
“Mabuti pala naging
paborito mo ‘yan. Baka paglaruan din ang buhay natin kung di mo pinili ang
kantang iyan. Tuloy parang gustong-gusto ko na ding ulit-ulitin ‘yan.” Bulong
niya sa akin. Hinalikan niya ang puno ng tainga ko.
“Uyy pasimple ang
halik ni kuya James oh!” si Cgaris. Alam kong nang-aasar.
“Sa lips naman” sigaw ni Dok Mario.
Tinignan ko si James.
Alam kong hindi sanay si James na ipakita ang pagmamahal niya sa akin. Ngunit
iba na ang James na kasayaw ko ngayon. Malayong-malayo sa James na nakilala ko
at naging kababata. Hindi parin ako makapaniwala na ang James na lihim kong
minahal ay tuluyan nang naging akin.
“Sa lips daw.”
Nakikita ko sa mga mata ni James na nahihiya lalo na nakaupo’t nakamasid sa
amin ang lahat na parang ibinibigay nila sa aming solohin ang pagkakataong
iyon.
Hinawakan ko ang pisngi
niya at hinalikan siya ng matagal sa kaniyang labi. Palakpakan ang lahat.
Nakita kong yumuko siya. Nakangiti.
Pagakatapos ay namumula siyang tumingin sa mga nasa paligid niya at
tumingin muli sa akin. Nang bigla niya akong hinalikan din sa labi. Lalong
nagwala ang palakpakan.
“Akala ko nahihiya
ka.” Tanong ko sa kaniya pagkatapos niya akong halikan.
“Kailangan kong
sanayin na ang aking sarili. Kanina nga nang una kitang makita sa sasakyan na
pinagtaguan sa’yo nahalikan kita dito pa kaya.” Sagot niya.
Napuno ang gabing
iyon ng saya. Hinding-hindi ko makakalimutan ang gabing iyon sa buhay ko. Isang
gabing nagsimulang naging buo ang aking pagkatao.
Kinabukasan noon ay
ipinakilala ako ni James sa tatay niya. Hindi noon nakasagot ang tatay niya
nang sinabing ako ang mamahalin niya habang-buhay. Pumasok sa kuwarto niya
pagkatapos niyang marinig ang sinabi ni James. Wala siyang sinabi ngunit wala
siyang ginawang hindi kaaya-aya. Alam kong hindi ganoon kadaling tanggapin na
ang alam niyang lalaki na anak niya ay pumatol na din sa katulad ko. Ngunit
alam kong matatanggap din ng tatay ni James ang sitwasyon namin. Darating ang
panahong matutunan din niya akong magustuhan bilang minamahal ng akala niya’y
straight na anak niya. Napahanga lang ako sa tapang ni James na ipagtapat ang
tungkol sa amin.
Walang naging
problema sa pamilya ko. Hindi pa man daw ako nagtatapat ay alam na nilang berde
ang dugo ko. Malugod nilang tinanggap si James na bahagi ng buhay ko pero iisa
lang ang pinakiusap ni Daddy, huwag na huwag niya akong sasaktan dahil kahit
kailan ay wala siyang sinaktan sa kaniyang mga anak. Mapalad akong nagkaroon ng
pamilyang maunawain at mahal kami sa kabila n gaming pagkasino.
Dalawang taon pa ang
matuling nagdaan nang sinamahan namin ang mga bata na maglaro sa park malapit
sa aming hotel. May dumaang isang babae na namumukhaan ko kahit parang tumanda
at umitim ng husto. Alam kong sa hitsura niya ay galing sa liblib na baryo
dahil may bitbit pa siyang bayong. Si Cathy.
“Cathy!” tawag ko sa
kaniya. Lumingon siya at mabilis naman niya akong napagsino.
Nahihiya siyang
lumapit kaya minabuti kong lapitan siya. Tinawag ko din ang mga anak niyang
panganay na si Jethro at bunsong si Jino.
“Mama?” tawag ni
Jethro nang makilala niya ang ina niya. “Jino si Mama” pakilala ng panganay sa
bunso niyang kapatid dahil halos hindi na yata matandaan ni Jino ang ina.
“Mga anak ko.
