Monday, January 21, 2013

Straight 11

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com


Xian’s Point of View

 “Sinong nagbigay sa iyo ng karapatang basahin ang mga text sa akin ha? Pinagbigyan ka lang kung umasta ka akala mo siyota ka na!”
Sa narinig kong iyon ay nabuhay ang pinigilan kong galit. Hindi ko alam ngunit sa mga nangyari sa amin ng ilang Linggo, sa mga pinalasap niya sa akin ay nagbigay daan iyon para magkaroon ako ng katiting na dahilan para sagutin siya.
 “So, anong gustong mong palabasin James?”

“Pribado kong pag-aari ang cellphone. Si Cathy nga na asawa ko hindi niya pinakialaman ni minsan ang cellphone ko, ikaw na hindi ko alam kung ano ka sa buhay ko ay basta-basta mo na lang binabasa ang text na hindi naman para sa’yo. Huwag kang umasta na may karapatan ka sa akin!”
“Ano yung mga nangyari sa atin ha? Ano yung mga halik, yung mga yakap, yung mga ginagawa natin? Liwanagin mo sa akin kung ano ang mga nangyari sa pagitan natin para alam ko kung saan ko ilugar ang sarili ko. Sabihin mo sa akin kung alin ang mali at kung alin ang tama.”
“Ibinigay ko lang ang katawan ko sa iyo Xian. Kung ano ka sa akin hindi ko alam. Kung ano yung halik natin, yung mga yakap hindi ko din alam, basta ang alam ko hindi iyon tama sa tulad ko. Tinatanong mo ako kung ano tayong dalawa? Wala.”
“Wala! Umasa ako, James. Tapos sabihin mo sa aking wala?”
“May nangyari sa atin ngunit ni hindi ko matandaan na pinaasa kita. Ngayon, gusto kong ilagay mo diyan sa kukote mo na walang kahit anong dahilan kung bakit ginagawa natin iyon.”
“Ahh, ganun. Wala lang pala sa iyo ang lahat. “
“Ito yung ayaw ko e, ang maging kumplikado ang pagkakaibigan natin. Sana sapat na lang yung kaya kong ibigay sa’yo. Sana marunong kang makuntento sa kung ano lang ang kung anong putang-inang meron tayo ngayon.”
Binuksan niya ang kaniyang aparador. Kumuha siya ng boxer short niya. Isinuot niya iyon.
“Hindi parang pagkain lang ang ibinigay mo sa akin na kailangan kong makuntento lang sa kaya mong ipakain sa akin. James, nagkakaganito ako dahil mahal kita. Mahal na mahal kita at hindi mo alam kung gaano kasakit na sabihan mo akong wala lang lahat nang namagitan sa atin.”
“Pasensiya na pero hindi ko lang alam ang sasabihin ko.” Isinabit niya ang kaniyang tuwalya sa sabitan sa likod ng aming pintuan. Humarap siya sa akin. Tanging boxer short at itim na sando ang suot niya.
 “Mahal mo ba ako?” kinapalan ko ang mukha kong tanungin siya. Magkaharap kami. Tinitigan ko siya sa kaniyang mga mata.
“Tinatanong mo ako kung mahal kita?”
“Oo. Alam ko, hindi tamang tanungin kita pero gusto ko lang malaman ang lahat para alam ko kung saan ko ilulugar ang sarili ko. James, ano ang nararamdaman mo sa akin?” tinaong ko siya. Hinawakan ko ang kamay niya ngunit mabilis niyang tinanggal at iniwasan niya ang aking mga mata.
“Putcha! Alam mo ba kung ano ang tinatanong mo sa akin, Xian?”
“Bakit? May masama ba sa tanong ko? May mahirap bang sagutin sa tinatanong ko? Dahil ba sa straight ka kaya para sa iyo walang puwang ang salitang pag-ibig kung katulad ko ang magtatanong sa iyo? Masaya ka ba sa akin?”
“Tang ina naman Xian! Hindi ko alam, okey! Hindi ko maintindihan!”
