Saturday, December 15, 2012

One Message Received (07-09)

by: Lui
http://rantstoriesetc.blogspot.com

Part 07


'Ryaaaaaaaaan!', ang malakas na pagtawag sa akin ni Gino nang makita niya ako.

Patakbo siyang lumapit sa akin habang ako naman ay nanatiling nakaupo sa bench sa labas ng classroom namin. Hinihintay na lang namin na matapos ng klase sa loob para kami naman ang makapasok.

'O?', ang masungit kong bungad sa kanya.

'Wala naman. Ngayon lang ulit kita nakita.', ang sabi ni Gino.

Nagsimula na ang dagsa ng mga estudyanteng lumalabas sa room. Kasunod nito ang isang mahabang bell, hudyat na tapos na ang klase.

'Ok ka lang? Nagkita naman tayo kahapon e.', ang sabi ko na medyo may tono ng inis.

'Oo nga. Pero di naman tayo nagkasama.', ang depensa ni Gino.

Tumayo na ako at hinablot ang bag ko na nakalagay sa pagitan namin ni Gino at pumasok na ng room. Sumunod naman agad siya sa akin. Walang seating arrangement ang klase na ito. Agad akong pumuwesto sa pinakaunang upuan na pinakamalapit sa teacher's table. Wala namang tigil sa pagkekwento si Gino tungkol sa ginawa nila ni Patrick.

'Buti na lang pala naglalaro si Pat ng basketball. At least ngayon, may makakalaro na ako. Next week nga daw isasali niya ako sa laro nila ng mga friends niya sa village.', ang patuloy na pagsasalita ni Gino.

Tango lang ako ng tango. Hindi ko siya tinitingnan at hinahayaan ko lang siya na magkwento. Kinuha ko ang aking notebook at kunyaring nagbabasa ng notes.

'May quiz ba? Shoot, di pa ako nakakapagbasa, Ry.', ang sabi niya sa akin.

'Masama bang magbasa ng notes kahit walang quiz?', ang pambabara ko.

Biglang natahimik si Gino. Ilang segundo pa lang matapos pumailanlang ang katahimikan sa aming dalawa ay pumasok na si Patrick sa room kasama sina Katie at Doris.

'Dude, this Friday na pala naka-set 'yung game. Tara?', ang yaya ni Patrick kay Gino.

'Sure! Buti naman mas napaaga.', ang sabi ni Gino.

Nakita ko pa na nag-apir ang dalawa at tinapik ni Patrick si Gino sa balikat.

'Oy, Ryan. Bakit parang Biyernes Santo 'yang mukha mo? Kanina ka pa namin tinetext. Nag-lunch kaming tatlo nina Doris.', ang sabi ni Katie sa akin.

'Kasama ko si Alicia kanina, nag-lunch din kami.', ang pagsasabi ko ng totoo kay Katie.

Nakita ko naman sa mukha niya ang biglang pagkainis dahil sa sinabi ko.

'Ah. Ganon ba? Sige. Ay wait. May gagawin pa pala ako.', ang sabi ni Katie bago tuluyang umupo sa likuran ko.

'GINO!', ang sigaw ni Pat mula sa likod ng classroom kung saan siya nakaupo.

Nasa likod ko lang nakaupo sina Doris at Katie. Dati ay tatlo sila doon nina Patrick habang kaming dalawa ni Gino ang nasa harapan nila. Ngunit, magmula nang mapagalitan si Ryan ng professor namin doon dahil sa kaingayan nagkusa na itong i-seclude ang sarili sa likuran ng room.

'YO?', ang sigaw ni Gino.

Lumapit si Gino sa kaibigan at nagsimulang magkwentuhan. Hindi ko na naririnig ang pinag-uusapan nila pero maya't maya ko sila tingnan ng palihim. Maya-maya pa ay bumalik na si Gino sa kinauupuan niya.

'Doon muna ako kay Pat ah. May pinag-uusapan lang kami.', ang sabi ni Gino.

Para naman akong walang narinig. Ewan ko, di ko maintindihan ang sarili ko.

'Uy, Ryan! Dito ka nga. Ang emo mo dyan mag-isa ka lang!', ang pang-aasar ni Doris sa akin.

Nakatingin lang si Katie sa akin habang lumipat ako sa tabi ni Doris. Bale, gitna namin si Doris. Bakante na ang first row.

Hindi ko na namalayan na nagsisimula na pala ang klase. Mistula akong wala sa aking sarili. Lumulutang ang isip ko. Naguguluhan. Bumalik lang ang kamalayan ko nang nagsimula na namang pansinin ng matandang dalagang prof na ito si Patrick.

'O, Mr. Escudero! Mukhang may kaibigan ka na ngayon dyan ah. Akala ko gusto mong manahimik na lang sa klase ko buong semester.', ang sarkastikong sabi ng prof namin kay Patrick.

Nagtawanan naman ang karamihan sa aming kaklase.

'Di ko na naman po kayo sinasabayan. Kayo talaga, Maam! Nagseselos yata kayo.', ang pang-aasar ni Patrick sa guro.

Natawa na lang ang professor namin na iyon at hindi na pinatulan si Patrick.

0*0*0*0

'Kate? Okay ka lang ba?', ang tanong ni Doris habang silang dalawa ay nasa ladies' room habang nag-aayos ng sarili.

'Huh? Bakit?', ang nagmamaang-maangan na tanong ni Katie.

'Kanina ka pa tahimik e. What's up?', ang tanong ng nag-aalalang si Doris.

'Kasi, Dors, si Ryan e. Tingin ko nakukuha na siya ni Alicia.', ang malungkot na sabi ni Katie.

Natawa naman ang kaibigan sa sinabi ni Katie.

'Hey, don't take this the wrong way! Wala akong gusto kay Ryan ha. Nagseselos lang ako bilang kaibigan. Alam mo 'yun, si Alicia na 'yung kasabay niya kanina mag-lunch. Hindi man lang nagpasabi.', ang sabi ni Katie.

'Ano ka ba? Kilala naman natin si Ryan e. Hindi naman niya magagawa 'yun.', ang pagko-comfort ni Doris.

