Saturday, December 15, 2012

One Message Received (01-03)

by: Lui
http://rantstoriesetc.blogspot.com

Part 01


Nagising ako sa sunud-sunod na ring ng cellphone ko. Antok na antok pa ako kaya naman kinapa ko na lang ang kinalalagyan nito.

'Shit.'

Napabangon ako dahil hindi ko makita kung nasaan ito. Nakalapag lang pala sa headboard ng aking kama. 1.25AM na ang oras sa phone ko na hindi pa din tumitigil sa pagtunog.

15... 16... 17... 18 messages received... 19 (may pahabol pang isa)

'Ugh, GINOOOOO!!', ang gigil na sabi ko sarili ko.

Isa-isa kong binuksan ang mga messages na iisa lang naman ang laman. Nawala na ang antok ko dahil sa inis. Talaga naman 'tong lalaking 'to. Wala na namang magawa.

'Ryanyanyanyan!!', ang paulit-ulit na text na aking natanggap mula kay Gino.

Minarapat ko na lang na mag-reply tutal nasira na din naman ang tulog ko.

Ryan: O, bakit?
...
...
Gino: Buti gising ka pa.
...
...
Ryan: Sino ba naman ang hindi magigising sa sunud-sunod mong text?
...
...
Gino: Haha. Sorry naman.
...
...
Ryan: O, anong meron?
...
...
Gino: Sungit naman neto.
...
...
Ryan: Hindi. Ano nga?
...
...
Gino: Umiiyak ako.

0*0*0*0

'Ryan!!', ang pagtawag sa akin ng isang pamilyar na boses mula sa di-kalayuan.

Parang automatic naman akong napalingon sa lugar kung nasaan naroon ang tumawag sa akin.

'Bakit?', ang mahina kong sabi matapos makalapit sa grupo ng aking mga kaklase na hindi ko masyadong gusto.

'Yung para sa paper sa Philo, okay lang ba kung ma-late kami ng pagpasa?', ang tanong sa akin ni Alicia.

'Sorry, hindi pwede e. Hanggang mamayang 11am. Ako naman mahihirapan nyan.', ang diretsahan kong sagot.

'Ah. Ganon ba? Sige, salamat!.', ang halatang disappointed na sabi ni Alicia.

Agad na akong tumalikod at umalis. Narinig ko pa ng bahagya ang bulungan ng grupo nila.

'Sungit talaga nun.', ang sabi ni Mona na siyang pinakakinaaasaran ko sa grupo nila.

'Tara na. Tapusin na natin 'to.', ang narinig kong sabi ni Alicia.

Hindi ko na lang pinansin dahil wala naman akong pakialam sa sinasabi nila. Pumasok na ako ng building at dumiretso na sa room.

'O bakit ngayon ka lang?', ang tanong ni Gino sa akin.

'Bakit, anong oras ba usapan natin?', ang inis kong balik-tanong sa kanya.

'10.30. Badtrip ka?', tanong niya.

Tiningnan ko ang oras sa phone ko.

'O, 15 minutes lang naman akong na-late. Kinausap pa kasi ako ni Alicia. Akala niya papayag ako na late sila mag-submit. E di ako naman ang nalagot kay Sir nun..', ang inis ko pa ding sabi.

'Bakit ba ang init ng dugo mo sa mga yun? Mababait naman sila ah.', ang pag-depensa ni Gino sa mga kaklase.

'Wow. E ang ingay kasi nila.', ang sagot ko.

'O, eto na paper ko. Paki-check na kung tama.', ang pagbago ni Gino ng pag-uusapan.

Umupo ako sa tabi ni Gino at tahimik na binasa ang assignment niya. May ilang mga tao na ang pumapasok sa room at nagpapasa ng kanilang mga gawa. Medyo strict kasi ang professor namin na iyon sa time. Si Gino na lang muna ang tumatanggap at nag-aayos ng mga papel. Okay naman ang gawa niya. Na-explain naman at nasurportahan ang ilang mga arguments.

'Okay naman.', ang sabi ko sa kanya matapos basahin ang papel.

'Sigurado ka ah.', ang nakangiting sabi ni Gino.

'Wala ka bang tiwala sa akin?', ang retorikal kong tanong sa kanya.

'O, eto na yung mga pinasa nila, President.', ang pag-abot sa akin ni Gino ng mga papel.

'Salamat. O, okay na ba kayo ni Kim?', ang seryoso kong tanong sa kanya.

'Hindi pa din. Nakakapagod na. Hay. Mamaya ko kwento. Di ka pa naman uwi agad?', ang malungkot na sabi ni Gino.

'Okay. Wait, ipapasa ko na 'to.', ang sabi ko matapos tumayo at ayusin ang mga papel.

'E paano 'yung kina Alicia?', tanong ni Gino.

'Wala ng time. Baka buong klase pa mag-suffer kapag late ko 'tong pinasa.', ang sabi ko habang patungo ako sa pinto palabas.

Hindi na nakasagot si Gino. Pagbukas ko ng pinto ay papasok naman sina Alicia na halatang nagmamadali.

'Ryan! Thank God! Eto na 'yung sa amin.', ang pag-abot sa akin ni Alicia ng papers nila.

'Thanks.', ang tangi kong sinabi sabay alis.

Habang naglalakad ay tiningnan ko ang pinasa nila. Halatang minadali ang paggawa.

'Wow. One page.', ang sabi ko sa sarili ko.

0*0*0*0

Sobrang nakakaantok 'tong klase namin ngayon. Nagugutom na ako. Sana mag-dismiss ng maaga si Ma'am. Natutulala na lang ako sa white board. Wala ng ma-absorb ang utak ko. Naramdaman kong nag-vibrate ang phone ko na nakalagay sa bulsa ng polo ko.

One message received: Gino Villaflor

Gino: Hahahaha! Bored ka no? Itsura mo!:)

Tiningnan ko siya ng masama. Siya naman ay ngumiti ng nakakaloko.

Ryan: Shut up. Gutom na ako e.
...
...
Gino: Kain tayo after nito?
...
...
Ryan: Sige. Saan?
...
...
Gino: Ewan. Mag-mall na lang tayo. Dala ko car.
...
...
Ryan: Okay. Ang tagal!
...
...
...

'Mr. Villaflor! Can't you wait for this class to end? Tell your girlfriend to bug you after class!', ang pagpuna ng professor sa pagte-text ni Gino.

Nagkatinginan kami ni Gino habang ang buong klase ay kinantyawan siya. Natawa na lang ako habang siya ay napakamot sa ulo.

Mga ilang minuto pa ang lumipas at sa wakas ay nag-dismiss na din 'tong prof na 'to. Ang ingay sa room. Kanya-kanya ang mga plano. Mabilis akong nag-ayos ng gamit dahil sobrang gutom na talaga ako.