“Sige baguhin uli natin ang tanong… pinahahalagahan mo ba ako?”
“Fuck! Xian puwede ba tigilan mo ako sa mga katatanong sa mga ganiyan. Nalilito ako! Hindi ko alam!”
“Dahil sarado ito, James!” tinuro ko ang utak niya. Dalawang beses kong diniin ang hintuturo ko sa ulo niya. “Dahil ayaw tanggapin nito at pilit mong pinapasok diyan sa tang-inang makitid na utak na iyan na hindi ito tama, na hindi iyon tanggap, na katulad ko ang dahilan kung bakit nasira ang pamilya mo. Ngayon sabihin mo sa akin kung hindi ka naging masaya sa halos tatlong Linggo na hinayaan mong puso mo ang sinunod mo. Sabihin mo sa akin ngayon na wala kang nararamdaman sa akin at hindi yang sagot na hindi mo alam!”
Inambaan niya ako ng suntok pero sa isang palad niya pinadapo.“Xian tama na, please lang!” Huminga siya ng huminga ng malalim.
“Hindi James, tapusin natin ngayon ang pag-uusap na ito dahil kung sasabihin mo sa akin na hindi totoo ang iniisip ko ay ihahanapan kita ng malilipatan mong kuwarto nang makalimot tayong dalawa at magkaroon ng sariling buhay. Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano ang totoo na nararamdaman mo.”
“Tang ina ang kulit mo! Saka hintayin mo. Ilang araw na lang iiwan na kita dito. Matatahimik na ang buhay mo. Maghintay-hintay ka lang ng ilang araw, iiwan na kita dito. Sige! Gusto mong sagutin kita? Gusto mong marinig ang totoo ha?”
“Oo. Kahit masakit pa ‘yan. Dahil sa paraang ganiyan ay alam ko kung saan ako lulugar. Kapag marinig ko mula sa iyo ang totoo ay hindi na ako mag-e-expect, hindi na ako muli pang mangarap at mananatiling tanggapin ang katotohanang hindi ka nga talaga para sa akin. Simple lang ang tinatanong ko. Mahal mo ba ako?”
“Hindi kita mahal at kahit kailan ay hindi kita kayang mahalin dahil bakla ka! Bakla ka! Wala kang boobs! Wala kang putang inang ari ng katulad ng sa babae! Wala kang matris! At dahil sa katulad mo nawasak ang pamilya ko! Ngayon ha! Puwede na ba akong matulog?”
“Hindi totoo yan James!” tumulo ang luha ko.
 Alam ko kasing hindi totoo ‘yun. Sa halos tatlong Linggo na masaya kami, dama ko ang bawat higpit ng yakap niya sa akin. Bago kami matulog ay alam kong totoo ang mga pagsuklay niya sa aking buhok gamit ang kaniyang mga daliri. May halong pagmamahal ang paghaplos niya sa aking likod. Nagigising ako ng madaling araw na hinahagkan niya ang labi ko. Paano ko ngayon matatanggap ang sinabi niyang hindi niya ako mahal ngayong alam kong kahit straight siya ay minahal niya ako. Kahit hindi niya ako isinubo, alam kong sapat na ang yakap niya at halik, ang kaniyang pagtitig sa akin kapag kumakain kami, ang kaniyang mga tawa at ngiti sa tuwing naglalambingan kami. Ang lahat ng iyon ay alam kong totoo. Ngunit bakit parang iba na ngayon ang sinasabi niya. Hindi ko alam kung paano ko siya pipiliting aminin ang totoo. Hindi kaya nagkamali lang ako sa hinala ko? Ang simpleng ginawa niyang iyon ay kabayaran lang ng kabaitan ko sa kaniya? Ginawa lang ba niya iyon para ibalik ko ang namiss niyang pag-aasikaso ko’t pagmamahal?
“Ngayon ha? Puwede na ba akong matulog?”
“Niloko mo ako!”
