Monday, January 7, 2013

Everything I Have (06-10)

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com


[06]
Naging parang napakabilis ng pangyayari. Nawala ako sa aking sarili. Tulala ako na parang sa sobrang paninisi ko sa aking sarili ay wala na akong ibang iniisip kundi ang nangyaring hindi ko sinasadya. Napatay ko si tatang at ngayon ay parang biglang tumigil ang pag-ikot ng aking mundo. Parang hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin para ibalik ang buhay niya. Kung sana muli kong ibalik ang buong pangyayari, sana hinayaan ko na lang na saktan ako ni tatang. Sana din ay inilayo ko na lang si nanang doon nang hindi ko siya nakikitang pinagbubuhatan ni tatang ng kamay. Anong silbi ng aking luha? Makakaya kaya niya itong ibalik ang buhay ni tatang? Anong silbi ng aking mga hagulgol, kaya niya kaya akong iligtas sa kulungan? Anong silbi ng aking pagsisisi, kaya ba nitong linisin ang tatahakin kong landas tungo sa aking pagtatagumpay?


            “Nang… patawarin mo ako. Hindi ko ho sinasadya alam niyo po iyon. Ayaw ko lang kasing makitang sinasaktan kayo. Hindi po ako lumaban ng ako ang sinasaktan niya pero hindi ko na po kayang pigilan ang lahat ng nakita kong kayo na ang pinapalo niya. Nang…ano ang gagawin ko? Nang…patawarin niyo ako…” humahagulgol kong pagsusumamo kay nanang. Malakas na malakas ang hagulgol na iyon.
            “Anak,” si nanang. Hinawakan niya ang duguan kong pisngi. Puno ng luha ang mga mata. Wala akong nakitang galit doon. Katulad parin ng mga mata niya nang unang pambubugbog sa akin ni tatang at gabi na ako umuwi. Ganoon na ganoon ang kaniyang mga titig. “ngayon, hayaan mong babawi ako sa lahat ng pagkukulang ko sa iyo noong bata ka pa lang. Gusto kong sundin mo lahat nang sasabihin ko. Magmula ngayon, tanggalin mo sa isip mo na wala kang kasalanan at aksidente ang lahat ng nangyari ngunit imbes na ikaw ang sumipa o kaya ay nanlaban kung bakit natusok si tatang mo diyan ay ako ang aako. Ako ang magsasabing sumipa sa kaniya ng ubod ng lakas.”
            “Nang, ayaw ko, hindi ko hahayaang kayo na walang kasalanan ang makukulong sa nagawa ko. Nang, hayaan ninyong ako ang haharap dahil ako naman talaga ang nagkasala. Saka menor de edad pa ako Nang, hindi pa ako makukulong.” Umiiyak ako. Hindi ko kayang gawin ang pinapakiusap niya sa akin.
            “Anak, sabihin na nating hindi ka nga makukulong anak ngunit habang-buhay na ikakabit sa pangalan mo na ikaw ay mamamatay tao, paano ang pangarap mo, paano ang mga pangarap ko sa iyo? Kung hahayaan kong mangyari iyon, tuluyang mawawala ang magandang kinabukasan mo at tuluyan mo ding pinatay ang pangarap ko sa iyo. Alam ko, matalino ka at alam kong kahit wala ako ay kaya mong itaguyod ang pag-aaral mo. Nanaisin kong makulong anak basta ang kapalit nito ay may marating ka. Iyon ang pinakamahalaga sa akin. Gusto kong may mararating ka. Matanda na ako, bata ka pa. Mas maraming oportunidad na naghihintay sa iyo at lahat ng iyon ay masasayang lang kung ikaw ang haharap dito samantalang ako, kahit nasa labas lang ay sa tingin mo ba may pag-asa pang mababago ang buhay ko? Ikaw, kung ikaw ang nasa labas, sigurado may pagbabago. Maraming mga pagbabago na puwedeng makakatulong din sa akin para makalaya at muli tayong magsasama.”
            Naintindihan ko ang mga gusto niyang sabihin. Kaya ng utak kong intidihin ang gustong ipakahulugan ni nanang sa akin. Kaya kahit masakit para sa akin ay nakinig ako dahil alam ko at naniniwala akong ang ina ang mas nakakaalam para sa kabutihan ng anak.
            “Basta ipangako mo sa akin anak na magiging maayos ka. Gusto kong makatapos ka ng pag-aaral mo. Alam kong kaya ng talino mong iahon ang sarili mo. Naniniwala ako sa sarili mong kakayahan. Matatahimik ako sa kulungan kung alam kong pinagpapatuloy mo paring makamit ang iyong pangarap. Bata ka palang noon nakaya mo ng itaguyod ang sarili mo, mas kampante ako at mas bilib ako sa iyong kakayahan ngayon. Sige na anak. Patay na ang tatang mo. Wala na tayong ibang magawa ngayon kundi harapin ito. Hindi na natin kayang ibalik pa ang buhay niya.”
            Lumabas si nanang sa bahay, bumalik siyang kasama na ang kapitan namin. Dumami ang mga tao. Pinagkaguluhan kami ng buong baryo. Maraming espekulasyon ngunit alam ko ang buong katotohanan. Naroon lang ako, nawawala sa sarili, nagmamasid at tuluyang ipinaubaya kay nanang ang lahat alinsunod sa kagustuhan niyang mangyari.  Nilinis ang bangkay ni tatang. Naiburol. Nailibing.Dinala si nanang sa kulungan. Nagsimula ang paglilitis. Nasistensiyahan. Naiwan akong mag-isa ngunit alam kong balang araw, kapag may sapat na akong pera, tutulungan ko siyang mailabas at sana hindi pa magiging huli ang lahat.
             Ang lahat ng iyon ay parang kisapmatang nangyari na ang tanging nagawa ko ay ang lumuha ng lumuha ng lumuha. Mag-seseventeen na ako noon ngunit parang tuluyan ng hinubog ng sari-saring dagok ang buhay ko. Tanging mga teachers ko na siyang naniniwala sa aking kakayahan ang nag-udyok sa akin para tapusin ang pag-aaral at nang mahimasmasan ako ay ang naging motivation kong lumaban ay ang pangako ko kay nanang. Iyon ang laging nagpapalakas sa akin. Gusto kong balang araw ay mailabas ko siya sa kulungan. Gusto kong ialay sa kaniya ang diplomang kaniyang hinangad na makamit ko. At ipinapangako ko iyon sa kaniya.
            Nagtapos akong Valedictorian. Maraming mga scholarship offers na colleges at university sa aming lugar ngunit sa tulad kong may mataas na pangarap ay mas malayo pa doon ang gusto kong marating. Sa lahat ng mga paghihirap kong iyon ay hindi ako iniwan ni Ate Champagne. Siya ang tumayong pangalawang nanay at tatay ko. Siya ang walang sawang sumusuporta sa akin dahil alam niya kung gaano ako kadeterminadong magtagumpay. Ako na rin lang daw ang kamag-anak niya matapos siyang palayasin ng mga makikitid niyang mga magulang. Dama niya ang mga sakit na pinagdadaanan ko. Dahil sa galing siya sa pinanggalingan ko ay gusto niya akong tulungan ng walang kapalit. Sino pa ba kasi ang para sa mga alanganin kundi ang kapwa alanganin din maliban sana sa pamilya.
            Gusto kong mag-enroll noon sa University of the Philippines sa kursong Medicine. Hindi ako kinontra ni ate Champagne bagkus sinosuportahan niya kung ano ang gusto ko dahil naniniwala siya sa aking kakayahan. May mga kabigan daw siyang makakatulong sa akin sa Manila. Hindi agad ako nakapag enroll dahil August ang UPCAT. Halos 60,000 kaming applicants noon sa pagiging oblation scholar at halos 18% lang ang pumapasa.
Tinulungan ko si ate Champagne sa kaniyang parlor. Tinuruan niya ako manggupit hanggang pati mga baklang mga kabataan ay ako na ang hinanahanap nila para manggupit sa kanila. Ngunit hindi ako kumilos na parang parlorista. Kumilos ako na isang tunay na lalaki at hindi ko na hinayaan pang mahulog ang loob ko sa kahit sino.  Takot na akong magmahal dahil laging may kaakibat itong hindi maganda sa aking buhay. Gusto kong makamit ang mga pangarap namin ni nanang.
Pagdating ng February ay nalaman ko na ang result ng UPCAT ko. Hindi ako magkamayaw sa saya noong nalaman kong Top 2 ako sa lahat ng mga nag-eksamenn at dahil doon ay nakapasok ako LU I INTARMED students. Ang INTARMED ay ang pinaiksing taon na pag-aaral ng medisina. Dalawang taon na Pre-medical course at limang taon sa kursong medisina at ang limang taon na ito, apat na taon ang sa medicine at isang taon sa clinical internship. Doon sa 50 na lalaki at 50 na babae ay mamimili naman sila ng 40 na applicants na magiging full scholar. Kasama sa scholarship program ang libreng tuition, book allowance, transportation allowance at iba pang mga incentives. Natapos iyon na ako ang pang-limang may pinakamataas na puntos sa lahat ng mga exams at interviews. Noon, alam kong abot-kamay ko na ang mga pangarap. Nakahandang tulungan ako ni ate Champagne ngunit hindi ko iniasa sa kaniya ang lahat-lahat dahil sa tuwing vacant ko ay puwede din akong magtrabaho para sa iba ko pang gastusin at pangangailangan.
Bago ako pumunta ng Manila para simulan ang pagkamit ng pangarap namin ni nanang ay may iniabot siya sa akin. May bilin siyang alam kong siyang magpapalakas sa aking pakikibaka.
“Anak, habang nasa Manila ka at nag-aaral, huwag mo akong isipin dito sa kulungan dahil maayos naman ako dito. Basta maniwala kang muli tayong magkakasama. Alam kong darating ang panahong mailalabas mo din ako dito at handa akong maghintay kung kailan iyon. Ipagdadasal ko ang iyong kaligtasan at pagtatagumpay. Huwag mo sanang kalimutang mahal na mahal kita. Huwag mo ng hayaan na muli kang sirain ng iyong pagkatao. Sana may natutunan ka na sa mga nangyari sa iyo. Gamitin mo bilang aral iyon sa iyo anak. Gamitin mo ang mga nangyaring iyon para umiwas at harapin kung ano ang tama at dapat. Ibibigay ko ang picture ng ama mo sa iyo dahil hindi natin alam na baka isang araw ay magkikita kayong dalawa. Wala na akong balita pa sa kaniya ngayon ngunit gusto kong aminin sa iyo na minahal din ako ng ama mo. Nadama ko iyon. Damang-dama ko iyon ngunit dahil hindi siya naging matatag sa pangako niya sa akin kaya tayo ngayon nagkakahiwa-hiwalay. Alam kong matagal pa bago tayo muling magkita ngunit gusto kong wala kang ibang iisipin kundi ang pag-aaral mo. Kasama mo ang mga dasal ko at mag-iingat ka doon.”
Lumuluha si nanang noon. Umiiyak din ako ngunit sa pagbabalik ko. Sa muling pagkikita naming ay sisiguraduhin kong ang lahat ng iniliuha niya at paghihirap ay mahahalinhinan ng mga ngiti at halakhak.
Naging mabilis ang paglipas ng panahon. May mga crushes ako, madaming madami ngunit binusog ko na lamang ang mga mata ko. Hindi ko na hinayaan pang muling mahulog ako na magiging sanhi lang ng pagkasira ko. Itinuon ko ang lahat sa aking pag-aaral at pagtratrabaho.
Tatlong taon na lamang matatapos na ako noon sa medicine nang may lumapit sa akin. Nasa shelves ako noon ng library at abala sa pagreresearch at pag-aayos ng mga librong binasa ko nang may lumapit sa akin.
“Hi, excuse me, could you find this book for me and bring this in that table.”
Boses pa lang ulam na. Nang lumingon ako ay napako na ng tuluyan ang tingin ko sa kaniya. Ganoon din siya sa akin na parang hindi rin kaagad nakapagsalita. Dumikit ang paningin niya sa akin mukha. Nakita ko ang kaniyang paglunok. Nagrehistro ang kaniyang kabuuan sa akin.
Sa tangkad kong 5’9 ay matangkad pa siya sa akin ng bahagya. Alam kong halos kaedad ko din lang siya. 23 years old na ako noon. Makinis ang balat ngunit hindi din siya maputi. Tamang kulay ng pinoy. Maiksi at sunod sa uso ang napatayong buhok niya. Maliban sa mga napapanood kong mga gwapo sa TV ay ngayon lang ako nakakita ng malapitan ng totoong guwapo sa paningin ko. Guwapong may kakaibang dating sa akin at lahat ng lakas kong lumaban at umiwas ay hinigop ng kaniyang mala-adonis na mukha. Sumemplang ang aking talino. Yumuko ang aking mga paniniwala at nanikluhod ang aking pagmamatigas na hindi na hindi na muling matatamaan sa sibat ni kupido. Ngunit naroon si nanang. Naroon ang pangaral ni nanang na siyang nagpabalik sa akin sa katinuan.
“Are you okey?” tanong ng naguguluhan ding estranghero.
“Yeah, am fine.” sarkastiko kong sagot.
“Could you find the books listed in this paper and bring it there?” tinuro niya ang kaniyang upuan.
“Who do you think I am?” naguguluhan kong tanong.
“A librarian. You’re one of them, yeah?” nakangiti ngunit nahihiya niyang balik-tanong.
“No! What makes you think that I am one of them naman?”
“Kasi, your polo is the same with their uniform.”
            Tinignan ko ang mga suot ng mga librarian na uniform at sinipat ko ang suot ko. Hindi naman parehong-pareho ngunit halos magkatulad.
            “Am sorry but am not one of them. Hindi din ako mahilig makipag-usap sa stranger.”
            “Gerald here.” Nilahad niya ang palad. Nakikipagkamay.
            “Paano mo naman nalamang interesado ako na makilala kita?” tumaas ang isang kilay ko.  Hindi ko tinanggap ang pakikipagkamay niya.
            “Sabi mo, you’re not talking to stragers… so I presumed na kung sabihin ko ang pangalan ko sa iyo, hindi na ako strager sa’yo at puwede na tayong mag-usap. Napaka-ironic kasi kanina mo pa ako kinakausa, tapos ngayon mo lang sasabihing di ka nakikipag usap sa di mo kilala?”
            Tumalikod na ako. Nanalangin ako. “Diyos ko, ilayo mo na naman ako sa tukso.” Usal ko sa Diyos. Para sa akin isa siya sa mga tuksong handa akong sirain. Paglabas ko sa library ay may tumapik at humawak sa balikat ko. Lumingon muli ako.
            “Hey, hindi ba kabastusan yung ginawa mo sa loob?”
            Makulit nga ang isang ito.
            “Look, I am not interested. Di mo ba nakita na iniwan kita doon. That means, hindi ako interesado.”
            “Interesado sa ano?” napapangiti siya.
            “Sa iyo?”
            “Look pare, am just here offering friendship. Makulit akong tao.”
            “And I am not interested having friend. Tama na yung collections kong friends. As of now, wala akong planong magdagdag.” Tumalikod na ako.
            Mabilis siyang humabol at hinarang ako.
            “Wait. Galit ka ba sa mundo o galit ka lang na may nakakaungos sa kaguwapuhan mo!”
            “Hindi ka lang pala makulit, mayabang ka pa. Sa tingin mo mas guwapo ka sa akin?”
            “Kaya ka nga insecure di ba? Kaya ayaw mo makipagkilala sa akin dahil mas guwapo ako sa iyo?”
            “Look, wala akong panahon. Busy akong tao. Books ang hinahanap mo kanina di ba? Bakit ako ngayon ang kinukulit mo?”
            “Kasi nga I find you more interesting than books.”
            Nambola pa ito. Hinawi ko siya. Binilisan ang paglakad ngunit mabilis niyang hinila ang notebooks ko na nakaipit lang sa aking kili-kili. Parang batang gusto pa yatang makipag-agawan.
            “You’re so immature!”
            “Ibabalik ko ito kung sasabihin mo sa akin ang pangalan mo.”
            “Hindi ka na nakakatuwa.”
            “Pero natutuwa ako sa iyo!” sagot niyang parang masayang-masaya siya sa ginagawa niya.
            “Okey. I’ll tell you my name but promise me na hindi mo na ako uli guguluhin pa.”
            “Okey. Promise ibabalik ko notes mo at babalik na din ako sa library kasi my stuffs are still there.”
            “I’m Mario.” Seryoso kong pakilala.
            “As in Super Mario? Mario what?”
            “Bautista. Mario Bautista.”
            “I am Gerald. Gerald Lopez.” Nilahad niya ang kamay niya.
            Bilang isang taong may pinag-aralan ay tinanggap ko na lamang ang kaniyang kamay. Nang magkadaop-palad na kami ay naramdaman kong may kakaiba siyang pisil. May init…may kahulugan. At sa kaniya…sa kaniya ako muling natutong magtiwala at magmahal. Sa kaniya muling umikot ang mundo ko.  Siya ang dahilan ng lahat ng meron ako dahil lahat, lahat lahat ay siya ang dahilan kung anong meron ako.


