Tuesday, January 15, 2013

Ang Lalaki sa Burol 06

By: Mikejuha
Blog: michaelsshadesofblue.blogspot.com
E-mail: getmybox@hotmail.com
Facebook: getmybox@yahoo.com


Pakiramdam ko ay sinaksak ng maraming beses ang aking puso sa narinig na tanong niya. Iyon bang feeling na trinaydor ka; na pagkatapos ng lahat na nangyari sa inyong dalawa at sa naging dulot nito sa iyong pagkatao, tatanungin ka na lang ng “Kilala ba kita?”


Napako ang mga tingin ko sa kanya, nagbakasakali na bawiin niya ang kanyang tanong at sabihin sa akin na nagbibiro lamang siya. Ngunit napako rin ang tingin niya sa aking mukha na tila pinanindigan talaga ang mga katagang lumabas sa kanyang bibig at hinintay kung ano ang aking isasagot.

Sa puntong iyon ay hindi ko na nakayanan pa ang sarili. Tumalikod na lang ako at nagmadaling tinumbok ang isang mesa sa isang gilid ng restaurant at umupo ako doon.

Sinundan niya ako, hinayaang ang mga crews ng fastfood chain ang maglinis sa nagkalat ng pagkain at softdrinks sa sahig. “Hey... sorry. Hindi ko sinadyang masagi ang pagkain mo.” Sabay bitiw ng isang ngiti. Iyon bang parang ipinarating sa akin sa ngiti niyang iyon na ok lang ang lahat, walang problema.

Ngunit hindi ko sinuklian ang kanyang ngiti. Bagkus, binulyawan ko siya. “Palitan mo iyon! Nagugutom ako!”

Nakita kong sinensyasan niya ang isang lalaking crew at pinalapit. Noong nasa harap na niya, “Ricky, paki-dalhan mo nga kami rito ng dalawang spaghetti, dalawang hamburgers, dalawang iced tea, dagdagan mo na rin ng fries...” ang utos niya.

“Yes sir.” Ang sagot naman ng crew. Pansin kong casual lang na sinabihan niya ang crew na iyon at tinawag pa sa kanyang pangalan. At napansin kong hindi rin siya nag-abot ng pera. Nungit inisip ko na lang na baka kilala lang siya sa restaurant na iyon o baka puwede rin ang ganoon sa kanilang chain na mag-order lang muna atsaka na ang bayad.

“Bakit dalawa ang inorder mo? Hindi naman ako ganyan ka gutom!” bulyaw ko uli sa kanya. Inisip ko kasi na para sa akin ang lahat nang iyon.

“Eh... ayaw mo bang sabayan kita sa pagkain? Gusto ko lang makabawi, manghingi ng sorry.”

“O, e di mag-sorry ka. Problema ba iyan.” Ang pabalang ko pa ring sabi, ang mukha ko ay nakasimangot pa rin.

Tinitigan niya ang mukha ko. “Galit ka pa rin eh...”

“Galit ka pa rin eh...” ang lihim at pabulong kong paggagad sa kanyang sinabi. “Syempre galit ako! Gutom na gutom ang tao eh, napurnada ang aking pagkain dahil sa katangahan mo.”

“O sya... tanga na ako kung tanga. Huwag ka na lang magalit sa akin please...”

“Huwag ka nang magalit please...” ang lihim kong paggagad uli sa sa sinabi niya.

“Ok... kain na tayo.” Ang sambit din niya noong inilagay na sa mesa namin ang pagkaing inorder.

Noong nakita ko ang pagkaing inilatag ng crew, walang pasabing kumuha na ako atsaka kumain na hindi man lang siya pinansin o inanyayaan. Parang wala lang akong kasama. Syempre, inis na inis pa rin ako dahil hindi pa rin niya ako naalala. Nakayuko lang ako at walang imik na kumain. Kumain na rin siya.

“Alam mo, parang kilala kita...” ang pagbasag niya sa katahimikan.

At doon na ako nagreact. “Hindi mo ba talaga ako kilala? Pagkatapos ng lahat, heto sasabihin mo sa akin na parang kilala mo lang ako?!”

Kitang-kita ko ang pagkabigla niya. Lumingon siya sa paligid, tiningnan ang mga taong napalingon din sa kinaroroonan namin dahil sa lakas ng aking boses. “W-wala akong natandaan talaga eh! Sino ka ba?”

