Tuesday, January 22, 2013

Straight 13

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com


James’ Point of View

Nakaramdama ako ng magkahalong excitement at saya nang nasa elevator pa lamang ako. Napapangiti kong pinagmasdan ang singsing na ibibigay ko sa kaniya. Ano kayang magiging reaction niya? Para kasing nakikita ko siyang mapapalundag sa saya habang naluluha. Maari ding hindi din agad-agad siya maniniwala. Napakabilis kasi ng pangyayari. Kung ako din siguro ang nasa kalagayan niya ay hindi rin ako makakapaniwala.
Ni hindi ko naisip na sa katulad niya ako magmamahal ng ganito katindi ngunit buo na ang loob ko. Kailangan ko nang harapin ito. Hindi dapat mangyari sa amin ang nangyari sa kuwento na ibinahagi sa akin ni Kuya Jasper tungkol kina Terence at Lando, lalong hindi din ako bibilang ng dalawang dekada katulad nang kina Rhon at Aris. Gusto kong magiging iba ang sa amin ni Xian. Mabilis kong tinungo ang pintuan ng aming apartment. Nanginginig pa ako nang binubuksan ko ang main door namin. Kinakabahan ako. Ngunit alam kong kaba lang iyon dahil ngayon ko lang gagawin ang ganito sa taong mahal ko.
Mabilis kong binuksan ang pintuan ng aming kuwarto. Nagulat ako sa nabungaran ko. Magulo ang buong kuwarto. Nagkalat ang mga damit ko at pati mga gamit ni Xian. Kinutuban ako ngunit pilit parin akong nag-isip ng positibo. Pilit kong pinakalma ang sarili ko na maaring galit lang si Xian sa nakita niya kanina sa restaurant. Maaring pinagtatapon lang niya at ginulo  ang mga damit ko para mailabas niya ang sama ng loob. Ngunit alam kong hindi ganoon si Xian. Hindi niya kayang gawin ang ganoon. Kaya may kurot ng takot akong nararamdaman ngunit pinilit kong isiping mali ako sa aking hinala. Nasaan siya? Bakit wala siya dito sa kuwarto?
Ibinaba ko ang mga dala ko. Pinatong ko sa maliit naming mesa ang pagkain na dapat ay pagsasaluhan namin. Lumabas ako ng kuwarto.
“Xian?” mahina kong tawag sa kaniya nang papunta ako sa kusina. Naisip kong maaring nagluluto lang siya. Ngunit wala siya roon. Medyo tumataas na ang tensiyong nararamdaman ko. “Xian” muling tawag ko sa kaniya habang kinakatok ko ang pintuan ng banyo ngunit nang buksan ko iyon ay walang tao. Nasaan ba siya? Baka lumabas siya kasama ng kaniyang mga kaibigan. Naisip kong tawagan na lang siya. Inapuhap ko ang celphone ko sa bulsa.  Walang sumasagot. Bumalik ako sa kuwarto. Naupo muna ako dahil hindi ko na nakakayanan pa ang takot na nararamdaman ko. Muli kong tinawagan ang cellphone niya. Narinig kong may cellphone na nagriring sa loob lang ng aming kuwarto. Nagtaka na ako. Hindi umaalis si Xian na hindi dala ang cellphone niya. Kinuha ko ang cellphone niya. Katabi nito ang susi ng kotse niya. Kabadong-kabado na ako.  Mabilis kong tinungo ang aking aparador. Hinanap ko ang tinatago kong huling sachet ng shabu na ibebenta ko dapat ngayong gabi. Huling deliver ko na sana iyon. Wala! Hindi ko makita ang mga iyon sa pinagtaguan ko. Naroon ang mga pera ngunit wala ang droga. Hindi na ako mapakali. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Nanginginig na ang tuhod ko sa nerbiyos.
Nasip ko si Lydia. Hindi umaalis si Lydia sa bahay kaya alam kong alam niya kung ano ang nangyari sa kuwarto namin. Palabas pa lamang ako ng pintuan nang makasalubong ko siya.
“Nakita mo si Xian?” pilit kong pinakalma ang boses ko.
“Kaya nga ako pupunta dapat sa’yo para sabihin ang nangyari sa kaniya.”
“Anong nangyari kay Xian?”
“Nahuli siyang may mga drugs diyan sa kuwarto niyo. Christian Santos ang hinahanap ng mga pulis kaya siya ang tinuro ko agad. E, hindi ko naman alam na huhulihin siya dahil sa illegal na ginagawa niya. Pinosasan siya saka dinala.”
