Blog: joemarancheta.blogspot.com
Nadala pa naman namin
si Nanay sa hospital ngunit ayon sa mga doctor, dead on arrival na siya.
Napakabilis ng pangyayari. Hindi napaghandaan ng aming pamilya ang pagkawala ng
ilaw ng aming tahanan kaya nang nangyari iyon ay lahat kami ay nangapa. Hindi
namin alam kung paano muling magliliwanag ang aming tahanan. Sobrang nasaktan
ako sa nangyari. Ni hindi ko alam kung kanino ako magagalit. Kay tatay ba na
nagiging makitid ang utak sa mga alanganin o kay kuya na hindi nirespeto ang
mga alituntunin ni tatay sa bahay at sa aming pagkatao. Ngunit ang tanging alam
ko ay namatay si nanay dahil sa kabaklaan ni kuya. Kung hindi sana bakla si
kuya hindi sana nangyari ang lahat ng ito. Kung sana ganoon ang kaniyang
pagkatao, hindi magagalit si tatay. Kung hindi siya nagpatulog ng lalaki sa
kaniyang kuwarto at nahuling may katalik, sigurado buhay pa sana si nanay
ngayon.
Sa burol ay gustong
lumapit ni kuya ngunit dalawa kami ni tatay ang galit na galit sa kaniya. Ipinagtulakan
ko siya, minura-mura at ipinahiya sa mga nakipagdalamhati sa amin. Hindi din
napigilan ni tatay na habulin siya ng patalim. Alam kong sa mga sandaling iyon
ay kaya niyang saksakin si kuya. Sa takot ni kuya ay hindi na niya binalak
lumapit pa sa mga labi ni nanay. Huling nakita ko siya ay noong palihim siyang
nakamasid at lumuluha sa libing ni nanay. Masakit na tingin ang sukli ko sa
kaniyang kaway noon.
Dumaan ang araw
ngunit mas lalong tumindi ang sakit ng loob ko kay kuya. Hindi lang sa kaniya kundi
nadamay na din lahat ng mga bakla.
Papasok kami noon sa
aming campus ni Pareng Xian nang may baklang titig na titig sa akin. Dati-rati
hindi ko na lang noon pinapansin kung may mga baklang nagpapalipad hangin sa
akin o kaya kibit-balikat lang ako kung may mga naririnig akong mga pasaring ng
pagkagusto ngunit ngayon abot-langit na ang inis ko sa mga kabaro ni kuya.
Tinignan ko na siya ng masama ngunit nagawa pa niyang magparinig nang nakatapat
na sa akin. Dinig na dinig ko ang sinabi niyang...
“Guwapo nga pero
suplado naman!”
Sa narinig kong iyon
ay parang biglang tumaas ang aking dugo,
“Anong sinabi mo
‘tang-ina mong bakla ka!”
Hinatak ko ang
kuwelyo ng uniform niya at saka sinuntok sa panga. Nang binalak akong kalmutan
sa mukha ay muli kong dinagukan at nang namilipit at ambaan ko ng isa pang
suntok sa mukha ay mabilis si Pareng Xian na pinigilan ang aking kamao kaya
isang malakas na tadyak ang aking pinakawalan.
“Tama na pare. Walang
kasalanan yung tao. Tama na!” Yakap ako noon ni Pareng Terence at dahil sa
tindi ng takot ay nagsisigaw ang bakla dahilan para makuha ang atensiyon ng
aming school guard at binibitbit ako hanggang sa aming Dean’s Office.
Duguan ang nguso ng
baklang binugbog ko nang pinatawag ako ng VP Admin namin at nagkataon din
palang anak niya ang napuruhan ko. At dahil doon ay pinatawan ako ng
suspension, ang suspension na iyon ay naging tuluy-tuloy nang hindi ako
pumasok.