'Girlfriend daw.', ang sabi ni Gino nang palabas na kami ng room.

'Pahalata ka kasi e.', ang natatawa kong pang-aasar sa kanya.

'Tsk. Nakakahiya.', ang natatawa din niyang sambit.

'Not my fault. Ikaw unang nagtext.', ang paghuhugas-kamay ko.

'Tara na. Bilisan mo!', ang yaya niya.

0*0*0*0

'Ryan!!', ang sobrang lakas na pagtawag sa akin ni Katie.

Kasama niya sina Patrick at Doris. Sumenyas ako na sandali lang. Nasa may bench sila malapit sa exit ng lobby.

'Gino, okay lang ba, sunod na lang ako sa'yo sa parking? Puntahan ko lang sandali sina Katie.', ang paalam ko.

'Sige. Or daanan na lang kita dito.', ang sabi niya.

Kumaway siya kina Katie bago umalis.

'O, saan punta nun?', ang tanong ni Doris paglapit ko sa kanila.

'Sa parking. Kunin 'yung sasakyan.', ang sabi ko.

'Tara. Punta tayo kina Patrick ngayon.', ang yaya ni Katie.

'Ngayon? Anong meron?', ang tanong ko.

'Wala naman. Weekend chill.', ang sabi ni Patrick.

'May pupuntahan kami ni Gino e. Try kong sumunod. Sama ko na lang siya. Hanggang what time ba?', ang tanong ko.

'Di pa alam. Sleepover na lang kaya?', ang sabi ni Doris.

'Pwede! Kaso paano mga damit niyo?', sambit ni Patrick.

'Oo nga no. Tsaka papaalam muna ako.', ang sabi ni Katie.

'E kung umuwi na lang muna kayo tapos kita na lang tayo somewhere? Pasundo na lang tayo.', ang suggestion ni Patrick.

'Tama! Exciting to. O, ano Ryan? Game?', ang baling ni Katie sa akin.

Bumusina na si Gino. Sumenyas ako na sandali lang.

'Gusto ko sumama. I don't wanna miss the fun!', ang sabi ko.

Halos sabay-sabay naman ang tatlo sa pagkumbinsi sa akin. Kasabay din nito ang muling pagbusina ni Gino.

'I'll text you, guys, ASAP! Una na ako.', ang paalam ko.

Halos patakbo kong tinungo ang sasakyan ni Gino. Agad akong sumakay.

'Sorry.', ang sabi ko.

'Akala ko gutom na gutom ka na?! Ang tagal mo.', ang halatang badtrip na sabi sa akin ni Gino.

'Oo nga. E ang kulit nila. Di kasi kami nakapag-usap kanina sa room e. Teka, bakit ka naiinis?', ang sabi ko.

'E ang tagal mo. Nakadalawang busina na ako.', ang inis niyang sagot.

Isang buntong hininga na lang ang pinakawalan ko. Lumiko na kami palabas sa gate ng school.

'Seat belt! Baka mahuli pa ako dahil sa'yo.', ang pagalit niyang paalala.

Nainis na din ako dahil sobrang babaw ng rason niya para mainis sa akin ng ganito.

'Sorry ha. Eto na po.', ang sabi ko at padabog na kinabit ang seat belt.

Naging tahimik ang halos isang oras naming biyahe papunta sa mall. Matapos mag-park ay lumabas na agad ako ng sasakyan at padabog na isinara ang pinto. Tahimik pa din si Gino.

'O, saan mo gustong kumain?', ang mahinahon niyang tanong sa akin.

'Ikaw na bahala.', ang mahina kong sagot.

'Tara. Shakey's na lang.', ang sabi niya.

0*0*0*0

Nagsiuwian muna sa kani-kanilang mga bahay sina Patrick, Doris at Katie pero magkakatext ang tatlo.

Patrick: Doris and Katie, text niyo agad ako kung tuloy pa para ipahanda ko na 'yung room niyo. Ingat!
...
...
Doris: Ako sure na! I'll just get my things!
...
...
Katie: Sige! Sana payagan ako.
...
...
...
...
Makalipas ang halos isang oras ay nagtext si Katie sa dalawa.

Katie: Pat and Dor, pinayagan ako! YAY! Parteeeeey!
...
...
Patrick: Yes! Paano pala si Ryan?
...
...
Doris: YAHOOOOOO! Magpapahatid ako. Gusto mo sumabay?
...
...
Katie (to Patrick): Ako na kakausap dun! What time should we be there?
...
...
Katie (to Doris): Talaga? Sige. I'll just pack my things! Dadaan naman kayo sa gate ng subdivision diba?
...
...
Patrick (to Katie): Basta, dinner.
...
...
Patrick (to Doris): Be here by dinner time! See you.
...
...
Doris (to Katie): Yes, dadaan kami. See you.
...
...
Doris (to Patrick): Okidoks!

0*0*0*0

Nalipasan na yata ako ng gutom. Bunch of lunch lang ang in-order ko. Ganon din si Gino. Mukhang hindi na siya badtrip pero naiinis pa din ako sa kanya dahil sa inasal niya.

'Bakit ang tahimik mo?', ang tanong ni Gino.

'Wala ako masabi e.', ang walang emosyon kong sagot.

'C'mon Ryan! 3 years na tayong magkaibigan. Sorry kanina.', ang pagpapakumbaba ni Gino.

Hindi ako sumagot.

'Alam mo kung bakit ako talaga badtrip?', ang tanong niya sa akin.

Tiningnan ko lang siya. Isang buntong hininga ang pinakawalan niya.

'Nakita ko si Kim kanina nung papunta ako sa may parking lot. Kasama niya 'yung mga friends niya. Nilapitan ko pero ayaw pa din akong kausapin e. Tapos 'tong mga kaibigan naman niya, hindi man lang kami tulungan.', ang malungkot niyang sabi.

'Sorry. Sana sinabi mo na lang agad.', ang pag-simpatiya ko sa kanya.

Dumating na ang in-order naming pagkain.

'Sinubukan kong pigilan muna kasi nagda-drive ako. Kaso sa'yo ko naman nabuhos.', ang sabi niya.

'Okay lang. Ano ba kasing nangyari sa inyo?', ang tanong ko.

Nagsimula na kaming kumain habang nagkekwento siya. Nararamdaman kong nagba-vibrate ang phone ko pero hindi ko muna pinansin.

'E kasi she's trying to control me. Ayaw niyang gawin ko 'yung ganito, 'yung ganyan. Dapat ito lang. Tapos ang unfair pa. Ayaw niya ako nakikipag-friends sa iba pero siya naman ang daming kaibigang lalaki. Napaka-selosa.', ang paglalahad niya ng problema nila ni Kim.

