By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com
James Point of View
Pagbalik ko sa aming
kuwarto ay parang naninikip parin ang dibdib ko. Parang nakikita ko si Xian na
nakangiti sa akin na naghihintay para sabay kaming kumain o kaya ang kaniyang
mga ngiti na parang walang pinagdadaanang problema o hirap. Makikita ko pa kaya
ang mga ngiting iyon? Maririnig ko pa kayang muli ang buum-buo at magiliw
niyang boses? Mayayakap ko pa kaya siya’t mahalikan. Maamoy ko pa kaya ang
kaniyang mabangong hininga?
Maipaparamdam ko pa kaya sa kaniya ang pagmamahal
na ipinagkait ko sa kaniya nang kami’y magkasama. Nabigo ako. Ang kuwento namin
ni Xian ang pinakamasaklap. Nabigo ko si kuya Alden at kuya Jasper. Hindi ko na
nagawang maagapan pa ang trahedya. Nakaramdam ako ng inggit kina kuya Lando at
kuya Terence. Mabuti pa si Kuya Rhon kahit nagbilang ng ilang dekada ay nahintay
siya ni kuya Aris. Ngunit ako? Mahihintay ko pa kaya si Xian ng buhay o malamig
nang bangkay ang sasalubungin ko sa airport. Hindi na naubos ang luha ko.
Sumasakit na din ang ulo ko sa kaiiyak ngunit kulang na kulang pa ang sakit na
nararamdaman ko.
Kinagabihan no’n bago
ako uuwi ay nagtipon-tipon lahat ang mga kaibigan ni Xian. Naroon lahat sila na
handang dumamay at tumulong. Ang ilan ay natatakot para sa kaibigan nila at
karamihan ay umaasang hindi doon matatapos ang lahat para sa isang taong
tumulong at naging mabuting kaibigan sa lahat. Iba daw ang turing ni Xian sa
kanila, higit pa sa kaibigan, higit pa sa isang kababayan lang at higit pa sa
tunay na kapatid. Kaya hindi sila mapakali kung ano ang dapat nilang gawin para
matulungan ang kaibigan nilang alam nilang walang kasalanan.
Ayaw ko sanang iwan
si Xian sa ganoong kalagayan ngunit nakapangako na ako sa kaniya. Kailangan
kong tuparin ang pangakong iyon kahit pa natatakot ako sa maaring mangyari sa
kaniya. Hindi ko magawang ngumiti, wala akong ganang kumain at ang tanging
naglalaro sa isip ko ay ang kalagayan ni Xian sa kulungan. Gustuhin ko mang
matulog ngunit tanging ang mukha ni Xian ang nakikita ko. Kinikilabutan ako sa
maaring mangyari sa kaniya. Alam kong buong buhay akong sisingilin ng aking konsensiya.
Buong buhay kong dadalhin ang pagsisisi at natatakot akong hindi ko makayananan
ang lahat. Maaring mas gustuhin kong samahan na din lang siya sa kabilang buhay
kaysa nasa lupa ako at araw-araw ko din lang naman iluluha ang katotohanang ako
ang may kasalanan sa lahat ng nangyari sa kaniya.
Kinaumagahan ay
hinatid na ako sa airport ng mga kaibigan ni Xian. Wala akong narinig sa
kanilang paninisi. Parang lahat sila ay kinausap ni Xian na tanging ngiti sa
labi ang ipabaon sa akin. Ni isa sa kanila ay walang nagbanggit tungkol sa
maling ginawa ko kay Xian. Walang nagpakita ng galit o ng inis. Lahat sila ay
sinabihan ako na mag-iingat at “happy trip”. Kailan pa ba naman ako magiging
masaya ngayong aalis ako sa Qatar na nag-iwan ng masakit na alaala, karanasan
at maaring pagkabitay ng taong nagdala sa akin dito at nagmahal ng walang
anumang kapalit na hinihintay. Paano ba ako maging masaya na sa kabila ng
ginawa niya sa akin ay pagkakulong pa niya ang nagiging kapalit. Paano ko ba
isaksak sa konsensiya ko na ang lahat ng nangyayaring ito ay may dahilan. Paano
ko ba paniniwalain ang budhi ko na alam ng Diyos ang kaniyang ginagawa sa tulad
ni Xian na walang kasimbait.
