By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com
Bumaba ako. Nilahad
ni tito ang kaniyang mga kamay. Niyakap niya ako. Mahigpit na mahigpit habang
humahagulgol ako. Kumuha siya ng tubig. Pinakalma niya ako. Nang mahimasmasan
ako napagpasyahan kong sunduin na muna si Aris. Kahit man lang doon ay makabawi
ako sa mga pagkukulang ko sa kaniya. Gusto kong ako ang susi sa pagkikita
nilang mag-ama.
“Anong plano mo ngayon?” tanong
ni tito.
“Susunduin ko ho muna si Cgaris
bago ho puntahan siya.”
Hindi ko nakita kay tito ang
pagkagulat na kilala ko na ang anak ni Aris.
“Bilisan mo anak. Kailangan ka
ni Aris ngayon. Hinihintay na niya ang pagdating mo. Pasensiya ka na pero gusto
kong malaman mo na may kanser ang kababata mo at ang taong walang ibang ginawa
kundi ang mahalin at hintayin ka.
Parang sumabog ang mundo ko sa
aking narinig.
Nanginginig ako sa aking
narinig. Walang magawa si tito kundi pakalmahin ako. Kung sakaling malala na
ang kalagayan niya maaring ako na lamang ang hinihintay niya, ngunit gusto kong
maabutan ko pa siyang malakas at buhay. Gusto kong naroon ako sa mga natitirang
araw niya sa mundo. Gusto kong maramdaman niya na dumaan man ako sa maraming pagkakasala,
nananatili ang pagmamahal ko sa kaniya. Hindi man kasindakila ng pagmamahal
niya sa akin ay alam kong minahal ko siya at patuloy kong mamahalin. Naroon na
ako, ako ang dapat sisihin sa mga nangyaring ito sa buhay ko ngunit tao lang
din ako. Nagkakamali ngunit gusto kong bago mahuli ang lahat ay maiayos ko ang
mga pagkakamaling nagawa ko kay Aris.
Kitang-kita ni tito kung paano
ako aligaga sa mga oras na iyon. Hindi ako mapakali. Si Mama man din ay hindi
na niya alam kung paano niya mapapanatag ang aking kalooban.
“Maupo ka muna, anak. Hinga ng
malalim. Kapag relaks ka na, saka ka lang makakaisip ng dapat mong gawin. Inom
ka ng tubig. At pagkatapos ay pumikit ka.” Si mama, ang isang kamay ay may
hawak na tubig at ang isang kamay naman ay hinahagod niya ang likod ko. Ginawa
ko ang sinabi niya sa akin. Uminom ako ng tubig at pumikit ako. Naisip ako ang
sinabi sa akin ni Papa…
“Matanda ka na Rhon. Huwag ka
ng umasta na parang hindi mo alam ang tama sa mali. Hanapin mo ang buhay mo.
Matanda na kami ng Mama mo. Gusto kong makitang masaya ka. Gusto naming makita
ng Mama mo na buo ang iyong pagkatao. Sa kabila ng ginawa mong ito, mahal ka
naming at kung ano ang desisyon mo ngayon, pababayaan ka namin dahil gusto kong
malaman mo na kung saan ka masaya ay doon kami ng mama mo.”
Pumasok din sa isip ko ang
sinabi sa akin ni Tito…
“May mga desisyon
talaga tayo sa buhay na tanging ang panahon ang makapagsasabi kung tama ba tayo
o mali sa ating mga naunang desisyon. Ngunit hindi ibig sabihin na kung
nagkamali tayo noon ay tuluy-tuloy na ang kamaliang iyon. May mga naiiwan pang
mga paraan para maitama ang mga iyon. May mga sadyang nilusaw na ng panahon at
din a puwedeng gawing tama ngunit kalimitan, kung ano ang pinakamahalaga sa
buhay, iyon ang sadyang naiiwan at naghihintay ng tamang desisyon para itama.
Nasa sa iyo parin kung paano mo gawing tama ang minsan ay maling nagawa mo.”
Dumilat ako. Mahalaga
ang bawat sandali. Pakiramdam ko ay kalmado na ako. Kailangan kong mag-isip at
magdesisyon ng tama. Ngunit simula sa araw na ito, kailangan ko ng makinig sa
mga taong nagmamahal sa akin.
“Tito, mama, ano hong
gagawin ko?”
“Puntahan mo ang anak
niya. Sabay kayong uuwi sa kaniya para mas masaya siyang sasalubong sa inyong
dalawa. Alam kong malaki pa ang magagawa mo para maayos lahat.”
Sinipat kong orasan,
mag-aalas tres palang ng hapon. Nagmadali akong nagpalit.
Habang nasa daan ako
ay tinawagan ko si Terence.
“Bespren, may
problema ako. May kanser si Aris. Baka may kilala kang espesyalista para dito.
Baka maari pa niyang maisalba ang buhay ng lalaking mahal ko.” Hindi na muna
ako nangamusta. Mas mainam na maidiretso ko na muna ang gusto kong sabihin
dahil mahalaga ang bawat sandali.
“Am sorry to hear
that, father. Taman-tama, Dr. Mario and Dr. Bryan just arrived yesterday.
Galing sila sa Houston, Texas for their further studies in curing cancer.
Tatawagan ko na sila ngayon din. Saan ba si Aris ngayon? Anong maitutulong
namin, Father?”
“Pupuntahan ko muna
ang anak niya and then we’ll meet you tomorrow morning. Dadaan kami sa inyo
para magkakasabay na tayong puntahan si Aris. And one more thing, don’t call me
father, not anymore”
“Why not?”
“Naku mahabang
kuwento. Saka ko na lang ikukuwento. I need your help now bespren.”
“Sige, I’ll call Dr.
Mario and Dr. Bryan rightaway . Sigurado akong makakapunta agad sila dito to
help us.”
“Hindi kaya pagod pa
ang mga iyon?”
“We’ll try. Pero
sigurado akong makakatulong sila.”
“See you soon. Marami
tayong pag-uusapan pa later.”
“Oo lalo na yang ayaw
mong patawag ng dati naman naming itinatawag sa iyo. Naguguluhan ako, so, we
better catch up.”
“Salamat ha.”
“You’re welcome
bespren. We miss you.”
“I miss you too.
Regards mo ako kay Lando at Jay-ar.”
Kailangan kong
mapuntahan si Cgaris. Dumiretso ako sa bahay na pinaghatiran ko sa kaniya noon.
Naisip kong tawagan muna ang mobile phone niya habang nagdadrive pero hindi
niya ito sinasagot. Nakatatlong missed call na ako. Nasaan ka bang lupalop ng
mundo bata ka!
Dali-dali akong
bumaba nang nasa tapat na ako ng gate nila. Nakatatlong buzz na ako nang
bumungad ang dating maid nila na pinagtanungan ko noon.
Hindi siya nagsalita
ngunit parang nagtatanong ang mukha. Siguro iniisip na muna niya kung kailan
niya ako huling nakita.
“Magandang hapon po.
Nandiyan po ba si Cgaris?” magalang kong tanong.
“Cgaris? Ahh, yung
kaibigan ng alaga kong si Miko?”
“Hindi ba ito ang
bahay nina Sir Vic Chua o kaya ni Cgaris?”
