Thursday, January 3, 2013

Ang Kuya Kong Crush Ng Bayan (Finale)

By: Mikejuha
E-mail: getmybox@hotmail.com
FB: getmybox@yahoo.com
Blog: michaelsshadesofblue.blogspot.com

Alas 9 ng gabi noong kinatok ko si kuya Rom sa kwarto niya. Dala-dala ko ang isang karton na naglalaman ng mga gamit na ibinigay niya sa akin kagaya ng white gold thumb ring niya, gold bracelet, ang mga pinatuyong rosas… Napagdesisyonan ko na kasing isoli na lang ang mga ito at turuan ang sariling tanggapin ang lahat, limutin siya at mag move-on. Napag-isip-isip ko rin kasi na napakadami nang pinagdaanan kong hirap sa relasyon namin at hindi naman siguro patas na ako na lang ang palaging nagdurusa. Nakakapagod na; hindi ko na kaya. Hindi kaya manhid o bato ang puso ko upang hindi makaramdam o mapagod. Isiksik ko na lang sa isip na isa na lang siyang pangarap. Maigi na ang ganoon para at least alam ng puso ko kung saan siya lulugar. At kapag isang pangarap na lang ang lahat, nagagawa ko ang kahit ano sa isip ko; na hindi ako nasasaktan, hindi nangangamba, hindi namomroblema. Sabi nga nila, libre daw ang mangarap. Oo naman. Libre ang mangarap ngunit may bayad na ito kapag umasa... Kaya, dapat lang na hindi na ako aasa. Baka mamaya, ibayong sakit lang ang kabayaran nito.


Kaya ang final na desisyon ko ay ang pakawalan na siya at turuan ang sariling tumayo, harapin ang mga hamon sa buhay na nag-iisa, na walang kuya Rom na dati ay siyang nagsilbing inspirasyon ko…

Binuksan naman kaagad ni kuya ang kwarto niya, hawak hawak pa ang cp, may kausap sa linya, “Ok.. Elsie, saka na lang tayo mag-usap, hon. Nandito ang utol ko, may kailangang yata. Bye muna! Mwah!” Inbinaba ang cp niya atsaka nakangising tiningnan ako at sinabihang, “Girlfriend ko… hehe. O, anong atin?”

“Heto kuya, isosoli ko na ang mga ibinigay mo sa akin...”

“Ah… iyan lang ba? Sige tol, sa iyo na lang iyan. Ok lang ako…” ang sagot niyang hindi man lang nagdadalawang-isip na para bang ang mga bagay na iyon ay walang bakas ng aming kahapon, walang kahulugan.

“Hindi kuya, sa iyo naman talaga ito eh. At… wala na ring halaga ito sa akin.” Ang sagot kong hindi maitago ang pagkadismaya.

“Bakit mo nasabing walang halaga ang mga iyan sa iyo? Kung ibinigay ko iyan sa iyo dati at tinanggap mo ito, bakit mo isosoli? May kaibahan ba ngayon?”

Natameme naman ako sa kanyang tanong. Pakiramdam ko ay talagang napaka-insensitive na niya. Tila nawalan ako ng lakas upang sabihin pa sa kanya ang lahat. Feeling napahiya, nainsulto, naawa sa sarili. “A, e… wala kuya. Basta sa iyo na ito.” Ang nasabi ko na lang sabay lapag sa karton sa sahig ng kuwarto niya at dali-daling lumabas upang huwag niyang mapansin ang pagdaloy ng aking luha. Hindi ko na hinintay pa ang sasabihin niya.

Bumalik ako sa aking kuwarto at doon na nagmumukmok, mag-isang humahagulgol.

“Iba na talaga siya… ni hindi man lang ako sinundan o inalam ang mga saloobin ko. Pero di bale… isang araw, mabubura rin sa aking puso ang lahat ng ito.” ang bulong kong pang-aamo na lang sa sarili.

Dahil sa nawalan ako ng lakas ng loob upang sabihin sa kanya ng personal ang mga saloobin ko, idinaan ko na lang ang lahat sa sulat.

“Dear kuya Rom. Pasensya ka na sa sulat na ito. Dito ko na lang ipalabas ang mga saloobin ko. Nahihiya kasi ako… Hindi na kasi ikaw ang dating kuya Rom na nakilala ko. Nahirapan akong tanggapin na ibang-iba ka na. Na-miss ko ang dating kuya Rom ko. Ang kuya na walang araw o gabi na hindi ako kinukumusta, inaalam kung saan nagpunta, o kumain na ba, o ano ang pakiramdam, ano ang balita sa akin... Ang kuya na nangungulit ngunit nanunuyo sa akin… Ang kuya na nilalapitan ko sa panahong kailangan ko ng katuwang at masasandalan… Ang kuya na pwede kong sabihin ang lahat ng mga hinanakit ko sa mundo… Ang kuya na alam na alam ang aking mga saloobin at ang aking mga kahinaan… ang kuya na siyang pumupuno sa mga kahinaan at kakulangan ng aking pagkatao… Ang kuya na sa panahon ng aking kagipitan ay nand’yan lang palagi para sa akin… Ang kuyang pangalan ko lang ang nakatatak sa kanyang puso… Ang kuyang nangakong hindi ako bibitiwan kahit ano man ang mangyari…

Hindi naman din kita masisisi eh… may karamdaman ka at nabura na sa isip at puso mo ang lahat ng mga nakaukit na nakaraan at samahan natin, kasama na ang pagmamahal. Ewan ko nga rin ba kung tama ang sabihin ko ito sa iyo. Pero mahal ko pa rin ang dati kong kuya. Hinahanap-hanap ko siya. Oo, sa nangyari sa iyo na muntik ka nang mamatay, nagdasal ako na sana ay huwag kang kunin sa akin, at nangako ako na tatanggapin ko kung ano man ang kapalit na hirap kung sakaling pagbigyan man ang kahilingan ko. Ngunit sobrang sakit din pala. Kasi, nanumbalik man ang malay mo, sabay namang namatay ang katauhan ng tunay kong kuya… Hindi ko akalaling kasing sakit lang din pala ng pagpanaw ang pagbalik ng iyong malay. Totoo, nakikita kita sa araw-araw, ngunit sa likod ng anyo na iyan, ay may ibang katauhan. Masakit. Kasi, sa araw-araw na nakikita kita, nadudurog ang aking puso. Pakiwari ko ay namatay ang kuya ko at tinuruan ko ang pusong makapag move on. Subalit nandyan ka na humahadlang sa pagnanais kong malimutan siya. Mistulang isa kang multong nagpapahirap sa aking kalooban, patuloy na pinapaalala ang aming nakaraan…

Pero huwag kang mag-alala kuya. Matatangagp ko rin ang lahat. Pipilitin kong buuin pa ring mag-isa ang buhay, ang mga pangarap ko; kahit wala na ang kuya kong nangarap din ng kaparehang mga pangarap na pinangarap ko...