'Sana nga.', ang sabi ni Katie.

Marahan na bumukas ang pinto ng isang cubicle. Nakayukong naglakad ang babae patungo sa sink kung saan nakatayo ang dalawang magkaibigan.

'Excuse me.', ang halos pabulong na sabi ni Alicia.

Binuksan niya ang gripo, sandaling naghugas ng kamay at agad ding lumabas sa CR. Naiwan namang halos hindi makapagsalita sina Doris at Katie.

0*0*0*0

'Ryan.', ang pagtawag sa akin ni Patrick.

Nagbingi-bingihan na lang ako at patuloy lang sa paglalakad. Pababa na ako sa hagdan. Humabol pala siya sa akin.

'Uy.', ang pagkuha niya sa atensyon ko.

'Bakit?', ang cold kong sagot.

'Galit ka ba sa'kin? Kasi simula kanina pa, hindi mo ako kinikibo.', ang pag-aalala ni Patrick.

'Huh? Hindi. Ang dami ko lang iniisip. Tsaka nagmamadali ako. Later.', ang sabi ko sa kanya sabay paalam.

Patakbo kong binaba ang hagdan at ang paglabas ng building. Pagkalabas ko ay saka ako nakahinga ng maluwag at binagalan ko na ulit ang lakad. Kinuha ko ang phone ko at tinext si Alicia.

Ryan: Where you at?
...
...
Alicia: Why?
...
...
Ryan: Nothing. Just feeling a bit lonely.
...
...
Alicia: I'm here in the library.
...
...
Ryan: With whom?
...
...
Alicia: No one. You coming?
...
...
Ryan: Yeah.
...
...
Alicia: 3rd floor
...
...
...

Binalikan ko ang hindi naman gaanong kahabang nilakad ko at pumunta ng library. Katabi kasi ng building namin iyon kaso ang paglalakad ko kanina ay palayo dito kaya bumalik ako.

0*0*0*0

'Girls, baba muna ako ha. May kelangan pala akong kuhanin sa third floor.', ang paalam ni Alicia kina Mona at Liz.

Kaya lang naman nagla-library ang tatlong ito dahil sa lahat ng airconditioned room sa buong school, dito ang pinakamalamig. Idagdag mo pa na ang tahimik ng lugar. Favorite place nila itong tulugan. Hindi naman naninita ang librarian hangga't hindi ka humimihilik.

'Okay.', ang puzzled na pagpayag ng dalawa.

Patakbong binaba ni Alicia ang third floor galing sa fifth floor para hindi niya ako maunahan. Nagtagumpay naman siya. Nakahanp siya agad ng isang magandang spot para umupo at inayos ang sarili para hindi mukhang nagmadali siya.

'Buti konti lang tao dito ngayon.', ang bungad ko sa kanya.

'Oo nga e.', ang sabi niya.

Ibinaba ko ang aking bag sa table at umupo ako sa tabi niya.

'So, bakit ka mag-isa dito?', ang tanong ko sa kanya.

'Why are you feeling a bit lonely?', ang tanong niya sa akin.

Natawa naman ako. Inilagay ko ang aking mga braso sa table at ihiniga ko ang ulo ko dito.

'Nothing. Emo lang ako. Ganon lang ako magpapansin.', ang sabi ko sa kanya.

'Ryan.', ang pagtawag niya sa akin.

Hindi yata bumenta ang joke ko sa kanya. Tintigan ko si Alicia at nakita kong malungkot siya.

'O bakit? Is everything okay?', ang tanong ko.

'Kanina kasi, narinig ko sina Katie at Doris na nag-uusap sa CR habang nasa loob ako ng cubicle.', ang pagsisimula ni Alicia.

'Shhhhh!', ang epal ng librarian dahil lumalakas ang ingay sa floor.

Hininaan niya ang kanyang boses at tinuloy ang pagkekwento sa akin.

'Nagseselos si Katie sa pagsasama natin. As a friend. Lumabas ako sa cubicle na nandoon pa sila para makita nila na nandun ako.', ang sabi ni Alicia.

Hindi na naman ako nagulat sa sinabi ni Alicia na ito dahil nakita ko naman kay Katie na hindi talaga siya okay sa pakikipagkaibigan ko kay Alicia base sa reaksyon niya kanina.

'Wala naman tayong ginagawang masama diba? Hindi naman siguro masamang magbago ang tingin ko sa'yo? Ibig kong sabihin, dati naiinis ako sa'yo, sa inyo, pero simula nung makilala kita, hindi na. Lalo na sa'yo.', ang sabi ko sa kanya.

'Kaya nga. Pero sana kausapin mo sila. Ayoko naman kasing may maaapakan tayong iba sa pagsisimula ng friendship na'to.', ang sabi niya sa akin.

Hinawakan ko ang kamay niya. At pinisil ito.

'Sure. Ako'ng bahala.', ang sabi ko.

'Salamat!', at isang matamis na ngiti ang ibinigay niya sa akin.

0*0*0*0

'Naninibago ako kay A.', ang sabi ni Mona matapos magpaalam ni Alicia sa kanila na may kukunin lang siya sa third floor.

'Bakit naman?', ang enthusiastic na tanong ni Liz.

'Halata naman kasing nagsisinungaling siya kanina. May katext siya kanina bago siya nagpaalam sa atin na bababa siya.', ang pagsasabi ni Mona ng observation niya.

'No, no, no. It's not him, is it?', ang naalarmang tanong ni Liz.

'Sino?', ang tanong ni Mona.

'Ryan.', ang sabi ni Liz.

'Girl, siya din nga hinala ko pero naman, he's out of her league. I mean, fine, may face value naman pero hindi ganon ang tipong lalaki ni Alicia.', ang paliwanag ni Mona.

'May point ka dun. Siguro ganon nga talaga pag in love.', ang sabi ni Liz bago umastang nagde-daydream.

'In love ka?', ang sarkastikong tanong ni Mona.

'Hindi! Hindi no.', ang defensive na sagot ni Liz.
0*0*0*0

Masaya ako kapag kasama ko si Alicia. Kahit hindi ko masabi sa kanya ang gumugulo sa isip ko, masaya ako na nakikita ko siyang ngumingiti o tumatawa kapag magkasama kami. Masaya ako kapag magkasama kami. Pero hanggang kapag magkasama lang kami. Kasi kapag umuuwi na ako, bumabalik lahat. Lahat ng problema.

Umuwi ako nang mabigat ang loob ko. Mabilis lang ang naging pagkikita namin ni Alicia at nagpaalam na din siyang aalis na. Nagsimula ang klase ko ng 2pm at natapos ito ng 5pm. Wala pa yatang 8pm ay nasa bahay na ako.

'O, anak. Mukhang matamlay ka ngayon ah.', ang sabi ni Mama habang inihahanda niya ang dinner naming dalawa.

Matagal na kaming iniwan ng daddy ko. May galit pa din ako sa kanya pero masaya naman kami ni Mama. Kaya hindi ko na lang binibigyang-halaga iyon.

'Opo. Sobrang daming demands sa school ngayon.', ang alibi ko.

'Ganon ba? Konting tiyaga na lang, Ryan. Makaka-graduate ka na.', ang pagpapalakas niya ng aking loob.

Lumapit si Mama sa akin at ako ay niyakap.

'Thanks, Ma! Buti nandyan ka.', ang pagda-drama ko.

'Syempre. O saan mo gusto pumunta this weekend?', ang pagyayaya ni Mama.

'Ikaw na bahala. Basta huwag mo akong gigisingin ng maaga.', ang paalala ko.

'Alright, boss! Upo na. At baka lumamig pa ang pagkain.', ang sabi niya.

Matapos kumain ay nagpaalam na agad ako na magpapahinga na. Umakyat na ako. Ni-lock ang pinto at humiga sa kama. Hindi pa ako nagbibihis at tanging ang sapatos pa lamang ang nahubad ko. Ang daming gumugulo sa akin.

Bakit ako nagkakaganito? Hindi ito tama.

Parang meron akong naririnig na tunog mula sa isang malayong lugar. Pamilyar ang tunog na iyon. Palakas ng palakas. Ang cellphone ko pala 'yun! Nagri-ring. Madali kong hinalungkat ang bag ko at sinagot ang tawag.
Ryan: Hello?

Gino: Ry.

Ryan: Bakit? (biglang nawalan ng gana ng marinig ang boses niya)

Gino: Galit ka no?

Ryan: Ahmmmmm. Hindi ba obvious?

Gino: Bakit ba kasi?

Ryan: Hindi ko alam. Bakit nga ba? (mapang-asar na tono)

Gino: Matino akong tumawag sa'yo ah. Sana naman kausapin mo ako ng matino. (may tono ng inis)

Ryan: Sinabi ko bang tumawag ka?

Gino: Hindi. Pero alam kong hindi tayo okay.

Ryan: Ah. Okay ka naman e. Ako lang ang hindi okay. May difference dun.

Gino: Ano ba kasi ang problema mo? (may tono ng inis)

Ryan: You won't understand. (malungkot bigla)

Gino: Yeah. Hindi talaga. Kasi you won't let me. Nandito na nga ako para tulungan ka. 

Ryan: Ah. Talaga? Nandyan ka? Kelan pa? Wait, check ko lang 'yung oras ah. Ah! Ngayon ka lang nandyan kasi kakatapos lang ng GAME nyo ni Patrick. (medyo napagtaasan ko na siya ng boses)

Ibinaba ko na ang telepono matapos ko sabihin iyon. Hindi ko na napigilan ang mga luhang tumulo mula sa mga mata ko.

Bakit ba ako nasasaktan ng ganito? Ang babaw naman.

Part 08
'Bakit ang tahimik mo?', ang tanong sa akin ni Doris.

'Huh? Wala lang.', ang pagsisinungaling ko.

'Nako, Ryan. Kahit 'di mo sabihin, kitang kita sa mukha mo na may problema.', ang sabi ni Doris.

'Basta. Maraming gumugulo sa isip ko ngayon.', ang sabi ko sa kanya.

'Kausapin mo nga si Katie.', ang utos niya sa akin.

'Bakit?', ang tanong ko.

'Nade-depress 'yun dahil sa'yo.', ang sabi ko.

Tiningnan ko si Katie na nakaupo sa di-kalayuan sa amin. Nakasalpak ang headset sa magkabilang tenga niya. Buti na lang at mukhang absent ang prof namin kaya wala kaming ginagawa.

'Alam ko na kung bakit.', ang sabi ko.

Nilapitan ko si Katie at umupo sa tabi nito.

'O, bakit?', ang tanong niya sa akin.

'Wag ka magselos, okay? Magkaibigan lang kami ni Alicia. Pero syempre, kayo pa din ang bestfriends ko.', ang sabi ko sa kanya.

Hindi naman agad nakapagsalita si Katie. Nagdadalawang isip siguro kung aawayin ako o makikipagbati na.

'Alam ko naman 'yun. Pero syempre, di mo maiwas sa akin na magselos. Since first year college, ngayon lang yata ikaw nagkaroon ng interes na makipagkaibigan sa iba. Parang naisip ko lang, hindi na yata kami enough sa'yo.', ang sabi ni Katie.

'Hindi naman sa ganon, Kate. Ngayon lang talaga nagkaroon ng pagkakataon na makilala ko si Alicia. Siguro dahil na din masyado tayong exclusive noon. Pansinin mo dito sa klase, may kanya kanya tayong grupo at walang pakialamanan. Hindi ko naman kayo iiwan e. It's just that gusto ko lang mag-establish ng friendship na iba sa atin.', ang paliwanag ko.

'Okay. Hindi mo kami iiwan ha?', ang paninigurado ni Katie.

'Oo. Kaya wag ka na magselos dyan!', ang sabi ko bago ko siya i-hug.

0*0*0*0

'Wala pa naman daw si Sir e.', sabi ni Patrick kay Gino.

Tiningnan ni Gino ang oras sa kanyang relo.

'Dude, 15 minutes na lang. Di na siguro papasok 'yun.', ang sabi niya.

