Thursday, January 3, 2013

Si Utol at ang Chatmate ko (26-28)

By: Mikejuha
E-mail: getmybox@hotmail.com
FB: getmybox@yahoo.com
Blog: michaelsshadesofblue.blogspot.com

[26]
Naisipan kong tahakin ang matalahib na daan patungo sa sentro ng isla kung saan sinabi ng naghatid sa amin na may outpost ang coastguard. Nabalot man sa matinding takot mas nanaig sa akin ang pagnanais na mahanap ang kuya ko.

Ngunit noong marating ko ang lugar, walang taong sumagot sa aking panghingi ng saklolo, kahit na pinasok ko pa ang kanilang compund.

Bumalik uli ako sa tent at muli naghintay, nagbakasakaling babalik din si kuya. Ngunit alas onse na lang ng tanghali, wala pa ring kuya Erwin na nagpakita.


Inikot ko muli ang isla, naghanap ng mga palatandaan. Ngunit wala. Binalikan ko ang outpost ng coastguard kung may tao na. Ngunit ang tanging narinig ko ay ang ingay ng mga dahong nagkiskisan habang ang mga ito ay hinihipan ng hangin.

Nakailang ikot din ako sa isla. Nakailang balik din ako sa outpost na iyon. Ngunit walang ni isa mang puwede kong mahingian ng saklolo.

Tiningnan ko sa mga bag at gamit namin kung may dinala ba si kuyang damit o gamit. Ngunit nandoon at intact ang lahat, pati ang kanyang cp.

Sinubukan kong tawagan ang mama ko upang ipaalam ang nangyari. Ngunit wala ding signal sa lugar.

Pakiramdam ko ay mamatay na ako sa sobrang kaba, takot, at pangamba sa maaaring nangyari kay kuya. Ang takot ko para sa sarili ay nakalimutan ko na sa sobrang pag-alala sa kalagayan niya. Hindi ako mapakali, nagtatanong kung nasaan na si kuya, kung bakit bigla siyang nawala, at kung ano na ang nangyari sa kanya...

Mag-aalas tres na ng hapon, nag-iisa pa rin ako. Hindi na ako nakakain, hindi alam ang gagawin. Ang tanging nasa utak ko ay kung nasaan na si kuya at kung ano ang nangyari sa kanya.

Maya-maya, dumating ang sundo naming pumpboat. Hindi pa rin sumipot si kuya. Agad nilang pinuntahan ang coast guard na naka assign sa isla ngunit dahil wala nga ang mga ito, pati sila ay walang nagawa. Inikot-ikot muna nila ang isla atsaka noong matantya na wala silang makitang clue kung saan tumungo si kuya, saka nagdesisyon na bumalik na lang kami sa bayan at i-report sa kapulisan ang lahat.

Hindi naman magkandaugaga ang mga magulang ko sa pagtatawag ng tulong sa mga pulis. Pati sila ay hindi rin mapakali at sobrang nangamba sa kalagayan ni kuya. Dalawa ang teoriya nila. Kung hindi nakidnap, nalunod ito sa dagat. Baka daw habang natulog ako, naisipan niyang maligo. At ang mabigat na pinaniwalaan nila ay na baka may nangyaring masama kay kuya sa dagat – nalunod. Kasi, bakit daw ito kikidnapin ito samantalang hindi naman kami ganyan kayaman...

“Hindi! Hindi nalunod si kuya! Hindi!” ang galit kong pagtutol sa kanila.

Ibayong lungkot at galit ang aking naramdaman sa kanilang kuro-kuro. Mistulang tinadtad ang aking puso sa sobrang sakit sa pagkarinig sa salitang nalunod ang kuya ko. Parang hindi ko kaya kung totoo nga ito. Parang ayoko nang mabuhay pa kapag nagkatotoo ang hinala nila.

Isang araw, dalawang araw, tatlong araw ang nakalipas ngunit wala pa ring balita tungkol kay kuya. Sobrang lungkot ko. Pakiwari ko ay huminto ang ikot ng aking mundo. Pakiwari ko ay gumuho ang lahat ng aking pangarap. Ang inasam-asam ko na lang ay na sana hindi siya nalunod. Ok lang para sa akin kung na kidnap siya; at least buhay pa si kuya. Naitanong ko tuloy kung iyon ba ang kapalit sa sobrang sayang naranasan ko sa piling ni kuya bago nangyari ang trahedyang iyon. Ang saklap. Kunyari pa naman ay kasal na kami sa isa’t-isa...

Sa pang-apat na araw, habang nagmumuni-muni ako sa loob ng kwarto ni kuya, napako ang tingin ko sa drawer kung saan nakatago ang litratong hinahalik-halikan ni kuya.

Agad kong tinumbok ito, pinilit na buksan, Ngunit naka lock. Binuksan ko ang isang drawer pa kung saan ko rin nakitang inilagay ni kuya ang susi. Noong makita ko ito doon, agad kong binuksan ang drawer na naglalaman ng litrato. Sa pagkabukas ko pa lang ng drawer, agad na tumambad sa akin ang mahiwagang litrato – isang batang siguro ay nasa 4 na taong gulang ang edad!

“Isang litrato ng bata ang kanyang hinahalik-halikan?” ang naitanong ko sa sarili.

Pinagmasdan kong maigi ang larawan at napansin kong nakatayo ang bata sa harap ng isang lumang gate na hindi pamilyar sa akin kung kaninong bahay at kung saang lugar. Hawak-hawak ng isang kamay ang barandilya ng gate, ang isang kamay naman nito ay ipinahid sa kanyang mukha. Halatang umiiyak ito, at natatakot. Naka-dilaw na t-shirt ang bata, nakasuot ng short pants na brown, naka tsinelas at sa kayang ulo ay may bonnet na may markang letrang L.

Syempre napaisip ako. Nagtatanong kung sino ang batang iyon. Tinitigan ko ang kanyang mukha na kalahati lang ang nakalantad gawa ng pagkatakip nito sa isa niyang kamay. Hindi ko maisip kung kanino kahawig. Hindi naman si kuya iyon dahil si kuya ay mestiso. At wala rin akong nakitang litrato ko sa ganoong edad pa lang na maikumpara ko kung kahawig ko rin.

Hawak-hawak ang litrato, bumaba ako sa sala upang itanong kina mama ang tungkol doon. Nakita ko kaagad silang dalawa ni papa na parehong hindi umalis sa kinalalagyan ng telepono, naghintay ng tawag o report galing sa mga kapulisan at sa coast guard na patuloy pa ring naghahanap kay kuya sa isla. Halata sa mga mukha nila ang matinding pagkabalisa.

“Ma... nakita ko ang lumang litratong ito sa drawer ni kuya...” ang bungad ko kaagad, inilantad sa kanila ang nasa litrato.

Nagtinginan sina mama at papa, bakas sa kanilang mukha ang pagkabigla at pagkamangha.

“B-bakit po ma, pa? Sino po ba ang nasa litratong ito?” ang tanong ko.

Mistula ding bigla silang natauhan at hindi nagpahalatang nabigla sila. “A, e... n-napulot lang siguro iyan ng kuya mo, anak. Nakita ko na iyan dati, ipinakita niya sa akin. W-ala iyan. Alam mo naman ang kuya mo. Kahit anong bagay na itinatapon na ng iba, dinadala pa niyan sa bahay kapag nagka-interes sya...” ang sagot ni mama, si papa ay nanatiling tahimik lang.

“Pero bakit nasa drawer niya ito ma? At parang iniingatan pa niya?”

“Hindi naman siguro iniingatan. Baka lang nailagay niya sa drawer niya at nalimutan na lang iyan doon.” Paliwanag ni mama.

Gusto ko pa sanang itanong kung bakit nakita kong hinhalik-halikan ito ni kuya ngunit hindi ko na lang itinuloy at baka magtanong pa sila kung paano ko nakita si kuya na ganoon ang ginagawa. Kaya bumalik na lang ako sa kuwarto ni kuya at doon, ipinagpatuloy ang pamumukmok habang wala pang balita sa kanyang pagkawala.

Maya-maya, nagtext sa akin si Ormhel. Nalaman daw niya ang nangyari kay kuya at pupuntahan niya ako sa bahay.

“Tol... sorry sa nangyari sa kuya mo...” ang sambit niya noong makarating na siya ng bahay.

Napaiyak na lang ako. Kasi naalala ko na naman si kuya. Naalala ko kasi ang eksena sa resort nila ni Zach kung nasaan nandoon din si Ormhel. “S-si kuya Zach, kumusta naman siya?” ang tanong ko noong maalala ko rin si Zach.

“Hindi pa rin nagbago ang kanyang kundisyon, tol. Maselan ang kanyang kalagayan. At sa sunod na linggo, dadalhin na nila siya sa Amerika upang doon na ipagamot. Malala ang karamdaman ni Sir Zach kaya napagdesisyonan nilang doon na ipagamot sa Amerika.”

“G-ganoon ba? Ang layo-layo naman ng pagdadalhan sa kanya.”

“Mas advanced kasi doon ang mga gamit. At ang duktor na mag-aalaga sa kanya ay espesyalista talaga para sa kanyang karamdaman.”

“Kawawa din pala si kuya Zach. Pareho sila ni kuya. Kawawa din ang kuya ko, hindi namin alam kung saan siya hahanapin...” Ang nasabi ko na lang. Hindi ko na naitanong kung ano ang karamdaman niya, iniisip ko na lang na may kaugnayan ito sa pinsalang natamo niya sa kanyang tangkang pagpakamatay.

Binitawan lang ni Ormhel ang isang pilit na ngiti. “Labas tayo, tol... puntahan nating muli ang isla kung gusto mo. Baka may report na ang mga coastguard doon. Wala akong pasok ngayon kaya libre ako.” Ang mungkahi ni Ormhel. Marahil ay gusto lang niyang makatulong sa akin sa kanyang maliit paraan.

Sumang-ayon naman ako.

Habang naghintay kami sa pumpboat na siyang maghatid sa amin patungo sa isla. Kumain muna kami sa isang restaurant. Kilala din ang restaurant na iyon sa aming lugar. Dinadayo ito ng mga tao at ilang mga turista. Habang seryosong kumakain kami ni Ormhel, may biglang lumapit sa kanya na isang babae at tinapik siya nito sa balikat.

“Ay... nandito din po kayo? Kumusta po kayo?” Ang sambit ni Ormhel.

Ngunit hindi na nakasagot pa ang babae gawa ng napako ang kanyang tingin sa akin.

Halos hindi na rin ako nakakilos noong magkasalubong ang tiningin namin noong babae. “Ang bisita ni mama!” sigaw ko sa sarili.

“N-nandito ka rin...” ang sambit niya na halos hindi maibigkas ng maayos ang kanyang sinabi.

“Eh....” ang naisagot ko lang, hindi lubos naintindihan ang aking naramdaman. Mabilis ang kalampag ng aking dibdib. Marahil ay na-excite lamang ako , o namangha sa pagkakita sa kanya doon.

“Ormhel.. pewede ko ba siyang makausap kahit sandali?” ang pakisuyo ng babae kay Ormhel.

“O-opo! Opo! S-sige po! Ok lang po!” ang sagot naman ni Ormhel na halatang nagulat din.

“Halika hijo, doon tayo sa lamesang iyon, ang pagturo niya sa isang bakanteng mesa na may kalayuan sa inupuan namin ni Ormhel.

Sumunod ako sa kanya.

Noong makaupo na kami, hindi naman siya makapagsalita. Tinitigan lang niya ako na para bang sabik na sabik na makita ako. “A-ang laki-laki mo na...” ang nasambit lang niya na para bang hindi siya magkamayaw sa kanyang gagawin. Parang gusto niya akong yakapin o halikan ngunit di niya magawa-gawa ito.

“Po..???” ang naisagot ko. Hindi ko rin malaman ang sunod na sasabihin gawa ng pagkamangha sa kakaibang ipinakita niya.

“Ang sabi ko, ang laki-laki mo na... E-enzo!”

Nagulat naman ako sa pagkarinig na binigkas niya ang aking pangalan “K-kilala niyo po ako?”

“A... e... di ba nagpunta ko sa bahay ninyo? Nakita mo nga ako doon e, di ba?”

“O-opo... “Magkaibigan po ba kayo ng mama ko?”

“Magkaibigan? Ah... oo! Oo magkaibigan kami ng mama mo. K-kaya ko siya binisita...” ang sagot niya na parang nag-aalangang aminin ang katagang kaibigan.

Tahimik.

Tinitigan niya muli ako at napansin kong may namumuong mga luha sa gilid ng mga ito. “A-alam mo... m-ay dalawa akong anak. Kaso nawala na sila sa akin... Iyong bunso ay kasing-edad mo at sigurado ako, kamukha mo rin siya.”

“Po??? B-bakit po sila nawala?” Ang tanong ko. Ewan pero tila nagkaroon ako ng interes sa kanyang sinabi.