Pagkatapos mong basahin, sunugin mo ang sulat kong ito, sampu ng mga gamit na isinoli ko sa iyo. Kasi, wala nang halaga ang lahat ng iyan sa akin at alam ko namang wala na ring halaga ang mga iyan sa iyo.

Sana ma-enjoy mo pa ang panibago mong buhay. Hindi man ako kasali sa mga plano mo… nandito pa rin ako, handang sumuporta sa iyo bilang kapatid at kaibigan.

Oo nga pala. Dalawang linggo mula ngayon, birthday ko na. Wala lang... Kapag birthday ko kasi may sorpresa sa akin ng kuya ko. Lalo na sa birthday ko na darating. Napaka-significant sana nito kasi magde-dese otso na ako. May binitiwan kasi siyang salita sa akin dati na kapag nagi-18 na daw ako…

Ah basta. Huwag mo nang intindihin iyon. Sa dami ba namang pagsubok at masasakit na karanasan sa pag-iibigan namin… hindi na ako dapat na umasa pa.

Ang iyong kapatid – Jason.”

At isiniksik ko ang sulat ko sa guwang sa ilalim ng pintuan niya.

Lumipas ang isang linggo simula noon. Halos hindi ko na nakikita ng bahay si kuya Rom. Hindi na nagparamdam at minsan, hindi na rin siya sa bahay natutulog. Ewan kung may epekto ang sulat kong iyon sa kanya kaya pakiramdam ko ay iniiwasan niya ako. Pero ok lang. Kasi, nasabi ko na sa kanya ang lahat. Iyon naman ang mahalaga.

“Ma, bakit hinayaan ninyo si kuya Rom na gumala? Wala na nga si papa tapos heto, gala nang gala pa siya na parang walang responsibilidad sa pamilya natin. Hindi na siya nakakatulong sa atin.” Ang sabi ko kay mama.

“Hayaan mo na, Jason. Nalilito lang siya sa kalagayan niya ngayon.”

“Nalilito pero andaming babaeng dinidate? Iyan ba ang nalilito?”

“Hindi na, anak. Nag-usap na kami. Ang totoo niyan, hindi niya malaman kung ano ang kanyang gagawin, kunga paano at saan magsimula. Litong-lito ang pag-iisip niya. Wala daw direksyon ang buhay niya, maraming katanungang hindi mahanap-hanapan ng kasagutan. Sumasakit palagi ang ulo niya sa kaiisip sa mga bagay-bagay na hindi niya maintindihan. Naguguluhan siya, anak. Minsan nga daw, inuumpug-umpog na niya ang ulo niya upang maintindihan lang ang mga nangyayari sa kanya at maibalik ang dati niyang ala-ala. Ito ang matinding nagpapahirap sa kanya. At kailangan niya ng pang-unawa. Sinabi ko rin sa kanya na ibang-iba siya kaysa Romwel na nakilala natin. Ikinuwento ko sa kanya na dati, ganito siya, concerend sa pamilya, sa papa niya, sa akin, sa iyo, kay Noel, at na ipinagkatiwala sa kanya ang maraming bagay sa pamilya. Sinabi ko sa kanyang masyado kang naapektuhan at nag-iiyak sa nangyari sa kanya. Ipinakita ko rin sa kanya ang video ng huling habilin ng papa mo, upang mas maintindihan niya ang mga sinasabi ko. At noong makita niya iyon, nag-isip siya. At hayun, nagdesisyon kaagad na pupunta ng Canada… Ewan kung ano ang plano niya. Baka daw mas maliwanagan pa siya sa mga pangyayari kapag nandoon siya. Ito din daw ang mungkahi sa kanya ni Shane.”

Med’yo nasira na naman ang mood ko noong pumasok ang pangalan ni Shane sa eksena at sa Canada pa. Bumalik-balik kasi sa isipan ko ang mga pangyayring nandoon si kuya Rom sa kanila sa Canada at iyon ang simula ng mga paghihirap ko, ang paglalayas ko, ang pagkamatay ng papa ko… “G-ganoon ba ma?” ang naisagot ko na lang. “E… di sige. Mabuti na rin iyon ma para tuluyan ko na rin siyang malimutan.” Dugtong ko.

Tahimik. Alam kasi ni mama ang sakit na dinadala ko. Masakit sa kalooban ko ang bigkasin mga katagang iyon na limutin siya ngunit lumabas ito sa bibig ko nang diretso. Marahil ay dahil napag-isip-isip ko na talagang wala nang chance na babalik pa siya sa akin. Kapag nasa Canada na kasi siya, tuluyang malimutan na niya ako at tuluyang mawala na rin siya sa akin… At wala rin naman akong magawa kundi ang tanggapin ang masakit na katotohanan.

“Anak… May sinabi pala si kuya Romwel mo na sinulatan mo raw siya?”

“Ah… O-opo ma...” ang gulat kong pag-amin.

“At ano naman ang sinabi mo sa sulat?”

“S-sinabi ko sa kanya ang lahat tungkol sa amin… dati. At binanggit kong ibang-iba na siya, na hindi na siya ang nakilala kong kuya Romel. Iyon lang.” Napahinto ako ng saglit, pinigilan ang sariling huwag tumulo ang luha. “… At sinabi ko ring huwag siyang mag-alala dahil tanggap ko kung hindi na niya ako mahal.” Sabay yuko at pahid sa luhang hindi ko rin napigilang pumatak.

Binitiwan ni mama ang isang pilit na ngiti, at niyakap ako. “Anak… Darating din ang araw na mahahanap mo ang taong talagang sadyang para sa iyo…”

“Sana nga ma…” ang sagot ko na lang pahid-pahid ng isang kamay ang mga luha sa mata.

“Alam mo bang ang sulat mo ang lalong nagpatindi sa kanyang kalituhan? Palagi daw niyang naiisip ang mga binanggit mo sa sulat. Hindi raw siya makatulog sa kaiisip kung paano nangyari ang mga sinasabi mo.”

Hindi na ako kumibo. “Kailan naman daw ang alis niya ma?” Paglihis ko na lang sa topic.