“Bakit siya?” dumidilim na ang paningin ko. Tuyung-tuyo ang lalamuna ko.
“E, siya ang hinahanap. Sino pa nga ba. Maliban na lang kung ikaw ang nagdadrugs!”
Hindi ako nakapagsalita. Parang umikot ang aking paningin. Parang binagsakan ako ng mundo. Hindi ko magawang lumuha ngunit may kung anong galit akong nararamdaman para sa sarili ko.
“Okey ka lang? Namumutla ka, James.”
Hindi ko siya pinansin. Wala sa sariling iniwan ko si Lydia at sinara ko ang pintuan ng pabagsak. Nakapahirap sa akin ang huminga. Hindi ko talaga alam ang gagawin ko sa sandaling iyon. Hanggang sa tuluyan nang umagos ang aking mga luha. Ang luha ay naging iyak at nagtapos iyon sa paghagulgol na may kasamang pagmumura sa aking sarili. Hindi ako mapakali. Paikot-ikot ako sa loob ng kuwarto na nanginginig ang aking mga tuhod. Hindi tumitigil ang pagdaloy ng aking mga luha at sa tuwing parang napupuno na ng sakit ng loob ang dibdib ko ay tinatakip ko ang unan sa aking mukha at nagsisigaw ako ng…
“Putang ina ko! Kasalanan ko lahat ito! Putang ina ko!”
Gusto ko siyang tulungan ngunit hindi ko alam kung paano. Gusto ko siyang palitan doon sa kulungan ngunit di ko alam kung saan ko siya pupuntahan at kung paano ko iyon sasabihin sa mga dumakip sa kaniya. Tanging pag-iyak ang alam kong gawin. Parang sa mga sandaling iyon ay wala akong magawang iba kundi ang iluha lang lahat ng mga kamaliang nagawa ko. Tama! Nagsisisi ako. Ako ang may kasalanan. Ako dapat ang hinuli. Ako dapat ang naghihirap ngayon at hindi ang taong walang kamuwang-muwang sa ginawa ko. Hindi ang taong minamahal ko. Bakit ko nagawa kasi ito! Kailangan pa bang mangyari ang lahat ng ito? Ang taong nakakulong ngayon at naghihintay ng kaparusahang maaring kamatayan ang kapatapat ay ang taong hindi niya alam kung saan nga ba siya nagkamali. Ang pinakamamahal kong hindi man lang niya alam kung bakit siya ngayon nakakulong sa hindi naman niya ginawa. Ang taong lahat ay ginawa para sa akin, siya na hindi naghintay ng anumang kapalit, siya na walang ginawa kundi mahalin ako ng higit pa sa sarili niya. Siya na ang tanging inisip ay ang aking kapakanan. Halos iuntog ko ang ulo ko sa pader sa pag-iisip kung ano ba ang dapat kong gawin. Sandaling natigil ang paghagulgol ko nang tumunog ang celphone ko. Bagong number. Nanginginig akong sumagot at umasang sana si Xian iyon. Sana kahit sandaling marinig ko lang ang boses niya para malaman ko kung ano na ang nangyari sa kaniya.
“James? Ikaw ba ‘to?” boses iyon ng nasa kabilang linya. Hindi siya si Xian kaya napabuntong-hininga ako.
“Sino sila?” garalgal kong tanong.
“Si Vince ito. Makinig ka sa akin. Gusto kong sa sandaling ito ay buksan mo ang tainga, isip at puso mo sa mga sasabihin ko.”
“Nakikinig ako, Vince.” Mapagpakumbaba kong sagot.
“Nakakulong ngayon si Xian. Iyon ay dahil sa kagagawan mo ngunit hiniling niya sa aking huwag kitang sisihin. Hiniling niya sa aking hindi kita mumurahin o magsalita ng kahit ano laban sa iyo ngunit hindi ko mapigilan ang sarili kong sabihin ito sa iyo. Napakaingrato mo! Napakawalang hiya mo at kung kaharap mo ako ngayon, baka sinampal sampal na kita ng libong beses. Pinapaabot niyang bukas ng alas-tres ng hapon bago siya ilipat sa maximum security ay gusto niya tayong kausaping dalawa. Bukas ng 3 pm ay dadaanan kita diyan sa Filipino Souq at dalawa tayong pupunta sa Central Security kung saan siya ngayon nakakulong.”
“Kumusta siya. Hindi ba siya sinasaktan. Vince, tulungan mo ako. Hindi siya ang dapat naroon. Ako ang dapat sisihin. Ako ang dapat makulong.” Humahagulgol ako. Para bang kay Vince ko lang puwedeng ibuhos ang naiipong galit ko sa dibdib. Kinaiinisan ko ang aking sarili.
“Dapat lang na singilin ka ng konsensiya mo. Napakawalang-utang na loob mo! Tinulungan ka ng kaibigan ko para maaayso mo ang buhay mo tapos pinahamak mo lang siya.”
“Anong gagawin ko ngayon, Vince?” 
            “Hindi ko alam James. Iyon lang ang sasabihin ko ngayon dahil kumukulo ang dugo ko sa iyo at baka kung ano pa ang masabi ko sa ginawa mo sa kaibigan ko. Pinahamak mo ang buhay niya. Dapat ikaw ang nakakulong ngayon hayop ka at hindi ang kaibigan kong walang kasimbait.”
Iyon lang at pinatay na niya ang cellphone niya.
Magdamag akong dilat. Magdamag na hindi ako mapakali. Halos magdamag na umiiyak. Napakamakasarili ko para magawa ang kamaliang iyon. Dahil sa pagnanais na makaipon ng malaki sa mabilisang paraan ay ang pinakamamahal ko ngayon ang nagdudusa para sa akin. Kung may salita lang na puwedeng gamitin para ipaliwanag ko kung gaano kasakit ang nararamdaman ko, kung may hihigit pa sa paghagulgol para maialabas ang bigat ng nararamdaman ko at kung may lalabis pa sa pagsigaw at pagmumura sa sarili ko para maibsan ang naipong galit sa aking sarili ay lahat gagawin ko. Ngunit hindi ko kayang magpakamatay dahil hindi ko kayang iwan si Xian sa laban niya ngayon. Hindi ko kayang pabayaan siya.
Ang pag-ikot ng kamay ng orasan para mag-alastres ng hapon ang pinakamatagal ng pag-ikot ng oras sa akin. Hindi ko mapigilang tignan ang orasan minu-minuto na parang pati sa tagal ng pag-ikot nito ay kinaiinisan ko. Namumugto na ang mga mata ko sa kawalang tulog at kain. Wala din akong ganang kumain at ang tanging iniisip ko ay si Xian…si Xian…si Xian!
Ala-una palang ng hapon ay nakaligo na ako at nakapagpalit. Kinuha ko ang jacket ko na nakasabit sa ulunan ng kama ko. May naapuhap ako doon na papel. Ang dating sulat ko pa kay Xian noon na itinapon niya sa basurahan. Binuklat ko iyon.

Tol Xian,

Hindi ako sanay gumawa ng sulat alam mo ‘yan. Dati noong high school tayo ikaw ang tigagawa ng sulat ko para sa panliligaw ko sa mga babaeng natitipuhan ko. Ngayon, ako itong gumagawa ng sulat para sa’yo.
Namimiss na kita tol. Nakakalungkot itong nangyayari sa atin ngayon. Gusto ko sanang humingi ng tawad sa pananakit ko sa’yo. Gusto ko sanang muling bumalik yung dating Xian na kaibigan ko. Namimiss na kita tol. In-lab na nga yata ako sa’yo he he. Sana mapansin mo muli ako. Mula kasa-kasama mo na si Jomel tuluyan mo na akong naisantabi.
Yun lang tol. Sana magkaayos na tayo kasi totoo niyan nahihirapan na ako sa sitwasyon natin lalo na magkasama lang tayo sa iisang kuwarto.
                                                                                  
Tol James

 Kinuyom ng palad ko ang sulat. Muli kong pinagmasdan ang singsing at kuwintas na sana ay regalo ko sa kaniya. Huli na ba ang lahat? Mauuwi ba ang lahat sa wala. Habang buhay ko bang pagsisihan ang ginawa kong ito? Muli akong napaluha.
 Naisip kong pumunta na muna sa grocery para mamili ng dadalhin ko para sa kaniya. Ang paborito niyang chocolates, cup noodles at kung anu-ano pang alam kong kakailanganin niya. Pagdating ko sa bahay ay kumuha ako ng ilang damit na masusuot niya doon. Lahat ng alam kong kailangan niya sa loob ay nilagay ko sa isang bag. Bago mag-alas-tres ay dumating na din si Vince.
