Thursday, January 17, 2013

Straight 08

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com


Xian’s Point of View

                Mula nang araw na pinagbuhatan niya ako ng kamay, nagbago na ang ikot ng buhay naming dalawa. Kung dati pag-alis ko sa umaga ay inihahanda ko na ang kaniyang pagkain at isusuot, hindi ko na muli pa iyon ginawa pa. Sarili ko lang ang inintindi ko. Sarili ko lang ang inasikaso ko. Gusto kong maramdaman niya ang kaibahan ng wala ako. Higit isang taon ko na din naman siyang pinagsilbihan, isang taong pangangalaga, isang taong pagtitiis. Hindi naman ako naghihintay ng kapalit na higit pa sa respeto, pasasalamat at maayos na pakikitungo bilang tao. Iyon lang naman ang kailangan ko, iyon lang naman ang hinihintay ko. Masakit sa akin na hindi na gawin ang mga nakasanayan kong gawin para sa kaniya ngunit kailangan kong ipadama sa kaniya na tuluyan na akong nawala sa buhay niya. Gusto kong maramdaman niya ang katulad ng ginagawa niya sa akin. Yung nakikita man niya ako pero hindi napapansin. Iyon bang kasama niya ako sa kuwarto ngunit hindi nararamdaman.


                Pagdating niya sa hapon ay wala ding kahit anong nalutong pagkain. Sinasadya kong kumain na lamang sa labas. Sa tuwing day-off naman ay iniimbitahan ko ang mga kaibigan ko sa buhay. Ginagawa muli naming ang dati naming ginagawa. Nagluluto, kumakain, nagkakantahan, nagbibiruan, nanood ng TFC at hindi ko na din kinontrol ang kanilang mga kilos at pananalita kahit naroon pa siya. Kung hindi niya matanggap ang ganoong takbo ng aking buhay ay inihanda ko na ang sarili ko sa kaniyang pamamaalam.

                Hinayaan kong mabulok ang kaniyang mga labahin. Hindi ako namamalengke ng kahit anong pagkain namin. Bahala siyang bumili ng sarili niya. Halos hindi na kami nagkikita kahit magkukuwarto pa kami. Tulog na ako pagdating niya sa gabi at tulog din siya pag-alis ko sa umaga. Pagkaraan ng dalawang Linggo at hindi pa niya ako kinakausap o humingi man lang ng tawad sa ginawa niyang panununtok sa akin ay naisipan kong makipag-meet sa isang nagmessage sa Facebook ko. Tama ang mga kaibigan ko. Kung hindi ako kayang mahalin ng taong matagal ko nang itinatangi, pinahalagahan at pinagsilbihan ay kailangan kong humanap ng lalaking makakapagbigay sa akin ng hinahangad kong pagmamahal.

Nakita ko ang picture niya sa facebook. Guwapo, mas bata sa akin at tripper lang daw. Matagal na din akong walang sex life. Matagal na hindi ko naranasang yakapin at halikan. Matagal ding wala akong tinatawag na karelasyon at kung magiging okey kami ng makaka-eyeball ko, susubukan kong buksan ang puso ko sa iba. Gusto kong matanggal si James sa buong proseso ng utak ko. Masyado ko ng inaaksaya ang buhay ko sa kaniya ngunit kahit gusto kong isipin ang bagay na iyon ay alam kong hindi ganoon kadaling iwaglit ang taong naging bahagi ng aking buhay ng ilang taon na. Taong minahal ko ng higit pa sa aking sarili. Minsan nga, kung sino pa yung nananakit sa ating kalooban at kung sino ang laging bumibigo sa atin ay sila pa yung lalong minahal natin na para bang hindi natin biglang tanggap ang pagkabigo. Kahit sa kawalang pag-asa at kahit gaano na tayo nasasaktan ay tinutuloy parin natin mahalin siya. Ang hindi natin naisip sa tuwing ipinipilit natin an gating katangahang pag-ibig ay sa maling tao natin ito iniuukol. May mali sa pag-ibig kung mas madalas tayong nasasaktan kaysa sa panahong masaya. May hindi tama sa pag-ibig kung napapadalas ang pagluha kaysa sa pagtawa. Ngunit ganoon yata talaga ang mga katulad ko. Sanay na sanay tiisin ang kalungkutan. Pinipilit intindihin ang masakit na pinagdadaanan. Tulad ng napagdadadaanan ko, alam kong tanga ako ngunit hindi ako manhid para hindi nasasaktan, pinipilit kong magpakamanhid dahil sa katotohanang hindi ko kayang mabuhay ng wala ang tao kong pinakamamahal. Bakit kaya ang tulad natin ay patuloy na umaasa sa happy ending? Kung nagmahal tayo, lagi nating iniisip ang ligaya na hatid nito at hindi natin napaghahandaan ang pagdating ng mas maraming unos na siyang nagpapatatag sa atin. Masarap nga namang magmahal kung alam mong mahal ka din ng taong mahal mo at wala ng kasinsakit pa kung sa kabila ng mga ginagawa mo ay hindi ka niya kayang mahalin o kahit man lang mapansin.