“Mga limang araw mula ngayon…”

Kinabukasan, nagpunta kami ni Noel sa bukid, sa hacienda namin. Summer break na kasi iyon kaya nagkaroon kami ng oras na magbonding. At marami pa kaming planong gustong puntahan ni Noel sa summer break na iyon, kasama na doon ang lugar kung saan ko siya unang nakita at isinama. Kahit papaano, makapagrelax din ako, makalimot…

Sa lupain namin, inikot ko si Noel, ipinakilala sa mga nagtatarabaho. Dalawang araw kami doon at kagaya ng dati, nandoon din si Julius na walang sawang umaalalay sa amin sa pamamasyal at pag-iikot sa bukirin, sa pagturo sa amin ni Noel na mangabayo. Syempre, tuwang-tuwa ang mga tauhan namin noong makita nila si Noel. Bibong bata kasi, matalino at cute pa. Si Noel naman ay tuwang-tuwa. Lalo na sa pagsakay sa kabayo.

“Alam mo kuya, may sorpresa ako sa iyo.” Ang masayang biglang sambit sa akin ni Julius.

“Talaga tol? Ano naman iyon?”

“Hindi ko pa pwedeng sabihin kuya pero baka dalawang linggo mula ngayon, pwede ko nang sabihin.”

“Waahhh! Sa birthday ko?”

Tumango naman si Julius.

“Paano mo nalaman ang birthday ko?”

“Kuya naman o… di ba nagpapakain naman kayo palagi kapag birthday mo? At lagi kaming iniimbitahan sa bahay ninyo.”

“Ah… Oo nga pala. Pero ano nga iyang sorpresa mo?”

“Saka na kuya. Kasi, hindi na sorpresa kapag sinabi ko.”

“Ito naman o, may pasorpre-sorpresa pang alam… siguro in love ka no? Mukhang in love ka e.” Biro ko.

Mistula namang kinilig si Julius, nakangiti ngunit kagat-labing tiningnan ako. “Basta kuya, matutuwa ka… para sa akin, para sa atin, hehe.”

“O siya, kung ano man iyan, sabihin mo kaagad ha? At dapat masosorpresa talaga ako dahil kung hindi, lagot ka.” Dagdag kong biro.

Kinabukasan noong bumalik na kami ni Noel sa bahay, napagalaman kong hindi na umuuwi doon si kuya Romwel. Nabuo na naman sa isip ko na baka sa babae na niya umuuwi ito at na isama na niya iyon sa Canada at doon na sila magsama; na baka sinadya niya talaga iyon upang hindi na niya ako makita at hindi niya ako masaktan kapag nagsama na sila noong babae niya.

“Ma… bakit hindi na umuuwi si kuya Rom?” tanong ko kay mama.

“Nagpaalam lang sa akin na habang pina-process niya ang mga papeles niya, at ibang mga bagay pa kasama ng abugado natin, doon na lang muna siya mamalagi sa syudad upang mas malapit lang. At may narinig akong duktor na tumitingin din sa kanya na may contact naman daw sa duktor niya sa Canada na siyang magpapatuloy sa gamutan nila doon.”

“G-ganoon ba ma? Pero bakit kailangan pang hindi siya uuwi?”

“Iyon daw ang mungkahi ng abugado niya upang mapabilis ang pag-asikaso ng mga dukomento na nilalakad niya bago siya tutungo ng Canada, at mungkahi din ng dukto niya ang ganito upang makabubuti sa palagiang pagmo-monitor sa kalagayan niya.”

“Sino naman ang kasama niya ma?”

“Si Shane ang nag-assist sa kanya, pati na ang pagsama-sama sa kanya sa paglalakad ng mga papeles.”

Hindi na lang ako nagtanong pa kung ano yung mga dokumentong inaasikaso. Sumingit na naman kasi ang pangalan ni Shane. Lalo tuloy tumindi ang kirot sa puso na mas si Shane pa ang pinili niyang sumasama-sama sa kanya at hindi man lang ako ni kinunsulta man lang. Pakiramdam ko out of place na talaga ako… at wala na akong muwang pa sa puso niya.

Dumating ang araw ng kanilang pag-alis ni Shane. Inihatid siya nina mama at Noel. At napag-alaman ko rin na nandoon din daw sa airport sina kuya Paul Jake, at dati naming mga ka-tropa at kasamahan sa team. Natuwa naman ako. Kahit papaano, hindi siya kinalimutan ng mga barkada. Napakarami din kasi naming mga masasaya at sobrang memorableng experience na halos hindi na kami magkahiwa-hiwalay pa sa sobrang pagka-close ng barkada. Marami kaming pinagsamahan. Ngunit ako, hindi na nagpunta pa ng airport. Nagdurugo kaya ang aking puso. Nagmukmok na lang ako sa kwarto, nag-iiyak na ipinagdiwang ang magkasabay na independence day at national hero’s day ng aking puso.

“Wow… ni hindi man lang siya nagtext sa akin na aalis na siya. Na-amnesia na naman kaya siya at nalimutan uli na may kapatid siyang nandito lang sa bahay? Hay naku…” Sigaw ko sa sarili.

Ewan, pero magkahalong lungkot at pagkadismaya ang naramdaman ko sa pagkakataong iyon. Nalungkot dahil ang lahat ng pinaghirapan ko ay nauwi lang sa ganoon. At nadismaya dahil sa kakaibang pagtrato niya sa akin sa kabila nang alam naman niyang kapatid niya ako at buhay pa at humihinga pa naman kahit papaano...

Binuksan ko ang FM radio at noong tumugtog ang paborito naming kanta, pinatay ko kaagad ito. Ibayong lungkot na ang dulot sa akin ng kantang iyon. Pakiramdam ko ay paulit-ulit na sinaksak ang puso ko kapag narinig ang mga lyrics nito.

Lumipas ang halos isang linggo. Natanggap ko naman ang tawag galing sa Canada. Si Shane.

“Jason… gusto kong ipaalam sa iyo na inoperahan uli ang utak ni Romwel dito at… may bad news akong sasabihin.” napahinto siya, tila kumuha ng buwelo sa sunod niyang sasabihin.

Bigla akong kinabahan sa pambungad pa lang niyang salita. Kasi naman, nagkaphobia na ako kapag may bad news galing sa kanya. Naalala ko na naman noong siya din ang nagsabi sa akin ng bad news, noong nagpakasal si kuya Rom sa kapatid niya. “A-ano ang bad news na naman iyan Shane???!!!”

“Huwag kang mabigla ha…?”

“Ano nga iyon????!!!” Bulyaw ko.

“B-binawian ng buhay si Romwel sa operasyon… kanina lang, may halos isang oras na ang nakaraan.”

Pakiramdam ko ay nagblackout ang buong paligid sa aking narinig. “Nagbibiro ka Shane!!! Sabihin mong nagbibiro kaaaaaaaaaa!!!!!”

“H-hindi Jason...” Ang malungkot niyang boses. “Pumunta ka dito upang maniwala ka.”

