“POLLLLLLLLL!!!!”
Naibagsak ko ang kurbyertos na aking ginagamit, dahil sa sigaw na iyon. Katatapos lang namin mag jogging ni Kiko. Nauna na siyang maligo. Napatakbo ako papuntang CR dahil sa sigaw ni Kiko na yun.
Naabutan ko si Kiko na nakaupo sa isang sulok, hubo't hubad pa ito at may tinuturo sa may kisame malapit sa shower head.
“Bb...butiki!” sigaw ulit nito habang turo turo ang walang kamuwang muwang na butiki.
“Bahala ka nga diyan, bilisan mo ng maligo at male-late ka na.”
“Pol naman eh!!!” sigaw ulit nito at napapapikit nadin dahil yung bula ng shampoo na dapat atang aanlawan na niya eh napunta na sa mata niya.
“Eto na!” sigaw ko pabalik, kumuwa ako ng walis tambo para paalisin ang kawawang butiki doon. Hinawi ko ang butiki mula sa kinaroroonan nito nang makarinig ako ng sigaw ulit kay Kiko.
“ARRRRRRGGGGGGHHHHHHH!!!!” napatingin ako kay kolokoy at nakitang sa ulo pala nito tumalsik ang butiki. Biglang tumaob si kolokoy at nawalan ng malay.
0000oooo0000
Di ko mapigilan ang sarili ko sa katatawa habang palabas kami ni Kiko ng bahay. Naningkit ang mata nito habang hinihimas parin ang bukol sa kaniyang noo.
“So I'm scared of lizards?! Ano naman ngayon?! Geesh!” naiinis nang turan ni Kiko sakin nang makitang tawa parin ako ng tawa.
“You're scared of everything.” biro ko sa kaniya. Nagkamot ito ng ulo saka ibinato sakin ang helmet na hawak hawak nito.
“Ayan! Isuot mo, para pag hinampas kita nitong motor sa ulo, di mo maramdaman.” naiinis ng sabi nito sakin.
“Awww! How sweet!” at ininguso ko ang aking mga labi, aktong hahalikan siya nang supalpalin ako ng palad nito. Pero di nakaligtas sakin ang pasimple niyang pagngiti. Napangiti narin ako.
0000oooo0000
Ganun parin si Kolokoy habang nakaangkas sa motor. Palinga linga parin ito at may nakaplaster na ngiti sa kaniyang mga mukha. Habang tumatagal nahuhulog lalo ang loob ko kay Kiko. Alam kong pinangako ko na sa sarili ko na pipigilan ko na ito. Nabasag ng pagmumunimuni ko ang sumunod na ginawa ni mokong. Yumakap ito sakin at isinandal ang kaniyang ulo sa aking likod. Hindi ko naman siya makabig at baka mahulog si mokong. Nagsimula na akong makaramdam ng vibrations sa aking likod.
“Naghihilik?!” gulat kong tanong sa sarili ko at pinakiramdaman siya ulit.
“Nakatulog pa nga ang kumag.” bulong ko sa sarili ko at umiling. Mayamaya ng malapit na kami sa skwelahan ko kung saan ako baba at ipapasa na kay Kiko ang motor para gamitin niya papunta sa coffee shop ay biglang...
“WTF?!” sigaw ko nang may maramdamang parang nababasa ang aking likod.
“Nampucha Kiko! Wag mong lawayan yung uniporme ko!”
0000oooo0000
Nagsimula na ang bagong Sem sa school, panibagong adjustments nanaman. Ngayon baliktad na ang nakasanayan ko nung huling semester, pagkatapos sa skwelahan sa coffee shop naman ako. Medyo nahirapan dito si Kiko, dahil gusto niya kasama niya parin ako papasok at kasama pauwi. Nagtataka man ang karamihan ng tao sa paligid namin kung bakit ganito dapat ang set up, di naman namin masagot. Parang di na kami sanay na magkalayo.
“Pano na lang kung bigla siyang mawala, Pol? Makakaya mo ba?” tanong sakin ni kuya nung minsang bumisita siya sakin. Alam kong pati siya ay nagtataka na sa masyado naming pagiging close ni Kiko. Ikinibit balikat ko lang ang tanong niyang yun, pero ang totoo at inamin ko na rin sa sarili ko na baka hindi ko rin kayanin. Natakot ako sa naisip na yun, pero di ko pinahalata kay kuya.
0000oooo0000
Magiliw akong binati ni Panfi pagpasok ko sa coffee shop. Bigla namang naningkit ang mata ni Kiko at tumakbo papunta sa pagitan ulit namin ni Panfi.
“Easy.” taas kamay na bulalas ni Panfi kay Kiko.
“Bakit di ka pa umuuwi?” tanong ko kay Kiko.
“wag mo akong simulan.” naiiritang sagot sakin ni Kiko. Sa tuwing pinapauna ko kasi itong umuwi ay nagagalit ito sakin, magstestay yang si kumag hanggang matapos ang shift namin ni Panfi sa coffee shop. Maski ang tatay nito na may ari ng coffee shop ay nagtataka narin sa kinikilos ng anak niya. Dati rati kasi pala layas ang kumag at walang balak na magstay sa coffee shop ng matagal. Ngayon halos gabi gabi na siyang nagsasara nito. Ikinibit balikat ko na lang ulit ang pangiismid na yun ni Kiko.
0000oooo0000
“Aray!” sigaw ni kumag ng haklitin ko ang batok nito kinabukasan. Panong hindi ko mahahaklit ang batok ni kumag eh nakalimutan niyang patayin ang apoy sa kalan. Sa sobrang antok siguro, nakita ko pa itong nakapikit pagkalabas ko ng banyo, iniintay kasi ako nitong matapos maligo para makapagagahan na.
“Sabi ko kasi sayo kagabi umuwi ka na, tignan mo yan. Susunugin mo pa ang bahay sa kakapuyat mo!” di naman ako pinansin ni kumag at tinuloy tuloy na lang ang paglantak sa pagkain na niluto niya.
“Pol?”
“Hmmm?”
“May binigay bang sulat sayo si P..pan...Pan...” nauutal na sabi ni Kiko at parang wala sa sarili.
“Oo.” matipid kong sagot habang binubuklat ang dyaryo sa harapan ko.
“Ahhh, nakita ko kasi siya na nagsusulat, nakita ko nga na para sayo yung...”
“ahhhhh.”
“Tungkol saan yung sulat?” mahinang tanong sakin ni Kiko sabay inom sa tasa ng kape.
“Nagtatanong kung pwedeng manligaw.” sabi ko at iniharang ko na ang dyaryo sa mukha ko dahil alam ko na ang susunod na mangyayari. Naibuga na nga ni Kiko ang kaniyang ininom na kape.
“A..an..anong sabi mo?” tanong ni Kiko sakin.
“Punasan mo muna yang ginawa mong kalat.” sabay tayo ko at balik sa kwarto para kuwanin ang gamit ko para sa skwelahan.
Pagbaba ko ay napansin kong nalinis na ni Kiko ang kusina at matamlay na pinupunasan ang lamesa. Inaya ko na siyang umalis at matamlay itong sumunod sakin. Bago ko pa man patakbuhin ang motor ay yumakap na sakin si Kiko at isinandal na ang ulo niya sa likod ko.
