Tuesday, January 15, 2013

Ang Lalaki sa Burol 08

By: Mikejuha
Blog: michaelsshadesofblue.blogspot.com
E-mail: getmybox@hotmail.com
Facebook: getmybox@yahoo.com


“G-ganoon ba?” ang sagot niya sa aking sinabing magresign na ako. Pansin ko ang biglang paglungkot ng kanyang mukha. “Iiwan mo na pala ako?”

Mistula namang hinataw ng isang matigas na bagay ang aking ulo sa kanyang naging reaksyon. Hindi ko kasi akalain na may epekto iyon sa kanya. “eh... h-hindi naman sa iiwan po Sir. P-pupunta pa rin naman ako sa MCJ Restaurant at doon ako kakain paminsan-minsan.” Ang nasabi ko n alang bagamat ang plano ko ay hindi na talaga magpapakita pa roon pagkatapos ng lahat. Ayokong makita pa ni Sophia. Ayoko rin siyang makita.


“Alam mo, Jassim... sasabihin ko sa iyo ang totoo. Nahirapan ako sa aking kalagayan. Ewan kung alam mo ang kwento ko. Alam kong alam ng maraming empleyado ng MCJ Restaurant ang kwento ko at marahil ay naikwento na rin ito sa iyo ni Ricky. Hindi ko na maalala pa ang aking nakaraan. Noong sinabi mong may nawala kang kuya at kamukhang-kamukha ko siya, natuwa ako. Alam mo ba? Kasi para bang may tanogn kaagad sa aking isip na ‘Wow... baka ako nga iyon. Baka ako nga ang kuya mo” At simula noon, palagi na kitang hinahanap. Parang nasasabik ako na makita ka. Nasasabik sa posibilidad na kapatid nga kita. Di ba kinanta ko kanina ang ‘Beautiful In My Eyes’? Dahil iyan ang sinabi mong kinanta ng kuya mo bago ka niya iniwan. Parang gusto ko lang kantahin iyon sa iyo. Nangarap ba na baka ako nga talaga ang kuya mo.”

Para akong nabusalan sa narinig. Ramdam ko sa aking katauhan ang gumapang na matinding awa sa kanya.

“Ang hirap ng kalagaya ko Jassim... kung alam mo lang. Oo, may pangalan ako, may trabaho, may mga dokumentong magpapatunay na ako nga si Marlon Ibanez. Ngunit alam ko ring itong katauhang ito ay hindi ang tunay kong pagkatao. GAwa-gawa lamang ito ni Sophia upang, sabi niya, ay habang hindi pa nanumbalik ang aking alaala, may pamilya ako; may nagmamahal. Ngunit parang nasasakal na ako. Kapag nag-iisa lang ako, nababalot ang aking isip sa maraming katanungan. Sino ba talaga ako? Sino ang tunay kong pamilya? Ano ang tunay kong pangalan? Nasaan ang mga taong nagmamahal sa akin? Kaya noong nakita mo ako, tuwang-tuwa akong baka ako nga ang kuya mo. Parang gusto ko nang ipagsigawan sa iyo na ako nga ang kuya mo. At iyan ang dahilan kung bakit...” hindi na niya itinuloy ang sasabihin. Para siyang nag-aalangan.

“B-bakit?”

“...inutusan ko si Ricky na hanapin ka, na hikayating mag-apply sa MCJ Restaurant.”

Nabigla ako sa kanyang sinabi. Para bang lalo pa akong naawa sa kanya. Nag exert talaga siya ng effort para lamang mag-apply ako sa kanila.

“Sorry. Ako ang nagplano ng lahat...” dugtong niya.

Hindi ako nakakibo. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin.

Tahimik. Nakita ko na lang ang pagpahid niya ng luha sa kanyang pisngi.

“O-ok lang po...” ang nasambit ko. Hindi po ako galit sa ginawa ninyo.

“Salamat at hindi ka galit.”

“Ako nga ang dapat magpasalamat.”

“Kay asana, huwag ka nang umalis. HUwag mo akong iwan.”

Natahimik uli ako.

“K-kung halimbawa bang ako nga ang kuya mo, hahayaan mo bang manatili ako sa ganitong sitwasyon? Ayaw mo bang manumbalik ang aking alaala at magsama tayo bilang magkuya, kasama an gating pamilya? Ayaw mo ba akong tulungan? Paano kung ako nga ang kuya mo at na-stroke ang ating inay... hahayaan mo na lang ba na hindi ko siya nakikita? Hahayaan mo bang hindi niya ako nasisilayan?”

“P-paano naman kung hindi pala ikaw ang k-kuya ko?”

“Iyan ba ang dahilan kung bakit ayaw mo akong tulungan? Dahil hindi ka sigurado kung ako nga ang kuya mo? Ayaw mo ba akong maging kuya? Kahit hindi totoong kuya mo ako, p-puwede pa rin namang kuya ang itawag mo sa akin, di ba? P-puwede pa rin namang ikaw ang bunso ko... kahit hindi totoo, di ba? Pakiramdam ko kasi, wala akong pamilya eh...”

Pinahid ko na rin ang sarili kong mga luha. Sobrang awa ang naramdaman ko para sa kanya, at nakosyensiya sa nagging desisyon ko at sa mga binitiwan niyang salita. Tumagos ito sa kaibuturan ng aking puso. Parang gusto ko na ring maging “kuya” siya. Hinawakan ko ang kanyang kamay. “N-nand’yan naman si Ma’am Sophia, di ba?” tanong ko.

