Saturday, December 15, 2012

One Message Received (04-06)

by: Lui
http://rantstoriesetc.blogspot.com

Part 04


Hindi ko napigilan ang umiyak pagtakbo ko palayo kay Gino. Napunta ako sa may library at agad kong tinungo ang CR at nagkulong sa pinakadulong cubicle. Sobrang naiinis ako kay Katie. Pati kami ni Gino ay nagkagulo dahil sa kanya. Napahiya na nga ako sa klase, hindi pa kami okay ng mga kaibigan ko. Buhay nga naman, oo. Madalas 'di mo maintindihan.

Agad ko din namang inayos ang sarili ko matapos makaiyak. Pinunasan ko na ang aking mga mata at naghilamos. Lumabas na ako sa CR nang nakatungo. Baka kasi may makasalubong akong kakilala at mapansing namumula ang mga mata ko.

0*0*0*0

Habang nagsasagutan kami nina Katie kanina sa loob ng room, agad namang lumabas ng room si Liz.

'Liz, saan ka pupunta?', ang tanong ni Alicia matapos itong humabol sa kaibigan.

'Sa library lang. Una na kayo.', ang malungkot na sabi ni Liz.

'Okay, text text na lang.', ang sabi ni Alicia.

Kasabay ng pag-alis ni Liz ay ang paglabas ko naman sa pinto na sinundan ni Gino.

'Ooh! Bromance ba ito?', ang mapanuksong tanong ni Mona nang makalapit kay Alicia habang tinitingnan kami ni Gino.

'Ano ka ba, Mona, nagkakagulo na nga sila sa loob e.', ang naiinis na sabi ni Alicia.

'I know. Ang sweet naman ng dalawang 'to. May away effect pa. Ay, walk out!', ang patuloy na pang-iinis ni Mona nang makitang patakbo kong iniwan si Gino.

'Dyan ka na nga! May pupuntahan muna ako. See you later!', ang naiinis na paalam ni Alicia sa kaibigan.

Hindi natuwa si Alicia sa inasal ni Mona kaya minabuti na lang niyang sumunod kay Liz sa library para magpalamig ng ulo. Kinuha niya ang kanyang phone nang malapit na siya sa library para itext si Liz at alamin kung nasaan ito. Pero bago pa man niya i-send ay nakita na niya ang kaibigan. Nakatalikod ito sa kanya na parang may kinakausap. Tatawagin na niya sana ang kaibigan nang bigla niyang makita ang kausap ni Liz. Nagyakapan ang dalawa at pinapatahan ng lalaki si Liz.

'John? Liz? What's this?!', ang naguguluhang tanong ni Alicia sa dalawa.

Halata namang nagitla ang dalawa at agad na humarap si Liz sa kaibigan.

'A. I can explain. Please, A.', ang sabi ni Liz pagkalapit sa kaibigan.

Isang malakas na sampal ang binigay ni Alicia sa kaibigan.

'Kaya pala parang wala lang sa'yo na nag-break kami ni John! Kaya pala ang mga advices mo sa'kin e puro letting go. I can't believe this. Liz? Ikaw pa?!', ang hindi mapigilan na pagbe-break down ni Alicia.

'A, pakinggan mo kasi ako!', ang umiiyak na sigaw ni Liz.

'Ang kapal ng mukha mo! Malandi!', ang sabi ni Alicia sabay takbo palayo.

0*0*0*0

Ayoko pang umuwi. Umupo muna ako sa park sa loob ng school at nagmuni-muni. Ipinasak ko na lang muna ang headset sa aking tenga at nag-soundtrip habang nagpapalipas ng oras. Isang babae ang umupo sa bench na kinauupuan ko. Ang sarap ng hangin na dumadampi sa mukha ko. Nakaka-relax. Kahit papaano ay gumagaan na ang pakiramdam ko. Sa pagtatapos ng isang kanta sa iPod ko ay may ilang mga segundong katahimikan pa bago magsimula ang sumunod. Sa mga segundong iyon, narinig ko ang paghikbi ng babaeng umupo sa tabi ko.

'Alicia?', ang pagtawag ko sa aking katabi.

'Hi!', ang bati niya sa akin na nakangiti kahit na ang mga mata niya ay basa ng luha.

'Ok ka lang? I mean, obvious namang hindi. Uhm. Bakit ka umiiyak?', ang magulo kong tanong sa kanya.

Natawa naman siya sa kaguluhan ko.

'No, I'm okay. May nangyari lang na hindi ko inaasahan.', ang sabi ni Alicia.

'Ah. E mukha kang malungkot e.', ang sabi ko naman.

'Ikaw din kaya.', ang sabi niya.

'E nakita mo naman 'yung nangyari sa amin kanina sa reporting. Sobrang nakakahiya.', ang sabi ko.

'Oo nga. And nakita ko din na nag-away kayo ni Gino.', ang dagdag niya.

