Monday, January 21, 2013

Straight 12

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com


James’ Point of View

Sa buhay natin ay may mga pagbabagong hindi mo inaakalang mangyayari.  Mga pagbabagong kahit gaano mo gustong paglabanan ay hindi mo sadyang matakasan at sa tuwing gusto mong takasan ay saka naman lalo ka lang nalulubog sa hindi tama at imbes na makatulong ang iyong pagtakas ay lalo lang napapasama.

Alam kong maraming galit sa akin. Iniisip ng karamihan  na makitid ako, manggagamit, walang utang na loob, manloloko at kung anu-ano pang ikinakabit sa tulad ko. Pero bago ako husgahan ay sana mabigyan ako ng pagkakataong ipaliwanag ang bawat himaymay ng kung sino ako at bakit ako nagkakaganito.
Dati naman noong bata pa ako wala akong galit sa mga bakla. Katunayan nga natutuwa akong nakikinig sa mga kuwentuhan nila. Kasama pa nga ako ni kuya noong mga bata pa kami na naglalaro sa mga manika ni Vicky. Noong may mga bisita si kuya na mga bakla, lihim akong nakikinig sa mga kuwentuhan nila at nakikitawa din ako sa mga usapan nila. Gustung-gusto ko din manood ng mga pelikulang may mga baklang gumaganap. Sila kasi yung nagbibigay ng gaan sa bigat ng mga drama sa mga Romance or Drama movies natin. Sila ang nagbibigay ng kulay at katatawanan. Sila ang siyang nagpapagaan sa ating kalooban na kahit sa gitna ng mga pagsubok at problema. Ngunit hindi sa lahat ng panahon ay napapatawa tayo dahil sa likod ng mga halakhak nila ay may mga masasakit na kuwento din silang tinatago.
Tanggap ko si kuya noon. Kahit naikintal ng ama ko ang hindi pagsang-ayon sa ganoong pagkatao ay wala akong nararamdamang galit sa tulad niya. Nagkaroon lang ako ng masidhing pagkamuhi sa kanila nang namatay ang mama ko at tuluyang nawasak ang pamilya ko at pangarap. Napakasakit sa akin ang nangyari lalo pa’t dahil sa ganoong pagkatao ay tuluyang nabuwag ang masaya naming pamilya at maalwang pamumuhay. Nabuo ang galit ko sa kanila. Nabalutan ng pagkamuhi ang puso ko ngunit alam kong sa kaibuturan niyon ay ang katotohanang hindi nila kasalanan ang pagiging ganoon at nasa pagtanggap ng tao sa kung sino sila sa ating lipunan.
Simula nang may nangyari sa amin ni Xian ay hindi na bukal sa loob ko ang pagtrato sa kaniya ng ganoon. Kung nasasaktan siya sa ginagawa ko, sa kaibuturan ng puso ko ay alam kong hindi iyon tama. Maling-mali na tratuhin siya ng hindi makatao ngunit iyon lamang ang tanging alam kong paraan para mapanatili ko ang katatagan ko. Gusto kong maisabuhay ang prinsipyo kong habang-buhay kong kamuhian ang mga katulad niya. Ngunit hindi ako manhid, hindi ako tanga at lalong hindi din ako manggagamit. Alam kong mali ang ginagawa ko at tuwing nag-iisa ako ay nakokonsensiya ako sa hindi tamang pagtrato sa kaniya. Lalo akong nainis sa kaniya dahil sa kabila ng mga ginagawa kong pananakit sa ay hindi pa niya itinigil ang pagpaparamdam sa akin sa kakaibang pag-aasikaso’t pagmamahal. Tuluyan akong ginagapi ng mga kabutihang iyon. Unti-unting tinutunaw ng kaniyang pagmamahal ang galit ko. Ang dating matayog kong prinsipyo ay tuluyang binuwag ng kaniyang likas na kabutihan. Alam kong tinalo niya ako at iyon ang hindi ko matanggap. Tinangka kong tumakas. Sinubukan kong sa paraan ng pagpaparamdam sa kaniya ng kasamaan laban sa kaniyang kabutihan ay magpakita siya ng hindi maganda sa akin para tuluyang maibalik ang prinsipyo kong nilikha ng matinding galit dahil sa pagkawala ng aking ina at pagkawasak ng aking pamilya. Ngunit nanatili ang kabutihang iyon. Tuluyan ngang nabuwag ang baluktot kong prinsipyo hanggang wala na akong maapuhap na galit. Nasaid ang pagkamuhi at ang tanging naiwan doon ay ang katotohanang nasasaktan na ako sa mga di magandang ginagawa ko sa kaniya.
