Wednesday, January 2, 2013

Regrets (01-05)

by: Jeffrey Paloma

Si Mickey

Marahan kong iminulat ang aking mata nang magising ako ng matinis na tinig ng aking alarm clock. Tinatamad pa akong bumangon sa kama. Ang sarap ng pagkakahilata ko napakalambot kong kama na kulay puti ang cover. Gawa sa brass ang frame nito kaya't masasabi ng karamihan na may kamahalan ang presyo nito.

Tamad na tamad akong ibinalik sa aking sarili ang aking puting warmer nang mapansin ko na ang lamig sa aking kwarto. Tulad ng lagi kong ginagawa, nakatodo ang airconditioner bago ako matulog kaya ang lamig nito sa buong magdamag ay naipon na.


Nakatitig lang ako sa puting kisame ng aking kulay skyblue na silid. Ginigising ang ng tuluyan ang aking ulirat habang iniisip kung ano ang mga dapat kong gawin sa araw na iyon.

"School nanaman!" ang sabi ko sa aking isipan. Tamad na tamad talaga ako hindi dahil sa papasok ako sa paaralan. Sa katunayan, masaya nga akong nag-aaral ngunit ang kinayayamutan ko lang ay ang iisang bagay - ang paulit-ulit na nangyayari sa araw-araw. Parang walang excitement. Parang ganun na lang lagi. Nakakaumay na.

"Jarred!" ang paulit-ulit na panawagan na sinasabayan ng makulit at mabilis na pagkatok ng aming katulong na si Anne sa likod ng puting pintuan ng aking silid.

Ibinaling ko ang aking tingin sa digital clock sa kaliwa ng aking kama kung saan ito nakapatong sa isang maliit na mesa kasama ng isang tipikal na lampshade. Nanlaki ang mga mata ko't agad akong napalundag paalis sa aking kama. Bilad na sa lamig ang hubad kong katawan.

"Trenta minutos na pala ang nakalilipas. Ang bilis ng oras!"

Nagmadali akong tumungo sa pintuan upang sagutin si ate Anne habang nangangatog sa lamig. Halos hindi ko mailapat ang aking talampakan sa sahig dahil sa taglay din nitong lamig.

Sa pintuan, marahan at maliit lang ang pagkakabukas ko dito upang itago ang aking katawan sa likuran ng pinto. Pupungas-pungas ko siyang dinungaw sa bukana.

Isang matangkad at kayumanging babae si ate Anne. Tantya ko'y nasa halos anim na talampakan ang tangkad niya dahil lagi ko siyang tinitingala tuwing hinaharap ko siya. Lahat ng katangian niya'y tipikal sa mga taga Aparri, Cagayan.

"Jarred, male-late ka nanaman sa school. Bumaba ka na para kumain ng almusal. Ipagkukulo ba kita ng tubig?" ang sabi niya sa napeperwisyong tono. Napakamot lang ako sa aking ulo't napangiti bago tumango ng dalawang beses.

"Oh sige. Yung aircon 'wag mo kalimutang patayin bago ka lumabas ng kwarto." ang malambing niyang sagot bago ako tuluyang iwan ngunit di pa siya nakalalayo ay may pahabol pa siyang sinabi, "Magbilad ka nga sa araw! Ang puti na ng balikat mo kakulay mo na yung pintuan!"

Natawa akong saglit sa sinabi niya habang sinasara ko ang pintuan. Matapos ang isang saglit ay naalala kong mahuhuli na ako sa unibersidad. Dali-dali kong kinuha ang nakasabit kong tuwalyang puti sa likuran ng pinto at agad na itinapis ito sa ibabang bahagi ng aking katawan bago bumaba ng bahay patungo sa palikuran.

Nang matapos akong maligo't magbihis ng itim na shirt na V-cut ang kuwelyo at plain na slim-fit low-rise na maong ay agad akong naupo sa hapag upang mag-almusal. Kasya sa apat na tao ang aming hapag kainang gawa sa itim at makintab na granite. Sa ginta nito'y may nakalapag na banyera ng sinangag. May karamihan tanda na wala pang kumakain sa amin at hindi pumasok sa opisina ang aking ina. Sa aking kaliwa'y may nakatimpla ng orange juice na nakalagay sa isang litrong pitsel at katabi naman nito'y isang basong wala pang laman.

Pupungas-pungas pa rin ako't bumalik ang antok sa akin habang hinihintay kong ilapag ang aking almusal sa aking harapan habang si ate Anne naman ay abalang nagpiprito ng hotdog na aking uulamin.

"Si mama?" ang tanong kong di hinaharap si ate Anne.

"'Pababa na yun. May pupuntahan daw siya ngayon." habang abala pa na siyang inaahon ang ang ulam mula sa kawali.

"Saan?" paglilinaw ko sabay buntong hininga dala ng kagustuhang bumalik sa kama. Ipinatong ko ang aking mga braso sa ibabaw ng mesa upang gawing unan para sa aking noo.

"Jarred!" saktong sagot ng aking ina na nasa harapan ko na pala matapos kong ipikit ang aking mga mata. Sa pagkabigla'y agad akong naupo ng maayos at mabilis na iminulat ng malaki ang aking mga mata. Tumambad sa akin ang mestisa't malusog kong ina. Abot leeg ang itim at makintab na buhok niyang babad sa hot oil at tina. Kastilain ang itsura ni mama, maganda ang lahat ng sa kanya't sa itsura niya'y parang nakatatandang kapatid ko lamang siya. Nakabihis na siya ng ordinaryong dilaw na shirt at maong. Tangan niya ang kanyang isa sa kanyang mga bag na nabili niya sa Secosana na kulay carnation pink.

"Ma!" ang nabigla ko namang sagot sa kanya.

"Tanghali na." sabay dukot niya sa loob ng bag. Nilabas niya ang coin purse na puno ng papel na pera at isa-isang tinignan ang laman nito bago dumukot ng isang kumpol ng bente pesos na pera. Agad ko naman itong kinuha habang nag-iisip ng palusot ko sa kanya upang madagdagan ang aking baon habang binibilang ang lahat ng ito.

May kaya kaming pamilya ngunit napakakuripot ng aking ina. Laki sa hirap ang aking mga magulang ngunit dahil siguro sa accountant si mama sa isang lokal na opisina ng gobyerno'y talagang mahigpit sa kanya ang paglabas ng pera. Siguro natural lang talaga sa mga accountant ang ganoong katangian gaya ng sabi nila.

Lahat ng luho ko sinusunod naman ng aking mga magulang lalo ng aking ama ngunit kailangan ko iyong paghirapan. Bilang kabayaran, kailangan kong makagawa ng pangalan sa school. Ganun na mula pa noong bata ako. Kailangan mayroon akong medalya at mga special awards tuwing recognition para makakuha ako ng mga mamahaling gadgets at laruan na aking naisin. Pero sa mga sitwasyong gusto ko lang kumain o gumala, ganito na ang aking naging pamamaraan.

Habang inilalapag ni ate Anne ang ulam sa akin harapan ay naupo na rin si mama sa hapag sa aking harapan. Ipinatong niya ang kanyang bag sa kanyang kanan at naghintay na ipaghanda kami ni ate Anne ng plato't kubyertos.

Nagpanggap akong kunwari'y dismayado sa nalikom kong salapi mula sa aking ina. Malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan habang nakatitig sa nabilang kong pera.

"Ano nanaman yon?" ang masungit na tanong ni mama habang nilalapag ni ate Anne ang kanyang gagamitin sa pagkain. Napabuntong hininga lang ulit ako bago nagsalita.

"Umm... kasi... may gagawin kaming project eh dun sa isang subject naman namin..." nagkukunwari na akong malungkot sa harap niya.

"Project nanaman? Ilan ba subjects mo ngayon bakit lahat na lang sila may project na pinagagawa sa inyo?" ang mabilis at tensyunado niyang mga tanong sa akin.

"Kaya nga di ko na lang sana sasabihin eh." ang sagot ko namang nayayamot kunwari habang nilalapag ni ate Anne sa aking harapan ang aking pagkakainan.

"Magkano nga?" ang napilitang tanong ni mama sabay kuha muli ng kanyang coin purse bakas ang kunsumi sa kanyang mukha habang binibilang ang mga nakabugkos na perang papel sa loob nito.

"Umm... F-five..." ang nahihiya ngunit sa loob ng aking isipa'y abot tenga na ang aking ngiti.

"FIVE HUNDRED!!???!!" ang nabiglang sagot niya't napatigil siya sa kanyang pagbibilang. "Anak naman! Ang laki nanaman ng hinihingi mo! Bilangin mo yang mga yan at tignan mo ang laki na ng nagagastos mo wala pang mid-term!..."

"Kaya nga sabi ko nga... Wag na lang Ma" ang nanliliit kong sagot sa kanya habang patuloy siya sa kanyang litanya. Tila armalite ang mga labi niya kapag nakukunsumi siya.

"... Ang mahal-mahal ng tuition fee mo tapos darating na papa mo sa isang buwan matatagalan nanaman ang sunod niyang sakay wala pa tayong naiipon!" ang patuloy niyang dagdag. Sa lahat ng sinabi niya walang tumama sa akin kahit isa maliban sa pagbanggit niya ng tungkol sa aking ama.

"Wag na nga lang... Bahala na..." ang sagot ko na lang sa kanya at nagsimula nang kumain ng almusal ng nakatitig sa aking kinakain. Habang nasa ganoon ako'y naupo na rin si ate Anne sa aming gilid at kumain. Si mama naman ay muling kinuha ang kanyang coin purse upang kumuha ng limang daang piso. Napilitan siyang iabot ito sa akin at siya naman aking agad na kinuha. Kung literal lang ay lalong lumago nanaman ang aking sungay habang nakangiti ng todo sa aking nakamit na tagumpay.

Matapos kumain ay agad din akong umalis patungong unibersidad. Commute lang ako lagi dahil sa wala naman kaming sasakyan. May kalayuan din ang binabiyahe ko araw-araw dahil sa nasa bandang timog pa kami ng Maynila nakatira. Isang jeep paluwas ng bayan at isang bus papuntang Maynila. Dinaranas ko ang matinding kabagalan ng trapiko tuwing umaga't hapon sabay sa paroo't parito ng mga biyahero. Sa biyahe, wala akong ginawa kundi ang mag-munimuni ng kahit anong pumasok sa aking isipan. Wala akong problemang iniisip at wala rin akong balak sa aking hinaharap. Kung ano lang ang meron at naghihintay, doon lang ako nakatuon.

May dalawa o tatlong oras din ang trenta o kwarenta kilometrong patungong Maynila. Mainit, maingay, mausok, mabaho, at ang kinaiinisan ko sa lahat ay ang pagpapawis o ang pagdikit sa akin ng mga nakakatabi kong pinagpapawisan. May kaartehan din ako pero hanggang doon na lang iyon dahil siguro sa iniiwasan kong masira ang dating kong bagong ligo bago pa ako makarating sa unibersidad - bago pa magsimula ang araw ko'y nanlalagkit na ako.

Sa pagkakataong iyon sa bus patungong Lawton, habang nakaupo ako sa bandang bintana kung saan ako'y di nabibilad sa init ng umagang araw. Tulala lang akong nakatitig sa dinaraanang tanawin at nakikinig sa isang instrumental na paulit-ulit at lagi kong pinakikinggan. Di ko pansin ang pagtigil ng sasakyan nang magsakay pa ito ng pasahero.

Isang lalaking matangkad, mestiso at gwapito ang sumakay. Naglakad siya papasok ngunit di ko siya tinignan tulad ng lagi kong asta, hindi ko pinapansin ang nasa aking kapaligiran.

Kahit may eksena nang nagaganap sa paligid ko'y di man lang ako natutuksong umusyoso. Kung di ito ukol sa akin, wala akong pakialam. Kaya rin siguro ako sinasabihang suplado dahil sa hindi ako pala-bati kung di ako bababatiin o papansinin.

Umupo ang binata sa aking tabi. Doon lang niya nakuha ang aking puna. Tinignan ko lang siya sa kanyang tuhod saglit ng di ginagalaw ang aking ulo. Sumunod kong tinignan ang dalawang bakanteng upuan sa kabilang banda bago ibalik ang aking puna sa labas ng bintana.

"Ang dami naman pwede upuan dito pa." ang iritado kong bulong sa aking sarili.

Pilit ko na lang kinalimutan ang pagkakairita sa isang bagay na walang dahilan sa haba ng biyahe ngunit lalo akong nainis nang lalong dumiriin sa aking kanang balikat ang aking katabi. Nangilid ang aking mga mata't sinulyapan ang manggas ng kanyang suot na shirt na kulay purple at napasinghal. Idiniin ko ang aking sarili sa salamin ng bintana upang lumayo ng kaunti sa kanya ngunit di nagtagal ay lalong dumiin ang pagsandal niya sa akin. Di na ako nakapalag. Kung tutuusin ay walang anuman sa akin ang bagay na iyon kung kakilala ko siya pero sa pagkakataong iyon ay wala akong balak na kilalanin kung sino man siya at di rin naman niya tinawag ang aking pansin upang makilala ko kung sino siya.

"Alam ko sa likod ang sandalan hindi sa kaliwa o kanan. Hindi naman masikip at hindi rin naman ako siguro mukhang sandalan." ang buwisit na buwisit kong sabi sa aking sarili.

Sa kalagitnaan ng biyahe ay napansin kong lumipat ang ilang pasahero mula sa aming harapan papunta sa aming banda dahil sa maraming bakanteng upuan kung saan kami banda. Karamiha'y umupo sa kabilang banda ng kung saan ako nakaupo at ang iba'y sa likuran namin.