Anlalaki niyo na!” napaluhod si Cathy at niyakap niya ang kaniyang mga anak.
Nakita ko ang mabilis na pag-agos ng luha sa kaniyang pisngi. Mahigpit niyang niyakap
ang mga anak. Habang madamdamin kong pinagmamasdan si Cathy at ang mga bata ay
naramdaman ko ang pag-akbay sa akin ni James. Lumingon ako sa kaniya. Nakita ko
ang mapait nitong ngiti. Pinisil niya ang balikat ko.
Nang tumayo si Cathy
at kausapin ako ay parang nagulat siya nang makita si James na nakaakbay sa
akin.
“Kumusta ka Cathy?”
casual na tanong ni James. Walang kahit anong emosyon na nakita ko sa kaniyang
mukha. Yumuko si Cathy.
“Okey lang kahit heto
mahirap ang buhay. Kailan ka pa nakauwi?” nahihiya niyang balik tanong kay
James.
“Magtatatlong taon na
din.” Sagot ni James.
“Gusto mong
magmiryenda na muna?” tanong ko.
“Naku, gustuhin ko
man sana ay hinihintay na ako ng mag-ama ko. Uuwi pa kasi kami at huling byahe
na yung naghihintay sa akin na jeep.”
Muli niyang tinignan
ang mga bata. “Masaya akong makitang magaan na ang buhay ninyo mga anak.
Patawarin sana ninyo si Mama ha? Dadalawin ko kayong muli kung sakaling
makakahanap ako ng pagkakataon. Mahal na mahal ko kayo mga anak.”
Tumingin siya kay
James.
“Patawarin mo ako,
James. Siguro tama lang sa akin na karmahin ako ng ganito dahil sa ginawa ko
sa’yo. Sana mapatawad mo pa ako.”
“Napapatawad na kita
Cathy. Akala ko ba sumama ka sa isang mapera?”
“Hindi James. Niloko
niya ako. Hindi pala talaga siya mayaman. Hindi pala sa kaniya ang mga
ipinagmayabang niya sa akin noon. Ngunit tama lang siguro sa akin ito. Karma na
sa akin ang sinapt kong ito." nangilid ang luha niya. "May asawa ka
na din ba? Sana masaya ka sa kaniya.” Tanong niya kay James. Nakita ko sa mukha
niya ang panghihinayang.
“Hindi ko alam kung
asawa ang puwede kong itawag kay Xian pero higit tatlong taon na kaming
magpartner.”
Nakita ko ang
pagkagulat sa mukha ni Cathy ngunit parang hindi siya makapaniwala at ang alam
niya ay nagbibiro lang si James.
“Hindi ako nagbibiro,
nagmamahalan kaming dalawa.”
Tumingin si Cathy sa
akin. “Totoo ba?” panigurado niya sa akin.
Ngumiti ako. “Totoo
ang sinasabi ni James. Hindi siya nagbibiro.”
Pagakatapos no’n ay
nakita kong parang napalunok siya at hindi na niya alam ang sasabihin.
“Cathy! Ano ba! Wala
na tayong masakyan! Sabihin mo kung gusto mong magpaiwan dito at iwanan ka na lang namin!” sigaw iyon
ng lalaki sa di kalayuan. May akay-akay na dalawang bata.
“Sige ha. Salamat.
Hangad ko ang kaligayahan ninyong dalawa. Ikaw na bahala sa mga bata James ha.
Pasensiya na kayo mga anak. Patawarin mo sana ako James.” Nagmamadali na siyang
tumalikod sa amin.
Mabilis na dumaan ang
ilang taon. Naging successful ang hotel and resort business namin nina Kuya
Aris at Kuya Rhon. Lumaki na din at nasa high school na si Jethro na at grade
six na din si Jino. Unti-unting nailapit ng mga bata ang loob nila sa akin
ngunit nanatiling tito ang tawag sa akin ng mga bata. Hindi ko na iyon binalak
pang palitan dahil alam kong katulad nina Cgaris at Jay-ar, tanggap din nila
ako at ang sa amin ng kanilang Daddy. Iyon naman ang pinakamahalaga sa akin.
