Sunday, December 16, 2012

Aftermath (01)

by: Lui
http://rantstoriesetc.blogspot.com


'I love you.', ang sabi ni Ken habang nilalanghap ni Patrick ang sariwang hangin sa labas ng hotel room.

'What?', ang hindi makapaniwalang tanong ni Patrick sa narinig.

'I said I love you.', ang pag-uulit ni Ken.

'W-w-wait. Is that why you brought me here?', ang tanong ni Patrick na nagpa-panic na.

'Yes! Graduation gift, slash, proposal day ko sa'yo to.', ang sabi ni Ken.

Hindi na nakasagot si Patrick. Pumasok siya sa loob ng room at hindi mapakali.

'Why? Hindi mo ba nagustuhan? Hindi mo na-anticipate na ito ang mangyayari?', ang tanong ni Ken.

'Hindi sa ganoon. It's just...uhm...it's just too soon!', ang sabi ni Patrick na hindi pa rin mapakali.

'What's too soon? You knew already that I have feelings for you. You acknowledged it already! Diba, remember when we were in the hospital? Sabi mo pwede ko namang ulitin. Pinaghandaan ko iyon. Ito na 'yun. Perfect place, perfect time! Just the two of us! Tell me, what's too soon?', ang frustrated na sabi ni Ken.

'I'm just not there yet. Naiintindihan mo ba ang sinasabi ko?', ang sabi ni Patrick.

'Hindi. Hindi ko naiintindihan.', ang malungkot na sabi ni Ken.

Lumabas si Ken sa hotel room. Masama ang kanyang loob. Alam niyang nag-fail ang kanyang plano. Hindi niya alam kung saan siya nagkamali. Pilit niyang iniisip ang detalye ng kanyang mga ginawa.

0*0*0*0
0*0*0*0

(One day ago. GRADUATION DAY.)

'Pst.', ang pagtawag ni Ken sa pansin ni Patrick.

'Ano ako aso? Maka-pst ka dyan!', ang baling ni Patrick sa kanya.

Nakaupo na sila sa auditorium nun. Nasa harapan ni Ken si Patrick. Ang mga estudyante ay hindi magkamayaw sa paghihintay sa pagsisimula ng ceremony.

'Sabi ko pala sa Mommy mo, sa akin ka sasabay pauwi.', ang sabi ni Ken.

'Huh? Bakit?', ang tanong ni Patrick.

'Wala lang. Gusto ko lang kasabay ka.', ang sabi ni Ken.

'E paano sina Tito at Tita?', ang tanong ni Patrick.

'May dala silang sasakyan.', ang sabi ni Ken.

...
...
...

Ilang oras din ang lumipas at sa wakas ay natapos na ang graduation ceremony. Kakatapos lang makipag-ayos ni Patrick sa mga kaibigang sina Katie at Doris.

'O, tara na?', ang yaya ni Ken.

'Papaalam muna ako kina Mama.', ang sabi ni Patrick.

Agad silang lumapit sa kanilang mga magulang na nag-uusap. Tumigil ang mga ito sa pagkekwentuhan.

'Mommy, kay Ken na po ako sasabay.', ang paalam ni Patrick.

'Okay. Ako ang magda-drive at inaantok na daw itong si Daddy mo. Mag-iingat kayo ha?', ang sabi ng ina ni Patrick.

'Opo.', ang sagot ni Patrick.

Humalik na siya sa kanyang ina at nagpaalam na sa kanyang ama. Si Ken naman ay ganon din ang ginawa sa mga magulang.

'Ken, mag-iingat kayo nito ni Patrick ha?', ang ulit na sabi ng ina ni Patrick.

'Opo. Thank you po!', ang sabi ni Ken.

Mukhang nagkakaintindihan ang dalawa ngunit hindi na ito napansin ni Patrick. Naglakad na silang dalawa palabas ng auditorium papunta sa parking kung saan naroon ang sasakyan ni Ken.