Pag-angat ng eroplano
ay sumilip ako sa bintana. Hindi ko mapigilang muling lumuha. Nasanay na yata
ang mata kong lumuha. Hindi na nahiyang iluha ang naiipong pagkabigo. Hindi na
kaya ng sunud-sunod kong malalim na hininga na mapagaan ang bigat ng aking
dibdib lalo pa’t alam kong naiwan ang puso ko at nakulong kasama ni Xian.
Parang wala akong magawa upang makamit ko pa ang pangarap kong makasama siyang
muli. Pakiramdam ko ay huling pagkikita na namin iyon. Naikintal sa aking utak
ang huli niyang ngiti. Bumabalik-balik sa aking balintataw ang nakakaawa niyang
kalagayan sa kulungan nang una ko siyang makita. Nang nasa kalawakan na ako ay
wala akong ibang ginawa kundi ang magdasal. Wala na akong hihilingin pang iba
sa buong buhay ko kundi ang kaligtasan ng taong mahal ko. Kung ordinaryong tao
lang ang Diyos ay babatukan ako’t sasabihang, napakakulit ko dahil sa higit
walong oras kong paglalakbay ay wala akong ibang dasal kundi ang paglaya ni
Xian.
Umalis akong walang
hatid at bumalik akong walang sundo. Paano naman ako susunduin kung wala naman
silang kamalay-malay sa biglaan kong pag-uwi. Ang kapatid ko lang na si Vicky
ang tanging nakakausap ko sa celphone. Naging napakasama kong anak dahil ayaw
kong balitaan niya ako tungkol kay tatay, naging napakakitid ko ring kapatid
dahil hindi ko hinangad na makibalita sa kung ano na ang nangyari kay kuya pagkatapos
siyang pinalayas ni tatay noon. Naging masunurin si Vicky sa mga hiling ko.
Ngunit paglabas ko sa NAIA at muling masamyo ang amoy ng PIlipinas ay biglang
parang niyakap ako ng pagkasabik na makita ang nawasak kong pamilya. Iyon ang
isa sa hiling ni Xian. Ang buuin ko ang nasira kong pamilya dahil sa kakitiran
ng utak ng aking ama. Iba na ang James na bumabalik ngayon. James na binihisan
ng pagmamahal ni Xian. James na tuluyang nabago ang baluktot na pananaw.
Salamat dahil dumating ang isang Xian sa buhay ko na siyang naging susi para
mas mabuti akong tao.
Uuwi at babalik ako
sa luma naming bahay. Muli kong buhayin ang naninimdim nang liwanag nito. Muli
kong ibabalik ang saya na kahit wala na si nanay. Alam kong matatahimik siya
kung muli kong mapagsama-sama kaming lahat. Gusto kong malaman kung saan
nag-ugat ang galit ni tatay sa mga katulad ni kuya at ng mahal kong si Xian.
Gusto kong magsimula ng pagbabago at alam kong sa bisa ng pangako ko kay Xian
ay kaya kong gawin ang lahat.
Alas-syete na ng gabi
nang dumating ako. Ako ang nagtaka sa aking naabutan nang nasa tapat palang ako
ng aming bahay. Maalala ko noong paalis ako papuntang Qatar madilim noon ang
buong paligid. Nagyayabungan ang mga damo at puno ng mga tuyong dahon ang
paligid na animo’y walang nakatira ngunit ngayon, napakaraming nagbago sa
bahay. Alaga ang mga halamang nasa paligid. Katulad na katulad parin noong
nabubuhay parin si nanay. Hindi ko naman pinadalhan si Vicky ng pera para
ipaayos ito. Binibigyan ko lang siya ng tamang allowance nila ng mga bata dahil
balak kong bumawi sa kanila pag-uwi ko. Hindi din ako nagpadala ng para kay
tatay dahil alam kong sa alak lang niya gagastusin ang pera.
Bukas ang gate kaya
tuluy-tuloy na ako sa loob. Sumilip ako sa bintana at nakita ko ang dalawa kong
anak na masayang naglalaro. Napangiti ako. Hindi na sila katulad noon na
gusgusing. Maayos na ang mga damit nila. Parang gusto kong tumalon at yakapin
sila ng mahigpit. Ohh! Namiss ko ng husto ang mga anak ko. Sa gitna ng aking
kaungkutan ay nagawa kong ngumiti dahil sa kakaibang saya na hatid ng muli
naming pagkikita ng mga anak ko.