Binitiwan iya ang isanag malalim na buntong-hininga. “Kahirapan. Namatay ang itay ko noong maliit pa lang ako. Kaya napakahirap ng buhay namin noon. Ni hindi ko natapos ang high school. Noong nagdalaga na ako, nagkasakit naman ng breast cancer ang nanay. Ayaw kong mawala siya sa akin kaya ginawa ko ang lahat ng makakaya ko upang matustusan ang kanyang pagpapagamot...” Napahinto siya ng sandali sabay naman ng pagpatak ng kanyang mga luha. “K-kahit pagbebenta ng aking katwan ay ginawa ko, mataguyod ko lang ang pagpagamot sa aking inay. Nakailang lalaki din ako, hanggang sa ako ay nabuntis na isang Amerikano. Iyon ang una kong anak. Subalit, iniwanan ako ng Amerikano at ang sunod na nakabuntis sa akin ay isang Pinoy, may asawa. Doon ako nagkaroon ng pangalawang anak, ang bunso ko. Noong tuluyan na akong nilayuan ng ama ng pangalawa kong anak at hindi ko na nakayanan ang gastusin sa pagpalaki sa kanilang dalawa kong anak, dagdagan pa sa hirap ng pag-aalaga ko sa aking inay at gastusin sa mga pangangailangan niya... doon ko na naisipang ipamigay sila... Upang mabigyan ng magandang bukas” Tuluyan na siyang humikbi.

Mistulang piniga ang aking puso sa narinig na kwento niya. Hindi ko alam kung bakit sobrang naawa ako sa kanya. Hindi ko rin maintindihan kung bakit niya sinabi iyon sa akin. At namalayan ko na lang na tumulo na rin ang mga luha ko habang tinitingnan ko siyang umiiyak.

“Tiniis ko ang lahat ng sakit na mapalayo sa kanila. At mahigpit kong nilabanan ang sarili na huwag matuksong magpakita. At noong malaman kong tinanggap sila sa mga kanya-kanyang bagong pamilya, tuluyan ko nang isinara ang aking isip para sa mga anak ko. Pinilit ko ang sariling huwag na silang isipin, na burahin na ang lahat ng alaala ko sa kanila. Noong mamatay ang aking inay, may isang Amerikanong naging kliyente ko na nag-offer sa akin ng kasal. Noong una, nagdadalawang-isip pa ako. Ngunit nangingibabaw pa rin sa akin ang kagustuhang mailayo ang sarili at huwag maging hadlang sa normal at masayang nang pamumuhay ng aking mga anak. Nagdurugo man ang aking puso, tiniis ko ang lahat. Nagpkasal kami ng Amerikano at sa kalaunan, natutunan ko rin siyang mahalin. Subalit, hindi kami biniyayaan ng anak. Kaya lalong tumindi ang pangungulila ko sa dalawang anak ko...”

Hindi pa rin ako nakakibo. Para akong napako sa kinauupuan at tulalang-tulala. Naawa ako sa kanya, bagamat sa likod ng aking utak ay may katanungan kung bakit ako nandoon sa harap niya, at sa akin niya ipinapalabas ang kayang mga saloobin. At bagamat gusto kong labanan ang aking sariling huwag magpadala, hindi ko pa rin napigilan ang patuloy na pagdaloy ng aking luha. Palihim kong pinahid ang mga ito.

“Alam mo... sariwa pa sa aking isip ang lahat at damang-dama ko pa ang sakit na nadarama sa kahuli-hulihang sandali na nakasama at nasilayan ko ang aking bunso. Apat na taong gulang lang siya noon. Puno ng kamusmusan at walang kamalay-malay sa mundo. Alas 5 ng umaga isang araw, buo na ang isip kong ipamigay siya. Binihisan ko sya sa paborito pa niyang t-hirt at short. Tuwang-tuwa siya. Sinabi ko sa kanya na mamamasyal lang kami at simula sa araw na iyon, makakain na siya ng masarap na pagkain, magkakaroon ng maraming laruan, may kapatid at kuya, at higit sa lahat, may papa na matagal na niyang inaasam-asam na magkaroon. Naglulundag siya sa tuwa sa narinig. Ang hindi niya alam, iyon na ang huli naming pagkikita; ang simula ng pagbabago sa takbo ng aming buhay dahil iyon ang araw kung saan tuluyan nang maghiwalay ang aming landas... Kitang-kita ko pa ang puno ng kainosentehang bakas ng saya sa mukha ng anak ko habang umalis kami ng bahay...” napahinto siya ng sandali sa pagkukuwento, pinahid ng kamay niya ang mga luha sa kanyang pisngi.

Hindi pa rin ako nakaimik. Hinintay ang pagpapatuloy ng kanyang kuwento.

Nagpatuloy siya. “Noong marating na namin ang gate ng pinili kong bahay at pamilyang balak kong umampon sa kanya, doon ko na naramdaman ang tindi ng sakit. Inatasan ko sa kanya na maiwan muna siya sa gate na iyon at maghintay sa akin dahil may pupuntahan lang ako sandali. Dahil sa kanyang kamusmusan, tumalima siya, walang ni bakas na pagdadalawang isip, nagtiwala sa sinabi ko dahil nga, mama niya ang nagsabi, at hindi ko magagawang ipahamak siya. Ilangbeses ko siyang hinalikan, niyakap ng mahigpit, atsaka sinabihang magpakabait palagi, huwag magpasaway, laging pa ring magdasal bago matulog kagaya noong palagi naming ginagawa sa bahay, at na kapag may pamilya na siya, may papa at kuya, mahalin niya ang mga ito at maging masunurin... Tumango siya bagamat hindi niya marahil naintindihan kung bakit ko siya sinabihan ng ganoon. Hinalikan ko siya sa noo sa huling pagkakataoon, tinitigan ang kabuuan ng kanyang mukha at dali-dali na akong lumisan, iniwanan siyang nakatayong mag-isa sa harap ng gate na iyon, walangkamalay-malay na iyon na ang huling pagkakita niya sa akin. Nagtago ako sa isang sulok at naghintay. Isang oras na nakatayo ang anak ko sa gate na iyon. Parang piniga ang puso ko sa nakitang anyo niya. Hanggang sa hindi na niya natiis ang tagal ng aking pagbalik, nag-iiyak na siya, tinatawag ang aking pangalan. Mistulang mga sibat na tumama sa aking puso ang bawat sigaw ng aking anak ‘mamaaaaa!!!!’ Ang sakit sobra. Hanggang sa narinig ito ng anak ng may-ari ng bahay. Kitang-kita ko pa ang pagkabigla niya noong makita ang anak ko doon. Tiningnan niya ang paligid kung may ibang tao at noong nasigurong tahimik, kinausap niya ang anak ko, sinusuyo... hanggang nakita ko na lang na niyakap niya ito at kinarga, inaaliw, dinalhan ng mga laruan. Nakita ko pang kinunan niya ito ng litrato. At noong makita kong napangiti na niya ang aking anak, umalis na ako. Alam ko, maging maganda na ang buhay niya doon; alam ko, tatanggapin siya sa kanilang pamilya. Walang kasing sakit ang aking nadarama habang pinilit kong ihakbang ang aking mga paa palayo sa lugar na iyon...”

“B-bakit po ninyo ito sinabi sa akin?” ang bigla kong naitanong.

Mistula rin siyang nabigla sa aking tanong. “Ah... e... wala. Pakiramdam ko kasi, ikaw ang aking nawalang anak e. P-pasensya ka na ha? Hindi ko lang napigilan ang aking sarili. Pati tuloy ikaw ay nadamay...” sagot niya.

“Alam niyo po ba kung nasaan na ngayon ang mga anak ninyo?”

“Oo...” ang sagot niya habang nagpapahid ng luha at med’yo nahimasmasan na. “Pero hindi ko na sila puwedeng gambalain pa kasi alam ko maligaya na sila sa ngayon sa mga pamilyang umaaruga sa kanila. Ayokong guluhin ang masaya na nilang pamumuhay. At ayokong kamuhian ako ng mga anak ko kapag nalaman nilang ipininamigay ko sila. At ayoko ring sabihin ng mga nag-aruga sa kanila na pagkatapos ng lahat, bigla na lang akong susulpot at angkinin ang mga anak nila na ganoon-ganoon na lang. Alam ko ang sakit ng mawalan ng anak. Naranasan ko na iyon. At alam ko ring masakit kapag ang isang anak ay inilalayo sa kanyang kinikilalang mga magulang. Kaya kung maaari, ayokong may masasaktan pa...”

“S-siguro naman po ay may karapatan po kayong magpakilala sa kanila. Kawawa naman po ang mg anak ninyo. Hindi nila alam ang buong katotohanan. Ang kuwento ng kanilang buhay.”

Para siyang napaisip sa sinabi ko. “May kasunduan na kami ng mga magulang nila ngayon. Ayaw kong sirain ito...”

“S-sa tingin mo ba ay mapapatawad pa kaya ako ng aking mga anak?” ang tanong niya.

Na sinagot ko naman ng, “Siguro naman po... Kasi kapakanan din naman nila ang iyon iniisip” ang naisagot ko na lang.

At sa pagkarinig niya sa sinabi ko, binitiwan niya ang isang ngiti. Pakiramdam ko ay nabuhayan siy ng loob, may sigla ang kanyang mga mata at naibsan ang kanyang dinadala.

“M-may litrato po ba kayo sa anak ninyo?” ang sunod kong naitangong. Ewan ko rin ba kung bakit ko naitanong ang ganoon. Siguro ay dahil sa nakita kong saya sa mukha niya kung kaya naitanong ko iyon.

Binuksan niya ang kanyang bag at kinuha ang isang litrato. “Iyan ang huling litrato ko sa kanya bago ko siya iniwan sa gate ng bahay na iyon...” sambit niya noong inabot niya iyon sa akin.

Mistulang may sumabog na isang granada sa aking harap at pakiwari ko ay mawawalan ako ng malay-tao noong makita ko ang litrato. Naka-dilaw na t-shirt ang bata, nakasuot ng short pants na brown, naka tsinelas at sa kayang ulo ay may bonnet na may markang letrang L. Iyon ang batang nasa litrato na itinatago-tago ng kuya Erwin ko!

Parang mabibingi ako sa matinding kalampag ng aking dibdid sa sandaling iyon at parang sasabog ito. Napatingin ako sa kanya, ang aking mga mata ay may ibinatong katanungan. Hindi ako makapaniwalang may litrato siya sa mismong batang nasa litrato din ni kuya. Ngunit hindi ko rin magawang tanungin siya kung bakit. May isang parte ng utak ko na naalipin ng takot, na baka my isang bagay akong malaman na hindi ko kayang tanggapin.

“E-excuse me po... aalis na po ako” ang nasambit ko na lang.

“A-aalis ka na?”

“A... Eh... may pupuntahan pa po kami. S-salamat po” at tumalikod na ako, nagtatakbo palabas sa restaurant na iyon.

Sinundan ako ni Ormhel. “Enzo!!! Saan ka pupunta?” sigaw niya.

“U-uwi na lang tayo kuya Ormhel.”

“O-ok ihahatid na kita.”

“Kilala mo ang babaeng iyon?” Tanong ko kay Ormhel habang nasa loob na kami ng tricyle.

“Guest namin iyon sa resort. Mayaman ang mag-asawang iyon. Nakapag-asawa kasi ng Amerikano. Kaibigan din siguro ng pamilya ni Sir Zach iyon kasi nakita kong nag-uusap sila ng daddy ni Sir Zach eh. Bakit? May problema ka ba sa kanya?” Ang sagot ni Ormhel.

“Wala naman...” ang sagot ko na lang.

Pagdating na pagdating ko kaagad ng bahay ay dumeretso ako sa kuwarto ni kuya samantalng si Ormhel ay naiwan sa sala. Nandoon pa rin sina mama at papa sa gilid ng telepono, naghintay kung may tatawag at makapagreport sa kaso ni kuya. Noong dumaan ako sa kinaroroonan nila, tinanong ako ni mama kung kumusta ang lakad ko. Ngunit parang wala lang akong narinig. Hindi ki ito pinansin, tuloy-tuloy lang ako sa second floor, sa kuwarto ni kuya. Noong nasa loob na ako ng kuwarto, dali-dali kong kinuha ang litrato sa loob ng drawer.

Agad din akong bumaba. “Ma... sabihin mo sa akin please kung sino ang batang nasa litratong ito?! Gusto kong marinig sa inyo mismo ang katotohanan. Sino siya? ang tanogn ko, med’yo mataas ang boses at halos iiyak na.

Kitang-kita ko ang pagkagulat nina papa at mama sa pangungulit ko sa kanila tungkol sa litrato na iyon. Marahil ay hindi nila inaasahan na itatanong ko muli iyon at naamoy nilang may kutob akong hindi kanais-nais sa batang nasa litrato.

“Bakit mo naman naitanong iyan, anak? Di ba sinbi ko na sa iyo na maaring napulot lang iyan ng kuya mo.” Si mama ang sumagot.

“Hindi ma! Hindi iyan napulot ni kuya! Dahil nakita ko ang babaeng iyon na pumunta dito at may litrato din siyang kahawig ng batang iyan. Lahat ng suot ng batang litrato ma ay pareho. Iisang bata lang. Sino ang batang nasa litrato ma at ano ang kugnayan nito sa babaeng bisita mo?????????!!!” ang sigaw ko na, ang-iiyak na mistulang nagwawala.

Hindi ko na alam kung ano rin ang tunay na naramdaman nina mama at papa. Pakiwari ko ay na-rattle din sila sa hindi inaasahang kaganapan. Nagdurugo na nga ang mga puso nila sa pagkawala ni kuya at hayun nagdemand pa ako sa mga katanungan tungkol sa isang litrato. Ngunit wala na akong pakialam. Ang nasa utak ko sa sandaling iyon ay ang masagot kung ano ang relasyon ng litratong iyon sa akin at sa babaeng bisita nila.