Oo nga’t tuluyang sinira niya ang tiwala ko nang minsang may nangyari sa amin noong lasing ako. Ngunit sa pagdaan ng panahon ay naiintindihan ko na hindi niya ginawa iyon dahil lang sa bakla siya. Hindi niya ginawa iyon dahil sa kaniyang makamundong pagnanasa. Nagawa niya iyon dahil sa matagal na niyang pagmamahal sa akin. Hindi niya nakayanan paglabanan ang tukso na ang tanging nagtulak sa kaniyang gawin ay ang matagal na niyang inililihim na pagmamahal sa akin. Minsan lang siya nagkamali samantalang ilang beses ko siyang sinaktan kapalit sa mga kabutihan niya sa akin.
Nang araw na napagbuhatan ko siya ng kamay at inilabas niya ang galit niya sa akin ay gaping-gapi na ako noon. Hindi ko lang kasi kayang pantayan ang kaniyang mga masasakit na sinabi ngunit kung tutuusin ay wala siyang nasabing kasinungalingan. Masakit lang kasi sa aking tanggapin kung ano ang totoo. At dahil sa aking pagkatalo ay tanging pagsuntok sa kaniya ang nagiging paraan ko para mapantayan siya. Nagpadala ako sa aking galit. Galit dahil sa kaniya ko lang narinig ang mga katotohanang dapat ay noon ko pa tinanggap. Sising-sisi ako sa aking nagawa. Hindi ko lang alam kung paano ko ipadama sa kaniya na nagkamali ako. Hindi ako sanay. Hindi ko napaghandaan na ang katulad pa niya ang tuluyang magpabago din sa akin. Pumasok ako sa banyo nang tulog na siya at doon ko sinaktan ng sinaktan ang sarili ko. Para akong baliw na sinampal sampal ko ang mukha ko. Sinuntok-suntok ko ang dibdib ko dahil gusto kong sana siya ang gagawa no’n sa akin para mawala na ang nararamdaman kong pagkakonsensiya. Gusto kong lumaban siya noon. Gusto kong gumanti siya para tuluyang mawala ang guilt nanararamdaman ko ngunit paano ko ba mapipilit ang taong likas na mabuti na saktan ang mahal niya? Ang mga luha niyang iyon ang parang lumunod sa akin. Napakahirap sa akin ang huminga. Sobrang hirap sa kaloobang sinaktan ko ang taong walang ibang ginawa sa akin kundi mapabuti ang estado ng aking buhay at marating ang di ko mararating kung wala siya.  Sana nakita niya noon kung paano ako humagulgol. Sana naramdaman niya noon kung gaano kabigat sa dibdib ang dinadala kong galit sa aking sarili dahil sa aking nagawa.
Nang tuluyan na siyang hindi nagparamdam ng kaniyang pagmamahal sa akin at hindi na niya ako napapansin ay sobrang nangulila ako sa pagpapahalaga niya. Hinahanap ko siya. Namimiss ko siya kahit lagi ko lang siyang nakikita. May kung anong butil sa puso ko na hindi ko maintindihan. Yung parang gusto kong humingi ng tawad sa lahat ng mga ginawa ko pero parang ang paghingi ng tawad na iyon ay hindi sapat na kabayaran sa lahat ng mga kamaliang ginawa ko. Hindi ko din alam kung bakit nang nakita kong may bago na siya sa katauhan ni Jomel ay sobrang nasasaktan ako. Hindi ko noon napigilang umiyak. Sa totoo lang hindi ko iyon maintindihan. Sumakit din ang loob ko sa kaniya. Kung mahal niya ako, sana kaya niya din muna akong ipaglaban ngunit sa huli ay naiintindihan ko siya. Paano ba niya ipaglalaban ang isang pagmamahal na alam niyang siya lang naman ang lumalaban. Sa pag-ibig, dapat dalawang tao ang may gusto. Walang silbing lumalaban ang isa kung ang isa ay hindi kakikitaan ng pag-asang magmahal. Hindi ang katulad ko ang kailangan niyang ipaglaban. Hindi ang katulad ko ang kailangan niyang bigyan ng mas malalim na