Ang dating madilim at walang appliances na
sala namin, ngayon ay muling nagbalik ang dating ayos nito. Naroon na uli ang
mga litrato naming buong pamilya. Maayos at malinis ang kabuuan ng bahay.
Pinihit ko ang seradura pero nakalock ang pintuan kaya minabuti ko na lamang na
kumatok.
“Tita, may
kumakatok!” boses iyon ng panganay ko.
Ilang saglit pa ay
tumambad sa akin ang bumata at gumanda kong kapatid. Hindi siya nakapagsalita
sa pagkabigla. Nakita ko pang pumikit at binuksan muli ang kaniyang mga mata.
“Surprise!” sigaw ko.
Pinilit kong pinasaya ang mukha ko.
“Kuya! Kuya James!
Ikaw nga! Bakit hindi ka man lang nagsabi at nasundo ka sana namin?”
“E, di hindi na
surprise kung nagsabi ako.” Sinabayan ko ang kaniyang pagtawa.
“Napakatagal mong di tumawag. Naku! Pumasok ka
nga muna! Kuya ano ba ‘yan. Grabe! Binigla mo ako! Saya-saya naman. Akin na mga
dala mo. Pasok at nang makakain na. Alam kong pagod at gutom ka.”
“Papa! Yeeyyyyyyyy!
Dumating na si papa!” takbuhan ang dalawa kong anak nang mapagsino nila ako.
Binaba ko ang dala
kong bag at lumuhod ako. Niyakap nila ako. Buong higpit ko silang niyakap din.
Naisip ko…kung ako ang nakulong ngayon, mayayakap ko pa kaya sila? Kung ako ang
nasa kulungan, paano na kaya ang dalawa kong mga anak. Oh, God…ito ba ang
kapalit ng buhay ni Xian? Muling tumulo
ang aking mga luha na pumatak sa balikat ng aking mga anak. Hanggang kailan ako
sisingilin ng aking konsensiya?
“Kumusta na kayo mga
anak? Kumusta ang pag-aaral ninyo?”
“Okey lang naman po.
Papa, bakit po kayo umiiyak? Hindi ba kayo masaya na makita kami?” ang bunso ko
na pagkaraan ng higit dalawang taon na nawalay sa akin ay lumaki lang ng
bahagya.
“Aba, dami mo ng alam
na bata ka ha. Masaya lang ako kasi kasama ko na naman kayo. Alam mo ba ang
sinasabi nilang “Tears of joy”? Yan lang iyon. Napapaluha si Papa dahil sa
sobrang saya kong makasama ko na kayong muli.”
“Ano yun kuya?”
tanong niya sa kapatid niya.
“Luha daw ng saya.
Meron ba nun? Bakit ako kapag masaya ako tumatawa ako? Bakit ikaw papa, kapag
masaya ka ba umiiyak ka? Di ba umiiyak ka lang kapag malungkot ka?” tanong sa
akin ng panganay kong anak. Napabuntong-hininga ako, kung sana alam lang nila
kung ano ang nagiging kapalit na buhay ng ibang tao para lamang makasama nila
ako.
“Naku, kulit ninyo.
Kadarating lang ng papa niyo kung anu-ano na mga tinatanong ninyo. Hala,
maghugas na kayo ng kamay at sabayan niyo si papa na kumain ha?”
“Hmmnn, papa may
inuwi ka bang pasalubong namin?”
Oo nga pala. Sa dami
ng iniisip ko hindi ko man lamang nabilhan ng kahit na ano ang mga anak ko.
Noon ko napagtanto kung paano ako kaapektado sa pag-iisip ng tungkol kay Xian.
Noon ko naisip kung gaano niya pinukaw ang aking puso’t isipan.
“Bukas, pupunta tayo
ng mall at kayo na ang bahalang bibili ng kahit anong magustuhan ninyo. Tapos,
magpipiknik tayo. Pasensiya na kayo mga anak at biglaan kasi ang uwi ni Papa
ha? Babawi ako sa inyo, bukas.”