[07]
Akala ko iyon na ang una at huling pagkakita ko kay Gerald. Inaamin ko, may mga sandaling gusto kong subukang magmahal muli ngunit dapat ay mahalin din ako. Nakakatakot nga lamang dahil dalawang beses ko ng sinubukang ibigay ang hilig ng katawan at puso ngunit naging mapait lang na nakaraan ang aking napala. At hanggang ngayon, dala-dala ko parin ang takot na iyon.
Kinabukasan nang papasok palang ako sa aming gate ay may biglang kumalabit sa akin. Biglang may kumuha na naman sa notebook ko na nakaipit lang sa aking kili-kili. Late na ako noon sa klase ko ngunit heto siya’t parang alam lahat ang schedule ko pati ang oras ng aking pasok.
“I will only return this kung payag kang samahan ako for dinner.” natatawa niyang paglalayo sa mga notes ko sa tuwing kinukuha ko iyon sa kaniyang kamay.
“Late na ako. Give that back please.” Pagsusumamo ko. Malapit na kasing maubos ang pasensiya ko. Pasalamat siya cute siya sa araw na iyon sa paningin ko at kapag tumatawa siya ay lalong nagiging guwapo siya. Napakaboyish niya lalo na noong parang nakikipagbasketball pa ang dating niyang nilayo-layo sa akin ang notebook.
“Do you know how to accept deals? I am offering a fine arrangement. Dinner tonight with me, yeah?”
“You are such an easy go lucky spoiled brat.”
“No, I am witty, gorgeous, well-off and delectable guy in the campus and you are the most boring goodlooking and intelligent chap I’ve ever known.”
“You’re wrong, I am the yummiest intellectual yet poor student that has a plenty of dreams. Now, give me my notes and go back to where you belong.”
“Bakit ba ang hirap mong yayain?”
“Kasi mahirap ka ding kausap.”
“Ano bang gusto mong pakiusap sa iyo? With matching white roses and chocolate pa ba?”
“Kung kaya mo bang gawin bakit hindi.” pagbibiro ko sa kaniya.
“Hay boring.” Nagkukunyarian siyang malungkot. “Okey, heto na ang notes mo. Go ahead… I have a class too. See you mamayang 6:30. Alam ko kasing iyon ang oras na lumalabas ka ng gate. Huwag ka ng magtanong kung bakit alam ko. Reserve that question in our dinner.”
“Hey, what made you think that I accepted your deal?”
“Whatever Gerald likes, Gerald gets it.” Kinindatan niya ako at ngumiti.
Halos manghina ang tuhod ko sa nakita kong pagpapacute niya dahil sa totoo lang, tinamaan na ako ng kakaiba sa kaniya. Pero hinay-hinay lang Mario. Friendship lang ang kaniyang gusto. At… ayaw ko ng muling masira pa dahil sa tibok ng puso at tawag ng laman. Tumalikod ako at kahit sa klase ay ngiti niya ang patuloy na tumatakbo sa aking isip.
Pagkatapos ng klase ko ay lumabas na ako ng gate. Naglalakad ako nang biglang may humintong magarang Lexus RX sa tapat ko. Bumukas ang pintuan at bumaba ang nakangiting may edad ng driver.
“Sir, chocolates po saka white roses.”
Pumasok kaagad si Gerald sa isip ko. Ginawa nga niya. Namula ako. Tumingin ako sa paligid dahil parang nahihiya akong tanggapin iyon. Hindi ako sanay na binibigyan ng atensiyon ng kapwa ko lalaki. At ano itong chocolates at white roses na kadramahan. Isang napakalaking kalokohan.
“Nasa’n po yung nagbigay niyan kuya?” tanong ko habang kinukuha ko ang iniabot sa akin bago mapansin pa ng ibang mga dumadaan.
Binuksan ng driver ang sasakyan at tumambad sa akin ang ngumingiting si Gerald. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Pero mas naisip kong ituloy ang pagkahard to get. Lumapit ako.
“Ano ‘to?
“Di ba sabi mo gusto mo ng marosas at machokolate na usapan para sa dinner?”
“Tinotoo mo?”
“Sumakay ka muna dahil naglilikha na tayo ng traffic.”
Narinig ko nga ang mga busina kaya bago kami masita ay sumakay agad ako na hindi ko alam kung saan kami pupunta.
“Ako ang mamili kung saan tayo.” sabi ko.
“Di ba dapat ako ang mamili dahil ako ang nagyaya?”
“Alam ko Gerald mayaman ka. Sa totoo lang kung saan mo man ako ngayon dadalhin, siguradong hindi ko maeenjoy dahil hindi ko nakasanayan ang buhay mo. Mahirap kitang abutin pero siguro naman kaya mo akong salubungin sa gitna.” Seryoso kong sinabi sa kaniya.
“Okey, tatanungin kita. Ibubulong ko sa iyo ha?”
“Ano yun?’ pagtataka ko.
“Are you comfortable na nandito ang driver ko? Sagutin mo ako ng pabulong din dahil ayaw ko marinig niya ako.” Naglikha ng kakaibang sensasyon ang init ng kaniyang hininga sa aking tainga. Tumayo ang mga balbon ko sa kamay.
“Hindi nga eh. Lalo na parang nakikinig siya sa usapan.”
“Manong mauna na kayong uuwi. Idadaan ko kayo sa bahay then kung darating ngayon si Daddy from Hongkong tell him na lumabas ako with my friend. Don’t worry about me.”
“Bilin kasi ni Sir na hindi ko kayo iiwan.”
“Manong naman, I am 22 years old. Halos pitong taon mo na akong sinasamahan. Halos pitong taon na ninyo akong binabantayan. Hindi pa ba kayo nagsasawa? Kakausapin ko si Daddy pagdating niya. Hindi ko na kaya yung ganito. I want to have my own life! Decide on my own, and go wherever I wanna go…ALONE!” 
“Papagalitan ako no’n”
“Kaya nga ako ang kakausap at ako ang pagagalitan. Matanda na ako. Gusto ko naman ng freedom this time. Idaan mo muna sa bahay tapos aalis kami ni Mario”
“May magagawa ba ako?” hirit ng matanda.
“Meron naman, sundin mo lang ako…” Nakangiting sagot ni Gerald.
Pumasok kami sa Forbes Park. Alam kong doon nakatira ang mga may kaya at mayayamang pulitiko, artista at negosyante ng bansa. Para akong nakasok sa isang napakayamang bansa na wala kang makitang nagdarahop. Doon ko nakita ang nakatagong yaman ng bansa. Lahat ng bahay ay parang mansiyon. At alam ko na kung itabi ako kay Gerald ay isa lang akong langgam na umaakyat sa isang puno ng matibay na nara.
Hindi ako nakapagsalita at para akong natatameme sa nakikita ko lalo na ng pumasok kami sa isang sa tingin ko ay unang pagkakataong nakakita ako ng ganoon kagarang bahay. Napakalaki nito, may sariling swimming pool, nakahilera sa parking lot nila ang mga mamahaling sasakyan at nalula ako sa mga mamahaling appliances at display sa loob ng bahay/ Ngunit hindi na kami pumasok pa sa pinakasalas doon lang kami sa beranda ng bahay ngunit nasisilip naman ang loob nito.
“I told you, I am the witty, gorgeous, well-off and delectable guy in the campus and masuwerte ka dahil ikaw ang napili kong maging kaibigan. In my entire life, ngayon lang ako nagsama ng bagong kakilala at hindi tiga dito sa Forbes. Ikaw lang iyon, Mr. yummiest intellectual yet poor medical student.”
“Talaga lang ha. Pambobola ba yan, pagyayabang o pang iinsulto.”
“Whatever, hindi ka naman kasi naniniwala sa mga sinasabi ko di ba?” sabay kindat. Muling para akong biglang nadala sa kakaiba niyang karisma.
“Hindi!”
“Naku, may back up ako diyan. Yaya Chayong, yaya!” tawag niya at ilang sandali pa ay lumabas ang isang medyo may katandaan ng babae na nang makita ako ay parang nagulat at tinitigan ako ng matagal. “Yaya, sabihin mo nga kay Mario kung nagdadala ako ng bagong mukha at bisita dito sa bahay mula ng ipinanganak ako maliban sa mga kapitbahay natin?”
 “Kaya nga po ako nagulat na makita siya dito Sir kasi ngayon ko lamang po siya nakita. Hindi talaga nagsasama si Sir dito, ngayon ko lang nakita na may kasama at ngayon ko lang din nakitang nakangiti ng ganyan ang alaga ko.”
“Dinagdagan pa talaga.” nakangiti siya.
“Yaya, kapag uuwi si Daddy ngayon, tell him baka gagabihin na ako ng uwi. Am sure magagalit iyon pero ngayon lang ito. Gusto ko maenjoy ang buhay ko. Saka if magalit man then bahala na.” Huminto siya na parang may iniisip. “Hintayin mo ako dito kasi may kukunin ako sa loob saka magpapalit na lang ako ng damit. Are you comfortable with that white polo?”
“Do I have a choice e, you just abducted me along the street.”
“Hmmmnnn, I think may mga magaganda akong damit na hindi ko pa naisusuot that I could give it all to you. Yung mga iba nga may mga tag price pa. Yeah! I’ll just give it all na lang  kaysa sa mapagkamalan uli kitang librarian sa campus.”
“Yabang neto.” medyo pikon kong sagot.
“Honestly, guwapo ka pero you’re out of fashion.”
“Oo na. Sige maliitin mo pa ako…” pikon na talaga ako. Kasalanan ko bang halos pangkain ko lang ang pera ko. Kung sana alam lang niya ang pinagdaanan ko.
Pag-alis niya ay yaya naman niya ang tinanong ko.
“Nasa’n? po ang mommy niya” tanong ko dahil puro daddy lang ang bukambibig niya.
“Namatay na ang mommy ni Sir sa sakit na cancer noong 15 palang siya. Kaya nga sobrang hinihigpitan yan ng daddy niya dahil ayaw niyang mawala pati iyan na kaisa-isang anak niya ngunit alam mo, nagugulat ako ngayon sa kaniya kasi parang kahapon ko lang nakita masaya ‘yan. Ang kuwento sa akin ay kahapon lang daw niya nakausap ang matagal na niyang crush sa library. First year palang iyan noon nang kinukuwento sa akin kung saan niya nakita, kung ano ang damit at kung gaano katalino. Third year na siya pero kahapon lang daw niya nakausap dahil natotorpe daw siyang kausapin. Wala pa kasing naging girlfriend ‘yan. Ang hindi ko lang matanong ay kung lalaki ba o babae ang kinukuwento sa akin dahil minsan nadudulas niyang sinabi na sobrang cute daw ng labi at bigote ng crush niya. May babae bang may bigote? Pero nang tinanong ko ay bigla siyang tumawa at sinabi niyang jinojoke lang daw ako. Sana naman hindi bakla si Sir kasi sigurado magagalit ang daddy niya dahil alam kong diyan sila hindi magkakasundo.”
Wala akong naihirit pang iba. Parang sabik ang matandang may makakuwentuhan kaya tuluy-tuloy ang pagbibida nito sa mga bagay na hindi naman siya tinatanong. Tatlong taon? Tatlong taon niya akong sinusundan? Fourth year ako at siya naman ay third year. Hindi ko siya napansin samantalang ako ay napapansin niya ng tatlong taon? Ganoon na ba ako katagal nadetached sa mundo?
Paglabas ni Gerald ay may dala siyang maleta. “Hayan hinakot ko na lahat ang mga hindi ko pa naisusuot na mga gamit ko, shoes, jeans, shorts, shirts… lahat…kumpleto pati pabango”
Nang nasa sasakyan na kami ay tinanong ko siya.
“Sigurado ka bang friendship lang ang habol mo sa akin?”
“Ano sa tingin mo?”
“Tinatanong kita ako ang dapat sagutin mo.”
Tinabi niya ang sasakyan. Tumingin sa akin. Tumitig saka napabuntong-hininga.
“Alam mo, pinigilan ko ito. Sabi ko no’n hindi tama. Hindi ko gusto. Tama na yung kaibiganin na lang kita. Ngunit kagabi, naisip ko, I have to try it. Sa buong buhay ko ngayon lang ako naging masaya. Yung kasiyahang hindi naibibigay ng money and material things. There is this happiness in me when I am with you na… basta… hindi ko maipaliwanag.”
“Natatakot ako. Pa’no mo alam na ganito ako.”
“Basta kapag pumasok ako at wala akong magawa, ikaw ang lagi kong tinitignan. Mas interesado ka kasing tumingin sa mga lalaki kaysa sa mga babae. Yung kapag sinusundan kita ay halos mabali ang leeg mo sa mga ibang lalaki. Pinagtaguan kita dahil nahihiya at natatakot akong magsalubong ang ating mga mata. Yung takot na baka hindi ko kakayanin. Kahapon lang ako naglakas loob dahil hirap na hirap na ako. Alam kong mahirap ang tanong ko o alam kong masyadong mabilis na magsabi ako pero tinanong mo na ako at siguro naman, may karapatan na din akong tanungin kita? Gusto mo ba ako? Alam ko kasing masyadong maaga para tanungin kita kung mahal mo ako. Sa akin tama na munang malaman ko kung gusto mo din ako?”
Hindi ako nakasagot. Bigla na lang akong nalito? Iniisip ko kung tama bang pasukin ko ito at ang magiging kapalit na naman ay ang pagkabuwag ng mga pangarap ko malapit ko ng makamit. Ayaw ko na sana lalo pa’t naiisip ko si nanang na naghihitay sa aking pagtatagumpay. Isusugal ko bang muli ang aking puso kasabay sa pagtahak ko ng landas patungo sa tagumpay?

