Tuesday, January 15, 2013

Nang Lumuhod si Father 20

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com


Sa pagkakaluhod kong iyon ay hindi ko alam kung paano ako tatayong muli. Sadyang nakaparami ko nang pagkakamali na nadagdagan nang nadagdagan at heto nga’t isinama ko pa ang buo kong pamilya sa isang kahihiyan. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Biglang pumasok sa isip ko ang mukha ni Papa at Mama, ano na lang ang sasabihin nila sa akin? Muli ko silang binigyan ng malaking eskandalo at kahihiyan. Biglang pumasok din sa isip ko ang mukha ni tito. Ano na namang kahihiyan itong ginawa ko sa aking pamilya at sa buong simbahan. Hindi ko alam kung paano ko lilinisin ang pangalan ko. Isang pari, nahuli sa isang operasyon ng pulisya sa sinehan na may malalaswang palabas at may makamundong ginagawa sa loob . Tinakpan ko ang aking mukha. Kung sana ang pagtakip kong iyon ay tuluyang nitong maitago ang kabuktutang ginawa ko sa aking buhay. Ito na ang pinakamalaking eskandalo na mangyayari sa aking buhay, sa aming pamilya at higit sa lahat ay sa simbahan. Siguradong pagpipistahan ng midya ang buhay ko.