“Si YAK??? Hindi mo na siya natandaan? Hindi mo natandaan ang batang kinantahan mo bago mo siya iniwan sa bus station? Hindi mo natandaan kung bakit Yak ang tawagan natin?!!!”

“Eh... hindi nga kita kilala eh. Ano mo ba ako? Bakit parang kung makapagsalita ka ay ganyan na tayo kalapit sa isa’t-isa?”

“Bakit? Hindi ba? Pagkatapos nang ginawa mo sa akin? Ganyan na lang?!!!”

“A-ano ba ang ginawa ko sa iyo?”

Tila binatukan naman ako sa tanong niyang iyon. Para kasing iginiit ko na ang sarili ko sa kanya. Kaya inilihis ko na lang ang topic. “Ang iyong inay na sinabi mong na stroke, ang dahilan kung bakit ka umuwi, nakita mo ba siya?”

“K-kilala mo ang aking i-inay?”

“Ano ang nangyari dito???” ang malakas na boses na sumingit sa aming usapan. Isang babaeng ito na nasa mahigit 30 na ang edad, may makapal na makeup, todo-pormal ang kasuotan na akala mo ay isang cabinet secretary na mag-aattend sa meeting na pinatawag ng presidente ng Pilipinas. At sa tingin ko pa may pagka-mataray siya. Tiningnan niya ako ng matulis.

Tiningnan ko rin siya. Nakipagtitigan ako. “Bakit ba???” sa isip ko lang.

“Bakit mo tinaasan ng boses ang asawa ko?” sambit ng babae.

Mistulang isang bombang sumabog naman sa aking harapan ang mga katagang narinig galing sa kanya. Pakiwari ko ay tinamaan ng mga shrapnels nito ang aking puso, warak na warak sa sobrang tindi ng tama. Ang sakit... Pagkatapos ng mahabang panahong paghihintay at paghahanap, heto siya nakita ko na ngunit may asawa na pala.

Bigla akong nahinto. Tiningnan ko silang dalawa. Palipat-lipat ang aking mga mata sa kanila.

At noong naramdaman kong babagsak na mula sa aking mata ang mga luha dahil sa sakit na naramdaman, tuluyang na akong tumayo, tumalikod, tinumbok ang exit at nagtatakbo palayo sa lugar. Umuwi akong tuliro at punong-puno ng katanungan ang isip. Hindi ko talaga mawari kung bakit hindi niya ako kilala. “Siya kaya si James?” ang tanong ng aking isip. Ngunit hindi ko rin matanggap na hindi siya si James. Lahat ng mga katangiang taglay ni James ay nasa kanya. “Ang dimples niya sa kanyang pagngiti, ang maitim na nunal sa kaliwang gilid ng kanyang ilong.... Siya si James!” sigaw din ng isip ko.

Sa gabing iyon napagdesisyonan kong balikan ang fastfood chain na iyon at alamin ang sagot sa maraming katanungnang bumabagabag sa aking isip.

Kinabukasan, maaga akong nagpunta ng school. Nais ko kasing tapusin muna ang aking mga assignments bago ko puntahan ang fastfood chain. At tsamba namang namukhaan ko sa library ang isa sa mga crew ng fastfood chain. Estudyante rin pala siya sa unibersidad na pinapasukan ko.

Walang kyeme ko siyang nilapitan sa mesa kung saan siya nagbasa. “Hi... ikaw si Ricky ng MCJ Fastfoods di ba?”

“Ako nga!” ang sagot niyang mistulang nabigla. At may napansin ako sa boses niya. Mukhang may dugo siyang berde. Kasanib pala siya sa federasyon. Tiningnan niya akong maigi. “At namukhaan kita. Ikaw iyong nabundol ni Sir... sa fastfood namin di ba?” dugtong niya.

Natuwa naman ako na naalala rin pala niya ako. “Oo... ako nga, si Jassim.” Sagot kong pagpakilala. “Paano mo akong natandaan?” dugtong ko.

“Ako pa! Ang cute mo kaya. Kung nagkataong babae ka lang, bagay na bagay kayo ni Sir Marlon... Guwapo siya, at guwapa, este guwapo ka rin. Akala ko nga noong una, babae ka talaga eh. Mahaba kasi ang buhok mo, parang sa babae talaga.” Sabay bitiw ng nakakalokong tawa.

Napangiti ako ng hilaw. Ipinangako ko kasi sa sarili na i-maintain ang mahabang buhok. Ito kasi ang isa sa mga nagustuhan ni James sa akin. Straight ito hanggang sa leeg, at alagang-alaga ko ito. Ang sabi nga nila, bagay na bagay raw ito sa akin. “Eh... Matagal ka na ba sa MCJ Fastfoods?” ang paglihis ko sa usapan.

“May isang taon na. Pa renew-renew lang ng kontrata, panay probationary. Need ko lang mag working student kasi... Para makatapos. Kaya, kailangang magtyaga, magpakahirap.”

“Ah... ganyan naman talaga eh. Kapag may focus, may target, sakripisyo lang ang kalaban.” Sagot ko. “So kilala mo iyong sinabi mong Sir?”

“Si Sir Marlon? Oo naman. Sa guwapo ba naman ng Sir ko, walang tao sa MCJ ang hindi nakakakilala sa kanya. Lahat kami ay humahanga sa kanya. At hindi lang guwapo ang sir ko, mabait pa. Super! Kaya mahal na mahal namin siya.”

“M-marlon ba talaga ang pangalan niya?”

“Oo. B-bakit?” ang tanong din niya.

“K-kasi... may k-kuya akong nawala. Hindi na sumipot. At naniniwala akong siya ang nawala kong kuya.”

Biglang napatakip sa kanyang bibig si Ricky. Iyon bang tipong may alam. “K-kuya mo siya???” ang gulat na sagot ni Ricky, nanlaki pa ang mga mata.

“Bakit?” may alam ka ba?

Lumingon siya sa paligid at hininaan ang kanyang boses. “Atin-atin lang ha? Magpromise ka.”

Tumgano ako. “Promise...”

“Kasi... may mga tsismis na iyang si Sir Marlon ay napulot lang daw ni Ma’am Sofia...”

“Sino naman ang Ma’am Sofia na iyan?”

“Iyong babaeng biglang sumulpot sa harap ninyo noong kakain na sana kayo ni Sir? Berdugo iyon, Killer. At kung makaasta ay parang pag-aari niya si Sir Marlon. Hindi naman kagandahan! Tsura!”

“Ganoon ba? Tapos...”

 “Patay na patay iyon kay Sir Marlon. Inangkin niya ito atsaka ginawang manager sa branch ng fastfood nila dito sa bayan upang hindi na aalis si Sir sa kanya.”

“Saan naman daw niya napulot si Sir Marlon mo? At bakit hindi siya umuwi sa kanila?”

“Basta atin-atin lang iyan ha? Iku-kuwento ko sa iyo.”

“Oo nga, atin-atin lang.” paniguro ko.

“Matagal na raw na nangyari ito. Noong nagbiyahe si Ma’am Sophia patungo sa ibang bayan, naispatan niya ang isang taong walang malay na nakabulagta sa gilid ng bangin. Halos malaglag na raw ito kundi lang naharangan ng isan gpuno ng kahoy na tumubo sa gilid ng bangin. Ipinahinto niya ang sasakyan at inutusan ang kanyang driver na bodyguard din, na tingnan kung tao nga ito. Bumaba sa gilid ng bangin ang driver at noong nakumpirmang tao nga ito, inutusan siya na iakyat ang nasabing tao. Noong naitaas na ito, pinagmasdan daw ito ni Ma’am Sophia. At doon, nabighani sa kapogian ni Sir Marlon ang malandi naming amo at dali-daling inutusan ang driver na ideretso nila ito sa pinakamalapit na ospital na nagkataong pagmamay-ari rin nila. May tama kasi ang ulo ni Sir Marlon at umaagos pa ang preskong dugo galing sa sugat niya sa ulo. Ang hindi nila alam, may naaksidente palang bus na nalaglag sa bangin ding iyon at sumabog. Patay ang lahat ng mga pasahero. Obviously, kasama raw sana dito si Sir Marlon ngunit maaaring nakatalon ito o nalaglag sa bus at tumilapon ang katawan sa gilid ng bangin na iyon bago sumabog ang bus kasama ang iba pang mga pasahero.”

“G-ganoon ba?” ang sambit kong may gumapang na matinding awa para kay James at lalo na sa kanyang ina na siyang dahilan kung bakit siya umuwi sa panahong iyon, dahil na-stroke nga. At masaklap pa pala ang nangyari dahil hindi na nga sila nagkita, ganoon pa ang nangyari sa kanya. Parang piniga ang puso ko sa nalamang kuwento. Kung ako nga na nagdurusa sa paglayo niya, paano na lang ang kanyang ina na matagal na nasasabik sa anak at sa panahon pa na kailangang-kailangan siya, ay hindi pa nakarating. Ramdam ko ang mga namumuong luha sa aking mga mata. Naawa ako sa kalagayan ni James, naawa ako sa kalagayan ng kanyang ina. “Kawawang James...” ang bulong ko sa aking sarili.

Naalala ko tuloy ang kuwento sa akin ni James tungkol sa kaniyang ina. Mahal na mahal daw niya ito, at baka hindi niya raw kakayanin kapag may nangyari sa kanyang inay. May naikuwento rin si James na isang pangyayaring hindi niya malimutan tungkol sa kanyang inay. Maliit pa raw siya noon, nasa walong taong gulang noong hinabol siya ng malaking aso. Noong nakita ito ng kanyang inay, hinarang daw nito ang sarili upang hindi siya makagat ng aso. Ngunit ang inay niya ang sinunggaban ng aso. At dahil sa sobrang laki nito, nagpambuno sila. Kitang-kita raw niya kung gaano iwinasiwas ng galit nag alit na hayop ang inay niya, at ang dugong umagos sa katawan ng kanyang inay gawa ng kagat ng aso. Wala siyang nagawa kundi ang sumigaw at umiyak at ang tangkaing paluin ang aso ng kahoy. Ngunit wala na... halos nawalan na raw ng malay ang kanyang ina noong na-control na ng may-ari ang aso. Simula noon, ipinangako raw niya na palaging protektahan ang ina, na hindi ito pababayaan...

“Hoy! Nand’yan ka pa ba?” ang sigaw ni Ricky sa akin noong napansing nakatunganga na lang ako.

“E... oo, nakinig ako. G-ganyan pala ang kuwento niya?”

“Oo... iyan ang kuwentong narinig ko at ng mga kasamahan namin sa restaurant. Noong nanumbalik na raw ang malay ni Sir Marlon, hindi na nito natandaan ang mga bagay-bagay sa kanyang buhay. Doon na pumasok ang demonyong plano ng aming among babae. Tuluyan niyang inangkin si Sir Marlon at bini-brainwash ito, isiniksik niya sa utak ni Sir na maglive-in partner daw sila at malapit nang ikasal... Iyan ang dahilan kung kaya sinadya niyang hindi ipinagamot si Sir Marlon upang hindi na manumbalik pa ang mga alaala nito. Kampon talaga ng demonyo iyang amo naming babae!”

Sa huling sinabing iyon ni Ricky, pakiramdam ko ay umakyat ang lahat ng dugo ko sa ulo. “Hindi maaari!” ang nasambit ko.

“B-bakit hindi maaari? Kung totoo ngang kuya mo si Sir Marlon, ayaw mo bang magkaroon ng mayamang asawa ang kuya mo? Laruin mo na lang siguro. Tutal, masaya rin naman ata si Sir Marlon sa kanya.” Sabay tawa. Iyon bang nagbibiro o hindi naniniwalang kilala ko nga si Sir Marlon niya.

“Basta... Ayoko! Alam ko, hindi siya masaya.” Ang nasambit ko na lang.

“Ok, fine... pero iyang kuwento na yan ay kuwento-kuwento lang ha? Wala namang katotohanan iyan eh. Alam mo naman ang tsismis, mas malakas ang signal kaysa smart, globe at sun. Di ba? Atsaka, huwag ka nang mag-ilusyon na kuya mo si Sir Marlon.”

Napangiti naman ako ng hilaw sa sinabing iyon ni Ricky. “Kuya ko si Sir Marlon mo. At hindi tsismis ang narinig mong kuwento tungkol sa kanya, Ricky. Totoo ang lahat nang iyan...” ang seryoso kong sabi.

“OMG!” sambit ni Ricky na nanlaki uli ang mga mata, ang bibig ay tinakpan ng kanyang dalawang kamay. “Di nga???”

“Oo... hindi ako nagbibiro. Kuya ko siya...”

“God!!! Anong gagawin mo ngayon? Aagawin mo ba ang kuya mo? Nasaan ba ang pamilya ninyo? Bakit hindi ninyo siya hinahanap?”