'Whew! Ang gaan sa pakiramdam! Graduate na tayo. Tapos nakapag-ayos na kami nina Ry. Okay na sila ni G. Pati sina Katie at Doris, kinausap na rin ako. Sayang nga lang at graduation na kami nakapag-ayos. Pero okay na rin yun diba? At least, kapag nagkita ulit kami, magbabatian na kami.', ang pagkekwento ni Patrick sa kanyang nararamdaman.

'Oo naman. At least maluwag ang pakiramdam mo na okay ka sa lahat sa pagtatapos natin. Panibagong simula na naman starting tomorrow.', ang sabi ni Ken.

Sumakay na si Patrick sa passenger's seat habang si Ken naman ay binuhay na ang makina ng sasakyan. Maingat itong lumabas sa parking space niya.

Patuloy lang ang kwentuhan ng dalawa tungkol sa kanilang mga plano sa buhay ngayong magtatrabaho na sila.  Maya't maya ang tawa ni Patrick sa pagbabalik tanaw sa mga nangyari sa kanila sa katatapos lang na college life nila.

'Oy, Ken! Bakit ka lumampas?', ang tanong ni Patrick nang dinire-diretso ni Ken ang pagmamaneho sa main road taliwas sa dapat niyang pagkaliwa.

'Ayoko pang umuwi e.', ang sabi naman nito nang nakangisi.

'Talaga? Ano 'to, ki-kidnap-in mo ako?', ang tanong ni Patrick.

'Hindi. Itatanan kita.', ang sabi nito na seryoso.

'Loko ka! Saan tayo pupunta?', ang tanong ni Patrick.

'Di ko alam. Kung saan mapadpad. Ikaw, saan mo gusto?', ang tanong nito kay Patrick.

'Aba, ako sa kwarto ko lang gusto para makatulog na ako. Nami-miss ko na ang kama ko.', ang sabi ni Patrick sabay yakap sa throw pillow na nasa kanyang lap.

'Ganon? Sige na nga. Uwi na lang tayo sa bahay.', ang malungkot na sabi ni Ken.

'Bakit malungkot bigla? Napapagod na kasi ako e. Gusto ko lang humiga at magpahinga.', ang sabi ni Patrick habang ginugulo ang buhok ni Ken.

Agad namang umiwas si Ken sa ginawa ni Patrick.

'Wag mo akong guluhin. Pag tayo naaksidente na naman.', ang sabi ni Ken.

'O sige na. Ikaw na bahala kung saan mo gusto pumunta. Basta patulugin mo muna ako? Ok ka na?', ang sabi ni Patrick.

Hindi naman umimik si Ken.

'Uy, sige ka. Kikilitiin kita. Wala akong pakialam kung mabangga tayo.', ang pananakot ni Patrick.

'Oo na. Matulog ka na dyan.', ang sabi ni Ken na halatang pinipigilan ang ngiti.

Binuksan ni Ken ang radyo upang hindi antukin sa pagmamaneho. Mahaba-habang biyahe ito.

Magda-dalawang oras nang nasa expressway sina Ken at Patrick. Nakakaramdam na si Ken ng gutom ngunit himbing pa rin si Patrick sa tulog.

'Pat, di ka ba nagugutom?', ang tanong ni Ken habang nakatingin sa halos walang sasakyang highway.

Pupungas-pungas na nag-unat si Patrick habang nakatingin sa labas.

'Nasaan na tayo?', ang paos na tanong ni Patrick.

'Gusto mo bang kumain? Magda-drive thru na lang ako.', ang tanong ni Ken.

Muli namang bumalik sa pagtulog si Patrick at tanging 'Hmmmm.' lang ang sinabi. Nag-pull over si Ken sa isang gasolinahan kung saan maraming mga fast food chains ang bukas. Dumiretso siya sa isa sa mga ito at um-order ng pagkain at kape sa drive-thru. Mukhang talagang pagod na pagod si Patrick at hindi pa rin ito nagigising kahit sa amoy ng pagkain.

Halos alas-diyes na ng gabi iyon at nasa ikatlong oras pa lang na pagmamaneho si Ken. Buti na lang at may kape siya. Gusto niyang sorpresahin si Patrick na paggising nito ay wala na sila sa Maynila. May naka-reserve ng hotel room para sa 3 days, 2 nights nilang stay. Pati ang itinerary ay plantsado na. Matapos kasing maaksidente ni Ken ay pinagplanuhan na niya ang big day na ito.

Ilang oras pa ang lumipas at naalimpungatan na si Patrick mula sa isang mahabang pagtulog. Madilim pa rin at hindi naman gaano kabilis ang pagpapatakbo ni Ken dahil na rin sa alam niyang medyo antok na siya.

'Nagugutom ako.', ang sabi ni Patrick.

'Ayan, binilhan kita ng burger. May softdrinks na rin dyan.', ang sabi ni Ken.

'Nasaan na tayo?', ang tanong ni Patrick habang tumitingin sa labas.

'Bicol.', nakangiting sabi ni Ken.

Halos mabulunan naman si Patrick sa sinabi ni Ken.

'Saan?', ang tanong nito.

'Bicol nga. Bingi?', ang tumatawang sabi ni Ken.

'Seryoso ka ba?', ang hindi makapaniwalang tanong ni Patrick.

Ibinaba niya ang window sa kanyang side at nalanghap niya ang hangin na alam niyang hindi pang-Manila.

'O, my God, Ken. Ang layo na natin.', ang sabi ni Patrick nang mapansin niya ang isang sign na talagang nasa Bicol nga sila.

Nginitian lang siya ni Ken.

'Pero bakit dito? Tsaka paano yung damit natin? Naka-formal pa tayo o.', ang tanong ni Patrick.

'Nabanggit mo sa akin dati nung nasa hospital ako na hindi ka pa nakakapunta dito at gusto mong makita ang Mayon Volcano.', ang sabi ni Ken.

'Yeah. Wow. You surprised me! Really.', ang masayang sabi ni Patrick habang ngumunguya.

'May naimpake naman akong mga damit. Puro damit ko nga lang. Pero sinobrahan ko para may masuot ka din.', ang sabi ni Ken.

'So, you actually did plan this?', ang tanong ni Patrick.

'Yeah. Sort of.', ang nakangiting sabi ni Ken.

Dumating na sila sa kanilang hotel halos alas-kwatro na ng madaling araw. Agad nang nakatulog ang dalawa dahil sa sobrang pagod sa biyahe.

0*0*0*0
0*0*0*0

'Gising! Pat, gising! Dali!', ang sabi ni Ken.

'Hmmmm. Ano ba?', ang reklamo ni Patrick.

'Dali, bangon ka na! You gotta see this!', ang paghila ni Ken sa braso ni Patrick.

Mabigat na dinala ni Patrick ang sarili sa veranda ng hotel room. Kinakamot niya pa ang kanyang mata ngunit natigilan din siya agad at napanganga sa kanyang nakita.

'Is that? Really, that's the? Is that Mayon Volcano?', ang halos nauutal na sabi ni Patrick.

Lumabas siya sa veranda at halos hindi maialis ang kanyang mga mata sa magandang likha ng kalikasan na nasa kanyang harapan.

'Wow!', ang parang bata niyang usal.

Naging busy silang dalawa ni Ken buong araw dahil sa paglilibot sa lugar. Sayang lang at walang dalang camera si Patrick. Puro sa cellphone lang ang kanyang mga kuha. Sobrang saya ng dalawa ng bumalik sila kanilang room. Lahat ay sumusunod naman sa naiplano ni Ken. Ngayon na ang gabing muli niyang sasabihin ang kanyang pagmamahal kay Patrick. Nilapitan niya si Patrick na ngayon ay nasa veranda at nilalanghap ang sariwang hangin. Yumakap siya dito at hinawakan ang kanyang dalawang kamay bago ibulong kay Patrick ang tatlong pinakamatatamis na mga salita.

0*0*0*0

Naghintay lang si Patrick sa pagbalik ni Ken. Halos hatinggabi na ito nang pumasok.

'Saan ka nanggaling?', ang nag-aalalang tanong ni Patrick.

'Dyan lang sa tabi-tabi.', ang sagot ni Ken.

'Hindi natin kilala ang mga tao dito. Anong oras na o?', ang sabi niya.

'Okay lang 'yan. Nakabalik naman ako diba? Uuwi na nga pala tayo bukas ng umaga. Kinausap ko na ang management for refund.', ang sabi ni Ken.

Bigla namang nalungkot ang mukha ni Patrick at tumingin siya sa bulkan na nakasulyap mula sa bukas na bintana.

'Ken, I'm so sorry. I know I've given you a false hope. I'm not saying that I don't love you. Gusto ko lang na makasigurado ako na pantay na ang pagmamahal ko sa 'yo sa pagmamahal mo sa akin.', ang sabi ni Patrick.

'Okay lang. Matulog ka na. Maaga pa biyahe natin.', ang malamig na sabi ni Ken sa kanya bago ito pumasok sa loob ng CR.

Napabuntong-hininga si Patrick pagkahiga niya habang si Ken naman ay naiyak matapos maisara ang pinto ng CR. Nagbukas na lang siya ng shower para hindi marinig ni Patrick ang kanyang mga hikbi.

0*0*0*0

Maagang bumiyahe ang dalawa kinabukasan. Walong oras mahigit ang kanilang lalakbayin. Malungkot ang mukha ni Ken habang nagmamaneho habang si Patrick naman ay maya't maya ang sulyap sa kanya. Naging tahimik ang kabuuan ng biyaheng iyon. Inihatid ni Ken si Patrick sa kanilang bahay.

'Bukas ka na umuwi. Dito ka na matulog.', ang sabi ni Patrick.

'Hindi na. Uuwi na ako.', ang malungkot na sabi ni Ken.

'Hindi yun tanong. Sinasabi ko na dito ka na matulog.', ang pag-uulit ni Patrick na may diin.

Bumaba siya sa kotse at hinintay niyang bumaba si Ken. Agad din naman itong sumunod papasok sa kanilang bahay. Nadatnan nila ang mga magulang ni Patrick na nanonood ng TV.

'O, kamusta? Saan kayo nakarating?', ang tanong ni Daddy sa amin.

'Sa Bicol po.', ang sabi ko.

'Bicol? Ang layo naman. Kamusta ang biyahe? Ang bilis yata. Hindi ba kayo nabitin?', ang sabi ni Daddy.

'Hindi naman po. Enjoy naman. Nakita ko 'yung Mayon.', ang nakangiting sabi ni Patrick.

'O, ipapaghanda ko muna kayo ng makakain ha.', ang paalam ni Mommy.

'My, padala na lang sa taas?', ang tanong ni Patrick.

'O sige. Kakatukin ko na lang kayo.', ang sabi ng ina ni Patrick.

0*0*0*0

'Ken, sorry na. Intindihin mo naman ako.', ang sabi ni Patrick.

'Iniintindi kita. Nalulungkot lang ako kasi akala ko parehas tayo ng nararamdaman.', ang sabi ni Ken.

Nasa kwarto na silang dalawa at nagsimulang lambingin ni Patrick si Ken.

'Na-appreciate ko 'yung pagdala mo sa akin sa Bicol. Thank you. Na-surprise mo talaga ako. Uulitin ko ah. Hindi ko naman sinabing hindi kita mahal. Konting time lang.', ang sabi ni Patrick.

'Look. Sabi mo kagabi, hinihintay mong maging equal yung nararamdaman mo sa nararamdaman ko bago ka magsabing mahal mo ako? Hindi mo ba naisip na baka sa paghihintay ko e mabawasan ang pagmamahal ko sa'yo dahil ako naman ang nasa posisyon na nagbibigay pero hindi sigurado kung may matatanggap? Pat, nandito na ako sa moment na kaya kong gawin lahat para sa'yo. Alam kong si Gino pa rin yang nandyan pero alam ko rin na may puwang na ako sa puso mo. Kelangan mo lang na palakihin pa ang space na iyon.', ang sabi ni Ken.

'Mahal mo talaga ako?', ang tanong ni Patrick.

'Oo. Lahat ng ginagawa ko ay nagre-revolve sa'yo. Kapag nawala ka, mawawala na rin lahat ng pinahahalagahan ko.', ang sabi ni Ken.

Naistorbo ang aming pag-uusap nang kumatok ang mommy ni Patrick upang dalhin ang ginawang tuna sandwich at soda.

'Thanks, Mommy!', ang sabi ni Patrick nang kinuha ang tray ng pagkain.

'Thanks, Tita!', ang sabi naman ni Ken.

Balik muli sila sa seryosong usapan matapos i-lock ni Patrick ang pinto.

'Gusto mo malaman kung ano talaga ang nangyari sa akin?', ang tanong ni Patrick.

Tumango lang si Ken at nagsimula na itong makinig.

'Sa totoo lang, mahal na kita. Nag-usap na kami ni Gino dati at sinabi niya sa akin na wala na talaga kaming pag-asa kaya huwag na akong umasa sa kanya. Pinakinggan ko siya. Iyon 'yung dahilan kung bakit ko nasabi sa'yo na pwede mong ulitin ang pagpo-profess mo ng nararamdaman sa akin. Gusto ko na makasama ang taong magmamahal sa akin. Gusto ko, this time, ako naman. Ready na ako. Ikaw na talaga. Nakita ko na ang sarili ko na ikaw ang kasama ko, na ikaw ang mamahalin ko. Pero dahil sa recent turn of events, hindi ko alam pero parang biglang bumalik ang nararamdaman ko para kay Gino. Siguro dahil sa last week bago mag-graduation ay nakita ko siyang malungkot. Parang gusto kong nandoon ako para sa kanya. Gusto ko siyang alagaan. Gusto ko siyang tulungan. Gusto kong makita niya ako na nandoon para sa kanya. Kaya ako lingon ng lingon noon nung papunta tayo sa auditorium para mag-practice dahil tinitingnan ko ang lagay niya. Nag-aalala ako. Hindi ko alam pero bumalik ang nararamdaman ko para kay Gino. Ikaw na ang mahal ko nung time na iyon pero since bumalik ang nararamdaman ko sa kanya, parang nabawasan iyon. Mas matagal kong kilala si Gino. Mas malalim ang pinagsamahan namin. Nakapag-usap kami nung araw na iyon bago ang graduation natin. Nasaktan ako. Kasi si Ryan talaga. Kahit anong pilit ko, si Ryan talaga ang mahal niya. Naisip ko na ito na naman ako, tuturuan ko na naman ang sarili ko na kalimutan at ibaon ang nararamdaman ko sa kanya.', ang sabi ni Patrick

'Sa maikling panahon na iyon, ganon ulit katindi?', ang tanong ni Ken.

'Oo. Malaking factor ang presence niya pati na rin yung kalungkutan niya. Pero kahapon, habang nasa graduation tayo, nasabi ko sa sarili ko na bibigyan ko muna ang sarili ko ng panahon para mawala na yung nararamdaman ko kay Gino. Kaya hindi ko matanggap ang pagmamahal mo kasi bumalik ako sa step one e. Mahirap iahon yung sarili ko kasi nadapa na naman ako. Ayokong humingi sa'yo ng tulong para makatayo ulit ako ng tuwid kasi pag ganon, hindi ko na tinulungan ang sarili ko. Kapag nakatayo na ako, ikaw na lang ang umalalay sa akin para makapaglakad ako.', ang patuloy na sabi ni Patrick.

Tumango lang si Ken sa kanyang mga narinig. Naintindihan niya ang mga sinabi ni Patrick.

'You're being cautious kasi gusto mo kapag pumasok ka sa relasyon natin, maayos ka na talaga?', ang tanong ni Ken.

'Syempre naman. Gusto ko kapag naging tayo na, hindi na tayo maghihiwalay. Konting time lang ang hinihingi ko sa'yo. Aahon lang ako.', ang sabi ni Patrick.

Yumakap si Ken sa kanya at bumulong.

'Nagugutom na ako.', ang bulong ni Ken.

'Loko ka! Edi kumain ka!', ang sigaw ni Patrick.

'Ang haba ng sinabi mo e. Nahiya naman akong sirain 'yung moment mo.', ang sabi ni Ken.

Nagtawanan na sila at naging masaya na ang buong araw. Tiningnan lang nila ang kanilang mga pictures sa kani-kanilang phone.

No comments:

Post a Comment