Monday, January 7, 2013

Chakka: Inibig Mo'y Pangit (21-Finale)

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com


[21]
Nakita ko sa mukha ni Lando ang pagtataka. Ngunit nanatiling naroon ang mapang-unawang ngiti. Ako ang hindi nakatagal sa mga titig na iyon. Ako ang parang napahiya sa aking sarili. Alam ko, ginusto niyang malaman ang mga nangyari bago dumating ang ganito ngunit mas pinili kong nanahimik. Pinili kong matakot. Hindi ko napaghandaan ang lahat. Dahil sa paglilihim ko’y hindi rin alam ni Lando na may dalang kapahamakan ang dumating na bisita. Maluwang ang pagkakabukas ng pintuan dahil gusto ni Lando na papasukin kami sa loob kaysa sa nagtatalo kami ni Jc sa labas. Sasabihan ko sana siyang isara muna ang pintuan at uuwi na si JC pero nang magsasalita na sana ako ay kinuha ni Jc ang pagkakataon para makapasok siya sa loob.


                “Bakit ka pumasok Jc. Tapos na tayong mag-usap. Wala na tayong dapat pag-usapan pa. Please, umuwi ka na.” pagsusumamo ko.
                “Ganyan ka na ba tumanggap ng bisita ngayon?”
                “Mahal, maigi siguro pumasok ka na muna din nang maisara na ang pintuan. Maupo tayo sa loob, pag usapan at linawin ang dapat linawin. Hindi ninyo kailangang mag-away. Baka puwede natin itong idaan sa mabuting usapan.” Nakita ko ang pagkalito sa mukha ni Lando ngunit alam kong marami siyang gustong itanong sa akin.
                Pumasok ako. Mabigat sa loob kong isara ang pintuan. Hindi ko alam kung paano simulan ang lahat. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang nararamdaman ko sa pagkakataong iyon. Nanatili kaming nakatayo doon. Si Lando man ay hindi din naman siya umupo dahil wala sa amin ni Jc ang gustong maupo.
                “Mahal, sino siya?” tanong muli ni Lando.
“Mahal pa talaga ang napinili ninyong tawagan ha.” Nang-iinis na paningit ni Jc.
“Kinakausap ko si Terence. Baka naman puwedeng manahimik ka muna.” Pikon na si Lando.
                “Bakit hindi ako ang tanungin mo kung sino ako sa buhay niya? Parang mali yatang ikaw ang magtanong kung sino ako kay Terence dapat pala ay ako ang magtanong kung sino ka at ano ang ginagawa mo dito?” iba na ang likot ng mata ni Jc. Namumula ang kaniyang mga mukha. Pinagpapawisan ng butil-butil ang kaniyang noo.
                Sa sinabing iyon ni Jc ay parang ang tingin sa akin ng nabiglang si Lando ay puno ng mga katanungan. Parang tinatanong niya kung ano ang hindi niya nalalaman sa akin. Bakit ako kailangang maglihim sa kaniya sa kabila ng mga pakiusap niya sa akin? Bakit hindi ko nagawang sabihin sa kaniya ang lahat-lahat samantalang ginawa naman niyang sabihin lahat-lahat ng kaniyang pinagdaanan at lihim. Dahil sa dami ng gusto kong aminin at ipaliwanag ay hindi ko alam kung paano simulan lalo pa’t nasa loob na siya ng pamamahay namin, ang lalaking nagbabadya ng isang kaguluhan.
                “Hindi ikaw ang tinatanong ko, gusto kong marinig ang lahat kay Terence at wala akong ibang paniniwalaan kundi ang sasabihin lang niya. Sana idaan natin ito sa magandang pag-uusap. Maupo tayo.” huminto siya. Inaabot ang kamay kay Jc. Alam kong pinipigilan niyang sasabog din siya sa galit. Napabuntong-hininga.  “Lando nga pala pare, ikaw? Ano ang pangalan mo?”
                “Wala akong planong makipagkaibigan. Pumunta ako dito para bawiin lang kung ano ang akin. Ngayon, bago tuluyang magdilim ang pangingin ko ay umalis ka na dito at hayaan mo na kami ni Terence.”
                “Sandali pare? Hindi ko maintindihan. Kaya mas mainam na tumahimik ka at hayaan mong si Terence ang magpaliwanag ng lahat dahil kahit ano ang sabihin mo, hindi ko pahahalagahan dahil tanging ang sasabihin lang ni Terence ang siya kong pakikinggan. Utang na loob Terrence, sumagot ka naman!”
                “Hanep! Wow! Tindi mo! Hina ng utak mo. Nagmamahalan kami pare. Kaya umalis ka na dito!” pasigaw na sinabi ni Jc. Para akong nagising sa mahabang pagkahimbing.
                “Tama na Jc!” mataas kong pagsaway sa kakapalan na ng kaniyang mukha. “Inaamin ko, naging tayo. Minahal kita pero noon iyon.  Malinaw sa aking alaala na bago ako umalis ng Dubai ay tinapos ko na ang lahat sa atin.”
                “Naging kayo? May iniwan ka sa Dubai? Bakit hindi mo naikuwento sa akin noon? Bakit napakarami mong nililihim sa akin, Terence? Hanggang kailan ka magiging ganiyan?”
                “Akala ko kasi hindi na kailangan e. Kinalimutan ko na lahat ang nangyari sa Dubai. Kasi akala ko hanggang doon na lang lahat. Umuwi ako dito para ituloy sana ang pagkakaibigan natin pero hindi ko inakala na sa ganito mauuwi ang lahat. At kung ikuwento ko man sa iyon ang tungkol kay Jc ay sa tingin ko hindi na mahalaga dahil nakaraan na siya sa akin at tinapos ko na din bago ko hinarap yung kung ano ang meron tayo ngayon?”
                “Hindi ba dapat alam ko din? Paano mo naisip na hindi mahalaga sa aking malaman ang lahat. Bakit puro ka kasi akala, mahal? Bakit hindi mo muna subukin ang pagmamahal ko, hindi ‘yung lagi kang kinukulong ng rason mong akala. Wala ka bang tiwala sa akin, mahal? Anong ibig mong sabihin sa hanggang Dubai lang ang lahat. Iniwan mo man ang Dubai, huwag mong kalimutan na lahat ng ginawa mo doon ay naging bahagi ng pagiging sino mo ngayon.” Sandaling tumigil siya. Nagpipigil ng galit.
“Pero sige, nandito na ‘to. Ngayon siguro mainam na harapin nating tatlo ito. Ngayong magkakaharap tayo, mainam na mapag-usapan ang dapat gawin at iyon ay ang piliin sa aming dalawa ang gusto mong makasama at tanggapin kung ano ang iyong desisyon, di ba Jc?” Alam kong naroon ang pagtatampo pero pinili niyang ayusin kaysa guluhin ang isip ko.
                “Anong kailangan kong pumili e di ba nga, sinabi ko na kanina pa na wala na kami ni Jc. Bakit kailangan ko pang mamili samantalang noon pa tapos yung sa amin. Kaya please naman Jc, tama na. Huwag mo na kaming guluhin.”
                “Tang-ina! Ginulo? Ikaw ang gumulo sa buhay ko Terence. Sinundan kita dito sa pag-aakalang mahal mo ako at maipagpapatuloy natin kung ano ang sinimulan natin tapos sabihin mong nanggugulo ako?”
                “E, tinapos na nga natin kung anuman yung nasimulan natin. Jc naman, maging mature ka namang tanggapin ang mga pagbabago. Hindi na kita mahal! Naiintindihan mo ba iyon? Umalis ka na dahil kahit kailan hindi na ako babalik pa sa iyo!” ubos na kasi ang pasensiya ko kaya nagiging pasigaw na din ang pagtataboy ko sa kaniya. Palit-ulit na lang kami. Napakatagal kong iningatan ang tiwala sa akin ni Lando. Napakatagal na panahong hinintay ko ang pagkakataong mabuo kaming dalawa at hindi ako makapapayag na sisirain lang iyon ni Jc. Hindi ko mahahayaang masira iyon ng isang pagkakamali sa aking nakaraan.
                “Anong gusto mong gawin ko? Luluhod ba ako? Magmamakaawa? Sumama ka na sa akin. Kung ayaw niyang umalis dito, tayo ang aalis. Kaya kong ibigay lahat lahat ng gusto mo.” mamula-mula na ang mga mata ni Jc. Nakita ko ang kalituhan sa kaniyang mukha. Nakita ko ang hindi maipaliwanag na pagkaaburido sa kaniyang mga ikinikilos.
                “Umalis ka na! Tatawag ako sa baba sa security guard. Mas mainan ng umalis ka ng maayos kaya kaladkarin ka dito palabas.” Nilapitan ko ang telepono. Kung hindi siya aalis ay itatawag ko sa guard para bitbitin siya palabas sa condo ko.
                “Hindi na kailangan. Aalis ako, mag-usap lang tayo.” Pamimigil niya sa akin. Hinawakan niya ang telepono palayo sa akin.
                “Patawarin mo ako Jc pero sana kung mahal mo ako, hayaan mo akong mapunta sa kung sino talaga ang mahal ko. Hindi ako sasama. Hindi ko iiwan si Lando. Mahal ko siya. May mga bagay na gusto natin ngunit sadyang kahit anong pilit ay hindi natin makukuha. May mga bagay na kahit gaano iyon kahalaga o kahit gaano natin kamahal ay hindi mapapasaatin lalo na kung nagmahal tayo ng hindi naman tayo mahal. Kailangan mong palayain ako para tuluyan ka ding lumaya.” Nagiging mas mababa ang boses ko dahil gusto kong ipaunawa sa kaniya iyon. Higit pa sa pakikiusap ang ginawa ko.
                Binitiwan niya ang telepono. Lumuhod siya. Tumingin sa akin. Umaagos ang luha sa kaniyang mga mata. “Terence, ano ang gagawin ko ngayon? Mahal na mahal kita. Hindi ko alam kung paano ko itutuloy ang buhay ko ng wala ka?” nanginginig ang buo niyang katawan at lalong nagiging malikot ang kaniyang mga mata. Hindi siya makatingin sa akin ng diretso.
                Nakaramdam ako ng awa. Hindi siya dapat nagpapakababa ng ganoon. Walang sinuman ang may karapatang magpaluhod kundi ang Diyos lang. Pakiramdam ko ay hindi na makatao ang nangyayari kung hahayaan kong luluhod siya para lang hingin na balikan ko siya at mahalin kong muli. Lumapit ako sa kaniya.
                “Tumayo ka nga diyan. Hindi mo kailangang gawin ang ganiyan. Hindi mababago ng pagluhod mo ang nararamdaman ko at ng desisyon kong piliin si Lando.” Yumuko ako at pilit ko siyang pinatayo. Nakita ko ang pagtulo ng kaniyang luha sa sahig kaya lalong namayani sa akin ang pagkaawa.
“Puwede bang mayakap kita? Kahit sa huling sandali? Kung ayaw mong sumama sa akin, baka puwede mo akong pabaunin ng kahit isang huling yakap.” tumingin siya sa akin. Nagmamakaawa ang mukha. Puno ng luha ang mga mata.
                Lumingon ako kay Lando. Gusto kong mabasa sa mukha niya kung okey lang na pagbigyan ko ang huling hiling ni Jc. Nakita ko ang banayad niyang pagkindat. Parang sinasabi ng kaniyang tingin na pagbigyan ko na lamang.