                Sumubok ako sa iba sa katauhan ni Jomel. Nakilala ko siya sa Facebook. Boyish, maputi, payat at mukhang straight. Ewan ko ba, parang ako yung tipong hindi masikmura ang mukhang bakla. Naghahanap ako ng kahit bading basta hindi ko amoy. Yung tipong walang kahit anong tikwas at hindi din halatang may bahid sa pananalita at kilos. Turn-off ako sa mga tipong alam kong nagtitigas-tigasan lang. Turn on ako dun sa mga effortless magpakalalaki. Ayon sa description ni Jom sa kaniyang profile, married na siya pero tripper. At sa mga pictures niya, alam kong magugustuhan ko siya.

            “Hindi ko alam kung masohista ka ba o sadyang tanga-tangaan ka lang pagdating sa lalaki” si Vince na naman. Hindi na siya napagod mangialam sa aking buhay kahit kadalasan ay hindi ko na pinakikinggan ang kaniyang mga pinagsasabi. Kasi naman, siya nga mismo hindi makahanap ng masabi niyang karelasyon niya ng pangmatagalan. Kadalasan kasi mga paminta din ang dyowa at ang mga nadyodyowa niya ay mas malandi pa sa kaniya.

            “Bakit na naman?” irita kong tanong.
            “Tignan mo yang ka-eyeball mo. May asawa na naman at saka tripper. Papalitan mo nga si James pero mas masahol pa yata ang kababagsakan mo diyan.”
            “At least ito, may nakikita akong pag-asa, kay James kasi mukhang kailangan talaga e, sumuko na lang ako.”
            “Oo Christina, iyan talaga ay may pag-asa ka! Sobrang laki ng pag-asang sasaktan ka uli at baka triple pa. Tignan mo naman ang picture, mukhang adik. Baka pagtripan ka lang niyan.”
            “Hay naku di ko alam kung nag-aampalaya ka lang o concern. E, kung sakaling di kami swak siguro naman e, pwede lang akong umatras. Di mo pa nga nakikita ‘yang tao, andami mo nang mga pinagsasabi. Samahan mo na lang ako para i-meet natin. Malay mo naman ‘te, eto na ang matagal ko na palang hinahanap na prisipe ko hanggang sa pagtanda.”
            “Si Cinderella siguro, may karapatang mag-ambisyon ng prinsipe kasi nga babae siya. E, ikaw ate?”
            “Mabuti pa nga sila Cinderella, nawala lang ang sapatos niya, nakahanap na agad ng prince charming niya. E, ako nagkatulong na sa lalaking mahal ko pero ang ending nganga pa din!”
            “Ayy girl, wala si Cinderella kay Sleeping Beauty. Natulog lang ang gaga, paggising may prince charming na. E, ako, kahit ilang daang taon siguro ako matulog, paggising ko, muta lang ang mapala!” Napahalakhak kaming dalawa.
            “Korek! Tara na sa City Center at baka nandoon na ang prince charming ko.”  
            “Ambisyosa!”  
          Nagkita kami ni Jomel sa City Center Mall. Sabihin mang alam kong siya ang nasa picture pero may agam-agam pa din ako. Naglipana na kasi sa Facebook ang gumagamit ng picture ng iba para makapanloko.
            “Nasaan ang Jomel na ka-eyeball? Nasa food court na tayo at wala ako makitang naka-puti ng jacket at nakasumbrero. ‘Yan na nga ang sinasabi ko e, di pa’no nganga tayo?” pang-aalaska ni Vince.
            “Sandali at tawagan ko.”
            “Naku, wala na ‘yan. Pinagtripan ka lang niyan.”
            “Sandali nga at eto’t nagri-ring na.” Irita kong sagot kay Vince. “Ayy Hello! Nasaan ka?” agad kong tanong nang sinagot na ang tawag ko.
            “Lumingon ka. Nasa likod ninyo ako.”
            Lumingon ako at hindi ko pa pinapatay ang cellphone nang makita ko ang kabuuan niya. Gwapo siya, maputi, kulot ang buhok, likas na mapula ang mga labi, maganda ang katawan, mabigote at may seksing balbas ngunit sa kinis ng mukha ay nagbabadya sa kaniyang kabataan. 23 lamang siya.
            “See? O ano ngayon?” banat ko kay Vince na nakita ko ang inggit sa kaniyang mga mata nang makita niya ang lalaking ipapalit ko kay James.
            “Good luck!” mabigat na sagot niya.
            “Bitter? Ampalaya lang?” sagot ko. Lumapit na kami kay Jomel.

Ipinakilala ko si Vince sa kaniya at tumungo na kami sa isang malapit na kainan. Hindi ko naman kasi puwedeng pakainin sa foodcourt lang.

Nang kumakain na kami ay muli ko siyang pinagmasdan. Siya yung tipong boyfriend na masarap irampa sa mga pook pasyalan dahil siguradong kaiinggitan ka ng mga ibang bakla at kaasaran ka ng mga babae pero sigurado kaakibat nito ay ang takot na kung hanggang kailan siya magiging iyo. Iyon dahil sa alam mong malakas ang dating niya at guwapo ay hindi ka matatahimik dahil alam mong madami ang magkakagusto sa kaniya. Sa pagkatao niya ay alam mong hindi siya magiging faithful sa iyo.

Ngunit sa kabila niyon ay hinayaan kong mapalapit ako sa kaniya. Pikit mata kong sinunod ang gusto ko para lamang matakasan kung ano talaga ang gusto ng puso ko. Iyon lang kasi ang alam kong paraan para kahit papaano ay maibaling ko kahit sandali lang ang nararamdaman ko kay James.

                Nang una, naging okey naman kami ni Jom. Lumalabas, kumakain at pumupunta siya sa akin. Sige na nga, hindi na ako magpapakalinis, sa tuwing magkasama kami ay may nangyayari sa amin ngunit dama kong hanggang sex lang ang lahat. Totoong naghahalikan kami sa labi pero walang magic! Walang kakaiba. Ngunit sige, iwasang magpaka-ipokrita, nag-eenjoy naman ako sa sex namin. Ikaw ba naman ang makipaglampungan at makipagtalik sa sobrang guwapo kundi ka masisiyahan. Naipakilala ko na siya sa buong barkada ko at game naman siya sa kanila. Tulad ng dati, ako na naman ang sentro ng kantiyaw sa aming barkada. Mahaba daw ang buhok ko at kulot ang mga pilik-mata. Tuloy nagbago na ang pangalan ko sa kanila mula sa pangalang Carmi Martyr dahil sa pagiging martir k okay James hanggang naging Anne Ganda dahil na din sa pagkakabingwit ko kay Jom. Ang Diyosa ng mga GURL sa Doha.