“Hindi ho. Minsan
dumadalaw lang dito si Cgaris pero hindi ito ang bahay nila. Bahay ito nina
Michael Gonzales o Miko. Maalala ko na nga kayo. Kayo yung nagtanong sa akin
noon.”
“Ako nga ho. Nandiyan
ho ba si Miko? Baka pwede niya akong tulungan sa paghahanap kay Cgaris.”
“Naku ho. May klase
sila ngayon hanggang alas singko ng hapon. Magkaklase ho sila.”
Napaisip ako. Oo nga
pala. Minabuti kong magpasalamat at magpaalam na lang. Tinignan ko ang pambisig
kong orasan. May sapat pa na oras. Alas singko ang labas ni Cgaris sa
University nila. Noon ako nagtaka kung bakit pilit niyang tinago sa akin ang
kaniyang tunay na katauhan.
Ngunit hindi na muna
mahalaga sa akin kung bakit. Ang importante ay alam ko na kung saan namin matatagpuan ang Daddy niya. Kung
sakaling naroon sa tagpuan namin na naghihintay si Aris ay alam kong ikakatuwa
nilang mag-ama na makita ang isa’t isa. Sa paraang ganoon man lamang ako
makabawi sa aking mga pagkukulang at kasalanan sa kaniya.
Ilang minuto din akong
nag-abang sa labas nang makita ko siya.
“Cgaris!” sigaw ko.
Lumingon siya. Kumunot ang noo nang makita ako. Nakita ko ang galit sa
kaniyang mga mata. Pinagpatuloy niya ang paglalakad palayo sa akin. Hinabol ko
siya at pinigilan.
“Anong problema mo, bata ka.”
Pamimigil ko.
“Kayo ang may problema Dad at hindi ako.”
Binilisan niya ang paghakbang. Minabuti kong sabayan siya.
“Anong pinagsasabi mo? Mag-usap
nga muna tayo, napapagod ako sa kasusunod sa’yo.”
“Huwag dito Dad. Gusto kong
magkaliwanagan tayo sa alam kong maiintindihan mo ang bawat sasabihin ko sa
iyo!” galit niyang sinabi sa akin.
“Oh, e, di sige. Sabihin mo
kung saan tayo mag-uusap. Tara na, dala ko ang sasakyan ko.”
“Hindi na ho Dad. Sundan mo
kami nung driver ko doon sa huling pinagkainan natin. Kailangan nating
magtuos.” Walang kagatul-gatol niyang sinabi.
Hindi na lang ako nagsalita.
Gusto ko siyang sorpresahin ngunit ako ang nagugulat sa ikinikilos niya. Anong
nangyayari? Ngunit hindi na importante sa akin kung bakit siya galit. Alam kong
mawawala din ang lahat ng tampo niya kapag sinabi ko ang tungkol sa kaniyang
ama. Pumasok kami sa kinainan namin noong una kaming nagkausap. Kumuha siya ng
isang table na hindi maririnig ng iba ang aming pag-uusapan.
“Alam ko na kung sino ang Daddy
mo at kung saan natin siya makikita.” masaya kong balita sa kaniya. Ngunit
nakita ko sa mukha niya ang ngiti. Ngiting nang-aasar.
“Ngayon alam mo na si Aris ang Daddy
ko. Alam mo na ba na matagal ka ng hinihintay ng Daddy ko?”
Ako ang nagulat sa sinabi niya.
Napalunok ako.
“Kaya ba ginawa mong Gonzales
ang apilyido mo noong tinatanong kita?”
“Kasama lahat iyon ng aking
pagpapanggap. Makinig ka sa sasabihin ko Dad. Gusto kong intindihin mo lahat
lahat.”
“Alam mong…” pagsisimula ko pa
lamang ngunit nilagay na niya ang hintuturo niya sa gitna ng bunganga ko.
“Sinabi kong makinig muna kayo. Puwede?”
“Sige.” Sagot ko. Parang bata
na pinagalitan at ngayon ay dapat makinig sa payo. Ang pakikinig sa sasabihin
ng iba ang kahinaan ko. Mas inuuna ko kasing pakinggan ang sigaw ng aking isip.
Mas nauuna kong binibigyan ng conclusion ang lahat at ngayon, gusto kong
makinig sa kahit anong sasabihin ng iba tao bago ako magbigay ng aking
desisyon. Iyon ang isang aral na aking natutunan sa nangyayaring ito sa aking
buhay.
“Una, nagkunwari lang akong
pumasok sa lugar na iyon dahil ikaw ang sadya ko. Pinilit ko ang tito ninyong
malaman kung saang lugar kayo nadestino at natuwa ako ng malamang malapit lang
pala kayo.”
“Paano mo nakilala ang tito
ko?”
“Isinama ako ni Daddy minsan
nang bisitahin niya ito. Nakibalita kasi noon si Daddy tungkol sa inyo at
pinakilala din ako ni Daddy sa kaniya.”
“Alam ni tito ang tungkol sa
iyo? Bakit hindi siya sa akin nagsabi?”
“Dahil ayaw mong makibalita sa
buhay ni Daddy. Dahil close-minded ka, Dad. Dahil sarili mo lang na opinyon at
desisyon ang mahalaga sa’yo. Puwede ko na bang ituloy ang sasabihin ko?”
Yumuko ako. Tanda ng pagbibigay
sa kaniya ng sapat na panahon para sabihin ang lahat ng gustong sabihin.
“Pinuntahan ko kayo
lingid sa kaalaman ni Daddy. Nakinig ako sa inyong mga misa tuwing Linggo.
Kinaibigan ko ang ilang mga sacristan mo at nakakuha ako ng impormasyon kung
anong araw at oras kayo umaalis. Kailangan ko lang kasi makakuha ng ilang
detalye sa inyong pagkatao. Nang nakita kong pumapasok kayo sa mga ganoong
lugar, biglang bumaba ang tingin ko sa inyo ngunit binigyan ko parin kayo ng
isa pang pagkakataon. Gusto kong makilala kita
Dad, kaya ako napilitang pumasok sa pinapasukan mo. Nang hindi ko na
makayanang makita ang kababuyang nangyayari sa loob ay lumabas ako at sumunod
ka naman. Pumasa ka sa ibinigay kong isang pagkakataon nang hindi mo ako
ginalaw o hindi ka nagpakita ng kahit anong pagkagusto sa akin nang nasa kumbento
na tayo. Sinubukan kong buksan ang pang-unawa at puso ko sa iyo. Nagkuwento ako
tungkol sa pamilya ko, sinadya kong ibalik ang nakaraan sa iyo ngunit sadyang
pakiramdam ko ay tuluyan mo nang kinalimutan ang Daddy ko dahil kahit anong
gawin ko na gayahin ang ilan sa mga actuations niya, kahit nag-oopen na ako ng
tungkol sa kuwento ng buhay nang mommy ko na may kaugnayan kay daddy ay hindi
ka nagrereact. Bakit mo kinalimutan ang Daddy ko?”
“Kahit minsan hindi ko siya
kinalimutan.”
“Kasinungalingan ‘yan
Dad. Hindi ako naniniwalang hindi mo siya kinalimutan. Pati ang tagpuan ninyong
lugar ay hindi mo naalala.”
Humugot ako ng isang
napakalalim na hininga. Hindi ko na kasi kinakaya ang mga nangyayaring
rebelasyon sa araw na ito.“Kababasa ko lang kasi ang mga sulat niya sa akin.
Ngayon lang ibinigay ni Tito sa akin. Bakit mo ako hinanap? Anong motibo mo at
ginawa mong palitan pati ang apilyido mo?”
“Kinuwento ni Daddy ang tungkol
sa iyo. Noong una, hindi ko siya maintindihan. Nagalit ako sa kaniya. Tuwing
bakasyon kasi umuuwi ako sa kaniya. Magkasama kami ng dalawang buwan at kapag
pasukan ay bumabalik ako dito sa Manila para makasama sina lolo at lola.
Nagpanggap lang ako sa iyo na magulo ang pamilya ko para may reasons akong
makilala ka ng husto. Ilang buwan akong naghintay na sana mabanggit mo si
Daddy. Sobrang hinangad ko na sana maisama mo siya sa ating usapan tulad ng
ginagawa niyang pagkuwento tungkol sa iyo. Noong una, kinamuhian ko si Daddy sa
pagiging gano’n niya. Isang taong hindi ako bumisita sa kaniya nang malaman ko
ang tungkol sa inyo ngunit hindi ko siya matiis. Walang ginawa si Daddy na
hindi tama sa akin. Kahit ganoon ang ginawa ko ay hindi siya nagbago. Siya ang
lumuluwas sa Manila para maramdaman ko ang pagiging Daddy niya sa akin. Nilusaw
ng totoong pagmamahal niya sa akin ang pagkamuhi at pandidiri sa kaniyang
pagkatao. Isa siyang amang hindi dapat kinakahiya kundi dapat ipagmalaki. Akala
ko ganoon ka din. Nang sinadya kong hindi magpakita sa iyo, sinubukan mo ba
akong hinanap?”
“Hinanap kita anak.
Nakapatay noon ng mobile phone mo. Sinunod ko ang gusto mong huwag kang
puntahan sa bahay ninyo. Iyon pala ay bahay lang ng barkada mo. Alam ng Diyos
na nangulila ako nang mawala ka kahit hindi tayo magkadugo at kahit sandaling
panahon palang tayo magkakilala, tinuring kitang anak ko.” Nangilid ang aking
mga luha.
“ Hindi dad, mas
pinili mong lumabas at maghanap ng kababuyan sa piling ng kung sinu-sinong
lalaki? Akala mo ba hindi ko alam?
Nakita kita noon na hinihintay ako sa gate. Sinundan ka namin ng driver ko
noong paalis ka. Sorry Dad pero ako ang nagsumbong sa pulis sa araw na iyon
para magkaroon ng raid at magising ka na sa maling ginagawa mo. Pari kayo Dad.
Hindi ninyo dapat pang ginagawa ang mga bagay na gano’n”
Nanatili akong
tahimik. Sapul na sapol ako sa kaniyang mga sinabi. Lalo niyang pinahirapan ang
aking damdamin ngunit tama lang na marinig ko ang lahat ng mga iyon.
“Mahal ka ni Daddy.
Pinilit kong lumapit sa iyo para muling babalik siya sa isip mo. Lahat ginawa
ko para ibalik siya sa puso mo. Ngunit nabigo ako. Ni minsan hindi mo siya
naisip man lang at ikuwento din siya sa akin. Tinanong kita kung kilala mo ba
ang Daddy ko ngunit parang wala kang narinig. Iyon ang ikinasakit ng loob ko.
Ganiyan ka ba katigas sa mga taong nagmamahal sa iyo?”
“Nagkakamali ka. Mahal ko ang
Daddy mo. May hinala na akong anak ka ni Aris pero hindi ako sigurado. Ayaw
kong mas maguluhan ka. Ayaw kong makapagkuwento ako sa iyo na wala naman akong
pinanghahawakang ebidensiya. Pero kung sakaling ganoon ang pagkakaintindi mo,
patawarin mo ako, anak. Sinubukan ko rin siyang hanapin noon pero sinabi ng
lolo at lola mo na nasa ibang bansa na siya.”
“Iyon ang sinabi nina lolo
dahil nga alam nilang pari ka na at ayaw nilang masira ang bokasyon mo. Pero
kung totoo kang nagmamahal, sana alam mo kung saan mo siya babalikan. Kung alam
mo ang halaga ng pangako, sana alam mo kung saan mo siya mahahanap.”
“Gustong-gusto kang makausap ni
Dad. Gusto ka niyang makitang muli pero natatakot na siya sa rejections mo lalo
na pari ka na nga. Ayaw niyang magulo ang paninilbi mo sa Diyos. Huwag kang
mag-alala, kahit every week kaming nagkikita ay hindi ko nakuwento sa kaniya
ang ginagawa mo sa sinehan na iyon. Yung ginagawa mong pagpasok sa mga gay
bars. Hiling ko lang Dad, na tigilan mo na ang mga bagay na iyan. Lalong
masasaktan ang Daddy ko kapag malaman niyang gumagawa ka ng ganiyan. Gusto kong
magiging malinis ka sa puso at isip ng Daddy ko. Pinalaki niya akong maayos.
Pinalaki akong lolo at lola ko sa magandang paraan na hindi tumitingin sa
pagkasino ng mga taong nakapaligid sa akin. Wala sa akin ang kasarian, ang
pagiging bakla at tomboy, ang sa akin lang ay sa kung ano ang kabuuang
pagkatao.”
Napayuko ako. Nasaktan ako sa
mga sinabi niya. Sakit na tumatama dahil iyon naman talaga ang totoo.
“May sakit si Daddy kaya nawala
ako ng ilang buwan. Pumasok lang ako ngayon para officially i-drop ko muna ang
mga subjects ko. Baka next school year sa Tuguegarao na ako magpapatuloy ng
pag-aaral. Pumayag na sina Lolo. Kaya ako napilitang hanapin ka noon dahil
gusto kong may magiging inspirasyon siya para magpagaling. Sana gagaling pa
siya ngunit ayaw lang niyang tulungan ang sarili. Ayaw na niyang patingin pa sa
doctor. Ayaw kong magiging ulilang lubos. Ayaw kong mawala si Daddy ngunit
kahit anong pakiusap ko ay ayaw na niyang magpadoktor. Payat na payat na siya.
Hindi ko na alam pa kung paano ko siya hikayatin.”
“Tinalikuran ko na ang
pagpapari. Harapin ko na ang buhay na noon ko pa gusto. Dapat noon ko pa ito
ginawa. Patawarin mo ako anak. Gusto kong bumawi sa lahat ng pagkukulang ko sa
Daddy. Kailangan ko ang tulong mo. Samahan mo ako, puntahan natin ang Daddy
mo.”
Dawalang oras pa ang nagdaan nang
kasama ko na siyang tinatalunton ang daan papunta ng Cagayan Valley.
Tahimik si Cgaris sa aking
tabi. Malalim ang iniisip. Nang biglang may kinuha siyang CD sa kaniyang bag.
Nilagay niya iyon sa player at ilang sandali pa ay pumailanlang ang kanta ni
Noel Cabangon na kanlungan.
“Pana-panahon ang
pagkakataon
Maibabalik ba ang
kahapon?
Natatandaan mo pa ba
Nang tayong dal’wa
ang unang nagkita?
Panahon ng kamusmusan
Sa piling ng mga
bulaklak at halaman
Doon tayong
nagsimulang
Mangarap at tumula”
Napangiti ako.
“Mahilig ka pala ng
mga OPM? Parang ang daddy mo lang noon sa kumbento. Doon siya sa silong ng mga
puno kasama ang AM/FM niyang transistor radio. Pinipilit niya akong samahang
siyang makinig din sa mga ganiyang kanta.”
“Hindi ho ako Dad. Kailangan na
ngayon palang sanayin niyo na ang tainga niyo sa kantang iyan dahil sigurado
akong iyan ang tugtog na maririnig niyo ng madalas doon kay daddy. Kakornihan
na pero sabi niya, kapag daw naririnig niya ang kantang iyan ay naiisip ka
niya. Mas masarap daw samahan ng mga ganiyang kanta kung nagsesenti ka.
Napakalaki daw ng tinulong ng kantang iyan sa araw-araw niyang paghihintay
sa’yo.”
Napangiti ako. Naramdaman ko
ang pagmamahal ni Aris. Miss na miss ko na talaga siya. Halos dalawampung taon
na kami nang huli kaming nagkita ngunit naroon parin ang init ng pagmamahal ko
sa kaniya. Alam kong siya ang kulang sa buhay ko kaya hindi ko naranasan ang
magiging tunay na masaya. Sampung oras
ang biyahe ngunit hindi ako dinalaw ng antok. May ngiti ako sa labi. May luha
ngunit hindi iyon luha ng pagkabigo. Hindi din luha ng pagsisisi o pagkakasala.
Luha iyon ng lubos na pagkasabik. Hinayaan kong igupo ng mahimbing na
pagkakatulog si Cgaris sa tabi ko. Mamahalin ko ang batang ito na parang galing
sa akin. Sa kaniya ko ibubuhos ang pagmamahal na hindi ko naibigay sa kaniyang
ama. Sana hindi pa huli ang lahat.
Mag-uumaga na nang tinawagan ko si
Terence para dumaan kami sa kanila at sumabay na sila sa amin. Isang oras na
lang kasi ay makakarating na ako sa lugar nila. Si Lando ang sumagot. Nakahanda
na daw sila at naroon na din sina Dok Mario at Dok Bryan. Nauna lang daw ang
mga ito ng ilang oras. Sinabi niyang mag-almusal na muna kami sa kanila bago
tumuloy kay Aris.
Habang nagdadrive ako
ay naisip kong dalawang oras lang ang layo ko pala noon kay Aris noong
nadestino ako sa Cagayan Valley. Ni hindi man lang pumasok sa aking isipang
pasyalan ang lugar na ipinangako niya sa akin. Napakasama ko.
Pagdating namin kina Terence ay
pinababa ko muna si Cgaris na nahihiyang makiharap sa aking mga kaibigan.
“Dito na lang ako Dad.”
Pagsusumamo niya.
“Bubuhatin kita. Magdamag ka ng
tulog. Saka kailangan kong kumain para may energy ako. Dalawang oras pa ang
biyahe natin bago makarating sa Daddy mo.”
Napilitan siyang bumaba. Ilang
saglit pa ay sinalubong na kami nina Terence, Lando at ang dalawang siguro ay
mas matanda sa akin ng tatlo hanggang limang taon ngunit banaag sa kanilang mga
mukha ang kapogihan. Siguro sila na sila Dok Mario at Dok Bryan.
“Kumusta ang biyahe?” bungad ni
Terence. Bineso niya ako. Nakita ko sa kaniyang mukha na tinitimbang niya kung
kailangan ba niyang maging masaya o makidalamhati sa akin. Ngunit pilit kong
pinasaya ang aking mukha. Buhay pa si Aris. Alam kong mabubuhay siya ng aking
pag-ibig. Magpapagaling siya.
“Ayos lang naman ang biyahe.
Tinulugan nga lang ako ng anak ko.”
“Anak mo Father? Paanong?” si
Lando nagtataka. Nakita ko ang pasimpleng pagsiko ni Terence sa kaniya.
“Huwag mo na daw siyang
tawaging Father. Sinabi ko na sa iyo kagabi sa’yo ah. Aga kasing mag-ulyanin.”
“Anak ni Aris. Bakit, hindi ba
puwedeng anak ko na din?”
“Ayy siya nga pala.” Si
Terence. “Si Dok Mario pala saka ang butihin niyang asawang si Dok. Bryan.
Ikinisal na ang mga iyan sa Thailand. Siya naman si Father Rhon, pero ayaw na
niyang patawag ng father at kung bakit hindi ko alam. Siya yung kinukuwento ko
sa inyo na kaibigan naming pari ni Lando.”
“Hi!” matipid na bati sa akin ni Dok
Mario. “Sa dinadami ng puwedeng sabihin sa introduction yung kasal pa talaga
namin ang sasabihin.” Tinanggap ko ang kaniyang pakikipagkamay. Nakita ko din
ang paglalahad ni Dok. Bryan sa kaniyang kamay. Tinanggap ko ito.
“Dok Bryan ho” ulit niyang
pagpapakilala sa sarili niya, “mabuti at nakilala ka na namin Father, este
Rhon. Maraming kuwento si Jay-ar tungkol sa’yo.”
“Sana mabubuting kuwento lang
ho.” Biro ko. “Si Cgaris pala. Baka nabibigla na siya sa mga nasasaksihan niya
ngayon.”
Nagmano si Cgaris sa lahat at
pinatuloy na kami sa loob.
“Si Jay-ar?” tanong ko.
“Naku nasa Manila. Busy sa
trabaho at sa susunod na taon ikakasal na daw. Maiiwan na kami dito ng daddy
niya sa bahay.” Si Terence habang inihahanda na ang kakainin namin.
Napakarami ng nagbago sa lugar
na kinalakhan namin ni Aris. Madaming trysikel ang naghihintay sa bukana
papunta sa RA Kanlungan Falls Creek Resort. Naglikha tuloy iyon ng traffic.
Tinanong ko si Cgaris…
“Kanino yang resort
na iyan, anak?”
“Binili ni Mommy para
sa inyo ni Daddy bago siya namatay. Iyan daw yung dating tagpuan niyo ni Dad.
Inimprove ni Daddy at iyan ngayon ang pinakamagandang resort dito sa Northern
Luzon.”
“RA Kanlungan?
Bakit?” tanong ko.
“Hay naku dad,
nakokornihan din ako dati pa pero kay Daddy naman iyan at hindi sa akin. R para
sa Rhon at A para daw sa Aris at kanlungan dahil iyan daw ang kalungan ninyong
dalawa hango na din sa theme song daw ninyong kanta na hindi mo naman pala alam
na may theme song naman pala kayo.” Natatawa niyang kuwento. Korni na kung
korni pero sapul na sapol ang puso ko. Si Aris talaga!
Pagdating namin sa
resort ay namangha ako sa ganda ng lugar. Para itong paraiso. Naroon parin ang
likas na ganda ng maliit na falls ngunit may mga swimming pool na tatlo malapit
doon. May mga nakakalat ding mga bahay-kubo sa paligid. May palaisdaan na
puwedeng mamingwit. Sa gitna ay may five storey building na sa baba ay isang
restaurant at sa taas no’n ay isang hotel. Hindi puwedeng maligo sa falls dahil
naprepreserve ang kagandahan daw nito. Nakita ko din ang punong mangga na
binakuran ng namumulaklak na iba’t ibang kulay ng rosas. Naroon parin pala ang
punong kinaukitan ng pangalan namin. Tuluyan ng nabura iyon sa balat ng puno
ngunit ang alaala sa aking ng punong iyon ay matindi parin. Madaming mga
parokyano. Hindi ko akalain na magiging ganoon kaganda ang lugar na iyon. Isa
na palang milyonaryo ang lalaking dati ay naglilinis lang ng kumbento para
makapag-aral.
Biglang pumailanlang
ang kanlungan na kanta.
Natatandaan mo pa ba
Inukit kong puso sa
punong mangga
At ang inalay kong
gumamela
Magkahawak-kamay sa
dalampasigan
Malayang tulad ng mga
ibon
Ang gunita ng ating
kahapon
“Alam niyang darating
ako? Bakit naipatugtog iyan?” Tanong ko kay Cgaris
“Dad, iyan kasi ang
nagsisimbolo na open na ang resort kapag pumapailanlang iyan.” Napatawa niyang
sinabi.
“May ganu’n talaga?
Nasaan siya, kailangan natin siyang puntahan sa kaniyang kuwarto. Samahan mo
ako anak.” Pananabik ko. Sa totoo lang ay pinipilit kong pakalmahin ang aking
sarili. Gusto kong magpakatapang para sa kaniya. Iyon ang kabilin-bilinan sa
akin ni Dok Mario kanina bago kami umalis ni Cgaris. Kahit anong mangyari ay
hindi ko kailangan magpakita ng kahinaan dahil sa akin daw siya huhugot ng
lakas.
Dali-dali naming
pinuntahan ang kaniyang maliit ngunit magarang bahay sa tabi ng hotel. Pagbukas
namin sa kaniyang kuwarto ay walang tao doon kundi ang naglilinis na babae.
“Good morning sir.”
Bati ng babae kay Cgaris.
“Si daddy?”
“Nasa labas po. Ayaw
pong paawat e kahapon halos hindi siya makabangon dahil daw sa sakit sa bandang
baywang niya hanggang sa likod. Namimilipi nga po sa sakit pero ngayon hayun
lumabas na naman po.”
“Si daddy talaga.
Ayaw makinig! Dad, dito na kaya muna kayo. Hahanapin ko pa si Daddy sa paligid
dahil kahit maysakit iyon ay hindi parin napapapigil sa kakikilos sa paligid.”
“Paanong? Akala ko ba
may kanser siya.”
“Hindi pa siya
masiyadong iginugupo ng sakit niya Dad pero bumibigay na ang katawan niya.
Noong nakaraang linggo nga napakataas ng kaniyang lagnat at hindi siya halos
makalakad dahil sumasakit daw ang lower back niya.”
“Ibig sabihin ay ayaw
niyang magpahinga kahit may nararamdaman na siya.”
“Kung hindi lang ho
niya kaya doon lang siya nagpapahinga. Sandali ho muna at hahanapin ko.”
Minabuti ko na din
munang lumabas Dahil hindi pa
nakakarating ang sasakyan nina Terence ay kailangan ko din silang hintayin sa
labas at makihanap na rin ako kung nasaan si Aris.
Pinagmasdan kong muli
ang talon. Nabighani ako sa kakaibang ganda nito. Hindi parin nagbabago.
Hinubad ko ang sapatos ko at bumaba ako para magtampisaw sa lamig ng tubig ng
falls. Tumingin ako sa puno ng mangga na sobrang tumayog pa ng husto. Kita ko
na ngayon ang likuran nito na hindi ko nakita kanina. Sa silong nito ay nakita
kong may nakatihaya sa damuhan. Mabilis akong umahon. Ilang dipa na lang nang
mapagsino ko…si Aris. Parang hindi na nga humihinga.
“Cgaris! Ang daddy
mo! Tumawag ka ng tulong! Cgaris!” sigaw ko. Nagmamadali akong lumapit sa
kaniya. Isinigaw ko ang pangalan niya. Hindi ko na makontrol ang sarili ko.
Hindi pa ako handang mawala siya. Gusto ko pang iparamdam ang pagmamahal ko sa
kaniya Mabilis akong napaluhod sa ulunan niya. Huwag naman muna Diyos ko..
Nang bigla siyang
bumangon at nag-umpugan ang aming mga ulo.
“Aray!” apuhap ko sa
ulo ko.
“Rhon? Ayy,
sorry…Father Rhon pala. Anong ginagawa mo dito?” Nagulat niyang sambit. Nakita
ko din ang pag-apuhap niya sa noo niyang bumangga sa noo ko.
“Sa tingin mo, anong
ginagawa ko dito. Sakit no’n ah. Akala ko kasi kung napano ka na. Kung bakit
kasi dito ka pa sa damuhan mahiga. Milyonaryo ka naman na yata pero sa damuhan
pa talaga.” Pagtataray ko. Parang naulit lang noong binatilyo lang kami.
“Ano ngang ginagawa
mo dito?” gulat parin niyang tanong. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang
dahan-dahang pamamasa nito hanggang sa naging butil ng luha.
“Kailangan pa bang
tanungin mo ‘yun. Di ba hinhintay mo mo ako dito? Eto, andito na ako.”
“Paano? E, di ba nga
pari ka na?”
“Bakit, hindi na ba
ako puwedeng maging masaya sa alam kong tama at noon ko pa dapat ginawa? Gusto
kong ikaw ang paglilingkuran ko. Gusto kitang makasama hanggang sa ating
pagtanda. Iniwan ko na ang pagkapari baby ko.” Tumulo na din ang aking luha.
“Tumiwalag ka? Kaya
mong talikuran ang pagiging pari dahil sa akin?”
“Oo naman.”
Maluha-luha kong tugon.
Kinuha ko ang palad
niya. Pumayat na nga siya. Halata na din na nagsisimula na siyang igupo ng
pagtanda. Ngunit sa taong nagmamahal, hindi nito pinapansin ang panlabas na
anyo ng mahal. Alam kong babalik din siya sa dati niyang kakisigan. Sa pagdaan
ng araw, babalik siya sa dating guwapong Aris ko. Niyakap ko siya. Hinanap ng labi ko ang labi
niya. Naramdaman ko ang pagpatak ng luha niya sa aking pisngi. Ayaw ko na
sanang lumuha. Ito ang tama sa akin. Maaring mali sa karamihan ngunit tama sa
aming dalawa.
“Kumuha naman kayo ng
kuwarto sa taas. Dami nating bakanteng kuwarto. Kakahiya sa mga guests. Ako
naiintindihan ko lang, e sila kaya?” natatawang pang-aalaska ni Cgaris na
kanina pa pala nakamasid.
“Tara na nga sa loob
at madami tayong pag-uusapan” akbay niya sa akin ngunit paika-ika siyang
humakbang. Parang hirap siyang maglakad.
Hanggang sa isang hakbang ay
nahirapan na siyang kumilos pa. Namilipit sa sakit.
“Daddy!” mabilis si Cgaris na
alalayan siya bago tuluyang mapasalampak sa damo. Nanlamig ang buo kong
katawan. Nakita ko ang pamumula ng kaniyang mukha dahil sa sakit.
“Aris! Alin ang masakit. Anong
gagawin ko. Diyos ko tulungan mo kami!” natataranta na ako.
Biglang dumating sina Terence,
Lando, Dok Mario, Dok Bryan at may isa pang lalaking nagmamadaling kinarga
siya. Sumunod kaming lahat. Alam na alam ng lalaki ang kaniyang ginagawa. Mula
sa paglatag sa kaniya sa higaan nito hanggang sa pagpapainom sa kaniya ng gamot
at ang pagplay niya sa CD player na nasa malapit ng kama ni Aris.
Muling pumailanlang ang kantang
Kanlungan.
Ngayon ikaw ay
nagbalik
At tulad ko rin ang
iyong pananabik
Makita ang dating
kanlungan
Tahanan ng ating tula
at pangarap
Ngayon ay naglaho na
Saan hahanapin pa?
Ilang sandali pa ay tumigil na
ang kaniyang pag-ungol. Hawak ko siya sa kamay. Lumuluha ako dahil sa
pagkabigla at takot. Muli ko siyang pinagmasdan na noon ay nakapikit na. Lumuwang
ang pagkakahawak niya sa aking kamay. Ngunit humihinga siya.
“Epekto iyan ng gamot na
ibinigay sa kaniya ng doctor sa bayan kung ganiyang inaatake siya sa sakit
niya.” Sabi ng lalaki. “Jinx nga po pala. Kaibigan ni Aris. “You must be father
Rhon?” nilahad niya ang kaniyang kamay.
“Just Rhon po.” Sagot ko. “Sina
Dok Mario at Dok Bryan, sila ang titingin sana sa sakit ni Aris.” Pagpapakilala
ko. Nagkamayan sila.
“Patingin nga ho ‘yung mga
diagnosis sa kaniya ng doctor na pinagkonsultahan ninyo noong una at ang
kaniyang mga niresetang gamot?” si Dok Mario.
Mabilis na ibinigay ni Jinx ang
mga ito.
“Sige sa labas na muna kayo
para makita namin ni Bryan ang pasyente at baka maaring maghanda na din tayo ng
sasakyan na magdadala sa kaniya sa clinic namin sa Manila. Puwede pa naman
siguro tayong makahabol ng biyahe sa eroplano going Manila. Mag-usap tayo
mamaya Rhon at Jinx pagkatapos namin siyang masuri.”
Lumabas kami ni Jinx. Naabutan
naming sa labas si Cgaris na umiiyak habang pinapakalma nina Terence at Lando.
Alam kong hindi niya kinakayang makita ang kaniyang ama sa ganoong kalagayan.
“Totoo lang Rhon.
Naririndi na ako diyan sa Kanlungan na ‘yan. Kung ganiyang inaatake siya ‘yan
ang paulit-ulit niyang pinapakinggan. Iyan daw kasi ang kantang para lang
ginawa sa inyong dalawa. Nakaramdam daw siya ng kaginhawaan tuwing naririnig
niya iyan. Mahal na mahal ka ni Aris. Sana alam mo iyon Rhon.”
“Alam ko Jinx. Kaya ako narito
ngayon para ayusin ang pagkakamaling iyon.”
“Ilang beses na namin iyan
gustong dalhin ni Cgaris sa Manila para sa operasyon ngunit paano daw kung
magawi ka dito at wala siya. Baka nga lang daw minsan lang ang pagkakataong
magawi ka rito tapos wala pa siya. Paano pa kayo muling magtatagpo? Araw-araw
umaasa siya. Tuwing umaga nakahiga siya doon sa likod ng punong mangga. Ako
iyong napapaiyak sa tuwing babalik siya dito sa kaniyang bahay at bigo. Ngunit
paulit-ulit parin niyang ginagawa iyon kahit mahina na ang kaniyang katawan.
Alam daw niyang malapit ka ng darating. Kahit alam kong siya man din ay
nauubusan na ng pag-asa. Hangga’t mahal ka daw niya ay hindi siya sumusuko.
Dadalawin mo daw siya at kung mangyari iyon, handa na niyang isuko ang kaniyang
buhay.”
Ang kuwentong iyon ni Jinx ang
parang lalong nagpabigat sa dibdib ko. Napakadakila ng kaniyang pagmamahal.
Parang hindi ko kayang tapatan ang pagmamahal na iyon.
Lumabas si Dok Mario sa kuwarto.
Hinanap niya ako at saka si Cgaris.
“Hindi ko alam kung
anong stage na ang testicular cancer niya. Kailangan na natin siyang dalhin sa
clinic namin para macheck-up natin. Taman-tama may kasama kaming magaling na
urologist sa clinic namin sa Makati. Kailangan niyang dumaan sa inguinal
orchiectomy kung saan kailangan nating tanggalin ang isang testicle niya para
hindi na lalong kumalat pa ang cancer. Nagtataka ako kung bakit hindi agad siya
nag-undergo ng operasyon para hindi na sana lumala pa.” paliwanag ni Dok Mario.
“Ayaw ho niya kasi
dati pero siguro kayang-kaya ni Dad Rhon
na kumbinsihin siya ngayon na mag-undergo na sa operasyon. Saka kinahihiya po
yata niya na may sakit siya sa bandang bahagi ng maselan niyang katawan.”
“Ibig sabihin dok
kung tatanggalin ang may cancer niyang testicle, gagaling na kaya siya? Hindi
kaya kumalat na ito sa kaniyang katawan? Paano po kung sakaling matanggalan
siya no’n may pag-asa pa bang…” hindi ko alam kung kailangan kong tanungin ang
bagay na iyon lalo pa’t kaharap ko ang kaniyang anak. Ngunit alam kong nakuha
ni Dok ang ibig kong tumbukin.
“Para hindi bastos ang dating
ipaliliwanag ko sa iyo Rhon, many men worry that losing one testicle will
affect their ability to have sexual intercourse or will make them sterile or
impotent. But a man with one healthy testicle can still have a normal erection
and can still produce sperm. Kaya kung sakaling maging successful ang operation
niya ay huwag kang mag-alala. Magiging happy pa din ang sexlife ninyo.”
“Hilig talaga ni Dad oh! Nahihirapan
na at hindi na nga natin alam kung kakayanin pa ni daddy kung malalagpasan niya
ang kanser niya pero iyon parin talaga ang natanong?” naroon na naman ang
ngiting nang-aasar.
Sa kabila ng bigat ng aming
dinadala ay naging dahilan iyon na pangitiin at patawanin ang mga kanina pa
ninenerbiyos nang makarinig ang sinabi ni Cgaris. Mahilig nga ba talaga ako?
Lumabas sa kuwarto si Dok
Bryan. “Jinx at Cgaris, tawag kayo ni Aris sa loob. May sasabihin daw siyang
importante sa inyo.”
Nang araw na iyon din ay dinala
na namin si Aris sa Manila. Madali ko din naman siyang napapayag at dahil
kilala din naman namin ang Doktor na mag-oopera sa parte ng kaniyang ari ay mas
naging panatag na siya. Nagpaiwan na sin a Jinx, Terence at Lando.
Pagkatapos ng ilang test ay
tuluyan na ngang nag-undergo si Aris sa orchiectomy. Hindi ako mapalagay noon.
Lalo pa’t sinabihan ako ni Dok Bryan na hindi pa sigurado na malulusutan niya
ang operasyon pero kailangan lang daw naming magtiwala at magdasal sa Diyos.
Taimtim akong nagdarasal na sana ay malagpasan ni Aris ang kaniyang operasyon. Pabalik-balik
ako sa pintuan ng operating room. Hindi ako mapakali. Nanginginig ako. Hindi pa
ako handing tuluyang mawala siya sa akin.
Nagdadasal ako nang tumunog ang
cellphone ko. Si Tito ang tumatawag. Hindi ko muna ito sinagot. Pagkatapos kong
nagdsala sa Chapel ay muli kong pinuntahan ang operating room. Alam kong tapos
na noon ang operasyon pero nagtataka ako dahil hindi parin nila ako tinatawag
para balitaan. Alam ko ding galing na din sa loob ng operating room si Cgaris
dalawang oras na nga ang nakakaraan. Hindi ko lang din muna nakausap dahil
naging abala siya at ako naman ay taimtim ding nagdadasal. Gusto kong makita
sana si Aris kung naging successful ba ang operasyon. Kahit man lang sana
makibalita ngunit bakit parang pati si Dok Mario ay hindi ko mahagilap.
Pinuntahan ko si Cgaris na noon ay katatapos lang nila mag-usap ni Dr. Bryan.
Malapit na ako nang biglang may kinausap si Cgaris sa phone. Nang makalapit ako
ay ibinigay niya agad sa akin ang celphone niya.
“Dad, si monsignor, tito niyo,
kanina ka pa daw niya tinatawagan hindi ka sumasagot.”
“Mamaya na. Ako na lang ang
tatawag. Ano kumusta na daw ang Daddy mo?” tanong ko.
Hindi na niya ako sinagot.
Binigay niya sa akin ang cellphone niya. Minabuti kong kausapin na din lang si
Tito.
“Rhon anak. Kailangan ka na
dito ngayon makausap para sa resignation mo. Please para matapos na ito.
Pinatatawag ka na sa akin.”
“Tito hindi ho ba puwedeng sa
ibang araw na lang. Nasa hospital pa po si Aris. Operasyon niya ngayon.”
“Nandito na kasi silang lahat.
Sasaglit ka lang.”
“Tito naman…”
“Dad sige na. Puntahan mo na
lamang muna ho kung anuman iyon. Ako na ang bahala muna dito. Balitaan ho kita
agad. Tatawagan po kita.”
Tumingin muna ako kay Cgaris.
Napabuntong-hininga ako. Sobrang ayaw ko talagang iwan si Aris. Hindi ko na
gustong magkalayo pa kaming muli lalo pa’t alam kong mas kailangan niya ako
ngayon.
“Dad, please. Nandito naman ho
ako saka sina Dok Mario at Dok Bryan. Hindi namin pababayaan si Daddy. Para
matapos na ho kung anuman ang problema ninyo. Balitaan ko ho kayo.”
Dahil doon ay nagpasya na akong
puntahan si tito kahit pa sobrang labag sa kalooban ko. May kalayuan din naman
ang sinabi niyang lugar kaya ako napilitang puntahan siya. Nagtataka talaga ako
at kailangan ko pa silang puntahan. Pwede naman sana ipagpabukas na lamang.
Wala pa naman ang sasakyan ko dahil sumakay kami ng eroplano mula Tuguegarao
hanggang Manila kaya naipit na ako sa sa sobrang bigat ng traffic.
Nang makarating ako sa sinabi
ni titong address ay halos alas-diyes na ng gabi. Si tito lang ang nadatnan ko.
Dahil daw sa matagal akong dumating ay bukas na lang ng umaga magkita-kita para
pag-usapan ang pagtiwalag ko. Gusto kong bumalik agad sa hospital ngunit sinabi
ni tito na mabuti pa ma’y kumain muna ako dahil sobrang stressed na daw ang
hitsura ko. Naisip ko, kaninang agahan pa ang huli kong kain. Kina Terence pa
at ang huli kong tulog ay noong isang araw pa. Mahigit 48 hours na akong walang
pahinga at tulog. Pagkakain namin ay sinubukan kong kontakin si Cgaris ngunit
hindi siya sumasagot. Pumasok muna ako sa kuwarto ni tito at sinubukang
makapikit kahit isang oras lang dahil nararamdaman ko na ang sakit ng aking ulo
at bigat ng aking katawan. Pagkagising ko mamaya ay babalik na ako sa
hospital.Naisip kong subukan na lang din mamayang tawagan muli si Cagaris
pagkatapos kong maidlip.
Isang tawag ang gumising sa akin. Papungas-pungas kong kinuha ang
cellphone ko.
“Hello” matamlay kong sagot.
Mabigat parin ang talukap ng aking mga mata.
“Dad, si daddy!” boses ni
Cgaris. Biglang parang bumalik ako sa katinuan. Nawala ang antok ko.
“Anong nangyari sa daddy mo?”
tanong ko. Nakaupo na ako noon at kinakabahan.
“Iniuwi na ho siya namin.
Kailangan niyo na hong umuwi dito. Nakapagpareserve na ako ng tiket ninyo sa
eroplano ni Monsignor.”
“Anong nangyari kay daddy mo?
Please anak. Sagutin mo ako.”
Hindi siya sumagot ngunit
narinig ko ang kaniyang mga hikbi. Umiiyak siya. Hanggang naputol na ang linya.
Sinubukan kong muli siyang tawagan ngunit hindi na sumagot pa.
Nanghina ako. Napaluhod at
humahagulgol. Humingi ako ng tulong sa Diyos. Sana mali ang iniisip ko. Bakit
sadyang napakailap sa amin ang kaligayahan. Ito ba ang kaparusahan ko sa mga
nagawa kong kasalanan? Bakit si Aris pa? Bakit hindi na lang ako. Sana Diyos ko
ako na lang!
Naramdaman ko ang marahang
paghaplos ni tito sa likod ko.
“Kailangan mo nang
maghanda. Inuuwi nila si Aris anak. Susunod na lang tayo doon. Magpakatatag ka.
Kaya mo ‘yan.”
Hindi ako makapagsalita dahil sa
hagulgol ko. Nahihirapan akong huminga. Sinasapo ko ang aking dibdib. Binigyan
niya ako ng tubig at pilit kong pinakalma ang sarili ko. Pari ako noon. Alam ko
ang dahilan ng pagpanaw ng isang tao. Naiintindihan ko ang pagkamatay ng bawat
isa sa atin. Iyon ay kagustuhan ng Diyos at wala tayong karapatang suwayin siya
kung kailan niya gustong bawiin ang buhay na ipinahiram sa atin. Ngunit
tinatanong ko Siya, bakit si Aris pa. Sana ako na lang.
Nang mahimasmasan na ako ay
tinignan ko ang oras. Mag-aalas tres na ng hapon. Kailangan na naming pumunta
ni Tito sa airport para mahabol ang biyahe. Walang tigil ang aking pagluha.
Wala ako sa aking sarili kaya ang matandang tito ko ang siyang sinusunod ko
noon. Para akong nasisiraan na ng ulo. Sana hindi ko siya iniwan sa hospital.
Sana nabantayan ko siya sa huli niyang sandali.
Si Jinx ang sumundo sa amin sa
airport. Napakarami kong tanong kay Jinx ngunit hindi ko alam kung bakit hindi
niya ako masagot. Inisip ko na din lang na siguro katulad ko din siya na hindi
pa lubusang natatanggap ang bilis ng mga pangyayari lalo pa’t umasa kami na
malulusutan padin niya ang operasyon. Mahigit dalawang oras din ang byahe mula
Tuguegarao hanggang sa resort. Madilim na nang dumating kami doon. Walang ilaw
ang buong resort. Nagtaka ako. Nasaan ang bangkay ni Aris?
“May dadaanan lang tayo Rhon. Bumaba ka muna.
Didiresto na tayo mamaya sa… sa…”
“Sa burol ni Aris?”
pagpapatuloy ko. “Bakit hindi ninyo masabi iyon? Natatakot kayong masaktan
ako?” nagsisigaw na ako. Sumasabog na kasi ang dibdib ko. Hindi ako makahinga.
Minabuti kong bumaba sa sasakyan at pilit huminga ng huminga ng malalim.
Nang biglang pumailanlang ang
kantang “Kanlungan.” Kasabay niyon ng pagbukas ng iba’t ibang kulay ng ilaw.
“Surprise! Happy Birthday!”
“Happy birthday, anak.” Bigla
akong niyakap ni tito. Hindi ako nakakilos. Parang sa sobrang pagkagulat ko sa
mga nangyayari ay nawala na ako sa katinuan.
“January 9 ba ngayon tito?”
tanong ko. Sa dami ng mga nangyari nitong mga nakaraang araw ay hindi ko na
alam na birthday ko na pala.
“Oo anak. Si Ari sang nagplano
sa lahat. Nauna na sina mama, papa at mga kapatid mo dito. Kagabi pa sila
bumiyahe pauwi dito. Pasensiya ka na anak. Pinakiusapan lang ako.”
“Nakakainis kayo tito. Andami
ninyong nililihim sa akin!” pagmamaktol ko.
Hindi na nagsalita si tito.
Hinigpitan niya ang pagyakap sa akin.
“Hanggang natagpuan ko na
lamang ang sarili kong niyayakap ako ni Papa, ni Mama, ni Terence, Lando,
Jay-ar, Dok Mario, Dok Bryan at dalawa kong kapatid.” Hanggang parang hindi ko
na kayanin kaya napaluhod na lang ako at napapaiyak. Nangangatog na ang aking
mga tuhod. May humawak sa aking kamay. Inalalayan niya akong tumayo at nakita
ko ang isang mukhang hindi ko inaasahang makita doon…si Alden… nakangiti sa
akin. Bakas sa mukha niya ang kakaibang saya.
“Maligayang kaarawan Rhon.
Ngayon na ako naniniwala kung gaano ka kamahal ni Aris. Kahit pa bago ang
operasyon niya ay nagawa niyang kausapin sina Jinx, Cgaris, Lando at Terence na
ayusin ang birthday mo. Masaya akong malaman na sa wakas muli mong nahanap ang
lalaki para sa’yo.”
“Salamat, Den.”
“Happy Birthday and
congratulations, Rhon. Friends?” nilahad ni Jasper ang kaniyang kamay.
“Friends.” Sagot ko habang
mainit kong tinanggap ang kaniyang palad.
Pumailanlang ang happy birthday
at nakita ko ang masayang mag-ama kong palapit sa akin. Tinutulak ni Cgaris ang
wheel chair ng daddy niya. Hawak-hawak ng nakangiting si Aris ang aking
birthday cake na may nakalagay na “Happy 39th Birthday baby ko!”
“Blow the candle dad!” sigaw ni
Cgaris nang makalapit na sila sa akin.
“Salamat” niyakap ko siya,
“Pero marami tayong pag-uusapan mamaya.” Banta ko sa kaniya.
“Bakit ako? Si daddy ang may
pakana sa lahat hindi ako ‘no. Sumunod lang naman ho ako sa mga pinagawa niya
mula nang sinabi nina Dok Mario na mabilis lang ang operasyon at puwede na
siyang lumabas kaagad. Saka bakit ako lang ‘e lahat naman sila nakiisa dito.
Hindi lang ho ako, Dad.”
“Huwag mo ng pagalitan yung
bata, baka mamaya maglayas ‘yan. Blow mo na candle mo baby!” si Aris. Kahit
alam kong mahina pa siya at masakit pa ang operasyon niya ay kinakaya niyang
hawakan ang cake. Nanginginig na nga lang dahil siguro nanghihina pa siya.
Pagka blow ko sa candle ay
sumingit ang mga kaibigan kong mga alanganin. Sinimulan ni Lando ang pagsigaw
ng Kiss! Hanggang nagsunuran na rin sina Terence, Dok Mario, Dok Bryan, Jasper
at Alden.
“Papa! Tito! Kiss daw oh?”
paalam ko sa kanila.
“Malaki ka na anak. Kaya mo na
‘yan.” Sigaw ni papa. Nagpalakpakan ang lahat.
Hinalikan ko si Aris at muling
naramdaman ko ang saya. Sayang parang noong labinlimang taong gulang pa ako. At
alam ko, kamatayan na lamang ang tanging makapaghihiwalay sa amin ni Aris.
Hinding hindi ko na siya iiwan pang muli. Sa wakas ay alam kong natagpuan ko na
ang ligayang matagal ko ng hinahanap. Hinding-hindi na ako muli pang luluha.
Hinding hindi ko na din sasaktan at iiwan ang lalaking mahal na mahal ko. Kahit
ano pang darating na pagsubok, hindi ko na isusuko pang muli. Hinding-hindi na
ako luluhod sa sobrang pighati at paghingi tawad.
Note from Dr. Mario
Bautista:
Ang testicular cancer
ay isa sa mga kanser na madaling magamot kung ito ay naaagapan. Ang inguinal
orchiectomy na operasyon para matanggal ang may cancer na testicle ay hindi
katulad ng ibang operasyon na matagal ang healing period o kailangan mong
maratay sa hospital.Puwede ng ilabas ang pasyente sa hospital kung matagumpay
ang operasyon at hindi naman ito dinudugo. Ang cancer ni Aris ay hindi pa
gaanong kumalat kahit na nagkakaroon na ng kumplikasyon tulad ng kaniyang
panghihina at iba pang mga sintomas na nabanggit sa kuwento.
WAKAS
MARAMING SALAMAT SA
LAHAT NG MGA SUMUBAYBAY. SA MGA NAINIS AT NAGALIT KAY RHON. NAIS KO PO SANANG
HILINGIN ANG INYONG KOMENTO SA IBABA PARA HO GANAHAN TAYONG MAGSULAT. POSITIVE
OR NEGATIVE COMMENTS ARE MOST WELCOME. HANGGANG SA MULING PAGSASAMA NATIN SA
SUSUNOD NATING NOBELANG PINAMAGATANG "STRAIGHT"
Ang galing ng kwento..kaya lang parang imposible mangyari s totoon buhay..,pero hindi natin alam kung tama b maging mapagkunwari. dapat maging tapat talaga tayo s ating mga sarili at alam natin ang ang makapag papasaya sa atin..basta alam natin wala tayo inaagrabyado at tinatapakan.
ReplyDelete