By: Mikejuha
E-mail: getmybox@hotmail.com
FB: getmybox@yahoo.com
Blog:
michaelsshadesofblue.blogspot.com
[06]
Nung marining ko ang sinabi ni Dodong,
parang puputok ang tenga ko. "Ha? Sino ang nakabuntis?"
"A... Carl, pwedi ba tayo na lang
ang mag-usap" pag interrupt ni Anton sabay akbay sa akin at action kay
Dodong na umalis. Umalis si Dodong, pa-iling iling sa di maintindihang reaksyon
ko at ni Anton sa nangyari.
"May itinatago ba kayo na di ko
alam, tol?"
"Hindi naman sa ganung itinatago,
Carl. Si Kuya James kasi, alam kong sasabihin nya iyon sa iyo. Ngunit
nagmamadali kasi syang pumuntang syudad. Hindi ko nga rin alam kung bakit
nagmamadali sya gayong alam naman nyang kararating mo lang e. Pero alam mo
naman siguro ang ugali ni Kuya, di ba? Pag may nagawa, pinapandigan. Pag may
problema, hinahanapan ng solusyon. Pag may nasaktan, nagbibigay ng explanasyon
o paumanhin. Hindi sya yung taong gumagawa ng bagay na patalikod. Kung may
nagawa man sya, sigurado ako, may dahilan. At yan ang dapat nating pakinggan at
alamin."
"Bakit, ano ba ang role ni James
dito? Siya ba ang nakabuntis kay Ate mo?"
Hindi siya umimik. "Carl, pwedi
ba, si Kuya na lang ang mag-explain sa iyo?"
Pakiwari ko ay guguho ang mundo ko.
Ramdam ko na si Sir James talaga ang nakabuntis kay Maritess. Tumalikod ako na
hindi alam kung saan patungo. Masama ang loob. Namalayan ko na lang na
nakarating na ako sa tabi ng ilog kung saan nakatayo ang kubo na ginawa ni
Anton. Umupo ako sa damuhang gilid ng pampang, sa lilim ng malaking puno,
nababalot ng matinding pagkalito, naglalaro sa isip kung paano tanggapin ang
pangyayari at kung ano ang gagawin sa nakaambang pagbabago. Bumabalik-balik sa
isipan ang mga katagang binitawan ni Sir James sa akin, "Kapag nagmahal
ka, dapat hindi lang puso ang pinaiiral, kungdi pati na rin ang isipan; dapat
may direksyon, may pangarap..."
"Carl!" Sigaw ni Anton na
nasa likuran ko pala, sinundan ako. "Alam ko ang nararamdaman mo.
Dadamayan kita." sabay upo sa tabi.
"Salamat Anton. Isa kang
kaibigan."
"Basta ikaw Carl, nandito lang
ako..."
Tahimik. Pinakiramdaman ko ang bugso
ng tubig sa ilog, pinagmasdan ang agos nito, ang mga napopormang animo'y
ipo-ipo sa gilid ng malalaking bato. "Mabuti pa ang ilog, kahit anong
bagay ang humahadlang nito, hindi ito alintana, patuloy at patuloy pa rin ang
takbo; ang walang humpay na pagdaloy..."
Hindi kumibo agad si Anton, nag-isip
ng malalim, pinagmasdan ang ilog. "Tama ka... Kahit ano pa man ang
hahadlang jan, susuung at susuung pa rin yan; tuloy-tuloy hanggang sa marating
ang dagat kung saan natatapos ang kanyang paglalakbay..." Tumingin sya sa
akin. "Di ba dapat ang tao ay ganun din? Dapat ganyan kalakas ang
determinasyon. Gaano man kalaki o kahirap ang hadlang, susuung at susuung ka pa
rin at lalaban, marating lang ang inaasam-asam na direksyon at patutunguhan sa
buhay."
Hindi ako kumibo.
"Carl, Ikaw na rin ang nagsabi sa
akin na kapag totoo kang nagmahal, ito ay iyong ipaglalaban"
"Oo nga. Ngunit napakahirap pala,
tol, lalo na kapag may mga taong nasa gitna, masasaktan o kaya'y masisira ang
buhay..."
"Ngunit hindi rin lahat na
pweding ipaglaban ay ang pansariling kapakanan lang, diba? Pwedi ring ang
kapakanan ng kapatid mo, ng nanay mo, o kahit ninomang taong mahal mo. Yung iba
nga, ginagawa ang lahat kahit magdusa, liligaya lang ang mga mahal nila. Yung
iba naman, buhay ang itinaya..."
Para akong nasamid sa narinig, hindi
makapaniwalang sa bibig mismo ng napaka-inosente at mahiyaing si Anton
manggagaling ang salitang iyon. Tiningnan ko siya.
"Alam mo, Carl, nung sinabi mo sa
akin na siguraduhin ko at suriing mabuti ang naramdaman ko para sa iyo,
nasaktan ako. Ngunit nanaig din sa isip ko ang pagbibigay, ang pagpaparaya.
Nasabi ko sa sarili na siguro, kapag nagmahal ka, dapat mo ring kalimutan
minsan ang sarili at isipin ang kapakanan ng taong minamahal. Hindi ba pweding
imbes na pansariling kaligayahan mo ang ipaglaban, ang damdamin, ang pangarap,
at ang kaligayahan nya ang isipin mo? Maraming tao ang nagmahal; ngunit ang
klaseng pagmamahal ng karamihan ay pansarili, yung may kapalit o katumbas. Sa
pananaw ko, ang sukatan ng tunay na pagmamahal ay kung sa kabila ng tindi ng
paghihirap at sakit na naranasan, nagmahal ka pa rin... Yan ang natatanging
pagmamahal, Carl. Ganyan ba katibay ang pagmamahal mo para kay Kuya James?"
Napabuntong-hininga ako ng malalim.
Nag-isip. "Tama ka, tol. Tama ka..."
"At kung gusto mo, Carl, umiyak
ka ng umiyak. Nandito lang ang mga balikat ko, ibuhos mo ang lahat ng
nararamdamang sakit na syang nagpapahirap sa iyo."
Niyakap ko si Anton at humahagulgol,
tinatapik-tapik nya ang likod ko. Nung lumuwag na ang pakiramdam, nabuo sa isip
ang isang desisyon. Hintayin ko ang pagdating ni Sir James, magpaalam ako ng
maayos, at magpakalayo-layo na.
Sa gabing iyon hindi pa rin dumating
si Sir James. Nung maghapunan kaming lahat, nag-expect ako na buksan nila ang
issue tungkol kay Maritess at sabihin sa akin kung ano ba talaga ang nangyari.
Ngunit walang isa man lang sa kanila ang nagbanggit. Hindi na ako kumibo pa.
Parang meron ding namumuong hinanakit sa loob ko na tila inilihim pa nila sa
akin ang nangyari. Ngunit hinayaan ko na lang. "Baka nahiya lang silang
sabihin sa akin..." sabi ko sa sarili. "A, e... Tay, bukas ho babalik
na akong syudad bukas." ang sabi kong hindi nagpahalata na masama ang
loob.
"Ay... bakit naman Carl? Ambilis
naman. Nakadalawang araw ka lang dito at bukas na kaagad kamo ikaw uuwi?"
ang sagot ni Tatay Nando.
"May asikasuhin lang po ako, Tay.
At sa palagay ko, hinahanap na ako ng mommy. Wala kasi syang katuwang sa
pagaasikaso sa negosyo."
"Sana naman Carl, nandito ka
hanggang kahit isang linggo pa. May activity kasi ang pamilya at gusto naming
nanjan ka, kasama sa pagdiriwang." ang sabi naman ni Nanay Narsing.
"Ano po ba iyon, Nay?"
Tiningnan ni Nanay Narsing si Tatay
Nando na tila nag-uusap ang kanilang mga mata. "E... Si James na ang
magsasabi sa iyo, Carl. Bilin nya kasi, sya na ang magsabi e. Baka kasi isipin
nya na pinangunahan namin sya. Pero basta, matutuwa ka sa sasabihin nya."
ang masayang sabi ni Nanay Narsing.
"A, ganun po ba? E, titingnan ko
po bukas. Pero, malamang na tuloy na ang alis ko. Pero ganun pa man, baka ho
babalik na lang ako kung sakali..."
"Sana naman, Carl..."