“Ok lang na matulog ka, wag ka lang bibitaw saka wag mo lang lalawayan yang likod ko.” naramdaman kong tahimik na tumango si kumag, napangiti naman ako.
Medyo mabagal ang patakbo ko kasi baka masyadong mapalalim ang tulog ni kumag at mapabitaw. Naramdaman kong medyo lumuluwag nga ang kapit niya kayat inihawak ko ang aking kaliwang kamay sa kaniyang kamay at isang kamay kong minaneho ang motor. Naramdaman kong lalong siniksik ni Kiko ang sarili niya sakin nang maramdaman niya ang paghawak kong iyon. Nagbuntong hininga tapos hinigpitan ang kaniyang yakap. Tinapik ko na ang kamay ni Kiko at agad naman itong kumilos nang makarating na kami sa skwelahan ko. Wala parin itong gana.
“Ingat ka...” mahina kong sabi at tumango lang ito, nakasimangot nanaman si mokong, akala mo toddler na hindi napagbiyan ang gusto at katatapos lang ng tantrums. Pinaandar na nito ang motor.
“...saka hindi ako pumayag.” sabi ko. Naningkit naman ang mata ni Kiko at bahagyang kumunot ang noo, halatang di naintindihan ang ibig kong sabihin. Di kami masyadong magkarinigan dahil sa ingay ng motor. Lumapit ako sa kaniya at bumulong.
“Sabi ko hindi ako pumayag sa tanong ni Panfi. Di ako pumayag na manligaw siya.” nangingiti kong sabi kay Kiko, biglang lumiwanag ang mukha ni kumag. Kinindatan ako nito.
“Ano?!” tanong ko dito, di sigurado sa gusto ni kulokoy. Nagets ko na lang ng ngumuso ito at nagloloko na hahalikan ako. Inikom ko naman ang kamao ko at sumenyas ng suntok sa kaniya.
“Ahehe wag na lang.” sabi ni kumag sakin saka nagmaneho palayo. Napangiti naman ako sa sarili ko at pumasok na sa skwelahan.
0000oooo0000
“Ano ba't palipat kayo ng palipat ng shift?! Hayaan mo na si Pol, marunong na siya. Di na niya kailangan ng gabay mo.” paliwanag ng Boss namin kay Kiko, nang maabutan ko silang naguusap ng tatay niya sa opisina nito.
“Maya maya lang aalugin nanaman niyan ni Kiko ang lamesa ni Boss.” sabi ni Panfi sa likod ko. napatahimik ako dahil sa bagong dating.
“nga pala Panfi, tungkol dun sa sulat mo...” simula ko.
“Mamya na natin pagusapan.” sabi ni Panfi sabay ngiti na ikinkaba ko naman.
“Ano nanaman kaya ang binabalak nito?” isip isip ko.
“Sige na kassiiiii!!!” sigaw ni Kiko sa loob ng opisina ng tatay niya sabay alog sa lamesa nito. Napangiwi naman ako sa nakita kong yun.
“Walang pinagbago.” sabi ko sa sarili ko sabay iling.
0000oooo0000
“Bwisit na yan! Ayaw akong payagan ni taba na sumabay ulit sa shift mo!” kwento sakin ni Kiko habang nasa labas kami at sinasamantala ang break ko.
“Ano ka ba?! Tatay mo kaya yan!” sabi ko sa kaniya.
“Oh get over it! Ok lang yun sa kaniya.” sagot ni Kiko na kala mo walang pakielam sa kabastusang sinabi niya.
“Nga pala, layuan mo muna si Panfi ah? May iba akong nararamdaman dun eh, iba ang kinikilos niya ngayon, parang hindi normal sa taong kababasted lang.” mahabang sabi ni Kiko. Itinuloy ko na lang ang pagkain sa sandwich na binigay ni Kiko at di na pinansin ang kaniyang sinabi.
0000oooo0000
Inaayos ko na ang counter kasi malapit ng magsara ang coffee shop, wala naring napasok sa shop kaya magandang magayos ayos na ako. Napatingin ako sa kinauupuan ni Kiko, bigla akong nakaramdam ng awa ng makita ko itong nakatulog na sa isang upuan.
“bakit kasi kailangan pang intayin ako eh?” tanong ko sa sarili ko. Nilapitan ko si Kiko at pinatong ang kaniyang ulo sa isang throwpillow, nagulat ako ng biglang hilahin ni Kiko ang kamay ko at napaupo na sa tabi niya.
“Magsara ka na. Antok na antok na ako.” matamlay at pahikab hikab pang sabi ni Kiko.
“Sige, ayusin ko lang yung gamit ko para makauwi na tayo.” mahina kong sabi dito, agad namang pumikit si Kiko.
“Antukin talaga.” sabi ko sa sarili ko.
0000oooo0000
Habang inaayos ko ang aking mga gamit ay biglang sumulpot sa likod ko si Panfi. Nakangiti ito at halatang halatang may binabalak si kumag. Dahan dahan itong lumapit sakin. Kinabahan naman ako, napaatras nadin ako at napasandal na sa pader.
“Alam ko namang hindi si Kiko ang tipo mo, alam kong yung may natapos, pino kumilos, magaling magsalita, sweet, caring, gentleman...” umpisa ni Panfi.
“Ano bang pinupunto mo Panfi?” tanong ko sa kaniya.
“Na asa akin ang lahat ng hinahanap mo.” mapreskong sabi ni Panfi.
“Tama ka, gusto ko yung pino kumilos, gentleman, sweet basta lahat ng sinabi mo...” umpisa ko pero di na ako pinatapos ni Panfi at hinalikan na niya ako sa labi. Naramdaman kong parang may nakatingin samin kaya idinako ko ang paningin ko sa pinto, nakita ko dun si Kiko saka biglang tumalikod.
“si Kiko.” nasabi ko sa sarili ko. Kumalas na si Panfi sa pagkakahalik sa aking labi.
“Pero si Kiko ang mahal mo?” natigilan ako sa tanong na yun ni Panfi.
“Oo.” matipid kong sagot. Aalis na ako para sundan si Kiko, pero bago ako makalabas ay nagsalita ulit si Panfi.
“Wala ka talagang naramdaman dun sa kiss na yun?” tanong nito sakin. Humarap ako saglit.
“I'm sorry, Panfi.” nalungkot ito sa aking sinabi at tuloy tuloy na akong lumabas para sundan si Kiko.
Itutuloy...
[07]
Di ko na naabutan pa si Kiko sa labas ng coffee shop.
“Tignan mo yung gagong yun! Para saan pa na inintay niya ako ng matagal kung iiwan niya din pala ako. Humanda ka sakin, may pasalubong kang haklit.” bulong ko sa sarili ko. mabilis kong pinatakbo ang motor. Madilim parin ang bahay nang dumating ako doon.
“Hala. Asan na yung kumag na yun?” tanong ko sa sarili ko at naglabas ng cellphone, tinext ko si kumag at di ito nagreply. Tatawagan ko sana nang maalala kong wala nga pala akong load, napa buntong hininga na lang ako at pumasok na sa loob.