“Hindi kita niloko Xian. Pinilit mo akong saktan ka. Ang mahirap sa’yo lahat ng bagay gusto mong madaliin.”
“Ang mahirap din sa’yo, makitid ang utak mo. Hanggang ngayon sa aming mga bakla parin ang alam mong sumira sa pamilya ninyo. Sa kakitiran ng utak mo, may tinitibok na ‘yang puso mo pero hindi mo parin alam.”
“Sige. Makitid na kung makitid. Tapos na ba ang usapang ito?”
“Tandaan mo ang ginawa mong pananakit sa akin James! Tandaan mo ‘to.”
“Pinilit mo akong saktan ka Xian. Hayan at narinig mo na ang totoo. Siguro naman alam mo na kung saan ka lulugar sa buhay ko.”
“Sige. Huwag kang mag-alala. Alam na alam ko na ngayon.” Tinungo ko ang kama ko. Doon ay ibinuhos ko lahat ng hinanakit. Iniyak ko ang ginawa niyang pagtanggi at tuluyan kong inihagulgol ang pagkabigo. Ngunit alam kong hindi ko kayang tanggapin ang lahat. Alam kong hindi ko lang kadaling isuko ang pagmamahal ko sa kaniya.
Kinabukasan at sa mga susunod na mga araw ay muling hindi ko siya inimikan. Pinaghahanda ko pa din naman ng kaniyang pagkain at susuoting damit pero hanggang doon na muna ang lahat. Nasasaktan parin ako at nagseselos sa tuwing may kausap siya sa celphone niya. May mga gabing hindi siya umuuwi at para akong malagutan ng hininga na sa mga sandaling mag-isa ako’t iniisip na siya ay may kasex at kayakap nang iba. Gustuhin ko mang isipin at tanggapin ang katotohanang hindi siya para sa akin kaya nararapat lang na maghanap uli ako ng iba ngunit hindi ko parin kayang gawin. Lagi akong umiiyak sa mga kaibigan ko. Gabi-gabi na uli kami rumarampa. Lagi kaming nagpapalipas ng gabi sa Qube disco bar. Laging nagpapa-cute sa mga ibang lahi sa halos lahat ng kapehan Soukh Waqif ngunit ni kahit isang saglit ay hindi siya nabura sa isip ko.
Isang gabing nakainom akong umuwi galing sa isang birthday party ay hindi ko na nakayanan pang makipagtagalan sa kaniya sa katahimikan. Siguro siya kaya niya na hindi ako imikan at pansinin pero ako, parang hindi ko na kaya pa dahil pati trabaho ko ay apektado na din.
“Mag-usap nga tayo James!”
Hindi siya nagsalita. Ni hindi siya tumingin sa akin.
“Anong gusto mong gawin ko para ituloy natin yung halos tatlong Linggo na nasimulan natin?”
“Nakainom ka lang. Pahinga ka na muna. Bukas na tayo mag-usap.” Hindi parin niya ako tinatapunan ng kahit sulyap man lang.
“Kung gusto mo luluhod ako. Gusto mo bang magmakaawa ako?”
“Itulog mo na ‘yan. Lasing ka lang.”
“Lahat gagawin ko, James mahalin mo lang ako. Lahat kaya kong gawin mapatunayan ko lang sa iyo na mahal kita.”
“Hindi mo na kailangang patunayan yun. Alam ko naman ‘yun e.”
“Anong gusto mong gawin ko para mahalin mo ako?”
“Wala Xian. Wala kang dapat gawin. Hindi dapat nagmamakaawa ang isang tao para lang mahalin sila. Kusang binibigay iyon. Kusang nararamdaman.”
“Sabihin mo handa kong gawin James dahil hindi ko kayang mawala ka sa akin. Hindi ko kakayaning tuluyan mo akong iwan. James, parang awa mo na, kung hindi mo man ako mahal ay turuan mo ang puso mong mahalin ako. Ikaw lang ang lahat ko, James kaya please, nagmamakaawa akong huwag mo akong iwan. Please, mahalin mo ako.” Luluhod n asana ako pero mabilis niyang hinawakan ang baywang ko.
“Matulog ka na. Ihatid na kita sa kama mo. Lasing ka lang.” inalalayan niya ako hanggang sa kama ko. Pinaupo niya ako. “Sige at aalis na muna ako.”  Paalam niya nang nakaupo na ako.
Pagtayo niya ay bigla kong hinablot ang polo niya. Narinig ko ang pagkapunit no’n.
“Kinakausap pa kita, e”
“Napunit na tuloy ang damit ko. Sabi ko naman sa’yo matulog ka muna. Hindi ka naman dati makulit ah. Anong nangyayari sa’yo?”
“Nababaliw na yata ako. Sana hindi na lang nangyari ang lahat. Sana hindi mo na lang ako pinagbigyan. Sana pinabayaan mo na lang ako. Kung sana walang nangyari sa atin nang paulit-ulit ay hindi na din sana ako umasa pa at ngayon hindi ko na alam kung paano ko aayusin muli ang buhay ko.”
“Pasensiya na. Pahinga ka na. Magpapalit muna ako kasi sinira mo na ang polo ko.”
“At sa’n ka na naman pupunta? Sa’n ka na naman matutulog?”
“Akala ko ba alam mo na kung saan mo ilulugar ang sarili mo. Bakit ganiyan ka parin sa akin makapagtanong. Sige, nagtatanong ka. Sasagutin ko. Kina Mitch ako pupunta. Kung matutulog ako sa kaniya ngayon, hindi ko sigurado. Pero magkakasama kami ngayon doon ng mga tropa ko.”
“Nasisiraan na ako ng bait sa ginagawa mo sa akin? Please huwag kang umalis? Kahit ngayon lang?”
“Please lang, nakikiusap din ako Xian. Tama na. Nahihirapan na din ako. Hindi tama itong ginagawa natin. Puwede bang sa iba na lang? Doon sa alam mong hindi siya natatakot na mahalin ka at do’n sa alam mong maging proud sa iyo? Ilang araw na lang, aalis na din ako. Matuturuan mo na ang sarili mong kalimutan ako. Hindi ko na din kaya pa ang lahat. Sobrang naapektuhan na ako, tol.”
Tinanggal niya ang kamay ko na nakahawak sa kaniyang braso ngunit paghakbang niya ay nagawa kong hawakan ang kaniyang mga paa. Niyakap ko ang mga paa niya. Nagmakaawang huwag niya akong iwan. Nagmakaawang ako na lang ang mahalin niya. Nagsumamong kahit sa gabing iyon lang. Ngunit malakas siya. Dumausdos ako sa swelo dahil ayaw niyang huminto ngunit mas lalo kong hinigpitan ang paghawak  sa kaniyang mga paa.  Kahit ano pa ang isipin niya. Kahit tuluyan ko nang ibinaba ang pride ko at pagkatao. Ang importante sa mga sandaling iyon ay ang mahalin niya ako. Iyon lang ang tanging mahalaga sa mga sandaling iyon sa akin. Wala akong pakialam sa sasabihin at iisipin niya, ang tanging alam ko ay hindi ko kayang mabuhay kung mawala siya sa akin. Namamalimos ako ng pagmamahal niya. Itinulak ako ng alak para gawin iyon ngunit kahit hindi ako lasing, iyon naman talaga ang gusto kong gawin, ang hilinging mahalin niya ako dahil hirap na hirap na ang kalooban ko.
“Please James, parang awa mo na, huwag mo akong iwan ngayon…please lahat gagawin ko..please….” humahagulgol ako habang sinasabi ko iyon. Ibinubuhos ko na lahat ng hinanakit, galit, tampo, pagakabigo at lungkot.
Nang malapit na sa pintuan at hindi parin ako bumibitaw ay umupo siya. Tinanggal niya ang kamay ko. Nakita ko ang mga mata niyang namumula. Basa. Tama, basa ang paligid ng kaniyang mga mata.