Wala sa tawag nila sa akin, nasa kung paano nila ako itinuturing.
Isang umaga habang
inihahanda ko ang mga baon nina Jethro
at Jino ay lumapit sa akin ang balisang si James.
“Mahal, halika ka
ha.”
Lumapit ako kay
James. Hawak niya ang cellphone ni Jethro.
“Maalala mo lastweek?
Di ba dinala ni Jethro ang girlfriend niya rito?”
“Oo, si Kim.
Magandang bata.”
“Noong nakaraang
buwan, di ba nagdala din siya ng ibang girlfriend niya?”
“Sandali, si Karen
yata ‘yun. Ah basta! Buwanan kung magkagirlfriend ang batang ‘yan. Huwag mo na
ungkatin sa akin isa-isa ang mga pangalan nila kasi di ko matandaan lahat.”
“Hindi ‘yun ang pinupunto
ko mahal e. Kilala mo ang mga barkada niya na madalas sa bahay?”
“Oo, alin sa kanila.
Si Dale ba o si Rayver.”
“Si Rayver. Wala ka
bang napapansin?’
“Mahal papasok na ang
mga bata. Di pa naluluto ang mga baon nila. Diretsuhin mo na lang ako.”
“Tignan mo itong mga
pictures sa i-phone ni Jethro.”
“Halla ka! Mahal,
sabi huwag pakialaman ‘yan di ba?”
“Tignan mo kasi
mahal!” pilit ni James. In-iscroll niya ang mga pictures doon.
Hindi ako nakaimik.
Nagulat ako pero nang naglaon ay napangiti. Binalikan ko ang niluluto ko.
Sumunod siya.
“Ano nga!”
pangungulit niya
“E, di father like
son.”
“Dapat kasi umamin na
siya habang maaga pa. May straight bang halos magkasalubong na ang mga nguso
nila ni Rayven sa picture tapos ni isa ay wala akong mahanap na picture nang
mga naging girlfriend niya sa iphone niya. Pero sila ni Rayven, andami! At ang
tawagan nila Brad? Brad talaga? Pero ang mga pictures nila halos lahat
nagyayakapan?”
“No comment.” Sagot
ko pero natatawa ako sa hitsura niya. Parang pasan niya ang daigdig.
“Kausapin ko na lang
kaya?” tanong niya.
“Ikaw ang ama.
Desisyon mo ‘yan. Pero mahal, nasa dugo ninyo ang pagiging ganyan kaya ang
ipinagtataka ko lang ay para ka naman naninibaguhan kung may magmana sa
pagiging ganyan. Tanggapin na lang natin.”
“Matawagan nga si
Kuya Lando! Siguro mabibigyan niya ako ng payo.”
“E, bakit siya,
lalaki naman si Jay-ar?”
“Sino? Si Kuya Aris?”
“Lalaki din si Cgaris
mahal” sagot ko
“E, sino pa?”
pangungulit niya.
“E, di ang tatay mo!”
hagalpak kong tawa.
“Ha? Si tatay
talaga?” tanong niya. “Huwag na nga lang. Bahala na. Sige luto ka na.” umalis
na siya. “Ayy sandali may nakalimutan ako.” Bumalik siya. “Wala pa pala ako
Good Morning Kiss!” mabilis niya akong hinalikan sa labi saka siya umalis at
ibinalik ang iphone sa pinagkunan niya.
Napapangiti pa din
ako. Pati ako muntik na ding napaniwala ni Jethro.
Ngunit alam kong
kahit maging ano pa ang pagkatao ng kaniyang mga anak ay matatanggap ni James.
Naturuan ko siyang irespeto ang pagkasino ng bawat isa. Natuto siyang magmahal
ng katulad ko at alam kong madali na lang sa kaniyang tanggapin na may paminta
sa aming mga anak. Ang mahalaga ngayon ay masaya kami. Masaya ako sa piling
niya. Bukas magkikita-kita na naman kami sa Kanlungan Resort kasama ng mga
kaibigan naming higit pa sa pamilya ang turingan namin sa isa’t isa. Sino
ngayon ang magsasabing walang himala ang pag-ibig?
Wakas
No comments:
Post a Comment