[08]
Nang tinanong ako ni Gerald kung gusto ko siya, alam ng puso kong hindi ko lang siya gusto kundi may namumuong pagmamahal ngunit tumatanggi ang utak ko. Pagmamahal na mabilis na umusbong. Tinatanggi ng utak na naroon ang pag-ibig ngunit sadyang mapilit ang puso at alam kong bibigay at bibigay kahit anumang prinsipyong pinanghahawakan nito. Gusto ko na siyang sagutin noon ngunit ngumiti lang ako. Maraming mga takot sa nakaraan na pumipigil sa akin ngunit sa tuwing nagkakatagpo ang aming mga mata o kahit yung alam kong nandiyan siya ay pilit nitong hinihigop kahit katiting na himaymay ng nakaraan. Mahal ko na din ba siya? Bakit parang napakabilis naman akong nahulog? Bakit hindi ko na ngayon kayang paglabanan ang lahat?
“Nagugutom na ako. Siguro mas magugustuhan pa kita kung kakain muna tayo.” Pabiro kong pagtatapos sa aming usapan.
            Pumasok kami sa isang restaurant na kahit hindi man ganoon ka-class ay nakagagaan ng loob ang kinakantang love songs. Magkakalayo ang bawat table na parang nasa gitna lang ng gubat dahil sa mga artificial na puno ngunit puno ng mga totoong halaman at bulaklak ang paligid na binagayan naman ng mga maliliit na falls. Tama lang ang lakas ng live band na hindi kailangan magsigawan ang mga kumakain para magkarinigan. Noon lang ako nakapasok sa ganoong lugar at inalalayan naman ako ni Gerald para hindi ako makaramdam ng pagkailang.
Habang kumakain kami ay kunukuwento niya sa akin kung gaano kahirap sa kaniyang pigilin ang nararamdaman niya sa akin. Kilala daw kasi ako sa buong campus bilang tahimik ngunit matalino sa College of Medicine. May mga sandaling kapag nagkakasalubong kami ay natatakot siyang masalubong ko ang kaniyang mga titig. Iyong papasok siya ng library para magresearch at magreview ngunit lahat ng konsentrasyon niya ay mawawala dahil ang utak ay nakatuon sa akin at hindi sa kaniyang binabasa. Nalulungkot siya sa maghapon kung hindi niya ako makita. Kailangan pa niyang hintayin ang oras na paglabas ko bago siya uuwi. Kung nakikita na niya akong naglalakad pauwi ay doon na rin siya sasakay sa sasakyan at masaya na daw siyang lilingunin ako sa tabi ng daan hanggang tuluyan niya akong malampasan at sa gabi mukha ko ang laman ng kaniyang isip. Akala niya hanggang doon na lang ang lahat. Akala niya magiging masaya na siya ng pagano’n gano’n lang.
Sinikap siyang mapansin ko siya sa pamamagitan ng pagtatabi sa akin kapag nagreresearch ako pero ni hindi ko daw matapunan ng tingin. May isang araw daw na tumingin ako sa kaniya ngunit blangko ang utak ko. Iyong parang tinitignan ko siya ngunit hindi ko siya nakikita. Siguro iyon yung mga panahong ang utak ko ay nakatuon lang sa isang direksyon. Iyon ay ang aking pag-aaral. At dahil sa tatlong taon na pagtitiis niya at sobrang nahihirapan na siya ay naglakas loob na lamang ang siyang makipagkilala sa akin. Iyon na daw ang pinakamahirap na nagawa niya sa buhay niya. Hindi kasi daw niya alam kung paano simulan ngunit naisip niyang kung hindi siya gagawa ng unang hakbang ay baka pagsisihan niyang dadaan ako sa buhay niya na hinayaan niyang takot at hiya lamang ang tanging dahilan kung bakit nagiging blangko ang kuwento naming dalawa. Kaibigan, iyon muna daw ang hangad niya ngunit nang nakausap na daw niya ako, hindi na lang iyon ang gusto niya at kung papayag daw ako ay higit pa dun ang ninanais niya.
            “Bakit ako?”
            “Bakit nga hindi ikaw? Nasimulan ko na ito. Handa kong tapusin ang lahat kahit anuman ang magiging kapalit. Lagi ko ding iniisip kung papasukin ko ito, dapat paghandaan ko kung anuman ang magiging kapalit ng kasiyahang ito. Una, magugustuhan mo ba ako?”
            “Gusto mong sagutin ko ang mga tanong mo sa unang araw na paglabas natin?”
            “Look, we’re not born yesterday. Sa katulad natin, sa una pa lamang ay alam na natin kung magugustuhan natin ang isang tao o hindi. Hindi natin kailangan ng mahabang ligawan dahil naniniwala akong sa unang tingin o sa unang paglabas ay nalalaman kaagad natin kung puwede o hindi puwede. Hindi ko maipaliwanag pero alam kong alam mo yung sinasabi ko sa iyo. Siguro dahil kapwa tayo ng kasarian kaya mabilis nating malalaman kung magugustuhan o kaya nating mahalin ang isang tao at alam din natin na hindi talaga puwede at walang patutunguhan kaya hindi na dapat pang tinutuloy. Kaya sana sagutin mo ako ayon sa iyong nararamdaman ngayon.”
            “Bakit ka nagmamadali?”
            “Hindi ako nagmamadali. Kung hindi ka handa sa relasyon, at least I should know what’s in you about me. Sagutin mo lang ang tinatanong ko ang I’ll be directing you in some points that I presumed you knew, but you are just denying its existence. Huwag na sana natin pahirapan ang sitwasyon. Matatanggap ko naman kung sakaling ayaw mo. Hindi ko puwedeng pilitin kang gustuhin ang bagay na sa una pa lamang ay ayaw mo na.”
            “Hindi sa ayaw. Mahirap ako. Pag-aaral ko lang ang tanging pag-asa ko para umangat. Iniiwasan kong mainvolve na maaring ikakasira ng aking pag-aaral.”
             “Okey, I get it. Gusto mo din ako ngunit natatakot kang masira ang mga pangarap mo dahil sa akin. Makakaasa kang hindi ko gagawin iyon. Mahal kita at handa kong patunayan sa iyo na everything I have, I am very much prepared to give it up para sa iyo. Bago ko gustong pasukin ito pangalawang inisip ko ay kung ano ang masasabi ng ibang tao. Tingin ng iba, hindi ito karaniwan. Pagmamahalang tinututulan ng simbahan at ayaw tanggapin ng karamihan sa ating lipunan. Ngunit naisip ko, hindi ba kapag nagmahal tayo ang dapat nating iisipin muna ay kung ano ang sasabihin ng taong mahal natin hindi yung uunahin nating pakikinggan ang sasabihin ng iba? Di ba dapat, ang unang pakikinggan ay kung ano nga ba ang tunay na sinasabi ng puso’t utak ng dalawang sangkot na nagmamahalan bago ang pagkutya ng ibang tao? Hinanda ko na ang sarili ko. Hindi naman nakakahiyang magmahal. Sa una lang tayo pag-uusapan ngunit pagdaan ng panahon, matatanggap din ang lahat. Lahat ay kayang matanggap ng lipunan kung walang inaagrabyado at tinatapakan.”
            “Alam mo bang mga sinasabi mo sa akin? Hanggang kailan ang pagmamahal na ‘yan? Sa tingin mo anong mapapala natin kung sisimulan natin ito?”
            “Lahat ng sinasabi ko ngayon ay napag-isipan ko na bago ko tinangkang simulan ang tungkol sa atin. Kaya alam ng puso ko at naintindihan ng utak ko ang lahat ng sinasabi ko dahil iyon ang nararamdaman ko. Sa tanong mo kung hanggang kailan kita mamahalin. Hindi nasusukat ang nararamdaman. Wala din kasiguraduhan ang bawat relasyon ngunit hindi natin kailangan bigyan ng takdang panahon at isipin kung hanggang kailan, ang dapat tinatanong ay kung paano natin tinanggap ang pagmamahal na iyon, kung paano natin inenjoy at kung paano tayo binago bilang tao. Sabi nga nila, minsan ang mga magagandang bagay pa ang hindi nagtatagal ngunit alam natin na ang mga magagandang bagay at pangyayari ang siyang nananatili sa ating alaala at iyon ang gustung-gusto nating balik-balikan at ang mga pangit na nakaraan na nangyari sa ating buhay ay pilit nating tinatakasan at kinakalimutan.”
            Naisip kong tama siya sa sinasabi niya. Sa mga oras na iyon, lahat ng mga sinasabi at lahat ng mga nangyayari ngayon kahit hindi ako lubusang makapaniwala pa ay gusto kong uulit-uliting isipin hanggang pagtanda ngunit ang nangyari sa akin sa aming baryo ang pilit kong kinakalimutan at tinatakasan. Sa sandaling iyon ay natatangi siya sa paningin at sa kaniyang mga sinasabi ay lalo akong nahuhulog sa kaniya. Alam kong hindi na kinakaya pa ng aking utak na pakinggan dahil ang dating bulong ay ngayo’y sigaw na ng aking utak.
            “Doon sa tanong mong anong mapapala natin kung sisimulan natin ito?” pagpapatuloy niya at nanatili akong tagapakinig. ”Kailangan bang kapag nagmahal tayo ang iisipin natin ay kung anong mapapala natin? Doon palang sa pagbibigay laya sa nararamdaman natin at pagiging masaya sa hatid ng pag-ibig sa buhay natin ay di pa ba sapat iyon na gantimpala natin? Kapag nagmahal tayo, ang sana isipin natin ay kung ano ang kaya nating ibigay at hindi iyong kung ano ang mapapala natin sa kaniya dahil kung ginawa natin iyon, hindi siya ang minahal natin at hindi tayo nagmahal ng iba kundi ipinakita lang natin ang pagkamakasarili. Sarili mo parin ang minahal mo at hindi siya.”
            Napayuko ako. Dama ko ang lahat ng sinabi niya. Naroon ang katotohanang hindi ko kayang itanggi. Nang magsalita ako ay nabigla ako ng tinatawag ang pangalan niya sa entablado.
            “Dito kami kumakain ni Daddy. Nakasanayan na kasi nilang kapag nandito ako ay kailangan kong umakyat sa stage para kumanta. Di mo naitatanong, may boses ako. Dati si Daddy o mga kaibigan niya kinakantahan ko, ngayon, ikaw at ikaw lang ang gusto kong kantahan. Isa ito sa mga pinangarap kong mangyari. Napakatagal ko ng pinaghandaan ang kantang ito para sa iyo at ngayon, isa sa mga pangarap ko sa gabing ito ay makakamit ko na. Sa iyo ko lang gustong kantahin ito at sana maging memorable sa iyo ang gabing ito lalo na kapag marinig mo ito. Makinig ka saka huwag mo akong pagtawanan.”
            Namula ako. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Hindi ako sanay na binibigyan ako ng ganoong atensiyon. Nanginginig na ako lalo pa’t bago siya tumayo sa aming mesa ay hinawakan muna niya ang kamay ko. Kinindatan ako at sinabi niya… “damhin mo ang bawat lyrics dahil lahat ng iyon ay para sa iyo.”
I feel like I never measure up to who you see
Sometimes I think I can't give you all the love you need
You keep changing everyday
Amazing me in everyway.
            Dama ko ang hagod ng kaniyang napakalamig na boses. Palakpakan ang mga tao ng pumailanlang ang napakaganda niyang boses at hindi ko napigilan ang hindi maluha dahil may kakaibang dating sa akin lalo pa’t sa mata ko siya nakatingin nang kumakanta siya.
Naikuwento niya kung paanong hindi ko siya napansin noon. Na natatakot siyang simulang mahalin ako dahil baka hindi niya kayang matumbasan ang gusto kong pagmamahal. At araw- araw, hindi siya napapagod na lihim akong mahalin dahil para sa kaniya, bawat pagdaan ng araw ay may nababago sa akin.
If I could be the perfect man in your eyes
I would give all I'm worth to be a part of your life
I could promise the world but it's out of my hands
I can only give you everything I have
Nahg hinatid niya ako sa bahay ay isang halik ang hindi ko makalimutan. Nagpasalamat ako sa napakamemorabale na gabing iyon. Isang gabing hindi ko kakalimutan dahil binuksan niya ang puso kong matagal ko ng sinara dahil sa mga hindi magandang nakaraan. Binigyan niya ako ng panibagong buhay at pag-asang liligaya din ako sa ngalan ng pag-ibig.  At nagsimula nga ang kuwento ng aming pag-iibigan magmula ng gabing iyon. Siya ang lalaking para sa akin. Ang lalaking hindi man tumpak na mamahalin ko at naramdaman kong ginawa niya lahat ang dapat para sa aming dalawa kaya siya ang naging pinakamahalagang bahagi ng aking buhay. Hindi na noon mahalagang mapasaakin ang mundo dahil kumpleto na ako sa kaniya at sa mga nakakaya niyang ibigay sa akin.

