By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com
Facebook: www.facebook.com/joemar.ancheta
----------------------------------------------
Jinx
Point of View
----------------------------------------------
Ako si Jinx. Lumaki
ako sa isang masayang pamilya. Ako ang panganay sa tatlong magkakapatid.
Dalawang taon lang ang agwat namin ng kapatid kong si James at anim na taon sa
bunso naming si Vicky. Sundalo si tatay kaya palagi siyang wala sa bahay namin
at si nanay lang ang kinalakhan naming kasa-kasama. Mapagmahal sa amin si tatay
noong mga bata pa kami. Sa tuwing dumadating siya kahit gabing-gabi na ay hindi
niya nakakaligtaang puntahan kami sa aming mga kuwarto. Magigising na lang kami
na may dala siyang pasalubong sa amin.
Unang pagkakataong pinalo niya ako
ay nang pinakialaman namin ni James na damitan ang mga Barbie ni Vicky.
Nagkataon lang kasi na hawak ni James ang robot na laruan niya kaya ako lang
ang pinagdiskitahan ni tatay. Sa lahat daw ng ayaw niya ay ang magkaroon siya
ng anak na bakla. Binantaan niya ako. Sa murang gulang ay naikintal sa aking
isipan iyon. Bawal ang bakla sa kaniyang pamamahay. Gusto niyang tularan ko si
James na mahilig maglaro ng mga laruang panlalaki. Ngunit kahit anong pilit
kong gawin, magkaiba talaga kami ni James sa interes.
Noong elementary kami, kung ang
hilig ni James ay magbike kasama ang tropa niyang si Xian, ako naman ay maglaro
ng bahay-bahayan o kaya Chinese garter kasama ng mga babae kong kaibigan. Nang
nagkahilig si James sa paglalaro ng basketball ako naman ay varsity na ng
Volleyball. Nang naglandi si James sa babae, ako naman ay nagkaroon na ng mga
crush na lalaki sa campus namin. Iyon
ang masakit na pagkakaiba namin. Puwede lang siyang manligaw at magdala ng
babae sa bahay ngunit ako, hanggang sa lihim lang na paghanga. Ayaw kong
pagalitan ako ni tatay. Natatakot ako sa kaniyang mga banta.
Dahil sa magkaiba
naming mga hilig, hindi na kami nagiging close ni James pero sobrang close
namin ni Vicky. Kung siya ay sobra binibigyang halaga niya ang mga patakaran ni
tatay sa bahay, ako ay kaya ko lang sundin ang iba ngunit hindi lahat. Bata pa
lang ako, alam kong masaya ako sa pagiging bakla. At kung pipilitin ni tatay na
baguhin ako, alam kong hindi ko iyon kayang sundin. Masaya ako sa pagiging ako.
Kung gusto niyang magkaroon ng anak na lalaki, nakikita ko iyon kay James
ngunit hindi sa akin.
Dahil sa higpit ni tatay ay hindi
ako naging boses at kilos bakla. Oo nga’t may mga kaibigan akong mga bakla at
baklang babae ngunit nanatili ako sa kung ano ako dapat kumilos. Kahit man lang
sa paraang ganoon ay maipakita kong iginagalang ko pa din ang kagustuhan ni
tatay. Hindi ako durog o kaya pinolbong paminta. Buum-buo akong paminta kaya
maraming mga katulad kong bakla ang nahuhumaling sa akin sa pag-aakalang
straight ako.
Maraming mga patakaran si tatay
katulad ng pagtulong sa lahat ng mga gawaing bahay. May curfew kami kaya hindi puwedeng
umuwi ng lagpas alas otso na ng gabi. Kailangan laging magpaalam sa tuwing
lalabas sa pintuan ng bahay. Ayaw niyang magpapatulog kami sa aming kuwarto ng
hindi namin kamag-anak. May mga sari-sarili kaming kuwarto na magkakapatid
ngunit parang wala din naman kaming privacy kasi hindi kami pinapahintulutang
magkandado ng aming mga kuwarto.
Nang bata ako lahat
ng mga bilin ni tatay ay sinusunod ko. Ngunit nakakasawa din pala. Nakakasakal.