Lumabas na sila sa isang convenience store kung saan sila bumili ng tig-isang mineral water.

'Swerte talaga. Kung kelan tayo nag-cut saka hindi siya pumasok.', ang sabi ni Patrick bago ag-apir ang dalawa.

'Oo nga. Pano, pasok pa tayo sa building?', ang tanong ni Gino.

'Oo. Nagtext si Doris e. Nagyaya kumain.', ang sabi ni Patrick.

'O sige. Pat, salamat sa pagsama sa akin sa game niyo ha.', ang sabi ni Gino.

'Wala 'yun, dude! Next time ulit.', ang sabi ni Patrick.

Pumasok na sila sa building at inakyat ang room kung saan naroon ang mga kaibigan. May ilang mga kaklase na silang nakasalubong at pauwi na.

'Nandon pa sina Doris?', ang tanong ni Patrick sa isang kaklase.

'Yup.', ang sagot nito.

Pumasok na sila sa room at nadatnan na nag-uusap kami ni Katie habang nagbabasa naman ng libro si Doris. Nasa bandang dulo ng room sina Alicia, Mona at Liz. Ang iba naman ay nag-aayos na ng gamit para umuwi.

Napatingin ako ng pumasok silang dalawa. Bigla akong naging uneasy. Nakita kong tumingin din sa akin si Gino pero hindi niya ako binati.

'Saan tayo kakain?', ang tanong ni Patrick kay Doris.

Niyaya ako ni Katie na lumapit na sa kanila. Sumunod naman ako at pumunta sa kabilang dako ng room. Kinuha ko ang aking phone at tinext ko si Alicia.

Ryan: Help. Pwede mo ba akong tawagin? Sabihin mo may sasabihin ka lang. PLEASE!

Napatingin naman si Alicia sa akin pagka-receive niya ng message ko. Nagtatanong ang kanyang mga mata. Tinext ko ulit siya.

Ryan: Please??????

Nakatayo lang ako sa tabi ni Katie habang hinihintay ang pagtawag sa akin ni Alicia. Ilang segundo pa lang iyon matapos ko siyang itext pero feeling ko ang tagal-tagal na.

'Ryan?', ang pagtawag sa akin ni Alicia.

Sa wakas! Nakita ko na ang lahat ng nasa room ay natigilan at palipat-lipat ang tingin sa akin at kay Alicia.

'Yeah?', ang paglapit ko sa kanya.

'What's the problem?', ang pabulong niyang tanong sa akin.

'You wanna go out or something? I really can't stay here.', ang sabi ko.

'Why?', ang nag-aalala niyang tanong.

'Basta. Let's?', ang yaya ko sa kanya.

'Ok. I'll just get my bag and magpapaalam lang ako kina Liz at Mona.

Bumalik na kami sa kanya-kanyang grupo. Nagpaalam lang at kinuha ang bag.

'Guys, nagpapasama lang sa akin si Alicia. See you later.', ang sabi ko kina Katie.

'Girls, may pupuntahan lang kami ni Ryan. Text na lang.', ang paalam ni Alicia.

Nakaupo si Gino sa kung saan nakalagay ang bag ko. Ewan ko pero parang naiilang ako na kausapin siya.

'Excuse me, 'yung bag ko.', ang sabi ko sa kanya.

Wala siyang sinabi at agad lang na tumayo.

0*0*0*0

'What the hell is up with Ryan and Alicia?', ang medyo naiiritang sabi ni Mona.

'I don't know. Ano ka ba, hayaan na lang natin.', ang sabi ni Liz.

'Akala ko ba makikipagbalikan si John sa kanya? Di ba kaya nga kayo nag-usap nun before?', ang tanong ni Mona.

'Yeah. Pero hindi na ulit siya nagpaparamdam e. Baka busy. Hindi ko na din nakikita sa campus.', ang kinakabahang sagot ni Liz.

'Weird. Anyways, hihintayin pa ba natin si A?', ang tanong ni Mona.

'It's up to you. It's Friday naman e. Why, any plans?', ang tanong ni Liz.

'Mani and pedi! Tara. Pasuurin na lang natin si A kung susunod pa siya.', ang sabi ni Mona.

Lumabas na sila ng class room at papunta na ng mall. Naiwan naman sa loob ang grupo nina Katie.

'O, saan na tayo kakain?', ang tanong ni Katie.

'Kahit saan.', ang sabi ni Patrick.

'Tara na! Gutom na gutom na ako.', ang pagpupumilit ni Gino.

'Saan nga kasi muna?', ang tanong ni Doris.

'Tara na. Mag-mall na lang tayo at dun na tayo maghanap.', ang sabi ni Gino.

Wala nang naiwan sa room nang lumabas sila.

0*0*0*0

Nasa taxi na kami ni Alicia papunta sa mall na pinakamalapit sa school. Tahimik lang ako na nakatingin sa labas habang si Alicia naman ay nagtetext. Maya-maya pa ay nakita kong nilagay na niya sa bag ang phone.

'Papunta din sina Mona sa mall. I'll meet them after natin.', ang sabi ni Alicia sa akin.

'Sure. Gusto mo bang kumain? Mag-coffee? Ice cream?', ang tanong ko sa kanya.

'Ryan. Ano bang problema?', ang tanong niya sa akin.

'Nothing. I'm all good. It's all good.', ang pagisisinungaling ko.

Dumating na kami sa taxi bay ng mall at nagbayad na ako sa driver. Pumasok kami at dinala ko si Alicia sa isang hindi naman kamahalan na Italian restaurant.

'Pasta, okay lang?', ang tanong ko sa kanya.

'Sure. Anything.', ang sabi niya sa akin.

Um-order na ako ng aming makakain. Hindi pa rin maalis sa isip ko ang hindi pagpansin sa akin ni Gino ngayong araw. Well, what should I expect? Matapos ko siyang sigawan at babaan ng phone kagabi diba. Hinihintay lang ba niya na ako ang unang pumansin sa kanya? Bakit ako na naman ang gagawa ng first move? Lagi na lang bang ganon?

'HEY.', ang pagtawag ni Alicia sa aking atensyon.