I never dreamed I could ever feel the way I do
I hope and pray I will always be enough for you
I can only do my best
I have to trust you with the rest
Ni minsan ay hindi ko naisip na makakatagpo ako ng katulad ni Gerald sa buhay ko. Ni hindi ko naisip na muli akong magmahal at mamahalin pa ako ng higit sa inaasahan ko. Hindi siya naging balakid sa pag-aaral ko. Mas naging madali sa akin ang bawat pagdaan ng araw. Kasama ko siya sa pagrereview. Sabay naming pinag-aaralan ang mga bagay na hindi namin naiintindihan sa aming mga subjects. Kapag natutulog siya sa pagod ay hahagkan ko ang kaniyang labi at kapag nagising ay siguradong ako ang hindi niya titigilang na halik na karaniwan ay nauuwi sa mainit na pagtatalik. Bago ako matulog sa gabi ay lagi akong nananalangin na sana ay hindi na matapos pa ang aming kasiyahan. Sana din ay magiging sapat na ako para sa kaniya. Kuntento na ako siya lang sa buhay ko at sana ganoon din siya sa akin. Ginagawa naman niya ang lahat ng nakakaya niyang gawin para sa akin. Una, mula sa bed spacer ay nagkaroon ako ng sarili kong kuwarto sa magandang apartment. Mula sa halos walang mga gamit na naging kumpleto ang mga kasangakapan ko mula appliances hanggang sa kaliit-liitang kailangan sa kusina dahil gusto niyang ipinagluluto ko siya habang naggigitara siya at kinakantahan niya ako. Wala siyang alam na trabahong bahay at nang minsang umuwi ako ay nakita kong nagkasugat-sugat ang mga kamay niya dahil sa gusto niyang ibida sa akin na habang wala ako ay naglaba siya ng mga pantalon kong maong at ilang piraso ng damit. May washing machiene naman ngunit nagtaka akong kamay niya ang ginamit niya. Gusto daw kasi niyang ipakitang nag-effort talaga siya pero dahil masakit ang kamay ay washing machiene padin ang tumapos. Dahil sa pinagalitan ko siya ay hindi na niya naulit pa. Minsan din ay halos himatayin siyang lumabas sa banyo dahil sinikap niyang linisain iyon gamit ang muriatic at sinara ang pintuan at bintana dahil ayaw niyang makita ko ang ginagawa niya. Naalala ko din nang minsang nagluto siya at puro tilamsik nang mantika ang kaniyang mukha pagkagising ko ng tanghali at ang nakahain na ulam ay halos sunog lahat at walang lasa. Hindi namin nakain at ang resulta, lumabas na lang at trinit ako sa isang mamahalin restaurant bilang bayad daw sa perwisyong ginawa niya.

