By: Joemar Ancheta
Blog:
joemarancheta.blogspot.com
Facebook: www.facebook.com/joemar.ancheta
Kinabukasan
ay masayang pumasok ang mga anak ko sa kuwarto ko. Nakaidlip man ako ngunit
nasa mahigit isang oras lang. Mabigat man ang katawan kong bumangon sa kama ay
kailangan kong gawin dahil gustokong iparamdam sa mga bata at sa pamilya ko na
masaya ako kahit naroon ang pangungulila at takot. Kailangan kong makisaya sa
kanila. Buong umaga kaming namasyal at kinahapunan ay nagpiknik kami sa
Tagaytay gamit ang sasakyan ni kuya. Alam kong ramdam ng pamilya ko ang lungkot
sa aking mga mata. Gumuguhit man ang ngiti sa aking labi ngunit naroon ang
pait. Minsan nga nawawala ako sa saking sarili na kahit kinakausap ako ay hindi
ko sila nasasagot. Naririnig ko sila ngunit hindi ko sila naiintindihan.
Nandoon ko physically pero na kay Xian ako mentally at emotionally.
Ilang araw pa ang nagdaan at tuluyan
na akong iginupo ng pangungulila. Ang pagbilang ko ng araw ay naging isang
buwan at ang isang buwan ay nadagdagan pa ng isang buwan. Dalawang mahabang
buwan na parang unti-unti na akong iginupo ng kawalan. Said man ang aking luha
ngunit sobrang pagod na pagod na ang aking isipan. Sa araw-araw na wala akong
ganang kumain, kulang sa tulog at laging nakatuon ang utak ko sa aking
pagkakamali at ang takot sa maaring mangyari kay Xian ang siyang parang
bangungot sa akin gising man o tulog. Unti-unting nahulog ang aking katawan.
Pansin na pansin na ng aking pamilya ang pinagdadaanan kong depresyon. Hindi ko
na iyon maitago sa kanila. Naapektuhan na din ang mga anak ko. Hindi na alam ni
kuya ang kaniyang gagawin at pinipilit na akong tumingin sa kakilala niyang
doctor. Ngunit pinipilit kong sarilihin lang ang bigat ng aking dinadala. Hindi
man ako ang nasa kalagayan ni Xian ngunit daig ko pa ang nakakulong. Malaya man
ang aking katawan ngunit hindi ang aking utak.
Nang tignan ko ang kabuuan ko sa salamin ay para na pala akong tumanda
ng ilang taon. Humaba ang aking mga bigote at balbas. Impis ang aking mukha at
pumayat na ang dati’y maganda kong pangangatawan. Gustuhin ko mang maging
maayos ngunit sa tuwing sinusubukan ko ay parang nananaig pa din sa akin ang katotohanang
tuluyan kong ipinahamak ang mahal ko.
Hanggang
isang umaga ay tumunog ang aking cellphone. Galing sa Qatar ang tawag. Bumilis
ang tibok ng aking puso. Ramdam ko ang lakas ng kabog ng aking dibdib. Number
ni Vince. Nasabi ko kasi na kung sakali mang may balita kay Xian ay tatawagan
niya ako sa roaming number ko.
“Mas
lalong naging magulo ang kaso ni Xian.” simula ni Vince. “Dinala na siya sa
Central Prison at hirap kaming makapaghanap ng anong patunay na hindi sa kaniya
ang mga drugs na nakuha sa kuwarto ninyo. Iyon kasi ang sobrang nakapagpadiin
sa kaso niya. Sana maipaliwanag niya ng mahusay na hindi sa kaniya ang mga
shabu na nakuha sa kuwarto ninyo ngunit siya kasi ang naabutan doon. Bago siya
inilagak sa Central Prison ay hiniling niya sa akin na pilitin mo daw siyang
iwaglit muna sa iyong isipan, harapin mo muna ang dapat harapin diyan at kung
hindi niya tuluyang malusutan ito, nagpapasalamat daw siyang nawala na sa puso
mo ang galit sa katulad namin at isang tagumpay na ring maituturing sa kaniya
na sa kaniyang huling hininga ay alam niyang minahal siya ng taong minahal niya
ng totoo sa buong buhay niya. Ipagpasa-Diyos na lang natin ang lahat, James.
Basta sundin mo na lang daw lahat ang napag-usapan ninyo at nang pinangako mo
sa kaniya noon. Hiling niyang ituloy mo lang ang buhay at sikaping magiging
masaya dahil iyon daw ang tanging hangad niya para sa iyo. Sige, James. Tularan
mo sana ang katatagan ni Xian. Mag-iingat ka lagi diyan.”
“Sandali Vince. Hindi na ba siya
makakalaya?”
“Nasa Central prison siya James.
Maaring naghihintay siya ng hatol sa habang-buhay na pagkakabilanggo, maaring
buhay niya ang kapalit at iuuwi siyang bangkay o maari ding hanggang
dalawampung taon siyang magtitiis sa kulungan. Patuloy parin ang paglilitis
niya at sana lang mabigyang hustisiya ang kaibigan ko dahil kahit hindi niya
aminin sa akin ay alam kong nahihirapan na siya sa kaniyang kalagayan.”
Pagkatapos kong marinig iyon ay
parang napakahirap ko nang huminga. Pinilit kong maglakad-lakad para sana
mawala ang pangangatog ng aking tuhod. Bumuhos ang aking luha. Alam kong
nakakatulong iyon para mailabas ko ang naiipon sa dibdib kong paghihirap ng
kalooban. Kung sana sa minsanang pag-iyak lang ay mawala lahat ang
magkakahalong galit ko sa aking sarili, awa kay Xian at sa sobrang pagsisisi ko
sa nagawa ko. Gusto kong isigaw ang naipon sakit ng loob at halos hindi na ako
makahinga sa tindi ng hagulgol ko. May tumapik sa aking balikat. Nilingon ko,
tumayo ako at napayakap ako kay kuya Jinx.
“Nakagagaan
ng loob kung sabihin mo na sa akin ang lahat lahat ng bigat sa dibdib mo.
Maaring hindi kita matulungan ngunit maaring makababawas sa iyo ang pasan mo
ngayon kung sabihin mo ang lahat sa akin. Kahit hindi ka sa akin nagsasabi ay
alam kong may mabigat kang dinadala. Ilang buwan ka nang hindi halos kumakain,
nangingitim na ang paligid ng mga mata mo dahil siguro kulang ka sa tulog at
pahinga at bumagsak na ang katawan mo. Naawa na ako sa ‘yo James.”
