By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com
Facebook: www.facebook.com/joemar.ancheta
-------------------------------
Jinx
Point of View
-------------------------------
Sampung oras ang naging
biyahe namin mula Manila hanggang Tuguegarao. Napakabigat ng nararamdaman ko na
kahit nakapatay na ang ilaw sa buong bus ay hindi parin ako mapakali o kahit
ipikit lang sana ang aking mga mata.
“Hindi ka din
makatulog?” tanong sa akin ng katabi kong nagpakilalang si Aris.
“Hindi ho. Nakaparami
kasing nangyari sa Linggong ito. Hindi ko alam kung paano ko lulusutan ang
lahat ng pinagdadaanan ko ngayon.” Napabuntong- hininga ako.
“Gusto mo bang
ikuwento sa akin. Minsan nakakatulong sa iyo na sabihin sa iba ang
pinagdadaanan mo.”
At dahil doon ay
parang matagal ko na siyang kilala. Nagawa kong ikuwento ang lahat ng nangyari.
Tanging malalim na hininga ang naisukli niya sa akin sa tuwing humihinto ako at
punasan ang aking mga luha.
“Ganoon talaga ang buhay.
Kailangan mong tibayan ang iyong kalooban. Masasaktan ka ngunit kung malagpasan
mo ang lahat ng iyan ay mas magiging matibay ka. Bata ka pa, marami ka pang
pagdadaanan at sabihin ko sa’yo lahat ng mga nangyari ngayon ay isang pilat na
lang sa’yo sa pagdating ng panahon. Sana ang mga sugat na iyan ay hayaan mo
munang gumaling at kailangan mong tulungan ang iyong sarili. Hindi lang ikaw
ang nasasaktan sa mundo. Marami tayo. Hindi lang ikaw ang nawalan, kasama din
ako doon ngunit kailangan nating ipagpatuloy ang buhay at lumaban para sa
kanilang pumanaw na.”
“Wala na hong sasakit
pa sa nangyari sa akin. Namatay si nanay dahil sa pagkatao ko. Tinakwil ako ng
sarili kong ama at kapatid dahil sinisisi nila ang pagkatao. Ang tanging
sandigan ko na lamang ay si Ronald ngunit heto’t kailangan pa naming magkalayo.
Hindi ko alam kung hanggang kailan namin makakayanan ang pagkakalayong ito.
Hindi ko alam kung paano ko makakalimutan na namatay si nanay dahil sa aking
nagawa. Gulung-gulo ho ako.” muli akong napaiyak. Sa pagkakataong iyon ay
naramdaman ko ang mahinang pagtapik ni Aris sa aking likod. Pakiramdam ko noon
ay nakatulong iyon para maramdamang may ibang taong nakikisimpatya sa akin.
“Mabuti sa’yo
naramdaman at naranasan mong lumaki nang may mga magulang ka sa tabi mo. Ako,
nang ipinanganak ako, wala na akong kinilalang magulang. Lumaki ako sa
pangangalaga ng iba’t ibang mga pari. May mga naging mabait, may mga gumamit sa
aking kahinaan. Namuhay akong mag-isa. Lumaking walang-wala. Ngunit hindi ako
sumuko. Hindi ako pinanghinaan ng loob kahit alam kong mag-isa lang ako sa
buhay. Nagmahal din ako katulad mo. Sa kapwa ko lalaki. Si Rhon. May mga naging
desisyon ako sa buhay na hindi niya naintindihan. Iyon ay ang pagpapakasal ko
sa isang babaeng maysakit at hinihintay na lang ang kaniyang kamatayan. Hindi
ko gustong saktan si Rhon. Alam ng Diyos kung gaano ko siya minahal. Ngunit
dahil sa utang na loob ko sa pamilya ni Angeli at dahil nangako ako kay Angeli
na tutuparin ko ang kaniyang pangarap bago niya isauli ang kaniyang buhay ay
pumasok ako sa isang kasunduang naging mitsa ng paglayo sa akin ng kaisa-isang
lalaking minahal ko. Iniwasan niya ako. Hindi siya nakinig sa paliwanag ko.