'E diba ganon ka din naman sa kanya? Halos bantay-sarado nga siya sa'yo e.', ang komento ko.

'Dati 'yun. Pero natuto na akong mag-loosen up ng konti. Kaso siya naman 'tong ang hirap makaintindi.', ang depensa niya.

'Pag-usapan niyo 'yan ng maayos. Hindi 'yang ganyan kayo.', ang sabi ko.

'E ayaw nga niya e. Bahala siya. Sasayangin lang niya yung 2 taon namin.', ang malungkot na sabi ni Gino.

'O, wag ka na malungkot.', ang pag-alo ko sa kanya.

Tiningnan ko ang phone ko.

Katie: Ryan! Tuloy kina Pat ha. Dinner time daw. Bring Gino para maka-bonding naman namin siya.

'Uhm. Gino. Kanina pala nung kausap ko sina Katie. Nagyayaya sila mag-sleepover kina Patrick.', ang sabi ko.

'O? Pupunta ka ba? Ano oras mo kailangang nandun?', ang tanong ni Gino.

'Gusto ko pumunta. Tara?', ang yaya ko.

'Hmmm. Di ko pa sila masyadong ka-close e. I mean, since first year magkaklase tayo pero hindi pa ako nakakasama sa kanila. Parang nakakahiya naman.', ang sabi ni Gino.

'Don't you think this is the time na maka-bond mo sila? I mean, tayo nga naging close e. E sila yung barkada ko, I think magiging okay naman kayo.', ang pagkumbinsi ko.

'Sige. Papaalam ako. What time ba?', ang sabi ni Gino.

'Basta dinner daw.', ang sagot ko.

Mag-aalas singko pa lang 'yun so makakauwi pa ako para kumuha ng gamit.

'O sige. Bill out na tayo.', ang sabi ni Gino.

Nang makalabas na kami ng Shakey's ay biglang napaisip si Gino.

'Ryan, oo nga no. Paano nga ba tayo naging close?', ang tanong ni Gino sa akin..
Part 02
Mabilis ko nang isinilid sa isang backpack ang ilang damit para sa sleepover kina Patrick. Naghihintay si Gino sa sasakyan. Sinabi ko na huwag na siyang bumaba dahil mabilis lang naman akong mag-aayos ng gamit.
'Ma!', ang pagtawag ko sa aking ina.

Ngunit walang sumagot. Kinuha ko ang toothbrush sa CR at inilagay ito sa pocket ng aking bag.

'MAAAAAA!', ang muli kong pagtawag sa aking ina.

'Ano ba? Kung makasigaw ka.', ang pagalit na turan sa akin.

Nakita ni Mama na ako ay nag-eempake.

'O saan ang lakad mo?', ang mahinahon niyang tanong sa akin.

'Lalayas na ako! Ayoko na dito!!!', ang sabi ko sa kanya.

'Nahihibang ka na ba?!', ang gulat na reaksyon ni Mama.

Tumigil ako sa pag-aayos ng gamit at biglang tumawa ng malakas.

'Joke lang. Punta lang po ako kina Patrick. Dun kami matutulog. Si Gino naghihintay sa baba.', ang paalam ko.

'Diyos ko! Kinabahan ako sa'yo. Sino-sino kayo? Aba, at bakit hindi mo pinapasok si Gino nang makapag-merienda man lang?', ang mabilis na pagsasalita ni Mama na natural lang sa kanya.

'Ako, Gino, Patrick, Doris at Katie. Kumain na po kami tsaka aalis na din kami agad dahil dadaan pa kami sa kanila.', ang sabi ko.

'Sandali lang. Papakainin ko muna iyon. Ikaw talagang bata ka! Nako. Sakto. Naghanda ako ng baked mac. Iyon na lang sana ang dinner natin.', ang sabi ni Mama bago mabilis na bumaba.

Ilang minuto pa ang lumipas ay isinara ko na ang pinto ng aking kwarto at bumaba na din. Dinatnan ko si Gino na nakaupo sa hapag-kainan habang si Mama naman ay abala na naghahanda ng makakain. Mapilit talaga 'tong ina ko kaya wala na akong nagawa kung hindi ang umupo na lang din.

'Gino, hijo. Ngayon ka lang uli nagawi dito, ano.', ang sabi ni Mama.

'Oo nga po e. Medyo naging busy din po kasi.', ang nahihiyang sagot ni Gino.

'Kamusta naman? Si Mommy mo ba e nasa States pa din?', ang tanong ni Mama.

'Opo. Pero magbabakasyon po sila dito sa isang buwan.', ang magiliw na sagot ni Gino.

Inilapag na ni Mama ang baked mac at softdrinks sa mesa.

'Talaga? Nako, we should invite them over. Ano, Ryan?', ang excited na sabi ni Mama.

'Sige po. Nami-miss ko na po 'yung kaldereta nyo, Tita.', ang sabi ni Gino na mukhang na-excite din.

'Sige, Ma. I-remind ko na lang sila pag dumating na. Ma, magdadala ako ng pagkain kina Patrick. Nakakahiya naman.', ang sabi ko.

'Oo nga. Sasabihin ko pa lang e. Sige, ihahanda ko na. Excuse me.', ang sabi ni Mama.

Nagpunta na sa kitchen si Mama kaya kami na lang ni Gino ang naiwan sa dining table.

'Ang cool talaga ni Tita.', ang sabi ni Gino.

'Talaga? Papansin lang 'yan.', ang sabi ko naman.

'Uy, grabe ka. Seriously, nakakatuwa siya. Busog na ako. Tulungan mo naman ako dito.', ang sabi ni Gino at inlapit niya ang plate niya sa akin.

Kumuha ako ng tinidor at sinaluhan siya sa pagkain.

'Naging close tayo kasi nung first year nung nag-crack ka ng green joke sa akin at medyo na-offend ako.', ang sabi ko sa kanya.

'Totoo? Hindi ko na matandaan.', ang sabi ni Gino.

'Oo. Pero ang tagal ko ding inaalala 'yun kanina.', ang natatawa kong sabi.

'Tell me about it.', ang eager na sabi ni Gino.

Magkekwento na ako nang sakto namang pumasok si Mama galing sa kitchen dala ang isang paper bag.

'Ryan, anak, here. I-reheat niyo na lang pagdating niyo kina Patrick.', ang sabi ni Mama.

Kinuha ko na ang bag ko at niyaya na si Gino na umalis.

'Hindi mo naubos ang pagkain mo, Gino.', ang sabi ni Mama.

