By: Mikejuha
Blog:
michaelsshadesofblue.blogspot.com
E-mail:
getmybox@hotmail.com
WARNING:
This post contains scenes which are not suitable for readers under 18.
[06]
Nagising ako
mga alas 8 ng umaga. Masakit ang ulo, may hangover. Binalik-balikan ko sa aking
isip ang nangyari sa gabing nakaraan, lalo na ang narinig ko sa mga barkada ni
Marjun na pinagpupustahan lang pala ako. Muling nakaramdam ako ng ibayong
sakit. At napagdesisyonan kong paalisin ko na talaga siya sa aking apartment.
Dahil may
pasok ako sa araw na iyon, pinilit kong bumangon at maligo.
Nakabalikwas
na ako ng higaan noong napansin kong naka-hubo’t-hubad pala ako. “Paanong
nakahubad na ako?” Ang tanong ko sa sarili. Ngunit ako na lang din ang sumagot
sa sarili kong tanong. “Marahil ay dahil lang iyon sa sobra kong kalasingan at
galit kay Marjun. Baka pinagtatanggal ko ang aking damit sa sobrang
pagka-inis.” Sa isip ko lang.
Patungo ako
ng banyo noong sa pagdaan ko sa kusina ay nandoon na si Marjun. Naihanda na
pala niya ang almusal namin at naghintay na magising ako.
“Magandang
umaga po…” ang masayang bati niya sa akin. Parang sobrang saya niya na
abot-tainga na yata ang kanyang ngiti.
Ngunit
sinimangutan ko lang siya at dumeretso na ako sa paliguan. Naligo ako at habang
sinariwa sa aking isip ang nangyari sa gabing iyon, hindi ko maiwasan ang hindi
mapaluha. “Plastik! Plastik!!!!” ang pigil kong pagsigaw. Sobrang sakit ang
naramdaman ko. Natuto na sana akong magtiwala muli sa lalaki; natuto na sana
akong magmahal… hindi ko akalaing sa pustahan lang pala ang bagsak ng lahat.
Pinaglaruan niya ang aking damdamin, sa kabila pa ng kabaitang ipinakita ko sa
kanya.
Natapos
akong mag-shower at noong dumaan na naman ako sa hapag-kainan, naroon parin
siya nakaupo sa harap ng mesa na hindi ginagalaw ang mga pagkain. “M-may
problema ba?” ang tanong niya sa akin.
Sumisigaw
ang aking utak na sabihin na sa kanyang palayasin siya ngunit parang may awa pa
rin akong naramdaman. Kaya ang nasambit ko na lang ay, “Sa opisina na ako
kakain kaya bahala ka na d’yan…” sabay pasok sa kuwarto at nagbihis.
Noong
makatapos naman akong magbihis, dire-deretso rin akong lumabas ng bahay na
hindi man lang nagpaalam o ni pinansin o kinausap siya.
Sa opisina,
hindi pa rin mawala sa isip ko ang mga nangyari. Dama ko pa rin ang sakit sa
kaniyang pagtatraydor.
Dahil sa
sama pa rin ng aking kalooban at sa kalituhan kung ano ang gagawin pagkatapos
ng araw ko sa opisina, dumeretso na lang ako sa isang bar. Doon, nag-iinum
akong mag-isa. Hindi ko alam kung ano ang gagawin pagkatapos ko doon. Parang
ayaw ko munang umuwi. Ayaw kong makita si Marjun sa bahay. Pakiramdam ko ay
lalo akong ma-lungkot at maawa sa sarili kapag nakita ko siya. Gusto kong
magwala. Maglasing. “Siguro ay dapat lang na maglaro naman ako. Ganyan naman
siguro talaga ang kalakaran sa buhay ngayon; gamitan lang, makilaro... Wala na
sigurong tunay ngayon; lahat ay puro palastic na lang.” sa isip ko.
Med’yo
lasing na ako noong may nakita akong isang cute na lalaking teenager na siguro
ay nasa 18 ang edad na pumasok sa bar na iyon. Kasama niya ay mga barkadang ka-edad
din niya. Cute din halos silang lahat. Hip-hop ang mga porma, nakasuot ng
baseball cap na tagilid ang paglastada sa ulo. At sa tingin ko, may pagka-pilyo
ang dating, carefree, palaban, malakas ang loob. Mapusok…
Para silang
naghahanap ng adventure na di ko mawari. At sa katabing mesa ko sila pumuwesto.
Ang bar kasi na iyon ay kilalang pugad ng mga bakla na naghahanap ng aliw o
adventure. At syempre, kapag may naghahanap, mayroon ding mga taong gustong
sila ay mahanap.
Habang
kalmante silang nakaupo at iniikot at pinafamiliarize ang mga mata sa paligid
at mga tao, pasimple ko namang tinitingnan-tingnan ang teenager na nagustuhan
ko. Iyon bang tingin na malagkit, nagpapahiwatig ng motibo. Hindi ko na talaga
iniisip pa ang hiya o respeto sa sarili sa oras na iyon. Ang tagal ko na kayang
inaalagan ang aking dignindad. Nagpakademure ako, nagpakatino ngunit wala din
namang nangyari. Puro sama lang ng loob, at hayan, biktima pa ng panloloko.
Siguro naman, hindi kasalanan kung paminsan-minsan ay maranasan ko rin ang
maghanap ng adventure; ang maging open sa mga bagay na hindi ko pa natikman;
ang maglaro ng apoy…
At marahil
ay napansin nga niya ang pagpapa-charming ko, nagpaalam siya sa kanyang mga
kasama at lumapit sa akin. Ramdam ko ang paglakas ng kalampag ng aking dibdib
noong makitang palapit sa kinaroroonan ko ang cute na binata. Napatingin naman
sa akin ang mga kasama niya noong sa tabi ko pa talaga siya umupo.
“Hi…
nag-iisa ka?” ang preskong tanong niya.
“Hi…” ang
sagot ko din. “Oo… n-aag-iisa lang.” Dugtong ko.
“Ako nga
pala si Cris.” Sabay abot ng kamay niya at bitiw ng nakakalokong ngiti.
Napa-“Shiiittt!”
naman ako sa nakitang ngiti niya. Pamatay kasi. Tinanggap ko ang kamay niya.
“Ako naman si Aldred… Nice meeting you, Cris.”
Habang
nagkamay kami, hinawakan naman niya ito ng bahagyang malakas na may halogn
paghahaplos, iyon bang parang nanunukso. Halatang sanay. Noong binitiwan na
niya ito, sunod-sunod naman ang kanyang tanong. “Taga-saan ka? Bakit ka
nag-iisa? Mukha kang malungkot, bakit?”
Natawa naman
ako. “Wala lang. Gusto ko lang mag-enjoy…” sagot ko. “Gusto mong mag-order?”
tanong ko.
“Sige…”
At nag-order
nga siya. Apat na beer at pulutan.
Habang
nag-inuman at kuwentuhan ng mga ka-kuwelahan, panay naman ang patsa-tsansing
niya. Nand’yan iyong hahawakan ang kamay ko, aakbayan ako, lihim na ililingkis
ang kamay niya sa beywang ko.
Nakaubos na
siya ng walong beer noong binigkas niya ang isang indecent proposal. “G-gusto
mo…? Game ako?” ang sabi niyang sinabayan pa ng pagkindat.