“Hindi ko naman siya totoong pamilya, Jassim. Oo, nandyan siya, tumutulong sa akin... ngunit may kapalit ang lahat; an gpagmamahal ko. Tinulungan niya ako dahil... mahal niya ako. Pero kung nagkataong hindi niya ako mahal, sigurado, hindi niya ako tutulungan.”

“Bakit? Hindi mo ba siya mahal?”

Nahinto siya. “Huwag na natin siyang pag-usapan...”

Tahimik.

“P-puwede ba... huwag ka nang umalis sa restaurant?”

Tiningnan ko siya. Nagmamakaawa ang kanyang mga mata.

“Please...?”

Doon na ako tuluyang bumigay. Parang isang ice-cream ang aking paninindigan na natunaw sa init ng kanyang pagsusumamo. At wala na akong nagawa kundi ang tumango.

Bigla niyang binitiwan ang isang ngiti. Pakiramdam ko ay lumutang ako sa ere sa ngiting iyon. Iyon bang feeling na nalaman mong ikaw ang dahilan sa paglabas ng ngiting iyon. At ang lumabas sa kanyang bibig ay ang salitang, “Salamat...”

Tinugon ko ang kanyang ngit. “Walang anu man...”

“At puwede ba, kuya mo na rin ako?”

Na lalo ko pang ikinatuwa. Tumango uli ako. At sa pagkakataong iyon, hindi ko na-kontrol ang aking sarili. Ako na ang nag-initiate na yakapin siya. Niyakap ko siya nang mahigpit.

Nagyakapan kami. Ramdam ko ang kanyang kasabikan. Matagal kami sa ganoong posisyon...

“Simula ngayon, ikaw na ang bunso ko... at ako na ang kuya mo. At kuya na ang tawag mo sa akin.”

“Y-yes sir...”

“Kuya...”

“O-opo kuya...”

“Yan... ansarap pakinggan. Ang sarap ng pakiramdam.” Sabay bitiw uli ng ngiti. “O ano... magkuwentuhan na lang ba tayo? Kain na tayo!” sambit niya.

“Grabe... ang daming pagkain!”

“Syempre, espesyal sa akin ang ka-date ko ngayon...”

At ewan, para akong lumutang sa langit sa narinig. Lihim na kinagat ko na lang ang aking labi, kinilig ba sa binitiwan niyang salitang “date”. “P-paano natin mauubos iyan?”

“Problema ba iyan? Ipabalot natin, ibigay mo sa mga kasama mo sa boarding house. Bigyan mo rin si Ricky.”

Ay hayun... kumain kami at pagkatapos ay nagkantahan. At hindi ko nalimutang kantahin ang aking theme song para sa sarili –




Everybody has a first love, they have left in yesterday.
Feelings they have left behind, it's just a place in time but not so far away.
Everybody has a first love, when the dream they shared was new.
I remember that special someone, so I wrote this song just for you.

First love in my life. Where are you tonight? I wonder about you.
First love in my life. Did things turned out alright? I worry about you.
'Cause I've got everything, everything in life that I wanted.
It would kill me now and make me sad to know you are lonely.
First love never dies.

I wish you love, I wish you happiness. And may the years be kind to you.
You'll always be a part of me, share this thought with me. I'll carry you always.

First love, first love never dies. Remember
First love, first love never dies. I tell you
First love, first love never dies. Remember
First love, first love never dies. Whoa...

“Palagay ko ay umibig na si bunso ko. Uyyy... sino kaya.” Biro niya sa akin.

“Hindi pa kuya...” ang sagot ko na lang. Naalala ko tuloy ang sandaling si James mismo ang nagsabi sa akin na masarap daw kapag naranasan ang umibig. At tinanong niya rin ako kung umibig na nga ako. Ngunit ang isinagot ko na lang ay hindi pa. Paano naman kasi, alangan namang sasaihin kong oo at sa kanya.

“Talaga?”

“Talaga po...”

“Ah, ok. Kung ganoon, kuwentuhan mo na lang ako tungkol sa kuya mo...”

“Ano... mabait siya. Marami siyang itinuro sa akin. At ang tawagan pala namin ay Yak.”

“Yak??? Bakit Yak?”

Na siyang ikinabigla ko naman. Nalimutan ko kasing malaswa ang ibig sabihin noon. Kasi nga, hindi rin naman talaga kami magkapatid ni James. “E... ano... b-biruan lang namin iyon. P-parang...” napatingala ako, nag-isip kung ano ang aking sunod na sasabihin. “...iyong kapag nainis ako, ano... sasabihin ko na lang na ‘Yakkkkkk!’ parang ganoon. Tapos iyan, ginaya na rin niya ako. Sasabihin niyang, ‘Yakkkkkkk!’ parang nang-aasar ba.” Ang naimbento kong kuwento.

“Ah. Sweet naman ng kuya mo.”

“Opo... sobrang sweet po niya sa akin. Sobrang bait po.”

Natahimik siya sandali. “G-gusto mo, yak na rin ang tawagan natin?”

Na ikinatuwa ko naman. “S-sige kuya... yak na lang!”

“Ok. Yakkk???”

“Ok po. Yakkk!” sagot ko.

Sabay kaming nagtawanan.

