Friday, January 4, 2013

Si Rodel at ang Aking Pangarap (11 & Finale)

By: Mikejuha
E-mail: getmybox@hotmail.com
Blog: michaelsshadesofblue.blogspot.com

[11]
Unang gabi sa naiibang setup namin kung saan doon natulog si Rodel sa kuwarto ni Mae. Hindi maiwasang hindi ako manibago, masaktan, mag-isip, mangamba pabaling-baling sa kama, iniimagine na ang unan na yakap-yakap ay si Rodel. Hindi rin maiwaksi sa isipan ang mga eksenang kung sakaling manganak na si Mae at tuluyang bigyang-laya ko si Rodel, ipaubaya sa mag-ina, ipakakasal at hayaan silang magsama. Nakikinita ko ang saya na malalasap nila, kasama ng kanilang magiging anak.

Matutupad na ang pangarap ni Rodel. Bulong ko sa sarili. Alam ko, hindi puwedeng pag-isahin ang mga pangarap namin. Pangarap ko ay ang magkaroon ng isang lalaking magmahal sa habambuhay, hanggang sa pagtanda; ngunit ang pangarap niya ay ang magkaroon ng katuwang, pamilya, at anak. At hindi ko maibibigay sa kanya iyon. Na kay Mae ang lahat ng katangiang makapagbigay ng katuparan sa minimithi niya. Kapag tuluyan nang mabuo ang pangarap ni Rodel, hindi na ako nakasisiguro kung paninidigan pa niya ang pangako na hindi ako iiwan. Arrggghh! ! sigaw ko sa sarili. If you love someone, set him free. If he comes back to you,
then he is yours, but if he doesnt, then he never was ang kasabihang pilit na isiniksik ko sa utak. Grabe, sakitttt!


Sa gabing iyon, matagal akong nakatulog. Ang mga katanungang iyon ang bumabagabag sa aking utak. Iniisip ko na lang na sa buhay na ito, hindi lahat ng bagay ay makakamit, gaano man katindi ang pagsisikap na gagawin ng isang tao; na ang tunay na susi ng kaligayahan ay ang pagtanggap sa katotohanang ito, ng maluwag sa dibdib. Umukit din sa isip na kung masakit man ang kahinatnang kung sakaling iiwan ako ni Rodel, lalong mas masakit ito kung magkimkim ako ng galit at sama ng loob; kaya dapat kong ihanda ang sarili sa kung ano man ang mangyayari, gaano man kasakit ito

Naramdman ko na lang ang mga luhang dumaloy sa mga pisngi ko. Hinayaan kong bumagsak ang mga ito sa unan hanggang sa nakatulog ako.

Sa halos dalawang linggong pagsasama nila, pansin ko sa mga kilos ni Mae ang saya. Hindi ko lubusang maipaliwanag ang tunay na naramdaman. May konting selos at sakit; may konting pagkahabag sa sarili. Ngunit may malalim na kaligayahang dulot din ito para sa akin dahil nakapagdulot ako ng saya at ligaya sa buhay pamangkin ko.

Sa parte namin ni Rodel, tila nahaluan ito ng pagkailang. Halos hindi siya makatingin sa akin ng diretso. Pero naintindihan ko iyon. Kahit may sakit na dulot sa puso ko ang pagsasama nila ni Mae sa gabi-gabi, mas nangingibabaw pa rin sa akin ang pag-intindi, ang pagparaya

Huling gabi iyon sa pagsasama nila ni Mae. Habang tulog na ang lahat sa mga kuwarto nila, bumaba ako sa hardin, at naupo sa isang upuang sementong gawa ni Rodel, malapit sa isang maliit na puno ng narra. Naalala ko pa ang pagtanim ko sa punong iyon. Habang hinuhukay ko ang lupa, hindi ko alintana na nasa likod ko pala si Rodel. Bulaga! ang sigaw niya.

Sa inis ko sa ginawa niya, hinabol ko siya at binato ng lupa. Noong maabutan ko, nagpambuno kami hanggang sa magpagulong-gulong sa damuhan. Sobrang saya ang naramdaman ko sa tagpong iyon.

Pagkatapus ng harutan, binalikan namin ang hindi ko pa natapos na hinuhukay na lupang tataniman ko sa puno. Bakit ka ba nagtatanim nito? Sa ganitong oras ng gabi? tanong niya, pinagmasdang maigi ang punlang itatanim ko.

Para sa atin ito, Rodel ang sagot ko. At ikinuwento ko sa kanya na nakasanayan ko nang gawin ang ganoon kapag nagkakaroon ng relasyon; na ang puno ng kahoy na iyon ay ang magiging saksi sa patago naming relasyon; na aalagaan ko ito at habang tumatagal ang relasyon at lumalaki ang puno, ito ang pinupuntahan ko kapag hindi ko siya nakikita at nami-miss ko o kayay kapag kailangan kong mag-unload ng sama ng loob, o kahit magpapahangin lang. Minsan din kinakausap ko ito kapag wala akong makausap at walang makaintindi sa naramdaman ko.

G-ganoon ba? E paano kung maghiwalay kayo? Anong mangyayari sa puno? pag-follow up niya.

Ito ang magsilbing ala-ala ko sa kanya. Kung gusto kong saraiwain ang nakaraan, pupuntahan ko ito, iuukit ko ang mensahe ko sa kanya sa pag-asang mababasa niya ito. At dito ko rin ibabaon ang aming mga ala-ala, ang mga bagay na nakapagbibigay sa akin ng alaala sa kanya, kasama ang isang sulat na naglalaman ng aking mga hinanaing at sama ng loob.

Inakbayan ako ni Rodel. At itong itatanim mong puno ay para sa atin?

Tango lang ang ibinigay kong sagot.

At wala nang sabi-sabi pang kinuha niya ang pala at siya na ang nagpatuloy sa paghukay. Noong sapat na ang lalim ng hukay, itinanim na rin niya ang puno. Noong matapos, Rodrick ang pangalan ng punong ito ang sabi niyang hinihingal pa, ang t-shirt ay nababasa sa pawis. Pinagsamang pangalan natin. Tumingin siya sa akin. Pangako, hindi ko pababayaan na darating ang panahong may ibabaon kang mga masasakit na alaala dito. At lalong hindi ko pababayaang may ibabaon kang mga sulat ng mga hinanakit.

Maya-maya, naghubad siya ng pang-itaas na damit at inihagis iyon sa damuhan. Pagkatapos, hinugot niya ang swiss knife sa kanyang bulsa, hinila ang isang maliit ngunit matalas na kutsilyo dito. Laking gulat ko na lang noong bigla niyang ikinudlit ito sa kanyang kaliwang dibdib. Tumagas ang dugo at ipinapatak ang mga ito sa mismong punong itinanim niya.

Rodel! Ano ba iyang ginawa mo! Nakakatakot ka! ang sigaw kong di magkamayaw sa nerbiyos noong makakita ako ng dugo at agad tumakbo sa loob ng bahay upang kumuha ng alkohol at bulak.

Bakit mo ba ginawa iyon? Tingnan mo, parang diniligan ng dugo iyang puno. Ang sabi ko noong makabalik na at pinunasan ang sugat niya.

Wala ito, Derick... gusto ko lang ipakita sa iyo na hindi lang pawis at lakas ang ibinigay ko para sa punong iyan, pati dugo ko ay idinilig ko pa. Mabuhay at lalaki man iyan, alam mo na may dugo akong dumadaloy sa kalamnan ng punong ito. Kaya pareho nating alagaan ang punong ito, Derick.

Syempre, sobrang touched ako, tila nabilaukan at hindi makapagsalita. Sa mga naging kasintahan ko kasi, si Rodel lang ang bukod-tanging tumulong sa akin na magtanim ng puno, magbigay ng pangalan at magpakita pa ng pagpapatunay kung gaano ako kahalaga sa kanya.