“Arrgggghhhh!!!” Hindi!!!” Sigaw ko. Ewan, kahit may galit ako sa kanya pero hindi ko rin pala kaya ang makarinig ng ganoong balita. “Paano nangyari iyon??? Bakit siya nagpaopera??? Wala naman siyang sinabi na magpaopera siya ah!!! Hindi siya nagpaalam sa aminnnnn!!!!”

“W-walang sinabi sa inyo pero sa amin meron. Napagdesisyonan niya ito noong sobrang kalituhan ang nadarama niya, lalo na noong mabasa ang sulat mo. Ang sulat mo ang nag-udyok sa kanya upang gawin ang pagpaopera at upang naisin niyang maibalik ang dating pagkatao niya. Naguguluhan siya sa nangyari sa kanya, sa inyong dalawa, hindi malaman ang gagawin. Nakokonsyensya, hindi makatulog, hindi alam ang mga kasagutan sa kanyang tanong. Hindi raw niya kasi alam kung bakit naging iba ang pagkatao niya. At wala siyang control dito. Ramdam niya ang paghihirap mo, ang paghihirap ng pamilya mo para sa kanya. Kaya napagdesisyonan niyang magpa-opera na lang. At bagamat ipinaalam sa kanyang maaring ikamatay niya ito, gusto pa rin niyang ipagpatuloy ang operasyon. Sabi niya, ‘mabuti na raw ang mamatay at wala na siyang iisipin kaysa buhay na habambuhay naman na magtatanong, maghahanap sa kanyang tunay na katauhan, hindi alam ang gagawin, at maraming nasasaktan’. Mistula daw siyang isang taong naglalakad ngunit walang kaluluwa. At upang walang sisihang mangyayari, gumawa siya ng liham na nagpapatunay na sariling desisyon niya ang pagpapaopera, na walang pumuwersa sa kanya, at walang sinumang dapat na sisihin kapag may nangyaring hindi maganda.... Nandito sa akin ang liham na iyan kasama ng liham niya para sa iyo. Kaya dapat na pumunta ka o ang mama mo dito upang magdesisyon kung ano ang dapat gawin sa bangkay niya.”

Hindi ko maintindihan ang naramdaman ko sa narinig. Pakiramdam ko ay nawalan na ako ng lakas, hindi makapagsalita. At namalayan ko na naman ang pagdaloy ng aking mga luha. “Shiitttttt! Bakit ang sakit namang maglaro ng tahana?! Bakit pinaglaruan ang buhay koooooo!!!” sigaw ng utak ko.

Sinabi ko kaagad kay mama ang balitang natanggap galing kay Shane. Subalit dahil wala na raw maiiwang bantay sa bahay at sa mga apo niya at mahirap ang pagbibiyahe ayaw ni mama na siya ang pumunta. Kaya ako na lang ang hinikayat niya. “Isama mo na rin si Noel. Gusto rin daw ng bata na makita ang kuya niya. May passport na iyan, ipinasabay ko sa pag-file ng adoption papers niya noon. Kaya wala nang problema iyan.” Sambit ni mama.

Alas 5 ng hapon kinabuksan noong makalabas na kami ng airport ni Noel. Sinundo kami ni Shane. Halos hindi na kami nagbatian pa ni Shane. Bagamat sinalubong niya ako ng yakap, dry ang pagtangagp ko dito. Kasi, una, masakit ang loob ko sa kanya dahil palagi na lang problema ang dulot ng pagpupunta ni kuya Rom sa Canada at hindi man lang niya natulungan si kuya Rom na mailayo sa kapahamakan. Pangalawa, palaging siya ang diretsahang involved sa mga pangyayari.

First time kong makapunta ng Canada. Pareho kami ni Noel. Malaki ang kaibahan nito kaysa Pilipinas, sa lamig pa lang at sa snow na nakabalot sa paligid. Bagamat ramdam kong excited na excited si Noel sa kanyang mga nakikita, kabaliktaran naman ang naramdaman ko. Hindi ko maappreciate ang ganda ng mga tanawin. Ang tanging nakasentro sa utak ko ay si kuya Rom. Tumatak na naman sa isipan ko ang eksena sa ospital kung saan siya nakaratay. Naimagine ko na ganoon ang mukha niya habang nakahiga ngunit nasa loob na ng isang kabaong.

“Kuya... wag ka na malungkot” sambit ni Noel noong napansing nagpapahid ako ng mga luha ko.

“Ikaw ba hindi nalulungkot na wala na si kuya Rom?” sagot ko naman.

“Hindi naman siya nawawala eh!”

“Anong hindi nawawala?” ang tanong kong may halong pagkalito sa sinabi niya.

“Ah... e...” hindi siya kaagad nakasagot. “...sabi kasi nila na kapag namatay daw ang tao, pupunta na siya sa langit. Kaya hindi siya nawawala.”

“Siya lang ang pupunta doon, tayo, nandito pa!” Ang supalpal ko naman.

Sasagot pa sana si Noel noong bigla namang sumingit si Shane. “Let’s go direct to the house. Sa bahay na namin ibinurol ang bangkay ni Romwel.”

Tahimik.

Habang tumatakbo ang sinasakyan namin at palapit nang palapit na sa bahay nina Shane, ramdam ko naman pabigat nang pabigat ang aking kalooban. Parang hindi ko kakayanin kapag nakita na ang bangkay ni kuya Rom. Puno ng kalituhan ang aking isip. Nagtatanong kung bakit sa bansa na iyon ay puro na lang kamalasan ang dala nito sa akin at sa pamilya ko. Iniisip ko na sa dinaanan ng sasakyan naming iyon, doon din dumaan si kuya Romwel, at ang mga nakita kong mga nagpuputiang yelo na tumatakip sa bubung ng mga buildings, bahay, halaman, at sa paligid ay siya ring mga yelo na nakita ni kuya Rom noong dumating siya sa lugar na iyon ilang araw ang nakaraan. “Sana, mamamatay na lang din ako dito… Sana, sa araw na ito susundan ko na rin siya sa kabilang buhay…”

Naalala ko tuloy ang huling sinabi sa akin ni mama at ni Shane na dahil sa sulat ko kaya lalong nalito si kuya Rom at nagdesisyon na itong magpaopera. Sobrang guilt ang nadarama ko sa sarili. Hindi ko akalain na nakasama pala sa kanya ang sulat ko at ito ang dahilan kung bakit siya namatay; sa kagustuhang huwag akong masaktan, huwag magdusa ang damdamin ko kaya napilitan siyang magpaopera. Lalo naman akong napahagulgol. Sa kabila pala ng kalituhan niya, naiisip pa rin niya ang mga isinulat ko. Akala ko manhid na siya. Akala ko, wala na talaga siyang pakialam sa akin. Pakiwari ko ay gusto ko na ring magpatiwakal sa mga sandaling iyon. Lalo na noong biglang sumingit sa alaala ko na pang labingwalong birthday ko pa pala sa araw na iyon.