Nagsisimula lang ang dalaw sa alas-tres ng hapon hanggang alas-singko. Bago ka makapasok sa loob ng kulungan ay bubuklatin ng isa-isa ang iyong mga dala-dala. Mabuti at suot-suot ko ang singsing at kuwintas na ibibigay ko dapat kay Xian. Hihingin ang iyong pataka (Resident Permit) at pagkatapos mong kapkapan ay saka ka naman pipila para sabihin mo sa guwardiya na may bibisitahin ka sa ganoong pangalan. Dahil hindi lahat ng pulis ay nakakaintindi ng English kaya may katagalan ang pila. Pagkatapos ay saka ka bubulyawan na maghintay sa tabi at tatawagin nila sa loob ang presong bibisitahin mo. Ang tatlumpong minutong paghihintay namin ni Vince ay parang dekada na sa pakiramdam ko. Hanggang sinenyasan na kami ng pulis na lalabas na si Xian at itinuro kung saan naming siya hihintayin.
Pagpasok namin sa kung saan naming siya makakausap ay hindi ko alam kung paano kami magkakarinigan. Isang makapal na salamin ang nakapagitan sa amin at sa baba kung saan may mga butas na maliliit ay doon ka magsalita. Habang nagsasalita ang isa, kailangan ng isang yumuko at itutok ang tainga doon sa mga maliliit na butas para marinig ang bawat sasabihin mo. Halu-halo ang mga naroon, ilan ay mga pinoy, karamihan ay mga ibang lahi din. Parang nasa palengke ka sa ingay dahil kailangan mong ilakas ang iyong sasabihin para madinig ng bibisitahin mo ang bawat katagang iyong sasabihin. Ilang sandali pa ay nakita ko na si Xian. Gulo ang buhok. Nakaposas ang mga kamay, marumi ang damit at namumugto ang mga mata. Hindi ko siya matagalang tignan sa ganoong kalagayan. Tuluyan akong inusig ng aking budhi. Hindi ko alam kung paano ko iharap ang mukha ko sa kaniya. Hindi ko alam kung paano ko pipigilan ang muling pag-iyak. Ni minsan ay hindi ko hinayaang umagos ang mga luha na iyon sa harapan niya ngunit ngayon ay hindi ko na alam kung paano ko pa mapipigilan. Wala na akong natitirang lakas para gawin iyon at hindi paman kami nag-uusap ay nanginginig na naman ako at nanlalamig. Hindi paman siya nagsasalita ay nauna nang bumagtas ang aking mga luha.
Tumitig siya sa akin. Wala akong makitang galit sa kaniyang mga mata. At kahit sa gitna ng kaniyang pagkalungkot ay isang matipid at mapait na ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi. Hindi ko alam ngunit mas lalo akong nasaktan sa nakita kong ginawa niya. Mas lalo akong nabigti ng aking konsensiya. Lalo akong dinagukan ng aking budhi. Gusto kong murahin niya ako. Gusto kong pagbuhatan niya ako ng kamay. Gusto kong saktan niya ako ng saktan. Kulang pa dapat ang lahat ng iyon. May karapatan na nga siyang patayin ako dahil siya ang nahihirapan ngayon sa mali kong nagawa. Napahagulgol ako. Tinakpan ako ni Vince sa ibang naroon para hindi kami mapag-isipan ni Xian ng iba.
“Please, James, huwag kang umiyak.”
“Hindi ko mapigilan e. Nasasaktan akong nakikita kang nandiyan.”
“Tatagan mo ang loob mo dahil iyon lamang ang gusto kong ibalato mo sa akin ngayon. Gusto kong bigyan mo ako ng paghuhugutan ng lakas ng loob para makayanan ko lahat ng ito.”
“Sorry Xian. Bakit hindi mo ako murahin! Bakit hindi mo ako sumbatan! Gusto kong ilabas mo ang sakit ng loob mo sa akin! Ako ang maysala!”
“Nandito na ‘to. Harapin  at tanggapin na lang natin.”
“Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam kung paano kita ilalabas dito.”
“Tulad ng sabi ko, harapin natin ng buong tapang ito. Nagulat ako nang una at parang hindi ko kakayanin ang lahat ngunit sabi ko sa sarili ko, mas mainam kung haharapin ko na lang ang lahat.”