“Kilala
mo si Xian di ba? Yung bestfriend ko mulang noong elementary ako?” pagsisimula
ko.
“Oo
naman. Siya yung tumulong at kumuha sa’yo sa Qatar. Napakabait nang taong ‘yun.
Bakit anong kinalaman niya dito?”
“Nakakulong
siya ngayon dahil sa ginawa ko.” Humahagulgol akong parang paslit. Pilit kong
pinupunasan ang luha ko gamit ang laylayan ng aking sando ngunit hindi parin
tumitigil ang aking pagluha. Kung sana katulad ng pagpunas lang ng luha sa
aking pisngi ang pagpunas din ng mga sakit sa aking dibdib.
“Sige,
kahit gaano kahaba iyan, pakikinggan ko. Pag-usapan natin ang lahat at
pagkatapos mong mailahad lahat ay siguro naman masabi ko na din ang niloloob ko
kung anuman ang gumugulo sa iyo.” puno ng pag-iintinding tinuran ni kuya habang
hinahaplos niya ang likod ko.
Lahat
ay kinuwento ko sa kaniya mula pagdating ko sa Qatar hanggang sa nakauwi ako ng
Pilipinas. Ngunit nang nagsasalita na siya ay parang biglang sandaling tumigil
ang tibok ng aking puso at nanikip ang
aking dibdib. Naramdaman kong parang hindi ko na kayang suminghap ng hangin. Umiikot
ang paligid ko. Hanggang sa parang hindi ko na kayang balansehin pa ang aking
katawan at dumilim ang aking paningin. Kasabay na iyon ng aking pagkatumba
ngunit alam kong nagawa ni kuyang alalayan ako. Unti-unting humina sa pandinig
ko ang kaniyang mga sigaw. Paulit-ulit niyang isinisigaw ang pangalan ko at ni
Vicky para saklolohan kami.
Binalikan ako ng malay nang nasa
hospital na ako. Pagmulat ko sa aking mga mata ay nakita ko si kuya na kausap
ang isang doctor. Lumapit sila sa akin. Nakangiti sa akin ang may edad na
ngunit guwapong doctor.
“Kumusta na ang pakiramdam mo?”
tanong niya. Lumapit din si kuya at hinaplos niya ang balikat ko.
“Si Dok Mario. Kaibigan ko. Huwag
kang mag-alala naiintindihan niya ang mga pinagdadaanan mo. Pasensiya ka ha,
kung naikuwento ko sa kaniya ang pinagdadaanan mo.”
Naramdaman kong hinawakan ni Dok
Mario ang kamay ko. “Dumadaan ka sa matinding stress at depression, James kaya
natrigger ang Heart Arrhythmia na siyang dahilan kung bakit ka nagkaroon ng
palpitations, nahirapan kang huminga, nahilo at sumikip ang iyong dibdib. Tulad
ng naikuwento sa akin ang kuya mo, naiintindihan ko ang bigat ng dinadala mo.
Kung gusto mong hindi na lumalala pa ‘yan, iwasan mong ma-stress o kaya ay
madepress saka kumain ka ng masustansiya at iwasan mong magpuyat. Bibigyan kita
ng reseta ng gamot at sa labas na lamang ninyo bibilhin mamaya.”
Tinignan ko si kuya. Bigla akong
nakaramdam ng hiya sa doctor na kaharap ko. Kay kuya nga nahirapan akong
ibahagi sa kaniya ang dinadala ko, ngayon sa estrangherong doktor pa kaya?
“Pinagdaanan
ko ang pinagdadaanan mo ngayon. May mga pagsubok talaga sa buhay natin na
sadyang kailangan nating harapin. Minsan, may mga bagay talagang kailangang
mangyari para lalo nating maintindihan ang kaibahan ng ligaya at lungkot, ng
paglaban at pagsuko at ng pagtagumpay at pagkabigo. May mga nangyayaring hindi
natin alam kung anong dahilan ngunit sana maisip mong hindi nagtatapos ang
buhay sa ilang pagkabigo. Habang tayo’y nabubuhay, hindi din mapigilan ang
pagdating ng mga pagsubok pero hindi mo kailangang sumuko sa gitna ng laban
dahil marami parin ang umaasa at nagmamahal sa iyo. Wala kang ibang dapat gawin
kundi magdasal at ipagpasa-Diyos ang lahat. Magtiwala ka. Kung hindi man ngayon
ang panahong maiparamdam mo ang pagmamahal mo kay Xian at kung anuman ang
mangyari sa kaniya, masaya siyang makita na hindi nasayang lahat ang mga
sakripisyong ginawa niya para sa iyo. Huwag mong sayangin ang kaniyang
nasimulan para sa iyo. Tularan mo ang kaniyang katatagan at patuloy mo siyang
ipagdasal. Nang nawala si Gerald sa akin, akala ko katapusan na din ng lahat sa
akin. Ngunit naisip ko, bakit ko sasayangin ang isinakripisyo niya para sa
akin? Kaya niya ginawa ang lahat lahat sa akin para ituloy ko ang buhay ko.
Tulad ni Xian, para saan ang isinakripisyo niya ngayon kung sasayangin mo lang
ang buhay mo. Iniligtas ka niya sa pagkabilanggo o pagkabitay dahil alam niyang
pahahalagahan mo ang buhay mo para sa pamilya mo at lalong lalo na sa mga anak
mo. Kung susuko ka din pala, mas lalo mo lang siyang pinahirapan at binigo.
Hindi ganitong buhay ang gusto niya para sa’yo James. Hindi niya deserve na
suklian mo ang isinakripisyo niya sa unti-unti mong pagpapabaya sa sarili mo.
Bibihira ang katulad nina Gerald at Xian at ang tanging hangad lang nila ay
maiayos ang buhay natin. Ikaw, may pag-asa pa kayong magkasamang muli, maaring
ilang dekada ang bibilangin ngunit ako, iniwan ako ni Gerald, namatay siya na
wala akong nagawa kundi tanggapin ang kabiguan, harapin ang buhay ng buong
tatag at kailangan kong magtagumpay dahil iyon ang gusto niyang gawin ko kasama
ni Bryan na ipinagkatiwala niyang makakasama ko. At hindi ko siya binigo. Sana
ganoon ka rin James. Kailangan mong magpakatatag dahil kahit mawala si Xian sa
buhay mo, may pamilya ka pang nagmamahal at umaasa sa’yo.”
Pinasok ng payo ni Dok Mario ang
damdamin ko at utak. Naliwanagan ako sa lahat lahat. Lumapit si kuya. Hinawakan
din niya ang isang palad ko.
“Kuya
ito na ba ang karma ng mga ginawa ko sa iyo?” nangilid muli ang aking luha.
“Wala
kang ginawa sa akin para karmahin ka. Nangyayari sa ating lahat na nagmamahal
ang pagsubok at nasa sa atin kung paano natin malagpasan iyon. Kapag makausap
mo ang mga iba pang kaibigan ko ay lalo mong maintindihan ang sinasabi ko
sa’yo. Narito pa kami. Hindi lahat nawala sa iyo. Ito ang gusto ni Xian, ang
mabuo mo kami at magiging masaya sa piling namin. Huwag mo naman ipagkait pa sa
kaniya iyon lalo pa’t nangako ka. Yung may ari ng resort na pupuntahan natin,
sa kaniya mo maririnig ang tunay na bisa at kahalagahan ng pangakong binitiwan
sa taong mahal natin. Ayusin mo ang buhay mo. Magpakatatag ka! Kaya mo ‘yan
dahil ikaw ang straight- straightan sa ating dalawa.” Humagalpak siya ng tawa
at napangiti na din ako. Nakita ko din ang ngiti sa labi ni Dok Mario. Nasa
ganoong tagpo kami ng may isa pang pumasok na doctor din.
“Si
Dok Bryan nga pala, James. Dok, kapatid ko, si James.” Pagpapakilala ni kuya.
Inilahad
ni Dok Bryan ang kaniyang kamay sa akin. Tinanggap ko.
“Magpagaling
ka ha?” maikling wika ni Dok Bryan.
Mabilis
ang aking naging recovery. Paglabas ko sa hospital ay taglay ko ang tibay ng
loob. Alam kong doon muna ako huhugot ng lakas para ipagpatuloy ko ang buhay
ko. Tama si Dok Mario, hindi ko dapat sinasayang ang isinakripisyo ni Xian sa
akin. Kailangan kong ipagpatuloy ang buhay kahit gaano pa kasakit sa kalooban
ang pinagdadaanan ko.
May
sinabi si kuya Jinx na resort na kailangan kong mapasyalan sa Cagayan. Ako ang
tumatangging i-byahe ang mga bata ngunit mapilit si kuya Jinx na dapat makita
ko ang ganda ng lugar para mas magiging mas mabilis ang aking recovery. Para na
din daw makilala ko din ang kaniyang mga kaibigan na may ari ng resort na iyon.
Halos
sampung oras ang biyahe papunta ng Cagayan kaya nga nagdalawang isip akong doon
isama ang mga bata pero pinagbigyan ko na lamang si kuya dahil gusto din naman
niyang makita ko ang bayan na kaniyang nasasakupan bilang mayor at ang lugar na
kinalakhan ni tatay. Isa pa, nais din muna ni tatay na manirahan muna doon para
makalanghap ng presko at malinis na hangin. Sana, kahit sandali ay makuha kong
kalimutan ang aking problema na parang naging mantsa na sa aking utak na hindi
nga nga matanggal-tanggal.
Pagkatapos naming nakapagpahinga sa malaking
bahay ni Kuya ay dumiretso na kami sa RA Kanlungan Falls Creak Resort.
Pagdating namin sa resort ay namangha ako sa ganda ng lugar. Totoo ngang para
itong paraiso. Mayroon itong likas na ganda dahil sa maliit na falls ngunit may
mga swimming pool na tatlo na nakapaligid doon. May mga nakakalat ding mga
bahay-kubo na inaarkila ng mga gustong magpiknik.. May palaisdaan na puwedeng
mamingwit. Sa gitna ay may 5 storey building na sa baba ay restaurant at sa
taas no’n ay isang hotel. Walang pinapayagang maligo sa falls dahil
na-prepreserve daw ang kagandahan nito.
Masayang-masaya
na nagtampisaw ang mga anak ko kasama ang dalawang lolo nila sa pool at abala
naman si Vicky sa pag-iinit ng mga baon namin. Hindi ko mahanap si kuya kaya
naisipan kong puntahan ang malaking puno na sadyang sinadya yatang pabayaan
lang ang likas nitong pagyabong. Nabakuran siya pero naakit akong pumasok at
umupo doon para makapag-relax kahit sandali lang. Nahiga ako sa damuhan at
ipinikit ang aking mga mata.
“Uyy,
bawal diyan. Sa amin lang ‘yan.”
Minulat
ko ang mga mata ko at nakita ko si kuya na may kasamang dalawang may hitsura
kahit halatang may mga edad na din.
“Siya
yung kinukuwento ko sa inyong kapatid ko, si James. James, pinapakilala ko ang
sinasabi ko sa iyong magkukuwento ng kanilang mga napagdaanan at sa kanila ang
resort na ito, tawagin mo na lang silang Kuya Aris at Kuya Rhon.
Tumayo ako. Nahihiya akong humarap
ngunit pasasan di’t magiging kaibigan ko din sila dahil sa ngayon kailangan ko
ng mga taong makakausap. Taong makapagbibigay sa akin ng tibay ng loob.
“Kumusta po.” matipid kong bati
kasabay ng matamis kong ngiti sa kanila. Tinanggap ko ang kanilang
pakikipagkamay sa akin.
“Okey lang naman kami ng kuya Aris
mo.” Umpisa ni Kuya Rhon. “ Naikuwento ni Mayor Jinx ang tungkol sa inyo ni
Xian. Huwag kang mag-alala sa amin ni Aris, dumaan din kami ng hindi mabilang
na pagsubok. Mga hindi mo akalaing malalagpasan namin. May mga kailangang
isakripisyo’t talikuran para magiging masaya at may mga kailangang harapin,
ipaglaban at patunayan dahil sa pag-ibig. Halika ka at bumalik tayong umupo sa
silong ng mangga. Alam mo ba na iyan ang
buhay na saksi sa nakaraan namin ni Aris at buong-buo naming ikukuwento sa iyo
lahat para may magiging basehan ka kung gaano kahirap magmahal sa katulad mo ng
kasarian at kung ano pa ang dapat mong gawin kapag may mga unos na ganito na
darating sa buhay natin.”