'Sorry, Tita. Sobrang busog ko na po. But, thanks! Ang sarap, as usual.', ang sabi ni Gino.

'Ikaw talaga. Bolero ka. Mag-bestfriend nga kayo nito ni Ryan. O siya, mag-iingat sa pagda-drive ha?', ang sabi ni Mama.

'Opo. Thank you, Tita.', ang paalam ni Gino.

'Ryan, text me pag nandun na kayo.', ang paalala ni Mama sa akin.

'Yes, Ma! Bye.', ang sabi ko sabay halik sa pisngi ng ina.
0*0*0*0

'Alicia, let's go!', ang sabi ni Mona sa kaibigan.

'Saan ba tayo pupunta?', ang tanong ni Alicia.

'May gusto akong bilhing dress sa mall e.', ang sagot ni Mona.

'Alright. Baka may makita din akong maganda.', ang sabi ni Alicia.

'Nasaan na si Liz?', ang tanong ni Mona.

'I don't know. Call her.', ang sabi ni Alicia.

Kinuha naman agad ni Mona ang phone niya at tinawagan si Liz.

'Nasaan ka? We're leaving na. Papunta na si Kuya Jun dito. Tara na. 5 minutes, alright? Okay.', ang mabilis na pakikipag-usap ni Mona kay Liz.

'Nasaan daw siya?', ang tanong ni Alicia.

'Nasa library daw. May binalik lang.', ang sagot ni Mona.

Umupo muna sila sa bench sa lobby para hintayin si Liz at ang driver na si Kuya Jun. Kung saan-saan gumagala ang mga mata ng dalawa hanggang sa mapako si Mona sa isang lalaki na dumaan at umupo sa kabilang side ng bench ng lobby.

'A, look.', sabi ni Mona.

Sinundan naman ni Alicia ang direksyon kung saan nakatingin si Mona. Isang hindi-katangkarang gwapong estudyante ang umupo sa harapan nila habang nakasapak ang headset sa tenga. Nakasuot ito ng uniform ngunit medyo altered. Nakatupi ang long sleeves at skinny ang jeans.

'Ugh. Not my type!', sabi ni Alicia.

'What? Hot kaya.', ang protesta ni Mona.

'Mona?! May boyfriend ka, tandaan mo.', ang paalala ni Alicia.

'I know. I was just checking out for you.', ang sabi ni Mona.

'He's not my type. I like tall, mestizo and smart-looking guys. Ayoko ng ragged at parang rockstar.', ang sabi ni Alicia.

'Fine. Whatever.', ang pag-irap ni Mona.

Kinuha ni Mona ang make-up kit at nagsimulang mag-retouch habang si Alicia naman ay kinalikot na lang ang cellphone para hindi ma-bore.

'Sorry to keep you waiting!', ang biglang pasok ni Liz sa eksena.

'It's alright. Wala pa naman si Kuya Jun.', ang sabi ni Mona.

'So, where are we going? Ooh. Ang cute nung guy sa harap.', ang tanong ni Liz.

'I know right.', ang pag-agree ni Mona.

'See, told ya.', ang sabi ni Mona kay Alicia.

'Whatever, Mona.', ang mataray na sagot ni Alicia.

Mga ilang minuto pa ang lumipas at dumating na din ang sasakyan nina Mona.

'Let's go.', ang yaya ni Mona.
0*0*0*0

'Ryan.', ang paggising sa akin ni Gino.

Patuloy lang siyang nagda-drive pero hindi na niya alam kung saan kami papunta.

'Uy, gising!', ang pagyugyog niya sa akin.

Nagulat naman ako sa ginawa niyang 'yon dahil medyo malakas ang pwersa. Parang tumalon ang puso ko sa gulat.

'Sorry. Napalakas yata.', ang sabi ni Gino.

'Huhhhh. Nasaan na tayo? Sorry nakatulog ako.', ang paghingi ko ng paumanhin.

'Kaya nga kita ginising e. Di ko na alam kung saan na.', ang sabi ni Gino.

Tiningnan ko ang paligid. Inaalala ko kung saan kami dapat lumiko papunta sa bahay nina Patrick.

'Left turn ka sa next na stoplight. Tapos diretso lang then right sa third block.', ang pagturo ko kay Gino ng direksyon.

'Okay. Kanina pa nagri-ring phone mo. Ang himbing ng tulog mo e.', ang sabi ni Gino.

'O? Sorry. Natulugan kita. Sobrang busog kasi ako.', ang sabi ko.

Tiningnan ko ang phone ko at nakitang puro text at missed calls ni Katie ang nasa homepage. Binasa ko ang mga messages at nagtext na din ako na malapit na kami.

'Nandun na daw sila.', ang sabi ko kay Gino.

Ilang sandali pa ay naka-park na si Gino sa gilid ng bahay nina Patrick. Bumaba na kami, kinuha ang mga gamit at nag-door bell. Si Patrick ang nagbukas ng gate.

'Ang tagal niyo!', ang bungad sa amin ni Patrick.

'Sorry naman. Nakatulog kasi ako sa biyahe. Hindi alam ni Gino papunta dito.', ang paliwanag ko kay Patrick.

'Pasok na kayo.', ang nakangiting anyaya ni Patrick.

Pumasok na kami sa loob at naabutan sina Doris at Katie sa sala.

'At last! Dumating din kayo!', ang sabi niKatie.

'Sorry naman.', at nagpaliwanag na naman ako.

Nakangiti lang si Gino the whole time pero halatang uncomfortable siya.

'Oh, here! Niluto ng mom ni Ryan.', ang pag-abot ni Gino ng paper bag na may laman na baked mac kay Patrick.

'Nako, si Tita talaga. Thanks, Ryan, Gino.', ang sabi ni Patrick.

Inilapag niya ang paper bag sa may center table at bumaling muli sa mga bagong dating.

'Gusto niyo muna ayusin 'yung mga gamit niyo sa taas?', ang sabi ni Patrick sa akin at kay Gino.

'Sige.', ang sabi ko.

'Uy, Gino. Wag kang mahihiya sa amin ha. Magkakaklase naman tayo e.', ang sabi ni Doris.

'Oo nga. Feel at home.', ang sabi ni Patrick.

'Thanks. Excuse me. Akyat ko lang 'tong mga gamit ko.', ang magiliw na sabi ni Gino sa aking mga kaibigan bago sumunod sa akin sa taas.

Sa kwarto kami ni Patrick matutulog. Samantalang ang dalawang babae ay sa katapat na kwarto. May nakaayos ng sofabed sa gilid ng kama ni Patrick. May dalawang towel na din na nakalatag at may isang walang laman na cabinet ang nakabukas.

'Wow. Parang hotel lang ah.', ang sabi ni Gino.

