Wednesday, January 30, 2013

Ang Patagong Pagmamahalan 08

By: Iam Kenth
Source: michaelsshadesofblue.blogspot.com
hipogi.blogspot.com


"Ang Patagong Pagmamahalan pt.8"
By Iam Kenth

Hinatid nila ako hanggang sa bahay.

Bumaba na ako ng sasakyan. Ngumiti sa akin si Ryan. At ganun din sa akin ang mapapangasawa niya.


Nagpaalam na sila sa akin. Pinagmasdan ko ang sasakyang papalayo sa akin.

Hindi ko maunawaan pero, nakadama akong muli noong ng sobrang pighati. Iyong pakiramdam na, kasama mo ang mahal mo habang kasama niya ang kaniyang Pamilya.

Ayaw kong isipin na wala ng pagtingin o nararamdaman pa sa akin si Ryan, dahil kilala ko siya mula pa noong pagkabata namin.

Ang iniisip ko ay kung bakit siya huminga ng pasensya. Dahil ba alam niyang nasasaktan ako?

Nakita ko nalang ang sarili ko sa loob ng aking kwarto, tahimik, tulala, nag-iisip kong ano bang nagawa kong mali at bakit kailangan kong pagdaanan ang ganitong uri ng pakiramdam.

Alam kong mahal pa ako ni Ryan, nararamdaman ko iyon, lalo na noong nakita ko siya kanina.


Papikit na sana ako ng biglang may kumatok sa bintana.

Pagsilip ko, si Ryan. Agad akong tumayo at binuksan ang bintana.

Agad niya akong niyakap, lumuha. Naiyak din ako bigla ng hindi ko alam ang dahilan. Hinawakan niya ako sa aking pisngi at hinalikan niya ako.

"Pasensya na Myk, hindi ko na alam ang gagawin ko mula noong nalaman ni Hermin ang tungkol sa ating dalawa, nabasa niyang lahat ng mga sulat mo sa akin. Pinagbawalan niya akong magsulat na sa iyo, dahil kung ipagpapatuloy ko daw ang pakikipagrelasyon ko sa kaniya, magsusumbong siya sa mga magulang niya. Aalisan nila ng trabaho ang mga magulang ko, at hindi ko na alam kung ano pa ang pwedeng gawin ng pamilya niya sa pamilya ko kung magsusumbong siya. Nawalan ako ng lakas ng loob." Patuloy niyang pagkakasabi.

Hindi na ako napagasalita sa mga nalaman ko, hindi kami naging maingat sa pagpapalitan namin ng sulat, kaya siya nawala sa sirkulasyon dahil sa nalaman ni Herminia.

Malamang pakana din ni Herminia ang pagpapadala ng litrato ng anak nila upang masaktan ako, upang ipamukha sa akin na huwag na ko na silang guluhin dahil may anak na sila.

At pakana niya rin marahil na gawin akong Bestman upang masaksihan ko ang pag-iisang dibdib nila.

Naisip ko, na wala siyang karapatan na gawin sa akin iyon! Nauna akong mahalin ni Ryan, at hindi siya minahal ni Ryan. Tanging ang anak lang nila ang ang kukubli sa kanilang dalawa.

"Sumama ka na sa akin sa Maynila?" Sabi ko.

"Gusto ko-- gusto ko, pero kagaya nga ng sinabi ko... inaalala ko ang Pamilya ko dito. At ang anak ko. Mahal na mahal ko ang anak ko." Sabi niya. Humiwalay siya sa pagkakayakap sa akin. At umupo siya sa kama. Umupo ako sa harapan niya at inihiga ko ang ulo ko sa hita niya. Hinimas niya ang buhok ko.

"Bakit niya ginagawa sa atin ito?" Tanong ko sa kaniya.

"Dahil mahal daw niya ako, pero sinabi ko sa kaniya na hindi ko siya mahal. At sa tuwing sasabihin kong ikaw ang mahal ko, nagagalit kasi, at nagtatangka na magsusumbong sa Papa niya. Kaya nilang magpatumba ng tao, alam mo naman iyan diba?"

Bigla ko siyang inalala noon at tama siya, masyadong madahas ang Pamilya ng babaeng papakasalan niya.

Wala kaming ibang pagpipilian.

"Gusto mo bang tigilan na natin ito?" Tanong ko sa kaniya, pero sa loob loob ko, nasasaktan na ako.

"Hindi--- Ililihim parin natin ito, sasabihin ko sa kaniya na wala na tayo para hindi siya magduda sa ating dalawa. Iwasan nating magkita sa mga lugar na maari may makakita sa ating mga kakilala nila." sabi niya, ramdam na ramdam kong mahal na mahal ako ni Ryan. ayaw ko din namang mawala siya sa akin.