Ako kasi yung tipong kung saan ako masaya, iyon ang gagawin ko. Masama na kung
masamang anak ako pero masaya ako sa tuwing wala si tatay sa bahay. Nagagawa ko
ang mga gusto kong gawin. Nakakauwi ako ng lagpas alas-otso. Mabait sa akin si
nanay. Nagtitiwala siya sa akin. Sa kaniya ko naramdaman ang pagmamahal na hindi
naibibigay ni tatay sa akin. Alam din naman ni nanay na hindi ko napapabayaan
ang pag-aaral ko at ini-enjoy ko lang ang aking pagiging kabataan. Nagagawa ko
ding mapatulog ang mga barkada ko sa bahay lalo na kung sigurado naman akong
hindi uuwi si tatay.
Marami din naman nagkakagusto sa aking mga babae. Ngunit basted sila sa
akin. Kasi mula first year high school ako ay may natitipuhan na akong lalaki.
Unang araw namin noon sa high school ng mapansin ko siya. Flag ceremony namin
nang malingunan ko siyang nakatingin din sa akin. Guwapo siya ngunit siguro mas
guwapo pa din ako sa kaniya. May kayabangan lang pero iyon lang sa tingin ko.
Hindi siya kaputian at halos magkasingtangkad lang kami noon. Hindi matangos
ang kaniyang ilong ngunit binabagayan ito ng maganda na pagkakahulma ng
kaniyang mga labi. Mapungay ang mga mata na lalong binigyan ng may kakapalang
kilay. Hindi ko alam kung bakit nang magtama ang aming mga paningin ay
kinakabahan ako. Nahihiya akong salubungin ang kaniyang mga tingin. Kung hindi
siya nakatingin ay tinititigan ko siya ngunit oras na tignan niya ako ay
mabilis kong ibaling sa iba ang aking mga tingin. Ngunit kadalasan nahuhuli ko
din siyang nakatitig sa akin at mabilis din niyang ibinabaling ang kaniyang
tingin. First year high school kaming dalawa noon, magkaiba nga lang kami ng
section. Gustung-gusto ko kapag oras ng recess namin kasi madalas ko siyang
makita kasama ng mga tropa niya. Kung dumadaan ako sa kaniya ay napapansin kong
napapatahimik siya. Ako naman ay sobrang lakas ng kabog ng dibdib. Ang mahirap
pa ay hindi ko siya magawang kausapin o kahit ngitian man lang. Natotorpe
talaga ako.
May pagkakataong lumapit siya sa
kinakainan kong table sa canteen ngunit hindi ko alam kung anong katangahan
meron ako. Nang umupos siya ay saka naman ako tumayo at mabilis na umalis.
Nahihiya kasi ako at parang hindi ko matagalan na nasa harap ko siya. Mula noon
ay parang umiiwas na din siya. Kapag uwian nga tinitignan ko siya ng palihim
ngunit may mga sandaling nahuhuli pa din niya ako na para bang alam na alam
niya kung saan ako lihim na nagmamasid sa kaniya. Saka lang ako uuwi kung alam
kong dumaan na siya sa aming classroom o kaya ay kapag lumabas na siya sa gate
namin. Ngunit kahit ganoon lang ay masaya na ako noon. Kahit hindi ko siya
nakikilala ay kumpleto na ang araw ko kapag makita ko siya. Siya ang secret
crush ko.
Nang second year high school kami
ay bigla na lang siyang nawala. Nakaramdam ako ng lungkot noon. Hindi ko man
lang nakilala. Ni hindi ko man lang nalaman ang pangalan niya. Nanghihinayang
ako. Hindi ko din siya nakalimutan kahit sabihing wala naman kaming personal
connection at hanggang mga panakaw na tingin lang kaming dalawa. Gusto din kaya
niya ako? Ngunit dahil sa kaniya, nakilala ko ang sarili ko. Bakla ako. Sa
lalaki ako nagkakagusto at hindi sa babae. Sana matanggap ni tatay kung sino
talaga ako.
4th year high school na ako noon
nang unang araw na naman ng pasukan. Siksikan at pilahan sa canteen. Dahil
gutum na gutom ako ay nakipagsiksikan din ako. Dahil sa nagkakatulakan ay hindi
ko napansin ang dumaan na may hawak ng tray ng pansit at nakabasong coke.
Natabig ko iyon at natapon sa uniform niya.
“Shet! Di kasi tumitingin.”
“Sorry!” paghingi ko ng paumanhin.
