Panay ang ulan. Kalalabas lang namin
sa office at pauwi na kami. Katulad ng nakagawian, sumabay ako sa kotse ni MF.
Nung nasa daan na kami sa gitna ng
malakas na ulan, nagyaya siyang magmeryenda. Dumaan kami sa isang coffee shop.
Medyo malayo ang napag-parkan namin. Buti na lang may payong siya.
Magkasukob kaming naglakad patungo sa coffee shop.
Hindi ako gutom pero pinagbigyan ko
si MF. Ewan ko ba, I can’t seem to say no to this guy.
Mula nang magkakilala kami at maging
close, andun yung feeling na gusto ko siyang laging makasama. Gusto kong gumawa
ng mga bagay para sa kanya. Gusto ko na nakikita siyang masaya.
Napansin ko ito sa aking sarili. At
nitong mga huling araw, higit ko itong nararamdaman nang masidhi.
***
Magka-batch kami ni MF nang pumasok
sa kumpanya. First day ng training namin, napansin ko na kaagad siya. Sino ba
naman ang hindi makakapansin sa kanya. Matangkad. Maputi. Maporma. Mukhang
sosyalin at maykaya. I learned later on na La Sallista siya.
Inspite of his good looks, mahiyain
si MF. Tahimik, hindi masyadong nakikihalubilo. Kapag breaktime, lalabas ng
building at magyoyosi sa isang tabi. Hindi nakikipagkwentuhan sa iba. Ako,
medyo ganoon din. Galing kasi ako sa province at bagong salta. Pero kahit
paano, medyo sociable naman ako. At least I would smile sa aking mga
co-trainees. Pero siya hindi. Para siyang may sariling mundo. Parang laging
nag-iisip nang malalim. Parang laging may lungkot sa mga mata kung tumingin.
Then, one lunchbreak, I was sitting
alone sa canteen. Mag-isa akong kumakain ng lunch. He approached me. Gesture
lang actually, asking if he can join me. Puno kasi ang canteen at sa mesa ko
lang may bakante. He was carrying his food tray. I smiled and nodded. Naupo
siya sa harap ko.
“Hi, ” ang bati ko, courtesy lang.
“Hi,” ang bati niya rin.
I noticed na salad lang ang laman ng
kanyang tray. At saka juice.
Nakiramdam ako. In my mind,
naghahagilap ako ng sasabihin. Pinapakiramdaman ko rin kung type niya bang
makipag-usap habang kumakain. He started picking at his food na parang I did
not exist. I decided to keep quiet and concentrated on my meal.
“First job?” Parang nagulat pa ako
nang marinig ko ang boses niyang nagtatanong. Akala ko matatapos siyang kumain
na hindi kumikibo.
“Yup,” ang sagot ko.
“Anong school mo, pare?”
Sinabi ko name ng school ko.
Hindi na siya nagsalita. Wala akong
maisip na itatanong din o sasabihin to keep the conversation going. Intimidated
ba ako sa kanya? I worried na baka isipin niya, suplado ako.
Nagpatuloy kami sa pagkain.
Discreetly, I was observing him. He
has nice skin. Ang hahaba ng eyelashes niya at ang kapal ng kilay niya. His jaw
is firm and his lips are full.
For one brief moment, nagtama ang
aming paningin. I half-smiled. He nodded sabay bawi ng tingin.
Wala nang nagsalita sa amin hanggang
sa parehong maubos ang pagkain sa mga pinggan namin.
Uminom siya ng juice. Akala ko
tatayo na siya at aalis. Pero tumingin siya sa akin at nagtanong. “Do you
smoke, pare?”.
No. I don’t smoke. Pero maagap ang aking sagot.“Yeah.”
“Tara, smoke tayo sa labas.”
Nung nasa labas na kami, he offered
me a stick. Winston Lights.
Parang di ako makapaniwala na si MF
with his “leave-me-alone” personality ay kasama ko ngayon sa labas ng building,
nagyoyosi sa isang tabi.
From then on, naging yosimates
na kami. Sa kanya ako natutong mag-smoke.
***
Eventually, we became friends.
Natapos ang training namin at
nagsimula kami sa aming trabaho. Everyday magkasama kami. Sabay kumain. At
mag-yosi. Wala na ring dead air sa conversations namin dahil relaxed na kami at
kumportable sa company ng isa’t isa.
One time, he offered to take me
home, para daw alam niya kung saan ako nakatira. Medyo out of the way ang bahay
ko, kailangan niyang umikot pero ok lang daw. Iyon ang simula ng parang routine
na pagsabay ko sa kotse niya pauwi after work.
We got closer. We started going out
on our days-off. Pasyal lang sa Makati. Nood kami sine, kain sa labas. Usap
kami habang kumakain. We started getting to know each other well.
Minsan, nagulat ako. I was about to
leave the house para pumasok sa work. Paglabas ko, nakita ko nandun ang kotse
niya sa labas ng gate namin.
“Dinaanan na kita,” ang sabi.
“Buti naman. Di na ako mahihirapang
mag-commute hehe!” ang sabi ko, pabiro.
We even started going out at night.
Inom kami sa bar. Nood kami ng banda sa music lounge. Sayaw kami sa clubs. Pero
ang lahat nang iyon ay walang malisya. We were just two friends na laging
gumigimik. At pareho kaming enjoy na magkasama.
Until I slept over at his place.
Birthday ng Mom niya and I was
invited. We drank a little too much at wala na siya sa kundisyong mag-drive.
“Dito ka na matulog,” ang sabi.
“Hatid na lang kita bukas nang umaga.”
Magkatabi kami sa kama niya.
Pinakikiramdaman ko siya. Naririnig ko ang mahina niyang paghinga. Naaamoy ko
ang cologne niya.
Parang hindi ako makatulog.
Dahan-dahan, ibinaling ko ang aking mukha sa kinaroroonan niya. Aninag ko sa
dilim ang sharpness ng facial features niya. Nakapikit siya pero nararamdaman
ko, gising siya. I had the urge to embrace him pero pinaglabanan ko. Tumalikod
ako sa kanya.
Maya-maya naramdaman kong dumantay
ang thigh niya sa behind ko. Dumikit ang chest niya sa likod ko. It felt so
warm and comfortable I did not move. The two of us huddled together in bed just
felt so good!
We both fell asleep. Walang ibang
nangyari sa amin nang gabing iyon.
Pero kinabukasan, may realization
ako. May iba akong nararamdaman para kay MF!
***
Pagkaupo namin sa coffee shop,
umorder kaagad kami. Sa labas patuloy ang malakas na buhos ng ulan. Pinanood ko
ito mula sa aming kinaroroonan. I love it when it rains. I love it more ngayon
dahil nasa isang cozy place ako kasama si MF.
Isinerve ang aming meryenda.
“May sasabihin ako sa’yo,” ang sabi
ni MF, may excitement sa kanyang boses. May kakaibang ningning sa kanyang mga
mata.
“What?” ang tanong ko.
“Uuwi na siya.” Nakangiti si MF.
Napakaganda ng contrast ng makulimlim na panahon sa kanyang masayang mukha.
“Sino?” Naka-kunot-noo ako.
“Si Z.”
“Sino si Z?”
“My girlfriend.”
Para akong nayanig sa aking narinig
pero hindi ako nagpahalata. I never knew na may girlfriend siya.
I tried to compose myself. “Hindi mo
siya nababanggit sa akin…”
“You never asked.”
I looked at him. Hindi ko
maipaliwanag ang aking damdamin.
Nagpatuloy siya. “Akala ko hindi na
siya babalik. When she left for Paris, nag-break kami. Last night, she called.
Gusto niya, magkaayos uli kami and she is coming home for good.”
“So, makikipagbalikan ka sa kanya.”
“I already did.”
Paano ako?
“You look happy…” ang sabi ko.
“I am happy.”
Higit na nakakagulat ang sunod
niyang sinabi.
“I am resigning soon.”
“Ano?”