 “Gusto ko, ako ang papalit diyan. Gusto kong makalaya ka at kung sino ang tunay na may kasalanan ay siya ang dapat nandiyan ngayon.” Nakikiusap na ako sa kaniya. Buo na ang desisyon kong sumuko.
“Hindi ako papayag na gagawin mo iyan. Kung gusto mong hindi ako magtatanim ng galit sa iyo, nakikiusap akong huwag na huwag mong gagawin iyan.”
“Anong gusto mong gawin ko? Xian, hindi ko kayang pabayaan kita dito dahil wala kang ginawa. Ako ang dapat nandiyan. Naguguluhan na ako kung ano ba ang dapat kong gawin.” Humahagulgol na ako. Hindi ko na nakayanan pa ang bigat ng usig ng konsensiya sa akin. Mabilis si Vince na takpan uli ako para hindi makita ng ilang guwardiya ang pagkaemosyonal ko sa sandaling iyon.
“Makinig ka, James.” Namumula ang kaniyang mga mata. Basa ang mga iyon ngunit alam kong nilalakasan lang niya ang loob niya. Kinakagat niya ang kaniyang mga labi at tumitingin sa taas para hindi tuluyang bumagsak ang kaniyang mga luha. “Ngayon, parang awa mo na, ako naman ang hihingi sa iyo ng pabor. Ako naman sana ang pakinggan mo. Hindi na ako hihiling pa ng iba sa iyo kundi ito lang. Binibigyan lang tayo ng 30 minutes na maximum time para mag-usap kaya lahat ng sasabihin ko pakinggan mo at mangako kang lahat ay gagawin mo.”
“Pangako. Kahit ano, gagawin ko.” Mabilis kong sagot sa gitna ng aking mga hikbi.
“Una, punasan mo ang mga luhang iyan dahil hindi nakakatulong sa akin dito sa loob. Gusto kong sa iyo ako huhugot ng lakas at hindi ang kahinaang pinapakita mo ngayon sa akin. Punasan mo ang mga luhang iyan at ipadama mo sa aking kaya natin ito, matatag tayo hindi ba? Malalagpasan din natin ang lahat ng ito, dib a James?”
Pilit kong pinunasan ang aking mga luha. Kahit napakahirap huminto ng ganun-ganon lang ay sinikap ko. Huminga ako ng huminga ng malalim at napakirap kong pinakalma ang aking kalooban.
“Ngiti.”
“Ano?” naguguluhan ako sa sinabi niya.
“Gusto kong makita ang dati mong mga ngiti. Kahit pilit basta ngumiti ka lang dahil gusto kong ang mga ngiting iyan ang tatatak sa aking alaala. Gusto kong bago ka tuluyang mawala sa paningin ko ay marerehistro sa utak ko ang mga ngiting iyon.”
Pinilit kong ngumiti ngunit di ko napigilan ang pagdaloy ng luha. Kasabay ng pilit kong ngiti ang pagluha na mabilis ko namang pinunasan.
“Hayan. Dapat ganyan. May awa ang Diyos. Naniniwala pa din ako sa nasa taas. Kung sakali mang maipagdamot ang hustisiya sa akin dito ngayon sa lupa, alam kong sa langit hindi. Nagpapakatatag ako para lahat ay kakayanin ko. Sana ganoon ka din. Mangako ka. Huwag na huwag kang magpakita ng kahinaan sa harapan ko mula ngayon.”
“Pangako Xian.” Sa tagpong iyon ay tuluyan kong nasaksihan na ang bakla na kaharap ko ay mas lalaki pa sa akin. Mas matatag. Mas may paninindigan.
“Kailangan hanggang bukas makalabas ka na dito sa Qatar. Gusto kong umuwi ka na sa atin at asikasuhin mo ang iyong buhay at pamilya. Hindi ko hinihiling na kalimutan mo ako ngunit hayaan mong malalagpasan ko ito at huhugot ako sa lakas mo. Narito na ako, wala na akong magagawa doon kundi ang piliting lagpasan ang pagsubok na ito. Hindi natutulog ang Diyos, alam ko ding hindi bulag ang batas nila dito sa Qatar at kung sakali mang isa ako sa mga hindi pinalad na mabigyan ng hustisya, gusto ko lang sabihin na hindi ako magsisising gawin ito at kahit pa ulitin ang buhay ko at ganito ang muling mangyari sa akin, hindi ako nagsisising minahal kita.”