Pati si Ormhel ay natulala din at palihim na nagpaalam at umalis.

“P-wede ba, mag-usap muna kami ng papa mo atsaka ka namin tatawagin?”

“Ayoko ma! Bakit hindi ninyo masagot kaagad ang tanong ko? mahirap bang sagutin ito? Masasaktan ba ako kapag nalaman ko ang katotohanan? May itinatago ba kayo sa akin?” giit ko.

“S-sabihin mo na... “ ang maiksi at mahinahong utos ni papa kay mama.

Napilitan ding tumalima ni mama. ”O sige... maupo ka.”

Dali-dali din akong umupo sa sofa, sa tabi ni papa.

“I-ikaw ang batang iyan, Enzo...”

“ARRRRRGGGGGHHHHHHHHHHHHHHH!!!!” ang bigla kong sigaw, hablot-hablot ang aking buhok. Pakiramdam ko ay may humataw ng matigas na bagay sa aking ulo at mistulang nawalan ako ng malay sa pagpatibay ni mama sa aking hinala tungkol sa litrato.

Akmang tatayo na sana ako upang doon sa kuwarto ko ako magkulong noong hinawakan ni papa ang aking bisig at hinila upang muling umupo. “Makinig ka muna sa sasabihin ng mama mo, Enzo.”

Pilit na naupo muli ako sa sofa. Ramdam kong pilit na kumawala ang galit at hinanakit na kinimkim ng aking kalooban. Napahagulgol ako nang napahagulgol.

Naramdaman ko ang pag-akbay ni papa, inaamo niya ako at hinahalikan ang aking buhok.

Nakita ko ring nagpapahid na ng luha ang mama ko. “P-patawarin mo kami anak... ang kasalanan lang namin ay hindi namin ito sinabi sa iyo ng mas maaga. Si kuya Erwin mo ang nakakita sa iyo sa gate ng lumang bahay natin. Ang plano namin ng papa mo ay i-indorso ka sa DSWD, upang doon ka na lang sa kanilang bahay-kalinga dahil natakot kaming masangkot sa ano mang kaso kung sakali o kung hahanapin ka sa tunay mong mga magulang. Ngunit hindi pumayag ang kuya mo. Sabi niya, siya daw ang nakakita sa iyo kaya dapat na sa kanya ka na, at sa atin titira. Sabi ko sa kanya na hindi ganyan kadali ang mga bagay na iyan. Hindi ka isang aso o pusa na puwede niyang sagipin ng ganoon-ganoon na lang kapag walang naghahanap dahil may batas tayo at darating at darating din ang panahon na aabot tayo sa ganitong sitwasyong nangyari sa iyo ngayon... Ngunit nagmatigas ang kuya mo. Noong malaman niya na ihahatid ka na namin sa tanggapan ng DSWD, bigla siyang umakyat sa terrace ng bahay at tinakot kami na tatalon siya doon kapag itinuloy namin ang aming pagdala sa iyo sa DSWD. Nag-iiyak siya, nagsisigaw, naglupasay. Noon lang namin nakita ang kuya mo sa ganoong matigas na pagpursige sa isang bagay na gusto niya sa kabila ng kanyang murang edad. Tinablan kami ng matinding awa. Kasi, alam naming matagal na niyang hiniling sa amin na magkaroon ng kapatid na lalaki ngunit hindi namin siya kayang pagbigyan gawa ng... baog ang papa mo. At noong napagdesisyonan na lang naming ampunin ka na, sobrang saya ang naramdaman ng kuya mo. Doon din nagbago ang takbo ng ugali ng kuya Erwin mo. Palagi na siyang masaya, palaging ikaw ang bukambibig niya pag-alis papuntang eskuwelahan at pagdating galing school. Halos isama ka na lang niya sa eskwelahan upang huwag kang mahiwalay sa kanya. Kung naaalala mo, kada Disyembre 14, palagi iyang nagpapahanda at nagbibigay ng regalo sa iyo? At ilang beses mo na ring tinanong sa kanya kung ano ang nakain niya at binibigyan ka niya ng regalo at ang sagot niya palagi ay Lucky Day Anniversary niya? Dahil iyan ang araw kung kailan ka niya natagpuan sa gate na iyon.”

Patuloy pa rin ang pag-iyak ko. Pakiramdam ko ay dumaplis lang sa aking puso ang mga paliwanag sa akin.

Nagpatuloy pa rin siya. “Mahal na mahal ka ng kuya Erwin mo. Para ka niyang anak, halos kasintahan na ang turing niya sa iyo. Prang mamatay iyan kapag hindi ka nakikita. At alam namin kung gaano ka niya kamahal. Alam mo bang hinahalik-halikan ng kuya mo ang litratong iyan? Dahil sa bawat halik niya sa litrato mo ay ang panalangin niya na sana ay hindi darating ang araw na ilalayo ka sa pamilyang ito... Ganyan ka niya kamahal. Ganyan ka namin kamahal... Kung sakaling natuloy ka sa DSWD at hindi kami pinigilan ng kuya mong ipaampon ka, sa tingin mo ba mas liligaya ang buhay mo? Mas matatanggap mo ba ito...?”

Ewan. Bagamat touched ako sa nalaman tungkol sa ginawa ni kuya, nahirapan pa rin ang kalooban kong tanggapin ang lahat. “Ma, pa... p-puwede bang punta muna ako sa kuwarto ko?” ang nasambit ko na lang. Pakiramdam ko kasi ay lalo akong naguguluhan. Hindi ko alam ang gagawin. Parang nag-iisa lang ako sa mundo at walang kakampi, o kaya pinaglaruan ng tadhana. Ang buong akala ko ay pulido ang aking pagiging myembro ng kanilang pamilya. Hindi pala. Lahat sila ay naglihim sa akin. Parang lahat sila ay pinaglalaruan lang ang aking pagkatao. Biglang nalimutan ko ang pagkawala ni kuya at nanaig sa isip ko ay ang sariling problema.

Umakyat ako sa aking kuwarto at doon, nag-iiyak. Iba’t-ibang eksena ang pumasok sa aking isip. Nand’yan iyong magbigti, lalayas. Parang gusto kong maglasing o magpakamatay sa kalasingan upang malimutan ang lahat ng sama ng loob.

Tinawagan ko si Ormhel at sinabi ko sa kanya ang lahat.

“Isipin mo na lang tol na maswerte ka pa rin. Tingnan mo ang ibang mga kabataang ulila... nasa kalye, hindi nag-aaral, nakikipagbuno sa kahirapan sa araw-araw, wala na ngang nagmamahal wala pang bahay, walang patutunguhan ang buhay. Samantalang ikaw, nakapag-aral, may nakakaangat na pamilya, may nagmamahal na mga magulang at kuya... Ano pa ang puwede mong hingiin? Maswerte ka sa pamilya mo ngayon, maswerte ka sa biological mong nanay dahil sa kabila ng sakit na naramdaman niya sa pagkalayo niya sa iyo, kapakanan mo pa rin ang kanyang iniisip...”

“Masakit kasi. Itinatago nila ang lahat sa akin.”

“Dahil ayaw nilang masaktan ka. Dahil ayaw nilang magbago ang lahat. Dahil ayaw nilang lalayo ka sa kanila... Alam ko masakit iyan tol. Pero lahat ng tao sa mundo ay may kanya-kanyang krus na dinadala at mga pagsubok na haharapin. Nagkataon lang na ito ang sadyang nakatadhana para sa iyo. Wala kang choice dahil nand’yan na iyan at hindi mo kontrolado ang nakaraan. Ngunit may magagawa ka para sa iyong ngayon. At iyan ay ang pilitin ang sariling pag-aralan ang pagtanggap ng lahat ng maluwag sa iyong kalooban. Isipin mo, hindi sila nagkulang sa pagmamahal nila sa iyo; nagkataon lang na ang landas ng pagmamahal na pinili ng tunay mong ina para sa iyo ay mahirap tahakin at intindihin. Ngunit hindi ibig sabihin na kulang ang kanyang pagmamahal. Marahil ay naalipin lamang siya sa matinding pagnanais na maranasan mo ang masaya at masaganang buhay sa kabila ng pagdurugo ng kanyang puso. Minsan kapag nagmahal ka, kailangan mo ring magparaya. Kailangan mong magsakripisyo, tiising mapalayo sa taong mahal kung ito ang ikaliligaya niya. Iyan ang klase ng pagmamahal na ibinigay ng tunay mong ina para sa iyo. At kung inililihim man ito ng mga kinilala mong magulang at kuya Erwin, ito ay dahil naging bahagi ka na ng buhay nila; dahil mahalaga ka at ayaw nilang mawalay ka sa kanila. Kaya dapat ay makuntento ka sa klase ng pagmamahal na ipinakita nila; dapat ay maappreciate mo ito. Hindi lang ikaw ang nagdusa tol; pati rin sila...”

Maganda ang sinabing iyon ni Ormhel. Ngunit sadyang mabigat pa rin ang lahat para sa akin. Nalilito pa rin ang utak ko.

Hanggang sa naisipang kong lumabas ng bahay. Hindi ko rin alam kung saan talaga pupunta. Basta ang tanging ninanais ko ay ang makalimot at mabura ang mga bagay-bagay na gumugulo sa aking isip.

Nakalabas na ako ng bahay, naglalakad ng walang klarong patutunguhan. Ni hindi ko nga alam na tumawid na pala ako sa isang highway.

“SCCCRRREEEETTTCCCCCHHHHH!!!!” ang tunog ng isang kotseng mabilis ang takbo at biglang sumulpot sa aking harapan kasabay ng sigaw ng mga taong nakakita, “Ang mama masagasaan!!!

“KA-BLAGGGGG!!” Ito ang huli kong narinig noong tumama ang unahan ng kotse sa aking katawan at nagdilim ang aking paligid...

(Itutuloy)


[27]
Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nawalan ng malay. Ngunit nagising akong may narinig na dalawang babaeng nag-uusap. Pakiramdam ko ay nanaginip lang ako. Parang lumulutang ako sa ulap, lasing, o lethargic, tila hapong-hapo at napakadilim ng aking paligid. Nasa isang semi-conscious ang aking kalagayan.

Agad kong nabosesan si mama at ang kausap niyang babae na siya ring kumausap sa akin sa restaurant.

“Bakit ka ba kasi nagpakita sa kanya? Di ba usapan natin na huwag mo na kaming guluhin? Maawa ka naman sa amin, Martha. Maawa ka kay Enzo... Tingnan mo kung ano ang nangyari sa kanya dahil pangingialam mo! Nagugulo tuloy ang pag-iisip niya at hayan, tingnan mo ang nangyari sa kanya!” ang narinig kong paninisi ni mama sa babae.

“Patawarin mo ako Helen. Hindi ko akalain na kilala pala niya ang nasa litrato. Akala ko ay wala siyang alam...” Sagot naman noong babae kay mama.

“Pwes, alam niya! At kung tinupad mo lang sana ang usapan natin, hindi hahantong ang lahat sa ganito! Kapag may nangyari sa kanya, ikaw ang dapat sisihin!” ang galit na sabi ni mama.

“Oo, ako na ang may kasalanan ng lahat. Sa simula pa lang, ako ang puno’t-dulo ng lahat ng ito. Pero hindi ito ang tamang panahon upang magsisihan tayo. Kailangan ng anak ko, ng anak mo, ang tulong. Magtulungan tayo para sa kanya.”

At narinig ko na lang na humagulgol na si mama, marahil ay hindi na nakayanang magpakatatag. “Napakadali namang sabihin niyan... lalo na sa iyo na hindi nagpalaki sa kanya! Iniwanan mo siya noong bata pa at ngayong napamahal na sa amin iyan, basta-basta mo na lang guguluhin, sisirain ang lahat? Ano ba iyan? Aso? Pusa? May balak ka sigurong kunin siya sa amin ano?”

“H-hindi. Hindi ko kukunin si Enzo sa inyo. Hindi iyan ang ibig kong mangyari. Gusto ko lang makita ang anak ko, matulungan siya. Iyan lang, Helen. Huwag kang mag-isip ng ganyan.”

“Diyos ko poooooo! Bakit ang sakit-sakit naman ng mga nangyaring ito sa pamilya ko!!!! Hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa panganay kong si Erwin at heto ngayon, delikado pa ang lagay ng aking bunso!!!” ang sigaw ni mama na mistulang naglupasay.

“Tama na iyan, Hon. Tama na.... Ipanatag mo ang loob mo.” ang narinig kong boses ni papa, sinusuyo si mama.

“Tama ang asawa mo, Helen. Ipagkatiwala na lang natin ang lahat kagustuhan ng nasa itaas...”

“Hindi mo naramdaman ang naramdaman ko! Dalawang anak ko ang nadisgrasya!” Bulyaw ni mama.

“Naramdaman ko iyan, Helen. Dalawang anak ko rin ang nagdusa! Nasa matinding kalagayan ang panganay ko, alam mo ba? Alam ko ang sakit na naramdaman mo! At mas masakit ang sakin dahil matagal na akong nagdusa!”

“Hah?” ang gulat na sagot ni mama. “Paano mo nasabi iyan?”