If I could be the perfect man in your eyes
I would give all I'm worth to be a part of your life
I could promise the world but it's out of my hands
I can only give you everything I have
May mga gabing magigising na lang ng ala-una sa madaling araw na biglang may yayakap sa akin at sasabihing namimiss daw niya ako kaya nakapantulog pa siyang tumakas sa bahay nila. Kahit halos dalawang oras lang iyon ay parang nakapatagal niyang yayakap sa akin at bago lumiwanag ay kailangan na niyang bumalik sa bahay nila ngunit nakaiskor na siya sa akin. Kung hindi ako pagod ay lumalabas parin kami sa madaling araw, bumibili ng balut, kumakain sa lansangan ng lugaw, maglalasing-lasingan sa daan at magtatagu-taguan kami at kung nahanap ko siya at mahanap niya ako ay nauuwi sa mainit na halikan na pilit itinatago sa mga taong dumadaan.
I promise I will hold you through the changes and fears
When life seems unclear
And when I can't be right there with you
I know there's angels by your side
        Sa mga panahong hindi kami magkasama ay parang may kulang sa akin. Nang isinama siya ng Daddy niya sa ibang bansa ay lalo kong naramdaman ang pangungulila kahit pa halos pagakaraan ng dalawang oras kung tawagan niya ako at kinakanta niya ang linyang ito sa akin… “And when I can't be right there with you, I know there's angels by your side” …nang umuwi siya sa bakasyong iyon ay doon lamang niya naisip na wala pala siyang nabili para sa sarili niya kundi ang lahat pala ng nabili niya ay para sa akin. Dahil sa higit isang linggong pagkakalayo namin ay tatlong araw siyang natulog at di bale nang magsinungaling siya ng magsinungaling sa mga tawag ng daddy niya huwag lang muna siyang uuwi na hindi siya nakakabawi sa pagkakamiss niya sa akin.
            Sa buong maghapon nga lang o kahit dadaan ang isang araw na hindi namin makita ang isa’t isa ay para na kaming tatamaan ng depression at kahit inaabot na kami ng madaling araw sa pagtetexan at pagtatawagan ay hindi kami nagsasawang gawin iyon ng araw-araw. Hindi kami nauubusan ng pag-uusapan, hindi kami nagsasawang banggitin kung gaano naming kamahal ang isa’t isa.
            Naging positibo ang kinalabasan ng pagdating ni Gerald sa buhay ko. Naging consistent ako sa mga may mataas na general average sa buong Department namin at si Gerald ay nakapasok din sa Top 5 habang ako ay nasa Top 2.
Mabilis na dumaan ang panahon, dumating ang anniversary namin at iyon ang unang pagkakataong napunta ako sa Boracay. Kahit dalawang araw lang kami doon ay pinuno namin ng pagmamahalan.
“Salamat sa isang puno ng saya na pagmamahalan bhie.” Garalgal niyang sinabi nang nakahiga kami sa buhangin at hawak kamay kaming nakamasid sa kalangitan. Maliwanag ang buwan noon. Hindi kasi naging maganda sa akin ang pagkakasabi no’n. Parang mabigat medyo nabubulol pa siya.. Kaya dumapa ako at tinignan siya sa kaniyang mga mata.
“Umiiyak ka?” nakita ko kasi ang mabilis na pag-agos ng luha.
Pumikit siya. Alam ko kasi na kapag pumikit siya ay kailangan kong halikan ang labi niya. Hinalikan ko siya at hinawakan niya ang batok ko. Pilit niyang binuka ang labi ko gamit ang dila niya at nagpaubaya lang ako pero may naramdaman akong matigas na bagay na nilipat niya sa bunganga ko. Nilayo ko ang labi niya sa labi ko at niluwa ko ang matigas na bagay na iyon at nagulat ako ng isang singsing.
“Hirap pala yang teknik na iyan. Hirap kasi mag-isip ng bago at mahina talaga ako sa mga ganiyang plano.” Natatawa niyang sabi sa akin. “Meron din ako dito pero isusuot ko muna sa iyo ito baby ko he he.”
Hindi ako nakapgsalita. Napipi ako at hindi ko iniexpect na mabibigyan ako ng singsing ng taong lubos kong minahal.
“Salamat baby at ngayong isang taon na tayo, siguro sapat na rin na panahon para taas noo kitang ipakilala sa angkan ko. Bahala na. Naghintay ako ng isang taon dahil ayaw kong mapahiya ako sa family ko na ipakilala kita tapos iiwan mo rin lang pala ako. Gusto kong kapag mag-out ako sa family ko, iyon ay yung taong alam kong mamahalin niya ako at hindi masasayang yung risk na ginawa ko na mag-open sa tunay kong pagkatao. Sana hindi mo ako ipapahiya na baka ilang araw o buwan lang ay tuluyan kang mawawala sa akin. Gagawin ko ito dahil naniniwala akong di mo ako iiwan kahit anong mangyari. Gusto kong marinig ‘yun sa iyo. Sumumpa ka muna para may panghahawakan akong lakas na tuluyan i-open sa family ko ang tungkol sa atin. Apat na buwan pa birthday ko na, iyon ang pagkakataong sasabihin ko na lahat. Kung hindi man ako maintindihan, alam kong nariyan kang magiging lakas ko at sandigan hanggang darating yung araw na matatanggap din ako. Alam kong mahihirapan sila sa una ngunit sa pagdaan ng araw ay matatanggap din nila ang lahat.”
“Pinapangako ko sa iyo ‘yan bhie”
“Sabi ko sumumpa ka, ayaw ko ng pangako lang.”
“May pagkakaiba ba ‘yun?”
“Sa akin meron. Gusto kong isumpa mo.”
“Sinusumpa ko.”
At muli naming pinagsaluhan ang isang mainit na halik at nabigla ako ng binuhat niya ako. Wala siyang pakialam noon sa mga nakangiting tumitingin sa amin. Pumikit na lang ako para hindi ko makita ang reaction ng mangilan-ngilang tao na naroon pa sa beach. At nang nasa kuwarto na kami ay doon namin itinuloy ang walang puknat at kamatayang sarap ng aming pagtatalik.
Ngunit isang buwan pagkatapos ng anniversary na iyon ay may mga nagbago. Pagbabagong nakapahirap kong tanggapin. Tatlong buwan bago ang pagpapakilala niya sa akin ng formal sa family niya ay may mga unos pang dumaan na sadyang sumubok sa katatagan ng aming pagmamahalan. Siguro iyon ay bunga na rin sa sobrang pagmamahal. Sabi nga nila, lahat ng sobra ay hindi na nagiging maganda. At doon ko napatunayan na ang pagmamahal ay hindi lang puro saya, dumarating din talaga ang oras ng pagsasakripisyo, ng pagluha, ng pagsuko kahit pa gaano katindi ang nararamdamang pagmamahal.

[09]
Kung nasanay tayong binigyan ng sapat na oras ay ninanais nating mas higit pang panahon ang ibibigay sa atin. Kung hindi man higit pa doon sa dati, gusto natin na sana walang magbago. Kung nakaramdam tayo ng pagmamahal, gusto nating manatili ang init ng pagmamahal na iyon sa bawat sandal hanggang sa tayo ay nabubuhay. Kadalasan ay naghahanap pa tayo ng higit pa sa dati niyang ipinaparamdam. Tama ngang walang tayong kakuntentuhan. Hindi tayo marunong makuntento sa kung ano ang meron tayo at kayang ibigay ng ibang tao lalo pa sa taong pinag uukulan natin ng pagmamahal.

Nagiging palagian na ang paglabas ni Gerald sa ibang bansa. Ang dati’y palagiang pagtawag niya kung nasa labas siya ng bansa ay naging tawag na lamang kapag matutulog na siya hanggang pati good night niya minsan ay nawala na din. May karapatan akong magtampo ngunit hindi ko ginawa. May mga pagkakataong gusto ko siyang tanungin ngunit mas pinili ko munang manahimik. Ngunit minsan, kahit gano mo kagustong magsawalang-kibo na lamang ay lalabas at lalabas ang tunay mong niloloob.

Kapag umuuwi siya ay may mga dala-dala parin naman siyang pasalubong sa akin ngunit napansin kong pinipilit niya na lang maging masaya kapag kasama niya ako at may mga pagkakataong bigla na lamang siyang aalis na parang nagmamadali.