“Please, hindi lang ikaw ang nahihirapan, ako din naman.” Nakatitig siya sa akin. Nakikusap. Nakita ko ang lungkot sa kaniyang mukha. “Hayaan mo na ako. Nakikiusap din ako sa iyo na hindi lang naman sarili mo lang ang iisipin mo. Oo, naroon na tayo. Mahal mo ako. Nahihirapan ka dahil sa nararamdaman mong iyan. Ngunit sana naman din papasok sa isip mo na paano naman ako? Sana isipin mo din ang nararamdaman ko. Hayaan mo akong umalis ngayon. Please?”
Pilit niyang tinanggal ang kamay ko at nang matanggal ay mabilis niyang sinara ang pintuan. Naiwan ako doon. Nakadapa sa swelo. Umiiyak. Humahagulgol. Walang ibang laman ang utak ko kundi ang pagkabigo. Sobrang bagsak ang pakiramdam ko sa gabing iyon na dinagdagan pa ng pagkakalasing ko. Hindi ko na nagawang bumalik pa sa kama ko. Doon na ako inabot ng umaga.
Kinaumagahan paggising ko masakit ang ulo ko. Pagkabangon ko ay hindi ko siya nakita sa kaniyang kama. Hindi pa siya umuuwi. Naghintay ako maghapon ngunit wala parin siya. Sinubukan ko siyang tawagan ngunit hindi niya sinasagot ang tawag ko. Nagtext ako pero hindi rin siya nagrereply. Parang ang bawat oras ay katumbas ng isang buong araw sa akin. Naghihintay ako na dumating siya. Ngunit nang alas-sais na ng gabi ay tinawagan ko na lang si Vince. Maghapong wala akong kinain kaya gusto kong kumain ng steak sa Chilli’s ng City Center. Kaoorder palang namin ni Vince nang may binulong siya sa akin.

“Huwag kang tumingin sa entrance ‘te.”
“Bakit?” tanong ko. Kinabahan ako.
“Basta huwag na huwag kang tumingin. Bawal.”
 Ngunit kung bakit kahit sinabihan na ako ng gano’n ay sadyang matigas ang ulo ko at tumitingin parin talaga ako.
Nakita ko si James. May kasamang sexy at magandang babae. Masaya ang babae ngunit hindi ang mukha ni James. Alam ko kung kailan masaya at kung kailan problemado si James.
“Sinabing huwag tumingin e.”
“Ouch! Sakit Vince. Ansakit sakit pala. Alam kong may iba siya ngunit mas masakit pala kung makita mo na silang magkasama.” Nangilid ang luha ko.
“Huwag ka ngang umiyak dito. Baka isipin nila binabasted o kaya hinihiwalayan kita. Mabuti pang ako ang umiyak dahil kapani-paniwala talaga na puwede mo akong bastedin ngunit yung ikaw ang iiyak? Te’ naman.”
“Hindi ko lang kasi mapigilan e.”
“E, bakla, anong inaarte mo diyan. Di ba may asawa naman yang lolo mo. Tanggap mo siya na may asawa siya tapos ngayong may bago hindi mo na matanggap pa?”
“Bakla iba yun e. I mean, tanggap ko na iyon e. Tanggap ko na yung katotohanang may asawa siya. Nasaktan din naman ako noon ngunit hindi katulad ng sakit na nararamdaman ko ngayon. Noon, nasaktan ako dahil alam kong hanggang pangarap lang talaga ako. Iyon bang parang nasaktan ka lang dahil nag-asawa ang hinahangaan mong artista at o kaya ng isang lihim mong minamahal, sa mga ganoon kasi, mapipilitan kang tanggapin iyon dahil alam mong hindi naman talaga kayo magkakatuluyan o hindi ka niya napapansin. Iba ngayon dahil sobrang mahal ko na siya. Yun bang alam kong bahagi na ako ng buhay niya. Umasa na ako na hindi lang pangarap ang lahat.”