“Si Zach. Anak ko siya sa isang Amerikano.... Ipina-adopt ko siya sa isang mayamang militar na hindi biniyayaan ng anak. Alam mo ba kung ano ang kalagayan ni Zach ngayon?”

“D-di ba naaksidente siya?”

“Sinadya niyang wakasan ang buhay niya. Nalaman niyang may sakit siyang kanser at itinago niya ito, dagdagan pang nalaman din niyang ampon lang siya. Hindi nakayanan ng bata ang lahat. Kaya nagawa niya ang tangkaing kitilin ang sariling buhay... Pakiramdam niya ay wala nang nagmamahal sa kanya, wala nang silbi ang kanyang buhay.”

Lalo naman akong tinablang ng awa kay Zach. Kasi, iyon din ang panahon kung saan siya hiniwalayan ni kuya, nang dahil sa akin. At ngayong nalaman kong siya pala ang hinanap ng aking ina na kapatid ko, lalo pa akong nakonsyensya. Parang lalong gusto ko nang mamatay na rin lang.

“Pagkatapos ng pagkaaksidente niya, doon pa lang nalaman ng mga duktor ang matinding karamdamang itinatago nito. Delikado ang kalagayan niya, Martha. Kaya huwag mong sabihing hindi ko naramdaman ang naramdaman mo. Pareho ang naramdaman natin. Pareho tayong naharap sa matinding pagsubok!”

“N-nagkita na ba kayo ni Zach? Nakita ka na ba niya?”

“Hindi. Ayaw akong payagan ng ama niyang heneral. At iyon ang hindi ko rin maintindihan. Hindi ko alam kung ano ang plano niya o natakot ba siyang kunin ko si Zach. Saka na raw... kapag nagpagamot na sa Amerika ang anak ko. Kaya lalo lamang itong nagpatindi sa bigat ng aking paghihirap.”

Hindi na nakaimik pa ni mama.

“Helen, pangako namin ni Alfred, tutulungan ka namin. Hindi ka namin pababayaan. Lahat ng gastusin sa paghahanap kay Erwin at sa pagpagamot kay Enzo sasagutin namin ng asawa ko. Magtulungan tayo bilang isang pamilya, dahil ang anak ko ay anak mo rin... Nandito lang kami.” dugtong ng babae.

Sa puntong iyon na sana ako babalikwas; upang yakapin si mama, upang sabihin sa kanyang OK lang ako, at na huwag siyang mag-alala sa akin. Subalit laking gulat ko nooong hindi ko magalaw ang aking katawan at wala akong maramdaman. Tinangka kong lingunin ang pinanggalingan ng mga boses nila ngunit wala akong lakas na gawin ang lahat ng nasa utak ko.

Pinilit kong ibuka ang aking bibig at sumigaw. Ngunit hindi ko rin maigalaw ito. Pakiwari ko ay tanging isip at pandingi ko na lang ang gumagana. Pakiramdam ko ay nakakulong ako sa isang katawang hindi gumagalaw. Parang ang lahat ay nasa isip ko na lang.

Maya-maya, narinig kong may nagbukas ng pinto. “Duktor, ano na po ba ang resulta ng mga isinagawang tests ninyo sa kanya?” tanong ng mama ko.

“Mahirap... At ihanda na lang natin ang ating mga kalooban, in case worse comes to worst. Malaking bahagi ng utak niya ang napinsala sa aksidente. At kasali sa napinsala ay ang parte na kumukontrol ng mga pagkilos ng katawan at pagsasalita. Malaking pinsala din ang natamo sa kanyang mga mata at may 95% posibilidad na mabulag siya...”

Narinig ko kaagad ang pagsisigaw ng mama ko, naglupasay. “Hindi!!! Sabihin mong hindi totoo iyan duktor! Hindi ko matatanggap iyan!!!”

“Pasensya na misis. Iyan ang katotohanan...”

Pakiramdam ko ay tuluyan nang gumuho ang aking mundo. Kaya pala may naramdaman akong piring sa aking mga mata. Parang tuluyan nang nawalan ako ng pag-asang mabuhay pa. Siguro, kung kaya ko lang igalaw ang aking katawan, magbibigti na rin ako. Napakahopeless ng aking kalagayan. Para akong isang taong buhay ang diwa ngunit patay ang buong pagkatao dahil bagamat nakakarinig pa ang aking tenga, hindi ko naman magawang magsalita o gumalaw, dagdagan pa na ang tangiing nakikita ko ay purong kadiliman. Sumagi sa isip kong sana ay hindi na lang ako nabuhay pa sa aksidente. At lalo pa na wala si kuya sa tabi ko. Wala nang silbi ang lahat.

“Kawawa naman ang anak ko!!! Ano ba ang ginawa mo asa anak ko, Martha! Hindi mo ba alam na lahat ng gusto niyan ay ibinibigay namin! Napakasaya ng aming pamilya at heto ngayon, sinira mo!!!” ang sigaw na paninisi ni mama.

“H-helen... kung gusto mo, dadalhin natin si Enzo sa Amerika. Doon natin siya ipagamot. Si Alfred ay may anak na isang neuro-surgeon sa una ninyang asawa at espesyalista siya sa ganitong mga kaso. Maraming high-profile na kaso nang hinawakan ang anak niyang iyon, ang iba ay mga politikong biktima ng assassination attempt, siya sa mga humahawak. Sa tingin ko ay malaki ang maitutulong niya sa paggaling ni Enzo...”

“Oo. Sa amerika mo siya ipapagamot dahil balak mo namang kunin siya sa amin? Ganoon ba ang plano mo?” tugon ni mama.

“Helen, wala akong balak na agawin ang anak ko sa iyo. Nagsisi ako na nagpakita pa sa kanya. Sapat nang alam kong nasa mabuti siyang kalagayan. Sapat nang nakita ko siya, na malaki na, na masaya. Kapakanan niya ang iniisip ko. Hahayaan mo na lang ba siyang maging ganyan? Hahayaan mo ba siyang mamatay?”

Tahimik.

“Sasagutin ko ang lahat ng gastusin. Huwag kang mag-alala. At gusto kong kasama ka o kayo ng asawa mo sa pagpunta ni Enzo sa Amerika upang mas maalagaan natin ang anak natin at mabigyan ng moral support. At upang hindi ka na rin mag-isip na aagawin ko siya sa iyo.”

“Duktor... may magagawa pa po ba kayo upang mapabuti ang kalagayan niya kung sakaling dito na lang namin siya ipagamot?” ang narining kong tanong ni mama sa duktor.

“Misis... kung hindi sana ganyan kalala ang kalagayan niya, maaaring may magagawa pa kami. Pero sa ganyan, mahirapan kami gawa ng kakulangan sa kagamitan at ekspertong duktor para sa ganyang kaso. Kaya kung kaya po ninyong gumastos upang maipagamot siya sa mas advanced na ospital sa ibang bansa, iyan po ang mai-rekomenda ko. We will supoprt you with all the paperworks, reports, test results and everything. At kung mangyari man ito, gawin po ninyo ito sa lalong madaling panahon...”

Tahimik.

“O... payag ka na Helen. Ipalalakad ko na ang lahat ng mga ducomentations at formalities ngayon na para makaalis tayo sa lalong madaling panahon. Kayong mag-asawa ba ang sasama sa Amerika?”

“Ah... si Helen na lang. Kailangang may tao dito. Hindi pa namin nahahanap si Erwin kaya kailangang may matitira mag-asikaso sa paghahanap sa kanya.” Ang sagot naman ni papa.

At narinig kong parang bumukas ang pintuan.

Tahimik.

“P-paano iyan... maghiwalay pala tayo nito.” Boses ni papa. Nandoon pala sila.

“I-ikaw na lang kaya ang sumama kay Enzo sa Amerika?” mungkahi ni mama.

“Mas mahirap kapag ikaw ang maiiwan dito. Wala kang makakasama. At least kapag ikaw ang sumama sa Amerika, nand’yan sina Martha at ang kanyang asawa. Hindi ka naman siguro pababayaan nila doon.”

“Diyos ko... bakit ba nangyari ito sa pamilya natin? Bakit pa sabay-sabay silang nagkaproblema... Ang hirap! Ang sakit! Hindi ko kaya!” sigaw ni mama.

“Hayaan mo na. Malalampasan din natin ang lahat ng ito...”

“Kailan? Kapag patay na si Enzo? Kapag nalaman na nating si Erwin ay...?” hindi na itinuloy ni mama ang sasabihin gawa ng paghagulgol.

“Huwag kang magsalita ng ganyan... may pag-asa pa ang lahat.”

Iyon ang huling natandaan kong narinig na mga pag-uusap nina mama at papa.

Ewan kung gaano ako katagal nakatulog uli. Ngunit nagising muli ang aking diwa noong naramdaman kong may dumampi sa aking bibig at siniil ito ng halik.

“S-si Kuya????” sigaw ng utak ko.

“Tol... lumaban ka. Ipaglaban mo ako tol...” bulong niya habang pansin ko ang pagcrack ng kanyang boses.

“Umiiyak si kuya!” sa isip ko lang.

“Mahal na mahal kita tol. Iparamdam mo naman sa akin na mahal mo rin ako please... Lumaban ka tol!”

At sa pagkarinig ko sa sinabi niya. Nabalot sa matinding emosyon ang aking utak. Magkahalong tuwa na nalamang buhay saiya at lungkot na hindi ko man lang kayang igalaw ang aking katawan, suklian ang kanyang halik at sagutin ang kanyang tanong. Umiyak ako ng umiyak.

At narinig ko na lang si kuyang nagsisigaw bagamat halatang kinokontrol pa rin ang boses. “Narinig mo ako tol! Umiiyak ka! May mga luhang dumaloy sa iyong pisngi! Waahhhh! Hindi mo ako iiwanan!” ang sambit ni kuya habang naramdamn ko naman ang pagdampi ng kamay niya sa aking pisngi, pinahid ang mga luhang dumaloy dito.

Tahimik. Marahil ay pinagmasdan niya ang aking kalagayan at naalipin ng awa, o maaring umiyak na rin siya habang pinagmasdan ang pagdaloy ng mga luha sa aking pisngi.

Maya-maya, binulungan niya ako. “Kaya mong labanan ang lahat, tol, kahit pa ang kamatayan. Habang pumipintig ang iyong puso at patuloy nitong isisigaw ang pangalan ko, sasagipin ka ng ating pagmamahalan... Alam ko, ikaw ay nakatadhana para sa akin. Hindi isang aksidente ang pagluwal sa iyo sa mundong ito at ang pagsalubong ng ating landas. May dahilan ang lahat. Ipinanganak ka dahil kailangan kita; ipinagdugtong ang ating landas dahil hindi buo ang buhay mo kapag wala ako...”

Biglang nabuhayan ang aking loob sa narinig na mga sinabi ni kuya, at sa saya na ramdam kong kanyang naramdaman. Pakiwari ko ay nawala ang lahat ng aking pangamba at may malakas na nag-udyok sa akin upang lumaban at makipagbuno sa kamatayan.

“Hindi ako bibitaw tol... ano man ang mangyari. Pangako ko iyan sa iyo. At kahit na anong hadlang ang susubok sa atin, sabay nating harapin at lupigin ang mga ito. Walang iwanan tol... promise. Kahit saang lupalop ka man magpunta, hahanapin at hahanapin pa rin kita, kahit sa dulo pa ng mundo... kahit sa bingit ng kamatayan. At kahit sa mundo na banda pa roon, dapat ay magsama pa rin tayo. Hindi ko papayagang magtagumpay ang kung sino o ano man ang hahadlang sa ating pagmamahalan. Di ba kasal na tayo? Asawa mo na ako, at asawa na rin kita. Para sa akin ka lang at ako ay para sa iyo. Nagsumpaan tayo ng ‘for better or for worse, in sickness and in health, ‘til death do us part...’ Paninidigan natin iyan. Hindi ako bibitiw sa sumapaang iyan tol. Huwag mo rin akong bitawan...”

Muli na naman akong napaiyak. At ang sunod kong narinig ay ang aming kanta –

Para kang asukal
Sintamis mong magmahal
Para kang pintura
Buhay ko ikaw ang nagpinta
Para kang unan
Pinapainit mo ang aking tiyan
Para kang kumot na yumayakap
Sa tuwing ako’y nalulungkot
Kaya’t wag magtataka
Kung bakit ayaw kitang maawala

[chorus]

Kung hindi man tayo hanggang dulo
Wag mong kalimutan
Nandito lang ako
Laging umaalalay
Di ako lalayo
Dahil ang tanging panalangin ko ay ikaw
Di baleng maghapon umulan
Basta’t ikaw ang sasandalan
Liwanag ng lumulubog na araw
Kay sarap pagmasdan
Lalo na pag nasisinagan ang iyong mukha
Hinding-hindi magsasawa
Ayoko ng magsawa
Bahala na, ayoko muna magsalita
Hayaan na muna natin ang hatol ng tadhana

At pagkatapos ay isinunod pa niyang ipatugtog ito –

Bawat sandali ng aking buhay
Pagmamahal mo ang aking taglay
San man mapadpad ng hangin
Hindi magbabago aking pagtingin
Pangako natin sa Maykapal
Na tayo lamang sa habang buhay
Maghintay

Ipaglalaban ko ang ating pag-ibig
Maghintay ka lamang, Ako’y darating
Pagka’t sa isang taong mahal mo ng buong puso
Lahat ay gagawin makita kang muli,
Makita kang muli

Puso’y nagdurusa nangungulila
Iniisip ka ‘pag nag-iisa
Inaalala mga sandali
Nang tayo ay magkapiling
Ikaw ang gabay sa aking tuwina
Ang aking ilaw sa gabing mapanglaw
Tanging ikaw

Ipaglalaban ko ang ating pag-ibig
Maghintay ka lamang, ako’y darating
Pagka’t sa isang taong mahal mo ng buong puso
Lahat ay gagawin
Makita kang muli, makita kang muli
Makita kang muli
At noong hinawakan ni kuya ang kamay ko, naramdaman ko na ito. Pinisil-pisil niya. Pinilit kong galawin ang kamay na hinwakan ni kuya. Subalit hindi ko magawa ito. Gusto kong ipadama sa kanya na naramdaman ko siya, na nakakarating sa akin ang mensahe at mga sinasabi niya, at maiparating ko rin ang mensaheng pipilitin kong maging matatag at lumaban ng dahil sa aming pagmamahalan.