“Nagiging madalas yata ang pagpunta mo ngayon sa Houston, Texas. Huwag mong sabihin na may negosyo pa kayo do’n.”
“Pasensiya ka na. May mga pinapaasikaso kasi si Dad do’n at sana huwag na natin pag-usapan pa ang tungkol dito.”
“Nagtataka lang ako kasi in almost two months ay tatlong beses ka ng pabalik-balik do’n. Iba na talaga kapag mayaman. Baka naman may ibang dahilan kaya ka do’n pumupunta. Pati studies mo tuluyan mo ng napababayaan.”
“Bhie naman, di ba sabi ko, huwag na natin pag-usapan pa ang tungkol dito?” Hinawakan niya mga kamay ko. Tumitig siya sa aking mga mata. Sinalubong ko ang mga iyon. Nakita ko doon ang pakiusap. Ang pagsusumamong huwag ng mag-ungkat ng mga bagay na pwedeng pagtalunan.
“Okey, fine.” Tumayo ako. Pinigilan ko na lang ang bunganga kong mag-usisa pa dahil alam kong kahit anong pilit ko ay hindi rin niya ako sasagutin. Nag-isipako ng iba pang puwedeng pagkaabalahan para mailayo na ang usapan tungkol sa madalas niyang pang-iwan sa akin dito sa Pilipinas.
“Hmnnn…Sige, ipagluluto na lamang kita.”
Hinintay ko siyang sundan niya ako sa kusina ngunit hindi siya sumunod. Namimiss ko na yung habang nagluluto ako ay kinakantahan niya ako. Mga sandaling sinanay niya ako sa kakaiba niyang pagsinta. Inisip ko na lamang na baka pagod lang siya.
Malapit na akong makapagluto at inaayos ko na ang mesa para tawagin siya nang nagmamadali siyang bumaba.
“I really have to go. May susundo na sa akin dito.” Balisa ang kaniyang mukha.
“Akala ko ba kakain ka dito. Nagluto pa naman ako ng paborito mong menudo.”
“Sige. Tikman ko na lang.”
Pagkuha niya sa tinidor nang tumunog muli ang cellphone niya.
“I’m sorry bhie. Kailangan ko ng umalis. I love you…”
Nilapag niya ang sana ay isusubo na niyang niluto ko at pagkatapos niya akong dampian ng halik sa labi ay nagmamadali na siyang lumabas. Sinundan ko siya at sinilip sa may bintana. Hindi yung driver niya ang sumundo sa kaniya. Bagong mukha. Mas matanda lang siguro sa akin ng lima hanggang pitong taon ngunit guwapo din at maganda ang katawan. Bumaba iyon at pinagbuksan siya sa likod ng kotse. Hindi iyon mukhang driver lang niya dahil sa pananamit at kilos, isa itong maykaya at edukadong tao. Bumalik ako sa kusina. Tinitigan ko ang niluto ko. Kanina lang nakaramdam ako ng gutom ngunit ngayon ay parang wala na akong ganang kumain. Binalik ko na lang ang mga plato sa lagayan. Nilagay ang ulam sa Ref at pumasok na lang ako sa kuwarto. Nabuo ang takot, nabawasan ang tiwala at sunud-sunod ang aking buntong-hininga. Kailangan kong malaman ang totoo. Oras na malaman kong niloloko lang niya ako ay magtutuos kaming dalawa.   
Sinubukan kong tawagan siya sa kaniyang celphone ngunit nakapatay na ito. Lalo akong naghinala. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Wala na akong ganang gumawa ng kahit ano. Ang tanging nasa isip ko ng panahong iyon ay ang makausap siya. Hindi ko na kasi gusto ang nararamdaman ko at kailangan kong malaman kung nasaan siya at sino ang sumundo sa kaniya. Napakabigat ng dibdib ko sa mga sandaling iyon. Parang sasabog ngunit hindi ko alam kung anong emosyon ang naroon? Galit? Pag-aalala? Selos? Takot na iwan ako’t masaktan? Anong buhay mayroon uli ako kung tuluyan na siya sa akin na mawala? Paano ang pagmamahal ko sa kaniya. Paano ako? Tuluyang binagtas ng luha ang aking mga pisngi. Umiiyak ako. Sa unang pagkakataon ay iniyakan ko ang isang lalaki. Nasasaktan ako sa mga maaring mangyari kahit pilit kong pinauunawa na lahat ay mga kutob lamang, Kinuha ko ang cellphone ko. Muli ko siyang tinawahan  ngunit nanatiling nakapatay ito. Hindi ako sumukong tawagan siya ng tawagan ngunit hindi niya binubuksan ang celphone at ang labas, magdamag akong hindi nakatulog sa takot na inaagaw na si Gerald sa akin.
Kinabukasan ay hindi ko din siya nakita sa campus namin. Nagiging palagian na ang pagliban niya sa kaniyang mga klase. Tuluyan na nga niyang napapabayaan ang kaniyang pag-aaral. Napapabuntong-hininga ako.
Kapag nasa library ako at nakaupo sa dating tagpuan namin ay parang lalo akong pinapatay kapag naaalala ko ang mga dapat sana ay Masaya naming nakaraan. Tinatamaan ako ng kakaibang lungkot kapag nadadaanan ko ang tambayan naming sa may canteen. Kahit sa gate kapag lumalabas ako sa campus namin ay namimiss ko ang kaniyang mga sitsit o kalabit at sinasabayan niya akong maglakad hanggang sa apartment na nirerentahan niya para sa akin. Dadaan kami ng makakain o kaya ay lalabas kami at doon na magdidinner sa paborito naming restaurant. Pinipigilan ko lang ang muling maiyak. Pilit kong pinaiintindi sa sarili ko na bakit ako iiyak kung wala pa naman akong pinanghahawakan na ebidesiyang may iba nga siya.
Hanggang sa dumating ang pang 14th monthsary namin. Alam kong kahit minsan ay hindi niya nakakaligtaan ang araw na iyon. Tumawag siya sa akin nang maaga at binati niya ako ng happy 14th monthsary. Sandali nga lang ang tawag na iyon at alam kong pupuntahan niya ako kinagabihan. Sa akin siya matutulog dahil nakasanayan na namin na kapag mga ganoong araw ay magdamag kaming magkasama. Inagahan kong nagluto ng mga paborito niya. Bumili na rin ako ng maiinom naming alak, hinanda ko na ang aming kuwarto at alam kong sa bandang alas siyete ng gabi ay darating na siya. Siguradong may surpresa na naman iyon na dadalhin para sa akin.
Ngunit alas-otso na ay hindi parin siya dumating. 8:30 nang may kumatok sa pintuan ko na at nang buksan ko ay isang lalaki na may dalang box ng chocolate at may kabigatang gift. May maliit ding note---
“I tried to come but I can’t personally give you this gift for some complexities. Babawi ako. Happy 14th monthsary baby.”
Hindi ko alam kung bubuksan ko ba ang gift niya sa akin o ibalik na lang sa pinagbigyan niya. Ngunit sinabi ko sa aking sarili na kailangan kong maging matatag. Buhayin ang tiwala dahil kung sasabayan ko siya sa mga ganitong pagkakataon. Kung hindi ako magpakatatag para sa aming dalawa at aawayin baka lalong maging kumplikado ang lahat.
Binuksan ko ang binigay niyang gift. Isang laptap. Nilapag ko ito sa mesa. Alam niyang iyon ang isa sa mga gusto kong mabili. Iyon ang gusto kong sana ay magkaroon ako balang araw dahil kailangan ko din iyon sa aking pag-aaral ngunit nang mahawakan ko iyon at hindi siya ang nagbigay ay parang wala akong ganang buksan pa iyon. Hindi ko naman kailangan ang kung anu-anong material na bagay kung wala din lang ang taong mahal ko. Hindi ko na napigilan pa ang aking mga luha nang ibalik sa ref ang lahat ng aking inihanda. Dinala ko na lang ang chocolates at ang binigay niyang bagong laptap sa aking kuwarto. Pinatay ko na ang ilaw at kahit nasaktan ako ay pinilit kong makaidlip. Kahit napakahirap akong dalawin ng tulog sa sakit ng loob ay pilit kong inisip na mahal parin niya ako. Hindi niya ako bibigyan ng ganoong kamahal na regalo kung hindi niya ako mahal. Hindi pa ako ganoon katagal nakatulog nang naramdaman kong may yumakap sa akin ng mahigpit at basa ang leeg ko. Si Gerald lang ang alam kong may duplicate ng susi sa bahay at pabango niya ang naamoy ko. Ngunit umiiyak siya. Humahagulgol siya habang yakap niya ako.
“I’m sorry baby. I’m so sorry kung nagiging marami na akong pagkukulang sa iyo. Hindi ko ginusto. Hindi ko din sinasadya.”
Bumangon ako.binuksan ko ang ilaw para makita siya. Nakapantulog lang ito. Gulo ang buhok na parang nagmadali lang makahabol. Umiiyak siya.   
“May problema ba?” tanong ko.
Ngunit imbes na sagutin ako ay hinila niya ako sa kama at niyakap ng sobrang higpit.
“Hindi ko kayang magkakalayo tayo. Hindi ko kayang iwan ka ngunit parang iyon ang mangyayari bhie. Mahal na mahal kita at gusto kong tandaan mo iyon kahit ano pa ang mangyayari.”
“Hindi kita maintindihan.”
“Alam ko na mahirap mong intindihin ang lahat. Hayaan mo na. Ayaw kong pati ikaw ay maaapektuhan kung anuman ang problema ko ngayon. Halika nga dito at namimiss kitang yakapin.” Pinunasan niya ang kaniyang mga luha. Pinilit niyang ngumiti. Sinipat ko ang oras sa dinding. Mag-aalastres na pala ng madaling araw.
Humiga na rin ako sa tabi niya. Niyakap niya ako. hinalikan ko ang labi niya at muli kaming nakatulog na may ngiti ako sa labi.
Mahal niya ako.
Kinaumagahan ay nagluto ako ng almusal namin pagkatapos naming masayang sinet-up ang regalo niyang laptap sa akin. Masaya kaming nagsalo noon at nang matapos kaming kumain ay sinabi niyang siya na ang magliligpit sa aming pinagkainan. Bumalik ako sa kuwarto at nakita ko ang celphone niya. Naalala ko ang lalaking sumundo sa kaniya noon. Kung totoo ang kutob ko, maaring hindi siya nagbura sa inbox niya at tiwala din siyang hindi ko pinakikialaman ang celphone niya. Pagkakataon ko na din iyong malaman kung sino ang lalaking iyon.

“I don’t allow you to go out today. Stay in your room and take a rest.”

“Tomorrow meet me around 6:30 in the same place dahil ayaw mo naman akong puntahan kaya mas mainam na doon na lang tayo sa dating pinagtagpuan natin. Take Care.” 
            Tinignan ko ang sent items niya pero empty iyon. pero sa call register niya, sila ang laging nagtatawagan ng Joey na iyon. Joey ang pangalan ng ipinapalit sa akin. Pero kulang pa ang nakuha kong imporamasyon. Kulang pa para ipamukha ko sa kaniya ang ginagawa niyang kalokohan. Kaya pala sinabi niyang hindi siya puwedeng makipagkita dahil pinagbawalan siya at nagpuslit lang ito nang madaling araw na para makita ako.
            Pagdating niya sa kuwarto ay nakangiti siyang yumapos sa akin.
            “Maligo ka na baby, sama na ng amoy mo.” Biro niya sa akin habang hinahalikan niya ang braso ko.
            “Mamaya. Bhie, labas naman tayo mamayang 6:30?” gusto ko lang siyang huliin.
            “6:30? Bakit hindi na lang ngayon? Kasi di ako nakauwi so kailangan kong umuwi ng 5 mamaya para hindi magalit si Daddy kasi di ako nagpaalam sa kaniya kagabi. Baka pagalitan ako kung gagabihin pa ako ng uwi.”
            Nagsisinungaling na siya sa akin. Naisip kong sundan siya ng 6:30 kung saan sila magkikita ng lalaking iyon.