“Promise, papa?”
“Promise, anak.”
Naalala ko lahat ang
pangako sa pinakamamahal ko. Pangako ko Xian, magiging buo at masaya muli ang
pamilya ko.
“O hala, maghugas na
muna kayo at nang makakain at makapagpahinga muna si papa ha? Bukas na ninyo
siya kulitin at pagod pa siya.”
“Opo, tita!”
nag-unahan ng pumunta ng kusina ang mga anak ko.
“Kuya, magpapalit ka
muna o sasabay ka na sa amin?”
“Sasabay na akong
kumain siyempre. Atat lang? Di ba puwedeng magpalit muna?”
“O sige. Magpalit ka
na muna. Hintayin ka namin sa kusina at
nang mapagsabay-sabay na tayong kumain.”
“Si tatay, Vicky?”
“Naku hindi nila alam
na darating ka. Nasa kusina sila.”
“Sinong sila? Di ba
dapat siya lang? Sinong sila?” naguluhan ako sa sagot niya. Tumingin ako sa
kaniya. Parang hindi siya mapakali. Parang may itinatago siya sa akin.
“Kuya, please…” may
sasabihin pa sana siya ngunit tumalikod na ako at nagmamadaling tinungo ang
kusina.
“Kuya, sandali
lang..kuya…” bumubuntot siya sa akin. Bahagya niyang hinila ang braso ko pero
mabilis akong naglakad. Pagpasok ko sa kusina ay nakita ko si Papa na nasa
hapag-kainan. May kaharap siyang mas may edad na din at ang may isa pang
nakatalikod na kumukuha ng kanin katabi ng anak ko…
…si kuya Jinx.
Hindi ako
makapagsalita sa pagkabigla. Ngunit silang lahat ay parang hindi nabigla.
Parang alam nilang naroon na ako.
“Papa, sinabi ko pong
dumating ka.” Pamamasag ng anak kong panganay sa katahimikan.
Hindi ko kasi alam
kung paano simulang kausapin sila. Wala din akong maisip na sabihin at hindi ko
din alam kung ano ang gagawin. Ako ang sobrang nabigla sa nadatnan ko.
Lumapit ako kay
tatay. Bahagyang tumaba na ito at hindi na siya ‘yung katulad nang iniwan ko
noon. Malinis na uli siya. May ngiti na rin sa kaniyang mukha.
“Tay, kumusta po
kayo?” kinuha ko ang kamay niya para magmano ngunit mas mabilis ang ginawa
niyang pagyakap sa akin. Niyakap niya ako ng buong higpit at naramdaman ko ang
bahagyang pagyugyog ng kaniyang balikat. Umiiyak siya.
“Patawarin mo ako
anak. Akala ko hindi na kita uli makikita. Akala ko hindi na muling mabubuo pa
ang ating pamilya. Alam kong napakarami kong kasalanan sa iyo.”
“Tay, wala ‘yun. Ako
nga din, nagkamali dahil nagtanim din ako ng galit sa inyo. Magsisimula tayong
muli ‘tay. Alam kong hindi pa huli ang lahat. Kaya pa natin ayusin lahat ng
gusot.”
Lumingon ako.
Nakatalikod parin si kuya Jinx na parang natatakot iharap ang mukha niya sa
akin.
“Kuya?” tawag ko sa
kaniya at sa isang iglap ay lumingon siya at parang batang tumakbo sa akin na
sa matagal na panahong iniwan siya ng kaniyang ama. Niyakap ko din siya ng
mahigpit.
“Sana matanggap mo na ako, James.
Sana hindi ka na galit sa akin.”
“Kuya, ako ang dapat humingi ng
tawad sa iyo. Naiintindihan ko na lahat. Hindi mo na kailangang ipaliwanag pa
sa akin dahil kahit baliktarin natin at muling balikan ang nangyari noon, wala
kang naging kasalanan sa nangyari.”
“Salamat. Maraming salamat. Ngayon
ko naramdaman ang pagiging buo ko. Walang kasintamis na natupad ko ang pangarap
kong ito. Ito ang hinangad ko sa lahat. Ang mabuo kong muli ang nasira kong
pamilya natin.”