"Ano bang meron?" ang tanong ko sa sarili habang pinagmamasdan ang paglipat nila. Di naman ako kinabahan dahil sa mukahng mga estudyante lang din naman sila dahil nakauniporme ang karamihan sa kanila at ang tatlo sa kanila ay nakikita ko sa unibersidad. Lahat sila, babae.

Pilit ko na lang din ibinaling sa ibang bagay ang aking isipan. Kahit nakapagtatakang biglang lumusot sa aking earphones ang hagikgik ng isang babae na nagmumula sa aking likuran. Tila kinikilig ang karamihan sa kanila.

Maya-maya'y napayuko na lang ako't isinandal ang aking noo sa likuran ng kaharap kong upuan. Naramdaman ko kasi ang pagdiin ng nakaupo sa likod sa aking sinasandalan.

"Nakataas ba ang mga paa nito sa sandalan?" gigil kong sabi sa aking saril at napapikit.

Maya-maya pa'y gumilid ang lalaking tumabi sa akin. Talagang binunggo pa niya ako sa gilid kaya't ako'y lalong umusod palayo pa sa kanya. Salubong na ang mga kilay ko sa mga sandaling iyon sa inis at lalo pa akong nainis nang naging maingay ang mga babae sa paligid.

"Gosh!" ang malakas na sinabi ng dalawang babae ng sabay. Napakunot ang noo ko nang lalong tumindi ang kalandian nila sa buong bus.

"BUWISEEET!!!!" ang hinaing kong ako lang ang nakakarinig. Dinukot ko ang akking music player mula sa aking kaliwang bulsa at itinodo ang volume nito upang di ko na sila marinig. Nasira na kasi ang momentum ko.

Nang makarating ang bus sa terminal ng Lawton, tulad ng lagi kong ginagawa, ay naghintay muna akong makababa ang karamihan ng sakay bago ako tumayo sa aking upuan. Habang naghihintay ay patuloy pa rin ang landi ng mga kababaihan. Naramdaman kong tumayo na rin sa wakas ang aking katabi ngunit tila sumabay sa kanya ang mga malalanding babae.

"Sino naman kaya ang kumag na iyon? Gwapong-gwapo siguro mga dilag na iyun sa kanya." tanong ko sa aking sarili bago ko siya sulyapan ngunit natakpan na siya ng ilan sa mga kababaihan at ang pamilyar niyang likuran mula balikat pataas ang aking nakita. May katangkaran din ang binata dahil nakayuko na siyang naglakad palabas ng bus.

Napailing ako sa aking nasaksihan. Halos pinutakte na siya ng mga babaeng nasa paligid niya. Kita ko pang may inaabot na notebook ang babae sa kanya at ballpen habang hirap na hirap siyang naglalakad palabas ng bus.

"Autograph?" ang diring-diri kong tanong sa aking sarili. Ang baduy kasi ng ideyang iyon para sa akin. May mga nakahiligan naman akong mga banda ngunit hindi pa ako nagbalak na pumunta ng live concert nila o kung saan man sila nagpunta para lang magpapicture o humingi ng autograph. Tao rin naman kasi sila - kumakain, naliligo, dumudumi, umuutot, tumatanda at nawawala ang aking itsura.

"Talo pa artisa ah. Bakit sumakay siya ng bus?" ang natatawa kong tanong sa aking sarili.

Maya-maya'y nakalabas na ang lahat.

"Finally!! ang sabik kong nasabi. Pagtayo ko'y napansin kong may kaunting kaguluhan sa labas ng bus. Kahit ang driver ay napatayo sa kanyang upuan upang maki-usyoso sa nagaganap. Nayamo't ako ng sobra.

Dali-dali akong lumabas ng bus ngunit ang pintuan ay puno ng mga tao. Mula sa tarangkahan ay nakita ko kung ano ang dahilan ng kaguluhang ito na lalong ikinabwisit ko; isang artista nga ang dahilan. Di pa siya nakalalayo dahil sa dami ng tao. Nakatalikod lang siya kita ang kanyang magulo ngunit maganda sa kanyang tignan na itim na buhok at ang kanyang maputing batok.

Habang inaabot niya ang mga pinapapirmahan sa kanya't kinukunan siya ng litrato sa mga cellphone ng madlang nasa paligid niya'y tila maya't-maya'y may hinahanap siya sa mga taong nasa paligid niya. Bakas ito sa kanyang mga titig.

"Sirang-sira na ang araw ko!" sigaw ko sa aking isipan.

Napasinghal ako sa inis sa mga sandaling iyon. Siya ang katabi ko dahil sa kulay ng kanyang suot na kamiseta at ang lalong kinainis ko'y kakilala ko nga siya. Hindi dahil sa kilala siya bilang artisa, ngunit dahil sa isa siyang kababata kong kinaiinisan ko mula pa noong nasa elementarya kami. Matagal-tagal na rin kaming di nagkikita nito at nang mag-artista na lang siya nang muli ko siyang makita at sa telebisyon pa.

Napalingon siya sa aking banda. Nakita niya akong salubong ang aking mga kilay sa inis at nanlilisik na ang nakatitig kong mga mata sa kanya nang mag-abot ang mga ito.

Padabog akong bumaba't pilit na itinulak ang aking sarili upang makalabas at makalayo sa mga tao.

"Makikiraan ho." ang may kaunting gigil at pilit na pinagalang kong tonong paulit-ulit na pakiusap sa mga hadlang sa aking daraanan. Sinundan ako ng titig ng artista at mukhang balak niya akong sundan.

"Jarred?! Hintay!" ang panawagan niya nang makalabas ako sa mga tao na nagdulot upang ang mga tao sa paligid niya'y tumingin din sa akin. Hindi ko siya nilingon sa halip ay nagpatuloy lang ako sa aking paglalakad.

Nakipagsiksikan siya upang sundan ako. Binilisan ko lalo ang paglalakad ko palabas ng terminal ngunit sa laki ng hakbang niya'y inabutan pa rin niya ako. Para akong tanga sa mga sandaling iyon. Gusto kong tumakbo para takasan siya pero nahihiya ako sa mga tao.

Naabot niya ang kanan kong kamay upang ako'y matigil muna't makipag-usap sa kanya. Hinarap ko siya't kunwari'y di ko siya kilala. Nakakatawang isipin. Isang sikat na artista at kunwari'y di ko siya kilala. Ayoko lang din matulad sa mga madlang nahuuhmaling sa kanya at lalung-lalo na ang ideya na iduluhin siya.

"Jarred! Dito ka pala nag-aaral sa Maynila? ang masigla ngunit hinihingal niyang bati sa akin.

Hindi ko maipaliwanag ang istura niya ngunit ang titulong "gwapo" ay nararapat para sa kanya bilang artista - matangkad, matipuno, makinis, malakas ang dating.

"S-sino k-ka?" ang tanga-tanga kong tanong sa kanya. Nagtaka naman siya sa aking naging sagot na parang nagsasabi na "Ako?! Di mo ako kilala?!". Bakas sa kanyang mukha ang pagkalito sa mga sandaling iyon.

Habang nasa ganoon kaming lagay bago ko pa mapansin ay nasa likod na pala niya ang mga "fans" niya. Pinanonood kami.

"Mga usiserong ito! Di na ba kayo nakuntento sa palabas sa telebisyon?!" irita kong puna sa mga tao.

"A-ako si Mickey? Di mo na ba naaalala?" ang di niya makapaniwalang sinabi niya sa akin.

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


jeffyskindofstory.blogspot.com



by: Jeffrey Paloma

Si Hamilton


"Sorry, hindi talaga kita kilala" sabay alis ko ng aking braso mula sa kanyang pagkakahawak habang nakatitig sa mga tao bago tumalikod upang ipagpatuloy ang mabilis kong paglalakad.

"T-teka!" ang huli kong narinig sa kanya nang biglang may pumarating na itim na Corola patungo sa kinaroroonan niya kaya't napatigil siya sa pagsunod sa akin. Natigil ako upang panoorin ang saglit na kaganapan.

May bumabang dalawang babae mula rito't may dalang gamit yata niya ang isa. Parehong naka-shirt at maong lang ang dalawa at halata sa kanila na alalay sila ni Mickey.

"Sir, iniwanan niyo po kami sa gas station naghihintay. Nag-aalala ang mommy mo." ang wika ng isa na may dalang knapsack na itim ma mukhang para kay Mickey dahil sa mga patches ng logo ng mga gas station na nakatahi dito.

Hindi siya pinansin ni Mickey sa halip ay sinundan niya ako ng tingin. Bakas sa kanyang mukha na may gusto sana siyang sabihin ngunit wala siyang magawa dahil sa medyo malayo ako sa kanila. Kung anu man iyon, wala na akong pakialam tungkol doon. Agad lang akong lumayo ng tingin sa kanya ng makita ko siyang nakatitig at nagpatuloy sa aking paglalakad patungo sa gitna upang sumakay ng jeep papuntang Taft.

May kainitan na rin ang araw sa mga sandaling iyon. Tanghali na't sadyang matindi ang amoy ng polusyon sa buong paligid. Agad man akong nakasakay patungo sa aking pupuntahan ay di pa rin ako naipagtanggol ng matinding init ng katanghalian kahit sa loob ng isang luma't masikip na jeep.

"Makikiabot lang ho ng bayad." ang malakas kong pakiusap sa mga pasaherong malapit sa driver dahil sa bandang gitna ako nakapuwesto katabi ang isang matabang babae na ubod ng laki ng balakang kaya't dulo na lang ng puwitan ko ang nakadikit sa kanto ng upuan. Bakas sa aking mukha ang di ko nagustuhang kalagayan ngunit wala akong magawa kundi ang magtiis na lang. Halos lumuhod muna ako sa gitna ng jeep upang madukot lamang ang aking pamasahe mula sa aking kanang bulsa.

Hirap na hirap akong nakakapit sa estribo habang nakaabot ang aking kamay nang bigla akong tapikin ng kahilera kong pasahero kong di ko napansin. Kinuha niya mula sa akin ang aking pamasahe at inabot pa sa katabing pasahero bago ako harapin. Hindi ko siya nakilala dahil sa agaw ng pinagigitnaan naming babaeng malaki ang aking iritadong mga titig. Kita sa matabang babae na patay malisya na lang siya habang ang kanang kilay niya;y bagyang nakataas habang nakatitig sa sahig.

"Uy! Jarred ikaw pala yan!"" sabay ngiti ng binatang nag-abot ng aking pasahe. Isang matipuno, maputi, at gwapitong binata ang aking nasilayan. Napakapula ng kanyang malaman na labi na parang kinagat ng langgam. Sa lahat ng magagandang katangian niya'y iisa lang ang nagpatalo sa kanya - ang kanyang kinulang na tangkad. Hanggang balikat ko lamang siya't dahil sa brusko pa ang katawan niya'y lalo siyang nagmukhang bansot tignan.

"A-Angelito! Ikaw pala yan! Saan na kambal mo? Di mo kasabay?" ang natarantang linyang nabitawan ko sa pagkabigla sabay alis ng earphones sa aking magkabilang tenga upang isabit ito sa aking kuwelyo.

Sayang ang dati niyang itsura, mas okay siya tignan noong balingkinitan pa ang kanyang pangangatawan. Sa totoo lang, crush ko si Angelito kaya lang nadismaya lang talaga ako nang lubos ko siyang makilala nang ibahagi ang lahat sa akin ng kanyang kapatid. Marahil siguro'y uso ngayon ang pagpapaganda ng katawan pero ang sabi ng utol niya, may iba pa raw dahilan pero hindi ko na inalam ang tungkol doon.

"BUONG PANGALAN NAMAN!" ang pagkabanas niya dahil "Lito" ang gusto niyang tawag sa kanya at walang iba pa.

"Si Hamilton? Baka nasa school na iyon." patuloy niya habang lumiliyad siya paharap upang maayos kaming magkausap dahil sa pinagigitnaan kami ng matabang babae. Natuwa ako sa ideya't di ko napigilang ngumisi. Lumiyad rin ako paharap ng kaunti kay Lito na parang walang elepante sa aming tabi.

"Sira ulo talaga ang kuya nitong si Milton." sabi ko sa sarili ko habang pinagmamasdan ang mukhang halos araw-araw kong nakikita sa kanyang nakababatang kapatid habang inaalala na sa araw-araw na ginawa ay walang puknat na inilalayo niya ang kambal niya sa kanyang paligid.

"SAAN 'TO?" sigaw bigla ng matandang driver habang nakatingin sa rear mirror at nakataas sa kanyang kanang kamay ang aking inabot kanina. Napalingon kami sa kanya ni Angelito.

"Sa La Salle lang ho!" sabay naming wika. Sa lakas nito nakatingin na sa amin ang ibang mga pasahero. Matapos ay muling nagbalik kami ni Lito sa aming usapan. Patuloy namang nakatingin sa amin ang ibang pasahero dahil sa may kalakasan rin pala ang aming pag-uusap. Di naman namin ito pansin at patuloy lang kami sa pag-uusap tungkol sa mga nagaganap sa school.

Pagbaba namin ng jeep, sa ilalim ng lilim ng gate ng unibersidad ay nakapamewang na naghihintay si Hamilton, nakataas ang isang kilay at tinitigan ng mula ulo hanggang paa ang kanyang nakatatandang kapatid na si Angelito.