Ngayon ko malalaman ang lahat.

            Pinasunod ko ang sasakyan niya. Kahit magbayad ako ng magkano basta malaman ko lang kung ano ang ginagawa niya. Sa kaniya naman galing ang pera na ginagastos ko dahil pinahinto niya akong magtrabaho kaya gagamitin ko din sa pag-iimbestiga tungkol sa kinalolokohan niya ngayon.
            Dumaan sa bahay at sa malapit sa gate na lang ng subdivision ako naghintay gamit ang inarkilahan kong taxi. Kalahating oras lumabas na muli ang sasakyan niya kasama ang driver niya at pinasunod ko sa taxi ang kanilang sasakyan. Huminto sa isang class na restaurant at nang alam kong nakapasok na siya ay sumunod na din ako pero sumilip muna ako.
            Kitang-kita ko ang pagyakap ng lalaki at ang pagtapik naman ni Gerald sa likod ng lalaki at umupo na sila. Mabuti na lamang at nakatalikod si Gerald sa pintuan kaya hindi niya nakita ang pagpasok ko. Medyo magkakalayo kasi ang mga mesa kaya hindi ko marinig ang kanilang usapan. Pumuwesto ako sa medyo tago sa kanila ngunit makikita ko ang mga reaksiyon ng kanilang mga mukha.
            Seryoso ang kanilang pag-uusap. Nilapit ng guwapong lalaki ang upuan niya kay Gerald at may nilabas itong papel. Matagal nilang tinignan ang papel na iyon at habang nagsasalita ang lalaki at titig na titig si Gerald sa kaniya na parang interesado siya sa lahat ng sinasabi ng lalaki. Hanggang nakita ko na lamang na iniabot ng lalaki ang panyo kay Gerald at nagyakapan silang dalawa. Mahigpit ang yakap na iyon at dahil hindi ko na kaya pang makita sila ganoong tagpo ay umalis na ako.
            Umiyak ako sa kuwarto ko nang gabing iyon. Bakit naglilihim si Gerald sa akin? Bakit kailangan niyang magtago sa akin. Kung nagmahal naman siya ng iba maliban sa akin ay mas mainam sanang ipagtapat niya nang hindi ako nasasaktan ng ganito. Tumawag siya ng gabing iyon para magsabi ng good night ngunit hindi ko siya magawang tanungin o sabihin tungkol sa pakikipagkita niya kay Joey. Ayaw kong isipin niyang minamanmanan ko na ang bawat kilos niya. Kaya ko pa namang tiisin ang lahat. Kaya ko pang magtiis hanggang siya na mismo ang magsabing hiwalay na kami. Ngunit kung patuloy niya akong paglilihiman at patuloy siyang makikipagkita sa lalaking iyon ay mabuti pang sabihin ko na din sa kaniya ang aking nalalaman.
            Dumalaw siya kinabukasan. Medyo nakaramdam ako ng panlalamig mula sa kaniya. Parang laging hindi siya mapakali at malalim ang iniisip. Kung may tatawag ay pumupunta siya sa banyo, isasara ang banyo at doon siya makipag-usap bagay na hindi naman niya ginagawa dati. Basta tahimik lang siya habang biyayakap niya ako. Tahimik lang siyang hinahalikan ako na parang malayo ang iniisip.
            “May iniisip lang ang baby mo ha? Hayaan mong yakapin lang kita.”
            Ako man din ay tahimik din lang pero naroon ang pagpupuyos ng damdamin. Galit ako sa ginagawa niyang paglilihim. Maraming tawag sa kaniya at pabalik-balik siya sa banyo. Gusto kong makita at mabasa ang inbox niya. Parang iyon lang kasi ang tanging paraan para malalaman ko kung sino ang kausap niya at katext.
            Nang bumaba siya at nakitang walang laman ang refrigerator na pagkain ay nagpaalam siya sandali para maggrocery lang daw. Hindi na niya ako pinasama dahil abala ako sa pagrereview. Nagpalit siya ng short at nakita kong pitaka lang niya ang hinugot niya doon. Naiwan ang celphone niya.
            Pagkaalis na pagkaalis niya ay nakita kong si Joey ang madalas niyang kausap sa celhphone. Nabasa ko din ang isang text na ganito ang laman.
            “See me na lang sa airport bukas. Baka aabutin tayong ng 2 weeks sa Houston kaya better if you just drop all your subjects, Afterall, baka matatagalan na tayo doon sa next visit natin kaya mas magandang malinis ang record mo sa school.”
            Si Joey pala ang lagi niyang kasama kapag pumupunta siya ng Houston. Siya pala ang dahilan kung bakit hindi na siya nakakatawag kapag nasa ibang bansa na siya.  Hindi ko napigilan ang pag-agos ng aking luha. Nanginginig ang buo kong katawan. Parang gusto kong magwala. Hindi ko na mapapalampas ang lahat. Hindi ko kayang maging martir. Magtutuos kami ng Gerald na ito pagbalik niya. Hinanda ko na lahat ang aking sasabihin. Hindi ko na kayang kontrolin ang galit ko at kung may kailangang tapusin ay tapusin na kaysa sa tatagal ako sa ganitong kalagayan. Kung sa kaniya ay madali lang sirain ang pag-aaral niya ako, hindi ko kayang gawin iyon. Higit isang taon na lang doctor na ako. Hindi ako makapapayag na siya ang dahilan na hindi ko matapos ang nasimulan ko. Ngayon niya makikita kung sino si Mario. Kailangan kong malaman ang buong katotohanan tungkol sa Joey na ito.