Mabilis kong inilabas ang panyo ko. Nagkatitigan kami. Gulat na gulat ako at
hindi ako makapagsalita. Siya man din ay nakatitig lang sa aking mukha. Siya
nga ang hinahanap ko at ang nawawala kong crush noong first year high school pa
lang ako. Bigla akong natauhan at sobrang pahiya ako sa nangyari. Kaya para
makabawi ay yumuko ako para pulutin ang tray at ang plato ng natapong pansit.
“Aray!” muli niyang sigaw. Tumama
na naman ang ulo ko sa kaniyang labi kaya nakagat niya ito at dumugo. Sabay
pala kaming yumuko kaya naiumpog ang ulo ko sa kaniyang labi.
“Sorry!”
“Please! Huwag ka ng kumilos. Ako
na.” mabigat niyang sinabi. Kinuha niya ang panyo niya sa kaniyang bulsa at
dinampian ang dumudugo niyang labi.
“Papalitan ko na lang. Ibibili na
lang kita ng kapalit niyan kasi ako naman ang may kasalanan.”
“Huwag na. Ako na lang. Kalma lang
brad”
“Hindi, papalitan ko na lang.”
“Huwag na nga. Pipila
ka pa e, anong oras ka na makabili uli. Basta kalma lang. okey?” Pagtanggi
niya.
“Kuya, palinis naman
ho ito.” Tawag niya sa janitor namin.
“Ako nga pala…” pagpapakilala ko
sana sa sarili ko pero may eksenadorang dumating.
“Bhie, ano? Antagal mo! Natapon ang
inorder mo? Basa pa ng coke ang uniform mo.”
“Oo e. Di bale, uwi na lang muna
ako para magpalit. Aabot pa naman siguro ako kasi may 30 minutes pa naman. Buti
dala ko ‘yung motor ko. Hintayin mo na lang ako sa classroom mamaya bhie.”
paalam niya sa babae.
“Sorry.” Pahabol ko.
“Ayos lang. Aksidente lang yun
brad.”
Naiwan ako doong nagulat. Bhie ang
tawag niya sa babae. May girlfriend na pala siya? Biglang nawalan ako ng ganang
magmiryenda.
Alam kong hanggang sa crush na lang
ako sa kaniya dahil malimit ko silang makita na magkasama ng girlfriend niya.
Sa tuwing makakasalubong ko siya ay umiiwas ako kahit titig na titig siya sa
akin. Nang minsang aksidente natabihan ko siya sa aming library ay ako ang
kusang umiwas at umalis kahit panay ang papansin niya sa akin. Siguro dahil
nahihiya pa din ako sa nangyari noon sa canteen o kaya umiiwas lang akong
masaktan o pagalitan ni tatay. Umiiwas man ako ngunit hindi ang nararamdaman ko
sa kaniya. Siya parin ang laman ng aking pangarap bago ako igupo ng antok sa
gabi at siya pa din ang iniisip ko na sana masulyapan ko pagpasok ko sa aming
campus kinabukasan.
Nang naglaon ilang araw bago ang
graduation namin ay nalaman ko din ang pangalan niya. Siya si Ronald Cruz. Nakilala
ko lang siya dahil sa slumbook na pinagpapasa-pasahang ipapirma ng mga babaeng
kaklase ko. Dahil campus crush ako at siya din kaya kalimitan ay kami ang
binibigyan ng pagkakataong mag-sign sa sangkatutak na slumbook. Ang iba ay
humihingi pa ng ID picture o whole body picture na idikit nila sa tabi ng aming
pangalan.
Binasa ko ang mga nilagay niya sa
slumbook niya.
FULLNAME (optional):
Ronald Cruz
NICKNAME (optional):
Onad
ADDRESS (just the
city!): Makati City
BIRTHDAY (optional):
January 30
BIRTHPLACE: San
Pedro, Laguna
AGE: 16
ZODIAC SIGN: Aquarius
AMBITION: To be a
lawyer
LET’S GET
PERSONAL!MOTTO: Life isn't about finding yourself, life is about creating
yourself."
DEFINE ‘LOVE’: Love
is like rosary that full of mystery
WHO IS YOUR CRUSH? I
have a fiancée now and I love her. (I love you Jane) Crush* J.R.