Ngunit bigo ako... Hindi ko pa rin maigalaw ang kahit ano mang parte ng aking katawan.

Hanggang sa naramdamn kong lumuwag na ang paghawak ni kuya sa aking kanang kamay at ang sunod kong naramdaman ay ang pagdampi ng labi niya sa aking pisngi.

Pinilit kong galawin ang aking daliri upang kalabitin ang kanyang kamay na nakadampi pa rin doon. Ibinigay ko ang lahat ng aking lakas at konsentrasyon upang kahit katiting na paggalaw ay magawa ng aking daliri.

At laking tuwa ko noong biglang nahinto si kuya sa kanyang paghahalik at, “Tol...? Kinalabit mo ba ang kamay ko?”

Naramdaman kong hinawakan niya muli ng mahigpit ang kamay kong iyon.

“Iparamdam mo sa akin tol na nand’yan ka, nakikinig, naramdaman ang lahat... Igalaw mo uli ang kamay mo, tol. Kahit daliri lang. Please....”

Tinangka kong muling igalaw ang aking daliri.

“Shitttttt!!! Naigagalaw mo ito tol! Yessss!” ang sigaw ni kuya, naglulundag bagamat pansin ko pa ring pigil na pigil ito.

Wala ding mapaglagyan ang matinding naramdaman ko. Mistulang nalimutan ko ang aking mahirap na kalagayan. Tuwang-tuwa ako sa sobrang kasayahan ni kuya at sa nagawa kong paggalaw sa aking daliri. Parang napakalaking tagumpay ito para sa akin. At hindi magkamayaw si kuya sa sobrang tuwa sa aking nagawa.

At lalo pa akong natuwa noong, “Heto tol... isusuot ko sa iyong gitnang daliri. Tinanggal ko ang gintong singsing na pendant ng aking necklace it isuot ko ito dito sa daliring naigalaw mo upang palagi mo akong maalala at lalo mo pang pagbutihin ang paggalaw nito... hanggang sa buong kamay mo na ang maigalaw mo pati na ang iba’t-ibang bahagi ng iyong katawan. Gawin mong inspirasyon iyan tol... galing sa akin, para sa akin, dahil sa pagmamahalan natin.”

Sobrang na touched ako sa ginawa ni kuya. Kasi ang pendant niyang iyon ay galing pa sa ama niyang Lebanese. Ibinigay ito kay mama bago sila maghiwalay upang ipasuot kay kuya.

Sobrang saya ko sa ginawa ni kuyang pag-encourage sa akin. Parang nabigyan muli ako ng panibagong buhay at lakas.

Akala ko tuloy-tuloy na ang lahat. Subalit, “T-tol... pasensya na. Hindi ako puwedeng magtagal. Hindi ako puwedng makita ninuman. Basta palagi mong tandaan, nandito lang ako. Magpakatatag ka at magpagaling dahil nandito lang ako. Magkikita din tayo tol... sa tamang panahon. Promise.” At naramdaman ko ang muling pagdampi ng mga labi ni kuya sa mga labi ko.

Biglang tahimik... Kung gaano kabilis ang kanyang pagsulpot ay siya ding bilis ng kanyang paglisan. Hindi ko alam kung saan siya nagpunta, hindi ko alam kung saan siya nanggaling. Parang isa siyang bula na biglang naglaho. Iniwanan niya ako na puno ng katanungan at disorientation ang isip.

Muling dumaloy ang mga luha sa aking pisngi.

Wala pang dalawang segundo ang lumipas o halos kasabay lang ng pagpaalam ni kuya, narinig ko naman ang pagbukas ng pinto at mga yapak papasok sa ward. Tila dalawang tao sila.

“Handa na po ang mga reports, documentations and formalities Sir para sa trasfer ng pasyente. Kapag may kailangan pa po kayo, just tell me. Bukas na daw po kasi ang alis ng pasyente.” ang narinig kong sabi ng nurse.

“Ok. Salamat miss. Sasabihin ko na lang sa inyo kung ano pa ang mga kailangan namin.” Sagot naman ni papa. “Sandali miss... nakita mo ba ang asawa ko?” dugtong ni papang tanong sa nurse.

“E... sir, baka nand’yan lang, lumabas lang sandali. Nakita ko kanina sa information e...”

“Ah ok. Hihintayin ko na lang.”

Narinig kong bumukas uli ang pintuan. “Saan ka ba nanggaling? Iniwanan mo si Enzo na nag-isa” Tanong ni papa sa pumasok.

“Aalis na po ako sir, Ma’am. Kung may kailangan po kayo, just call me.” Ang paalam noong nurse. At narinig ko muli ang pagbukas at pagsara ng pinto.

“Sumaglit lang ako sa chapel... Hiniling ko na sana ay ibalik niya ang lakas ni Enzo at bigyan siya ng senyales na magpalakas ng kanyang loob upang malampasan niya ang mga pagsubok... at si Erwin ay mahanap, ligtas sa kapahamakan at magpakita na sa atin...” ang sagot niya sa tanong ni papa. Si mama pala iyon, ang boses ay nag-crack, halatang umiyak. “M-may balita na ba tungkol kay Erwin?” tanong din niya kay papa.

Binitiwan lang ni papa ang malalim na buntong-hininga. “Wala pa rin. Wala pag lead kung ano ang nangyari sa kanya. Walang makitang katawan kung sakaling nalunod man ito o pinatay... at wala ring kumontak sa bahay kung may kumidnap man.” Sagot ni papa.

Gusto ko sanang isigaw sa kanila na bumisita sa akin si kuya at na huwag na silang mag-alala kasi buhay si kuya.

Ngunit nanatiling sarili ko lang ang nakakarinig sa pagsisigaw ng aking isip. Pinilit ko ring igalaw ang daliring naigalaw ko noong bumisita sa akin si kuya upang sana ay makita nila ang pendant ng kwintas ni kuya na isinukbit niya sa aking daliri. Ngunit hindi rin nila napansin ito. Tanging ako lang at ang sarili ko ang nakakaalam sa lahat. Gaano man kalakas ang pagnanais kong maiparating sa kanila ang aking mensahe, wala akong magawa. Tiniis kong sarilinin na lang ang lahat.

Nabalot din ng napakaraming katanungan ang isip ko. Bakit hindi nila nakita si kuya samantalang wala pang limang segundo simula noong umalis siya ay dumating din ang nurse at si papa? Dapat ay nakita nila itong lumabas ng kuwarto? Bakit tila nagmadali si kuyang umalis at hindi na hinintay pa ang pagdatnig nina papa at mama? Bakit nasabi niyang walang dapat makakakita sa kanya?

Hindi ko tuloy maiwasang hindi mag-isip nab aka patay na nga si kuya. At ito ang matindi kong kinatatakutan. Multo na lang kaya niya ang dumalaw sa akin at pinalakas lang niya ang aking kalooban?

Hindi ko rin tuloy maiwasang malungkot muli. “Kuya... kung sakaling nasa kabilang buhay ka na, kunin mo na lang ako upang magsama na tayo d’yan, please... Hindi ko po kaya ang ganito at wala ka sa piling ko.” ang sigaw ko sa sarili habang nag-iisip sa ganoong senaryong baka kaluluwa na lang ni kuya iyong dumalaw sa akin.

Araw na dadalhin na nila ako sa Amerika. Naramdaman kong ginagalaw ng nurse ang aking katawan, marahil ay upang ihanda ako sa biyahe. At bagamat ang pagkakaalam niya ay hindi ko siya narinig, kinakausap pa rin niya ako na para bang isa akong bata, habang inaayos niya ang aking katawan. “Enzo... aalis ka na, pupunta ka na ng Amerika. Huwag kang mag-alala dahil doon, mga dalubhasa ang mga duktor na mag-aalaga sa iyo at advanced pa ang mga facilities... siguradong gagaling ka na. Magpagaling ka doon at syempre, palagi kang positive, huwag mawalan ng pag-asa ha?” sambit ng nurse. Mabait din ang nurse na iyon. Ramdam ko ang kanyang kabaitan. Parang ang pakikitungo niya sa akin ay kapamilya o di kaya isang kaibigan.

Ngunit lalo akong nalungkot sa narinig kasi, ibig sabihin, kapag sa araw na iyon na ang alis namin, iyon na rin ang araw na mapalayo ako sa kuya ko. O kaya, kung patay na siya, mapapalayo ako sa mga mga lugar kung saan nagsimula ang aming pagmamahalan; sa mga lugar kung saan maraming nakaukit na alalaala naming, mga alaala ko sa kanya. At lalo’t ang pupuntahan kong lugar, ang Amerika ay hindi ko pa napuntahan sa tanang buhay ko; isang lugar na walang kinalaman o sa mga alaala namin ng kuya ko. Dagdagan pa na hanggang sa isip at pandinig ko lang ang lahat... Parang walang kabuluhan ang lahat.

Hindi ko napigilan ang hindi mapaiyak. At kagaya ng pag-iiyak ko simula noong nasa ganoong kalagayan ako, umiiyak ako ng tahimik na sarili ko lang ang tanging nakakaalam sa hinagpis ng aking damdamin.

Nasa ganoong takbo ang aking pag-iisip noong biglang nagsisigaw ang nurse, “Ay! Ma’am Helen! Ma’am Helen! Tingnan niyo po! Tingnan niyo po! Umiiyak po si Enzo! Umiiyak siya!”

Narinig ko ang palapit na mga yapak mama. “Oo nga! Umiiyak ang anak ko! Bakit siya umiiyak? May ginalaw ka ba? Nasaktan mo ba siya?”

“Hindi po ma’am. Sinabihan ko lang siya na aalis na siya patungong Amerika upang doon na ituloy ang pagpapagamot sa kanya. At hayun, nakita kong dumaloy ang mga luha niya palabas sa bandage na nakatakip sa kanyang mata at bumagsak sa kanyang unan.”

“Nurse... ibig sabihin nito, nakakarinig ang anak ko?”

“Sa tingin ko po, ma’am. Nakakarinig siya sa atin.”

At sumampa na si mama sa aking kama at kinausap ako. “Anak, huwag kang mag-alala, sasamahan kita papuntang Amerika. Gagaling ka doon anak. Huwag kang malungkot ha? Nandito lang ako palagi...” iyon lang ang sinabi ni mama. Ni hindi man lang nagbanggit kung nasaan si Kuya Erwin o kng sasama bas a akin. Marahil ay ayaw niyang masaktan ako kaya iyon lang ang sinabi niya.

Maya-maya, narinig ko naman ang boses ni papa. “Tuloy na talaga kayo?” ang tanong kaagad ni papa.

“Oo tuloy na kami. Anong balita na kay Erwin?” Iyon lang ang narinig ko. At parang narinig kong bumukas ang pinto. Marahil ay dinala ni mama si papa sa labas ng kuwarto, biglang naisip na nakakarinig na pala ako at natakot na maaaring bad news ang sasabihin ni papa at makarating ito sa aking tenga.

Maya-maya, narinig kong bumukas uli ang pinto ng kuwarto at naramdamn kong may humawak sa aking kamay. “Anak, nariringig mo raw kami, sabi ng mama mo. Pupunta ka ng Amerika at magpagaling ka doon ha? At huwag kang mag-alala sa amin dito... Kapag magaling ka na doon, pupuntahan ka kaagad namin ng kuya Erwin mo ha? Kaya magpagaling ka. Mahal na mahal ka namin ng mama mo...”

Iyon lang din ang sabi ni papa. Parang scripted lahat ang mga sinabi nila. Walang binanggit tungkol kay kuya Erwin. At naramdamn ko ang kanyang halik sa aking pisngi.

Kaya lalong naguluhan ako kung bakit hindi nila binanggit sa akin si kuya samantalang dinalaw naman ako ni kuya sa ospital.

Pinilit ko pa ring igalaw ang aking daliri upang makita nila ang isinukbit doon ni kuya na singsing at mag-isip sila kung paano napunta ito doon.

Ngunit pati si papa ay hindi rin ito napansin. Lalo lamang akong nakaramdam ng pagkadismaya... Lalo tuloy lumakas ang masamang inisip ko na wala talagang singsing na isinuot si kuya dahil multo na lang niya ang dumalaw sa akin.

Maya-maya, naramdaman ko naman ang maraming mga yapak papasok sa kuwarto at tila mga kabataang nagbubulungan. Mga kaklase ko pala at nagpaalam sa akin, nag well-wish sa paggaling ko.