“A-ano
iyon?” ang pag-iinosentahan ko pa bagamat mistula akong malaglag sa aking
kinauupuan sa kanyang sinabi. Hindi ko kasi akalain na ganoon siya kabilis.
“M-may
kuwarto ka ba? O kaya ay… maghotel tayo”
At doon na
tuluyang namula ang aking mukha. First time ko kasing maranasan ang ganoon
kabilis na diskartem at sa isang kagaya pa niyan gsobrang cute. Hindi mo pa nga
kakilala ng lubusan, yayayain ka kaagad ng, syempre ano pa nga ba kundi, sex.
Hindi ko akalain na ganyan lang pala ka-simple ang kalakaran para sa ibang tao.
“E… m-mayroon naman.” Ang pagdadalawang-isip kong sagot.
“Punta
tayo?” ang sabi niya.
Sa totoo
lang, nabilisan talaga ako sa mga pangyayari. Akala ko ay hanggang tsansingan
lang kami, getting-to-know, palitan ng number… Hindi na pala kailangan ang mga
iyan para sa kanya. Deretso na pala sa kangkungan, este kangkangan.
Anyway,
nagdadalawang-isip naman ako. Nandoon kaya si Marjun sa bahay. “Sabagay, ito na
ang pagkakataong makaganti ako sa kanya!” ang sigaw naman ng isang parte ng
utak ko.
At iyon nga
ang ginawa ko.
Pagkarating
kaagad sa aparatment, deretso kami sa kuwarto. Alas 11 na iyon ng gabi kaya
tulog na si Marjun. At laking gulat ko sa nakita kasi, sa kama ko mismo siya
nakahiga imbes na sa kutson niya sa sahig. At naka-brief din lang ito.
“M-may
kasama ka pala…” ang sambit ni Cris na mistulang natakot, marahil sa laki ng
katawan ni Marjun. Siguro naisip niyang boyfriend ko iyon at mag-aaway pa kami.
Ramdam kong gusto na niyang lumabas ng kuwarto. Umatras siya.
“Wala iyan,
kasambahay lang…” ang paghila ko naman sa braso niya pabalik sa loob.
Ngunit
nagising si Marjun at nakita ang kasama kong si Cris. “S-sino iyan?”
“Pamangkin
ko, at dito kami matulog sa kuwarto ko. Doon ka na lang sa sofa”
Ngunit bigla
siyang tumayo at hinawakan ang kuwelyo ng damit ni Cris. “Kasintahan ako ni
Aldred at alam kong walang pamangkin iyan dito. Gusto mong makatikim nito?”
sabay dikit ng kamao niya sa mukha ni Cris. “Matagal na akong hindi nakabugbog
ng tao… Ano, pamangkin ka ba talaga niya? Sagoooottttt!!!”
“Eh…” ang
naisagot lang ng bata, halatang nanginig. Syempre, sino ba ang hindi matakot sa
kamao ng isang malaking taong barako. Lalo na ang isang totoy na kagaya ni Cris
na med’yo payatot pa ang pangangatawan.
“Bitiwan mo
nga siya! Ang kapal naman ng mukha mong magsabing kasintahan mo ako! Kailan?
Saan? Bakit???” ang sarcastic ko pang patutsada.
“Kagabi,
birthday ko. Sa harap ng mga barkada ko. Hinalikan mo ako, tinawag mo akong
sweetheart. At may nangyari na rin sa atin kagabi!”
“Haaaa?
Ganoon? Sigurado ka??? Grabeeee!” ang sarcastic ko pa ring sagot sabay tawa.
Nakakatawang nakakainis kasi ang narinig ko. “Whatever!”
“Magsyota
tayo!”
“Grabeeee!
Kinilig ako! Ok… kung mag-syota, sige magsyota. Problema ba yan. Pero break na
muna tayo ha? Kasi kami muna ni Cris ang magtabi ngayong gabi. Doon ka muna sa
sofa. Tsupiii!”
Ngunit lalo
niyang kinaladkad si Cris at pinalabas sa kuwarto. At doon binatukan. “Takbo ka
na kung ayaw mong mabugbog!!!”
Kumaripas
nga ng takbo ang bata na sinundan naman ni Marjun hanggang sa nakalabas ng
gate. Agad na inilock ni Marjun ang gate, pati na rin ang pintuan.
“Walang hiya
ka! Pinahiya mo ako sa bisita ko!” sigaw ko noong nakabalik na siya sa loob ng
aming kuwarto.
“Sino ba
iyon?”
“Lalaki ko!
Tangina!”
“Lalaki…
hmmmm. Lalaki pala ha?” ang patango-tango pa niyang sabi. “At bakit ka ngahanap
ng lalaki? Nandito naman ako?” sabay yakap.
“Bitiwan mo
nga ako!!!” Nagpupumiglas ko.
“Bakit ka ba
nagagalit? Kagabi lang ang sweet-sweet mo pa sa akin…”
“Hindi mo
alam? O nagmaang-maangan ka! Isipin mong maigi kung bakit ako galit! At kapag
naisip mo na lumayas ka na dito sa pamamahay ko!”
“Lasing ka
lang Aldred. Matulog na tayo, sige na…” ang panunuyo na niya.
“Hindi ako
lasing! At alam ko ang mga pinagsasabi ko! Lumayas kaaaaaa! Wala kang kuwentang
tao! Hindi ko kailangan ang isang katulad mong manggagamit!”
“Ang sakit
mo namang magsalita. Kung ayaw mo na sa akin, puwede mo namang sabihin ng
deretso, ng mahinahon na hindi kailangang saktan mo ako eh. Kung gusto mo akong
paalisin dito, pwede mo ring sabihin sa akin ng maayos; ng hindi mo ako
sinisigawan. Kasi, wala akong alam na ginawang masama sa iyo…”
“O e di
lumayas ka! Period!” ang sigaw ko pa rin.
Siguro dahil
nasaktan siya sa sinabi ko, kibit-balikat siyang lumabas ng kuwarto. Hindi na
nagsalita pa ngunit halata ang sama ng loob sa narinig.
Noong
isinara na niya ang pinto, humagulgol naman ako. Iyon bang feeling na galit na
galit ka, naaawa ka sa sarili mo ngunit parang ayaw mo rin siyang bitiwan dahil
mahal mo siya. Ngunit wala ka ring magawa kasi, mas nasaktan ka, mas
nangingibabaw sa isip mo na binalewala ka niya; na hindi niya binigyang halaga
ang iyong nararamdaman.
Kinabukasan,
matyaga pa rin akong hinitay ni Marjun sa hapag kainan at kagaya ng nakaraang
mga araw, nakahanda na ang lahat ng pagkain. Ngunit ganoon uli ang ginawa ko.
Hindi ko siya pinansin. Dumeretso lang ako sa banyo na parang walang nakita
bagamat pansin ko sa kanyang mukha ang matinding lungkot. Nakayuko siyang
parang hinintay na batiin ko.
Pagkatapos
kong mag-shower, umalis din ako ng walang paalam; na parang nag-iisa lang ako
sa pamamahay na iyon. Sa gabi naman, alas 11 na akong umuwi.
Nakalimang
araw din kami sa ganoong set-up ngunit nanatiling matatag pa rin si Marjun at
hindi bumitaw. Nanatili pa rin siya sa bahay. Hindi ko rin alam ang aking tunay
na naramdaman. Naiinis sa kanya ngunit parang ayaw ko rin siyang umalis. “Di
bale… malapit na ring matapos ang building na ginawa nila” sa isip ko lang.
