Wednesday, January 30, 2013

Ang Patagong Pagmamahalan 06

By: Iam Kenth
Source: michaelsshadesofblue.blogspot.com
Blog: hipogi.blogspot.com


"Ang Patagong Pagmamahalan pt. 6"
By Iam Kenth


Ayaw ko na gusto kong umuwi. Nalilito ako, ayaw ko dahil alam kong masasaktan lang ako lalo, gusto ko dahil sa kabila ng nalaman ko nais ko paring makita si Ryan.

Nakakainis!

Pero, kailangan kong tanggapin ang mga nalaman ko kahit na gaano pa iyon kasakit. Sabi ko nga sa sarili ko, mali-maling iyong pagkakataon na sinabi ko sa kaniyang mahal ko siya. Dahil lalayo ako sa kaniya.

Iniisip ko, kung hindi ko rin naman sinabi sa kaniya, malamang maiinis din ako sa sarili ko kung malalaman kong magiging ama na siya, magkakaroon parin ako ng pagsisisi.

Kung alam ko lang noon pa na hindi niya ako iiwasan sa oras na sabihin ko sa kaniyang gusto ko siya, sana noon ko pa sinabi. Sana nabago ang sitwasyon, wala sana ako ngayon dito sa Maynila, malamang ay mas pipilitin ko ang aking mga magulang na doon nalang mag-aral kasama siya.

Pero huli na ang lahat. Siguro nga nakasulat na ang tadhana ko. Binabaybay ko nalang. Hindi ko alam kung hanggang saan ako makakarating, kung paano matatapos ang tinatahak kong istorya ng aking buhay.


Nagdesisyon akong umuwi sa amin.


Pero kagaya ng aking inaasahan, walang Ryan na sasalubong sa akin sa pantalan. Kagaya ng paninibago ko noong dumating ako sa Maynila, nakakapanibago na wala siya, wala ang nasasabik niyang mga pagtingin na muli akong makita.

Nakarating kami noon sa bahay. Nagpahinga muna ako. Humiga, nakatingin sa kisame. Umaasa akong may babato sa bintana, pero wala. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.

Nagising ako sa katok ni Mama.

"Myk, andito si Ryan." Sabi ni Mama.

Bigla akong nagising. Pero hindi ko talaga alam kong, lalabas ako at makikipagkita ako sa kaniya. nakaramdam na ako ng pagkahiya sa kaniya.

huminga ako ng malalim.

"Pakisabi---- baba na po ako." Tumayo ako sa aking kinahihigaan.

"O sige." Sabi ni Mama.

Bumaba ako, nakita ko siyang nakaupo noon sa upuan kahoy, nakikipag-usap siya kay Papa noon. May napansin akong malaking pagbabago sa kaniyang itsura, mas naging matured na siya. Nagkaroon na sila ng beard and stubbled.

Sobrang mas naging kaakit akit na siya sa aking paningin.

Hindi ko mapigilan ang sarili ko, pero nandoon parin ang pananabik na muli ko siyang makita.

Noong nakita niya ako, ngumiti siya at itinaas ang kaniyang kamay, kagaya ng parati niyang ginagawa sa tuwing nakikita ako.

Inayos ko ang lukot ng aking damit, inayos ko ang tayo ko. Sinuklay ko ang aking buhok gamit ang aking kamay bago ako lumapit sa kaniya.

"Kamusta kana?" Tanong niya, alam kong ironiko ng tanong na iyon, dahil alam naman niyang, hindi ako okay.

Ngumiti padin ako, "Okay naman." Pinasok ko sa likurang bulsa ko ang aking mga palad.

"Labas tayo." Sabi niya. Tumango ako.

Nagpaalam muna kami, at lumabas.

Habang naglalakad ay hindi ako umiimik. Gusto ko siyang yakapin noon, halikan, lambingin pero hindi ko na magawa.

"Ano ba kasi ang nangyari?" hindi ko mapigilan ang sarili kong magtanong. "...masaya pa tayo diba? pero anong nangyari? sabi mo mahal mo ako, pero bakit... bakit... paanong nangyaring magiging ama ka na?"