Natapos ang hapunan na ibang topic na
ang pinag-usapan. Hindi na rin ako nagsalita pa tungkol doon. Nung
magpagpahinga na sina Tatay Nando at Nanay Narsing, nag-isa na naman ako sa
kwarto. Sina Anton at Dodong kasi ay dumeretso na sa sayawan, schedule kasi ng
kabilang baranggay sa gabi na iyon at sasamahan nila sa pagdayo ang mga
kadalagahan ng baranggay nila. Hindi na ako sumama gawa ng gusto ko ring
magmumuni-muni. Nakakabagot ang buong magdamag, parang unti-unting dinudurog
ang puso sa kakaisip na sa kabila ng matinding hinanakit, parang wala man lang
dumamay o kumampi sa akin.
Inayos ko na lang lahat ng mga gamit
upang pagdating na pagdating kaagad ni Sir James at pagkatapos naming mag-usap
ay handa na ang lahat sa pag-alis ko. Litong-lito pa ang isipan kung saan
patungo pagkatapos ng lahat o kung anong gagawin upang makalimutan si Sir
James. Ngunit ang isinisiksik ko rin sa utak ay kapag kaharap ko na sya, maging
mahinahon ako, maging malawak ang pag-unawa, at mapagparaya. Hinding-hindi ako
magagalit, o ni magtanim ng galit sa kanya. At wala akong taong sisisihin.
Mag-aalas-onse ng tanghali kinabukasan
dumating si Sir James, may dalang pasalubong at pagkain para sa lahat.
Pagkakita ko palang sa kanya, mejo napansin ko ang parang pamumutla nya at ang
tila pagpayat. Parang napakalungkot at matamlay ang aura nya. "A, siguro
dahil kulang sa tulog sa piling ni Maritess" ang bulong ng isip ko. Ramdam
kong sumikip ang dibdib, may namuong selos at pagkaawa sa sarili.
Tumalikod kaagad ako nung makita syang
nakatinging sa akin. Dali-dali akong pumasok ng kwarto, naupo sa papag,
nakasandal sa dingding na kahoy. Pagkatapos nyang i-abot ang mga pasalubong sa
pamilya kina Tatay Nando at Nanay Narsing, agad-agad naman syang pumasok sa
kwarto, sinundan ako at naupo sa tabi.
"Hi Carl! Musta ka na? Sensya ka
na, natagalan ako" ang sambit nya habang iniabot sa akin ang pasalubong
nyang, siopao. Alam nya kasing na-miss ko na ito sa dati kong kinakainan nung
nag-aaral pa lang. "Importanteng-importante lang talaga. Sorry..."
"Ok lang iyon, James, wag kang
mag-alala, ok lang ako." ang sagot ko na lang kahit na sa loob-loob ko, parang
sasabog na ito sa pagdaramdam. "Nandito naman sina Anton at Dodong, may
sayawan nga nung isang gabi, sumama ako sa kanila. Ikaw? Parang namumutla ka
ata?"
"Hindi, ok lang ako... Ikaw,
kwento ka naman kung anong nangyari sa sayawan?" ang paglihis nya sa
usapan.
"Yun... natuto na si Antong
sumayaw at mayron na ring kaibigang babaeng nagkakagusto sa kanya at sa tingin
ko, type din nya."
"Talaga? Hahaha! Akalain mo...
Ikaw? Nag-enjoy naman sa lakad mo?"
"Nag-enjoy naman..." ang
halatang malungkot kong pagkasabi.
"Ey... may problema ba? Ba't
ganyan ang mukha mo?"
"Wala. Ikaw naman o... Ok lang
ako. Ikaw, baka meron?"
Bigla syang natahimik at lumungkot ang
mukha. Binitiwan ang makahulugang titig. Noon ko pa lang nakita ang ganung
klaseng titig sa kanya. Pakiwari ko'y mayron syang pinapasang sobra-sobrang
bigat na suliranin. Nakita ko ang pamumuo ng mga luha sa mga mata nya, yumuko
at pinakawalan ang malalim na buntong-hininga.
"James, may problema ba?"
tanong ko sa kanya, kunyari wala akong kaalam-alam.
"Wala naman, Carl. Mamaya,
mag-usap tayo. Mananghalian muna tayo."
"Aalis na ako James, babalik ng
syudad."
"Ha? Bakit?" Ang tanong
nyang halatang nabigla. "Carl, please wag ka munang umalis"
pagmamakaawa nya.
"Kailangan ko nang umalis,
James..."
"Pero bakit nga? May nagawa ba
ako?"
Hindi ako kumibo. Hindi na rin sya
kumibo. Yumuko sya, at nakita ko na lang ang luhang umaagos na sa pisngi nya.
Tiningnan ko lang sya, hindi maintindihan kung maaawa o ibubuhos ang lahat ng
sama ng loob ko sa kanya.
"Kung ayaw mong magsalita tungkol
sa problema mo, ok, fine..."
"Carl, naramdamn kong may alam ka
na. Oo, nagkasala ako sa iyo..." at tuluyan na syang humagulgul.
"Hindi ko sinadya ang nangyari, Carl, maniwala ka. Alam mong si Maritess
ay kapatid ang turing ko. Ngunit nung may isang beses na naglasing ako dahil sa
sobrang lungkot na wala ka, si Maritess ang umaalalay sa akin. Maniwala ka,
Carl, please..."
Hindi ako nagpakita ng emosyon,
pinigilan ang sariling umiyak o magalit. "E, ano ang plano mo
ngayon?"
"Paninindigan ko ang nangyari.
Magpakasal kami ni Maritess sa darating na linggo. Sana nandito ka sa araw na
iyon, Carl."
Parang sinaksak ng ilang beses ang
dibdib ko sa narinig. Ngunit hindi pa rin ako nagpahalata sa sobrang sakit na
naramdaman. "Hindi ko alam, James, pag-isipan ko pa. Basta, titingnan
ko." Tumayo ako upang lumabas na sana ng kwarto. Ngunit nung tumayo din si
Sir James upang sabayan ako, bigla na lang itong nabuwal. Inaalalayan ko
kaagad. "Ok ka lang ba talaga?"
"Ok lang ako, Carl. Hihiga na lang
muna ako. Napagod at nahilo lang ako sa biyahe."
Naglatag na lang ako ng banig at
pinahiga sya, nung ipinikit nya ang mga mata, napansin kong animoy pagod na
pagod sya o nahihirapan. Pero, hindi ko na binigyan-pansin pa. "Sige,
pahinga ka muna at magpaalam lang ako kina Tatay at Nanay bago umalis..."
Nasa pintuan na ako nung pahabol nyang
sinabi. "Carl, ano man ang mangyari, wag mong kalimutan ang pagmamahalan
natin. At tandaan mo, mahal na mahal kita. Hinding-hindi magbabago yan."
Lumabas ako ng bahay upang magpaalam
na kina Tatay Nando at sa buong pamilya. Ngunit hindi nila ako pinayagang
umalis agad. Sa kinahapunan na lang daw at magkakatay sina Tatay Nando at Anton
ng manok at mag-iihaw at konting inuman, yun daw sana kasi ang plano nila para
sa akin at dahil hindi ako nagpapigil sa pag-alis, sa oras na iyon na lang nila
gawin. At kaagad ngang nagkatay ng apat na manok. Ang isa ay ginawang tinola,
ang isa ay inadobo, at ang dalawa ay inihaw. Naglabas naman ng tuba si Dodong
at si Anton ay kinuha ang gitara.
"Tay, hindi po ako pweding iinom
ng marami at baka di ako makapagbiyahe." sabi ko.
"Wag kang mag-alala, konti lang.
Ihahatid ka nina Anton at Dodong sa may sakayan sa lungsod." sagot naman
nya.
"Tawagin nyo si James para sumali
na rin sa atin." ang pag-utos ni Itay kina Dodong at Anton.
Pinuntahan ni Dodong si Sir James sa
kwarto ngunit natulog pa daw ito.
Nag-inuman na nga lang kami na hindi
kasali si Sir James. Naggigitara si Anton, kantahan naman sina Dodong, Tatay,
pati si Nanay at ang bunsong si Letecia ay nakisali na rin. Habang
masayang-masaya sila, animoy tinutusok naman ang puso ko. Pakiwari ko'y
napakabagal ng takbo ng oras.