'Yes?', ang agad kong baling sa kanya.

'Kanina pa kita tinatawag. Tulala ka diyan. Seriously, Ryan. Anong problema mo? You dragged me into this so you might as well tell me what's happening. Hindi 'yung ganitong nangangapa ako. Hindi ko alam kung paano kita tutulungan.', ang tuluy-tuloy na sabi niya sa akin.

Na-realize ko naman na tama si Alicia. Kaso paano ko ba sasabihin sa kanya na hindi magmumukhang mababaw ang reason ko.

'Sorry. Ginawa pa kitang scapegoat sa nangyayari sa akin ngayon.', ang sabi ko sa kanya.

'It's alright with me. Honestly, I'm flattered nga e. This is the first time na niyaya mo ako. Let me help you.', ang sabi ni Alicia sa akin.

Kinuha niya ang kamay ko at pinisil ito bilang senyales na gusto niya talagang tumulong.

'Sobrang gulo na sobrang babaw ang dahilan kung bakit ako ganito. Nagseselos ako.', ang panimula ko.

'Okay. Kanino naman?', ang tanong ni Alicia sa akin.

Dumating na ang food namin at sinabihan ko siyang magsimula na kami kumain habang nagkekwento ako.

'Kay Patrick at Gino. Before ka mag-react, ganito kasi 'yun. First year pa lang tayo, naging close na kami ni Gino. Hindi ko alam kung napansin niyo iyon pero para kaming naging bestfriends agad. Kahit na may barkada siya at may grupo ako, meron kaming bonding na pang sa aming dalawa lang. 'Yung mga pareho naming gusto na hindi masyadong gets ng separate na barkada namin e nagagawa namin pag magkasama kami. Kaya over the years, naging close talaga kami. Tapos ngayong 4th year, since most of his friends got kicked out already, parang in-adopt siya namin nina Katie. Nung una, masaya. Masaya kasi madaling nakapag-adjust si Gino. Naging close agad siya kina Katie. Pero ngayon. Parang 'yung kami ni Gino dati ay naging sila na ni Patrick ngayon. Parehas kasi silang naglalaro ng basketball. E ako hindi naman ako mahilig dun. So, ngayon parang it's all about them. Parang bigla akong nawala sa picture. Ganon.', ang pagkekwento ko.

'Wow. Hindi ko in-expect 'yun ah. First, it's very sweet of you to feel that way. Kasi pinapakita mo lang kung gaano kahalaga sa'yo ang isang kaibigan. Baka na-miss lang talaga ni Gino ang paglalaro. At nakahanap siya ng kasama kay Patrick. Hindi lang naman ikaw ang dapat na maging kaibigan ni Gino diba? Dapat alam mo din na may mga bagay na mas pipiliin niyang kasama ang iba. It's all in your mind.', ang pangaral ni Alicia.

'Thanks, Alicia! Sana walang makaalam ng sinabi ko sa'yo ah', ang sabi ko sa kanya.

'Oo naman. Don't worry.', ang paninigurado niya.

0*0*0*0

Nasa iisang mall lang kaming lahat. Ako at Alicia, Mona at Liz at sina Gino, Patrick, Katie at Doris.

'Nandito din daw sila.', ang sabi ko kay Alicia matapos naming kumain.

'O? Puntahan mo sila. Para naman makapag-usap na kayo ni Gino.', ang sabi niya sa akin.

'Ayokong ako ang gagawa ng first move sa pakikipag-usap. Lagi na lang e.', ang reklamo ko.

'Hindi naman sa kung sino ang nagsimula e. Kung mahalaga ang pagkakibigan niyo, huwag mong pairalin ang pride mo.', ang pangaral niya.

'Yes, Ma'am.', ang pagsuko ko.

Natawa naman siya sa sinabi ko.

'Hatid na kita kina Mona.', ang sabi ko sa kanya.

Nagbayad na ako ng bill ng kinain namin at umakyat na kami sa kinaroroonan na salon nina Mona.

'Thanks sa libre, Ryan.', ang sabi niya sa akin habang nasa may entrance na kami ng salon.

'Sure. Sabi ko sa'yo next time ako naman taya e. So ito na 'yun.', ang sabi ko sa kanya.

'Sige. Next time ulit. Ingat ka ha. And update me kung ano na nagyayari sa'yo.', ang sabi niya sa akin.

'I will, Ma'am! Ingat ka din.', ang sabi ko sa kanya.

Ginawaran ko siya ng isang masuyong halik sa pisngi bago muling bumaba sa escalator. Tinext ni Katie sa akin kung saan sila kumakain pero dahil busog pa ako ay hindi na lang ako susunod sa kanila at uuwi na lang.

Mabagal akong nag-stroll sa palabas ng mall. Isinalpak ko ang headset sa aking tenga at hinayaang mapag-isa sa gitna ng napakaraming tao na naglilibot sa mall na ito. Para akong walang nakikita sa paglalakad.

0*0*0*0

'Di na daw susunod si Ryan. Kumain na daw sila ni Alicia kanina.', ang sabi ni Katie pagkabasa sa text ni Ryan.

'Sila na ba?', ang tanong ni Patrick.

'Hindi ko alam.', ang sagot ni Katie.

'Bakit, selos ka?', ang tanong ni Doris habang tumatawa.

'Hindi ah!', ang defensive na sagot ni Patrick.

'Yikkkkeeee. Selos. Alam niyo kasi crush ni Pat dati si Alicia.', ang sabi ni Doris.

'Matagal na 'yun. First year pa tayo nun.', ang sabi ni Patrick.

Nagtawanan ang lahat. Hindi na nila tinigilan si Patrick sa pang-aasar.

'Guys, wait lang ah. Ngayon ko lang naalala, may pinapabili pala sa akin. Babalik agad ako.', ang sabi ni Gino.

'Samahan na kita.', ang pagpi-presenta ni Patrick.

'Wag na. Dyan ka na lang. Wala silang aasarin o.', ang pang-aasar ni Gino bago lumabas sa restaurant.

Nagpalinga-linga siya pagkalabas at tumakbo nang makita ang hinahanap.

'RY!', ang pagtawag niya sa akin.

Ngunit, malakas ang dagundong ng musika sa aking tenga kaya wala akong naririnig. Laking gulat ko nang biglang may humablot sa aking braso. At lalo akong nagulat nang makitang si Gino ito.

'Kanina pa kita tinatawag.', ang sabi niya sa akin na medyo hinihingal.
Hindi ko maintindihan pero parang kating-kati na ang mga luha ko sa pagtulo.

'O, ano ba kasing problema mo?', ang malambing niyang tanong sa akin.

'Let's not talk here. Ang daming tao.', ang sabi ko.

'Tara.', ang yaya niya sa akin.

Nagpunta kami sa parking lot kung saan naroon ang sasakyan niya. Pumasok kami sa loob at doon nag-usap. Nakatingin lang siya sa akin habang nagsimula na namang mamuo ang mga luha ko na agad din namang tumulo sa aking mga pisngi.

'Hindi ko alam kung bakit pero nasasaktan ako pag nakikita ko kayong magkasama ni Pat. Parang bigla kang nawala sa akin. Lahat ng ginagawa mo ngayon, siya na ang kasama mo.', ang pagsasabi ko sa kanya ng hinanakit ko.

'Ry, listen to me. Hindi totoo 'yan. Oo, naging close kami ni Pat dahil nakakita kami ng common na gusto namin. Hindi naman kita mapipilit maglaro bng basketball kung talagang ayaw mo diba? Huwag mong isipan na pinagpalit kita kay Pat. Ano ka ba. Kahit naging kaibigan ko sila, ikaw pa din ang bestfriend ko.', ang sabi niya sa akin.

Lalo naman akong naiyak sa sinabi niya. Hindi ko na talaga maintindihan ang sarili ko. Nagulat na lang ako ng biglang hawakan ni Gino ang aking mukha at pinunasan ang mga luha ko.

'Wag ka na ngang umiyak dyan. Hindi ka naman ganyan dati ah.', ang sabi niya sa akin.

Napatingin na lang ako sa mukha niya habang ginagawa niya iyon.

'Thank you. All I need is that assurance na ako ang bestfriend mo.', ang sabi ko.

'Oo naman. Ano ka ba. Ikaw lang 'yun. Wala akong ibang pwedeng maging bestfriend.', ang sabi niya sa akin.

Para namang naunahan ako ng aking katawan sa pag-iisip ng bigla ko siyang niyakap matapos niyang sabihin 'yun. Naging mabilis ang tagpong iyon.

'That was awkward.', ang sabi ko.

Sabay kaming tumawa ng malakas.

'Shit, sina Katie nasa resto pa.', ang sabi bigla ni Gino.

Part 09
'Game daw tom, 8pm sa village.', ang sabi ni Patrick kay Gino matapos itong umupo sa tabi niya.

Nasa park sila noon kasama ang iba pang kaibigan. Nagpapahangin lang at nagpapahinga matapos ang klase para sa araw na iyon.

'Masyado naman yatang late 'yun. 9am class natin kinabukasan.', ang sabi ni Gino.

'Pwede ka namang matulog sa bahay kung gusto mo. Tapos sabay na lang tayong pumasok.', ang suggestion ni Gino.

'Oo nga! Sige. Paalam ako.', sabi ni Gino.

'O, ayan na sila.', sabi ni Patrick nang makitang palapit na ang mga kaibigan.

Nanggaling kami sa isang fastfood chain at nag-take out ng pagkain. Mas gusto naming dito sa park kumain. Mas mahangin kasi at mas presko. Inabot ko na ang pagkain ni Gino na ako ang um-order. Habang si Katie naman ang bumili ng kay Patrick.

'O, eto na ang burger mo, fries, softdrinks, catsup at extra mayonnaise. May kulang pa Sir?', ang paghahain ko ng pagkain kay Gino.

'Ang sweet naman.', tukso ni Doris.

'Uhm. Pwede mo ba akong lagyan ng tissue dito sa may collar ko? Baka kasi mamantsahan ang polo ko e.', ang pagjo-joke ni Gino.

'Okay, Sir. No problem.', ang sabi ko.

Kumuha ako ng tissue, binuklat ito at nilagay ito kay Gino.

'Okay na po?', ang seryoso kong tanong.

'Yes.', ang sagot ni Gino.

'Thank you. And enjoy your meal.', ang sabi ko.

Nagtawanan naman ang lahat sa maikling drama namin ni Gino na iyon. Nagsimula na kaming kumain. Masaya ang ganito. Kahit na sobrang abala kami sa school work ay humahanap pa din kami ng oras para magpahinga.

'Oops. Excuse me.', ang pagbabalik ni Gino sa drama namin.

'Yes, sir?', ang baling ko sa kanya.

Nagtawanan na naman ang lahat.

'I think I have catsup just below my chin? Can you wipe it off for me?', ang pagiging spoiled niya.

'Sure!', ang sabi ko bago kumuha ng panibago tissue.

Ang hindi napansin ni Gino ay nilagyan ko ito ng catsup bago ipunas sa baba niya.

'Oops. Sorry, Sir! May catsup pala ang tissue.', sabay pahid ng natitirang catsup sa pisngi niya.

Nagtawanan na naman ang lahat at nagsilayuan sa amin ni Gino sa takot na pati sila ay lagyan namin. Masaya ako na balik na ulit kami sa dati ni Gino.

'Adik ka, Ry. Ang lagkit sa mukha ng catsup.', ang sabi niya habang pinupunasan ang mukha niya.

'Abuso ka kasi e. Ayan.', ang natatawa kong sabi sa kanya.

0*0*0*0

'Ano nang balak mo?', ang tanong ni Liz.

'Saan?', ang maikling tanong din ni John.

'Muntik na tayong mabuko last time ni Mona. Kasi diba ang naging alibi ko kaya tayo magkausap noon ay dahil nagpapatulong ka sa akin na makipagbalikan kay Alicia. O ano na ngayon?', ang naiinis na sabi ni Liz.

'Oo nga pala.', sabi ni John.