Inintay ko si Kiko na makauwi, nanuod muna ako ng TV sa may sala, di ko na namalayan na nakatulog na pala ako.
0000oooo0000
“Pol.” tawag sakin ng isang pamilyar na boses, idinilat ko ang aking mata at nakita ko ang maamong mukha ni kuya.
“Oh, kuya napasugod ka?” bati ko sa kaniya sabay yakap. Bumangon ako sa sofa at nagtungo sa kusina para magtimpla ng kape. Tahimik lang ang kuya ko.
“Napansin mo ba si Kiko? Di ata umuwi ang kumag kagabi.” sabi ko kay kuya, habang nagtitimpla ng kape.
“Pol, di na uuwi dito si Kiko.” mahinang sabi ni Kuya, napatigil ako saglit. Di ko na alintana ang umaapaw na ang isinasalin kong mainit na tubig. Natauhan na lang ako ng mapaso ako.
“Ahhh, bakit daw?” pilit na hindi ipahalata kay kuya ang pagkalungkot sa boses ko.
“Pupunta na daw abroad.” matipid na sabi ni Kuya. Pinipili ang bawat salita, marahil ay iniisip niya ang mararamdaman ko. di na ako sumagot sa sinabing yun ni Kuya.
“Pol, di ka na pwedeng magstay dito.” alam kong iyon ang sasabihin ni Kuya.
“Pano na ang gamit ni Kiko?” matabang kong tanong.
“Huwag mo ng problemahin yun, ang problemahin mo ay ang paglipat mo. Dun ka na lang sa rest house, malaki din naman yun. Pwede kang magpa upa ng kwarto, wala nang pakielam dun si Mama. Basta piliin mo at kilalanin mo lang maigi ang mga uupa.” mahabang sabi ni kuya, lumabas ako sa may terrace.
“Bakit naman biglaan Kiko?” tanong ko sa sarili. Bumuntong hininga na lang ako at umakyat na sa kwarto para magempake.
0000oooo0000
Lalong maraming nagbago ng umalis si Kiko. Lumipat na ako sa resthouse na iniwan sakin ng aking ama. Sa bawat paggising ko sa umaga hinahanap ko ang mala generator na hilik ni Kiko, ang kaniyang malatrosong braso na nakapatong sa dibdib ko. Wala na akong pagmamasdan na gwapong natutulog na mukha sa umaga na kahit may natulong laway at natuyo ng laway sa magkabilang pisngi ay nakakaaliw paring pagmasdan, wala na akong nakikita na makapal na buhok na miya mo sinabunutan ng limang bakla, pero kahit ganun paring kagulo ang buhok ay kaayaaya paring tignan. Mapapabuntong hininga na lang ako bago tumayo ng kama.
Wala naring manggugulat sakin habang nagstrestretching, yayakap mula sa likod ko at kapag sinaway mo ay sasabihan ka lang ng...
“Bakit? Hindi ka ba naaakit sakin?” sabay pose na parang si Johnny Bravo. Wala na ang nakanguso niyang mga labi at nagloloko na hahalikan ako. Nagyon kahit ilang minuto pa akong tumitig sa bulkang Taal habang nagstrestretching ay wala nang manggugulat sakin. Isa nanamang malalim na hininga ang pinakawalan ko.
Hindi na nauubos ang stock ng honey dahil wala nang nagbababad sa bath tub na puno ng honey, na naniniwalang pampaganda daw ng balat niya. Ngayon kahit tatlong buwan ko ng ipinapalaman at ginagamit ang isang bote ng honey ay di ko parin ito maubos magisa, si Kiko lang talaga ang nakakagawa noon. Matamlay kong ibinalik ang bote ng honey sa ref.
Wala na akong taga timpla ng masarap na kape sa umaga at taga luto ng masasarap na pagkain na kahit pinagexperementuhan lang iluto ay masarap. Naisip ko habang tinatanong ang sarili kung hanggang kailan ko iluluto ang itlog bilang almusal ko.
Wala nang nangungulit at nakikipagkarera sakin, wala nang pinagtitinginan ang tao sa paligid, dahil wala na si Kiko sa tabi ko na kengkoy tumakbo at manamit. Wala na ring hinahabol ang mga tindera dahil wala ng nagnenenok ng prutas sa tindahan nila para ibato sakin.
Malungkot ang biyahe papuntang school, walang nakaangkas sayo na palinga linga at nakangiting aso tas biglang yayakap para matulog, wala na akong nararamdamang parang nagva-vibrate sa likod ko habang nahilik si kumag habang malumanay na natutulog sa likod ko. Hindi na ako napasok na may marka ng natutuyong laway sa uniporme ko. walang biglang sisigaw ng “Tigil.” sabay pukpok sa helmet ko para sa isang cone ng dirty ice cream.
Wala na akong kakulitan.
Wala na akong kasigawan.
Wala na akong naiinis.
Wala ng bumabakod sa pagitan namin ni Panfi sa coffee shop sa tuwing napapalapit si Panfi sakin. Wala nang anak na nambubwisit kay boss. Wala ng tinitiliian na gwapong barista ang mga kolehiyalang babae na dumadayo pa sa coffee shop para lang makita si Kiko.
Wala ng nagiinatay sa labas ng classroom ko na nakaupo sa bench at nakain ng isa, dalawa o apat na dirty ice cream. Wala nang nasiksik sakin sa bench, wala narin akong kasabay na manonood ng paglubog ng araw. Naisip ko habang matamang tinitignan ang bench na lagi naming tinatambayan ni Kiko sa school.
Nakaupo ako sa bench na yun ng biglang may dumapong ibon sa kabilang dulo ng bench, naalala ko nanaman si Kiko. Wala nang sisigaw sakin ng tulong kapag may butiki, palaka o kung ano mang hayop sa paligid.
Wala nang parang ugok na ngingiti bigla.
Wala ng makakapagpaikot ng mata ko sa sobrang kulit.
“Wala na si Kiko.” nasabi ko sa sarili ko habang tinitignan ang ibon. At isang matabang luha ang bumagsak mula sa aking mata.
0000oooo0000
Iminulat ko ang aking mata at sinanay ito sa liwanag ng buong kwarto.
“Goodmorning!” bati sakin ni Panfi.
Nung lumipat kasi ako sa rest house na iniwan sakin ng tatay ko, sinunod ko ang payo sakin ni Kuya na ipa-renta na lang ang ibang kwarto. Naging mabuti naman ang takbo nito, isa sa mga rumerenta dito ay si Panfi, pumayag narin ako para naman kahit papano ay may magbabantay nito pag wala ako. May dalawang taon narin siyang rumerenta ng kwarto dito, ang iba ay pinaalis ko na dahil di ko naman na kailangan masyado ng pera. Pero siyempre dahil di ko naman pwedeng basta na lang paalisin si Panfi, siya na lang ang natira doon.
“Dito ka nanaman pala natulog Panfi?” tanong ko dito habang nagiinat.
“Natatakot ako sa kwarto ko eh.” paglalambing nito.
“Sus, laki laki ng katawan mo Panfi.” sabi ko sabay tawa. Matatakutin din kasi ang isang to.
“Di naman kita rereypin eh.” pagmamaktol ni gago.
“Alam ko naman.” mahinahon kong sabi. Sa totoo lang ni isang beses ay hindi ako binastos nito ni Panfi, para akong may isa pang nakatatandang kapatid maliban kay kuya.
Ngayon may nagtitimpla na ulit sakin ng kape, nakakasabay pumasok at umuwi, nakakakwentuhan sa gabi, nakakakulitan. Pero inaamin ko din na hindi katulad nung kami pa ni Kiko ang magkasama. Sabay na kaming umalis ng bahay ni Panfi, isinasara ko na ang gate. Bigla akong niyakap nito mula sa likod.
“Tado! Panfi baka may makakita!” Agad akong luminga linga at may nakitang lalaki na nagmamadaling umalis mula sa park na katapat lang ng bahay. Tumingin din si Panfi sa tinitignan ko.
“Sorry, Pol. Di ko lang napigilan.” pagkasabi niya nito ay sinuntok ko siya sa braso at sabay natawa.
0000oooo0000
Tumakbo ang buong maghapon na parang di ako mapakali, nararamdaman ko yung feeling na merong hindi magandang mangyayari sa hapon na iyon. Nung araw din na yun ay text ng text sakin ang dati kong boss, kesyo kung kailan daw ako bibisita at kung ano ano pa.
Bago pa ako lumabas sa ospital ay nakita kong may nakatambay na nagtitinda ng dirty icecream sa labas ng ospital, napakunot naman ang noo ko at bahagyang napakamot sa ulo. Di ko alam kung bakit ay napabili ako bigla ng dalawang cone.
0000oooo0000
Ganun parin ang coffee shop, may nakaka relax na ambiance, conducive nga sa pagaaral o yung simpleng tatambay lang. Ganun parin ang mga ilaw, naka dim lights parin, maganda parin ang mga barnis ng bawat upuan at lamesa na nandon, nadagdagan pa nga ng ilang magaganda at state of the art na mga machine na taga gawa ng kape.
“Good evening, Sir. What can I get you?” tanong sakin ng isang batang barista.
“You can get me Panfi.” sabay ngiti sa batang barista, di alam nito kung ano ang gagawin niya.
“he's my boyfriend.” sabay kindat sa barista na di parin alam kung ano ang gagawin.
“for a while.” paalam sakin ng barista na nanlaki ang mga mata. Napatawa naman ako.
“BOYFRIEND ka diyan?!” sigaw ni Panfi sa baguhan, napahagikgik naman ako. Nanlaki ang mata ni Panfi ng makita ako sabay haklit sa batok ng batang barista.
“Engot ka talaga! Si Pol yan, dating nagtatarbaho dito!” sabi ni Panfi sa barista atsaka humarap sakin at mahinahon akong kinausap.
“Akala ko magtetext ka muna bago pumunta?” tanong sakin ni Panfi.
“Ang kulit kasi ng boss mo.” sabi ko sa kaniya. “where's your fat and obnoxious boss?!” nanloloko kong sabi kay Panfi.
“Wala. May sinundo daw.” sabi ni Panfi sakin.
“Ha? Eh bakit siya nangungulit na pumunta ako dito kung wala naman pala siya dito?” tanong ko kay Panfi nagkibit balikat lang ito saka ako inimbitahang umupo.
“Dyan ka muna at magte-take muna ako ng orders.” paalam nito sakin.
“Pol?” tawag ng isang lalaki sa aking likod. Hinarap ko ito at nagulat ng makita ang aking iniidolong propesor.
“Sir Jon?!” gulat na tawag ko at napayakap pa dito sa sobrang galak.
“Sir is in-appropriate now, I think?” sabay muestra niya sa aking uniporme. “Congrats!” habol nito sakin saka muling yumakap.
“Ahem!” pagapappansin ng lalaking kasama nito.
“I'm sorry, Pol, this is Enso, Enso this is Pol.” pakilala samin ni Sir Jon.
“Naging nurse ako dahil sa inyo.” pasasalamat ko kay Sir Jon. Ngumiti lang ito.
“Mahilig ka pala talaga sa Nurses no?” naglolokong sabi ng lalaking tinatawag na Enso, di ko naman na gets ang ibig niyang sabihin dito. Maaaring napansin niya kung pano kami magtinginan ni Sir Jon.
“But I like doctors more.” sabi ni Jon. Sabay sabay na lang kaming nagtawanan.
“So you're a doctor?” bungad ko kay Enso, saka matamal itong umupo sa tabi ko at nakipagkwentuhan. Si Sir Jon naman ay umorder ng drinks.
Halos marami na kaming napagusupan, umupo na si Panfi sa tabi ko at ipinakilala ito sa dalawa. Magiliw namang nakipagkwentuhan sa kanila si Panfi. Di ko naman mapigilang mapatingin kay Sir Jon.
“Ganun parin. He's still perfect.” sabi ko sa sarili ko, nahuli niya akong nakatingin sa kaniya. Magiliw itong ngumiti sakin.
Nasa kalagitnaan ng pagsasalita si Panfi ng bigla itong tumigil, nakanganga pa ito na kala mo na starstruck.
“Aray!” bulalas ko matapos akong sipain ki kumag. Napatingin ako sa tinitignan ni Panfi.
Parang bumagal ang oras, naglalakad papasok ng coffee shop ang isang pamilyar na tao. Alam ko kilala ko siya, pero may nagiba. Kasunod nito ang dati naming boss, kasunod niya ang kaniyang ama.
“Kiko?” bulong ko sa sarili ko, napatingin nadin si Sir Jon at doc Enso sa tinitignan namin ni Panfi.
Bumalik sakin lahat ng masasayang alalala. Di ko man maamin sa sarili ko pero nagalak ako na nakita ko ulit siya. Pero nasaktan din ako bigla. Parang biglang sumikip ang dibdib ko. Di ko na namalayan ang biglang pagtulo ng aking mga luha. Tumingin sakin si Kiko, kumunot ang noo nito, parang di niya ako nakikilala, saka patuloy na naglakad kasunod ng kaniyang ama.
Itutuloy...
[08]
“Bakit parang di siya masaya na makita ulit ako?”
Tanong ko sa sarili ko. Nagbuntong hininga saka inayos ang sarili sa harap ng salamin. Di ko kinaya ang naramdaman ko kaya't nagpaalam ako kila Panfi na mag c-CR muna. Di ko paman nakaka usap si Kiko ay naramdaman kong malaki na ang pinagbago nito, wala na ang ere ng pagiging arrogante sa mga kilos nito, wala na ang magiliw na ngiti na nakaplaster sa kaniyang mukha, wala na rin ang pambatang tema na mga t-shirt na kaniyang madalas na sinusuot.
“Wala na ang mga power rangers, doraemon at star wars na damit?” tanong ko sa sarili ko nang mapansing magara na ang pananamit ni Kiko. Striped long sleeves na nakatupi hanggang sa kaniyang siko na lalo namang nakapag pa emphasize ng kaniyang malatrosong mga braso at magandang katawan. Magarang belt at black slacks.
“Pati ang chucks na mahal na mahal mo, Kiko, kinalimutan mo narin?” bulong ko nanaman sa sarili ko habang naka harap parin sa salamin. Napalitan na kasi ng magarang leather shoes ang kaniyang paboritong chucks.
“Di rin malabong pati ako kinalimutan mo na, Kiko.” buntong hininga kong sabi sa sarili.
Nakita ko kung paano ako tignan kanina ni Kiko, parang isa lamang akong pamilyar na tao sa kaniya. Isang taong nakalimutan na niya ang pangalan at pilit inaalala ito. Nakita ko kung pano kumunot ang noo niya. Napayuko ulit ako, naramdaman kong tumulo nanaman ang mga luha ko.
“Ano bang ikinagagamito ko?” tanong ko sa sarili ko.
“Nakita niya kaya ang pagtulo ng luha ko?” tanong ko ulit sa sarili ko. narinig kong may nagbukas ng pinto ng CR, agad kong binuksan ang gripo at naghilamos. Para hindi makita ng kung sino mang pumasok na umiiyak ako.
“Pol?” si Panfi pala. Nagulat kami pareho ng biglang bumukas ang pinto at iniluwa nito si Kiko. Panandalian kaming natulala pare pareho at nagkatinginan.
Nang makabawi ay daredaretso lang si Kiko sa pagihi, napayuko ako at nagsimula nanamang gumilid ang luha ko. Napansin ito ni Panfi. Palabas na sana ako ng biglang magsalita si Panfi.
“Dude?! Seriously?! Ano bang problema mo?!” marahas na lumapit si Panfi kay Kiko at kwinelyuhan ito. Tinabig lang ni Kiko ang kamay ni Panfi at inayos ang kaniyang kwelyo. Humarap saglit sa salamin at nagayos ng sarili saka mataman akong tinignan sa salamin at saka tuloy tuloy na lumabas.
“Asshole!” sabi ni Panfi paglabas na paglabas ni Kiko. Lumapit ito sakin at hinayaan akong yumakap sa kaniya. Hinayaan niya lang akong sumandal sa kaniya at umiyak sa balikat niya. Narinig kong bumukas ang pinto at nakita sa salamin ang bagitong barista. Nagulat ito sa nakitang pagyayakapan namin ni Panfi, lumaki ang mata saka lumabas ulit. Sabay kaming napatawa ni Panfi.
“Wag mo ng isipin yung asshole na iyon. Walang kwenta yun.” pagaalo sakin ni Panfi.
“Di ko lang kasi maintindihan kung bakit siya biglang nagbago.” nahihiya kong sabi kay Panfi. Niyakap lang ulit ako nito.
“Shhhh. Wag mo na siyang isipin.” sabi sakin ni Panfi.
Bumalik na ako sa lamesa kung saan andon si Sir Jon at si Doc Enso na masayang naguusap, isniali ako ng mga ito sa kanilang usapan, pero wala sa usapan na yon ang aking isip, nakay Kiko parin ito.
“Pol?” tanong sakin ni Enso, na bumasag sa aking pagiisip tungkol kay Kiko.
“Ha?” tanong ko dito, napatawa naman si Sir Jon.
“Wala ata sa atin ngayon si Pol. Sino bang iniisip mo ha?” natatawang sabi ni Sir Jon, binigyan ko lang ito ng isang malungkot na ngiti.
“POL!” sigaw sakin ng dati kong Boss. Atsaka idinipa ang dalawang kamay at inaya akong yakapin siya. Di ko na magawang tignan si Kiko dahil baka mapansin nito ang namamaga kong mata. Yinakap ko ang ama nito.
“I'm sure natatandaan mo si Kiko?”
Pareho kaming natigilan ni Kiko, pinilit kong gisingin ang sarili ko at wag magpa apekto sa presensya nito kaya naman pinakilala ko na lang ang aking mga kasama.
“Sure, Boss. Siya nagtrain sakin dito sa coffee shop eh.” pinipigilan kong wag mapapiyok sa mga sinabi kong yun.
Natigilan nanaman kami pareho ni Kiko at saglit na nagkatinginan.
“Nga pala, Sir Jon, Doc Enso ito ang Boss ko dati dito sa coffee shop, at eto naman si Kiko... ka-kasamahan ko dito dati. Si Sir Jon naman ang propesor ko dati sa Manila.” pagpapakilala ko sa kanilang apat, para matigil lang ang pagiging awkward ng sitwasyon.
Inabot naman ni Sir Jon ang kamay ni Kiko para makipag shake hands, pero di ito pinansin ni Kiko.
Matagal nanamang natahimik ang paligid sa aming lima.
“Nice meeting you both.” sabi ng aking boss saka inabot ang kamay ni Sir Jon, just to save us all from the awkward situation.
Sinulyapan ko si Kiko at nakita ko itong nakatingin sakin, binawi nito ang kaniyang mga tingin sakin ng mapansing nakatingin na din ako sa kaniya, pero bago pa yun, napansin kong may galit sa kaniyang mga mata.
“Dinner?” magiliw na aya sakin ng aking dating boss.
“Panfi, ikaw na muna bahala dito.” utos ni boss kay Panfi, halatang gusto nitong tumutol pero di narin ito nakahindi. Napatingin naman ako kay Kiko, alam kong nararamdaman niyang nakatingin ako sa kaniya pero pinipigilan niya lang na ibalik sakin ang tingin na yun.
“Boss next time na lang siguro.” pagtanggi ko sa alok nito. Sabay na napatingin sakin si Kiko at Panfi. Kung si Panfi may gulat na makikita sa kaniyang mukha pero nang ibaling ko ang tingin ko kay Kiko ay kumunot lang ang noo nito.
“Ah ganun ba? Ok sige.” sabi nito at saka naglakad palabas ng shop kasunod ang anak niya. Nagsimula nanamang mangilid ang aking mga luha.
0000oooo0000
“Ano kayang nangyari sa kaniya?” tanong ni Panfi sakin.
“Di ko rin alam Panfi.” sabi ko sabay buntong hininga. Naalala ko nanaman kung pano ako tignan ni Kiko kanina, kung panong wala ni isang natirang emosyon sa kaniyang mukha at kung pano niya kabigin ang mga kamay ni Panfi nung kinukwelyuhan niya ito.
“Pol?” tawag sakin ni Panfi sabay pitik pitik pa sa harapan ko.
“Wag mo na munang isipin yung gagong yun?! Gusto mo inom na lang tayo sa bahay?!” aya sakin ni Panfi.
“Kayo Sir Jon? Sama kayo samin?” tanong ni Panfi dito.
“Nakuh, hindi na.” tanggi nito sa alok ni Panfi.
0000oooo0000
Inihatid ko si Sir Jon saka si Doc Enso sa sasakyan nila. Di ko parin masakyan ang mga tinatanong nila sakin, dahil si Kiko parin ang gumugulo sa isip ko.
“Pol?” tanong nito sakin.
“Po?” tanong ko dito.
“Jon, pasok na muna ako. Nice meeting you Pol.” sabi ni Doc Enso saka pumasok na sa kotse.
Inilagay ni Sir Jon ang kaniyang mga kamay sa magkabila kong balikat at tinignan ako ng daretso sa mata.
“Di ako magaling mag advise, pero there's one advise I know that works for everybody.” panimula ni Sir Jon sabay ngiti. Inilapat niya ang kaniyang kanang palad sa aking dibdib.
“Follow what this little muscle tells you. It beats for a reason.” makahulugang sabi nito habang nakahawak parin sa dibdib ko sa tapat ng aking puso, saka magiliw na ngumiti, niyakap niya ako.
“Everything will eventually be ok.” sabi nito sakin habang mahigpit parin ako nitong niyayakap.
0000oooo0000
Di ko na maintindihan ang mga pinagsasasabi ni Panfi. Parang sa sampung sinabi nito at dalawa lang ang naintindihan ko at ang natitira ay parang salitang alien na. Dinaan ko sa inom ang aking sama ng loob at hindi na lang pinansin si Panfi sa aking tabi.
“Aalis ng walang paalam tapos babalik dito na kala mo kung sino.” sabi ko kay Panfi, sabay inom sa tagayan.
“Wala na yung parang bata na nangungulit at parang kitikiti kung kumilos. Napalitan na ng isang lalaking akala mo de- remote sa sobrang pino kung kumilos.” habol ko. Napatitig naman ako sa baso na puno ng alak. Sabay iling.
“Wala na yung malagong buhok na kahit anong suklay at sandamakmak na gel ang ilagay ay magulo parin. Napalitan na ng gupit na akma sa isang iginagalang na CEO ng isang kumpaniya. Plantsadong plantsado na din ang damit, wala ring dumi at tuyong damo na nakasabit dito.” naluluha ko ng sabi sabay tungga ng isang baso ng alak.
“Wala na rin ang masyadong protective na si Kiko, sa totoo lang, parang di na nga ako nito kilala.” tuloy tuloy ko paring sabi kay Panfi, di na ito nasagot kaya naman tinapunan ko na ito ng tingin. Tulog na pala ang mokong. Nagbuntong hininga na lang ako at sinaid ang natitirang alak na nasa baso ko. kinuwa ko ang aking jacket at sinimulang maglakad palabas.
0000oooo0000
Napatingala ako at pinahiran ang aking pisngi sa mga natuyong luha galing sa pagdradrama ko kanina. Malamig ang simoy ng hangin. Idinaretso ko ang tingin ko at napansing may lalaking nakatingin sakin mula sa parke sa tapat ng bahay. Nang may dumaan lang na sasakyan saka ko napansin kung sino ito.
“Follow what this little muscle tells you. It beats for a reason.”
0000oooo0000
Ngayon nakatitig ako sa bagong Kiko, wala paring emosyon ang mukha nito, walang bahid ng tuwa sa pagkikita namin, walang bahid ng pagtangis. Tanging ang nakakunot na noo nanaman at ang kanyang mapanuring tingin ang isinusukli niya sakin.
“Follow what this little muscle tells you. It beats for a reason.”
Di ko na natiis, sinunggaban ko na si Kiko at niyakap ng mahigpit.
Lima o sampung minuto na akong nakayakap sa kaniya pero di ko parin nararamdaman ang pagyakap niya sakin. Akala ko susuklian niya ako ng mahigpit na yakap tulad ng aking ginagawa o mas mahigpit pang yakap pero hindi, nakatayo lang siya doon, parang tuod. Isinandal ko ang aking ulo sa kaniyang matipunong dibdib, pero para parin siyang poste, nakatayo lang.
Dahil sa matinding pagkapahiya ay napagpasyahan ko na lamang na kumalas sa pagkakayakap ko dito.
“Ano bang nangyayari sayo Kiko? Bakit ka ba nagkakagan...”
“Di ba ito ang gusto mo?!” sigaw ni Kiko. Napatigil naman ako sa sinabi niyang yun, puno ng panunumbat ang bawat katagang sinabi niya.
“Di ba ito ang hinihingi mo?! Diba ito ang gusto mo? Ang katulad ni Panfi?! Katulad ng pinapantasya mong propesor na paulit ulit mong sinasabi sa pagtulog mo?!” sigaw ni Kiko. Di ako makapaniwala sa sinasabi ni Kiko ngayon. Kaya pala ganun na lang ang reaksyon niya kanina habang asa harap ni Sir Jon.
“Nung gabi bago ako umalis, narinig ko kayo ni Panfi, narinig ko kung ano ang gusto mo! Nakita ko kung pano... p..pano kayo naghalikan...” napaupo si Kiko sa pinakamalapit na bench at itinakip ang kaniyang mga kamay sa kaniyang mukha.
“Di... di mo alam kung gano kasakit sakin yun?” mahinang sabi sakin ni Kiko. Naiwan akong nakatayo at napanganga na lang sa aking mga narinig.
“Nagkakaganito ako dahil sayo. Pinilit kong magbago dahil ito ang gusto mo.” habol pa ni Kiko. Napaupo narin ako sa tabi ni Kiko, gusto ko ulit itong yakapin, pero pinigilan ko na ang sarili ko.
Di pa man ako nagtatagal sa pagkakaupo ay tumayo na si Kiko.
“Di ba yan ang pinaguusapan niyo ni Panfi nung gabing yun...? Nang makita ko kayong naghahalikan? Pero ngayong asa akin nadin lahat ng gusto mo, saka naman naging kayo ni Panfi.” sabi ni Kiko at naglakad palayo, di ko na ito nagawang pigilan, ibinuka ko ang bibig ko para tawagin siya pero ni pagtawag sa pangalan niya di ko nagawa.
Ni hindi ko nagawang ipagtanggol ang sarili ko at si Panfi sa maling hinala niya.
“Mali ang iniisip mo, Kiko. Ikaw lang ang mahal ko.” pabulong kong sabi habang unti nti ng napupuno ng luha ang aking mga mata.
Masyado ng nakalayo si Kiko. Malabong marinig pa niya ang aking mga sinabi.
Itutuloy...
[Finale]
Wala akong ganang pumasok sa tarbaho at wala rin akong ganang makipagkulitan kay Panfi, pero sadyang matigas ang bunbunan nito at pinipilit akong bumangon sa higaan ko. Sinong gaganahang tumayo at magpatuloy sa buhay kung yung taong mahal mo at akala mong walang pakielam sayo ay kahit papano ay maynararamdaman din pala sayo at sa huli may ginawa kang kapalpakan na ikinalayo ng loob niya sayo bago mo pa naman maamin ang tunay mong nararamdaman sa kaniya.
Pilit ko paring itinatago ang mukha ko sa ilalim ng unan at pinabibigat ang sarili para hindi ako maibangon ni Panfi. May dalawang linggo na ang nakakaraan noong huli kaming nagusap ni Kiko, maski kay Panfi di ko ikinikwento ang nangyari.
“Bakit ka ba nagkakaganyan? Dahil ba kay Kiko? Dahil ba naging cold siya sayo? Dahil akala niya boyfriend mo ako?” bigla akong napabangon sa sinabing yun ni Panfi.
“I knew it.” lumapit sakin si Panfi at umupo sa higaan malapit sa aking tabi.
“Anong ibig mong sabihin?” pero di sinagot ni Panfi ang tanong kong iyon. Itinaas niya ang kanang kamay at pinadaan ang kaniyang palad sa aking pisngi.
Parang sinimento ang aking pwet sa higaan at talagang di ko magawang igalaw ang aking katawan at pigilan si Panfi sa kaniyang binabalak gawin. Unti unti nang lumapit ang kaniyang mga labi sa aking mga labi. Sa ikalawang pagkakataon sa loob ng ilang taon, muling naglapat ang aming mga labi. Marahang kumalas sa aming halikan si Panfi.
“Nothing?” tanong sakin ni Panfi. Ibinuka ko ang aking mga mata at umiling.
“Yeah, I thought so too.” at tumayo na si Panfi at binuksan ang aparador sa aking kwarto. Alam ko kung ano ang binabalak nito.
“Di ako sasama.” matipid kong sabi sabay higa ulit at nagtaklob ng kumot. Narinig ko namang nagbuntong hininga si Panfi.
“Iniimbitahan ka nga ni Boss!” hila sakin ni Panfi at pilit akong ibinabangon sa kama.
“Ikaw na lang!” sagot ko dito at pilit ulit nagpapabigat.
“Tanga?! Sabi ng pati ikaw iniimbitahan eh!” sigaw nito sakin at pilit parin akong binabangon.
“Wala akong isusuot.” sagot ko.
“Meron yan, eto oh!” sabay lakad pabalik sa may aparador at kumuwa ng aking maisusuot.
“Wag na kasi! Basta di ako sasama!” sigaw ko kay Panfi, para namang nawalan na ito ng pagasa na mapasama ako at lumabas na ng kwarto, pero nagulat ako ng biglang bumalik si kumag na may dala dalang notebook. Ibinato niya ito sakin at lumanding ito sa aking mukha.
“Aray!” kinuwa ko ang notebook at aktong ibabato ito kay Panfi nang mapansin ko ang cover nito.
“Nakita ko yan kahapon sa coffee shop, sa locker dati ni Kiko. Pinalinis niya kasi ito sakin, sabi niya itapon ko na daw lahat ng gamit doon. Basahin mo, baka sakaling magiba ang isip mo.” mahinang sabi sakin ni Panfi.
0000oooo0000
Napatitig ako sa notebook na iyon, sa cover nito ay ang mga cartoon character na sila Novita at Doraemon. Napangiti ako.
“Naaalala ko ito.” bulalas ko sa sarili ko. Ilang beses ko palang itong nakikita, pero alam ko na kay Kiko yon at alam ko rin na ginagamit niya ito as a Journal. May bookmark na nakaipit dito at Voltes 5 naman ang mga characters na tampok dito. Sabay ng aking pagtawa ay ang pagtulo naman ng luha ko.
“Nakakamiss na talaga ang loko.” bulong ko ulit sa sarili ko. Narinig kong nagbukas ang front door, at bago pa man ito sumara ay nagpaalam sakin si Panfi na pupunta na sa bagong branch ng coffee shop. Di na ako sumagot, sa halip ay binuksan ko ang notebook sa parte kung saan nakaipit ang bookmark.
“Binisita ako ng bestfriend ko, matagal ko na itong di nakikita, kasama niya ang half brother niya na Pol daw ang pangalan. Halatang kinakabahan pa ang mokong...” nagpalit na ako ng pahina, ang sumunod na araw naman ay ang unang umaga naming magkasama.
“Di ko alam kung bakit ko sinabi kay Pol yon. Naramdaman kong parang na-offend siya sa
biro ko na huwag siyang aasa na mai-inlove ako sa kaniya. Umiral nanaman kasi ang pagiging atribido ko. Ngayon ding araw na ito, sinamahan ko siya na magjogging, kahanga hanga ang lakas ng isang to, pati ako ay napahingal kabayo sa paghabol sa kaniya. Masarap ding inisin si kumag, parang kapag kasama ko siya, puwede akong maging ako, malaya kong naipapakita ang pagiging batang isip ko...”
“Muntik ko ng halikan kanina si Pol, nakita ko kung pano siya matakot ng makita niya akong nakahiga sa talahiban na hindi gumagalaw. Masarap pala yung pakiramdam na may nagaalala para sayo...” sa pagbabasa nito ay parang kung anong may kumurot sa aking puso.
“Buwisit na Panfi! Nakikiagaw pa sa atensyon ni Pol!”
“Kanina, inakbayan ko si Pol, parang ansarap ng pakiramdam na meron kang isang tao na inaalagaan. Sarap sa pakiramdam na meron kang pinapahalagahan at nagpapahalaga sayo... sabay naming pinanood ang paglubog ng araw.”
“Tiniis kong wag tumakbo palayo kahit na masama na ang tingin sa akin ng nakadapong ibon sa kabilang side ng bench na inuupuan ko. Titiisin ko ang kinatatakutan ko, wag lang magalala si Pol kung bakit ako biglang umalis sa tambayan namin.” Para nanamang kinurot ang puso ko sa nabasa kong iyon, naalala ko yun, isang hapon ng sunduin ako nito, tinignan ko siya sa labas ng bintana ng classroom namin. Napansin kong siksik na siksik na siya sa kabilang side ng bench at nakita ang isang ibon na nakadapo sa kabilang dulo nito. Tiniis niya pala ito para sakin. Napa buntong hininga na lang ako.
“Kaninang umaga, habang papunta kami sa school niya nakaangkas ako sa motor ni Pol, di ko napigilang mapayakap sa kaniya, hanggang sa nakatulog ako. Bago pa man niya ako gisingin ay naramdaman kong kumapit siya sakin, natatakot siguro na mahulog ako. Di ko maipaliwanag pero parang nagugustuhan ko ang pagaalala na iyon ni Pol.”
TO DO LIST
- Kahit anong mangyari di ko papabayaan si Pol. (hindi dahil hiningi ito ng kapatid niya kundi dahil... ah basta!)
- Kahit anong mangyari ihahatid at susunduin ko si Pol. (kahit may hayop pa na nakaharang saming dalawa.)
- Di ko papayagang mapunta si Pol kay Panfi.
- Di ko iiwan si Pol.
Natawa ako ng mabasa ang “To do List” na iyon ni Kiko, pero di ko rin mapigilang malungkot. Ang sumunod na pahina ay parang binayuot, parang dapat ay pupunitin ito pero di na naituloy. May dalawa pang natitirang pahina at pagkatapos noon ay wala nang sumunod na entry si Kiko.
“Nagising nanaman ako sa kalagitnaan ng gabi at narinig na paulit ulit na sinasabi ni Pol ang pangalang, Jon Frederick Dy. Saka ngingiti. Tinanong ko sa kuya nito kung sino yoon at sinabi nito na iyon ang idolo niyang propesor sa Maynila noon. Hinanap ko ang Jon Frederick Dy na iyon sa Facobook. Elegante magdamit, ayon sa mga estudyante nito na gumawa ng account na iyon ay, ito na ang pinaka gentleman at pinaka pinong kumilos at pinaka magaling na propesor sa buong unibersidad... Kahit pala anong gawin kong pagpapahalaga kay Pol, di niya iyon mapapansin kung ang mga tipo naman ni Jon Frederick Dy ang tipo niya.” di ko mapigilang malungkot at magulat sa entry na iyon ni Kiko sa kaniyang journal kaya't muli kong inilipat ang pahina, sa huling entry ni Kiko, ang date na iyon ay ang gabing umalis si Kiko ng walang paalam.
“Si Panfi ang gusto ni Pol, kahit kailan pala di ako magugustuhan ni Pol, dahil hindi ako katulad ng ibang lalaki. Wala sa akin ang katangian ng pagiging gentleman o kaya ang pinong kilos at iba pa. Wala ni isa sa mga katangian ko ang gusto ni Pol. Ang gusto niya ay ang tulad ng Panfi at malamang ng tulad ng kaniyang iniidolong propesor... Nakita ko silang naghahalikan ni Panfi, parang dinudurog ang puso ko... Panahon na siguro para magbago ako, masakit man sa akin na hindi ako tanggap ng taong mahal ko ay pipilitin kong magbago para kahit papano naman ay may panama ako sa mga nagugustuhan nito... Panahon na siguro para mawala saglit, magmuni muni at kung sa pagbalik ko ay hindi talaga ako ang gusto ni Pol ay tatanggapin ko... Tatanggapin ko dahil mahal ko si Pol.”
Naisara ko ang notebook at walang tigil ang buhos ng luha ko. Tumatak sakin ang mga huling sinabi niya
“Timang ka talaga Kiko!! Bakit di mo kasi agad sinabi!” sabi ko sa sarili ko at nagmadaling naligo at nagbihis.
0000oooo0000
“Ti-timang timang kasi ang pota! Humanda ka sakin Kiko!” naiinis ko paring sabi habang pinapaharurot ang motor ko papunta sa bagong branch ng coffee shop.
Naabutan kong nagkakainan ang mga bisita sa bagong bukas na coffee shop, halos lahat ng andun ay mga nakakurbata at naka dress.
“Magmumukha akong tanga, pero para sayo Kiko, ok lang.” nagbitiw ako ng isang malalim na buntong hininga. Tuloy tuloy na akong pumasok, halos lahat sa paligid ay nakatingin sa akin. Nakita ko si Kiko na may kausap na dalawang babae. Nang madako ang tingin nito sakin ay nagpigil itong mapangiti.
Unti unti akong lumapit kay Kiko. Luminga linga naman si Kumag at nagsimula ng umatras palayo sakin, mukhang kinakabahan ang kumag. Pero nang mapansing wala na siyang ibang pupuntahan kundi ang harapin ako ay sumeryoso na lang ang mukha nito.
“Bakit ganyan ang suot mo?” pangaalaska nito sakin.
“Di ba ito ang favorite mo? Power rangers, jeans tas chucks?” balik alaska ko kay Kiko.
“Matagal na iyon Pol, nagbago na ako.” mahinang sabi niya at napayuko ito.
“Sus, bakit kasi aalis ka ng hindi nakikipagusap sakin ng maayos! Pano ka nakakasiguro na yan ang gusto ko para sayo?! Pano ka nakakasiguro na si Panfi ang gusto ko at hindi ikaw?!” natahimik ang buong paligid sa sinabi kong iyon, palinga linga si Kiko at kinakabahan.
“Take it outside, boys, take it outside.” mahinahong sabi samin ng dati kong boss. Pero di kami natinag, halatang galit na din si Kiko, namumula na ang mukha nito sa galit at sa hiya.
“A-ano bang sinasabi mo?! Wag ka ngang magsisigaw dito!” sigaw ni Kiko. Binato ko sa kaniya ang notebook niya na may cover na Novita at Doraemon. Naningkit ang mata niya atsaka pinawisan si loko.
“Bakit di mo sinabi sakin?” mahina kong tanong, nararamdaman kong samin lahat nakatingin ang tao sa coffee shop.
“Alam ko namang di ako ang tipo mo, alam kong si Pan...” natigilan siya ng batuhin ko siya ng isang Cinnamon roll na nakuwa ko sa platito ng babaeng kausap lang kanina ni Kiko. Gulat lang ang rumehistro sa mukha niya.
“Pano ka naman nakasigurado doon?! Nagmarunong ka nanaman kasing kumag ka!” pagkasabi ko noon ay kumunot nanaman ang noo ni Kumag.
“Nakita ko kayo ni...” Panimula ni Kiko.
“Kaya nagassume ka kaagad?! Kung talagang mahal mo ako, the least you can do is ask, bago ka mawala ng ilang taon na walang paalam! Di mo alam kung pano ako muntikang mabaliw sa kaka...” di na ako pinatapos ni Kiko, hinalikan na niya ako, hinalikan niya ako sa harap ng maraming tao.
“Andami pang sinasabi, Ano bang tinutumbok mo?!!” sabi ni Kiko pagkahiwalay na pagkahiwalay ng mga labi namin. Naiwan akong nakanguso at nakapikit, umaasa na hahalikan niya ulit ako. Pero ginising ko ang sarili kong di dumating ang halik na yun.
“Ti-timang timang ka kasi eh!” sigaw ko pabalik sa kaniya. At muli nanamang nagsalubong ang aming mga labi, wala na kaming pakielam sa mga taong asa paligid namin, madiri sila, kiligin o kaya'y masuklam wala kaming pakielam ni Kiko. Nasa kasarapan kami ng aming halikan ng biglang may lumanding samin na dalwang malagkit na bagay. Ang dati kong boss atsaka si Panfi magiliw na nakangiti.
“Masaya ako para sainyo pero sana naman wag niyong sirain yung opening ng coffee shop.” natatawang sabi ng ama ni Kiko.
“Hala! Layas!” sigaw ni Panfi pero nakangiti
Tumakbo kami palabas ni Kiko atsaka sumakay sa motor. Nakita ko nanaman ang ngiting bata sa mukha nito at sa bawat paspas ng hangin ay untiunting bumabalik ang Kiko na nakilala ko. Asa ganun akong pagmumunimuni ng biglang tinuktok ni Kiko ang aking helmet atsaka sumigaw.
“AAAAASSSSSSSSSOOOOOO!”
Tulad ng dati nakabig ko nanaman ang manibela at sa kasamaang palad ay nahulog nanaman kami sa isang mababaw na bangin. Pero sa pagkakataon na ito, pagbagsak namin sa matalahib na parte ng bangin ay magkatabi na kami. Napatawa kami pareho.
“Pol? Sigurado ka na ba na isang batang isip ang pipiliin mong makarelasyon?” tanong ni Kiko sakin habang pareho parin kaming nakahiga sa talahiban.
“Oo naman.” matipid kong sagot at hinanap ko ang kaniyang kamay at pinisil iyon, ibinalik ni Kiko ang pagpisil sa aking kamay.
“Pero pano ang pangarap mo na magkaroon ng isang gentleman at pinog kumilos na boyfriend? Hindi na ba ganon ang tipo mo?” tanong sakin ni Kiko, dinig ko ang pagkabahala sa kaniyang boses.
“Then I'll consider you as the only exception.” mahina kong sagot, bumitiw sakin si kumag at nagtatatalon, saka muling ipinatong ang sarili sakin at siniil ako ng isang halik.
-wakas-
No comments:
Post a Comment