Mistula naman akong nabilaukan sa mga tanong na iyon ni Ricky. Paano nga ba naman; hindi ko siya tunay na kuya talaga, at hindi ko rin alam kung ano ba ang tunay na address niya, kung bakit hindi siya hinahanap ng kanyang tunay na pamilya. “E... kasi...” ang nasambit ko na lang. At noong may naalala ako sa sinabi ni Ricky, “Di ba sabi mo nga ay patay ang lahat ng mga pasahero? Iyan din ang akala namin kung kaya hindi na namin siya hinanap”

“E, di kunin na ninyo siya. Upang hindi na mag-ilusyon sa kanya ang bruhang babaeng amo namin.”

Tahimik. Hindi ko kasi alam kung paano. At wala naman akong katibayang kapamilya ko iyong tao. Hindi ko rin alam kung saan sila nakatira, o buhay pa ba ang na-stroke niyang inay.

“S-sa palagay mo ba ay ibibigay ng Ma’am Sophia mo si Sir Marlon mo sa akin?”

“Ah, iyan lang ang hindi ako sigurado Jassim. Pero kung may mga papeles kayo, kagaya ng birth certificate, litrato, mga testigo... baka madali lang siguro. Papuntahin mo a lang dito ang mga magulang mo. Kasi, sa tingin ko, hindi basta ibibigay ni Sophia si Sir Marlon. Ipaglaban ng demonyetang iyon nang patayan si Sir Marlon. Baliw na baliw iyan sa pag-ibig niya kay Sir Marlon.” Sagot ni Ricky.

“Eh... w-wala na kaming pamilya eh. Kaming dalawa na lang ng kuya ko ang naiwan” pag-aalibi ko pa.

“G-ganoon ba? Kawawa naman pala kayo...” nahinto siya ng sandali. “Litrato, mayroon ka?”

Nag-isip ako. May litrato kasi kami ni James na kuha namin sa terminal bago siya umalis. Ngunit hindi ko na alam kung saan ko nailagay iyon, o baka naitapon na. Sa galit ko ba kasi sa kanya. “Eh... s-sige, maghanap ako.” Ang nasambit ko na lang.

“Mabuti naman kung ganoon.”

Tahimik. Nag-isip ako kung paano ko sisimulan ang pagbawi ko kay James.

“Kung gusto mo, mag-apply kang crew sa restaurant namin.” ang sambit ni Ricky.

Syempre, natuwa ako. Naikunekta ko rito ang balak kong mapalapit kay James. “M-may bakante pa bang trabaho sa inyo? P-pede pa kaya ako?”

“Mayroon. Naghanap kami ng dagdag na crew. Gagawa kasi kami ng annex kaya kailangan namin ng additional crews.”

“Sige! Sige, Ricky! Mag apply ako! Para mapalapit ako sa kuya ko!” ang masaya kong sambit.

At nag-apply nga ako. Agad kong ginawa ang aking resume at ipinakisuyo ko kay Ricky na i-submit ito. At sa hapon ding iyon ginanap ang interview. Lima kaming naka-schedule sa interview, at si “Sir Marlon” ang nag-interview sa amin.

Sobrang kaba ang aking naramdaman sa pagkakataong iyon. Excited akong makita siya at makausap. Antagal ko na kaya siyang hinahanap. At matindi ang kasabikang nadarama ko para sa kanya.

Noong ako na ang pumasok sa office para sa interview, siya kaagad ang tumambad sa aking paningin sa loob ng kuwarto. Nakaupo siya sa harap ng mesa, nagbabasa. Napakaguwapo niya sa kanyang suot na puting long sleeves na may stripes na asul, neck tie na dilaw na may stripes din na asul, at ang kanyang buhok ay mistulang sa isang bagong paligo. Ibang-iba na siya sa dating sekyu na simpleng-simple lang kung manamit. Noong inangat niya ang kanyang mukha, nagkasalubong ang aming tingin. Nginitian niya kaagad ako, tinitigan. Sigurado, naalala niya ang insedenteng nalaglag ang tray ko ng pagkain at ang galit ko sa kanya dahil doon. Mistula naman akong malulusaw sa titig niyang iyon. Iyon ang dahilan kung bakit nahulog ang loob ko sa kanya at umibig. Ang mga matang nangungusap, ang ngiting tila nanunukso. 14 na taong gulang pa lamang ako noon habang siya, 19 at isang hamak pa lamang na guwardiya ng isang bodega ng mga abaca at copra sa burol...

Sinuklian ko ang kanyang ngiti. Hindi ko na siya sinimangutan. Alam ko na kasi ang dahilan kung bakit hindi na niya ako kilala. At naintindihan ko ang lahat.

“Take your seat Mr. Jassim Castro...” sambit niya habang hawak-hawak sa kanyang kamay ang aking resume.

“English speaking na rin siya...” sa loob-loob ko lang. Sabagay, ang sabi niya sa akin noon ay graduate daw siya ng Business Administration ngunit dahil hindi siya makapasok ng trabaho, nag-guwardiya na lang siya. Marami naman kasi ang ganoong kaso. Underemployed, kumbaga.

Umupo ako sa inilaang upuan para sa interviewee, sa harap niya. “Thank you” sagot ko.

Tahimik. Tinitigan niya ako. Yumuko ako. Pakiramdam ko kasi ay nakakailang ang kanyang mga titig.

“So your name is Jassim...” ang tanong kaagad niya.

“Yes, sir.”

“What a cute name! I like it.”

“Thank you po.”

“First of all, I’m happy that you applied...”

“Thank you po...”

“And I’m really sorry for that incident.”

Tahimik. Gusto ko sanang sagutin siya na wala na iyon, gawa lang iyon ng aking galit na hindi na niya ako natatandaan ngunit alam ko na ang lahat. Ngunit hinyaan ko na lang ito sa aking isip.

“Are you still angry with me?”

“No Sir! No! I’m not angry anymore. M-may problema lang po ako that time, sir.” Ang mabilis kong sagot.

“Hmmmm... in love ka siguro kung kaya nagka problema ka, ano?”

Napangiti ako ng hilaw sa tanong niyang iyon. Hindi ko kasi akalain na isisingit niya ang tanong na iyon at... syempre, sa kanya kaya ako na inlove. “Hindi po. Wala po akong love life” sagot ko na lang.

“Pero I’m sure, at your age of 20, nakaranas ka nang ma-in love. Tama ba?”

“Shitttt! Ano ba ito? Ba’t love ang pinag-usapan sa interview na itoooo!” sigaw ng isip ko. “Eh... oo naman sir. Pero wala na iyon. Hindi na niya ako naalala pa.”

“Owww? Sa hitsura mong iyan? Nalimutan ka niya? Hindi niya alam kung ano ang nawala sa kanya.”

Napa-“amfff” na lang ako sa sarili. Hindi na ako sumagot. Ano bang isasagot ko. Alangan namang sabihin ko sa kanyang “Ikaw iyon...”

“I remember you mentioned that you know me??? At may...” nahinto siya nang sandali, “g-ginawa ako sa iyo? Did I get it right?”

“Eh...” ang naisagot ko na lang. Nabigla talaga ako na iyong mga personal na tanong ang isiningit niya.

“Tell me something about it.”

“S-sir... B-baka mali lang po ako. B-baka hindi po naman kayo iyon eh.”

“So kung hindi ako iyon, where is he now?” giit niya.

“H-hindi ko po alam.”

“Ano ang trabaho niya?”

“G-guwardiya lang po siya... sa isang bodega ng abaca at kopra.”

“Magaling palang humawak ng baril iyon kung ganoon...” sabay bitiw ng ngiti.

Tahimik.

“How are you related to him?”

“Eh...”

“What’s his name?” ang sunod kaagad niyang tanong.

“J-James...”

“James... hmmmm. Sounds familiar.”

“Anong relasyon mo sa kanya?”

“Eh... K-kuya po.” Ang naisagot ko. Alangan naman kasing sabihing boyfriend ko; hindi naman kami magboyfriend. Kung sabihin ko namang kaibigan, parang may kulang.

“Ano iyong sinabi mong ginawa niya sa iyo? O... ginawa ko sa iyo?”

“W-wala po. M-mabait po siya sa akin.”

“Sinabi mo rin na may kinanta siya sa iyo bago ka niya iniwan?”

“O-opo...”

“Anong kanta?”

“Beautiful in my eyes?”

“Pwede mo bang kantahin para sa akin?”

“H-hindi po ako masyadong marunong kumanta eh...”

“Come on Jassim. Let me hear it.”