'Talaga? Haaay. Nagagalit siya sa akin kasi nagalit ako kay Katie.', ang sabi ko.

'Ganon ba? Para kayong magjowa ni Gino kanina.', ang natatawang sabi ni Alicia.

'Wow ah. Ganon lang talaga kami.', ang natatawa kong sabi.

May dumaan yatang anghel at wala nang nagsalita sa amin. Hindi kami magkaibigan pero parang ang gaan ng pakiramdam na kausap ko siya ngayon.

'E ikaw, bakit ka umiiyak?', ang pagbasag ko ng katahimikan.

'Dapat ko bang sabihin sa'yo? I mean, hindi naman kasi tayo close. At alam kong naiinis ka sa amin.', ang pagsasabi ni Alicia ng totoo.

'Yeah. Naiinis ako sa grupo niyo. Pero sa iyo ako least na naiinis kasi hindi ka naman ganon kaingay e.', ang sabi ko.

'Ganon? So naiinis ka sa amin dahil maingay kami.', ang natatawang sabi ni Alicia.

'Oo. So, bakit ka nga umiiyak?', ang tanong ko ulit.

'Promise mo muna na hindi mo ipagsasabi 'to.', ang sabi ni Alicia sa akin.

'Promise!', ang sabi ko sabay ng pag-raise ng kanang kamay.

'Nakita ko kasi si Liz kasama 'yung ex ko na si John kanina e. Magkayakap sila.', ang sabi ni Alicia.

Nagsimula na namang mamuo ang mga luha sa mga mata niya. Wala pa kasing isang linggo mula nang maghiwalay ang dalawa tapos ayun makikita niya na may kayakap ng iba at kaibigan niya pa.

'Sigurado ka bang may something sa kanila? Hindi mo pa pinapakinggan 'yung side ni Liz.', ang sabi ko.

'Oo, sigurado ako. Kasi ang sabi agad ni Liz sa akin, I can explain. O diba. kung wala, dapat hindi ganon.', ang umiiyak na sabi niya.

Inalo ko siya at sinubukang patahanin. Humilig siya sa aking balikat. Maya-maya pa ay bigla itong tumawa.

'Baka sabihin naman nila pinapaiyak mo ako.', ang sabi sa akin ni Alicia habang pinupunasan ang mga mata.

'Oo nga e. Pero okay lang. Okay ka naman palang kasama e.', ang sabi ko sa kanya.

'Oo naman! Ikaw lang 'tong masyadong masungit.', ang pang-aasar niya sa akin.

'Sorry naman. Uuwi ka na ba?', ang sabi ko.

'Oo. Commute lang ako ngayon, coding e. Ayokong gabihin.', ang sabi niya.

'Ah. Sige, ingat ka!', ang sabi ko.

'Ikaw, di ka pa uuwi? Salamat, Ryan ah.', ang sabi niya.

'Dito muna ako. Thank you din.', ang sagot ko.

0*0*0*0

Habang nag-uusap kami ni Alicia sa park, sina Patrick, Gino at Katie naman ay nasa isang fastfood.

'Gino, tinext mo na si Ryan?', ang tanong ni Katie.

'Hindi pa. Hayaan mo muna siya magpalamig.', ang sabi ni Gino.

'Nagi-guilty talaga ako.', ang sabi ni Katie.

'Kate, tapos na 'yun e. Mag-sorry ka na lang ulit sa kanila bukas.', ang sabi ni Patrick.

Tumango naman si Katie at nagpasalamat sa dalawa.

'Sorry din ha. Lalo na sa'yo, Gino. Pati kayo ni Ryan, nag-away dahil sa akin.', ang sabi ni Katie.

'Wala 'yun. May mali ka, pero mali din ang ginawa ni Ryan na sabihan ka ng ganon.', ang paliwanag ni Gino.

'Sana maging okay na din kayo.', ang sabi ni Katie.

Isang ngiti lang ang binigay sa kanya ni Gino. Kinuha nito ang phone ang nagtext.

Gino: Nasaan ka?
...
...
...
...

0*0*0*0

Na-receive ko ang text ni Gino pero nag-dalawang isip ako mag-reply. Pero sa huli ay nagtext pa din ako. Para kasing hindi ko kaya na hindi magreply sa kanya.

Ryan: Bakit?
...
...
Gino: Tagal mo magreply. Nasaan ka?
...
...
Ryan: Bakit nga?
...
...
Gino: Pupuntahan kita. Sabay tayo uwi.
...
...
Ryan: Dito lang ako sa park. Kay Patrick ka na lang muna sumabay.
...
...
Gino: Ano ba? Papatagalin pa natin 'to?!
...
...
Ryan: Ayoko pa umuwi.
...
...
...

Wala na akong natanggap na reply pero maya-maya lang ay biglang dumating si Gino sa park. Sinabi ko nga pala kung nasaan ako.

'O, ano?', ang tanong ko.

'Alam mong may mali ka.', ang bungad niya sa akin na agad kong kinainis.

'Please naman! Wag mo naman akong simulan ng ganyan!', ang naiirita kong sabi sa kanya.

'Magagalit ka na naman? Ano ba yan, Ryan?!', ang malakas na sabi ni Gino sa akin.

'Alam mo, nagsisisi ako. Sana pala hinayaan ko na lang na hindi kayo close nina Patrick. Tingnan mo ngayon, nandun ka na sa kanila.', ang sabi ko.

'Hindi naman 'yun 'yung issue dito e. Ano ka ba, may mali ka rin sa nangyari.', ang sagot ni Gino.

'Alam ko!! Please lang, 'wag mo ng ulit-ulitin. Pero kahit naman ako ang may mali, diba dapat nasa side pa din kita? Tatanggapin ko naman na pagalitan mo ako or what pero huwag mo namang ipakita sa akin na nandun ka sa kanila.', ang sabi ko sa kanya.

'Wait lang, nagseselos ka ba sa kanila?', ang tanong ni Gino sa akin.

'Ha? Hindi. Hindi ko alam. 'Wag muna tayo magsabay umuwi.', ang sabi ko at sa pangalawang pagkakataon ay nag-walk out ako.

0*0*0*0

Pagdating ni Alicia sa bahay nila ay agad itong dumiretso sa kwarto at ibinato ang sarili sa kama. Kinuha niya ang kanyang phone at tinext ang kaibigan.

Alicia: Mona.:((
...
...
Mona: Yes, dear?
...
...
Alicia: I saw Liz and John kanina.
...
...
Mona: Whaaaaaat?!
...
...
Alicia: Wait, you knew about this?'
...
...
...

Hindi na nagreply si Mona kay Alicia. Tinatawagan niya ito pero hindi sumasagot. Naiiyak na siya dahil feeling niya ay pinagtulungan siya ng dalawang kaibigan. Halata sa reaction ni Mona na alam niya na may namamagitan kina John at Liz. Magka-kalahating oras na din 'yun nang may kumatok sa pinto niya.

'Opeeeeeen!', ang sigaw niya.

'A!', ang bungad ni Mona.

Napabalikwas naman ang nakadapang si Alicia pagkarinig sa boses ni Mona.

'Anong ginagawa mo dito? Alam mong may something kina John at Liz?! Monaaaa!', ang naiinis at naiiyak na sabi ni Alicia.

'Wait! 'Wag kang mag-panic. Nakita ko sila kagabi sa coffee shop kung saan tayo dapat magse-stay kaya diba sabi ko lumipat tayo. A, ayokong manggaling sa akin 'yung balita. Nagagalit ako kay Liz sa ginawa niya. Dapat siya mismo ang magsabi sa'yo.', paliwanag ni Mona.

Umiyak na lang si Alicia habang nakayakap sa kaibigan.

'I'm so sorry, A.', ang sabi ni Mona habang inaalo ang kaibigan.

Sa gitna ng pag-iyak ni Alicia ay may nagtext sa kanya.

One message received: Ryan Alcantara

Kinuha ni Alicia ang phone at binasa ang message ko.

Ryan: Hey, thanks for the night! Hope you're okay.:)
...
...
Alicia: Yup! Thanks din. And keep your promise!
...
...
...

'Wow. Seriously, A? Si Ryan?', ang tanong ni Mona sa kaibigan.

Natigil ang pag-iyak ni Alicia nang nagtext ako. Namamaga na ang mga mata nito kakaiyak buong gabi.

'Bakit? Siya kasi 'yung napaglabasan ko ng sama ng loob kanina 'nung nagpunta ako sa park after ko makita sina Liz.', ang paliwanag ni Alicia.

'Wow. Why didn't you call me?', ang naiinis na tanong ni Mona.

'E kasi naiinis ako sa'yo nun. Nung inaasar mo silang dalawa ni Gino.', ang sabi ni Alicia.

0*0*0*0

Hindi na ako nag-reply kay Alicia at agad nang tinungo ang CR pagdating ko sa kwarto para mag-shower. Sobrang bigat ng araw na ito dahil sa reporting na 'yan. Huwag naman sanang maging malaki ang epekto 'nun sa grade ko dahil sayang naman ang mine-maintain kong average.

Matapos maligo ay nagbasa muna ako ng novel na matagal ko nang gustong simulan. Humiga na ako sa kama at nagsimula nang magbasa. Unti-unti ako nadala sa flow ng kwento at nalilimutan na ang realidad. Nasa pangatlong chapter na ako nang biglang mag-ring ang phone ko.

'Hello?', ang pagsagot ko.

'Ryan.', ang sabi ng nasa kabilang linya.

'O, Gino? Bakit?', ang tanong ko.

'Wala lang. Di ako makatulog e.', ang sabi ni Gino.

'Ganon? Magbasa ka na lang.', ang sabi ko habang nakatingin sa librong binabasa ko.

'Ayoko. Okay ka na ba?', ang sabi niya.

'Sakto lang. Ayoko nang isipin 'yun. Mag-aaway na naman tayo.', ang sabi ko.

'E ikaw lang naman dyan 'tong nagmamatigas e.', ang sabi niya.

'Sige, ako na naman. Okay na. Huwag mo nang isipin 'yun.', ang sabi ko sa kanya para matigil na siya.

'Sigurado ka ha?', ang pangungulit niya.

'Oo nga.', ang sabi ko.

Nagpaalam na ako at ibinaba ko na ang phone. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko bago muling balikan ang kwentong binabasa ko. Pero hindi na ako maka-focus. May mga tanong ang gumugulo sa aking isipan. Mga bagay na matagal ko nang iniiwasang isipin at harapin. Umiiling akong nagtalukbong ng unan sa ulo.

Part 05
Tatlong taon na din kaming magkaibigan ni Gino. Nasa huling taon na kami ngayon sa kolehiyo. Kami 'yung tipong sobrang close pero magkaiba ng grupo. Hindi ko ma-explain pero parang 'yung trip namin e pang sa aming dalawa lang. Nandyan 'yung aalis kami na kaming dalawa lang. Walang nakakaalam kung nasaan kami. Pero usually naman ay nagso-stroll lang kami sa mall o di kaya ay kumakain. Pati na rin ang gabi-gabing pag-uusap namin sa text.


'Ayan na po ha. Nakipagbati na po ako kay Katie. Nag-sorry na po ako sa kanya.', ang sarkastiko kong sabi kay Gino.

Nakatingin lang siya sa akin na parang tatay na pinipigilang pagalitan ang anak pero kitang-kita naman sa mukha ang pagkadismaya.

'Oh? What's with the look? C'mon! Okay na nga kami. Inaasar lang kita.', ang pang-iinis ko sa kanya.

'Not funny.', ang sabi niya.

Sakto namang lumabas sina Katie galing sa room. Matapos kasi naming mag-usap dalawa ay sila naman ni Doris ang nag-usap kasama si Patrick. Halata namang okay ang dalawa.

'O, LQ kayo?', ang tanong ni Doris sa nakasimangot na si Gino nang biglang umakbay ang huli sa kanya.

'Anong LQ? Tumigil ka nga.', ang naiinis na sabi ni Gino.

Napapangiti na lang ako kasi after three years, ngayon lang kami ni Gino nagsama sa isang grupo. Nagkalabuan na din kasi sila ng barkada niya dati. Ang ilan ay natanggal na sa school habang ang ilan ay patapon pa din ang buhay. Naalala ko ang isang pag-uusap namin dati sa text.

Gino: Ryan, alam mo buti na lang kaibigan kita.
...
...
Ryan: Bakit naman?
...
...
Gino: E kasi tingin ko baka isa na din ako dun sa mga natanggal sa batch o kaya baka adik pa din ako sa computer games.
...
...
Ryan: Ganon? E nag-aaral ka naman e.
...
...
Gino: Oo nga. Kasi nahihiya ako sa'yo kapag hindi e. Parang naiisip ko, dapat 'yung alam mo alam ko din.
...
...
Ryan: Hahaha! Ano ka ba. May mga bagay naman na mas magaling ka kesa sa akin.
...
...
Gino: Haha. Konti lang 'yun. Basta thank you.
...
...
Ryan: Sure, anytime.
...
...
Gino: Alis tayo bukas. Tinatamad ako dito sa bahay pag walang pasok e.
...
...
Ryan: Tayo?
...
...
Gino: Tayong dalawa. Haha.
...
...
Ryan: Sige.
...
...

'Uy, Alcantara! Nagde-daydream ka na naman. Tara na.', ang yaya ni Patrick sa akin.

Para naman akong nagulat sa pagtapik sa akin ni Patrick. Natatawa ako sa sarili ko. Ang saya saya ko na nandyan si Gino at sina Katie. Kahit na nasa isang grupo kami ngayon, hiwalay pa din si Gino para sa akin. I mean, iba pa din ang pinagsamahan namin. Mas malalim. Mas totoo.

0*0*0*0

Hinahabol ni Liz ang dalawang kaibigan na naglalakad sa may labas ng building. Nagmamakaawa itong pakinggan siya at magpaliwanag. Parang wala namang naririnig si Alicia habang si Mona naman ay putak ng putak.

'Leave us alone, Liz!', ang sigaw ni Mona.

Narinig namin ito nina Patrick habang kami ay palabas ng building. Alam ko na kung anong nangyayari pagkarinig pa lang sa nakakarinding boses ni Mona.

'Alicia.', ang tawag ko sa kanya. 

Tumingin lang sa akin si Alicia.

'I know you're better than this', ang sabi ko.


Ang mga kaibigan ko ay mistulang naguguluhan at hindi makapaniwala sa mga nangyayari at nakikita nila. Isang makahulugang tingin ang binigay sa akin ni Alicia kaya't tumango ako sa kanya.

'Liz. Let's get this over with. Halika.', ang sabi ni Alicia at lumayo sa amin.

Halata namang nagulat si Mona sa ginawa ng kaibigan.

'What the hell, A?', ang habol nito sa kaibigan.

'Mona, choose! Leave or let Liz explain herself?', ang matigas na sabi ni Alicia sa kaibigan.

Naiwan kami - ako, sina Gino, Patrick, Doris at Katie - na nakatayo sa may harapan ng building.

'Let's go.', ang yaya ko sa kanila.

'Whoa, whoa, whoa. Wait, what happened there?', ang naguguluhang tanong ni Katie.

'What? So, Alicia and I talked yesterday. Not a big deal, right?', ang sabi ko.

'Yes! It is a big deal. Ryan, akala ko ba naiinis ka sa kanila?', ang sabi ni Katie.

'C'mon, Katie. Hindi na tayo high school. I bumped onto her sa bench kahapon at nakapag-usap kami. Okay naman siya e.', ang sabi ko.

'Told ya, dude.', ang gatong ni Gino.

'Ah, ewan. Ano bang nangyayari sa mundo ngayon??', ang sabi ni Katie.

'Tara na nga! Nagugutom na ako.', ang sabi ko sabay akbay sa kaibigan.

'Hay nako, Ryan! I hate you!', ang sabi sa akin ni Katie sabay alis ng kamay kong nakaakbay sa kanya.

'O bakit? Kakabati lang natin, ikaw naman 'tong galit.', ang paglalambing ko sa kanya.

'E kasi parang dati lang abot langit ang galit mo sa kanila tapos ngayon ganyan.', ang tampo ni Katie.

'Ano ka ba, umiiyak 'yung tao kahapon nung nakita ko. Alangan namang tawanan ko siya diba.', ang paliwanag ko.

'Ry, baka naman crush mo si Alicia.', ang singit ni Gino.

'What? Shut up, GGGGG!! Kanina lang pa-not funny, not funny ka pa dyan.', ang pang-iinis ko sa kanya.

'Oo nga. Baka naman type mo 'yun.', ang gatong ni Patrick.

'Wow, Pat. Talaga? Inaasar mo ako?', ang pang-aalaska ko sa kaibigan.

Nagtaas ng dalawang kamay si Pat, senyales na suko na siya. Nagtawanan kaming lahat.

0*0*0*0

'Ang aga pa. Tinatamad pa akong umuwi.', sabi ni Pat matapos kaming kumain sa isang fastfood chain sa labas ng school.

Mag-aalas singko pa lang 'yun ng hapon. Ang taas pa ng energy ng lahat. Hindi matigil ang tawanan at kulitan. Naiingayan na siguro sa amin 'yung ibang mga kumakain. Naramdaman ko ang vibrate ng phone ko sa aking bulsa.

'Uuuuy. Chumi-chicks ka na ngayon ah! Sino 'yan?', ang pang-aasar sa akin ni Gino.

Nakisama naman 'tong sina Patrick sa pang-iinis.

'Wait lang, ano ba?!', ang sigaw ko sa kanila.

One Message Received: Alicia Borromeo

Alicia: You busy?
...
...
Ryan: Nope, not really. What's up?
...
...
Alicia: Nothing. Just wanna thank you for helping me out with Liz.
...
...
Ryan: Wala 'yun. So, you guys are good?'
...
...
Alicia: Yeah. Hey, you wanna meet up? Maybe coffee or something? I'd love to tell you what happened.
...
...

'Whoooo!', ang sigaw ni Gino.

Napatingin naman kaming lahat sa kanya pati na rin ang ibang nasa paligid.

'Maybe coffee or something?', ang panggagaya niya kay Alicia.

'Seriously, dude? Binabasa mo habang nagtetext ako?! WOW!', ang naiinis kong sabi sa kanya.

Nagtawanan naman ang lahat. Hindi nila napansin na napikon ako. Patuloy lang sila sa pangangantyaw sa akin. Lalo na 'tong si Gino. Nagreply ako kay Alicia nang patago.

Ryan: Sure. Nasaan ka ba? I'm good to go.
...
...
Alicia: I'm here sa may parking. I'll meet you here.

Ininom ko na ang natitirang softdrinks sa cup ko at tumayo na.

'O, aalis ka na?', ang tanong ni Doris.

'Oo. Uuwi na ako.', ang alibi ko.

'Uuwi daw. Magkikita kayo ni Alicia no?', ang patuloy na pang-iinis ni Gino.

Seryoso, naiinis na talaga ako sa kanya. Ayoko nang inaasar ako sa ibang tao. Lalo na sa babae. Naiilang ako. Hindi ko siya pinansin at nagpaalam na sa mga kaibigan.

'Bye, Patrick, Katie AND Doris. Ingat kayo.', ang paalam ko bago tumalikod sa kanila.

'Hala ka, nagalit sa'yo.', ang pang-iinis ni Doris.

Natatawa lang si Gino dahil sa tingin niya e hindi ako seryoso.

0*0*0*0

Nagsiuwian na din sila matapos kumain dahil wala na din silang maisip na gawin. Naglakad na sila papasok ulit ng school.

'Pat, may ride ako ngayon. Sabay ka?', ang tanong ni Gino kay Patrick.

'Sure.  Makakatipid ako sa pamasahe.', ang nakangiting sabi niya kay Gino.

'Ano ka? Ikaw magpapa-gas nun.', ang loko ni Gino.
'Yun lang.', ang biglang bawi ni Patrick.

'Joke lang. Tara.', yaya ni Gino.

Nagpaalam na silang dalawa sa dalawang babaeng kaibigan at nauna na sa parking para kuhanin ang sasakyan ni Gino. Ito ang first time na silang dalawa lang ang magkasama. Medyo awkward ng konti dahil parehas silang naghahagilap ng common interest aside sa school at sa mga kaibigan.

'Naglalaro ka ba ng basketball?', tanong ni Gino kay Patrick habang inilalabas nito ang sasakyan sa lot.

'Oo. Pero ngayon shooting lang. Wala ako makalaro e. Busy lahat. Pati mga friends ko sa village.', ang sagot ni Patrick.

'Cool! Tagal ko nang di naglalaro. Well, simula nung magkalabuan kami ng barkada ko. HS friends ko naman 'di mahagilap. Tapos si Ryan naman, hindi naglalaro.', ang paliwanag ni Gino.

'O? Kaya pala nasa amin ka na ngayon. Siguro one time laro tayo. 'Pag di masyadong busy sa school.', ang yaya ni Patrick.

'Parang ngayon?', ang sabi ni Gino sabay ngiti sa taong nasa passenger seat.

Tiningnan ni Patrick ang oras sa relo niya.

'Pwede, maaga pa naman. Kaso naka-leather ka. Dun na lang sana tayo sa village.', ang sabi ni Patrick.

Sasagot pa lang si Gino nang bigla muling magsalita si Patrick.

'Wait, ano ba size ng paa mo? Baka kasya sa'yo 'yung isa kong rubber shoes.', ang sabi ni Patrick.

'10.', ang maikling sagot ni Gino.

'Sakto, dude. Meron akong extra. Pahiramin na din kita jersey and shorts. Ano, game?', ang masayang turan ni Patrick kay Gino.

'Game!', ang sagot ni Gino.


'Wow. This is a great night. Naging okay na kami ng isa sa mga bestfriends ko. Nagkaroon pa ako ng bagong kaibigan.', ang sabi ni Alicia sa akin habang inaantay namin ang sundo niya sa labas ng isang restaurant.

Mas pinili naming kumain kesa mag-coffee kasi hindi pa pala kumakain si Alicia bago kami magkita. Naikwento niya sa akin na wala naman palang namamagitan kina Liz at John. Kaya lang magkasama ang mga ito dahil gusto ni John na makipagbalikan kay Alicia at humingi siya ng tulong kay Liz. 'Yun ang pinag-uusapan nila nung nakita sila ni Mona sa coffee shop. Kaya naman sila nagyakap nung nakita sila ni Alicia ay dahil sa sinabi ni Mona na huwag muna siyang sumama sa kanila.

'See, kelangan talaga lagi kang ready to listen. Kahit gaano pa kasakit 'yung nagawa sa'yo ng isang tao.', ang sabi ko kay Alicia.
'Yeah. And I'm very thankful na sinabi mo iyon.', ang nakangiting sagot ni Alicia.

'Hey, ako naman taya next time. Nakakahiya sa'yo.', sabi ko sabay kamot sa ulo.

'Wala 'yun. Ano ka ba. O, nandito na sundo ko. Sure kang ayaw mong sumabay?', ang sabi ni Alicia bago magpaalam.

'Yup. That'd be too much. Ingat ka.', ang sabi ko.

Nagulat naman ako ng dampian niya ako ng isang masuyong halik sa pisngi.

'Thank you.', ang bulong niya sa akin bago sumakay sa kotse.

0*0*0*0


'Grabe, na-miss ko talaga maglaro.', ang sabi ng hingal na hingal na si Gino.

'Pansin ko nga. Ang bagal mo na e.', ang alaska ni Patrick bago uminom ng tubig.


'Hangin ah! 2 points lang lamang mo.', ang depensa ni Gino sa sarili.

One-on-one na laro ang ginawa ng dalawa sa court ng village nina Patrick. Past 7pm na din 'yun ng natapos sila.

'O, shower ka muna sa bahay tapos kumain ka na din.', ang yaya ni Patrick.

'Sige. Gutom na din ako e. Salamat!', ang sabi ni Gino sabay akbay sa kaibigan.

'Dude. Pawis ka.', ang pag-alis ni Patrick sa braso ni Gino na nakaakbay sa kanya.

'Ano naman? Ikaw din naman.', at ikinulong ni Gino si Patrick sa braso niya.

'Baka magselos si Ryan nito.', sabi ni Patrick sabay tawa ng malakas.

'Asa.', ang natatawang sabi ni Gino.

Nakarating na sila sa bahay nina Patrick habang masayang nagkekwentuhan. Agad na silang dumiretso sa kwarto. Binato ni Patrick ang isang towel kay Gino at sinabing gamitin na lang ang banyo sa kwarto niya.

'Sa CR na lang ako nina Mommy maliligo.', ang sabi ni Patrick bago ito lumabas.

0*0*0*0

Nasa taxi na ako pauwi. Kinuha ko ang aking phone.

One Message Received: Alicia Borromeo

Alicia: Thanks, Ryan! Really had a great time with you! Ingat.
...
...
Ryan: Ako din. Ingat ka din.:)

Tiningnan ko ang oras sa phone ko. 7.23PM. Napapaisip ako kung bakit 'di pa nagtetext si Gino. Ayoko namang ako ang unang magtext sa kanya kasi naiinis ako. Wait lang, bakit ko nga ba hinihintay ang text niya? Nag-ring ulit ang phone ko. Sa isip-isip ko, si Gino na 'to.

One Message Received: Alicia Borromeo

Alicia: :))

Hindi pa din pala. Nadala na ako ng malalim na pag-iisip.

Baka naman busy lang si Gino. Saan naman? Dati naman, magtetext 'yun sa akin the moment pa lang na magkahiwalay kami.  Di ba naiinis ka sa kanya? Oo nga. Gusto ko nang mag-usap kami. Bakit 'di ikaw unang magtext? Naiinis nga ako sa kanya. Nami-miss mo siya. (blangko) Di ko alam. Di naman siguro.

'Sir, papasok po ba sa village?', ang tanong ng taxi driver na nagpatigil sa dalawang nagtatalo sa isip ko.

'Opo, Manong.', ang sabi ko.

Inisip ko na lang na magtetext din 'yun. Baka nakatulog lang o wala pang load.

0*0*0*0

'Pat?', ang pagtawag ni Gino habang nakadungaw ang ulo sa pinto ng CR.

Ngunit wala pang tao sa loob ng kwarto ni Patrick. Sinara muli ni Gino ang pinto at nagtapis ng tuwalya. Lumabas siya sa CR at binuksan ang pinto ng kwarto ni Pat.

'Pat?', ang pagtawag niyang muli sa kaibigan.

'Tagal naman maligo 'nun.', ang sabi niya sa sarili matapos isara ang pinto at humiga sa kama na tanging ang tuwalya lang ang saplot.

Mga ilang minuto ring naghintay si Gino bago bumukas ang pinto ng kwarto at pumasok si Pat sa loob habang ikinukuskos ang tuwalya sa basang buhok. Natigilan siya ng nakita niyang si Gino ay nasa kama niya habang nakahiga at nakapikit na nakikinig sa iPod.

'Ahem!', ang pagpapansin ni Patrick.

Mistulang walang naririnig si Gino sa lakas ng kantang tumutunog sa headset ng iPod.

'AHEEEEM!!', ang malakas na pagtikhim ni Patrick.

'Pat!', ang gulat na sabi ni Gino.

Agad nitong inayos ang sarili at tumayo sa kama. Ibinaba niya ang iPod sa bedside table.

'Bakit nakatuwalya ka lang?', ang hindi mapakaling tanong ni Patrick kay Gino.

'Ah. Eh. Kasi. Wala akong dalang extrang underwear. E kanina naglaro tayo, kadiri naman kung susuotin ko ulit yung suot ko kanina. Diba?', ang sabi ni Gino habang pinipigilan ang tawa.

'Ah. Dapat binaliktad mo na lang.', ang pagpapatawa ni Patrick.

'Loko ka. Kadiri, dude.', ang sabi ni Gino.

Binuksan ni Patrick ang isang drawer at naghalungkat ng kung ano ang pwedeng ipahiram sa kaibigan.

'Briefs or boxers?', ang tanong ni Patrick.

'Kahit ano na lang.', ang sabi ni Gino.

Ibinato ni Patrick ang isang red boxers kay Gino. Agad naman itong sinalo ni Gino at tiningnan muna kung kasya sa kanya.

'Dude, ang liit yata nito! Di kasya. Masisikipan si junior.', ang pagloloko ni Gino.

'Ganon? Yabang neto. Wait lang!', ang sabi ni Patrick habang natatawang umiiling.

'Joke lang. Okay na 'to.', ang sabi ni Gino.

'Ang gago mo, no?', ang naiinis na sabi ni Patrick.
Tumawa lang si Gino bago pumasok sa CR at nagbihis.

0*0*0*0

Nakahiga na ako sa aking kama. Maya't maya ang tingin ko sa oras. Mag-iisang oras na akong nasa bahay pero wala pa ring text si Gino sa akin. Sobrang unusual nito. Hindi kaya may nangyari nang masama dun?

Hindi ako mapakali kaya't kinuha ko na ang aking phone at tinext na ang kaibigan.

Ryan: Baka naman gusto mong magparamdam.
...
...
...
...

Ah, ewan. Bahala na.

Kinuha ko na lang muna ang librong sinimulan kong basahin 'nung isang araw at sinimulan itong basahin. Sana ay makatulugan ko na ang pagbabasa na 'to.

Ilang minuto din ang lumipas ng nag-ring ang phone ko. Hudyat na mayroon nang nagtext.

One Message Received: Gino Villaflor


Gino: Ry.
...
...
Ryan: O?
...
...
Gino: Kadarating ko lang.
...
...
Ryan: Saan ka galing?
...
...
Gino: Kina Pat. Nag-basketball kami.
...
...
Ryan: Ah. Okay.
...
...
Gino: Bakit ang seryoso mo?
...
...
Ryan: Gusto mo matuwa ako? Pwede naman kasing magtext e. Malay ko ba kung nasagasaan ka na. O kaya na-kidnap.
...
...
Gino: Aww. Sweet mo naman. Hindi. Napasarap lang sa laro. Sorry.
...
...
Ryan: Ok.
...
...
Gino: Uy.
...
...
Ryan: Ano?
...
...
Gino: Sorry na nga.
...
...
Ryan: Okay na nga.
...
...
Gino: Haha. Kamusta date?
...
...
Ryan: Anong date?
...
...
Gino: Alicia.
...
...
Ryan: Hindi 'yun date!
...
...
Gino: Asus! Di daw. Cute niyo kaya.
...
...
Ryan: Selos ka? Haha.
...
...
Gino: Di no.
...
...
Ryan: Haha. Okay.
...
...
Gino: Tulog na'ko.
...
...
Ryan: Night.
...
...
Gino: Night, Ry.
...
...
Ryan: Shut up, G!
...
...
...

Nakatulog na nga siguro agad 'yun. Di na nagreply. Binalikan ko ang binabasa kong libro pero hindi na ako maka-focus. Si Gino ang laman ng isip ko.

Sana pala marunong na lang ako mag-basketball. Hay. Bakit parang iba 'yung naramdaman ko nung nalaman kong magkasama sila ni Patrick kanina?

0*0*0*0

Kinabukasan ay maaga akong nagising. Hindi muna agad ako bumangon. Alas-dos pa naman ang klase ko. 10AM pa lang yata 'nun. Kinuha ko ang phone ko ant tiningnan kung may nagtext sa akin. Ilang message din ang aking binuksan, mga texts nina Katie, Doris at Gino.

Gino: What time ka pasok?
...
...
Ryan:  Kakagising ko lang. Saktong 2PM na siguro ako dating. Ikaw?
...
...
Gino: Baka ganon din. Dito ako kina Pat ngayon. Laro ulit kami.
...
...
Ryan: Ah. Sige.
...
...

Hindi na ulit siya nag-reply. Maya-maya, habang nakatingin ako sa kisame ng kwarto ko ay nag-ring muli ang phone ko.

One Message Received: Alicia Borromeo

Alicia: What time ka nasa school today?
...
...
Ryan: Hi! Around 2PM na siguro. Why?
...
...
Alicia: Wala naman. Gusto mo mag-lunch?
...
...
Ryan: Sure!
...
...
Alicia: See you sa school!
...
...
Ryan: Alright! Ingat!
...
...
...
Agad akong bumangon at tinungo ang CR para maligo. Wala pang isang oras ay ready to go na ako at papunta na sa school.

0*0*0*0

'O, kamusta?', ang tanong niya sa babaeng kausap habang nakaupo sa isang tagong lugar sa park ng school.

'Okay naman. Tingin ko nauto ko naman sila.', ang sagot ng babae.

Naglapat ang kanilang mga labi at panandaliang pinagsaluhan ang isang matamis na halik nang matiyempuhan nilang walang mga estudyante ang dumaraan.

'That's what I love about you, Liz.', ang sabi niya.

'I'll do anything just so you can be mine, John.', ang sagot naman niya.



No comments:

Post a Comment