WHERE DID YOU MEET?-
School
WHEN DID YOU
MEET?-School
WHO IS YOUR FIRST
LOVE?- Jane
UNFORGETTABLE MOMENT:
School canteen. Natapunan ang damit ko ng coke at natapon ang pansit na order
ko.
WHEN? First of day of classes this school
year
WHERE? Canteen
Nahiwagaan ako sa sagot niya sa
crush. J.R. Ang buong pangalan ko ay Junixson Reyes kaya nga ang palayaw ko ay
Jinx. Kung kukunin ang inisyal, J.R. Pero maaring ang girlfriend din niya na
ang pangalan ay Jane Retuta. Crush kaya niya ako?
Ngunit sa Unforgettable Moment niya
ako nagkaroon ng palaisipan. Bakit iyon pa. Siguro naman madami na silang
masasayang moment ng girlfriend niya. Nang JS nga namin sila ang napiling
sweetest pair. Kaya naman ako sobrang nasaktan kahit wala naman akong
karapatan. Bakit hindi iyon ang inilagay niya as Unforgetable Moment niya.
Nang nag-eensayo kami ng aming
graduation song ay panay ang lingon niya sa akin kahit magkatabi sila ng nobya
niya. Ako na lang yung laging nagbababa ng tingin kasi nahihiya pa din ako.
Sigurado kong ramdam na niya na gusto ko siya dahil kahit sabihing iniiwasan ko
siya ay panay naman ang lingon ko sa kaniya kung mga mga school activities kami
na lahat ng batch ay magkakasama. Ngunit mga dalawang araw bago graduation
namin ay madalas ko na siyang makitang mag-isa. May mga sandaling alam kong gusto
niyang lumapit sa akin ngunit dahil sa nerbiyos na nararamdaman ko ay ako ang
parang lumalayo.
Araw ng graduation namin nang
dumaan ako sa CR nang naabutan ko siya doon. Nanginginig na naman ako lalo pa’t
nakatingin siya sa akin. Nang lingunin ko siya ay nginitian niya ako at
kinindatan. Kung sana puwede ko lang itigil ang aking pag-ihi para makaalis na
ako doon kasi sobrang kabog na ng dibdib ko. Nauna siyang umalis. Nakahinga ako
ng maluwag.
Paglabas ko sa CR ay nasa pintuan lang
pala siya at naghihintay.
“Congrats! Valedictorian. Astig!”
Nagulat ako kaya hindi agad ako
nakasagot at napalunok na lang ako ng laway.
“Onad pala at dahil ikaw ang
pinakamatalino sa klase natin at sikat sa mga chicks, kaya kilalang kilala
kita, ikaw si Jinx di ba?”
Ngumiti lang ako. Titig na titig
ako sa nakaguwapo niyang mukha.
“Congrast! Onad!” nginuso niya ang
palad niyang kanina pa pala nakalahad.
Nanlalamig ako ngunit tinanggap ko
parin ang kamay niya.
“Nanlalamig ka yata. Okey ka lang?”
tanong niya.
“Ayos lang ako.” Matipid kong
sagot.
“Papunta ka na ng gym?” tanong
niya. Nakangiti pa din.
“Oo” matipid ko paring sagot. Medyo
tumila na ang kabog ng aking dibdib. Huminga ako ng malalim. Bakit ganito ang
nararamdaman ko kapag nakikita o malapit lang siya sa akin. Nauutal ako at
parang laging kinakabahan.
“Sorry pala ‘yung nangyari nang
natapunan kita sa canteen” pamamasag ko sa katahimikan habang naglalakad kami.
“Tagal na no’n. Kasalanan ko ‘yun
at hindi ikaw. Sa’n ka mag-aaral niyan?” tanong niya.
“Sa College?” balik tanong ko.
“Bakit after high school ba may iba
pa bukod sa college?”
Napangiti ako sa sinabi niya.
Valedictorian na tanga lang. “San Sebastian siguro. Ikaw?”
“Doon na din siguro ako para makita
pa kita.
Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi
ko binigyan ng malisya. Binibiro lang siguro niya ako.
“Anong course mo?”
“Baka Accountancy.”
“Yun na din siguro ako.” Sagot
niya.
Napakunot ako ng noo.
Pinagtritripan lang yata niya ako.
Malapit na kami sa gym nang inakbayan niya
ako. “See you at Baste and hope we could real buddy in there!”