“Enzo, mahal ka namin, magpagaling ka doon ha? Hihintayin ka ng buong barkada sa pagbalik mo...” sabi ng isang kaibigan ko.

“Enzo... tol, pagaling ka, lagi ka naming ipagdarasal.” Sabi naman ng isa ko pang barakada.

Hindi ko na mabilang silang lahat na nagwell-wish sa akin at ang iba ay humawak din sa aking kamay. Ngunit kahit ni isa sa kanila ay wala ring nakapansin sa singsing...

Nasa himpapawid na ang eroplano, sa narinig kong mga pag-uusap nila, apat kaming lahat ang nandoon sa isang suite na sadyang binayaran ng aking biological na ina at ng kanyang asawa upang maging private para sa amin.

“Helen, pwede bang kausapin ko si Enzo?” ang pakiusap ng biological kong ina, pakisuyo niya upang maiwan kaming dalawa lang.

“S-sige” Ang sagot ni mama.

Noong marahil ay kami na lang dalawa ang natira. “Enzo... patawarin mo ako anak. Napakalaki ng pagkakasala ko sa inyo ng kuya mo dahil sa ginawa kong pagpamigay sa inyo. At heto ngayon, ako pa ang naging sanhi ng iyong pagkaaksidente. Sobrang guilt ang naramdaman ko sa sarili anak. Pakiwari ko ay dalawang beses ko kayong pinatay – una, noong ipinamigay kita at ang pangalawa ay ngayon, sa iyong pagkaaksidente. Pakiramdam ko ay napakawalang-kwenta kong ina. Ngunit sana ay maintindihan mo ako anak... Noong mapagdesisyonan kong ipamigay ko kayo, hirap na hirap na ako sa ating kalagayan. Hindi ko alam ang aking gagawin sa mga panahong iyon. Kaya iyon lang naisip kong paraan upang guminhawa ang buhay ninyong magkapatid. Tanggap ko naman na ako ang may kasalanan ng lahat. Ngunit sa mga panahong iyon, iyon lang ang paraan upang maisalba ko kayo. Kasi...”

Napahinto siya ng sandali, marahil ay nagpapahid ng luha o humugot ng lakas upang ipagpatuloy ang kanyang kuwento. Nanatili lang akong nakinig.

“K-kasi... ngayon ko lang sasabihin ito... noong mga panahong hirap na hirap na ako sa pagtaguyod sa inyo, ang dala kong pagkain para sa inyo ay minsan pinupulot ko na lang sa basurahan...” At tuluyan na siyang humagulgol. “Bago namatay ang lola mo at nalaman niyang nagbenta ako ng aliw, pinayuhan niya akong ihinto na iyon dahil hindi daw maganda para sa isang inang makita ng kanyang mga anak ang ganoong klaseng trabaho. Sabi niya, na kahit siya nasa malubhang kalagayan, mas nanaisin pa niyang mamatay na kaagad, huwag lang madungisan ang aking dangal. Tinalikuran ko nga ang trabahong iyon, ngunit hindi ako pinalad na makahanap ng trabaho gawa ng hindi naman ako nakatapos ng pag-aaral... Sa bawat pagpapakain ko sa inyo ng tira-tirang pagkain, mistulang tinadtadtad ang aking puso. Naawa ako sa inyo. Kaya ko naisipan ang lahat anak. Naawa ako para sa kinabukasan ninyo ng kuya mo. Natakot akong baka isang araw ay magkasakit ang sinu man sa atin at... mamatay na lang sa tabi-tabi gawa ng kawalan ng perang pambili ng gamot. Hindi ko na hinintay pang darating ang araw na iyon anak kaya... nagawa kong ipamigay kayo. Masakit anak... napakasakit para sa isang ina na makitang ang kanyang anak ay nasa piling ng iba. Ngunit tiniis ko ang lahat kasi, sa paraan na iyon lang kayo makakapagaral, makakain ng masarap, sagana sa lahat...

Napaiyak ako sa narinig kong kuwento ng aking ina. Doon ko narealize na mahal na mahal pala ako ng aking biological na ina, na ginawa niya ang lahat upang mabigyan ako at ang kuya Zach ng magandang bukas.

“Alam mo anak, ngayon ko rin narealize na hindi pala talaga lahat ng bagay ay kayang bilhin ng pera. Noong mahirap pa tayo, pinangarap kong magkaroon ng pera. Ang buong akala ko ay kapag nasa iyo ang maraming pera, masaya ka na dahil nasa iyo na ang lahat. Ngunit hindi rin pala. Kagaya ngayon, may pera na tayo, wala namang silbi ito sa karamdaman ng kuya mo. Matindi ang karamdaman niya. Naghihirap siya ngayon. At hindi kayang bilhin ng salapi ang gamot sa kanyang karamdaman. Ikaw, kaya naming tustusan ang lahat ng gastusin mo sa ospital, ngunit hindi kayang bilhin nito ang gamot sa iyong pagdurusa... Sana kung hindi ko na lang kayo ipinaampon, kahit naghihirap tayo, buo naman. Baka mas masaya pa tayo. Nakatira sa barong-barong ngunit hindi tayo naghihiwalay. Ewan... sadyang matalinghaga ang buhay. At huli na ang pagsisisi...”

Tahimik. Mistulang nahimasmasan na siya sa pagpalabas ng kanyang saloobin.

“M-ahal na mahal kita anak... Alam mo, kapag bumuti na ang iyong kalagayan, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko upang lumigaya ka. Kahit ano ang hilingin mo anak, basta ikaliligaya mo, ibibigay ko. Pangako ko iyan sa iyo.”

(Itutuloy)


[28]
Nakarating din kami sa Amerika. Bagamat naiibang lugar ito, nakikita sa mga litrato at nabibisita lamang sa internet at maraming magaganda at historical na lugar, hindi ko maramdaman ang halaga ng pagkapunta ko doon. Una, wala ang kuya ko, pangalawa, wala naman akong nakikita sa paligid, at pangatlo, baka sa lugar na iyon na rin ako mamamatay.

“Anak... kapag magaling ka na, iikutin natin ang lahat ng mga magagandang lugar dito sa Amerika!” Ang sabi ni mama ang tono ay may dalang pang-eenganyo. Ngunit alam ko, pinapalakas lang niya ang aking loob.

Noong makarating na kami sa ospital, ramdam ko ang kawalan pa rin ng pag-asang may magagawa sila sa aking kalagayan. Kung anu-anong mga tests ang ginawa sa katawan ko na pakiwari ko ay pinaglalaruan na lamang, ginawang parang espesimen, pang-eksperimento. CT-scan, MRI, X-ray, kuha ng dugo, injections...

Pero wala akong magagawa. Hindi na nga ako makagalaw, hindi makakita, hindi pa makapagsalita. Kaya’t bagamat tumututol ang aking kalooban, hindi ko naman maiparating sa kanila ang aking pagtutol. Ganyan pala siguro ang naramdaman ng maraming pasyenteng nasa comatose stage. Kahit gusto na nilang mag-give up sa buhay dahil sa hirap na ng kalagayan, kawalang pag-asa at awa na rin sa mga nagsasakripisyong nagmamahal, wala silang magagawa dahil ang mga nagmahal sa kanila ay ayaw pa ring bumitiw.

Hanggang sa narinig kong may gagawin daw silang operasyon sa aking utak. Ang sabi ay maselan ito at tatagal ng hanggang sampung oras o mahigit pa. May mga risks din ito kagaya ng baka daw manatili akong comatose sa buong buhay ko, o magreresulta ito sa pagkaparalisado ng ibang mga parte ng aking katawan, o... ang matindi, baka ito na ang ikamatay ko. Ngunit may chance din daw na maging successful ito at iyan ang pilit nilang kamtin para sa akin.

At nangyari ang operasyon.

Hindi ko alam kung gaano katagal ito ngunit noong magising ako, pakiramdam ko ay mistulang walang nagbago. Ganoon pa rin ang pakiramdam ko, nakakarinig ngunit hindi ko maramdaman ang aking katawan. Parang nanghinayang tuloy ako kung bakit hindi pa ako namatay sa paggagalaw nila sa aking utak. Habang hindi ko kasi nakikita ang kuya Erwin ko, parang ayoko nang gumaling pa. Parang walang kabuluhan ang lahat. Lalo na kapag nalaman kong patay na pala siya, mas gugustuhin ko pang magsama na lang kami sa kabilang buhay.

Lumipas ang isang araw, tatlong araw, apat, limang araw simula noong magising ako pagkatapos ng operasyon, palagi nang may physical therapy session ako. At isang araw, habang pinisil-pisil ng duktor ang aking kamay. “Enzo... try to move your right hand if you can hear me. Just do it...”

Syempre nagulat ako. Ganyan ba siya ka-confident upang utusan niya ako ng ganoon. Ako ang may-ari ng katawan kaya alam kong hindi ko magagawa iyon. Kasi, manhid ang aking pakiramdam, parang isa lang akong kaluluwang nabilanggo sa isang bungo.

Bagamat hindi ako bilib sa sinabi niya, sinubukan ko pa ring iusog ang kamay kong hindi ko nga alam kung saan nakalatag at anong posisyon. “Ummpphhhh!” sa isip ko lang.

Ngunit laking pagtaka ko noong, “See that?” ang tanong ng duktor.

At laking gulat ko noong bigla silang nagpalakpakan at dinig ko pa ang boses ng dalawa kong ina na nagsisigaw sa sobrang tuwa.

Syempre, bigla din akong nabuhayan ng loob sa pagkarinig sa sobrang tuwa nila. Para bang, “Wow, ako gusto nang mag-give up sa buhay ngunit sila, ayaw nila akong bitawan. Ganyan nila ako kamahal?”

“Ok excellent job, Enzo! Now your left hand...”

At muli, sinubukan kong igalaw ang aking kaliwang kamay.

“Excellent!” sambit uli ng duktor.

At muli kong narinig ang mga palakpakan ng mga nurse at ng dalawa kong ina.

“Ok now, let us hear your voice, Enzo. Come on, you can make it. Even just a sound...” utos uli ng duktor.

Dahil sa naunang hindi ko inaasahang magawa ko pala, mas naengganyo pa akong subukan ang pagpalabas ng boses. Nahirapan man gawa ng may ikinabit pa silang tube sa aking ilong, pinilit kong gumawa ng tinig. At ako man ay nagulat noong nagawa kong umungol. “Uhhhhhmmmmmm!”

Narinig kong nagpalakpakan uli sila, naghiyawan. At naramdaman ko na lang ang paglapit ng aking mga ina, niyakap ako at hinalikan ang aking pisngi. Damang-dama ko ang sobrang kagalakan nila sa animoy malaking pag-asang gagaling pa ako.

“He’s on his way to recovery. He will continue to undergo physical therapy and his psycho-motor functions should be gradually restored, although we may not know how far. But let’s wait and see... Enzo is a very strong boy and he has all the potentials and energy to recover fully.” ang sabi ng duktor.

“H-how about his eyes doctor?” tanong ni mama.

“Ah, we will discuss about it later... with the eye specialist and surgeon.” Ang sagot ng duktor. At narinig ko na lang ang mga yapak niyang palabas ng aking kuwarto.

Walang mapagsidlan ng tuwa ang dalawa kong mga inay sa matagumpay na opersyon.

At sa sumunod na mga araw, lalo pang bumuti ang aking kalagayan. Nakakaupo na ako at nakakapagsalita kahit medyo pautal-utal pa. Pakiwari ko ay wala akong kuntrol sa aking bibig. Ganoon din sa aking mga bisig at paa. Marahil ay may mga nerves doon na nasira at kailangan lang na maabot ng normal na circulation ng dugo at ma-massage upang manumbalik ang pagkontrol ng aking utak sa functions ng mga ito.

Wala pa ring balita tungkol kay kuya Erwin.

May dalawang linggo pa ang lumipas at halos kaya ko nang tumayong mag-isa at med’yo deretso na rin ang aking pagsasalita. Nakapaglalakad na ako at ipinapasyal-pasyal ng aking nurse at ng aking mga ina sa loob ospital.

Kahit papaano, may naramdamn din akong sigla bagamat ang mukha ni kuya Erwin ang palaging sumisiksik sa aking utak.

Hanggang sa pagdaan pa ng ilang araw nanumbalik na ang confidence ko sa sariling tumayo, kumilos, maglakad na mag-isa. Pakiwari ko ay na-regain ko na ang pagkontrol ng utak ko sa aking motor functions sa katawan. Bumilib sa akin ang duktor na gumamot sa akin at ang physical therapist ko sa bilis ng aking paggaling. Mistulang isang milagro daw ang pagrecover ko.

Halos kumpleto na sana ang lahat maliban sa aking mga mata. Bulag pa rin akong matatawag. At bagamat ang sabi ng duktor ay may pag-asa pa ito kapag na-operahan, wala naman silang sinabing kailan. Marahil ay pinapalakas lamang nila ang aking loob upang maging positive ako sa kabila na baka hindi na puweding maibalik pa ang aking paningin. Kasi ba naman, ang sabi nila sa akin ay maghintay lang daw ako. At hindi ko rin lubos maintindihan ang aking naramdaman. Bagamat sa likod ng aking isip ay may pagnanais pa rin akong sana ay manumbalik ang aking pangingin, parang wala akong masyadong excitement na naramdman sa sinabi nilang may pag-asa pang makakita ako muli. Wala pa kasi akong balita kay kuya Erwin. Parang napagod na ako. Walang kahulugan ang lahat...