               Dumating sina Papa at Mama sa presinto. Matanda na si papa ngunit nakita ko parin ang nagpupuyos niyang galit na para akong susunggaban at gustong pagsusuntukin ngunit matiyaga siyang pinapaliwanagan ni Mama kaya hindi niya ako nagawang pagbuhatan ng kamay. Si Mama naman ay walang ibang magawa kundi ang umiyak. Nagawa ni papa na hindi palalain pa ang balita. Pinakiusapan niya ang lahat ng mga pulis na nanghuli sa amin. May mataas siyang katungkulan bago nagretiro at mga tauhan niya dati ang mga namamahala na ngayon sa presintong iyon. Hindi na din lumabas pa sa mga balita ang pangalan ko at katauhan. Doon ko napatunayan na kahit anong kahihiyan ang ibigay ko sa pamilya ay handa parin silang pagtakpan ako. At nang nahimasmasan si Papa ay hinarap niya ako.
            “Anong ginagawa mo sa buhay mo? Akala ko ba nagkaliwanagan na tayo noon? Gusto mo ba talaga ang bokasyon mo, anak?”
            Hindi ako kaagad sumagot. Napaluha ako. Sa ginagawa ni Papa ngayon ay lalo akong nahihiya sa aking sarili. Sana saktan na lamang niya ako. Sana hindi sa paraang parang ginigisa niya ako sa sarili kong mantika. Nakokonsensiya ako.
            “Kung hindi ka na masaya at kung nagdesisyon kang magpari para sundin ang kagustuhan lang namin noon ay mas mabuti pang tumiwalag ka na. Hindi na mahalaga ngayon anak kung sino ka. Ang pinahahalagahan ko ay ang makitang masaya ka sa buhay na pipiliin mo. Matanda ka na Rhon. Huwag ka ng umasta na parang hindi mo alam ang tama sa mali. Hanapin mo ang buhay mo. Ilang taon na lang ang itatagal naming ng Mama mo at hindi kami mapakali hangga’t hindi naming tuluyang nakitang maayos ka at tahimik na namumuhay sa paraang nais mo. Gusto kong makitang masaya ka. Gusto naming makita ng Mama mo na buo ang iyong pagkatao. Sa kabila ng ginawa mong ito, mahal ka namin at kung ano ang desisyon mo ngayon, pababayaan ka na namin dahil gusto kong malaman mo na kung saan ka sa tingin mo liligaya, susuportahan ka namin ng mama mo.”
            “Papa, patawarin ninyo ako.” Iyon ang kaya kong sabihin. Hindi ko na kayang mangako. Hindi ko na kayang harapin pa siya hanggang hindi ako tuluyang nakakabangon sa pagkakasadlak ko.
            “Anak, kahit sana ganyan ang pagkatao mo, give us reasons to be proud of you. Akala namin nang magpari ka ay kaya nitong pabaguhin ang iyong pagkatao ngunit hindi pala. Mas lalo lang naging malala ang kinalabasan ng buhay mo. Sana hindi ka na lang namin napressure noong bata ka palang na maging pari. Sana hinayaan ka naming pag-isipan ang gusto mong maging. Masyado naming ikinintal sa utak mo na magiging pari ka kaya siguro hindi ka nagkaroon ng panahon para alamin at hanapin ang tunay mong gusto sa buhay. Kami ang naglagay sa bubot mong utak na magpapari ka at hindi namin naisip na hanggang sa iyong paglaki, ang ginawa naming motivation na iyon sa utak mo ang siya mong lang alam na gawin hanggang sa pagtanda. Maaring kami din ang dapat sisihin, anak ngunit ngayon na nasa sapat ka ng gulang, alamin mo anak ang talagang gusto mo. Huwag mo na lang muna kaming isipin ng mama mo. Matatanggap ka namin kahit ano pa ang pipiliin mo sa buhay. Anak ka namin at hindi na iyon kailanman magbabago pa kasama ng pagmamahal namin sa’yo.”
                Tinapik niya ako sa balikat. Tanging luha at pilit na ngiti ang nasukli ko kay Papa.
            “Anak kahit anong mangyari sa’yo, lagi mong iisiping may pamilya kang babalikan. Huwag mong ipagkait sa amin ang karapatang mahalin ka. Masyado ka nang napapalayo sa amin. Hindi mo naman kailangang magtago at lumayo dahil sa iniisip mong ikinakahiya namin ang iyong nagawa pero mawala na ang kahit sino sa paligid mo ngunit sana maisip mong narito ang pamilya mo, iyon ang mananatiling katotohanan hindi magbabago. Kaya sana kung may mga pinagdadaanan ka, lumapit ka sa amin. Kausapin mo kami, anak.” Hinahaplos ni Mama ang likod ko.
Humahagulgol kaming dalawa. Kinahihiya ko ang sarili ko. Hindi ko alam kung paano ko nagawang sirain ang buhay ko dahil lamang sa mga kabiguang nangyayari sa akin. Dapat sana kabila ng mga kabiguang iyon sa buhay ko ay mas pinili kong magpakatatag. Kailangan pa bang mangyari ang lahat ng ito para mauntog ako sa mali kong nakahiligan?
                Nang dumating si tito ay kinausap din niya ako. Galit siya nang una ngunit nanaig pa din ang pagiging amain niya sa akin.
                “Ano itong ginagawa mong kahihiyan, Rhon. Hindi lang pangalan ng pamilya natin ang sangkot dito kundi pangalan ng buong simbahan. Ano bang gusto mo talagang mangyari sa buhay mo?” magkahalong galit at lungkot ang mababanaag sa mukha ng obispo kong tito.
                “Patawarin ho ninyo ako.”
                “Nilagay mo ang pangalan ng simbahan sa isang eskandalo. Sa kaso mo sana maaring kong ipasok na lang Ineptitude or Infirmity kaya lang ikinatatakot ko lang din ay baka sa Loss of a Good Reputation or Aversion to the Clergy ka ididiin ng simbahan dahil kung pag-aaralang mabuti ang nagawa mo, mas akma ito sa pangalawang reason ng pagtitiwalag sa iyo. Pag-uusapan na lamang ng simbahan kung ano ang dapat gawin. Ngayon may binibigay sa iyong The Right of Defense and Right to a Good Name gusto mo pa bang mag-undergo sa trial o ikaw na mismo ang magresign sa bokasyon kasi kung gusto mong idaan muna sa trial ang lahat sigurado ang mahaba at mabusising katanungan at magkakaroon ang simbahan ng gathering of proof na siyang lalong magdidiin sa’yo. Kaya kita tinatanong kung alin ang gusto mong mangyari ngayon.  Kung tatanungin mo ako, para hindi na kahiya-hiya ang gagawing pagtiwalag sa iyo ay mabuti ikaw na lang mismo ang magresign sa pagpapari.” Naroon parin ang maunawain niyang boses. Iyon ang ugaling gusto ko kay Tito.