'Oo. Ganyan talaga si Patrick tuwing mag-oovernight kami dito. Super maasikaso.', ang pagbibida ko sa kaibigan.

'Talaga? Nice. Mukhang magiging masaya naman 'tong sleepover natin.', ang sabi ni Gino.

'Oo nga. Tara na.', ang sabi ko nang matapos ko nang ilagay ang mga damit sa cabinet.

'Mamaya ko na lang ayusin 'yung mga damit.', ang sabi ko habang palabas na kami ng kwarto.

Agad naman kaming bumaba at sumali sa kulitan nina Patrick, Katie at Doris. Unti-unting nawawala ang pagkailang ni Gino sa aking mga kaibigan habang lumalalim ang gabi. Nagka-crack na siya ng jokes at nagkekwento ng kung ano-anong kalokohan.

'Guys, ready na daw 'yung dinner.', ang sabi ni Patrick nang makabalik mula sa kusina.

'Kakain na naman?', ang reklamo ni Gino sa akin.

'Wag ka magreklamo sa biyaya.', ang pagalit ko sa kanya.

'Hindi naman e. Kaso busog pa ako mula kanina.', ang paliwanag niya.

Nauna na sina Katie dahil gutom na ang mga ito. Tumayo na ako at hinatak si Gino papunta sa dining area.

'Tara na! Nakakahiya kay Patrick.', ang sabi ko sa kanya.

Wala namang nagawa si Gino kung hindi ang sumunod at kumain ulit.
0*0*0*0

'Wow. Ang dami ko yatang nabili. Ubos na allowance ko.', sabi ni Alicia habang nasa biyahe sila nina Mona at Liz pauwi galing sa mall.

'Okay lang yan. Retail therapy.', ang sabi ni Liz.

'Haaay. Kaso temporary lang. Leche kasing John yan! Pinasakit ang bangs ko.', ang sabi ni Alicia sabay hawi sa buhok.

Nagtawanan naman ang dalawa niyang kaibigan.

'Ay nako, girl. Makakahanap ka din ng kapalit nyan. Be patient lang.', ang sabi ni Mona.

'Oo. Ano pa nga bang magagawa ko?', ang nalulungkot na sabi ni Alicia.

'Ano ka ba?! Cheer up! Walang magkakagusto sa'yo nyan.', ang pagpapalakas ng loob ni Liz sa kaibigan.

'Thank you, girls. You're the sweetest!', ang sabi ni Alicia.

Nag-pull over na ang sasakyan sa gilid ng gate ng village nina Liz. Kinuha na nito ang lahat ng dalahin at nagpaalam na sa mga kaibigan.

'Thanks, Mona! Later, A!', ang paalam ni Liz.

Ihahatid na din ni Mona si Alicia sa kanila tapos ay uuwi na din. Napagod sila sa araw na ito dahil halos suyurin nila ang lahat ng boutiques sa mall.
0*0*0*0

Magha-hatinggabi na pero walang humpay ang tawanan nina Ryan at ng buong grupo sa veranda nina Patrick. Matapos kumain ay nagkayayaan na uminom ng alak. Wala namang kaso ito sa mga magulang ni Patrick dahil bukod sa wala ang mga ito sa kanila ngayon ay nasa hustong gulang na naman sila. Kantyawan, asaran, tawanan.

'O, Gino! Saan ka pupunta?', ang tanong ng lasing na si Katie ng tumayo si Gino at patungo sa loob.

Pasuray-suray na ang lakad ni Gino. Tumuro lang siya sa likod at sinabing magpupunta lang siya sa CR dahil naiihi siya. Hinayaan na ng grupo si Gino at balik na naman sa masayang kwentuhan. Ako? Alam ko may tama na ako pero hindi pa naman masyado. Nahihilo na pero alam ko pa naman ang mga nangyayari.

Ilang minuto pa ang lumipas, hindi pa din bumabalik si Gino. Tumayo na ako at pinuntahan si Gino sa CR. Dinatnan ko siyang nagsusuka sa toilet bowl.

'Oh, my God. Gino.', ang sabi ko habang hinahagod ang likod niya.

'I'm okay. I'm okay.', ang sabi niya sa akin.

Pinagpatuloy ko pa rin ang paghagod sa likod niya habang tinatawag ko sina Patrick.

'PAAAAAT!! KAAAAAATE!! DOOOORRRSS!', ang sigaw ko.

Isa-isa namang nagdatingan ang tatlo. Si Katie ay bumaba para kumuha ng tubig. Habang si Patrick at Doris ay tinulungan akong ayusin ang itsura ni Gino.

'I'm okay, guys.', ang panigurado ni Gino.

'Sigurado ka?', ang tanong ko.

Dumating na si Katie dala ang isang baso ng tubig at isang pitsel pa.

'Gino, inumin mo 'to.', ang utos ni Katie.

'Thanks, Katie.', ang sabi ni Gino bago inumin ang tubig.

'Ryan, sa kwarto na kayo. Pagpahingahin mo na si Gino.', ang sabi ni Patrick.

'Sige.', ang sabi ko.

Nahiya naman ako bigla kay Patrick kaya naman si Doris muna ang pinasama ko kay Gino sa kwarto.

'Lilinisin ko muna 'to.', ang sabi ko kay Patrick.

'Wag na. Palinis ko na lang kay Manang.', ang sabi ni Patrick.

'No, Pat. Ako na. Sige na. Pahinga na kayo.', ang pagpupumilit ko.

'O sige. Ako na lang mag-aayos nung sa labas.', ang sabi ni Patrick.

Nilinis ko ang kalat ni Gino sa CR nina Patrick sa CR. Matapos iyon ay agad din akong pumunta sa kwarto para i-check ang lagay niya.

Pagpasok ko ng kwarto ay nakahiga na si Patrick sa kama habang si Gino naman ay nasa isang side ng sofabed na hinanda para sa amin.

'Shhh. Tulog na siya.', ang sabi ni Patrick.

'Ok. Pat, sorry ah.', ang sabi ko.

'What? Ano ka ba? It was a great night! Don't worry, pahinga ka na din. Tulog na sina Dors at Kate.', ang sabi ni Patrick.

'Sige, good night.', ang huling sabi ni Patrick bago patayin ang ilaw.

Nag-shower muna ako gamit ang CR sa loob ng kwarto ni Patrick. Matapos iyon ay humiga na ako. Nawala na ang tama ko. Pati ang antok ko nawala na din. Madilim ang paligid at ang paghinga ni Gino ang naririnig ko. Tumalikod ako sa kanya at sinubukang matulog.

zzzzzzzzzzz....
zzzzzzzzzzz....
zzzzzzzzzzz....
zzzzzzzzzzz....

'Ryan.', ang pagtawag sa akin ni Gino.

Bumalikwas lang ako sa pagkakahiga.

'Ryan, gising.', ang paggising niya sa akin.

'Hmm?', sabi ko.

'Nauuhaw ako. Samahan mo ako sa baba.', ang sabi niya.

'Ikaw na lang. Antok pa ako.', ang reklamo ko.

'Dali na. Please.', ang pagpupumilit niya.

Lumapit siya ng bahagya sa akin at niyugyog ang balikat ko. Umupo siya at hinatak ang braso ko.

'Hay, Villaflor talaga!', ang naiinis kong sabi pagkabangon.

Bumaba kaming dalawa at nagtungo sa kusina. Kumuha akoo ng dalawang baso at binuksan ang ref para kumuha ng tubig.

'Sorry kanina ah.', ang sabi ni Gino.

'Ok lang. Di mo naman sinabi na magsusuka ka na nun.', ang sabi ko.

'E nahihiya kasi ako. Nakita mo naman kung gaano kadami ang kinain natin bago tayo uminom.', ang depensa niya.

'Oo nga. Tara na.', ang yaya ko sa kanya pabalik sa kwarto.

Umakyat na kami at bumalik na ulit sa kwarto. Humiga na ako agad at pumikit. Alas kwatro pa lang pala ng madaling araw. Nakita ko sa phone ko.

'Ry.', ang pagtawag ulit sa akin ni Gino.

'Ry? Wow, Gino. Tulog na tayo.', ang sabi ko.

'Nami-miss ko na siya, Ry.', ang bulong niya sa akin.

'Lasing ka pa yata e. Tulog na muna tayo, please?', ang pakiusap ko.

Isang buntong hininga lang ang pinakawalan niya at tumalikod sa akin. Parang na-guilty naman ako sa ginawa ko.

'G.', ang pagtawag ko sa kanya.

Bumalikwas siya. Medyo naaninag ko ang mukha niya at nakita kong medyo kumunot ito sa pagtawag ko sa kanya.

'G? What the..', ang reklamo niya.

'O, hindi ako ang nagsimula ha.', ang natatawa kong sabi.

Natahimik lang si Gino.

'Wag mo na siyang isipin. Kung talagang wala na kayo, wag mo nang pilitin. Lalo ka lang masasaktan.', ang sabi ko sa kanya.

'Paano ko magagawa 'yun?', ang tanong niya sa akin.

Sa totoo lang, wala din akong ideya pero biglang pumasok sa utak ko ang dapat na ikukwento ko sa kanya kanina sa bahay. Bigla lang sumingit si Mama kaya hindi ko naikwento.

'Hmm. Ikwento ko na lang sa'yo 'yung dapat kong ikekwento sa'yo kanina. Kung paano tayo naging close.', ang sabi ko.

'Oo nga! Di mo pa nakekwento. O sige na.', ang sabi ng biglang sumayang si Gino.

'Kasi ganito 'yun. Nung first year tayo, hindi naman talaga tayo close. Kalagitnaan na ng first sem 'nun nung una kita nakausap. Naging magkagrupo tayo sa Lit project. Tapos napagkasunduan ng grupo 'nun na gumawa after class. Edi 'yun nga. Gagawa na tayo, blah, blah, blah. Tapos kinailangan natin ng glue kaya nagtanong ako sa'yo. Tinanong kita kung may glue ka ba, tapos alam mo kung ano sabi mo sa akin?', ang kwento ko.

'Wait lang, parang natatandaan ko na! Shocks, nakakahiya pala.', sabi ni Gino na nagpipigil ng tawa.

'Sige nga, ano sabi mo sa akin 'nun?', hamon ko sa kanya.

'Eto: Wait lang, CR lang ako. Matagal-tagal ko na 'tong inipon e, ikaw lang pala inaantay ko.', ang nahihiya niyang sabi.

'Tapos hindi ko pa ma-gets nun until in-action mo sa harap ko 'yung gagawin mo sa CR para magka-glue ka na. Nasigawan yata kita ng bastos 'nun tapos na-badtrip na ako buong araw tapos ikaw naman 'tong sorry ng sorry.', ang natatawa kong sabi.

'Oo. Natandaan ko na! Nakakatawa ka kasing asarin e. Napakaseryoso mo. Kinulit kita ng kinulit hanggang sa bumigay ka din.', ang sabi niya.

'Anong bumigay?!', sabay palo sa dibdib niya.

'Awwwww! I mean, naging magkaibigan na tayo. Ikaw talaga.', ang paglilinaw niya.

Inumaga na kami sa pagkekwentuhan. Tingin ko naman ay kahit papaano ay nalimutan niya si Kim. Nagising na si Patrick dahil sa hagikgikan namin.

'Ang ingay niyo naman!', ang bungad sa amin ni Patrick.

'Good morning!', ang sabay naming sabi ni Gino.

Nagkatinginan kami at nagtawanan ulit ng malakas.

Part 03
Isang linggo makalipas ang overnight kina Patrick ay nakita ko ang pagbabago sa kanila nina Gino. May mga oras na nakikita kong nagtatawanan ang mga ito sa classroom kapag walang professor. Madalas na din sumabay sa amin si Gino sa pagkain at sa kung ano-ano pang bagay. Nakakatuwa. Pero hindi ko pa din maiwasang mag-isip.


'Gino, hindi kaya magselos barkada mo nyan? Kasi dati sila ang lagi mo kasama.', ang pag-aalala ko.

'Hindi 'yan. E puro lang naman sila DOTA e. Di ko naman nasasabi mga problema ko sa kanila.', ang paliwanag naman ni Gino.

'Okay. Nagwo-worry lang ako.', ang pagtatapos ko ng conversation.

Nakakabinging katahimikan ang nangibabaw. Nasa park kami, hinihintay namin si Patrick para sabay-sabay kaming umuwi. Parehas kasi ang way namin.

'Bakit, ayaw mo na ba ako kasama?', ang tanong niya bigla.

'Ano ka ba, wala naman akong sinabing ganyan. Ayoko lang na may masasabi 'yung ibang tao.', ang paliwanag ko.

'Alam mo, Ry, alam naman nila na close tayo e. Nakikita naman nila 'yun. Kaya don't worry. Tsaka kayo ang gusto ko samahan e. Wala na silang pakialam dun.', ang sabi ni Gino.

Nangiti naman ako kasi ang cheesy ng pag-uusap namin na 'to.

'Ry na naman! Ano ba yan. Pero natutuwa ako kasi nag-jive kayo nina Patrick.', ang pagsasabi ko ng totoo kay Gino.

'Mababait naman sila e. Tsaka cool naman sila kasama.', ang sabi ni Gino.

'Kaya nga. O, nandyan na si Patrick.', ang sabi ko ng makita ang isang matangkad na lalaking papalapit.

Tumayo na kami ni Gino at sinalubong si Patrick. Walang dalang sasakyan si Gino ngayon kaya pare-parehas kaming magko-commute. Ako ang unang bababa sa FX, sumunod si Patrick at huli si Gino.

0*0*0*0

'Wala na naman si Liz. Pansin ko the whole week, hindi na natin siya masyado nakakasama.', ang sabi ni Alicia habang naglalakad papunta sa parking lot ng school.

'Oo nga e. Baka may boylet na naman 'yun.', wari ni Mona.

'Di man lang niya pinapakilala. Grabe.', ang sabi ni Alicia.

'Girl, sabi ko 'baka lang naman'. Hindi naman sure.', ang pambabara ni Mona.

'Mona, sa tagal na nating magkakaibigang tatlo, alam ko na mga ugali niyo. Ilang beses na kayang nagkaganyan si Liz dahil may bagong boylet.', ang sabi ni Alicia.

Nag-elevator na sila paakyat sa floor kung nasaan naka-park ang kani-kanilang sasakyan.

'Alam mo na pala e. Nagtataka ka pa diyan.', ang naiinis na sabi ni Mona.

'Girl, meron ka? Ang sungit mo, kanina pa.', ang nagtitimping sabi ni Alicia.

'Wala. Inaantok lang ako.', ang sabi ni Mona.

'Uy, magda-drive ka pa. Gusto mo muna mag-coffee? Ako na lang magda-drive.', ang yaya ni Alicia.

'Sige. Bigla ako nag-crave sa macchiato.', ang sabi ng biglang natuwa na si Mona.

0*0*0*0

'Bye, Gino. Bye, Pat! Ingat kayo.', ang paalam ko sa dalawa nang malapit na ako bumaba ng FX.

'Bye. Ingat din.', sabi ni Patrick.

'Bye, Ry! Ingat.', ang sabi naman ni Gino.

'Ry na naman. Nakakainis!', ang sabi ko bago pumara sa manong driver.

Kumaway pa ako sa kanila pagkasara ko ng pinto. Naglakad na ako papunta sa village namin. Maya maya pa ay nag-vibrate ang phone ko.

Gino: Ingat, RY!:)
...
...
Ryan: Sige pa!!!! :|
...
...
Gino: Ang haba kasi ng Ryan e.
...
...
Ryan: Grabe, 2 syllables lang. Ra-Yan. Parang Gi-No.
...
...
Gino: Haha! Fine! RY.
...
...
Ryan. Ganon? Fine din. G!
...
...
Gino: Panget. Parang gago lang.
...
...
Ryan: E yun ka naman talaga e. JOKE!
...
...
Gino: Sige. Salamat! BYE!:|
...
...
Ryan: Arte! Joke nga lang e. Bahay na ako.
...
...
...

Di na nagreply si Gino. Nagalit yata talaga. Nag-dinner ako agad pagdating sa bahay. Around 9pm na din 'yun. Pagkatapos kumain ay umakyat na ako at nag-shower. Inilapag ko sa side table ko ang aking phone.
Mabilis lang ako natapos mag-wash up at humiga na ako sa aking kama. Kinuha ko ang aking phone at tiningnan kung nagtext na ba si Gino.

Ryan: Hala. Nagalit talaga?:( Sorry.
...
...
...
...
...
Gino: Hindi. Na-empty bat lang ako. Kaka-on ko lang ng CP. Kanina pa ako nandito sa bahay.
...
...
Ryan: Ah. Akala ko nagalit ka e.
...
...
Gino: Hindi no. Ano ka ba.
...
...
Ryan: Patulog ka na?
...
...
Gino: Di pa naman. Ikaw?
...
...
Ryan: Di pa din. Pero nakahiga na.
...
...
Gino: Ah. Ry, wala na yata talaga kami pag-asa ni Kim.:((
...
...
Ryan: Ganon ba? Di na talaga kaya?
...
...
Gino: E kasi kahit magbalikan kami, wala din e. Mauulit lang din 'yung mga nangyayari.Hayaan ko na lang. Kung kami naman para sa isa't isa, magiging kami ulit balang araw diba.
...
...
Ryan: Oo nga. Sarili mo na lang muna 'yung alagaan mo ngayon.
...
...
Gino: Tama!
...
...
Ryan: Tsaka nandito naman ako e. Kami nina Patrick.
...
...
...

Wala na akong natanggap na reply. Nakatulog na ako sa paghihintay.

0*0*0*0

Samantala, sina Mona at Alicia naman ay nasa sasakyan papunta sa isang coffee shop malapit sa school.

'A, pakuha ko na lang kaya 'yung sasakyan kay Kuya Jun? Papuntahin ko siya dito tapos sa school tapos pasundo na lang ako.', ang tanong ni Mona sa kaibigan.

'Wala ba siyang spare key?', ang tanong ni Alicia.

'Wait, tawagan ko.', ang sabi ni Mona habang nagpa-park si Alicia sa harapan ng coffee shop.

Kinausap sandali ni Mona ang driver at agad namang tinapos ang conversation ng malaman niyang meron itong spare key. Magpapasundo na lang siya sa coffee shop.

'Mona, una ka na sa loob. Bili lang ako yosi sa 7-11.', ang sabi ni Alicia.

'O sige. Papasundo ako in an hour? Okay na yun?', ang tanong ni Mona.

'Yeah. Find us a good spot.', ang sabi ni Alicia bago sila bumaba sa sasakyan.

Agad namang pumasok si Mona sa loob ng coffee shop habang si Alicia naman ay tumawid na para bumili ng sigarilyo sa convenience store. Ngunit hindi maganda ang nakita ni Mona pagpasok sa loob ng coffee shop.

'LIIIIIIIZZZ???!', ang malakas na pagtawag ni Mona sa kaibigan.

Mukha namang nakakita ng multo si Liz nang makita si Mona. Bigla itong namutla at hindi alam ang gagawin.

'Mona, anong ginagawa mo dito? Si A?', ang kinakabahang tanong ni Liz.

'Ikaw, anong ginagawa mo dito? Anong ginagawa NIYO dito?!', ang galit na tanong ni Mona.

'Mons, I can explain. Please.', ang nagmamakaawang sabi ni Liz.

'Not now, Liz!', ang sabi ni Mona nang nakita na patawid na ulit si Alicia papunta sa coffee shop.

'Mona! Listen to me.', ang sabi ni Liz habang hinawakan ang kaibigan sa braso.

'I said not now. Bye, Liz! Bye, JOHN!', ang paalam ni Mona.

Lumabas na ito ng coffee shop at nagmamadaling sinalubong si Alicia.

'A. Sa ibang coffee shop na lang tayo. Walang bakante sa loob e.', ang sabi ni Mona na sinusubukang kontrolin ang galit kay Liz.

'Ok lang, dito na lang tayo sa labas, magyo-yosi naman ako e.', ang sabi ni Alicia.

'Sa iba na lang. Hindi ko masyado feel 'yung lugar.', ang alibi ni Mona.

'Okay. Sige. Tara na.', ang yaya ni Alicia.

0*0*0*0

Doris: Katie, nasaan ka na?
...
...
Katie: Malapit na. Mga 15 mins. na lang.
...
...
Doris: Wow. Ang tagal mo. Ikaw na lang hinihintay!
...
...
...

Ngayong araw na ito ang report namin para sa aming major suject. Dalawang oras na lang bago ang klase pero hindi pa din namin alam ang gagawin namin. Inako kasi ni Katie ang trabaho. Siya na daw ang gagawa ng presentation. Nakapagbasa naman kami kaso hindi pa namin nakikita kung ano 'yung nagawa ni Katie kaya medyo kinakabahan kami. Ang terror pa naman ng prof namin dun.

'Grabe naman si Katie! Nakakainis na.', ang sabi ni Doris.

'Relax ka lang.', ang sabi naman ni Patrick.

'Paano ka magre-relax? Tayo magmumukhang tanga niyan mamaya e.', ang nanggigil na sabi ni Doris.

Tahimik naman kaming nagbabasa ni Gino ng part namin sa report.

Ang 15 minutes ni Katie ay naging 45 minutes. Nakaramdam na din ako ng inis sa kaibigan dahil sa pagiging iresponsable. Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan.

'O, okay ka lang?', ang tanong ni Gino.

'Nakakainis. Kinakabahan na kasi ako. Sana hindi na lang niya inako 'yung work. Pare-parehas tuloy tayong walang alam ngayon.', ang paglalabas ko ng inis kay Gino.

'Ryan, huwag mo nang sabayan 'yung inis ni Doris kay Katie. Baka naman may valid reason sya kaya na-late siya.', ang sabi sa akin ni Gino.

Nakita namin si Katie na halos tumatakbo nang palapit sa amin.

'Sorry talaga! Ang traffic e.', ang sabi ni Katie.

'Nasaan na?', ang walang emosyong sabi ni Doris.

Inilabas na ni Katie ang laptop at ilang print-outs ng presentation.

0*0*0*0

Busy ang lahat pagpasok sa room dahil sa reporting ng araw na iyon. Isa sa mga grupo ay ang tatlong Maria na sina Liz, Mona at Alicia. Sobra-sobra ang kaba ni Liz dahil sa nangyari kagabi.

'Mona, paano pala 'to?', ang tanong ni Liz sabay turo sa print out nila ng presentation.

'Hindi ka ba nag-aral kagabi? Busy ka yata e.', ang sarcastic na sabi ni Mona.

'Ano na naman problema mo, Mona? Ang ayos ng tanong ni Liz sa'yo.', sabi ni Alicia.

'Wala. E dapat alam na niya 'yan.', ang inis na sabi ni Mona.

'Mona, mag-usap naman tayo mamaya. Please? Hear me out.', ang sabi ni Liz.

Parang wala namang narinig si Mona.

'Huwag ka na munang sumama sa amin ni A. Baka hindi ako makapagtimpi sa'yo.', ang pabulong na sabi ni Mona kay Liz.

Patakbong lumabas si Liz sa room at pinipigilan ang iyak.

'Anong nangyari dun?', ang tanong ni Alicia.

'Ewan ko.', ang mataray na sagot ni Mona.

'Sandali nga.', ang sabi ni Alicia, akmang susundan si Mona.

'A, dito ka lang. Babalik din agad 'yan. Malapit na magstart.', ang sabi ni Mona.

0*0*0*0

'Sa susunod kasi, 'wag mong akuin 'yung isang bagay na hindi mo naman kayang gawin ng tama! Tingnan mo nangyari kanina.', ang galit na sabi ni Doris kay Katie.

Nagsisilabasan na ang mga tao sa classroom matapos ang reporting ng araw na iyon. Hindi naging maganda ang presentation nina Katie. Ang daming mga tanong ang hindi nasagot at halata na hindi sila handa.

'Nagmagaling ka na naman kasi e. Nag-aalok na kami ng tulong sa'yo, ikaw 'tong umaayaw.', ang sabi ko kay Katie dahil sa sobrang inis at pagkapahiya kanina.

Hinatak ako bigla ni Gino pagkasabi ko 'nun kay Katie.

'Watch your mouth!', ang pasigaw na sabi ni Gino sa akin.

Nagulat naman ako sa ikinilos na ito ng kaibigan. Nasaktan ako sa paghablot niya sa braso ko. Tiningnan ko lang siya ng masama.

'Sorry na. Alam ko naman na ako ang may mali e. Hindi na mauulit.', ang umiiyak na sabi ni Katie.

'You should learn from what happened, Kate.', ang mahinahon na sabi ni Patrick.

Tumango naman si Katie at yumakap sa kaibigan.

'Wow. Ewan ko sa inyo! Bahala kayo.', ang galit na sabi ni Doris at padabog na lumabas sa room.

Inayos ko na din ang mga gamit ko at lumabas na din ng kwarto.

'RYAN!', ang malakas at authoritative na sigaw ni Gino sa akin.

'What?', ang sabi ko bago tuluyang lumabas.

Humabol naman sa akin si Gino at hinatak muli ang braso ko.

'Pwede ba?! Masyado kayong harsh kay Katie. Lalo ka na. Parang hindi mo kaibigan 'yung tao kung mapagsalitaan mo.', ang galit na sabi sa akin ni Gino.

'Wow. Ako pa ngayon ang lumalabas na masama ha. Hindi ka ba napahiya sa harap ng buong klase kanina? Nakita mo naman kung gaano tayo nagmukhang tanga! Iba 'yung ginawa ni Katie na presentation sa dapat na ire-report natin. Sinong hindi magagalit dun?', ang nanggagalaiti kong sabi kay Gino.

'Kahit na!! Hindi pa din tama na sabihan mo siya na nagmamagaling siya. Masyado kang masakit magsalita.', ang sabi sa akin ni Gino.

'Sige. Ako na mali. Palibhasa, wala lang sa'yo kung magmukha kang ewan sa harapan ng ibang tao. Magsama-sama kayo!!', ang sigaw ko sa kanya bago tumalikod at tumakbo palayo.





No comments:

Post a Comment