At wala na akong nagawa kundi ang kantahin iyon –




You're my peace of mind in this crazy world.
You're everything I've tried to find, your love is a pearl.
You're my Mona Lisa, you're my rainbow skies,
And my only prayer is that you realize
You'll always be beautiful in my eyes.

The world will turn, and the seasons will change,
And all the lesson we will learn will be beautiful and strange.
We'll have our fill of tears, our share of sighs.
My only prayer is that you realize
you'll always be beautiful in my eyes.
You will always be beautiful in my eyes.

And the passing years will show
That you will always grow ever more beautiful in my eyes.

When there are lines upon my face from a lifetime of smiles,
When the time comes to embrace for one long last while,
We can laugh about how time really flies.
We won't say goodbye 'cause true love never dies.
You'll Walways be beautiful in my eyes.
You will always be beautiful in my eyes.

And the passing years will show
That you will always grow ever more beautiful in my eyes.
The passing years will show that
You will always grow ever more beautiful in my eyes

Noong natapos na ang kanta, hindi ko namalayan na tumulo na pala ang aking mga luha. Nanariwa kasi sa aking isip ang mga eksena kung saan kinanta niya sa akin iyon, sa huling pagkikita namin sa terminal. Lihim kong pinahid ang aking mga luha.

Narinig ko naman ang pagpalakpak niya. “What a nice song!” sambit niya.

Tahimik. Hindi na ako kumibo. Naaasiwa kasi ako dahil sa kusang pagdaloy ng aking mga luha. Marahan kong dinukot ang aking panyo at ipinahid iyon sa aking pisngi at mata.

Napatitig naman siya sa akin. Parang napakalalin ng kanyang iniisip habang tinitigan niya ako. Hindi ko alam kung ano ang laman ng kanyang isip.

Yumuko na lang ako habang patuloy ang pagpahid ko sa aking mga luha.

Nasa ganoon kaming ayos noong bigla ring pumasok sa kuwarto si Sofia. Hinalikan niya si Marlon at pagkatapos ay umupo sa tabi nito at tinignan ako nang maigi.

“Are you the one who came here yesterday and claimed to have known Marlon?” sambit niya.

“A, ehhh” ang naisagot ko. Natakot kasi akong baka hindi ako tanggapin sa trabaho kapag “Oo” ang isinagot ko.

“No, he’s not Sophia. He just looked similar to that guy.” Ang pagtakip naman ni Marlon sa akin.

“Hmmmm.” Ang sagot ni Sophia habang patuloy na tinitigan ako. Nakikinita ko sa titig niya na hindi siya naniwalang hindi ako iyon. “Ok... But i’m sorry, what’s your name?”

“Jassim po...” sagot ko.

“...Jassim, we can’t accept you!”

Mistula namang hinataw ang aking ulo ng isang matigas na bagay sa narinig. Sobrang disappointed ako.

“I accepted him already Sophia.” Ang sagot ni Marlon.

Kitang-kita ko ang pagkagulat ni Sophia sa deretsahang pagkontra ni Marlon sa desisyon niya. “Hon... I don’t like him! He is not qualified!” ang med’yo tumaas na boses ni Sophia.

“Well... I like him honey. And we have many unqualified crews here who just trained. Look at them now. They’re doing great!”

“My decision is final, honey. It’s a big NO!” ang paggiit pa ni Sophia.

“And my decision is final too! It’s a big YES.”

Hindi ko alam ang gagawin sa ipinakita nilang pagtatalo dahil sa akin at sa harap ko pa mismo. Para akong nataranta, natulala.

“Desisyon ko ang nasusunod sa kumpanyang ito, Marlon.” Ang sabi ni Sophia na nawala na ang tawag niyang “honey” kay Marlon.

“I know. Sampid lang ako dito. But if you don’t want my decision, it’s fine with me. You can now start looking for my replacement. Ayoko na. Pagod na ako sa sunod-sunurang mga pakana, plano at desisyon mo...”

Biglang ibinaling ni Sophia ang tingin niya sa akin. Tinitigan niya ako ng matulis atsaka bumulyaw ng “Go outttttttt!!! Get the hell out of hereeeeee!!!”

Nanginginig akong tumayo at dali-daling tinumbok ang pintuan upang mabilis na makalabas sa kuwartong iyon.

Nabuksan ko na ang pinto at handa na sanang lumabas noong narinig ko naman si Marlon na nagsalita. “Wait Jassim. I’ll go with you!”

(Itutuloy)


No comments:

Post a Comment