Kinabukasan, balik trabaho na naman ako. Tinapos ko muna sandali ang aking nasimulang assignment sa nakaraang araw sa tambakan at noong natapos na ito, nilagyan ko pa ng malaking notice sa mga nagtatambak naming kasamahan na ilagay sa tamang lagayan ang mga basura. May marka pa ang mga tambakan, plastic, papel, tirang pagkain, kahoy, etc... May itinanim din akong puno sa mga gilid ng lugar upang magsilbing lilim at makapagbigay ng preskong hangin.

Tuwang-tuwa si Marlon sa aking ginawa. At ang sabi pa niya ay ituloy raw niya ang paglagay ng cottages sa area na iyon upang magiging extension ng restaurant para sa mga customers na gustong kumain ng may outdoor na ambiance at may privacy. Hahanapan na rin daw niya ng bagong lugar ang tambakan ng basura na, sabi pa niya, ay segregated na. “Dapat naman kasi ay ganyan, di ba? Iba ang para sa mga recyclable na plastic, glasses o bote, papel, iba rin ang sa mga organic na puwedeng gawing pampataba sa lupa. Kung ganitong sistema lamang siguro ang ipatupad sa lahat ng mga factories, kumpanya, at mga indibidwal na tao, sigurado, hindi mamomroblema ang Pilipinas sa ating basura dahil ang mga papel, plastic, bote, styrofoam, rubber, ay mare-recycle at magamit muli at ang mga organic ay pwedeng mai-process sa mga processing plant upang gawing pataba ng lupa, o feeds ng mga hayop. Di ba Yak?” Ang sabi niya.

Nagulat naman ako at biglang napatingin sa kanya. Para bang napaka-casual lang ng kanyang pagtawag sa akin ng Yak. “Marinig ka po ng mga kasamahan ko sa work...” ang bulong ko sa kanya.

“Malayo naman ang mga iyon eh. At busy silang lahat sa trabaho nila. Di ba yak?”

“O-opo Sir...”

“Bakit hindi yak?”

“Opo yak...”

Tumawa siya at tumalikod patungo sa kanyang opisina. “O sya... doon ka na sa dining pagkatapos mo d’yan ha? Huwag ka nang bumalik d’yan.”

“Opo...”

Natapos ako ang aking ginawa sa tambakan na iyon. Dali-dali akong nagpunta sa locker upang magbihis at makahabol sa dining.

Patungo na ako sa dining noong nakasalubong ko naman si Sophia. At hindi pa man ako nakapag good morning sa kanya ay, “Saan ka???!” ang banat niya kaagad sa akin.

“G-good morning po... M-miss Sophia. Ang sambit ko kahit inunahan niya ako ng tanong. At siguro sa aking pagkagulat sa kanya at sa pag-asa na sana ay hindi na siya magagalit sa akin at hindi pahirapan, base sa tip na rin na ibinigay sa akin ni Ricky, ang naidugtong ko pa ay, “Ang ganda-ganda po ninyo ngayong umaga Miss!” kahit labag ito sa aking kalooban.

Ngunit nawindang naman ako sa kanyang sagot. “I know that! Everyone tells me that that I’m very beautiful! Araw-araw ko nang naririnig iyan. Nagsawa na ako. Wala na bang bago???” ang mataray niyang sagot.

Mistulang pinalo ng frying pan ang aking ulo sa kanyang sinabi. Hinid ko naman sinabing very beautiful. Beautiful lang. Para tuloy nagsisi ako kung bakit ko pa sinabi iyon. “Eh...” ang nasambit ko. Hindi ko kasi alam kung ano pa ang sasabihin.

“Halika sa opisina ko!” at tinumbok niya ang pintuan ng kanyang opisina.

Sumunod ako, kinabahan sa sunod namang iuutos niya sa akin. Pakiramdam ko ay may balak na naman siyang ipagawa.

“At bakit nandito ka pa rin sa restaurant??? Di ba sinabi ko na sa iyong dapat ay lumayas ka na rito???!” ang galit na tanong niya kaagad sa akin noong nakaupo na kaming pareho sa loob ng kanyang opisina.

“A-ayaw po ni Sir Marlon na umalis ako rito e.” Ang sagot kong halatang nanginginig ang boses.

Na lalo naman niyang ikinagalit at sumigaw ng, “Ang kapal pala ng mukha mo, ano??? Bakit? Iisa lang ba ang mga katawan ninyo at hindi ka pwedeng lumayo sa kanya? Mamamatay ka ba kapag wala siya? Ha???!!!”

“H-hindi naman po.” Ang sagot ko na lang. Parang gusto ko nang umiyak sa ipinakita niyang galit sa akin.

“Hindi naman pala eh! Bakit mo ba gustong isingit ang sarili mo dito? May ibang motibo ka siguro ano? Ano ba ang motibo mo? May masamang balak ka sa akin? Hoy... Jassim, kung hindi ka pa lalayas hanggang sa susunod na linggo, huwag mo akong sisihin kapag may masamang mangyari sa iyo ha? Hindi ko kagustuhan iyan. Ayoko lang talagang makita ang pangit mong pagmumukha dito! Naintindihan mo???!!!”

Hindi na lang ako umimik. Wala naman kasing patutunguhan kapag sasagutin ko siya. At baka tuluyan pa niya akong ipapatay. Kawawa naman ako. Kawawa ang pamilya ko.

Tahimik.