Lalo pang tumindi ang
galit ko sa mundo nang tinamaan si tatay ng depresyon. Hindi makatulog, hindi
makakain hanggang tuluyan na siyang tinanggal sa serbisyo. Masyado niyang
dinidibdib ang pagkawala ni nanay lalo pa’t batid niyang isa siya sa mga
dahilan ng maagang pagkawala niya sa amin. Lagi siyang lasing. Lagi siyang wala
sa sarili. Hanggang unti-unti ng nawawaldas ang lahat ng kaniyang mga
pinaghirapan. Buwanan na kung ibenta ang mga nabili nila ni nanay na mga
appliances Sa akin na lahat naiatang ang mga responsibilidad ng isang ina at
ama. Hindi ako handang pasanin ang mga responsibilidad na iyon. Hanggang pati ang
pag-aaral ng bunso naming si Vicky ay hindi na din nito kayang suportahan.
Dahil sa gusto kong
takasan ang responsibilidad na hindi naman dapat sa akin ay sumama ako sa
girlfriend ko at iniwan ko sila ni Vicky sa bahay. Nagsama kami bilang
mag-asawa ni Cathy. Ilang buwan pa ay nabalitaan kong nag-asawa na din daw si
Vicky sa edad niyang labinlima. Nakaramdam ako ng awa sa aking kapatid. Dahil
sa ginawa ni kuya at tatay, naging miserable ang buhay naming lahat. Namatay si
nanay at nagkawatak-watak kaming lahat. Gustuhin ko mang pasyalan si tatay sa
bahay ay hindi ko na magawa dahil abala din ako para buhayin ang dalawang
magkasunod na ipinanganak na supling namin ni Cathy.
Sa tulad kong hindi
nakatapos ng pag-aaral, pinasok ko na ang halos lahat ng puwedeng
pagkakakitahan maliban sa pambabakla. Galit ako sa kanila. Galit ako sa mga
kagaya ni kuya. Nagsimula na din ang pagbubunganga ni Cathy na nauuwi sa halos
gabi-gabi naming pag-aaway. Noon ko lamang napagtanto na ang pakikipag-asawa
para takasan ang problema sa pamilya ay hindi magandang paraan ng pagtakas.
Hindi dapat isang pagkakamali din ang dapat isolusyon sa naunang pagkakamali.
“Ito lang? Ito lang
ang putang-inang kinita mo?” pambubunganga niya nang minsang iabot ko ang
kinsenas kong sahod.
Bumuntong hininga
ako. “Sa iyan lang ang sinahod ko, anong magagawa ko. Kita mo namang nilalakad
ko na lang papasok at pauwi kahit may kalayuan pa ang pinapasukan ko para
makatipid.”
“Renta ng bahay,
tubig, ilaw, gatas ng mga anak mo, pagkain natin sa araw-araw! Sabihin mo kung
paano ko mapagkakasya ‘yan.” Tinapon niya sa mukha ko ang pinagpaguran ko ng
labinlimang araw.
Nanlumo ako. Hindi na
siya nakukuntento sa kaya kong iabot sa kaniya. Pinulot ko ang pera at nilagay
ko sa hapag-kainan. Binuhat ko ang bunso namin na nakatulog na sa sahig at
nilagay sa kama naming pinagkakasya naming apat.
“Ayaw ko na! Malapit
na akong sumuko! Hindi ganitong buhay ang pinangarap ko, James! Kung walang
pagbabago ang tang-inang buhay na ‘to e mabuti pang magkaniya-kaniya na lang
tayo!”
Natuto na akong
magtiis. Natutunan ko nang papasukin sa kaliwang tainga at palabasin sa aking
kanang tainga ang kaniyang mga pagbubunganga. Alam ko kasing kung patulan ko ay
hindi siya patatalo at mauuwi din lang sa wala ang aking ipaglalaban. Para saan
pang patulan siya kung alam ko namang lalo lang kaming magkainitan.
Pasensiyahan na lang sabay ng malalim na buntong hininga.