“Sa totoo nga po, narinig ko na ang
kuwento ninyo kina Kuya Alden at Kuya Jasper. Nakilala ko sila nang minsang
nagbakasyon sila sa Qatar.”
Tumaas ang kilay ni Kuya Rhon.
Lumingon kay kuya Jinx.
“Small world di ba? Nagulat nga ako
nang sinabi niya sa akin ‘yan.”
“Matawagan
nga ang dalawang ‘yan. Pinagkakalat nila ang kuwento namin na walang pasabi.
Anong akala nila sa buhay pag-ibig ko, teleserye na pag-uusapan lang
basta-basta?” si Kuya Rhon. Napangiti ako sa biglang inasta niya. Nakapamaywang
pa.
“Hindi
ba? Bukas na teleserye ang buhay ninyo ni Aris ‘no!” banat din ni kuya.
“E, wala naman na pala tayong dapat
ikuwento pa kasi nga inunahan na tayo nung dalawa.” Mahinang sagot ni kuya Aris.
“Ayos lang ho. Mas maganda nga
makinig kasi first hand na. Hindi na parang tsismis na lang.” pambawi ko. Lalo
pa’t nakita ko yung kagustuhan sana nilang ilahad ang kanilang nakaraan sa
akin.
“Sige, sayang naman ang preparation
ko kung di pa uliting ikuwento baka lang may nakaligtaan si Alden.”
Pagsisimulang muli ni Kuya Rhon. Umayos ako ng upo at taimtim na nakinig habang
salitan sila ni kuya Aris sa pagkukuwento.
Sa
kuwento ng pagmamahalan nina kuya Aris at kuya Rhon ay madami akong natutunan.
Mas lalong naging bukas ang aking kaisipan. Ramdam ko ang mga sakit na
pinagdaanan ni Kuya Aris at ang tibay ng loob niya para magkakaroon ng
katuparan ang kaniyang mga pangarap at kahit sa kawalang pag-asa ay pilit
niyang ginawa ang nabitiwan niyang pangako kay Rhon. Sobrang napabilib din ako
ni Kuya Rhon sa mga isinakrpisyo niya para kay kuya Aris. Dahil sa pride niya
ay halos nasira ang kanilang happy ending story at doon ako sobrang nakarelate
din. Ngumiti ako, tumawa ngunit mas maraming pigil na pagluha ang naibuhos ko
sa kanilang kuwento ngunit sa huli ay nagkaroon ako ng ngiti sa labi para sa
kanilang dalawa.
“Ang gawin mo ngayon ay ituloy mo
lang ang buhay. Kung saan man siya ngayon naroroon at kung anuman ang magiging
kapalaran ni Xian ay alam mo sa sarili mo na nakaya mong gawin ang pangako mo
sa kaniya. Sa tuwing nasasaktan ka, dapat may kapalit na lakas iyon sa iyo para
lumaban at magtagumpay. Sa tuwing sa akala mo ay hindi mo na kayanin ang sakit
na naipon sa dibdib mo, gumawa ka lang ng alam mong ikasisiya ng taong mahal mo
at kung darating ang panahon na magkikita kayong muli ay taas noo mong masabing
nagawa mo ang lahat ng gusto niyang gawin mo sa buhay. Kung hindi man magwakas
ang kuwento ng pagmamahalan ninyo na magkasama dito sa lupa ay sigurado mong
hindi mo siya binigo.” Iyon ang paliwanag ni Kuya Aris. Buo ang pagkakangiti sa
akin. Tagos sa puso ko ang bawat salitang kaniyang binitiwan.
“Salamat po. Kahit papaano
nakuluwag sa dibdib ko ang mga sinabi ninyo nina Dok Mario sa akin. Gusto ko
pong gawin ang ginawa ni kuya Aris at Dok Mario. Ibuhos ko ang buong panahon ko
sa pagpapaunlad sa aking sarili. Itutuloy ko ang buhay ko sa paraang gusto ni
Xian hanggang magkita kaming muli. Gawin ko siyang inspirasyon ko.”
“Tama ‘yan. Kung saan man naroroon
si Xian ngayon, magiging masaya siyang magiging maganda ang kinalabasan ng
kaniyang isinakripisyo para sa’yo.” sambit ni kuya Rhon
“Anong binabalak mo ngayon James?
Kailangan mo kasi ng mapaglilibangan. Kailangan mong ituon ang iyong oras sa
isang kapaki-pakinabang na gawain. Makakatulong iyon sa iyong pagsisimulang
muli.” Tanong ni Kuya Aris sa akin.
“Gusto ko nga ho sanang
magnegosyo.”
“Negosyo? Naku, kung magtitiwala ka
sa akin at dahil kilala naman kami ni Mayor Jinx, taman-tama sana ang negosyong
iniisip ko din. Balak ko kasi magpatayo ng isang hotel na may pool diyan sa
Tuguegarao. Malaki na din ang naitatabi namin ni Rhon at balak namin na
magpatayo sana kaso ang problema nga lang kasi e, mas gusto naming dalawa na
dito lang sa paraiso namin kaya hindi namin mabantayan at maasikaso. Si Cgaris
naman na anak namin ay hindi din maasikaso ang business dahil sa asawa’t anak
niya na allergic yata dito sa probinsiya. Baka lang gusto mo at ipagkatiwala mo
ang ipon mo para sa negosyong ito. Ikaw naman ang magpapatakbo at magtitiwala
kami sa iyong kakayahan.”
“Talaga ho?” paninigurado ko. Hindi
na ako nagdalawang isip pa sa alok nila. Ngunit alam kong napakalaking halaga
ang kailangan. “Maganda nga ‘yan… kaso baka ho akala niyo sobrang laki po ang
naitatabi ko.”
“Naku e’ anong ginagawa ng kuya mo
o kami para makahiram tayo sa bangko ng dagdag ng pera mo?”
Nilingon ko si kuya. “Pumayag ka
na.”
“O, e di paano, business partners?”
“Opo. Ikinatutuwa ko po.”
“James pakiusap lang, bata pa kami ni
Aris, tanggalin mo ang po at opo mo muna ha? Tama na yung tawagin mo na lang
kami ng kuya at pakitanggal na lang ang po dahil ayaw naman naming maramdamang
matanda na kung kaharap ka namin, di ba bhie?” sabay akbay ni kuya Rhon kay
kuya Aris.