Nagpari. Katulad mo din ako ngayon. Nalulungkot at namatayan. Kamamatay lang ni
Angeli at iniwan na niya kami ng anak namin. Uuwi ako sa Cagayan dahil sa isang
pangako ko kay Rhon. Katangahang maghihintay ako sa alam kong imposible nang
darating pa ngunit naniniwala akong kailangan kong panindigan ang lahat ng
aking binitiwang pangako. Ikaw, huwag mong sayangin ang buhay ng nanay mo para
lang sumuko. Hindi ko alam ang buong kuwento ng buhay mo pero alam kong
naisakripisyo ng nanay mo ang buhay niya para sa iyo at kung patatalo ka, para
mo na ring ipinatalo ang buhay ninyong dalawa ng nanay mo.”
“Hindi ko ho kasi
alam kung paano ako magsisimula. Hindi ko alam kung paano ko ipagpapatuloy ang
buhay.”
“Nalilito ka ngayon,
nalulungkot, ngunit hindi ibig sabihin na patuloy kang magiging ganyan. Bukas,
makalawa, alam kong muli kang babangon at ipakita mo sa tatay mo at kapatid na
kaya mong magtagumpay at kahit ganyan ka ay maipagmamalaki ka din nila. Iyon
lang ang magiging hamon mo para pagtagumpayan mo ang iyong buhay. Ngayon, kahit
hindi mo ako gaano pa kakilala, mangako ko sa aking magtatagumpay ka.
Estranghero ako sa’yo ngayon ngunit kung ang pangako mong iyan ay bukal sa
iyong kalooban at gagawin mo hindi dahil nangako ka sa akin kundi instumento
lang ako para masabi mo sa iyong sariling may patutunguhan ang buhay mo.”
Sa narinig kong
sinabi ni Aris ay nabubuhayan ako ng lakas ng loob. Parang muling lumiwanag ang
aking tinatahak na landas.
“Salamat po.” Maikli
kong sagot sa haba ng kaniyang mga ipinayo sa akin.
“Huwag kang
magpasalamat. Mangako ka sa akin.”
“Pangako ho.”
“Tanggalin mo nga
yang “ho”na ‘yan. Pakiramdam ko lalo akong tumatanda. Napangiti siya. Napansin
kong guwapo ang lalaking ito at nagtataka ako sa sinabi niyang Rhon at
pinakawalan niya ang katulad ni Aris.
“Pangako.
Magtatagumpay ako.”
“Hayun! Dapat ganyan.
Dapat matibay ang kalooban mo kasi wala kang ibang aasahang magpatakbo ng
sarili mong buhay kundi ang sarili mo lang. Maaring iwan ka ng kahit sino sa
mundo ngunit hinding-hindi niyan gagawin ng sarili mo. Sige na. Magpahinga ka
na malayo-layo pa ang Tuguegarao. Gisingin kita kapag stop-over na para
makakain ka.”
“Salamat.”
“Walang anuman. Ano,
friends? Wala akong ibang kaibigan. Ikaw palang kung gusto mo akong maging
kaibigan.”
“Sige, sige. Friends
na tayo.” Nakangiti kong sagot. “Tiga Tuguegarao ka ba?”
“Sa Cagayan ako
lumaki. Matagal na akong hindi umuuwi doon. Pero ngayon, gusto ko nang tumira
doon at bilhin ang isang pangarap na ipinangako ko kay Rhon nang mga bata pa
kami. Sana wala pang nakakabili sa falls na iyon. At kung matapos at ma-develop
ko iyon, gusto kong makita mo at mapasyalan. Sana magiging halimbawa ako sa
katulad mo. Walang imposible sa taong may determinasyong umunlad.”
“Idol! Sige. Salamat
uli ha.”
“Sige na, magpahinga
ka na muna.”
Pagkarating namin sa
Tuguegarao ay tinanong niya ako kung saan ako pupunta. Ipinakita ko ang address
na pupuntahan ko.
“Dito lang naman pala
sa Centro iyan. Sige, hanapin na muna natin ang address na nakalagay diyan at
saka na ako tutuloy sa uuwian ko. Isang sakayan pa kasi ako ng bus para
marating ko ang lugar na pupuntahan ko.”
“Salamat.”
“Naku, dami namang
pasasalamat na ‘yan. Basta ha, mangako kang magtatagumpay ka din balang araw.”
Madali naming nahanap
ang bahay ni Lolo ngunit wala siya nang dumating ako. Nasa Amulung daw siya at
siya ang kasalukuyang Mayor ng bayan na iyon.
“Paano. Iiwan na kita
dito. Sana kapag magkita tayong muli ay magiging maayos ka na. Tandaan mo lang
lahat ang mga sinabi ko sa iyo ha?”
“Oo, hinding-hindi ko
kalilimutan lahat-lahat.”
Bago siya umalis ay
kinamayan muna ako ni Aris at niyakap nang makita niyang naluluha na naman ako.
“Kaya mo ‘yan bunso.
Huwag kang patatalo. Ang taong mahina, hinding-hindi kailanman tatagal at
mananalo sa mundong mapaglaro.”
Nang makaalis si Aris
ay alam kong hindi iyon ang huli naming pagkikita. Hahanapin ko siya kung
nakabangon na akong muli. Kung magtatagumpay ako ay isa siya sa gustong kong
pasalamatan.
Pinatuloy muna ako ng
isang matandang babae na katiwala ng aking lolo. Habang naghihintay ako ay
nakita ko ang picture ni tatay na nakasabit katabi ng picture ni lolo. Ngayon
ko lang makikita ang lolo ko na tatay ni tatay. Hindi nagkuwento si tatay ng
tungkol sa lolo namin.
Isang oras pa ang
dumaan nang dumating na si lolo.
“Apo ko!” nagmamadali
siyang lumapit sa akin at hindi ko inakalang kilala agad niya ako. Parang
matagal na niya akong nakikita. Niyakap niya ako ng mahigpit.
“Kumusta apo? Bakit
bigla yatang…”
Hindi ko alam ngunit
basta na lang tumulo ang luha ko na parang hindi ko kayang sabihin sa kaniya
ang nangyari.
“May masama bang
nangyari?”
Humagulgol na ako.
Muli kong naramdaman ang yakap ni lolo sa akin saka niya masuyong hinaplos ang
likod ko.
“Sige lang apo.
Maghihintay ako kung kailan ka handang magsabi sa akin kung ano ang nangyari.
Magpahinga ka na muna.”
Ngunit alam kong
hindi ko na dapat pang patagalin ang pagsasabi kay lolo sa mga nangyari sa akin
at kung ano ang nangyari kay nanay. Natagpuan ko na lamang ang sarili kong
ikinukuwento ko sa kaniya ang lahat ng mga nangyari.
“Ako ang may
kasalanan sa lahat kung bakit nagiging ganoon ang tatay ninyo sa inyo. Pati ang
nanay mo ay nawala sa inyo nang dahil sa akin.” Nangilid ang kaniyang luha.
Pinunasan niya iyon gamit ang laylayan ng suot niyang barong.
“Ano hong ibig
ninyong sabihin lolo?” tanong ko. Naguguluhan ako.
“Katulad mo din ako
apo. Ang pagkakaiba lang natin, nilabanan ko ang pagiging alanganin ko nang mga
nasa edad mo ako. Kahit alam kong alanganin ako ay pinilit kong maging isnag
tunay na lalaki. Gusto kong labanan noon ang tunay na ako. nangarap ako ng
isang masaya at buong pamilya. Nakilala ko ang lola mo, naging kami ng ilang
buwan hanggang sa nagdesisyon akong pakasalan siya. Naging masaya naman an
gaming pagsasama ng mga ilang taon. Lalo na at naging buo ang aming pamilya
nang dumating sa buhay namin ang tatay mo. Hanggang sa may nakilala akong
katrabaho ko. Nang una, iniwasan kong mahulog sa kaniya. Kinakaya ko naman nang
ilang buwan ngunit dahil sa palagi ko siyang nakikita at siya ang lumalapit sa
akin, siya ang nagbigay ng mga motibo ay tuluyan akong nahulog at huli na nang
mapansin kong ang dating pagmamahal ko sa lola mo ay tuluyan ng inagaw ng
lalaking ito. Lumalim ng lumalim ang relasyon namin ng lalaking iyon at
nagsimula kong napabayaan ang responsibilidad ko sa mag-ina ko. Dumating ang
isang trahedya sa buhay namin nang mahuli ako ng lola mo na may ibang katalik
sa mismong kuwarto namin. Akala ko kasi hindi siya uuwi sa araw na iyon.
