Sunday, February 3, 2013

Angel's Eyes

Angel's Eyes


“Angelito, ikaw ng bahala dito kay Mr. Robbie. Huwag mong kalilimutan ang mga gamot na dapat niyang inumin. Yung mga hindi pa masyadong magaling na sugat nya, lagi mong linisan at palitan ng dressing.” ang bilin ng doctor kay Angelito habang hinihintay nila ang sasakyang susundo kay Robbie papauwi sa bahay nito. “And don’t forget yung check up nya next week.” ang dugtong pa ng doctor.

“Yes doc. Noted po lahat ng bilin ninyo.” ang tugon naman ni Angelito.

Si Angelito ay isang nurse na tumatanggap ng extra duty bilang private nurse ng mga pasyenteng na sa bahay na lamang nagpapagaling ng kanilang karamdaman. Maayos naman ang sweldo ni Angelito sa hospital na iyon. Pero dahil nga kailangan niya ng mas malaking income para itaguyod ang kanyang pamilya ay okey lang sa kanya ang maging private nurse ng mayayamang pamilya. Nasa mid-20’s pa lamang si Angelito at nasa kalakasan pa ang kanyang katawan upang kayanin ang pagiging private nurse na stay-in pa sa bahay.

Si Robbie naman ay isang binata na nasa mid-20’s tulad din ni Angelito at isang anak mayaman. Naaksidente siya sa pagmamaneho ng kotse pero naging maswerte naman na nakaligtas sa sakuna. Subalit napinsala ang kanyang mga mata at may bali sa kanyang kanang paa at di mabilang na sugat sa iba’t ibang parte ng katawan. Palibhasay anak mayaman kaya nagpasya na lamang magpagaling sa bahay sa pangangalaga ng isang stay-in private nurse. Si Angelito nga ang naatasan ng hospital na maging private nurse ni Robbie. Sa taglay na pangangatawan ni Angelito ay kayang-kaya niyang buhatin o alalayan si Robbie sa bawat pagkilos nito.


“Sir Robbie, kumusta na po kayo?” ang bati ng mayordoma nila Robbie ng bumaba sila sa harap ng mala-palasyong bahay.

“Manang Ellen, ikaw ba yan?” ang tanong naman ni Robbie.

“Opo. Nakaalis na po ang mga magulang ninyo kaninang madaling araw. Kaya po si Berto na lang ang sumundo sa inyo sa hospital.” ang tugon naman ni Manang Ellen.

May benda pa rin ang mga mata ni Robbie at hindi pa sigurado ang doctor na makakakita pang itong muli dahil sa pinsala sa mga mata nito na dulot ng aksidenteng nangyari sa kanya. Sa susunod na check up pa ni Robbie malalaman kung manunumbalik pa ang paningin nito.

“Sir Robbie, napagluto ko po kayo ng paborito ninyong ulam. Kung gutom na po kayo sabihin nyo lang at maghahanda na po kami.” ang sabi ni Manang Ellen kay Robbie.

“Sige mamaya na lamang Manang. Magpapahinga lang muna ako sa aking silid.” ang tugon naman ni Robbie.

Katulong ang driver na si Mang Berto, inakay nina Angelito si Robbie papaupo sa kanyang wheelchair. Dahil nga hindi pa makalakad si Robbie at hindi pa makakapanhik sa ikalawang palapag ng bahay ay inayos ang guest room sa ground floor para maging pansamantalang silid niya. Doon dinala nina Angelito at Mang Berto si Robbie.

“Mang Berto, pakisabi kay Manang Ellen na ipasok ang malaking sopa dito sa loob para may magamit na upuan at tulugan na rin itong nurse ko.” ang bilin ni Robbie bago lumabas si Mang Berto ng silid.

Ilang minuto lang ang nakakaraan at habang inaayos ni Angelito ang mga gamot ni Robbie sa ibabaw ng maliit na mesa ay ipinasok na ni Mang Berto at ng isa pang boy ang isang malaking sopa. Kasunod nila si Manang Ellen. Iniayos ni Manang Ellen ang sopa at itinuro kay Angelito ang isang cabinet na pwede nyang lagyan ng kanyang mga gamit bago lumabas ng silid si Manang Ellen.

“Sir, oras na po ng pag-inom nyo ng gamot.” ang paalaala ni Angelito kay Robbie.

Isinubo ni Robbie ng sunud-sunod ang tatlong tabletas bago ininom ang tahan-tahan ni Angelito na isang basong tubig.

“Ano na nga bang pangalan mo?” ang tanong ni Robbie matapos inumin ang mga gamot.

“Angelito po sir.” ang tugon naman ni Angelito.

“Sige Angelito, pakisabi kay Manang Ellen na ipaghanda na tayo ng pananghalian.” ang pakiusap ni Robbie kay Angelito.

Matapos ang pananghalian ay niyaya ni Robbie si Angelito na dalhin siya sa kanilang hardin. Noon tuluyang nakita ni Angelito kung gaano kalaki ang bahay nina Robbie at kung gaano kalawak ang hardin sa gilid nito kung saan naroroon din ang isang swimming pool. Nagpapatunay ito ng karangyaang tinatamasa ng pamilya ni Robbie.

“Angelito, paki-describe mo nga ang mga halaman sa hardin. Puno pa ba ng mga bulaklak ang orchids sa malapit sa swimming pool? Hindi pa ba tuyo ang mga dahon ng mga halaman?” ang mga tanong ni Robbie.

Isa-isang binanggit ni Angelito kay Robbie ang bawat nakikita nitong halaman sa hardin. Mayabong pa rin ang mga luntiang halaman dito at halatang alagang-alaga ang mga ito. Yung mga orchids naman ay hitik na hitik sa mga bulaklak na may samut-saring kulay. Napakagandang pagmasdan ang hardin at pinilit ma-describe iyon ni Angelito sa pamamaraang ma-visualize ni Robbie kung gaano nga kaganda ito.

“Salamat Angelito. Sige iwan mo muna ako.” ang pakiusap muli ni Robbie.

Pumasok muli si Angelito sa loob ng bahay at nasalubong nya si Manang Ellen. Mukha namang napakabait ni Manang Ellen kay Angelito. May kadaldalan lamang. Niyaya niya si Angelito sa kusina at doon siya nagsimulang magkwento tungkol kay Robbie. May kakambal pa si Robbie at sila lamang dalawa ang naging anak ng kanilang mga magulang. Nasa college sila noon ng masawi ang kambal ni Robbie ng minsang sumama ito sa mga kaibigan sa pag-akyat nila sa bundok. Madalas kasing wala ang kanilang mga magulang dahil abala sa pag-aasikaso ng mga pag-aari nilang kumpanya. Walang problema sa salapi ang magkapatid kaya naman nagagawa at nabibili nila ang anumang naisin nila. Mabuti naman at kahit ganoon ka-busy ang kanilang mga magulang ay lumaking matino ang magkapatid lalo na si Robbie na nahilig sa art at kalikasan. Fine Arts nga tinapos niyang kurso. Nalaman rin ni Angelito na si Robbie ang tumututok sa hardin ng bahay kaya ganoon ito kaganda. May farm pa daw sila sa Batangas at doon naman nag-aalaga ng sari-saring hayop si Robbie. Naputol ang kwento ni Manang Ellen ng tawagin si Angelito ng isang boy sa bahay dahil pinatatawag daw siya ni Robbie.

Nais na palang magpahinga sa silid si Robbie kaya niya pinatawag si Angelito. Doon na nga rin sa loob ng silid ni Robbie natulog si Angelito ng gabing iyon. Subalit hindi din siya nakatulog ng tuloy-tuloy dahil sa pagpapainom ng gamot kay Robbie ayon sa oras na bilin ng doctor at sa pag-alalay kay Robbie sa pagpunta nito sa toilet. Kinaumagahan ay ang unang pagpapaligo kay Robbie ni Angelito. Syempre hindi pa sya pwedeng full bath. May benda at cast pang iingatan para di mabasa. Maluwag naman ang banyo kaya nalagyan pa ito ng plastic na mauupuan habang isinasagawa ni Angelito ang sponge bath kay Robbie. Hubo’t hubad si Robbie na nakaupo sa plastic na upuan at sa unang pagkakataon ay kitang-kita ni Angelito ang kabuuan ng kanyang katawan. Sa trabaho ni Angelito bilang nurse ay sanay na syang makakita ng ganito.

