Tuesday, January 15, 2013

Straight 03

By: Joemar Ancheta
Blog: joemarancheta.blogspot.com


Note from the Author:
(Ang bahaging ito ay ang kuwento naman ni Xian. Sinikap kong ilahad ang kuwento ng dalawang unang bida natin sa magkaibang point of view para maintindihan natin ang iniisip at damdamin ng dalawang pangunahing tauhan. Ang unang dalawang kabanata ay ang point of view ni James at ang susunod naman ay ang point of view ni Xian. Sana ay masundan niyo ang pagkakalathala nito. Sisikapin kong hindi kayo malilito dahil sa simula ng bawat Chapter ay mababasa ninyo kung kaninong point of view ang mailalathala. Sana magustuhan ninyo ang nobela natin ngayon. Gusto ko lang pong hilingin na sana ay patuloy kayong makibahagi, magbigay ng inyong mga comments sa bawat chapter ng alam kong hindi ako nagsasayang ng oras na nagsusulat na wala namang bumabasa.


Part III
(Christian/ Xian’s Point of View)
Ako si Xian. Isa akong paminta. Baklang nagbibihis lalaki at nagpupumilit umakto at magsalita bilang tunay na lalaki. Lumaki ako sa pamilyang hindi malaking isyu ang pagiging bakla o tomboy. Nabigyan kami ng karapatan kung ano ang gusto naming gawin sa buhay. Malaya kaming magkakapatid gawin ang lahat ng aming maibigan ngunit may mga responsibilidad parin kami sa aming mga sarili. Ikinintal sa mga isipan namin na gawin namin kung ano ang makapagpapasaya sa amin ngunit dapat harapin namin ang bunga ng aming ginawa, ito man ay mabuti o masama. Lagi iyong sinasabi nina Dad at Mom.
“Kung saan kayo masaya, gawin niyo lang iyon. Handa kaming magbigay ng payo sa inyo ngunit ang sarili parin ninyong desisyon ang masusunod. Handa kaming magbigay ng opinion sa maaring ibunga ng iyong gagawin ngunit kayo parin ang nakakaalam kung hanggang saan ang inyong limitasyon. Lahat ay may maaring ibunga ng inyong mga desisyon kaya bago ninyo gawin ang isang bagay, mainam na sa una palang ay pag-isipan na muna kung ano ang magiging epekto nito sa inyong buhay. Kung sakali mang magkamali kayo sa inyong desisyon, nandito kaming sumuporta pero nasa inyo parin ang ikakalutas ng inyong problema at hindi galing sa amin dahil ang kaya lang naming gawin ay ang mahalin kayo na hindi dahil sa inyong pagkasino kundi dahil anak namin kayo.”
Kahit gano’n ang lagi nilang sinasabi noon ay hindi ko parin nakayang ilabas ang tunay na ako. Nagiging lalaki parin ako sa isip ng aking mga magulang at kapatid. Nagbilang parin ako ng ilang girlfriends hindi dahil gusto ko o kaya ay patunayan sa pamilya ko na lalaki ako kundi dahil kay James na barkada ko.
Paano ba kami nagsimulang magbarkada ni James? Mahilig siyang magbisikleta noong mga elementary kami. Ako naman ay hindi marunong ngunit naiinggit ako sa kaniya sa tuwing nagfree-free hand siyang nagpapaikot-ikot sa aming playground. Dahil doon ay nagpabili din ako ng bike ko kay daddy at nagpaturo sa pinsan ko. Hanggang sa pumapasok na din akong nakabike at lagi na kaming magkasama sa paglalakwatsa. Naging barkada, magkasangga sa mga kalokohan at laging kasangkot sa mga kapilyohan sa school. Kung kaaway ng isa, kaaway naming dalawa. Kung ano ang kakainin ng isa, dapat kakainin din ng isa.
 Mga grade four kami noon, nagsimula lang naman yung kakaiba kong nararamdaman sa kaniya nang biglang nagkabanggaan kami sa pintuan ng aming classroom. Nagmamadali ako noong palabas at siya naman ay papasok. Biglang ang katawan niya ay bumangga sa akin at ang labi niya ay tumama sa gilid ng aking labi. Halos matumba na sana ako pero mabilis niya akong alalayan at napayakap ako sa kaniya. Alam  kong para sa kaniya wala lang ang nangyaring iyon ngunit sa akin, binuhay niya ang hindi ko naiintindihan kong emosyon. Amoy ko noon ang kaniyang hininga, ramdam ko ang katawan niyang lumapat sa aking katawan at ang kaniyang ngiti na narehistro sa aking utak. Palagi ko naririnig sa mga kaklase ko ang pagkakaroon nila ng crush sa opposite sex pero bakit ako, sa katulad kong kasarian humahanga at ang mahirap ay sa katropa ko pa’t kalarong si James.
Kung may mga laro sa school na kailangang ng kasangga, ako lagi ang gusto niyang kasama kahit noon ay medyo likas na akong lampa. Nananalo lang naman kami kasi dahil sa kaniya. Kung may mga lakad siya hindi puwedeng hindi ako kasama. Sa mga boyscout camping gusto niya tabi kami sa pagtulog sa tent. Hindi niya alam pero nahihirapan akong matulog katabi niya. Nanginginig ako at nanlalamig sa tuwing maglapat ang aming katawan. Akala ba niya madaling makatabi sa pagtulog ang lalaking pinapangarap mo tapos wala kang ibang magawa kundi ang tumihaya at namnamin lang ang katotohanang katabi mo nga siya pero hindi mo siya mayakap o mahalikan man lang. Anlakas ng kabog sa dibdib ko kung bigla siyang naghuhubad habang naliligo kami ng sabay. Hindi ko noon naiintindihan ang aking nararamdaman ngunit alam ko, gusto ko siya. Siya ang ultimate crush ko.
Nang grade six kami at nagkainteres siyang magbasketball ay napansin kong napapalayo siya sa akin ngunit hindi ako noon makapapayag kaya kahit hindi ko hilig ay pinilit kong aralin ang larong iyon. Kailangan kong laging masali sa mundong gustong niyang galawan. Dahil doon ay halos araw-araw kaming magkasama ngunit ganoon pa din ang tingin niya sa akin. Tropa. Barkada.
Gano’n ko siya kagusto ngunit ganoon din katindi ang takot ko na mawala siya sa akin. Kaya kong gawin ang hindi ko gusto at kaya kong hindi gawin ang ninanais ko dahil sa kaniya. High- school na kami nang alam kong hindi ko lang siya crush. Mahal ko siya. Mali pala, sobrang minahal ko na siya ngunit hindi ako nagkaroon ng pagkakataong ihayag iyon dahil alam kong hindi ang katulad ko ang trip niya. Lalaki siya at tsiks ang gusto niya.
Naninikip ang dibdib ko kapag nakikita ko siyang bagong ligo sa umaga. Ang makinis at moreno niyang mukha. Ang kaniyang mga matang parang laging nangungusap. Ang tamang tubo ng ilong at ang mga labi niyang parang napakasarap siilin ng halik. Idagdag pa dito ang semi-kalbo niyang gupit at ang lalaking-lalaki niyang tikas at tindig. Sa tuwing pinagmamasdan ko ang hubad niyang katawan pagkatapos naming maglaro ng basketball ay napapakislot ako. Napakasarap haplusin ang maumbok niyang dibdib. Nanghihina ako at gusto kong himatayin sa tuwing madampi ang kaniyang dibdib at braso sa hubad kong katawan kapag ginagwardiyahan niya ako sa paglalaro. Ahhh! Kung sana alam niya kung gaano kasakit na makita ko siyang nakikipagrelasyon sa kung sinu-sinong mga babae. Kung sana batid lang niya kung gaano kahapdi sa puso ko ang mga kuwento niya tungkol sa mga ginagawa nila ng girlfriends niya. Kung sana ramdam niya kung gaano ko kagustong ako na lang sana ang isa sa mga naging karelasyon niya.  Ngunit alam ko ang kalugaran ko sa buhay niya. Pang back-up niya ako sa tuwing may pinopormahan siyang babae. Kung may sinabi siya o ginawa, ako ang dapat nagpapatunay na seryoso siya at totoo ang lahat ng kaniyang pambobola. Tiga-abot ng sulat at bulakalak. Nagiging look-out kapag nakikipagdate siya ng patago sa mga bakanteng classroom o para hindi mabuking ng iba pa niyang pinopormahan. Martir na kung martir pero doon ako masaya. Sa mga hindi pa nasusubukang magmahal ng straight, siguradong sasabihan akong tanga o martir ngunit para sa akin, mabuti na iyon kaysa maging manhid. Kahit man lang sa paraang ganoon ay mabigyan niya ako ng kahalagahan. Kahit man lang sa simpleng ganoon ay mapansin niya ako ngunit hindi niya alam na ang simpleng iyon sa kaniya ay nagbibigay ng pananakit ng aking dibdib at kalungkutan sa  tuwing mag-isa lang ako. Ano ba ang kaibig-ibig sa pag-ibig kung ang taong ibig mo ay hindi naman ikaw ang ibig?
Lalo pa akong natakot na magtapat sa kaniya nang masaksihan ko kung paano nawasak ang pamilya nila dahil sa pagiging alanganin ng kuya niya. Naawa ako sa kuya niya at mas lalo akong naawa sa kaniya ng unti-unting naghirap ang dating maalwa na pamumuhay nila. Sumidhi ang takot kong mahalin siya dahil ayaw kong kamuhian din niya ako at ituring na salot sa buhay niya. Nasangkot siya sa pambubugbog sa bakla, nasuspend siya hanggang tumigil siya sa pag-aaral. At dahil doon ay tuluyan na siyang nalayo sa akin. Kung kaya niyang manakit ng bakla dahil lang sa may nasabi ito na hindi niya nagustuhan, ano na lang kaya kung ako na tropa niya mula nang kami’y elementary palang ay magtatapat ng pag-ibig sa kaniya? Alam kong hindi niya iyon magugustuhan. Subalit sadyang mapaglaro ang pag-ibig dahil hindi ko siya kayang kalimutan. Nang minsang pinasyalan ko sa bahay nila ay parang hiniwa ng labaha ang puso ko nang sabihin ng kapatid niyang nagtanan sila ni Cathy.
Kaya pala hindi na siya nakikipagkita sa akin. Kaya pala hindi na siya nakakasama sa gimmick namin ng tropa. Mula noon, sinikap kong patayin na nang tuluyan ang pagmamahal ko sa kaniya. Nagsimulang nilamon ng kadiliman ang imposible at malabo kong pangarap sa aming dalawa.
Nang magtapos ako ay niyaya ko siya sa aming inuman. Pumunta naman siya ngunit hindi rin nagtagal dahil kabuwanan na daw ng misis niya at ayaw niyang manganak iyon ng wala siya sa piling niya. Nakipag-inuman lang siya sandali. Napansin ko ang bahagyang itinanda niya. Tuluyan na ring nawala ang mga ngiti sa kaniyang labi at hindi na maaninag sa mukha niya ang dating kasiyahan. Nagbago na ng tuluyan si James. Sadyang lumayo na ng tuluyan.
Pagkaraan ng ilang buwan nang makatapos ako sa college ay nakapag-abroad ako. Sa Doha, Qatar ako nagiging totoong tao. Doon ko nagawang magladlad at maglandi. Doon na din ako nagkaroon ng ilang boyfriends, Pilipino, Pakistan, Briton at Lebanese at nakatikim ng iba-ibang putahe ng halos lahat ng lahi. Nakalimutan ko man si James ay alam kong may espesyal siyang lugar sa puso ko na hindi na kailanman mawawala.
Pagkatapos ng dalawang taon kong kontrata ay nagbakasyon ako. Naghihintay ako ng masakyan ko nang dumaan si James sa harapan ko. Maaring hindi na niya ako nakilala dahil sa tuluyang pagbabago ng anyo ko. Pumuti ako at nagkakulay ng buhok. Ang dating mataba kong katawan ay napalitan ng masel. Kuminis na din ang dating taghiyawatin kong mukha. Kung pagtabihin kaming dalawa, naungusan ko na siyang ng sampung paligo.
Ilang hakbang na ang layo niya sa akin nang makasiguro akong siya ang dumaan. Sa bilis ng pintig ng puso ko at pagkislot nito ay hindi ko namalayang hinabol siya, pinigilan sa kanyang paglalakad at niyakap nang makasigurado akong siya nga ang tropa kong si James. Nagulat siya sa ginawa ko at bigla akong inaambaan ng suntok. Ngunit nang mapagsino niya ako ay siya naman ang yumakap ng mahigpit sa akin!
“Tol, ano kumusta na! Aba! Tol, bigatin ka ha! Pogi! Laki ng pinagbago mo! Astig natin ngayon ah! Bakit bigla ka na lang nawala?” sunud-sunod niyang tanong.
Hindi ako nakapagsalita agad. Muli ko siyang pinagmasdan, hindi na kasi siya yung dating James sa panaginip ko. Kung pagtabihin kami ay mukhang napakalayo na ng agwat ng edad naming dalawa.
“Ano na tol… paambon ka naman diyan ng kaunting kayamanan. Kahit magpakain ka lang nang matikman ko naman ang suwerte mo sa buhay.” Umakbay siya sa akin. Naroon parin ang silakbo na aking nararamdaman noong kabataan palang kami sa tuwing naidadampi ang katawan niya sa katawan ko.
“Sige ba. Kain muna tayo sandali at inuman para makapagkuwentuhan naman tayo ng matagal.” sagot ko sa kaniya. Sa totoo lang kahit hindi niya sabihin iyon ay ako ang magpupumilit na makumusta siya at makasama kahit ng ilang oras pa. Namiss ko siya ng sobra.
Napakarami naming napagkuwentuhan sa gabing iyon.
“Nang mamatay si Nanay, nagkaletse-letse na ang buhay ko tol. Akala ko matatakasan ko ang problema ko sa pamilya nang nag-asawa ako pero huli na nang nakilala ko ang ugali ni Cathy. Sobrang reklamador at bungangera. Idagdag ang hirap ng buhay namin tol, ilang beses na kaming halos mapalayas sa inuupuhan naming maliit na apartment dahil walang maibayad sa renta. Ang tanging nagbibigay ng ngiti at lakas sa akin para lumaban sa buhay ay ang dalawa kong anak.”
 Naawa ako sa kaniya noon lalo na ng makita ko ang unti-unting pamamasa sa gilid ng kaniyang mga mata. Pinipigilan niya ang paglabas ng kaniyang mga luha. Ngunit kahit hindi niya pakawalan ang mga luhang iyon ay ramdam ko ang bigat ng kaniyang krus na dinadala. Alam ko kung gaano kasakit sa kaniyang masira ang kaniyang mga pangarap. Alam ko din kung gaano niya gustong mabuo ang pamilya niya at hindi maitulad sa nasirang pamilya niya winasak ng kaniyang ama.
“Kaya mo yan ‘tol. Ikaw pa e idol kaya kita sa tibay ng paninindigan mo.”
“Kung sana nga tol nakakain ang paninindigan o kaya naibebenta, siguro hindi kami maghihirap ngayon. Ikaw tol, kumusta? Mukhang asensado tayo ah.” Balik tanong niya sa akin.
“Ayos lang tol, sa awa ng Diyos. Eto nagbabakasyon lang. Sa makalawa balik ibang bansa uli.”
“Nag-abroad ka?”
“Oo, dalawang taon na din ako doon at maayos naman ang kita at buhay ko doon kaya babalik-balik na lang ako.”
“Tol, baka may alam kang trabaho doon sa akin. Kunin mo na ako kahit tiga-linis lang sa opisina ninyo puwede na, ang importante ay mabigyan ko ng marangyang buhay ang mga anak ko at matigil na din si Cathy sa karereklamo.”
“Tignan natin tol pero hindi ako makakabitaw ng pangako. Basta balitaan kita.”
Bago kami magkahiwalay ay inabutan ko siya ng kaunting tulong. Ayaw niyang tanggapin noong una ngunit napilitan din siyang tanggapin iyon dahil na rin sa pakiusap ko. Hindi kasi siya sanay na binibigyan kahit noong bata pa kami. Mahilig magpalibre ngunit hindi siya nanghihingi ng kahit ano. Saka bihirang-bihira din siyang humingi ng tulong, basta kaya niya, sosolohin niya. Ngunit nang humingi siya ng saklolo sa akin ay batid ko, nahihirapan na siya sa kaniyang buhay.
 Ibinigay ko ang roaming number ko sa kaniya na puwede niyang kontakin kung sakaling kailangan niya ang tulong ko.
Mahal ko siya ngunit tanggap na ng puso kong hindi siya maaring maging akin. Hindi na nangangarap ang puso ko na maging kami ang magkakatuluyan balang araw. Noon ko pa naman tanggap iyon. Noon ko pa pilit ipinaunawa sa aking sarili. Lalaki siya kaya natural na sa babae siya mapupunta. Ang tanging ninanais ko  na lang ngayon ay ang matulungan siya.
Ilang buwan pa ang lumipas nang makatanggap ako ng text galing sa kaniya. Nagpapatulong kung puwede ba siyang makapagtrabaho sa ibang bansa kahit wala siyang natapos. Marami kasing bagay kung bakit hindi ko sineryoso ang sinabi niya noong nagkita kami. Inisip ko kasi, maraming mababago. Mas lalong mahuhulog ang loob ko sa kaniya at tuluyang magugulo ang tahimik kong buhay sa ibang bansa. Ngunit ang pakiusap niyang iyon ay tuluyang lumusaw sa akin.
Pinalad akong makapagtrabaho sa Qatar bilang Recruitment Officer sa isang malaking Department store. Nagawa ko siyang ipasok bilang sales representative sa City Center. Iyon ang isa sa mga pinakamalaking Mall ng Doha. Napakasaya ko nang ibalita sa kaniyang may nahanap na akong trabaho para sa kaniya at maghanda na sia sa kaniyang pag-alis. Ang kasiyahan naming iyon ay kasabay ng takot na baka malaman niya ang aking pagkatao at dito kami magkasakitan at tuluyan din niya akong iwasan at kalimutan. Ang kaligayahan ko na makasama ang taong lubos kong minahal ng ilang taon na ay may kaakibat naman na agam-agam na hindi niya matanggap ang tunay na ako. Bago pa siya dumating ay nasabihan ko na ang buong barkada ko na igalang na lang ako o kaya ay ilihim ang pagiging tunay na ako lalo na kapag kaharap si James.
“So, pano? Lalaki din kami sa kapag nakaharap siya ganun?” si Vince. Ang pinakabaklang kaibigan ko sa Doha.
“Kapag kaharap lang naman natin siya. Mahirap bang gawin iyon?”
“Hindi ba puwedeng ikaw na lang ang mukhang straight tapos kami kumilos kami sa gusto naming ikilos?” pakiusap ng iba pa.
“Galit nga iyon sa bakla. Tapos kung makita niyang bakla din ang mga kaibigan ko siyempre iisipin no’n na bakla din ako.”
“Ayy, taray naman ng James na yan. Dahil sa kanya kailangan naming maging kilos lalaki din? Nakakaloka ha!”
“Naku huwag na kayong umangal. Pagbigyan ng ate ninyo, bihira lang naman ako sa inyo humihiling.” Pakiusap ko.
“Ewan ko sa’yo Christina! Tahimik na ang buhay mo ngayon, masaya at nagagawa mo lahat ang gusto mong gawin. Ngayon, gusto mong balikan ang buhay mo noong elementary, highschool at college ka na nakukulong sa sarili mong katawan? Hindi ka na lang kaya magbigti kasi iyon e, minsanang hirap lang. Mabuti sana kung hindi kayo magkasama sa iisang kuwarto. Hirap nun ‘te.”
“Tama na. Nandito na eh. Alangan naman na iatras ko pa e parating na dito yung tao.”
“Ano nga ba kasi ang nakain mo at pinapapunta mo pa siya dito. Mahal mo pa siya ano?”
“Tumutulong lang ako. Nahihirapan kaya yung tao sa atin.”
“Sus, tinutulungan lang daw. Ang sabihin mo mahal mo pa din yun no.”
“Andun na ako pero straight yung tao kaya kahit gusto ko, alam kong bawal at hindi puwede.”
“Yun na nga e, alam mong straight yung tao tapos kasama mo siya sa room, okey lang naman kung di mo siya mahal pero ang mahirap niyan e, may nararamdaman ka sa kaniya. Sana lang hindi mo pagsisihan ito.”
“Oo nga.” Pagsang-ayon din ng iba ko pang barkada.
“Naku huwag na nga lang kasi munang pangunahan ang mga mangyayari. Nandito na ‘to paninidagan ko na. Sige na, magsiuwian na kayo kasi magluluto pa ako ng pagkain kasi darating na siya mamayang gabi. Saka hakutin niyo na rin pala yung mga tinabi ko diyang mga abubot na siguradong di ko na muna magagamit.”
At nag-agawan ang lahat sa mga ilang damit at gamit kong sa tingin pa lang ay nagsisigaw na sa kabadingan.
Pagkasundo ko sa kaniya sa airport ay alam kong doon na magsisimula ang pagpapanggap ko na naman sa tunay na ako. Mahirap magbalat-kayo sa hindi naman talaga ikaw ngunit kailangan kong kayanin para kay James. Mahirap supilin ang tunay na kaligayahan at ang di pagkakatotoo sa mga taong tunay na nakakikilala sa akin. Kailangan kong ibaba na naman at idiretso ang maalon kong boses. Ang pamimili at pagbigkas ng mga katagang madalas lamang gamitin ng mga lalaki.  Iwasang makagamit ng mga salitang pambakla at kumilos ng walang indayog mula ulo hanggang daliri ng aking talampakan kasama na din yan ang akmang pananamit.  Bago pa man ako pumanta sa arrival terminal ay nilinis ko na ang kuwarto ko. Tinanggal ang lahat ng mga alam kong maaring pagmulan ng kaniyang hinala. Pinamigay ko na ang mga nakahiligan kong mga pink movies. Nakahide na din ang mga koleksiyon ko na hubad na larawan ng mga lalaki at mga nadownload kong mga m2m hardcore movies. Lahat na ay titiisin ko. Lahat na ay tatalikuran ko. Muli kong babalikan ang araw na magtago sa hindi ako.
Pagkakita ko sa kaniya na palabas sa Airport ay may kung anong saya ang naramdaman ko. Ngunit alam kong ang saying iyon naman ay ang kapalit ng hindi ko maipaliwanag na mga alinlangan. Saan ako dadalhin ng pagmamahal kong ito sa alam kong straight na kaibigan ko. Hanggang kailan ako magiging alipin ng sakit ng pagtatago at pagtitimpi? Paano ko kakayanin ang tukso ngayong dadalawa na lang kami sa kuwarto at sa bansang napakaraming bawal. Ngumiti ako at kumaway sa kaniya. Ang ngiti ay simbolo ng ligayang naramdaman ko dahil sa wakas ay makakasama ko na siya, ang aking pagkaway ay ang tuluyang pagtalikod sa dating ako sa Doha. Magsisimula na ng aming kuwentong dalawa.

No comments:

Post a Comment