“O, siya, tama na ‘yan at nagugutom
na ang lolo ninyo.” Si tatay uli. Nakangiti na ito ngunit bumabagtas parin ang
luha sa kaniyang mga mata.
“Uyy si lolo may tears of joy din
katulad ni papa kanina?” hirit ng anak ko na parang hindi naguluhan sa
nangyayari sa paligid niya.
“Ano ‘ka niyo tay? Lolo? Si Lolo
ito? Ang matagal ko ng gustong makitang lolo ko?”
Nilapitan ko ang medyo may
katandaan na rin na kanina pa pangiti-ngiting nagmamasid sa amin. Nagmano ako.
“Kung may masaya ngayon apo ay ako
iyon. Sa akin nag-ugat lahat. Dahil sa mga nasasaksihan ko ngayon ay
matatahimik na ako, kaya nakahanda na din akong magpahinga.”
“Tama bang pamamahinga kaagad ang
sasabihin niyo ‘Lo e, hindi pa tayo nakapagbonding. Kayo talaga!”.
“Naku, noon pa, yan na ang sinasabi
ni Lolo e tignan mo, malakas pa sa kalabaw hanggang ngayon. Siya at kumain na
nga tayo. Siguradong madami akong makakain ngayon dahil nabunutan na ako ng
tinik sa dibdib.” si kuya Jinx. Buo ang pagkakangiti
Iyon na siguro ang pinakamasayang
salu-salo naming mag-anak. Ngunit hindi pa din ako nakakain, hindi ko
nalalasahan kaya mabilis din lang akong natapos. Sa sulok ng isip at puso ko ay
naroon si Xian. Ito ang hinahangad ni Xian sa akin na hindi ko akalaing buo na
kahit nang nasa Qatar pa ako.
Bago kami matulog ay tinawag ko si
Vicky na ikuwento sa akin ang nangyari. Gusto ko kasing malaman ang lahat ng
detalye kung paano naging buo ang dating wasak kong pamilya.
“Nag-ugat ang galit ni Tatay sa mga
bakla nang dahil kay Lolo.” pagsisimula ni Vicky. “Masaya daw dati ang pamilya
nila. Dumating lang ang isang trahedya sa buhay nila nang mahuli ng lola si
lolo na may ibang katalik na lalaki sa mismong kuwarto nila. Pinapili daw ni
lola si lolo kung sino sa kanilang dalawa nung lalaki na katalik niya ang
pipiliing samahan at ang masakit ay pinili ni lolo yung lalaki at iniwan silang
mag-ina. Mula noon ay hindi na pinayagan pa ang lola na makita ni lolo si
tatay. Dinala ni lola si tatay sa Manila at doon sila tumira ngunit sobrang
minahal ni lola si lolo kaya kahit anong paglayo ang gawin nila ay hindi niya
nakalimutan kaya isang araw galing daw noon si tatay sa iskuwelahan nang
madatnan niyang nagbigti si lola. Doon nabuo ang sobrang galit ni tatay kay
lolo. Dumaan sa madaming hirap si tatay ngunit hindi niya nagawang lumapit para
humingi ng tulong kay lolo. Sinikap din naman ni Lolong lumapit kay tatay at
tulungan ngunit ilang beses din niyang pinagtabuyan dahil hindi niya kayang
patawarin si Lolo. Kinalimutan niyang may ama pa siya hanggang naging
katu-katulong siya ng mag-asawang walang anak at pinag-aral siya hanggang
nakatapos. Nang makatapos si tatay na sundalo at nadestino sa malayong lugar ay
siya namang pagdedesisyon ang mag-asawang tumulong sa kaniya na sa America na
manirahan. Nabuo ang paniniwala ni tatay na namatay si Lola dahil sa kabaklaan
ni Lolo at ang galit na iyon ay nadala niya hanggang sa pamilya natin.”
“Paano nabuo ni kuya Jinx ang
pamilya natin? Siya ba ang gumawa ng lahat ng paraan?” tanong ko kay Vicky.