Hindi muna siya nagsalita, huminto kami sa tulay. Sumandal siya doon. Humawak ako sa kapitan ng tulay, nakatingin ako sa rumaragasang tubig.

"Naimbitahan ako sa isang kasiyahan Myk, natatandaan mo si Herminia? Iyong sinasabi ko sa iyong crush ko noon kahit?" sabi niya, tumango ako. Kilalang kilala si Herminia, bukod kasi sa napakaganda niya, anak siya ng Mayor sa lugar namin.

"...nagkasiyahan, inuman, hanggang sa malasing si Herminia."

"Ganun lang at may-nangyari sa inyo? Iyon ba ang sinasabi mong problema sa sulat mo?" Tanong ko, tumango siya. Napaiyak ako. Parang tinusok niya ng karayom ang puso ko.

"Nagpigil ako Myk, sinubukan ko... pero---"

"Pero ano?" napatingin ako sa kaniya.

"..natutukso parin ako sa babae, sasabihin ko din naman sana sa iyo, pero... nagbunga ang ginawa naming iyon eh. Pasensya na." Yumuko siya at ramdam ko ang pagkaguilty niya.

Pinunasan ko ang luha ko ng kamay ko.

"Noong nalaman iyon ng mga magulang ni Herminia, pinagkasundo din kami kaagad para ikasal, dahil kung hindi ko siya pakakasalan, makukulong daw ako sa salang panggagahasa. Kaya, sa susunod na taon, kapag labas ng bata. Ikakasal na kami."

tuloy tuloy ang pagtulo ng luha ako. hinawakan niya ang kamay ko.

"Mahal na mahal padin kita Myk." sabi niya.

Inalis ko ang kamay niya sa kamay ko. Dahil sobra na akong nasasaktan eh.

"Mahal din kita, pero.... iba na ang sitwasyon ngayon, magkakaroon ka na ng pamilya, at aalis din naman ako ulit. Siguro dapat na natin tong tapusin." sabi ko.

"Huwag, ayaw ko! alam ko kasalanan ko, pero huwag naman, masasaktan ako kapag nawala ka sa akin."

"ako? hindi mo ba iniisip ang nararamdaman ko ngayon? mas dobleng sakit ang nararamdaman ko kesa sa nararamdaman mo ngayon. Ang akala ko magiging okay tayo! pero hindi eh... hindi tayo para sa isa't isa. Tadhana na ang nagpapahiwalay sa atin."

"Pwes, kakalabanin ko ang tadhana, ayaw kong maglihim sa iyo, dahil alam kong mauunawaan mo ako."

"Hindi pwedeng dalawa kami sa puso mo."

"Ikaw lang ang nasa puso ko, magiging ama ako ng anak namin, magiging asawa niya ako, pero ikaw parin ang mahal ko. Ibibigay ko sa kanya ang atensyon ko sa magiging pamilya namin pero hindi ang pagmamahal ko. Dahil para ako sa iyo." sabi niya, hinawakan niyang muli ang palad ko.

"Nalilito ako, hindi ko alam ang gagawin ko." sabi ko.

"Huwag kang malito, magiging okay din tayo."

"Hindi na tayo magiging okay, paano kong malaman nila ang tungkol sa atin? Mayor ang makakalaban natin."

"Walang makaka-alam ng tungkol sa atin, itatago natin sa kanila ang pagmamahalan natin. Sige na naman oh, huwag mo naman akong isuko. Mahal mo pa ako diba?"

"Oo. hindi naman ganun kadaling mawala iyon." Umiyak na ako ng husto. Pinunasan niya ang luha ko ng kaniyang daliri.

"Ganun din ako sa iyo. Mahal kita, at lagi kitang minamahal at hinding hindi iyon magbabago, kahit na anong mangyari."

Hinawakan niya ang mukha ko, nilapit niya ang labi niya sa labi ko.

At muli... naglapat ang aming mga labi.


Mahal na mahal ko si Ryan. At bahala na kung anong mangyayari.

No comments:

Post a Comment