Pinapili niya ako kung sino sa kanilang dalawa nung lalaki na katalik ko ang
pipiliin kong sasamahan at dahil sa katangahan ko sa pag-ibig, dahil sa nabulag
ako sa kaligayahan ko sa lalaking iyon, iniwan ko ang lola mo at tatay mo. Mula
noon ay hindi na pinayagan pa ng lola mo na makita ko tatay mo. Dinala ng lola
mo ang tatay mo sa Manila at doon sila tumira. Ilang buwan din kami nagtagal ng
katrabaho ko noon at dahil sa lumabas ang kaniyang ugali na ginagamit lang niya
ako at nagsawa na sa akin ay tuluyan kaming nagkahiwalay. Gusto kong balikan
ang mag-ina ko noon ngunit nahihiya ako. Kaya binalak kong ayusin na muna ang
buhay ko para may maipagmalaki sana ako sa kanila kapag bumalik na ako ngunit
huli na ang lahat. Hindi na ako nahintay ng lola mo. Nagbigti siya. Doon na
nabuo ang sobrang galit ng tatay mo sa akin. Hindi ko masisisi ang tatay mo
kung bakit ganoon na lang ang galit niya sa akin dahil kung hindi sa akin,
hindi sana nagpakamatay ang lola mo. Sinikap kong tulungan ang tatay mo ngunit
hindi siya tumanggap ng tulong sa akin. Galit na galit siya sa tuwing nakikita
niya ako. Hanggang ngayon ay ayaw pa din niya akong makita. Kaya kasalanan ko
ang lahat apo kung bakit nagiging miserable ang buhay ninyo. Ngunit lahat ng
hindi ko nagawa sa tatay mo ay sa’yo ko gagawin. Babawi ako sa kaniya sa pamamagitan
ng pagtulong ko sa’yo”
Dahil sa kuwento ni
lolong iyon ay nalaman ko kung saan nanggagaling ang galit ni tatay sa mga
kagaya ko. Ngunit hindi ako nakaramdam ng galit kay lolo. Naiintindihan ko
siya. Tao lang din siya, nagkakamali.
“Ipapaayos natin ang
mga credentials mo para dito ka na sa Tuguegarao mag-aral. Tapusin mo ang
kursong nasimulan mo at pangako ko sa’yo apo, magtatagumpay ka. Sige na.
magpahinga ka na muna at maigi nga’y next week pa ang simula ng klase dito kaya
mae-enrol pa kita.”
“Salamat ho. Bakit
parang kilala niyo na ho ako agad kanina?”
“Sa tuwing lumuluwas
ako ng Manila ay lihim ko kayong pinagmamasdan nang malayo ako. Hindi ko kasi
kayo puwedeng malapitan dahil hindi iyon papayagan ng tatay ninyo. Sa nanay mo
lang ako may lihim na contact. Nang mga bata palang kayo ni James at wala pa si
Vicky, nakipagkita ako sa nanay ninyo ng patago para makarga ko kayong mga apo
ko. Ngunit nang malaman nang tatay ninyo ang ginawa ng nanay ninyo ay
napagbuhatan niya ng kamay at mula noon, kapag lumuluwas ako ng Manila ay
nilalabas kayo ng nanay ninyo para makita ko kayo ng patago. Hindi ko nga lang
kayo malapitan at makausap ngunit masaya na akong natatanaw ko kayo noon.”
“Salamat sa pagkupkop
sa akin ‘Lo”
“Tungkulin ko ito
apo. Kaya huwag mo akong pasalamatan. Mag-aral kang mabuti. Ipakita mo sa ama
mo na kahit ganyan ka ay hindi ka isang malaking kahihiyan. Alam kong ikaw ang
bubuo sa ating lahat. Malaki ang tiwala ko sa’yo.”