Alas tres na ng hapon nung matapos
kami. Nung kinuha ko na ang mga gamit ko sa kwarto, himbing na himbing pa rin
si Sir James. Napansin kong suot-suot nya ang bracelet na bigay ko nung
pagdating ko pa lang, kinumpara ang suot-suot kong kapareha rin nyon. Ibinaling
ko ang paningin sa kaya. Nakahigang nakatihaya, ang isang kamay ay nakapatong
sa noo. Nandun pa rin ang angking kakisigan, ganda ng porma ng katawan sa
kabila ng mejo pagpayat niya. Pinagmasdan ko syang maigi, tinatandaan ang mga
maililiit na detalye sa lahat ng angulo ng mukha, ng anyo, sa pangambang baka
iyon na ang huling sandaling masulyapan at masilayan sya. Hinipo ko ang mukha
nya, ang buhok. Sumikip ang dibdib ko sakit na nadarama ngunit pinilit ko pa
ring lakasan ang loob at wag umiyak. Nung hindi na ako makatiis, yumuko ako at
idinampi ang mga labi sa mga labi nya. Di ko rin napigilan ang pagpatak ng luha
ko sa pisngi nya. Pinahid ko ito. Hindi pa rin sya nagising. Binulungan ko sya,
"Bye, James... Oo, hindi ko kakalimutan ang pagmamahalan natin, saan man
ako mapadpad... Babaunin ko ang mga matatamis at magagandang alaala. Salamat sa
pagmamahal; salamat sa mga oras na iginugul mo upang madama ko ang pagmamahal
mo. Salamat sa lahat ng magagandang bagay na ginawa mo upang mabago ang takbo
ng buhay ko. Sana, liligaya ka sa desisyong ginawa mo. Good luck sa iyo at sa
bagong buhay na tatahakin. Sa parte ko, wag mong intindihin dahil ipagpatuloy
ko pa rin ang buhay kahit na wala ka. Wala akong pinagsisisihan. Bagkus,
nagpapasalamat ako dahil ang isang taong katulad mo ay naging malaking bahagi
ng buhay ko. Wag kang mag-alala; wala akong galit na kinikimkim at tanggap ko
ang lahat ng maluwag sa dibdib. At mas naintindihan ko na ngayon ang dati mo
pang sinasabi sa akin na pangarap. Lalo akong humahanga sa katatagan mo, sa
paninindigang ipinamalas mo. Gagawin kong patnubay ang mga itinuturo mo sa
akin. Ikaw pa rin ang inspirasyon ko. Kahit saan naman, talagang idol kita, e.
Ang hiling ko lang ay sana wag mo ring kalimutan na may isang taong hindi lang
humahanga sa iyo, kungdi nagmahal ng lubos; isang taong handang gawin ang
lahat; handang magparaya at magbigay, kahit ito'y nangangahulugang mapalayo ka
sa akin, para sa ikaliligaya at katuparan ng pangarap mo. Masakit... ngunit
handa ako. At kaya kong magtiis gaano man kalalim ang sugat na dulot nito.
Ganyan kita kamahal... Alagaan mo palagi ang sarili mo, James." at idinampi
ko muli ang mga labi ko sa mga labi nya.
Hindi pa rin sya gumalaw. Akmang
tatalikod na sana ako nung mapansin ang mga namumuong luha sa gilid ng mga mata
nya. Dumaloy ito sa tenga at bumagsak sa unan. Hindi ko alam kung
nagtutulog-tulugan lang sya at narinig ang mga ibinubulong ko. Ngunit hindi ko
na alintana. Dinampot ko ang knapsack at tuluyan ng lumisan...
[07]
Mag aalas-12 na ng hating gabi nung
makarating ako ng bahay. Laking gulat ng mom nung makita ako. "O, akala ko
ba dalawang linggo ka dun?" ang tanong nya kaagad.
"Mejo nababagot din ako dun, ma.
Pahinga na lang muna ako dito at baka lalabas ng bansa, mag-tour... di ko alam
e."
"Hmmm. Carl, may problema ka,
alam ko. Nag-away ba kayo ni James?"
"Wala ma, ok lang kami. Ano kaya
ma, kung tayong dalawa ang mag-tour; sa Europe, o kahit dito lang sa Asian
countries?" paglihis ko sa usapan.
"Hahahaha! May problema nga ang
anak ko. Ok, whatever you say. Mag tour tayo. At bukas na bukas din ipapa-set
ko sa secretary ang schedule. Kahit 1 week lang, mahirap din kung pasobrahan
natin, may mga appointments pa ako... Ano pwedi na ba ang 1 week?"
"Kayo po ang bahala."
"Kumain ka na ba hijo?"
"Wala po akong gana mom,
magpahinga na lang muna ako" Dumeretso na ako ng kwarto. Pagpasok na
pagpasok kaagad, inihagis ang dala-dalang knapsack sa gilid ng kwarto, bagsak
ang katawan sa kama, ni hindi man lang nagpalit ng damit, naligo, o naghubad ng
sapatos. Lupaypay ang katawan at pagod na pagod ang isipan, hindi pa rin halos
makapaniwala sa bilis ng pangyayari sa araw na iyon. Pilit kong ipinikit ang
mata. Pabaling-baling sa higaan.
Mag-aalas kwatro na ng madaling araw
at hindi pa rin ako dinalaw ng antok. At nabigla na lang ako nung sa hindi
malamang dahilan, bumagsak at nabasag ang larawan ni Sir James na idinikit ko
sa dingding ng kwarto. Di ko maintindihan ang biglang paglakas ng kabog ng
dibdib. Tumayo ako at nung simulang pulutin ang mga basag na salamin,
nahiwa ang balat ko at umagos ang dugo.
Umupo ulit ako sa gilid ng kama habang pinapahid ng alkohol ang sugat at
pinapahinto ang pagtagos ng dugo.
Patuloy pa rin ang di maipaliwanang na
pagkabog ng dibdib. Nasa ganung ayos ako nung mabaling ang paningin sa dalang
knapsack na nakalatag sa gilid ng dingding. Napansin ko ang tila puting papel
na naka-usli sa isang side bulsa nito. Hinugot ko at binuksan. Sulat kamay ni
Sir James. Sa anyo ng mga letra, halatang minamadali ang paggawa at hirap na
hirap sa pagsusulat. Napansin ko rin ang mga marka sa papel na animoy mga
natutuyong patak ng luha.
"Dear Carl, ginawa ko ang sulat
na to habang nag-uumpukan kayo nina Tatay Nando. Nahirapan akong gawin ang
simpleng bagay na to ngunit ito lang ang tanging paraang naisip bago pa man
maging huli ang lahat. Baka kasi hindi mo na ako maabutan pa...
Una sa lahat, salamat sa pag-unawa mo
sa nangyari sa amin ni Maritess, at sa desisyon ko na ring pakasalan sya.
Ngayong darating na Sabado na ang kasal. Pasensya na kung hindi ko nasabi
kaagad sa iyo ang mga pangyayari habang wala ka. Tila wala akong lakas na
sabihin sa iyo ang bagay na ito. Ayokong masaktan ka, ayokong lumayo ka. Takot
ang nag udyok sa akin na wag munang magsalita... hanggang sa kinapos na ako sa
panahon dahil sa kailangang kailangan kong pumunta ng Maynila. At sa iba mo pa
tuloy nalaman ito. Patawarin mo ako, Carl, hindi ko intensyon ang saktan ka...
May isa pa akong lihim na walang ni
isa man ang nakakaalam sa pamilya nina Tatay Nando, at sa iyo ko lang sasabihin
ito. Hindi ko rin sinabi kaagad sa iyo ito gawa ng ayokong mag-alala ka at pati
na rin ang lahat. Ngunit wala na akong choice. Nung nagmadali akong pumunta ng
syudad at iniwan kita dito sa baranggay, iyon ay dahil sa kalagayan ko. May
brain cancer ako, Carl. Nung taon na magkalayo tayo bigla nalang akong
nag-collapse habang nagka-klase. Halos sunod-sunod iyon. Nagpatingin ako sa
isang espesyalista at nakita sa CT-scan at MRI ang malaking tumor sa utak ko.
Nasa terminal stage na ito at wala ng silbi pa ang operasyon... Simula nun, may
mga oras na bigla na lang akong nanghihina, nahihilo, o bumabagsak sa kalagitnaan
ng ginagawa. Bilang na ang mga araw ko. Sa pag alis mo, ramdam kong hindi na
ako magtatagal...
Nakakatuwang isipin na bago ko malaman
ang sakit ko na to, napakadami ko pang mga plano sa buhay, kampanteng-kampante
na sa pagdating ng bukas, ok pa rin ang lahat, malayang nagagawa ang mga dapat
gawin. Minsan nga, yung ibang gawain ko ay ipagpaliban muna, dahil sa may bukas
pa naman at nakatatak na sa isipan na buhay pa ako at malakas pa ang katawan sa
bukas na darating. Ni minsan hindi pumasok sa isip na sa isang iglap pala ay
pweding magbago ang lahat. At pag ganito palang nasa bingit na ng kamatayan, at
oras na lang ang binibilang, tsaka ko pa ma-realize na sana, dinoblehan ko ang
effort para natapos man lang ang kung anu man ang mga dapat na sanang natapos,
o kaya'y nagawa ang mga bagay na maipadama sa mga taong nanjan para sa akin, na
mahal na mahal ko sila... Pero sa kabilang banda, maganda na rin ang ganito; at
least alam ko na hindi na ako magtatagal at makapag-paalam ako ng maayos, lalo
na sa iyo...