'Haaaaay! Gawan mo 'yan ng paraan. Pero wag ka ng bumalik kay Alicia!', ang sabi ni Liz.

'Oo. Bakit ako babalik dun e nandito ka naman?', ang paglalambing ni John.

Binigyan ni John ng isang halik si Liz sa labi. Bigla namang nag-ring ang phone niya.

'Damn it!', ang sabi ni Liz.

Liz: Hello?

Mona: Nasaan ka?

Liz: Ah. Nasa library lang. Bakit?

Mona: Anong ginagawa mo dyan? Hinihintay ka namin dito ni A sa may tapat ng building.

Liz: Okay. Papunta na ako.

Binaba niya na ang phone at nagpaalam na kay John. Pinaalala niya dito na kelangan na niyang tapusin ang lahat sa kanila ni Alicia.

0*0*0*0

'Sweet niyo ni Ryan lagi no? Alam mo kung hindi ko kayo kaibigan at nakita ko 'yung ginagawa niyo kanina, mapagkakamalan kong kayo.', ang sabi ni Patrick kay Gino.

Matapos naming kumain sa park ay nagkwentuhan lang kami sandali na umabot ng isang oras at umuwi na. Nakababa na ako ng FX ng sinimulang ni Patrick ang topic kay Gino at sa akin.

'Ganon lang talaga kami. Sa tagal ko ng kilala si Ry, nakita ko kung gaano niya kagusto na binibigyan ko siya ng attention. Alam mo ba na minsan ay nagagalit 'yan sa akin kapag hindi ako nakakapagtext sa kanya? Hindi ko rin naman masisi kasi ako rin naman 'tong sumanay sa kanya na lagi akong nandyan.', ang paliwanag ni Gino.

'Dude, eto tanong lang ah. Wala bang namamagitan sa inyo ni Ryan?', ang pabulong na tanong ni Patrick.

'Wala. Ano ka ba. Magkaibigan kami nun. Bestfriends, actually. No more, no less.', ang sabi ni Gino.

Natahimik naman si Patrick pagkasagot ni Gino. Mistulang nag-iisip. Tumingin siya sa mga nagdaraang mga sasakyan.

'Bakit mo pala naitanong?', ang tanong ni Gino makalipas ang ilang minutong katahimikan.

'Wala naman. Kasi even before na sumama ka sa amin, nakikita kong may kakaiba talaga kayong closeness. Matagal ko nang gustong itanong 'yun dati kay Ryan kaso natatakot ako e.', ang paliwanag ni Patrick.

'Ah. E paano kung meron? Ano magiging reaksyon mo?', ang tanong ni Gino.

'Bakit, posible bang magkaroon?', ang balik na tanong ni Patrick.

'Hindi ko alam. Masaya ako kay Ryan. I think 'yun naman ang mahalaga e. Masaya ako sa friendship namin.', ang sabi ni Gino.

'O, dude. Dito na lang ako. Kitakits bukas. Dala ka na panlaro tsaka pang-overnight mo ah.', ang paalam niya bago pumara sa driver.

Naiwan nang mag-isa si Gino sa FX at ang ibang pasahero. Napaisip siya sa isinagot niya sa mga tanong sa kanya ni Patrick. Bakit nung tinanong ni Patrick kung posible bang magkaroon sila ni Ryan ng relasyon e ang sinagot niya ay 'hindi ko alam'? Posible nga ba?

'Bakit ko ba naiisip ang mga ganitong bagay? Basta mahalaga sa akin si Ry. 'Yun na 'yun. Hindi naman siguro kami aabot sa ganon. Parang hindi ko maisip ang sarili ko na may karelasyon na lalaki din.', ang sabi ni Gino sa isip niya.
0*0*0*0

'Saan ka ba nanggaling? Bakit ang tagal mo?', ang naiinis na tanong ni Mona kay Liz.

'Sa library nga. Bakit ba? Saan na naman tayo pupunta?', ang pagtatanong ni Liz.

'May pinapabili kasi sa akin si Mommy. I need your help.', ang mataray na sabi ni Mona.

'Okay.', ang walang magawang sagot ni Liz.

Ganito sila ever since nagsimulang maging magkaibigan ang tatlo. Si Mona ang parang leader at back-up lang si Alicia at Liz. Hindi naman nila maiwan ito dahil sa kahit ganito ang ugali niya ay talaga namang totoong kaibigan si Mona. Handa itong makipag-away kapag isa sa kanila ang inapi o tinarayan. Spoiled brat kasing lumaki ito kaya ganyan kung umasta.

'A.', ang pagtawag ng isang lalaki kay Alicia mula sa hindi kalayuan.

'John?', ang pag-recognize ni Alicia sa taong tumawag sa kanya.

'Can we talk?', ang tanong ni John.

Bumaling naman muna si Alicia kay Mona at Liz.

'Mona, okay lang ba kung si Liz na lang muna ang sumama sa'yo?', ang paalam ni Alicia.

Umirap muna si Mona kay John at Alicia bago sumagot.

'Okay. I understand. Just call me as soon as matapos kayong mag-usap. Alright?', ang magiliw naman niyang sabi.

'Alright.', ang sabi ni Alicia bago bumeso sa dalawang kaibigan.

0*0*0*0

5pm ang laging tapos ng aming klase araw-araw. Pasado alas-siyete pa lang ay nasa bahay na ako. Wala si Mama ngayon dahil may out of town seminar ito dahil sa trabaho. So, ako lang ang tao ngayon sa bahay.

'Sana pala in-invite ko sina Katie dito.', ang naisip ko matapos ma-realize na mag-isa lang ako buong gabi.

Binuksan ko na lang ang aking laptop at nagsimula ng gawin ang mga research paper at chapters sa thesis na kelangan kong tapusin matapos makapagbihis. Nag-ring ang phone ko.

Ryan: Hello?

Mama: Ryan, nasa bahay ka na ba?

Ryan: Kadarating lang po. How's your flight?

Mama: Okay naman. Dito na ako sa hotel room.

Ryan: Pasalubong ko ah.

Mama: Oo naman. O, kumain ka na ba? Sorry hindi na ako nakapagluto pero nag-iwan naman ako ng pera sa may bedside table mo. Um-order ka na lang ng pagkain 'pag nagutom ka. Ok?

Lumapit ako sa bedside table ko at nakita ang isang note kung saan nakalakip ang pera.

'Wag magpapagutom. Love you! - Mama', ang nakasulat sa note na may kasama P1,000.

Ryan: Nakita ko na po. Sige. Kelan ang balik mo?

Mama: Baka sa Sunday pa. Invite mo na lang si Gino d'yan sa bahay para may kasama ka.

Ryan: Di po pwede 'yun e. Kina Patrick po siya matutulog bukas.

Mama: Ah. Ganon ba? O siya, make sure na naka-lock ang mga doors at windows bago matulog. Huwag kang magpapapasok ng kung sino-sino.

Ryan: Opo. Sige na, Ma! Gagawa pa ako ng thesis ko. Ingat ka dyan ah.

Mama: Sige, anak. Pagbutihin mo. Ingat. I love you.

Ryan: Love you too.

Ibinaba ko na ang phone at tiningnan ang mga nagtext sa akin. Napangiti ako ng makita kong may text si Gino sa akin. Talagang okay na kami.

Gino: Ryyyyyyyyyy.
...
...
Ryan: Gggggggg. Haha.
...
...
Gino: Ang tagal mag-reply.:|
...
...
Ryan: Kausap ko si Mama sa phone.
...
...
Gino: How's Tita?
...
...
Ryan: Ok naman. Nasa Cebu siya. May conference.
...
...
Gino: Aw. Mag-isa ka lang dyan?
...
...
Ryan: Ay hindi. May mga kasama ako. Ang dami. Sikip na nga dito e.
...
...
Gino: Weh. Corny.
...
...
Ryan: Oo, mag-isa ako. 
...
...
Gino: Punta ako.
...
...
Ryan: Ha? Wag na. Gagawa pa ako ng thesis.
...
...
Gino: O ako din naman e.
...
...
Ryan: E wag na. Bukas na lang or sa Saturday.
...
...
Gino: Bakit 'di ngayon?
...
...
Ryan: Gagawa nga ako thesis.
...
...
Gino: Madi-distract ka ba 'pag nandyan ako?
...
...
Ryan: Ha? Wag ka ngang gumanyan.

Ewan ko pero parang iba 'yung naramdaman ko nung nabasa ko ang huling text niya. Hindi ko alam kung seryoso 'yun o nagloloko lang.

Gino: Hahaha. Nag-dinner ka na?

Hindi ko na nagawang magreply pa dahil sinimulan ko na ang kelangan kong gawin. Totoo, madi-distract lang ako kapag nandito siya at baka wala akong matapos. Kaya inilayo ko muna sa akin ang aking phone at nagsimula ng gumawa.

0*0*0*0

'A, I am very, very, very sorry.', ang sabi ni John habang nag-uusap sila ni Alicia sa park ng school.

'What happened with all that paghingi mo ng tulong kay Liz?! I thought we will be okay!', ang umiiyak na sabi ni Alicia.

'Akala ko din e. Pero wala na talaga. Hindi ko na kayang ibalik.', ang sabi niya.

'Ano bang nagawa kong mali sa'yo? Why do you have to do this?', ang pagsigaw ni Alicia sa dating karelasyon.

'I'm so sorry.', ang tanging nasabi ni John.

Tumakbo na palayo si Alicia kay John, hindi alam kung saan siya papunta. Ayaw na niyang makita ang pagmumukha ni John dahil sa ginawa nito sa kanya. Naiwan naman si John na nakaupo sa may park. Kinuha nito ang kanyang phone at tumawag.

John: Okay na. Grabe, ang hirap. Sobrang nasaktan ko siya.

Liz: Bakit parang naiiyak ka?

John: Tang ina! Kung nakita mo lang kung gaano nasaktan si Alicia sa ginawa ko. Pero wala akong ibang pwedeng gawin e. Wala na talaga akong feelings sa kanya.

Liz: She will get over it. Wag ka na malungkot.

John: O, paano na tayong dalawa? Patago pa din tayo?

Liz: It'll take time. Be patient.
Nakaramdam yata ng pagod si Alicia kaya tumigil ito sa pagtakbo. Halos nasa may gate na siya ng campus. Lumabas ito at pumara ng taxi.

'Ma'am, saan po?', ang tanong ng driver.

'Manong, mag-drive ka lang.', ang sabi ni Alicia sa driver habang pinupunasan ang mga luha.

Kinuha niya ang phone niya sa bag at tumawag.

0*0*0*0
Nakatanggap ako ng tawag mga tatlumpung minuto na ang nakakalipas. Ngayon, nandito ako sa harap ng bahay namin, nakaupo sa may gutter habang hinihintay ang isang sasakyan na dumating. Agad akong tumayo at hindi mapakali ng marinig ko ang paparating na sasakyan at makita ang nakakasilaw na ilaw nito. Binuksan ko ang pinto at iniluwa nito ang isang umiiyak na Alicia.

'Ryan.', ang sabi niya sa akin.

Isinara ko ang pinto ng taxi at sumenyas sa driver na maaari na siyang umalis. Niyakap ko ng mahigpit si Alicia sa gitna ng street namin at hinayaan siyang umiyak.

Nang makapasok na kami sa bahay ay agad akong tumawag at nag-order ng makakain para sa aming dalawa.

'Are you feeling better?', ang tanong ko sa kanya.

Isang iling lang ang isinagot niya sa akin.

'What did I do wrong? Minahal ko naman siya ng sobra-sobra e. Tapos sasabihin niya sa akin na he fell out of love? What the fuck?!', ang mahinang sabi niya sa akin.

Umupo ako sa kanyang tabi at umakbay sa kanya. Ihinilig niya ang kanyang ulo sa aking dibdib.

'Everything will be okay. You just have to cry now. Let it out. Don't worry, I'm here.', ang sabi ko sa kanya bago halikan ang kanyang buhok.

Niyakap niya ako ng mahigpit at ganoon din ang ginawa ko sa kanya.


No comments:

Post a Comment