Kinabukasan ay dumating ang isang malakas na bagyo. Hindi na nailabas ng bahay si Robbie ni Angelito. Nanatili lamang sila sa loob ng bahay. Marahil ay naiinip na si Robbie kaya napagtuunan nya ng pansin ang computer at internet. Pinabuksan niya kay Angelito ang kanyang computer at nag-log on sila sa isang email site. Ipinagkatiwala niya kay Angelito ang kanyang password para mabuksan ang email account niya. As usual, napakaraming spam emails ang pumasok. Pero bago binura ni Angelito ang mga ito ay tinatanong muna nya kay Robbie kung okey lang na burahin iyon. Laking gulat ni Angelito ng may nabasa siyang email na mula sa isang babae na nagngangalang Liza. Puro paghingi ng sorry at patawad ang nilalaman nito.

Hindi muna binanggit ni Angelito kay Robbie ang email na iyon. Sa halip ay naghanap si Angelito ng email na masisiyahan naman si Robbie. Nakakita siya ng ilang email na galing sa mga kaibigan niya na bumabati sa kanya at nananalangin ng agaran niyang paggaling. Sa ilang nabanggit ni Angelito na pinanggalingan ng mga email ay napapangiti si Robbie na tila ba naalala niya ang masasayang sandali nila ng mga taong nagpadala ng email sa kanya. Ayaw masira ni Angelito ang araw ni Robbie dahil lamang sa email na mula sa babaeng nagngangalang Liza. Minabuti na lamang ni Angelito na hindi iyon banggitin kay Robbie. Kahit na nakitaan na ng kaunting saya ang mukha ni Robbie ay hindi pa rin niya nakuhang makipagkwentuhan kay Angelito. Naging palaisipan kay Angelito kung sino nga ba si Liza sa buhay ni Robbie.

Kinahapunan ay bumayo na ang malakas na ulan at hangin na dulot ng bagyo. Si Robbie naman ay pinagpahinga na lamang ni Angelito sa kanyang silid. Si Angelito naman ay nakipagkwentuhan muli kay Manang Ellen. Kay Manang Ellen tuloy naitanong ni Angelito ang tungkol sa babaeng nagngangalang Liza.

“Manang Ellen, sino po ba yung Liza?” ang tanong ni Angelito kay Manang Ellen.

“Saan mo nalaman ang pangalang iyan? Nabanggit ba ni si Sir Robbie sa iyo ang kwento nilang dalawa?” ang mga tanong naman ni Manang Ellen.

“Hindi naman po. Nagbukas po kasi kami ng email ni Robbie at meron pong galing kay Liza. Hindi ko nga po binasa sa kanya iyon kasi po parang malulungkot siya kung babasahin ko pa iyon. Kaya nga po tinatanong ko sa inyo para next time po na mag-open kami ng email nya ay babasahin ko na iyon kung okey lang po.” ang tugon naman ni Angelito.

“Si Liza yung huling girlfriend ni Sir Robbie. Maganda iyon. Model iyon sa isang shampoo commercial. Pero doble-cara yung babaeng iyon. Pinaglalaruan lamang pala niya si Sir Robbie. Mahal na mahal pa naman siya ni Sir Robbie. Ewan ko nga ba kung bakit nagawa pa ni Liza iyon kay sir. Gwapo naman si sir at mayaman pa.” ang kwento ni Manang Ellen.

“Bakit? Ano po bang nangyari?” ang mga tanong na naman ni Angelito.

“Atin-atin lang ito ha. Lesbiana pala yung babaeng iyon. Natuklasan kasi ni sir na yung babaeng kasama ni Liza sa condominium unit na inuupahan niya ay syota pala nya. Front nya lang si Sir para maitago ang tunay na pagkatao niya. Kasi nga gusto din niyang pasukin ang pag-aartista. Sayang ang ganda pa naman niya.” ang patuloy na kwento ni Manang Ellen.

“Ganoon po ba?” ang nasabi na lamang ni Angelito.

“At alam mo ba na yun ang sanhi ng pagkakadisgrasya ni Sir. Dahil sa sama ng loob ay halos gabi-gabi ay naglalasing si Sir. Ayun, isang gabi sa pag-uwi niya ay nabangga niya ang isang truck. Salamat na lamang at nakaligtas siya. Hay naku, marami talagang mapagpanggap na tao. Babaeng- babae nga sa panlabas na anyo. Pero babae din pala ang nagpapatibok ng kanilang puso. Siguro marami din lalaking ganoon. Lalaki sa panlabas na anyo pero kauri din pala nila ang kanilang hanap sa buhay. Hay naku, lalo nilang pinagugulo ang mundo. Si Adan ay para kay Eva at hindi para sa isang pang Adan.” ang patuloy pa ni Manang Ellen.

Mukhang nasapol si Angelito sa huling patutsada ni Manang Ellen. Kilala na ni Angelito ang kanyang pagkatao. Tulad ng nasabi ni Manang Ellen, lalaki nga si Angelito pero lalaki din ang nagpapatibok ng kanyang puso. Subalit kasalanan ba ni Angelito ang maging ganoon. Mas mahirap nga ang kalagayang ito ni Angelito. Ni hindi niya pwedeng sabihin ng agad-agaran sa napupusuan nya ang kanyang damdamin. Baka makatanggap pa sya ng isang malakas na suntok kapag sinabi niya iyon sa lalaking type nya. Pilitin man niyang manligaw ng babae. Pero dadayain lamang niya ang kanyang sarili. Hindi rin siya magiging masaya. Sana nga ay mas lumawak pa ang pang-unawa ng mga tao sa isang tulad ni Liza at ni Angelito. Ito ang mga sumagi sa isipan ni Angelito.

“Hoy, bakit ka napatunganga dyan? Mukhang hanap ka na ni sir.” ang biglang nasabi ni Manang Ellen na pumukaw sa pananahimik ni Angelito.

Bumalik si Angelito sa silid ni Robbie. Gising na nga siya at gusto na naman niyang lumabas ng silid. Nagpahanda siya ng merienda at niyaya niya si Angelito sa mini-theater nila sa bahay. Pinahanap niya sa shelves kay Angelito ang pelikulang “Ghost”. Iyon ang paboritong pelikula ni Robbie. Habang nanonood si Angelito at nakikinig naman si Robbie ay sinabay na rin nila ng pagkain ng merienda. Bago natapos ang palikula ay biglang nasabi ni Robbie na bilib siya sa pagmamahalan ng dalawang bida. Kahit kamatayan ay ayaw nilang bumitaw sa sinumpaang pagmamahalan. Iyon kasi ang nais niyang mangyari sa pagmamahalan nila ng taong mamahalin niya habang buhay.

Kinagabihan ay nagpatuloy pa rin ang malakas na buhos ng ulan at malakas na hagupit ng hangin. Marahil dahil sa ingay na dulot ng bagyo kaya hindi nakuhang makatulog ng maaga si Robbie. Wala naman siyang ibang magawa kaya napilitang siyang makipagkwentuhan kay Angelito. Nagsimula siyang magkwento ng mga masasayang yugto sa kanyang pagbibinata. Natatawa pa nga siya sa mga nagawa niya noong una siyang nanligaw. Hanggang sa dumating sa puntong tanungin niya si Angelito sa karanasan nito sa panliligaw. Wala siyang karanasan sa ganoon at kung magsisinungaling naman si Angelito ay nag-aalangan siya na matutunugan din iyon ni Robbie. Kaya naman minabuti na lamang sabihin ni Angelito ang katotohanan.

“So you’re like Liza. Pero at least you did not lie to me.” ang biglang nasabi ni Robbie na ikinagulat din ni Angelito ang pagbanggit sa pangalang Liza.

“Pasensya na sir kung hindi ko ipinagtapat ang tunay na pagkatao ko noong una pa man.” ang nasabi naman ni Angelito.

“Isang nurse naman ang hiniling ko sa hospital at hindi naman ako nagtanong sa tunay mong pagkatao.” ang nasabi naman ni Robbie. “At least you are honest to me.” ang dugtong pa niya.

“Baka sir ayaw na ninyong paliguan ko kayo nyan.” ang biro ni Angelito kay Robbie.

“Teka, ilang beses mo na ba akong napaliguan. I remember halos hindi mo hinahawakan ng husto ang junior ko. Nahihiya ka ano? Kaya pala.” ang biro ni Robbie kay Angelito sabay tawa ng malakas.

“Sir naman. Sanay na po akong makakita at makahawak ng ganyan. Wala pong malisya sa akin iyon. Trabaho lang po iyon.” ang nasabi naman ni Angelito.

“Don’t worry, ikaw pa rin ang gagawa nun hanggang sa kaya ko ng mag-isa sa banyo. Anyway, wala na naman akong maitatago pa sa iyo. Nakita at nahawakan mo na ang lahat sa akin.” ang pabirong nasabi na naman ni Robbie.

Mukhang napagaan ni Angelito ang kalooban ni Robbie sa pagtatapat ng tunay niyang pagkatao. Kaya naman naikwento na rin ni Angelito ang mga nakatutuwang karanasan niya sa mga naging crush niya noong simulang matuklasan niya na nagkakagusto siya sa kapwa niya. Tuwang tuwa naman si Robbie sa mga narinig niyang kwento ni Angelito. Marahil ay iyon ang unang mga kwentong nalaman ni Robbie tungkol sa di straight na lalaki. Hanggang sa makaramdam na ng antok ang dalawa.

Kinabukasan ay tumila na ulan at wala na rin ang malakas na hangin. Nang pasukin nina Robbie at Angelito ang banyo ay malakas na tawanan ang narinig mula sa dalawa.

“Don’t rape me ha.” ang biro ni Robbie kay Angelito habang hinuhubad ni Angelito ang lahat ng saplot ni Robbie.

“Sir naman. Hindi ko kayang gawin sa inyo yun. Hindi ko kayo type.” ang biro naman ni Angelito.

Nagpatuloy pa ang biruan ng dalawa hanggang matapos paliguan ni Angelito si Robbie. Matapos ding makaligo ni Angelito ay sinabayan na rin niya si Robbie sa pagkain nito ng almusal. Tulad ng nakagawian ni Robbie, nagyaya na naman siya sa hardin. Laking gulat ni Angelito ng makita ang itsura nito matapos hagupitin ng bagyo. Sira na ang mga magagandang bulaklak ng orchids. Putol-putol na ang mga sanga ng mga luntiang halaman. Hindi na ito tulad ng dati nang huling punta nila doon ni Robbie. Subalit ayaw niyang magdulot ito ng lungkot kay Robbie. Kaya naman ng pina-describe muli ito sa kanya ni Robbie ay ang yun pa ring magandang anyo nito ang binanggit ni Angelito kay Robbie.

“Buti naman at hindi sila gaanong naapektuhan ng bagyo.” ang nabanggit ni Robbie.

Hindi na nakaimik si Angelito. Alam niya na isang kasinungalingan lamang ang mga nabanggit niya kay Robbie. Iniba na lamang niya ang kwentuhan upang hindi na siya muling usisain sa detalye pa ng kasalukuyang itsuran ng hardin. Nagkwento muli ng masasaya niyang karanasan si Angelito tungkol sa mga ginagawa niya kapag nagkaka-crush siya sa isang lalaki at kung paano siya kutyain ng mga taong nakakaalam ng kanyang tunay na pagkatao. Kahit masasakit iyon sa buhay ni Angelito ay ginawa pa rin niya itong katatawanan upang mapasaya si Robbie. Bentaheng-bentahe naman ang mga kwento ni Angelito. Nakuha nitong mapatawa si Robbie. Ang mga kasambahay ni Robbie naman ay nasiyahan din sa muli nilang pagkakadinig ng mga halakhak ni Robbie. Matagal na rin nilang na-miss iyon buhat ng maghiwalay sina Robbie at ang kayang girlfriend na si Liza.

Ganoon na nga naging daily routine ng pasyente at ng nurse. Subalit sa tuwing magpapahinga sa araw si Robbie ay abala naman si Angelito na tulungan ang mga boy na isaayos muli ang hardin upang kapag muling makakakita si Robbie ay muli nitong makikita ang dating magandang hardin na alaga niya bago pa siya naaksidente. Makalipas ang ilang araw kahit papaano ay medyo nakitaan na ng pagbabago ang hardin na iyon. Dahil na rin sa pangangalaga ni Angelito ay may pag-asa na itong manumbalik sa dati nitong ayos. Ganoon din naman si Robbie. Hindi man siya makalakad at makakita pa ay naging masiyahin na siya.

Subalit isang araw ay kapansin-pansin ang lungkot ni Robbie na hindi nakaligtas sa pag-uusisa ni Angelito.

“Sir, ano pong problema? May nararamdaman po ba kayong sakit sa katawan?” ang mga tanong ni Angelito.

“Okey lang ako. Naalala ko lang yung dati kong girlfriend na si Liza. Second year anniversary sana namin ngayon. Kaya lang……” ang tugon ni Robbie na tila hindi na niya maituloy na sabihin.

“Kaya lang po ano?” ang tanong muli ni Angelito na tila ba hindi nito alam ang tungkol kay Liza.

“Ah wala. Kalimutan na natin siya. Dahil sa iyo naiintindihan ko na kung bakit niya itinago sa akin ang kanyang tunay na pagkatao. Sana mas maligaya na sya ngayon.” ang nasabi na lamang ni Robbie.

“Hindi ko kayo maintindihan sir.” ang nasabi naman ni Angelito kahit alam na niya ang ibig sabihin ni Robbie.

Marahil sa mga kwento ni Angelito kay Robbie tungkol sa mga frustrations nito sa larangan ng pag-ibig kahit ginawa niya itong katatawanang kwento ay nakapulot din pala dito ng aral si Robbie. Upang hindi na malungkot si Robbie ay muli siyang nagkwento na naman ng kakatwang karanasan din ng mga kaibigan na katulad niya. Madali naman nabago ang mood ni Robbie ng marinig ang mga kwentong iyon. Tila ba nalimutan niya ang anibersaryo nila ng dati niyang kasintahan.

Dumating ang araw ng check up ni Robbie sa hospital. Sa araw na iyon malalaman kung makakakita pa si Robbie. Maaga pa lamang at nakagayak na sina Robbie at Angelito. Positibo silang dalawa na maganda ang magiging balita ng doctor. Maaga din silang nakarating sa hospital. Subalit parang nagunaw ang mundo ni Robbie ng malaman ang resulta ng examination ng doctor sa kanyang mga mata. Ang pinsala sa mga mata nito ay hindi na tuluyang naghilom. Kapag hindi naisagawa ang eye transplant sa madaling panahon ay tuluyan ng hindi masisilayan ni Robbie ang liwanag. Si Angelito man ay labis na dinamdam ang balitang iyon. Hindi niya napigilan ang pagluha na hindi nakaligtas na pandamdam ni Robbie.

“Hoy, bakit ka umiiyak dyan? Hindi naman ikaw ang hindi na muling makakakita. It’s alright with me. Maybe this is my fate. Anyway, there’s still hope. Malay natin bukas o sa makalawa meron ng eye donor sa akin. Cheer up my friend.” ang mga sinabi ni Robbie kay Angelito.

“Sana nga sir.” ang tanging nasabi ni Angelito.

Simula ng araw na iyon ay naging abala si Angelito sa pagkontak ng mga foundation o organization na nag-aasikaso sa eye donation sa tuwing nagpapahinga si Robbie. Pati siya ay pumirma na rin ng application sa mga foundation na nakontak niya at sumasang-ayon din siya sa pagdo-donate ng mga mata niya kapag may sakunang nangyari sa kanya. Subalit ilang araw na ang nakalilipas ay hindi pa rin pinapalad si Angelito. Hindi naman nakitaan ng pag-aalala si Robbie sa kanyang napipintong kalagayang panghabang-buhay na pagkabulag. Naging masaya siya sa pangangalaga ni Angelito.

Subalit isang araw ay laking gulat ni Angelito ng may biglang hiniling sa kanya si Robbie.

“Can you kiss me sa lips?” ang hiling ni Robbie kay Angelito.

“Sir naman. Wala pong ganyanan.” ang biglang nasabi ni Angelito.

“Sige na. Sawa ka ng mahawakan ang junior ko kaya kiss na lang. Hindi mo pa kasi ako nahahalikan.” ang pabirong nasabi ni Robbie kay Angelito.

“Sir, binibiro nyo naman ako. Sige po kapag pinatulan ko kayo baka magsisi pa kayo.” ang biro naman ni Angelito kay Robbie.

“No problem sa akin yan. Basta ba mamahalin mo ako hanggang kamatayan.” ang nasabi naman ni Robbie. “Yun bang tulad sa pelikulang Ghost. Di ba yun ang wagas na pagmamahalan. Ang sarap yata ng ganoon.” ang dugtong pa si Robbie.

“Totoo ba yan sir. Baka maniwala ako sa iyo.” ang nasabi naman ni Angelito.

“Mukha ba akong nagbibiro?” ang tanong naman ni Robbie.

“Sige na nga sir.” ang nasabi naman ni Angelito at nilapitan niya si Robbie upang halikan na ito.

“Hep, hep, hep. Bago mo ako halikan, please lang huwag mo na akong tawaging sir.” ang pakiusap naman ni Robbie. “Robbie na lang ang itawag mo sa akin at ikaw naman ay tatawaging kong Angel. Para kasing isang musmos ang pangalang Angelito. Eh ang tanda tanda mo na.” ang dugtong pa ni Robbie.

Smack lamang sa labi ang halik ni Angelito kay Robbie. Subalit humiling pa siya ng isa pang halik at sa pangalawang halik ay naiyapos ni Robbie si Angelito upang mas maging matagalan ang kanilang halikan. Tuwang tuwa si Angelito sa mga pangyayari. Tila ba nananaginip pa rin siya at hindi makapaniwala sa ginawa at nasabi sa kanya ni Robbie. Mas lalo naman naging pursigido si Angelito na makahanap ng donor ni Robbie dahil sa namumuong relasyon nila ni Robbie.

Isang araw ay kinailangan niyang magpunta mismo sa opisina ng isang foundation upang maisumite ang lahat ng papeles na kailangan pa dahil si Robbie na ang makakatanggap ng donation kapag may available donor na. Tuwang tuwa naman si Angelito sa magandang balita na iyon. Kaya naman ng matapos ang pakay niya sa opisinang iyon ay nagmadali siyang umuwi sa bahay ni Robbie. Nasa taxi siya noon at tuwang tuwa sa pagmumuni-muni ng magiging reaction ni Robbie kung maririnig ang magandang balitang dala niya. Nang biglang isang malakas na kalabog ang nagmula sa likurang bahagi ng taxi at nasundan pa ito ng kalabog din sa harapan. Naipit ang taxing sinasakyan ni Angelito ng isang bus sa likuran at isa pang kotse sa harapan.

Makalipas ang mahigit isang buwan ay nagtungo si Robbie sa isang memorial park.

“Salamat sa kabaitang ipinadama mo sa akin, sa pagkalinga mo noong kailangan kong magpagaling ng karamdaman ko sa aking physical na katawan at karamdaman sa puso na rin. Salamat sa hindi mo pagbibigay sa aking ng lungkot sa mga sandaling naghihirap na ang aking damdamin. Salamat sa mga masasayang kwento na nakapagbigay sa akin ng ibang pananaw sa buhay. Higit sa lahat, salamat sa muli kong pagsilay sa magagandang tanawin sa pamamagitan ng mga matang kaloob mo sa akin na nagbigay muli ng liwanag sa aking buhay. Salamat Angel. Alam ko nakikita mo ako ngayon at naririnig. Alam ko hindi pa huli upang sabihin ko ito sa iyo na sa madaling panahon nating pagkakakilala ay natutunan na kitang mahalin. Ewan ko kung bakit ako nakaramdam ng ganito. I love you, Angel. Bye. See you in heaven.” ang mga pangungusap na binitiwan ni Robbie sa isang puntod sa kanyang harapan.

- W A K A S –




bigboy22003@gmail.com
mgakwentonibigboy.blogspot.com

No comments:

Post a Comment