Nagkasalu-salo kasama sila. Bago
natapos ang araw na iyon ay napag-usapan din namin ang itatayo naming business.
Ngunit sa mga tawa ko, sa mga ngiti ko at sa bawat proseso ng aking utak,
naroon parin sa gitna ang pag-aalala at pagkakamiss ko kay Xian.
Dumaan ang araw, nasimulan na din
namin ang lahat para sa ipapatayo naming hotel. Matrabaho at lagi na akong
abala ngunit iyon naman talaga ang kailangan kong gawin. Nakakatulong din iyon
para kahit papaano ay maaliw ako. Nakakaramdam parin ako ng lungkot lalo pa’t
hindi ko na matawagan pa si Vince ngunit sa tuwing galit ako sa aking sarili
dahil sa aking pagkakamali o napapaluha dahil naaalala ko si Xian ay nagawa
kong magtrabaho ng magtrabaho. Magplano ng magplano para sa business namin.
Siya ang naging sentro ng lahat ng ginagawa ko. Tama si kuya Aris, siya ang
magiging inspirasyon ko at kahit hindi niya nakikita ang pagpupursigi ko ay
alam kong kinasisiya niya ang lahat ng mga ginagawa ko ngayon.
Dumaan ang isang buwan… dalawang buwan at
sa pangatlong buwan ay tuluyan ng nawala ang pag-asa ko. Hinanda ko na din ang
sarili kong hindi na nga magkakaroon pa ng masayang pagwawakas ang sa aming
dalawa. Sa tuwing tinatamaan ako ng kawalang pag-asa ay pilit kong pinapasok sa
utak ko ang lahat ng sinabi sa akin nina kuya Jinx, Dok Mario, kuya Rhon at
Kuya Aris ngunit paano nga ba tuluyang wakasan ng mga pangaral na iyon ang
tunay na nararamdaman ng pusong nangungulila? Sa gabing mag-isa ako ay lagi parin
siyang laman ng aking panaginip. Ang sobrang ikinasasama ng loob ko ay iyong
parang tuluyan ng pinaglayo kami ng mundo. Hindi ko alam kung paano ako
makakuha ng balita tungkol sa kaniya. Internet, celphone at newspaper… lahat ay
nasubukan ko na ngunit sadyang mailap ang pagkakataong makabalita ako ng
tungkol kay Xian. Umiiyak parin ako. Nagsisisigaw pa din ako sa tuwing hindi ko
makayanan ang lahat. Sa buong maghapon ay abala parin ako sahotel na pinapatayo
namin. Sa umaga ay nagiging responsable parin naman akong ama para sa mga anak
ko at sa buong pamilya ko. Ini-enrol ko na lang kasi ang mga anak ko sa
Tuguegarao para mabantayan sila at tanging si Vicky na lang ang nasa dati
naming bahay. Bago matulog ay sinisikap kong mabuhay ng normal para hindi isipin
ng mga anak ko na nalulungkot parin ako. Nagagawa ko ng tumawa kahit hindi iyon
bukal sa aking kalooban. Ngunit hindi na yata naging tahimik ang puso ko. Hindi
parin naging buo ang saya ko.
Isang araw ay nakatanggap ako ng
tawag kay Vince. Naginginig ako ng sagutin iyon. Kahit alam kong hindi maganda
ang aking malalaman ay umasa pa din ako sa magandang balita.
“Pasensiya ka na kung ngayon lang
ako uli nakatawag James. Busy sa trabaho at sa kaso ni Xian.”
“Ayos lang ‘yun. Anong balita sa
kaniya?” inihanda ko ang aking sarili sa sagot niya sa akin.
“Nahatulan na siya ng habambuhay na
pagkakakulong, James.”
Naginginig ako. Kahit sabihang
inihanda ko ang aking sariling marinig ang pinaka-worst na mangyari sa kaniya
ay parang hindi ko parin nakayanan ang balitang iyon. Natuyo ang aking
lalamunan. Gustuhin ko mang sumagot ay walang boses na lumalabas sa aking labi.
“Kailangan mong magpakatatag James.
Huwag kang mapagod magdasal. May himala parin ang Diyos.”
Napaupo ako. Hindi ko na nakayanan
ang lahat. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko. Humugot ako ng ilang malalim
na hininga. Kahit mahirap ay kailangan kong labanan ang paninikip ng aking
dibdib. Humagulgol ako. Magkikita pa kaya kami ni Xian? Ngunit kung habambuhay
na siyang makukulong sa Qatar, ibig sabihin sa kabilang buhay na lang kami
magtatagpong muli. Ni hindi ko magawang mabisita sa Qatar. May silbi pa ba ang
lahat ng aking pagpupursigi?
Tatlong araw akong nagkulong sa
kuwarto ko. Ayaw kong makakita ng liwanag. Inaaway ko na nga din si kuya kung
pinipilit niya akong pakainin. Ngunit alam niyang ang mga anak ko ang kahinaan
ko.Sa tuwing papasok at magdadala ng pagkain sa kuwarto ko ay isinasama niya
ang dalawang bata. Hindi ko kayang nakikita nila akong nalulungkot at hindi
kumakain. Ayaw kong maramdaman nila ang naramdaman ko noong nakikita ko si
tatay na unti-unti niyang sinisira ang kaniyang buhay. Hindi ko kasi kayang
gawin sa kanila ang ginawa ni tatay sa amin noon. Kaya sa tuwing nandiyan sila
ay pinipilit kong kumain, pinipilit kong tumawa kahit napakahirap sa aking
pekein ang lahat ng iyon.
Hanggang sa ikaapat na araw ay
nagdesisyon akong ituloy ang aking buhay. Mahirap tanggapin ang nangyari kay
Xian ngunit muli kong sinariwa sa aking isipan ang mga payo sa akin ng mga
kaibigan ni kuya na kaibigan ko na rin. Marami nang tao ang umaasa sa akin.
Ayaw kong mabigo si Xian. Hindi ko hahayaang mapunta lang sa wala ang
isinasakripisyo niya ngayon sa kulungan.
Maaga pa lang nang pumunta na ako
sa site kung saan pinatatayo ang hotel nang tumunog ang cellphone ko. Si kuya
Jinx.
“Nasaan ka?” agad niyang bungad.
“Nasa site. Bakit?”
“Anong araw ngayon?”
“Sabado?”
“Ang petsa?”