Sa araw ding iyon, nakatanggap ang biological kong inay ng tawag galing sa daddy ni kuya Zach. Nasa Amerika na rin pala sila, bagamat nauna lang ang pagdating ko ng mga ilang araw.

Naawa ako sa aking ina dahil dinig na dinig ko ang pag-iiyak niya at pagmamakaawa na makita si kuya Zach. Nungit hindi ko na nalaman pa kung ano ang mga pinag-uusapan nila gawa nang parang lumabas siya ng kuwarto. Maaring iniiwasan lang niyang marinig ko ang pag-iyak niya o ba inaaway niya ang daddy ni kuya Zach at ayaw niyang ma-upset akong lalo.

Maya-maya, bumalik siya sa kuwarto at kinausap ako. “Anak... pumayag na ang daddy ng kuya mo na bisitahin natin siya. Hindi naman kalayuan dito ang ospital. Alam mo... hiniling ng kuya Zach mo na makita ka niya. Nagkausap na rin kami ng kuya mo, anak...”

“Talaga po? Kailan po tayo pupunta sa kanya?”

“Bukas anak... kaya ihanda mo ang sarili mo ha?”

May dalawang oras sigurong biyahe bago namin narating ang ospital kung saan naroon si kuya Zach. Ako, si mama, ang aking biological na ina at ang kanyang asawang Amerikano, driver nila at isang nurse na nag-alaga sa akin ang sumama.

Noong pumarada na an gaming sinakyan, inilabas naman nila ang wheelchair na upuan ko. Tulak-tulak ng aking nurse, nagsalita ang aking biological na ina, “Nandito na tayo anak, nasa room 206 daw ang kuya mo...” halata sa boses ang sobrang excitement at nagmamadali.

At maya-maya lang ay may sumalubong. “Mabuti naman at dumating na kayo...” nabosesan ko ang taong nagsalita. Ang daddy ni kuya Zach.

“Dapat noon pa kami nakarating! Bakit mo ba itinatago ang anak ko?”

“Huwag na tayong mag-away Martha. May dahilan ako kung bakit ko ginawa ang lahat.”

“Ah ganoon... at isa sa mga dahilan ay huwag ipakita sa akin ang aking anak, ganoon ba?”

“Ayokong lalo lamang siyang malungkot at lalala pa ang kanyang kalagayan kapag palagi ka niyang nakikita.”

“Iba rin talaga ang takbo ng utak ng mga militar ano? Sadista! Bakit lalo siyang malungkot? Di ba alam na niyang inampon mo lamang siya at kaya isa ito sa mga dahilan kung kaya gusto na niyang wakasan ang buhay niya? Paano siya maging malungkot niyan kung makita ako? Nanay niya ako! Napaka-selfish mo!”

“Hindi mo naintindihan...”

“Oo. Hindi ko naintindihan dahil hindi mo ipinaliwanag sa akin!”

“Ma... gusto ko na pong makausap si kuya.” Ang pagsingit ko na lang upang huwag lumaki pa ang kanilang pag-aargumento.

“S-sige anak.” Ang sagot ng biological kong ina. At narinig kong may pintuan na bumukas.

Pumasok kami.

Noong huminto, ang sunod kong narinig ay, “Zach, anak...” ang sambit ng biological kong ina.

“K-kayo pala ang aking ina. Masaya po akong nakita kayo...” ang narinig kong sagot ni kuya Zach. Pansin kong parang nag-iba ng kaunti ang tunog ng boses niya. Parang nahihirapan, malungkot, at ibang-iba kaysa dating sigla niya kapag nagsasalita.

“Oo. Ako, anak... At masayang-masaya din ako na sa wakas, nakilala mo rin ako.”

Bahagyang natahimik si mama.

“P-patawarin mo ako anak sa mga pagkakasala ko sa inyo ng kapatid mong si Enzo. Wala na akong ibang choice anak sa mga panahong iyon. Litong-lito na ang aking isip...”

“Alam ko na po ang lahat ma. Ikinuwento po sa akin ng daddy. At naintindihan ko po ang lahat. At salamat kasi, kahit papaano, naging masaya din naman ang buhay ko. Naranasan ko ang mga bagay na gusto mong maranasan ko. Salamat na kahit masakit sa iyong kalooban, tiniis mo dahil sa pag-alala mo sa amin. Salamat sa iyong pagmamahal sa amin...”

“Salamat anak sa pag-intindi mo... Kahit papaano, gumaan ang aking pakiramdam ngayong nalaman kong naintindhihan mo ako.”

“Huwag po kayong mag-alala... bagamat sa una ay nasaktan ako, ngunit noong ipinaliwanag na ito sa akin ng daddy, naintindihan ko po kayo ng lubos...”

“Salamat anak...”

“K-kaya pala noong minsan nakita ko kayong nag-uusap ni daddy at napadaan ako sa harap ninyo, bigla ninyo akong tinawag at pinapalapit. Tapos, noong makalapit na ako, bigla din ninyo akong kinamayan at niyakap pa.”

“Oo anak. Hindi ko kasi natiis ang sarili ko.”

“Napatingin nga ako kay daddy noon sa sobrang pagkalito. Ngunit pasikreto din niya akong minuwestrahan na umalis. Kaya dali-dali din akong kumalas at umalis na bagamat sobra akong nagtaka sa ikinilos ninyo...”

“Kaya nga anak... Kontrabida talaga iyang daddy mo e... Kahit kailan.”

At narinig ko na silang nagtawanan. Alam ko, panatag na ang kanilang mga kalooban at naalis na ang lahat ng pangamba, pag-aagam-agam, mga katanungan, mga sama ng loob...

Maya-maya, ako naman ang itinuro ni mama. “Zach... heto pala ang kapatid mong si Enzo, hiniling mo kasing makita siya, di ba.”

Itinulak ni mama palapit sa kama ni kuya ang wheelchair ko. “K-kuya...?” ang sambit ko.

“Tol... na miss kita.” Ang sambit niya. “Ah, ma... pwede pong maiwan kaming dalawa lang ni Enzo? Atsaka po, may sasabihin po sa inyo si daddy tungkol sa aming mga napagkasunduan...” ang sabi ni kuya Zach kay mama.

“O sige anak... sa labas na lang kami mag-uusap.” At narinig ko ang mga yapak nila palayo.

“K-kuya... ikaw pala ang tunay kong kuya.” Ang sambit ko. “Pasensya ka na kuya na inaway kita dati ah.”

“Ok lang iyon. Ako nga ang dapat manghingi ng paumanhin kasi, ang laki ng kasalanan ko sa iyon eh. Patawarin mo ako ha?”

“Wala na iyon kuya. Hindi kita masisisi eh...” ang sagot ko. Gusto ko pa sanang idugtong na naintindihan ko ang naramdaman niya noong hiniwalayan siya ni kuya Erwin kasi naramdaman ko rin iyon sa pagkakataong iyon na wala na siya. Ngunit hindi ko na sinabi pa iyon. Napaiyak na lang ako at hindi na nakapagsalita. Naalala ko na naman kasi si kuya Erwin ko.

Marahil ay nakita niyang dumaloy ang mga luha ko sa aking pisngi, hinawakan niya ang aking kamay, hinila ang katawan ko sa kama niya atsaka pilit niya akong niyakap. Huwag ka nang umiyak. Alam ko naman kung bakit ka umiyak e. Si Erwin, di ba?”

Naiilang man sa tanong, inamin ko rin. “Opo... Sana kuya, gumaling ka na. Kasi, kayo naman talaga ni kuya ang bagay eh. Syempre, magkapatid kami. Pareho ang aming apilyedo, iisa ang legal naming mga magulang... hindi kami pwede.“

Tinapik niya ang aking likod, hinaplos. “Uhummmmm?” ang biro niyang expression. “Huwag na. Hindi na pupuwede...”

“Bakit hindi puwede?” giit ko.

“A basta, huwag na nating pag-usapan iyan. At huwag na huwag ka nang umiyak. Ampangit kaya kapag umiiyak ang bulag! Hayan o?” biro niya sa akin.

“Bulag ka d’yan. Palibhasa ang ganda-ganda ng mga mata mo!”

“Talaga? Maganda ang mga mata ko?”

“Oo naman.”

“Paano mo nakita e, bulag ka naman hehehe.” Biro niya na sabay namang binawi, “Biro lang.”

“Kuya naman eh... dati pa kaya noong una kitang maka-chat... nagagandahan na ako sa mga mata mo.”

“Ikaw din naman ah. Cute ka nga eh. Noon pa, nakukyutan na ako sa iyo. Mataray ka nga lang!” Biro pa rin niya.

Natahimik na lang ako. Naalala ko kasi ang masayang pagtagpo ng aming landas na na-badtrip sa huli dahil sa mga kabulastugan kong pinaggagawa. Dagdagan pa na binahiran na ito ng matinding pagsiselos. At bigla na namang pumasok sa isip ko si kuya Erwin. “N-nasaan na kaya si kuya Erwin kuya?”

“Huwag kang mag-alala... pakiramdam ko ay buhay siya. Pero kung ano man ang tunay na nangyari sa kanya, tanggapin na lang natin, di ba? Lahat naman siguro ng mga pangyayari sa buhay ay may dahilan. Kasi, kagaya ng nangyari sa atin, kung hindi tayo ipinamigay ni mama sa iba, baka wala na rin tayo sa mundo. Ako nga, tanggap ko na rin kung biglang mawala ako sa mundong ito, kahit ngayon pa. Kasi, nalaman ko na ang lahat, nakita na kita at ang tunay kong ina. Kahit papaano, naranasan ko na ang halos lahat na mga masasarap na bagay sa mundo; ang makatulog sa malambot na higaan, nakakain ng masasarap na pagkain, nakapag-aral, naranasan ang pakiramdam na magkaroon ng sariling kotse, motorsiklo at mga luho. Naranasan ko rin ang tingalain ng mga tao. Di ba? E, kung hindi tayo ipinamigay ni mama, baka hindi ko naranasan ang lahat ng mga bagay na iyan. Atsaka din, syempre, naranasan ko na rin ang masaktan, ang magdusa, ang magalit. Lahat ng emosyon ay naranasan ko na. Wala na siguro akong mahihiling pa...”

Hindi ako nakaimik.

“Ikaw ba ay tanggap mo ang nagawa ni mama sa atin?” tanong niya.

“Tanggap ko naman po... Noong una, masakit kasi, hindi nila sinabi sa akin. Masama ang loob ko lalo na kay kuya Erwin.”

“Syempre, ayaw nilang mawalay ka sa kanila. Masakit din sa kanila ang ganoon.”

“Kaya nga po kuya...”

“Iyan... dapat ganyan. Handa tayo sa kahit ano man ang mangyari. Kahit pa kamatayan... kasi, hindi natin hawak ang buhay. Hindi natin alam mamaya, bukas, sa makalawa, o sa isang linggo o buwan, ay biglang magwakas ang buhay.”

Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang ipahiwatig sa salitang kamatayan ngunit hindi ito mahirap na intindihin kasi, naranasan ko na ang sitwasyong muntik na akong mamatay at sa kalagayn kong bagamat nagkaroon ng linaw ang tunay kong pagkatao, nawala naman ang kuya Erwin ko. At sa puntong hindi kami pwedeng maging kami ni kuya Erwin dahil legal kaming magkapatid, parang wala na ring kabuluhan ang buhay. Parang kahit anong oras na mamatay ako, pwede na. Kumbaga, hindi lang ako handa... gusto ko pang mangyari na ito sa akin.

“Alam mo kuya... kung sakaling buhay at makabalik na si kuya Erwin, gusto kong kayo ang magkatuluyan.”

“Hay naku... Nad’yan na naman kami.” Ang sagot ni kuya Zach na nakulitan. “Tanggap ko naman ang lahat na hindi kami pwede eh. Kaya hayaan mo nang kayo ang magkatuluyan.”

“Hindi nga kuya pwede e. Ayoko. Gusto ko kayo talaga ang magkatuluyan.”

“O sige, mapilit ka eh. Papayag akong kami ang magklatuluyan pero sa isang kundisyon lang.”

“Ano iyon?”

“Kapang bumalik siya kami ang magkatuluyan. Ngunit kapag hindi naman, sa iyo na siya” sabay tawa.

Napaisip naman ako kung bakit nasabi niya iyon. Alam ba niyang hindi na babalik si kuya Erwin? Pero bakit nasabi din niyang pakiramdam niya ay buhay si kuya Erwin? “O ba... Sige, basta sinabi mo iyan ha? Promise...?” ang naisagot ko na lang.

“Oo. Promise... Iyan ay kung hindi naman ako mawawala kapag bumalik siya.”

“Hah? Bakit ka mawawala?” ang tanong kong lalong naguluhan.

“Malay mo, baka may kikidnap sa akin, o ba kaya ay lalayas ako, hehe.”

“Kuya naman e... Niloloko mo naman ako e...”

Tahimik.

“Alam mo kapag ikinasal ka, gusto ko ako ang best man mo.”

“Wahhhh! Paano iyan? At kanino ako ikakasal?” ang bigla kong pag react.

