Tuesday, January 15, 2013

Munting Lihim 20

By: Mikejuha
Email: getmybox@hotmail.com
Facebook: getmybox@yahoo.com
Blog: michaelsshadesofblue.blogspot.com


“K-kuyaaaaa! K-kuyaaa!!!” ang pilit ko pa ring pagsisigaw bagamat ramdam kong unti-unting nawalan ako ng lakas.

At, “Blagggg!”

“Love! Love!” ang narinig kong boses.

Agad kong iminulat ang aking mga mata. Si Brix pala. “A-anong nangyari?” ang tanong ko.

“Nanaginip ka! Nagsisigaw ka ng ‘Kuya! Kuya!’ tapos hayan, nalaglag ka sa kama natin…”


Bigla rin akong natauhan at nakahinga ng maluwag, nagpasalamat na panaginip lang pala ang lahat. Para kasing totoo. Parang naglalaro pa rin sa isip ko ang buogn pangyayari. Pati ang matinding takot at mabilis ng pagkabog ng aking puso ay ramdam ko pa rin.

Inalalayan ako ni Brix na makatayo at muling makahiga sa kama, sa tabi niya. “A-anong oras na ba?” ang tanong ko.

“Mag-aalas dos na ng madaling araw. Ano ba ang napanaginipan mo?” tanong niya habang inilingkis ang braso sa aking katawan noong nakahiga na kaming pareho sa kama.

“S-si kuya Andrei… ikinasal na raw at sa galit ko kay Ella, binaril ko siya. Tapos, si kuya Andrei ang natamaan at ako naman ang binaril ng sundalo.”

“Iyan… kasi palagi mong iniisip silang dalawa eh.”

“Galit na galit kasi ako sa babaeng iyon. At galit din ako kay kuya Andrei… hinayaan niya ang sariling magamit sa balahurang babaeng iyon.”

“Hayaan mo na sila… marealize din ng kuya Andrei mo ang lahat na mali siya sa ginawa niyang pagpakasal kay Ella.”

“Kailan pa? Kapag nakasal na sila na wala na siyang lusot pa dahil wala namang divorce dito sa atin?”

“Pero buhay niya iyon. Wala tayong magagawa kung talagang desisyon niyang pakasalan si Ella… Ang mahalaga, nasabi mo sa kanya.”

Hindi na lang ako kumibo. Naisip ko rin na bahagi ako sa nagawang desisyon ni kuya Andrei. Ako kasi ang nagtulak sa kanya na pakasalan si Ella dahil sa bata na hindi naman pala kanya. “Kung alam ko lang…” ang naibulong ko na lang sa sarili, pilit na isiniksik sa utak na wala na talaga akong magawa pa.

“Huwag ka na kasing mag-isip ng kung anu-ano. Hayaan mo na lang ang kuya Andrei mo. Sige na… tulog na tayo.” At hindi na kumibo pa ni Brix. Tila nakatulog na siya. Nakatagilid siya paharap sa akin habang ang kanyang kamay ay nanatili sa ibabaw ng aking katawan. Ako naman, pinilit kong ipikit ang aking mga mata.

Ngunit kahit gaanong pilit kong makatulog, hindi ako dalawin ng antok.

Hanggang sa napansin ko na lang ang pag-alog ng katawan ni Brix na para bang pigil na pigil sa kanyang pag-iyak at paghagulgol.

Bigla akong natigil sa aking pagmumuni-muni. Napatingin ako sa kanya. Nakadapa, ang kalahating katawan ay nakadantay sa aking katawan habang ang isa niyang kamay ay nakapatong pa rin sa aking dibdib.
                                                                    
“Woi… anong nangyari sa iyo?” tanong ko habang pilit na hinawakan ko ang kanyang ulo.

Iniharap naman niya ang kanyang ulo sa akin. At doon nakita ko ang mga luhang dumaloy sa kanyang mga mata.

Mistula ring piniga ang aking puso sa nakita sa kanya. Siguro, kagaya noong unang pag-iyak niya, ganoon na naman ang nasa isip niya. “Bakit ka na naman umiyak love?” ang tanong ko.

“Wala…”

“Anong wala? Hindi ka puwedeng umiyak nang walang dahilan eh.”

“Wala nga…”

“Sabihin mo na love… please???”

“H-hindi ko lang kasi mapigilan ang sarili ko, love. P-pasensya na…”

“Hindi mapigilan saan?”

“Sa pag-iisip na maaaring ito na ang huling pagsasama natin, ang huling pagkakataon na mayakap ka, makatabi sa higaan.”

“At bakit mo naman nasabi iyan?”

“Syempre… kapag umuwi na tayo bukas, ipapadala na ako ng daddy ko sa Amerika.”

Hinipo ko ang kanyang pisngi, pinahid ng aking daliri ang mga luhang patuloy na dumadaloy pa rin sa kanyang mga mata. “Di ba... nag-usap na tayo na magtiis muna hanggang sa makatapos ka ng pag-aaral, makapagtrabaho, at kunin mo ako. Sa Amerika na tayo manirahan. At kapag naroon na tayo, puwede tayong magpakasal. O dib a, maganda. Pag-aari na natin ang isa’t-isa.”

Napangiti siya ng hilaw. “Ewan ko ba love. Natatakot pa rin ako. Parang… parang…”

“Parang ano?”

“Parang may mangyari eh. Pakiramdam ko ay hindi na kita makikita pang muli kapag umalis ako. H-hindi ko lang alam kung ano iyon.”

At muling nakita ko ang mga malalaking butil ng luhang dumaloy sa kanyang mga mata. Ipinikit niya ang kanyang mga mata, tila ayaw makitang nakatingin ako sa kanyang pag-iyak. Sobrang awa ang naramdaman ko para kay Brix. Sa kanyang mga ipinakita, matindi ang paghanga ko sa tunay na pagmamahal niya sa akin. “Ito naman, akala ko ba ako lang ang nag-iisip ng kung anu-ano. Ikaw rin pala.” Sabay lingkis ko sa aking bisig sa kanyang katawan. “I love you…” dugtong ko sabay dampi ng aking labi sa kanyang bibig.