“Ganiyan talaga kapag nagmahal ka ng straight. Dalawa lang kasi ang puwede mong pagpilian diyan. Tanggapin mong magkakaroon siya ng babae habang kayo, o ang kalimutan siya ng tuluyan. Hindi puwedeng may isa pang option na ikaw at ikaw na bakla lang ang mamahalin niya at tuluyang iwasang mambabae. Kasi nakikita ko sa’yo ‘te, yung pangatlong option ang gusto mo na hindi naman talaga kasali sa mga pamimilian kung nagmahal ka ng straight na kagaya ni James.”
“Gusto kong sabunutan yung babae. Pigilan mo ako bakla dahil baka hindi ko makontrol ang sarili ko.”
“Wala kang karapatan. Hindi kayo mag-asawa ni James ni kahit sa level na dyowa, wala din. So, anong kinagagalit mo.”
“Konting-konti na lang susugurin ko na sila.”
“Ano ka ba? Una alam mong staright si James kaya natural sa babae ang bagsak niya. Dapat makuntento ka ng nachurva mo siya.”
“Ah ganon. Kung straight pala ang mahal mo, may karapatan na din siyang saktan ka at iwan kung nagkaroon na siya ng babaeng mamahalin. Parang sinasabi mo sa akin na nasa kaniya na ang buong karapatan na papapasukin ka niya sa buhay niya at sipain ka niya kung kailan ka niya gustong lumabas sa buhay niya. Kayo ngayon na habang kailangan ka niya ay puwede ka lang niyang hilain at kapag may nahanap ng babae, itutulak at iiwan ka na lang ng parang basahan.”
“Ganoon nga ‘yun. Kasi nga hindi natin maibigay yung talagang saya na hinahanap nila. Dapat alam mo ‘yan e.”
“Siguro sa ibang bakla, okey lang iyon. Ngunit sa akin hindi tama iyon. Tamang sa babae talaga siya ngunit hindi ko iyon kayang tanggapin na kami habang may babae pa siya.”
“Bakit? Kayo ba? Hindi naman e. Kaya nga ang sinasabi ko ay hindi dahil mahal mo siya ay kayo na. Malinaw naman ang pagkakasabi niya na hindi ka niya mahal. Kay asana naman ay tanggapin mo kung saan ka lang dapat lulugar sa buhay niya.”
“Kung siya, siya… at umalis na lang siya sa bahay. Kung ako….ako din lang at wala ng iba pa. Sounds pathetic and selfish pero gano’n ako. Hindi tama sa akin na may nangyayari sa amin tapos okey lang na may babae siya. Kung totoong straight siya, hindi na niya dapat akong pinagbigyan. Hindi na siya dapat pa ginawa ang mga iyon sa akin. Alam kong may puwang ako sa puso niya.”
“E, anong drama mo, dahil may nangyari sa inyo hindi na siya straight. Dahil may nangyari sa inyo e, mahal ka na niya? Ate, ang mga lalaki, kaya nilang makipagsex na hindi nila mahal ang kanilang kasex. Parang tayo ding mga bading, huwag mong sabihin sa akin na lahat ng nakasex mo mahal mo. Ang hindi ko lang din maintindihan ay kung bakit pumayag siya na magsex kayo ng paulit-ulit at nakikipaglips to lips pa siya sa’yo at niyayakap pagkatapos may mangyari sa inyo. Kasi ang alam ko, hindi nasisikmura ng isang straight ang makipaglaplapan sa bading. Puwede silang magpasubo pero hindi ang lips to lips. Iyon ay sa experience ko lang ha. Malayo kasi ang hitsura mo sa akin e. Malay nga naman natin sa case mo kasi guwapo ka. Ako kasi, alam mo na. Maganda ako kung itabi sa mga pangit.”
“Naguguluhan na din ako Vince.”
“Aba! Matagal yatang dumating ang order natin ngayon.” Alam kong iniba lang ni Vince ang usapan.
“Baka nga maisampal ko pa sa mukha ng babaeng ‘yan ang mainit-init na steak. Kaya mubuti’t hindi pa nga siniserve.”