Nanlaki ang aking mga
mata. Nananaginip lang ba ako?
Pagkatapos ng aming
graduation ay nakita kong kumaway siya sa akin bago umalis kasama ng pamilya
niya. Kinawayan ko din siya kahit medyo nahihiya ako. Naisip ko. Bakit ngayon
lang kung kailan magkakahiwalay na kami ng landas? Niyaya na ako nina tatay na
umuwi dahil may kaunting salu-salo sa bahay. Proud na proud sa akin noon si
James at hawak-hawak niya ang aking medalya. Masayang masaya si nanay at si
tatay sa aking nakamit na karangalan.
First day noon nang first year
college ko nang pumili ako ng mauupuan sa likod at malapit sa pintuan. Mahiyain
kasi talaga ako kaya iniwasan kong umupo sa harap. Bakante pa ang katabi kong
upuan sa kanan ko. Nang dumating ang aming instructor at hawak na niya ang
classcards namin ay inisa-isa niyang tinawag ang mga pangalan namin para daw
makilala kami by face. Natigilan ako nang tinawag ang pangalang Ronald Cruz.
“Here ma’am.” Boses malapit sa pintuan. Napalingon ako. Biglang bumilis
na naman ang tibok ng aking puso.
“Ayos at umabot.”
Pahabol niya na nadinig ng iba naming kaklase kaya sila napatawa. Umupo siya sa
tabi ko.
“Kita mo? Magkaklase tayo di ba?”
bulong niya sa akin. Kinikilabutan ako lalo pa’t naamoy ko ang kaniyang
pabango. Ni hindi ko siya malingon sa nararamdaman kong nerbiyos.
Dahil first day namin ay sinabihan
kami ng instructor namin na bibigyan kami ng 15 minutes to ask question sa
kaniya o sa mga kaklase namin para kahit papaano ay magkakapalagayang loob
kaming lahat. Nagsimulang umingay ang buong klase.
“Kumusta ang bakasyon Jinx”
“Ayos lang. Ikaw? Kumusta si Jane?”
tanong ko.
“Jane? Ah, si Jane. Yung ex ko.
Wala na kami just before our graduation.”
“Anong nangyari?” tanong ko.
“Hindi ko pala talaga siya mahal.
May gusto ako kaso mukhang kumplikado.”
“Panong naging kumplikado?” tanong
ko.
“Wala lang. Matagal ko nang crush ‘yun.
Siguro, first year high school pa lang kami.”
“Kilala ko ba?”
“May kilala ka bang initial na
J.R.”
“Madami” sagot ko.
“Pinalipat ako ni Mama ng school
nang 2nd year high school hanggang third year high school dahil nga nalipat
siya ng trabaho. Kaso hindi ko talaga matanggal sa isip ko yung crush ko na ito
kaya lumipat ako sa school uli natin. Pero dahil sa kantiyaw ng mga pinsan ko,
kasi lahat sila may mga girlfriend na at ako na lang ang wala at dahil na din
sa madalas namin nakakasama si Jane na ipapareha sa akin kaya niligawan ko ito
bago ang pasukan noong 4th year tayo.”
“Niligawan mo at shinota ta’s hindi
mo naman pala mahal. Kawawa naman ‘yung tao.”
“Ayos lang kasi siya naman ang
unang nagluko. Kaya ako nagkaroon ng dahilan na hiwalayan na lang siya dalawang
araw bago graduation natin. Saka alam ko si JR talaga ang gusto ko. Mailap nga
lang pero siya ang alam kong mahal ko. Panay ang iwas pero panay din lang ang
tingin sa akin. Lagi ko kayang nahuhuli na nakatingin sa akin kaso umiiwas lang
talaga siya at iyon ang hindi ko talaga alam.”
Napalunok ako.
“May pagkakataon na sana
magkakilala kami at maging magkaibigan kung hindi lang dumating si Jane. Nakita
ko na siya noon sa canteen kaya gumawa ako ng paraan para may rason na
magkakilala kami. Nasobrahan kong ibinunggo ang tray sa kaniya pero siya din
pala ay kumilos palapit sa akin kaya hindi ko nakontrol ang pagtapon ng coke sa
akin. Sayang ang plano. Dapat no’n siya ang matatapunan ng coke dahil
nagkataong may dala akong reserbang uniform na ipapahiram ko sana sa kaniya. At
kung sana hindi dumating si Jane. Nagmiryenda na lang sana kami sa malapit na
fastfood sa school para kunyari pambawi niya sa kasalanan niya sa akin. Pulido
na sana ang plano yun ‘eh! Kaso palpak!”