“Sa taong magmamahal sa iyo, kapag nahanap mo na siya....” ang sabi niya.

Syempre, ang iniisip ko naman sa sinabi niyang salitang “mahanap” ay ibang tao. Kaya ang naisagot ko na lang ay, “Syempre. Ikaw talaga ang best man ko! Kayong dalawa ni kuya Erwn kapag bumalik siya at nmagkatuluyan kayo.” ang isinagot ko. “Pero paano ba ako ikakasal eh, bawal naman sa atin?” dugtong ko.

“Sa atin bawal pero dito hindi... ang yaman kaya ng ina natin. Atsaka nasa legal age ka na ah. ilang taon ka na nga pala ngayon?”

“Nineteen na po ako kuya...”

“Ah... 19 ka tapos ang mapangasawa mo ay 23. Puwede na!”

“Kuya naman e. Niloloko ako. Paano mo nalaman ang age niya? Para talagang alam mo ang kapalaran ko.” Sabi kong natawa na rin.

“Wish ko lang iyon para sa iyo...”

Hindi na kao sumagot. Ngunit sa loob-loob ko, isinigaw ng isip ko ang, “Sana... Sana ay mapalitan na ng pangalan ng taong sinasabi ni kuya Zach ang pangalan ng taong tunay na isinisigaw ng puso ko.”

Tahimik uli.

“O-ok ka lang ba talaga kuya?” tanong ko.

“Oo naman. Bakit mo naman naitanong iyan?”

“Parang hindi naman halata sa boses mo na ok ka eh. Atsaka narinig kong sabi ni mama, matindi daw ang karamdaman mo.”

“Hindi naman ganyan katindi. Kaya ko pa naman atsaka, magiging ok din ako. Magagaling kaya ang mga duktor ditto. Basta ikaw, magpagaling ka kasi, kapag nanumbalik na ang paningin mo, sasamahan kitang mamasyal sa mga magagandang tanawin dito sa Amerika. Pupuntahan natin ang mga lugar na napuntahan ko na ditto dati at gustong-gusto ko.”

“T-talaga kuya?”

“Oo. Kaya promise na magpagaling ka ha?”

“Opo kuya...”

At naramdaman ko na lang na niyakap niya ako muli, hinalikan sa pisngi.

Pinilit kong iangat ang aking kamay upang haplusin din ang kanyang pisngi. Ngunit nagtaka ako kasi naramdaman kong nabasa ang aking palad noong masalat ko ito. “K-kuya... bakit ka umiyak?”

“Ah... sa sobrang tuwa ko na hayan, nalaman ko na magkapatid tayo. At... magkakasama na tayo. Masaya ako tol.”

“Talaga kuya? Ako rin kuya, masaya din...”

“Kaya, magpagaling ka pa ha? Para mas lalong masaya tayo sa pamamasyal dito...”

“Opo kuya...”

“Atsaka kapag nakakita ka na, ingatan mo palagi ang iyong sarili... ang iyong mga mata. Ang hirap siguro kapag bulag kasi palaging gabi ang pakiramdam mo, walang liwanag na makikita.”

“Ang hirap nga kuya eh...”

“Kaya... kapag manumbalik na ang iyong paningin, alagaan mo ang iyong mga mata.”

“Opo kuya.”

“Promise yan ha?”

“Opo...”

“Para palagi mo rin akong nakikita.”

“Oo naman. Pogi kaya ang kuya ko.” sabay bitiw ng ngiti.

Hinaplos niya ang aking pisngi at niyakap uli ako.

“At dalawin mo ako kaagad kapag nakakita ka na ha?”

“Opo kuya...”

Sa sobrang tuwa ko na nagkausap kami ng aking kuya Zach, panandalian kong nalimutan si kuya Erwin. Sa pag-uusap naming iyon, dama ko rin ang saya niya, bagamat ramdam kong parang nahirapan siya sa kanyang kalagayan.

Halos ayaw ko nang umalis pa sa piling ng kuya Zach ko. Noong maghiwalay na kami, nag-iiyak na naman ako. At alam ko, ganoon din siya.

“Huwag kang malungkot tol... Basta magpagaling ka lang. Pangako ko sa iyo, kapag nakakakita ka na, palagi na tayong magkasama...”

Iyon ang huling narinig kong salita ni kuya Zach. Hindi ko rin lubos na naintindihan kung may kahulugan ba ang sinabi niyang iyon.

“Enzo... sa makalawa na gaganapin ang operasyon sa mata mo”. Ang balitang inihayag sa akin ng aking biological na ina kinabukasan pagkatapos naming mabisita si kuya Zach.

“Talaga po?”

“Oo... kaya, ihanda mo ang iyong sarili anak. Ipanalangin natin na tuloy-tuloy na ang paggaling mo at makakakita ka na.

“Ma... umiiyak po ba kayo?” ang tanong ko. Napansin ko kasi sa boses niya na malungkot ito at halos hindi mabuo ang kanyang salita.

“Ah... Napaiyak lang ako kasi, excited na akong makakita kang muli. Malapit ka nang makakita anak. Ikaw ba ay hindi natuwa?”

“Natuwa din naman ma. Kapag nakakita na ako, dadalawin natin uli si kuya Zach...”

“Oo naman...” sagot ng biological kong ina.

At isinagawa ang opersyon sa aking mata. Kagaya ng mga nunang opersyon sa akin, pinatulog nila ako. Hindi ko alam kung gaano katagal ngunit noong akoy magising, pakiramdam ko ay halos wala namang pinagkaiba ito sa aking naunang naramdaman. Nandoon pa rin ang bendahe sa aking mga mata, madilim pa rin ang paligid. Sabi ng duktor, successful naman daw ang operasyon.

Pagkatapos ng dalawang araw, tatanggalin na ang mga bendahe ko. Kahit papaano, may dala din itong excitement para sa akin.

Araw ng pagtanggal ng bendahe. “Opps, dahan dahan lang ang pagbukas mo sa iyong mga mata...” ang sabi ng duktor.

Una, parang nababalot ng ulap ang paligid. Wala akong halos makita.

“A-anak... nakita mo na kami?” tanong ni mama.

“P-parang may mga nakaharang na ulap ma...”

“Natural lang iyan... huwag mo lang kuskusin. Hintayin mo pa ang ilang minuto at magiging normal na ang lahat.” Sagot ng duktor.

At pagkatapos nga ng ilang minuto, unti-unti ngang naaninag ko ang mga tao sa paligid... Tinitigan ko ang aking mga ina, bagamat may pagka-foggy pa rin ang mga mata ko, nakatingin sila sa akin. At kahit nakangiti nakita kong bakas sa kanilang mga mukha ang pangamba. Tinitingnan ko rin ang iba pang mga tao sa loob ng kuwarto. Nakita ko doon ang Amerikanong asawa ng aking biological na ina. Nandoon din ang duktor at dalawang nurse. “N-nakakakita na po ako ma...” ang sambit ko.

At muling nabalot ng ingay ang paligid. Tuwang-tuwa ang lahat. At syempre, kahit papaano, may saya din akong naramdaman kahit sa kaloob-looban ko, may hinahanap-hanap akong malaking kulang.

Isa-isa nila akong niyakap, hinalikan sa pisngi. Marahil, iyon na ang pinakamasayang sandali sa buhay ng aking dalawang ina.

Nasa ganooon kaming pagsasaya noong bigla kong maisipan si kuya Zach. “Ma... pwede po bang dalawin na natin si kuya Zach?”

Ewan ngunit noong nasabi ko ang mungkahing iyon, bigla ding lumungkot ang mukha ng aking biological na ina. “Ah, oo anak. Pero heto pala, may sulat siyang ipinabigay sa iyo. Basahin mo raw muna bago mo siya dalawin” ang sabi niya sabay abot sa akin ng isang envelope.

Dali-dali ko itong binuksan.

“Dear tol... pasensya ka na kung sa pagkabasa mo nitong sulat ko ay hindi mo na ako makikita pa. Gustuhin ko man, mukhang ayaw nang ipahintulot pa ng tadhana na magkita pa tayong muli. Nagsinungaling ako noong sinabi kong ok lang ako. Ito ay dahil ayaw kong makadagdag ako sa lungkot na dinaranas mo. Noong pumunta kayo dito, halos hindi ko na kaya ang sarili ko. Naramdaman kong bilang na lang ang mga araw ko. Ngunit pinilit ko ang sariling magpakatatag; upang maipadama sa iyo na ok lang ang lahat; upang huwag kang mangamba, upang kahit papaano, lalakasan mo pa rin ang iyong loob na humarap sa lahat ng dagok. Ngayon ko lang narealize tol, na ang sarap palang mabuhay sa mundo. Nagsisi ako kung bakit tinangka kong wakasan ang buhay bagamat noong panahong nagkapatong-patong ang naranasan kong hirap sa nalamang ampon lang ako, na may cancer ako, dagdagan pang hiniwalayan ako ni Erwin halos hindi ko nakayanan ang mga ito. Ngunit mali din pala iyon. Kasi, alam ko na may mga taong nagmamahal sa akin na puwedeng sa kanila ko ibaling ang aking panahon, pagmamahal hanggang sa huling hininga ko... kagaya mo, kagaya ng ina natin, kagaya ng daddy ko... Gusto ko pa sanang mabuhay tol, upang mas tatagal pa ang pagsasamahan natin ng ating ina; upang mas lalo ko pang makilala ang utol ko. Subalit hindi natin hawak ang buhay. Kaya, pilit kong tanggapin ang lahat. Paalam tol. Labis akong nanghinayang na hindi ako nabigyan ng pagkakataong maituwid ang mga kasalanang nagawa ko sa iyo. Bagamat naramdaman kong napatawad mo na ako, sana ay may magawa pa ako. Sayasng, hindi na tayo muling magkakasama pa sa pamamasyal na sinabi ko. Subalit huwag kang mag-alala dahil kapag nabasa mo na ang sulat kong ito, ang ibig sabihin niyan ay... nakakakita ka na, sa pamamagitan ng aking mga mata. Ito na lang siguro ang paraan upang palagi mo pa rin akong maalaala, at palagi mo pa rin akong makakasama. Sa pamamagitan ng aking mga mata, makikita mo ang kulay ng mundo, ang iba’t-ibang bagay, lugar, o tao na makakapagbigay ng aliw, inspirasyon at katuturan sa iyong buhay. Sa pamamagitan niyan, hindi na kita maaaring iwanan pa. Paalam tol. Sa sinabi ko na sa iyo, palagi mong ingatan ang sarili mo lalo na ang iyong mga mata. Magpakatatag ka. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Masarap ang mabuhay tol. Kaya i-enjoy mo lang ito. Hangad ko ang kaligayahan mo...”

“Kuyyyaaaaaaaaaaaaa!!!!!!!!! Kuyaaaaaaaaaaaa!!!!!” ang sigaw ko at paglulupasay. “Bakit hindi niya sinabing huli na pala naming pag-uusap iyon? Bakit naman kuyaaaaaa!!!!! Sana ay hindi na lang ako umalis sa tabi mo!!!! Bakit ka naman ganyan kuyaaaa!!!!!”

Nilapitan ako ng biological kong ina at niyakap. Pati siya at ang lahat ng mga nakapaligid sa amin ay umiiyak din. “Dahil ayaw niyang makita kang malungkot at mawalan ng sigla, lalo’t may operasyon ka pa anak.” Ang paliwanag niya habang hinahaplos niya ang aking likod.

“Kahit na ma!!! Ang hirap namang tanggapin!!! Ibinigay nga niya ang mga mata niya sa akin, pinapaiyak naman niya ako!!! Bakitttttt!!!!”

“Wala na tayong magawa anak... Sadyang hanggang doon na lang ang buhay ng kuya Zach mo. Pigilan mo ang sariling huwag umiyak. Baka makasama pa iyan sa iyong mga mata.”

“Ang hirap namang tanggapin kasi... isang beses lang kaming nagkausap bilang magkapatid tapos, iiwanan na lang pala niya ako??!!!”

Habang nasa ganoon akong paghihikbi, napansin kong may karugtong pa pala ito sa likod ng papel, “Tol... sa aking pagpanaw, ayoko ng malungkot. Ang pagpanaw ko ay hindi katapusan ng lahat. Nagkataon lang na maiksi ang ibinigay na buhay sa akin. Tuloy pa rin ang buhay. Tuloy ang saya...”

“Gustong tumutol ng aking isip sa huli niyang isinulat. Paano ako sasaya niyan...? Wala na siya, wala din si kuya Erwin. Ano pa ang halaga ng buhay ko?”

Maya-maya, tinawag naman ako ni mama. “Anak, may gustong kumausap sa iyo, nasa kabilang linya...” ang sabi niya sabay abot sa akin ng receiver ng landline na telepono.

“S-sino po iyan ma? Si papa ba?”

“Ayaw magpakilala anak. Ikaw daw ang gustong makausap”

Agad kong pinahid ang aking mga luha. Tinungo ang kinaroroonan ng telepono at tinanggap ang receiver na inabot sa akin ni mama. “Hello?” sabi ko.

“Hi... puwedeng makipagkilala?” ang sambit sa kabilang linya.

Ewan ko kung nagbibiro iyon. Napaka-antipatiko kasi ng dating, dagdagan pa ng nasa pagluluksa kami. Kaya binulyawan ko. “Sino ba to?!!!”

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment