Friday, February 8, 2013

Open Relationship 07

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com
Facebook: www.facebook.com/joemar.ancheta


--------------------------------
Clyde’s Point of View
--------------------------------

Marami ang katulad ko na kahit angkin ang kaguwapuhan ay hindi naiiwasang napaglalaruan parin ng tadhana. Kung ang katulad ko ay nasasawi sa pag-ibig, paano pa kaya ang mga ibang pinagkaitan ng pisikal na kalamangan? Ngunit hindi dahil may hitsura ka, may lisensiya ka na para hindi masawi sa pag-ibig. Hindi dahil guwapo ka, may karapatan ka na para sugatan ang puso ng mga dumating at nagmahal sa iyo ng tapat. Sa pag-ibig, lahat tayo ay pantay-pantay. Lahat ay nasasaktan, lahat ay maaring mapaglaruan ngunit naniniwala pa rin ako na may darating na para sa akin. Isang taong tuluyang magpapalimot sa akin sa mga dalawang nauna kong sawing pag-ibig.
Dumaan pa ang higit isang taon na hanggang sa dumating ang buhay ko si Lloyd. Nakilala ko siya sa isang gay bar. Hindi siya macho dancer o callboy. Isa siya sa mga katulad kong nagpapalipas ng oras o kaya ay kung may magpor-kilo na gusto ay titikim lang at hanggang kama lang… kinaumagahan, wala na… tapos na… Iyon ang alam kong laro sa mundo ng mga alanganin lalo na yaong mga sunud-sunod na nasaktan sa pag-ibig.
                Ngunit sa gabing iyon ay hindi ang mga naroong nagtitinda ang aming napansin. Kaming kapwa parokyano doon ang nagkatitigan. Nagkakuwentuhan. Hanggang napagdesisyonan naming lumabas at kumain. Halos buong gabi kaming nagkakuwentuhan hanggang sa dumako ang usapan namin sa mga karanasan sa buhay. Tulad ko, dumaan din siya sa mga masasakit at masalimuot na kuwento ng alanganing pag-ibig at bago magbukangliwayway ay magkayakap at magkahinang na ang aming mga labi.

Noon ako umasa at naniwalang may taong nakalaan sa akin. Lalaking may pusong babae ngunit nagkatawang lalaki. Naramdaman ko ang pagkakaiba kung paano magmahal ang straight sa kauri ko. Mula sa pagsasama sa labas, hanggang sa pagturing lalo na sa kasiyahan sa kama. Noon ko napagtantong mainam pang magmahal sa kauri mo kaysa magmahal sa straight na lalaki na sasaktan ka lamang o kung hindi mang perahan ay tuluyan ka pang pagnanakawan. Tumagal ang kasiyahan kong iyon ng halos isang taon hanggang sa nanlalamig na siya sa akin. Marami na siyang mga dahilan. May lagi na siyang ibang sinasamahan. Isang araw ay tinapat na niya ako.
                “Hindi na ako masaya, sorry pero may mahal na akong iba.”
                Nagulat ako. Hindi ko alam ang sasabihin ko lalo pa’t umasa na ako na siya na ang makakasama ko habang-buhay. Hindi ko alam kung paano niya nagawang sabihin ang linyang iyon sa ganoong kadaling pagsabi lamang na tapos na…hindi na siya masaya at may mahal na siyang iba.
                “Paano nangyaring may mahal ka ng iba?” iyon ang natanong ko nang nahimasmasan ako.
                “Maalala mo si Vincent? Iyong ipinakilala ko sa iyong pinsan ko na galing sa probinsiya na bata pa?” casual lang sa kaniya. Parang sa tingin niya hindi ako nasasaktan.
                “Niloko mo ako? Kapag sa gabing nagpapaalam ka sa akin para sabihin sa aking samahan ang pinsan mo manood ng sine, kapag hindi ka umuuwi sa gabi at sabihing nakitulog ka kina Vincent dahil lasing ka na at hindi na makauwi, iyon pala niloloko mo lang ako! Pinagkatiwalaan kita! Minahal kita tapos ginagago niyo lang pala ako!” histerikal na ako! Galit at may kasamang luha ang mababanaag sa aking mukha. Iyon bang nagtiwala ka’t nagmahal ngunit niloloko ka parin ng taong pinaghandugan mo niyon.
                Noon ako nakaramdam ng pagod! Noon ko napagtantong sa buhay ng alanganin, kailangan mong makipaglaro. Kailangan mong sumabay nang di ka maloko ng paulit-ulit. Kinuha ko ang lahat ng damit niya, lahat ng mga gamit at makapagpaalaala sa kaniya at inihagis sa kaniya. Umiiyak ako. Napakasakit ang naramdaman ko. At mula noon, pinangako ko sa sarili kong, makikipaglaro na lang ako. Mahirap magmahal. Niloloko ka kung labis mong ibigay ang iyong pagtitiwala. Iniiwan ka kapag nasosobrahan mong hindi magtiwala. Ngunit paano ba timbangin ang sapat lang na tiwala? Gaano ba kadami ang sapat lang na pagmamahal?
                        Mahirap lumimot sa mga masasakit na nakaraan lalo na kung naging sunud-sunod ang iyong pagkadapa. Hindi naging madali ang paglimot lalo pa’t akala ko si Lloyd na ang taong makakasama ko habang buhay. Naka-set na yung utak ko na dahil pareho kami ng gusto, pareho kaming alanganin ay magiging matatag na ang relasyon namin lalo pa’t wala naman akong nakikitang mali sa aming dalawa noon.
                Ngunit katulad parin siya ng ibang alanganin. Hindi nakukuntento sa iisa. Mabilis ang pagkasawa at laging naghahanap ng bago. Malaki ang nagawa ng pang-iiwan niyang iyon. Napakalaki ng naging epekto ng sunud-sunod na dagok na iyon sa aking pangkalahatan bilang tao. Mas nagiging matibay ako, nagiging mapagkilatis, hindi basta-basta naniniwala sa tamis ng dila at lalong pinatibay niya ang loob ko sa laro ng kakaibang buhay ng mga alanganin. Sa tuwing may makikilala akong bago, ang laging ipinapasok ko sa isipan ko ay… iiwan din ako nito… sasaktan niya ako kung kailan ko siya tanggap ng buong-buo… paiiyakin niya ako kung kailan nakuha na niya ang pagmamahal ko’t tiwala at lolokohin kung kailan tuluyan na siyang bahagi ng aking buhay.
                Itinutok ko ang panahon ko sa aking trabaho. Umangat ang aking buhay ngunit hindi ang estado ng aking relasyon. Ang bakla ay madaling bumangon sa kaniyang career kung isantabi niya ang kaniyang puso. Madali niyang maabot ang rurok ng kayamanan kung siya ay marunong magsara ng pitaka at hindi hinahayaan ang lalaking umeksena sa kaniyang pag-unlad. Naging madali ang buhay sa akin. Naging mabilis ang pag-abot ko ng aking mga pangarap hanggang nagkaroon na ako ng sarili kong bahay sa isang kilalang subdibisyon nakabili ng mga investments kong lupa at may hinuhulugang kotse.
 Mula noon ay madami akong natikman, maraming dumaan sa akin ngunit iniwasan kong magmahal. Nakipaglaro ako sa alam kong laro ng mga alanganing tulad ko. Ngunit nakakasawa din pala ng pakilo-kilo lang sa lalaki. Iyon bang huhubaran mo siya, paliligayahin ka niya, may mga nagpapahalik at may mga ayaw naman. Darating silang parang iyon lang talaga ang handang ibigay at aalis na may dalang bayad. Walang damdamin at puro kalibugan lang.
                Sadyang ang tao ay naghahanap parin ng pagmamahal at hindi lang libog ng katawan. Kahit gaano kadami ang salapi ay naghahanap parin ng haplos ng iba, yakap ng iba at halik ng lalaking kilala mo at handang makinig sa mga kabuktutan mo. Hindi iyon kaya ng salapi, hindi niya kayang tumawa kasama ka, hindi niya kayang yakapin ka, hindi rin nitong kayang umiyak kung alam niyang nasasaktan ka. May mga gabing napapaisip ako, may tao kaya talagang nakalaan sa katulad kong alanganin lang? Totoo kaya ang palagian kong naririnig na may taong nakalaan para sa bawat isa sa atin? Bakit hanggang ngayon hindi ko parin siya natatagpuan? Bakit hindi ko pa siya nakikita? Bakit napakarami paring bakla ang namamatay na hindi nahahanap ang nakalaan para sa kanila?
                Natatakot akong matulad sa kanila. Takot na hindi mahanap ang lalaking itinalaga sa akin ngunit iniwasan ko namang mangarap at maghintay lang. Gusto ko ang ideyang may lalaki para sa akin ay nakalaan ngunit naiinis naman akong hayaan ang sarili kong maniwala na mayroon nga. Mahirap maghintay sa wala. Mahirap mangarap sa alam mong hindi mo hawak ang pagdating niya. Kaya kahit na gusto kong magkaroon ng karelasyon ay pilit ko paring ini-enjoy ang pagtikim sa iba’t ibang putahe.
                Hanggang sa nauso ang Friendster. Simpleng paghahanap. Kailangan mo lang ay computer o laptap, connection sa internet at tiyagang maghalungkat ng mga profiles batay sa mga litratong nakatambad na sa screen ng laptap. Mahilig akong tumingin sa katawan ngunit gusto kong maydating din ang mukha. Maraming beses na akong naloko ngunit katulad kong may iniingatang reputasyon, mapaglaro din ako. Katawan ko lang ang nasa profile ko, walang mukha. Hanggang sa nakita ko ang isang katawan din na tama lang sa panlasa ko.
                “Hi there, kung gusto mo ng kaibigan, add mo ako sa ym mo… clyde1980@yc”
                Ganoon lang kasimple ang iniwan kong message. Naniniwala kasi ako na kung interesado ang tao kahit email add lang ang iwan o number mo lang ang nasa message mo, kokontakin at kokontakin ka pero kung hindi interesado kahit pa gumawa ka ng isang libro o kaya ay uulanin mo siya ng lahat ng contacts mo, hinding-hindi ka papansinin.
                Bago ako mag log out at patulog na ako nang biglang may pumasok na message sa inbox ko. Binuksan ko muna bago matulog.
                “Jinx69@yc…online ako ngayon dude”
               Inayos ko ang pagkakaupo ko sa harap ng aking laptap. Naglog-in ako sa ym ko. Gusto ko lang makita ang mukha niya at kung hindi ko gusto ay sabihan ko na lang na matutulog na ako at tuluyan na lang siyang i-block nang hindi na niya ako kukulitin pa.
            Pagka-add ko sa kaniya sa contact ko ay tumipa na ako sa keyboard ko.
                “Clyde here, dude.”
                “Hi. Musta?” matipid niyang sagot.
                “Paview?” paki-usap ko. Gusto ko kasing makita agad ang hitsura niya. Ayaw ko ng pasakalye pa na kaek-ekan tapos di ko naman pala din gusto in the end. Sayang lang ang oras. Sayang ang effort. Siguro ganoon talaga kung may hitsura ka. Kadalasan na hinahanap mo dapat ka-level mo din lang. Hindi ko alam sa iba, ngunit ganoon akong tao. Kaya din siguro ako madalas masaktan kasi gusto ko lamang sa akin sa hitsura ang taong karerelasyunin ko.
                “Bilis naman. Anong kumpletong pangalan mo muna, saan ka nagtapos, anong course, saan ka lumaki at ano ang palayaw mo?”
                Napangiti ako. Tanong iyon ng lalaking maraming sikreto. Tanong ng nag-iingat at natatakot mabuking. Tanong ng lalaking madaming kakilala o karanasan sa sex sa kapwa na niya lalaki ngunit patuloy pa ding nagpapakalalaki. Naintindihan ko siya. Nagkaroon ako ng interes. Ang mga katulad niya ang trip ko.
                “Clyde Cris Castro, FEU, BS Computer Engr., Cembo, Makati at Clyde parin ang palayaw ko.”
                Ilang sandali pa ay nakita ko na ang invitation niya to view his webcam. Inaccept ko at ilang sandali pa ay nakita ko ang isang maamong mukha. May pagkakulot ang buhok. Sobrang ganda ng lips at kaniyang mga mata. Boyish kung ngumiti. Nakahubad ang pang-itaas at gusto ko ang pungay ng mata at ang mamula-mula niyang magandang labi.
                Napangiti ako. Bumilis ang kabog ng aking dibdib. Nagkainteres ako kaya nawala ang pagkaantok ko.
                “Paview din.” Hiling niya.
                Inopen ko ang cam ko at inivite ko siya. Hindi naman ako natatakot ma-reject dahil alam kong hindi naman ako pangit. Hindi ako ganoon katangkad ngunit taglay ko naman ang medyo magandang katawan at may dating na mukha lalo na sa webcam at sa picture.
            “Okey na.” nabasa kong chat niya.
            “Okey lang? Okey lang talaga?” sagot ko
            “Puwede na.”
            Nakita kong ngumiti siya. Lalong parang ako nahuhulog lalo na kung sumisingkit ang kaniyang mga mata at kita ang maganda niyang mga ngipin. Sana hindi pustiso.
                “Malapit lang ako sa iyo.”
                “So?” paarte kong sagot.
            “Wala lang. Sinasabi ko lang. Bakit masama?”
                “Wanna meet?” diretsuhan kong sagot.
                “Why?” nag-iinarte ba siya o sadyang hindi lang siya mahilig tulad ko.
                “Are you not into “it”?” tanong ko agad.
                “Into what?”
                “Yeah, good night dude. Sorry.” Pag-iinarte ko din.

                Yun lang at sinara na niya ang webcam niya at stop na din siya nag-view sa cam ko.
                Nagpanic na ako lalo na nang log out na yung status niya.
                “Uyy sorry. Diyan ka pa ba?”
                Buzz na ako ng buzz.
                “San ka na! Sorry! Am just kiddin’”
                Buzz!
                Buzz!
                Buzz!
                Naghintay ako ng reply niya dahil umaasa akong baka nag-invisible lang siya.
                Napabuntong hininga ako. Sayang.
Nawalan na ako ng pag-asa nang limang minuto hindi parin siya nagreply.
                “Sayang talaga.” Pabuntong-hininga ko muli.
                Magsasign-out na sana ako ng nakita kong status niyang nag-sign in. Napangiti ako sa available status niya at nang makita uli ang invitation niya to view him. Pagka-accept ko ay nakita ko ang magandang hubog ng abs niya na parang may inaayos sa taas ng computer na gamit niya. Naghintay ako. Binusog ko ang mga mata ko sa pagtutok sa mabuhok niyang abs.
                “Sorry na DC ako. Dami mong buzz ha.”
                “LOL” maikli kong sagot.
            “Wala kasing bastusan. Puwede bang kuwentuhan lang tayo kahit sandali? Getting to know lang ba muna. Ikaw naman mabilisan agad ang gusto mo.”
            “O sige. ASL mo po?” tanong ko.
            “28, Confused, Makati.”
            Nangiti ako sa Confused niyang sagot.
            “Anong name mo, anong trabaho mo, saan ka nag-aaral at anong status ng lovelife mo.”
            “Junixson Reyes, call me Jinx. Sa ngayon, sa LGU ako sa Cagayan. Am taking Law in UP, Accountant by profession, Single.”
            “Boring.” Tipa ko sa keyboard ko.
            “Lol” sagot niya. Nakita ko na naman ang nakangiti niyang mukha. Laglag panty na ako.
               “Ano sunduin kita? Kapagod kasi magtype. Kung malapit ka lang naman e. di magkita na lang tayo para makapagkuwentuhan kung kuwentuhan lang naman ang gusto mo. Puwede tayong magkape o kaya midnight snack.”
            “Puwede.” Sagot niya.
            Kumabog ang dibdib ko. Matagal tagal ko nang hindi naramdaman ito. Iyon bang parang masayang-masaya ang pakiramdam na na-e-excite.
            “Saan ka ba?” tanong ko muli.
“Dito lang naman ako sa malapit sa Boni Station. Hintayin na lang kita doon sa paakyat sa MRT.”
“Hindi kasi ako mahilig makipagkuwentuhan sa chat. Gusto ko harapan.”
“Talaga lang ha. Sige. Meet me.”
                “Sige ba. Day-off ko naman bukas so okey lang. Daanan na lang kita diyan. Dito na lang tayo sa bahay.”
            “Akala ko ba magkakape tayo o kaya midnight snack. Bahay mo agad?”
            “Mag-inuman tayo sa bahay habang nagkukuwentuhan. Ano bang trip mo?” tanong ko.
            “Trip? Kapag mga ganyang tanong kinikilabutan ako.” sagot niya. Naartehan ako.
            “Virgin?”