Mahal ko ang asawa
ko. Kahit nagkukulang siya sa akin ay minahal ko siya. Kahit may mga gabing
gusto ko siyang sipingan ay sisikuin lang ako’t sasabihing pagod at walang
gana. Kahit hindi niya ako pinagsisilbihan katulad ng ibang mga asawa na
nakikita ko sa mga katrabaho ko. Nagkamali ako ng piniling makatuwang sa buhay.
Alam ko naman iyon ngunit nandito na ‘to. Kailangan ko na lamang panindigan.
Siguro dahil iniisip ko ding siya at ang mga anak ko na lamang ang alam kong
natitirang nagmamahal din sa akin. Mahal parin kaya ako ng misis ko?
Kahit maraming
pagkukulang si Vicky ay pilit kong inintindi ang lahat para huwag lang mawala
ang nanay ng mga anak ko. Kahit pagod ako galing sa trabaho ay ako parin ang
nag-aalaga sa kanila at minsan wala pang nakahandang pagkain. Kailangan ko pang
gawin lahat ng iyon dahil hindi sanay si Cathy sa gawaing bahay. Hindi sanay o
tamad lang talaga. Hindi ko alam. Hindi din naman lahat ng oras ay
napagpapasensiyahan ko lalo na kung dumadating yung araw na wala na akong
maisuot na damit dahil tinamad siyang maglaba. Marami siyang mga dahilan, pagod
siya sa mga bata, bagong manicure and kaniyang mga kuko at baka masira,
nakaligtaan niya dahil may dumating na mga kaibigan niya noong college ngunit
kahit ano pa ang kaniyang dahilan masakit sa aking isiping hindi siya ang Cathy
na akala ko handa niya akong samahan at tulungan sa oras ng aming kagipitan.
Dahil sa hirap ng
buhay ay pinatos ko ang trabahong sinasabi ni Pareng Xian. Pagkatapos nang
nasuspend ako at hindi na ako nakapagtuloy pa sa pag-aaral ay iniwasan ko na
din ang mga tropa ko. Nang nag-asawa ako nang maaga ay tuluyan ko na silang
iniwasan at kinalimutan. Naging abala akong buhayin ang pamilya ko at siguro
dahil nahihiya na din ako sa biglang pagbulusok ng aking buhay. Hindi ko
nabigyan ng importansiya ang aming pagkakaibigan dahil sa dami ng aking mga
pinagdaanan. Pero sa kabila ng lahat ay hindi niya nagawang makalimot gaano man
kalayo ang kaniyang narating. Kaibigan na siyang hindi nagsasawang suportahan
ako sa kabila ng hindi ko pagbibigay ng kahit katiting na kahalagahan ang aming
pinagsamahan. Sinabi niyang siya na daw
ang bahala sa paghahanap ng trabaho ko sa Doha, Qatar kasama na din ang pagbili
niya ng visa ko at tiket sa eroplano. Lahat ng iyon ay sinagot niya. Sinubukan
ko ding umutang sa mga kapatid ni Mama ng kahit pocket money ko lamang at hindi
naman ako pinagdamutan lalo pa’t nakikita nilang nagpupursige din ako para
umangat. Sa tuwing gusto nilang ibalita ang tungkol kay kuya, sinasabi kong
hindi ako interesado. Ganoon katindi ang galit ko sa baklang kuya ko. Siya ang
ugat ng paghihirap namin ngayon.
“Mag-aabroad ako.”
Paalam ko kay Cathy isang araw. Hindi iyon paghingi ng kaniyang permiso.
Sinasabi ko lang iyon sa kaniya para mabigyan siya ng katiting na pag-asa na
maiaangat ko din sila ng mga anak ko.
“Kita mo ng magulo
ang buhay natin ngayong magkasama palang tayo, ngayon balak mo pa akong iwan sa
pag-aalaga ng mag-isa diyan sa mga anak mo? Saka wala akong tiwala sa’yo.
Kilala kita James kung ga’no ka kahilig sa babae. Kung wala ako do’n sigurado
maghahanap ka ng kalinga ng iba.”
Hindi ko na muli pa
siyang sinagot. Napupuno na din ako. Saan ba ako lulugar? Kung dito lang ako,
paano ko maibibigay ang buhay na gusto niya?
Nagpalit ako.
“Sa’n ka pupunta?”
tanong niya bago ako umalis.
“Puntahan ko si
Vicky. Baka kasi hindi na kami magkausap bago ang flight ko.”
“Ituloy mo talaga ha!
Bahala ka sa buhay mo!” sigaw niya.
Hindi ko na lang muna
pinansin. Kung maging maayos ako doon at maibigay ko ang mga kapritso niya sa
buhay, sigurado maintindihan din niya na ginagawa ko ang pagsasakripisyong ito
ay para sa kanila ng mga anak ko.
Pinuntahan ko si
Vicky na noon ay buntis sa kanilang panganay.
“Kuya, uuwi na kami
sa Davao ng asawa ko pagkatapos kong isilang ang aming panganay.” Gustuhin ko man siyang pigilan ay hindi ko
magawa sapagkat buhay naman niya iyon. Pero nagawa ko siyang tanungin sa
bumabagabag sa akin.
“Paano si tatay
dito?”
“Ayaw ni tatay na
inaalagaan siya saka hindi na siya nakakausap ng matino. Laging galit sa mundo.
Ni ayaw na nga yata niya akong makita. Napakalaki nang pinagbago niya. Saka
kung nakikita ko siya, kumukulo lang ang dugo ko. Siya ang dahilan kung bakit
nawala si nanay at tuluyang nawala sa atin si kuya.”
“Hindi si tatay ang
may kasalanan sa pagkamatay ni nanay.”
“At sino kuya, sino
ang may kasalanan sa lahat ng nangyari? Si kuya ba?”
“Ang putang inang
baklang iyon ang dahilan ng lahat.” Namumula na ako sa galit.
“Pareho lang kayo ni
tatay. Dapat kayo ang magsama kasi angkikitid ng utak ninyo. Walang kasalanan
si kuya. Hindi niya kasalanan kung bakit siya bakla. Alam mo ba kung ano at
sino na si kuya ngayon kuya?”
“Hindi ako
interesado. Sasaya pa ako kapag nabalitaan kong nakakulong na siya dahil
nagmolestiya ng lalaki.”
“Napakababaw ninyo
mag-isip kuya. Sana hindi mo na rin lang ako pinuntahan dito dahil pareho lang
kayo ni tatay.”
“Hindi naman ako
pumunta dito para makipagtalo sa iyo e. Pumunta ako dito para magpaalam na muna
ako sa iyo. Baka bukas na kasi ang alis ko papuntang Qatar. Hinihintay ko lang
ang kumpirmasyon ni pareng Xian. Kilala mo siya hindi ba? Kinukuha ako dun.
Sana makahanap ako matinong trabaho dun para mapag-aral ko mga pamangkin mo.”
“Ganoon ba? Ako, wala
naman akong natapos kaya siguro hanggang sa bahay na lang ako. Ilang buwan na
lang iuuwi na ako ng asawa ko sa Davao. Baka doon na lang din kami titira.”
Nagbuntong-hininga siya. Alam kong pangarap niyang maging nurse at
makapagtrabaho sa ibang bansa ngunit ang pangarap na iyon ay hanggang sa
balintataw na lang naka-ukit.
Pagkaalis ko ay
niyakap ko si Vicky at hinayaan kong umagos ang butil ng luha sa aking pisngi.
Naawa ako sa kaniya ngunit wala naman akong magawa. Nang magpaalam ako ay
nakita ko ang lungkot sa mukha ng bunso namin. Alam kong may gusto siyang
sabihin ngunit ayaw na niyang ituloy pa iyon. Nakita ko ang pagyugyog ng
kaniyang balikat. Minabuti kong tumalikod na lang dahil nang hindi naman ganoon
katinding sakit ang mararamdaman ko sa pag-alis.
Sumunod kong
pinuntahan si tatay. Naglalakad ako nang tumunog ang cellphone ko.
“Pareng James, si
Xian ‘to.”
“Uyy, ano na.” tanong
ko. Alam kong naiintindihan na niya ang gusto kong tumbukin.
“Tuloy na ang flight
mo bukas pare. Salubungin kita sa airport. Daan ka muna sa internet café at
buksan mo yung email ko sa’yo na plain tiket mo. I-print mo na lang.”
“Sige pare. Salamat.”
Sobrang saya ko sa sandaling iyon. Tutuloy na nga talaga ako.
“Walang anuman pare.
Basta ikaw. Pa’no sunduin na lang kita ditto pagdating mo.”
Minabuti ko na munang
dumaan sa internet café at nagpaprint ng tiket saka na ako tumuloy sa bahay.
Pagbukas ko sa aming pintuan ay nakita ko siyang nakahiga sa suwelo. Ang dating
magarbo at puno na appliances naming salas, ngayon ay halos wala ng ibang laman
kundi ang isang malaking sopa. Nagkalat ang mga upos ng sigarilyo at bote ng
alak. Napakabaho ng buong bahay.
“O, nawawala ka
yata,” nagulat ako sa tinurang iyon ni tatay na kung titignan ay tumanda ng
dalawampung taon. Pumayat na siya at wala ng maaninag na emosyon sa kaniyang
mukha.
“Magpapaalam lang po
sana ako.”
“Magpapaalam? Kailan ka pa
natutong magpaalam, torpe!” singhal niya. Halatang lasing siya samantalang
alas-otso palang ng umaga.
“Pupunta na kasi ako
ng Qatar.” minabuti kong hindi na lamang siya salubungin sa baliko niyang
tinuran.
“Wala akong pakialam
dahil lahat naman kayo nawala na sa akin. Pumunta lang kayo kung saan niyo
gustong pumunta dahil mula pagkabata ko, sanay na akong iniiwan ako…mga diyaske
kayong lahat!” Sabay hagis niya sa bote. Nabigla ako sa pagkabasag niyon kaya
nataasan ko siya ng boses.
“Tang inang buhay
naman ito oh… nakikipag-usap ako ng matino e. magpapaalam lang ho ako kaya ako
nandito!” naibulalas ko.
“E, putang ina mo
din. May nalalaman ka pang paa-paalam e nung mag-asawa ka nga bigla ka na lang
naglayas. Umalis ka nga dito. Hindi ko kayo kailangan. Magmula nang nagsialisan
kayo, tanggap ko ng wala akong anak. Pumunta ka kung saan mo gustong pumunta!”
“Tay naman! Ganito na
nga ang buhat natin lalo niyo pa hong pinapabigat. Kahit ho anong gagawin
natin, wala na si nanay ngunit buhay pa kaming mga anak mo ‘tay. Kailangan ka
din naman namin. Oo nga’t nandito ka pa pero daig pa namin ang ulilang lubos.
Nang nawala si nanay sa inyo kami kumapit, sa inyo kami umasa ngunit parang
wala din ho kayo!” nangilid ang luha ko.
“Umalis ka na!
Lumayas ka dito. Mga walang kuwenta kayong lahat! Magsama-sama kayong lahat!”
singhal niya.
Minabuti kong
tumahimik na lang at isinara muli ang pintuan. Pinuno ko ng hangin ang aking
dibdib at pinakawalan ang lahat ng naipong galit. Mabigat ang mga paa kong
lisanin ang bahay na napuno ng katuwaan sa aking kabataan. Nang nasa gate na
ako ay muli kong nilingon ang dati’y masaya naming tahanan noong bata pa ako.
Naglaho na ang lahat ng iyon. Isinama na ni nanay sa hukay niya ang lahat.
Kasalan lahat ng kuya ko ito. Sana nakinig siya sa akin noon. Bago ako tuluyang
makalayo sa bahay ay umupo muna ako at pinagmasdan ang kabuuan nito. Isang
bahay na hindi na nagiging tahanan pa. Muli, kahit anong pigil ang gagawin ko
ay hindi ko parin napahinto ang pagtulo ng aking mga luha.
Madilim ang bahay
nang dumating ako. Kinabahan ako dahil wala pati mga batang naghahagikgikan at
tumatakbo na sumalubong sa akin. Dumiretso ako sa lagayan ng aming mga damit at
parang umikot ang mundo ko ng tanging sulat na lamang ang naabutan ko doon.
James,
Hindi lang sa
pag-aabroad umaasenso ang buhay. Kilala kita. Alam kong hindi ka makatatagal na
walang babae. Ilang beses kitang ipinaglaban noong mga college pa tayo at
ngayong tuluyan kang lalayo sa akin, wala na akong panghahawakan sa maari mong
gawin doon. Malay ko pa ba kung may kalolokohan kang iba sa Qatar. Marami na
akong nakitang nasirang pamilya dahil sa pag-aabroad at ayaw kong umasa pa na
maiba ang kuwento natin. Alam kong hindi ka iba sa iba pang lalaki. Pare-pareho
lang kayo kapag nalayo sa kani-kanilang asawa.
Dinala ko na ang mga
bata nang hindi na nila makita pa ang pag-alis mo. Pasensiya ka na pero kung
mahalaga kami sa’yo hindi ka na dapat pang umalis. Sinabihan na kita dati pa.
Ngayon, pinapipili kita, kung mahalaga kami sa iyo huwag mo nang ituloy ang
umalis at alam mo din kung saan mo kami susundan ng mga bata. Kung hindi ka
darating ay alam kong mas pinipili mong iwan kami kaysa sa magkakasama tayo
dito.
Kung anuman ang
magiging desisyon mo, sana mapanindigan mo. Mahal kita James kahit nagiging
magulo ang ating pagsasama dahil sa salat tayo sa mga ibang bagay pero hindi ko
kakayanin na ako lang ang maiwan ditong mag-isa na mag-aalaga mga anak mo.
Mag-iingat ka na lang
lagi.
Cathy
Inaamin ko babaero
ako noon pero tumino na ako. Mula nang magsama kami, tanging mga anak ko ang
nasa isip ko. Nanginginig ako sa galit sa ginawa niya. Ilang oras na lang
sasakay na ako ng eroplano papuntang Qatar ngunit ipinagkait pa sa akin ang
nalalabing oras na makasama ko naman ang aking mga anak. Halos hindi ako
makahinga sa sakit ng aking mga pinagdadaanan. Araw araw niya akong
sinusumbatan sa hirap ng aming buhay at ngayon gusto ko silang iahon ay
minasama pa niya at naglayas kasama ng mga anak ko. Madami daw ang nag-aabroad
ang nasisira ang pamilya dahil sa pagkakalayo. Iyon lamang ang tanging nakita
niya pero hindi niya nakita ang ibang pamilya o karamihang pamilya ang bumubuti
ang buhay dahil sa pangingibang-bansa.
Gustuhin ko mang
sundan sila ay alam kong hindi na ako aabot pa sa flight ko dahil malayo din
naman ang Isabela sa Manila at ang nalalabing oras ay taman-tama na lamang sa
preparasyon ko. Umaagos ang luha ko nang iniimpake ako na ang mga damit ko.
Parang naririnig ko ang hagikgikan ng mga batang nagtatakbuhan sa paligid ko.
Sinaid ng asawa ko ang pang-unawa ko at pagpapasensiya sa kaniya.
Bago ako umalis sa
bahay ay ibinuhos ko muna ang sama ng loob sa pamamasag ng mga pinggan na
naroon. Bahala na ang may ari ng inuupahan naming ayusin iyon. Gusto kong iwan
dito sa Pilipinas ang mga hapdi at kirot ng buhay ko. Gusto kong mabago ang
kuwento ng buhay ko. Gusto ko na ding lumigaya. Gusto ko na ding ibalik ang
dating ngiti ko sa labi.
No comments:
Post a Comment