               Hinawakan ni Jc ang kamay ko. Dinampian niya ng halik. Marahan siyang tumayo habang titig na titig sa akin. Hanggang naramdaman ko na lamang ang walang kasinghigpit niyang yakap sa akin. Nilingon ko si Lando na noon ay bahagyang tumalikod muna. Nakita ko siyang tinungo ang pintuan dahil sa biglang may nagbuzz. May nag-abot sa kaniya ng pizza. Inapuhap niya ang bulsa ngunit parang wala siyang pera. Cellphone niya ang nailabas niya doon. Siya ang tinitignan ko sa sandaling niyayakap ako ng mahigpit ni Jc.
                 “Patawarin mo ako ha? Makakahanap ka rin ng para sa iyo.” Pakiusap ko kay Jc para matapos na ang lahat. Hindi siya sumagot ngunit nawala na ang paghikbi niya.
 Dumaan si Lando  na parang wala lang siyang nakita at tinungo ang kuwarto namin. Bago siya nakapasok ay tumunog ang kaniyang cellphone at sinagot niya ito. Naisip kong baka si Dok Bryan o kaya si Dok Mario ang tumawag at alam kong kukuha din siya ng pera sa kuwarto kaya siya pumasok doon.
Hanggang sa naramdaman ko na ang yakap ay naging halik sa leeg at mabilis ang mga nangyari dahil natagpuan ko na lamang ang kaniyang labi sa aking labi. Noon ay alam kong hudyat na para pilit kumalas ngunit nagiging marahas na siya. Mas nagiging mapusok ang kaniyang mga halik at yakap. Pilit ko siyang itinulak ngunit sadyang malakas siya sa inaakala ko.
                “Akin ka lang. Mas gugustuhin ko pang mamatay tayong dalawa kaysa makita kong mapunta ka pa sa iba! Kung hindi ka sasama sa akin ngayong gabi, hindi ako aalis dito na buhay ka.”
Nakita ko ang mabangis niyang tingin. Hindi na siya si Jc. Alam kong wala na siya sa kaniyang katinuan lalo na nang hinawakan ng kaliwa niyang kamay ang aking leeg ng walang kasing higpit.
Suminghap ako. Buong lakas kong tinanggal ang kamay niyang nakabigti sa aking leeg. Nang matanggal ko ang kamay niya ay bigla niyang hinablot ang kurdon ng telepono.
“Sasama ka sa akin ngayon o magkagulo tayo.” Mabigat ang pagkakasabi no’n. Alam kong totohanin niya. Gusto kong sundan si Lando sa kwarto para mabilis na i-lock iyon. Ayaw kong madawit sila kung sakali mang gagawa ng hindi maganda si Jc. Gusto kong ligtas sila kung sakaling magkagulo na. Ngunit malakas ang isang bisig ni Jc na nakayakap sa akin.
“Hindi! Kahit anong gawin mo sa akin, hinding-hindi ako sasama sa iyo. Hindi kita mahal. Tapos na tayo, Jc. Palayain mo na ako.” Pilit kong tinanggal ang kamay niyang nakayakap sa akin.
Hanggang may bigla siyang ibinaon sa likod ko at napaigtad ako.
“Papatayin kita! Manloloko ka! Manggagamit. Ang dapat sa iyo ay mamatay!”
At nang muli niyang isaksak ang hawak niyang balisong na noon ay may dugo na ay naisip ko nang lumaban. Buong lakas niya akong itinulak. Pagkatapos ng tulak na iyon ay ang malakas na pagsipa sa akin dahilan para tumama ang ulo ko sa gilid ng aparador na gawa sa matigas na kahoy.
                Sa lakas ng sipang iyon ay parang umikot ang aking paningin at may umagos sa aking noo hanggang sa pisngi. Noon naman ay palabas na si Lando sa kuwarto namin. Nagulat siya sa bilis ng mga pangyayari kaya hindi siya nakakilos agad.
                “Akin ka lang! Akin ka lang!” paulit-ulit iyong sinasabi ni Jc.
                Umiikot parin ang aking paningin at lumapit sa akin si Jc na hawak ang duguang balisong. Nanlilisik ang kaniyang mga mata. Maagap si Landong pigilan siya ng akma na niya akong ambaan ng saksak sa dibdib. Nasuntok niya si Jc sa panga at nagawa nitong sipain sa sikmura ngunit sa tulad ni Jc na nagwawala at wala sa katinuan ay parang hindi nito ramdam ang ginawa sa kaniya. Pinulot niya ang isang malaking display sa bahay na gawa sa metal at buong lakas niya iyong ibinato kay Lando na tumama sa katawan nito dahilan para mawala sa panimbang ang huli.
Dahil sa nilikha nitong ingay ay binuksan ng pizza delivery boy ang pintuan kaya nagawa kong humingi ng tulong sa kaniya ngunit dahil siguro sa nakitang kaguluhan ay basta na lamang siya nawala sa pintuan at nagmamadaling umalis. Kailangan naming mapigil si Jc sa kaniyang pagwawala. Kailangan naming magtulungan. Lahat ng nakikita ni Jc sa paligid ay ibinato kay Lando at nang wala ng mahawakan pa ay mabilis niyang nilapitan ang pinagbabatong mahal ko saka niya sinipa. Nakita kong inambaan niya ng saksak si Lando ngunit mabilis na nahawakan ni Lando ang kamay na may hawak ng patalim. Nagsagupa sila, lakas sa lakas ngunit hindi magawang maagaw ni Lando ang mahigpit na hawak ni Jc na balisong. Pinilit kong bumangon kahit hilong-hilo pa din ako para tulungan si Lando. Naliligo na ako sa dugo. Kinuha ko ang isang malaking figurine at ipinalo ko iyon sa likod ni Jc. Nawala sandali ng konsentrasyon si Jc. Kinuha ni Lando ang pagkakataong iyon para makabangon. Sinipa niya ng ubod ng lakas si Jc at tumilapon ito. Nabitiwan ni Jc ang patalim. Mabilis ko iyong pinulot ngunit nahawakan ni Jc ang kamay ko. Nakipag-agawan ako. Lakas sa lakas kahit pa alam kong marami ng dugo ang nawala sa akin dahil sa natamo kong sugat. Nang makakuha ako ng pagkakataon ay buong lakas kong binaon ang balisong ngunit sa tagiliran lang niya tumama. Lalo kong nakita ang panlilisik ng kaniyang mga mata ng makita niyang umagos ang dugo. Hindi kaagad ako nakakilos nang makita ko ang masaganang dugo ngunit kinuha ni Jc ang pagkakataong iyon para maagaw nang tuluyan ang balisong sa akin at sa isang iglap pa ay naitama niya iyon sa akin balikat. Huli na nang umalalay si Lando. Nagpambuno sila at sa isang kisapmata ko lang ay nakabaon na ang balisong sa sikmura ni Lando. Hinugot iyon ni Jc at nang iamba niyang saksakin sa dibdib ang lalaking mahal ko ay nahawakan ko ang isang upuang kahoy at ipinukol ko sa kaniya ng ubod ng lakas.
Tumilapon siya malapit sa pintuan ng kwarto ni baby Jay-ar. Napulot ni Lando ang balisong ngunit bago siya tuluyang nakalapit kay Jc ay may binunot si Jc sa kaniyang likod. 
“Sige lumapit ka pa. Isang hakbang mo lang sabog ang iyong ulo.” banta niya na siyang ikinatigil ni Lando. Ako man ay natigilan kahit parang umiikot na ang aking pangin sa sobrang pagkahilo. Lalo akong nagimbal nang makita kong lumabas si baby Jay ar sa kuwarto, isang dipa lang ang layo niya kay Jc. Nagkatinginan kami ni Lando.
“Daddy?”  mahinang tawag niya kay Lando. Paupungas-pungas ang bata. Walang siyang kahit anong alam sa nangyayaring kaguluhan sa paligid niya.
Hawak ni Lando ang duguan niyang sikmura. Nakita ko ang kagustuhan ni Landong ilayo ang bata doon. Ako din ay gusto kong liparin si baby Jay-ar at dalhin sa ligtas na lugar ngunit kay Jc siya malapit. Isang pagkakamali lang namin ay kakalabitin ni Jc ang gatilyo na nakatutok pa din kay Lando.
Ilang saglit pa ay mabilis na hinila ni Jc and bata, tinutok niya ang baril sa sintido nito. Tumigil ang mundo ko sa pag-inog. Alam kong wala na si Jc sa katinuan. Wala na siyang pakialam pa kung sino dapat at hindi dapat madawit. Wala siyang pakialam pa kung kailangan niyang kumitil ng buhay kahit pa sa inosenteng bata. Parang malagutan ako ng hininga nang magsimulang umiyak ang bata. Nanginginig ang duguang kamay ni Jc na nakahawak sa baril na nakatutok sa ulo ni baby Jay-ar. Kitang-kita ko paano nakaapekto ito kay Lando. Napaluhod siya. Tanda ng pagmamakaawa kay Jc na huwag idamay ang bata. Nakatingin sa akin. Ang mga tingin na iyon ay alam kong may mga panunumbat. Parang binabalatan ako ng buhay. Alam kong ang mga titig niya ay patuloy akong inuusig kung bakit ko nagawing ilihim sa kaniya ang pagdating ng isang delubyong ito sa aming buhay. Ang pagluha ay naging hagulgol dahil alam niyang hawak ni Jc ang buhay ng kaniyang anak. Lalo pa’t ang iyak ni baby Jay-ar at ang paulit-ulit niyang pagtawag sa daddy niya ay parang barenang tumutusok sa aking puso. Tanda iyon ng paghingi niya ng saklolo. Mabilis akong nag-isip kung ano ang dapat kong gawin. Hindi dapat madawit si baby Jay-ar sa gulong pinasok ko. Handa ko ng ibuwis ang aking buhay huwag lang sana ang bata at si Lando. Nakita kong binuhat ni Jc ang bata na hindi inaalis ang baril na nakatutok sa ulo nito at alam kong sa isang iglap kung  wala akong magawang paraan ay maaring makalabit ni Jc ang gatilyo na siyang kikitil sa buhay ng mahal naming anghel ni Lando.

[22]
Marami akong naging desisyon sa nakaraan na hindi ko inaasahang magdudulot ng kapahamakan sa akin at sa mga mahal ko sa buhay. Ngunit gusto kong ayusin ang lahat ng mga iyon kahit kapalit man nito ay ang aking buhay. Tao ako at hindi Diyos. Mga santo man ay may pagkakataon din sa buhay nilang nagkakamali sila sa kanilang inaakala. May mga naging desisyon ang karamihan sa atin at may mga panahong naglihim tayo na ang kinalabasan ay malayo sa ating inaakala. Sa pagkakataong ito, gusto kong gumawa ng tama ayon sa aking sariling pananaw. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung may masamang mangyari kina Baby Jay-ar at sa mahal kong si Lando.
“Huwag si baby Jay-ar Jc. Parang awa mo na. Luluhod ako sa harapan mo, huwag mo siyang idamay dito. Walang kamuwang-muwang ang bata para masali siya sa gusot natin. Bitiwan mo siya parang awa mo na.” humahagulgol na ako.
“Pare, makinig ka sa amin. Kahit ako na lang ang patayin mo, huwag ang anak ko. Alam kong alam mo na wala siyang kasalanan sa iyo kaya kung may galit ka man sa aming dalawa ni Terence ay sa amin mo na lang ibunton. Huwag ang anak ko.” Ang tinurang iyon ni Lando ang lalong nagpasidhi sa kagustuhang kong iligtas silang mag-ama.
“Sasama na ako sa iyo. Iiwan ko si Lando. Kahit saan ka magpunta, sasama ako sa iyo huwag mo lang sasaktan ang mag-ama. Nakikiusap ako. Nagmamakaawa ako sa iyo.” Nakaluhod na ako. Iyon bang wala ng natitirang pag-asa pa. Desperado na ako. Kaya kong magtiis at magpaalipin kapalit nito ang pagligtas ko sa mag-ama. Kapalit nito ang makitang buhay silang dalawa.
Nakita kong nakangisi si Jc ngunit nanlilisik parin ang kaniyang mga mata. Lumapit sa akin. Marahang mga paghakbang.
“Sigurado kang sasama ka sa akin? Hindi mo lang ba muling binibilog ang ulo ko?” panigurado niya.
“Sasama na ako sa iyo. Iiwan ko si Lando. Kakalimutan ko siya basta huwag mong sasaktan ang bata.”
“Ikaw Lando? Makakaasa ba akong tatantanan mo na kami ni Terence?”
 Lumingon sa akin si Lando. Alam kong hindi siya makapapayag na mawala ako sa buhay niya ngunit nasa bingit ng kapahamakan ang anak niya kaya tinignan ko siya. Nakikiusap ang aking mukha.
“Itapon mo malapit sa akin ang hawak mo balisong. Kinakausap kita at sumagot ka ng malinaw Lando, pababayaan mo na kami ni Terence.”
Nakita kong binato niya sa paanan ni Jc ang balisong.
“Sagot! Palalayain mo na si Terence sa buhay mo at pababayaan mo na kami, Lando! Sumagot ka!” pasigaw na tinuran muli ni Jc.
                “Pangako, palalayain ko kayo. Hindi ko kayo guguluhin huwag mo lang sasaktan ang anak ko.”
                “Hayun, madali lang naman pala kayong kausap e.” Pagkasabi niya iyon ay yumuko at binitiwan niya ang kanina pang umiiyak na bata. Mabilis na tumakbo ang bata palapit kay Lando at niyakap naman ni Lando nang makalapit na ito sa kaniya. Natagpuan ko na lamang na nakapulupot na sa leeg ko ang bisig ni Jc. Sa akin nakatutok ang baril. Nakaramdam ako ng kaginhawaan. Ligtas na si Baby Jay-ar. Nagsimulang naglakad si Jc patungo sa pintuan habang paatras din akong sumunod sa kaniya. Nakita kong hindi na sa aking ulo nakatutok ang baril. Napunta kay Lando.
                “Huwag kang gumalaw diyan. Huwag kang gagawa ng hindi ko magugustuhan.” Babala ni Jc.
                Dahil sa takot ni Landon a baka makalabit ni Jc ang gatilyo ng baril at si Baby Jay-ar ang nakaharap sa amin at kung hahayaan niyang magiging ganoon ang kanilang posisyon, si bata ang matatamaan ng baril. Biglang tumalikod si Lando para protektahan si baby Jay-ar. Alam kong ayaw niyang mapahamak ang bata ngunit ang ginawang iyon ni Lando ay kinagulat ni Jc at isang putok ang umalingawngaw. Nakita kong tinamaan si Lando. Dahil doon ay hindi ko na hinayaan pang makaisang putok pa siya. Siniko ko siya ng ubod ng lakas. Natanggal ang nakapulupot na bisig niya sa aking leeg hinarap ko siya nang alam kong uulitin pa niyang barilin ang mahal ko. Isinangga ko ang sarili ko para hindi na niya matamaan pa si Lando. Isa pang putok ang umalingawngaw. Dama ko ang pagtama ng bala sa akin. Bala na sana ay muling tatama kay Lando. Bumagsak ako pero sinikap kong makalapit kay Lando. Para maisangga ko ang katawan ko sa kahit ilang bala pa niyang pakakawalan. Pagkatapos no’n ay ilang putok pa ang narinig ko. Ngunit hindi na galling pa kay Jc ang putok na iyon. Galing sa pintuan ng condo. Galing sa mga dumating na guwardiya at pulis. Kitang-kita ko ang pagkatumba ni Jc hindi kalayuan sa amin.
Kahit pa nanghihina ako ay nagawa kong tanggalin ang pagkakadagan ni Lando kay baby Jay-ar.
“Mahal, huwag kang susuko. Huwang mo akong iwan. Lumaban ka. Kaya natin ‘to.” Pagmamakaawa ko sa kaniya para alam niyang naroon ako sa tabi niya. Matapang. Buhay.
Ilang saglit pa ay nakita ko ang paglapit ni Dok Mario at Dok Bryan para saklolohan kami. Kinuha ko ang mga kamay ni Lando. Naramdaman ko ang mariin niyang pagpisil.
“Buhay ka! Salamat sa Diyos! Mabubuhay tayong dalawa mahal ko. Huwag kang bibitiw.”
“Walang iwananan mahal.” Mahina man ang pagkasabi ni Lando niyon pero may kakaibang katatagan.
                Kumilos siya. Niyakap niya ako. Nakita ko ang masaganang luha mula sa kaniyang mga mata na pumatak sa akin mukha. Hinayaan ko iyong umagos sa aking pisngi. Hawak niya ang isang kamay ko at pinipisil habang ang isang kamay niya ay nakayakap na sa akin.
“Hindi kita iiwan, mahal. Patawarin mo ako. Mangako kang ikaw din” Sagot ko.
“Sumpa ko iyon mahal. Mahal na mahal kita.” Paanas niyang sinabi sa aking tainga.
 “Terence mahal. Tulungan mo ako. Mahal na mahal kita. Akin ka lang. Walang ibang makakaagaw sa iyo sa akin…. A-kin ka-lang…tulu-ngan mo….a-ko…” Naririnig ko ang mga sigaw ni Jc. Pahina iyon ng pahina. Naging pabulol at tuluyang nawala hanggang sa ungol na lang ang narinig ko mula sa kaniya.
 Kasabay niyon ng tuluyang panghihina ng aking paningin. Dumilim ng dumilim ang paligid ko at tanging mainit na kamay ni Lando ang tangi kong naramdaman na pumipisil sa aking mga palad. Mahigpit ang kaniyang hawak habang nakayakap siya sa akin. Gusto ko siyang sagutin. Ngunit sadyang bumibigat na ang talukap ng aking mga mata at naramdaman ko sa huling sandali ang tuluyang paghina ng pagkakawahak ko sa kaniyang mga palad. Dinig na dinig ko ang pagtawag niya sa aking pangalan hanggang unti-unting naging tahimik ang aking mundo.
                Paggising ko ay nakabenda na ang aking ulo, likod at tagiliran. Nilibot ko ang aking paningin at nang makatiyak ngang buhay ako ay pilit kong binalikan ang buong pangyayari at nang naging malinaw sa akin kung bakit naroon ako sa Hospital ay gusto kong isiping isang masamang panaginip lamang ang lahat. Ngunit alam kong nangyari ang lahat.
                Si Lando. Tama. Nasaan si Lando? Buhay pa kaya ang lalaking mahal ko? Paano ako nakaligtas sa kamatayan? Paano ko ipagpapatuloy ang paglaban sa hinaharap kung tuluyang mawala sa akin ang kaisa-isang lalaking minahal ko sa buong buhay ko? Gusto kong makita siya. Gusto kong makatiyak na ligtas siya dahil kung may kailangang mamatay at magbayad sa lahat ng mga ito ay dapat ako. Ako ang nagkamali. Ako ang nagkasala.
                Kailangan kong mahanap siya ngayon din. Kailangang masagot lahat ang mga katanungang bumabagabag sa akin. Nahihilo ako at nakaramdam ako ng kakaibang sakit sa aking likod ngunit mas masidhi ang kagustuhan kong makita kung ano ang nangyari kay Lando. Tatayo na sana ako nang biglang pumasok ang isang doctor. Nang maibangon ko ng bahagya ang ulo ko ay nakaramdam ako ng kakaibang pagkahilo. Kaya ng utak ko ngunit marahil ay hindi pa kinakaya ng aking katawan kaya muli kong ibinalik ang aking ulo sa pagkakadantay nito sa unan.
                “Gising ka na pala, Terence. Salamat sa Diyos at ligtas ka.” May matipid na ngiti sa labi ni Dok Mario. Kinuha niya ang mga palad ko. “Pasalamat tayo sa Diyos dahil nadala namin kayo kaagad sa hospital. Kung mas maaga pa sana kaming dumating nang tumawag si Lando sa amin sana hindi nangyari sa inyo ito.”
                “Nakatawag pa siya sa inyo?”
                “Hindi namin alam na may kaguluhan. Ang sinabi lang niya ay dumating ang ex mo sa condo ninyo. Pinapapunta kami sa condo niyo para ayusin ang gusot o kung pupuwede ay magtawag na din ng pulis para matakot si Jc at kusa itong umalis.”
                “Dok, ako ang dapat sisihin sa nangyari. Kung hindi sana ako gumamit ng iba para makalimutan dati si Lando. Kung sana hindi ako naglihim sa kaniya at nakagawa ako ng paraan para naiwasan sana na humantong sa ganitong sitwasyon ang lahat. Sana hindi nangyari ang lahat ng ito. Gusto kong makita si Lando. Sabihin ninyo kung ano ang nangyari sa kaniya. Buhay pa ba siya?” Pakiusap ko.
                “Nang nadatnan naming kayo kasama ng mga guwardiya at pulis, nabaril na kayo ni Jc. Huli na ang pagdating namin. Una kang nawalan ng malay. Kahit nahihirapan na si Lando ay nakiusap siya sa amin na iligtas ka sa kamatayan. Hindi pangkaraniwan ang binuhos niyang pagmamahal sa iyo Terence. Alam ko iyon. Alam naming iyon ni Bryan. Mahirap maghintay ng kawalang katiyakan. Hindi lahat ng lalaki nagagawang maghintay at umasa kahit walang iniwang garantiya. Ngunit ginawa ni Lando iyon. Nagtiwala siya sa iyo. Daman-dama namin ni Bryan ang kagustuhan niyang makita at makasama ka niyang muli. Bago tuluyang nawalan ng malay si Lando at kahit hirap na hirap na siya ay nakiusap sa akin na gawin lahat ang makakaya ko para mabuhay ka lang. Mas inisip ka niya kaysa sa kalagayan niya. Inasikaso kita agad at si Bryan naman ang umasikaso sa kaniya. Sana malagpasan ni Lando ang pinagdadaanan niya ngayon. Nakita ko sa inyo ang pagmamahalan namin ng yumao ko ding mahal noon na si Gerald. Alam ko kung gaano kahirap mawalan ng minamahal.”
                “Anong ibig ninyong sabihin Doc? Sa pananalita ninyo ay parang may laman ang inyong sinasabi.”
                “Akala ko kasi mas grabe ang nangyari sa iyo dahil nauna kang nawalan ng malay. Ngunit sa tindi ng pagkabagok ng ulo mo kaya ka nahilo kasabay din ng madaming dugong nawala mula sa iyo kaya nangyari iyon. Ngunit dahil naagapan ka at maliit lang pala ang sugat mo sa ulo at hindi din ganoon kalalim ang sugat sa likod mo at tama ng baril sa bahaging tagiliran kaya mas mapalad ka parin kay Lando.”
                “Doc, ano ang nangyari sa mahal ko? Nakikiusap ako, huwag ninyo ako pahirapan ng ganito. Gusto kong malaman kung ano ang nangyari sa kaniya.”
                “Nasa critical siyang kondisyon ngayon at kailangan mong magpakatatag para sa kaniya. Sa’yo siya dapat huhugot ng lakas. Ngunit kailangan mo ding paghandaan na hindi natin hawak ang buhay ng tao. Hindi man natin gusto ngunit may mga bagay na tanging ang Diyos lamang ang tanging nakakagawa ng himala. Siya lang ang tanging nasusunod kung kailan niya gustong bawiin ang ipinahiram niyang buhay sa atin. Gusto kong maging tapat sa iyo dahil ako man din ay dumaan sa ganitong sitwasyon. Huli na nang malaman kong may sakit na cancer si Gerald at maraming mga nasayang na sandali na dapat naenjoy namin kung mas naging maaga lang nilang ipinagtapat sa akin ang kaniyang pagkakaroon ng walang lunas na sakit. Tulad mo, kung sana mas nagiging maagap kang sabihin ang tungkol kay Jc sa kaniya ay maari sanang naiwasan nating mangyari ito. Ngunit naiintindihan kong may kaniya-kaniyang tayong dahilan. May mga bagay na tayo lang din ang nakakaalam kung bakit natin ito ginagawa.”