Si Hamilton, na Milton kung tawagin, nakasuot ng black shirt na slim-fit at maong na pencil cut. Sa kanyang likod nakasabit ang kanyang knapsack na baby blue. Kahawig na kahawig niya ang kapatid niyang si Angelito kaya madalas silang tawaging kambal. Marahil isa sa mga pinag-uugatan ng dahilan ng walang katapusang hidwaan ng mag-kuya.

Nauna kong nakilala si Hamilton dahil pareho kaming nabilang sa isang section. Noo'y inakala kong siya si Lito nang una siyang pumasok sa aming classroom at talagang halos araw-araw ay napapangiti ako tuwing nakikita ko siya. Eventually, nawala rin iyon dahil sa di ko maintindihang takbo ng tadhana'y naging malapit kaming magkaibigan isang araw nang lapitan niya ako upang tanungin kung pwede kaming mag-aral ng sabay dahil hirap siya sa isang subject namin.

Close kami ni Hamilton, sa totoo lang, parang malapit na kaming magkaibigan. Parang lang ha? Parang lang.

"Pwede mo naman sabihin na hindi tayo dapat magsabay sa harap nila mommy di ba? Hindi ko rin naman gusto na dumidikit sa isang dwaft na tulad mo noh!" ang malakas at masungit na bungad nito sa kanyang kuya. Tahimik lang at iritadong napatingin sa akin si Lito at nagpaalam na. Nagmamadali itong naglakad papasok habang isinusuot ang kanyang ID na dinukot niya mula sa kanyang bulsa. Parang wala lang na dinaanan niya ang kapatid niyang si Hamilton.

Nang mawala sa paligid si Angelito nagbalik sa pagiging maamo ng mukha ni Hamilton na parang naihipan lang ng hangin. Nakangiti na siyang lumapit sa akin upang sabay kaming papasok ng unibersidad.

Makalagpas ng gate, bagaman mas matangkad ako sa kanya ng di hamak, inakbayan niya ako ng kay higpit bago pa kami makarating sa masikip na lobby na pinalamutian ng mga maliit na halaman sa gilid. Nakatingin siya sa malayo't tinatanaw ang kanyang kinahuhumalingan sa campus na hindi kahit minsan tumatak ang pangalan sa aking isipan.

Nagbabasa sa gilid ng tungkol sa Journalism ang dalagang kinahuhumalingan ni Hamilton. Taglay niya ang mahabang buhok at sa bagsak pa lang ng kanyang buhok ay masasabi mong naknakan ito ng lambot at bango. Kutis porselana katulad ng karamihan dito sa unibersidad ngunit isa siya sa mga nagtataglay ng kakaibang dating. Kasama niya ang iba niyang kaklase. Seryoso itong nakaturo sa aklat sinusundan ng daliri ang binabasa ng kanyang mga mata.

Taliwas sa aming daraanan ang kinaroroonan ng kinahuhumalingan ni Hamilton kaya't nang marating namin ang hati ng daan ay tumigil sa paglalakad si Hamilton upang saglit pang pagmasdan ang dalaga. Pinigil niya rin ako ngunit di niya ako nagawang patinginin sa dakong iyon.

"Ano ba, Hamilton???! nang hilahin pa niya ako.

"Dapat buong pangalan???!" sagot niya habang nananatiling nakatitig sa babaeng tinutunaw na niya.

"Pareho talaga kayo ng kuya mo!... Milton naman... Please... Mahuhuli na tayo sa class natin!" pagmamakaawa ko sa kanya.

"Saglit na lang!" pakiusap niya habang ang tinititigan niya'y nag-aayos na ng mga gamit.

"Ang cute talaga ni Greta!" pahabol niyang marka habang nananaginip ng gising at ang kanyang pingamasda'y naglalakad na palayo kasama ang iba.

Matapos ang ilang saglit na hinayaan ko siya sa kanyang munting pangarap inapakan ko ng malakas ang kaliwang paa niya. Napasigaw siya sa sakit at buti na lang mabilis ang kanyang isang kamay upang takpan ang kanyang bibig.

Napahagikgik ako sa kanyang mga nanlalaking singkit na mga mata na nakatingin na sa akin.

"Ano? Bakit shocked ka? Sinagot ka na ba niya sa mga panaginip mo? Nakailan na kayo?" ang natatawang biro ko sa kanya na sinundan ng malakas na hagalpak na pagtawa. Nasuntok lang niya ng malakas ang aking kanang balikat.

"Tarantadong ito... Halika na nga!" matapos naglakad siya ng mabilis upang iwan akong mag-isang naglalakad patungo sa classroom ng aming unang klase para sa araw na iyon. Hinayaan ko lang siya at patuloy ang aking hagikgik na pagtawa.

Doon nagsimula na naman ang pinakaboring na araw ko. Sulat sa kuwaderno para sa ganito, basa sa aklat na ganyan, gawa ng assignment kasama si Hamilton sa ligid ng paaralan kung saan siya naman ay pasimpleng pinagmamasdan ang kanyang mga crush sa campus.

Si Mickey lang ang ibang pangyayaring naganap sa araw-araw ko. Dahil sa kanya, di ko naiwasang isipin ng isipin ang nakaraan.

Sumapit ang hapon at tatlong oras ang vacant namin ni Hamilton, nasa harapan kami ng pintuan ng Yuchengco Auditorium; Tulad ng karamihan sa arkitekto ng pagkakagawa ng mga gusali sa La Salle, Roman inspired at kulay puti.

Abala kaming nagsusulat, kinokopya ang ilan sa mga sipi ng aklat na hiniram ni Hamilton kanina sa isa naming classmate para sa aming klase mamaya.

Sa aking kaiisip tungkol kay Mickey, hindi ko namalayan na natulala na pala ako sa sahig. Ilang saglit na pala akong akong pinagmasdan ni Hamilton, nakangiti, at halatang gustong malaman kung ano ang naglalaro sa aking isipan sa mga saglit na iyon.

Nakapatong ang kaliwang hita ko sa kanang hita niya, sinubukan niyang itaas ang kanyang tuhod upang unti-unti ngunit maingat niyang maiusog ang aking hita sa singit niya. Todo ngiti ang kumag dahil ako'y nanatilig nakatitig lang sa sahig habang patuloy siya sa kanyang ginagawa.

Nagulantang ako nang biglang hawakan na niya ang aking hita upang idiin pa sa kanya. Napatingin ako sa kanya sa pagkabigla habang nanlalaki ang aking mga mata at siya namang sagot sa akin ng kanyang malakas na halakhak. Bumangon ako agad sa inis at nagpagpag ng aking likuran gamit ang aking isang kamay. Di alintana sa akin na nagsihulog ang mga gamit ko sa lapag na kanina'y kalong ko sa aking gilid.

"Gago ka ah!" gigil at pabulong halos na sinabi ko sa kanya habang ang mga kila'y ko'y halos magdikit sa inis.

Namumula na ang buong mukha ko sa mga sandaling iyon nang dapuan ako ng matinding kaba nang matanto ko kung saan nakapatong ang hita ko kanina. Agad akong tumalikod sa kanya nang unti-unti kong maramdaman ang init na namumuo sa aking mga pisngi. Dali-dali kong kinuha ang mga gamit kong nagsihulog sa sahig habang nakayukong tinatago ang mukha ko sa kanya na siya namang pilit niyang sinisilayan upang ako'y lalong tuyain.

"Sana hindi niya ako mahalata!" ang paulit-ulit kong sabi sa aking sarili.

"Ano ba yang iniisip mo? Share mo naman baka magamit ko rin sa class natin mamaya." ang biro niya habang ngiting-ngiti na pinagmamasdan ang naging reaksyon ko sa ginawa niya.

"Tigang ka lang! Lapitan mo na yung Greta na iyon! Puro ka lang tingin!" ang asar kong sagot sa kanya't pangingibang usapan.

"Fourth year na siya at graduating. Masaya na ako sa tingin-tingin lang, pre."

Dali-dali akong lumakad palayo. Napatayo siya sa kanyang puwesto't nagmadaling nag-ayos ng kanyang mga gamit.

"San ka punta?" sa kanyang pagkabigla habang hawak ang kanyang gamit at pinagmamasdan akong lumalayo na sa kinaroroonan niya. Hindi ko siya sinagot at nanatili lang sa paglalakad pero sa pagkakataong ito'y binagalan ko na dahil sa naramdaman ko na ang paghupa ng pag-init ng aking mga pisngi.

"Oi! Jarred! Sandali lang!" pahabol niyang sigaw sabay takbo bitbit ang kanyang bag na hindi pa naisasara ang zipper.

Mabilis din niya akong naabutan, hindi ko na napigilang magsungit.

"San tayo punta?" bagyang hiningal niyang tanong habang kasabay kong naglalakad. Simangot lang ibinalik ko sa kanya habang nakatitig sa sahig na aking dinaraanan.

Alam ni Jarred na madali akong mainis. Kapag napansin niyang hindi na ako sumasagot ay hindi na lang siya nagsasalita. Kaya ginawa niya rin iyon sa akin kanina nang apakan ko ang paa niya dahil sa akin niya nakuha ang ideyang iyon. Ginagaya niya lang ako sa aking ginagawa bilang biro.

Sunod lang siya sa aking naglakad palabas ng campus patungo sa University Mall sa bandang kanan lamang pagkalabas ng gate.

Sa mga oras na iyon, maraming kolehiyala ng Benilde at main ang tambay roon. Mga sosyal karamihan. Hindi mo naman maiiwasan dahil bukod sa dala na ang pangalan ng school di hamak na may yaman naman talagang ipagmamalaki ang mga ito na nagmula sa kanilang mga magulang.

"KFC tayo! Gutom na ko." ang nahihiya kong yaya sa aking kasama nang marating namin ang entrance. Nginitian lang ako ni Hamilton at inakbayan.

Pagpasok sa restaurant, may karamihan ang mga kumakain kaya't pinauna na ako ni Hamilton na humanap ng aming malulugaran habang bitbit ang kanyang knapsack. Nakahanap ako ng isang pares ng magkaharap na upuan malapit sa bintana at doon ako nagmadaling umupo.

Habang ipinapatong ko ang bag ni Hamilton sa kaharap na upuan ng sa aki'y naramdaman ko ang pagkalam ng aking sikmura nang matauhan ako sa malakas na amo'y na nagmumula sa kusina. Amo'y french fries at fried chicken na pinaghalo. Napangiti akong nakatingin sa tanawin sa labas habang marahang inilalapat ang aking puwitan sa upuan.

Napabuntong hininga ako. Hindi na ako makapaghintay na matikman muli ang aking paborito na sa ilang saglit lamang ay malalasap ko na ngunit sa katahimikan ng aking munting mundo na muling nabuo sa sulok na iyo'y naisip kong muli si Mickey.

Lumipas ang sampung minuto nang dumating si Hamilton dala ang pareho naming laging kinakain dito. Inabutan na niya akong malalim ang iniisip habang nakatitig sa labas at nakapangalumbaba.

"Pare, makikilala mo rin ang dream girl mo." ang wika niya habang inilalapag ang tray ng amign pagkain sa mesa. Naagaw nito ang aking pansin at pilit na natawa.

"Hindi iyon ang iniisip ko no. Yung assignment natin mamaya." ang palusot ko sabay kuha ng kutsara't tinidor na nasa ibabaw ng tray.

"Tol, kilala na kita. Hindi assignment natin ang iniisip mo at kahit kailan hindi ka magkakaganyan kung tungkol sa school lang ang iniisip mo." ang pagpapatunay niya't pamimilit. Kinuha rin niya ang pares ng kutsara't tinidor niya matapos ipatong sa aking tabi ang isang large na baso ng inumin mula sa tray. Doon ko napansin ang pagiging maasikaso niya sa iba habang pinanonood ko siya sa kanyang patuloy na ginagawa.

"Alam mo ba? Nabalitaan ko kanina may eksena daw dun sa terminal sa Lawton kaninang tanghali. Di mo ba inabutan kanina? Di ba oras ng dating mo iyon doon?" ang panimula ni Hamilton habang kumakain upang tumuloy ang aming pag-uusap dahil sa hindi talaga niya ako mapapaamin sa kung ano man ang gumugulo sa aking isipan.

Patay malisya lang ako sa nasabi niya't sinabing "Anong eksena? Wala naman."

"Tol! Yun idol ko daw nandoon kanina!" ang tila biglang nasabik niyang sinabi. Natigilan siya sa paghimay ng manok sa kanyang plato.

Sa mga musikero, kilala si Mickey tulad ni Eli Buendia. Alam kong napakataas ng tingin ni Hamilton doon ngunit ni minsa'y di ko nabanggit sa buong tanan ng buhay ko mula nang tumuntong ako ng highschool nang mag-aral ako dito sa Maynila.

"Eh ano naman ngayon?" ang tila nawalan kong ganang pakikipag-usap sa kanya habang nakatulis ang aking mga labi.

"Tol naman! Sana hiningian mo man lang ng autograph para sa akin! Tatanawing kong utang na loob iyon! Gagawin ko lahat para lang makabawi sa iyo!" pagmamkaawa niya. Bakas sa kanyang mga mata ang pag-asang mayroon akong maibibigay sa kanya.

"Talaga lang ha? Eh... Kung nakuha ko nga yung autograph niya kanina, sagot mo gala natin mamaya?" ang biro kong kinagat naman agad niya. Mabilis napuno ng sigla't buhay ang kanyang mga mata sa kasabikan.

"So, nakuha mo nga? Pre! Promise sagot ko lahat ng gimik natin!" naaawa na ako sa kanya habang pinagmamasdan ko siyang magkahawak pa ang mga kamay na parang nagdarasal.