“Maalala mo noong bago mamatay si
nanay at sinabi niyang puntahan niya si Lolo? Ang lolong sinasabi ni nanay ay
si Lolo na papa ni tatay. Siya ang kumupkop kay kuya Jinx. Sikretong
nakikipag-usap si nanay kay lolo noon at sikreto din niya tayong nakikitang mga
apo niya. Pinag-aral ni lolo si kuya. Nagtapos ito bilang Cum Laude sa kursong
accountancy at naging CPA. Hindi lang ‘yun kuya, tinuloy-tuloy niyang tinapos
ang Law niya at pumasa siya ng bar. At ito pa ang matindi. Siya ngayon ang
Mayor sa isang bayan sa Cagayan. Mabuti nga nagkataon na naabutan mo kami dito
dahil nagbabakasyon na lang kami dito. Malaki ang bahay ni kuya sa probinsiya
at sa makalawa ay babalik na muli sila doon ni lolo.”
Bumukas ang pintuan ng kuwarto ko
at pumasok si kuya Jinx.
“At ano itong pinag-uusapan dito.
Siguradong ako na naman ang topic ano?”
“Sus, feeling mo naman artista ka
at ikaw lagi ang pag-uusapan.” Si Vicky.
“Hindi nga pero pulitiko ako at
kontrobersiyal ang buhay ko. Hindi ba? Ano naman ang binatbat sa akin kahit pa
pagsama-samahin mo ang mga ginananapang
dramang pelikula nina Vilma, Nora, Sharon at Maricel sa pinagdaanan ko.”
“Kuya, paano mo nabuo uli itong
pamilya natin?” tanong ko.
“Pakiramdam ko kasi, ako ang sumira
kaya dapat lang na ako din ang aayos. Noong libing ni nanay at ayaw niyo akong palapitin, ipinangako ko sa
kaniya na pagdating ng araw ay mabubuo ko ang pamilyang ito at magiging proud
din kayo sa akin. Wala akong ibang ginawa kundi ang maging isang mabuting tao.
Nagsumikap ako sa tulong ni lolo at ang isang kaibigan si Aris na nagpatatag sa
akin. Nagsimula din ang kaibigan kong iyon na walang-wala. Ulila, lumaki sa
simbahan, nagsilbi bilang driver para makapag-aral sa isang mayamang pamilya
hanggang sa napangasawa niya ang masakiting anak ng amo niya at nagtagumpay.
Kung kinaya niya na siya lang, bakit hindi ko makayang magtagumpay samantalang
nandiyan si Lolo na handang tumulong sa akin. Kung siya ay may Rhon lang at
Cgaris na siyang inspirasyon niya sa buhay, nariyan ang lolo at tatay ko,kayo
na mga kapatid ko at dalawang pamangkin na magiging inspirasyon ko.”
“Rhon? Siya ba yung dating pari
na naging karelasyon ni Aris na hinintay niya ng halos dalawang dekada para
balikan siya?” nagtataka kong tanong. Hindi parin kasi ako makapaniwala.
“Paano mo nalaman ang kuwentong
Rhon at Aris?” mas nakita ko ang pagtataka sa mukha ni Kuya Jinx.
“May nakilala ako na
nagbabakasyon sa Qatar. Sina Kuya Alden at Kuya Jasper.”
“Oh my God! Anliit ng mundo.
Nakilala mo sila? Si Jasper ay matalik na kaibigan ni Terence at si Alden ay
naging ex din ni Rhon. Kaibigan ko ang dalawang iyon. Paano kayo nagkakilala?”
nagtataka man si Kuya ngunit naroon ang kaniyang mga ngiti. Parang sinusukat
niya ang aking pagkatao.
“Basta kuya. Mahabang kuwento.
Bumalik na tayong muli sa unang usapan natin. Paano mo nga nabuo ang pamilya
natin?”
“Nagtataka ako sa’yo.
Napakalaki ng pinagbago mo, James. Sobrang hindi ako naniniwalang ikaw na nga
iyan. Sobrang bait mo na sa katulad ko.”
“Ang kuwento… dami
naman kasing pasakalye.” Biro ko. Umiiwas lang akong mapag-usapan ang tungkol
sa akin.
“Nang sa palagay ko
ay handa na ako” pagpapatuloy ni Kuya.