“Paano po kaya kami
nang naiwan ko sa Manila Lo. Mahal ko si Ronald.” Alam kong si Lolo lang ang
nakakaintindi sa pinagdadaanan ko. Nakuwento ko na ang buhay ko sa kaniya at
hindi ko kinaringgan na hinusgahan niya ako. Kaya naging kampante agad akong
pag-usapan ang mga bagay na iyon sa kaniya.
“Bata ka pa. Kung
talagang nagmamahalan kayo, magkikita kayong muli. Huwag mong hahayaang
sisirain ng lalaki lang ang pangarap mo apo. May panahon ang lahat. Panahon
para mag-aral at magtagumpay. Darating din ang panahon mo para magmahal. Huwag
kang magmadali. Sana magiging aral na muna sa’yo ang nangyari na pagkamatay ng
nanay mo dahil sa pakikipagrelasyon mo. Bata ka pa. Haharapin mo na lang muli
ang tungkol sa inyo ni Ronald kung nakatapos ka na at handa na sa mature na
buhay.”
“Nag-iwan ako sa
kaniya ng isang pangako na papasyalan ko siya ng madalas.”
“At para ano? Oo
nga’t masaya kayo sa tuwing magkikita pero ganoon din kasakit sa tuwing muli
kayong magkalayo. Kaya kalimutan mo na muna siya ngayon.”
“Hindi ko yata
kakayanin ‘yun Lolo.”
“Apo, masarap
magmahal kung handa na kayong pareho. Hindi dahil mahal mo ang isang tao ay
mabubuhay ka na sa pagmamahal na iyon. Marami kang dapat i-consider, marami
kang dapat paghandaan. Mas mainam magmahal kung handa ka na sa iba pang aspeto
tulad ng career at pera.”
“Paano kung hindi
niya ako mahintay.”
“Ang tunay na
pag-ibig, handang magsakripisyo, handang maghintay. Kung hindi ka niya
mahintay, hindi siya tunay na pag-ibig para sa’yo. Kung kayo ang nakalaan para
sa isa’t-isa magkikita kayong muli. Apo, sandali lang ang tatlo hanggang apat
na taon. Huwag mo na munang dagdagan ang pressure ng pag-ibig ang atensiyon mo
sa pag-aaral mo. Nagkakaintindihan ba tayo?”
Napabuntong hininga
ako. Hindi ko alam kung paano ko kakayanin.
“Hindi sa pinagbabawalan kitang may karelasyon
apo, ngunit pagkatapos mong mag-aral at makamit mo na ang pangarap mo, hindi na
kita pipigilan. Sana apo, magiging inspirasyon mo ang buhay ng nanay mo.
Mag-aral kang mabuti. Habang nasa poder kita, iyon na muna ang atupagin mo.
Kung nakatapos ka na at pumasa sa board exam mo, gawin mo na ang gusto mong
gawin sa buhay mo. Susuportahan kita basta tapusin mo muna ang dapat tapusin at
uunahin ang dapat mong unahin.”
Nang gabing iyon bago
ako nakatulog ay naisip ko lahat ang mga sinabi sa akin ni Aris at lolo.
Minsan, may mga naisasakripisyo kung gusto mong magtagumpay. Si Aris,
naisakripisyo niya ang pagmamahal niya kay Rhon dahil gusto niyang makamit ang
isang pangarap. Si Lolo, puwede pa sana niyang nabuo ang pamilya niya nang
hindi na muna niya inayos ang buhay bago binalikan ang pamilya. Ako, kailangan
ko munang ayusin ang buhay ko bago ko ipagpatuloy ang sa amin ni Ronald. Tama
si lolo, kung kami talaga ni Ronald, kaya niya akong hintayin. Kung kami ang
itinadhana, muling magku-krus ang aming landas. Sa ngayon, kailangan ko munang
gawin ang dapat kong unahin at tapusin, hindi lang para sa akin kundi para din
sa pagkabuo muli ng aking pamilya. Naging matigas ang ulo ko sa mga pangaral ni
tatay. Kung sana nakinig ako sa mga alintuntunin niya habang nasa poder pa niya
ako siguro buo pa din an gaming pamilya. Ngayon, hinding-hindi na ako magiging
suwail. Susundin ko ang kagustuhan ni lolo kahit pa alam kong mahihirapan ako.
Nasa poder palang niya ako at siya ang tutustos sa lahat ng pangangailangan ko.
Alam kong hindi ko ikasasama ang kaniyang mga pangaral sa akin. Kahit pa
masakit na kalimutan ko muna si Ronald ay gagawin ko para sa pamilya ko at sa
sarili kong kinabukasan.
Mahirap ang mga unang
araw, linggo, buwan at taon sa paglimot. Napapaiyak ako sa tuwing naaalala ko
ang pamilya ko at si Ronald. Kumusta na kaya siya? Iniisip din kaya niya ako?
Kumusta na kaya ang buhay nina Vicky at James ngayon? Maayos kaya sila sa
piling ni tatay. Ngunit sa tuwing pumapasok sila sa aking isipan ay nagiging
dahilan iyong ng pagpupursigi kong makatapos. Sa tuwing naaalala ko si Ronald
ay mas nagiging determinado akong magtagumpay. Sa tuwing naiisip ko si nanay,
tumitindi ang hangarin kong buuin muli ang aking pamilya at paulit-ulit kong
pinapangako sa kaniyang maipagmamalaki din nila ako.
Sa tuwing
pinanghihinaan ako ng loob ay nagpupunta ako sa resort ni Aris. Doon ay
nakakaramdam ako ng katahimikan. Naiisip ko, kung may katulad siyang
naghihintay ng Rhon nang kahit walang kasiguraduhan ay alam kong kakayanin din
ni Ronald na hintayin ako ng hanggang tatlong taon lang. Naging matalik kaming
magkaibigan. Sa kaniya ako madalas humuhugot ng lakas.
Ang buwan ay naging,
taon, ang isang taon ay nadagdagan pa hanggang sa nakatapos na ako ng kolehiyo.
Nang magreview ako ng aking board ay pinayagan na ako ni lolo na lumuwas ng
Manila. Sobrang saya ko noon lalo pa’t naihanda ko na ang aking sarili sa aming
pagkikita ni Ronald. Kumusta na kaya siya ngayon? Higit tatlong taon din kaming
walang communication.
Nanginginig ako sa
excitement nang kumakatok na ako sa pintuan nila. Sigurado akong nakatapos na
din kasi siya ng college tulad ko. Handa na kami pareho para sa susunod na
kabanata ng aming buhay.
Nang mabuksan ang
pintuan ay nakita ko ang pagkagulat niya.
“Jinx?”
“Bhie! Nandito na
ako!” napayakap ako sa kaniya.
“Sandali. Anong
nangyari sa’yo?” pilit niyang tinanggal ang pagkakayakap ko sa kaniya.
“Mahabang kuwento
pero ipaliliwanag ko sa’yo ang lahat. Alam ko, you deserve to hear my
explanation.”
“Pasok ka.” Ang gulat
niya kanina ay napalitan ng pananamlay. Hindi ko siya nakakitaan ng excitement
at saya. Nanibago ako.
“Sorry, hindi kita
nasabihan pero sana maintindihan mo. Gusto kong pakinggan mo ako…” pagsisimula
ko sa siguradong mahabang paliwanagan.
“Lumayo ka. Nangako
kang papasyalan mo ako ng madalas. Sige, kahit sana hindi na lang madalas.
Kahit minsan lang para sabihan mo akong hindi na lang ako maghihintay o kung
hanggang kailan ako maghihintay. Para akong tanga. Hinihintay kitang bumalik.
Hinihintay kitang magparamdam. Umaasa akong kahit minsan lang ay bumalik ka
dito at sabihin mo kung hanggang kailan kita hihintayin o tuluyan ka nang
mawala sa akin. Ngunit pagkatapos ng higit tatlong taon, heto ka at parang
walang nangyari? Parang madali lang sa’yo ang ginawa mong pagpapaasa sa akin?”