 “Hindi. Hindi ako papayag na gagawin mo iyan. Hindi ko kayang mawala ka. Puwede bang ako na lang! Puwede bang gawin na lang natin kung ano ang dapat. Ako ang nagkasala e, dapat ako ang magbabayad sa kasalanang iyon.”
“Nangako ka na. Gawin mo ang hinihiling ko para man lang sa pagkakaibigan natin.”
“Pagkakaibigan? Hindi Xian. Alam mo kung ano ang totoo. Alam kong naramdaman mo kung ano ang totoo at hindi lang ako nagpakalalaki para harapin ang katotohanang iyon. Gusto kong sabihin ito sa iyo hindi dahil sa nangyari ngayon kundi dahil naunsiyami ang sandaling dapat ay ginawa ko ito.” Binunot ko ang singsing sa daliri ko at tinanggal ko ang kuwintas na suot-suot ko. Muli akong yumuko para sabihin at marinig niya ang bawat katagang sasabihin ko. “Nakikita mo ang singsing na ito? Tig-isa natin at sa loob ay may nakaukit na mga pangalan natin. Nang nakita mo kami ng babae sa Chilli’s at hinabol ko kayo ay ipapakilala na sana kitang ikaw ang pinakamamahal ko. Ikaw ang siyang nakapagsasaya sa akin at sa iyo ko naramdaman ang pagmamahal na hindi ko naramdaman sa buong buhay ko. Kaya ako ginabi ay dahil dinaanan ko muna ang singsing at kuwintas na ito para ibigay sa iyo bilang tanda ng ating pagsisimula. Mahal kita. Mahal na mahal kita at hindi ko lang alam kung bakit naging mapaglaro ang tadhana sa atin. Bakit ngayon pa nangyari ito. Bakit ngayon pang tanggap ko na lahat.”
“Mahal mo ako? James, totoo? Mahal mo din ako?” hindi siya makapaniwala sa naririnig niya. Tumingin pa siya kay Vince. Nakita ko din sa mata ni Vince ang pagkagulat.
“Oo Xian. Mahal na mahal din kita.”
“James, salamat. Salamat dahil inamin mo sa akin na mahal mo din ako. Ngunit sana hindi pa huli ang lahat sa atin. Ngayon ay binigyan mo ako ng isa pang dahilan para lumaban. Alam kong mahal mo ako. Naramdaman ko iyon at naduwag ka lang. Ngunit wala palang kasing-sarap na marinig iyon mula sa iyo. Ngunit pipilitin kong lumaban para makalaya ngunit kung hindi man, gusto kong bawat pagkakataon ng ating pinagsama dito ay manatili sa alaala mo. Mahal kita at sana makapagbigay ng ngiti ang pagmamahal ko sa iyo sa tuwing naiisip mo ako. Gusto kong ipangako mo sa akin na pag-uwi mo ay magawa mong buuin ang pamilya mo. Muli mong pagsasama-samahin ang nawasak mong pamilya dahil sa maling paniniwala.”
“Pangako ko ‘yan. Ngunit hindi ko alam kung paano mabuhay nang wala ka.”
“Sa una, mahirap ngunit sa pagdaan ng panahon, matatanggap mo din. Ngunit iiwan ko sa iyo ang isang alaala. Ang isang pagmamahal na alam kong wala ninuman ang makakapantay. Ikaw lang ang minahal ko ng ganito James. Alam mo ‘yan.”
“Alam ko ‘yun Xian. Ramdam ko iyon at kahit sino wala nang makakapantay pa. Mahal na mahal din kita.”
“Tama na! Naiiyak na din ako dito! Bilisan ninyo mag-usap kasi sandaling-sandali na lang ang naiiwan.” Si Vince. Nakita kong namumula na din ang kaniyang mga mata. Nadadala sa kaniyang mga naririnig at nasasaksihan.
“Alam kong hindi mo kayang mangako na susundan mo ako sa Pilipinas ngunit sana kayanin mo at kung puwedeng ako na lang ang makulong dahil ako naman ang may kasalanan.” Pakiusap ko sa kaniya.