atensiyon at pagmamahal. Ngunit inaamin ko, nagseselos ako sa isang relasyon nila ni JOmel na noong una ay kinukutya ko. Sa tuwing alam kong sila ni Jomel ang magkasama habang nasa bahay lang akong mag-isa ay napapabuntong hininga ako. Sa tuwing umuuwi ako sa gabi na wala siya sa higaan niya o hindi niya ako hinihintay para saluhan sa pagkain ay kinukurot ang puso ko. Ganito ba kahirap ang pagpigil sa lahat? Ngunit mas nangingibabaw parin sa puso ko ang pride o sabihin na nating naguguluhan ako sa mga nangyayari sa akin. Sa tuwing magigising ako sa umaga at walang mainit na tubig para sa kape ko, walang agahan na nakahain sa mesa ay may kakaibang lungkot akong nararamdaman. Lungkot na sakop ang utak ko’t puso. Lungkot na dahilan kung bakit hindi ako makatulog. Napakarami kong iniisip ng mga panahong iyon. Inisip ko kung hihingi ba ako ng tawad sa kaniya, mapapatawad niya ako? Kung hingin ko ba sa kaniyang iwan na niya si Jomel at ako na lang ang asikasuhin niyang muli ay gagawin kaya niya ng buong puso? Paano kung hindi niya gagawin iyon? Paano kung hindi ko kayang ibigay ang pagmamahal na naibibigay sa kaniya ni Jomel? Paano kung hindi pa ko kayang gawin ang ini-expect niya. Pakiramdam ko kasi hanggang kaibigan lang ang kaya kong ibigay. Nalilito kasi ako kung nagkakaganito ba ako dahil namimiss ko ang pag-aalaga niya? Paano kung nakokonsensiya lang pala ako sa ginawa ko dahil sa kabila ng kaniyang kabaitan at naitulong sa akin ay ganoon ang naiganti ko sa kaniya? Ano na lang kung ang nararamdaman ko pala ay ang nararamdaman lang ng isang kaibigan? Hindi kaya lalo ko lang siyang masasaktan? Hindi kaya bibigyan ko lang siya ng pag-asa at sa huli ay sa babae din pala ako liligaya? Paano na lang siyang umaasa? Litong-lito kasi ako at hindi ko lang talaga alam kung ano ba itong nagpapagulo sa isip ko? Ngunit mas madalas yung panahong naikikintal ko sa isip kong mali ang mahalin siya. Hindi tamang makipagrelasyon ako sa kaniya at hanggang kaibigan lang ang kaya kong ibigay. Iyon ang laging iniisip ko dahil iyon naman talaga ang tama. Iyon naman talaga ang dapat. Lalaki ako, lalaki siya, paanong magkakaroon ako ng ganitong nararamdaman sa tulad kong lalaki? Ang alam ko ay litong-lito lang ako dahil sa siya lang ang lagi kong nakakasama, ang masasabing kaisa-isa kong pinakamatalik na kaibigan sa Doha.
Ngunit nang umuwi siyang may suntok sa mukha ay hindi ko na napigilan ang sarili ko. Sinunod ko kung ano ang gusto ng puso ko. Nakinig ako sa binubulong nito at hinayaan kong gawin ang isinisigaw nito kahit hindi umaayon ang utak ko. Pareho kaming lalaki. Hindi yata tamang bibigay ang puso ko sa katulad niya. Pero nang dinadampian ko ng yelo ang mukha niya ay may kakaiba akong nararamdaman. Nang nagkatitigan kami ay may nakita ako sa kaniyang kalooban na parang ganoon din ang damdaming nakahimlay sa kaibuturan ng aking puso. Nang nagdampi ang aming mga labi ay parang pakiramdam ko tama lang ang lahat. Walang mali, walang bawal dahil masaya ang pakiramdam ko. Ang halik at yakap na iyon ay unti-unting binubura nito ang nararamdaman kong takot at pagkalito. Hindi ako nakaramdam ng pandidiri. Walang kahit hibla ng pagkukunwari. Lahat ay nasa tamang ritmo. Nasa tamang ligaya. Tamang sarap. Lahat ng agam-agam ay hinigop ng kakaibang sarap na inihandog niya sa akin.