Biglag bumukas ang pinto. “Hon... bakit?” ang sambit ni Sophia, nakatingin sa pintuan. Hindi ko namalayang bumukas pala ang pinto at sumilip si Marlon.

“Napadaan lang. Nand’yan pala si Jassim? Di ba dapat ay nasa area ng dining na siya?”

“A... e... d-dito sa office ko na lang siya. D-dito ko siya i-assign.”

Ah, good! At least matuto siya sa mga office works. Sige, titingin-tingin lang ako rito...” at isinara na ni Marlon ang pinto.

“Ok... Para matuto ka sa mga office works.” Ang sarkastiko naman niyang paggagad sa sinabi ni Marlon sabay tawa pa.

Hindi pa rin ako umimik. Hinintay ko lang ang kung ano man ang kanyang ipagawa.

“Siguro naman ay sa ipagagawa ko sa iyo na ito, matututo ka talaga sa mga ‘office works’” ang pag-emphasize niya sa salitang ‘matuto sa office works’. Kinuha niya ang isang memo sa kanyang tray at ibinigay iyon sa akin. “Memo iyan tungkol sa budget preparation. Next week ay may board meeting ang kumpanya at i-present sa chairman ng board, daddy ko, ang budget report sa lahat ng restaurants na pag-aari namin. Gusto kong ikaw ang gumawa nito at dapat na matapos mo ito within two days. Kasi, pag-aaralan pa namin kung tama ba ang ginawa mo at kung hindi naman, may time pa na baguhin mo ito. Med’yo mahirap iyan pero gusto mong isingit ang sarili mo dito eh kung kaya, magtiis ka! Puwede mo nang simulan ngayon dahil I’m sure, hindi mo iyan matatapos ng dalawang araw lang...” Sabay tayo, kuha sa kanyang bag at tinumbok na ang pintuan.

Napakamot naman ako sa aking ulo. Natuwa akong umalis siya ngunit kinabahan naman sa kanyang ipinagawa. Hindi ko naranasan ang paggawa ng budget. Wala akong background sa management o accounting. “Eh... saan naman po ako kukuha ng data at references?” tanong ko habang hindi pa siya nakalabas ng kuwarto.

“Maghanap ka ng paraan! Bobo! Gusto mong magtrabaho rito, magpakitang-gilas ka! Bawal ang walang alam at bobo dito! May isang computer d’yan hanapin mo!” ang sagot niya ang mga mata ay nanlilisik sabay hataw ng pagsara ng pinto.

Wala na akong nagawa kundi ang tumbukin ang computer, binuksan ito at naghanp ng mga files. Ngunit wala talaga akong mahanap maliban sa isang file format ng budget preparation, kasama na ang procedure ng paggawa nito. Ngunit general ang mga rules. Wala ang mga detalye kung saan hahanapin ang mga data, kung paano ang detalyadong step-by-step na proseso ng paggawa. Pinagtyagaan ko na lamang na basahin ito, inaanalyze na mabuti, at pinag-aralan ang format nito.

Na-analyze kong may mga categories sa paggawa ng budget, kagaya ng salary, overtime, allowances, SSS contributions, insurance, medical, uniforms, and safety paraphernalia, at iba pang labor costs. May mga fixed assets din, non-fixed assets, IT cost, power, rent, water, marketing, at iba pang mga miscellaneous expenses.

“Igan! Anong nangyari? May bawang ka bang dala-dala d’yan?” ang sambit ni Ricky. Nakapasok na pala siya sa opisina ni Sophia na hindi ko namalayan dahil sa aking matinding pagconcentrate sa ipinapagawa sa akin.

“Ha??? B-bakit???” ang gulat kong tanong.

“May aswang kasing iritang-irita galing dito sa loob at hayun, buwesit na buwesit na sumakay ng kotse. Ano na naman ang ipinagawa sa iyo ng bruhang iyon?”

“Ikaw talaga!” sagot ko. Alam ko naman kasing si Sophia ang tinutukoy niyang aswang. “Binigayan ako ng assignment at heto, ang sakit-sakit na ng ulo ko sa ka-aanalyze!”

“Bakit ano ba yan? Dota?” sabay silip niya sa computer.

“Baliw! Budget preparation daw iyan at dapat na matapos ko ito bukas.”

“Huwawwwww! Desperada na talaga ang demonya no? Kung anu-ano na lang ang ipinapagawa sa iyo!”

“Oo nga eh.”

“Sabagay, maganda iyan sa iyo kasi, matututo ka talaga. At kung hindi mo naman magawa... kasalanan niya! May accounts department naman ang kumpanyang ito, may mga accounts staff, kung bakit sa isang crew lamang niya ipinapagawa iyan. Maselan iyan, ni hindi nga ipinapakita iyan sa amin dahil nand’yan ang mga financial na detalye ng kumpanya. Gaga talaga!”

“Oo nga, maselan. Pero binigay sa akin eh. At hindi ko alam kung paano gagawin, kung paano sisimulan.”

“Hay naku... tingnan nga natin.” At sinilip muli ni Ricky ang computer, pinag-aralan ang nakalagay na mga rules. Ngunit pati si Ricky ay wala ring ideya kung paano gagawin. Hindi raw niya maintindihan ang mga nasabing rules. “English kasi igan! Atsaka ba’t ba ang daming rows at columns? Ano ba ang ilalagay d’yan? Wala pa ngang figures ang mga iyan nahihilo na ako igan eh. Maghanap na lang kaya tayo ng iba pang mga tambakan upang iyon na lang uli ang linisin mo! Kahit sampong tambakan pa! Mas madali pa iyong linisin kaysa iyan. Ang hirap-hirap niyan!”

“Ikaw talaga, puro ka biro.”

“Totoo namang mahirap iyan igan, di ako makatulong sa iyo. Gusto mo, lagyan ko na lang ng virus iyang computer para masira ang lahat ng mga files d’yan at may dahilan ka kung bakit hindi mo nagawa.”

“Tange!”

“O kung gusto mo, itakin na lang natin ang computer na iyan kasama na ang may-ari ng opisinang ito. Malaking tulong ata ang itak na iyon sa unang ipinagawa niya sa iyo. Baka mas makatulong iyon dito...”

Napangiti na lang ako sa sinabi ni Ricky. “Sige na... balik ka na sa work mo. Sayang ang oras. Pag-aralan ko na lang itong maigi”

“Takutin mo na lang kasi si Sophia, igan! Lumaban ka. Sabihin mong huwag ka nang apihin pa kasi, kapag ganyang inaapi ka niya, aalis ka nga ngunit isusumbong mo siya kay Sir Marlon na siguradong sasama sa iyo. Tayong tatlo ang magsama, sa isang bubong, igan! Ako ang maghahanapbuhay para sa inyo ni Sir Marlon! Magmahalan tayong tatlo.” Sabay tawa.

“Gagi! Baliw! Sige na... sayang ang oras ko.”

“Hay naku. Kapag ako ang naiinis d’yan sa Sophiang iyan, ako na mismo ang magsumbong sa mga pinapagawa ng bruhang iyan sa iyo kay Sir! Makikita niya!” sabay talikod at deretso na sa kanyang area.

At itinuloy ko na naman ang pag-aaral sa format at sa rules kung paano gumawa ng budget. Sa pag-analyze ko, napagtanto ko na dapat kong isa-isahin ang mga categories at i-break ang mga ito. Kagaya ng sa salary; kung magkano ang average na sweldo ng lahat ng empleyado from top positions, regular at contractual, hanggang sa pinaka-mababa, at kukunin ko ang average. I-break ko ito per month, at kunin ang total na sweldo at i-reflect sa summary page kung saan ay may comparative na figures ng actual at previous budget. At ganoon din ang gagawin ko sa overtime, sa allowances, sa SSS contributions, sa power, rent, miscellaneous, etc...

Agad kong sinimulang i-break ang category sa salary. Ang problema pala ay wala akong reference sa mga sweldo ng mga tao; kung saan ako kukuha ng data. Ganoon din ang sa overtime, sa mga allowances, kung sinu-sino ang mayroon nito, gawa ng housing allowance, transportaiton allowance, food allowance, lahat ng mga data lalo na sa actual ay wala ako. Ang hirap pa, nasa 35 ka restaurants mayroon sila at ang lahat ng iyon ay gagawin ko isa-isa at i-consolidate.

Dali-dali kong tinawagan ang HRD upang hingiin ko kung puwede ba nila akong mabigyan ng data ng mga sweldo ng tao sa lahat ng branches.

“Sino to?” sagot ng nasa kabilang linya.

“Si Jassim Castro po.”

“Ikaw na ba ang bagong accounts staff d’yan?”

“H-hindi po. Contractual service crew lang po ako. Pero ako po ang pinagawa ng budget.”

Dinig na dinig ko naman ang malakas na tawa sa kabilang linya. Sigurado, iniisip niyang nagbibiro lang ako. “Kay Ma’am Sophia ka na lang manghingi ng data Jassim. Confidential ang mga data na ito!”

“Si Ma’am Sophia nga po ang nag-utos sa akin na gumawa ng budget eh...”

“Pwes, kailangan namin ng memo na ino-authorize ka niyang kumuha ng data ng sweldo ng mga tao!” Sabay bagsak ng telepono.

“Patay!” sa isip ko lang. Syempre, isang malaking dagok iyon sa aking paggawa ng assignment. Tinawagan ko na rin ang accounts at ganoon din ang sagot nila. Hindi sila pwede magbigay ng kung anong data sa mga taong walang authorization at wala sa mataas na katungkulan.

Tinawagan ko si Sophia at sinabi sa kanyang kailangan ko ng authorization galing sa kanya bago ako mabigyan ng access sa mga data na kailangan ko. Ngunit mas matindi pa ang isinagot niya sa akin. “Punyeta! Gamitin mo ang utak mo! Bobo! Gago! Kung hindi mo kaya, lumayas ka na d’yan! Letche! Tangina mo!!!”

Mangiyak-ngiyak akong lumabas ng opisina at sa isang sulok ng dining hall ay umupo na lamang, nagmuni-muni kung kakagatin na lang ba ang sinabi ni Ricky sa akin na takutin na lamang si Sophia, lagyan ng virus ang computer, o di kaya ay isusumbong ko na lang kay Marlon. Ngunit nag-alala naman akong baka lumala pa ang sitwasyon at gagawa ng masama si Sophia sa akin o sa pamilya ko. Alam ko, sagad sa buto ang pagmamahal niya kay Marlon at gagawin ang lahat kahit pumatay pa ng tao upang huwag lamang mawala sa kanya ang taong minahal.

“Igan! Anong ginagawa mo d’yan!” Si Ricky. Nakita niya akong halos iiyak na, malungkot na malungkot ang mukha at malalim ang iniisip.

“Suko na yata ako, Ricky. Hindi ko na yata kaya eh. Wala akong data, ang mga tinatanong ko ay hindi naman nakikipag-cooperate sa akin kasi wala nga ako sa posisyon upang gumawa ng ganitong assignment.”

“Ano bang data ang kailangan mo?”

“Mga sweldo ng tao, overtime, mga allowances, mga contributions ng kumpanya, lahat ng expenses ng MCJ chains, at mga actual na data...”

“Ang dami pala.” Nag-isip si Ricky. “S-andali... ang computer ba na ginamit mo ay iyon din iyong kay Sophia?”

“Hindi. Spare iyong ginamit ko...” sagot ko.

“Tingnan nga natin uli.” At bumalik kami sa opisina. Tiningnan niya ang computer ko atsaka binuksan ang computer ni Sophia. Nagbukas ng mga files. “Tingan mo... ito ba iyon?”

Sinilip ko ang computer, pinag-aralang maigi ang mga nakasulat. “Iyan nga ang kailangnan ko Ricky!!!”

“O... sabi ko sa iyo eh...” ang pagmamayabang ni Ricky. “Dito tayo sa opisinang ito hanggang ngayong gabi. Tingnan natin kung hindi matatapos iyan.”

“E paano iyan, hindi ba niya malalaman na binuksan natin ang computer niya?”

“Walang alam iyon sa computer. Pero para magawa mo sa computer na gamit mo ngayon ang mga kailangan mo, d’yan natin bubuksan. Naka-link kasi iyan sa computer ni Sophia eh. Nababasa ng computer mo ang laman ng computer niya.” Sambit ni Ricky. IT kasi ang kurso ni Ricky kung kaya alam niya ang pasikot-sikot sa computer.

“H-hindi ba tayo sisitahin ng guwardiya kapag nandito tayo hanggang gabi?”

“Manliligaw ko kaya ang guwardiyang iyan. Kahit madalign araw pa tayo rito, ok lang iyan. Sasabihin ko lang d’yan na payag akong makipagdate sa kanya, bibigay na iyan. Patay na patay iyan sa akin.” Napahinto siya. “At ano ka ba? Legal ang gagawin natin dito ano” Sasabihin nating pinagawa sa atin ang budget preparation ng kumpanya at nagpaalam na tayo kay Sir Marlon. At mas mahalaga pa ang gagawin nating ito no kaysa pagpapa cute ng guwardiyang iyaa at paghahawak niya sa kanyang baril. Hmpt!” sambit ni Ricky. “Pero mamaya habang abala ka dito, pwede ko rin namang bahagihan iyon ng kaunting kaligayahan.”

Natawa na lang ako. Pero at least, nagpasalamat akong kahit gabi ay puwede kaming magtrabaho. Pursigido kasi akong tapusin ang pinagawang trabahoi ni Sophia. At wala rin si Marlon, may seminar daw sila sa ibang lugar kung kaya wala rin siya upang sa kanya sana kami magpaalam.

Nag-absent ako sa aking klase sa gabing iyon at pinagpuyatan ko talaga ang assignemnt na ibinigay ni Sophia. Maselan kasi ang paggawa nito at hindi lang mabusisi, kailangan pang magtugma ang budget na pinapagawa sa actual na mga figures at sa previous budget. Ibig sabihin, halimbawang sa sweldo, dapat ay hindi magkalayo ang gagawin kong budget sa actual o previous na budget kung wala namang masyadong movement sa manpower at increase sa sweldo ng mga tao. Ganoon din ang sa overtime. Kung walang projected na malaking overtime, hindi dapat lalayo ang figure sa dating budget. At kung magkalayo man, dapat ay may justification. Iyon ang natutunan ko sa isang buong gabing ginawa namin ni Ricky ang assignment na iyon. Pati si Ricky ay laking pasalamat din kasi, may natutunan daw siya sa paggawa ng budget preparation. At malaki rin ang pasasalamat ko kay Ricky. Kumbaga, parang perfect partner kami dahil siya ang tumutulong sa akin sa mga data at computer works at ako naman ang nagdala sa buong proseso, nag-aanalyze, nagko-compute, at gumawa sa buong budget.

“Hayyyy... kahit papaano, may natutunan din naman tayo sa hirap natin sa gabing ito. Salamat sa domonyang iyon!” ang sarcastic na sabi ni Ricky.

Madaling araw na kaming nakauwi ni Ricky. At noong dumaan na kami sa guard house, huminto muna siya sandali at pinasalamatan ang guard, biniro pang yakap-yakapin niya ito. “Payag na akong magdate tayo bukas...” sambit ni Ricky sa guwardiya sabay bigay ng flying kiss. Hindi ko naman naiwasang hindi sumiksik sa aking alaala si James noong nag-guwardiya pa siya sa burol. Lalo akong nasabik sa kanya, sa mga ginagawa namin.

Kinabukasan ng umaga, nagreport pa rin kami ni Ricky sa restaurant. Noong dumating na si Sophia, nagkunyari busy akong abala sa paggawa sa assignment na binigay niya. Ang hindi niya alam, natapos ko na ito sa nakaraang gabi iyon.

“O nasimulan mo na ba? Remember, bukas ng umaga ko na kukunin iyan sa iyo! Kapag hindi mo natapos iyan, malintikan ka sa akin!”

“N-nakapagsimula na po ako Miss Sophia... Kaso po, iyong ibang data ay hindi ko po mahanap...”

“Gamitin mo ang utak mo! Ang laki-laki ng ulo ang liit-liit naman ng laman!”

Hindi na lang ako umimik. Sa pagkatapos ng lunch ko kasi naisipang ibigay ang report upang may time pa akong mag double-check. Sinabihan ko rin si Ricky na after lunch ko na siya i-submit.

“Sabihin mo sa akin friend ha? Papasok ako sa opisina niya kapag naibigay mo na. Gusto kong makita ang reaksyon niya. Sigurado, lalaki na naman ang mga mata noon na dati nang malaki. Imagine, isang contractual service crew lang ang gumawa ng budget ng kumpanya nila... hah!” pagmamayabang pa ni Ricky. “Huwag nilang mamaliitin ang isang upcoming ‘summa cum laude’ sa darating na graduation. Akala niya...” dugtong din ni Ricky. Nasabi ko kasi kay Ricky ang sinabi sa akin ng Dean ko sa college na kapag namaintain ko raw ang aking grades hanggang sa finals ay hindi malayong summa cum laude nga ang matatamo kong karangalan sa graduation.

Pagkatapos na pagkatapos ng lunch, hayun, ibinigay ko na ang report kay Sophia. Naroon din si Ricky, nagkunyaring may ibinigay sa akin na mga dokumento.

At kitang-kita namin ang paglaki ng mga mata ni Sophia noong iniabot ko na sa kanya ang spreadsheet kung saan plantrsado na ang lahat ng mga data at detalye ng budget.

Tiningnan niya ito ng maigi. “Saan ka kumuha ng mga data? At sino ang nagbigay sa iyo ng access?”

“Eh...” ang nasambit ko lang, hindi agad nakasagot. Hindi ko kasi inaasahan na itatanong pa niya iyon. Patago kasi ang pag-access namin ng mga data sa computer niya. “E-estimate ko lamang po... at iyong iba ay sa mga hard copy files natin.” Ang naisagot ko na lang.

Tiningnan niya uli ang aking report. Tiningnan niya ang summary at ang comparative na analysis na pahina ng mga data. Dito pa lang kasi, malalaman na kung may discrepancies ang budget.

Habang nagbabasa siya, tyempo ring pumasok si Marlon sa opisina ni Sophia. “O ano yan? Mukhang budget na yan ah!” ang excited na sambit ni Marlon noong nakita si Sophia na tutok na tutok sa kanyang binabasang spreadsheet.

“Opo Sir. Tapos na pong gawin ni Jassim ang budget.” Ang pagsingit naman ni Ricky.

Halatang nagulat si Marlon. “What? Si Jassim ang pinagawa ng budget? At natapos agad ito? Owwww... Ambilis naman! Mahigit isang linggong ginagawa ng staff namin iyan ah, wala pang tulugan!” sambit naman ni Marlon na hindi makapaniwala sa nalaman.

“Nonononono! Marami pang mali-mali ito!” ang antipatikong sagot naman ni Sophia sa sinabi ni Marlon. Halatang hindi matanggap-tanggap ng kanyang kalooban na ganoon kabilis na natapos ni Jassim ang ipinagawa niya. At baling niya kay Jassim, “Itong data sa previous budget na ginawa mong basehan sa comparative analyis, saan mo kinuha ang mga ito? Nasaan ang reference na ginamit mo?”

“Eh... E-estimate lang din po.

“Anooooo? Ginawa mong biro ang budget natin?” ang pagreact niya sa sagot ko. At baling kay Marlon, See hon??? Gumawa ito ng compatarive analysis ng actual data at budget ngunit puro estimate lang pala? Pati sweldo ng mga tao, estimate??? Anong klaseng budget ito? Hindi! Hindi ko matatanggap ito! Budget na puro estimate??? Huh!!! ang sigaw ni Sophia, gumawa ba ng eksena.

At doon, hindi ko na napigilan ang sarili. Bagamat may takot akong nadarama, isiniwalat ko na ang totoong nangyari sa harap mismo ni Marlon. “Puro estimate lang po iyan kasi po... noong tinawagan ko ang accounting at HRD ayaw nilang magbigay ng figures at access kasi daw po, confidential ang mga data at hindi naman daw ako manager o may katungkulan para bigyan nila ng access. At noong sinabi kong kayo po ang nagpagawa sa akin ng budget, pinagtawanan nila ako na para bang niloloko ko lang sila. Ayaw po nilang maniwala na ako ang pinagawa ng budget. At sinabi nila sa akin na kung totoo ngang ako ang pinagawa ninyo nito, manghinig ako sa inyo ng leter of authorization o di kaya ay sa iyo na lang daw ako manghingi ng data dahil mayroon naman daw kayo noon. Ngunit Noong tinawagan ko naman po kayo, ang sabi mo lang sa akin ay maghanap ako ng paraan. At bobo ako, gago ako, punyeta ako, letche ako, at tangina mo!” Inimphasize ko pa talga ang “tangina mo” na pahiwatig na iyon ay para sa kanya. “Kaya, iyan ang paraang naisip ko” dugtong ko. Alam ko, nanginginig ako sa magkahalong kaba at galit.

Kitang-kita ko naman ang lihim na pagngiti ni Ricky at lihim pang nag thumbs up sa akin. Iyon bang tuwang-tuwa sa sinabi ko. At parang nanunulsol pa ng, “Sige pa Jassim! Sige pa!”

Si Sophia naman ay biglang napatakip sa kanyang nakabukang bibig at tiningnan si Marlon. “Nonono honey. Noong tumawag si Jassim, pinagalitan ko ang driver ko. Nagtravel ako noon patungo sa seminar natin kung kaya hindi ko rin siya masyadong narinig. Akala ko hindi pa kunektado ang line niya kaya ang galit ko sa driver ay narinig din niya!”

Tiningnan ko si Ricky na tuwang-tuwa pa rin at ang mukha ay parang may sinabi sa isip niya lang na, “Hmmmm, palusot!”

Sinagot ko uli si Sophia. “Kung gusto niyo po, ibigay niyo sa akin ang actual at previous budget data para mai-kumpara ko kung may mga mali-mali na figures at nang mai-revise ko kung mayroon mang dapat i-revise...”

Walang imik na hinugot ni Sophia ang susi sa kanyang bag at binuksan ang drawer sa gilid ng kanyang mesa. May kinuha siyang file box. Tiningnan niya ito at tiningnan din ang aking ginawang budget. Kinumpara ang mga figures.

“Sandali...” sambit ni Marlon. Tumabi si Marlon kay Sophia sa harap ng table kung saan nakalatag ang spreadsheet. Tiningnan din niya ito at piang-aralan, kinumpara ang mga data. Marahil ay iyon ang previous budget at data ng mga actual figures kung saan nandoon sa files ng kanyang computer na ginamit namin ni Ricky. Tutok na tutok si Marlon sa pag-analisa sa mga data sa ginawa kong report.

Maya-maya, “Mukhang ok naman ang figures niya hon... wala naman akong nakitang mali sa mga actual at previous budget data natin. Excellent!” ang sabi ni Marlon na nakangiti pa sa akin. “Pinahanga mo talaga ako Jassim! Paano mo nagawa ito ng ganito kabilis, ganito kagaling?”

Na siya namang pagsingit ni Sophia. “Tinulungan ko iyan hon. Ako pa nga ang nagturo sa kanya eh. Kung kaya ganyan kaayos iyan” at abling sa akin, “Sandali Jassim, ibigay ko sa iyo ang iba pang data para ma double check mo pa ha? Pareho lang iyan sa soft copy na ibinigay ko sa iyo na may mga entries na, iyong kinupya mo lang para ma-kumpleto ang report” at baling naman kay Marlon, “Actually hon, more on encoding lang ang ginawa niya. Ako ang nag-provide ng mga data sa kanya. Ako ang gumawa ng lahat nang iyan...”

“Totoo ba, Jassim? Encoding lang ang ginawa mo rito?”

Binitiwan ko ang isang hilaw na ngiti at sinagot siya. Feeling ko ay hindi ko na talaga masikmura pa ang kasinungalingan ni Sophia. Kung kaya ang naisagot ko ay, “Di ba sabi ko, mga estimate lang ang figures na entry niyan kasi noong tinawagan ko po kayo, ang sabi mo lang sa akin ay maghanap ako ng paraan. At sabi mo pa, bobo ako, gago ako, punyeta ako, letche ako, at tangina mo!” Inimphasize ko uli ang “tangina mo” sa sobrang pagkainis ko na talaga. At baling kay Marlon, “Ngayon lang po niya ibinigay sa akin iyan Sir... Nagsinungaling po siya! Paano po niya magagawa ang budget samantalang nandoon po kayong dalawa sa seminar?”

Biglang naging seryoso ang mukha ni Marlon. Parang nagalit. At baling niya kay Sophia. “Totoo ba Sophia? Nagsinungaling ka?” tanong niya kay Sophia.

At doon na kami nagulat ni Ricky noong ngumiwi ang mukha ni Sophia at biglang umiyak. At humikbi pa. Humagulgol. Parang hindi ako makapaniwala na ang isang matapang at tuso na si Sophia ay iiyak ng ganoon, tila isang batang nagsisigaw, “Ganyan na ba ako ngayon? Sinungaling??? Dumating lang ang hapas-lupang iyan!” turo sa akin “Ganyan na ang pagtingin mo sa akin? Sinungaling ako???! Hindi ko na kaya ito! Hindi ko na kayaaaaaaa!!! Arrrgggghhh!!!” at parang isang batang nagtatakbo palabas sa kanyang opisina.

Humabol naman si Marlon. Pareho kaming napako sa aming kinatatayuan ni Ricky. Parang mga tuod na hindi makapagsalita sa sobrang pagkabigla sa eksenang ginawa ni Sophia.

Maya-maya, lumingon si Ricky sa akin. “Wow!!! Pang FAMAS award ang drama niya igannnn!!” sabay tawa ng malakas.

“N-natatakot ako sa mga piangsasabi ko, Ricky.”

“Huwag kang matakot igan. Manalig ka. Nasa iyo ngayon ang makapangyarihang salita ng bertud!”

“Ano?”

“Bobo ako, gago ako, punyeta ako, letche ako, at TANGINA MO!!!” ang paggagad ni Ricky sa sinabi ko kay Sophia, kung saan isinigaw pa talaga niya ang “tangina mo”. Hindi naman siya maawat sa kanyang pagtawa.

Natawa na rin ako. Ngunit sa loob-loob ko, matindi ang takot na nadarama ko. Alam ko, gagantihan ako ni Sophia...

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment