Tuesday, January 15, 2013

Piso 09

By: Justyn Shawn
E-mail: jeiel08@gmail.com
Blog: justynstories.blogspot.com


“Joseeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeee!...” pagtawag niya sa pangalan ko.

Ang hindi alam ni Jay na sumunod ako sa kanyang paglabas. Kita ko mula sa aking kinatatayuan ang pagkabigla sa kanyang nakita sa loob ng banyo. Sa nasaksihan ko, gumuhit muli ang ngiti sa aking mga labi sa kanyang naging reaksyon.


Iba na talaga ang tama ko sa kanya. Alam ko meron ng puwang si Jay dito sa puso ko. Inlove na nga talaga ako sa kanya. Ngunit bakit ngayon ko lang ito naramdaman sa tagal ng panahong ninais niya ng pagmamahal ko? Bakit ngayon ko lang nakita ang mga bagay na ipinapakita niya sa akin ng kay tagal na? Bakit ngayon ko lang naramdaman ang dapat sana noon ko pa dapat nadama? Kung sana dati ko pa pinakawalan ang damdamin ko para kay Zaldy at pinapasok sa puso ko si Jay, hindi na sana ganito ang kabang nararamdaman ko. Hindi na sana ako nagmumukhang tanga sa pinaggagagawa ko para maramdaman din niyang mahal ko na siya.

Dahan-dahan akong lumapit sa kanya. Nasa likuran na niya ako. Ngunit tila hindi niya alam na andon lang ako dahil nananatili siyang tila isang estatwang tulalang nakatingin lang sa loob ng banyo.

“Hindi mo ba nagustuhan?,” marahan kong bulong sa kanyang tenga.

“Ay ano ba?!”

“Ipaliwanag mo nga sa akin kung kailan pa nalipat ang garden sa loob ng banyo?,” tanong niya sa akin. Ramdam ko ang bahid ng pagkainis sa tanong niyang iyon.

“Hindi mo ba nagustuhan?” nakayuko kong tanong. Hindi ko mawari kung bakit nasasaktan ako dahil hindi niya nagustuhan ang ginawa ko. Hindi ko alam kung bakit nanlulumo akong hindi niya pinapansin ang ginagawa ko para sa kanya. Masakit pala. Masakit palang ignorahin ang mga bagay na ginagawa mo para sa mahal mo. Ngayon, ramdam ko na kung ano ang nararamdaman niya dati nung siya ang nagpapakita sa akin ng kanyang nararamdaman.

“Nagustuhan ko. Kaya lang…” hindi pa man s’ya tapos sa sasabihin n’ya ay pinutol ko agad.

“Nagustuhan mo naman pala. Anong problema?” ang may tinig ng pagtatampo sabay tingin sa mga mata niya na tila nagpapaawa.

“Ang problema mukhang naubos na yung tanim na Santan at Gumamela sa likod bahay. Halos punuin mo ang banyo ng bulaklak. Ano bang meron?,” matigas na sagot ni Jay ngunit nakapagpangiti naman sa akin.

“Naguguluhan na ako sa ‘yo. Hindi ma-absorb ng utak ko ang nangyayari simula pa kanina. Hindi ko naman birthday. Wala namang okasyon. Bakit ba ganito ang set-up ng bahay ngayon? May sakit ka ba? Ano ba talaga Jose?,” dagdag pa niya habang tinitingnan ko sa kanyang mga mata. Napakasarap tingnan nito. Kinikilig ako na ewan.

“Hindi ba niya naintindihan ‘yung sinabi ko kanina o talagang hindi niya inintindi?” bulong ng aking isipan. “Ano kasi Jay, sabihin na lang nating paraan ko ito ng pagpapasalamat. Pagpapasalamat sa lahat ng bagay na nagawa mo sa akin. Pagpapasalamat sa panahong hindi mo ko pinabayaan lalo na noong panahong nasa pinakamamababa akong parte ng aking buhay…,” sabi ko sa kanyang naguguluhan din sa mga tinuran. Bakit ba ito ang sinabi ko? Tama ba ang mga pinagsasabi ko? Ganito ba talaga ‘pag inlove ka sa isang tao, umuurong ang dila mo para sabihin ang totoo mong nararamdaman? Sunud-sunod ang mga tanong na pumasok sa isip ko matapos kong masabi ang unang pahayag kay Jay.

Nakatitig lang sa akin si Jay habang ako ay nagpapaliwanag na lalong nagpadagdag sa aking kaba. Nang mga sandaling iyon, kahit hindi maalinsangan ang panahon ay bigla akong pinagpawisan na halos mabasa ang damit kong suot. Sabayan pa ng panginginig ng katawan ko ng dahil sa pagkabog ng aking dibdib. Hindi ako mapakali sa mga titig ni Jay.

“Simpleng salamat lang naman. Okay na yun.” Sabay bigay muli ng napakagandang ngiti.

“Kaya lalo akong nahuhulog eh. Dahil d’yan sa mga ngiti na yan,” hindi mapigilang sabat ng aking isipan.

“Nakakahiyang gamitin ang banyo, sobrang linis at ang mga bulaklak para lang akong nasa five-star hotel kahit pa Santan at Gumamela lang. Ahahahahahaha.” Pagkasabi nito ay humagalpak na kami ng tawa. Kasabay naman nito’y pagkatanggal ng kabang nararamdaman ko kanina pa. Nakakagaan ng pakiramdam na masilayan ang kanyang mga ngiti. Ang kanyang mga titig ay nagpapakilig sa akin lalo.

Mahaba pa ang magiging araw naming dalawa, halos magtatanghalian pa lang. May ilang oras pa kaming bubunuin para matapos ang araw na ‘to. “Tutal naumpisahan ko na bakit hindi ko na lang ituluy-tuloy ang pagbibigay ng espesyal na araw kay Jay?” Suhestiyon ng isipan kong kanina pa walang patid sa panghihimasok. Kung sabagay tama naman ang ideya na binigay ng utak ko kaya naman inistorbo ko na muna ang panonood ng telebisyon ni Jay.

“Jay, may lakad ka ba ngayon?” bungad kong tanong.

“Wala naman. Bakit?” habang hindi mapatid ang mata sa panonood n’ya.

“Tara gala tayo. ‘Wag kang mag-alala sagot ko,” pagmamayabang ko pa.

Tumingin lang ito sa akin ng tila may katanungan sa kanyang isipan. Tila binabasa kung ano ang nasa isipan ko. “Sana mabasa niya ang nasa isip ko…na siya ang laman nito,” hirit na naman ng aking isip.

“Ah… eh… ‘yun ay kung okay lang naman sa ‘yo,” ang taranta kong pagbawi ng aking sinabi na lalong nagpakunot ng noo ni Jay.

Hindi siya agad sumagot. Batay sa kanyang mga titig, tila wala siyang ganang lumabas ng bahay. Tila mali ang naisip kong ideya. “S-sige.. baka naiistorbo na kita balik na ako sa kwarto…” patalikod na sana ako ng tawagin niya ako.

“Jose, okay ka lang ba? Ang weird mo talaga ngayong araw na ‘to. Sandali lang maliligo lang ako at mag-aayos ng sarili. Basta sagot mo ha. Ikaw ang nag-aya sa akin.” At muli ko na namang nasilayan ang ngiting hindi pumapalya sa pagpapatuliro ng nararamdaman ko. Alam kong namumula ang mga pisngi ko ng oras na iyon dahilang dama ko ang init nito. Kahit na kinakain ako ng aking pagkataranta ay pinilit kong maging normal ang kilos ko sa harapan niya.

“O-oo ba… ako ang taya. S-sige ligo ka na… P-para pagkatapos mo… A-ako naman ang makapag-ayos.” Sa tono ng sagot ko sa kanya hindi mo maikakailang kinakabahan ako dahil sa pautal-utal kong pagsasalita.

Dadaan sa harapan ko si Jay papuntang kwarto at sa kanyang pagtapat sa akin ay hinawakan ko ang kanyang kamay. “Maraming salamat ha.” Hilam sa mata kong na wika dito. Katulad na ng inaasahan ko ang ngiting kumakalaykay sa aking katauhan ay muling nagpakita at dumiretso na ito ng kwarto upang kumuha ng tuwalya at naligo.

“Ano bang meron kay Jay upang makaramdam ako ng ganito. Natuturete ako sa tuwing makikita ko ang kanyang napaka-gandang mga ngiti. Hindi naman ganito ang nararamdaman ko sa kanya dati. Kahit pa ilang beses siyang ngumiti wala lang sa akin. Pero ngayon, ngiti pa lang ang ginagawa nya nanginginig na ang buo kong katawan, at ang puso ko ay halos tumalon sa kaba. Mahal na nga yata talaga kita Jay. Mahal na kita.”

“ Nababaliw na yata ako, kinakausap ko na ang sarili ko,” bulong ko sa sarili.

Hindi ko na namalayan na tapos na palang makapaligo si Jay kung hindi pa ibinalibag ang tuwalya sa akin.

“Jose, maligo ka na para makaalis na tayo o baka naman gusto mo paliguan pa kita?,” pangungulit pa nito sa akin. Tila nakakain ko ng madaming sili sa kanyang mga sinabi na dahilan ng pag-iinit ng aking katawan.

“Bakit hindi mo na lang ako isinabay sa pagligo mo kung papaliguan mo rin lang ako.” Pabulong ko sagot. Hindi ko alam kung bakit iyon ang nasabi ko

“Huh, ano yung sinasabi mo di ko maintindihan.” Kunot noo nitong tanong. Napangiti na lang ako. Isang pilyong ngiti ang sinagot ko sa kanya.

“Wala, sabi ko maliligo na ako.” Agad akong tumayo at tumungo sa banyo upang makaligo.

Ilang minuto din ang itinagal ko sa paliligo. “Ito ang magiging kauna-unahang date namin ni Jay. Dapat maging memorable ito hindi lang sa akin dapat pati sa kanya.” Ang sabi ng napakataba kong utak. Dahil sa maghapon na ‘to halos ito ang maraming sinabi kaysa sa bibig ko.

Pagbalik ko ng kwarto ay bihis na si Jay. Hindi ko namalayan na nakatitig na lang pala ako sa kanya. Ang gwapo n’yang tignan sa napakasimple niyang ayos. Eto na naman ang kabang pilit na rumaragasa sa tuwing nakikita ko siya. Kabang nakakapagpatuliro sa akin dahil sa kanyanmg presensya.

“Jose, ano bang nangyayari sa ‘yo kanina ka pang ganyan? Bigla ka na lang natatahimik. May problema ka ba? May dinaramdam ka ba? Lagi ka kasing lutang ngayon.” Biglang balik ako sa aking katinuan.

“Ha… W-wala akong problema… O-okay lang ako…” sabay punta sa aparador upang bumunot ng masusuot na damit. Hugot dito, hugot doon na lang ang ginawa ko. Matapos kong makapag pantalon ay agad kong isinuot ang t-shirt ko.

“Wala ka talaga sa sarili mo,” Iiling-iling na pahayag ni Jay.

“Huh?!,” takang tanong ko.

Bigla itong lumapit sa akin at nagulat na lang ako sa kanyang ginawa. Hinubad nito ang aking damit. Halos maglapat ang aming mga labi ng matanggal niya ito. Halos tumigil ang mundo ko sa tagpong iyon. Pinakatitigan ko ang mukha ni Jay na sobrang lapit sa akin. Tila kinakabisado ko ang bawat detalye nito. Walang kurap-mata akong nakipagtitigan at gayon din siya sa akin. Ibayong kaba ang nangibabaw sa aking sestema. Kaba dahil sa pagnanasang mailapat ko ang aking mga labi sa kanya. Napalunok ako ng sarili kong laway.

“B-baliktad kasi ang t-shirt mo.” Sabay bawi ng tingin at iniabot nito sa akin ang damit ko.

“S-s-salamat…” ang tanging nasambit ko. Agad kong isinuot ang damit.

“Hintayin na lang kita sa sala,” pamamaalam nito.

Agad akong napaupo sa kama at sinapo ko ang mukha ko ng aking kamay.

“Hays… Ano bang nangyayari sa ‘yo Jose? Bakit ba ganyan ka? Natotorpe ka ba? Ano?,” pagkausap ko sa sarili. Tumayo ako at huminga ng malalim upang medyo kumalma ako. Tumingin ako sa salamin ng tukador. “Kalma ka lang Jose. ‘Wag ka masyadong mapapahalata. Kaya mo ‘yan.” Sabay pikit ng mga mata na tila naka-inom ng suka ang ekpresyon na aking ginawa. “Nakakatawa ka naman hindi ka naman naging ganito kay Zaldy. Bakit kay Jay sobrang natutupi ka, sobrang natotorpe ka. Ano bang meron sa kanya?,” bida na naman ng utak ko.

Matapos ang sandaling pakikipag-usap ko sa aking sarili ay agad kong inayos ang sarili at nilabas na si Jay. Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan.

“Ready ka na ba?” tanong ko sa kanya.

“Kung ready ka na, of course ready na ako. Mas nauna kaya akong nakatapos mag-ayos sa ‘yo.” Pagbibiro nito sa akin.

“Sabi ko nga. Tara na.”

Sa pinakamalapit na mall sa may bayan kami nagtungo ni Jay at dahil medyo nagutom sa biyahe ay agad kaming nagtungo sa food court. Pinahanap ko na lang ng pwesto si Jay samantalang ako ay pumila na upang makabili ng pagkain. Paminsan-minsa’y sinusulyapan ko ang pwesto kung nasaan nakakuha ng upuan si Jay at madalas makita kong nakatingin din s’ya sa akin. Tuwing nakikita kong nakatingin din s’ya sa akin hindi ko talaga maiwasang hindi mataranta. Kaya naman muntik ng magkamali-mali ang pag-order ko sa counter.

Nang makabalik ako sa mesa ay dala ko na ang pagkain namin ni Jay. Halos laging may mga panakaw akong tingin sa kanya na hindi ko talaga maiwasan. Alam kong mahigit na sa pagkakaibigan ang nararamdaman ko para sa kanya. Mahigit pa sa naramdaman ko noon kay Zaldy. Dahil sa pagkakataong ito hindi na bumalik pa sa ala-ala ko ang mga nagdaan sa amin ng yumao kong nobyo. Wala ng bakas ng pait ang nararamdaman ko sa aking puso. Bagkus, napalitan na ito ng ibayong saya at pagkakumpleto. Napunan na ang puwang na iniwan ni Zaldy at ito ay sa katauhan ni Jay.

“May dumi ba ako sa mukha?” mahinang tanong ni Jay.

“Huh?!” nakangangang tanong ko sa kanya.

“Sabi ko may dumi ba ako sa mukha?,” sabay bigay ng pampatureteng ngiti.

“W-w-wala…” utal-utal kong tugon. “Kain na lang tayo. Gutom pa ako eh,” dagdag ko pang palusot.

Matapos makakain ay nagpahinga lang kami ng kaunti at inaya ko muna s’yang mag-ikot ikot. Pasok dito, pasok doon ang ginawa namin sa mga stall sa loob ng mall. Tingin dito, tingin doon ng mga bagay na pinaplano naming bilhin pagdating ng sweldo.

“Jay, punta tayo ng amusement,” pag-aya ko dito.

Pagdating namin ay agad akong bumili ng token. Parang mga bata kaming naglalaro sa arcade. Pansamantalang naging kalmante ang pakiramdam ko. Pero hindi pa rin naalis ang paminsan-minsang pagsulyap at pag-ngiti ko kay Jay. Gusto kong sulitin ang araw na ito na kasama ang taong nagpapasaya at kumukumpleto ng araw ko. Gusto ko ng siguraduhin sa sarili ko kung ano na ba talaga ang nararamdaman ko para sa kanya. Ito ang tumatakbo sa isip ko habang nakatitig ako sa kanya ng walang kakurap-kurap ng bigla itong tumingin sa akin at ipinakita na naman sa akin ang mala-anghel na ngiti. Napangiti na lang ako at bumalik sa paglalaro.

“Sobrang nag-enjoy ako sa arcade. Salamat Jose,” biglang pagyakap sa akin matapos magpasalamat.

“W-w-wala yun..” ang halos hindi lumabas na tugon mula sa bibig ko dahil sa sobrang kaba. Ngunit dinama ko ang higpit ng kanyang mga yakap na gusting-gusto ko naman.

Tinignan ko ang oras. Hapon pa lang kinalkula ko kung pupwede pang makapanood ng sine. Pwede pa, agad kong hinablot ang kamay ni Jay papunta naman ng sinehan. Nagpatianod lang naman ito kung saan ko siya gusting dalhin.

“Anong gagawin natin dito?” takang tanong ni Jay.

“Maglalaro… Ano bang dapat gawin ‘pag pupunta ng sinehan? ‘edi syempre manonood ng sine.” Pagbibiro ko.

“Aba Jose, may pera ka pa ba at kung maka-gastos ka wagas?” ang panenermon nito sa akin. Ngumiti na lang ako.

“Meron pa naman... Hindi naman kita aayain kung wala akong pera, isa pa bihira na nga lang tayong magkasama. Kaya lulubusin ko tong araw na ‘to para sa atin,” pagkasabi ko’y kinindatan ko siya.

“Bahala ka nga!” hindi nakaligtas sa aking mata ang nakita kong pamumula ng pisngi ni Jay na aking ikinatuwa. Ngunit tila may gumugulo sa kanyang isipan. Tila may lungkot akong naaaninag sa kanyang mga mata. “Kalungkutan nga ba iyon o dahil sa kasayahang nadarama?,” pagsingit pa ng aking isipan.

Pumili ako ng movie na tiyak parehas naming magugustuhan. Nang makapili ay agad akong bumili ng tiket. Bumili rin ako ng popcorn at softdrinks para may mangunguya naman kami habang nanonood. Ito ang mga bagay na hindi ko nagawa noon kay Zaldy na pinapangarap kong gawin. At ngayon nagagawa ko na pero sa ibang tao na. Sa isang taong nagbalik ng kulay sa mundo ko. Sa isang taong nagbalik ng ngiti sa mga labi ko.  Si Jay.

Sa totoo lang hindi ko naintindihan ang pinapanood namin. Hindi dahil hindi ako makaintindi, kung hindi dahil si Jay ang pinapanood ko. Tinitignan ko kung gaano siyang kaseryoso sa pinapanood ng palabas, ang pagsubo niya ng popcorn, ang pagsipsip niya ng softdrinks. Ang lahat ng bagay na ginagawa niya sa loob ng sinehan habang nanonood. Dahil dito sa dilim ko lang siya mapagmamasdan ng hindi niya masyadong nahahalata. Mahuli man niya akong nakatingin sa kanya ay hindi n’ya makikita ang pamumula ng pisngi ko. Ang ng pakiramdam ko, halos ang tinik sa dibdib ko ay tuluyan ng nabunot. Masasabi ko na nga na nagmamahal na ako. Handa na akong muling umibig at ito ay sa katauhan ni Jay.

Seryoso siyang nanonood ng biglang may nagtext sa kanya. Tiningnan niya kung sino ito. Hindi ko alam kung sino ang kausap niya sa cellphone ngunit iyon ang dahilan ng saglitang pag-iiba niya ng mood. Hinayaan ko na lang ito. Hindi ko na lang pinag-ukulan pa ng pansin. Dahil gusto ko sulitin ang araw na ito. May mga plano pa ako para sa araw na ito at gusto kong maging masaya siya.

Pagkalabas namin ng sinehan ay halos ikuwento ni Jay ang nangyari sa pinanood namin. Para namang hindi ako ang kasama n’yang nanood. Pero okay na rin ‘yun at least medyo naintindinhan ko rin kahit konti sa pagpapaliwanag niya ng pelikulang pinanood namin. Hindi maalis sa aking mga labi ang ngiti habang nagkukwento s’ya. Tila isang bata na nagbibida sa kanyang mga kaibigan na hindi nakapanood ang inasta niya. Lubos nagdala sa akin ng kasiyahan.

Halos mag-ga-gabi na rin ng makalabas kami ng mall ni Jay dahil bumili pa kami ng makakain para sa aming hapunan.

“Nag-enjoy ka ba?” bungad kong tanong kay Jay.

“Oo, salamat,” tipid niyang sagot. Kinuha niya ang kanyang cellphone sa kanyang bulsa at nagreply muli sa nagtext sa kanya. Hindi ko maiwasang hindi alamin kong sino iyon.

“Sino ka text mo?,” tanong kong nahihiya dahil sa iniasta.

“Ahh..iyon ba? Ka-trabaho ko,” tipid niyang sagot na tila kinakabahan sa kanyang mga sinabi at agad na nagsilay ng mga ngiti na nakakapagpaturete sa akin.

“Hindi pa tapos ang araw natin. Bago tayo umuwi samahan mo muna ako.” Pag-iiba ko ng paksa namin habang nagpapa-cute.

“Tigilan mo nga ako sa mga pa-tweetums mo. Tara kung saan man yang lugar na yan.”

Nagtatakbo ako pababa ng hagdan ng mall.

“Hoy Jose, sandali!” ang sigaw ni Jay habang habul-habol ako.






Itutuloy…

No comments:

Post a Comment