Naghalikan kami. Mapusok, nag-aalab. At nahantong ito sa sabay naming pagpapakawala sa nag-uumapaw na init ng aming mga katawan.

“Ok… sa sunod na araw na lang tayo babalik. Bukas dumito muna tayo” ang sambit ko.

Na siya namang ikinatuwa ni Brix. “Talaga love?”

Tumango ako. “Sige, tulog na tayo...” sabay yakap sa kanya.

Iyon lang. Yumakap rin siya sa akin at nakatulog kaming may ngiti sa aming mga labi.

Kinabukasan, masayang-masaya si Brix na gumising. Hindi ko lang alam kung may kinalaman iyon sa mungkahe ko na mag-stay pa kami ng isang araw sa bahay namin. At maagang-maaga pa ang gising niya. Tulog pa ang lahat. “Ba’t ang aga mo yatang gumising?” ang tanong ko.

“Ako ang magluto ng agahan, love. Mamalengke ako.”

Napa-“amfff” naman ako. “Mamalengke ka? Alas 4 ng umaga? Ikaw ba ang magbubukas ng mga tindahan?” ang sagot kong pabalang.

“Di ba sa palengke, sa oras na ito dumadaong na ang mga mangingisda at dini-deal nila ang mga huli nila sa mga tindero at tindera sa palengke? Gusto kong bumili ng mga sariwang isda, love. Ang sarap kaya ng preskong isda. ”

“At saan mo naman nalaman na may sariwang isada sa umaga?”

“Sa mga katulong namin. Iyan ang ginagawa nila. Maagang-maaga silang nagpupunta ng palengke. May ilang beses nga na wala ang driver namin, ako mismo ang nagda-drive sa kanila patungo sa daungan ng mga sasakyang pandagat ng mga mangignisda. Kaya alam ko iyan. Ipatikim natin sa mga inay at itay ang masasarap na pagkain sa araw na to love…”

Hindi na ako kumibo. Bumangon na lang ako. Nakakahawa kasi ang dulot na saya sa kanyang mukha. Nahawa ako sa excitement niya at tuwang-tuwa na rin ako sa plano niyang magbigay ng saya sa aking mga magulang sa araw na iyon. Kahit kailan kasi, hindi ko pa nabigyan ng isang sorpresa ang aking mga magulang. Siguro, iyon na rin ang pagkakataon.

At tumungo nga kami sa palengke, sa kotse niya. Nakabili kami ng pusit, ng isdang lapu-lapu na may halos 10 kilo ang bigat. Sobrang laki. “Ano ang gagawin mo d’yan? Hindi natin mauubos iyan!”

“E, di imbitahin natin ang mga kapitbahay ninyo.”

“Ano iyan, pyesta?”

“Parang ganoon na nga” sabay tawa. “B-bibili rin kaya tayo ng refrigerator love para sa bahay?”

“Tange! Ano ang gagawin namin sa refrigerator? Gagastos ng mahal sa koryente tapos walang laman kundi tubig na galing pa sa balon? Huwag na…”

Kaya bumili na lang kami ng isang malaking cooler at maraming ice. Bumili na rin siya ng mga pansahog. Nang nakarating na kami ng bahay, dumeretso siya sa kusina at inayos ang mga pinamili naming mga lulutuin at gamit habang ako ay dumeretso naman sa kuwarto upang magbihis.

Noong bumalik ako sa kusina, nagtaka naman ako dahil hindi ko nakita roon si Brix. Dali-dali akong lumabas, nagbakasakaling naroon siya. Akmang lalabas na sana ako sa pinto noong mula sa loob ay nasilip ko si Brix na katabi ang itay, sa mismong bangko kung saan ako kinausap ng itay noong nakaraang gabi.

Nanatili lang ako sa may pintuang bahagyang nakabukas, inilapit ko ang aking tainga sa guwang upang marinig ang kanilang pag-uusap.

“Alam ko na ang namagitan sa inyo ni Alvin, Brix…”

“P-po???” ang tila gulat na sagot ni Brix.

“Gaano mo ba kamahal si Alvin?”

“Eh... M-mahal na mahal po… Kahit buhay ko po ay kaya kong ibigay sa anak ninyo.”

“Ikaw ba ay mahal din ni Alvin?”

“S-sa palagay ko po…”

“Pwes… gusto kong sabihin sa iyo na hindi ako tutol sa relasyon ninyo…”

Kitang-kita ko rin ang tuwa ni Brix sa narinig na sagot ng itay. Pakiramdam ko ay gusto niyang magtatalon ngunit pinigalan lang niya ang kanyang sarili. “T-talaga po??? Salamat po nang marami… tay?” At itay na rin talaga ang tawag niya kay itay. “Pangako ko po sa inyo, alagaan ko po si Alvin. Hindi ko po siya papaiyakin, lahat ng suporta at tulong na kailangan niya, ibibigay ko po. Siya po kasi ang dahilan ng aking pagbabago. Mabait po siya tay.”

“Salamat naman Brix. At nakita ko rin namang mabait ka… napakabait na bata.”

“S-salamat po itay.”

Tahimik.

“Ano ang plano ninyo?”

“Eh… m-mag-aaral po ako sa Amerika. Napag-usapan na namin ito ni Alvin. Tutal, nag-aaral pa rin naman siya.”

“Tama iyan… tama iyan. Tutal kung nagmahalan talaga kayo at para kayo sa isa’t-isa, kayo pa rin ang magkatuluyan sa bandang huli.”

“At ang sabi pa ni Alvin tay… kunin ko raw siya at sa Amerika na kami manirahan. At kapag nangyari iyon, dalhin ko rin po kayo roon, kayo ng inay.”