“Shittttttt!!!!! Ansakit-sakit naman nitong pa-birthday sa akin. Nandito ako sa isang malas na bansa, walang nakaalala sa birthday ko, at ang taong pinakamamahal ko, na siya sanang inaasahan kong magbigay sa akin ng ibayong saya sa kaarawan kong ito, masakit na sorpresa naman ang ibinigay sa akin. “Kuya Rom... may sinabi ka sa akin na gagawin mo sa panlabing-walang birthday ko... paano mo matutupad ito ngayong wala ka na? Ansakit naman ng pabirthday mo sa akin. Sana kung saan ka man naroroon, maramdaman mo ang naramdaman ko. Para pong sinaksak ng maraming beses ang puso ko sa sakit kuya. Hindi ko po kaya. Sana, kunin mo na lang ako upang magsama na tayo d’yan. Iyan naman kasi ang promise mo sa akin, e. Di ko na po kaya....” ang bulong ko sa sarili.

Walang humpay ang pagdaloy ng aking mga luha.

May halos dalawang oras din bago kami nakarating sa bahay nina Shane. Bago iyon, napansin kong may tinawagan siya, “We’re a few minutes away... Malapit na.”

Hindi ko na inalam kung sino ang tinawagan niya.

Noong nasa harap na kami ng gate ng bahay nila, namangha ako sa sobrang ganda at laki nito. Mistula itong isang lumang kastilyo. Kung sa labas tingnan ang estruktura, isa itong lumang-lumang kungkretong gusali na pinaglipasan na ng panahon at hindi pininturahan, o nilinis ang mga briks o bato, at hinayaang nakalambitin dito ang mga baging. Ngunit noong binuksan na ang gate, napakganda at napakalawak ng hardin nila sa harap ng bahay na ang ang mga kahoy, bushes, bulaklak, at palamuting tanim ay sinadyang perpektopng inayos at pinagtugma-tugma. Kapansin-pansin ang metikulusong pag-aalaga nito ng isang eksperto sa paglalandscape.

“Napakayaman pala talaga ng pamilya nila!” sigaw ng utak ko. Sa pagmentina pa lang ng hardin na iyon ay napakamahal na umaabot na marahil ng libong dolyar buwan-buwan. No wonder na pilantropo ang mga magulang ni Shane; kung saan-saang bansa nagpupunta upang magbigay-tulong lang sa mga mahihirap at nangangailangan. Tumatak tuloy sa isip ko na sana kung hindi namatay si kuya Romwel, napakayaman na rin niya dahil sa kanya inihabilin ang mana ng kapatid ni Shane na pinakasalan niya.

Noong pumasok na kami ng bahay pansin ko naman na puro mga Pinoy ang mga kasambahay nila. At kung gaano kaganda ang labas ng bahay, lalong namangha ako sa ganda ng nasa loob nito na daig pa ang isang five-star hotel.

Sa lobby nakahimlay ang labi ni kuya Rom. Noong pumasok na kami, napalingon ang lahat ng mga nakiramay. Me’dyo nailang ako ng kaunti dahil sa ganda ng lugar at ang mga nakiramay ay halos lahat sa kanila ay nakaputi, naka-amerikana, at pormal na pormal ang mga kasuotan samantalang kami ni Noel ay naka-t-shirt lang at parehng naka jeans. Nasabi ko tuloy sa sarili kung ganyan ba talaga sa Canada kapag may lamay, ang mga nakiramay ay mistulang nag-aatend ng Emmy o Grammy awards Night. May mga Pinoy, may mga Canadian din ang mga nandoon. Mapapansing pinaghandaang maigi ang lugar na pinaglamayan. Puno ito ng palamuti, mga bulaklak, mga dekorasyon. Noong itinutok ko ang paningin sa gitna ng lobby, kaagad lumantad sa aking mga mata ang isang gold-plated metal casket. Hindi ko na napigilan ang sarili. Agad akong nagtatakbo patungo sa kabaong ni kuya Romwel, hindi na pinansin o binati ang mga tao sa paligid pati si Noel na hawak-hawak ko ay binitiwan ko marating lang kaagad ang kabaong. At noong nandoon na ako, agad akong sumampa dito. Tiningnan ko ang loob ng kabaong. Kitang-kita ko sa salamin nito ang itaas na parte ng kanyang katawan hanggang dibdib. Mapayapang tingnan ang mukha niya. Parang natutulog lang ito, bagamat tila may kaibahan kaysa noong buhay pa siya.

Hindi ko rin napigilan ang sariling hindi magsisigaw, maglulupasay. Tanging sigaw ko lang ang umaalingawngaw sa buong lobby. “Kuya Rommmmmmmm!!!!! Bakit mo ako iniwan!!!!! Kuya… sinabi mo sa akin na hindi ka bibitiw kahit ano ang mangyari kuya, bakittttt???! Hindi naman ako bumitiw kuya e... Minahal pa rin kita kahit hindi mo na ako minahal!!! Inaasahan ko pa naman ang pangako mo sa birthday ko. Birthday ko ngayon kuya. Hinihintay ko ang araw na ito kuya!!!!! Bakit ito ang ibinigay mong sorpresa sa akin? Ansakitttt!!!!! Bakit mo ako iniwan??? Paano na lang ako kuya!!!”

Nasa tuktok pa ako ng paghihiyaw noong biglang sumulpot ang dalawang nakaputing lalaking Pinoy na lumapit at nagpaalam, “Sir, kunin muna namin ito...” Sabay hawak sa kabaong at akmang itutulak na nila palayo.

Syempre nagulat ako sa di inaasahang pagpasok nila sa eksena. “Sandali!!! Saan ninyo dadalhin iyan! Kuya ko iyan!” sigaw kong pagtutol.

“Pasensya na Sir, inutusan lang po kami.”

Sa galit ko ay hindi ko talaga naiwasang di magmura. Pakiramdam ko ay gusto kong pumatay ng tao. “Tangina sino ba ang nag-utos sa inyo! Kuya ko iyan! Ako ang mas may karapatan d’yan! Iuuwi ko na iyan!!!”

Nasa ganoon akong pagsisigaw at pagmumura noong bigla namang namatay ang ilaw at wala akong maaninag sa paligid.

“Arrrrggggggghhhhhhhhhh!!!” Sigaw ko uli sa sobrang inis na inilayo ang kabaong ni kuya, namatay pa ang ilaw.

Doon ko na naalalang wala pala si Noel sa tabi ko. Bigla din akong kinabahan at tinawag siya, “Noelll!!! Noelllllllllll!!!!!!!!!!”

Nagtatatakbo na ako sa loob ng lobby sa paghahanap kay Noel noong halos isang minuto lang ang nakalipas, bigla ding bumalik ang ilaw sa buong lobby.

Noong tiningnan ko ang lugar kung saan naroon ang kabaong ni kuya Rom, hindi ko na mahanap ito doon. Napansin ko rin ang isang spotlight kung saan itinutok ito sa isang sulok na may asul na kurtina na unti-unti ring umangat.

Noong tuluyan nang makaangat ito, nagulat ako noong makita si Noel na nandool lang pala, nakasentro sa spotlight at nakasuot ng puting amerikana, posturang-postura sa kanyang ternong puting slacks at puting sapatos, karga-karga sa kanyang mga bisig ang isang malaking regalong nakabalot pa ng pulang gift wrapper at sa ibabaw nito ay isang kumpol na mga puting rosas. Nagmsitulang isang ring bearer ang dating niya habang nagmamartsa siya patungo sa kinaroroonan ko.

“Kuya, may nagpabigay sa iyo. Buksan mo daw po, at ngayon na.” Wika ni Noel.

Pakiramdam ko ay hindi ako makahinga sa sobrang lakas at bilis ng pagkalampag ng aking dibdib. Dali-dali kong kinuha ang mga bulaklak at inilagay muna ito sa sahig. Pagkatapos, tinanggal ko naman ang gift wrapper ng karton at binuksan ito. At halos luluwa ang mga mata ko sa nasaksihan: ang mga ala-ala namin ni kuya Rom na isinoli ko sa kanya noong gabing kakausapin ko sana siya sa kanyang kawarto!

“Hayan siya iyong nagpabigay sa iyon niyan kuya o...” sambit ni Noel sabay turo din sa parte kung saan siya nanggaling. Noong lingunin ko na sana ang direksyon, sabay namang tumugtug ang kantang -

“Sometimes I feel like I'm all alone
Wondering how, what have I done wrong
Maybe I'm just missing you all along
When will you be coming home back to me

There were times I felt like giving up
Haunted by memories I can't give up
Wish that I never let you go and slip away
Had enough reasons for you to stay

Can you feel me, see me falling away (see me falling away)
Did you hear me, I'm calling out your name (calling out your name)
'Cuz I'm barely hanging on
Baby you need to come home... back to me

Sleepless nights 'cuz you're not here by my side
Cold as ice I feel deep down inside
Maybe I'm just missing you all along
When will you be coming home

Can you feel me, see me falling away (see me falling away)
Did you hear me, I'm calling out your name (calling our your name)
'Cuz I'm barely hanging on

Baby you need to come home back to me...”

At habang tumutugtog ang kanta, naglaglagan ang mga confetti na iba’t-ibang kulay, green, yellow, red, orange, white, blue… na sinabayan ng pag-ilaw ng mga naggagandahang blinking lights na may iba’t-ibang kulay. Noong inangat ko ang ulo ko sa direksyon kung saan nanggaling ang mga naglalaglagang confetti, napako naman ang aking tingin sa isang malaking streamer na unti-unting bumukas sa kisame na kung saan noong tuluyan nang lumantad, ang nakasulat ay, “Para sa utol ng buhay ko, I LOVE YOU and HAPPY BIRTHDAY! HINDI KITA BIBITIWAN, PROMISE!”

Pagkatapos kong basahin iyon, ibinaling ko ang aking paningin sa direksyon na itinuro ni Noel. At sa pagkakita ko sa taong nakatayo, may hawak-hawak na mga malalaki at mapupulang rosas at naka-terno din ng kaparehang suot ni Noel, hindi ko na magawang makapagsalita pa. Nanlumo ako, nawalan ng lakas sa nakitang buhay na buhay pala si kuya Rom. Napaupo na lang ako sa sahig, itinakip ang mga kamay sa mukha at humagulgol nang humagulgol, ipinalabas ang nag-uumapaw na emosyong nadarama. Hindi ko lubusang maisalarawan ang tunay na saloobin sa tagpong iyon. Natakot akong tingnan muli ang direksyon kung saan nakatayo si kuya Rom sa takot na baka isang panaginip na naman ang lahat o kaya ay pinaglaruan lang ako ng aking isip.

Noong makalapit na si kuya Rom sa akin, iniabot muna niya kay Noel ang dala niyang mga bulaklak at yumuko upang abutin ang kamay ko at hinila ako upang makatayo. Noong makatayo na, pinunasan ng dalawang kamay niya ang mga luhang dumaloy sa pisngi ko atsaka niyakap ako nang mahigpit, idinampi ang mga labi niya sa mga labi ko, hindi alintana na nakatingin lang si Noel at ang mga taong nakapaligid sa amin na napag-alaman kong mga imbitado din pala niyang mga kaibigan at alam ang kuwento namin. “I love you, tol! I love you very, very much! Kailanman, hindi ako bumitiw sa iyo. Nawala man ang ala-ala ko, naramdaman pa rin kita dito sa aking puso. At alam kong kahit na ilang beses mang mawala ang lahat ng alaala ko, babalik at babalik din ito dahil sa pag-ibig mo.” sambit niya.

Nagpalakpakan ang lahat ng mga tao.

Pakiramdam ko ay panaginip na lang talaga ang lahat at mistula akong nasa langit. “Kuya naman eh... Pinaiyak mo pa talaga ako! Eh… S-sino pala iyong nasa kabaong kanina?”

“Props lang iyon, wax work ng pang-itaas kong katawan.”

Tawa naman nang tawa si Noel. “Sabi ko na sa iyo kuya Romwel na iiyak si kuya Jason kapag nalaman niyang buhay ka eeee!” Ang puno ng kainosentehang sambit ni Noel.

Baling ko naman sa kanya, “At ikaw… kakontsaba ka rin pala ah? Bakit di mo ako sinabihan?”

“Sinabihan naman kita eh!” sagot ni Noel.

“Oo, pero ang sabi mo, nasa langit na si kuya Romwel!”

“Bakit… langit naman din dito e. Hayan o, puti ang suot naming lahat, pati sa labas puro puti din ng snow, di ba kuya Rom?” sabay tingin kay kuya Rom.

Ngumiti at tumango naman si kuya Rom. “Matalino talaga ang batang ito” sabay pisil sa mukha ni Noel. “At magaling pang umarte.”

At baling ni kuya Rom sa akin, “Hindi pa iyan... may iba pa akong sorpresa para sa iyo” sabay turo sa isang malaking monitor na kunektado sa internet at naka-videoconference na pala ang setup.

Lumabas ang isang mukha. “Si mama!” sigaw ko.

“Jason, anak, Happy Birthday! Gusto ko sanang magpunta d’yan upang makisalo sa kasayahan mo kaso hindi pupuwede dahil tatlo-tatlo ang apo ko dito at wala pang maiiwan sa mga bahay at mga negosyo natin. Kaya dito na lang ako babati sa internet. Happy Birthday anak! Mahal na mahal kita. Alam kong masayan-masaya ka ngayon. Gusto kong iparating sa iyo ang suporta ko sa iyo; sa inyo ng kuya Rom mo. Alam ko, tanggap na tanggap na ng papa mo ang lahat at nakamasid lang siya sa atin. Pasensya ka na, hindi ko sinabi sa iyong nanumbalik na ang ala-ala ni kuya Romwel mo. Pinaki-usapan kasi niya akong isorpresa ang lahat ngayong birthday mo. Simula noong binigyan mo siya ng sulat, doon na nagsimulang paisa-isang lumalabas ang mga ala-ala niya dahil sa paulit-ulit niyang pagbabasa at pagtitingin sa mga isinoli mong mga alaala ninyo. Iyon ang nagpaalaala sa kanya. Sumasakit daw ang ulo niya sa kaiisip at sa gabing iyon, nagigising siya sa pagtulog dahil sa nagpaflashback sa utak niya ng mga episodes ng kanyang nakaraan. At sa tulong din ng duktor niya dito na inirekomenda ni Shane, lalong napabilis ang pagrecover niya. Syempre, naalala din niya ang birthday mo. Kaya iyon, sinet-up ka niya dahil may pangako siya sa iyo na ibubunyag sa birthday mong ito... na may kinalaman sa hiling niya sa papa mo, kung natandaan mo ang sinabi ng papa mo na pinagbigyan na niya si Romwel...”

“A-ano ba iyon ma?” ang excited kong tanong.

“Si kuya Romwel mo na ang magsabi sa iyo, anak. Plano niya ang lahat ng ito. Nakisakay lang ako.”

“Ma... salamat po. I love you ma. Sobrang naiiyak ako, kasabwat pala kayo dito eh!”

Natawa naman si mama at ang lahat ng mga bisita atsaka nagpalakpakan uli.

At sumingit na naman si kuya Rom. “May sorpresa pa ako sa iyo tol... Nandito ang mga ka-tropa natin sa volleyball, dinala ko talaga silang lahat dito... gastos ko, hati kami ni Shane para lang makisalo sa kaligayahan mo, sa kaligayahan natin. Isa rin sila sa mga dahilan kung kaya hindi na ako umuuwi sa bahay natin noong paalis na ako papuntang Canada dahil sa pagplano namin sa okasyong ito, pag-process ng papeles, dagdagan pa sa regular kong pagcheck-up sa duktor kong napakahusay. Kasama iyan sila sa mga nagplano sa okasyong ito. Ang kaso, aba’y… ngayon lang din nakapunta ng Canada ang mga hinayupak na teammates nating iyan! Andaming problema pa at muntik nang hindi makasama ang apat sa kanila. Atat na atat makapunta dito walang namang mga passport, may interview pa sa embassy… etc etc. Kaya personal na tinutukan talaga namin ni Shane ang pag-process ng mga papers nila para siguradong kumpleto tayo sa okasyong ito. At mabuti na lang na may kaibigan din ang pamilya ni Shane na nagtrabaho sa Canadian embassy kaya nakalusot din silang lahat.” sabay tawa.

Biglang nagsisulputan ang sampung kasamahan namin sa team, puro din naka-puting amerikana at ternong puting pantalon at sapatos, pinangungunahan pa ni kuya Paul Jake na abot-tainga ang ngiti, naglulundagan, nagsasasayaw, naghihiyawan na parang mga gago. Ang iingay! Ang kukulit. “Yeheeheheheheheheeeeeyyyyyyy!! Yeheeheheheheheheeeeeyyyyyy!! Yeheeheheheheheheeeeeyyyyyy!!”

“At ito pa…” sabay muestra ng kamay niya sa direksyon na pinanggalingan nila “Jan jarannnnn!!! Kilala mo ba sila?” turo niya sa dalawang naka-holding hands na sweet na sweet sa isa’t-isa at naglakad palapit sa amin.

“Si Shane at Julius!!! Waaahhhhhh!!!!” sigaw ko.

At bagay na bagay sila. Kahit kasi mahigit 30 na si Shane at 18 lang din si Julius, baby-face si Shane at maganda rin ang katawan. At si Julius na may height ding 5’10 ay match silang tingnan.

Noong makalapit na sina Julius at Shane sa amin. “Tol, kaw ha… Alam mo pala ang lahat ng ito?” sambit ko sa kanya.

“Hehe! Kaya sabi ko sa iyo sorpresa kuya eh!”

Tawanan ang lahat.

Niyakap naman ako ni Shane sabay bulong. “Alam kong malaki ang atraso ko sa iyo kaya bumawi na ako sa iyo…” sabay kindat sa akin.

Niyakap ko rin siya ng mahigpit. “Nakakainis kayo! Lagi na lang ninyo akong pinagkaisahan!” ang sabi kong nakangiti kay Shane.

Tumugtug ang kantang “Happy Birthday” na sinabayan ng lahat. Pagkatpos ng kanta. Palakpakan.

At doon na ako kinabahan noong biglang natahimik ang lahat. Yumuko sikuya Rom at may dinukot sa bulso ni Noel. Noong madukot na ito, lumuhod siya sa harap ko, itinago sa likod niya ang bagay na dinukot sa bulsa ni Noel, ang mga mapupungay na mata ay nakikipag-usap at nagsusumamo. “Tol… hindi ko nalimutan ang binanggit ko sa iyong magsama tayo at pakakasalan kita kapag nag 18 ka na. Ito ang hiniling ko kay papa noong mahuli niya tayong dalawa na may ginawa sa kwarto mo. Sinabi ko sa kanya na paninidigan ko ang pagmamahal ko sa iyo. Kundisyon niya sa akin na bigyan ko muna siya ng maraming apo atsaka pa niya pag-isipan ang lahat. Ewan kung nagbibiro siya o inakalang hindi ko gagawin ito Ngunit tinupad ko ang lahat; binigyan ko siya ng maraming apo. Ginawa ko ito dahil mahal kita… Mahal na mahal. Kahit anong pagsubok ay handa kong harapin maipamalas lang ang pagmamahal ko sa iyo. Walang sino man o ano mang bagay ang puweding humadlang sa pagmamahal ko sa iyo. Kaya…” napahinto siya nang sandali sabay abot sa akin sa nakabukas nang maliit na pulang box na naglalaman pala ng isang napakagandang white gold ring na may mga naka-embed na mga gold stripes sa gilid at sa gitna ay may sobrang maliliit na mga diamonds na ini-embed din, paikot sa buong singsing. “…will you marry me?”

Natulala ako, hindi makapagsalita. Nakakabingi ang katahimikan sa puntong tila may bumara sa aking lalamunan at hindi ako makahinga, hawak-hawak lang ang mga rosas na ibinigay niya.

Hanggang sa nagsalita si Noel, hablot-hablot ang dulo ng aking suot na t-shirt. “Yes na kuya! Yes na!”

At nasambit ko rin ang mga katagang, “Yes, kuya. Yes!”

Sabay hiyawan at palakpakan ang mga bisita at pati na rin si mama na nakatingin via teleconference ay napaluha. At muli, umalingawngaw sa buong lobby ang aming kanta habang isinuot ni kuya Rom sa daliri ko ang singsing. Siniil ni kuya ng mainit na halik ang mga labi ko. Palakpakan uli ang lahat, ang mga katropa namin ay naghihiyawan, nagsisipulan nagtatatalon a parang kinilig at gusto na ring ma-inlove sa kapwa ka-teammates.

Pagkatapos, isinayaw ako ng kuya Rom ko sa tugtog ng aming kanta –

“Sometimes I feel like I'm all alone
Wondering how, what have I done wrong
Maybe I'm just missing you all along
When will you be coming home back to me

There were times I felt like giving up
Haunted by memories I can't give up
Wish that I never let you go and slip away
Had enough reasons for you to stay

Can you feel me, see me falling away (see me falling away)
Did you hear me, I'm calling out your name (calling out your name)
'Cuz I'm barely hanging on
Baby you need to come home... back to me

Sleepless nights 'cuz you're not here by my side
Cold as ice I feel deep down inside
Maybe I'm just missing you all along
When will you be coming home

Can you feel me, see me falling away (see me falling away)
Did you hear me, I'm calling out your name (calling our your name)
'Cuz I'm barely hanging on

Baby you need to come home back to me...”

Maya-maya din lang, biglang bumukas ang mga ilaw isang mistulang balkonahe sa bandang taas na gilid ng lobby. Hindi ko napansin ang lugar na iyon kasi nasa taas na nga siya, hindi pa inilawan. Ang buong akala ko ay walang gamit ang lugar na iyon o kaya palamuti lang siya sa may bandang kisame. Ngunit nandoon pala ang mga pagkain, mga waiters, na nakahanda na ang lahat at mistulang doon kakain ang prime minister ng Canada at ang kanyang mga bisita sa napaka elegante na setup at ambiance. At may mga musicians pa na nagpapatugtug live ng mga wind instruments.

Hiyawan at sipulan uli ang mga tao at lalo na ang magugulo at makukulit naming ka-tropa na noon lang din makaranas ng ganoong klaseng ka-especial na okasyon.

At pagkatapos ng kainan magdamagang party naman ang pinagkaabalahan ng lahat.

Iyon ang pinakamasayang sandali ng buhay ko.

Pagkatapos noon, isang linggo naman kaming naglagi sa Canada kasakasama pa rin ang mga teammates. Binisita namin ang iba’t ibang tourist spots at entertainment centers. Sa gabi naman, bar hopping, disco, videoke. Sa sobrang close na nga ng team ay mukhang may nagka-developan na nga rin yata eh. Pero… hindi ko na iki-kuwento iyon.

Ngayon, kasal na kami ni kuya Rom at nandito nanirahan sa Canada. At dahil hindi na Iglesias si kuya, ako ang legal na nag-adopt sa mga anak niya para Iglesias pa rin ang mga family name nila, base sa kagustuhan ng yumao kong ama. Bale si kuya Rom ang biological na tatay nila at ako ang legal na tatay. Mukhang magulong isipin ngunit masaya naman. Imagine, ang mga anak ni kuya Rom na dati ay pamangkin ko, naging mga anak ko na. At si kuya Rom na dati ay kuya ko, asawa ko na.

At dahil ni-request ni mama na sa kanya ang mga bata at si Noel, kaming dalawa lang ni kuya Rom ang nasa Canada. Ngunit umuuwi naman kami isang beses sa apat na buwan.

Si shane at Julius? Kasal na rin, at parehong nandito kasama namin sa Canada, nakatira sa mala-kastilyong bahay na pag-aari nina Shane at Kuya Rom. Masaya. Kasi, palagi kaming nagsasamang apat sa mga outings, okasyon, at kapag may problema ang bawat isa, nadyan lang kaming nagtutulungan.

At si Noel? 15 years old na siya at nasa third year college ng dalawang kursong pinagsabay, Political Science at Accountancy. Base kasi sa resulta ng kanyang IQ tests, nasa genius category ang utak niya. At dahil sa lagi siyang pumapasa sa mga acceleration examinations na ibinibigay para sa mga katulad niyang gifted, mabilis ang pag-angat ng level niya sa school.

Marahil ay sadyang itinadhana talaga si Noel para sa amin. Ngayong nasa Canada na kami ni Kuya Rom, siya ang nagsilbing katuwang ni mama sa pag-aalaga sa mga bata at sa iba pang mga responsibilidad sa pamilya sa kabila nang mura niyang edad. At hindi lang iyan; nakapagbigay din siya ng ibayong kaligayahan sa mama ko na siyang pumupuno sa kakulangang naiwan namin ni kuya Rom dahil sa pamamalagi na namin sa Canada. At dahil hindi na Iglesias si Kuya Romwel, na kay Noel na gayon ang responsibilidad na ipinagkaloob ni papa sa mga balikat ni kuya. Alam kong hindi malayo na malalampasan pa ni Noel ang galing na ipinamalas ni kuya Romwel na siyang hinangaan ng yumao kong papa sa kanya. Alam ko na bagama’t hindi na Iglesias si kuya Rom, may Noel na magpapatuloy sa pagtataguyod, at pagbigay ng karangalan sa lahi ng mga Iglesias.

At tungkol sa amin naman ni kuya Rom? Alam naming hindi perpekto ang buhay. At lalong hindi ganyan ka perpekto ang pagsasama namin. Ngunit kahit anong pagsubok ang darating, hanggang pareho kaming matatag at mahigpit na pinaghahawakan ang pangakong hindi bibitiw sa isa’t-isa, walang sino man o ano mang bagay ang maaring sumira sa aming pagmamahalan.

Wakas.

No comments:

Post a Comment