                “Iyon ang malaki ko pong pagkukulang Dok. Sana mailigtas siya para mapunan ko lahat ang nagawa kong mga pagkakamali sa nakaraan.”
 “Sa akin, wala ng pag-asa pa noong mailigtas si Gerald sa kamatayan ngunit sa iyo, kahit papaano ay nakakakita ka parin ng isang himala para mailigtas ang mahal mo. Humingi ka ng tulong sa Diyos at alam kong pakikinggan niya ang iyong panalangin. Magtiwala ka sa kaniya at kung sakali mang hindi niya maibibigay ang hiling mo ay magtiwala kang hindi pa katapusan ng mundo. Magpapatuloy ang pag-ikot ng buhay kahit gaano pa kasakit ang pagkawala ng taong tunay na nagmamahal sa iyo. Mahirap makahanap ng taong para sa atin lalo na ang mga katulad natin at kadalasan pa nga ay wala ngunit hindi ngayon ang tamang panahon para panghinaan ka ng loob. Ito ang tamang panahon para iparamdam mo kay Lando na kaya mong magpakatatag para sa inyong dalawa.”
                “Kasalanan ko ang lahat ng ito. Ako ang dapat sisihin. Hindi ko alam kung paano ko patatawarin ang aking sarili kung mamatay si Lando. Di ko alam kung paano ko tatanggapin ang lahat lalo pa’t alam ko na ako ang dahilan ng lahat ng ito.” Alam kong paulit-ulit kong sinasabi ang katagang iyon ngunit gusto kong habang sinasabi ko iyon ay mapaintindi ko sa aking sarili kung paano ako ginawang tanga ng aking pagkatakot. Humahagulgol ako.
                “Kumalma ka, Terence. Hindi pa lubusang gumaling ang mga sugat mo. Walang may gusto sa nangyari sa inyo. May mga tao lang talaga na nakakagawa ng hindi maganda sa kapwa. May mga taong desperadong makuha ang gusto sa kahit anong paraan. Alam ko gusto mong protektahan si Lando. Ayaw mo siyang mag-alala at masaktan. Ayaw mo siyang may proproblemahin pa. Huwag kang masiyadong magalaw dahil hindi iyan nakakabuti sa iyo.” Pinapatahan ako ni Dok Mario.
                Walang kasing-sakit ang sugat ko sa likod at kumikirot pa din ang ulo ko ngunit wala ng kasinsakit pa ang nararamdaman ko. Sinisingil ako ng aking konsensiya.
                “Gusto kong makita si Lando. Parang awa niyo na dok, alam kong kailangan niya ako ngayon. Gusto kong iparamdam sa kaniya na narito ako, buhay na buhay. Gusto kong kahit wala siyang malay ay maramdaman niyang gusto kong lumaban siya.” Humahagulgol na ako noon. Halos hindi ko na mabigkas ang lahat ng katagang gusto kong sabihin. Gulung-gulo ako, takot na takot, hirap na hirap ang kalooban ko.
                “Hihintayin lang natin si Bryan na nag-asikaso sa kaniya. Huwag kang mag-alala, hindi namin ililihim sa iyo ang tunay niyang kalagayan. Gusto kong bigyan kita ng lakas ng loob para mapaghandaan ang kung anuman ang kahihinatnan ni Lando. Gusto kong makinig ka sa akin para lalo mong makita ang positibong pananaw kung sakali mang mawala si Lando sa iyo.” Masuyo niyang pinunasan ang aking mga luha at ramdam ko ang buong pang-unawang paghahaplos niya sa aking dibdib para mabawasan ang naipong pighati doon.
                “Anong buhay na lang mayroon ako kung tuluyan na siyang mawawala sa akin Dok? Siya lang ang kaisa-isang lalaking tunay na minahal ko ng ganito. Sa kaniya lang umikot ang mundo ko. Napakatagal na panahong iningatan ko siya at halos ilang buwan lang kaming nagkasamang masaya. Nagkamali ako ng iwan siya at piniling magkaroon ng iba para makalimutan siya. Ang pagkakamaling iyon ang siyang dahilan kung bakit nandito kami ngayon sa sitwasyong ganito. Wala akong hinangad na iba kundi ang makasama siya, maiparamdam ang tunay na pagmamahal ko sa kaniya at hindi ko kakayanin kung mawala siya sa akin. Mainam pang mamatay na din ako kaysa mabuhay ng hindi ko siya kasama.” Sa bawat hikbi ko ay hindi ko nito kayang bawasan ang masidhing paghihirap ng aking kalooban.
                “Terence, ganyan din ako noong iniwan ako ni Gerald. Akala ko katapusan na ang lahat. Akala ko wala ng darating na magmahal sa akin. Napakaraming magagandang alaala na iniwan niya sa akin. Hanggang sa huling sandali ay naramdaman ko ang kaniyang pagmamahal. Inihanda niya ang lahat kahit pa sumakabilang-buhay na siya. At kung napaghandaan man ni Lando ang nangyaring ito, alam kong hindi niya gugustuhing makita kang nahihirapan at nasasaktan. Ayaw niyang gugulin mo ang natitira mong buhay para magiging miserable lang ito. Kung ganoon ang gagawin mo ay lalo mo siyang binigong buhayin ka. Kung mawala man siya iyo ay gusto niyang ipagpatuloy ang inyong nasimulan. Kaya niya itaya ang buhay niya sa iyo dahil gusto niyang makaramdam ka din ng kasiyahan. Hindi ko man buong alam ang kuwento ng inyong pagmamahalan ngunit sana huwag mong sayangin ang buhay na gusto niyang maeenjoy mo pa.”
                “Paano ho ko iyon gagawin kung siya lang ang alam kong nakapagbibigay sa akin ng ligaya at pag-asa? Paano ako mag-eenjoy kung siya ang dahilan kung bakit ako nabubuhay?” Sunod na sunod kong tanong kay Dok Mario.
                “Bago namatay si Gerald noon ay nagawa niyang ayusin ang buhay ko pati ang pagkakaroon ng lalaking siyang titingin, mag-aalaga at magpapatuloy ng buhay kong sinimulan niya. Si Bryan. Mahirap sa kaniyang gawin ang bagay na iyon. Ngunit hindi makasarili ang tunay na pag-ibig. Mas binibigyang halaga nito ang kasiyahang maibibigay mo sa taong mahal mo kaysa sa sarili mong interes. Ang tunay na pag-ibig ay hindi maramot, kusa itong nagbibigay ng dahilan at paraan para pagaanin ang lahat ng pasakit at paghihirap na alam mong dadanasin ng mahal mo. Alam ko ang hirap ng makitang unti-unti kang iniiwan ng mahal mo at kung kami ni Bryan ang masusunod, hinding-hindi kami makapapayag na mangyayari iyon sa inyo. Ayaw kong mangyari sa inyo ang nangyari sa amin ni Gerald. Huwag kang mag-alala, gagawin naming lahat ni Bryan ang makakaya namin para mailigtas si Lando. Alam kong ginagawa din lahat ni Bryan ang makakaya niya dahil pinsan niya ang nasa bingit ng kamatayan ngunit tao lang din kami ni Bryan. Ang kagustuhan parin ng Diyos ang siyang mangingibabaw. Magdasal tayo para sa kaligtasan ng mahal mo.”
                “Kung hindi sana ako naglihim sa kaniya. Antanga-tanga ko, Dok. Alam ko ng darating si Jc para guluhin kami ngunit hindi ko man binalaan si Lando. Hindi man lang ako nakapaghanda. Sana hindi nangyari ang lahat ng ito kung pinaghaan ko ang lahat. Kung sakit ang kinamatay ni Gerald at nagawa ninyong ihanda ang inyong mga sarili, sa akin hindi ganoon kadali iyon dahil alam kong ako ang may pagkakamali. Ako ang nagkulang. Ang masakit parang nagsisimula palang kami, ganito na ang nangyari. Paano ko kakayaning makapagsimula  kung ganitong biglaan ang kaniyang pagkawala. Sabihin mo sa akin Dok, kung paano ko sisimulan ang isang bagay na ako ang dahilan ng kaniyang paghihirap ngayon.  Paano ko sisimulan ang ako mismo ang nagpatapos. Gusto kong patayin din si Jc. Kung mamatay si Lando, gusto kong wakasan din ang buhay ng taong siyang kumitil sa buhay naming kasisimula pa lamang.” Nagpupuyos ang aking kalooban. Naroon ang lahat ng emosyon. Pagkaawa at pagmamahal kay Lando. Lungkot, takot at siphayo sa maari niyang pagkamatay ng biglaan. Galit at hindi maipaliwanag na sama ng loob ko sa ginawa ni Jc.
                “Sumakabilang buhay na si Jc. Napuruhan siya sa tama ng baril na galing sa isang pulis. Balikat lang sana ang pupuntiryahin para mabitiwan ang baril niya ngunit nakita nilang lalaban siya. Kung hindi nila siya babarilin ay maaring sila ang papatayin nya kaya napilitan silang barilin siya.”
“Alam kong kasalanang magpasalamat sa pagkamatay ng ibang tao ngunit hindi ko alam kung bakit ako nakaramdam ng saya sa pagkawala niya Dok. Patawarin sana ako ng Diyos.”
“Nagmahal lang din si Jc, Terence. Mali man ang paraan niya ng pagmamahal ngunit sana lagi mong isiping ang dahilan ng nagawa niya sa iyo ay pagmamahal pa din. Hindi man masabing mabuting pagmamahal ang naghari sa kaniya ay alam kong alam mo na desperado yung taong maibalik at makuhang muli ang pagmamahal mo. Hindi nga lamang siya nabiyayaan ng normal na personalidad at pag-iisip ngunit minahal ka niya. Ipanalangin na lang natin ang kaniyang kaluluwa.”
Napawi ng sinabi ni Dok ang galit sa dibdib ko. Napapikit ako. Tama si Dok.
 “Mas kailangan ka ni Lando. Siya ang dapat mong pagtuunan ng pansin. Kailangan mong magpakatibay ng loob para sa kaniya. Hindi nakakatulong sa kaniya na maramdamang pinanghihinaan ka ng loob. Kailangan ka niya Terence. Kailangan niya ng taong makukunan ng tibay ng loob.”
“Si baby Jay-ar po? Kumusta ngayon ang bata?” tanong ko. Umaasang ligtas siya at hindi siya nadamay sa mga nangyari.
“Nasa pangangalaga na siya ni Glenda. Mabilis silang lumuwas nang nalaman ang nangyari sa inyo. Huwag mo ng isipin ang bata. Ligtas siya. Sana lang hindi nagkaroon ng trauma ang bata. Parating na din ang mga magulang mo. Gusto naming ipaalam sa kanila ang lahat kung kailan alam naming ligtas ka na sa kapahamakan para hindi din naman sila mag-alala sa iyo.  Magpakakatag ka ha?” Nakikiusap ang mukha ni Doktor Mario. Alam kong dama niya ang bigat ng nararamdaman ko.
                Ilang sandali pa ay narinig naming ang….
                “Paging Dr. Mario Bautista…. Dr. Mario Bautista… you are urgently needed in Intensive Care Unit now!”
                Tumingin sa akin si Dr. Mario. Tumingin din ako sa kaniya. Nabasa ko kasi sa kaniyang mukha ang kakaibang pagkabahala.