"Paano ang kasal mo?" Tanong ko.

"Magpapakasal ako sa kaniya, magiging asawa niya ako at magiging ama ako ng anak namin, pero hinding hindi niya makukuha sa akin ang pagmamahal na nais niya, dahil sa iyo lang ako magmamahal ng tunay." Sabi niya.

"Mahal na mahal kita Ryan." Bigla akong napaluha noon.

"Alam ko, alam ko--- gagawa ako ng paraan para makita ka, para makasama ka. Kung hindi niya ako papayagang makasulat sa iyo, gagawa ako ng paraan para makausap ka, para makita ka. Gusto kong makabawi sa iyo." Sabi niya. Hinalikan niya ako sa noo ko.


Noong gabing iyon, umalis din siya. Sabi niyang tumakas lang daw siya upang makita at makausap ako.

Muli akong nalungkot noong umalis siya.

At sa tuwing ginagawa niya iyon, tila nawawala ang kalahati ng buhay ko. Kaya nanghihina ako.

At mula noong nalaman ko iyon, patay malisya lang ako kay Herminia na alam ko na alam na niya ang tungkol sa amin ni Ryan. Napansin kong pinakikiramdaman niya ako, lagi niya kasi akong inimbita sa kanila noon, gusto daw niyang makilala ng husto ang matalik na kaibigan ni Ryan, ang magiging bestman ng aking mahal.

Pero, ramdam ko ding pinagseselos niya ako. Naramdaman kong hindi maganda ang ugali ni Herminia, kasi kung gugustuhin niyang mapalayo ako kay Ryan, hindi na niya hahayaang magkita pa kami. Pero ang ginagawa niya, nais niyang makita ko na pinagsisilbihan siya ni Ryan.

Naiinis ako minsan, nagseselos lalo pa't nakikita kong hinahalikan niya si Ryan.

At sa gabi naman, kasama ko si Ryan sa kwarto ko, pero limitado lang ang oras na ilalagi niya, pero para sa akin napakahaba na ng sandaling iyon. Pero, sa tuwing aalis siya, ninanais ko ng sumapit na muli ang isa pang gabi para naman masolo ko siya.


Isang Linggo bago ang kanilang kasal.


Muli ay nasa bahay ako nila Ryan. Lumabas si Ryan noon upang bumili. Naiwan kami ni Herminia.

"Ikakasal na kami ni Ryan." sabi niya.

"alam ko, masaya ako para sa inyong dalawa." sabi ko, pero deep inside, it really hurts.

"Mabuti naman kung ganun, at pagkatapos ng kasal namin, ayaw kong makita ka pa na kasama ang magiging asawa ko." sabi niya.

Natigil ako noon, inisip ko na, nakakaramdam kaya siya na nagkikita kami sa gabi.

"Kung yan ang gusto mo. Total babalik din naman ako sa Manila. Graduating na ako, baka hindi na rin ako babalik dito pagnakahanap ako ng trabaho doon." Sabi ko.

"Mabuti naman. Nabigyan ko siya ng anak, at nakita mo namn kung gaano siya kasiya diba? kaya hayaan mo na kami, dahil alam naman nating, hindi mo siya mabibigyan ng anak." Nangiti siya noong sinabi niya, ngiti na tila napakasarkastiko.

Pero, hindi ko siya pinatulan.

"alam mo kung bakit kita laging pinapapunta dito? para malaman mo na masaya na si Ryan sa akin." Sabi pa niya.

"Alam mo rin ba kung bakit ako napunta dito? hindi para alamin kung anong meron kayo, napunta ako dito para makita si Ryan. Iyon lang yun."

Bigla niya akong binuhusan ng tubig na galing sa baso sa mukha ko. Wala akong magawa, tumayo ako.

"Salamat sa meryenda, pakisabi kay Ryan, umalis na ako." Sabi ko. Tapos lumabas na ako.

paglabas ko, nasalubong ko si Ryan. Bigla akong napaiyak noon, ang hina hina ko. Hindi ko kayang ipaglaban si Ryan. Nakita ni Ryan ang pagluha ko. Susundan niya sana ako, pero tinawag siya ni Herminia.

Parehas kaming walang magawa.




Pumunta ako noon sa lambak, ako lang mag-isa. Pinamamasdan ko ang inukit niyang pangalan namin sa puno.


At muli, tumulo ang luha ko.

No comments:

Post a Comment