“Napag-usapan na natin iyan. Kung ikaw ang nandito, siguradong wala ka ng lusot. Hinding hindi mo na makikita ang mga anak mo, hinding-hindi mo na mabuo ang pamilya mo at hinding-hindi na tayo magkakasama pang muli. Ngunit kung ako ang nandito ngayon, may pag-asa pa. Hindi man garantisadong makakalabas pa ako ngunit mas may pag-asa kumpara sa iyo.  Kung ikaw mismo ang susurender sa kanila para mo na din isinurender ang pagmamahalan natin.  Tinutuldukan mo na ang lahat sa buhay mo. Kaya nga, habang maaga ay umuwi ka na sa atin. Tumakas ka na. Lagi mong tandaan na mahal na mahal kita at handa kong harapin ang lahat para sa iyo.”
“Hindi ko kaya.” Pagmamaktol kong parang bata. Kasabay iyon ng muling pagluha.
“Lumuluha ka na naman e. Pinahihirapan mo ako lalo sa ipinapakita mo, James.  Kayanin natin ‘to. Ito lang ang tanging paraan.”
“Hindi ko mapigilan. Ansakit sakit kasi sa damdamin. Di ko alam kung paano ko patatawarin ang sarili ko sa mga nangyayari sa’yo ngayon. Nahihirapan ako. Dobleng sakit sa akin na makitang nandiyan ka at ako ay uuwi sa Pilipinas na iiwan kita dito sa kulungan.”
“Ito lang ang pinakamagandang paraan na puwede nating gawin, James. Kaya utang na loob, sundin mo lahat ang sinasabi ko sa’yo.”
Hindi ako sumagot. Hindi ko alam kung paano ko kakayanin ang ipinapakiusap niya sa akin.
“Please?” nakita ko sa mga mata niya ang pagsusumamo.
“Sige. Kakayanin ko.”
“Kausapin ko muna si Vince. Kahit sandali lang. Gusto kong siya ang kokontak sa bahay para ipaalam ang nangyari sa akin dito. Sa’yo ko dapat ihabilin ngunit sa nakikita ko sa’yo ngayon ay alam kong hindi mo kayaning sundin ang lahat ng sasabihin ko sa kanila. Kailangan malaman nila sa bahay ang nangyayari sa akin ngayon ngunit gusto kong mapagtakpan kita. Gusto kong hindi magbabago ang tingin ng mga mahal ko sa buhay tungkol sa iyo. Ayaw kong sisihin ka ng kahit sino dahil ako mismong nandito ngayon ay ayaw kong sisihin ka sa mga nangyayari ngayon. Tulungan mo na lang akong magdasal para sa aking kaligtasan.”
Lumayo ako sandali ngunit hindi ko inalis ang tingin ko sa kaniya.
Pinahanga niya ako sa pinakita niyang tibay ng loob. Siya ang tunay na lalaki sa aming dalawa. Siya ang maituturing kong straight. Ilang minuto pa at sinenyasan na ako ni Vince na lumapit din.
Tumayo siya at ako naman ang umupo. Buo ang ngiti ni Xian. Ngiting akala mo ay wala sa kulungan. Pinipilit ko na ding ngumiti para mapagbigyan siya sa kaniyang hiling.
“Bilisan mo nang umuwi. Kailangan mo nang makauwi agad.”
“Oo, dati ko ng planong umuwi. Katunayan nga niyan dapat kagabi sana ay yayain kang sabayan akong umuwi para magsimula tayo ng isang negosyo doon sa Pilipinas ngunit nangyari lang ito.”
“Negosyo? Sigurado bang malinis na negosyo iyan?” mapait ang ngiti niya. Hidni ko din kayang ngumiti dahil natumbok ko ang gusto niyang ipakahulugan sa akin. “Mangako kang gawin mo ang hiniling ko kanina sa’yo.” Pagpapatuloy niya.
“Opo. Uuwi ako para buuin ang pamilya ko. Iiwan ko ang pangako ko sa iyong mamahalin kita at hihintayin ko ang pagsunod mo sa akin.”
“Hindi ako mangangakong makakasunod pa ako sa’yo pero pilitin kong lumaban. Ngunit kung sakali mang hindi ako pagpalain, ako ang maghihintay sa iyo sa kabilang buhay. Hindi ko alam kung anong maging hatol pero gusto kong sabihin sa iyo na ikaw at ikaw lang ang minahal ko at mamahalin.”
Nakita kong namula ang kaniyang mga mata. Napalunok siya. Huminga ng malalim. Tumingin sa kisame para labanan ang pagbuo ng kaniyang luha. Alam kong nahihirapan siyang pigilin ang sakit ng aming pagkakalayo. Ngunit mas masakit sa akin ang iwan siya at wala akong magawa para mapawalang-sala siya.