“Balak namin ni Z na magtayo ng
sariling business. Gusto ko nang magsimula para pagdating niya, maayos na ang
lahat.”
Paano na tayo?
Unti-unti, may panlulumo at lungkot
na gumapang at bumalot sa aking dibdib. Ngayon ko lang napansin na ang gloomy
pala ng panahon sa labas.
Anong tayo? Wala namang tayo.
Ngayon ako higit na naging sigurado
sa aking nararamdaman para kay MF. Matagal ko na itong itinatanggi at
itinatago. Bumuntonghininga ako at nagpasya.
“May sasabihin din ako sa’yo,” ang
sabi ko.
***
“I am in love with you.”
The words just slipped out of my
mouth. Antagal-tagal ko nang pinipigilan ang nararamdaman ko para kay MF. It
was almost a relief na finally, nasabi ko na sa kanya.
“W-what?” Nagulat siya.
“All these time alam ko na alam mo
kung ano ako. I’m sorry, I can’t help it. You have been so good to me. I just
realized na mahal na kita.”
Parang hindi makapagsalita si MF.
Hindi alam kung paano magre-react.
“I am sorry but I love you,” ang
ulit ko.
“Pero… straight ako, pare, ” he
managed to say.
“I am risking everything by telling
you this, “ ang sabi ko. “Alam ko na maaari kang magalit sa akin. Maaaring
masira ang ating friendship. But I have to be honest dahil hindi ko na kaya.”
Maiksing katahimikan.
Nagpatuloy ako. “Ang hirap na
araw-araw, nakikita kita at nakakasama. When you do good things to me or when
you simply smile at me, lalo akong nahihirapan dahil lalo kitang minamahal. You
have no idea how hard it is for me… loving you more each day and just keeping
it to myself.”
Katahimikan uli.
“We’re best friends, Aris,” ang sabi
ni MF pagkaraan. “Walang ibang kahulugan ang pagiging close natin.”
Unti-unti, naramdaman ko na para
akong natutunaw. Nag-iinit ang aking mukha pero nanlalamig ang aking mga kamay.
Nakaramdam ako ng pagkapahiya. Rejection. Lungkot. Para akong biglang maiiyak.
I suddenly felt sorry na hindi ko napigilan ang pagsisiwalat ng aking damdamin.
Tahimik na kumuha ng pera si MF sa
kanyang wallet. Inilapag niya ito sa mesa kahit di pa namin nahihingi ang bill.
Dinampot ang kanyang payong at siya ay tumayo.
Tumingin siya sa akin. Matagal. Nasa
mga mata niya ang magkakahalong emosyon na hindi ko exactly matukoy kung ano.
“Aris, I am sorry…” ang sabi sa mahinang
tinig. At siya'y umalis.
Nakalabas na siya sa pinto ng coffee
shop nang magawa kong tumayo. “Wait!” ang habol ko. Pero parang wala siyang
narinig at patuloy na naglakad palayo.
Lumabas ako ng coffee shop at doon
sa may entrance, napatayo na lamang ako. Nakatanaw sa kanya habang naglalakad
na nakapayong sa ulan palayo sa akin.
Higit na malakas ang ulan.
Nakaramdam ako ng panghihina.
Napasandal ako. Napayuko. Unti-unti akong napaiyak.
Patuloy ang buhos ng ulan. Parang
hindi titila.
Tahimik akong umiyak. Matagal.
Parang hindi maubos-ubos ang sakit sa aking dibdib.
Maya-maya, may naramdaman akong
kamay na humawak sa aking balikat. Nag-angat ako ng paningin.
“Malakas ang ulan. Mababasa ka.”
Parang mainit na haplos ang tinig na iyon sa aking nanlalamig na pakiramdam.
Si MF.
Bumalik siya. Binalikan niya ako.
Napatitig ako sa kanya, basa ang
aking mga mata.
Inakbayan niya ako, halos payakap.
Isinukob niya ako sa kanyang payong.
At naglakad kami sa ulan.
No comments:
Post a Comment