                “Titiwalag na po ako tito. Kahit na hindi ho ninyo sa akin hilingin ay nakapgdesisyon na rin ho talaga ako. Nagkamali ako. Hindi ito ang buhay na hinangad ko. Hindi ito ang buhay na pinangarap ko. Bakit parang kahit anong pagtakas ang gagawin ko ay parang umiikot lang ako pabalik sa kung saan ako nagsimula noon? Hindi ko makalimutan si Aris. Hindi ko nagawang  matakasan siya.”
                “Tinanong kita no’n pa kung gusto mo talaga ito pero nagpumilit ka. May edad ka na. Siguro naman, alam mo na kung saan ka tatahimik at sasaya. Siguro oras na din para buksan mo ang puso mo sa tunay na gusto niyan.”
                “Tito, ginawa ko ang lahat. Inisip ko sina Papa at hindi ang sarili kong buhay. Mas inuna kong inisip ang gusto nila pero sa bandang huli pala ay lalabas at lalabas din ang talagang gusto ko. At heto, mas malaking kahihiyan at eskandalo ang ginawa ko sa pamilya natin.”
                “Anong plano mo ngayon. Gusto kong gawin mo ang alam mong tama sa iyo. Magdesisyon ka sa alam mong magiging masaya ka.”
             “Gusto kong balikan ang nakaraan ko. Ngunit wala na naiwan sa akin kahit isa tito. Lahat may mga sarili ng buhay. Ano pang silbi ngayon kung tuluyan nang nawala ang mga taong alam kong makakapagbigay sa akin ng katahimikan at ligaya.”
              “Hindi lahat anak. Narito pa kami na pamilya mo. Mahal ka namin. Mahal ka ng mga kaibigan mo. At may isang taong hanggang ngayon ay naghihintay sa’yo. Kung handa ka na ay siguro ngayong hindi pa huli ang lahat ay kailangan mo nang malaman ang lahat-lahat.”
            Sa araw na iyon ay umuwi muna ako sa bahay. Bukas din ay aayusin na namin ni Tito ang aking pagreresign. Kailangan ko na din kunin ang mga gamit ko sa kumbento. Kailangan kong mangumpisal kay tito para tuluyang maibsan ang aking mga kasalanan sa Diyos. Nakapatagal kong naging ipokrito. Ginawa kong mas kumplikado ang sana ay simpleng buhay lang. Ngunit wala na akong magawa pa kung patuloy lang akong makukulong sa pagsisisi. Hindi kayang baguhin ng pagsisising iyon ang buhay ko. Mas magandang ituon ko na lamang ang buhay ko sa pagharap sa pagbabago. Bukas paggising ko, kailangan ko nang balikan ang dating Rhon noon sa isang kumbento sa Cagayan. Ang Rhon na minahal ni Aris. Ang Rhon na may simpleng pangarap. Kumusta na kaya ang tagpuan namin ni Aris noon. Hindi ko na pala iyon nabisita pa. Ayaw ko na kasi noon maalala pa ang mga nakaraan dahil lalo lang akong nasasaktan. Ngunit gusto kong pasyalan uli ang lugar na iyon. Doon ako magsisimulang muli. Kung hindi ko man makasama si Aris, gawin kong mas kapaki-pakinabang ang buhay ko sa paraang masaya ako at ng mga taong nagmamahal sa akin.
Umalis sandali si tito dahil may kukunin daw. Inaantok na ako noon nang may kumatok sa aking pintuan. Papungas-pungas akong tumayo at pinagbuksan.
“Basahin mo ito. Sulat iyan ni Aris sa iyo nang graduation mo.” Si Tito. Nakangiti. “May kasamang singsing pa. Baka iyan ang susi sa paghahanap mo ng buhay na gusto mo. Minsan ka lang mabuhay. Gawin mo ayon sa kagustuhan mo, gawin mo kung anong makapagpapasaya sa iyo basta kung darating nga araw ng paghuhukom ay handa mong panagutan ang lahat ng nagawa mo. Ngunit kung sa tingin mo ay nagiging masaya ka sa mundo at sa huli ay alam mong kabutihan parin ang nagawa mo sa kapwa mo at sa Diyos ay alam kong Diyos na ang bahala sa kung ano ang ipapataw sa iyo.”
                “Anong ibig ninyong sabihin, tito?”
                “Lalo ka lang nagkakasala sa simbahan anak kaya mabuti na din lang at ikaw na mismo ang nakaisip na isuko ito. May natitirang sandali pa para sa iyo. Huwag mo ng tuluyang pakawalan. Bago ka man lang tutuntong sa edad mong 40 ay mahanap mo na ang sarili mo. Basahin mo ang sulat na iyan. Tinago ko iyan hindi dahil alam kong mangyayari ito kundi gusto kong ibigay iyan dahil para sa iyo naman iyan at hindi para sa akin. Mahina na ako anak. Ilang taon na lang, ibabalik ko na ang buhay ko sa Diyos. Kaya gusto kong lahat ng naipahawak lang sa akin ay gusto ko ng ibigay sa mga may-ari ng paisa-isa. Lalo pa’t nakikita kong handa ka nang umunawa ngayon at makinig. Napakarami mong sinayang na panahon. Hindi ko alam kung may mali ba ako sa pagpapalaki sa iyo. Naging spoiled ka yata kasi sa akin. Pagkatapos mong basahin ang lahat ng iyan. Mag-usap tayo. May kailangan kang malaman.”
                “Wala na siya dito sa Pilipinas tito. Sinubukan ko siyang hanapin noon.”
                “Bakit hindi ka sa akin nagtanong?”
                “May alam ka ba kung nasaan siya? Bakit hindi ninyo sinabi sa akin?”
                “Sandali, sino bang ulyanin sa atin? Di ba dapat ako? Sabi mo sa akin noon, ni minsan ay hindi ako magkukuwento ng tungkol sa kaniya. Maalala mo ba ‘yun?
                “Tito naman, antagal na nun.”
                “Aba, malay ko bang may expiration period din pala ang bilin mo na iyon?”
                “E, nasaan siya ngayon?”
                “Basahin mo ang sulat na iyan nang malaman mo. Hayan na nga’t parang inaamag na yata sa tagal ng panahong hindi nabubuksan. Mabuti pa nga at nahalungkat ko pa yang box na iyan. Alam ko kasi mahalaga iyan dahil nang ibalik ko iyan kay Aris ay sinabi nariyan ang susi ng lahat at nakapangako ako na bago ako mamatay ay maibigay ko ‘yan sa iyo. Love story niyo talaga, sobrang kinabog ang Titanic. O sige, basta kapag nabasa mo na iyan at kung ano ang plano mo, sabihan mo ako. Nasa sala lang ako ha?”
                Sinara ko ang pintuan at dali-dali kong binuksan ang unang sulat na naninilaw na sa kalumaan. Pati ang papel ay magaspang-gaspang na din at malapit na itong bibigay. Ganito ang buong laman ng sulat.