"Drawing ka lang! Hindi ko nakuha. Sorry!" ang sumbat ko at nagsimula na kumain. Kita sa kanya ang matinding pagkadismaya. Malungkot siyang nagbalik sa kanyang pagkain.

Sa mga sandaling iyon, isang pamilyar na itim na Corola ang tumigil sa tapat namin. Napatingin kami ni Hamilton at pinanood kung sino ang lalabas mula rito.

Parehong nanlaki ang mga mata namin nang makita ang binatang bumaba. Ang sa kanya'y kasabikan at ang sa akin nama'y matinding pagkamuhi. Sa mga sandaling iyo'y napatingin na rin ang ibang taong nasa loob ng restaurant at ganoon din ang ibang mga nasa labas.

Isang gwapo't matangkad na binata ang lumabas mula sa kotse. Nakaitim siyang shirt ngunit ang lahat sa kanya'y pamilyar.

"Si Mickey!" ang biglang nasabi ni Hamilton habang puno ng pagkain ang kanyang bibig kaya't ang ilang kanin mula rito'y tumalsik at dumikit sa salamin ng bintana.

Tumalikod ako mula sa bintana upang itago ang aking mukha mula kay Mickey nang mapansin kong sinusuri niya ng tingin ang paligid.

Isang saglit lang ang lumipas at narinig kong may kumatok ng tatlong beses sa salamin ng bintanang nasa aking tabi.

Marahan kong tinignan si Hamilton sa gilid ng aking paningin sa kaliwa. Kita sa kanyang mga mata ang pagkabigla at siya'y naguguluhan.

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


jeffyskindofstory.blogspot.com



by: Jeffrey Paloma

Ang Unang Pagtatagpo


"Jarred... Bakit ka kinakatok ni idol sa bintana?" ang nagugulumihanang sinabi ni Hamilton sa akin.

"Shit! Bakit dito pa at ngayon pa?! Gutom na gutom na ako! Ano ginagawa niya dito?!" sigaw ng aking kaluluwa sa matinding inis at kahihiyan.

"A-e... Ha?... Ano ulit yung sinabi mo?" ang pagkukunwari ko sa kanya sabay tawa ng pilit. Tumuro lang siya sa bintana habang natutulala.

"Jarred!" ang mahinang panawagan ni Mickey sa likod ng salamin. Napilitan akong lingunin si Mickey at inilabas lahat ng aking kaplastikan sa aking katawan.

Pilit akong ngumiti at kumaway saglit sa lalaki sa labas at tumalikod muli.

"Jarred... Magkakilala kayo ni idol?" at napilitan na rin akong tumango sa tanong niya bago itakip sa aking mukha ang aking mga palad at yumuko.

Sa mga sandaling iyon ay naglakad na papasok ng University Mall si Mickey papunta sa loob ng restaruant kung saan kami narron ni Hamilton. Sinundan siya ni Hamilton ng tingin habang natatarantang kinukuha ang kanyang notebook at papel sa loob ng bag.

"Loko ka Jarred! Magkakilala kayo ni idol hindi mo sinasabi sa akin?" ang tampo niya.

"Milton naman... Please?" ang nasabi ko na lang at muling nagtakip ng mga palad sa mukha.

"Tignan mo nga lamang ng iPod ko..." sabay kuha niya nito mula sa kanyang bag para ipakita sa akin na halos lahat ng laman nito'y mga awitin ni Mickey matapos ay agad ding ibinalik ito.

"... Lahat ng concerts niya pinanood ko! Picture sa wallet ko picture nila ng love team niya!" ang pahabol niyang tampo at bago ko pa napansin ay bigla na lang siyang natahimik.

"Jarred. Dito ka pala nag-aaral?" ang tinig na pamilyar na sinundan ni Hamilton agad. Nakatayo na si Mickey sa aking harapan.

"Idol! Tropa ko yang si Jarred! Autograph naman diyan!" ang natatarantang banat ni Hamilton sabay abot nito ng kanyang notebook at ballpen dito. Malugod namang pinansin ni Mickey ang hiling niya't saglit na nagsulat sa inabot ni Hamilton. Di ko pa rin gustong alisin ang takip sa aking mukha sa mga sandaling iyon.

"Nagugutom na ako. Sasabay na ako sa inyo ha?" ang paalam ni Mickey kay Hamilton sabay tingin sa akin. Nanlaki ang mga mata ni Hamilton sa tuwa't abot tenga ang kanyang mga ngiti sa narinig. May tatlong estudyante na rin ang lumapit kay Mickey upang humingi ng autograph at nagpakuha ng litrato sa kanilang mga cellphone. Pakunwaring tinignan ko ang aking relo't nagmamadaling kinuha ang aking gamit habang abala ang lahat.

"Tol san ka punta?" ang tanong ni Hamilton sa akin nang ako'y mapansin niya. Napatingin sa akin si Mickey.

"Mauuna na ako sa inyo ha? May gagawin pa ako. Malapit na yung next subject ko eh." ang paalam kong tatanga-tanga habang pilit na nginitian ang dalawa. Nagmamadali akong naglakad palabas at narinig ko na lang si Hamilton na sinasabi na "Tol dalawang oras pa bago ang next class! Huwag ka muna umalis!"

Sa aking pagdaan sa labas ng bintana kung saan kami naroon kanina'y nilingon kong muli si Mickey habang si Hamilton ay abala tulad ng ibang tuwang-tuwa sa celebrity na kasama nila. Nadismaya si Mickey. Hindi ko alam kung bakit pero lubos ko itong ipinagtaka.

Habang naglalakad papunta muli sa gate ng unibersidad, bumagal ang mga hakbang ko nang mapuna ko ang bilis ng tibok ng aking dibdib sa mga sandaling iyon. Naiinis ako't nahihiya. Akala ko'y nalampasan ko na ang lahat matapos ang ilang taon.

Binunot ko ang aking music player mula sa bulsa habang ang isang kamay ko'y nagkakabit ng earphones sa aking magkabilang tenga. Habang maliliit ang aking mga hakbang ay hinagilap ko ang isang tugtuging inilagay ko rito na kay tagal ko na ring hindi napapakinggan. Isang paboritong kanta noong ako'y bata pa na punong-puno ng dahilan. Tinitigan ko ng saglit ang title ng kanta. Nagdadalawang isip kung pakikinggan ko ba hanggang sa pinatugtog ko na lang ito di handa sa maaaring dalin nito sa akin.

Natigil ako sa paglalakad habang unti-unting namuo ang luha sa aking mga mata habang pinakikinggan ang intro pa lang ng musika. Natuko na lang ako't nagpatuloy sa paglalakad. Unti-unting nagbalik sa akin ang nakaraan.

Ang Nakaraan - Ang Unang Pagtatagpo

Katatapos lang ng isang matinding ulan sa amin. Sabado noon kaya't wala akong pasok sa school. Maaga nang magising ako't wala ang mga tao sa bahay.

Nakaupo ako sahig sa ng aming sala at abalang naglalaro ng Super Mario Brothers sa Family Computer. Kahit nakukuba na ako't namumula na rin ang aking mga matang bilad na sa apat na oras na paglalaro'y di ko pinapansin ang pangangati ng mga ito. Kahit ngawi't na'y iniiba ko lang ang aking pusisyon upang makapaglaro pa rin.

Nang marinig ko ang malakas na langitngit ng aming kinalawang na gate sa labas mula sa bintana ay para akong binuhusan ng malamig na tubig. Mabilis na tumibok ang aking dibdib sa matinding takot at nanlamig ang aking mga palad.

Nagmamadali kong pinatay ang computer at telebisyon. Nakasaksak pa ang bala nito at barubal kong iniligpit ang mga ito sa karton at pilit na isinaksak sa ilalim ng patungan ng telebisyon kung saan ito laging nakatabi. Pilit kong inayos ito para magmukhang hindi ko ito ginalaw ngunit huli na ang lahat at ang tanging gusto kong gawin ngayon ay ang magtago sa aking silid.

Para akong lulundag sa pagtayo ko't pangangaripas ng takbo paakyat ngunit naabutan ako ng aking ama nang buksan niya ang pintuan ng bahay. Bago ko pa maabot ang hagdanan ay mabilis na inabot ako ng isang kilong karne na nasa supot na kanyang pinamili. Tumama ito sa likuran ng aking balikat at sa lakas ay nadapa ng patagilid sa sahig ng malakas. Buti na lamang ay nasalo ng aking braso ang aking ulong untik na umuntog sa sahig.

"Akala mo mauutakan mo akong bata ka ha! Ang aga-aga computer na agad!" ang malakas na sinabi ng aking ama. Inayos ko ang aking sarili upang makaupo paharap sa kanya. Takot na takot kong pinagmasdan siya. Matangkad, katamtaman ang kayumangging katawan. Nakasuot siya ng maong na shorts at sandong puti. Ang kanyang mukha'y aking minana, masungit ang itsura ngunit sa mga sandaling iyon ay nakakatakot talaga siya dahil sa talim ng titig niya't alam kong gagawin niya sa akin.

Mabilis niyang inalis ang kanyang brown na sinturong gawa sa balat at agad niya itong pinadapo ng paulit-ulit sa akin. Walang ingat itong nilatay ang halos lahat ng aking musmos na katawan. Hagulgol na malalakas lamang ang aking pinakawalan sabay ng nanginginig na hinaing at pagmamakaawang tigilan na niya ang pananakit sa akin.

"Papa! Tama na po! Ayoko na! Hindi na po ako uulit!" ang pagsusumamo ko habang pilit na ipinansasalag ang aking mga palad at braso sa paparating na paglapat ng kanyang sinturon sa aking kanina'y maputi na ngayo'y namumula nang balat sa latay.

Kumulot akong humiga habang paulit-ulit pa rin niya akong nilalatay ng kanyang sinturong puno ng puot na hindi ko maintindihan ang tunay na pinag-uugatan.

Araw-araw na libangan iyan ni itay, kaunting pagkakamali'y may latay na katapat tuwing nasa bahay siya. Kadalasan, walang dahilan bigla niya na lang akong patatamaan. Walang ginagawa ang nanay ko kapag nariyan siya't nilalatay ako. Parang di na rin bago sa kanya na makita niya akong may mga pasa tuwing uuwi mula sa opisina.

Isang oras ang lumipas at napagod din ang aking ama. Hingal man siyang tumayo ng tuwid ngunit sa buntong hininga niya'y tila nakaramdam siya ng ginhawa. Nagmamadali akong bumangon at tumakbo paakyat sa aking silid habang pinupulot niya ang ibinato niya sa aking supot ng karne na pinamili niya. Hagulgol pa rin ako ng hagulgol sa tindi ng sakit ng aking katawan habang tinatahak ng dahan-dahan ang hagdan at tinitignan ng masama ang aking tatay.

"Ano?! Gusto mo pa?! Putang ina kang bata ka!" ang malakas na mura niya habang nakataas ang siturong hawak pa rin niya. Gigil na gigil siyang napakagat sa kanyang labi na tinatakpan ng kanyang makapal na bigote habang ang mga mata niya'y nanlilisik pa rin. Gusto kong gumanti ngunit hindi ko gagawin iyon at di ko magagawa iyon dahil sa mahal ko pa rin siya. Hindi ko lang maintindihan ang dahilan ng matinding galit niya sa akin.

Nang makarating ako sa aking silid ay nagtago ako sa ilalim ng aking kama na tulad ng lagi kong ginagawa tuwing ako'y pinagmamalupitan niya. Punung-puno ng alikabok ito tulad ng mga karton ng sapatos ng aking mga magulang na doon itinabi ng aking ina. Nagsidikitan na ang alikabok sa aking katawang basa ng malamig na pawis habang isinisiksik ko pa ang aking katawan sa pinakadulo nito na nakadikit sa pader mismo ng kuwarto.

"Hindi ako mahal ng tatay ko. Walang nagmamahal sa akin." ang paulit-ulit na sinasabi ko sa aking sarili habang patuloy ang aking pag-iyak. Hindi ko nauunawaan ang lahat ngunit dahil sa pangmamaltrato sa akin ng ama'y alam kong hindi ako tulad ng ibang mga bata. Dahil diyan, hindi ako nagkaroon ng kaibigan at hindi ako palalabas ng aming bahay. Nahihiya akong insultuhin ng ibang mga bata sa aking mga pasa. Nagkaroon ako ng inferiority complex.

Sabay ng aking pagtangis ang biglang pagbuhos ng malakas na ulan sa labas ng bahay. Unti-unting lumamig ang hangin sa loob ng silid sa pagpasok ng hangin sa bintana. Nakatulog ako sa lagay na iyon sa matinding pagod ng kaiiyak.


Tanghaling tapat nang araw ding iyon. Makulimlim pa rin ang kalangitan. Kay gandang pagmasdan ang mga puno at halamang malalago sa gilid ng kasladang aming tinatahak. May binili lang kami ng aming kasambahay sa isang maliit na grocery sa loob ng baranggay namin at pauwi na kami.

Pinadadausdos ko ang aking mga paa sa naipong tubig habang binabaybay ang gilid ng kalsada papunta sa amin. Tuwang-tuwa akong pinanonood ang aking tsinelas na puti na may strap na kulay asul habang ginagawa ko ito. Tila bangkang umuusad ito sa bawat hakbang na ginagawa ko. Kahit tumalansik man ito sa maikling kulay asul kong shorts na gamit ko noong nakaraang school year ay balewala lamang sa akin. Lubos ko pa iyong ikinatuwa.

"Jarred madumi yan tigilan mo nga! Ikaw bata ka talaga!"ang suway sa akin ng aming katulong na si ate Anne habang mahigpit ang kanyang hawak sa aking kaliwang braso at ako'y hinihila palayo sa aking nilalakaran. Halos mabitiwan na niya ang ilang bote na nasa supot na aming pinamili sa kanyang kaliwang kamay kahihila sa akin palayo sa gutter.

"Ayoko nga! Naglalaro ako eh!" ang mariin kong pagsuway habang patuloy pa rin sa aking ginagawa habang pilit na nilalabanan ang aking yaya. Medyo masakit lang ang braso ko sa mga sandaling iyon dahil isa iyon sa mga bahagi ng katawan kong may pasang halos kulay purple na sa mga namuong dugo.

Walang nagawa si ate Anne sa akin. Patuloy lang ako sa aking ginagawa hanggang sa pareho naming napansin ang isang malungkot na tunog na nagmumula sa paparating na itim at makintab na karo ng patay sa di kalayuan. Sa likod nito ay tanaw mo na ang mga kasunod nitong nakapayong na kamag-anak ng namayapa na na naglalakad. May mga floral habang ang iba nama'y may matingkad na kulay lang tulad ng dilaw at purple.

Natigil kaming dalawa't pinanonood ang buong haba ng parada. Patuloy pa rin naman ako sa pagkawkaw ng tubig sa aking kinatatayuan gamit ang aking mga paa. Maya't-maya'y pinagmamasdan ko ang ginagawa ko't napapangiti bago ko ibalik ang aking pagmamasid sa mga dumaraan.

Nakabihis ang ilan sa mga naglalakad na sumusunod sa karo samantalang ang iba naman ay nakapambahay lamang.

Maya-maya pa'y biglang hinila ako ni ate Anne nang nilapitan niya ang isang dalagang sing edad marahil ng aking ina. Napatigil saglit ang nilapitan niya't lumakad ng kaunti palayo sa pila upang hindi makaabala sa ibang naglalakad.

Isang magandang babae na namamaga ang mga singkit na mata sa pagtangis ang pilit na nginitian si ate Anne. Balingkinitan lamang ang katawan niya't mestisa rin tulad ng aking ina. Naka-puting blouse siya at itim na paldang pencil cut. Tanging pares lang ng tsinelas lamang ang kanyang sapin sa paa.

Maliit lang ang baranggay namin na nahati sa limang village lamang na parang sardinas na magkakadikit. Dahil diyan, halos lahat magkakakilala.

"Ma'am Nalani, condolence po!" ang sabi ni ate Anne sa kanya at sinalubong siya nito ng isang mahigpit na yakap na sinabayan ng hagulgol.

"Mary Anne wala na siya! Wala na siya! Hindi ko alam ngayon kung paano na kami ni Makoh!" ang nanginginig at may kalakasang pagkasabi ni Nalani ng kanyang matinding hinagpis.

Para akong tangang pinagmamasdan ang dalawa nang mapansin ko ang isang batang lalaki sa gilid ni Nalani na nakabalot ang kanang braso sa bandang baywang niya. Iyak siya ng iyak habang paulit-ulit na pinupunasan ng kanyang braso ang kanyang mga mata. Singkit, mestiso, at balingkinitan ang katawan. Nakasuot siya ng isang maluwang na itim na shirt at maong na tinernuhan niya ng isang pares ng itim na rubber shoes.

Nagsimula na akong makaramdam ng matinding lungkot habang pinapanood lang siya. Bigla kong naisip ang aking mama. Nagsimula na mangilid ang aking mga luha sa mga sandaling iyon na agad kong pinunasan ng aking puting sandong may maliliit na butas.

"Diyan lang ang libing niya. Sasabay na ba kayo?" ang tanong ni Nalani kay Anne pilit tinatahan ang sarili.

"Uwi mo na lang yang mga pinamili mo Anne sasama na kami ni Jarred sa libing." ang pautos na tono ng aking ina patukoy kay ate Anne at sa akin. Nasa pila na pala si mama at simpleng t-shirt at palda lang ang suot niya. Hinaplos lang ni mama ang likuran ni Nalani nang maabot niya ito't pagkatapos ay pinisil-pisil ang balikat upang ipadama ang kanyang pakikiramay.

"Pasensiya na, nagluto pa ako ng tanghalian namin para makakain na rin ang mister ko." ang paumanhin niya sabay kuha ng kamay kong inabot ni ate Anne sa kanya.

"Salamat. Tara na." ang sagot ni Nalani kay mama at nagpatuloy na kami sa paglalakad kasabay ng ibang nakikipaglibing. Si ate Anne nama'y humayo na pauwi sa amin.

Magkasabay na naglakad ang mga ina namin. Nasa kaliwa ako ni mama at ang anak naman ni Nalani'y nasa kanan niya. Parehong hawak ang mga kamay namin habang ang isa naman nilang kamay ay taas ang kanilang mga payong.

"Nakakalungkot naman ang sinapit ng asawa mo." ang pambasag ni mama sa katahimikang namagitan sa kanila sa pag-iisip ni Nalani ng malalim ukol sa pagkamatay ng kanyang asawa.

"Hindi ko rin alam. Napakabait na tao Marco..." ang nasagot niyang nanginginig na napigil tila nasamid sabay ng muling pagtulo ng kanyang mga luha. Saglit na binitiwan niya ang kanyang anak upang punasan ang mga ito at matapos ay hinawakang muli ang kamay ng anak.

"Wala akong alam na may galit sa kanya para paslangin siya ng ganoon." ang biglang hina niyang sinabi na puno ng poot. Napatingin si mama sa anak niya't napailing.

"Panganay mo?" ang pangingibang usapan ni mama. Tumango lang si Nalani sa kanya at saglit na nanahimik habang tinititigan ang kanyang anak.

"Hi! Anong pangalan mo?" ang malambing na bati ni mama sa kanya. Tinitigan lang siya ng bata ng kanyang malungkot at magang singkit na mga mata. Nakakaawa. Hindi ko nanaman naiwasang maluha sa itsura niya. Madali akong malungkot kapag nakakakita ako ng umiiyak o ganoon ang itsura ng mukha dahil sa isang mabigat na dahilan.

"Ilang taon ka na?" ang dagdag pa ni mama sa kanya ngunit malungkot na titig pa rin ang nakuha ni mama.

"Seven years old na si Makoh. Hindi na siya nakapagsasalita nung makita siya ng mga pulis sa ilalim ng kama sa kwarto namin ni Marco kung saan siya pinatay. Sabi nila, dala daw ng shock." ang sagot ni Nalani kay mama habang pinagmamasdan ang kawawang anak.

Hindi ko man lubos na nauunawaan ang lahat. Ang alam ko lang, gusto kong kunin ang hirap na dinadala ngayon ni Makoh. Bumitiw ako kay mama't nilapitan ang batang kasing edad ko lamang at hinawakan ang isa niyang kamay.

"Mickey, laro tayo mamaya ha? Dun tayo sa amin may family computer ako!" ang yaya ko sa kanyang masigla. Mabilis siyang tumango nang pareho kaming tumigil saglit sa paglalakad. Niyakap ko siya ng mahigpit at nakita nila mama na siya'y napangiti.

"Tignan mo nga naman ang mga bata. Ang bait naman ng anak mo, Sabina. Mickey pa ang tawag kay Makoh." ang nasabi ng natatawang si Nalani. Nangiti din si mama sa kanyang narinig. Ako naman, mahilig talaga ako magbigay ng pangalan. Hindi ko rin maunawaan kung bakit ginagawa ko iyon pero Mickey ang tawag ko sa kanya gawa ng korte ng pagkahati ng kanyang buhok sa gitna na tulad ng kay Mickey Mouse na patulis sa gitna ng noo.

Nagpatuloy kami sa paglalakad nang bumitiw na ako kay Makoh at bumalik sa tabi ng aking ina.

"Wala kasing kapatid yang si Jarred. Wala ring kaibigan kasi hindi pala labas ng bahay tapos sa school parang wala namang ikinukuwento sa akin. Puro Family Computer ang alam gawin ng batang iyan!" ang sagot ni mama na unti-unting lumalabas ang tono ng pagkaperwisyo. Saglit na muling natawa si Nalani sa naibahagi ni mama sa kanya.

Wala akong magagawa, classmates ko nakakausap ko lang tuwing recess namin. Tuwing dumadating naman ako sa school flag ceremony na halos. Kung uwian naman, para akong kabayong nakawala sa kuwadra kung kumaripas ng takbo palabas ng school upang mauna sa tricycle na naghahatid-sundo sa akin para lang makauwi na't makapaglaro ng computer.

"Parehas pala silang walang kapatid..." ang wika ni Nalani. Napatingin siya sa aking balikat na may pasang malaki at napatingin kay mama.

"...Napaano ang balikat niya?" sabay turo niya dito.

"Malikot kasi yang batang yan minsan tapos madalas pa pumapak ng asukal kaya tinubuan ng maraming pasa." ang sagot niyang tila may ikinakaila mula kay Nalani.

Sa mga sandaling iyon. Napatingin si Makoh sa tinutukoy ng kanyang ina. Bumitiw siya sa hawak nito't tumabi sa akin. Nagulat ako sa ginawa niya nang bigla niyang hawakan ng mahigpit ang aking kamay. Napangiti ako nang unti-unti kung maramdaman ang tuwa na mayroon na rin akong isang kaibigan.

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


jeffyskindofstory.blogspot.com



by: Jeffrey Paloma

Take Me, I'll Follow


Natauhan na lang ako nang mabangga ako ng dalawang babaeng estudyanteng nagmamadaling lumabas ng unibersidad. Kilig na kilig ang dalawang nag-uusap habang nagmamadali sila sa kanilang paglalakad. Marahil ay may nagtext sa isa sa kanilang naroon sa University Mall ang kinababaliwan ng karamihan na aking iniiwasan. Nasa lobby na ako malapit sa labas ng classroom ng aming susunod na subject. Sarado pa ito't walang tao marahil sa loob.

Sumalampak na lang ako sa gilid habang nakasandal sa pader ng silid aralan. Tulalang nakikinig ng paulit-ulit sa musikang iyon. Hindi ko na namalayan ang paglipas ng oras habang paulit-ulit ang kirot ng aking damdamin sa mga sandaling iyon habang pikit na sinasariwa pa ang iba sa aking nakaraan.

"Jarred!" sabay ng isang malakas na tapik sa aking tagiliran. Nasa tabi ko na pala nakaupo si Hamilton. Nakatulog na pala ako. Gulat na gulat kong tinitigan si Hamilton. Abot tenga ang ngiti habang nakataas ang isa niyang kamay upang ipakita sa akin ang bitbit niyang supot ng tinake-out na pagkain kong di natapos kanina.

"Natutulog ka lang pala dito. Kung saan-saan pa kita hinanap kanina." ang may kalakasan na sinabi niya. Bakas sa kanya na excited pa rin siya na nakita niya ang kanyang iniidulo. Hindi ako sumagot at kinuha na lang ang iniaabot niya't ipinatong ito sa aking tabi. Sa mga sandaling iyon ay nagdaratingan na rin ang iba naming kamag-aral at naghihintay sa labas ng classroom tulad namin. Napatingin ako sa relo ko't napansin na limang minuto na lang pala at magsisimula na ang aming klase.

"Tol, bakit ka biglang umalis kanina?" ang tanong ni Hamilton.

"Wala lang. Inaantok ako." ang palusot ko.

"Hindi yun ang ibig kong sabihin eh. Bakit parang iniiwasan mo si idol?"

"Bahala ka kung ayaw mo maniwala." ang iritado kong sagot sa kanya sabay bangon upang ayusin ang aking sarili sa pagpasok sa silid. Sa mga sandaling iyon ay parating na ang aming professor na si Mrs. Miranda.

Maliit ang malusog katawan ng matandang guro namin laging nakasuot ng pencil cut na slacks at puting blouse. Pinapalamutian niya palagi ang kanyang maikling leeg ng mga kwintas na gawa sa malalaking swarovski stones na iisa ang kulay. Sa araw na iyon, kulay emerald green ang nakalambitin hanggang sa kanyang dibdib.Ang msa malalaki't bilugang hikaw niya'y tila karugtong ng kanyang suot na makapal na salamin. Kulot ang buhok niyang kulay abo na at ito'y laging gupit lalaki sa ikli.

"Ayan na si ma'am!" ang marka ng iba naming kaklase. Nagsipila ang iba malapit sa pintuan nang maabot ito ng aming guro.

Hirap na hirap si Mrs. Miranda sa paghahanap ng tamang susi para sa pinto nang maabot niya ang tarangkahan.

"Ang dami naman kasi." ang puna ko sa hawak niyang bugkos ng mga susi habang inip na inip na ring mabuksan niya ang pinto.

"Tol..." ang sabi ni Hamilton nang makatayo na rin siya't makalapit sa aking tabi matapos kumapit sa aking balikat. Nakatingin siya sa lalaki sa likod ni Mrs. Miranda tulad ng iba kong mga kamag-aral.

"Pwede ba, Milton?" ang sagot kong mariin habang awang-awa sa aming matandang guro sa kanyang ginagawa.

"Ayos! Classmates pala tayo! Tabi tayo ulit ha?" ang masiglang bati sa akin na kumuha sa aking pansin. Nanlumo ako nang makita kong katabi lang pala ni Mrs. Miranda si Mickey. Selective kasi masyado ang aking puna kaya't di ko nakitang kasama pala niyang dumating ang aming professor.

"Alphabetical ang arrangement..." singit ni Hamilton na abot tenga ang ngiti. Walang kaalam-alam si Hamilton umaasang makakatabi niya si Mickey sa upuan.

"Narazaki ka... Navarro ako... Marquez si Jarred... Una ka sa akin sa row idol!" dagdag niya nag-iisip tila nagbibilang pa sa mga daliri iniisa-isa ang mga apelyido ng aming mga classmates. Nangiti lang si Mickey sa kanya habang ako nama'y pikon na't sa malayo nakatingin.

"Marquez tunay na apelyido ko." sabay akbay ni Mickey sa akin na agad kong itinaboy. Nagulat lang siya sa aking ginawa't napatingin habang ako nama'y nagmamadaling pumasok na sa loob ng silid dahil sa mga sandaling iyon ay nabuksan na rin ng aming guro ang pintuan.

Nang marating ko ang akin upuan ay nagmamadali akong naglabas ng kwaderno't panulat. Pinilit kong nagpakaabala sa aking ginagawa habang paparating si Hamilton at Mickey.

"Ms. Melchor and the rest. Move one seat for Mr. Marquez." ang may autoridad na pagkakasabi ng aming guro habang nakatayo sa harapan at inilalapag ang kanyang tatlong aklat sa ibabaw ng kanyang mga gamit. Paupo pa lang sa mga sandaling iyon ang tinutukoy ni Mrs. Miranda na si Nina tulad ng iba.

Si Nina Melchor, isa sa ilan sa aking mga kaklase na kasama naming gumigimik. Mestisa, abot balikat ang kanyang buhok na may tinang kulay brown. Lagi siyang may manipis na make-up lagi sa kanyang mukha tulad ng karamihan dito sa unibersidad. Simple lang siya manamit kahit anak mayaman. Sa araw na ito, nakasuot lang siya ng puting shirt at hapit na maong.

"Pssst! Jarred! Mamaya ha? After class." ang bulong niya matapos akong kalabitin sa aking balikat. Tumango lang ako sa kanya at nagbalik sa aking ginagawa. Iritadong-iritado naman siyang lumipat ng upuan sa bandang likod na halang dahil ang upuan nami'y ang nasa pinaka dulo ng halang namin.

"Mr..." ang pahabol ng aming guro matapos ilabas ang listahan ng kanyang mga estudyante sa subject na ito. "... Marquez, please come over here."

"Ma'am?" malakas at sabay na tugon namin ni Mickey sa aming guro. Ganoon din na sabay kaming napatingin sa kanya. Napatawa ng mahinhin ang aming propesora sa kanyang nagawa.

"Oh dear, my bad. I meant Mickey. Not you Jarred. Dalawa na pala kayong Marquez sa klase ko ngayon." paumanhin niya sabay kaway kay Mickey upang pumunta ito sa harapan. Malugod naman siyang sumunod. Sa mga sandaling iyon.

"Whoo!!! Idol!!!"Naupo na si Hamilton sa aking tabi. Halata sa kanya na kumpletong kumpleto na ang araw niya. Napapapalakpak pa na parang tumatawag lang ng kalapati. Nakikihiyaw tulad ng iba naming mga kamag-aral. Pakaway-kaway naman si Mickey sa lahat na parang nahihiya.

"Ano ba 'to classroom o studio?" ang iritado kong bulong sa aking sarili habang nakasubsob ang aking mukha sa aking kwaderno't gumuguhit ng kahit anong magawa ng aking mga kamay. Iba ang laman ng aking isip sa mga sandaling iyon sa aking ginagawa.

"Mr. Marquez, please introduce yourself to them before we start our religious education subject." ang hiling ng aming guro. May nagsitiliang mga babae sa loob ng aming klase nang mapangiti si Mickey.

"Siya?? Papakilala?? Sikat na artista papakilala pa??" gigil na sigaw ko sa aking isipan habang napapadiin na ang hawak ko sa panulat ko't halos mabutas na ng dulo nito ang layer ng papel na aking sinusulatan. Walang nakakapansin sa akin dahil abala ang lahat kay Mickey.

"Hi! ang pauna ni Mickey. Napalingon siya sa aming guro nag-aalangan kung papaano niya ipapakilala ang kanyang sarili.

"Ma'am, real name po ba?" ang paalam niya.

"Ikaw ang bahala jiho."

Umubo ng mahina si Mickey upang linisin ang kanyang lalamunan.

"Ako nga pala si... umm.. Makoh Mendoza. Kilala niyo ako bilang si Mickey Narazaki. Late enrollee lang gawa ng schedule ko. Nga pala, si Jarred..." ang simula niya sabay turo saglit sa akin nang banggitin niya ang aking pangalan. Nagsilingunan ang buong klase sa akin saglit.

"... ang nakaisip ng screen name ko. Mickey kasi ang tawag niya sa akin noong bata pa kami..." at natawa siyang saglit.

"... Nakasanayan na rin siguro kaya ayun. Narazaki naman middle name ko. Tipikal daw kasi kung gagamitin ko ang Mendoza sabi nung talent scout na nakakuha sa akin." ang dagdag pa niya.

At dahil sa kanya naubos ang halos trenta minutos ng aming tatlong oras na klase sa pagpapakilala pa lang niya sa kanyang sarili. Ang dami ng mga tanong sa kanya tungkol sa love team niya ngayon at kung anu-ano pa.

Matapos ang may katagalang "press conference" na nagaganap sa loob ng aming klase'y isa-isang humiling ang aming mga kamag-aral ng isang awitin mula sa kanya ngunit...

"Ma'am okay lang po ba?" ang paalam ni Mickey. Tumango lang ito sa kanya habang nakangiti at tumingin sa relo.

"Fallin'!... Marry Your Daughter! Ay Fallin' na lang!!!" ang hiyaw ng isa naming classmate na babae. Ganun din ang ilan sa kanila na nagsabi ng gusto nilang kantahin ni Mickey.

"Sige, kakanta ako pero tahimik muna kayo. Kasi yung kakantahin ko ngayon ay isang significant na kanta sa buhay ko." ang pauna niya na parang nasa entablado lang siya na kinakausap ang kanyang mga fans.

"OO nga pala, fans nga pala niya ang mga nandito lalung-lalo na ang katabi ko." sabi ko sa aking sarili. Tungkol naman sa sinabi ni Mickey na kakantahin niya'y tila kinutuban ko na kung ano.

Tired of feeling all by myself...
Being so different from everyone else...
Somehow you knew i needed your help.
Be my friend forever...

Ang kanta ni Mickey. napakalamig ng kanyang tinig. Kay tagal ko ring di narinig ang kanyang pag-awit. Dahil sa iPod lagi ang nakasaksak at malakas ang tugtog sa tenga ko tuwing bumibiyahe ako'y hindi ko naririnig ang kahit anong tugtog na nasa radyo na aking nasasakyan. Tuwing nasa bahay naman ako'y puro cable chanels lang ang pinapanood ko kaya't kahit minsa'y di ko siya nasilayan man lang maliban sa mga posters at billboards na nagkalat.

Unti-unting nagbalik sa akin ang lahat. Ang sakit at matinding lungkot ng nakaraan habang pinakikinggan si Mickey sa awiting iyon. Hindi ko na natiis. Unti-unti nanamang namuo ang mga luha sa aking mga mata.

Agad kong pinilas ang aking sinusulatan kanina uapng sumulat ng panibago...

Mrs. Miranda,

Sorry I have to leave the soonest as my stomach isn't feeling well. I may be suffering from LBM. Will give you the clinic slip on our next class. Hope you understand I wasn't able to tell you personally as I really have to go.

Jarred Marquez


Ayos na palusot na pumasok sa aking isipan sa mga sandaling iyon makaalis lang agad. Hindi ko alam kung ano ang magiging resulta nitong aking gagawin pero bahala na.

Pinilas ko ang papel na aking sinulatan mula sa kwaderno ng mabilis. Tumunog ito ng malakas upang saglit na mapatigil si Mickey at mapatingin sa akin. Pagkatupi ko'y kinalabit ko si Hamilton at inabot sa kanya ang papel.

"Milton, samahan mo ko. Pakibigay mo muna kay ma'am yan." ang pakiusap ko habang kunwari'y iniinda ang pananakit ng sikmura habang nakahawak pa sa aking tiyan. Binasa muna ni Milton ang laman nito ngunit bago pa niya ito matapos ay sinipa ko ang kanyang hita.

"Bilisan mo na! Hindi ko na mapigilan!" at tinignan lang niya ako. Kita sa kanyang mukha ang hindi pagkapaniwala.

"Kung ayaw mo ako samahan ibigay mo na lang kay ma'am yan. Aalis na ako." at hinayaan kong tumulo ang luha mula sa aking mga pisngi habang nakatitig sa kanya. Biglang naawa si mokong kaya't agad siyang tumayo at naglakad patungo kay Mrs. Miranda at inabot ang aking sulat. Yumuko ako sa aking desk at ipinatong ang aking noo sa aking mga braso. Nang matapos basahin ni Mrs. Miranda ang aking sulat ay saglit niya akong tinignan. Sa kabilang banda, si Mickey ay patuloy lang na umaawit ng nakapikit.

I never found my star in the night...
Building my dream was far from my sight...
You came along and i saw the light...
We'll be friends forever...

"I won't be having class na rin naman today. Please assist him sa clinic but you must come back here. I'll give you guys an assignment." ang mahinang sinabi ni Mrs. Miranda kay Hamilton. Maingat na bumalik si Hamilton sa kanyang upuan. Kinalabit niya ako habang sinusuot ang kanyang bag. Agad ko siyang tiningala habang umaarte pa rin na kunwari'y namimilipit sa sakit.

"Tara na. Hindi kita matiis eh." ang dismayadong sinabi ni Hamilton. Ibinalik ko ang aking gamit sa bag at agad na tumayo. Nanatili akong nakahawak sa aking tiyan at pilit na pinatili ang aking pag-arte habang palabas kami ng classroom ni Hamilton. Siya na rin ang nagbitbit ng aking bag at supot ng take-out na pagkain. Napatingin sa aming dalawa si Mickey at nagpatuloy lang sa pag-awit habang kami'y pinanonood sa paglabas ng pintuan.

Hindi pa rin ako handang harapin si Mickey. Hindi ko na rin napigilan ang pagtulo pa ng aking mga luha. Nang makalabas ako ng pintua'y natigil akong saglit sa paglalakad at napabuntong hininga.

"Tol... yung bag mo oh." ang sabi ni Hamilton matapos niyang isara ang pintuan sa kanyang likuran. Hindi ako kumibo sa halip ay agad akong tumakbo sa pinakamalapit na palikuran habang nakayuko at pinupunasan ang aking mga luha.

"Hintay!" ang nasabi na lang ni Hamilton at sumunod sa akin sa pagtakbo.

Malakas ang pagkakabukas ko sa pintuan ng palikuran kaya't humampas ito ng malakas sa pader na kalikod nito. Nagulantang ang ilang estudyanteng naroon ngunit hindi ako humingi ng paumanhin. Dali-dali akong naghanap ng bakanteng cubicle at doon nagkulong.

Sa loob, agad kong isinara ang takip ng kubeta't doon naupo, nakapakip ang aking mga kamay sa aking basa sa luhang mukha at nagpatuloy ng pag-iyak. Pilit kong iniyak ang aking nararamdamang matinding kaulungkutan na hinaluan ng galit at pagsisisi habang nilalabanan na makagawa ng ingay. Umaalingawngaw sa akin ang inawit ni Mickey.

Ang Nakaraan: Take Me I'll Follow

Dose anyos na kami pareho ni Mickey. Naiiwan na niya ako sa paglaki. Di hamak siyang mas matangkad sa akin ngayon at nagkaroon na ng magandang hubog ang kanyang katawan ngunit pareho pa rin kaming totoy tignan sa aming mga kilos at pananamit. Lagi kaming di mapaghiwalay, nakasunod lagi ang isa kung saan man pupunta ang isa sa amin. Ako na rin kasi ang parang naging translator ng parang napipi na si Mickey mula nang mamatay ang ama niya. Kung ano ang ibig sabihin niya'y nakukuha ko at ako na ang nagsasalita para sa kanya kung hindi niya ito isusulat sa papel tuwing kakausap siya ng iba.

Iyon ang isa sa naging dahilan ng pagiging malapit namin ni Mickey. Pareho naming nauunawaan ang nais ng bawat isa. Pareho rin naming napupunan ang kawalan o kahinaan ng isa. Athletic si Mickey samantalang ako'y sa academics naman.

Para kaming magkapatid ni Mickey mula noong magkakilala kami. Minsan sa amin siya natutulog kung hindi man kami natutulog sa kanila. Laging nasa bahay namin si Mickey kasi laging nasa opisina ang kanyang ina tulad ko pero may katulong kasi kami kaya may nagbabantay sa amin sa bahay.

Nalalapit na ang bakasyon at rehersals na lang ng graduation ang kinaaabalahan namin. Nasa bahay kami ni Mickey sa araw na iyon, sa sala nanonood ng telebisyon habang nakaupo sa carnation pink na sofa namin katabi si mama. Nakashorts na maikli ang aking malusog na ina habang nakataas ang kanyang mga binti sa upuan. Ako nama'y nakasandal habang akbay ni Mickey sa isang banda ng sofa at si Mickey nama'y nakapatong ang paa sa arm rest ng upuan.

"Mama pahingi ng pera rerenta lang kami ng bala ng Betamax. Manonood kami ni Mickey." ang paalam ko sa kanya habang nakaabot ang aking palad at abot tenga ang ngiti.

"Ano papanoorin niyo?" ang tanong ni mama bago niya isinuksok ang kanyang kamay sa isang bulsa ng kanyang maong na shorts. Napatingin ako kay Mickey upang tanungin ang gusto niya. Taas lang ang dalawang kilay niya sa akin na nagsasabing ako na ang bahala.

"Wala namang bago ngayon. May dalang mga tapes ang papa mo ah. Napanood niyo na ba lahat iyon?" ang tanong niya sa akin matapos niyang hugutin ang kanyang mga daliring nakasuksok na sa kanyang bulsa. Umiling ako kay mama at muling tinignan si Mickey.

Tumayo siya't nagtungo sa telebisyon. Naupo siya roon at sa itim na patungan ng telebisyon ay inisa-isa niya ang mga nakatabi na bala ng Betamax na naroon. Sinundan ko siya't naupo rin sa kanyang tabi upang tignan kung alin ang kanyang pipiliin.

"Mac and Me?" ang tanong ko nang hugutin niya ito sa mga magkakatabing bala. Nakangiti si Mickey at mabilis na tumango sa akin. Sa mga sandaling iyon, tumayo na si mama at umalis sa upuan upang hanapin ang aming katulong upang magpatulong sa pagluto ng hapunan.

"Doon na lang kayo sa kwarto mo manood, Jarred. Malapit na ang balita." ang sabi ni mama habang papunta siya ng kusina.

Ngumisi si Mickey at biglang tumakbo paakyat sa silid. Agad akong sumunod sa kanya at nagdagundungan ang mga baitang ng aming hagdan sa aming kakulitan.

Malakas ang pagkakabukas niya ng pintuan ng aking maliit na silid. Sa lakas ng hampas nito sa pader ay nakalikha ito ng malakas na lagabog.

"Anak! Huwag kayo masyado malikot at baka makabasag kayo!" ang malakas na sigaw ni mama mula sa ibaba. Natawa kami ni Mickey sa sinabi niya bago namin isinara ang pinto.

Agad kong kinuha ang remote ng telebisyon at binuksan ang player upang masimulan na ang aming panonood. Para kaming naghabulan ni Mickey paakyat sa kama nang lamunin ng player ang balang papanoorin namin. Nagtawanan kami ng malakas nang magkauntugan pa kami nang makabalik sa upuan.

Maya-maya pa, nang magsimula na ang palabas, sa hindi ko rin maintindihang dahilan ay pareho kaming pawa ng tawa ni Mickey matapos ang isang nakakatawang eksena. Para kaming timang pero wala lang iyon dahil sa parehong bata pa rin naman kami.

Sa kasarapan ng aming panonood, hindi ko namalayan ang aking laging ginagawa. Isinubo ko nanaman ang aking daliri at kinagat-kagat ang aking kuko. Napansin iyon ni Mickey at saglit niya akong pinagmasdan. Tinapik niya ang kamay ko upang itigil ko ang aking ginagawa. Umiling siya nang mapatingin ako sa kanya.

Maya-maya habang nanonood nang sumilip ang alien sa likod ng sasakyan sa aming pinanonood ay humahagikgik si Mickey at tinuro ang alien. Napatingin ako sa kanya at tinuro naman ako ng isa pa niyang kamay.

"Kamukha ko?" tanong ko at agad naman siyang tumango at napahalakhak. Agad akong sumimangot sa kanya at umusog sa kabilang dulo ng kama.

Malaki kasi ang mata ng mga alien at hindi ako singkitin tulad niya. Hindi ko na siya kinausap pa at nanonood na lang ng palabas. Makalipas pa ang ilang saglit at nginunguya kong muli ang aking daliri at hanggang tingin na lang si Mickey sa akin maya't-maya.

Ganun ako magtampo sa kanya. Madalas din kaming nag-aasaran ngunit ako naman ang laging pikon bandang huli.

Nang makarating sa eksena kung saan umakyat sa puno yung alien matapos siyang habulin ng mga aso'y tumugtog ang theme song ng pelikula. Lumapit sa aking tabi si Mickey at binunggu-bunggo ako ng kanyang baywang ng paulit-ulit.

"Iiihh!!" sa inis ko't tumayo sa gilid ng kama na padabog. Agad niyang hinawakan ang aking kamay at tinapik ito ng dalawang beses. Iyon ang paraan niya ng paghingi ng tawad sa akin. Nagmumukmok akong bumalik sa kanyang tabi at ipinagpatuloy ang aming panonood habang nakaakbay sa akin.

Sa paglipas ng palabas, pareho na kaming nakahilata sa kama habang nakasandal ang aming mga likod sa pader na kadikit ng kama. Sa kasarapan ng aking pwesto'y mahimbing akong nakatulog sa tabi niya.

Tired of feeling all by myself...
Being so different from everyone else...
Somehow you knew i needed your help...
Be my friend forever...

Isang awitin ng isang napakaganda't malamig na boses ng isang binata ang aking naririnig at gumising sa akin habang nanatiling nakapikit ang aking mga mata. Akala ko noong una'y galing lang ito sa pinanunood namin ngunit napagtanto kong nasa tabi ko lamang ang kumakanta.

Madilim na sa silid ko sa mga sandaling iyon dahil hindi namin nabuksan ang ilaw nang pumasok kami kanina. Patay na rin ang telebisyon marahil gawa ni Mickey.

"Mickey?" ang garalgal kong tanong sa kanya gawa nang ako'y bagong gising. Hindi siya sumagot.

Nakayakap sa akin si Mickey na parang ako'y unan lang. Dama ko ang init ng kanyang katawan tulad ng init ng kanyang hiningang bumubuga sa aking bunbunan.

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


jeffyskindofstory.blogspot.com



by: Jeffrey Paloma

Si Berto, Si Nina, At Si Kent


"Jarred?" ang tinig ni Hamilton matapos muling lumangitngit ang pintuan ng palikuran. Hindi ako sumagot. Patuloy lang ako sa pagpapalabas ng aking hinaing sa loob ng cubicle.

Matapos ang ilang sandali'y natigil din ako. Inabot ko ang rolyo ng tissue sa aking kanan at pumilas ng ilan upang ipamunas sa aking mukha. Dahan-dahan akong lumabas ng cubicle nang mapansin kong tahimik na ang palikuran. Tumungo muna ako sa lababo upang hilamusan ang aking mukha at ayusin ang aking itsura.

Habang pinagmamasdan ko ang aking magang mga mata sa salamin ay dumungaw sa pintuan si Hamilton.

"Tol, mukhang nahirapan ka ah. Namaga mga mata mo kaka-ire?" ang biro niya habang nakangiti at nakatitig sa akin mula sa salamin. Natawa ako sa sinabi niyang saglit.

"Tara gimik na tayo." ang yaya ko sa kanya. Sagad sa tenga ang ngiting ibinalik ko sa kanya habang sumisinghot ng uhog. Alam ni Hamilton na nagpapalusot na lang ako.

"Umamin ka. Hindi talaga masakit ang tiyan mo no?" matapos maging seryoso ng mukha niya.

"Anong drama yan tol? Bakit iniiwasan mo si Mickey?" ang dagdag niya matapos pumasok at lumapit sa akin. Hindi pa rin ako sumasagot.

"Sabihin mo na." pamimilit niya. Umiling lang ako na parang bata at nakangisi.

Iniwan ko siya sa harap ng lababo't mabilis na lumabas ng palikuran. Hindi ko pwedeng sabihin at hindi ko rin kayang balikan ang lahat.

"Ano dapat kong gawin ngayong nandito si Mickey?" tanong ko sa aking sarili. Nag-isip ako ng malalim at nagpatuloy sa paglalakad palayo sa palikuran kahit hindi ko pa alam kung saan ako dapat dalin ng aking mga paa sa mga sandaling iyon.

Nagmamadaling sumunod sa akin si Hamilton upang makasabay ako sa paglalakad. Tahimik lang niya akong pinanood habang ako'y kinakausap ang sarili.

"Cool ka lang. Matagal na iyon. Nahahalata ka na ni Hamilton." ang sinabi ko ng paulit-ulit.

"Tol, nag-away ba kayo ni Mickey dati?" ang pambasag ni Hamilton sa katahimikang namamagitan sa amin.

"Sorry. Kalimutan na lang natin. Bad mood lang din ako buong araw siguro." ang seryoso kong nasabi at nagbalik muli ang katahimikan sa pagitan namin ni Hamilton.

Sa aming paglalakad ay napadaan kaming muli sa tapat ng classroom namin. Sa pintuan ay may nakaabang na isang bugkos ng pulang rosas. Nagmamadaling lumapit si Hamiton dito upang usyosohin kung para kanino at kanino galing ang magarang bugkos ng mga bulaklak na nakalapag.

"Kanino kaya ito? Baka kay Greg... Ngayon ba monthsary nila?" sabi ni Hamilton.

"Malay ko. Yaan mo na kung kanino man yan! Baka masira mo pa!" ang pilit kong pinarating kay Hamilton habang hinihila siya palayo mula rito. Ingat na ingat akong nagsalita ng mariin upang hindi kami marinig ng mga nasa loob ng klase. Sa mga sandaling wala na kaming naririnig na hiyawan sa loob ng silid di tulad ng kanina mula sa pintuan.

Di ko napigilan si Hamilton sa gusto niyang gawin. Binasa pa rin niya ang nakatuping card sa ibabaw nito ng pasilip habang hinihila ko siya. Nakaupo na siya sa sahig.

"Baka para kay Mrs. Miranda yan! Si Sir Mercado siguro nagpadala niyan diyan!" kinilabutan ako sa sinabi ko. Di ko lubos maisip ang dalawang senior citizen na halos maituturing ay nagliligawan pa.

"Para sa iyo yung bulaklak! Walang nakalagay kung kanino galing!" ang natatawa ngunit impit na sinabi ni Hamilton sa akin nang siya'y aking hilahin ng lahat ng aking lakas upang tumayo. Nagulat ako sa sinabi ni Hamilton.

"Impossibleng galing kay.... ang una kong nasabi sa aking nagtatalong isipan. Questions started to come out in my mind that resulted to more questions.

Kanino naman manggagaling ang bulaklak na yan?! Malansa na ba ako para maamoy ng kapwa ko?!" ang dagdag ko pa. I started to doubt myself that moment. I started to take notice of my every move that moment. I was already hesitating of what to do next at that moment. All I wanted was to get the hell out of there and talk about something else.

"Tara na! Alis na tayo dito!" ang yaya ko.

"Paano na yung iba? Si Mickey sama rin natin!" ang sabi niya nang makatayo at sumabay muli sa akin sa paglalakad.

"Text mo na lang! Hintayin na lang natin sila sa U.M.!" inis kong sagot dahil nakukulitan na ako sa kanya.

"Ikaw talaga Jarred... Kapag nakasalubong tayo ng D.O. lagot tayo." ang nasabi na lang niya habang hinuhugot ang kanyang telepono sa kanyang bulsa.

"Sa wakas! Change topic!" ang pasasalamat ko. Di ko napigilang ngumiti ng malaya sa mga sandaling iyon.

"Close pa naman ni ma'am yung tambay sa gate. Ang cute mo kasi eh!" sagot ko sa kanya na may halong pagbibiro.

Saktong patalikod na ako't lalakad na sana nang bigla kong makabunggo ang isang matangkad, matipuno, mestiso, at amoy Hugo Boss na estudyanteng lalake. Nakasuot siya ng polo shirt na may kaunting kaluwagan na tinernuhan ng maong na medyo kupas. Nanlaki ang mga mata ko at ganun din siya sa pagkabigla. Titig na titig lamang ako kanyang puppy dog eyes na kulay light brown. Mamulamula ang kanyang pinsngi at ganun din ang kanyang mamasa-masang mga labi.

Bumilis ang tibok ng puso ko sa mga sandaling iyon. Parang tumigil ang buong paligid. Sa isang iglap ay naglaho ang mga gumugulo sa aking isipan.

"OH... MY... GOODNESS!!!!!!!!!!!!! CRUSH NA KITA!!!!!!!!!!" sigaw ng aking kauluwa. Mabilis na umakyat ang dugo sa aking pisngi't sabay ng pag-init ng mga ito. Nang mapansin ko ang nangyayari sa akin ay agad akong yumuko at paulit-ulit na nag-bow sa kanya na parang hapon sa kahihingi ng tawad.

"Naku! Pasensiya na po!" ang mabilis, paulit-ulit at pautal-utal kong sinabi sa kanya.

"Wala lang iyon." sa malalim niyang tinig sabay ngiti. Tumayo lahat ng balahibo sa aking batok nang marinig ko siyang magsalita.

"Anong nangyayari sa akin?! Bakit ako nagkakaganito?!" puna ko sa aking sarili habang nginingitian ang binata. Pinamumuuhan na ako ng maliliit na butil ng malamig na pawis habang nakatayo sa harapan niya. Nagsisimula nang manginig ang aking mga tuhod.

Sa kabilang banda, nakalimutan kong humihigpit ng humihigpit ang hawak ko sa kamay ni Hamilton at natauhan na lang ako nang bigla niya itong hugutin sa aking pagkakahawak at pilit na ipininta sa kanyang mukha ang matinding sakit na aking nagawa. Pinanood namin siya ng schoolmate namin.

"Jarred?! Anong nangyayari sa iyo?! Ano bang problema mo?!" ang mahina at gigil niyang sinabi sa akin. Tumango na lang ako sa kanya't humingi ng paumanhin na tulad ng nagawa ko sa binata kanina.

Matapos nang tatlong beses kong pagyuko'y agad kong kinuhang muli ang kamay ni Hamilton at hinilia siyang maklakad na ng mabilis patungo sa labas.

Nang marating namin ang University Mall, tumambay kaming muli sa loob ng KFC at doon ko tinapos ang aking malamig na pagkain na kanina pa binibitbit ni Hamilton. Pinag-usapan namin ni Hamilton ang tungkol kay Mickey bilang kababata ko. Habang sinasagot ko siya'y muli kong binalikan ang mapait na kahapon upang iwasang banggitin ang ilang di ko dapat ibahagi sa kanya. Maya't-maya'y natitigilan ako sa aking kinukuwento upang makaiwas.

"Hmmm... I don't know Jarred. You did tell me all the good stuff about idol but there is definitely something you aren't telling." ang sabi niya. Hindi ko na napigilang maging seryoso sa mga sandaling iyon. Napatitig na lang ako sa lamesa at natigil na sa halos maubos kong pagkain. Nagsimula na akong timbangin ang aking mga susunod na sasabihin.

"Hamilton, matagal na rin kitang kaibigan at alam kong concerned ka sa akin sa bagay na iyan. Hindi naman sa hindi ako nagtitiwala sa iyo pero..." na tigil kong sinabi nang matuyo ang aking lalamunan.

Lumagok muna ako ng tubig mula sa katabi kong baso ng softdrinks na binili namin kanina bago kami pumwesto. Nag-aalangan ako sa mga sandaling iyon. Ayoko rin kasi na maramdaman ni Hamilton na iba siya sa akin at may hangganan lang pala ang pagiging mabuting magkaibigan namin. May mga bagay talaga na hindi madaling sabihin kahit ang taong kaharap mo'y handang makinig.

Naputol lang ang aming usapan nang tumunog ang telepono ni Hamilton.

"Tapos na daw ang class. Palabas na daw sila Berto!" ang sabi ni Hamilton habang nagtatype siya ng kanyang sagot na mensahe. Nakaramdam na ako ng pagkainip sa mga sandaling iyon. Gusto ko nang umalis dahil alam kong baka kasama nila si Mickey. Assuming dahil nagsisigurado lang ako.

Lumingon si Hamilton sa kanyang likuran at sa likod ng salamin. Tinitigan niya ng mabuti si Berto at nanlaki ang mga mata.

Si Berto'y tulad ng utol niyang si Angelito. Morenong gym buff na kasing tangkad ko lamang. May pagkamagaspang ang kilos at ugali ngunit mabait na kaibigan. Nakasama namin siya sa aming barkadahan nang minsang gumawa kami ng project kasama ang kanyang girlfriend na si Nina. Kinagigiliwan namin siya sa pagiging maloko niya tuwing kasama namin siya lalung-lalo kung naghihintay kami sa loob ng classroom at wala pa ang professor namin.

"B-bakit may dalang bag si Berto?" ang nabigang tanong ni Hamilton nang mapansin ang bitbit nito. Napatingin na rin ako sa dako nila. Naguluhan akong bigla sa binabalak naming lakad na akala ko'y gagala lang kami sa labas upang kumain at mag-inom.

"Bakit may dala silang malaking bag?!" balik kong tanong sa kanya dahil kahit ako'y nabibigla na sa mga nangyayari.

Kahit medyo makulimlim na'y aninag pa rin namin ang mataas kung kumaway naming mga kaklase na kasama namin sa aming lakad ngayong gabi. Malayo pa lang ay nangingintab na ang kanilang mga ipin sa sobrang ngiti dala ng matinding ginhawa mula sa paghihintay na matapos ang religion subject namin. Sweet din tignan ang dalawa habang nakaakay pa ang isang kamay ni Nina kay Berto.

"Yes! Wala siya! Wala siya!" ang aking pagdiriwang sa aking isipan nang malamang wala si Mickey sa paligid.

Sinundan namin sila pareho ng tingin sa kanilang pagpasok ng U.M. hanggang sa makasama na namin sila sa aming mesa.

"Saan ba tayo pupunta bakit ang dami niyong dala?" ang bati ni Hamilton sa kanila. Napatingin naman ang mga kasama namin kay Berto na sa mga sandaling iyon ay ngiting aso na.

"Hindi mo sinabi sa kanila?!" ang nainis na sinabi ni Nina kay Berto sabay kurot nito sa tagiliran. Ibinaba ni Berto ang dala niyang malaking bag na kulay asul na may strap na kulay itim. Tila namamaga ito sa dami ng gamit nila ni Nina marahil.

Napakamot si Berto ng kanyang ulo nang magkrus ng braso si Nina sa inis at tumalikod nang nakataas ang mga mata.

"Ehe... Pahihiramin ko na lang sila ng..." ang panunuyo nito kay Nina.

"Anong pahihiramin mo?! Nakakainis ka talaga! Napakaulianin mo! Puro kasi computer yang inaatupag mo palagi!" ang sabat ni Nina sa kanya matapos humarap muli kay Berto. parang armalite sa bilis ang bibig nito sa kanyang mga sinabi.

"Eh... Kasi nagkayaya... "

"Anong kasi-kasi?! Kung binabalak mo na tayong dalawa lang sa kwarto..." ang panggagalaiti pa ni Nina sa kanya. Halos magdikit ang manipis at magandang kilay nito sa sobrang gigil sa kanyang nobyo. Mahigpit na rin ang mga kamao niyang nasara.

Napatayo ako sa upuan ko upang tigilan ang pagtatalo ng dalawa.

"Berto! Nina!" at natigilan ang dalawa at napatingin sa akin. Nabigla din si Hamilton sa aking ginawa. Medyo malakas kasi ang aking boses kaya pati ang ibang tao sa restaurant ay saglit na napatingin sa amin.

"Sige na tumuloy na kayong dalawa. Uuwi na lang ako." sabay lingon ko kay Hamilton.

"Samahan mo na lang sila. Pahihiramin ka naman siguro nitong si Berto." sabay titig ko kay Berto mula ulo hanggang paa. Pikon na ako.

Isa sa mga bagay na hindi ko gusto ay nadidismaya ako. Excited talaga ako sa gala namin ngayon pero wala sa inakala kong plano ang takbo ng lahat.

"U-uwi na lang din ako." sabi ni Hamilton habang pilit na nakangiti.

"Mga tol naman." ang panimulang panunuyo ni Berto.

"Ayan! Ayan!" ang sisi ni Nina sa kanya.

"Sasamahan ko kayo pero di ko kasi naipaalam. Sayang. Dalawang araw pa naman tayong walang pasok mula bukas." ang malumanay ko nang sagot kay Nina.

"Ako rin. At saka... Umm... Nina, dahil sa ikaw lang ang babae dito at mataas ang tingin ko sa inyo. Parang di kasi maganda tignan na ikaw lang ang kasama naming tatlong lalake." ang dagdag naman ni Hamilton. Nangiti naman si Nina sa sinabi ni Hamilton.

"Hindi lang tayo. Kasama rin natin yung kasama ni Berto sa basketball. Kumuha lang siya ng damit niya sa dorm."

"Babae?" tanong ni Hamilton.

"H-Heehehehhe... Basketball nga eh. Hindi. Lalaki. Si Kent?" ang patanong na tapos ni Nina kay Hamilton.

"Hay... Nina... Tsk tsk tsk" wika ni Hamilton habang umiiling.

"Sama na kayo please? Out of town na tayo. Patay ako sa parents ko kung bigla akong umuwi." ang hiling ni Nina sa amin habang magkasama ang nagsusumamo niyang mga kamay.

"Sasama ko ang ate ko. Sasama ko ate ko, Milton. Thesis na lang naman siya. Sasama yun!" sa sinabi ni Nina'y biglang kumislap ang mga mata ni Hamilton dahil sa ang ate ni Nina ay si Greta. Ang kanyang pantasya.

Nilabas ni Nina ang kanyang phone at agad nagtext marahil sa ate niya para makumbinsi na si Hamilton.

"Ayos magulang nito ah. Magagalit sila kung bigla siyang uuwi? Sama mo pa ate mo? Papayag ba iyon?" ang natawa kong sinabi sa aking sarili.

"Sige na nga. Pero, uuwi muna ako sa bahay para kumuha ng damit." maawain talaga si Hamilton pero sa pagkakataong ito kinati lang din siguro talaga ang mga paa niya dahil na rin kay Greta. Palalagpasin pa ba niya ang pagkakataong ito?

Napabuntong hininga si Berto sa sagot ni Hamilton. Swerte lang ni Hamilton dahil sa Sampaloc lang siya nakatira at di strict ang parents niya.

Sa mga sandaling iyon gusto ko na rin sumama pero naisip ko kasi si Mama. Naiinggit na ako sa kanila. Hindi ako nakapag-paalam sa kanya at ang nakakahiya pa ay kulang ang dala kong pera. Nahihiya naman akong humiram dahil sa hindi ko gawain ang bagay na iyon kung ako'y kinukulang.

"Jarred, ikaw? Sama ka na! Pahihiramin ka na lang nila ng damit!" sabi ni Nina na parang utos na rin niya sa dalawa para lang sumama na ako. Sumimangot lang ako na parang nagso-sorry dahil hindi talaga.

"Oo, pahiramin na lang kita ng damit ko." sagot naman ni Berto.

"Yung sa akin na lang, Jarred. Baka kulangin ng brief yang si Berto." ang biglang biro ni Hamilton. Napatakip ng bibig si Nina't humagikgik.

"Dalawang boxers lang dala niya." pahabol ni Nina.

"Honey naman!" sagot ni Berto sa kanya sabay akbay nito sa baywang ni Nina.

"Seryoso, tol. Pahihiramin na lang kita ng damit." ang sabi ni Hamilton. Umiling ako sa kanya't lumapit sa kanyang tenga.

"Kukulangin ang dala kong pera. Sige na, sumama ka na. I'm happy for you. Galingan mo sa pamimingwit kay Greta ha?" at tinapos ko ito ng isang ngiti. Natawang nakahawak si Hamilton sa kanyang tenga.

"Tang ina tol nakiliti ako sa ginawa mo!" sabay kuskos niya ng kanyang mga braso pakitang kinilabutan na rin siya.

"Sige na lumakad ka na sa inyo. Samahan ko na lang sila ni Berto dito habang hinihintay ka bago ako umuwi." matapos ay bumalik ako sa aking upuan. Agad tumayo at nagpaalam si Hamilton.

Umupo naman ang dalawa sa magkatabing upuan na kanina'y pwesto ni Hamilton nang ito'y makaalis. Nakapatong ang magkahawak na mga kamay nila ni Berto sa mesa. Papisil-pisil sa kamay ang ginagawa ng dalawa sa bawat isa. Hindi ko maiwasang-maya't mayang sinusulyapan ang kanilang ginagawa tulad ng maya't-mayang pagpipindot ni Nina sa kanyang telepono kausap ang kanyang ate Greta.

"Jarred, you know Mickey pala?" ang panimula ni Nina ng aming panibagong usapan.

"Ah... Hehehe... Oo eh." ang may pilit na pagtawang sagot ko sa tanong niya.

SI MICKEY NANAMAN?! SI MICKEY NA LANG NG SI MICKEY! hiyaw ko sa aking isipan.

"Since when? Paano kayo nagkakilala? Did you guys go to school together?" ang parang inip sa kasagutang magkakasunod na tanong ni Nina. Bakas sa kanyang mukha ang unti-untian niyang pagiging excited sa takbo ng aming usapan.

"Since elementary. Hindi ko na maaalala eh. Matagal na kasi iyon."

"The way he regards you kanina sa class. It seems you guys were close friends, Am I right?" ang makaabot tengang ngiti ni Nina'y nakabalandra na sa aking harapan.

"It's no biggie. Besides, it was ages ago nga di ba? People change." unti-unti na akong nagiging bored at di ko pinigil na ipakita ito sa kanya. Humigop akong muli sa aking inumin bago siya titigan ng mata sa mata.

"It doesn't look like it to him kanina." nabigla ako sinabi ni Nina na iyon.

"Nagkwento siya kanina?"

"Not much. Parang si Boy Abunda na si Mrs. Miranda kanina kay Mickey eh. But he really regards you. In fact, sabi niya na you were like brothers. And he suddenly turned sad about the topic." parang kinurot ang aking puso sa aking narinig.

"Yeah, we were like brothers." di ko pansing pagsang-ayon ko kay Nina.

Sa sandaling iyon, madilim na sa labas kaya't di mo maaaninag ang mga naglalakad sa labas kung walang dadaang jeep o di kaya'y madadaan sa gilid ng U.M. Tatlong beses na kinatok ang bintana sa aming gilid kaya't kaming tatlo'y biglang napatingin sa bintana.

Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang binatang nabangga ko kanina sa lobby. Sa pagkakataong ito'y nakasuot lang siya ng pambasketball na shorts at jersey. May dala siyang gym bag na nakasabit sa kanayng balikat. Nakangiti siya't kumakaway kina Berto at Nina.

Umabot sa tenga ang aking ngiti sa isang iglap at ako'y tila nakaramdam ng matinding pangangailangang maging kapitapitagan at mahinhin. Kinikilig ako.

"Ayan na si Kent!" ang may kalakasang pagkasabi ni Nina sa excitement bago tumayo sa kanyang upuan.

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


jeffyskindofstory.blogspot.com




No comments:

Post a Comment