Hindi ko alam ang magiging reaction
ko no’n. Ni hindi ko siya kayang tignan habang nagsasalita siya. Torpe lang
talaga.
“Mula no’n umiiwas na siya sa akin.
Sobrang pag-iwas na parang may sakit akong nakakahawa. Naisip ko na baka
naiilang dahil kay Jane o maari ding nagkamali ako ng hinala na may gusto din
siya sa akin dahil lang sa mga nahuhuli kong panakaw niyang sulyap at titig sa
akin.”
Sasagot na sana ako pero nagsalita
na muli ang instructor namin. Tapos na daw ang 15 minutes. Naisip ko. 15
minutes na agad ‘yun? Tumahimik naman siya at nasulayapan kong nagsusulat
hanggang narinig ko ang ginawa niyang pagpunit sa page ng notebook niya.
Nilagay niya sa ibabaw ng notebook ko ang natuping papel.
“Ano ‘to?” bulong ko.
“Basahin mo. Para sa’yo”
Binuksan ko at binasa ang laman ng
note.
“Alam kong alam mo na kung sino ang
tinutukoy ko. Hindi lang kita crush Jinx. Gusto kita. Mahal kita. Kaya ako
sumunod sa’yo hanggang dito. Apat na taon na akong nagtitimpi. Hindi ko na
kaya. Gusto mo din ba ako?”
Para akong himatayin sa nabasa ko.
Alam kong iba ang mga titig niya sa akin noon ngunit pinilit kong paglabanan
dahil nahihiya ako. Siguro dahil din sa natatakot ako kay tatay dahil sa
pauli-ulit niyang pangaral sa amin na dapat kung ano ang kasarian namin nang
ipinanganak ay dapat ganoon kami paglaki. Bawal ang bakla sa bahay.
Kinilig ako sa nabasa
ko.
“Ano? Sagutin mo!” bulong niya sa
akin.
Nanginginig ang kamay ko. Parang
hindi ko kayang isulat ang maikli kong sagot.
“Oo, noong first year pa tayo.
Gusto din kita.”
Nanginginig ang kamay kong inilagay
ang papel sa ibabaw ng kaniyang notebook. Hindi ko siya magawang tignan sa
mukha. Nanlalamig na naman ang mga daliri ko.
“YES!”
Napalingon ang mga kaklase namin.
Ako man din ay nagulat. Ang instructor namin na abala sa pagsusulat sa
whiteboard ay napalingon sa amin.
“Sorry ma’am.” Paghingi niya ng
paumanhin.
“Do you want to share it with us
Mr…”
“Mr. Cruz po… Wala ma’am. Papansin
lang po. Pasensiya na. Tahimik kasi.”
“In that case, I will be assigning
you as the first reporter next week.”
“Patay!” bulong niya.
“Dito ako, kaya natin ‘yan.” Bulong
ko.
Kinindatan niya ako.
Sinuklian ko ng matamis kong ngiti.
Kung gaano katagal ang
pagpapakiramdaman namin ay ganoon din kabilis ang mga pangyayari n gaming
pagsisimula bilang kami. Nagkaroon agad ako ng boyfriend. Ang kinaganda ay
parang magbarkada lang din kami kasi hindi kami halata pareho. Dahil sa
pagmamahalang iyon ay natutunan kong suwayin ng madalas ang mga bilin ni tatay.
Napadalas na din ang pagtatalo naming ng kapatid kong si James.
Mahal ko si Ronald.
Ngunit ang pagmamahal na iyon at ang aking pagkatao ang naging dahilan pala ng
pagkawasak ng aking pamilya. Naging mas masalimuot ang lahat sa buhay ko.
Naging bahagi si Ronald sa mga panahong halos hindi ko na kayanin ang biglang
pagdating ng pagsubok na iyon. Kung gaano kabilis ang pagtatapat sa akin ni
Ronald ay ganoon din kabilis ang pagbulusok ang pagkawasak ng aking pamilya.
No comments:
Post a Comment