Bhie,
                Alam kong hanggang ngayon, galit ang namamayani sa puso mo. Ang alam mo, niloko kita, pinaasa sa wala at ipinagpalit sa iba. Ganoon naman talaga ang iisipin ng kahit sino ngunit kung sana mabigyan mo lamang ako ng pagkakataon na ihayag ang aking niloloob kung bakit ko nagawa ang desisyong ito ay sana mabibigyan pa natin ng pagkakataong ituwid ang lahat ng pagkakamali habang maaga pa. Ngunit sa tingin ko, hindi ito sa kamalian na kung sana binigyan mo ako ng sapat na panahon para ipaliwanag sa iyo ang lahat, hindi sana nagiging masalimuot ang ating relasyon.
                Kinupkop ako ng pamilya ni Angeli nang nakipaghiwalay ako kay Father dahil iyon naman talaga ang kagustuhan mo at alam ko ding namang nararapat. Nagiging houseboy at driver ako ni Angeli ngunit nabibigyan din ng panahon para makapag-aral. Naikuwento ko na noon sa iyo ito nang huli tayong magkasama. Napakasaya natin nang araw na iyon at ang araw na iyon ang lagi kong iniisip sa tuwing ginagapi ako ng kalungkutan.
Nahulog ang loob ni Angeli sa akin at napilitan akong ilahad sa kaniya ang buong katotohanan sa ating dalawa. Nang una ay ayaw kong i-entertain ang pagmamahal niya sa akin. Tumanggi ako dahil alam kong hindi ako sasaya sa piling niya. Ngunit nakiusap pati ang mga magulang niya. Nagkaroon ako ng utang na loob sa pamilyang ito. Sila ang kumupkop at nagpaaral sa akin. Sila ang naging pamilya ko dahil ni minsan ay pinagkaitan ako ng langit na magkaroon ng isang pamilya.
                Hiling ni Angeli bago mamatay ay ikasal, magkaroon ng normal na buhay kasama na dito ang pagkakaroon ng asawa at maranasang mahalin ng lalaki at higit sa lahat, ang pagkakaroon ng anak na iiwan niya bilang buhay na alaala sa kaniyang mga magulang. Siya na lamang kasi ang tanging pag-asa ng pamilya nila na magkaroon ng apo dahil baog ang anak nilang isa pa na nasa America. Mahirap ang may Chronic Myelogenous Leukemia na magbuntis ngunit kakayanin daw niya, para sa kaniyang huling pangarap at para sa kaniyang mga magulang. Tumanggi ang kaniyang mga magulang noon dahil alam nila kung paano siya mahihirapan na may sakit at magbubuntis ngunit siya yung mapilit. Nang umiyak siya at lumuhod sa harapan ko para  makamit niya ang hiling at pangarap na iyon ay namayani sa akin ang awa at pikit-mata akong pumayag. Ngunit alam ni Angeli na hindi ko maibibigay kahit kailan ang hiling niyang mahalin ko siya dahil ikaw lang ang may-ari ng puso’t isipan ko. Pumayag siya basta pakitunguhan ko na lamang daw siya kundi man kayanin ang bilang asawa, isang kaibigan ay masaya na siya doon.
                Sinikap kong huwag ilihim ang lahat sa iyo. Sinikap kong maipaliwanag sa tito mo ang lahat para maintindihan mo. Sinadya kong naroon ka sa kasal ko para maintindihan mong hindi kita niloko ngunit hindi ko alam na wala ka palang kaalam-alam sa lahat at nasaktan kita. Nang makita kong umiyak ka sa harapan ko, parang ako ang pinahihirapan dahil ang pag-luha mo ang huli kong kagustuhan na makita sa iyo. Gustuhin ko mang hindi na lang ituloy ang kasal ngunit nakapangako na ako oo nga’t nakapangako ako din  sa iyo pero ang pagkakaiba nga lamang ay mamamatay na ang taong pinangakuan ko habang ikaw ay alam kong makapaghihintay pa kung talagang wagas ang pagmamahal mo sa akin. Ngunit nagkamali ako, iniwan mo din ako. Hindi mo ako naintindihan dahil hindi mo ako binigyan ng pagkakataong ipaliwanag ang lahat sa iyo.
                Hindi na tatagal ang buhay ni Angeli. Isa o dalawang taon o maaring tatagal pa pero ang katotohanang mamatay siya ang siyang kinatatakutang ng lahat. Napakabait ni Angeli. Kung sana binigyan mo lang ng pagkakataong makilala siya. Gusto ka niyang maging kaibigan. Gusto ka niyang makasama sa pamamasyal. Gusto niyang madama mo ang anak namin sa sinapupunan niya dahil alam niyang makakasama mo ang batang isisilang niya sa pagdaan ng panahon. Gusto niyang kahit ipinagbubuntis palang niya ang bata ay maramdaman mong magiging bahagi na ang batang ito sa ating buhay. Ninais din sana niyang makita mong iluwal niya ang sanggol para kahit papaano ay maramadaman mong kasama ka sa mga taong nagsakripisyo sa pagkakaroon niya ng anak. Tinuturing niyang sakripisyo ang ginawa mong pagpaparaya sa akin ng isang taon o higit pa. Ngunit mukhang isa sa mga hiling niyang iyon ang hindi mo na napagbigyan. Siya ang inutusan kong makipagkita sa iyo para makausap ka baka sakaling makikinig ka. Ipinagdadasala kong pagbibigyan mo siyang magpaliwanag sa iyo. Gusto kong siya mismo ang maglalahad ng lahat ng mapaniwalaan mong wala akong ibang minahal kundi ikaw. Hindi nagawa ng tito mong ipiliwanag ang lahat ng ito. Hindi mo rin ako binigyan ng pagkakataon at sana kay Angeli, makikinig ka dahil siya ang may kagustuhan ng lahat ng ito. Naging isa sa hiling niya ang makasama ka bilang kaibigan niya. Ngunit umuwi noon si Angeli na bigo. Pati ang regalo ko sa iyo ay hawak padin niya. Ganoon pa katigas ang iyong puso? Bakit bigla naman yata ang pagbabago mo?
                Nasabi mo sa aking magpapari ka. Hindi ko alam kung bakit nagdesisyon ka na agad na gawin iyan na hindi mo pa alam ang buong katotohanan. Kung mahal mo ako, sana nagtiwala ka, sana nakinig ka at sana din marunong kang maghintay. Hindi ko alam kung kailangan kong magalit o magtampo sa iyo, kung may karapatan akong gawin iyon sa iyo samantalang ako itong nagpakasal sa iba. Ngunit sa tingin ko meron, napakalaki ng karapatan kong tanungin ka kung bakit mo naisipang magpari. Dahil ba iyon talaga ang gusto mo o nararamdaman mo bang iyon ang tawag sa iyo o ginagawa mo lang iyan para saktan ako o para gawin ang gusto ng pamilya mo para sa iyo. Kung sakali mang ituloy mo ang pagpapari, desisyon mo iyan at nawa’y matagpuan mo ang katahimikan. Sana din ay hindi mo pagsisisihan. Mananatili akong magmamahal sa iyo. Iyon naman talaga ang tunay na kahulugan ng pag-ibig, ang handang magtiis, handang magsakripisyo, hindi nagtatanim ng galit, hindi nakakalimot, hindi nagsisinungaling, laging tapat, handang maghintay at hindi nagbabago. Mahal kita at nakahanda akong tanggapin kung anuman ang alam mong ikasisiya mo. Nawa’y magiging maligaya ka sa kung anuman ang mapagdedesisyunan mo. Alam kong tanging ang panahon ang magbibigay ng kaliwanagan sa lahat, ang siyang hihilom sa lahat ng sugat at panahon din ang makapagsasabi kung tama ba o mali ang lahat ng ito.
You’re always be my baby!
Hanggang sa muling pagkikita.
                                                                                                                                                Aris