Sinuklian ko lang siya ng yakap habang hindi ko napigilang tumulo ang luha sa mga balikat niya.

Kinabukasan, nakita ko na lang ang sementong upuang ginawa niya sa gilid ng puno na iyon. Simula noon, nakasanayan na naming ni Rodel na kapag gusto naming magpahangin sa gabi lalo na kapag malaki ang buwan, sa garden kami nage-estambay at uupo sa tabi ng puno.

Pabugso-bugso ang ihip ng hangin sa gabing iyon. Malamig, at habang pinagmasdan ko ang puno ay ramdam ko ang saya nito, na kabaligtaran naman sa naramdaman ko. Kitang-kita ang pagtubo nito na mas matangkad pa ng kaunti sa tao ang taas, berdeng-berde at malulusog ang mga dahon, at habang hinihipan-hipan ng hangin ay tila kumakaway-kaway ito na parang gustong makipagkuwentuhan sa akin.

At namalayan ko na lang ang sariling nagsasalita. Bukas, sa akin na naman sasama si Rodel. Ngunit alam mo ba, Rodrick, parang sumisigaw ang puso kong ipaubaya na lang siya. Parang may kung anong sumisigaw sa utak kong doon na lang si Rodel kay Mae. Sila naman talaga ang nababagay e. At oo nga pala, may party na idadaos kami para kay Mae sa sunod na araw. Hindi ko lang alam kung tungkol saan ang party na iyon pero baka may isiwalat o ihahayag siyang importanteng bagay... kagaya ng p-pagpakasal kaya nila? Ah, masakit iyon, Rodrick. Pero wala akong magagawa...

Nasa ganoon akong pakikipag-usap sa punong itinanim ni Rodel noong may narinig akong kaluskus sa may likuran.

Noong lumingo ako, si Rodel. B-bakit ka nandito? Iniwan mo si Mae? Tanong ko.

Tulog na si Mae... at hindi ako makatulog. Sagot niya habang umupu sa tabi ko.

Kumusta ka na?

Heto, ok lang. Ang matamlay niyang sagot.

Bat para kang hindi masaya? Dahil ba matatapos na ang pagsasama ninyo at babalik ka na sa akin? ang sabi kong may halong selos ang tono.

Ngunit hindi ito pinatulan ni Rodel. Hindi. Nasasabik na nga akong makasma ka, eh. May mga bumabagabag lang sa isip ko sabay akbay niya sa akin.

Pwede ko bang malaman?

Baka magalit ka...

Lumakas ang kabog ng dibdib ko sa narinig, nag-isip na may hindi maganda siyang sasabihin. Ok, di ako magalit. Ano iyon. Ang sagot ko na lang sa kabila ng takot sa maaari niyang sabihin.

M-mas kailangan ni Mae ngayon ang pang-unawa, ang pag-aaruga...

Oo naman. Buntis siya at kailangan niyang mag-ingat, at dapat ay aalalayan, suportahan... ang sagot ko. K-kung gusto mo, doon ka na pumalaging tumabi sa kanya gabi-gabi. Pahabol ko, bagamat tila may kung anong bagay na bumara sa lalamunan ko noong lumabas sa mga labi ang huling mga katagang iyon.

Yumuko lang si Rodel, sandaling natahimik. Pansin ko sa mga mata ang malalalim na iniisip niya. Maya-maya, nagsalita. P-pakasalan ko si Mae, Derick...

(Itutuloy)


[Finale]
Tila biglang huminto ang pag-ikot ng mundo sa narinig. Ramdam ko ang pamumuo ang mga luha ko sa mga mata nguinit nilabanan kong huwag bumuhus ang mga ito sa pisngi ko.

Ah eh, oo naman. Ang sagot ko na lang.