                Ang hindi nila alam, may kalakihan din ang budget ko kay Jom. Mula sa mga sinusuot ng paa hanggang sa mga pampakintab ng buhok. Mula sa pampakinis ng kutis hanggang pampagwapo sa mukha. Mula ngipin hanggang sa laman ng sikmura. At mula pantalon hanggang sa laman ng bulsa. Para akong walking ATM. Ngunit okey lang iyon. Naiintindihan ko naman kasi parang ang sahod niyang 1,200 Qatar Riyals ay parang barya lang sa kabuuan ng sahod ko. Isa pa, magaling ang mga drama niya. Parang drama na panis ang “Maalaala mo kaya” sa takbo ng buhay niya. Mga drama o soap opera na sinusubaybayan sa prime time bida dahil parang walang katapusan ang pagdagsa ng iba’t ibang problema ngunit magaling siya dahil iisa ang tema ng kaniyang mga suliraning kuwento mula simula hanggang sa pagtatapos…iyon ay PERA.

                Hindi ko nga alam kung mahal niya ako o ang bulsa ko. Hinahalikan naman niya ako, niroromansa, pinapasaya sa kama at sweet na sweet. Sobrang sweet niya sa akin lalo na kung kaabot ko lang sa kaniya ng pera. Para akong hindi ako makahinga sa halik niya at yakap sa tuwing binilhan ko siya ng gadget na gustong-gusto niya at oo nga, walang kasing-sarap ang sex kapag nagshopping kaming dalawa at lahat ng naituturo niya ay nabibili niya na hindi siya humuhugot sa sariling pitaka.

            “Kumusta ang bagong bukas na bangko ng Doha?” si Vince uli. Isang Sabado na bumisita sa akin.
            “Ingay mo bakla!” hinila ko siya at tinakpan ang bibig niya. Alam kong nakahiga lang kasi si James sa kama niya. Kahit papaano naman ay ayaw kong malaman niya na nagkakaroon ako ng lalaki dahil sa laman ng aking bulsa.
            “E, bakit ka nahihiya? Dapat proud ka kasi kaya mong bumili ng isang buong baka kaysa yung iba por kilo lang ang kayang bilhin dahil sa barya-barya lang ang laman ng bulsa.  Iba nga patikim-tikim na lang.”
            Dahil imposible ko siyang mapatigil ay lumabas na kami ng kuwarto.
            “Ikaw ba desperada na? Akala ko mapapabuti ka nang tinigilan mong maging yaya at katulong diyan sa kasama mo sa kuwarto. Ngayon naman isa ka ng teller sa bangko kung mag-abot ng pera sa bago mong kinababaliwan.”
            “Ano ka ba! Hindi totoo yang sinasabi mo. Saka alam ko ang limitation ng kaya kong ibigay. Mas masaya ako ngayon kaysa noong mga nakaraang buwan.”
            “Sabi mo e. Pero sana lang hindi pera-pera lang ang labanan sa relasyon mo ngayon kay Jomel dahil sabihin ko sa’yo masahol pa ang napasok mo kaysa diyan sa pagtitiis mo kay James dati. Guwapo ka, Xian. Maraming nagkakagusto sa’yo kaya huwag kang pagamit. Gamitin mo ang utak mo. Hindi dahil nabigo ka kay James ay kukuha ka ng substitute na lalong ikakasama mo.”