“Saka ko dinalaw si tatay siyempre kasama ko ang pinakamagandang
seperada na ating kafatid. Mahinang-mahina na siya noon. Buto’t balat na lamang
si tatay kaya nagawa naming dalhin siya sa hospital. Naglakas loob na rin ako
na lumapit noon at tulungang alagaan siya. Nang gumaling siya at lumakas ay
parang nagising si tatay sa matagal na bangungot. Siguro nga dumadating talaga
sa buhay ng tao na gusto na ding ayusin ang nasimulang gusot. Iyon bang kapag
tumanda ka na ay gusto mo ng ayusin kung anuman ang pagkakamaling nagawa mo.
Iyon ang ginawa ni lolo sa anak niya na ginawa naman ni tatay sa atin. Sinikap
niyang gumaling lalo na nang malaman niya na hindi pala ako isang kahihiyan sa
ating pamilya kundi kahit ganito ang pagkatao ko ay puwede parin pala niyang
ipagmalaki. Kayo ang naging inspirasyon ko para maabot ito. Gusto kong
ipagmalaki ninyo ako at sa susunod na
eleksiyon, dahil na rin sa tiwala ng mga tao sa akin at ng mga kaibigan kong
patuloy na sumusuporta sa akin ay tinutulak na ako ng buong probinsiya ng
Cagayan na tumakbo bilang gobernador nila ngunit pakiramdam ko ay hindi pa ako
hinog sa pagiging pulitiko kaya maaring sa pagiging vice-governor muna ako
lalaban. Sa ngayon kasi, kuntento na muna akong kasama ko kayo at ienjoy ang
pagkabuo ng ating pamilya. Nakapatagal na panahong pinangarap ko yung ganito.
Akala ko hanggang pangarap na lang na magkapatawaran tayong lahat at muling
magkakasama sa bahay na ito.”
“At ikaw Vicky, nasaan ang asawa mo
at anak?” tanong ko sa kapatid kong kanina pa nakikinig sa amin. Nakaunan siya
sa hita ni kuya.
“Naku? Bakit ako nasali sa usapan?
Ang tanungin mo ay bakit nakuha natin ang mga anak mo. Di ka ba nagtaka?
Alangan naman na ako lang at ibigay sa akin ang mga iyan ng ganun-ganon lang.
Ang buong kuwento ay malalaman kay Mayor” natatawang singit ng gumaganda kong
kapatid.
“Hayan,isa pa ‘yan. Puwedeng pang MMK ang
buhay pag-ibig niyan.”
“Bakit? Anong nangyari?”
“Naku, si kuya nang magkuwento at
yung mga anak mo baka hindi pa natutulog. Puntahan ko muna sila sa kuwarto
nila.” pang-iiwas ni Vicky.
“Anong nangyari sa kaniya kuya?”
pangungulit ko.
“Naging babaero yung bisaya na
kinakasama niya. Dahil nga bata pa ang kapatid natin kaya naging sunud-sunuran
at minsan pag-uwi niya galing sa paglalabada ay nakita niyang nakapatong ang
kinakasama niya sa katulong ng kapit-bahay nila. Imbes na manahimik na lang ang
nahuli, e siya pa itong galit at sinaktan niya ang kapatid natin na dahilan
kaya siya nakunan. Dahil doon ay ipinakulong ko ang tarantadaong iyon at
kinausap ko si Vicky na ituloy niya ang pag-aaral. Matatapos na siya ngayong
taon na ito ng nursing at balak niyang mangibang-bansa. Hindi sana ako papayag
ngunit hayaan mong hanapin niya kung saan siya masaya dahil mula nang tayo’y
mga bata pa lamang ay pangarap na talaga niyang makapunta ng ibang bansa bilang
nurse. Sana nga pumasa sa board exam pero pakiramdam ko naman kayang-kaya niya
iyon kasi lagi naman siyang Academic Scholar.”
“Ikaw ba ang gumawa ng paraan para
mabawi ang mga anak ko kuya?”
“Naku, simpleng pananakot lang
iyan. Alam mo naman, attorney ang kuya mo at mayor pa kaya sinong hindi
mangatog kung pupuntahan at bawiin ang dapat naman talaga ay sa pamilya natin.”
“Si Lolo kuya kumusta naman
siya. Hindi pa ba nag-uulyanin?” tanong ko.