“Petsa? Anong petsa ba ngayon?”
“Happy Birthday brother!”
“Birthday ko? Oo nga. Birthday ko
pala!” naibulalas ko. Hindi ko na namalayan. Sana si Xian ang pinakamagandang
regalo ko. Sana makausap ko man lang siya sa telepono. Masaya na akong marinig
kahit boses lang niya. Ngunit alam kong imposibleng mangyari na ‘yun. Humugot
ako ng malalim na hininga.
“Mamayang hapon diretso ka sa
Kanlungan Resort ha. Ipaghahanda ka namin. Ngunit mamayang tanghali sa bahay ka
muna dahil hinihintay ka nina tatay at lolo pati mga bata. Ang aga mong umalis.
Isusurprise ka dapat ng mga anak mo. Pagbukas nila sa kuwarto mo wala ka na
kaya sila na lang daw magblow ng candle ng cake mo. Kawawa naman sila,
pinaghandaan pa naman nila.”
“Ganun ba? Hindi bale, sabihan mo
na lang sila na kunyari i-surprise nila ako mamaya tanghali pag-uwi ko at
kunyari surprise din ako.”
“Sige. Umuwi ka ng maaga-aga.
Sabadong- sabado nasa site? Kaloka!”
Nagsalo-salo kami sa tanghalian
kasama ang pamilya ko maliban kay Vicky na nasa Manila pa. Masayang masaya
naman ang mga anak ko dahil napaniwala ko silang surprise na surprise ako sa
kanila. Ito ang kagustuhan ni Xian. Ang makita niyang masaya ako. Hindi ko siya
bibiguin. Para sa kaniya ang lahat ng ito kahit mahirap pa sa aking kalooban.
Gabi
na nang dumating ako sa resort. Maganda ang buong paligid ng resort sa gabi
dahil sa iba’t ibang kulay ng ilaw. Nagulat ako nang makita ko si Vicky doon
samantalang nasa Manila siya. Anong ginagawa niya dito at di man lang dumaan sa
bahay? Niyakap niya ako ng mahigpit sabay bati ng “Happy Birthday sa
akin.Naroon na din si kuya Jinx na tawag ng tawag kanina kung anong oras ako
darating. Biglang naging atat naman yata siya. Lahat sila ay napakaluwang ng
kanilang mga ngiti. Kaliwa’t kanan ang kanilang pagbati. Sinusuklian ko naman
ng yakap at ngiti. Naroon silang lahat. Si Dok Mario, dok Bryan, si Kuya Aris
at Kuya Rhon. Ngunit wala akong cake. Napangiti ako. Naghanap talaga ako ng
cake. Ano ako bata? Pero kung alam ko lang na walang cake dumaan ako ng sarili
kong cake.
“James,
halika!” tawag ni kuya sa akin habang kausap ko si Vicky.
“Ipakilala
ko sa’yo ang alamat ng ganda. Si kuya Terence mo.”
“Hi
po.” Sagot ko at inabot ang kamay ni kuya Terence.
“Nice
meeting you, James. Happy Birthday.” Iniabot niya ang regalo niya sa akin.
“Bakit naman alamat ng ganda ang intro aber?” buwelta niya kay kuya Jinx.
“Di
ba nga dahil diyan sa retokadang ganda na ‘yan ay nabingwit mo itong si papa
Lando?”
“Excuse
me. Kahit noong chakka pa ako minahal na ako niyan ‘no. Ikaw nga, maganda ka
nga pero anyare?” banat ni kuya Terence.
“Psst!
Tama na nga ‘yan. Lando pala James.” Inilahad ni kuya Lando ang kaniyang palad
sa akin. “Masanay ka na sa dalawang ‘yan. Sila ang laging nagbabangayan.”
Tinanggap
ko ang kamay ni kuya Lando. “Masaya
akong makitang nakangiti ka na ngayon. Sana tuluy-tuloy na ang recovery mo.”
Pagpapatuloy niya.
Napangiti
ako. May iba pa bang naiiwang bisita dito na hindi alam ang pinagdadaanan ko?
Lahat yata sila alam na nila ang buhay ko. Pero sila nga, hindi ko pa
nakikilala si Kuya Terence at Kuya Lando ay alam ko na ang buhay nila. Tama nga
si Kuya Jasper. Nakita ko sa personalidad ni Kuya Lando ang personalidad ko.
Parehong-pareho kami ng kilos, tindig at pananalita.
Nasa
ganoon kaming kasiyahan at pag-uusap nang may dumating na sasakyan ng mga
pulis. Kinabahan ako. Tinted ang loob ng sasakyan pero nakita kong may dalawang
pulis ang bumaba doon. Pinakalma ko ang aking sarili. Maaring kakilala lang
sila ng kuya ko na mayor o kaya ang may ari ng resort na sina Kuya Aris at Kuya
Rhon. Ngunit sa akin sila nakatingin. Dire-diretso nila akong pinuntahan.
Nanlamig ang mga kamay ko.
“Ikaw
ba si James Reyes?” tanong ng isang pulis.
“Ako
nga ho.” Nanginginig na ang tuhod ko.
“Hinuli
ka naming dahil pinaghahanap ka ng bansang Qatar sa isang tinakasang kasalanan.
Kailangan mong harapin ang kasalanang iyon at ibalik sa kanilang bansa para
panagutan ang iyong pagkakamali.”
Parang
binuhusan ako ng malamig na tubig. Nanginginig na ang buo kong katawan. Lahat
ng naroon ay nakatingin sa amin. Lumapit si kuya Jinx. Hinawakan niya braso ko.
“May
warrant of arrest ba kayong dala?”
Inapuhap
ng pulis ang isang papel sa kaniyang bulsa at inaabot niya kay kuya Jinx.
Binasa iyon ni kuya saka malungkot ang kaniyang mga matang tumingin sa akin.
Yumuko.
Ang
isang pulis ay mabilis niyang kinuha ang kamay ko at pinosasan habang sinasabi
niya ang marinda rights.
“YOU have the right to remain silent. Any
statement you make may be used against you in a court of law in the
Philippines. You have the right to have a competent and independent counsel
preferably of your own choice. If you cannot afford the services of a counsel,
the government will provide you one.”
“Kuya!”
nagmamakaawa ako kay kuya.
“May
warrant of arrest silang dala, James. Sumama ka na sa kanila at ako na ang
bahalang haharap sa kaso mo.”
“Paano
ang mga anak ko kuya. Kuya, ayaw kong makulong!” tuluy-tuloy na ang pag-agos ng
aking luha. Nakita ko si Vicky na nakatingin lang sa akin. “Vicky, ikaw na ang
bahala sa mga anak ko. Kuya, tulungan mo ako! Huwag mo akong pabayaan. Kuya!”
Habang
hinihila nila ako sa kanilang sasakyan ay pilit kong humingi ng tulong kay kuya
ngunit naroon lang siya at nakamasid sa akin.
“Puwede
bang mayakap ko man lamang ang mga kapatid ko bago ninyo ako ikulong? Maaring
hindi ko na sila makitang muli. Parang awa niyo na.” Pakiusap ko sa dalawang
pulis.
Lumapit
si Kuya Jinx at Vicky. Niyakap ko silang dalawa. “Kuya, kung makulong ako sa
Qatar, sana gawin mo ang lahat ng paraan para lumaya si Xian. Mabuti ngang ako
ang makulong dahil ako ang tunay na may kasalanan basta ipangako mo sa akin na
makakalaya siya. Gusto kong makalaya si Xian kuya. Matatahimik ako sa kulungan
basta alam kong ligtas at malaya na ang taong pinakamamahal ko.” Humihikbi na
ako. Nakita kong nalulungkot ang mga mukha ng mga iba pang naroon.
“Pangako
‘yan. Sige na. Sumama ka na. Gagawin ko ang lahat para mabilis ang iyong kaso
at makakalaya si Xian.”
“Vicky,
ikaw na ang bahala sa mga bata. Sana makikita ko pa silang muli. Sana makasama
ko pa sila. Kuya, sana maipaliwanag mo sa mga bata ng maayos ito.” Sumisikip na
ang aking dibdib.
“Tara
na ho, sir!” hila sa akin ng isang pulis. Binuksan ng pulis ang pintuan ng
kanilang sasakyan at nang papasok na sana ako ay isang nakasinding kandila na
may kasamang cake ang bumungad sa akin. Nagulat ako.
“Happy Birthday!” bati ng nakahawak sa cake. Hindi ko mamukhaan
dahil nakasumbrero ito at tago ang mukha
May ibang dating sa akin ang boses niya. Alam ko kung kanino ang boses
na iyon at biglang pumailanlang ang “Because of you” ni Keith Martin. Alam kong
paborito iyon ni Xian. At iyon ang lagi niyang pinapatugtog sa celphone
niya. Halos lahat ng mga bisita ko ay
sumigaw ng surprise. Pati ang dalawang pulis ay nakisigaw din. Mabilis na
tinanggal ng pulis ang nilagay niyang posas sa kamay ko.
Daglian kong tinanggal ang sombrero
ng lalaki. Nabigla ako. Hindi ako nakapagsalita na parang panaginip lang lahat.
Bumaba siya. “Surprise! Blow your candle! Happy Birthday!”
Ngunit hindi ko magawang i-blow ang
kandila. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Mabilis na kinuha ng pulis ang
cake mula sa mga kamay ni Xian.
“Hindi mo lang ba ako yayakapin?”
tinaas niya ang mga kamay at nakangiti siya sa akin.
“Oh my God! Totoo ka? Totoo ba ito?
God! Oh my God!” paulit-ulit ko lang na nasasambit. Mabilis ko siyang niyakap
at niyakap din niya ako. Noong yakap ko siya ay sigurado akong hindi lang ako
pinaglalaruan ng aking mga panaginip. Totoong siya ang yakap ko. Muling tumulo
ang aking mga luha ngunit iyon na talaga ang sinasabi nilang “tears of joy.”
If
ever you wondered if you touched my soul yes you do
Since
I met you I'm not the same
You
bring life to everything I do
Just
the way you say hello
With
one touch I can't let go
Never
thought I'd fall in love with you...
Sinasabayan ng mga bisita ko ang
kanta. Lahat sila ay nakatingin sa aming at pumapalakpak.
Because
of you, my life has changed, thank you for the love and joy you bring
Because
of you, I feel no shame, I'll tell the world it's because of you.
Nangangatog
ang aking mga tuhod. Nanlalamig ang aking mga kamay. Hinanap ng aking labi ang
kaniyang mga labi at nang magtagpo ang aming labi at hawak na niya ang aking
kamay ay muli akong bumalik sa aking katinuan. Paulit-ulit na sinisigaw ng utak
ko ang pasasalamat sa Diyos.
Sometimes
I get lonely and all I gotta do is think of you
You
captured something inside of me
You
make all of my dreams come true
It's
not enough that you love me for me
You
reached inside and touched me eternally
I
love you best explains how I feel for you...
Pagpapatuloy
ng kanta. Naluluha na ang lahat habang nakatingin sa amin. Siya man ay nakita
ko ang kaniyang pagluha. Umiiyak kaming dalawa sa kaligayahan. Pinunasan ko ang
luha niya gamit ang aking mga kamay. Sabay sabing… Mahal na mahal kita! Sobrang
mahal na mahal kita. Ikaw ang nagpapatibay sa akin para ituloy ang laban!
“Ako
din. Sa tuwing nalulungkot ako at nawawalan na ng pag-asang makalaya ay ikaw
ang hinihugutan ko ng lakas. Hindi ako dapat sumuko dahil alam kong naghihintay
ka sa pagbabalik ko. Mahal na mahal kita, James!
The
magic in your eyes
True
love I can't deny
When
you hold me I just lose control
I
want you to know that I'm never letting go
You
mean so much to me I want the world to see,
It's
because of you
“Blow
the candle! Blow!” Sigaw ng mga bisita kong naroon.
Tinignan
ko sila. Bago ko inihipan ang kandila ay hinila ko si kuya sa tabi ko!
“Magaling ka din palang actor ano! Pinaniwala mo ako sa acting mo! Dapat pala
hindi ka lang mayor, dapat mag-artista ka na din.”
“At ikaw! Mag-usap tayo mamaya ha!” tinuro ko
si Vicky na kanina pa din napapaluha sa saya.
“Kuya
James, ako nga po pala si Cgaris!” pakilala ng isang pulis sa sarili niya.
“Napag-utusan lang po nina Dad, Daddy at Mayor.”