            “Hindi ka ba napapagod sa kaka-advice sa akin? Ate, kaya ko ang sarili ko at tulad ng sinabi ko sa iyo. Masaya ako at kaya kong limitahan ang puwedeng maitulong ko financially kay Jomel. Saka puwede ba, bigyan mo ako ng kahihiyan lalo na kung nandiyan si James. Gusto kong maramdaman niya na hindi lang siya ang lalaki sa mundo. Marami pang mas guwapo sa kaniya na magkakagusto sa akin.”
            “Hmnnn! Ha ha ha!” humalakhak si Vince. “So!” tumawa muli. “Ginagawa mo pala ito dahil kay James parin. Ginagamit mo si Jomel para paselosin si James. Gusto mong ipakita kay James na mabilis kang magkaroon ng iba kung ayaw niya sa’yo!”
            Ngumiti lang ako.
            “Boba! Ambisyosa! Kung mahal ka ni James, magseselos siya. Kung mahal ka niya, manghihinayang at masasaktan siyang mawala ka pero ate! Ang problema ay hindi ka niya mahal. Hindi nga kayo talo! So anong pinaggaganyan mo. Feeling mo naman babae ka na dahil nakikita niyang may iba ka ay saka siya magkukumahog na ipaglaban ka sa bago mo! Taray ng palpak na plano mo ‘te!”
            “Ano ka ba! Hindi gano’n yun. Mahal ko na din si Jomel. Dahil sa kaniya, nababawasan na yung dating nararamdaman ko kay James.”
            “Sige, sabi mo e. Hangganda mong Orocan, promise!”

            Si James, sa pagdaan ng araw ay nagiging tahimik na. Hindi na din siya pumupunta kay Lydia. May mga gabing napapansin kong hindi siya makatulog at sinisilip niya ako sa aking higaan. Ngunit hindi ko iyon pinansin. Siguro dahil bukod sa akin ay wala na siyang tropa sa Doha at dahil na din siguro wala siyang makausap mula nang pinili kong layuan siya at iwasan. Mahal ko si James, ang pagkakaiba nga lang ay iniiwasan ko siyang tignan kung nariyan siya. Ilang buwang hindi kami nag-iimikan. May mga pagkakataong halos magkabangga kami sa pintuan ng aming kuwarto at maririnig ko ang mahina niyang sorry ngunit hindi ko iyon pinapansin. Parang wala lang din akong narinig o nakita. Naghilom na ang galit ko sa kaniya noong nasapak niya ako ngunit mas pinili kong iwasan na lang siya kaysa babalik sa dating ako yung sobrang nasasaktan dahil sa pambabalewala niya. Isa pa, hindi pa naman siya lumalapit din sa akin ay humingi ng aking pagpapatawad sa pagsuntok niya sa akin.

                Minsan ay dinala ko sa bahay si Jomel at napasarap yata ang aming sex at kuwentuhan. Magtatatlong buwan na kami ni Jom noon. Hindi ko namalayan ang oras at mabuti na lamang ay tapos na kaming nagsex noon ngunit nakaboxer short lang kami ni Jom nang dumating si James. Dahil kasama ko si James sa kuwarto at dahil na rin sa respeto kaya kahit wala siyang naabutang ginagawa naming dalawa ay naisipan kong humingi ng dispensa.

                “Sorry. Hindi na mauulit pang makaabot ka ng ganito na eksena sa bahay.” Iyon ang unang pagkakataong kinausap ko siya.
                Tinignan niya ako. Sapol sa aking kabuuan ang tinging iyon. Pagkaraan ng ilang saglit ay inilipat niya ang tingin niya kay Jom. Nabigla ako nang kinuha niya ang kamay ko, inakbayan at inakay sa labas ng kuwarto.
                “Masaya ka ba sa ginagawa mo?”
            “Oo naman.” Sagot ko kahit medyo nagtataka ako sa kaniyang mga ikinikilos at itinatanong.
“Siya ba talaga ang gusto mo?”
“Hindi kami aabot ng  tatlong buwan kung hindi siya ang gusto ko.”
Tumalikod siya. Naglakad-lakad na parang kumukuha ng lakas ng loob. Huminga ng malalim.
“Hindi na ba ako mahalaga sa iyo?” Seryosong tanong niya sa akin na siyang ikinabigla ko. Parang ako ang hindi makapagsalita sa narinig ko.