Sa tuwing matutulog kami ay sinusuklay ko ang buhok niya ay parang unti-unting binubura nito ang mga tanong sa isip ko. Waring sinasabi ng pakiramdam ko na hindi ko na kailangang isipin pa ang mga bagay na iyon. Tama na ang mga ginagawa ko para masagot lahat ang agam-agam. Sa tuwing niyayakap ko siya ay alam kong may binubulong ang puso ko at sa madaling araw, kung hinahalikan ko siya sa labi ay hindi na sini-sino ng puso ko ang kasarian niya. Ang mahalaga ay naipaparamdam ko kung ano ang tunay na laman nito. Kaya nga walang mata ang puso para minsan ay bulag itong tumingin sa kasarian. Kaya hindi ito nabigyan ng sariling utak para magkaroon ng sariling pakiramdam at hayaan ang utak na problemahin ang dapat niyang problemahin. At sa panahong sinunod ko ang puso ko ay alam kong naramdaman niya kung ano nga ba ang tunay na sagot ko sa tuwing sinasabi niyang mahal na mahal niya ako.
Sa aming dalawa, ako yata ang dapat sabihan ng bakla dahil hindi ako naging isang lalaki para harapin ang tunay na tibok ng aking puso. Sa higit dalawang linggong hinayaan ko ang sarili kong mahalin siya ay parang langit ang lahat. Iyon ang mga sandaling tunay kong naramdaman ang ligaya sa taong mahal na mahal ka at mahal mo din siya. Maliban sa ina kong maagang namatay, wala ng iba pang nag-alaga at nag-asikaso sa akin ng ganoon. Wala ng iba pang nagmahal sa akin ng katulad ng pagmamahal ni Xian. Iba ang kaniyang mga halik at yakap. Nararamdaman mo ang pagmamahal. Kakaiba ang kaniyang pagsinta at doon, sa likas niyang kabutihan ay tuluyang ginapi niya ang baluktot na prinsipyo, nahuli niya ang buo kong pagkatao, naisuko ko ang buo kong puso ngunit bahagi ng aking utak ang tumutol. Napakaraming katanungan at takot ang nilikha ng utak ko.
Nang maramdaman kong hindi na ako yung dating James, na parang napakabilis yatang binihisan ng isang Xian ang dating ako hanggang dumating sa puntong ako mismo ay hindi ko na kilala ang sarili ko ay noon ko ginustong bumalik sa dating ako. Natatakot akong matulad sa kaniya. Lagi kong minura ang sarili ko kung bakit ako nagiging ganun. Minsan, naisip kong iyon na ang balik ng karma sa mga maling ginawa ko sa mga katulad nina kuya at Xian? Ang sobrang magmahal sa lalaking tulad ko na ba ang kabayaran ng prinsipyo kong laban sa kanila? Galit ako sa bakla ngunit bakit ngayon sa bakla ako nagmahal? Hindi ko iyon maintindihan. Kung nagmahal ba ako ng bakla ay bakla na din ako? Ayaw kong maging bakla. Hindi ko mahahayaang tuluyan akong bumagsak kay Xian kaya ko pinilit magkaroon ng girlfriend. Sinikap kong burahin si Xian sa puso ko. Iyon lamang kasi ang tanging paraan para muli kong mahanap ang dating ako. Straight ako. Alam ko, straight ako pero bakit ganito? Bakit ngayon ay nagmamahal ako sa bakla? Minsan naiisip kong minahal ko lang siya dahil sa matagal akong sabik sa pagmamahal at pag-aasikaso ngunit nang makilala ko ang naging girlfriend ko na si Mitch, na maasikaso din, mabait at mahal niya ako ay lalo lang akong naguluhan. Kahit sa sandaling kasex ko ang babaeng ipinalit ko kay Xian, kahit pa pinagsisilbihan niya ako at kahit pa naglalambingan kami ay si Xian ang tumatakbo sa isip ko. Sobrang naiinis na ako noon sa sarili ko. Sobrang galit na galit na ako noon sa mga nangyayaring hindi ko maipaliwanag. Wala akong makausap. Wala akong masabihan sa mga nararamdaman kong kakaiba. Parang naipon lahat sa aking dibdib ang sakit ng loob na hindi ko maipadama ang alam kong bawal na pag-ibig sa taong mahal ko at parang sasabog na ang utak ko dahil sa hindi ko mabigyan ng tamang kasagutan ang lahat ng aking mga katanungan kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Gusto ko na ng katahimikan. Gusto ko nang tuluyang lumaya si Xian sa sakit na aking nililikha. Hindi niya deserve masaktan at mahirapan sa kabila ng kaniyang kabutihan. Kailangang ako na lamang ang tuluyang lalayo at iiwas. Kaya ang tanging alam ko noon ay umuwi na ng Pilipinas para matahimik na ang buhay niya.