“Magpapaliwanag ako.”
“Hinintay kita Jinx.
Ngunit hindi ikaw ang dumating. May ibang dumating. Kung makikinig ako sa iyong
paliwanag ngayon, may iba ng masasaktan.”
“Anong ibig mong
sabihin?” nangilid ang luha ko. Alam ko ang ibig niyang sabihin, ang gusto ko
lang linawin ay sino ang ipinalit niya sa akin. Iyon ang dapat ko sanang
itanong.
“Si Ken. Maalala mo
ang unang boyfriend ko na nag-migrate? Bumalik siya tatlong buwan na ang
nakakaraan.”
“Yung nakarelasyon mo
noong second year high school ka?”
“Oo. Siya nga.
Nakatapos na siya ng pag-aaral. Tinupad niya ang pangako niyang balikan ako.
Ikaw, nangako kang pasyal-pasyalan mo din ako, nasa Pilipinas lang tayong
pareho ngunit bakit parang napakahirap sa iyong gawin iyon. Wala kang iniwan na
address sa akin. Wala akong mapagtanungan. Ni hindi mo nagawang magpadala ng
kahit maliit lang na sulat. Kahit minsan lang. Kaya kahit anong paliwanag mo
ngayon. Huli na e. Hindi natin puwede pang ibalik. Sinaktan mo na din ako.” nangilid
ang kaniyang luha.
Napakabigat ng dibdib
ko nang sandaling iyon.
“Mahal mo pa ba ako?”
“Nagtatanong ka ng
isang bagay na alam mong hindi ko na maaring sagutin pa.”
“Mahal mo ba siya?”
“Tinatanong mo ako sa
isang bagay na alam mong ang sagot ay maaring ikasakit ng iyong kalooban. Huwag
mo na lang itanong ang mga bagay na ‘yan.”
“Mahal kita. Mahal na
mahal kita kayak o inihanda muna ang sarili ko.”
“Hindi mo ako ganoon
minahal dahil kung sadyang mahal mo ako, naisip moyung hirap ng naghihintay ng
walang kasiguraduhan. Pero huwag kang mag-alala, tama lang yung ginawa mong
paghahanda para sa sarili mo. Wala kang kasalanan kung naisip mong mas mahalin
mo muna ang sarili mo kaysa sa ibang tao. Hindi ka parin talo.”
“Ngunit paano tayo?”
umiiyak na ako.
“Hindi mo dapat
tinatanong kung paano tayo dahil wala ng “tayo”, Jinx. Ang dapat mong
tinatanong ay kung paano ka. Pero alam kong kung nakaya mong hindi magparamdam
sa akin ng tatlong taon, kakayanin mo na ito ng habambuhay.”
“Naniwala akong kung
talagang mahal mo ako, dapat sana naghintay ka kahit gaano pa iyon katagal.”
“Kung mahal mo ako,
hindi mo ako dapat pinaghintay ng walang kasiguraduhan, hindi mo dapat ako
iniwan ng walang pinanghahawakan.”
“Akala ko kasi kung
tayo ang itinadhana, tayo parin hanggang sa huli.”
“Hindi ganoon iyon,
Jinx. Ang pagmamahal ay hindi parang suwerte lang sa buhay na basta na lang
kakatok at darating nang di inaasahan. Ang pag-ibig ay pinaghihirapan at
pinagbubuhusan ng sapat na panahon at doon ka nagkulang.
“Please, Ronald. Patawarin mo ako.”
“Pinatatawad na kita Jinx. Ngunit
hindi ko alam kung matatanggap pa kita.”
Biglang may kumatok.
“Sandali lang. Si Ken na siguro
iyan. Paalis na din kami.”
Nang tinungo niya ang pintuan ay
nakita ko ang mga bagahe niya sa tabi ng sofa na inupuan ko. Aalis na sila.
Lalong parang gumuho ang mundo ko. Wala ng magawa pa ang aking pagluha. Tuluyan
na akong ginapi ng panghihina.
No comments:
Post a Comment