“Ano?” tanong ko muli. Hindi sa hindi ko narinig ang sinabi niya kundi binibigyan ko ng sapat na panahon ang sarili ko para matanggap ng utak kong iproseso ang tanong na hindi ko kailanman inaasahan.
“Hindi na ba ako mahalaga sa iyo bilang tropa, kaibigan o kaya kasangga?”
                Nakita ko na naman ang basa na gilid ng mga mata niya. Naguluhan ako. Tinapik niya ang balikat ko at pumasok na sa kuwarto. Naiwan ako sa labas na puno ng katanungan ang isip ko. Iba ang dating sa akin noong unang tinanong niya iyon. Siguro hopya lang din ako o mali ako sa hinala. Pero nang bumalik ako sa katinuan ko. Pilit kong isiniksik sa isipan ko na wala lang iyon. Tama ang pangalawa niyang tanong. Tropa o kaibigan lang ang hinahanap niya sa akin. Namimis lang niya ang paninilbi ko sa kaniya.

Pagpasok ko ay nakita ko siyang nakahiga sa kama niya. Nakapikit ngunit alam kong gising siya. Pinagdamit ko si Jom at hinatid ko na sa kanila.

Sa daan habang nagdridrive ako ay may tumatawag sa kaniya ngunit ayaw niyang sagutin at naririndi na din ako sa tunog ng celphone niya sa dami ng tawag at text.
“Bakit ba hindi mo sagutin ang mga tawag mo at baka naman importante ang mga iyan.”
“Wala ang mga ‘to, nangungulit lang.” sagot niya.
Pero mas lalong naging makulit ang nasa kabilang linya. Nakailang missed call din nang hindi ko na matiis na hindi siya pagsabihan.
“Utang na loob, Jom, sagutin mo ‘yan. Kung wala kang itinatago sa akin bakit hindi mo sagutin na kahit naririnig ko ang pag-uusap ninyo?”
                Huminga ng malalim. Kinuha niya ang cellphone sa bulsa. Tinignan niya ang screen ng cellphone niya saka niya ito sinagot. “Tawag ka ng tawag. Sinabi kong kasama ko si Xian. Magkita na lang tayo sa ibang araw. Hindi ka nakakaintindi!”
                Mahina ang pagkasabi niya sa linyang iyon ngunit sa tulad kong may kutob, kahit gaano pa kahina ang sasabihin niya ay siguradong malinaw kong maririnig.
                “May ginawa ka ba o tinatago sa akin, Jom?” tanong ko.
                “Anong ginagawa? Hayan ka na naman sa pagkapraning mo. Ano naman ang gagawin ko e lagi naman tayong magkasama? Sana hindi mo na lang ako pinilit sagutin ang tawagh na iyon kung ganyan ang mga tanong mo sa akin.”
                “E, sino yang kausap mo?”
                “Nakikipag-away ka?”
“Hindi ako nakikipag-away. Nagtatanong ako. Iba ang nakikipag-away sa nagtatanong.”
“Ayusin mo ang tanong mo para hindi ko isiping nang-aaway ka. Ayaw kong sagutin kanina tapos pinilit mong sagutin ko. Nang sinagot ko saka ka maghihinala.”
                “Kahina-hinala kasi yung mga sinabi mo.”
                “So, nakikipag-away ka nga. Kitid naman ng utak mo.”
                “Ah, ako pa ang makitid ngayon.”
                “Tatlong araw na lang Xian, tatlong buwan na tayo. Hanggang ngayon pa ba wala ka pang tiwala sa akin? Mag-isip ka naman.”

                “Kaya nga ako ganito dahil nag-iisip ako. Sobrang ingat mo sa celphone mo, sa ym mo saka fb mo. Minsang nahawakan ko ‘yang cellphone na yan, sobrang takot mo at galit na sabihan akong pinakikialaman ko ang personal mong mga gamit. Oo nga’t sa iyo yan pero sino bang bumili? Nang minsang inopen ko yung laptap mo at naliligo ka, hindi ka nakapag-log out no’n, nanggagalaiti ka dahil sabi mo baka nagbabasa ako sa private messages mo. Wala na ba ako karapatan na gamitin ang laptap na sa akin naman galing? Saka boyfriend kita, kung magbasa ba ako ng nasa inbox mo at bukas naman ang account mo ay malaking isyu nab a sa’yo ‘yun. Kung wala kang tinatago sa akin, Jom hindi dapat ganyan ang mga reactions mo.”

