Wednesday, January 23, 2013

Desert Diary 06: Flatmate

Desert Diary Story 6 - Flatmate
by Desert Delicacy [desertdelicacy@yahoo.com]
Blog: desert-diaries.blogspot.com


7 PM na at kakarating ko lang sa bahay. Ang hirap ng buhay OFW kasi kayod kalabaw ka palagi. Pero ano naman ang iisipin mo kung ganito ang datnan mo pag uwi mo ng bahay.

“Uy, andyan ka na pala, buti at kakaluto ko lang ng hapunan”

“Kakahiya naman sa iyo, sabi ko naman wag mo na akong isali sa luto mo kasi may sarili naman akong budget”

“Ito naman, nagsi share ka naman sa akin every month kaya okay na rin”

“Sige, ako na lang ang maghuhugas ng pinggan mamaya at maglilinis ng kusina..OK?

“Mas okay yon P’re”

Masarap magluto si Jason for a guy. Na meet ko sya 2 years ago ng humanap ako ng kwarto sa Al Khobar. Sya kasi ang flat holder at timing na naghahanap din sya ng ka share nya. One door 2 bedroom apartment kasi ang tinitirhan naming apartment. 30 years old sya, binata at isang engineer sa isang Aramco Contractor na company kaya malaki ang sahod nya. Five years ang tanda nya sa akin at ako ay isang accountant sa isang industrial firm sa 2nd Industrial City ng Dammam. Sabi nya noon sa akin, wala daw kaming pakialaman at bahala daw ako kung ano ang gawin ko basta daw magbabayad lang daw ako ng share ko quarterly ay okay na.

Pero, naging magaan ang loob namin sa isa’t isa habang tumatagal ang aming pagsasama. Naging constant companion ko sya at gumanda ng gumanda ang aming pagkakaibigan. Every night ay sinasamahan ko syang mag fishing sa Corniche at every weekend ay nag dya jogging naman kami. Since may sasakyan sya palagi na lang kaming gumagala kahit saan. Sa huli ay nag suggest na rin sya na mag share na lang kami sa food para daw mas makatipid kaming pareho.

Maganda ang samahan namin at wala naman kaming problema sa isa’t isa ng nagsimulang hindi na naglalagi sa bahay si Jason. Halos hindi ko sya mahagilap palagi sa bahay. Ang mga niluluto kong pagkain ay hindi nagagalaw hanggang umabot ng umaga. Nag patuloy ang pag uwi nya ng mga madaling araw at ang hindi pag kain sa bahay kaya tinigil ko na rin ang maghanda ng hapunan. Kuntento naman kasi ako kahit na noodles lang kainin ko at tinapay. Hindi na rin kami nag uusap kasi hindi na kami halos nagkikita araw araw.

Shit, Kaya pala di ko mahagilap ang Jason may kinalolokohan na pala itong iba. I mean nalulong na pala ito sa sugal. Napag alaman ko lang ito sa isa naming common friend. Nag aalala daw ito kay Jason kaya sinabi sa akin. Bilang kaibigan ni Jason, ang magagawa ko lang ay ang pagsabihan syang mag ingat kasi mainit sa mga Police ang sugal. Kaya noong nagkatagpo ang landas namin ay hindi ko na rin inaksaya ang pagkakataon para pagsabihan sya.

“Jase, sana wag mo lang masamain, at hindi ako nanghihimasok sa buhay mo, kaya lang may narinig akong nalololong ka daw sa sugal”

Napatingin lang ito sa akin na parang sinusukat ako. Bigla tuloy akong umatras kasi baka sapakin ako. Malaki pa naman ang mga katawan niya at siguradong matutumba talaga ako pag inupakan nya ako. Pero hindi naman nya ako sinuntok. Ngumiti lang ito ng napakalungkot na ngiti.

“Salamat sa pagpapa alala mo P’re” At bigla na lang itong pumasok sa kanyang kwarto.

Maya maya lang ay kumatok ako sa kanya.

“tuloy, bukas yan”

“Jase, Kaibigan kita P’re kaya nag aalala na ako sa kalagayan mo. Kung may problema P’re pag usapan natin”

“Masakit lang ang likod at batok ko, pamasahe naman please” at ngumiti ito.

“Sya, sige, pumuwesto ka na nga dyan”

Mukhang pagod na pagod nga itong si Jason. Napapahalinghing sya sa sarap ng masahe ko sa kanya. Lumipas din ang 25 minutes na pagmamasahe ko sa kanya ng namalayan ko lang na naka idlip na pala sya. Pinatay ko na lang ang ilaw ng kwarto nya at tumungo na ako sa sarili kong kwarto.