“Di ba sinabi naman niyang hindi ka niya mahal? Di ba nga bakla hindi naman kayo magjowa? Bakit ganyan ka parin umasta?”
“Dahil alam kong mahal niya ako.”
Ngumiti siya. Tinakpan niya ang bunganga niya. Alam kong iniwasan niyang tumalsik na naman ang maluwang niyang pustiso. “Baklang to! Ilusyonada.”
“Hindi ako  nag-iilusyon. Nararamdaman ko iyon. Kung hindi niya ako mahal, maraming paupahan na kuwarto dito sa Doha, bakit hindi niya ako iniiwan? Bakit hindi siya lumilipat ng kuwarto?”
“Well, may punto ka diyan.”
“Isa pa Vince, ramdam kong hindi lang churvahan ang nangyari sa amin. Alam ko kung kailan sex lang ang lahat at kung may kasama itong emosyon. Ang ginawa namin ay hindi lang basta sex, may damdamin at may pagmamahal.”
“Tama ka na naman diyan! So, anong plano mo ngayon?”
“Plano kong umalis na dito dahil baka hindi ako makapagtimpi at makagawa pa ako ng eksenang hindi nila magugustuhan.”
“Hayun! Yan ang pinakamataray na desisyon mo!”
“Sabihin mo dun sa waiter na ibigay na lang sa kanila yung mga order natin. Mukhang nahihirapan kasi silang makapili ng order kasi kanina pa sila buklat ng buklat sa menu.”
Tinawag ni Vince ang waiter na nagsilbi sa amin.
“Yung order namin, pakibigay na lang dun sa dalawang iyon kabayan ha. Bilisan mo at nag-oorder palang yata sila.”
“Sige, sir.” Sagot ng pinoy na waiter. Chinito. Napansin kong type ni Vince.
 “Sabihin mo binayaran ko na. Heto ang bayad o.” iniabot ni Vince ang pera. Huli na nang bubunot sana ako. Naunahan na naman niya ako.
“Laki naman nito sir.” Ang waiter.  Mukhang nagpapacute na sa akin. Napansin din ni Vince.
“Ako ang magbabayad at hindi siya. Kaya dapat sa akin ka tumingin. Taken na yang friend ko. Ako available pa.”
Ngumiti ang medyo napahiyang waiter.
“Keep the change. Pero number mo nga muna, okey lang?” si Vince na naman. Isiningit ang kalandinan.
Ibinigay naman ng waiter ang number niya. Siya na nga mismo ang nagsave sa iphone ni Vince.
“Pagkaturo mo sa amin, aalis na din kami, ha?” bilin ko sa waiter.
Nang maituro kami ng waiter ay nakita kong namula si James. Nang tumayo siya para lumapit sa amin ay binilisan na namin ni Vince ang paglakad palabas.
“Ihatid muna kita sa inyo. Daanan ko na lang ang mga bakla para may makasama kang mag-inuman sa inyo mamayang gabi.”
“Desidido na talaga ako Vince.” Matamlay kong wika.
“Saan? Sa inuman mamaya?”
“Hindi. Gusto ko ng kalimutan si James. Tama ka, dapat noon ko pa ito ginawa. Tatawagan ko mamaya yung sa namamahala sa accommodation ng mga staff naming para alamin kung may bakante para kay James. Mas mainam siguro kung magkanya-kanya na muna kami para makalimutan ko siya. Mahirap, masakit ngunit mas lalo akong nahihirapan kung ipipilit ko ang hindi puwede. Magiging doble din ang sakit kung araw-araw ko parin siyang nakikita at nakakasama. Sana madali ako makapg-move on.”
“Tama! Iyan ang pinakamagandang desisyon mo sa araw na ito. Runner up na lang yung iniwan natin sila na hindi ka gumawa ng eskandalo doon sa restaurant.”