                “ Ah, ngayon naman sinusumbat mo na ang mga binibigay mo sa akin?”
                “Hindi ‘yun ang punto ko, ang akin lang ay bakit napaka-defensive mo at napakaingat mo sa mga ganyang gamit mo kung wala kang tinatago sa akin?”

                Hindi siya sumagot. Hindi na rin lang ako nagsalita. Alam ko kasing wala  din naman akong mapipiga sa kaniya. Hindi na niya ako hinalikan nang bumaba sa kotse ko. Hinintay ko munang makapasok siya bago ako umuwi. Mabigat ang nararamdaman ko. Sobrang bigat na hindi ko alam kung dahil sa mga paghihinala ko kay Jom o dahil sa sinabi sa akin kanina ni James. Naguluhan tuloy ako.

                Pagdating ko sa bahay ay nakita kong may dalawang arabo sa bahay. May inabot si James na mabilis na binulsa ng arabo at ang tanging nakita ko na lamang ay ang makapal na perang tinanggap ni James na pinamulahan nang makita niya ako. Hinintay ko munang makaalis ang dalawang arabo bago ko siya tuluyang kinausap.

                “Ano yung binigay mo James?”
“Wala.” Simple niyang sagot.
 “May negosyo bang nangyayari dito na kailangan kong malaman?”
                “Wala nga. Labas ka na dito. Sa boss ko ito at hindi akin. Pinamimigay lang. Dinaanan lang dito.”
                “Sa ganitong oras ng gabi. Alas dose na ah?”
“May business trip nga ang amo ko kaya sa akin ipinaabot iyon. E sa alas-dose nila gustong daanan, anong magagawa ko? Saka huwag mo na nga pansinin at pakialaman “yun.”
“Bakit naman ako walang pakialam? Kaibigan parin kita.”

                “Ganun? Mahigit tatlong buwan na akong walang kaibigan dito Xian. Halos apat na buwan ka ng wala. Kaya wag mo akong tanungin na parang may pakialam ka pa sa akin. Huwag kang umasta na parang napapansin mo pa ako. Di ba lahat ng oras mo naibubuhos mo sa Jomel na iyan? Kaya huwag kang umasta na akala mo you still care! Sige, inaantok na ako. Pasensiya ka na kung may dumating akong ibang lahi na bisita na hindi ko nasabi sa iyo. Hayaan mo, sa uulitin hindi na sila papasok pa dito sa kuwarto. Matutulog na ako.”

                Tinalikuran niya ako. Naguluhan ako sa naabutan ko ngunit wala naman akong matibay na pinanghahawakan na tama ang hinala ko. Nakatulugan ko na din sa pag-iisip tungkol kay Jom ngunit mas matindi ang pagkagulo ko sa mga nasabi ni James ngayong araw na ito.

                Pagkaraan ng dalawang araw ay muli akong sinuyo ni Jom. Siyempre dahil mahalaga sa akin ang pagdiwang naming dalawa ng monthsary namin ay tinanggap ko ang paghingi niya ng sorry. Dahil sa mahilig ako ng surprise ay binalak kong i-surprise siya sa araw ng aming monthsary. Binili ko ang bagong model ng iphone na matagal na niya sa aking hinihiling. Inagahan ko na din ang usapan naming 9 ng gabi. Pinuntahan ko siya sa oras na alas-sais dala ang ilang pagkain at alam ko kasi na kapag makita niya ang iaabot ko sa kaniyang gift ay hindi puwedeng hindi niya ako pasasayahin. Isang mainit na sex na naman ito ngunit iba ang naabutan ko. Para akong binuhusan ng mainit na tubig.

No comments:

Post a Comment