            “Hindi naman. Disente lang.”
            “Nakakahiya naman pala sa’yo. Anlinis.”
            “Talaga. Okey ‘yan. Mahiya ka lang.”
            “So, saan mo ba talaga tayo gustong pumunta?”
                “Sige na nga, sa bahay mo na lang. Dala na lang ako ng alak at bahala ka nang pulutan. Anong tinitira mo pare?” tanong niya nakangiti.
            “Akala ko ba disente. Makatanong parang pangkalyeng call boy lang.”
            “Lol. Siyempre kailangan kong pakibagayan ang trip mo. Baka kasi isipin mo masyado akong nag-iinarte at walang pakisama.”
            “So, game ka din?”
            “Depende kung anong lalaruin natin. Ano ngang tinitira mo”
            “Depende sa titirahin.” Nakangiti ko ding banat.
                “Anong posisyong gusto mo?” Napatawa na siya. Lalo siyang guwapo kapag tumatawa.
                “Siyempre masarap yung patalikod!”
                “Ulol! Kung anu-ano mga sagot mo!” nakangisi parin siya.
                Natuwa ako. Pakiramdam ko kasi palagay na agad ang loob ko sa kaniya.
                “Ikaw itong ulol magtanong. Bakit kasi tirahin ang piniling salita kung puwede namang tinotoma o kaya ininom tapos may posisyon ka pang nalalaman!”
                “O, sige na. Maligo muna ako at magpalit. Sunduin mo ako after 30 minutes. Nakashort lang ako, nakasando ng itim at nakasumbrero ng patalikod.”
            “Parang wala naman yata sa sinabi mong profession mo ang susuotin mo. Akala ko ba kagalang-galang ang dating.”
            “Bakit? Mag-aaply ba ako sa trabaho? Papasok ba ako sa opisina? Ang pagkakaalam ko, makikipagkita lang naman ako sa guwapong ka-chat ko.”
            “Talaga? Guwapo tingin mo sa akin?”
            “Puwede ng itapat sa akin. LOL! ” Sagot niya.
            “Lakas makapagyabang ah.”
            “Kunyari ka pa. Kung hindi ako guwapo sa paningin mo, yayain mo ba ako sa bahay ninyo. Baka nga bigla ka na lang nagpaalam kanina pagkakita mo sa akin sa cam. Kaya aminin mo na. Tinamaan ka na yata e.”
            “Yabang talaga. Sige. Puwede. Tignan na lang natin mamaya baka kasi guwapo ka lang sa cam.”
            “Napakaimportante talaga ng hitsura sa’yo ano. Patay tayo diyan.”
            “Sa akin, oo. Sa’yo ba hindi?”
            “Siguro iyon ang unang nagugustuhan kasi iyon ang unang nakikita pero naniniwala pa din ako na may nakikita ang puso at iyon ang tumatagal. Iyon ang naiiwan, iyon ang tunay na minamahal ng karamihan. Sa akin, importante pa din ang kalooban.” Seryoso niyang sagot.
            Napalunok ako. Hindi ko napaghandaan ang seryoso niyang sagot.
            “Sige na. Maligo lang muna ako at magpalit. Ikaw din. Sunduin mo muna na ako.”
            “Sige. See you!”
            “See you!”
                Pagkaraan ng 30 minutes ay lumarga na ako. Mabilis ko siyang nakita. Nakaramdam ako ng kakaibang saya ng makita siya. Tumbok kasi niya ang gusto ko sa lalaki. Ang katawan, kulay ng kutis, mukha at tangkad. Hindi ko maiwasang hindi mapangiti at makaramdam ng kakaibang init. Nang buksan niya ang kotse ko ay naamoy ko siya. Biglang may umigting sa akin lalo na ng magkasalubong ang aming mga mata at ngumiti siya. Nakita ko ang pantay niyang ngipin, mamula-mulang labi at nakakalibog na hubog ng katawan. Pinagpawisan ako. Alam kong magugustuhan ko siya ngunit kaakibat naman iyon ng takot. Gusto ko siya ngunit hindi ko alam kung paano ko hahayaan ang sariling muling magmahal at magtiwala. Nang sumakay siya at ginagap ang kamay ko ay alam kong binigyan ko na siya ng karapatang pasukin ang buo kong pagkatao.

No comments:

Post a Comment