Ginabi na naman ako galing sa office kaya mga 7PM na ako nakarating sa bahay. Sinama ko si Edward ang ka officemate ko na manghihiram ng mga pirated VCD ko. Hindi ko inakalang andoon pala sa bahay si Jason since hindi naman ito naglalagi.

“Good Evening! Jase, si Edward pala”

Tumango lang ito at dagli dagling pumasok ng kanyang kwarto. Nakaka panibago itong si Jason na ito since matagal tagal na rin kaming magkasama nitong dalawa. Pero lately, hindi na maganda ang pinakikita nito.

“Halika, Edward, pasok ka sa kwarto”

“Ano? Dito ka na maghahapunan? Kasi magluluto ako kung gusto mo”

“Sige, para hindi na ako magluluto sa bahay”

“Ito yong mga VCD, pumili ka na dyan. Pero dapat isauli mo yan, kung hindi, papakulam talaga kita”

Nang matapos na akong magluto ay kinatok ko si Jason para sumabay na sa aming kumain pero tumanggi ito.

“Galit yata ang ka flatmate mo eh” sabi ni Edward sa akin.

“Wag mo ng pansinin yon, palibhasa, youngest kasi yon kaya napaka moody”

Masayang kasama si Edward, palibhasa bata pa kaya masayahin. Hindi na rin ito tumagal sa bahay at umuwi na rin pagkatapos naming maghapunan. Nagligpit na rin ako ng pinagkainan namin at nagpahinga na.

Hindi na kami masyadong nag uusap ni Jason kahit na nasa bahay ito palagi itong nagkukulong sa kanyang silid. Nagkakamabutihan na rin kami ni Edward at palagi itong namamasyal sa aming bahay. Minsan ay doon ito nakikikain kasi tamad nga itong magluto kasi nag iisa lang rin siya sa kanyang flat.

May mga pagkakataon na hindi ako kinikibo ni Jason. Kahit na masakit sa akin deadma na lang ako. Hinahanap hanap ko ang mga sandali noong masaya kaming dalawa at hindi katulad nitong walang kibuan. Pero nasanay na lang rin kasi ako sa set up namin na iyon. Noong nakahanap ulit ako ng pagkakataon ay tinanong ko si Jason ng masinsinan.

“Jase, galit ka ba sa akin?”

“Ba’t mo naman natanong yan?”

“Kasi malaki na ng pinagbago ng pagkakaibigan natin”

“Wala P’re., Ako ang may problema, napakabigat na problema”

“P’re dapat ilabas mo yang nasa loob mo kasi mahirap na may kinikimkim sa suliranin. Tandaan mo, malayo tayo sa ating pamilya”

“Salamat P’re pero kaya ko pa”

Hindi na ginagabi si Jason ng mga sumusunod na araw. Palagi itong maaga at kung minsan pa nga ay nakapagluto na ito. Minsan, ginabi ulit ako kasi sa labas na kami kumain ni Edward. Sumama sa bahay si Edward para makikinood ng TFC.

“James, P’re, tamang tama ang dating mo nakapag luto na ako”

“Jase, sorry nag dinner na ako kasama ko si Edward. Pero sige, samahan kita sa mesa”

Sinamahan ko lang sya sa mesa para hindi naman awkward na pinagluto nya ako tapos hindi lang naman pala ako kakain. Napansin ko lang na medyo nag iba na ang mood ni Jason. Parang nag ngingitngit ito sa galit kaya medyo kinabahan ako.

“Jase, pasensya na ha, hindi ko kasi alam na maaga kang umuwi eh”

“Ganyan ka naman talaga James eh!” galit na sumbat ni Jason sa akin.

Napatingin ako sa kanya kung bakit biglaan na lang siyang nagalit sa akin. “Jase, sorry talaga, hindi na mauulit”

“Nakilala mo lang yang Edward na yan, nakalimutan mo na ang pinagsamahan natin” Tumulo na ang kanyang mga luha habang nakayuko ito sa mesa.

“Hindi naman ako nakalimut Jase, Ikaw pa rin ang kaibigan ko na matagal ko ng hindi nakakasama. Ironically, nasa iisang bahay lang tayo nakatira”

Siguro narinig ni Edward ang pagtaas ng boses ni Jason kaya lumabas ito sa kuwarto ko at nagpaalam na uuwi na daw.

“James, uwi na ako. Salamat”

“Sige Edward, hindi na kita pipigilin”

Bumalik ako sa Dining kay Jason ng matapos kong ihatid sa pintuan si Edward.