Iyon naman talaga ang matagal ko ng plano. Ang makaipon ng malaki at makasama ko na ang mga anak ko. Sa illegal na pagbebenta ko ng drugs ay napakabilis ng pag-akyat ng pera. Sobrang bilis ng aking pagyaman na lingid sa kaalaman ni Xian. Ang isang malaking pagkakamaling nagawa ko noong panahong galit pa ako sa ginawa niya sa akin nang nalasing ako ay ang paggamit ko sa pangalan niya sa aking mga transaksiyon. Hindi ko na alam kung paano ko iyon mapapalitan lalo pa’t nakilala na ako sa ganoong pangalan. At hindi ko alam kung paano ko mapapatawad ang aking sarili kung siya ang malagay sa alanganin.
Ngunit nang nalasing siya at nagmakaawa sa akin ay ako yung sumasabog ang dibdib. Dalawang araw na lang uuwi na ako at hindi niya alam iyon. Ayaw ko na kasi siyang saktan. Para sa akin tama na yung sakit na dinulot ko sa buhay niya. Iyon lang ang tanging paraan para makahanap siya ng lalaking magmamahal sa kaniya. Yung lalaking alam kong hindi siya ikakahiya at mamahalin siyang walang takot at agam-agam. Ngunit bakit parang hindi ko siya kayang iwan sa ganoong kalagayan? Kaya nang lumuhod siya at nagmakaawa ay batid ko na  noon na hindi ko na siya kayang iwan pa. Mahal ko na siya. Mali na kung mali ay alam kong tuluyan nang ginapi ng puso ko ang utak ko. Walang mali, walang bawal, ito ang alam kong tama para sa aming dalawa. Nang pinigilan niya ako ay sinikap ko paring umalis para linisin ko na nang tuluyan ang pinasok kong relasyon kay Mitch. Pagkatapos kong makipagkalas sa babaeng nagamit ko para lang kilalanin muli ang sarili ko ay yung sa amin naman ang haharapin ko.
Hindi ko noon alam kung paano ko umpisahan ang pagtatapat ko sa bagong girlfriend ko. Sinikap kong ipaintindi sa kaniya ang lahat. Wala akong nilihim. Lahat ng buong nangyari at simula namin ni Xian ay sinabi ko.
“Kahanga-hanga ang ginagawa niya para sa’yo James. Babae ako, pero parang hindi ko kayang pantayan ang pagmamahal ni Xian sa’yo.” Si Mitch. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang pang-unawa kahit pa alam kong nasaktan ko siya.
“Kaya ako naguguluhan, Mitch.”
“Mahal mo ba siya?” tanong niya sa akin. Iyon ang iniiwasan kong tanungin sa akin ng ibang tao lalo pa’t sa kapwa ko lalaki ang pinatutungkulan.
Hindi ako sumagot. Hindi ko kasi alam kung paano ko aaminin iyon.
“Mahal mo nga siya. Kasi kung hindi mo siya mahal, mabilis mo lang sabihin iyon sa akin. Saka sa halos isang linggo na magkasama tayo, napapansin kong siya ang laging bukambibig mo. Totoo nga’t kadalasan sinasabi mong naiinis ka sa kaniya, naguguluhan ka sa mga ginagawa niya, minsan din ay humahanga ka sa kabutihan niya, ngunit si Xian at si Xian parin ang bukambibig mo. Unconsciously,  siya ang tumatakbo sa isip mo sa tuwing magkasama tayo.”
“Siguro nga, Mitch. Hiyang-hiya ako sa’yo. Mali ba ako na nagmahal sa kagaya ni Xian?”
“Hindi sana tamang batayan ang pagkasino ng mahal natin. Kung siya ang alam nating dahilan ng ating ngiti sa umaga paggising at gustong kayakap bago matulog ay doon tayo.”
“Hindi ka ba nagagalit sa ginawa ko sa’yo.”