“Naku malakas pa siya. Alam mo
bang nagmana ang dugo ko kay Lolo? Ang pagkakaiba lang, si Lolo pinilit niyang
maging tunay na lalaki. Kahit may nararamdaman na siya noon na kakaiba sa kapwa
niya lalaki ay minabuti niyang mag-asawa at bumuo ng pamilya. Nilabanan niya
ang kaniyang maling nararamdaman ngunit dumating ang tukso. Isang pagsubok na
sumira sa lahat ng pangarap niya sa kaniyang pamilya. Huli na ng magising siya
sa katotohanan at niloko lang siya ng lalaking pinili niya at pinagkatiwalaan.
Ang lalaking ipinalit niya kay lola at tatay. Pero bumawi naman siya sa akin.
Hindi man niya naibalik ang buhay ni lola ay alam niyang buong buhay niyang
pinagsumikapang maayos sana ang buhay ni tatay kaso hindi na siya binigyan ng
pagkakataon pa. Mabuti sa huli ay naiayos ko din silang mag-ama. Kung hindi pa
pala muntik mamatay si tatay hindi pa niya narealize ang kahalagahan ng
pamilya.” Napabuntong hininga si kuya. Nakita ko sa mga mata niya ang lungkot
ngunit mabilis na napawi iyon ng isang pilit na ngiti.
“Wala na pala akong aayusin.
Salamat kuya. Hindi ko talaga alam kung paano kita pasasalamatan ngayon. Muli
akong nagkamali sa tingin ko sa tulad niyo. Dami kong pagkakamali sa buhay ko
at sinisimulan ko nang ayusin ang lahat.”
“At bakit yata biglang nagbago ang
tingin mo naman sa katulad ko aber. Saka kahit pilitin mong ngumiti o tumawa,
alam kong may tinatago kang lungkot.”
“Saka ko na ikukuwento ang lahat
kuya. Sobrang pagod na pagod na ako. Kailangan ko ng magpahinga. Samahan mo
pala kami ng mga bata bukas. Isama na natin sina tatay at lolo nang
makapagpiknik naman tayo sa beach.”
“Gano’n? Gusto ko iyan. May alam
akong Falls Creak Resort. Naku dapat makita mo iyon. Makilala mo ang mga kaibigan
ko. Pero malayo-layo ang Cagayan kaya baka nga sa ibang araw na lang. Pero
gusto mo makilala mo ang mga kaibigan ko.”
“Dito na muna tayo sa malapit
kuya. Hindi kasi maganda pa ang pakiramdam ko.”
“ Sige, maghahanda
tayo ng dadalhin. Sige. Bukas uli. Magpahinga ka na at alam kong pagod na pagod
ka.”
Paglabas ni kuya ay muli akong
napabuntong-hininga. Sana happy ending na lahat kung hindi lang sa isang
katarantaduhang nagawa ko na iba ngayon ang nagdurusa. Masaya ako para sa pamilya
ko ngunit malungkot na malungkot ang aking puso lalo pa’t hindi parin naging
malinaw ang kaso ni Xian. Ni hindi ko nga alam kung magkikita pa kaming buhay
siya o kung makukulong na siya doon nang matagalan. Hindi ko magawang tumawa.
Parang kahit nabuo na ang pamilya ko ay nakapalaki parin ng kulang sa buhay ko.
Alam kong si Xian lang ang tanging makapagbibigay sa akin ng kaligayahang iyon.
Nakadagdag sa kalungkutan ko ang
isang tawag galing kay Vince. Isang maikling tawag ngunit nakapalaki ng epekto
nito na sadyang nagpatigil sa pag-ikot ng mundo ko. Isang tawag na siyang
tuluyang nagtulak para sabihin ko kay kuya Jinx ang lahat. Ngunit ano bang
nagawa ng tawag na iyon para tuluyang masira ang tingin ko sa lumiwanag ng
bukas? Sana ay pagsubok lang ang tawag na iyon. Sana ay isang sipa lang ng
paghihiganti niya sa sama ng loob niya sa ginawa ko kay Xian. Ngunit hindi ko
magawang lokohin ang sarili ko. Hanggang sa unti-unting naapektuhan ang aking
kalusugan sa bigat ng aking dinadala. Masiyado kong sinisi ang sarili ko sa
lahat ng nangyari sa amin. Kung hindi kami magkakatuluyan ni Xian dito sa lupa,
may pag-asa kaya ang tulad namin sa huling hantungan?
No comments:
Post a Comment