 Habang hinihintay ko siyang umuwi at dahil bored ako at walang magawa ay naisipan kong ayusin ang mga damit niya at ang mga tokador niya. Gusto kong sabihin sa kaniya na kailangan na muna niyang lilipat. Nakausap ko na ang namamahala sa accommodation nila at sinabi nitong may bakante pang kama para kay James. Dapat nga nag-a-accomodation si James pero dahil na rin sa connection ko at dahil nakiusap din ako na share na lang kami sa room ko kaya ibinigay sa kaniya ang accommodation at transporation allowance niya. Pero ngayon, nakapgdesisyon na talaga ako na lilipat na lang siya para matutunan ko na ding kalimutan siya.
Tinanggal ko ang lahat ng laman ng aparador niya. Sinimot ko iyon at nagulat ako nang makita ko ang mga naglaglagang parang mga malilit na pack ng tawas, makapal na tiglilimandaang riyals, tiga 100 dollars at ilang mga bank deposit receipts na alam kong hindi niya kikitain ang kabuuan ng pinapadala niya sa bank account na iyon kahit sa limang taon niyang pagtratrabaho. Kinutuban na akong hindi lang tawas ang mga naroon kundi mga shabu. Kinilabutan ako sa nakita ko. Nanginginig ako sa paghihintay. Magkahalong takot at galit ang naramdaman ko sa nakita ko. Gulung-gulo na ako. Puro na lang problema ang dumating sa buhay ko mula nang kinuha ko si James dito sa Qatar at alam kong ito na ang pinakamalaking problema na sasagupain ko.
Noon ko napagtagpi-tagpi kung bakit may mga gabing lumalabas pa siya na parang may kausap sa salas. Maalala ko din yung may mga naabutan akong arabo na tumanggap siya ng pera. Ito pala ang pinagkakaabalahan niya ngayon, ang pagiging drug pusher. Nakaramdam ako ng takot sa kaniya dahil isang malaking kasalanan sa ibang bansa lalo na dito sa Qatar ang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Ayaw kong isipin na mahuhuli siya at makukulong.
Naguluhan ako kung ano ang gagawin ko sa mga shabu na iyon. Ni hindi ko alam kung itatapon ko ba o itatago na lang muna sa tokador ko. Alas nuebe na pero hindi pa siya dumadating. Gusto kong tawagan siya sa celphone niya ngunit pinigil ko ang sarili kong gawin iyon dahil ayaw kong tumawag nang galit pa ako. Hindi ko tuloy alam kung paano simulan ang pagliligpit sa mga nagkalat niyang gamit at ang shabu at perang nakakalat do’n. Malaking halaga din iyon. Una kong niligpit ang pera niya doon sa alam kong pinaglalagyan niya. Tagun-tago ang lugar na iyon sa aparador niya. Pero ang shabu. Hindi ko alam kung saan ko ilalagay? Biglang may kumatok sa pintuan.
“Xian, buksan mo ito. Si Lydia ito. May naghahanap sa iyo.”
Mabilis kong nilagay ang shabu sa aking tokador habang hindi ko pa napagdedesisyunan ang dapat gawin doon. Maaring ang mga bakla na ang mga dumating kaya tinungo ko ang pintuan para pagbuksan sila.
Pagbukas ko ng pintuan ay mga CID ang nabungaran ko. Mga pulis ng Qatar at bigla silang pumasok sa hindi ko alam na kadahilanan.
“Are you Christian Santos?” tanong ng isang pulis. Hawak niya ang isang braso ko.
“Yes?”
“We will search your room. Stay here!”
Hindi ako nakakilos. Hindi ko alam kung paano ko itatago ang shabung naroon lang sa tokador . Natuyo ang lalamunan ko. Parang pakiramdam ko ay nagiging istatwa lang ako. Pinagpawisan ako. Nanginginig ang tuhod ko at nang natagpuan nila ang mga sachet ng droga ay parang dumilim ang paningin ko. Tanging sigaw ni Lydia na umalalay nang matumba ako sa pagkahilo ang tanging narinig ko. Ngunit alam kong iyon na pinakamatinding trahedya na nangyari sa buhay ko.

No comments:

Post a Comment