“Magalit man ako, wala nang patutunguhan. Mabuti nga’t habang maaga ay nasabihan mo ako. Minahal na din kita James ngunit kung saan ka masaya ay doon ka. Gusto nga sana kitang sampalin ngunit alam kong ang paglapit mo sa akin at pagsabi ng totoo habang hindi pa tayo nagtagal ay isang pagiging tao na dapat kong ipagpasalamat dahil hindi mo na pinatagal ang panloloko sa akin at sa sarili mo.”
“Paano mo ako nagawang intindihin, Mitch? Hindi ko talaga ini-expect na ganyan ang magiging reaksiyon mo sa nagawa ko.”
“Bukas ang kaisipan ko sa mga bakla dahil halos lahat ng kabigan ko ay mga ganoon  din. May kuya ako sa Dubai na nagbabakasyon dito sa Doha ng tatlong araw. Ipakikilala kita sa kanila mamaya. Parating sila dito ngayon. Uuwi na sila bukas sa Dubai. Akala ko maipakilala kitang boyfriend ko sa kanila pero hindi na pala.” Tumawa siya.
“Sorry talaga Mitch.”
“Hindi, James. Wala kang kasalanan. Naiintindihan kita. Masakit pero ganoon talaga ang pag-ibig. May mga sadyang hindi para sa atin at dapat bukal sa loob nating tanggapin iyon para hindi na lalo tayong masaktan pa. Kung patuloy natin ipaglalaban ang hindi talaga puwede ay patuloy lang nating sasaktan ang ating sarili at tingin ko mas masakit kung nagmahal ka pero patuloy mo lang din tinatakasan ang katotohanan.”
May kurot sa akin ang sinabi niya. Ilang saglit pa at dumating na ang kaniyang mga bisita.
“Kuya Jasper at Kuya Alden, si James.” Pakilala niya sa akin sa dalawang may edad na lalaki na dumating.
“Siya ba yung boyfriend mo bunso?” tanong ng pinakilala niyang Kuya Jasper.
“Hindi kuya, ex ko siya.” Natawa si Mitch. Nakita ko sa mata niya na medyo nasasaktan parin siya ngunit alam kong pilit lang niyang tinatanggap ang lahat.
Tahimik lang akong nagmamasid sa kanila sa party at sa mga ibang bisita. Ngunit mas natuon ang tingin ko kina Kuya Jasper at Kuya Alden.  Nakita ko kasi sa kanila ang kakaibang saya. Parang wala silang iniintindi sa paligid nila. Ini-enjoy lang nila ang kanilang kabuuan. Kung titignan silang dalawa, aakalain mong hindi sila mga bakla. Walang tikwas ang kanilang mga daliri, walang indayog ang kanilang mga katawan at pati mga boses ay hindi rin naman pumipiyok. Maliban sa pamisan-minsang banat ni Kuya Jasper tuwing nagpapatawa siya sa grupo. Lumalim pa ang gabi at lumapit sa akin si Kuya Jasper.
“Bakit ka dito nag-iisa? Okey ka lang?” tanong niya sa akin.
“Ayos lang ho. May mga iniisip lang.” matipid na sagot ko.
“Gusto mo bang mapag-usapan? Baka lang naman kailangan mo ng taong makausap sa gumugulo sa’yo. Taong makakaunawa kung ano ang pinagdadaanan mo.”
Ngumiti ako. Alam kong nasabi na nga ni Mitch sa kaniya ang tungkol sa nararamdaman ko kay Xian. Nilingon ko si Mitch at ngumiti sa akin. Para bang sinasabi nito na hindi ko kailangang ikahiya kung ano ang pinagdadaanan ko. Hanggang sa nakita ko na ding palapit si Alden sa amin. Humugot ako ng malalim na hininga. Kung may mga dapat akong makausap ay sila iyon. Kaya ako lalong nalito sa mga nakaraang araw dahil wala akong mapagsabihan sa lahat ng mga kakaibang pinagdadaanan ko. Ininom ko ang laman ng aking baso na alak. Sinaid ko iyon.
“Kung hindi pa siya handang magsalita mahal, hayaan mo na muna si James.” Si Kuya Alden. Nakangiti. Inakbayan niya si Kuya Jasper. Iniabot ang hawak niyang baso ng alak kay Kuya Jasper.
“Ayos lang ho.” sagot ko kay Kuya Alden. “Siguro nga kailangan kong marinig din sa inyo kung ano nga ba itong pinagdadaanan ko.”
“Bata ka pa nga. Marami ka pang dapat maintindihan. Alam mo, parang ikaw lang si Lando na kaibigan namin na nasa Pilipinas. Nakabuntis siya at malapit na silang ikasal noon nang tuluyan niyang inamin na mahal niya si Terence ngunit iyon naman na ang pagkakataong nilayuan siya ni Terence. Ang sana simpleng pagharap lang sa katotohan at ayusin ng kaagad-agad ang pilit nilang tinatakasang pagmamahalan ay nauwi pa sa halos kamatayan nilang dalawa.”
“Kamatayan ho?” napangiti ako. Para kasing hindi ako makapaniwala na umaabot sa ganoon ang simpleng pagtakas lang sa nararamdaman.
“Mahaba pa ang oras. Upo muna tayo.” Wika ni kuya Jasper. “Sandali at kukuha lang ako ng alak saka natin ituloy ang kuwentuhan.”
Pagbalik ni Kuya Jasper ay nagsimula na niyang ikinuwento sa akin ang lahat lahat na nangyari sa mga kaibigan niyang sina Lando at Terence. Ang kanina’y ngiti ko nang sinisimulan niya ang tungkol sa kanila ay napalitan ng kaba sa aking dibdib. Parang hindi ko kayang aabot kami ni Xian sa ganoong mga pagsubok. Hindi ko yata kakayaning na mapagdadaanan namin ang mga pinagdaanan nina Lando at Terence dahil lamang sa kapwa sila hindi nagpakatotoo nang una pa lamang. Hindi ko nga dapat takasan ang nararamdaman ko kay Xian. Iyon ang mensahe at aral na napulot ko sa pakikinig ko kay sa kaniya.
“Masuwerte ka nga James, at nariyan pa si Xian na naghihintay lang na maipadama mong mahal mo siya.” Si Kuya Alden. Nakita ko sa kaniyang mukha na gustung-gusto niyang itama ang mga maling nagawa ko sa nakaraan. “Hindi kabawasan ng pagkatao ang pagtanggap sa katotohanang nagmahal tayo ng kapwa nating lalaki. Para siguro sa ibang hindi tanggap ang mga ganitong katotohanan, maaring mababa ang tingin nila sa atin pero kung ikaw mismo ay ganoon kababa ang tingin mo sa sarili mo dahil nagmahal ka sa hindi tamang tao ay lalo mo lang ididiin ang iyong sarili. Isang halimbawang maibibigay ko sa’yo ay si Rhon. Isang dating pari na mas inuna niya ang sasabihin ng ibang tao, pinairal ang pride at hinayaan niyang utak niya ang laging sinusunod at ang masaklap ay sa huli, nauwi din lang sa wala ang lahat ng kaniyang ipinaglaban ng ilang dekada. Nagsayang siya ng panahon, mas gumulo ang kaniyang buhay at sa huli ay sa lalaking minahal pa din naman niya na si Aris ang kaniyang binalikan.”
“Salamat sa mga sinabi ninyo sa akinmga kuya. Ngunit nalilito lang ako. Bakla na din ba ako dahil nagmahal ako ng kapwa ko lalaki? Ayaw ko hong maging bakla!”
“Masiyado kasi tayong nagbibigay diin sa pagkatao natin. Bakla, bisexual, transgender at straight, lahat ng mga iyan binibigyan natin ng category. Hindi ba dapat simple lang. Tao ka kahit ano ka pa. At ang tao, may kakayahang magmahal at sana din hindi na din natin binibigyan pa ng category din ang taong mamahalin natin. Ako, muntik na din akong ikinasal sa babae dahil ang alam ko din noong una ay iyon ang tama para sa akin. Babae ang dapat sa katulad kong lalaki ngunit dahil alam kong lolokohin ko lang ang sarili ko katulad ng muntik kong pagpapari dahil sa kagustuhan ng ibang tao ay sinikap kong tanggapin ang katotohanan. Doon ako sa kung saan ako masaya at hindi dahil sa kung ano ang tama sa tingin ng iba. Kaya tayo binigyan ng sariling isip para pag-isipan at magdesisyon sa alam nating ikaliligaya natin at binigyan ng puso para mahalin ang taong alam nating magpupuno sa ating kabuuan.”
Pagkatapos ng pag-uusap naming iyon ay nabuksan ang makitid kong utak.  Nagpasalamat ako sa mga kuwentong pag-ibig na inilahad nila sa akin. Napakalaking tulong iyon para matagpuan ko ang aking sarili. Nakahanda na din akong magmahal kahit pa sino si Xian dahil siya at siya ang tanging laman ng puso ko’t isip. Nang niyakap nila kuya Jasper at Kuya Alden ay alam kong madami pa ang kagaya nilang naiintindihan ang aking mga pinagdadaanan. Hindi lang ako ang nalilito, hindi lang ako ang naguguluhan at ang importante ay ang tanggapin ko na muna ang pagbabagong iyon para matanggap din ako ng iba.
Pagkatapos naming maihatid sa airport pabalik sa Dubai sina Kuya Alden at Kuya Jasper at bago kami tuluyang magkahiwalay ni Mitch ko ay hiniling niyang kumain kami sa labas na parang magkaibigan. Gusto daw niyang sa huling sandali ng aming pagkakahiwalay ay magtapos kami na magkaibigan at simulan na din agad ang date namin bilang magkaibigan na lamang. Nagkataon naman na nakita pa kami ni Xian. Alam kong galit si Xian noon. Huli na nang mapansin kong naroon din pala sila sa restaurant na pinasukan namin. Mabilis akong tumayo para yayain sila ni Vince sa table namin para mawala na ng tuluyan ang galit niya sa kasama ko at maipakita ko sa kaniyang mahal na mahal ko siya at proud na akong ipakilala siya bilang partner ko. Ngunit hindi ko na sila nahabol pa. Ngunit babawi ako. Pag-uwi ko sa kuwarto namin ay babawi ako sa kaniya.
Pagkahatid ko kay Mitch ay naisipan ko munang dumaan ng kuwintas na pareho kami ng pendant at singsing naming dalawa. Pinaukit ko sa likod ng singsing na iyon ang pangalan namin. Ibibigay ko sa kaniya ang singsing na may nakaukit na pangalan ko at akin naman ang singsing na nakaukit ang pangalan niya. Para lang akong high-school noon. Pakiramdam ko, first love ko lang siya. Napapangiti din ako sa nagagawa kong kakornihan ngunit, masaya ako. Masaya akong natagpuan ko ang tunay na magpapaligaya sa akin. Hindi ko na pinansin pa noon ang sinasabi ng Indiyanong salesman kung bakit parehong pangalan ng lalaki daw yata ang pinauukit ko sa dalawang singsing. Pakialam ba niya?
Dumaan na din ako ng aming makakain. Gusto kong sabihin kay Xian na handa na akong magiging kasama niya habang-buhay. Kahit kutyain ako ng iba, wala akong pakialam dahil sa kaniya naman ako masaya. Ang singsing na iyon ang simbolo na sa kaniya na ako habang-buhay. Kahit hindi kami ikasal ay buo ang loob kong harapin lahat ang hirap at tuluyan nang iwaksi ang pagkakaroon ng iba at nang babae dahil subok ko na ang puso ko… mahal ko siya at hindi ko kayang mawala siya. Kahit ano pa ang isipin ng tao sa akin, kahit sabihan pa akong bakla, tama na sa aking kasama ko siya at ang katotohanang sa kaniya ako liligaya. Dalawang araw na lang uuwi na ako. Hingin ko sa kaniyang samahan na lang niya akong uuwi sa Pilipinas at magsimula kami ng isang negosyo. Kung hindi pa man siya handang sumabay sa akin ay handa akong maghintay. Gusto kong sa Pilipinas na lang kami magsimula. Maraming nangyari dito na kailangan kong takasan. Madaming masasakit na alaala at sa Pilipinas kami magsimula ng bagong kuwento ng aming pag-iibigan. Doon namin babaguhin ang pangit na simula. Alam kong handa niyang talikuran ang trabaho niya dito para sa akin. At sa ipon ko at ipon niya, makapagsimula na kami doon na masaya. Malaki ang naipon ko ngunit lalong mas malaki ang naitatabi niya kasama ng mga ari-arian pa niya. Masaya akong umuwi sa kuwarto. Alam kong masosorpresa ko siya ng husto. Sobrang excitement ang nararamdaman ko.
Ngunit, pagpasok ko ng aming kuwarto ay ako ang nasorpresa. Ako ang tuluyang pinaglaruan ng tadhana.  

No comments:

Post a Comment