Alam kong nasasaktan ka Derick pero sana naintindihan mo ako

Tuluyan nang pumatak ang mga luha ko. Palihim kong pinahid ang mga ito. Naintindihan naman talaga kita eh. Di ako pweding magbigaay sa iyo ng anak, diba? Ok lang iyan. At least, si Mae ay pamangkin ko din.

H-hindi iyan ang dahilan, Derick mahirap ipaliwanag.

Simple lang iyan, Rodel. Aminin mo na anak ang habol mo kay Mae

Tahimik.

Hindi mo naintindihan

Ok, fine kung ano man ang reason mo, magpakasal kayo. Wala akong problema at tanggap ko na ito.

Hindi na kumibo pa ni Rodel. Ewan ko kung ano ang ibig niyang sabihin na hindi ko naintindihan. Ngunit iwinaglit ko na lang sa isip iyon.

Natapos ang dalawang linggong pagsasama nila. Naghanda kaagad kami para sa party na hiniling ni Mae. Nagpa-catering sa pagkain, nag-hire ng events coordinator para sa program at mga decoration. Inimbita din namin ang lahat ng mga dating kasamahan ni Mae sa trabaho at mga kaibigan. At ang pinaka-importanteng inaasahan naming panauhin ay ang pinakamalapit na tao sa buhay niya ang mama niya na kapatid ko.

Pinuntahan ko siya sa ibinigay ni Mae na address. Hindi naman ako nahirapang hanapin siya. Noong magkaharap kami, hindi maiwasang hindi mag-iyakan, magpalabas ng mga saloobin hanggang sa kapwa gumaan ang loob at matanggap ang lahat. At pagkatapos, nagyakapan, ipinadama ang kasabikan sa isat-isa na matagal na rin naming kinimkim sa mga puso namin.

Ngunit may unresolved issue ang mag-ina; dahil sa pagtatanan nila ni Rodel, namatay ang ama ni Mae at nahirapan pa ring tanggapin ito ng kapatid ko, lalo na na sa mismong araw ding iyon nandoon si Rodel na siyang kinasusuklaman at dahilan ng pagkamatay ng papa ni Mae. Bagamat inaasam ni Mae na makadalo siya, wala rin akong nagawa noong napagdesisyonan ng kapatid ko na hindi siya dadalo. Malungkot si Mae noong malaman ito. Ang matinding kalungkutang iyon ay hindi maitatago sa mukha niya.

Dumating ang takdang araw ng party. Maayos ang lahat ng preparations. May mga bulaklak, mga balloons, mga palamuti. Tila may nagbibirthday o ikakasal. Dumating din ang lahat ng mga bisita, mga malalapit na kaibigan na may mga 40 katao, ngunit maliban sa nanay ni Mae. Si Rodel at Mae ang nagsilbing mga hosts habang ako at si Marvin ay low profile lang, nasa likod at nagsusupervise at nagku-coordinate sa mga nagluluto, nagsi-serve ng pagkain at maiinum, sinisiguro na ang lahat ng mga bisita ay naasikaso. Syempre, party ni Mae iyon, mga bisita niya ang nandoon at di rin maitatwa na ang iba sa mga kaibigan niya ay alam ang relasyon namin ni Rodel. Kapag tinanatanong kung ano ang okasyon, ang sagot na lang namin ay may mahalagang i-announce si Mae. Sa likod naman ng isip ko, engagement nila at napipintong kasal ang i-aannounce Hindi ko talaga alam.

At habang ramdam kong tino-torture ang aking kalooban, masaya naman ang lahat. Tawanan, kuwentuhan, ang iba ay nag-congratulate sa kanila ni Rodel at Mae na tila bang ang party na iyon ay reception na ng kasal. Sa mga mata ng lahat, bagay na bagay talaga silang magsama at alam ko na sa isip ng mga kaibigan ni Mae inaasahan na nilang magsama at makasal ang dalawa sa hindi kalayuang panahon. Napakaganda ni Mae, kahit medyo pansin na ang paglaki ng tiyan nito, ang pamumutla at pagpayat dulot na rin siguro sa kakaiba niyang naramdaman sa pagbubuntis. At si Rodel naman tila isang prinsepe sa kakisigan. Syempre, may kirot iyon sa puso ko. Ngunit pilit kong isiniksik sa isipan ang pagtanggap sa katotohanang wala nang tsansa pa na magkatuluyan kami.

Nasa kalagitnaan ng kasayahan ang mga bisita noong tumayo si Mae at pinatunog ang baso gamit ang kutsara. Napahinto ang lahat at pigil-hininga, hinintay ang pagsasalita niya. Magandang gabi sa inyong lahat at salamat sa inyong pagdalo! Ang bati niyang nakangiti.

Ewan ko, parang may naramdaman akong kakaiba sa ngiting iyon.

Nagpatuloy siya, Una sa lahat, gusto kong magpasalamat sa Tito Derick ko na siyang kumupkop sa akin at nagbigay ng party na ito para sa akin. Sa lahat din ng mga taong nagmahal sa akin, mga kaibigan, maraming salamat din sa inyo. Sa pamilya ko, kahit wala sila dito at hindi makarating ang mama at mga kapatid, gusto ko ring ipaabot sa kanila ang pasaslamat ko, at sana pagpalain sila, at kayong lahat na mga nagmamahal sa akin. Wala naman talagang espesyal na okasyon kung bakit ako may salo-salo. Gusto ko lang magsaya, gusto ko lang makita ang mga taong mahal ko. At ito ay dahil

Hindi naipagpatuloy kaagad ni Mae ang sasabihin at pansin ko ang mga luhang dumaloy sa pisngi niya. Pinahid niya ito sa mga palad niya, at pilit na ngumiti.

Nagpatuloy siya, M-may taning na ang buhay ko...

Tila binagsakan naman ng bomba ang lahat ng mga nakinig na kaibigan ni Mae. Ang iba ay hindi makapaniwala, namangha. Dali-dali namang lumapit si Rodel kay Mae at niyakap ito, sinusuyo.

Nagpatuloy si Mae. Opo, may matindi akong karamdaman, cancer, at nasa acute stage na, mahirap nang gamutin. At kung magchemotherapy man, wala na ring epekto ito, at baka makasama din sa bata. Hindi ko ipinaalam ito kahit kay Rodel at Tito Derick Ayokong mag-worry sila sa akin at madamay sa problema ko. Ngunit nitong nakaraang mga araw, napag-isip-isip ko na kailangan ko nang sabihin ito. Kayat itong party na ito ay gusto kong magsilbing isang living funeral para sa akin, kasi napahinto siya gawa ng paghikbi doon naman talaga ako pupunta.

Mapapansin sa mukha ng mga kaibigan ni Mae ang matinding naramdamang awa, ang iba ay nagpapahid na ng luha. Napansin ko ring tumulo ang luha ko, naisip na sa kabila ng naranasang hirap, nanatiling matatag si Mae at sinarili ang naramdaman. Syempre, sobrang hiya ang naramdaman ko sa sarili. Para akong sinampal ng maraming beses. Buntis siya, inagawan ko ng mahal at may matinding karamdaman pa.

Ngunit huwag kayong mag-alala dahil tanggap ko na ang lahat ng ito. Kaya paki-usap ko lang ay huwag kayong malungkot para sa akin dahil nakahanda na ako. Binitiwan ni Mae ang isang pilit na ngiti. Kaya tuloy ang ligaya! sigaw niya habang itinaas ang isang wine glass na may laman, ang mga pisngi ay basing-basa pa sa luha.

Mabigat man sa kalooban, at tila tulala sa nalaman, itinaas na rin ng lahat ang kani-kanilang mga wine glass, pilit na ipinamalas ang saya sa kanilang mga mukha. Pumalakpak si Mae at napapalakpak na rin ang lahat.

OK, dahil sa itoy isang masayang living funeral, gusto ko ring magkaroon ng eulogy. ang sabi ni Mae.

At isa-isang nagsalita ang mga kaibigan ni Mae, puro mga nakakatawa at memorable na karanasan, at mga magagandang nagawa ni Mae sa kanila na di nila malilimutan. Tawanan, meron ding iyakan.

Noong si Rodel na ang nagsalita, hindi naman maiwasang lumakas ang kabog ng dibdib ko.

Una, gusto kong manghingi ng tawad sa iyo, sa pag-iwan ko sa iyo nahinto sandali si Rodel, ang mga mata ay ibinaling sa kinaroroonan ko. Ewan, ngunit para akong piniga sa hiya at guilt na naramdaman sa pagkabigkas ni Rodel sa mga salitang iyon.

Nagpatuloy siya. Marahil ay may pag-alinlangan ka sa pagmamahal ko para sa iyo. Ngunit maniwala ka man o sa hindi, mahal kita, Mae. Noong panahon na iniwanan kita, di ako mapakali dahil alam ko ang hirap ng kalagayan mo. Alam kong di sapat ang suportang inbinigay ko sa iyo. Gusto sana kitang ilipat ng titirhan sa isang medyo magandang lugar kaya ako nanghiram ng pera kay Derick. Ngunit noong malaman kong nagkausap na pala kayo at pinatira ka dito, natuwa ako at kahit papaano, ay maibsan ang paghihirap mo sa dati nating tinutuluyan. Kaya itinago ko na lang ang pera at itinabi ito para sa isang bagay na hihilingin ko ngayon sa iyo

Sobrang tahimik naman ang lahat, nag-aabang sa susunod na sasabihin ni Rodel.

Pakakasalan kita, Mae. At lumuhod ito, kinuha ang singsing sa bulsa niya at iniabot kay Mae, ang mga mata ay tila nagmamakaawa, sabay sabing, Will you marry me?

Hindi kaagad nakaimik si Mae. Ang ibang mga bisita naman ay naghihiyawan, nagpalakpakan, sumusigaw ng, Yes! Yes! Yes!

Tumingin si Mae sa akin, tila nanghagilap ng clue kung papayag ako. Tumango ako, ngumiti at ipinakita sa kanya ang thumb-up sign ng kamay ko.

At Yes! ang sagot niya.

Nakakabingi ang palakpakan at hiyawan ng mga bisita habang isinuot ni Rodel sa daliri ni Mae ang singsing. At pagkatapos ay nagyakapan sila, naghalikan. Sa pagkakataong iyon, aaminin ko na may kirot sa puso ko ang tagpong iyon. Ngunit tanggap na ng kalooban ko ang lahat.

Sa araw ding iyon pagkatapus ng pagsasalo ay dinala namin si Mae sa Hospital upang kahit papaano ay maalagaan ng maigi. Bagamat gusto niyang sa habay na lang siya upang hintayin ang takdang araw, nakumbinse din namin siyang pumayag alang-alang sa batang nasa sinapupunan.

Isang lingo ang nakaraan, naganap ang kasalan. Bagamat nahirapan na sa matinding karamdaman, hiniling pa sa rin ni Mae na sa simbahan gaganapin ang kasalan. Ako ang naghatid kay Mae sa sa altar. Pansin na ang panghihina ni Mae noong nagmartsa na siya patungong altar. Ngunit kinaya pa rin niyang tapusin ang buong ritwal ng kasal. Sa pagkakataong iyon, dumalo ang mama ni Mae, nagpatawaran sila at naibalik ang dati nilang pagkamalapit sa isat-isa.

Pagkatapos na pagkatapos ng kasal, balik ospital na naman si Mae. Naghalo ang emosyon ng lahat pagkatapus ng kasal. Masaya dahil sa wakas, nabuo na ang kanilang pagiging mag-asawa at malungkot dahil bilang na ang mga araw ni Mae. Sa sarili ko, pagkahabag kay Mae ang nangingibabaw.

Pitong buwan na ang tyan ni Mae noong pinagpasyahan na ng mga duktor na i-caesarean na siya. Naghihingalo na siyo noon at kailangang makuha na ang bata upang mabuhay ito. Isang batang lalaking malusog at kamukhang-kamukha ni Rodel. Inilagay kaagad ito sa incubator. Si Mae naman ay hindi na nagising, tuluyan nang pumanaw.

Masakit. Oo, aaminin kong pinangarap ko ding ma-angkin si Rodel at masarili. Ngunit kapag ang ganoong kapalit pala ay buhay ng iba, hindi lubos maipaliwanag ang sobrang guilt at galit sa sarili. Doon ko narealize na selfish ako at ang iniisip ko ay pansarili lamang; na halos lahat ng taong nagmahal ay dumaan din sa paghihirap; na ang iba sa kanila ay may mas matindi pang paghihirap kaysa akin.

Noong inilibing si Mae, umiiyak ako, humahagulgol dahil alam ko at naunawaan ang hirap na pinagdaanan niya noong pinanindigan niya ang pag-ibig para kay Rodel; ang psgkamatay ng papa niya sa pagtatanan nila ni Rodel; ang pag-iwan ni Rodel sa kanya dahil sa akin; at ang pagdurusa niya noong dumapo sa kanya ang karamdaman.

Kinagabihan sa bahay, may ipinakita naman si Rodel sa akin, sulat ni Mae. Dear Tito Derick. Salamat sa lahat nang ipinakita mong kabutihan sa akin - pag-aruga at pagkupkop mo sa akin. Wala akong kahit na kaunting galit sa iyo. Alam kong mahal ka ni Rodel at alam kong bago pa man ako, ay kayo na. Pasensya na sa pagdating ko sa buhay ni Rodel. Ang hiling ko lang sana na alagaan mo si Rodel at ang baby ko, katulad ng pag-alaga mo sa akin. Hindi ko man masilayan pa ang baby ko, sana ikaw na ang pupuno sa mga pangangailangan niya hanggang sa paglaki, at ituturing mo syang sariling anak. Tito mahal na mahal kita.Christine Mae-

Di ko maiwasang tumulo ang luha. Napakabait ni Mae... ang nasambit ko na lang.

Isang taon ang nakalipas at tuluyan nang natanggap namin ang paglisan ni Mae. Isang batang lalaki ang iniwanan ni Mae na alal-ala niya sa amin ni Rodel. Marunong na ring maglakad ito at natuto nang bumigkas ng ilang mga salita. Siya ang nagbigay sa amin ng lubos na kaligayahan at nagpatibay pa ng aming pagmamahalan.

Kumuha rin ako ng yaya para sa bata at bagong houseboy kapalit kay Marvin na medyo may edad na, base sa mungkahe ni Rodel. Ayaw niya kasing may maulit pa sa amin ni Marvin.

At si Marvin? Well, ipinasa ko siya sa isa kong kasama sa trabaho na single na single pa at atat na atat nang magkaroon ng kapartner sa buhay. At noong inindorso ko na si Marvin sa kanya, ang nasambit lang niya ay Sana, sya na ang magiging Rodel ng buhay ko sabay bitiw manan ng nakakalokong halakhak. Napangiti na rin si Marvin; isang ngiting pilyo. Nakikinita ko na may nagbabadyang milagrong mangyayari sa dalawa.

Masasabi kong wala na akong mahihiling pa sa buhay. Nasa akin na ang lahat: si Rodel at ang aking pangarap...

(Wakas)

1 comment:

  1. Wow. Galing! Napaka-professional, napakalinis (walang halong kabastusan) at very articulate ang pagkakasulat. Ang mga pangyayari sa kwento sa parang totoong nangyari sa totoong buhay!

    ReplyDelete