[10]
Nang dumating siya ay napakarami niyang pinamili. Masayang-masaya siya at hindi ko alam kung paano ko simulang kausapin. Yun bang ayaw mo sanang sirain ang mood ng isang tao lalo pa’t may favor siyang ginagawa para sa’yo.
            “Baby, tulungan mo naman akong iayos ang mga pinamili ko oh, heto bumili ako ng ice cream mo saka yung paborito mong chocolate cake….”
            Hindi ako sumasagot. Hindi ako kumilos. Parang walang narinig.
            “Aba, suplado.” tatawa-tawa niyang sinabi.
            Kumanta-kanta siya habang mag-isa niyang nililigpit ang mga pinamili. Parang sa tingin niya ay ayos lang ang lahat. Pagkaayos niya sa mga pinamili sa Ref at sa cabinet ay muling nagpasuyo.
            “Bumili pala ako ng isda baby, namimiss ko na kasi yung fish sweet and sour na luto mo. Ipagluluto mo ako ha?”
            “Magluto ka ng lamunin mo!” mabigat ang pagkakasabi ko.
            “Galit? Ha ha! Paano kung masusunog ko na naman? Masasayang lang.” parang hindi siya tinamaan.
             “Masasayang lang? Di ba, kayong mga mayayaman hindi niyo alam ang salitang sayang? Meron nga diyan, makasama lang niya ang kalaguyo niya sa ibang bansa ay kaya niyang lumiban sa kaniyang klase at handa niyang i-drop lahat ang mga subjects niya.”
            Tumingin siya sa akin. Parang gusto niyang magtanong ngunit ramdam kong pinigilan lang niya ang sarili. Kumuha siya ng platito. Naglagay siya ng cake doon. Ibinalik at kumuha siya ng kopita, nagsalin doon ng ice-cream. Ibinalik niya sa Ref ang ice cream. Nakangiti paring lumapit sa akin dala ang kopitang puno ng ice cream. Inabot niya iyon sa akin ngunit hindi ko tinanggap.
            “Binasa mo mga text sa akin? Bhie, kailan mo pa naging ugali ang makialam sa celphone ko na hindi ka nagsasabi?”
            “Mula no’ng nagbago ka. Mula noong nakita ko kayo ni Joey sa isang restaurant na gusto kong lumabas tayo ngunit mas pinili mong makipagkita sa kaniya.”
            “Anong nangyayari sa iyo?” nilapag niya sa mesa ang ice cream.
            “Ang tanungin mo ay anong nangyayari sa atin. Sino si Joey sa buhay mo? Bakit lagi kayong magkasama na pumupunta sa Houston at anong karapatan niya sa buhay mo para ipa-drop ang mga subjects mo.”
            “Baby naman, Joey is…. He’s my friend. A family friend.”
            “Sinungaling!”
            “Bakit ka pa nagtanong kung hindi ka rin lang naman pala maniniwala sa isasagot ko.”
            “Dahil hindi iyon ang totoo. Maiintindihan ko naman kung kausapin mo ako sa magandang paraan e, at hindi dadaanin sa pagsisinungaling at pagtatago tungkol sa kaniya.”
            “Bhie, makinig ka sa akin. Gusto kong…”
            “Anong kalokohang makikinig ako sa iyo! Ikaw ang makinig sa akin dahil unang-una ikaw ang gumagawa ng katarantaduhan. Anong nagustuhan mo kay Joey ha? Dahil ba mas guwapo siya, mas maganda ang katawan, mas magaling sa kama, mas matalino! Anong mayroon siyang wala ako? Mayaman siya katulad mo at napapagod ka ng gastusan ako? Kung iyon ang dahilan, sabihin ko sa iyong kaya kong mabuhay ng wala ang mga binibigay mo sa akin. Ikaw ang nagpumilit na bigyan ako kahit ilang beses na akong tumanggi dahil nga parang naiinsulto ako. Kahit ayaw ko ay pinagbigyan kita. Kaya kong magtrabaho para sa sarili ko.”
            Umupo siya. Tumingin siya sa akin. Nangingilid ang mga luha. Parang gusto niyang magsalita ngunit sa tuwing bumubuka ang kaniyang bibig ay hindi niya tinutuloy ang sasabihin hanggang tuluyan na lang siyang yumuko.
            “Bakit hindi ka sumagot! Bakit hindi mo sabihin sa akin na ayaw mo na sa akin at may bago ka na. Bakit kailangan pa sa Houston ninyo gawin ang mga bagay na puwede naman ninyong gawin dito. Hindi mo naman kailangang i-drop ang mga subjects mo para lamang maiwasan ninyo ako ng tuluyan e.”
            Umiling siya at tuluyan ng bumagsak ang kaniyang mga luha.
            “Hindi ko kailangan ang luha mo Gerald, ang kailangan ko ay ang sagot mo.”
            “Ano pa ba ang gusto mong sasabihin ko, bhie? Anong silbing sagutin kita kung sarili mo lang naman na conclusion ang pakikinggan mo? Nagtatanong ka nga pero ang paratang mo ay ang totoo na sa paningin mo. Napakasakit lang sa akin na tuluyang nilamon ng pagseselos mo ang pagmamahal mo sa akin. Hinayaan mong sirain ng paghihinala ang dapat ay buong tiwala mo sa akin at ng pagmamahal ko sa iyo. Nagseselos ka ba kay Joey?”
            “Selos, marahil, ngunit mas akmang sabihing natatakot akong pinagpapalit mo na ako. Hindi ako magkakaganito kung wala akong nakita at nabasa. Hindi mababawasan ang tiwala ko kung ang dating ginagawa mo noon ay hindi nagbago. Kahit hindi mo sa akin aminin, Gerald, naramdaman ko ang maraming pagbabago.”
            “Bhie, hindi natin hawak ang lahat na nangyayari. Sa ayaw at sa gusto natin ay may magbabago, may mawawala, may naiiwan man ngunit hindi natin kayang panatilihin iyon. Ngunit iisa lang ang alam kong hindi nagbago o nabawasan, iyon ay ang pagmamahal ko sa iyo. Hindi din totoong ipinagpalit kita kay Joey, please lang naman bhie, makinig ka sa akin.”
            “Nakikinig naman ako ah. Sinasagot naman kita.”
            “Nakikinig ka nga pero hindi mo naman ako iniintindi.”
            “Intindihin kita para malaya mong gawin ang gusto mo. Maniniwala ako sa iyo para puwede mo lang akong paikutin ng paikutin.”
            “Saan mo dinala ang talino mo, bhie? Sa tingin mo ba, kung mahal ko si Joey mag-aaksaya pa ba ako ng panahong magpaliwanag sa iyo? Di ba mas madali sanang makipaghiwalay sa iyo at sabihin ayaw ko na kaysa sa magpaliwanag sa iyo na sa tingin ko naman ay sarado ang utak mong pakingggan ako. Mainit ang ulo mo ngayon, babalik na lang ako kung kailan handa ka ng tumanggap sa mga paliwanag ko. Wala kasing mangyayari sa mga sasabihin ko kung galit ka dahil mas pinapairal mo ang kung ano sa paniwala mo ay tama. Ang taong galit, kahit wala na sa rason ay ipagpipilitan ang alam niyang tama kahit mali na siya. Tawagan mo ako kung handa ka ng makipag-usap sa akin. Yung alam mo na kung kailan ka magsalita at kung kailan ka sa akin makinig.” Tumalikod na siya.
Hindi ko alam kung anong pumasok sa aking kademonyohan o nainsulto lang ako sa ginawa niyang pagtalikod na hindi pa niya nasasagot ang mga tanong ko kaya pagtalikod niya ay buong lakas ko siyang itinulak pabalik sa kama. Napahiga siya. Hinawakan na lamang niya ang ulo niya at mina-masamasahe. Huminga siya ng malalim. Paulit-ulit. Parang gusto niyang ilabas lahat ang namumuong galit sa kaniyang dibdib.
“Huwag mo akong talikuran at huwag kang umalis na hindi mo sinasagot ang mga tanong ko. Alam kong gusto mong umalis dahil ihahanda mo ang mga gamit mo dahil may flight kayo ni Joey.”
“Ang pagpunta ko ba sa Houston bukas kasama ni Joey ang pinagkakaganyan mo? Ang paghihinala mo ba sa amin ni Joey? Ang pagpapadrop ba ni Joey sa mga subjects ko? Ang kawalan mo ba sa akin ng tiwala at sa tingin mo ay tama lahat ang iyong iniisip? Ang pagseselos mo ba sa kaniya! Sabihin mo sa akin kung ano ba talaga ang problema bhie! Ipamukha mo sa akin kung ano ba talaga ang ayaw mo at lahat, lahat lahat ng gusto mo ay gagawin ko ihinto mo lang ang ganiyang ugali mo dahil kung may isang bagay na ayaw kong mawala sa iyo o sa relasyon natin, iyon ay pagkawala ng tiwala at respeto natin sa isa’t isa. Kapag iyon ang nawala hihilain nito pababa ang pagmamahal natin sa isa’t isa hanggang gawin tayong magkaaway imbes na sana ay nagmamahalan. Irespeto mo ako pati ng sasabihin ko kung gusto mong irespeto ko din pati ang lahat ng maling ginagawa mo at bintang sa akin ngayon. Ansakit kasi na pinagbibintangan ka ng wala ka namang ginagawang masama. Ang hirap ng pinagbibintangan ka na hindi mo alam kung paano mo patutunayang mali ang hinala dahil hindi ka naman pinakikinggan. Alam mo ba kung gaano kasakit iyon? Ngayon, magpakatotoo ka sa akin, sabihin mo kung ano ang problema mo para ihanapan ko ng solusyon. Please lang bhie, sa lahat ng ayaw ko ay ang mag-aaway tayo sa simpleng dahilan. Ayaw kong magkaroon ng mitsa ang relasyon natin sa wala namang kadahi-dahilan.”
“Lahat, Gerald lahat ng binanggit mo. Ayaw ko ang pagpunta mo sa Houston kasama si Joey, naghihinala ako sa inyo, ayaw kong i-drop mo ang mga subjects mo, nawalan na ako ng tiwala dahil sa pagsisinungaling mo at oo! Nagseselos ako sa inyo!”
“Sige, hindi ako aalis dito. Kung iyon ang gusto mo, mananatili ako sa tabi mo. Hindi ako sasama kay Joey sa Houston at walang pupunta doon. Masusunod ang hiling mong hindi ko i-drop ang mga subjects ko at para mawala ang hinala mo at pagseselos, ngayon din ay ihaharap ko si Joey sa iyo, mag-usap kayo. Kung iyon lang ang paraan para muli mo akong pagkatiwalaan. Lahat ng gusto mong itanong ay siya ang sasagot. Hindi ka naman naniniwala sa sasabihin ko di ba?”
Lumabas siya. Kinuha ang celphone niya. Nagdial at tinawagan niya si Joey.
Ilang minuto pa ay dumating na si Joey.
Hindi ko alam kung paano ako magsimula sa pagtatanong. Para kasing sa ginawa palang niyang pagtawag sa kaniya at iharap sa akin ay tuluyan na akong naniwalang wala ngang namagitan sa kanila ngunit parang tinutulak parin ako ng pride ko. Napasubo na kaya kailangan na lang harapin. Isa pa, gusto ko din naman malaman ang totoo.
“Alam ko ang tungkol sa inyo ni Gerald. Iginagalang ko iyon. May asawa ako’t anak kaya kung anuman ang iniisip mong namamagitan sa amin ni Gerald, gusto kong tanggalin mo iyon sa isip mo.”
“Bakit kayo pumupunta ni Gerald sa Houston? Sa anong dahilan?”
“Kung gusto mong malaman ang totoo ngayon, I’m sorry but I am not the right person to reveal it. In due time, malalaman mo din. Iyon kasi ang pakiusap sa akin ng mga taong kasangkot. Kailangang ilihim muna ang lahat pero sinisigurado kong malalaman mo din. Ang sigurado ko ay hindi sang-ayon si Gerald sa pagpunta-punta niya sa Houston, kung maari, hindi niya sana gustong iwan ka dito ng matagal. Kailangan niyang gawin ito sa ayaw niya’t sa gusto para sa Daddy niya at para sa iyo din.”
“Bakit kailangan niyang i-drop ang mga subjects niya?”
“Dahil hindi na niya naasikaso ngayon ang pag-aaral niya. Hindi siya ang may gusto sa lahat ng ito. Sinusunod niya lang ang tama at dapat niyang gawin. Kaya sana, hayaan mong pumunta siya ng Houston. Ako ang nakikiusap sa iyo at kung narito lang ang Daddy niya, siguradong makikiusap siya sa iyo na hayaan mo muna siyang harapin muna ang dapat harapin dahil nahihirapan na din ang Daddy niya sa sitwasyon ngunit dahil mahal niya ang anak niya ay pilit niyang iniintindi ang lahat. Puwedeng siya na lamang ang pupunta doon dahil naroon naman ang Daddy niya kung ikinakasama mong isipin na kami ang magkasama. Huwag mo lang siyang pigilan ang pagpunta niya doon dahil naroon na ang Daddy niya at mas maiging ako ang hindi pupunta kaysa sa siya mismo.”
“Sigurado kang malalaman ko din ang lahat ng dahilan pagdating ng panahon?”
“Makakaasa ka. Kung ayaw mong tuluyang mawala sa iyo si Gerald, magtiwala ka sa kaniya dahil hindi iyan gagawa nang hindi mo magugustuhan. Sinabi niyang handa niyang ibigay at isuko lahat ng meron siya. Masuwerte kang nakatagpo ng katulad niya at huwag kang gagawa ng mga bagay na ipagsisisi mo kung hahayaan mong lamunin ka ng pagseselos at pride.”

            Hinatid ko sila sa Airport. Yunakap siya sa akin ng sobrang higpit, nagpasalamat siya sa ibinigay kong pang-unawa. Tama naman siya. Kung nagmahal ka, kailangan mong magtiwala dahil magkakambal ang dalawang ito sa kahit anong relasyon. Ngunit ang dalawang linggo ay naging higit isang buwan. Sobrang namiss ko siya ng husto kahit lagi kaming magkachat at nagkakatawagan. Iba parin talaga iyong nayayakap ko siya, nahahalikan, naaamoy at kasama sa lahat ng mga gawain sa bahay. Namimiss ko siya ng husto. Sobrang namimiss ko na siya.
            Dumating siya, dalawang Linggo bago ang kaniyang kaarawan. Dahil wala na siyang pasok at hindi na nag-aaral ay hinahatid-sundo na lamang niya ako. Pag-uwi ko ay naroon siya sa bahay. May pagkain lagi ngunit hindi siya ang nagluluto. Nag-oorder na lamang sa labas. Nagtataka lang ako dahil lagi siyang may dalang backbag.  Ayaw niyang buksan ko ang laman no’n at kahit saan siya magpunta, dala niya ang bag na iyon kahit pa mag-CR lang siya. Hindi na ako nag-usisa, hindi na rin ako nagsimula pang mag-isip ng maaring maging mitsa ng pagdududa. Tama na yungandiyan siya. Sapat na yung masaya ako sa kaniya.
Siya ang nanggigising sa akin sa umaga dala ang breakfast na dinaanan lamang sa mga bukas na restaurant sa umaga. Sabay kaming kakain dahil gusto niyang binebeybi daw niya ako ngayong hindi na siya nag-aaral. Sobrang spoiled ko sa kaniya. Pagkatapos naming mag-agahan ay ihahatid ako sa school. Susunduin pagkatapos ng aking klase at sabay kaming mamasyal hanggang sa dinner. Bago siya umaalis sa gabi kinakantahan muna niya ako hanggang makatulog ako, kukumutan, dadampian ng halik sa labi. Sasabihin ang paulit-ulit niyang sinasabi na mahal na mahal niya ako at ako ang buhay niya. Papatayin ang ilaw at maririnig ko na lamang ang busina at ingay ng kaniyang sasakyan palayo. Nasanay ako sa ganoong set-up. Paano na lang ang buhay ko kung mawala siya sa akin? Nasanay na akong kasama siya at pinagaan at pinasaya niya ang puno ng lungkot, pagdurusa at pagdarahop na buhay ko.
            Hanggang dumating ang kaniyang kaarawan. Isang nakakagimabal na katotohanan ang aking nasaksihan. Isang katotohanang noon ay gusto kong tapusin at takasan!

No comments:

Post a Comment