Napabuntong hininga ako. Para akong tinamaan ng kidlat. Napakasakit ng ginawa ko. Ilang taon na ang nakakaraan ngunit dama ko ang sakit ng lahat na parang kahapon lang nangyari iyon. Kung sana nakinig ako sa pakiusap ni Angeli noon, sana hindi na ako tumuloy na magpari. Sana din nakagawa ako ng maganda para sa taong malapit ng mamatay. Nakonsensiya ako sa kagaspangan ko sa kaniya. Nakaramdam ako ng panghihinayang. Sana nagkaroon ako ng magandang alaala sa piling nilang dalawa. Ngunit hindi na maibalik ang kahapon. Parang katulad ng basag ng itlog na hindi na maaring ibalik pa sa loob ang natapon nitong laman at buuin muli. Kung sana kayang pakawalan ng malalalim na buntong hininga ang lahat ng naipong sakit na dala ng aking pagsisisi. Kung sana hindi ko inuna ang pride…kung sana marunong akong makinig… kung sana marunong lang akong magmahal… lumuha…iyon lang naman ang lagi kong magawa..ang pagluha!
Biglang may kumatok sa pinto. Si tito na naman. May dalang sulat.
“Heto pa pala yung mga ibang sulat nang nasa seminaryo ka na. Gusto kong ibigay ito sa iyo noon pa pero sabi mo kasi, hindi ako magbabalita ng kahit ano tungkol kay Aris kaya sinunod lang kita.”
Hindi na ako nagsalita. Tinanggap ko ang sulat. Niyakap ko si tito.
“Ganoon talaga anak. May mga desisyon talaga tayo sa buhay na tanging ang panahon ang makapagsasabi kung tama ba tayo o mali sa ating mga naunang desisyon. Ngunit hindi ibig sabihin na kung nagkamali tayo noon ay tuluy-tuloy na ang kamaliang iyon. May mga naiiwan pang mga paraan para maitama ang mga iyon. May mga sadyang nilusaw na ng panahon at di na puwedeng gawing tama ngunit kalimitan, kung ano ang pinakamahalaga sa buhay, iyon ang sadyang naiiwan at naghihintay ng tamang desisyon para muling itama. Nasa sa iyo parin kung paano mo gawing tama ang minsan ay maling nagawa mo. Sige, marami ka pang babasahin. Nasa baba lang ako ng bahay may mas mahalaga pa akong sasabihin sa’yo.”
Ngumiti ako ng pilit. Sinara ang pintuan at muling iginupo ng nakaraan. Minsanan ang pagdating ng mga multo ng nakaraan.

Rhon,
                Itinuloy mo na pala ang pagpapari. Tuluyan mo na ngang isinara ang lahat sa atin. Hindi ko alam kung tamang hintayin parin kita ngunit sabihin na nating hindi ko hawak ang mangyayari sa kinabukasan ngunit pilitin kong maghintay. Kakayanin kong hintayin kita at kung sakali mang hindi ko na kayanin at may darating ding para sa akin ay tatanggapin ko kahit masakit na hindi nga talaga tayo para sa isa’t isa.
                Pagkatapos malaman ng mga magulang ni Angeli ang tungkol sa atin at ang pambabastos mo sa kaniya ay biglang parang nagbago na ang turing sa akin ngunit nagiging maayos din ang lahat dahil kay Angeli.  Determinado si Angeli na gawin lahat para sa atin. Tuluyan na nga lang siyang sumuko nang malamang nasa seminaryo ka na. Pinilit ni Angeli na makuha ang mana niya sa mga magulang ngayong buhay pa siya at sinabi niya sa aking mapupunta iyon sa pangarap ko. Mahal niya ako. Sobrang mahal niya ako. Sa kaniya ko nakita iyong pagmamahal na walang kundisyon. Pagmamahal na tanging kabutihan ang hinahangad.
                Sinabi sa akin ng mga magulang ni Angeli na kapag sumakabilang-buhay ang anak nila ay puwede ko na din ayusin ang gusot sa buhay ko. Natatakot akong tuluyan siyang mawala dahil alam kong wala ng iba pang nagmamahal sa akin. Hindi ko alam kung mababasa mo pa ito ngunit nagbabakasakali lang akong ibigay sa tito mo. Kung hindi mo man mabasa ay malaking naitutulong nito para maibsan ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Ilang buwan na lang manganganak na si Angeli. Pangarap naming makasama ka sa araw na iyon. Yung tayong tatlo ang unang makakarinig sa unang iyak, tayo ang unang makakahawak sa kaniya at tayong tatlo ang mag-iisip ng ipapangalan…kaya lang sadyang imposible na yatang mangyari pa iyon.
                Hanggang sa muling pagkikita. Sana masaya ka sa desisyon mong maglingkod sa Kaniya.
                Mahal na mahal parin kita. Hindi iyon nagbabago.
                                                                                                                                                                Aris

                Sa panahon palang nagmahal ako ng iba ay may isang taong naghahangad parin sa aking pagmamahal. Sa panahong ako’y naguguluhan, may isang taong umaasa sa aking pagbabalik. Hinayaan kong igupo lang ako ng pagluha. Sa pag-iyak, mailalabas ko ang sobrang pagsisisi. Binuksan ko ang pangatlong sulat.

Aris,
                Nagbakasyon ka pala. Gusto kitang lapitan noong party mo pero kinausap ako ng tito mo na hayaan na lang kita. Masaya akong muli kang tinanggap ng papa mo at muling nabuo ang pamilyang minsan ay nasira ko. Umaasa ako noon na mabisita mo kami ni Angeli. Pero tuluyan mo na yata akong kinalimutan. Kahit sana isang kaibigan lang. Kahit man lang sana naisip mo akong itanong sa tito mo. Kahit man lang sana naalala mo na may isang taong sobrang nag-aalala para sa iyo. Pero ganoon talaga ang buhay. May sadyang nakakalimot. Walang kasinsakit ngunit buong puso kitang isusuko sa paglilingkod mo sa Diyos. Tao lang ako. Hindi ko kayang makipaglaban sa Diyos. Nawa’y magiging mabuti kang tagapaglingkod sa Kaniya.
                Nanganak na si Angeli. Isang malusog na lalaki. Ang masakit ay hinang-hina na siya at alam kong ilang buwan na lang ay tuluyan na siyang mawawala sa akin. Masakit… sobrang sakit.  Kung sana may naghihintay pa sa akin, hindi sana ako malulungkot ng ganito. Hindi ko kasi alam na ang kabutihang ginawa kong ito ay kapalit ng pagkakawala din ng aking buhay at tunay kong mahal. Hindi ko alam kung paano ako magsisimula ngayong mawawala na si Angeli. Sana narito ka ngayon. Sana hindi naghihirap ang kalooban ko. Sana may maiyakan ako. Sana may magsasabing tama lang ang mag nagiging desisyon ko. Alam kong hindi ang pagkawala ni Angeli ang pinakaugat ng kalungkutan ko, hindi ang pagkakalayo namin ng anak ko dahil sa ayaw at gusto ng mga biyenan ko, dugo ko ang tumatakbo sa bata at hindi nila matatalikuran ang katotohanang may karapatan ako sa bata dahil anak ko siya…ang alam kong dahilan kung bakit ako sobrang nalulungkot ngayon ay ang katotohanang tuluyan mo na akong iwan at malabo nang may babalikan pa ako.
            Haharapin ko ang buhay ngayon na mag-isang muli. Sanay naman na akong iniiwan. Sanay na akong mabuhay na sarili ko lang ang dapat kong asahan. Mula pagkabata ito na ang buhay ko. Umasa lang kasi ako na sa pagtanda ko ay may magmamahal sa akin na katulad mo. Ngunit hindi na bale, matatanggap ko din ang lahat. Masasanay sa mga ganitong pasakit na ibinibigay sa akin ng tadhana. Umiiyak ako habang sinusulat ko ito. Napakasakit lang sa dibdib na lahat ng taong nagmahal at minahal ko ay nagiging panandalian lang. Iniiwan din lang ako mag-isa. Pero mananatili ang mga nakaraan natin sa aking alaala na minsan ay may dumating na katulad mo sa buhay ko para kahit minsan ay naramdaman kong minahal at naging masayang-masaya. Iingatan ko sa puso at isip ko ang mga alaalang iyon at babaunin ko hanggang sa pagtanda.
                Hangad ko ang katahimikan at kasiyahan mo ngayon.
                Hanggang sa muling pagkikita baby ko.

P.S.
Pinangalanan pala namin ni Angeli ng Cgaris Rhon ang anak namin. Weird na pangalan di ba? Gusto kasi ni Angeli ang unique na pangalan. Siya ang nagkabit ng pangalan mo.
                                                                                                                                                               
Aris
                Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Si Cgaris ay anak ni Aris. Tama ang hinala ko ngunit paanong naging Gonzales ang apilyido niya? Anong dahilan at nagkita kami ng kaniyang anak? Ayaw kong mag-isip ng iba si Cgaris tungkol sa ama niya kaya mas pinili kong huwag sabihin sa kaniya ang hinala ko. Natatakot akong ibahagi ang tungkol sa amin ng ama niya dahil ayaw kong madungisan ang pagkatao ni Aris sa utak ng kaniyang anak. Isa pa, hindi naman ako ganoon kasigurado kaya hindi ko na lang pinalala pa ang sitwasyon.

                Binuksan ko ang huling sulat.

Rhon,
                Huling sulat ko na ito sa iyo. Ilang buwan na lang magiging ganap ka ng pari. Wala na akong karapatang guluhin pa ang buhay mo. Alam kong masaya ka sa bokasyong pinili mo. Nang namatay si Angeli ay umuwi na ako sa kung saan ako nababagay. Malaki ang naitulong ni Angeli para makamit ko ang aking minimithi at doon ko na hihintayin ang ipapataw ng panahon sa atin.
                Gusto ko lang magpasalamat sa nadama kong pagmamahal sa iyo. Kung hindi sa iyo, hindi ako nagpursigi sa buhay. Ikaw ang gusto kong makamit. Nasabi ko iyan ng bata pa tayo. Ikaw ang pangarap kong gustong makuha at marating. Kayanin kong pagdaananan ang lahat magtagumpay lang ako sa aking pangarap na makasama ka. Ngunit hindi ko alam na sa Diyos ka pala mapupunta. Pipilitin kong maging masaya sa paraang pagbabalik-alaala sa ating nakaraan.
          
                Hindi ko alam kung magkikita pa tayo. Pero batid kong alam mo kung saan mo ako hahanapin kung sa tingin mo ay hindi mo kayanin ang mga dagok ng buhay. Nandito lang akong naghihintay na magiging kasangga mo. Kahit hindi tayo, kahit isang kaibigan lang na handang dumamay at magmahal sa iyo. Naroon lang ako sa ating tagpuan. Hihintayin kita sa talon. Alam kong hindi mauubos ang tubig na dadaloy doon, katulad ko, hindi ako mauubusan ng pag-asang muli pa kitang makita. Ngunit kung sakali mang hindi na mangyayari iyon, alam ko sa sarili kong naging tapat ako sa aking pangako. Pinanindigan ko ang lahat ng iyon kaya lang ay ikaw na lang ang kulang. Ikaw na pinakamahalagang naroon ang sa tingin ko’y tuluyan nang nawala.
          
                PS:
            May nakilala pala ako, si Jinx. Isa siya sa mga taong nagpapahalaga sa akin. Isa siya sa mga taong alam ang pinagdadadanan ko dahil katulad ko, marami din siyang pinagdaanang mga pagsubok sa buhay at nagtagumpay sa pagtahak niya ng buhay na alam niyang siyang makapagbibigay sa kaniya ng kaligayahan. Sa kaniya ako humuhugot ng lakas kapag pinanghihinaan ako ng loob.

            Paalam.
                                                                                                                                              Aris

                Naupo ako. Huli na ba ang lahat? Bakit hindi pumasok sa isip ko ang aming tagpuan? Kinalimutan ko ang lugar na iyon. Kinamuhian ko dahil sa galit ko sa kaniya at hindi ko alam na doon ko din pala muling mahahanap ang aking katahimikan. Ngunit sino si Jinx? Paano kung nagmamahalan na sila ni Jinx? Naguluhan ako kung ano ang una kong gagawin. Kailangan kong puntahan na ba siya agad o kailangan kong daanan si Cgaris para mahanap na niya ang kaniyang tunay na ama. Nanginginig ako. Hindi ko alam ang gagawin ko.
            Bumaba ako. Nilahad ni tito ang kaniyang mga kamay. Niyakap niya ako. Mahigpit na mahigpit habang humahagulgol ako. Kumuha siya ng tubig. Pinakalma niya ako. Nang mahimasmasan ako napagpasyahan kong sunduin na muna si Aris. Kahit man lang doon ay makabawi ako sa mga pagkukulang ko sa kaniya. Gusto kong ako ang susi sa pagkikita nilang mag-ama.
            “Anong plano mo ngayon?” tanong ni tito.
            “Susunduin ko ho muna si Cgaris bago ho puntahan siya.”
            Hindi ko nakita kay tito ang pagkagulat na kilala ko na ang anak ni Aris.
            “Bilisan mo anak. Kailangan ka ni Aris ngayon. Hinihintay na niya ang pagdating mo. Pasensiya ka na pero gusto kong malaman mo na may kanser ang kababata mo at ang taong walang ibang ginawa kundi ang mahalin at hintayin ka.
            Parang sumabog ang mundo ko sa aking narinig.

No comments:

Post a Comment