Matagal na niyang promise sa akin
ito. Ang ipakilala ako sa bago niyang jowa.
Kahit wala na kami (naging kami nga
ba?), in touch pa rin kami sa text at minsan nagtatawagan pa. Ako ang unang
nakaalam nung nagliligawan pa lang sila. Ako rin ang unang nakaalam nung
finally ay sila na.
At ngayon nga, nandito sila sa harap
ko. Si H, my ex. At si J, ang bago niyang jowa. Sabado nang gabi sa Malate at
walang pasabi si H sa pagsulpot nilang ito. Nasa Silya ako nang mga sandaling
iyon at umiinom habang hinihintay ang pagdating ng mga friends ko.
“Aris, this is J,” ang sabi ni H.
“J, this is Aris.”
At nagkamay kami. Parehong
nakangiti.
Totoo ang sabi sa akin ni H. At
totoo rin ang chika sa akin ng mga friends ko na nakakita na sa kanila sa Government.
Cute nga ang bagong jowa.
Inaasahan ko na may mararamdaman
akong kurot sa puso. Pero wala. Inaasahan ko na medyo matataranta ako (masasagi
ang bote ng Strong Ice sa harap ko, matatapon ang laman at mababasag). Pero
hindi.
I invited them to join me. Naupo
sila. Umorder ng drinks sa waiter.
Awkward moment.
Nagsimula ang small talk. Kung
anik-anik lang para ma-break ang ice. Nakatingin ako sa kanila at aaminin ko,
they are a handsome pair. Nakangiti sila sa akin habang may sinasabi na di ko
na maalala kung ano dahil mas interesting ang nakikita ko kesa sa naririnig.
I could tell from the look in H’s
eyes na in-love siya kay J.
I could also tell from the look in
J’s eyes na may alam siya sa past namin ni H. But he remained gracious. He was
very nice, warm and friendly. In fact, I like him. I like him for H.
Maya-maya, nagpaalam si J. He got a
text from a friend. Imi-meet niya raw muna sandali.
At naiwan kami ni H.
With H, I can be very comfortable.
So I told him honestly about how I feel meeting his new jowa. Happy ako, sabi
ko. And I really meant it. Sabi ko pa, gusto ko si J para sa kanya. Mukhang
mabait at sa tingin ko, mahal siya. Napangiti siya.
“Ikaw, kumusta na?” ang tanong niya.
“Katulad pa rin ng dati,” ang sagot
ko.
“Wala ka pa ring bago?”
“Wala.”
“Ano na nangyari sa inyo ni A?”
“Nagkasawaan na kami,” ang sabi ko
sabay tawa nang maiksi.
Tumawa ako para pagmukhaing joke ang
sagot ko. Pero yun ang totoo. Wala talagang nag-e-endure sa mga relationships
ko. Laging nagkakawalaan, nagkakasawaan. Bihira yung nagtutuloy-tuloy. Bihira
yung katulad ng sa amin ni H na nagtuloy kahit hindi kami nagkatuluyan.
“Player ka kasi ha ha! Pinaglalaruan
mo lang mga boys,” ang hirit niya.
“Hindi ah. Ako ang pinaglalaruan
nila!”
“Bakit di ka nagkaka-jowa? Maganda
ka naman.”
Natigilan ako sa sinabi niya. Kung
hindi lang kapapakilala niya pa lang sa akin sa bago niyang jowa, iba ang
iisipin ko sa sinabi niyang yun. He is just trying to make me feel better, ang
naisip ko na lang. Di ako sumagot.
“Hoy, maganda ka, sabi ko,” ang ulit
niya. “Wala bang thank you?”
Natawa ako. “Sinabi mo na ‘yan noon.
Di mo na ako mabobola ngayon.”
Natawa na rin siya.
“Sana magka-jowa ka na para maging
masaya ka na rin,” ang sabi niya pagkaraan.
“Antayin mo lang,” ang sagot ko.
“One of these days, tatawagan na lang kita para sabihing may bagong jowa na ako
at mas maganda sa jowa mo ha ha ha!”
As if on cue, biglang umapir si J.
Immediate ang shift ng attention ni H. Para siyang spotlight na nagliwanag at
tumutok sa star of the night. Para akong manikang basahan na hawak-hawak at
biglang binitawan.
Umupo si J sa tabi ni H. Nag-holding
hands sila. Nagtitigan. I could see the sparkle in their eyes. I could see the
connection. I could see the love.
And they kissed habang nakatingin
ako.
Pigil ang emosyon ko. Kahit parang
natutunaw, nagpakatatag ako.
Tumungga na lang ako ng Strong Ice.
No comments:
Post a Comment