“Jase, P’re, sabi ko naman sa iyo kung may problema sabihin mo. Hindi na kasi kita maiintindihan eh”

Nagligpit ito ng kinainan at hindi ako pinansin. Nang matapos ay dumiritso na ito sa kanyang kwarto at sinarado ang pintuan. Ngunit hindi ko na papalampasin ang ganitong klaseng sitwasyon kaya kumatok ako.

“Jase, P’re, ako to, papasukin mo ako”

Binuksan niya naman ang kanyang kuwarto at pinapasok ako. Umupo siya sa kanyang kama at naki upo na rin ako. Nanonood siya ng TFC pero sa wari ko’y wala dito ang kanyang isipan.

“Jase, P’re, matagal tagal na rin ang pinagsamahan natin. Ni minsan hindi tayo nag away. Kilalang kilala mo na ako at ganoon din ako sa iyo. Pero nakakapanibago itong nangyayaring ito sa atin ngayon. Ano ba talaga ang problema? Kung meron pag usapan natin”

“P’re sorry, lately kasi ilang beses akong na bigo sa pag ibig. Palagi lang akong on the rebound” nakayuko pa rin ito at may namumuo na namang mga luha sa kanyang mga mata.
“Ganyan talaga Jase sa pag ibig. May mga sinusuwerte, may minamalas”

“Pare, ba’t ganoon? Lahat ng minahal ko ay ginagago ako?” tumulo na rin ang kanyang mga luha.

Gusto ko siyang batukan at kahit na umiiyak siya ay hindi ko mapigil ang mapa ngiti sa inis. Matagal ko na rin kasi siyang mahal pero dinideadma ko lang.

“Hindi naman lahat ay gagaguhin ka” Safe na sagot ko sa kanya.

“Sino sila at nasaan sila?”

“Nasa tabi tabi lang siya Jase, hindi mo na sila kailangang hanapin” Medyo may pinapahiwatig na he he he he he

“What do you exactly mean?” tinitigan niya ako ng napaka lagkit na titig. Ako ang unang bumawi.

Naku, huli na at bistado ka na!, kaya nagdahilan na naman para lumusot “Jase, magpahinga na tayo, may work pa tayo bukas”

“James, wait” biglang naiba ang facial expression niya. Parang umaliwalas ito at ngumingiti na.

Lagot. Baka paalisin na ako dito sa bahay. Kakahiya talaga ang pinagsasabi ko pero deadma. Tumayo na ako para maka iwas sa awkward na sitwasyon pero hinila nya ako paupo.

“James, I heard it, sino ang siya?”

Hala ka, bakit hindi niya pa rin binibitawan ang aking kanang kamay at palapit na palapit na siya sa akin. Titig na titig pa rin siya sa akin at lalo siyang gumagwapo.

“Eh….errr…ahhhh….ang ano?”

Hindi pa rin niya binabawi ang tingin niya sa akin habang higpit na higpit naman ang hawak niya sa aking mga kamay.

“P’re, alam mo naman na espesyal ka sa akin”

Palapit na siya ng palapit sa akin at niyakap na niya ako ng mahigpit. Pilit ko siyang tinutulak pero mas malakas naman siya sa akin.

“Sabihin mo kung sino siya P’re, kung hindi, magdamag kitang yayakapin”

“Errrr…Jase, ano ba, hindi ako makaka hinga”

Wala na akong kawala pa! Kung sa mga suspek nga eh, bistado na ako kaya kakanta na lang ako di ba? “I hate to admit it but it’s true P’re, mahal kita noon pa! Hindi mo ba nahalata?” tumulo na rin ang luha ko sa di ko maintindihang kadahilanan.

Pinahid niya ang aking mga luha “Bakit ba kamo ako nagkakaganito James? Mahal kita noon pa. Hindi ko lang alam paano ko sasabihin kasi bago sa akin ito at ang weird ng pakiramdam. Kakalalaki kong tao pero umiibig ako sa isa ding lalaki. I was so confused and I tried vices and tried courting girls na pumalpak din para lang makalimutan kita”

Kinilig ako sa pinagsasabi ni Jason sa akin. Grabe! Ginawadan niya na rin ako ng napakasuyong halik.

“Now that I know the score, kailangan pa ba kitang ligawan James?”

“Ewan!” humahagik hik ko ng tawa.

“Pero ayokong Makita ang pagmumukha ni Edward dito. Parang sasabog ang dibdib ko sa selos everytime na dinadala mo siya dito”.

“Jase, Edward’s just a friend, parang little brother, He’s safe OK?”

“I love you P’re”

“I love you too Jason”

--- ENDS ---

No comments:

Post a Comment