“Ako
po si jay-ar, anak ho ako nina Daddy Terence at Daddy Lando! Pasensiya na ho
kayo. Happy Birthday kuya!” bati ng isang pang pulis sa akin. Tinignan ko ang
kanilang mga magulang. Nakita ko kung paano sila natuwa sa kanilang
pinagplanuhang sorpresa.
“Nakabawi
din ako! Yes!” malakas na sigaw ni Kuya Rhon. Palakpakan at nagtawanan ang
lahat.
Pagka-blow
ko sa kandila ng aking birthday Cake ay nagsibalikan na sila sa table ng mga
pagkain. Naiwan kami doon ni Xian. Marami pa muna kaming pag-uusapan.
“Paanong? …Bakit?…” madami akong
gustong tanungin ngunit nilagay niya ang hintuturo niya sa gitna ng aking mga
labi. Kinuha niya ang kamay ko at tinungo namin ang upuan sa silong ng isang
lamaking punong mangga. Umupo siya at sumandig sa puno. Pinaupo niya ako sa
gitna ng kaniyang mga hita. Para akong batang sumunod isinandig niya ang ulo ko
sa kaniyang balikat. Niyakap niya ako at hinawakan niya ang aking mga kamay.
“Hindi bulag ang hustisya sa
Qatar mahal ko. Pagmamahal mo din ang
naging lakas ko para lumaban. Bago nila hinanap ang Christian Santos, may mga
nahuli na pala silang mga Qatari na gumagamit ng drugs. Nang magkaharap-harap
kami ng mga nahuling iyon, wala ni isa sa kanila ang nagturo na ako ang
pinanggagalingan ng binibili nila. Dalawang araw bago ka umuwi, nahuli ang boss
mo na siyang nagrecruit sa iyo at naging mabuti ang pagkakataon sa akin ng
hindi ako isa sa mga ikinanta niyang kasabwat niya. Siya din ang nagpaliwanag
ang tungkol sa paggamit mo ng pangalan ko at nang pagkakasama natin sa iisang
kuwarto. Ngunit dahil mas nangangailangan sila ng iba pang makapagpapatunay na
hindi nga ako kasabwat at may kasama nga ako sa kuwarto kaya tumagal ng tumagal
ang imbestigasyon nila. Mabuti nga at nakauwi ka na noon. Matagal ang pag-usad
ng kaso. Higit anim na buwan din pala ako sa kulungan. Ang naging hatol sa akin
ay deportation. Mula kulungan diniretso na ako sa airport. Si Vince ang
sinabihan kong aayos sa lahat ng aking mga gamit at naipong pera na ipadala
dito sa Pilipinas. Mabuti na lang mahal ko at sa Qatar tayo. Paano na lang kaya
kung sa Saudi tayo? Di bangkay na ako ngayong pinaglalamayan ninyo?” sabay iyon
ng mahina niyang tawa.
“Akala ko… kasi naman si Vince…”
“Naku nagpapaniwala ka dun e
masakit ang loob nun sa iyo dahil sa nangyari sa akin.”
“E, bakit hindi mo ako tinawagan
nang nakalaya ka na at hindi ako nag-alala sa iyo?”
“Wala na talagang pagkakataon.
Gusto ko i-surprise kita.”
“Pano ka nakapunta dito sa Resort
na ito?”
“Naku dami talagang tanong. Pumunta
ako sa bahay ninyo at si Vicky ang nandoon. Dapat noong isang araw pa kita
i-surprise pero ang kuya mo ang nagsabing itaon na lamang sa mismong birthday
mo ang pagkikita natin para mas may impact daw. Dahil gusto kong masurprise
kita kaya si kuya Jinx ang hinayaan kong
magplano sa lahat. Ang hirap maghintay kahit dalawang araw lang. sobrang
excited na kasi talaga akong makita ka. Si kuya Jinx din nagsabi tungkol sa mga
pinagkakaabalahan mo ngayon at huwag mo ng ituloy ang pag-utang sa bangko dahil
may pera naman tayo para diyan sa business natin. Payag naman akong kahati
natin sina kuya Aris at kuya Rhon sa negosyo. Gusto ko sila. Tuwan-tuwa ako sa
kanila. Sila din ang kasamang nag-set ng lahat ng ito.”
“Paano mo sila nakilala?”
“Daming tanong talaga, grabe. Gusto
mo bang malaman din kung anu-ano yung mga pangalan ng lugar na dinaanan naming
papunta dito, kung ano mga kinain ko sa daan, kung ano ang pangalan ng gasoline
boys na nagkarga sa kotse ko?”
Napangiti na lang ako. Humarap ako sa
kaniya at niyakap. Buong tamis kong hinalikan sa labi. Tinitigan ko siya.
Ngumiti ako…totoong ngiti na iyon, wala ng lungkot at tuluyan ng nabura ang
sakit ng loob.
“Tara na at naghihintay na sila
doon.” Yakag niya sa akin
Hawak kamay kaming bumalik sa mga
naghihintay sa amin. Nagpalakpakan sina Vicky, kuya Jinx, kuya Rhon at kuya
Aris, Dok Mario at Dok Bryan, Kuya Terence at Kuya Lando, kasama din sina
Cgaris at Jay-ar na pinanindigan na talaga ang suot nilang pampulis. Masayang-masaya
ang lahat. Ngunit wala ni isa sa kanila ang makakapantay sa ligayang
nararamdaman ko. Alam kong ganoon din si Xian na hindi ko mabitiwan kahit saan
siya pupunta. Natatakot kasi akong muli siyang malayo sa akin.
Alam
kong ang pagkakahawak-kamay namin ni Xian ay hindi na muli pang paghihiwalayin
ng kahit anong darating na pagsubok. Pipilitin kong mamalagi ang mga ngiti
namin sa aming mga labi hanggang sa pagtanda. Gusto kong siya ang tanging
makakasama ko habang-buhay at kahit ano pang sabihin ng ibang tao sa akin ay
hindi ako makikinig. Hindi sila ang nakapgbibigay sa akin ng tunay na saya.
Alam kong habang-buhay ay hindi din ako iiwan ng tunay at wagas na pagmamahal
ni Xian sa akin. Darating ang panahong matatanggap din kami ng lipunan. Alam
kong maiitindihan din ako ng aking mga anak. At sa kuwento namin nina kuya Rhon
at kuya Aris, Dok Mario at Dok Bryan, Kuya Terence at Kuya Lando, alam kong
marami pang umaasa sa happy ending sa tulad ng relasyong ganito.
WAKAS
No comments:
Post a Comment