“Salamat sa pagmamahal James. Salamat dahil kahit sa kahuli-hulihang sandali na magkasama tayo ngayon dito ay nasabi mong mahal mo din ako. Hindi mo alam kung paano mo ako pinasaya. Hindi mo alam kung paano mo ako binigyan ng pag-asa kahit alam kong mahihirapan na akong lusutan pa ito. Mahal na mahal kita. Paulit-ulit kong sasabihin iyon sa iyo.”
“Ganoon din ako, Xian. Mahal na mahal kita. Sana hindi pa huli ang lahat para makabawi ako. Sorry…patawarin mo ako sa lahat ng mga nagawa ko. Hindi ko alam kung paano ko pa ngayon mapunuan ang mga pagkukulang at kung paano pa ako makakabawi sa iyo ngayon ngunit sobrang nagsisisi ako sa lahat ng mga ginawa ko sa iyo.”
“Nagawa mo na iyon. Sa pag-amin mong mahal mo ako, wala ng hihigit pang pambawi sa lahat. Sa pagmamahal hindi ito nangangailangan ng paghingi ng tawad. Para sa akin, kung nagmahal ka kasabay iyon ng walang hanggang pagpapatawad kaya kahit hindi ka humihingi sa akin ng tawad at dahil mahal kita, walang hanggan kitang patatawarin.”
“Napakabuti mong tao. Hindi ko sukat akalain na magagawa mo lahat ng ito.”
“Ito ang hinihingi ng pagkakataon sa atin. Kung isa ito sa mga pagsubok na hindi natin malalagpasan ay alam kong ang pagsubok na ito ang mananatili sa iyo. Isang alaala ko na buong buhay mong daldalhin. Hindi ang sakit na likha ng aking pagkawala kundi dumating sa buhay mo ang isang taong nagmahal sa iyo at handang ibuwis ang kaniyang buhay para sa iyong kaligtasan.”
“Ya Lah..Kalas! (Tapos na)” sigaw ng pulis sa kaniya. Sabay palo sa upuan niya. At paghila sa damit niya.
“Dagiga…mudir” (Sandali lang po, sir) pakiusap niya sa pulis.
 “Yung mga dala mo na mga damit at kung anu-ano pa. Ibigay mo sa guwardiya at isulat mo ang pangalan ko para makarating sa akin. Mag-ingat ka sa pag-uwi mo at lahat ng ipinangako mo sa akin ay siguraduhin mong magagawa mo. Si Vince na ang bahalang magsabi sa bahay. Mag-iingat ka ha. Mangako kang maayos mo na ang buhay mo ngayon.”
“Pangako ko iyan. Isusuot ko na itong singsing para sa akin at yung partner nito ay ilalagay ko dito sa bulsa ng bag at sana kahit hindi ko makita ay isuot mo iyon tanda ng walang hanggang pagmamahal ko sa iyo. Mahal na mahal kita at maghihintay ako.”
“Sige. Pangako, isusuot ko ‘yan. Paalam James. Paalam mahal ko. Kung mabigo kang hintayin akong buhay ay tandaan mong patuloy akong maghihintay sa muli nating pagsasama. Ipagkait man dito sa lupa pero naniniwala akong may kabilang buhay na puwede pa tayong magkasama. Wala akong pinagsisihang minahal kita. Salamat at binigyan mo ako ng kasiyahan hanggang sa huling sandali. Salamat sa pagmamahal.” Sumenyas din siya ng paalam at pasasalamat kay Vince at paglingon ko sa kaibigan niya ay basam-basa ng luha ang buong mukha.
Bago tumayo si Xian ay nilagay niya ang kamay niya sa salamin at kahit hindi ko maramdaman ay sinalubong ko ang kamay niya. Nagtapat ang aming mga kamay sa salamin hanggang tuluyan na siyang hinila ng pulis papasok sa loob.
 Tumalikod ako at parang bagyong bumuhos ang mga luhang pinigilan ko. Tinapik-tapik din ni Vince ang balikat ko at humahagulgol din siya. Paglingon ko ay nakita kong lumingon din si Xian ngunit may guhit ng ngiti sa kaniyang mga labi hanggang tuluyan na siyang nakapasok sa loob. At hindi ko alam kung iyon na ang huli kong makita  at makausap ang pinakamamahal kong tunay na naging bayani sa aking buhay.

No comments:

Post a Comment