Nakita ko ang pagngiti ng itay habang nilingon niya si Brix. Alam ko ang ngiti na iyon. Masaya siya at proud siya kay Brix. “Hindi na namin pinangarap ang makarating sa kahit saang lugar Brix… Masaya na kami ng asawa kong si Pacita sa buhay namin. Kahit mahirap lang kami, ang mahalaga ay magkasama kami. Para sa amin ng asawa ko, walang mas hahalaga pa kaysa aming pagsasama, na nand’yan lang kami para sa isa’t-isa…”

Biglang natahimik si Brix at nakita kong yumuko. Nagpapahid na pala ito sa kanyang mga mata. Parang ganyan na sila ka close na hindi na siya nahiyang umiyak sa harap ng itay.

Nakita kong tila nagulat ang aking itay sa nakita niya kay Brix. “Bakit ka umiiyak?”

“Wala po…”

“Mahal mo talaga si Alvin, ano?”

“Opo… mahal na mahal ko po siya. At nainggit din po ako sa inyo ng inay kasi, kahit medyo kapos po kayo sa buhay, wala namang hadlang ang pagmamahalan. Magkasama kayo, hindi naghihiwalay. Ako… kami ni Alvin, parang hindi ko yata kaya ang malayo sa kanya.”

“E kung ganyan, bakit sa Amerika ka pa mag-aral?”

“Iyan po kasi ang g-gusto ng daddy ko…” ang may pag-aalangang sagot ni Brix. Ramdam ko ang kirot sa kanyang puso. Hindi naman kasi iyon ang tunay na dahilan kung bakit kailangang sa Amerika siya mag-aaral. Ngunit hindi na niya itinuloy pa ang pagbunyag sa tunay na dahilan. Sinarili na lang niya ang lahat.

“Sabagay… iba rin kung sa Amerika ka magtapos ng pag-aaral. Pero, huwag kang mag-alala para kay Alvin, alam ko, kayo pa rin ang magkatuluyan. Ang mahalaga… makatapos kayo ng pag-aaral upang may magandang buhay at kinabukasan. Kahit saang lupalop sa mundo man kayo gustong manirahan, wala kaming tutol. Alam kong kapag ikaw ang nakatuluyan ni Alvin, Masaya at masagana ang buhay niya.” ang sagot ng itay.

“S-salamat po, itay.”

“Kaya huwag kang malungkot dahil ang lahat ng iyan ay para rin sa magandang kinabukasan ninyong dalawa. Sa buhay, kailangan din natin minsan ang magtiis, magsakripisyo upang makamit ang tagumpay. Kaya ikaw, kung mahal mo talaga si Alvin, isipin mo na lang na ang lahat ng mga sakripisyo mo ay para sa kanya, para sa kinabukasan ninyong dalawa.”

“O-opo itay. S-salamat po.”

“O siya… may tatapusin lang akong gagawin d’yan sa likod ng bahay.”

“Opo tay. Tatawagin na lang po kayo kapag handa na ang almusal.”

“Sige…”

At noong nakita kong tumayo na ang itay at si Brix, dali-dali rin akong tumungo sa may lagayan ng tapayan at kunyari ay sumalok ng tubig, nag-iinosentehan sa naganap na usapan nila.

“S-saan ka galing?” ang tanong ko noong nakapasok na si Brix sa kusina.

“Sa labas, kinausap ako ng itay.”

“Ah… at ano naman ang pinag-usapan ninyo?”

“Wala… natuwa lang ako kasi, alam na pala niya ang tungkol sa atin at wala siyang tutol sa ating relasyon.”

“Oo… sinabi nga niya iyan sa akin kagabi.”

“Ambait pala ng itay mo…”

“Tahimik na tao lang ang itay. Alam mo bang hindi iyan basta-basta nakikipag-usap. Hindi nga kami masyadong close niyan. Kagabi lang ang unang pagkakataong nagka heart-to-heart kami. At siguro, sa labas ng aming pamilya, ikaw pa lang ang taong kinausap niya ng heart-to-heart.” Saglit akong natahimik. “M-maliban na lang kay kuya Andrei. Tanging si kuya Andrei lamang ang nakapagpatawa sa aking itay ng malakas, nakakausap ng seryosohan, nakakabiruan, nakakaharutan.”

“Talaga? At least ako, talagang kinausap niya ng masinsinan.”

“Oo… at masaya ako dahil tanggap ako ng itay ko. At tanggap niya rin tayo”

At naramdaman ko na lang, habang nasa likod ko siya, niyakap niya ako at hinalikan sa leeg. “I love you…’ bulong niya.

“I love you too” sagot ko rin, at nilingon ko siya, pilit na inabot ng aking mga labi ang mga labi niya.

Tinulungan ko siya sa kanyang pagluluto, bagamat suporta lang dahil hindi naman talaga ako marunong magluto. May pirito siya, may escabetche, may simpleng sabaw, at may kilawin. At dahil agahan naman iyon, may hotdog siya, may corned beef, at scrambled egg.

Noong nasa hapag-kainan na ang inay at itay, kitang-kita ko naman sa kanilang mukha ang ibayong pagkagulat sa mga pagkaing halos hindi na nagkasya sa ibabaw ng mesa.

“Ano ba ang mayroon?” ang tanong ng inay noong nasa harap na kaming apat sa hapag kainan at nakita niya ang maraming pagkain.

Tiningnan ako ni Brix atsaka siya nagsalita. “Wala lang po. Gusto ko lang pong magcelebrate dahil nakita at nakilala ko po ang mga magulang ni Alvin…”

Natawa ang inay sabay lingon kay itay na natawa na rin. “E, di maraming salamat sa iyo Brix. Andami mo nang naitulong sa amin. Iyang stove at ibang mga gamit sa kusina, ikaw rin ang bumili niyan tapos ngayon heto…” sambit ng inay.

“Wala po iyon…”

“O sya kumain na tayo at tila masarap itong mga luto ni Brix.” ang sambit naman ng itay.

Napatingin naman sa akin si Brix sa narinig na reaksyon ng itay. Ramdam ko ang tuwa niya sa nakitang excited ang itay na tumikim sa niluto niya. Syempre, masaya ako. Naalala ko kasi ang sinabi ng itay bago ko siya iniwan sa harap ng aming bahay sa gabing nagdaan, “…pipilitin ko ang aking sariling tanggapin si Brix para sa iyo.” Sobrang sarap ng aking pakiramdam sa tagpong iyon. Parang napakaperpekto na sana ng aking buhay. Sana nga lang…

“Ang sarap ng luto mo, Brix.” ang wika ni itay noong natikman na niya ang escabetche.

“Wala pa po iyan, tay… mamayang tanghli po, marami kaming lulutuin ni Alvin.”

“Ay kung ganoon, ang gawin na lang natin ay ang maligo sa ilog at doon tayo kakain ng tanghalin.” Ang pagsingit naman ng inay.

Nagkatinginan kami ni Brix, nginitian ko siya. “Magandang ideya po iyan, Nay!”

“At gagawa ako ng suman at ang paborito ni Alvin na puto.”

“Yeheeeyy!” ang sigaw ko.

Napatingin sa akin si Brix, nagtatanong ang tingin ngunit nakangiti. “Puto? Di mo sinabi???”

“Hindi ka naman nagtanong eh.” ang sagot ko rin.

Tawanan.

“E, nay, tay… kung sa isang resort na lang po kaya tayo maliligo? May resort ba dito na malapit lang?”

 “H-hindi ba nakakahiya na Brix? Malaki-laki na ang gastos mo. Masaya na kami ng itay ninyo sa ilog. Ang mahalaga, magkasama tayo…”

“Mas maganda po inay kung makaranas kayo ng kakaiba, ibang lugar, ibang tanawin…” sagot ni Brix.

“Tama po nay, tay. Magresort tayo. Hindi pa kaya kayo nakaranas ng resort.” Ang pagsingit ko naman.

“Ano ba ang mayroon d’yan sa resort?” ang tanong ng itay.

“May cottage, may kuwarto, may swimming pool, may open beach na dagat, may mga slides, may mga rides, basta maganda ang mga tanawin doon.” ang sagot ko rin. At baling kay Brix, “Doon sa malapit sa pinamilhan natin ng isda, mayroon doong bagong resort. At ang maganda roon, puwedeng magdala ng pagkain.”

Kaya wala nang nagawa pa ang inay at itay kundi ang sumang-ayon. Alam ko, excited din sila. Hindi pa kaya sila nakapunta ng resort.

Pagkatapos agad ng aming agahan, abala na naman kami ni Brix sa paghanda. Bumili kami ng karne sa palengke, mga sangkap sa ulam at sa paggawa ng suman at puto.

At natuloy ang pagreresort namin. Unang karanasan iyon para sa aking mga magulang. At isa pang mamahalin, malinis at napakagandang resort. First time din nilang makasakay ng iba’t-ibang rides kagaya ng banana ride, jetski, iyong inflatable bike. Hindi ko nga maimagine na sasakay talaga sila sa mga rides na iyon. At kitang-kita ko sa kanilang mukha ang matinding kasiyahan at excitement. Pakiwari ko nga ay isang official family affair na talaga iyon.

“Alam mo, ngayon ko lang nakita ang mga magulang ko na ganyan kasaya. Sigurado ako, hindi ka na nila malilimutan pa. Sigurado… tatatak sa mga isip nila ang karanasang iyon na ikaw ang nagbigay. Salamat…” ang sambit ko kay Brix habang nakaupo kaming nagtabi sa beach, pinagmasdan ang aking mga magulang na tila mga batang magkasintahang aliw na aliw sa pagsakay sa isang inflatable bike.

“Ako rin masaya… dahil nabigyan ko sila ng kaligayahan at lalo na… dahil nagkasama pa tayo sa isang buong araw.”

Tahimik. Binitiwan ko ang isang ngiti atsaka inilapat ko ang aking mga labi sa mga labi niya.

“Pagkatapos natin dito, magpareserve ako ng room sa hotel, tig-iisa tayo.” sambit ni Brix noong kumalas na kami sa aming paghahalikan.

“Waahh!” ang pagreact ko. “Patulugin mo sa hotel ang mga iyan?” turo ko sa mga magulang ko.

“Oo naman. Para maranasan din nila ang matulog sa isang mamahaling kuwarto”

“Naku… baka hindi makatulog ang mga iyan!”

Tawanan.

At naghotel nga kami. Sa isang kwarto kami ni Brix at sa isang kuwarto naman ay ang inay at itay. Tawa nang tawa kami kinabukasan noong nag-aalmusal na sa lobby ng hotel dahil nag-aargumento daw ang inay at itay. Gusto raw patayin ng inay ang aircon at masyado raw malamig ngunit ang itay naman ay ayaw dahil sayang daw ang bayad noon kung kaya ay dapat na paandarin ito nang paandarin. At pati sa pagpili ng pagkain lobby dahil buffet style, ang pinili lang ng inay ay sardinas, pansit, at yung mga pagkaing kilala niya. Ang itay naman ay baliktad. Lahat ng pagkain ay tinikman.

Sobrang saya ko sa araw na iyon.

Noong natapos na ang pagnanatili namin sa aming bahay sa bukid, nagpaalam si Brix sa aking mga magulang. Ako man ay naiiyak sa kanyang pamamaalam, “Nay… tay… ang dalawang araw na pananatili ko sa inyo ay ang pinakamasayang dalawang ng buhay ko. Hindi ko po alam kung paano kayo mapasasalamatan sa saya na ibinigay ninyo sa akin. Dito, naramdaman ko ang pagtanggap ninyo sa akin, at sa relasyon namin ni Alvin. Kahit saan man ako mapadpad, ang ala-alang hatid ng dalawang araw ko sa inyo ay hinding-hindi ko malilimutan. Sana po… magkita pa tayong muli nay, tay.”

“Sus ang batang ito talaga. Syempre, magkita pa tayong muli!” ang sagot naman ng inay.

Damang-dama ko ang lungkot ni Brix habang naglakbay ang kotse niya pabalik na sa syudad kung saan ako nag-aaral at kung saan ay naroon din ang kanilang bahay. Mistulang nakakabingi ang katahimikang namagitan sa amin.

“Love… huwag ka nang malungkot please.” ang pagbasag ko sa katahimikan.

“Hindi ko lang kasi mapigilan ang sarili ko love. Ilang oras na lang at nasa syudad na tayo. Pagkatapos kitang ihatid sa boarding house mo, uuwi na akong mag-isa niyan sa bahay… at baka iyan na rin ang huling pagkikita natin. Ang sakit kaya…” ang sambit niya.

“Magkita pa naman tayo di ba?”

“Sa ugali ng daddy ko, baka hindi na. Nangyari na iyan sa akin, noong pasaway pa ako. Ikinulong niya ako sa kuwarto at may sinuweduhan siyang mga bouncer na magbantay sa akin.

“Grabe pala ang daddy mo…”

“Oo… Kaya duda akong magkita pa tayo pagkatapos nito.”

Tahimik.

“Basta… ano man ang mangyari, tandaan mo palagi, mahal na mahal kita.” Sambit niya.

Hinawakan ko ang kanyang kamay. “Mahal din kita love…”

Mag a alas 6 na ng gabi noong nakarating kami sa syudad. Imbes na ideretso niya ako sa boarding house ay sa central plaza kami tumungo. Nagpark siya sa parking area sa harap ng simbahan at nang nakalabas na kami sa kotse niya, hinawakan niya ang kamay ko, “Pasok muna tayo sa simbahan love…”

Medyo nagulat naman ako sa sinabi niya. Hindi kasi relihiyosong tao si Brix. Ngunit hindi ako tumutol sa gusto niya. Marahil nasa isang sitwasyon na talaga siya na, iyon bang sobrang takot sa isang bagay at hopeless na ang kalagayan.

Lumuhod kaming dalawa sa pinakamalapit na upuan sa altar. Walang katao-tao ang simbahan sa oras na iyon dahil gabi na nga at hindi naman iyon oras na may misa.

Taimtim na nanalangin si Brix. Buong pagpakumbaba na nakayuko, nakapikit ang mga mata, tila isang taong isinurrender na ang lahat sa taas.

Maya-maya, tinanggal niya ang gintong kwintas sa kanyang leeg at isinukbit iyon sa aking leeg. Walang pasabi, walang salita bagamat kitang-kita ko ang pangingilid ng luha sa kanyang mga mata.

Hinayaan ko na lang na isukbit niya ang kanyang kuwintas. Hindi ko alam kung ano ang laman ng kanyang isip ngunit sigurado akong nasaktan siya.

Pagkatapos niyang maisukbit ang kanyang kuwintas sa aking leeg, niyakap niya ako at hinalikan. Doon ko na nakita ang mga luhang dumaloy sa kanyang pisngi.

Iyon lang. Pinahid ko sa aking palad ang mga luha niya at pagkatapos, tumayo na kami at hawak-kamay na lumabas.

Tinumbok namin ang central plaza. At sa lilim ng puno ng akasya, umupo kami sa sementong bangko nito, nakaharap sa dagat.

Tahimik pa rin kaming dalawa. Walang imik na nanood sa matiwasay at maaliwalas na dagat na nakikita lamang namin sa pamamagitan ng liwanag na nanggaling sa ilaw ng mga poste sa gilid ng seawall.

Hindi ko lubos maisalarawan ang aking naramdaman para kay Brix. Naawa ako sa kanya at labis na naapektuhan sa dinadalang kalungkutan niya. Ngunit wala rin akong magawa. Kung hikayatin ko man siyang ipaglaban ang pagmamahal niya sa akin, hindi ko naman kayang pananagutan ang kung ano mang hirap ang danasin niya sa kanyang buhay kapag hindi siya makapagtapos ng pag-aaral; kapag tanggalan siya ng mana ng kanyang mga magulang. Kahit naman siguro sinong matinong ka-relasyon, kung hindi makasarili, syempre magparaya, at maghintay. Kung kayo talaga, pasasaan ba’t babalik at babalik din siya sa iyo. Ang pa-konsuwelo ko na lang ay ang target naming makapagtapos at kung kami pa rin, makapunta ng Amerika.

Ngunit ewan ko rin… Marahil ay sumagi lang sa isip ko ang paninindigang ok lang sa amin ang magkalayo dahil ramdam kong may kulang pa sa pagmamahal ko kay Brix. Sa kaloob-looban ko kasi, si kuya Andrei pa rin ang nangingibabaw. Kahit ikakasal na siya, kahit galit na galit ako sa kanya, hindi ko kayang turuan ang pauso kong ibaling na lang ng buong-buo ang puso ko para kay Brix. Ako man ay litong-lito rin. Kahit pilit kong tinuturuan ang aking puso na si Brix na lang, sisingit at sisingit pa rin si kuya Andrei. Bumabalik-balik sa aking isipan ang mga masasayang alaala namin, ang kanyng mga itinuturo sa akin.

Siguro, ganyan talaga kapag umibig ka ng tunay. Anong pilit mo mang limutin siya, babalik at babalik pa rin sa iyong isip ang nakaraan…

Inakbayan ko siya. tahimik na inilingkis ko sa kanyang beywang ang isang braso ko.

“Bakit kaya ang daming hadlang sa pag-ibigko sa iyo love?” ang tanong niya.

“Hindi naman hadlang ang mga magulang ko di ba?” ang sagot ko namang pagtutol.

“Oo… pero ang mismong mga magulang ko? Ang kalagayan natin?”

“Hayaan mo na. Di ba ang long-term plan natin ay sasama ako sa iyo sa Amerika? Iyan na lang ang palagi mong isipin.”

Binitiwan niya ang isang pilit na ngiti.

“Tara… mag bar na lang tayo.” ang panghihikayat ko na lang upang kahit papaano, masaya pa rin ang huling mga sandali ng aming pagsasama.

“Kain muna tayo love bago tayo tumungo ng bar”

At tinungo namin ang isang restaurant na malapit lang din sa central plaza. Naglakad na lang kami. Noong nasa mesa na namin ang mga inorder niyang pagkain, nagkumento naman siya. “Last supper… kasama ang aking mahal.”

Napahinto naman ako. “Kain na tayo… last supper ka d’yan. Syempre may mga supper pa tayo in the future no? Huwag ka ngang ganyan!”

Pagkatapos naming kumain, nagbar na kami, nag-inom ng kaunti. Bawal na kasi sa kanya ang uminum ng marami kasi nga, tanggal na ang isang kidney niya. Maya-maya lang, nagpunta naman siya sa counter at kinausap ang isang crew roon. Hindi ko alam kung ano ang pinag-usapan nila.

Nang bumalik na siya, tumugtog ang isang kanta. “Request ko para sa atin… Theme song natin, habang nasa malayo ako.”

(Miles Away Audio)

If I could reach you, you know I would
If I knew the way, the right things to say

If I could touch you, I wish I could
If I only knew, you know I'd be there

Miles away, you're so many miles away
Leaving my lonely life, to live another day (without you)

Miles away, you're so many miles away from me
And I can't find you, all those miles (away)

If I could hold time, in the palm of my hand
I'd not let it through, I'd save it for you

If I had one wish, at my command
I'd want it to be, you wishing for me

Miles away, you're so many miles away
Leaving my lonely life, to live another day (without you)

Miles away, you're so many miles away from me
And I can't find you, all those miles away

Miles away from me…

At habang pinakinggan ko ang bawat kataga ng kanta, hindi ko namalayang tumulo na pala ang aking mga luha, lalo na noong niyakap niya ako na parang walang pakialam sa mga taong nakapaligid. Napaka meaningful kasi ng kantang napili niya. Sapul na sapul ang aming kalagayan.

Noong natapos na ang kanta at natapos na rin ang tig-iisang bote ng beer namin, lumabas kami ng bar at sumakay sa kanyang kotse. “Gusto kong masarili ko ang mahal ko ng kahit isang oras lang…” sambit niya noong huminto sa harap ng motel ang kanyang kotse.

Binitiwan ko lang ang isang ngiti sabay hawak sa kanyang kamay.

Pagkatapos namin sa motel, hinatid na ako ni Brix sa aking boarding house. “Palagi kang mag-ingat love. Huwag mong pababayaan ang sarili. Kapag nasa Amerika na ako, palagi kitang tatawagan ha? Tandaan mo palagi, mahal na mahal kita.” ang sambit niya. “Sandali…” dugtong niya habang may hinugot sa kanyang bag. “Heto…” inabot sa akin ang isang sobre.

Tinanggap ko ang sobre. “Ano to?”

“Pera. Makakatulong iyan sa iyo habang wala ako. At kapag nasa Amerika na ako, huwag kang mag-alala, patuloy pa rin kitang padadalhan ng pera.”

Tiningnan ko ang laman ng sobre. “P-pera?”

“50k lang iyan. Mabilis lang maubos iyan.”

“Sobrang dami nito love!”

“Ano ka ba… madaling maubos iyan. Kung gusto mo, ideposito mo sa banko ang magwithdraw ka kapag may kailangan ka.”

At dahil nag-insist siya. Wala na akong nagawa pa kundi ang tanggapin iyon. Alam ko, makakatulong rin naman iyon ng malaki sa mga pangangailangan ko sa school. “S-sige. Salamat love…”

“Basta mag-iingat ka palagi ha? I love you…”

“Ikaw rin… mag-ingat ka palagi? At oo… hihintayin ko ang mga tawag mo. I love you too.” at inilapat ko ang mga labi ko sa mga labi niya.

Kitang-kita ko ang tindi ng lungkot ng kanyang mukha habang sinimulan na niyang paandarin ang kanyang kotse. At noong umarangkada na ito, hindi na niya ako nilingon pa. Alam ko, umiiyak siya. Alam ko, na habang umaandar ang kanyang minamanehong kotse, patuloy na dumadaloy ang kanyang mga luha.

Iyon ang pinakahuling alaala na tumatak sa isip ko kay Brix.

Nalungkot din ako sa paglayo ni Brix na iyon. Syempre, di ko naman maipagkailang may puwang na rin siya sa puso ko. Sa panahon na ako ay naghahanap sa pagmamahal ni kuya Andrie, siya ang pumuno nito sa puso ko. At napakabait niya, maraming bagay ang naitutulong niya sa akin, sa pamilya namin.

Hindi ko na rin natigilan ang pagpatak ng sariling mga luha.

Kinabukasan ng hapon, dinalaw naman ako ni Noah sa boarding house. Ibinalita niya na nasa bahay na nga raw si Brix at pinagalitan sa kanyang pag-alis ng walang paalam. At dahil dito ikinulong na siya sa kuwarto, walang cp at may dalawang bouncer na nakabantay upang siguraduhing huwag umiskapo, hindi makatawag ninuman. “Basta, huwag ka raw mag-alala sa kanya kasi kapag nakarating na siya ng Amerika, tatawag kaagad siya sa iyo. At sa makalawa na ang alis niya Kam…” ang sabi sa akin ni Noah.

Lumipas ang limang araw, nakatawg din si Brix sa akin. Kahit papaano, masaya ako na naroon na siya sa Amerika at pinilit niya ang sariling tanggapin ang kagustuhan ng kanyang daddy na mag-aral sa Amerika.

Ngunit bagamat medyo ok na ang kalagayan namin ni Brix, kabaligtaran naman ang sa amin ni kuya Andrei. Nagdurugo ang aking puso sa nakatakdang kasal niya kinabukasan. At dahil binago ko ang aking sim card upang huwag akong makontak ni kuya Andrei, hindi ko na alam ang mga pangyayari sa side niya. Ang alam ko lang ay dadalo raw ang aking mga magulang sa kasal pati na rin ang mga magulang ni kuya Andrei. Pero ako, nagdesisyong hindi na itutuloy pa ang pagiging best man. Ayoko kayang masaktan. At mas ayokong makita ang babae niya dahil baka sa tindi ng galit ko ay magkatotoo nga ang nangyari sa aking panaginip na binaril ko siya.

Araw ng kasal, pilit kong isiniksik sa aking isip na kalimutan ang kung ano mang okasyon mayroon sa araw na iyon. Sa oras mismo na sinabi ng inay na ikakasal sina kuya Andrei, nagtext ako kay Brix upang tawagan niya ako at mawaglit sa isip ko ang mga bagay na nakakasakit.

Nang tumawag na si Brix, nag-usap kami, kung anu-ano na lang basta huwag lang sumagi sa isip ko ang kasal ni kuya Andrei. Syempre, sobrang sabik na raw ni Brix sa akin at kahit nasa telepono lang ang pag-uusap namin, pansin ko pa rin ang lungkot sa kanyang boses. Alam kong umiiyak siya, pinigilan lang niya. Ngunit inincourage ko na lang siya na di naman ako mawawala at nand’yan lang naman ako na kahit anong oras ay puwede niyang tawagan o makaka-chat.

Sa pag-uusap namin ni Brix ko napag-alaman na naghanda na siya sa kanyang pag enrol ng kurso. Ako pa ang tinanong niya kung anong kurso ang gusto kong kunin niya. Biniro ko na lang na abugasya. Bagay din naman sa kanya. Mayaman sila at sa dami ba naman ng negosyo nila, kailangan niya iyon. Parang nagustuhan din naman niya.

Kahit papaano, naibsan ang kangyang lungkot at pangamba. At kahit papaano rin, panandalian kong nalimutan si kuya Andrei.

Ngunit hindi naman kasi maaaring buong araw kaming mag-usap sa telepono. Noong nagpaalam na si ibinaba na ni Brix ang kanyang telepono, doon ko muli naramdaman ang matinding lungkot.

Binuksan ko ang fm radio ng aking cp at nakinig ng tugtugin. Ngunit lalo lang akong nalungkot noong pinatugtog ba naman ang theme song namin ni kuya Andrei. Para bang talagang sadyang inaasar ako ng pagkakataon.

Ngunit imbes na patayin ko ang fm, ipinagpatuloy kong pakinggan ito at iniukit sa aking isip ang bawat kahulugan ng liriko ng kanta:

(Old Photographs audio)

Yesterday I felt the wind blowing 'round my shoulder
Feel like I'm getting older
Still I can't forget your face

Separated by a million miles of ocean
My heart still feels emotion
Even in this lonely place

Old photographs and places I remember
Just like a dying ember
That's burned into my soul
Even though we walk the diamond-studded highways
It's the country lanes and byways
That makes us long for home

Lately I just find my mind has turned to dreamin'
Making plans and scheming
How I'm gonna get back home

But deep down inside I know it's really hopeless
This road I'm on is endless
We climb our mountains all alone

Old photographs and places I remember
Just like a dying ember
That's burned into my soul
Even though we walk the diamond-studded highways
It's the country lanes and byways
That makes us long for home

At doon na ako humagulgol, lalo na sa pagkarinig ko sa linyang, “Lately I just find my mind has turned to dreamin', making plans and scheming, how I'm gonna get back home, but deep down inside I know it's really hopeless, this road I'm on is endless, we climb our mountains all alone…”

Para bang tumugma ang kahulugan noon sa sinabing “dreaming” na lang ang lahat para sa akin, na gusto ko mang bumalik, umuwi sa aking pinagmulan o nakaraan ngunit hopeless na ito, kasi ang daan na aking tinahak ay tila “walang katapusan.” At sa pagpapakasal pa niya, nag-iisa na lang ako sa mundo at kanya-kanya na lang kaming tahak sa buhay, kanya-kanyang umakyat sa mga sariling “bundok”. Mag-isa na lang akong umakyat at sumuung sa mga pagsubok ng aking buhay...

Mistula akong isang basang sisiw na na nag-iiyak at naghahanap sa kanyang ina. Walang kasama, walang kakampi, walang nakakaintindi sa pinagdaanang sakit ng kalooban.

Humiga ako sa aking kama, nakadikit pa rin sa aking dalawang tainga ang earphones. At bagamat tapos na ang kanta, pinatugtog ko muli iyon sa playlist ng aking cp. Paulit-ulit habang tila walang humpay ang pagdaloy ng aking mga luha sa aking mga mata. Pakiwari ko ay gusto ko na lang magpakamatay sa sandaling iyon sa pamamagitan ng paulit-ulit na pakikinig sa kanta.

Hanggang sa tila naging manhid na ang aking utak at hindi ko namalayang nakatulog na pala ako.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakatulog. Nagising ako noong tumunog ang aking cp. Dali-dali kong tiningnan ang numerong nakadisplay dito. Wala sa aking directory at hindi ko kilala ang numerong iyon. Tiningnan ko ang oras. Mag-aalas 4 na pala sa hapon.

Sinagot ko pa rin ang tawag, “H-hello?”

“Ito ba si Alvin Palizo?” ang tanong sa kabilang linya.

“Y-yes??? B-bakit po?”

“Mga magulang mo ba sina Roberto at Pacita?”

“O-opo… B-bakit po?”

“Si Sgt. Eugene Galvez po ito, Alvin. At sana ay huwag kang mabigla sa balitang aking ipaaabot sa iyo.”

“B-balita? B-bakit po? A-ano po ba ang balitang iyan?” ang tanong kong biglang naramdaman ang malakas at hindi maipaliwanag na pagkalampag ng aking dibdib.

“Na-ambush ng mga rebelde ang sasakyang sinakyan ng iyong mga magulang.”

Pakiwari ko ay may isang napakalakas na bombang sumabog sa aking harapan sa pagkarining sa balita. Para akong biglang nanghina at at matutumba. “A-ano po ang nangyari??? P-paano po sila na-ambush!?” ang tarantang tanong ko.

“Ang sinakyan nila ay isang military vehicle na ipinagamit sa isa sa mga infantry division galing Mindanao. Napagkamalang mga militar ang sakay kung kaya sila na-ambush. Natamaan ng bala sa ulo ang iyong inay. Patay na siya at nasa punerarya na. Ang iyong itay naman ay nasa critical na kalagayan sa isang ospital dito…”

“Ano pooooo??? Hindi po maaari iyon hindi pooooo! Sabihin po ninyong nagbibiro lamang po kayooo!!!” Ang matigas kong pag-react.

“Hindi Alvin. Totoo ang sinabi ko.”

“Hindiiiiii!” ang sigaw ko. Hindi ako magkamayaw kung ano ang aking gagawin. Nag-iiyak ako na parang biglang nawala sa sarili.

Maya-maya, naalala ko ang perang ibinigay sa akin ni Brix. Mabuti na lang at hindi ko pa ito naipasok sa bangko. At naalala ko rin si Noah. Agad ko siyang tinawagan.

“Hindi ko alam ang gagawin Noah!!!” ang sigaw kong pag-iiyak noong nakarating na si Noah.

“Ok… ok. Huwag kang mataranta. Cool ka lang. Pupunta tayo ngayon din sa nasabing ospital. May dalawang oras lang ang biyahe patungo roon. Kapag umalis tayo ngayon, nakakarating na tayo bago mag alas 7.”

“A-anong oras ba ang biyahe ng bus?”

“Huwag kang mag-alala, dala ko ang kotse ni Brix. Iniwan ni Brix sa akin ang susi ng kotse niya.”

Dali-dali na akong nagbihis at dumeretso na kami sa nasabing lugar.

Una naming pinuntahan ang ospital kung saan naroon ang itay upang alamin ang kanyang kalagayan. Nasa ICU siya noong aming nadatnan at tapos na ang isinagawang operasyon. Ang sabi ng duktor 50/50 raw ang tsansa niyang mabuhay.

Pinapasok ako sa ICU at noong sumalubong sa aking paningin ang aking itay na nakaratay sa kama, hindi ko napigilan ang aking sariling hindi umiyak. May tubo na nakasaksak sa kanyang lalamunan, may bendahe ang may oxygen na nakakabit sa kanyang ilong, may plastic ng dugo ang nakalambitin sa gilid ng kanyang kama at may dextrose na nakakabit sa isang kamay. Nakapikit ang kanyang mga mata. Hindi ko lang alam kung conscious siya o tulog. “Itayyy!” ang sigaw ko sabay hawak sa kanyang kamay.

“Shhh! Huwag pong mag-iingay upang makapagpahinga ang pasyente...” ang marahang sabi sa akin ng nurse.

Ngunit narinig pala ako ng itay at pilit na iginalaw ang kanyang ulo upang Makita niya ako. “A-anak... Alvin.” Ang pilit niyang pagsasalita.

At doon na ako humagulgol. Awang-awa kasi ako sa kanyang kalagayan. Gusto ko sanang sabihing wala na ang inay ngunit hindi ko na itinuloy dahil siguradong makadagdag ito sa hirap ng kanyang kalagayan. “Tay... huwag po kayong mag-alala, hindi ko po kayo iiwan.” Ang pautal-utal kong sabi.

“Anak... p-patawarin mo ako.. k-kami ng i-inay mo.” Ang halos pabulong na sabi ng itay, pahinto-hinto pa, halatang nahirapang huminga.

“Itay... wala po kayong kasalanan sa akin. Wala po. Ako po ang manghingi ng tawad sa inyo kasi minsan po, pasaway po ako.”

“H-hindi a-anak... m-may nagawa k-kaming is-sang b-bagay na d-dapat m-mo-ng m-ma-lamannn...”

“Tay... huwag po muna kayong magsalita. Nakakasama po iyan sa inyo.”

“H-hindi an-nak... kai-lang-ang m-mala-mann m-mo i-ito hhab-ang h-hin-di pa h-hu-li a-ang l-la-hattt.”

“Huwag niyo nga pong pilitin itay. Magpagaling ka mun—“

Hindi ko na naipagpatuloy pa ang sasabihin gawa ng paggiit niya sa kanyang sinasabi. “H-hi-ndii k-ka-mi n-ng i-in-nay moh a-ang t-tun-aayy m-mong m-m-ga m-magg-ul-langgg...” ang pagsingit niya.

At doon ay parang sumabog na talaga ang buong sanlibutan sa pagkarinig ko sa huling sinabi ng aking itay. Tila ba napakalupit ng tadhana sa akin. Sa araw na iyon ay nagpakasal si kuya Andrei, namatay ang inay, at nasa bingit pa ng kamatayan ang aking itinuturing kong itay. At dagdagan pa sa kalagayan ni Brix. Mistulang lahat na yata ng kamalasan sa mundi ay sa akin ibinigay lahat.

Natigilan ako ng bahagya. Parang si Manny Paquiao lang akong na knock-out ni Marquez na nawalan ng malay tao at hindi kaagad nakatayo. Pilit kong inabsorb muna sa aking sarili ang napakasakit na mga katagang iyon na nanggaling sa naghihingalo kong itay. At sa gitna ng pagpatak ng aking mga luha, lakas-loob akong nagtanong ng, “S-sino po ang aking tunay na mga magulang tay???”

Ngunit hindi na gumalaw pa ang aking itay at tuluyan na niyang ipinikit ang kanyang mga mata.

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment