by: Lui
rantstoriesetc.wordpress.com
Nagulat ako sa pagkalansing ng aking mga susi nang
lumapat ito sa sahig. Dumulas ito sa aking kanang kamay habang hinahanap ang
tamang susi para sa pinto ng aking apartment. Ipinikit ko ang aking mga mata
bago yumuko para abutin ito. Nanginginig ang aking mga kamay. Nahirapan ako sa
paghanap sa dami nila sa aking key chain.
“Come on.” ang bulong ko sa hangin.
Nagbukas na ang pinto at walang ingay kong ibinaba ang
aking mga gamit sa sofa. Dumaan ako sa kusina para uminom ng isang basong
tubig. Pero tila uhaw na uhaw ako kaya naman halos naubos ko na ang isang
pitsel.
Isang buntong hininga ang aking pinakawalan pagpasok sa
aking kwarto nang makita ang kalat na hindi ko pa naayos bago umalis papunta sa
trabaho. Ang mga kahon ng pinagkainan kagabi, ang mga maruruming damit, ang mga
research studies na aking binabasa ay magkakasamang nakalagay sa bawat sulok ng
kwarto. Isa akong market data analyst. Hindi lang walong oras ang aking trabaho
at napakadalang ko lang magkaroon ng free time. Kailangang laging tama at
napapanahon ang aking mga gawa. Nakatutok ako sa lahat ng klaseng balita at
humahanap ako ng kahit anong kakaiba sa mga ito.
Umupo ako sa gilid ng aking kama at binuksan ang
lampshade. Muli akong yumuko at tahimik na ininda ang kirot na aking naramdaman
sa bandang tiyan. Tinanggal ko ang sintas ng aking sapatos. Kasunod nito ay ang
paghuhubad ko ng aking mga medyas. Isa-isa kong tinanggal ang suot na saplot
hanggang sa wala na akong suot. Kinuha ko ang tuwalyang nakasabit sa upuan bago
nagtungo sa banyo para maligo.
Nagtagal ako sa pagligo. Mahigit labinlimang minuto yata
akong nagbabad sa ilalim ng shower. Habang payapang umaagos ang tubig sa aking
buhok pababa sa aking katawan, pinagdarasal kong magkasakit sana ako. Hindi ko
alam. Gusto ko lang na magkaroon ng excuse para hindi na muling pumasok.
Dalawang beses kong sinabon ang aking katawan. Pero naging maingat ako sa
tuwing lumalapat ang aking mga kamay sa mga sumasakit na parte ng aking
katawan.
Matapos kong matuyo ang aking katawan gamit ang tuwalyang
aking dala, humarap ako sa salamin at tinitigan ang aking repleksyon. Blangko
ang aking mukha. Namumula ang aking mga malamlam na mata. May kakaiba sa aking
mga labi. Namamaga yata. Kinuha ko ang aking sipilyo at dalawang beses ko itong
pinuno ng toothpaste. Halos magdugo na ang aking gilagid sa sobrang pagkaskas
ko ng sipilyo sa loob ng aking bibig. Hindi ko maibuka ito ng maayos dahil
masakit ang aking panga. Muli na namang namuo ang luha sa aking mga mata pero
pinigilan ko ang mga ito. Ayoko nang umiyak. Ayoko na.
Nagbihis na ako ng aking pantulog – sando at boxer
shorts. Tiningnan ko muli ang kalat sa aking kwarto. Gusto ko nang linisin ang
mga ito pero hinihila na ako ng aking kama. Kailangan ko ng magpahinga.
Kailangan ko ng matapos ang araw na ito.
Pinatay ko ang ilaw na nagmumula sa lampshade para mas
mabilis na makatulog. Ipinikit ko na ang aking mga mata at marahang nagdasal.
Niyakap ko ang aking unan. Nararamdaman ko ang unti-unting panunuot ng lamig
mula sa hangin na binubuga ng aircon. Pilit kong kinakalma ang aking isip pero
habang lumalalim ang gabi, mas nanaig ang takot ko sa dilim. Hindi ko magawang
pumikit ng matagal dahil natatakot ako sa aking nakikita. Binuksan kong muli
ang ilaw at inabot ang isang libro sa tabi nito.
Pero hindi ko rin magawang ituon ang atensyon sa
pagbabasa. Puro salita lang ang aking nakikita pero hindi ko
mapagdugtong-dugtong ang mga ito. Hindi ko maintindihan ang aking binabasa kaya
naman muli ko na itong ibinalik sa kanyang kinalalagyan. Niyakap kong muli ang
aking unan. Hinayaan kong nakabukas ang lampara habang nakatitig sa kawalan.
Hindi ko namalayang tumutulo na ang aking mga luha. Tahimik akong umiyak.
…
Mabibigat na paghinga ang aking narinig mula sa aking
likod. Ramdam kong basa na ang aking batok pati tainga. Isang malaking braso
ang nasa loob ng aking damit at marahang hinahagod ng malambot na kamay ang
aking dibdib. May kung anong matigas din akong naramdamang kumikiskis sa aking
puwet. Mula sa batok ay lumapat na sa aking pisngi ang kanyang mga labi.
Tumutusok sa aking balat ang mga tumutubong buhok sa kanyang baba. Lalong
bumibigat ang kanyang paghinga habang mas humihigpit ang kanyang pagyakap sa
aking katawan.
“Lucas…” ang pagbulong niya sa aking pangalan.
Akala ko’y nananaginip lang ako. Nagmulat ako ng mga mata
at nakita ko siyang nasa aking tabi. Ilang pulgada na lang ang layo ng kanyang
mukha sa akin at naaamoy ko na ang kanyang hininga. Amoy beer, kaya pala ang
init ng kanyang katawan. Sinubukan niya akong halikan sa aking labi habang ang
kanyang kamay na nasa aking dibdib ay ibinaba niya na sa aking pusod.
Buong lakas ko siyang itinulak. Tumakbo ako papunta sa
may pintuan at binuksan ito. Nakita kong nahulog siya mula sa kama dahil sa
sobrang lakas ng aking ginawa. Dumaing siya sa sakit, marahil ay hindi maganda ang
kanyang pagkakahulog. Pero mabilis naman siyang nakatayo. Sapo ng kanyang
kanang kamay ang kanyang ulo. Nakasuot pa siya ng asul na polo na nakabukas hanggang tiyan at abuhing
pantalon.
“Lucas! Bakit mo ako tinulak?!” ang nagtataka niyang
tanong.
Naghalo ang pagkabalisa at inis dahil sa pagkakahulog
niya sa kama dahil sa aking ginawa. Umiiling-iling siyang naglakad palapit sa
akin. Pero lumabas ako ng kwarto at mabilis na isinara ang pinto. Malalakas ang
kanyang pagkatok at paulit-ulit niyang tinatawag ang aking pangalan habang
hawak ko ang door knob para hindi siya makalabas.
“Lucas! Buksan mo ‘tong pinto! Ano ba?! Lucas!!” Hindi ko
alam ang gagawin ko. Mahigpit ang hawak ko sa pinto. Mabilis din ang tibok ng
aking puso. Lumalakas ang aking bawat hinga. Pinipigilan kong kumurap sa takot.
Halos parehas lang kami ng built ni Xavier. Pero di hamak
na mas malakas siya sa akin. Nahahatak niya na ang pinto dahil sa lakas ng
pwersa niya pero agad ko rin ito naibabalik sa pagkakasara. Nang mabuksan niya
ito ng bahagya ay inilabas niya ang isang kamay at iniharang sa kahoy na pinto.
Humiyaw siya at napamura dahil naipit ito nang malakas kong isinarang muli ito.
“Ow!!!” Binitawan ko ang door knob at lumayo mula sa
pinto. Galit na lumabas si Xavier sa kwarto. Umupo ako sa sahig at isinandal
ang aking likod sa sofa. Nakita kong hawak niya ang namumulang kamay at
pasimpleng hinihipan ito. Niyakap ko ang aking sarili habang nakatayo siya sa
aking harapan.
“Anong nangyayari sa’yo?” Mabilis na napalitan ng
pag-aalala ang galit sa kanyang mga mata. Lumabo na ang aking paningin dahil sa
dami ng luhang hindi tumutulo. Nang ako’y kumurap, nag-unahan ang mga ito at
hindi ko na napigilang ngumawa. Umupo siya sa aking tabi at inakbayan ako. Pero
sa muling paglapat ng kanyang balat sa akin ay lumayo ulit ako at umiiyak na
humingi ng tawad sa kanya. Hindi ko kaya. Hindi ko kayang maging malapit sa
kanya. Natatakot ako.
“You’re creeping me out. Pwedeng magsalita ka naman?
Sorry, nakainom ako ng kaunti ngayon. Napasubo lang kasi nagkayayaan sa office.
Alam kong ayaw mong umiinom ako. Sorry na, okay? Anong problema?” ang sabi
niya.
Sa tuwing susubukan niyang lumapit, dalawang hakbang
palayo ang aking ginagawa. Hindi na tumigil ang mga luha ko sa pagtulo. Gusto
kong sabihin sa kanya ang nangyari pero hindi ko mahanap ang mga tamang salita.
Hindi ko alam kung paano magsisimula.
“Okay, I’ll go take a shower muna. After that, we’ll
talk. Okay?” ang mahinahon niyang sabi sa akin.
Naintindihan ko ang gusto niyang mangyari. Muli siyang
bumalik sa kwarto para maligo. Nang marinig ko ang pagsara ng pinto sa banyo ay
dali-dali kong kinuha ang aking wallet at susi at tumakbo palabas ng apartment.
Saan ako pupunta? Hindi ko rin alam. Basta, ang alam ko lang, kailangan ko
munang mapag-isa, kailangan kong lumayo. Hindi ko pa kayang magsalita.
Natatakot ako.
No comments:
Post a Comment