Ngunit
marahil ay hindi na niya nakayanan ang lahat, isang gabing umuwi ako galing sa
gala, hindi ko na naabutan pa si Marjun sa bahay.
Wala na
siya. Hindi ko na nakita ang hapag kainan na sa tuwing pagdating ko ay
nakahanda na ang pagkain. Wala nang Marjun na nakaupo doon, naghihintay sa
bawat pagdating ko…
Bigla akong
kinabahan at ramdam ko ang paggapang ng matinding lungkot. At hindi ko na
napigilan pa ang pagpatak ng aking mga luha.
Dali-dali
kong tiningnan ang drawers at cabinet ng kanyang mga damit at gamit ngunit wala
na rin ang mga ito. Sa ibabaw ng mesa ay may nakapatong na sulat. Sulat kamay
ni Marjun –
“Dear
Aldred, bago ang lahat, nais kong magpasalamat na kahit sa maiksing panahon na
nakasama kita at pinatira mo ako sa iyong bahay, naranasan ko ang magkaroon ng
isang kaibigan na tulad mo. Iyan ang pinakamahalaga sa lahat. Dahil d’yan,
ipinaramdam mo sa akin na ang isang katulad ko ay may halaga din pala; na
puwedeng pagkatiwalaan, na puwedeng mahalin… Salamat na dumating ka sa buhay
ko. Nang dahil sa iyo, natuto akong magtiwala sa sarili. Nang dahil sa iyo,
natuto ako sa mga bagay-bagay na sa iyo ko lang ntutunan kagaya ng pagmamahal,
pagtiwala, pagpapahalaga. Pati sa paggamit ng computer, ng paggamit ng internet
ay sa iyo ko ito natutunan. Dahil sa iyo, nakatikim ako ng mga masasarap na
pagkain, makakain sa mamahaling restaurant, makapagshopping. Dahil sa iyo,
natutunan kong mahalin ang sarili.
Alam mo, ang
pagtira ko sa bahay mo ay ang pinakamaligayang sandali sa buhay ko. Hindi lang
dahil sa kung ano pa mang mga naranasan at natikman ko dahil sa iyo kundi dahil
mismo sa iyo. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Salamat sa lahat.
Nanghihinayang
ako na hahantong ang lahat sa ganito. Nalungkot ako. Hindi ko alam kung bakit.
Ngunit kung ano man ang nagawa kong kasalanan, ako an ang manghingi ng tawad.
Patawad…
PS.
Noong gabing
nalasing ka, may nangyari sa atin at sinabi mong mahal mo rin ako. Ngunit
napag-isip isip kong marahil ay nasabi mo iyon dahil sa sobra mong kalasingan.
Tungkol naman sa kuwento, sana ay happy ending siya. DAhil sa kuwento mo,
nagbago ang aking pagtingin sa mga taong kagaya mo. Pareho lang pala sila sa
mga taong kagaya ng marami, nasasaktan, umiibig, umaasa, nangangarap… Ayoko ng
sad ending. Ayokong may nasasaktan…”
Tumakbo ako
ng kuwarto at doon humagulgol nang humagulgol. Pakiwari ko ay napakalungkot ng
aking bahay na wala na si Marjun. Bumabalik-balik sa aking isip ang mga
masasayang kulitan namin, ang mga biruan, pikunan, harutan, galaan, ang
pag-aalaga niya sa akin, at ang pagbuo naming dalawa sa kuwento ni Byron at
Lester.
Ang sakit.
Hindi ko maintindihan kung magalit o maawa sa sarili o sa kanya. At iyong
sinabi niyang may nangyari sa amin… isa rin ito sa mga nakakaintrigang tanong
sa isip ko. Wala akong matandaan. Ngunit marahil ay iyon iyong nakahubad ako sa
aking paggising kinabukasan pagkatapos ng birthday niya.
Noong
mapagod na ako sa pag-iiyak, pumunta ako sa cottage sa hrap ng bahay. Doon ko
kasi unang nakita si Marjun. Bumabalik-balik sa isip ko ang mga araw kung saan
una ko siyang nakita na nagmamasa ng semento sa kabila lang ng kalsada sa harap
ng aking apartment. Ang insedente kung saan nilapitan ko siya sa cottage na
iyon at kinaibigan, inalok tungkol sa pagiging modelo...
Habang
sinasariwa ko ang mga tagpong iyon, tulala ako, nakatitig sa lugar kung saan
nagtatrabaho si Marjun, hinahanap siya ng aking paningin sa mga taong
nagtatrabaho sa building na iyon.
Subalit bigo
ako. Nakita ko ang dalawa niyang mga barkada doon ngunit si Marjun ay wala.
Ramdam ko ang lalo pang pagtindi sa lungkot na aking nadarama. Parang gusto
kong magsisi kung bakit ko pa siya pinagalitan; kung bakit ko siya pinalayas.
At hindi ko namalayan, tumulo na naman ang aking mga luha.
Sumagi muli
sa isip ang sinabi sa akin ng isang manghuhula na ang ang kahoy daw ay may
malaking papel sa aking tagumpay at pagkabigo. Marahil ay totoo ito. Ang
cottage na iyon ay nasa lilim ng aking itinanim na acacia; ang kuwentong ginawa
namin ni Marjun ay may kinalaman sa puno; at si Marjun mismo ay may itinanim
ding puno sa aking bakuran, para daw kay Byron.
Ngunit may
hindi din tumama sa kanyang mga hula. Kasi, ang sabi niya, masuwerte daw sa
akin ang punong acacia na siyang nagbigay lilim sa aking cottage. Sabagay… kung
an gibig niyang sabihin ay ang pagkakaibigan naming ni Marjun, baka totoo nga.
Subalit panandalian lamang ang swerte na iyon dahil sa isang iglap lang, parang
isang bula din siyang naglaho. Binitiwan ko ang isang malalim na
buntong-hininga…
May limang
araw ang nakaraan at wala pa rin akong nakitang Marjun na sumipot sa building
kung saan nagtatrabaho pa rin ang mga kaibigan niya.
Alas 3 ng
hapon habang nasa cottage na naman ako at nagmamasid sa mga nagtatrabaho ng
building, nabuo sa isip kong tapusin na rin ang kuwentong piangtulungan naming
buuin ni Marjun. Isang malungkot na pagtatapos ang nasa isip ko, trahedya.
Hindi sumipot si Byron. Paano siyang makasipot… patay na pala ito; nagpakamatay
sa sobrang sama ng loob sa ginawa ni Lester sa kanya. Hindi nakayanan niya ang
hiya, ang sama ng loob, ang sobrang pagmamahal na sinuklian lamang ng
panlalait… Alam ko, talo ang kanilang pagmamahalan. Ngunit mas talo si Byron;
talo ako…
Simulan ko
na sana ang pagsulat sa katapusan ng kuwento noong nakita kong nagmeryenda na
ang dalawang kaibigan ni Marjun na sina Mario at Ver sa gilid ng kalsada.
Tiningnan ko ang aking relo, alas tres na pala. Imbes na magsulat, mistulang
may isang malakas puwersnag nagtulak sa akin na tawagin sila. “Mario! Ver!