[23]
Nagkatinginan kami ni Dok Mario. Alam kong may kakaiba sa kaniyang mga tingin. Nabasa ko doon ang kakaibang pagkabahala.
                “May masama bang nangyari kay Lando, Dok?”
 “Alam kong kayang-kaya ni Bryan pero kung hinihingi niya ang tulong ko, hindi iyon normal. Tatagan mo ang loob mo. Babalikan kita dito. Gagawin namin ang lahat. Naiintindihan namin ni Dr. Bryan ang kalagayan ninyo kaya lahat ng kaya naming gawin ay gagawin namin para sa inyo. Gusto ko taimtim kang magdasal sa kaniya. Malaki ang maitutulong ng iyong pananalig sa Diyos. Sige maiwan muna kita dito. Alam kong parating na din ang pamilya mo para dalawin ka.” Paalis na si Dok Mario pero nahawakan ko ang kaniyang kamay.
                “Parang awa niyo na Dok. Kailangan ko siyang masilip. Utang na loob Dok, kailangan kong makita siya.” Higit pa iyon sa pakiusap, higit pa iyon sa pagmamakaawa. Isang masidhing hinaing na alam kong siya lamang ang nakakaramdam sa aking nararamdaman.
                “Hindi puwede. Baka hindi mo pa kayanin at mahigpit na ipinagbabawal ang papasukin ang sinuman maliban sa amin sa ICU.” Nakikiusap ang kaniyang tingin.
                “Alam kong dama ninyo ngayon ang paghihirap ng kalooban ko. Hindi ko alam kung paano ako makatulong sa inyo ngunit kagustuhan ko lamang po siyang makita. Alam kong kahit walang malay si Lando ay gusto din niyang malaman ang kalagayan ko. Parang awa niyo na po Dok. Tatanawin kong malaking utang na loob sa inyo kung mapagbibigyan ninyo ang hiling ko.”
                Tumitig sa akin. Naroon ang awa sa kaniyang mukha ngunit tinuloy parin niya ang paglabas sa pintuan at naiwan ako doong umiiyak. Humihingi ng tulong sa Diyos. Himihingal ako at humahagulgol habang kinakausap ang Diyos na pagbigyan ang hiling kong ibalato ang buhay ng lalaking pinakamamahal ko.
Nasa ganoon akong kalagayan ng nagbukas ang pintuan. May dalang kasama si Dr. Mario at wheel chair. Mabilis ang pagbuhat sa akin at paglipat sa wheel chair. Kasimbilis din iyon ang lakad takbong ginawa nila para makarating kami agad sa ICU. Mabilis din ang ginawa nilang pagpasok sa akin sa loob. Pagkalabas ng dalawang nagbuhat at nagtulak sa wheel chair ko ay lumabas mula sa kurtinang puti ang si Dok Bryan. Hindi ko nagawang pagmasdan ang kalagayan ni Lando dahil mabilis ang ginawang pagsara pagsara din sa kurtina
                “Anong nangyari baby?” tanong ni Dr. Mario kay Dr. Bryan.
                Tumingin sa akin si Dok Bryan. Tumingin din siya kay Dok Mario.

“Alam ko bhie, pinagbabawal papasukin siya ditto at alam ko ding hindi ko dapat nilagay siya sa risk na dalhin ditto dahil under-recovery palang siya ngunit sana maintindihan mo ako. Nararamdaman ko ang pinagdadaanan niya.”
Muli akong tinapunan ni Dok Bryan ng tingin. Napabuntong-hininga. Naghintay ako sa kaniyang sasabihin. Ayaw kong pangunahan siya. Lagi kong hinihiling sa Diyos ang kaligtasan ni Lando. Nakaramdam ako ng hapdi sa aking likod at tagiliran at nahihilo pa ako ngunit hindi ko iyon alintana.
                “Mahina na ang kaniyang katawan. Tinamaan siya sa sa ginamit ni Jc na .22 caliber sa chest at tinamaan ang kaniyang kanang bahagi ng kaniyang baga. The bullets penetrated the chest wall and damaged the lung.” Paliwanag niya kay Dok Mario. Nakikinig ako sa kanilang usapan.

                “ His lungs collapsed at alam kong nararamdaman niya yung sakit kaya siya minsan nahihirapang huminga.  He wheezes out blood in a fine mist at natakot ako nang nagiging clots na ang lumalabas. Napakabilis ang paghina ng kaniyang katawan and his blood pressure is dropping. With the injury to his lung, the oxygen content in his blood  dip to very low levels kaya siya hindi pa binabalikan ng malay hanggang ngayon. But then again, anything is possible.” Tumingin si Dok Bryan sa akin. Gusto niyang maintindihan ni Dok Mario ang history ng nangyari kay Lando para alam nilang dalawa ang dapat gawin.
                “Mabuti at nabigyan ko kaagad siya ng endotracheal tube sa kaniyang baga dahil nakatulong iyon sa kaniyang paghinga. Pagkatapos kong matanggal yung bala sa kaniyang baga ay maayos ko naman natanggal din ang nadaleng lower lobe na tinamaan. Nang iniwan mo ako kahapon pagakatapos ng successful na operasyon nilagay ko siya sa ventilator nang magdamag. Tinanggal ko na ang endotracheal tube dahil natatakot ako na magkaroon siya ng kumplikasyon na  pneumonia.” Pagpapatuloy ni Dok Bryan.
“Nilagyan mo na ba siya ng chest tube? Tanong ni Dok Mario. “Alam mo malaki ang maitulong nito to evacuate air and any residual blood or body fluids from the chest cavity, which helps keep the lung inflated.” Nagiging masiyadong marami na silang sinasabing medical terms na hindi ko maintindihan at ang gusto ko lang malaman ay kung ligtas ba ang mahal kong si Lando. Hindi ako makasingit. Kailangan nilang mag-usap para mapag-aralan nila ang dapat gawin.
“Opo nalagyan ko na kaya lang ay hindi pa natin puwedeng tanggalin iyon hanggang sariwa pa ang sugat sa baga niya, baby. This takes a couple of days or up to a week pa siguro kung malakas ang kaniyang katawan pero mahina siya. Hindi ko na alam kung ano ang maari nating gawin. Naghihintay ako ng himala na sana kaya niyang labanan ito.”
“Nasalinan mo na ba siya ng dugo?” muling tanong ni Dok Mario. Kalmado silang dalawa sa kabilang ng mga nangyayari samantalang ako ay kanina pa nanginginig sa takot.
Nasalinan na ng dugo ngunit malalim ang kaniyang mga sugat kaya nagiging critical parin ang kaniyang kondisyon. Hindi kasi nagiging stable ang kalagayan niya na parang may pumipigil sa kaniya. Hindi ko maintindihan. Pilit siyang lumalaban ngunit kahit anong laban niya ay parang bumibigay din ang katawan niya sa tindi ng mga sugat na tinamo. Baby, nahihiwagaan ako sa kalagayan niya. Kaya baka kako ikaw ang makatulong sa akin para alamin iyon.”
                “Parang awa niyo na Dr Bryan. Tulungan ninyo si Lando. Kailangan siyang mailigtas.” Humahagulgol na ako.
                “Terence, patatagin mo ang loob mo. Alam kong kahit wala siyang malay ay maari niyang marinig ang lahat. Magtiwala tayo sa himala ng Diyos. Bhie, mauna ka na, susunod ako. Alam kong kaya nating pagtulungan ang kalagayan ni Lando.” Sagot sa akin ni Dok Bryan. Marahan niyang hinawakan ang aking palad.
                Nakita ko ang pagdaloy ng luha ni Dr. Mario habang nakatingin sa akin. Mabilis niya iyong itinago sa pamamagitan ng pagpasok sa kurtinang siyang nagtatago sa tunay na kalagayan ng lalaking buhay ng buhay ko. Umupo si Dr. Bryan sa harap ko. Tulad ni Dr. Mario, naroon ang mapang-unawang mga titig. Hindi ko na alintana ang pagkahilo. Mas importante sa aking isipin ang kalagayan ni Lando.
                “Terence, nakikiusap ako sa iyo. Buksan mo ang loob mo sa maaring mangyari. Magpakatatag ka. Gagawin naming lahat ni Dr. Mario ang makakaya namin. Dito ka muna at hingin ang tulong ng Diyos. Iyon lang ang alam kong kaya mong maitulong sa ngayon. Iwanan kita dito dahil mas kailangan ni Lando ang atensiyon naming dalawa ni Dr. Mario.” Pagkasabi niya iyon ay mabilis nang tinungo ni Dr. Bryan ang kinaroroonan ni Lando.
                “Gawin po ninyo ang lahat ng inyong makakaya Dok. Nagmamakaawa ako. Hindi ko kasi alam kung paano tatanggapin ang lahat kung tuluyan niya akong iwan. Hindi pa ako handa.” Pagsusumamo ko.
                “We will, Terence.” Pinilit niyang ngumiti bago pumasok doon.
                Pakiramdam ko ay napakatagal nilang dalawa sa loob ng kurtinang iyon. Tanging mga nurses na siyang nag-aassist sa kanila ang nakikita kong lumalabas. Mabilis ang bawat kilos nila. Taimtim akong nanalangin muli sa Diyos sa kaligtasan ang lalaking mahal ko. Magulo ang utak ko sa sandaling iyon at alam kong kahit paulit-ulit ang dasal ko ay alam ng Diyos kung paano ako nakikiusap sa kaniyang tulong.
                Mahigit kalahating oras ang dumaan ng muling lumabas mula sa puting kurtina ang dalawang may mabubuting pusong doctor. Nakaakbay si Dok Bryan kay Dok Mario. Kapwa silang nakatingin sa akin. Walang gustong magsalita. Banaag ko ang luha sa gilid ng mata ni Dr. Bryan. Ramdam ko ang kakaibang kalungkutan at pagkabigo sa mukha ni Dr. Mario. Natakot ako. Nanginig ang buo kong katawan. Parang hinihigop ako ng kawalan. Ayaw kong marinig kung anuman ang kanilang sasabihin. Sa mukha pa lang nila ay nababanaag na ang pagkabigo. Kahit gusto kong marinig ang kanilang sasabihin ay ayaw kong magtanong. Ayaw kong sumuko. Ayaw kong ganoon na lamang kadaling mawala si lando sa akin. Hindi pa huli ang lahat.
                “Gusto ko siyang makausap. Kung tuluyan na niya akong iniwan, gusto kong marinig niya ang lahat ng aking sasabihin. Alam ko, narito pa siya at gusto kong lumaban siya. Kailangan niyang marinig na narito ako’t hinihitay ang kaniyang paglaban. Parang awa niyo na po. Gusto ko siyang mayakap kahit sa huling sandali.” Puno ng hikbi ang pakiusap na iyon. Kung sana kayang ipaliwanag ng luha ang bigat ng aking dibdib. Nahihilo na ako dahil sa taas ng aking emosyon. Parang sasabog na ang aking dibdib. Hindi ko na alam kung paano maging matatag. Hindi ko na alam kung nakikinig ba ang Diyos sa aking mga dasal. Sana kung bawiin niya sa akin si Lando ay mas mabuting isabay na din niya ako. Hindi ko na gustong mabuhay ng ako lang. Alam ko, hindi kayang bumitiw ni Lando hangga’t hindi niya naririnig ang aking huling paalam kung sakali mang nahihirapan na siya at gusto na niyang bumitaw. Hidni ko alam kung paano ko siya papayagang iwan ako. Sana makinig ang Diyos at bigyan niya ako ng pagkakataon sa buong buhay ko na maniwala sa kaniyang himala at pagpapala.
                Nang tinutulak ni Dr. Mario ang aking wheel chair patungo sa kinahihigaan ni Lando ay pakiramdam ko napakadilim ng paligid ko. Sobrang naninikip ang dibdib ko dahil hindi ko napaghandaan kung paano ko isa-isahing sabihin sa kaniya ang katotohanang hindi ko kayang mabuhay ng wala siya. Hindi ko alam kung paano siya tatanungin kung anong kahalagahan ng pagbabalik niya ng panandalian sa buhay ko at ang kapalit naman nito ay ang napipintong habambuhay naming pagkakalayo. Aanhin ko ang pinahalagahan niyang buhay ko kung ang hinaharap ko naman ay tuluyan niyang babaunin sa kaniyang hukay.
                Nakita ko siyang nakapikit na para bang hindi na humihinga. Takip ng napakaraming benda ang buong katawan. Hindi ko alam kung paano ko simulang magsalita dahil sa dami ng gusto kong sabihin. Naninigas ang aking buong katawan ngunit gusto ng isip kong magpakatatag para sa kaniya. Nakapahirap para sa akin ang huminga ngunit kailangan kong punuin ng hangin ang naninikip kong dibdib para kahit sa kahuli-hulihang sandali ay malaman niyang pilit akong nagpapakatatag para sa kaniya. Gusto kong maramdaman niyang tatanggapin ko ang anumang gusto niyang mangyari. Ngunit sa pagkakataong iyon ay gusto kong humiling sa kaniya. Buong buhay ko ay hindi ko nagawang humingi ng kahit ano. Nakuntento ako sa pagbigay ng pagmamahal, nasiyahan ako sa pag-aalaga’t pagtulong ngunit ni minsan ay hindi ako humingi ng kahit anumang kapalit.
                Mainit pa ang kamay niya nang mahawakan ko. Maingat kong hinalikan ang iyon at alam kong hindi siya bumibitaw hangga’t hindi niya ako nararamdaman. Para bang gusto niyang makatiyak na ligtas ako’t buhay bago siya tuluyang mamaalam kaya kahit halos hindi na humihinga ay naroon parin ang init sa kaniyang katawan. Alam kong kinakaya niyang mabuhay dahil hinihintay lang niya akong tuluyang magpaalam. Ngunit paano ko gagawin iyon. Paano ko siya hahayaang mawala at iwan ako ngayong alam kong hindi ko kakayanin? Gusto kong magsalita ngunit sa tuwing binubuka ko ang aking bunganga para ihayag ang lahat ng naiipong pighati sa aking dibdib ay wala akong boses. Dinala ko ang kaniyang palad sa aking pisngi. Hinalikhalikan ko muli iyon hanggang tuluyang mabasa ito ng aking luha. Wala akong naramdamang kahit katiting na galaw sa kaniyang kamay.
                Hanggang narinig ko na lamang ang sarili kong humahagulgol. Isang malakas na sigaw sa kaniyang pangalan ang namutawi ng aking labi at alam kong iyon na ang simula para ihayag ko lahat ang gusto kong sabihin sa kaniya.
                “Lando, mahal ko, alam mong buong buhay ko’y binigay ko sa iyo. Minahal kita ng di naghintay ng kahit anong kapalit. Kung gusto mong ituloy ko ang buhay ko nang hindi na kita kasama pa, bigyan mo ako ng dahilang mahalin ito dahil alam mong ikaw lang ang tuluyang nagbibigay sa akin ng dahilang mahalin ang buhay. Bigyan mo ng kasagutan ang mga tanong ko kung bakit kailangan kong mabuhay ng wala ka. Hindi ko kakayanin mahal ko. Ngayon lang ako hihiling sa iyo, sa buong buhay ko, ngayon lang ako makikiusap sa iyo kaya sana, huwag mo akong biguin. Huwag mo akong iwan. Pilitin mong lumaban para sa amin ng anak mo. Alam kong nahihirapan ka ngunit hindi ba’t mas mahirap kung tuluyan tayong maghihiwalay? Hindi ba’t mas masakit na hindi natin maipagpapatuloy ang kasisimula palang nating buhay na kasama ang isa’t isa. Para saan pang mabuhay ako kung mawawala ka naman? Ano pang silbi ng pakikipaglaban mo kung susuko ka na ngayon? Parang awa mo na. Lumaban ka! Huwag mo akong iwan! Nangako ka sa akin, sumumpa kang walang iwanan. Di’ba mahal ko? Paulit-ulit mong pinangako iyon kaya sana mapanindigan mo dahil ikaw ang higit kong kailangan. Landoooooooooo!!!! Huwag mo akong iwan. Huwag mo kaming iwan ng anak mo!!!!!” nagsisigaw na ako. Gusto kong marinig niya ang lahat ng mga sasabihin ko.
                Naramdaman ko ang pagkakagulo ng paligid ko ng makita ko sa heart rate monitor ang diretso ng takbo ng linya. Naging abala ang lahat ng naroon. Alam ko na kung ano ang ibig sabihin no’n kaya halos hindi ko na alam ang gagawin ko. Isinisigaw ko ang pangalan ng lalaking mahal ko. Paulit-ulit akong nakiusap sa Diyos. Hindi magkamayaw ang paghingi ko sa kaniyang tulong. Nagbabakasakali sa isang himala. Naramdaman ko ang marahang pagpisil ni Lando sa mga kamay ko. Sandali lang iyon ngunit mahigpit. Nabitiwan ko ang hawak sa kamay ni Lando dahil may humila na sa aking wheel chair. Hanggang sa pinaligiran na siya ng mga nurses at doctors. Isang nurse ang nakaisip na ilayo ako roon ngunit pilit akong lumaban. Ayaw kong ilayo ako doon dahil gusto kong samahan sana siya hanggang sa huling sandali. Gusto kong samahan siya kahit sa kabilang buhay. Hanggang parang hindi ko na makayanan ang bigat ng aking dinadala. Parang napakahirap kong huminga at ramdam kong parang biglang naging sobrang liwanag ang paligid ko ngunit sandali lang yun dahil nang hinigop ang buong lakas ko ay parang wala na akong naalala pa kundi kadiliman.
                Pakiramdam ko ang isang mahabang pagkakahimbing ang sumunod. Nagising ako at pilit kong binubuka ang aking mga mata ngunit parang hinihila ako ng antok. Napakabigat ng talukap ng aking mga mata kaya naigugupo parin ako ng isang mahabang pagpapahinga. Mahabang pagkatulog.
                “Hindi kita iiwan, kahit anong hirap kakayanin ko. Lalaban ako ngunit hindi kita iiwan. Pangako ko ‘yan sa iyo.” Tinig iyon ni Lando. Sinusuklay ang buhok ko. Nakangiting nakamasid sa akin habang nakahiga ako sa kama. Hinawakan ko ang kaniyang mukha. Sinalubong ng kamay niya ang kamay kong naghahaplos sa kaniyang pisngi. Dinala niya iyon sa kaniyang labi at nang kaniyang halikan ay napapikit siya at tumulo ang nangingilid niyang luha.
                “Mahal na mahal kita, mahal ko. Nangako ka sa aking walang iwanan? Tutuparin mo iyon di ba?” tanong ko habang tinititigan ko ang maamo niyang mukha. Naroon ang matagal ko ng hinahangaang ngiti.
                “Mahal na mahal din kita. Hindi kita iiwan. Hinding-hindi!”
                Ngunit nang hawakan ko siyang muli ay lumagpas ang mga kamay ko sa kaniyang repleksiyon. Hanggang tuluyan na siyang naglaho. Sumigaw ako. Tinawag ko siya. Masakit sa loob kong hindi siya tumupad sa sinabi niya kaya nagsisigaw ako. Paulit-ulit kong sinasabi ang kaniyang pangakong walang iwanan. At muling lumiwanag ang paligid…

[Finale]
“Mahal na mahal kita, mahal ko. Nangako ka sa aking walang iwanan, tutuparin mo iyon di ba?” tanong ko habang tinititigan ko ang maamo niyang mukha. Naroon ang matagal ko ng hinahangaang ngiti.
                “Mahal na mahal din kita. Hindi kita iiwan. Hinding-hindi!”
                Ngunit nang hawakan ko siyang muli ay lumagpas ang mga kamay ko sa kaniyang repleksiyon. Hanggang tuluyan na siyang naglaho. Sumigaw ako. Tinawag ko siya. Masakit sa loob kong hindi siya tumupad sa sinabi niya kaya nagsisigaw ako. Paulit-ulit kong sinasabi ang kaniyang pangakong walang iwanan.
Hanggang isang mahinang tapik sa pisngi ang gumising sa akin. Nabungaran ko ang mukha ni Dr. Mario. Noon ko nasigurong panaginip lang pala ang sinabi niyang iyon. Bumalik ako sa katotohanan. Hindi ko kailanman matatakasan ang totoong nangyayari. Iniwan na ako ng mahal ko. Muli akong lumuha. Muli akong humagulgol.
                “Tama na. Huwag ka ng umiyak. Napilitan kitang turukan ng pampatulog para makabawi ka sa iyong mga pagod. Hindi mo kinayang kontrolin ang emosyon mo. Hindi mo kinayang magpakatatag. Higit isang araw ka ng tulog.”
                “Dok, hindi puwedeng magtagal ako dito. Paano ang… paano si Lando. Paano naiuwi ang…” hindi ko masabi ang katagang bangkay. Hindi ko parin kasi kayang amining patay na ang mahal ko. Gusto ko siyang makasama sa huling sandali niya sa mundo. Kahit hindi ko kaya ay gusto kong naroon ako sa kaniyang burol. Hindi dapat dumaan ang bawat araw niya sa dito sa lupa na hindi ko siya makasama. Alam kong wala na akong magawa pa kundi ang humagulgol.
                “Terence, huminahon ka.”
                “Natatandaan ko ang lahat Dok. Bago ako muling nawalan ng malay ay nakita ko ang heart rate monitor na diretso na ang naging takbo nito. Gusto ko ng umuwi. Iuwi niyo na ako Dok. Gusto kong mabantayan siya hanggang sa huli niyang sandali dito sa lupa.”
                “Kung uuwi ka, pa’no si Lando dito? Iiwan mo siya? Wala ka naman dapat bantayang bangkay sa inyo. Tumingin ka sa kaliwa mo.”
                Lumingon ako at nakita ko si Lando. Malapit lang siya sa akin. Nakapikit ngunit humihinga. Stable ang heart rate niya sa monitor. Napaluha ako sa kakaibang naramdaman kong pag-asa. Kung makakalundag lang ako sa mga panahong iyon ay nagawa ko na dahil sa hindi ko maipaliwanag na bugso ng ligaya.
“Dok, nananaginip parin ba ako? Totoo ba ito! Sabihin niyong totoo ito! Buhay ang mahal ko. Tinupad niya ang pangako niya sa akin. Buhay na buhay siya, dok. Salamat sa inyo Dok. Salamat po sa Diyos!” mahigpit kong hinawakan ang mga kamay ni Dok Mario na nakangiting nakamasid sa mga reaksiyon ko. Lumuluha ako ngunit nakatawa. Oo, humahalakhak ako habang lumuha.
                “Totoo siya Terence. Totoong may himala ang pagmamahal. Akala namin patay na siya ng naging steady at hindi na tumitibok ng kaniyang puso. Nang mabitiwan mo ang kamay niya ay biglang huminga siya. Naulit pa iyong ng isang malalim na paghinga at pagkaraan ng ilang saglit ay naging steady na ang tibok ng kaniyang puso hanggang sa patuloy ng nagreact ang katawan niya sa lahat ng ibinibigay naming gamot at atensiyon. Binuhay siya ng masidhi mong pagmamahal, Terence. Ngayon lang ako naka-encounter ng ganito. Hindi ko maipaliwanag ang nangyari. Walang naging himala sa amin ni Gerald dahil kinuha parin siya ng Diyos sa akin ngunit naintindihan ko naman ang dahilan ng Diyos sa ginawa niya dahil ibinigay niya sa akin si Bryan na siyang nagmahal sa akin ng katulad din ng pagmamahal ni Gerald sa akin noon. Alam kong masaya na siya kung nasaan man siya ngayon dahil nakikita din niya akong masaya sa lalaking pinangarap niyang makasama ko habang-buhay. At mas pinabilib niyo ako sa pag-iibigan ninyong dalawa dahil kahit kamatayan ay hindi ninyo hinayaang paglayuin kayong dalawa.”
                “Maraming salamat Dok. Utang namin sa inyo ang buhay namin.”
                “Hindi, Terence, utang natin sa Diyos ang lahat. Binigyan niya ng lakas si Lando para labanan ang kamatayan. Hindi ka kayang iwan ni Lando lalo pa’t nakita niya ang iyong kahinaan. Maaring ang kahinaan mo ang dahilan kaya pinilit niyang lumaban. Nakita niya sigurong hindi mo pa kaya.”
                Ilang saglit pa ay bumukas ang pintuan. Pumasok si Dr. Bryan. Hinalikan niya sa pisngi si Dr. Mario saka siya tumingin sa akin. Nakangiti. Banaag ang kakaibang saya sa kaniyang mukha.
                “Grabe! Bilib na ako sa ganda mo! Kaya nitong ibalik ang naghihingalo. Tindi ng karisma mo sa pinsan ko, ikaw na, ikaw na ang maganda!” malutong na tawa ang kasunod no’n.
                Nasa ganoon kaming pag-uusap nang biglang bumukas ang pintuan. Nakita ko ang maluwang na pagkakangiti ng kapatid ko at si Papa samantalang si Mama ay nasa mukha pa din ang pagiging emosyonal. Dumating din si Glenda na karga si baby Jay-ar at ang kaniyang asawa. Mabuti ligtas ang bata sa kahit anong kapamahakan. Nakaramdam ako ng kakaibang saya lalo na nang hinahaplos ni Baby Jay-ar ang mukha ng kaniyang daddy na nakapikit pa din pero alam kong palakas na ng palakas para sa amin na mga mahal niya sa buhay.
 Naroon din ang lolo ni Lando na pinilit lumuwas ng Manila para mabisita ang kaniyang apo.
“Pagkatapos ninyong magpagaling, mas mainam sigurong pag-usapan ninyo ni Lando ang pagtira sa bahay bakasyunan namin sa Cagayan. Doon ay mas makakabuti sa inyong agarang pagpapagaling. Sa kaniya naman talaga iyon. Pamana ko dapat sa papa niya pero maagang binawian ng buhay kaya kayo na ang bahalang umayos at magpalago. Magpasalamat parin tayo sa Diyos at ligtas kayo mga apo. Hiling ko lang na ikaw na ang kakausap sa kaniya dahil alam kong wala kang hihilingin na hindi niya kayang ibigay.” Puno ng pang-unawang sinabi ng matanda. Alam ko kung gaano niya kamahal ang kaniyang apo kaya kahit pa hindi siya kumbinsido sa gusto ni Lando ay tama na sa kaniyang makita itong buhay at masaya sa piniling buhay.
“Makakaasa po kayo. Iwan na po namin ang magulong buhay ditto sa Maynila.”
Nakita ko ang pamilya ko at pamilya ni Lando na nag-uusap. Sana lumaya na rin sa madaling panahon ang kaniyang Mommy para magiging buo na muli ang kaniyang buhay. Alam kong napapatawad na rin niya ang kaniyang ina sa mga hindi magandang nangyari sa kanilang buhay. Umagos muli ang luha ko at sa gitna ng kasiyahang iyon ay taimtim akong nagpasalamat sa Diyos. Sadyang mahal niya kami sa kabila ng ganito naming relasyon. Kung kasalanan man sa tingin ng tao ang pagmamahalan namin, alam kong nauunawaan ng Diyos dahil alam niyang walang kasindalisay ang nararamdaman namin sa isa’t isa ng lalaking pinili kong makasama habangbuhay.
                Taimtim din akong nagdasal para sa kaluluwa ni Jc. Sana matahimik na siya kung saan man siya ngayon naroroon. Alam kong may pagkakasala din ako sa kaniya. Sana napatawad na niya ako. Dadalawin namin siya sa kaniyang puntod kung malakas na si Lando. Kung nasaan man siya ngayon ay tuluyan ng makapagpahinga at matahimik ang kaniyang kaluluwa. Alam kong kailangan niya aking patawad at kailangan namin siyang patawarin para sa ikatatahimik na din ng aming buhay.
                Tatlong araw pa ang matuling lumipas nang nakaramdam na ako ng tuluyang paggaling kahit pa medyo sumasakit padin ang likod, tagiliran at nakabenda parin ang sugat ko sa ulo.. Hindi ko na muna iniwan si Lando. Hinintay ko ang kaniyang paggising. May mga oras na umuungol siya ngunit hindi pa nakakausap. Alam kong kumikirot ang kaniyang mga sugat ngunit naniniwala akong kaya niyang tiisin ang lahat dahil hindi din niya ako kayang iwan. May mga sandaling gumagalaw ang kaniyang mga daliri at alam kong nararamdaman niya ako sa tabi niya. Gusto kong malaman niya na hawak ko siya sa mga panahong kailangan niya ng makakapitan. Patuloy pa din akong nagdadasal sa mabilisan niyang paggaling.
                Ilang araw pa ang nagdaan nang napansin kong gumalaw ang kaniyang kamay at ilang saglit pa ay bumukas ang kaniyang mga mata. Kumurap-kurap muna siya at nang nakasisigurong buhay siya ay tumingin siya sa akin. Pinatawag ko kaagad si Dok Mario at Dok Bryan sa kasama naming nurse. Mabilis kong hinaplos ang kaniyang pisngi. Hinalikan ko ang kaniyang noo at dinampian din ng halik ang kaniyang labi. Ginagap ko ang kaniyang palad at dinala iyon sa aking dibdib.
                “Salamat dahil hindi ka sumuko. Salamat dahil pilit mong nilabanan ang kamatayan para lang hindi tayo magkakahiwalay. Salamat mahal ko dahil hindi mo ako iniwan. Salamat sa pagtupad mo sa iyong pangako.”
                Nakita ko ang pag-agos ng kaniyang luha sa kaniyang pisngi. Alam kong tanda iyon ng hindi maipaliwanag na kasiyahan. Kahit hindi siya magsalita ay sapat na sa akin ang kaniyang mga titig at tipid na pagguhit ng kaniyang ngiti para tuluyang lamunin ng kaligayahan ang takot na namayani sa aking dibdib.
                “Mahal kita. Mahal na mahal!” kasabay ng pagkasabi ko iyon ang matamis kong halik sa kaniyang labi.
                Hindi siya sumagot. Ngunit nakatingin siya sa akin. Humigpit ang paghawak niya sa aking mga kamay. Ilang sandali pa ay muli siyang pumikit. Muli siyang nakatulog. Nang dumating ang dalawang doctor ay pinauwi muna ako nina Mama para makapagpahinga at sinabihan naman ako ni Dok Bryan na sila na muna nina Dok Mario ang salitan na magbantay sa kaniya. Kampante din naman akong sumunod sa kagustuhan nila.
                Pagkauwi ko sa condo ay naroon na si Jasper kausap ang kapatid ko.
                “Mabuti ligtas na kayo ni Lando. Gagang to, binalaan na kita e. Hindi ka pa gumawa ng paraan para naproteksiyunan mo sana ang sarili mo at si Lando.”
                “Sorry naman tao lang. Tanga lang. Naku naman! Pinagsisihan ko na ang bagay na iyan. Gusto ko ng mag-move on at sobrang napakalaking aral na sa akin ang nangyari.”
                “Nakipaglibing pala ako kay Jc nang dumating ako dito. PInapaabot ng mga kapatid at magulang niya ang kanilang paghingi ng tawad sa nangyari. Gusto nilang puntahan ka at si Lando sa hospital pero sinabi kong saka na lang kapag nakarecover na kayong dalawa. Hindi parin ako makapaniwala hanggang ngayon na mauuwi sa ganito ka-grabeng trahedya ang nangyari sa buhay mo. Parang pelikula lang.”
                “Ako nga din hindi parin ako tuluyang nakakapag move-on. Dinadalaw pa din ako ng mga takot ko ngunit dinadaan ko na lang sa pagdarasal ang lahat-lahat. Pinapasa-Diyos ko na lang ang lahat ng aking mga pinagdaanan.
                Kinabukasan gusto ko sanang pumunta muli sa hospital ngunit sinabihan ako nina Mama na huwag na lang muna. Ayaw ko sanang papigil dahil gusto kong nandoon ako kapag magising muli si Lando ngunit mapilit silang kailangan ko din naman magpahinga kahit isang buong araw at dalawang magdamag lang lalo pa’t hindi pa naman lubusang gumagaling ang aking mga sugat. Isa pa, naroon naman ang dalawang Doktor para bantayan si Lando.
Nang sumunod na araw ay pinayagan na ako. Sinabay ko na si Jasper na pumunta sa Hospital para dalawin si Lando. Dumaan ako ng bulaklak at mga prutas kahit alam kong hindi pa niya ito makain. Anong silbi ng maskulado kong kasama kung hindi pabuhatin ng pasalubong kay Lando. Naroon na sina Dok Mario at Dok Bryan sa kaniyang kama. Masaya silang nag-uusap-usap.
                “Good Morning mahal ko. Gising na ang mahal ko. Yeyyy!” masaya kong bati sa kaniya. Nilagay ko ang bulaklak sa ulunan ng kama niya. Hinalikan ko siya sa pisngi. Nakatingin lang siya sa akin ngunit hindi ko muna iyon pinansin. “Good morning Dok Mario at Dok Bryan.” Bati ko sa dalawang Doktor na maluwang ang kanilang pagkakangiti.
                “Good morning, Terence.” Sagot ni Dok Mario. Bineso niya ako. Tinapik naman ni Dok Bryan ang balikat ko.
                Ipinakilala ko ang kasama kong si Jasper. Pagkatapos nakipagkamay si Jasper ay umupo muna na nakinig sa aming pag-uusap.
                Umupo ako sa gilid ng kama ni Lando. Kinuha ko ang kaniyang mga kamay ngunit inilayo niya ang mga ito. Tumitig siya sa akin na parang kinikilala niya ako kung sino ako. Tumingin ako sa dalawang doktor, alam kong nababasa nila sa mukha ko ang biglang pagkabahala. Anong nangyayari?
                “Kumusta ang pakiramdam mo mahal?” tanong ko kahit nahihiwagaan ako sa kaniyang ikinikilos.
                “Mahal? Tinawag mo akong mahal?” mahina ang kaniyang boses dahil alam kong medyo mahina pa siya ngunit nakakapagsalita na siya ng diretso. Napatayo si Jasper at lumapit na din sa amin. Nakita ko din sa kaniyang mukha ang pagtataka sa narinig niya.
                “Hindi mo ako naalala?” nanlaki ang aking mga mata. Muli kong hinawakan ang kaniyang kamay ngunit iniiwas niyang muli ito. “Dok, anong nangyayari?” tanong ko sa dalawang doctor. Tuluyan na akong natakot.
                “Sino ka? Hindi kita naaalala. Sino siya insan Bryan?” tanong ni Lando kay Dok Bryan.
                “Halla, nagka-amnesia yata siya?” singit ni Jasper. Nandoon na naman ang presumption niya sa mga nakikita niyang kinikilos ng ibang tao. Nagpalala iyon sa aking pagkabahala.
Paanong naalala niya ang pinsan niya at ako na mahal niya ay hindi?
                “Nagka-amnesia ba siya Dok?” tanong ko. Muli kong pinagmasdan si Lando.
                Hindi sumagot ang dalawang Doktor. Sila man din ay parang nabigla.
“Kung gano’n man handa kong gawin lahat para bumalik ang alaala niya pero kung hindi na niya maalala ang lahat, handa akong magtiis at magsimulang muli para muli niya akong mahanap sa puso niya.”
                “Drama ha! Halika nga dito. Sa noo mo talaga ako hinahalikan ha. Bakit nandidiri ka sa akin dahil ilang Linggo na akong hindi nagtu-toothbrush?” hinawakan niya ang kamay ko. Alam kong nahihirapan pa siyang kumilos ngunit nang matagpuan ko ang kamay ko sa labi niya ay alam kong pinagtulungan ako ng tatlo. Kasunod iyon ng malutong na tawa ng dalawang doctor.
                “Grabe yung nakita naming takot sa mukha mo Terence. Baga ang tinamaan diyan sa mahal mo hindi ulo o utak. Paanong makalimutan ka niya?” Humahagikgik si Dok Mario.
                “Saka nung inoperahan ko ‘yan, baga lang din ang inayos ko at nag-ingat akong di magalaw yung puso niya para sa iyo. Arte mo ha. Nadadala ako sa kakornihan mo. May nalalaman ka pang handang magtiis at magsimulang muli para mahanap ka sa kaniyang puso… anong drama ‘yun? San mo hinihugot? Pareho kayo nitong baby ko, hilig manood ng teleserye kaya yan napakabulaklak ng mga sinasabi ninyo.” Pang-aalaska naman ni Dok Bryan.
                 Abot tainga ang aking mga ngiti. Hindi ko maipaliwanag ang saya sa aking puso. Alam kong sa hirap ng aming pinagdaanan ay buo na ang tibay ng aming loob na harapin ang kahit anong pagsubok na darating sa aming pagsasama.
                Dumaan pa ang ilang Linggo hanggang tuluyan ng nakarecover si Lando. Napagpasyahan naming ibenta na lamang ang condo sa Manila at tanggapin ang alok ng kaniyang lolo na tumira sa isa sa mga resthouse nila sa Cagayan. Maluwang ang lupaing minana niya. May palaisdaan, may manggahan, bukirin at sariling maliit na resort. Doon namin buuin ang aming mga pangarap. Doon na namin gugulin ang natitirang panahon namin sa mundo. Tuluyan na naming ililibing sa limot ang mapait na nakaraan namin sa mapang-abusong pagmamahal nina Ram at Jc.
Muli naming nakasama si Jay-ar dahil pinangako namin kay Glenda na aalagaan namin at ipagtatanggol sa kahit ano pang kapamahakan na darating sa aming buhay. Natuto na ako sa pinagdaanan namin. Wala ng lihim, wala ng takot at hindi na dapat ako magdedesisyon dahil lamang sa pinanghahawakan kong “akala”.
                Ako na din ang namuno sa ilang negosyo nina mama at papa samantalang si Lando ay minabuti na lamang niyang pangalagaan ang isdaan, manggahan at bukirin na pinamana ng kaniyang lolo. Masaya kaming nagkakasalo-salo kasama sina Dok Mario at Dok Bryan sa tuwing gusto nilang magpahinga at makalanghap ng sariwang hangin. Mamimingwit kami ng isda sa aming palaisdaan, mamimitas ng mga preskong gulay at prutas sa palibot ng aming bahay at masaya namin itong pagsasaluhan sa maliit naming farm resort.
                Tuwing hapon ay sabay kaming uupo ni Lando sa damuhan habang pinagmamasdan namin si Jay ar na nagpapalipad ng kaniyang saranggola. Pagmamasdan naming dalawa ang utin-unting paglubog ng araw habang kinukulong ako ng kaniyang bisig at nakasandig ang ulo ko sa matitipuno niyang dibdib.
                Nang minsang naglinis ako ay nakita ko ang luma naming litrato nang JS pa namin. Pinagtatawanan ni Jay-ar ang kakaiba ko daw noong hitsura. Ngunit mas natuwa ako sa sinabi sa akin ng mahal ko.
“Iyang nasa litrato na mataba, maitim, pango ang ilong at taghiyawatin na iyan? Iyan ang taong una kong minahal at nanatili kong mahal hanggang ngayon. Iyang kapangitang iyan na sinasabi mo sa akin ang minahal kong nagbigay ng katahimikan kumpara sa ganiyang hitsura mo ngayon na halos nagdala sa ating tatlo sa kapahamakan.”
Totoo ngang nakikita ang tunay na pagmamahal sa mga panahong nasa baba ka. Iyong may nagmahal sa iyo sa kabila ng iyong mga kapintasang pisikal, kakulangan ng salapi, kamangmangan, pagkakaroon ng sakit at iba pang mga pinagdadadanan na akala mo walang magpapahalaga sa iyo. Maswerte ka kung sa kabila ng mga kakulangan mong iyon ay may taong handang mahalin at ipaglaban ka dahil makakasiguro kang sila ang mga taong tatanggap at iibig sa iyo magtagumpay ka man o muling babagsak.
Mabilis na dumaan ang sampong taon. Pinuno ng sampung taon na iyon ang aming tahanan ng katahimikan, kapayapaan at sobrang pagmamahalan.
Araw noon ng sabado. Wala akong pasok sa opisina at si Lando at Jay-ar naman ay sinasadyang walang magiging lakad para kahit man lang sa mga ganoong weekend kaming lahat ay magkakasama.
“Dami mo naman yatang nilagay na pabango ngayon e wala naman tayong lakad.” Sulyap ko kay Lando na abalang nagtatanggal ng paisa-isa kong buhok sa kili-kili. Nakahiga ako noon sa kaniyang kandungan.
“Hindi ako ang naamoy mo. Kanina may pumasok sa kuwarto. Nagwisik ng pabango.” Paanas niyang sinabi sa akin.
“Sino?” pagmaang-maangan ko.
“Yun?” inginuso niya si Jay-ar na kanina pa pabalik-balik sa bintana na parang may hinihintay.
“Kaya pala siya nagpa-bake sa akin ng cheese cake at nagpaluto ng spaghetti saka pritong manok.” Sagot ko.
“Aga pa nagising kamo. Kung puntahan mo yung kwarto niya, naku, nagkalat ang mga pinagpalitan niya ng damit.”
“Anong meron?” tanong ko.
“E di ba nga, 14 na yang anak mo. Kaya sabi niya baka daw pwede na siyang magpakilala sa atin.” Nangingiti niyang sagot.
“Ipakilalang ano? Girlfriend o kaibigan.”
                “Aba malay ko. Alangan namang tatanungin ko pa kung friend ba ‘yan o girlfriend.”
                “E bakit hindi mo tinanong, ikaw ang ama.”
                “E, bakit hindi ikaw, ikaw kaya ang nanay?”
                “Nanay? Sino kayang nanay sa atin. Ikaw ang lagi niyang kasama sa bahay. Ako ang nag-oopisina at nagtratrabaho sa labas. So malamang ikaw ang nanay sa ating dalawa.” Pang-aasar ko.
                “Gusto mo tanungin ko?” binulong sa akin ni Lando.
                “Huwag na, may tiwala naman ako diyan sa batang ‘yan. Kaiba sa mga ibang gwapo diyan na bata. Guwapo siya, matangkad, makinis, maputi at saksakan ng bait at talino. Kaya ano pa nga ba ang mahihiling mo sa ganiyang anak.”
 Biglang may nagbuzz. Inayos namin ni Lando ang pagkakaupo. Nakita namin ang excitement sa mukha ni Jay-ar. Nanatili kami ni Lando na nakaupo at naghihintay.
“Daddies, si Jacko po. Jacko sila mga daddy ko.” Pakilala niya sa amin.
Nagkatinginan kami ng mahal ko. Pero minabuti naming kamayan ang kaibigan niya. Nagpaalam ako para asikasuhin ang pagkain sa kusina. Sumunod si Lando na hindi ko maipinta ang mukha.
“Mahal anyare?” tanong niya.
Napatawa ako. Tuluyan ko ng binigyang laya ang kanina ko pa pinipigilang pagtawa.
“Parang ako lang dati si Jacko. Mataba, maitim, may taghiyawat at pango ang ilong. Tinalo ko lang siya kasi maganda ang mga mata ko at matangkad samantalang si Jacko ay singkit ang mga mata at pandak.”
“Hindi iyon mahal. Walang kaso sa akin ang hitsura ni Jacko. Lalaki ang ipinakilala sa atin niya sa atin, mahal. Nagpabango siya at naghanda ng todo tapos lalaki lang ang ipakikilala sa atin?”
“Anong magagawa natin kung hindi tanggapin.”
“Pero mahal, wala akong clue. Lalaki ang anak natin. Alam mo ‘yun?”
“Aba malay ko naman mahal. Ikaw nga, hindi ko naamoy. Si Jay-ar pa kaya.”
“Mahal, anong gagawin ko. Ayaw kong lumaki siyang hindi normal.”
“Aba aba! Tumigil ka nga diyan Orlando Benitez! Anong tingin mo sa atin abnormal.”
“Hindi naman ganon ang ibig kong sabihin pero mahal, sana gusto ko maging karaniwan ang buhay niya tulad ng karamihang tao.”
“Kahit ano pa siya at kahit sino pa siya, mahal, tanggapin na lang natin, ang importante mabuti siyang anak sa atin. Huwag nating husgahan ang kabuuan niya dahil sa katulad natin siya.”
Tumahimik si Lando. Ang kanina’y pagkaaburido at pagkagulat ay napalitan ng ngiti hanggang sa sabay na lang kaming tumawa. Nang naayos namin ang pagkain ay minabuti naming harapin ang dalawa.
“Bakit kasi hindi mo pa siya isinabay? Baka nahihiya na siyang sumunod.” Narinig kong sinabi ni Jay-ar kay Jacko.
“Aba akala ko nandito na siya. Malay ko ba.” May kakaibang indayog ang boses ng bata. Nagkatinginan kami ng mahal ko.
“Kumpirmado mahal!” bulong sa akin ni Lando.”
“Pssst! Tumigil ka nga.” Pagsuway ko.
Biglang may nagbuzz. Mabilis na tumayo si Jay-ar. Nakita ko ang pagkabahala sa kaniyang mukha. Ninenerbiyos na naman ang aming dalagita este binatilyo pala.
Ilang sandali pa ay pumasok na siya. May butil-butil na pawis sa kaniyang noo. Akay niya ang isang magandang dalagita.
“Daddies, si Anne po, girlfriend ko po. Anne, sila ang dalawa kong daddy, si daddy Lando at Daddy Terence.”
Nagkatinginan kami ni Lando. Halos sabay naming sinabi ang gusto naming sabihin.
“May girlfriend naman pala.” Sabay kaming ngumiti at nauwi sa malutong na tawanan.
Nang lingunin ko si Jacko, nakita ko ang sarili ko sa kaniya noong dalaginding din ako. Nakita ko sa kaniyang mga mata at kilos ko, noong may girlfriend din si Lando. Inginuso ko sa mahal ko ang isa naming bisita.
“Patay tayo diyan!” bulong niya sa akin.
Alam kong sa pagdaan ng panahon hanggang sa aming pagtanda ay mananatili ang pagmamahal sa akin ni Lando. Pagmamahal na hindi dahil sa panlabas kong katangian kundi ang kabuuan ng pagiging ako. Natagpuan ko sa kaniya ang tunay na pagmamahal. Kaya naniniwala ako na kahit ano pa ang iyong panlabas na anyo, may taong darating para mahalin ka dahil sa ikaw iyan at hindi ang panlabas mong binalutan lang ng makinis at maputing kutis.
*****WAKAS*****

No comments:

Post a Comment