Kung hahabaan pa ang buhay at nanjan
pa ako hanggang nitong Sabado, matutuloy ang kasal namin ni Maritess. Ngunit
kung hindi naman, bahala na ang nasa itaas. Lahat naman ng bagay, sya lang ang
nakakaalam. Ngunit hihilingin ko sa iyo na kung sakaling matapos bigla na ang
buhay ko at hindi na matuloy pa ang kasal, alagaan mo si Maritess at ang
magiging anak namin. Sana, nanjan ka palagi sa tabi nila, aalalay sa kanilang
mga pangangailangan...
Mamaya, pag nakayanan kong tumayo,
ilalagay ko sa isang box ang mga alaala mo sa akin, yung mga regalo mo sa akin
dati na pinakaingat-ingatan ko kagaya ng iilang t-shirts, souvenir items,
pictures, mga sulat, at itong white gold bracelet na pasalubong mo. Kung
natatandaan mo, may dalawang beses kitang pinasuot ng shorts ko nung malasing
ka sa flat. Iniingat-ingatan ko ang mga iyon, lingid sa kaalaman mo. Kasali ang
mga iyon sa ilalagay ko sa box. Sa harap ng bahay nina Tatay Nando, magtanim
ako ng isang puno ng mangga at sa ilalim ng lupang tatamnan ko nito ibabaon ko
ang box na naglalaman ng mga alaala natin sa isa't-isa. Para sa iyo ang punong
mangga na ito. Hihinto man ang pintig ng puso ko, dito sa punong ito
ipagpatuloy ko ang pagmamahal sa iyo. Alagaan mo ito, kagaya ng pag-alaga mo sa
pagmamahalan natin. Nawala man ako, mayroon kang buhay na alaalang makikita
galing sa akin. Palaguin mo sya hanggang sa magbigay ito ng lilim at bunga. At
kapag may mga panahon na nahihirapan ka sa mga dagok at pagsubok at kailangan
mo ng masandalan, bisitahin mo lang ang puno na iyan, kausapin mo, isipin na
nanjan pa rin ako makikinig sa mga daing mo, palaging dumadamay sa sakit na
iyong maramdaman...
Sa pagbalik mo, ilagay mo rin sa isang
box ang mga alaala mo sa akin at ibaon mo din ito sa ilalim ng lupa kung saan
ko itinanim ang puno na iyon upang kahit sa paraang ito man lang mabigyang
katuparan ang minimithi ng mga puso nating magsama, magkaisa, at hindi na na
maaaring maghiwalay pa...
Paalam sa iyo, Carl. Sana magkita pa
tayong pumipintig pa ang puso ko. Subalit kung hindi na ito mangyari pa, nais
kong malaman mo na mahal na mahal kita. Maging matatag ka, magpakabait palagi,
at ingatan ang sarili... Ngmamahal sa iyo ng lubos -James Cruz-"
Para akong biglang nawalan ng lakas
pagkatapos kong basahin ang sulat nya. At imbis na bumalik ulit sa higaan,
dinampot ko ang knapsack, dali-daling tinungo ang cabinet, at kumuha ng mga
malilinis na damit. Kinolekta ko na rin ang mga ala-alang itinatago at
dali-daling naligo. Hindi ko na nagawang maggpaalam sa mommy, at parang kidlat
na dumeretso na ng terminal pabalik sa lugar nina Tatay Nando, umaasang magkita
pa kami ni Sir James.
Mag-aalasonse na ng tanghali nung
makarating ako sa lugar. Sumalubong kaagad sa akin si Anton at hindi magkamayaw
sa kasisigaw "Carl! Carl! Wala na si Kuya, iniwanan na nya tayo!"
Pakiwari ko'y huminto ang takbo ng
mundo, natulala, hindi makakilos sa kinatatayuan. Nabitiwan ko bigla ang
dala-dalang bag at animoy puputok ang dibdib sa sobrang sakit na naramdaman.
Biglang nagblackout ang paningin. Inalalayan na lang ako ni Anton at
tinapik-tapik ang likod, pinaupo at pinainom ng tubig.
Nung tiningnan ko na ang bangkay ni
Sir James, hindi ko na napigilan ang humagulgol. Parang ako lang ang nag-iisang
tao sa paligid, niyayakap-yakap ang bangkay, sumisigaw at tila sinisisi.
"James, ba't di mo sinabi? Bakit di mo sinabi James? Wala naman akong
nagawang kasalanan sa iyo ah? Bakitttttttt?!!!"
Nung mahimasmasan, kinausap ako ni
Tatay Nando at nalaman kong mag-aalas 6 na ng umaga sa araw ding iyon nila
nalamang patay na si Sir James. "Nagtaka nga kami dahil hindi na ito
naghapunan kahapon lang, nung araw na umalis ka, at may mga inihahabilin na kay
Anton. Akala namin, nagbibiro. Ngunit nung hindi na rin kumain ng agahan
kanina, pinapuntahan ko ulit kay Anton ang kuwarto at iyon na... Mabuti naman
Carl at nakarating ka."
Parang dinurog ang puso ko sa narining
at hindi maiwasang sisihin ang sarili. "Siguro, kung hindi lang ako
umalis, nagsama pa kami, at nanjan sana ako sa tabi nya hanggang sa kanyan
huling hininga. Sana, naipadama ko pa na mahal na mahal ko sya..." sabi ko
sa sariling punong-puno ng panghihinayang. Naalaala ko ang mga luhang nakitang
tumulo sa mga mata nya nung umalis na ako. At napagtanto ko na narinig nya nga
ang mga binubulong ko sa kanya, ngunit marahil ayaw nyang makita akong masaktan
kapag dinamayan ko sya, pinabayaan na lang nya akong umalis...
"Bakit Tay, di nyo po ba alam na
may sakit sya?" ang tanong kong halatang may hinanakit.
"napansin namin yung panghihina
nya, at pagpapayat. At may mga panahon na bigla na lang yan nawawalan ng malay.
Ngunit ang sabi naman nya kasi sa amin ay wag mag-alala at hilo lang daw yun,
at may mga gamot syang mini-maintain. Hindi naman namin akalain na malala pala
ang kalagayan nya."
Maya-maya, dumating na rin si
Maritess. Pinasundo pala siya ni Tatay Nando. Halos dalawang taon ding hindi
kami nagkita ni Maritess. Simula kasi nung makapagtapos ng kursong Education,
nakapagturo kaagad sya sa syudad. Malaki rin ang ipinagbago nya. marahil dahil
sa klase na rin ng trabaho, kuminis ang balat, marunong nang magdala ng damit
at tumingkad ang ganda. Hindi pa halata ang dinadala nya sa sinapupunan, siguro
nasa 3 û 4 months lang. Naka-shades at halatang nag-iiyak. Sinalubong ko sya at
niyakap. Nung hinahaplos-haplos ko ang likod nya, lalong humahagulgol na tila
humugot ng lakas sa akin. Inaamo-amo ko at pinayuhan na buksan ang isipan at
tanggapin ng maluwag ang mga pangyayari. Hinatid ko sya sa harap ng bangkay at
iniwanang mapag-isa doon.
Sa hapon din na iyon inilibing na
namin si Sir James. May habilin daw kasi kay Anton na kung may mangyari man sa
kanya, ay kaagad syang ilibing. Gusto ko mang magprotesta dahil sa marami din
namang nagmamahal sa kanyang mga estudyante, kapwa guro sa dating tinuturuan,
mga sponsors ng project nya sa malaking syudad kasama na dito ang mommy, na
sana ay gusto pa syang makita. Ngunit wala na rin akong magawa kung yun ang
habilin nya.
Kung gaano kabilis ang pagpanaw ni Sir
James, halos ganun din kabilis ang paghatid sa kanya sa huling himlayan. Nung
inilagay na ang bangkay sa kabaong, napansin kong hindi nila dinamitan ng
pang-itaas. Tinanong ko si Anton kung bakit.
"Hinahabilin nya kasi na kapag
inilibing sya, wag daw sya bihisan ng pang-itaas. Hindi ko nga maintindihan
kung bakit e. Tinanong ko sya ngunit hindi na sya nagsalita." and
paliwanag ni Anton.
Biglang pumasok sa isip ko ang mga
katagang binitiwan nya nung maghiwalay kami ng isang buong taon na walang
komuniklasyon at tinanong ko sya, "Paano mo ipaparamdam sa akin na mahal
mo pa rin ako; na wala pa ring nagbabago sa iyo sa sunod nating
pagkikita?"
"Huhubarin ko ang pang-itaas kong
damit!"
"Kahit sa gitna ng maraming
tao?" pag-follow up ko.
"Oo, kahit sa gitna ng maraming
tao!"
"Promise?"
"Promise!"
Tinupad nga nya iyon nung magkita kami
ulit sa harap pa ng klase nya. Akala ko nga, hindi nya na gagawin iyon dahil
nagka-klase sya e. Ngunit sadyang pursigido syang panindigan ang sinabi. Gusto
nya kasing ipakita din ang marka sa dibdib nya gawa ng pagkudlit nun bago kami
magdesisyong maghiwalay pansamantala ng isang taon. At nakuha ko na ang ibig
nyang sabihin, kung bakit ayaw nyang may damit pang-itaas sya sa burol nya.
Kaming dalawa ang nakakaalam.
Alas singko ng hapon sa araw ding iyon
inihatid si Sir James sa huling hantungan nya. Halos buong baranggay ang di magkamayaw
sa pagtulong sa lahat ng preparasyon sa burol. Kahit ang mga tao sa mga karatig
baranggay ay nandun din, naki dalamhati. Pati na ang mga estudyante nya at
ilang mga madre sa dating tinuturuan na nakaalam ay walang pag-aatubiling
umakyat sa bulubundoking lugar, makiramay lang at makihatid. May mga nag-abuloy
ng pera, kung anu-ano gaya ng mga alagang manok, baboy, pananim na gulay,
prutas. Lahat ng tao sa baranggay ay nakiramay at nagluluksa. Siguro, kulang na
lang na gawan nila ng rebolto si Sir James.
Ako, si Anton, Dodong, at ilang mga
matatalik na kaibigan ang naka-assign na bumuhat sa kabaong. Handa na ang lahat
na buhatin ang kabaong nung bigla kong hinubad ang t-shirt at isinaksak ang
dulo nito sa likurang bulsa ng jeans at hinayaang nakalawit iyon. Nagtaka ang
iba pa naming mga pallbearers. Ngunit nung hinubad na rin ni Anton ang t-shirt
nya at sumunod si Dodong, lahat na sila naghubaran na rin ng mga t-shirts. Nung
makita ng iba pang mga kalalakihan ang ginawa namin, nagsihubaran na rin sila.
Habang buhat-buhat namin ang kabaong nya at naglalakad patungong sementeryo,
patuloy naman ang pag-agos ng luha ko. Halos hindi pa rin matanggap ng isipan
na wala na sya; na buhat-buhat ko pa ang kabaong nya. Nung sa wakas ay inilatag
na ang kabaong sa hukay, hindi na nakayanan ng katawan ko ang sobrang tension,
lungkot, pagod, at kakulangan ng tulog. Nawalan na ako ng malay. Inagapan
kaagad ako nina Anton, Tatay Nando at Dodong.
Gabi na nung makauwi kami ng bahay.
Mabigat pa rin ang kalooban at tila disoriented sa panibagong set-up na biglang
naglaho ang mahal sa buhay. Dumeretso ako sa kwarto ni James. Nahiga sa banig
at unan na huli nyang ginamit at kung saan nakita kong dumaloy ang mga luha nya
nung huli ko syang iniwan. Tila nawalan ng kulay ang mundo. Ang dating kwarto
na kung saan ilang ulit naming ipinadama sa isa't-isa ang wagas ng pag-iibigan
ay mistulang nagluluksa din. Hinagod ng mga kamay ko ang papag sa paligid ng
hinigaan ko. Hinahanap-hanap ng mga paa ko ang init ng mga paang dati ay
nakahanda lang sa mga dantay ko. Ngunit wala na ang mga ito. Walang humpay ang
pagtagos ng aking luha...
Nasa ganung ayos ako nung biglang
pumasok si Anton. "Carl, may ipapakita ako sa iyo. May inihahabilin kasi
Kuya James na importanteng ipakita ko daw sa iyo!"
[08]
"Ano yun, Anton?" Ang tanong
ko.
"Halika, samahan mo ako."
Kinuha muna ni Anton ang flashlight at dinala nya na ako sa may harapan ng
bahay, may mga 60 metro ang layo galing sa bungad nito. "Heto, kagabi
itinanim ni Kuya James tong mangga at ang sabi nya, ipakita ko daw sa iyo.
Tinulungan ko nga syang maghukay jan dahil groggy na sya nun e, halos hindi na
makayanan ang sarili. Sinabihan ko nga na magpahinga na lang muna dahil
naduduwal, at nagsusuka pa nga. Kaso, ayaw paawat. Dapat daw nyang magawa muna
ito saka na sya magpahinga. Kaya, tinulungan ko na para matapos kaagad.
Awang-awa nga ako sa kanya, e. Pagkatapos naming maghukay, may inilagay syang
box atsaka itinanim na yang mangga. Ipakita ko lang daw sa iyo to at alam mo na
ang gagawin..."
"Salamat Anton, salamat at kahit
papanu, nanjan ka, umalalay kay Kuya James mo"
Pinakawalan ni Anton sa akin ang isang
titig na animoy nagpapahiwatig ng pagdamay, ng pang-unawa. "Mahal na mahal
ka ni Kuya James Carl. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, ikaw pa rin
ang nasa isip nya..."
Sinuklian ko lang sya ng tango at
pilit ngiti.
Nung makaalis na si Anton, dali-dali
akong naghanap ng karton kung saan ko inilagay ang mga alaala namin ni Sir
James, kasama na ang white gold bracelet na kahawig na kahawig ng ibinigay ko
sa kanya. Inilagay ko rin ang damit at pantalon na sinuot ko nung gabing
nagkudlit kami ng aming mga balat. Bago ko isinara ang box, gumawa ako ng
sulat. "Dear James.... pangako ko sa iyo, susundin ko ang mga bilin at mga
inihahabilin mo sa akin. Habang may buhay pa ako, aalagaan ko ang pagmamahalan
natin. Susundin ko ang lahat ng mga payo mo. At dito sa itinanim mong puno,
dito ako huhugot ng lakas, dito kita hahanap-hanapin sa mga oras na kailangan
ko ng masasandalan, o kaya kung kailangan kong i-share ang mga tagumapay. Dito,
ipagpatuloy ko ang pagmamahal sa iyo. Salamat sa pagdating mo sa buhay ko.
Salamat sa mga masasayang ala-ala. Pinaghiwalay man tayo ngayon ng tadhana,
saksi ang punong itinanim mo sa nararamdaman ko para sa iyo: mahal na mahal
kita. At habang pumipintig pa ang puso ko, ikaw palagi ang hahanap-hanapin
nito... Hintayin mo ako, James. Sa kabilang buhay, hindi na tayo paghihiwalayin
pa." at idinampi ko ang sulat sa mga labi ko bago ito inilagay na sa box.
Binalikan ko ang punong itinanim ni
James at hinukay ulit iyon. Pinatay ko ang flashlight na bigay ni Anton at
hinayaang ang sinag na galing ng bahay ang syang magsilbing ilaw. Gamit-gamit
ang pala, hinukay ko ng marahan ang puno ng seedling ng mangga at inilipat
pansamantala. Pagkatapos, hinukay ko naman ang box na syang ibinaon ni Sir
James. Nung makapa na ng mga kamay, hinugot ko iyon. Umupo ako sa gilid ng
pinaghukayan, inilagay sa kandungan ang box, pinagmasdan, niyakap-yakap at
idinadampi-dampi sa mga labi. May ilang minuto din ako sa ganung ayos. Bago ko
ibinalik muli ang box, sinulatan ko ang labas nito, "James Loves Carl".
Tapos, kinuha ko ang box ko at sinulatan ko din, "Carl Loves James".
Hinubad ko ang t-shirt, kinuha ang swiss knife sa bulsa at kinudlitan ang upper
part ng chest kung saan nandun ang marka nung dati naming pagkudlit. Ipinapatak
ang dugong dumadaloy sa dalawang boxes. Masakit, mahapdi, ngunit tiniis ko.
Pagkatapos, pinagdikit ko na ang dalawang boxes gamit ang masking tape bago
ibinalik muli sa hukay, tinakpan ng lupa at sa ibabaw nun ibinalik na rin sa
pagtanim ang mangga.
Sa buong gabi na iyon, sa dating kwarto
namin ni James ako nagmu-mukmok. Pakiwari ko'y napakabagal ng oras, napakalamig
ng gabi. Kung ang dating ingay ng mga nocturnal na mga hayop at ang mga
nagkiskisang dahon gawa ng pagbugso ng hangin ay naririning ko, sa gabing iyon
tila nakakabingi ang katahimikan. Nakakabagot, napakabagal ng takbo ng oras, di
malaman ang gagawin, at ang larawang nasa isip ay ang maamong mukha ni Sir
James, tila nanjan lang sya, abot-kamay, napakalapit. Ngunit, sa loob lang ng
isipan...
Maya-maya at marahil ay bunga na rin
ng sobrang lungkot sa di matanggap-tanggap na bilis ng pangyayari, bigla na
lang akong bumangon at tinungo ang sementeryo, di alintana ang
nakakapanindig-balahibong lamig ng simoy ng hangin at ang nakakapangilabot na
ungol ng mga aso. Naupo ako sa gilid ng puntod niya, parang baliw na
nakikipag-usap, ibinubuhos ang lahat ng hinagpis at sama ng loob. Hanggang sa
doon na rin ako nakatulog.
Sa panaginip ko nagpakita si Sir
James. Animoy napakasaya nya, napakapayapa at tila nababalot ang buong katawan
ng kaayaayang liwanag. Inakbayan nya ako at pinayuhan na wag nang malungkot
dahil ang paglisan nya ay may dahilan. Pagkatapos ay itinuro nya sa akin ang
dalawang batang lalaking masayang naglalaro sa ilalim ng puno ng mangga; ang
isa ay kahawig na kahawig nya at ang isa naman ay kahawig na kahawig ko.
"Sila ay tayong dalawa, Carl. Masaya ako, dapat ay ganun ka rin..."
Yun ang eksenang tila buhay na buhay na naiwan sa aking isipan.
Nagising ako nung tumama sa mga mata
ko ang sikat ng araw. "Akala ko ay totoo..." bulong ko sa sarili nung
matanto na panaginip lang pala ang lahat. "Siguro, yung puno ng mangga ay
yun ang itinanim nya at lumaki na. Ngunit bakit naging bata ulit kami?"
Nabalot man ng matinding kalituhan ang isip sa di maintindihang kahulugan nun,
tila nahimasmasan na rin ako na nakita syang masaya at mapayapa. Nagpaalam ako
sa kanya; idinampi ang mga labi sa tuktok ng krus sa may uluhan ng kanyang
puntod at dumeretso na ng bahay kung saan ang buong pamilya nina Tatay Nando ay
nasa harap na ng hapag kainan, maliban lang kay Anton na naghahanap sa akin.
Bakas pa rin sa mukha nila ang tindi ng lungkot at hinagpis na nadarama. Kung
dati nakikita ko ang saya nila at ang pagbibiruan kapag nagkakasamasama sa
hapag-kainan, sa umagang iyon, halos lahat ay tulala, hindi makapaniwalang wala
na ang isa sa itinuturing nilang haligi ng kanilang pamilaya, ang tumatayong
panganay at kuya, o halos pangalawang tatay na.
"Saan ka ba nagpunta, Carl? Hanap
kami ng hanap sa iyo. Ayon si Anton, pinuntahan ang kubo nya sa may tabi ng
ilog nagbabakasakali na nandun ka..."
"Pasensya na po, Tay... Hindi ho
ako makatulog kaya naisipan kong lumabas..."
"Saan ka naman nagpunta?"
"Sa puntod po ni Sir James. Doon
na rin po ako nakatulog."
"Susmaryosep!" Sambit ni
Nanay Narsing. "Mabuti na lang at walang masamang nanyari sa iyo.
Mag-ingat ka rito Carl baka mapahamak ka, magagalit ang Mommy mo sa amin.
Atsaka... tibayan mo ang loob mo. Lahat tayo naapektuhan sa pagkawala ni James.
Masakit ngunit wala na tayong magagawa pa. Sadyang ang nasa taas lang ang
nakakaalam kung bakit niya kinuha si James ng ganyan kaaga. Kagaya mo mahal na
mahal din naming lahat ang batang iyon. Ngunit wala na tayong magagawa.
Ipaubaya na lang natin ang lahat ng nasa taas..."
"Pasensya na po, Nay. Di na po
mauulit..." at namuo na naman ang mga luha ko at dumaloy sa pisngi.
"Naisip ko lang kasing samahan si Sir James... parang di ko kasi mapatawad
ang sarili nung pumanaw sya na di ko man lang nadamayan hanggang sa huli nyang
hininga. Nasa tabi nya na sana ako noon, ngunit umalis pa't umuwi ng syudad.
Kaya naisip ko na kahit sa paraang iyon, maipadama ko sa kanya ang labis kong
pagsisisi." Hindi na rin napigilan ng lahat ang tumulo ang mga luha nila,
at pilit na pinigilan ang paghagulgol.
"O, e, nandito na pala si Anton.
Anton! Halika na, nandito na si Carl!" ang pasigaw na tawag ni Tatay
Nando, pagputol na rin sa napakalungkot na tagpo.
"A, nandito na nga si Carl!" sagot
naman ni Anton "May nakakakita kasi sa kanya na patungo na raw dito, kaya
dumeretso na ako. Saan ka ba nanggaling Carl?" tanong ni Anton sa akin.
"Jan lang..." ang matamlay
kong sagot.
Naupo si Anton sa hapag. Matamlay,
halos ayaw nang maglagay ng pagkain sa plato. Tinikman ko lang ang tuyo at
sumubo ng dalawang kutsarang kanin, nanatiling nakaupo, nakiramdam, at
naghintay na matapos silang lahat sa halos hindi magalawgalaw nilang pagkain.
"Kumain ka ng marami, Carl para
ka lumakas." payo ni Tatay Nando.
"Tama na po iyon, Tay, wala pa po
akong gana." ang sagot ko naman
Tahimik ang lahat nung biglang sumingit
si Dodong. "Paanu yan, Nay e di na matutuloy ang kasal nina Ate Maritess
at Kuya James?"
Nagtinginan ang lahat kay Maritess.
Nung tiningnan ko siya. Nakita ko sa mga mata ang sobrang paghihinagpis.
"Magre-resign na lang po ako sa tinuturuan ko, Nay, Tay..." ang
malungkot nyang sabi.
"Bakit naman?" ang tanong ni
Nanay Narsing.
"Syempre..." hindi kaagad
naituloy ni Maritess ang sasabihin, nasamid sa sobrang pagpigil sa pag-iyak.
"Tatanggalin din naman nila ako dahil bawal ang mabuntisan." At
tuluyan na syang humagulgol. "Atsaka, hindi ko na po kaya ang mga tsismis
ng mga tao, ng mga kasamahan ko sa trabaho" dagdag nya.
Parang tinusok ang puso ko sa
nararamdamang paghihirap ng kalooban ni Maritess. Naalala ko bigla ang habilin
ni Sir James sa akin. "...hihilingin ko sa iyo na kung sakaling matapos
bigla na ang buhay ko, alagaan mo si Maritess at ang magiging anak namin. Sana,
nanjan ka palagi sa tabi nila, aalalay sa kanilang mga pangangailangan..."
Hindi ko maintindihan ang sarili nung biglang pumasok iyon sa isip, at tila may
nag-udyok sa akin na magsalita. "A, e... Tay, Nay, ituloy na lang po natin
kaya ang kasal... Kung papayag po kayo at si Maritess, ako po ang tatayong
groom ni Maritess"
Nagtinginan silang lahat sa akin sa
pagkabigla, nagtataka kung bakit nasabi ko ang ganun. Ako man ay halos di
makapaniwalang lumabas sa mga bibig ko ang mga katagang iyon. Nilingon nina
Tatay Nando at Nanay Narsing ang isa't-isa, nag-salubong ang kanilang mga
titig, bakas ang pagkalito ngunit tila nag-uusap, habang si Maritess ay biglang
tumayo at tumakbo papuntang kwarto niya.
Hindi kaagad nakapagsalita nina Tatay
Nando at Nanay Narsing. "A... e... Carl, sigurado ka ba jan sa sinasabi
mo? Napakamaselang bagay ang sinabi mo at ang pagpapakasal ay hindi isang
pagkaing pwedi mong isubo at iluwa pag inaayawan mo na. Isa pa, ang
nagpapakasal ay dapat nagmahalan." Sabi ni Tatay Nando at tumango-tango
naman si Nanay Narsing.
"Tay, hindi lahat ng nagpapakasal
ay nagsimula sa pag-iibigan. Marami ring mga kasong nagsimula sa pangangailangan,
yung iba ay sa kaugalian o kultura. Yung iba ay sa paniniwala. Hindi mahirap
mahalin si Maritess, Nay, Tay. Maganda, matalino, at higit sa lahat,
napakabait... Napakarami na pong dumaang babae sa mga kamay ko nung estudyante
palang sa syudad at nakita ko na ibang-iba si Maritess sa kanila. Alam ko yan
dahil sinusubaybayan ko ang pagpapaaral ng mommy sa kanya, sa mga natamong
honors nya sa school, sa mga activities na ini-initiate nya... Pati nga ang
mommy ay hangang-hanga sa kasispagan at determinsayon nya e."
"Kahit na buntis sya...? Paano na
lang ang mommy mo? Papayag kaya sya?"
"Hindi po kasalanan ni Maritess
ang mabuntis, Tay. At hindi nya po nya kasalanan ang mamatay ang taong
nakabuntis sa kanya. At tungkol sa mommy, kilalang-kilala ko sya. Lahat handang
ibigay nun sa akin. Lalo na kung mag-aasawa na ako at kay Maritess pa.
Gustong-gusto na nun ang magkaapo. Magtiwala po kayo."
"Kung ganun, bakit di natin
itanong kay Maritess?"
Sinundan ni Nanay Narsing si Maritess
sa kwarto nya. Maya-maya, lumabas si Nanay. Umiiling-iling.
"Ano po ba ang sabi ni Maritess,
Nay?"
"Ayaw nya. Nahihiya, sobra-sobra
na daw ang pagtulong mo sa amin, Carl."
"Ok, ako na ang kakausap sa
kanya" Pinuntahan ko sya sa kwarto. Nung mag-usap na kami, pakiwari ko,
bumabalik ang pagka-chickboy nung estudyante pa lang ako; nung pakawala pa sa
buhay at kahit sinu-sino ang nililigawan, kahit na guro. Ngunit sa sitwasyon na
iyon kay Maritess, animoy naging seryoso akong nanligaw, kumbaga, ang mga
sinasabi ay galing sa puso. Kinumbinse ko si Maritess sa kahalagahan ng
pagsilang at pagpalaki nya ng baby nila ni James na may tatay na nakikita.
Ginawa kong batayan ang sarili, sa paglaki kong walang ama dahil namatay din
ito nung maliit pa ako, ang hirap na naranasan nung lumaki ako na walang amang
gumagabay, ang sakit ng paghahanap ng pagmamahal ng isang ama, ang pag-iyak ko
sa tuwing nakikita ang mga kalaro na sinusundo ng mga daddy nila, o kasama nila
sa pamamasyal. "Kung ayaw mong magpakasal sa akin dahil hindi mo ako mahal,
kahit dahil sa baby mo na lang" ang sabi ko.
"Bakit mo ginawa ito, Carl? Para
ba sa akin o para kay James?"
"Pareho, at para na rin sa
bata... Bakit, hindi mo ba ako kayang mahalin?"
Hindi sya kumibo. "Hindi sa
ganun, Carl. Sa totoo lang, lahat ng babae ay nangangarap na makapag-asawa ng
lalaking kagaya mo. Nasa iyo na ang lahat - hitsura, yaman, talino, sipag, at
higit sa lahat, kabaitan."
"So...?"
"Hindi ko alam. Hindi ako bagay
sa iyo. At... kamamatay lang ni James"
"Tess, Sabado ang gustong kasal
ni James. At sigurado ako, na pag itinuloy natin iyon, matutuwa sya. I
swear."
"Sinabi ba nya yan sa iyo?"
"Sinabi nya na alagaan ko kayo,
na alalayan ko kayong mag-ina sa mga pangangailangan ninyo. At alam mo, kagabi,
nanaginip ako kay Sir James. Masaya sya, mapayapa. At sinabi nyang may dahilan
daw ang lahat. Ayaw nyang sa pagpanaw nya ay malungkot tayo, Tess..."
Hindi na sya kumibo, at tumulo na lang
ang luha. Niyakap ko sya. Tuluyan na syang humagulgol sa mga braso ko. Lumabas
kaming dalawa ng kwarto. "Tay, Nay, tuloy po ang kasal sa Sabado!"
Tila nabuhayan ng loob ang lahat sa di
inaasahang narinig. Ang napakalungkot na tagpo ay biglang tila nabigyang buhay
at nakapagbigay ng ngiti sa mga labi ng bawat isa sa pamilya. Nagpalakpakan sa
tuwa ang mgakakapatid na sina Anton, Dodong, Clara, at Letecia.
Agad naming tinungo ni Maritess ang
puntod ni James at ipinaalam ang desisyon. Bumulong ako, "James... alam
kong ikaw ang nagtulak na gawin ko ang desisyon na ito. Nandito kami upang
hingiin ang iyong basbas. Sana, masaya ka sa desisyon naming ito ni Maritess.
Bigyan mo kami ng palatandaang wala kang pagtutol sa gagawin namin..."
Pagkatapos na pagkatapos kong sabihin
iyon, naramdaman kong animoy may dumamping malamig na hangin sa pisngi ko.
"Naramdaman mo iyon?" Tanong ko kay Maritess.
"Ang ano?" sagot nya.
"Malamig na hangin na tila
dumampi sa pisngi ko!"
"Oo Carl, naramdaman ko rin sa
pisngi ko!"
Tila biglang tumalon-talon ang puso ko
sa galak. "Payag si Carl, na magpakasal tayo, Maritess! Payag sya!"
ang masaya kong sigaw habang yakap-yakap na si Maritess.
Dumating ang araw ng kasal. Dahil sa
hindi pa natapos ang 9 na araw na padasal para kay James, napagdesisyonan ang
pamilya na gawing simple lang ang okasyon at sa kapilya ng baranggay na lang
idaos pagbigay respeto kay Sir James. Walang mga espesyal na taong imbitado,
maliban na lang sa mga piling-pili kong kaibigan. Wala ring magagarang damit
pangkasal, o mga groom's men at bride's maids. Casual lang ang lahat. Kumbaga,
parang ordinaryong araw lang na pupunta sa kapilya. Ang kapitan ng baranggay
ang Ninong sampu ng mga kagawad. Ngunit dahil sa nalaman din ng buong
baranggay, marami pa rin ang nag-attend. Siguro dahil ang okasyon ay may
kinalaman sa akin, na anak ng main donor at syang nagpapatayo ng school nila sa
baranggay, at sa kagustuhan na rin nilang makibahagi sa importanteng bagong
yugto na iyon sa buhay namin ni Maritess.
Sinadya kong hindi ipaalam kay mommy
ang okasyon. Nais ko kasing sorpresahin sya at upang hindi na rin sya
makaka-reklamo pa. Ang mommy kasi, kapag ganyang may okasyon, gusto lahat
naka-plano at perpekto. Ayaw nya yang mga last-minute na mga preparasyon o rush
na activities. Ganyan sya ka-organize. Kaya kapag nalaman nya bago pa man ang
kasal, malamang na walang kasalang mangyari sa araw na iyon. Kaya, nung
pinasundo ko sya, pinasabihan ko na lang na may importanteng urgent na nangyari
sa baranggay at sa school. Kaya, dali-daling nagpunta ang mommy, naka-rugged û
maong, t-shirt at sneakers, nagtataka kung bakit ora-orada ang pagsundo sa
kanya.
Nasa loob na ang lahat ng kapilya at
tinatanong na ng pari kong may hahadlang. Sya namang pagpasok ng mommy, at sa
kalituhan sa nakitang tagpo, sumigaw "Hintay!" at tumakbo diretso na
sa harap ng altar at ng pari, hinawakan nya ako sa balikat, "Carl, ano
ito? Huhuhuhu! Ano ba itong ginawa mo sa buhay mo, Carl! Ano itong ginawa mo sa
akin? Huhuhuhu!"
"A... ehem! Mrs. Miller, ituloy
pa po ba natin ang kasal?" pag interrupt ng pari.
"Hindi!" ang malakas at tila
pabulyaw na sambit ng mommy.
Nag-react ang mga tao sa pagkabigla at
biglang natahimik.
Nung mapansin ng mommy ang mga mata ng
lahat na nakatutuk sa kanya, tila binuhusan sya ng malaming na tubig sabay
sabing, "Hindi! Hindi ako hahadlang, ituloy nyo na po padre! Paki-dalian
nyo lang! Huhuhu!!" sabay tungo sa upuang inireserba para sa kanya.
Natawa na lang ang mga tao. At nung
binigkas na namin ni Maritess ang salitang "Oo" sa isa't-isa, lalong
lumakas ang tila pagrerebeldeng iyak ng mommy. "Carl! Huhuhuhu!"
Hanggang sa natapos ang kasal at
binati na kaming dalawa ni Maritess ng mga tao. Binati din ako ni Ricky, ang
best friend ko sa College na inimbitahan ko. "Tol, bakit ka ba
nagbago?" ang pasimple nyang bulong.
"Anong bakit ako nagbago?"
Bulong ko rin.
"Kasi... e... wala na akong
kakampi ngayon."
"Anong walang kakampi, di ko
maintindihan?"
"Kasi... lalaki na ang hinahanap
ko ngayon, tol!"
"Wag kang magbibiro ng ganyan,
tado ka!"
"Totoo, tol. Nagkatuluyan kami
nung sekyu ng skul. Heto nga o, may kissmark pa syang pabaon sa akin" at
pasekretong itinuro nya ang kanyang leeg.
"Gago ka pa rin talaga hanggang
ngayon!" sabay batok sa kanya. Tawanan na lang kaming dalawa.
Hindi pa rin kumibo ang mommy. Nung
kainan na, bigla na lang syang tumayo at nagsimulang magsalita. "Excuse me
everyone! Nandito po ako ngayon sa inaakalang may problema dito sa baranggay at
kailangan ang tulong ko. Ngunit ito pala ang nadatnan ko, ang ikasal ang
kaisa-isa kong anak, at sigurado ako na pakana na naman nya ito. Simula nung
maliit pa yan, palagi na lang akong halos atakehin sa puso, lalo na kapag
ipinatatawag sa school dahil sa pambobugbog nyan ng kaklase, o paglalagay ng
thumb tax sa upuan ng teacher, o kung anu-ano pang mga kalokohan. Ngayong
nagbago na, heto, muntik na naman akong mamatay sa atake. Hindi ako tutol sa
kasal. Ang gusto ko lang sana ay... hindi man lang nya ako tenyembrehan para
naman makapag-makeover ako! Huhuhu! Ni wala akong dalang extra na damit, amoy
pawis ako, ni wala man lang kahit lipstick. Ni wala akong dalang videocam!
Imagine kasal ng kaisa-isa kong anak at... hindi ako maganda! Huhuhu! Tawanan
ang lahat. "Nung umuwi yan ng bahay, nagsuggest sa akin yan na mag-tour
kami... Tapos, bigla na lang naglaho di man lang nagpaalam? At dito pala
napunta at heto kasal na, ni ho, ni ha, wala? Palagi nalang akong naiisahan nyan."
Tiningnan nya ako na may pagbabanta sa kanyang mga mata. "Naka-book na ang
tour natin sa Europe at ako ang dapat na masusunod ngayon. Itutuloy natin ang
scheduled tour natin..."
Napakamot ako ng ulo. "Mommy
naman, kakakasal ko lang... mag-honeymoon pa kami."
"At bakit? Hindi ba pweding doon
kayo mag-honeymoon sa Europe?"
Tawanan, palakpakan ang lahat.
Pagkatapos ng celebrasyon, nagpunta
ulit kaming lahat sa puntod ni Sir James kasama ang mga bisita, at nagbaon ng
kaunting pagkain, alay sa kanya. Kung dati nababalot sa sobrang lungkot at
pighati ang tagpo sa libingan nya, sa pagkakataong iyon ay tila tanggap na ng
lahat ang pangyayari ng maluwag sa dibdib. Ikini-kwento ko rin sa mga tao ang
panaginip ko kay Sir James; na nakita kong masaya sya, at na ayaw nyang
makitang malungkot ang lahat. Maluha-luha pa rin yung iba, lalo na ang mommy na
nanghinayang sa sobrang galing ni Sir James. Inilatag namin ang pagkain sa
ibabaw ng puntod, at nag-alay na rin ng dasal. Naki-cooperate din ang panahon.
Ang mainit na sinag ng araw ay bahagyang tinatakpan ng ulap, may
pabugso-bugosng katamtamang hangin na syang nagbigay ng preskong pakiramdam.
Napapansin ko na rin ang awit ng mga ibon, ang mga berdeng dahon ng puno at
halaman na nakapaligid, tila nagpapahiwatig ng kasayahan nila sa tagpong iyon,
at ang mga ngiti sa mga mukha ng bawat taong dumalo. "James, salamat sa
lahat. Alam kong masaya at mapayapa ka sa kinaroroonan mo ngayon."
Nag honeymoon nga kaming mag-asawa sa
Europe; ang pag-alaga ng itinanim ni Sir James na puno ay inihahabilin ko
pansamantala kay Anton. Habang nasa honeymoon kami ni Maritess, hindi naman
magkamayaw ang mommy sa pagsa-shopping ng kung anu-ano para sa magiging apo
nya, at sa plano nyang pag-iischedule uli ng kasal namin ni Maritess pagbalik ng
Pilipinas; isang engrandeng kasal na base sa plano at pangarap ng mommy ko para
sa akin. Natuloy din iyon, at sa pagkakataong iyon, natupad din ang gusto nya:
na mapaghandaang maigi at makita syang maganda sa kasal ko.
Sampung taon ang nakalipas at marami
na ring nagbago. Kung ang baranggay nina Tatay Nando na dati ay napakahirap
tahakin, may sementadong kalsada na nagdugtung nito sa kabihasnan, at madali na
syang puntahan. Ang dating bahay nina Tatay Nando ay pinagawa ko; konkreto, may
second floor, at ginawan ko pa ng extension para sa amin ni Maritess. Doon na
rin kami nanirahan.
Sa pamilya naman nina Tatay Nando, si
Anton ay isa nang negosyante, nakapag-asawa at may dalawang anak; si Dodong ay
nakapagtrabaho sa abroad bilang isang engineer; si Clara ay nagtuturo na rin sa
Baranggay School na dating pinamunuan ni sir James, samantalang ang bunsong si
Letecia ay magtatapos na sa kursong komersyo sa darating na graduation. At
dahil sa pagpapakasal namin ni Maritess, masayang-masaya sina Tatay Nando at
Nanay Narsing. Nawalan man sila ng isang James sa pamilya, may kapalit naman
ito, sa pagkatao ko.
Dahil sa isang guro, si Maritess na
ang namumuno sa eskwelahang sinimulan ni Sir James. Kung nuon nagsimula lang
ito sa non-formal classes, naging isang private non-stock, non-profit
elementary/high school na ito na sinusuportahan pa rin ng mga non-government
organizations, na syempre kinabibilangan ng mommy ko.
Malaki na rin ang puno ng manggang
itinanim ni Sir James. Namumunga na, at napakatamis ng mga bunga nito. At base
sa nais ni Sir James, ito ang nagsilbing pinaghuhugutan ko ng lakas, ang
nilalapitan ko sa panahon ng kalituhan, kalungkutan at kagipitan. Kadalasan
din, sa ilalim ng lilim nito ko dinadala ang pamilya ko at doon nagpi-piknik,
nag-iihaw, o nakikipaglaro sa mga bata...
Alam ko na habang may buhay pa ako,
hinding-hindi ko na pweding malimutan pa si Sir James. Hindi lang dahil sa puno
ng mangga na itinanim nya para sa akin, kungdi dahil na rin sa dalawang supling
namin ni Maritess na syang nagbibigay kulay sa aming pagsasama at nagbuo ng
buhay at pagkatao ko: ang 10 taong gulang na si James Miller na kahawig na
kahawig at manang-mana kay Sir James; at ang 9 na taong bunso naming si Carl
Miller, Jr. na syempre, kamukhang-kamukha ko at manang-mana naman sa akin. At
itong dalawang supling din ang syang dahilan sa lubos na kaligayahan at
pagpapasalamat ng mommy ko dahil sa wakas, nabigyan ko sya sa matagal nya nang
inaasam-asam at minimithi na hindi lang isa, kundi dalawang malakas, makukulit,
at makikisig na mga apo. Sa dalawang munting anghel na iyan imiikot ang buhay
naming lahat.
Ngayon ko lang napagtanto ang
kahulugan ng ipinahiwatig sa akin ni Sir James sa panaginip kung bakit dapat
akong matuwa; dahil sa pamamagitan ng mga anak namin, natupad ang aming
pangarap na magsama at hinding-hindi maghiwalay, hindi man bilang magkasintahan
kundi bilang magkapatid. Dahil dito, at ano man ang mangyari, mananatiling
buhay sa puso't isip ko ang minamahal at nag-iisang û idol kong si Sir...
(End)
No comments:
Post a Comment