Puwedeng may itanong ako sa inyo?” sigaw ko.
Lumapit
naman ang dalawa sa cottage.
“May
sandwich ako d’yan, kainin ninyo!” ang pag-aya ko.
Napangiti
naman sila ngunit kumuha din ng sandwich at kumain. “Salamat Aldred!” sambit
nila.
“Woi, may
bayad iyan…” biro ko.
“Ano?”
tanong ng dalawa.
“May
itatanong ako. Bakit wala na si Marjun?”
Na bigla
naming ikinagulat ng dalawa. “Nasa bukid, ayaw na raw niyang magtrabaho eh.”
“Bakit naman
daw?”
“Ewan, Hindi
naman sinabi sa amin. Sobrang malungkot eh. Hayun, nakatunganga…”
“G-ganoon
ba?” ang sagot ko.
“B-bakit
pala kayo nagpupustahan tungkol sa akin?”
Bigla namang
nagkatinginan ang dalalawa na halatang nagulat sa aking tanong. “A-anong
pinagpustahan?” sagot ni Ver.
“Iyong sa
birthday niya, na dapat mapaibig na niya?”
Bigla naming
humalakhak ang dalawa. Sumagot si Mario. “Ah… hindi ikaw iyon! Iyong mataray na
dalagang anak ng landlady namin! Niligawan ko kasi iyon, kaso busted ako. Ok
lang naman sana. Ang masakit, nanlait pa, at sobrang minamaliit ang pagkatao
ko. Syempre, pinsan ako ni Marjun kaya nasaktan din iyong tao.”
“G-ganoon
ba?” ang gulat na gulat kong sabi.
“Oo. Kaya
noong may isang beses na mag-inuman kami, nakapagbitiw siya ng salita na
liligawan niya angbabaeng iyon at kapag nababaliw na sa kanya, hindi na niya
pansinin ito upang maranasan niya ang naramdam kong pagpapahirap sa lupit niya.
Actually, hindi niligawan ni Marjun iyon. Kami lang ni Ver ang gumawa ng
paraan. Nireregards-regards kunyari ni Ver ang babae, dinadalhan ng bulaklak na
galling kunyari kay Marjun. At kumagat naman ang babae, kilig na kilig. At
noong birthday ni Marjun, doon sana kami mag-inuman sa boarding house upang ipakita
sa babae na na-onse namin siya. Kaso nga, hindi natuloy kasi, gusto mo raw na
sa apartment mo siya magcelebrate, at kasali ka. Kaya doon ko ipinabasa kay
Marjun ang sulat ng babae na sinagot na niya si Marjun.”
Parang
hinataw ng isang matigas na bagay ang aking ulo. Naisip ko kasi ang pag-iiyak
ko sa banyo. Wala palang kwenta ang lahat ng pagdadrama ko. At ang paghalik ko
pa kay Marjun sa harap pa nilang dalawa. Kaya pala parang natulala sila. Kaya
pala para silang nakakita ng multo sa ginawa k okay Marjun. “E… “ ang naisagot
ko. Sobrang pagkahiya ko kasi sa sarili na mali-mali ang aking mga hinala.
Dagdagan pa sa halikan scene. “S-sensya na din sa inyo, k-kasi sa harap pa
ninyo ko hinalikan si Marjun…”
Natawa sila.
“Oo nga. Sobrang pagkagulat namin noong nakitang hinalikan mo talaga sa bibig
si Marjun at gumanti rin ang hayup. Ngunit OK lang sa amin kasi, bago pa man
iyon, nasabi na sa amin ni Marjun na nalilito na rin daw siya sa naramdaman
niya para sa iyo… Sobrang bait mo daw kasi, at naaawa din daw siya sa iyo.
Ngunit di talaga namin ini-expect na magsyota na pala kayo… Noong iniwanan mo
na nga kaming nag-inum dahil natulog ka na, binibiro-biro ko na rin itong si
Ver na halikan na rin niya ako e. Kaya kami nagtawanan.”
(Itutuloy)
=====================================================
"Libre
po ang mag-repost; huwag lang ang mang-angkin ng akda na pinaghirapan ng
iba"
=====================================================
[Finale]
Pakiramdam
ko talaga sa sarili ay simputi ng papel ang aking mukha sa sobrang pagkahiya.
Naalala ko ang paghalik ko nang todo kay Marjun dahil sa kagustuhang sakyan ko
na lang siya sa kanyang “pagkapanalo” sa pustahang pagpapa-ibig niya sa akin
bagamat masakit ito sa aking kalooban, at kahit may tuwa at kilig itong dulot dahil
gumanti siya sa halik ko hindi alintang nasa harap lang namin ang mga kaibigan
niya. “Shockssss! Nakakahiya!” sa isip ko lang.
“At ang sabi
pa ni Marjun na ang galing mo daw na manunulat na pati siya ay naaapektuhan
kahit puro lalaki ang mga bidang nag-iibigan sa iyong kuwento. Hangang-hanga
daw siya sa galing mo. Dahil daw sa kuwento mo kung kaya nag-iba ang pananaw
niya sa mga bakla.” Ang sabi ni Mario.
“Oo… at alam
mo, Aldred, iyang si Marjun, takot iyan sa mga bakla. Muntik na kasing magahasa
iyan noong binatilyo pa. Kaya umiiwas talaga iyan sa mga bakla. Kapag
nagpagupit nga iyan ng buhok niya, ayaw sa mga parlor. Nagbitiw pa nga iyan ng
salita na kung bakla lang daw ang makatikim sa kanya, ipapaputol na lang daw
niya ang kanyang ari. Kaya laking gulat talaga namin noong nakitang gumanti
siya sa pakipaglaplapan ninyo.” Dugtong naman ni Ver.
“At…
napansin namin na simula noong maging magkaibigan kayo, naging masayahin na
iyan. Dahil daw ito sa pagiging magkaibigan ninyo. Laging ibinibida ang mga itinuturo
mo sa kanya, ang pamamasyal ninyo sa beach o sa mall, ang mga natikman niyang
mga pagkain… Inspired. Kaya binibiro din namin na baka na inlove siya sa iyo.
Biro lang naman iyong amin. Kasi nga ang buong akala namin ay hindi tatablan
iyan ng pagmamahal sa alam mo na, kagaya ng ganayang relasyon. Pero iyon pala,
sa birthday niya, dalawang tao ang napa-ibig…” sabay tawa ng dalawa. “Ang tindi
ng talaga ng kamandag ng hayop!” dagdag ni Ver.
Hindi na ako
nakasingit sa kuwentuhan ng dalawa. Nakitawa na lang ako. At sa loob-loob ko,
lalo akong naawa, at humanga din kay Marjun. “Ang sama ko talaga!” sa isip ko
lang. “Puro magagandang bagay naman pala ang sinabi noong tao tungkol sa akin,
ibinida pa ako sa mga kaibigan niya, at pagkatapos ay pinaghinalaan ko pa ng
masama…”
Babalik na
naman sana silang dalawa sa kanilang trabaho noong, “Mario! Ver! Mamayang gabi,
sa apartment ko, mag-inuman tayo ha?” ang pag-imbita ko.
Nagtinginan
silang dalawa. “Anong mayroon?” tanong nilang sabay na nagtawanan pa dahil sa
sabay na pagsasalita.
“Wala lang!
Natuwa lang ako!” sagot ko.
“Sige ba!”
ang masayang sagot din nila.
Sobrang
sarap ang aking pakiramdam pagkatapos kong marinig ang mga sinasabi nila
tungkol kay Marjun. Pakiramdam ko ay gumaan ang aking kalooban. Ang problema ko
na lang ay kung paano ko susuyuin si Marjun; kung ano ang gagawin ko upang
bumalik siya sa trabaho at sa pagtira sa bahay ko.
Noong
nabaling ang paningin ko sa aking laptop, bigla kong naisip ang kuwento; kung
itutuloy ko pa ba ang trahedya na pagtatapos nito o ibibitin ko na lang ito at
hayaang tumatak sa isipan ng mga mambabasa ang isang katanungan kung ano ba ang
puwedeng mangyari kina Byron at Lester sa kuwento. Hayaan kong sila ang ang
bumuo sa nararapat na pagtapos nito sa kanilang mga isip. May mga kuwento kasi
akong nabasa na ganito ang estilo. Hindi lantarang ilalahad ng otor ang
kahinatnan ng kuwento at hahayaan niyang nakabitin ito sa dalawang extreme na
maaaring hahantungan ng bida o mga bida: tagumpay o di kaya, trahedya.
Binukasan ko
ang laptop upang ipagpatuloy na sana ang pagtipa sa huling kabanata. Ngunit ako
rin ang nagulat noong nakitang may karugtong na pala ito. May idinugtong na si
Marjun!
Marahil ay
habang noong nasa galaan ako sa mga araw ng kasagsagan ng galit ko sa kanya at
habang naghihintay siya sa akin, naisipan na lang niyang dugtungan ang kuwento.
Sa ilang
linggong hindi pagsipot ni Byron, napagdesisyonan ni Lester na tapusin na niya
ang paghahanap kay Byron. Ngunit sa isang ultimatum at i-announce niya ito muli
sa tulong ng media at paskil sa mga bulletin. At dahil may mga patuloy pa ring
sumuporta at tumulong kay Lester, may gumawa uli ng billboards para sa kanyang
ipinaglaban. Ang huling billboards ay naglalaman ng mukha nila ni Lester at
Byron at kung saan, nakasulat ang mensahe ni Lester –
“Dear Byron,
sa darating na Linggo na ang huli kong paghihintay sa iyo sa ilalim pa rin ng
puno ng narra sa central park. Muli, manghingi ako ng tawad sa aking mga
nagawang kasalanan. Ngunit gustuhin ko mang ipagpatuloy ang paghihintay sa iyo,
wala ring mangyayari dito kung ikaw mismo ay ayaw nang buksan ang pintuan mo
para sa akin. Uulitin ko, ngayon ko lang naramdaman ang ganitong klaseng
pagmamahal para sa iyo. Mahirap paniwalaan ngunit ito ang totoo. Hindi kita
pipiliting maniwala ngunit kung alam mo lang kung paano naghirap ang kalooban
ko na mahanap ka at mapatawad mo; kung gaano kahirap ang pagharap sa ganitong
klaseng pag-ibig, marahil ay maawa ka rin sa akin. Ngayon ko narealize ang
naranasan mong paghihirap; ngayon ko naramdamn kung gaano kasakit ang magmahal
at maghintay; ang pagdurugo ng iyong puso dahil sa mga pangungutya at
panglilibak ng mga tao… Ngunit gusto kong manindigan; gusto kong ipakita sa iyo
na kapag nagmahal ka, ipaglaban mo ang naramdaman mo sa kabila ng lahat… Ngayon
ko napagtanto na ang pag-ibig ay hindi kumikilala ng kasarian o pagkatao. Kapag
tumibok ang puso, sapat na ito upang manindigan. Sana lang ay panindigan mo rin
ang pagmamahal mo sa akin at siputin mo ako ngayong darating na Linggo… iyan ay
kung mahal mo pa rin ako, gaya nang sinabi mo sa iyong diary. Patawarin mo na
ako. Bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon. Isang tao lamang ako na
nagkakamali. Lahat naman tayo ay nagkakamali di ba? Palayain natin ang galit sa
ating mga puso. Sa diary mo, ilang beses mong sinabing wala nang pag-asang
lumigaya ka pa; na wala nang taong maaaring magmahal pa sa iyo; at na
ipinangkait sa iyo ng tadhana ang pagmamahal at ang taong siyang para sa iyo.
Sinabi mo rin na ang lahat ng mga lalaki ay manloloko, manggagamit,
pinaglalaruan ang iyong damdamin. Gusto kong patunayan sa iyo at sa buong
mundo, na hindi totoo iyan. Dahil nandito ako, nagmamahal at naghihintay.
Puntahan mo ako dito, please… -Lester-
PS. Hindi
ako ang nagpaskil sa kopya ng diary mo sa bulletin board ng kumpanya; isang
babaeng staff na nagkagusto sa akin at may itintagong galit sa iyo ang gumawa
nito. Tinanggal na siya ng boss ng kumpanya at ikaw ay pinapabalik. Sana
babalik na tayo sa dati kung saan magkasama tayo sa trabaho. Nahirapan na ako.
Pati ang mga kasamahan natin sa trabaho ay umaasam na babalik ka. Na-miss ka na
rin nila… Pati ang puno na itinanim ko para sa iyo ay malaki na at patuloy na
inaalagaan ko para sa iyo. Marahil ay kung nakakapagsalita lamang ito, sigurado
akong ang sasabihin niya rin ay sana bumalik ka na…”
At ang sulat
na ito ni Lester ay ipina-flash sa TV at bino-broadcast din ng ilang mga
estasyon ng radio dahil marami pa rin ang nag-abang sa love story nila. At ang
fanpage ni Lester sa facebook ay umabot na nang halos isang milyon na like at
ang admin at pasimuno nito mismo ay nanawagan na pumunta uli sa central plaza
sa ultimatum na ibinigay ni Lester. At hindi lang basta magpunta; hinikayat din
niya silang magdala ng mga seedlings o saplings ng kahit na anong puno bilang
simbolo ng punong itinanim ni Lester para kay Byron.
Dumating ang
araw na itinakda at muli, dumagsa ang maraming taong patuloy pa ring sumuporta.
At sa pagdagsa nila, namumutiktik din ang napakaraming iba’t-ibang sapling ng
puno ang lugar na animoy isang exhibit ito ng mga pananim. At may mga tatak pa
ang karamihan dito; may nakalagay na “Puno Ni Byron” may “Puno Ni Lester”, may
“Puno ni Lester At Byron” at ang iba naman ay “Puno Ng Pag-ibig”.
Ngunit sa
ilalim ng puno ng narra pa rin na iyon, nandoon si Byron, nag-isang nakaupo sa
sementong upuan sa lilim; nabalot ng matinding pangamba, takot, lungkot, at
pag-aagam-agam...
Ngunit
hanggang doon na lamang ang idinugtong ni Marjun sa kuwento. Maiksi ngunit
natamaan ako sa mga sinasabi niya; ang pagkakamali, ang panghingi ng tawad ni
Lester, ang sinabi niyang “lahat tayo ay nagkakamali…”. Syempre, sa kalagayan
namin ni Marjun, nasa akin ang lahat ng kamalian dahil sa hindi ko man lang
muna sinuri ang buong katotohanan bago magpasya o magbitiw ng masasakit na
salita; kung ako ba talaga ang pinagpupustahan nila. Nagmamadali kasi ako sa
paghusga sa isang bagay na base lamang sa aking sariling sapantaha, na hindi
man lamang pinakinggan ang kanyang panig.
At dahil sa
nabasa ko, may malakas na puwersang nag-udyok sa akin na puntahan si Marjun sa
probinsya niya. Kinutuban kasi ako. Pakiramdam ko ay naghihintay lamang siya sa
akin; na ang isinulat niya sa kuwento ay hindi bilang si Lester kundi sariling
mensahe niya mismo para sa akin; at naghintay siya na sunduin ko.
Dali-dali
kong tinawid ang kalsada at nilapitan sina Mario at Ver kung saan sila ay
abalang nagmamasa ng semento. “Mario, Ver… gusto ko sanang puntahan ang bahay
ni Marjun?” ang pangingimi kong sabi.
“Ha?” ang
gulat na sagot ni Mario. “Malayo iyon Aldred. May halos tatlong oras din ang
biyahe patungo doon. Baka gabihin ka at maligaw ka pa.”
“Kahit na,
gusto kong puntahan siya. Tulungan niyo naman ako please…”
Nagkatinginan
sila. Maya-maya lang, “O... sige ako na ang magpaalam. Sasamahan kita.
Kapitbahay ko lang kasi iyon.” Ang sambit ni Mario.
“Sasama na
rin ako…” ang pagsingit din ni Ver.
Pinayagan
naman sila. Malapit na rin kasi ang kanilang uwian kung kaya sila ay
napagbigyan.
Halos
magkandaugaga kami sa pagmamadaling makarating sa terminal. Naghahaf-bath lang
ang dalawa sa aking apartment at pinagamit ko na rin ang aking short at
t-shirt, at hindi na nga lang ata sila nakapagbrief.
Sa sasakyan
ko ibinunyag ang tunay na nangyari sa gabing iyon ng birthday ni Marjun; na ang
buong akala ko ay ako ang pinagpustahan nila at dahil dito, nagalit ako kay
Marjun kaya sinakyan ko ang “pagkapanalo” niya at hinalikan siya. Ngunit noong
kami na lang dalawa ang naiwan sa bahay nakapagbitiw ako ng masasakit na salita
at pinalayas ko si Marjun.
“Kaya naman
pala eh… Kawawa naman ang pinsan ko. Napahamak tuloy sa pusta-pustahan natin.”
ang sabi ni Mario na nilingon si Ver.
“Kaya nga
eh… sobrang pagsisisi ko talaga. Ambait pa naman ng pinsan mo sa akin.” Sagot
ko.
“Mabait
talaga iyon. Kahit mas guwapo ang halimaw na iyon, mas mabait din iyon. Kaya
maraming nababaliw sa taong iyon.” Sabay tawa.
Napangiting
hilaw na lang ako. Totoo naman kasi. At isa na ako sa nababaliw sa kanya.
Mag-aalas 8
ng gabi noong makarating kami sa bahay nina Marjun. Wala silang koryente,
kawayan at nipa lamang ang bahay nila at sa tingin ko ay halos babagsak na ang
bubong nito. Kitang-kita ko ang kahirapan ng buhay nila. Lalo pa akong naawa sa
kanya. Alam ko, ang kapiranggot niyang suweldo ang bumubuhay sa kanyang mga
magulang at mga kapatid.
Nanay niya
ang sumalubong sa amin. “Naku! May bisita pala si Marjun! Hindi pa umuuwi ah!
Di ba nagtrabaho siya sa construction kasama ninyo?” tanong niya kina Mario at
Ver.
“Eh…
H-huminto na po siya at ang sabi ay uuwi na lang po ng probinsiya!”
Napahinto ng
saglit ang ina ni Marjun. “Diyos ko po na mahabagin!!!” sigaw niya. “Saan naman
kaya nagpunta ang batang iyon?” at umiyak na, kitang-kita sa mukha ang
matinding pag-alala sa anak.
“A-ang sabi
po niya ay magsaka na lang daw po siya sa bukid” ang sagot ni Mario.
“Wala… Hindi
umuwi! Matagal na!” sagot uli ng ina.
“G-ganoon po
ba? E di sige po, aalis na lang po kami upang hanapin kaagad siya. Huwag po
kayong mag-alala tiyang, kami ang bahala.”
“Sige Mario,
hanapin mo siya. Baka napaano na ang batang iyon. Nag-alala ako. Huwag mong
pabayaan ang pinsan mo.”
“Opo
tiyang.”
Dahil dito,
bigla akong kinakabahan sa maaring nangyari kay Marjun. At naisip ko rin na
baka nagpunta siya sa apartment ko. “A-aalis na lang po kami.” ang pagsingit ko
sa ina ni Marjun
Inimbitahan
pa sana kami na pumasok sa loob ng bahay nila ngunit dahil nagmadali nga kami
at baka wala na ring masakyan, kung kaya hindi na niya kami pinilit pa.
Alas 11 ng
gabi noong makarating kami ng bahay. Halos takbuhin ko na lang ang layo galing
ng bus terminal papunta ng apartment. Pakiramdam ko kasi ay nandoon na siya sa
bahay ko. Parang hindi na ako makapaghintay pa.
Noong
narating na namin ang bahay, hindi ako magkandaugaga sa pagbukas ng gate,
exited na baka nasa loob si Marjun at dumaan lang sa may likurang pader kung
saan ay puwede niyang akyatin. Dati kasi, inakyat na niya iyon noong naiwan ko
ang susi sa loob. At may isang beses din kung saan natagalan akong umuwi dahil
sa meeting, kusa siyang pumasok ng bahay sa daanang iyon. Iyon din kasi ang
bilin ko; na kapag gusto niyang pumasok at wala ako, pwede niyang akyatin ang
likurang pader… “Baka nakatulog na siya!” sigaw ng isip ko. “Marjun! Marjun!”
sigaw ko noong makapasok na.
Ngunit wala
ni anino niya ang nakita ko sa loob ng bahay. Nabuksan ko na ang tulugan, ang
kubeta… Wala. Napakatahimik ng bahay na kahit ang kurtinang wumagayway sa ihip
ng hangin ay hindi magawang lumikha ng kahit na kaunting ingay.
Pakiramdam
ko ay bigla akong naubusan ng lakas. Napaupo ako bigla sa sofa sa sobrang
lungkot. Ramdam ko naman ang pagkaawa sa akin nina Mario at Ver.
“Baka nasa
boarding house natin!” ang sambit ni Mario
“Ano naman
ang gagawin niya doon? Wala na siyang tulugan doon. At kung nandoon nga, dapat
sa limang araw na wala na siya sa poder ni Aldred ay doon siya tumuloy sa
atin!” sagot naman ni Ver.
“Baka nandoon
iyon ngayon, naghintay sa atin. Subukan mo lang. Kapag wala, sama-sama na
tayong maghanap sa kanya.”
“Sabagay….
Sige puntahan ko baka nandoon nga. Mahirap na, baka nilapa na iyon ng
balahurang babaeng anak ng landlady natin!” ang pabirong sabi ni Mario upang
mapatawa ako.
Binitiwan ko
ang ngiting-pilit bagamat matindi ang pag-alala ko para kay Marjun. “S-sana
nandoon nga siya.” ang malabnaw kong sagot. Nalungkot kasi ako sa ginawa kong
pagpapalayas sa kanya at sa hindi niya pagbalik sa akin. Ibig sabihin, malaki
pa rin ang hinanakit niya. At natakot din ako na baka tuluyang hindi na siya
babalik pa.
“Sige tol…
puntahan mo. Dito na lang muna ako, sasamahan ko si Aldred. Kung wala pa rin
doon, hahanapin na natin siya.” Ang pagsang-ayon naman ni Ver.
Noong kami
na lang dalawa ni Ver ang naiwan, “M-mag-inuman na lang tayo, Ver… Bili ka ng
mainum natin sa labas.” ang malungkot kong sabi.
“O-ok ba…”
Binigyan ko
ng pera si Ver at lumbas ito ng bahay. Noong ako na lang ang naiwang mag-isa,
hindi pa rin ako mapakali. Sobrang kaba pa rin ang aking naramdaman. Naalala ko
muli ang idinugtong ni Marjun sa kuwento; na naghintay siya sa ilalim ng puno
ng narra. May kung anong kakaiba akong naramdaman. Parang kaba, takot… hindi ko
mawari.
Bigla akong
napatayo at dali-daling lumabas ng bahay. Bagamat mag-aalas-dose na iyon ng
hatinggabi, wala akong takot na sumakay ng tricycle. “S-sa central plaza po…”
ang sabi ko sa driver.
Mistulang
isang ghost town ang central plaza noong nadatnan ko ito. Bagamat malamig ang
simoy ng hangin, napakaaliwalas ng paligid. At tanging ang mga ingay ng alon sa
dagat lamang sa di kalayuan ng central park ang naririnig ko habang marahan
nilang hinahampas ang dalampasigan.
Habang
binaybay ko ang maliit na sementong pathwalk, palakas nang palakas naman ang
kalampag ng aking dibdib. Noong malapit na ako sa mismong puno ng narra kung
saan ko kinunan ng litrato si Marjun para sa aking libro, lalo pa itong bumilis
at lumakas pa. Nakakabingi.
At para
akong himatayin sa aking nasaksihan. Sa sementong upuan sa ilalim ng puno mismo
ay nandoon si Marjun. Himbing na nakatulog na nakatihaya at mukhang marumi.
Suot niya ang jeans at t-shirt na kulay blue na may stripes na dilaw. Naalala
ko, iyon ang mga binili ko sa kanya para niya suotin sa aming pictorial. Habang
nakatihaya siya, nakapatong naman sa ibabaw ng kanyang dibdib at yakap-yakap pa
ang kanyang shoulder bag na naglalaman ng kanyang mga damit at gamit.
Nabalot ng
pagkaawa ang aking puso. Sa porma niya, mistula siyang isang homeless na taong
palaboy-laboy sa lansangan. Nakakawa ang kanyang hitsura, madungis ang damit,
naka-tsinelas lang, mahahaba ang bigote at balbas sa mukha; halatang pinabayaan
ang kanyang sarili…
“Marjuuunnnnnnnn!!!!”
ang sigaw ko habang hila-hila ko ang kanyang braso upang gisingin siya. “Anong
ginawa mo dito?”
Noong
nagising at nakitang ako ang gumising sa kanyan, binitiwan niya ang isang
napakagandang ngiti. Mistula siyang isang taong nasa hopeless na kalagayan kung
saan noong nakita ako, ay biglang nabuhayan ng loob at pag-asa. “H-hinihintay
kita…” ang mahinang sambit niya.
At wala na
akong nagawa kundi ang umiyak ng umiyak “A-alam ko. Alam ko Marjun. Pasensya
na, matagal akong nakarating...” Ang sagot ko habang tinulungan siyang makaupo.
“P-patawarin mo ako… Patawarin mo ako Marjun. Hindi ko kasi alam…” at niyakap
ko na siya ng mahigpit. Nagyakapan kami na parang hindi na namin masisilayan pa
ang bukas. Naglapat ang aming mga labi na parang iyon na ang huli naming
paghahalikan. Iyon ang pinakamatamis na halik at pinakamahigpit na yakap na
naranasan ko sa tanang buhay ko.
“H-hindi ko
kayang mabuhay kung wala ka…” ang sambit niya sa akin.
“Ako rin
Marjun. Walang kahulugan ang buhay ko kapag wala ka sa piling ko…”
Dinala ko si
Marjun sa bahay at noong nakarating na kami, nandoon na rin sina Mario at Ver,
handa na sa aming inuman. Tuwang-tuwa sila noong nakitang kasama ko si Marjun.
Pinapaliguan
ko si Marjun, sabay kaming naligo sa loob banyo at doon, pinagsaluhan namin ang
tamis ng aming pagmamahalan. Doon ko muli nalasap ang walang sukatang sarap ng
kanyang pag-ibig.
Nag-inuman
kami. Nagkuwentuhan, kantyawan. At sa pagkakataong iyon, hindi na ako nahiya pa
sa harap nina Ver at Mario na halik-halikan ang barkada nilang si Marjun.
“Insan,
pasensya na ha? Napahamak ka tuloy sa pustahan natin sa babaeng iyon… Buwesit
talaga ang balahurang babaeng iyon.” ang sabi ni Mario.
“Woohhh!
Busted ka lang eh.” Sagot namang biro ni Marjun. “At hindi buwesit ang pustahan
na iyon dahil kung hindi doon, hindi ako makatikim ng grabeng laplapan sa mga
labi ni Aldred. At sa harap niyo pa! May witness!”
Kinurot ko
naman ang gilid ni Marjun.
Tawanan.
Masayang-masaya
kami sa tagpong iyon. At bumalik uli si Marjun sa dating tinatrabahuhan sa
ginawa nilang building.
Isang araw
ng Linggo ng hapon, wala kaming parehong pasok. Ipinagpatuloy ko ang pagtapos
ng kuwento; sa cottage pa rin sa lilim ng punong acacia sa gilid ng kalsada,
harap ng aking apartment. Ako ang nagtype habang ang mga mata ni Marjun naman
ay nakatutok sa monitor ng computer, binantayan ang takbo ng aking pagsulat
kung paano ko tatapusin ang aming kuwento.
Dumating uli
ang takdang oras na binanggit ni Lester. Kabado ang lahat habang ang iba ay
nagmamatyag kung may lalapit sa puno at magpakilalang siya si Byron. Pati ang mga
TV crews at mga reporters ay halata sa mga mukha nila ang ibayong kaba at
excitement.
Subalit,
bigo na naman ang lahat. Walang Byron ang sumipot…”
“Teka, teka…
akala ko ba happy ending iyan? Bakit hindi mo pinasipot si Byron?” ang pagtutol
ni Majun sa isinulat ko.
“Relax ka
nga lang. Masyado kang excited!” ang sagot ko naman sabay kurot sa pisngi niya
na sinuklian naman niya ng mabilisang paghalik sa aking labi.
Ipainagpatuloy
ko ang pag-type.
“Isang oras
ang lumipas, dalawang oras, tatlong oras simula noong nag-lapse ang nabanggit
na oras, wala pa ring Byron ang sumipot. Ngunit nanatili pa rin si Lester sa
inuupuan nito bagamat pansin na ang pagdaloy ng kanyang mga luha.
Paisa-isang
nagsiuwian na rin ang karamihan ng mga tao, kitang-kita sa kanilang mukha ang
ibayong lungkot at pagkaawa kay Lester.
Mag-aalas
dose na ng gabi. May iilang tao pa ring nakisimpatiya kay Lester lalo na ang
isang samahan ng mga bakla at lesbian kung saan nanatiling nag-antabay at
sumuporta, ang iba ay nakatulog mismo sa damuhang parte ng central park na
iyon. Marahil ang marami sa kanila ay naawa na lang kay Lester o gusto na lang
magpakita ng kanilang suporta bagamat sa isip nila ay wala na talagang pag-asa
na sisipot pa si Byron.
videokeman
mp3
Maghihintay
Ako Sa Yo – Mark Alain Echem Song Lyrics
Hanggang sa
nakatulog silang lahat. Nakatulog rin si Lester.
Ngunit sa di
inaasahang pagkakataon, may isang taong palihim na lumapit sa sementong upuang
hinigaan ni Lester, tila umiiwas sa mga tao at camera. Noong nakalapit na siya,
ginising niya ang mahimbing na natutulog na si Lester, hinila ang braso,
tinapik ang ulo. “Lester... Lester! Gising!” ang pigil na pagsigaw ng lalaki.
At noong
nagising si Lester, laking gulat nito noong nakita ang mukha ng taong gumising
sa kanya. “Byronnnnnnnn!!!”ang sigaw niya sa sobrang tuwa. Hindi na niya
napigilan ang sariling hindi mapasigaw. Bigla siyang bumalikwas at parang
batang naglupasay sa tuwa.
“Shhhh!
Huwag kang maingay!” ang sabi ni Byron.
Ngunit huli
na ang lahat dahil nagising ang ilang mga nag-antabay sa lakas ng ingay ni
Lester.
Biglang
nag-ilaw ang camera lights ng nag-iisang TV network na nagpaiwan. Dahil dito,
ang iba pang mga nakatulog na taga-suporta ay nagising lahat. At nasaksihan ng
lahat ang kaganapan ng pagtagpo muli nina Byron at Lester. Nakunan din ng video
at litrato ang eksena kung saan masaya at sabik na sabik sa isa’t-isang
nagyakapan ang dalawa, nag-iyakan, nagtawanan, at naghalikan.
Nagpalakpakan
ang lahat sa tagpong iyon. Sigawan ang mga tao, hiyawan. Mistula itong isang
celebrasyon ng bagong taon kung saan ang lahat ay nag-iingay. At ang karamihan
ay hindi naiwasan ang hindi mapaiyak sa tuwa at sa paghanga sa wagas na
pag-ibig na ipinamalas ni Lester para kay Byron.
At sa harap
ng mga tao at TV camera, nagsumpaan ang dalawa na hindi na hindi bibitiw sa
isa’t-isa at ipaglaban ang kanilang pagmamahalan.
Naging hit
ang kuwento ng pag-ibig ng dalawa sa buong bansa. Dahil dito, may nag-offer na
magkaroon sila ng isang ceremonial na kasal-kasalan at gagastusan niya. May
nag-offer din ng Asian tour para sa kanilang honeymoon.
At… nangyari
ang lahat at masayang-masaya sina Lester at Byron.
Simula noon,
tuluyan na silang nagsama sa isang bubong. Bumalik na rin si Byron sa kanyang
trabaho sa iisang kumpanyang pinagtatrabahuhan din ni Lester.
At ang
punong itinanim ni Lester para kay Byron sa hardin ng kanilang kumpanya?
Patuloy pa rin nila itong inaalagaan. Noong lumaki na ito, inukit nila sa puno
ang kanilang dalawang pangalan sa loob ng isang hugis na puso: “Lester Loves
Byron Forever”
Wakas.
“Waaahhhh!
Ang ganda!” sigaw ni Marjun.
“Talaga?”
“Sobra! Ang
galing talaga ng mahal ko…”
“Naka-relate
ka ba?”
“Pamilyar sa
akin ang eksena sa pagsulpot ni Byron at paggising niya kay Lester sa ilalim ng
puno ng narra!!!”
“May naalala
ka? Sa central park din iyon di ba?” sagot ko sabay tawa.
“Oo… wala
nga lang reporters, TV camera, at mga tao na nakasaksi…”
“Di bale…
kasi, kapag tuluyan nangn maisalibro ang kuwento nating ito, magkakaroon ka na
rin ng maraming tagasuporta at fans. Kagaya ni Lester.”
Natawa siya,
ayaw maniwala.
Ilang araw
pa ang lumipas at natapos din ang gusali na ginawa nila ni Marjun. Maganda ito,
matayog, matatag, pulido ang pagkagawa; mga katangiang hinahangad ko rin sa
aming pag-iibigan na, kagaya din ng gusaling iyon, ay pinaghirapn ding buuin ni
Marjun para sa aming dalawa. Kahit tapos na ang gusali, nanatiling nakatira si
Marjun sa aking apartment at nagsama kami na parang mag-asawa.
Tungkol
naman sa libro, naging best seller ito. Kahit saan kaming bookstore magpunta
para sa autograph signing, dumadagsa ang mga nagpapa-autograph hindi lang sa
akin kundi pati na rin kay Marjun. At base sa inaasahan ko, dumami ang mga fans
ni Marjun na kahit sa facebook ay nagkaroon na rin siya ng sariling fanpage.
Malaki ang
kinita naming dalawa sa libro, and still counting pa. At dahil dito,
pinag-isipan na naming gawan ng sequel o pangalawang libro ang kuwento ng pag-ibig
nina Byron at Lester. At syempre, siya pa rin ang modelo ko at co-author.
Paborito pa
rin naming pahingahan ang cottage sa harap ng aking apartment. Doon, malamig
ang simoy ng hangin, nakaka-relax ang ambiance, nakakawala ng problema, stress
at pagod. At kapag ganyang kaming dalawa ay nagpapahangin sa cottage na iyon at
ini-enjoy ang aming pagiging magkasama, hindi ko maiwasang hindi mapahangang
tumingala at pagmasdan ang mga sanga ng acacia na umuusli sa bubong ng cottage,
wumawagayway sa bawat paghampas ng hangin ngunit sumisilip at nagbabantay sa
aming dalawa ni Marjun.
Binitiwan ko
ang isang malalim na buntong-hininga. Habang ninamnam ko ang sarap ng preskong
simoy ng hangin, marahan ko namang hinahaplos-haplos ang mukha ni Marjun na
nakahiga sa gilid ng aking inupuan, ang kanyang ulo ay nakasandal sa aking
kandungan…
Muling
sumagi sa aking isip ang sinabi sa akin ng manghuhula tungkol sa puno ng
akasya. Noong itinanim ko ang punla nito, napadaan siya at napansin ang ginawa
ko: “Alagaan mo siya; para sa iyong kaligayahan. Iyan ay puno ng pag-ibig…”
Wakas.
------------------------------------------------------
Sana
magkaroon ng sequel ang libro nina Aldred at Marjun para magkaroon din ng Book
2 ang kuwento na ito. Hmmmmmm. Malay natin. Kung umabot ng 75 ang comments
dito, baka magkaroon nga.
:-)
===================================================
"Libre
po ang mag-repost; ang bawal ay ang mang-angkin ng akdang pinaghirapan ng
iba."
===================================================
No comments:
Post a Comment